30. Paano lutasin ang problema ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos ng mga tao
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa loob ng ilang libong taon ng katiwalian, ang mga tao ay pawang naging manhid at mapurol ang isip; silang lahat ay naging masasamang demonyo na sumasalungat sa Diyos, hanggang sa punto na ang kanilang paghihimagsik laban sa Diyos ay naisulat sa mga talaan ng kasaysayan, at na maging ang mga tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong salaysay ng kanilang mapaghimagsik na pag-uugali—sapagkat sila ay malalim na ginawang tiwali ni Satanas, at iniligaw ni Satanas kung kaya’t hindi na nila alam kung saan babaling. Kahit ngayon, ipinagkakanulo pa rin ng mga tao ang Diyos. Kapag nakikita nila ang Diyos, ipinagkakanulo nila Siya, at kapag hindi nila nakikita ang Diyos, ipinagkakanulo rin nila Siya. Mayroon pa ngang mga taong, matapos masaksihan ang mga sumpa ng Diyos at ang Kanyang poot, nagkakanulo pa rin sa Kanya. Kaya sinasabi Ko na ang katwiran ng tao ay nawalan na ng orihinal nitong silbi, at na ang konsensiya ng tao ay nawalan na rin ng orihinal nitong silbi. Sa Aking mga mata, ang mga tao ay pawang mga hayop na nakadamit-tao at makamandag na mga ahas. Gaano man kakaawa-awa nila subukang magpakita sa harap ng Aking mga mata, hindi Ako kailanman magiging mahabagin sa kanila, sapagkat wala silang anumang pagkaarok sa pagkakaiba ng itim at puti, at walang sinuman sa kanila ang nakauunawa sa pagkakaiba ng katotohanan at ng hindi katotohanan. Ang kanilang katwiran ay napakamanhid, ngunit nagnanais pa rin silang magtamo ng mga pagpapala; ang kanilang pagkatao ay napakahamak, ngunit nagnanais pa rin silang humawak ng kapangyarihan bilang mga hari. Sino ang maaari nilang pagharian, nang may gayong katwiran? Paano sila makakaupo sa mga trono nang may gayong pagkatao? Ang mga tao ay tunay na walang kahihiyan! Sila ay mga walang-kwenta na labis ang pagtingin sa sarili! Iminumungkahi Ko na kayong nagnanais na magtamo ng mga pagpapala ay humanap muna ng salamin at tingnan ninyo ang sarili ninyong pangit na repleksiyon. Mayroon ka ba ng kinakailangan para maging isang hari? Mayroon ka ba ng mga katangian ng mukha ng isang makatatanggap ng mga pagpapala? Walang kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo naisagawa ang anumang katotohanan, ngunit nagnanais ka pa rin ng isang napakagandang bukas. Isa itong ganap na kahibangan! Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghihimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging laban sa Kanya. Lalong nagiging mas walang awa ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang nagkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang nagkukusang magpasakop sa Diyos, at lalong wala ni isang taong nagkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, hinahangad ng tao ang kasiyahan hangga’t gusto niya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at walang pakundangang ginagawang tiwali ang kanyang laman sa putikan. Ang tao, na namumuhay sa kadiliman, ay walang pagnanais na isagawa ang katotohanan kahit kapag naririnig niya ito, at wala siyang tendensiyang maghanap kahit na nakikita niyang nagpakita na ang Diyos. Paanong magkakaroon ng anumang puwang sa kaligtasan ang isang tiwaling sangkatauhang tulad nito? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang bulok na sangkatauhang tulad nito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pagiging Kaaway ng Diyos
Ang ugat na dahilan ng pagsalungat at pagiging mapaghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa pagtitiwali ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao, siya ay tiwali sa moral, bulok ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, dating nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay dating may maayos na katwiran at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, ang dating katwiran, konsensiya, at pagkatao ng tao ay pawang naging manhid at sinira ni Satanas. Sa gayon, nawala sa kanya ang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Naging abnormal ang katwiran ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at lalong nadaragdagan at lumulubha ang kanyang pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos. Ngunit hindi pa rin ito batid ni nauunawaan ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ang mga pagbubunyag ng disposisyon ng tao ay ang mga pagpapahayag ng kanyang katwiran, kabatiran, at konsensiya. Dahil wala sa ayos ang kanyang katwiran at kabatiran, at sukdulan nang naging manhid ang kanyang konsensiya, mapaghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katwiran at kabatiran ng tao, imposible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang pagiging alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katwiran ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya angkop na gamitin ng Diyos. Tumutukoy ang “normal na katwiran” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging buong puso at isip tungo sa Diyos, at hindi sadyang paglaban sa Diyos. Hindi katulad nito ang pagkakaroon ng abnormal na katwiran. Pagkatapos magawang tiwali ni Satanas ang tao, nagkaroon na ang tao ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinuhusgahan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, binabato Siya ng mga pang-iinsulto ng tao sa Kanyang likuran. Hinuhusgahan ng tao ang Diyos nang patalikod, lubos na alam na Siya ang Diyos; ganap na walang intensiyon ang tao na magpasakop sa Diyos, pero palagi lang may mga hinihingi at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may abnormal na katwiran—ay wala pa ring kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o pagsisihan ang kanilang mga kilos ng paghihimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya na nilang nabawi ang kanilang katwiran; kapag ang mga tao ay mas mapaghimagsik laban sa Diyos pero hindi kilala ang sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katwiran.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pagiging Kaaway ng Diyos
Ang mga taong tinutukoy Kong lumalaban sa Diyos ay ang mga hindi nakakakilala sa Diyos, iyong mga pasalitang kumikilala sa Diyos habang walang pagkakilala sa Kanya, ang mga sumusunod sa Diyos pero hindi nagpapasakop sa Kanya, at ang mga nagtatamasa ng Kanyang biyaya pero hindi kayang manindigan sa kanilang patotoo para sa Kanya. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang layunin ng gawain ng Diyos at hindi nauunawaan ang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, hindi siya makaaayon sa mga layunin ng Diyos, at hindi makapaninindigan sa kanyang patotoo para sa Diyos. Ang dahilan kung bakit nilalabanan ng mga tao ang Diyos ay nagmumula, sa isang banda, sa mga tiwali nilang disposisyon; sa kabilang banda, ito ay dahil hindi nila kilala ang Diyos at hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo ng Kanyang paggawa o kung ano ang Kanyang mga layunin para sa mga tao. Ang dalawang aspektong ito, kapag pinagsama, ay bumubuo sa kasaysayan ng paglaban ng tao sa Diyos. Ang mga bago pa lang nananampalataya sa Diyos ay lumalaban sa Kanya dahil may kalikasan ang mga tao na lumalaban sa Diyos; para sa mga maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, nilalabanan nila ang Diyos dahil hindi nila Siya kilala, at bukod pa roon ay mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Sa panahon bago nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung nilalabanan ng isang tao ang Diyos ay batay sa kung sumunod siya sa mga atas na itinakda ng Diyos sa langit. Sa Kapanahunan ng Kautusan, halimbawa, sinumang hindi sumunod sa mga kautusan ni Jehova ay lumalaban sa Diyos; sinumang nagnakaw ng mga handog kay Jehova, o lumaban sa mga tinrato ni Jehova nang may pabor, ay lumalaban sa Diyos at babatuhin hanggang sa mamatay; sinumang hindi gumalang sa kanyang mga magulang, o nanakit at nang-insulto ng ibang tao, ay sumusuway sa mga kautusan, at ang lahat ng hindi sumunod sa mga kautusan ni Jehova ay ang mga lumaban sa Kanya. Iba ang mga bagay-bagay sa Kapanahunan ng Biyaya, kung saan ang lahat ng lumaban kay Jesus ay ang mga lumaban sa Diyos, at ang lahat ng hindi nagpasakop sa mga salitang binigkas ni Jesus ay ang mga lumaban sa Diyos. Ang kahulugan ng “paglaban sa Diyos” sa panahong ito ay mas tumpak at praktikal. Bago nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung nilalabanan ng isang tao ang Diyos ay batay sa kung sinasamba at tinitingala niya ang hindi nakikitang Diyos sa langit. Ang kahulugan ng “paglaban sa Diyos” sa panahong iyon ay hindi ganoon kapraktikal, dahil hindi makita ng mga tao ang Diyos, at hindi nila alam kung ano ba talaga ang wangis ng Diyos o kung paano ba talaga Siya gumawa at nagsalita. Walang anumang kuru-kuro ang mga tao tungkol sa Diyos, at nanampalataya sila sa Diyos mula sa kalagayan ng pagiging malabo, dahil hindi pa nagpapakita ang Diyos sa tao. Samakatwid, paano man nanampalataya ang mga tao sa Diyos batay sa kanilang mga imahinasyon, hindi sila kinondena ng Diyos o hindi Siya humingi ng masyadong matataas na kahilingan sa kanila, dahil ganap na hindi nila makita ang Diyos. Kapag nagkakatawang-tao ang Diyos at pumaparito para gumawa sa gitna ng mga tao, nakikita Siya ng lahat at naririnig ang Kanyang mga salita, at nakikita ang mga gawa ng Diyos sa katawang-tao, kung kailan ang mga kuru-kuro ng lahat ay pumuputok na parang mga bula. Para sa mga nakakakita sa Diyos na nagpapakita sa katawang-tao, hindi sila kokondenahin kung sinasadya nilang magpasakop sa Kanya, samantalang ang mga sadyang lumalaban sa Kanya ay ilalarawan bilang mga taong lumalaban sa Diyos. Ang gayong mga tao ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang lumalaban sa Diyos. Ang mga nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos pero kusa pa ring nagpapasakop sa Kanya ay hindi kokondenahin. Kinokondena ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang mga intensiyon at sa mga bagay na ginagawa nila, hindi dahil sa kanilang mga kaisipan at ideya. Kung kokondenahin Niya ang mga tao batay sa kanilang mga kaisipan at ideya, wala ni isang tao ang makakatakas sa galit na mga kamay ng Diyos. Ang mga sadyang lumalaban sa nagkatawang-taong Diyos ay parurusahan dahil sa kanilang pagsuway. Ang paglaban ng mga taong ito ay nagmumula sa mga kuru-kuro na kinikimkim nila tungkol sa Diyos, na nag-uudyok sa kanila na gumawa ng mga bagay na gumugulo sa gawain ng Diyos. Ang lahat ng gayong tao ay sadyang lumalaban at nagtatangkang wasakin ang gawain ng Diyos. Hindi lang sila may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos—nakikibahagi rin sila sa mga aktibidad na gumugulo sa Kanyang gawain, at dahil dito ay kinokondena sila. Ang mga hindi sadyang gumugulo sa gawain ng Diyos ay hindi kokondenahin bilang mga makasalanan, dahil kaya nilang sadyang magpasakop at hindi gumawa ng mga bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo. Ang mga taong tulad nito ay hindi kokondenahin. Gayumpaman, kapag naranasan na ng isang tao ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon habang mayroon pa ring mga kuru-kuro tungkol sa Kanya at walang kakayahang makilala ang gawain ng nagkatawang-taong Diyos, at puno pa rin siya ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at walang kakayahang makilala ang Diyos kahit ilang taon na niyang naranasan ang gawain ng Diyos, ang kanyang puso ay puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos kahit na hindi naman siya nakagawa ng anumang bagay na nagdudulot ng mga panggugulo—at, bagama’t maaaring hindi maging halata ang mga kuru-kurong ito, ang taong ito ay walang anumang naitutulong sa gawain ng Diyos, walang kakayahang ipangaral ang ebanghelyo para sa Diyos o manindigan sa kanyang patotoo para sa Diyos—nangangahulugan iyon na siya ay walang silbi at isang malaking hangal. Dahil hindi niya kilala ang Diyos at bukod pa roon ay ganap na wala siyang kakayahang bitiwan ang kanyang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, siya ay kinokondena. Masasabi ito sa ganitong paraan: Normal lang para sa mga bago pa lang nagsimulang manampalataya sa Diyos na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya o na hindi Siya makilala, pero kung ang isang tao ay maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at nakaranas na ng malaking bahagi ng gawain ng Diyos, at gayumpaman ay mayroon pa ring mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, hindi iyon normal, at lalo pang hindi normal kung wala siyang anumang pagkakilala sa Diyos. Dahil hindi ito isang normal na kalagayan, siya ay kinokondena. Ang mga hindi normal na taong ito ay pawang walang silbi; sila ang mga pinakalumalaban sa Diyos at ang mga nagtamasa ng biyaya ng Diyos nang walang saysay. Ang lahat ng gayong tao ay ititiwalag sa huli!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos
Dapat ninyong malaman na nilalabanan ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalos-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong paglaban sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang pananampalataya sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko, hinuhusgahan ang mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, nagkokomento at gumagawa ng mga walang galang na pahayag; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katwiran sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay hinuhusgahan nila ang Kanyang gawain, at sinusubukan din nilang turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paanong makikilala ng gayong mga taong walang katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang nasa proseso ng paghahanap at pagdanas; ang pagkakilala sa Diyos ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa panahon ng paghusga ng tao nang pabasta-basta. Kapag mas tumpak ang pagkakilala ng mga tao tungkol sa Diyos, mas nababawasan ang paglaban nila sa Kanya. Sa kabaligtaran, kapag mas kakaunti ang pagkakilala ng mga tao sa Diyos, mas malamang na labanan nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong kalikasan, at ang iyong pagkatao, karakter, at moral na pananaw ang puhunan ng paglaban mo sa Diyos, at kapag mas tiwali ang iyong moralidad, lalong ubod ng sama ang iyong karakter, at kapag mas mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may disposisyong nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ay mas lalo pang kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ay mga anticristo. Kung hindi naitatama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang mahihiwalay sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkakilala sa Diyos
Ang mga hindi nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay mga taong lumalaban sa Diyos. Lalo itong totoo para sa mga nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos pero hindi hinahangad na palugdan Siya. May mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at nagbibigkas ng mga sipi buong araw, pero wala ni isa man sa kanila ang nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos, ni wala rin sa kanila ang nakakakilala sa Diyos—lalong walang sinumang makaaayon sa mga layunin ng Diyos. Silang lahat ay mga walang kuwenta at ubod ng samang tao, na nagmamataas para pangaralan ang “Diyos.” Sila ay mga taong kumikilos sa ilalim ng bandera ng Diyos pero sadyang lumalaban sa Diyos, na nagdadala ng tatak ng pananampalataya sa Diyos habang kumakain ng laman ng tao at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng gayong tao ay masasamang diyablo na lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga punong demonyo na sadyang nanggugulo sa mga tao sa pagtahak sa tamang landas, at mga balakid na humahadlang sa mga tao sa paghahanap sa Diyos. Maaaring mukhang “matipuno ang pangangatawan” nila, pero paano malalaman ng mga tagasunod nila na sila ay mga anticristo na umaakay sa mga tao para lumaban sa Diyos? Paano malalaman ng mga tagasunod nila na sila ay mga buhay na diyablo na nakatuon sa paglamon sa kaluluwa ng tao? Ang mga naniniwalang marangal sila sa presensya ng Diyos ay ang pinakahamak sa lahat, samantalang ang mga nag-iisip na hamak sila ay ang pinakamararangal. At ang mga nag-aakalang alam nila ang gawain ng Diyos at na kaya nilang iproklama ang Kanyang gawain sa iba nang walang pagpipigil habang nakatingin sila sa Kanya ay ang mga pinakamangmang sa lahat. Ang gayong mga tao ay walang patotoo sa Diyos, at pawang mapagmataas at palalo. Ang mga naniniwalang napakakaunti ng pagkakilala nila sa Diyos pero sa katunayan ay mayroong praktikal na karanasan at praktikal na pagkakilala sa Diyos ay ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang gayong mga tao ang tunay na may patotoo at tunay na may kakayahang maperpekto ng Diyos. Ang mga hindi nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos pero hindi isinasagawa ang katotohanan ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, pero sumasalungat sa diwa ng mga salita ng Diyos, ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga may kuru-kuro tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, at bukod pa roon ay sadyang gumagawa ng paghihimagsik, ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga humuhusga sa Diyos ay ang mga lumalaban sa Diyos. At sinumang walang kakayahang makilala ang Diyos at hindi makapagpatotoo sa Kanya ay isang taong lumalaban sa Diyos. Kaya, hinihikayat Ko kayo: Kung talagang mayroon kayong pananalig na tahakin ang landas na ito, patuloy kayong sumunod. Pero kung hindi ninyo kayang pigilan ang paglaban sa Diyos, mas mabuti pang lumayo na kayo bago pa maging huli ang lahat, kung hindi ay talagang hindi magiging maganda ang kahihinatnan ninyo, dahil sadyang napakatiwali ng inyong kalikasan. Wala kayong katapatan, walang pagpapasakop, walang pusong nauuhaw sa katuwiran at katotohanan, at walang pagmamahal sa Diyos. Masasabing ang inyong kalagayan sa harap ng Diyos ay, sa diwa, napakagulo. Hindi ninyo kayang sundin ang dapat ninyong sundin, hindi kayang sabihin ang dapat ninyong sabihin, hindi kayang isagawa ang dapat ninyong isagawa, at hindi kayang gampanan ang tungkuling dapat ninyong gampanan; wala kayong katapatang dapat na mayroon kayo, ng konsensiyang dapat na mayroon kayo, ng pagpapasakop na dapat na mayroon kayo, o ng determinasyong dapat na mayroon kayo; hindi ninyo tiniis ang pagdurusang dapat ay tiniis ninyo, at wala rin kayong pananalig na dapat ay mayroon kayo. Halos wala na kayong anumang merito. Hindi ba kayo nahihiyang patuloy na mabuhay? Pinapayuhan Ko kayo na mas mabuti pang ipikit na ninyo ang inyong mga mata sa walang-hanggang pamamahinga sa lalong madaling panahon, at sa gayon ay hindi na mag-alala ang Diyos dahil sa inyo at magdusa alang-alang sa inyo. Nananampalataya kayo sa Diyos pero hindi ninyo nauunawaan ang Kanyang mga layunin; kumakain at umiinom kayo ng mga salita ng Diyos pero hindi ninyo kayang sumunod sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Nananampalataya kayo sa Diyos pero hindi ninyo Siya kilala, at nabubuhay kayo nang walang layong pagsusumikapan, nang walang anumang halaga o anumang kabuluhan. Tao kayo pero wala kayong konsensiya, integridad, o kredibilidad kahit katiting—matatawag pa ba ninyong tao ang inyong mga sarili? Nananampalataya kayo sa Diyos pero nililinlang ninyo Siya; nag-iimbot pa nga kayo sa pera ng Diyos at kinakain ang mga handog na iniaalay sa Kanya. Pero sa huli ay nabibigo pa rin kayong magpakita ng kahit katiting na pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng Diyos o ng kahit kaunting konsensiya sa Kanya. Hindi man lang ninyo kayang tugunan ang isang maliit na hinihingi ng Diyos. Matatawag pa ba ninyong tao ang inyong mga sarili? Kinakain ninyo ang pagkaing ibinibigay sa inyo ng Diyos, nilalanghap ang oksihenong ibinibigay Niya sa inyo, at tinatamasa ang Kanyang biyaya, pero sa huli ay wala kayong kahit katiting na pagkakilala sa Diyos. Sa kabaligtaran, naging mga walang silbi kayo na lumalaban sa Diyos. Hindi ba’t ginagawa kayo nitong mga hayop na hindi man lang maikukumpara sa isang aso? Sa mga hayop, mayroon pa bang mas mapaminsala kaysa sa inyo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos
Kung nananampalataya ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi ka kailanman nagpasakop sa Kanya, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makapagpapasakop ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapaghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang tumatangging sumuko sa Diyos at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palagi silang nagkikimkim ng saloobin ng pagkamapanlaban sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman malugod na nagpasakop o nagpakumbaba. Sa harap ng iba, sila ang pinakamapagpahalaga sa sarili, at hindi sila kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nila na pinakamahusay sa pangangaral ng “mga sermon” at ang pinakabihasa sa paggawa ng gawain sa iba. Hindi nila kailanman binibitiwan ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila; sa halip, itinuturing nila ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya na dapat sambahin at ipangaral sa iba, at ginagamit nila ang mga ito para sermunan ang mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay “isang dinastiya ng mga hindi matitinag na bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa sambahayan ng Diyos. Itinuturing nilang pinakamataas na tungkulin ang pangangaral ng mga “sermon” (mga doktrina). Bawat taon, bawat salinlahi, mahigpit nilang isinasagawa ang “sagrado at hindi nalalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa sambahayan ng Diyos, kumikilos nang walang pakundangan habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng masasamang demonyong ito na magsanib-puwersa para gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga kalahating mapagpasakop lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagpapasakop sa mga puso nila! Hindi madaling makakamit ng tao ang gawain ng Diyos. Kahit na ginagamit ang lahat ng lakas na mayroon siya, isang bahagi lamang nito ang makakamit ng tao, na sa huli ay magpapahintulot sa kanya na maperpekto. Paano naman ang mga inapo ng arkanghel, na naghahangad na wasakin ang gawain ng Diyos? Hindi ba’t lalo silang walang pag-asang makamit ng Diyos? Ang layunin Ko sa paggawa ng gawain ng paglupig ay hindi lamang ang manlupig alang-alang sa paglupig, kundi manlupig upang ibunyag ang pagiging matuwid at kalikuan, upang kumuha ng patunay para sa kaparusahan ng tao, upang kondenahin ang masasamang tao, at, lalo na, upang manlupig para sa kapakanan ng pagpeperpekto sa mga sadyang nagpapasakop. Sa huli, ibubukod-bukod ang lahat ayon sa kanilang uri, at ang mga kaisipan at ideya ng mga gagawing perpekto ay mapupuno ng pagpapasakop. Ito ang gawaing magagawa sa huli. Samantala, ang mga puno ng mga pagkilos ng paghihimagsik ay parurusahan at itatapon sa nag-aalab na apoy, at magiging mga layon ng walang hanggang sumpa. Kapag dumating ang oras na iyon, ang “dinastiya ng mga dakila at hindi matitinag na bayani,” na umiral sa buong kapanahunan, ay magiging ang pinakamababa at pinakainiiwasang “dinastiya ng mahina at inutil na mga duwag.” Ito lamang ang makapagbubunyag sa lahat ng pagiging matuwid ng Diyos, at sa disposisyon Niya na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala ng tao, at tanging ito lamang ang makapagpapalubag ng pagkamuhi sa puso Ko. Hindi ba kayo sumasang-ayon na lubusang makatwiran ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagpapasakop sa Diyos Nang May Tunay na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
Lahat ng mga hindi naghahanap ng pagpapasakop sa Diyos sa pananalig nila ay mga taong lumalaban sa Diyos. Hinihingi ng Diyos na hanapin ng tao ang katotohanan, mauhaw sa mga salita Niya, kainin at inumin ang mga salita Niya, at isagawa ang mga ito, lahat ito ay upang makamit niya ang pagpapasakop sa Diyos. Kung iyon ang tunay mong intensiyon, tiyak na itataas ka ng Diyos, at tiyak na magiging mapagbiyaya Siya sa iyo. Ito ay hindi mapagdududahan at hindi mababago. Kung ang intensiyon mo ay hindi magpasakop sa Diyos, at mayroon kang ibang mga pakay, lahat ng sinasabi at ginagawa mo—maging ang mga panalangin mo sa harap ng Diyos, at higit pa nga rito, ang bawat kilos mo—ay magiging paglaban sa Kanya. Kahit na ang mga salita mo ay malumanay at ikaw ay banayad, kahit na ang bawat kilos at ekspresyon mo ay tila wasto para sa iba, na para bang isa kang mapagpasakop na tao, pagdating sa mga intensiyon mo at sa mga pananaw mo tungkol sa pananalig sa Diyos, ang bawat kilos mo ay paglaban sa Diyos, ito ay paggawa ng kasamaan. Ang mga taong mukhang masunurin na parang mga tupa, ngunit may masasamang intensiyon sa puso, ay mga lobong nakadamit-tupa, at ang mga tuwirang gumagawa ng pagkakasala laban sa Diyos. Hindi palalampasin ng Diyos ang kahit isa sa kanila, at ihahayag ng Banal na Espiritu ang bawat isa sa kanila. Makikita ng lahat na ang lahat ng mapagpaimbabaw ay tiyak na itataboy ng Banal na Espiritu. Huwag mainip: Papanagutin at iwawaksi ng Diyos ang bawat isa sa kanila nang sunod-sunod.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananalig Mo sa Diyos, Dapat Kang Magpasakop sa Diyos
May mga tiwaling disposisyon ang mga tao—kahit pa determinado silang magpasakop sa Diyos, limitado at relatibo ang pagpapasakop nila, at ito rin ay paminsan-minsan, panandalian, at kondisyonal. Hindi ito lubos. Ang mga tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon, at napakalubha ng kanilang paghihimagsik. Kinikilala nila ang Diyos ngunit hindi sila makapagpasakop sa Kanya, at handa silang makinig sa mga salita Niya ngunit hindi sila makapagpasakop. Alam nilang mabuti ang Diyos, at nais nilang mahalin Siya, ngunit hindi nila mahugot ang pagmamahal na ito. Hindi nila magawang makinig sa Diyos sa lahat ng bagay o tulutan Siyang pamatnugutan ang lahat ng bagay, at mayroon pa rin silang mga sarili nilang pagpipilian, nagkikimkim sila ng kanilang sariling mga intensiyon at mga motibo, at may sarili silang mga pakana, mga ideya, at nakatakdang pamamaraan. Sa gayon, hinding-hindi nila magagawang magpasakop sa Diyos. Ang kaya lamang nilang gawin ay ang kumilos ayon sa sarili nilang kalooban at kaya lang nilang maghimagsik laban sa Diyos. Ipinapakita nito kung gaano kamapaghimagsik ang mga tao! Kaya, ang kalikasan ng tao ay hindi lamang binubuo ng mga simpleng tiwaling disposisyon tulad ng mababaw na pag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis na pagpapahalaga sa sarili, at pride, o paminsan-minsang pagsisinungaling at panlilinlang sa Diyos; sa katunayan, ang diwa na ni Satanas ang naging diwa ng tao. Paano ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos noon? At paano naman ang mga tao sa kasalukuyan? Sa totoo lang, matatanggap man ninyo o hindi, ang mga tao sa kasalukuyan ay hindi lamang ganap na ipinagkakanulo ang Diyos tulad ng ginawa ni Satanas, kundi tuwiran din silang mapanlaban sa Diyos sa kanilang mga puso, sa kanilang pag-iisip, at sa kanilang mga ideolohiya. Ito ang paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan tungo sa pagiging mga diyablo; tunay ngang naging inapo ni Satanas ang sangkatauhan. Marahil ay sasabihin ninyo, “Hindi kami lumaban sa Diyos. Nakikinig kami sa anumang sabihin ng Diyos.” Iyan ay sa panlabas; tila nakikinig ka sa anumang sabihin ng Diyos. Sa katunayan, kapag pormal Akong nagbabahagi at nagsasalita, karamihan sa mga tao ay walang mga kuru-kuro, at mabuti ang pagkilos at masunurin. Gayumpaman, kapag nagsasalita Ako at gumagawa ng mga bagay sa Aking normal na pagkatao, o namumuhay at nakikibahagi sa mga aktibidad sa Aking normal na pagkatao, nagkakaroon ka ng mga kuru-kuro, at sa iyong puso ay hindi mo mabitiwan ang mga ito kahit na gusto mo, ni hindi mo mabitiwan ang mga ito paano man ibahagi ang katotohanan. Ipinapakita nito na ang mga tao ay nakakapagpasakop lamang sa Diyos sa isang relatibong paraan, hindi sa isang ganap na paraan. Alam mong Siya ang Diyos, at alam mong ang Diyos na nagkatawang-tao ay dapat na may normal na pagkatao, kaya bakit hindi ka makapagpasakop sa Diyos nang ganap? Ang Diyos na naging tao ay si Cristo, ang Anak ng tao; Siya ay kapwa mayroong pagka-Diyos at normal na pagkatao. Sa panlabas, mayroon Siyang normal na pagkatao, habang ang Kanyang pagka-Diyos ay nabubuhay at gumagawa sa loob ng normal na pagkataong ito. Sa kasalukuyan, naging tao ang Diyos bilang si Cristo, at nagtataglay Siya kapwa ng pagka-Diyos at pagkatao. Ngunit ang ilang tao ay nakakapagpasakop lamang sa ilan sa Kanyang mga salita at gawain ng pagka-Diyos, itinuturing lamang ang Kanyang wika na pagka-Diyos at malalim bilang salita ng Diyos, habang binabalewala ang ilan sa mga bagay na sinasabi Niya at ang gawaing ginagawa Niya sa Kanyang normal na pagkatao. Ang ilang tao ay mayroon ding ilang ideya at kuru-kuro sa kanilang puso, naniniwalang ang Kanyang wika ng pagka-Diyos lamang ang salita ng Diyos habang ang Kanyang pantaong wika ay hindi. Matatanggap ba ng gayong mga tao ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos? Maaari ba silang madalisay at magawang perpekto ng Diyos? Magiging imposible iyon, dahil ang mga ito ay mga taong may balighong pag-arok, at hindi nila kayang makamit ang katotohanan. Sa madaling salita, ang mga panloob na mundo ng mga tao ay lubhang komplikado, at ang mga mapaghimagsik na bagay na ito ay lubhang komplikado rin—hindi na kailangang magpalawig pa tungkol dito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang mga tao ay may mayabang na kalikasan at diwa, kaya nagagawa nilang madalas na maghimagsik at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagkakanulo sa Kanya, at gumawa ng mga bagay na nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na ipinagkatiwala sa iyo ang isang iglesia para pamunuan mo, at hindi kita pinungusan, at walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo. Matapos mo itong pamunuan sa loob ng ilang panahon, dadalhin mo ang mga tao sa iyong paanan, at pasusunurin mo ang lahat sa iyo, maging hanggang sa puntong mataas ang magiging tingin nila sa iyo at titingalain ka nila. Paanong nangyari ito? Itinatakda ito ng iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na pagbubunyag. Hindi mo kailangang sadyang matutunan ito mula sa iba, ni hindi kailangang sadyang ituro ito sa iyo ng iba, o utusan o pilitin kang gawin ito—likas na nangyayari ang ganitong klase ng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay naglalayong itaas ka ng mga tao, purihin ka, sambahin ka, sumunod sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Kapag inilalagay ka sa isang posisyon ng pamumuno, likas mong ibinubunga ang sitwasyong ito, at hindi mo ito mababago kahit pa gusto mo. At paano nabuo ang sitwasyong ito? Itinatakda ito ng mayabang na kalikasan ng tao. Ang pagpapamalas ng kayabangan ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Ang mga tao ay mayabang, palalo, at mapagmagaling, kaya may kakayahan silang magtayo ng kani-kanilang nagsasariling kaharian at gawin ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan. May kakayahan din silang hilahin ang mga tao sa kanilang kontrol at isailalim ang mga ito sa kanilang impluwensiya. Ang katunayan na ang mga tao ay napakayabang na may kakayahan silang magtayo ng kani-kanilang nagsasariling kaharian ay nagpapatunay na ang kanilang kalikasang diwa ay Satanas, na ito ay ang arkanghel. Kung ang mga tao ay mayabang at palalo hanggang sa isang partikular na antas, hindi magkakaroon ng Diyos sa puso nila, isasantabi nila ang Diyos, at nanaisin nilang maging Diyos, at pasusunurin ang lahat sa kanila. Kung gayon, magiging mga arkanghel na sila. Kung taglay mo ang mayabang na kalikasan ni Satanas, hindi magkakaroon ng puwang ang Diyos sa iyong puso. Kahit nananampalataya ka sa Diyos, hindi ka kikilalanin ng Diyos, at ititiwalag ka Niya bilang isang masamang tao.
Naipangaral na natin ang ebanghelyo nang paulit-ulit sa maraming lider sa mundo ng relihiyon, subalit paano man tayo magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila tinatanggap ito. Bakit ganito? Dahil naging kalikasan na nila ang kanilang kayabangan, at wala nang puwang ang Diyos sa puso nila. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ang mga taong nasa ilalim ng pamumuno ng ilang pastor sa mundo ng relihiyon ay lubos na masigasig sa kanilang pananampalataya; parang nasa piling nila ang Diyos.” Naniniwala ka na ang tila masigasig nilang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugang nasa piling nila ang Diyos. Kuru-kuro at imahinasyon mo ito. Gaano man katayog pakinggan ang mga teorya ng mga sermon ng mga pastor na iyon, kilala ba nila ang Diyos? Kung talagang may takot sila sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, hihikayatin ba nila ang mga tao na sumunod sa kanila at itaas sila? Magagawa ba nilang kontrolin ang iba, pinapanatili ang mga ito na nakabitag sa kanilang mga kamay? Mangangahas ba silang hadlangan ang iba na hanapin ang katotohanan at siyasatin ang tunay na daan? Kung naniniwala sila na talagang kanila ang mga tupa ng Diyos, at dapat ay makinig lahat ang mga ito sa kanila, hindi ba nila itinuturing ang kanilang sarili bilang Diyos? Mas matindi pang lumalaban ang gayong mga tao sa Diyos kaysa sa mga Pariseo. Hindi ba’t mga tunay silang anticristo? Kaya, umabot na ang kanilang mayabang na disposisyon sa puntong nawalan na sila ng katwiran, na naging nakamamatay nilang kahinaan, at sa gayon ay may kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng masamang gawa na lumalaban at nagkakanulo sa Diyos. Nangyayari ba sa inyo ang ganitong mga bagay? Makasisilo ba kayo ng mga tao sa ganitong paraan? Makakasilo ka, kaya lang hindi ka pa nabigyan ng pagkakataon, at walang tigil kang pinupungusan, kaya hindi ka mangangahas. Ang ilang tao ay itinataas din ang kanilang mga sarili sa mga pasikot-sikot na paraan, pero nagsasalita sila nang napakamautak, kaya’t hindi ito makilatis ng mga ordinaryong tao. Ang ilang tao ay masyadong mayabang kung kaya’t sinasabi nila, “Ang iglesiang pinamumunuan ko ay hindi maaaring pamunuan ng sinumang iba pa. Kahit pa dumating ang Diyos, kakailanganin Niya ang pahintulot ko para pamunuan ang iglesia!” Ano ang intensyon sa likod ng pagsasabi nito? Anong uri ng disposisyon ang ibinubunyag nito? Ito ay kayabangan. Kapag kumikilos nang ganito ang mga tao, ang kanilang asal ay lumalaban at mapaghimagsik sa Diyos. Kaya’t idinidikta ng mayabang na kalikasan ng mga tao na itataas nila ang kanilang sarili, maghihimagsik at magkakanulo sila sa Diyos, sisiluhin nila ang iba, ipapahamak ang iba, at ipapahamak ang kanilang sarili. Kung sila ay may katigasan ang ulo na hindi nagsisisi, ititiwalag sila sa huli. Hindi ba’t napakadelikado para sa isang tao na magkaroon ng mayabang na disposisyon? Bagama’t napakadelikado nito, hangga’t kaya nilang tanggapin ang katotohanan at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, mayroon pa ring puwang para mailigtas sila. Gaano man kahusay ang kakayahan ng isang tao, hindi niya kayang iligtas ang kanyang sarili mula sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Tanging sa pamamagitan ng pagdanas sa paghatol at pagkastigo ng Diyos maiwawaksi ng isang tao ang kanyang mga tiwaling disposisyon at tunay niyang makakamit ang kaligtasan.
Palaging sinasabi ng ilang tao, “Bakit ginagamit ng Diyos ang paghatol at pagkastigo para iligtas ang mga tao sa mga huling araw? Bakit napakahigpit ng mga salita ng paghatol?” May isang kasabihang maaaring alam ninyo: “Iba-iba ang gawain ng Diyos sa bawat indibidwal; ito ay partikular na pleksible, at hindi Siya sumusunod sa mga patakaran.” Ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga huling araw ay pangunahing nakatuon sa mayabang na kalikasan ng mga tao. Ang kayabangan ay sumasaklaw sa maraming bagay, sa maraming tiwaling disposisyon; ang paghatol at pagkastigo ay direktang pinupuntirya ang salitang ito, “kayabangan,” upang ganap na maalis ang mayabang na disposisyon ng mga tao. Sa huli, hindi na maghihimagsik ang mga tao laban sa Diyos o lalaban sa Kanya, kaya, hindi na sila magsisikap na magtayo ng kani-kanilang nagsasariling kaharian, ni magtataas o magpapatotoo sa kanilang sarili—hindi nila gagawin ang gayong mga bagay na ubod ng sama—at hindi magkakaroon ng labis na mga hinihingi sa Diyos. Sa ganitong paraan, maiwawaksi na nila ang kanilang mayabang na disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mayabang na Kalikasan ng Tao ay ang Ugat ng Kanyang Paglaban sa Diyos
Bagama’t sa panlabas ay nananampalataya ka sa Diyos at ginagampanan mo ang iyong tungkulin, ang mga kaisipan, pananaw, pamamaraan ng pagharap sa mga bagay-bagay, at mga tiwaling disposisyon sa loob mo—na nabibilang sa mundo at kay Satanas—ay hindi pa kailanman naaalis; puno ka pa rin ng mga bagay ni Satanas. Namumuhay ka pa rin ayon sa mga bagay na iyon, kaya Ko sinasabi na mababa pa rin ang tayog mo at nasa mapanganib na yugto ka pa rin, at hindi pa panatag o ligtas. Hangga’t mayroon kang satanikong disposisyon, patuloy mong lalabanan at ipagkakanulo ang Diyos. Para malutas ang problemang ito, kailangan mo munang maunawaan kung aling mga bagay ang masama at kay Satanas, paano nakapipinsala ang mga ito, bakit ginagawa ni Satanas ang mga bagay na ito, kung sa anong mga lason nagdurusa ang mga tao kapag tinatanggap nila ang mga ito, at ano ang kahahantungan ng mga taong iyon, gayundin kung anong uri ng tao ang hinihingi ng Diyos na maging ang mga tao, anong mga bagay ang sa normal na pagkatao, anong mga bagay ang positibo, at anong mga bagay ang negatibo. Dapat mayroon kang pagkilatis at dapat malinaw mong makita ang mga bagay na ito para magkaroon ka ng landas. Bukod dito, sa positibong aspekto, kailangan mo ring maagap na gawin ang iyong tungkulin habang iniaalay ang iyong sinseridad at debosyon. Huwag maging tuso o tamad, huwag harapin ang iyong tungkulin o ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos mula sa perspektiba ng mga walang pananampalataya o gamit ang mga pilosopiya ni Satanas. Kailangan mong kumain at uminom ng marami pang salita ng Diyos, hangaring maunawaan ang lahat ng aspekto ng katotohanan, at malinaw na maunawaan ang kabuluhan ng paggampan ng tungkulin, at pagkatapos ay magsagawa at pumasok sa lahat ng aspekto ng katotohanan habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, at unti-unting makilala ang Diyos, ang Kanyang gawain, at ang Kanyang disposisyon. Sa ganitong paraan, nang hindi mo namamalayan, magbabago ang iyong panloob na kalagayan, magkakaroon ng mas maraming positibong bagay sa loob mo, at mas kaunting negatibong bagay, at mas maraming aktibong bagay, at mas kaunting pasibong bagay, at ang abilidad mong makilatis ang mga bagay-bagay ay magiging mas mahusay kaysa dati. Kapag umabot sa ganito ang iyong tayog, magkakaroon ka ng pagkakilatis sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay sa mundong ito, at matatalos mo ang diwa ng mga problema. Kung makakapanood ka ng pelikula ng mundong walang pananampalataya, matutukoy mo kung anong mga lason ang maaaring maranasan ng mga tao pagkatapos nila itong panoorin, gayundin kung ano ang nilalayong ikintal at itanim ni Satanas sa mga tao sa pamamagitan ng mga kaparaanan at kalakarang ito, at kung ano ang nilalayon nitong unti-unting sirain sa mga tao. Unti-unti mong matatalos ang mga bagay na ito. Hindi ka malalason pagkatapos mong panoorin ang pelikula, at magkakaroon ka ng pagkakilatis tungkol dito—saka ka tunay na magkakaroon ng tayog.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pananampalataya sa Diyos ay Dapat Magsimula sa Pagkakilatis sa Masasamang Kalakaran ng Mundo
Maraming tao ang noon pa man ay sumusunod at nananampalataya na sa ganitong paraan; maganda ang pag-uugali nila sa panahong sumusunod sila sa Diyos, ngunit hindi nito mapagpapasyahan kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ito ay dahil hindi mo kailanman alam ang nakamamatay na kahinaan ng tao, o ang mga bagay na nasa kalikasan ng tao na maaaring lumaban sa Diyos, at bago ka nila ipahamak, wala kang kaalaman sa mga bagay na ito. Kung hindi malulutas ang iyong kalikasan na lumalaban sa Diyos, inihahanda ka nito sa kapahamakan, at posible na kapag natapos na ang iyong paglalakbay o kapag natapos na ang gawain ng Diyos, gagawin mo ang pinakalumalaban sa Diyos at magsasabi ka ng kalapastanganan laban sa Kanya, at sa gayon ay makokondena at matitiwalag ka. Sa pinakapeligrosong panahon, nang siya ay mahuli at mabilanggo, sinubukan ni Pedro na tumakas. Noong panahong iyon, hindi niya naunawaan ang layunin ng Diyos, at nagplano siyang manatiling buhay at gawin ang gawain ng mga iglesia. Nang maglaon, nagpakita sa kanya si Jesus at nagsabi, “Ipapapako mo ba Akong muli sa krus para sa iyo?” Naunawaan ni Pedro ang layunin ng Diyos, at mabilis siyang nagpasakop. Ipagpalagay na, sa sandaling iyon, mayroon siyang sariling mga hinihingi at sinabi, “Ayokong mamatay ngayon, natatakot ako sa sakit. Hindi ba’t ipinako Ka sa krus para sa aming kapakanan? Bakit Mo hinihiling na ako ay ipako sa krus? Puwede bang huwag akong maipako sa krus?” Kung may gayon siyang mga hiningi, nawalan sana ng kabuluhan ang landas na kanyang tinahak. Ngunit noon pa man, si Pedro ay isang taong nagpapasakop sa Diyos at hinahanap ang Kanyang layunin, at, sa huli, naunawaan niya ang layunin ng Diyos at lubusang nagpasakop. Kung hindi hinanap ni Pedro ang layunin ng Diyos at kumilos ayon sa kanyang sariling mga kagustuhan, maling landas sana ang natahak niya. Ang mga tao ay walang pakultad na direktang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, ngunit kung hindi sila magpapasakop pagkatapos maunawaan ang katotohanan, ipinagkakanulo nila ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang Tao Mula sa Diyos
Hindi mababago ng mga tao mismo ang mga disposisyon ng mga tao; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa mga pagsubok at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pagkakapungos at pagdidisiplina ng Kanyang mga salita. Saka lamang sila magkakamit ng pagpapasakop at katapatan sa Diyos, at hindi na magiging pabasta-basta sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng pagsisiwalat, paghatol, pagdidisiplina, at pagpupungos ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na magagawa nilang magpasakop sa pinakabagong mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain. Kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, magagawa nilang bitiwan ang mga kuru-kurong ito at kusang magpasakop.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at pagsisiwalat ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karungisan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na inaasam sa puso ng tao. … Halimbawa, nang malaman ng mga tao na sila ay nagmula sa lahi ni Moab, nagreklamo sila, hindi na nila hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinapakita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng tao sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong mga satanikong tiwaling disposisyon ng tao? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, itinaas mo ang iyong kamay mas mataas kaysa sa lahat, maging kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas, “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging isang kapalagayang-loob ng Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Maghimagsik laban sa matandang Satanas! Maghimagsik laban sa malaking pulang dragon! Ang malaking pulang dragon nawa ay tuluyan nang bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa ay gawin tayong ganap ng Diyos!” Sumigaw ka nang pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa ay nabunyag ang iyong mga tiwaling disposisyon. Tumigil ang iyong mga sigaw, at nawala ang iyong determinasyon. Ito ang katiwalian ng tao; ito ay isang bagay na mas malalim kaysa kasalanan, isang bagay na itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan, at wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim. Sa pamamagitan lamang ng paghatol ng salita ay makakamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay dapat na magsimula sa pagkakilala sa kanyang diwa at sa pamamagitan ng mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kalikasan, at pangkaisipang pananaw—sa pamamagitan ng mga pundamental na pagbabago. Sa ganitong paraan lamang makakamtan ang mga tunay na pagbabago sa disposisyon ng tao. Ang pinag-ugatan ng mga tiwaling disposisyon na lumilitaw sa tao ay ang panlilihis, pagtitiwali, at panlalason ni Satanas. Ang tao ay iginapos at kinontrol ni Satanas, at ang kanyang pag-iisip, moralidad, kabatiran, at katwiran ay pawang labis na pininsala ni Satanas. Sumasalungat ang tao sa Diyos at hindi matanggap ang katotohanan dahil mismo nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga pundamental na bagay ng tao, at lubhang hindi na katulad ng orihinal na pagkakalikha ng Diyos sa kanila. Sa gayon, para magkaroon ng mga pagbabago sa disposisyon ng tao, ang unang dapat gawin ay baguhin ang kanyang pagkakilala sa Diyos at kanyang pagkakilala sa katotohanan sa usapin ng kanyang pag-iisip, kabatiran, at katwiran.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pagiging Kaaway ng Diyos
Kung nais mong maghangad ng pagbabago sa iyong disposisyon, kailangan mong malaman ang iyong kalikasan. “Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito.” Huwag ipagpalagay na maaaring mabago ang kalikasan. Kung masyadong masama ang kalikasan ng isang tao, hinding-hindi na siya magbabago kailanman, at hindi siya ililigtas ng Diyos. Ano ba ang tinutukoy ng pagbabago sa disposisyon? Ito ay kapag tinatanggap ng isang taong nagmamahal sa katotohanan ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at sumasailalim sa lahat ng uri ng pagdurusa at pagpipino habang dinaranas ang gawain ng Diyos, at nalilinis ang mga lason ni Satanas sa loob niya, lubusang naiwawaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon, at nagagawang magpasakop sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at hindi na kailanman naghihimagsik o lumalaban muli. Ito ay isang pagbabago sa disposisyon. Kung napakasama ng kalikasan ng isang tao, at kung isa siyang masamang tao, hindi siya ililigtas ng Diyos, at hindi gagawa sa kanya ang Banal na Espiritu. Katulad ito ng isang doktor na nagpapagaling ng isang pasyente: Ang isang taong may pamamaga ay maaaring gamutin, pero ang isang taong nagkaroon ng kanser ay hindi na maliligtas. Ang isang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na ang isang tao, sapagkat minamahal niya at kaya niyang tanggapin ang katotohanan, ay nakikilala ang kanyang kalikasan sa wakas, na mapaghimagsik sa Diyos at salungat sa Diyos. Nauunawaan niya na napakalalim ng pagkakatiwali sa kanya, nauunawaan niya ang pagiging baligho at pagiging mapanlinlang niya, at ang kanyang salat at kahabag-habag na kalagayan, at sa wakas ay nauunawaan na niya ang kanyang kalikasang diwa. Sa pagkaalam sa lahat ng ito, nagagawa niyang ganap na tanggihan at maghimagsik laban sa kanyang sarili, makapamuhay ayon sa salita ng Diyos, at maisagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ay isa na nakakakilala sa Diyos, at ito ay isang tao na nabago na ang disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Kapag ibinubunyag mo ang iyong mga tiwaling disposisyon, kapag may mga kaisipan at ideya ka na tutol sa Diyos, kapag may mga kalagayan at pananaw ka na laban sa Diyos, kapag may mga kalagayan kung saan mali ang pagkaunawa mo sa Diyos, o nilalabanan at kinokontra mo Siya, sasawayin ka ng Diyos, hahatulan at kakastiguhin ka Niya, at kung minsan ay didisiplinahin at parurusahan ka pa Niya. Ano ang layunin ng pagdidisiplina at pagsaway sa iyo? (Upang makapagsisi kami at magbago.) Oo, ito ay upang makapagsisi ka. Ang naisasakatuparan ng pagdidisiplina at pagsaway sa iyo ay tinutulutan ka nitong ituwid ang sarili mo. Ito ay para ipaunawa sa iyo na ang mga iniisip mo ay mga kuru-kuro ng tao, at na mali ang mga iyon; ang mga intensiyon mo ay nagmula kay Satanas, mula sa kalooban ng tao, hindi alinsunod ang mga ito sa katotohanan, hindi kaayon ng Diyos, hindi matutugunan ng mga iyon ang mga layunin ng Diyos, kasuklam-suklam at kamuhi-muhi sa Diyos ang mga iyon, nakakagalit ang mga iyon sa Kanya, at pinupukaw pa ang Kanyang pagsumpa. Pagkatapos mapagtanto ito, kailangan mong baguhin ang iyong mga intensiyon at saloobin. At paano mo gagawin iyon? Una sa lahat, kailangan mong magpasakop sa paraan ng pagtrato sa iyo ng Diyos, at magpasakop sa mga kapaligiran at mga tao, pangyayari, at bagay na inihahanda Niya para sa iyo. Huwag kang maghanap ng butas, huwag kang magbigay ng mga obhetibong dahilan, at huwag kang umiwas sa iyong mga responsabilidad. Pangalawa, dapat mong hanapin ang katotohanang realidad na dapat mong pasukin at ang katotohanang prinsipyo na dapat mong isagawa kaugnay ng ginawa ng Diyos. Gusto ng Diyos na maunawaan mo ang mga bagay na ito. Gusto Niyang makilala mo ang iyong mga tiwaling disposisyon at satanikong diwa, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga bagay na ito, magawang magpasakop sa mga kapaligirang pinamamatnugutan Niya para sa iyo, at sa huli ay magsagawa alinsunod sa Kanyang mga layunin at sa Kanyang mga hinihingi sa iyo. Sa gayon ay nakapasa ka na sa pagsubok. Sa sandaling tumigil ka na sa paglaban at pagtutol sa Diyos, hindi ka na makikipagtalo sa Diyos at magagawa mong magpasakop. Kapag sinasabi ng Diyos na, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas,” tumutugon ka ng, “Kung sinasabi ng Diyos na ako ay isang Satanas, ako ay isang Satanas. Kahit na hindi ko nauunawaan kung ano ang mali kong nagawa, o kung bakit sinasabi ng Diyos na ako ay isang Satanas, dahil iniutos Niya sa akin na pumunta sa likod Niya, magmamadali akong gawin iyon. Dapat kong hanapin ang mga pagnanais ng Diyos.” Kapag sinasabi ng Diyos na ang kalikasan ng iyong mga kilos ay sataniko, sinasabi mong, “Kinikilala ko kung anuman ang sinasabi ng Diyos, tinatanggap ko ang lahat ng iyon.” Ano ang tingin mo sa saloobing ito? Ito ay pagpapasakop. Ito ba ay pagpapasakop kapag atubili mong natatanggap ang pagsasabi ng Diyos na ikaw ay isang diyablo at isang Satanas, ngunit hindi mo ito matanggap—at hindi mo kayang magpasakop—kapag sinasabi Niya na isa kang halimaw? Ang pagpapasakop ay nangangahulugan ng lubos na pagsunod at pagtanggap, hindi pakikipagtalo o hindi pagtatakda ng mga kondisyon. Nangangahulugan ito ng hindi pag-iisip sa mga obhetibong dahilan, hindi pagsusuri ng sanhi at epekto, at ang tanging iniisip mo lamang ay ang pagtanggap. Kapag nakamit na ng mga tao ang pagpapasakop na tulad nito, malapit na sila sa tunay na pananalig sa Diyos. Habang lalong gumagawa ang Diyos, at habang mas dumarami ang nararanasan mo, lalo mong makikita na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay ay napakatunay, at lalong lumalaki ang iyong tiwala sa Diyos, at mas lalo mong mararamdaman na, “Lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti, walang masama roon. Hindi ako dapat maging mapili sa kung ano ang tinatanggap ko, kundi dapat magpasakop. Ang aking responsabilidad, ang aking obligasyon, ang aking tungkulin—ay magpasakop. Ito ang dapat kong gawin bilang isang nilikha. Kung hindi ko man lang kayang magpasakop sa Diyos, ano ako? Isa akong halimaw, isa akong diyablo!” Hindi ba’t nangangahulugan ito na mayroon ka nang tunay na pananalig ngayon? Kapag umabot na sa puntong ito ang pagpapasakop mo sa Diyos, ito ay magiging walang karumihan, kaya magiging madali para sa Diyos na gamitin ka, at magiging madali rin para sa iyo na magpasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos. Kapag mayroon kang pagsang-ayon ng Diyos, magagawa mong makamit ang Kanyang mga pagpapala.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao
Bagama’t hindi madaling baguhin ang kalikasan ng mga tao, kung makikilatis at maaarok nila ang mga tiwaling disposisyon na kanilang ibinubunyag, at kung mahahanap nila ang katotohanan upang malutas ang mga ito, magagawa nilang unti-unting baguhin ang kanilang mga disposisyon. Sa sandaling nakamit na ng isang tao ang pagbabago sa kanyang buhay disposisyon, mababawasan nang mababawasan ang mga bagay sa loob niya na lumalaban sa Diyos. Ang layon ng paghihimay sa kalikasan ng tao ay ang baguhin ang kanyang disposisyon. Hindi pa ninyo naaarok ang layong ito, at iniisip na sa pamamagitan lamang ng paghihimay at pag-unawa sa inyong kalikasan ay makapagpapasakop kayo sa Diyos at maibabalik na ang inyong katwiran. Ang ginagawa lang ninyo ay pikit-matang naglalapat ng mga patakaran! Bakit hindi sapat na ilantad lamang ang matinding kayabangan at pagmamatuwid sa sarili ng mga tao? Bakit kailangan ding himayin ang kanilang tiwaling kalikasan? Hindi malulutas ang problema kung ilalantad lamang ang kanilang pagmamatuwid sa sarili at kayabangan. Ngunit kung hihimayin ang kanilang kalikasan, ang mga aspekto na saklaw nito ay napakalawak, kabilang dito ang lahat ng tiwaling disposisyon, at hindi lamang ito ang makitid na sakop ng pagmamatuwid sa sarili, labis na pagpapahalaga sa sarili, at kayabangan—higit pa rito ang kabilang sa kanilang kalikasan. Kaya, ang lahat ng iba’t ibang hinihingi ng mga tao sa Diyos, sa katunayan, ay ang kanilang maluluhong pagnanais, at lahat ay mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Mabuti kapag malinaw na nakikita ng mga tao ang usaping ito. Sa sandaling makilala mo ang iyong maluluhong pagnanais, magagawa mong kamuhian ang iyong sarili dahil sa kawalan ng pagkatao, at maaarok mo ang iyong sariling kalikasang diwa. Pagkatapos ay magiging madali para sa iyo na maghimagsik laban sa laman at tanggihan ang iyong sarili, at magiging madaling lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at magkakaroon ka ng landas pasulong. Kung hindi, hindi ninyo kailanman mahuhukay ang ugat na sanhi ng inyong mga pagbubunyag ng katiwalian, at sasabihin lamang ninyo na ito ay pagmamataas, kayabangan, o pagmamatuwid sa sarili, o hindi pagkakaroon ng anumang debosyon. Malulutas ba ng pagtalakay lang sa gayong mabababaw na bagay ang inyong problema? May pangangailangan bang talakayin ang kalikasan ng tao? Sa simula, ano ang kalikasan nina Adan at Eba? Walang sinasadyang paglaban sa kalooban nila, lalo na ang hayagang pagkakanulo. Hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng labanan ang Diyos, lalo na kung ano ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa Kanya. Tinanggap nila sa kanilang puso ang anumang inilabas ni Satanas na mga maling pananampalataya at maling kaisipan. Ngayon ay ginawa nang tiwali ni Satanas ang tao hanggang sa puntong napakahirap para sa sangkatauhan na tanggapin ang katotohanan, kayang maghimagsik at lumaban ng mga tao sa Diyos sa lahat ng bagay, hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit kaunti, at nag-iisip sila ng lahat ng uri ng paraan upang salungatin Siya. Maliwanag na ang kalikasan ng tao ay katulad ng kay Satanas. Bakit Ko sinasabi na ang kalikasan ng tao ay kalikasan ni Satanas? Si Satanas ay yaong lumalaban sa Diyos, at dahil ang mga tao ay may kalikasan ni Satanas, sila ay kay Satanas. Bagama’t ang mga tao ay hindi sinasadyang gumawa ng mga bagay upang labanan ang Diyos, dahil mayroon silang kalikasan ni Satanas, lahat ng kanilang iniisip ay lumalaban sa Diyos. Kahit pa ang mga tao ay walang gawin, nilalabanan pa rin nila ang Diyos, dahil ang panloob na diwa ng tao ay naging isang bagay na lumalaban sa Diyos. Samakatwid, ang tao sa kasalukuyan ay iba sa sangkatauhang kalilikha pa lang. Walang paglaban o pagkakanulo sa loob ng sangkatauhan noon, puno sila ng buhay, at hindi pinangingibabawan ng anumang kalikasan ni Satanas. Kung ang mga tao ay hindi pinangingibabawan o ginugulo sa loob-loob nila ng kalikasan ni Satanas, anuman ang gawin nila, hindi ito katumbas ng paglaban sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang Tao Mula sa Diyos
Kung masyadong mababaw ang pagkakilala ng isang tao sa kanyang sarili, hindi nito malulutas ang anumang problema, at tiyak na hindi magbabago ang kanyang buhay disposisyon. Dapat mong kilalanin ang iyong sarili sa isang malalim na antas. Nangangahulugan ito ng pagkilala sa iyong kalikasan, at pag-alam kung anong mga elemento ang nilalaman nito, kung saan nagmumula ang mga bagay na ito, at kung saan nanggagaling ang mga ito. Dagdag pa rito, kaya mo ba talagang kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at ang iyong buktot na kalikasan? Kung tunay mong makikita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, kamumuhian mo ang iyong sarili. Kapag kinamumuhian mo ang iyong sarili at pagkatapos ay sinusubukan mong isagawa ang mga salita ng Diyos, magagawa mong maghimagsik laban sa laman at magkamit ng lakas para isagawa ang katotohanan, at hindi na ito magiging parang isang pagsisikap nang husto. Bakit maraming tao ang kumikilos ayon sa mga kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nilang napakabuti ng kanilang sarili, at pakiramdam nila na ang kanilang mga kilos ay labis na angkop at makatwiran, na walang anumang pagkakamali, at ganap na tama pa nga, kaya kumikilos sila nang may tiwala sa sarili. Kapag tunay na nilang nakilala kung ano talaga ang kanilang kalikasan—kung gaano ito kapangit, kakasuklam-suklam, at kakaawa-awa—hindi na magiging masyadong mataas ang tingin nila sa sarili at hindi na sila magiging sobrang mayabang, at hindi na sila gaanong matutuwa sa kanilang sarili. Iisipin nila, “Kailangan kong isagawa ang ilang salita ng Diyos nang praktikal. Kung hindi, hindi ako aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiya akong mabuhay sa presensya ng Diyos.” Tunay nilang makikita ang kanilang sarili bilang maliit at tunay na walang-halaga. Sa puntong ito, magiging madali para sa kanila na isagawa ang katotohanan, at magmumukha silang medyo tulad ng isang tunay na tao. Tanging kapag tunay na kinamumuhian ng isang tao ang kanyang sarili saka niya kayang maghimagsik laban sa laman. Kung hindi niya kinamumuhian ang kanyang sarili, hindi niya kayang maghimagsik laban sa laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay hindi isang simpleng bagay. Hinihingi nito sa isang tao na maunawaan ang ilang katotohanan: Una, dapat magtaglay siya ng pagkakilala tungkol sa kanyang kalikasan. Pangalawa, dapat niyang makita na siya ay dukha at kaawa-awa, na siya ay napakaliit at labis na walang-halaga, at dapat niyang makita ang kanyang kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubusan na niyang nakita kung ano talaga siya—kapag nakamit na ang resultang ito—tunay siyang nagkakamit ng pagkakilala tungkol sa kanyang sarili, at masasabing tumpak na tumpak ang pagkakilala niya sa kanyang sarili. Tanging sa puntong ito niya magagawang kamuhian ang kanyang sarili, at magagawang sumpain pa nga ang kanyang sarili, tunay na nararamdaman na ang mga tao ay lubhang ginawang tiwali ni Satanas kaya’t wala na silang anumang wangis ng tao. Isang araw, kung tunay siyang maharap sa banta ng kamatayan, iisipin niya, “Ito ang matuwid na kaparusahan ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos. Nararapat akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magpapahayag ng kanyang mga hinaing, lalong hindi siya magrereklamo tungkol sa Diyos—mararamdaman lamang niya na siya ay lubhang dukha, kaawa-awa, marumi, at tiwali, at na dapat siyang itiwalag at lipulin ng Diyos, at mararamdaman niya na ang isang kaluluwang tulad ng sa kanya ay hindi karapat-dapat na mabuhay sa lupa. Samakatwid, hindi siya magrereklamo o lalaban sa Diyos, lalong hindi niya ipagkakanulo ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Hinihikayat Ko kayong gumugol ng totoong pagsisikap na maunawaan ang nilalaman ng mga atas administratibo, at magsikap na kilalanin ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, mahihirapan kayong panatilihing tikom ang mga labi ninyo, masyado kayong walang pakundangan magsasalita, at maglilitanya kayo ng matatayog-pakinggan na salita, hindi namamalayang nalalapastangan ninyo ang disposisyon ng Diyos at nasasadlak kayo sa kadiliman, nawawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu at ng liwanag. Sapagkat wala kayong prinsipyo sa mga kilos ninyo, ginagawa at sinasabi ninyo ang hindi dapat, matatanggap mo ang retribusyong nararapat sa iyo. Dapat mong malaman na kahit wala kang prinsipyo sa salita at gawa, lubhang maprinsipyo ang Diyos sa dalawang ito. Ang dahilan kaya nakatatanggap ka ng retribusyon ay dahil nagkasala ka sa Diyos, hindi isang tao. Kung sa buhay mo ay maraming beses kang lumalapastangan sa disposisyon ng Diyos, nakatakda kang maging anak ng impiyerno. Para sa tao, maaaring mukhang gumawa ka lamang ng iilang gawang hindi alinsunod sa katotohanan, at wala nang iba. Gayumpaman, alam mo ba na sa mga mata ng Diyos ay isa ka nang taong wala nang nauukol na handog para sa kasalanan? Sapagkat nilabag mo ang mga atas administratibo ng Diyos nang higit sa isang beses at, bukod dito, wala kang ipinakitang tanda ng pagsisisi o pagbabalik-loob, wala nang ibang pagpipilian kundi ang masadlak ka sa impiyerno, kung saan pinarurusahan ng Diyos ang tao. Maliit na bilang ng mga tao ang gumawa ng ilang gawang lumabag sa mga prinsipyo habang sumusunod sa Diyos, ngunit matapos silang mapungusan at mabigyan ng gabay, unti-unti nilang natuklasan ang sarili nilang katiwalian, at matapos nito ay pumasok sila sa tamang landas ng realidad, at nananatili silang may matatag na saligan hanggang ngayon. Ang ganitong mga tao ang mananatiling buhay hanggang sa huli. Gayumpaman, ang matatapat ang gusto Ko; kung isa kang matapat na tao at isang taong kumikilos ayon sa prinsipyo, maaari kang maging katapatang-loob ng Diyos. Kung sa mga kilos mo ay hindi mo nilalapastangan ang disposisyon ng Diyos, at hinahanap mo ang mga layunin ng Diyos, at mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon ay pasok sa pamantayan ang pananalig mo. Sinumang hindi natatakot sa Diyos at walang pusong nanginginig sa takot ay malamang na malamang na lalabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang anumang ideya tungkol sa mga ipinapahiwatig ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting intensiyon, madalas silang nakagagawa ng mga bagay na gumugulo sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kaso, pinapatalsik sila mula sa sambahayan ng Diyos, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itinatapon sa impiyerno, at ang lahat ng ugnayan sa sambahayan ng Diyos ay natapos na. Ginagawa ng mga taong ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa lakas ng kanilang mangmang na mabubuting intensiyon, at nagtatapos sa pagpapagalit sa disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ang mga paraan nila ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon at sinusubukang gamitin ang mga ito, delusyonal na iniisip na magagamit ang mga ito rito nang napakadali. Hindi nila kailanman naipagpapalagay na walang disposisyon ng tupa ang Diyos, kundi ng isang leon. Samakatwid, ang mga nakikipag-ugnayan sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipag-usap sa Kanya, sapagkat hindi tulad ng sa tao ang puso ng Diyos. Pagkatapos mo lamang maunawaan ang maraming katotohanan saka mo patuloy na makikilala ang Diyos. Hindi binubuo ng mga salita at doktrina ang kaalamang ito ngunit magagamit bilang kayamanan na sa pamamagitan nito ay makapapasok ka sa pagiging katapatang-loob ng Diyos, at bilang katibayang nalulugod Siya sa iyo. Kung kulang ka sa realidad ng kaalaman at hindi nasasangkapan ng katotohanan, ang maalab mong paglilingkod ay magdadala lamang sa iyo ng pagkasuklam at pagkapoot ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
Kaugnay na mga Himno
Yaong mga Hindi Kilala ang Diyos ay Lumalaban sa Diyos