7. Paano lutasin ang problema ng pagiging sutil at walang pagpipigil

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang mga taong mapagmataas at sutil ay nahihirapang tanggapin ang katotohanan. Hindi nila ito matanggap kapag nakakarinig sila ng kahit katiting na bagay na hindi naaayon sa sarili nilang mga pananaw, opinyon, at perspektiba. Wala silang pakialam kung tama o mali ang sinasabi ng iba, o kung sino ang nagsasabi nito, o sa kung anong konteksto ito sinabi, o kung may kaugnayan ito sa sarili nilang mga responsabilidad at tungkulin. Wala silang pakialam sa mga bagay na ito. Ang pinakapriyoridad nila ay ang bigyang-kasiyahan ang sarili nilang mga damdamin. Hindi ba’t ito ay pagiging sutil? Anong mga kawalan ang idinudulot ng pagiging sutil sa mga tao sa huli? Nagiging mahirap para sa kanila na makamit ang katotohanan. Ang hindi pagtanggap sa katotohanan ay sanhi ng tiwaling disposisyon ng tao, at ang huling kahihinatnan nito ay na hindi madaling makakamit ng gayong tao ang katotohanan. Anumang bagay na natural na nabubunyag mula sa kalikasang diwa ng tao ay salungat sa katotohanan at walang kinalaman sa katotohanan; walang isa mang gayong bagay ang nakaayon o malapit sa katotohanan. Samakatwid, para matamo ang kaligtasan, dapat tanggapin at isagawa ng isang tao ang katotohanan. Kung hindi kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at palaging gustong kumilos ayon sa sarili niyang mga kagustuhan, hindi niya matatamo ang kaligtasan. Kung gusto mong sumunod sa Diyos at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, kailangan mo munang iwasan ang pagiging padalos-dalos kapag may mga bagay na hindi naaayon sa iyong kagustuhan. Kailangan mo munang pakalmahin ang iyong sarili at maging payapa ka sa harap ng Diyos, at sa iyong puso, dapat kang manalangin at maghanap mula sa Kanya. Huwag maging sutil; magpasakop muna. Sa ganitong uri lamang ng mentalidad mo malulutas nang mas maayos ang mga problema. Kung kaya mong magpatuloy na mamuhay sa harap ng Diyos, at kung kaya mong manalangin at maghanap mula sa Diyos, at harapin ang mga bagay-bagay nang may mentalidad ng pagpapasakop anuman ang mangyari sa iyo, kung gayon ay hindi mahalaga kung gaano karami ang mga pagbubunyag ng iyong mga tiwaling disposisyon, o kung anong mga pagsalangsang ang nagawa mo—hangga’t hinahanap mo ang katotohanan, lahat ng iyon ay malulutas, at anuman ang mga pagsubok na dumating sa iyo, makakapanindigan ka. Hangga’t mayroon kang tamang mentalidad, kaya mong tanggapin ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos alinsunod sa Kanyang mga hinihingi, magiging lubos kang may kakayahang isagawa ang katotohanan. Kahit na medyo mapaghimagsik ka at lumalaban kung minsan, at kung minsan ay mahilig kang makipagtalo at hindi makapagpasakop, kung kaya mong manalangin sa Diyos at baguhin ang iyong mapaghimagsik na kalagayan, matatanggap mo ang katotohanan. Kapag nagawa mo na iyon, pagnilayan mo kung bakit lumitaw sa iyo ang gayong paghihimagsik at paglaban. Hanapin ang dahilan nito, pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para lutasin ito, at sa gayon ay malilinis ang aspektong iyon ng iyong tiwaling disposisyon. Pagkatapos mong makaranas ng ilang gayong kabiguan at pagkatisod, at makapagsagawa ka na ng katotohanan, unti-unting maiwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, ang ilang tao ay madalas na kumikilos nang arbitraryo at walang pakundangan at labis na sutil. Kapag masaya sila, gumagawa sila ng kaunting gawain; kapag hindi, nagmumukmok sila, nagiging negatibo, at nagpapakatamad. Kapag nakikipagbahaginan ang iba sa kanila tungkol sa katotohanan, sinasabihan sila na hindi sila maaaring maging ganoon kasutil, sumasagot sila, “Alam kong mali ang umasal nang ganito, pero lumaki ako sa isang may kaya at may pribilehiyong pamilya. Binigyang-layaw ako ng lahat ng miyembro ng pamilya ko; ako ang munting sinta ng mga magulang ko, at palagi nila akong binibigyang-layaw. Dahil doon ay nagkaroon ako ng sutil na kalikasang ito, kaya kapag ginagawa ko ang aking tungkulin sa sambahayan ng Diyos, napakasutil ko, at hindi ko alam kung paano hanapin ang katotohanan o makipagtulungan sa iba. Dahil ito sa kung paano ako lumaki. Ako ba ang dapat sisihin doon?” Tama ba ang pagkaunawang ito? Isa ba itong saloobin ng paghahangad ng katotohanan? (Hindi.) Sa tuwing may tumutukoy sa isang maliit na problema o kapintasan nila, gagawa sila ng mga palusot para sa kanilang sarili at susubukang bigyang-katwiran ang kanilang sarili. Halimbawa, kapag may nagsasabing kinukuha lang nila ang pinakamasasarap na bahagi ng pagkain sa tuwing oras ng pagkain, iniisip lang ang kanilang sarili at hindi isinasaalang-alang ang iba, sasabihin nila, “Ganito na ako mula pa noong bata ako. Nakagawian ko na ito. Hindi ko kailanman inisip ang ibang tao. Noon pa man ay namumuhay na ako ng buhay na may pribilehiyo, na may mga magulang na binigyang-layaw ako. Ako ang pinakamamahal ng buong pamilya ko!” Sinasabi nila ang tambak na ito ng kasuklam-suklam at balighong pahayag. Hindi ba’t medyo walang-hiya at makapal ang mukha nito? Binibigyang-layaw ka ng iyong mga magulang—nangangahulugan ba iyon na dapat ding gawin iyon ng lahat ng iba pa? Binibigyang-layaw at kinukunsinti ka ng iyong pamilya—nagbibigay ba iyon sa iyo ng palusot para kumilos nang arbitraryo at walang pakundangan sa sambahayan ng Diyos? Balido ba ang palusot na iyon? Ito ba ang tamang saloobin na dapat taglayin sa iyong mga tiwaling disposisyon? Isa ba itong saloobin ng paghahangad ng katotohanan? (Hindi.) Anumang mga paghihirap o problema ang makaharap ng mga taong ito, o anumang mga tiwaling disposisyon ang ibunyag nila, naghahanap sila ng mga obhetibong palusot para bigyang-katwiran ang kanilang sarili, at hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, hindi kailanman nagdarasal sa Diyos, at hindi kailanman humaharap sa Diyos para pagnilayan ang kanilang sarili. Kung hindi nila pagninilayan ang kanilang sarili, malalaman ba nila ang sarili nilang mga problema at ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon? (Hindi.) Kung hindi makilala ng isang tao ang sarili niyang katiwalian, makakapagsisi ba siya? (Hindi.) Kung hindi siya makapagsisisi, sa anong kondisyon siya palagiang mamumuhay? Hindi ba’t sa pagpapatawad sa sarili? Sa pagkaramdam na bagama’t nagbunyag siya ng katiwalian, wala siyang nagawang kasamaan o nalabag na mga atas administratibo—na bagama’t ang paggawa niyon ay hindi alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, hindi naman ito sinadya, at maaaring patawarin? (Oo.) Iyan ba ang uri ng kondisyon na dapat taglayin ng isang taong naghahangad sa katotohanan? … Ang mga taong labis na sutil at madalas kumilos nang walang pakundangan at arbitraryo ay hindi tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, ni tinatanggap na mapungusan. Madalas din silang gumawa ng mga palusot sa hindi nila paghahangad ng katotohanan at hindi pagtanggap ng pagpupungos. Anong disposisyon iyon? Malinaw na iyon ay isang disposisyon na tutol sa katotohanan—ang disposisyon ni Satanas. Taglay ng mga tao ang kalikasan at disposisyon ni Satanas, kaya walang duda, sila ay kay Satanas. Sila ay mga diyablo, ang lahi ni Satanas, at mga supling ng malaking pulang dragon. Nagagawang aminin ng ilang tao na sila ay mga diyablo, mga Satanas, at ang supling ng malaking pulang dragon, at napakasarap sa tainga ng kanilang pagsasalita tungkol sa pagkakilala nila sa sarili. Ngunit kapag nagbubunyag sila ng tiwaling disposisyon at sila ay inilalantad at pinupungusan ng isang tao, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para depensahan ang kanilang sarili gamit ang mapanlinlang na pangangatwiran, at hindi man lang nila tatanggapin ang katotohanan. Ano ang isyu rito? Lubos sila nitong ibinubunyag—hindi sila mga tao na naghahangad ng katotohanan. Kapag nagsasalita sila tungkol sa pagkakilala sa kanilang sarili, napakagandang pakinggan ng kanilang sinasabi, kaya bakit hindi nila matanggap ang katotohanan kapag pinupungusan sila? May problema rito. Ang sinasabi nila kapag nagsasalita sila tungkol sa pagkakilala sa kanilang sarili ay huwad, mapanlinlang, at mapanlihis. Hindi ba’t medyo karaniwan ang ganitong bagay? Madali ba itong makilatis? Sa katunayan, oo. Marami-raming tao ang umaamin na sila ay mga diyablo at mga Satanas kapag nagsasalita sila tungkol sa pagkakilala sa sarili, ngunit hindi sila nagsisisi o nagbabago pagkatapos. Kaya, totoo ba o hindi ang pagkakilala sa sarili na binabanggit nila? Mayroon ba silang totoong pagkakilala sa sarili, o nagiging mapagpaimbabaw ba sila at sinusubukang lansihin ang iba? Malinaw na ang sagot. Samakatwid, para makita kung may tunay bang pagkakilala sa sarili ang isang tao, dapat ay hindi ka lang makinig sa pagsasalita niya tungkol dito—dapat mong tingnan ang saloobing mayroon siya tungkol sa pagpupungos, at kung natatanggap ba niya ang katotohanan. Iyon ang pinakamahalagang bagay. Sinumang hindi tumatanggap na mapungusan, sa diwa, ay hindi tumatanggap ng katotohanan, at tumatangging tanggapin ito, at ang kanilang disposisyon ay tutol sa katotohanan. Walang duda roon. Hindi pumapayag ang ilang tao na pungusan sila ng iba, gaano man karaming katiwalian ang kanilang naibunyag—walang sinumang maaaring magpungos sa kanila. Maaari silang magsalita tungkol sa kanilang pagkakilala sa sarili, sa kahit anong paraan na gusto nila, ngunit kung inilalantad, pinupuna, o pinupungusan sila ng iba, gaano man ito kaobhetibo o nakaalinsunod sa mga katunayan, hindi nila ito tatanggapin. Kapag naglalantad ang ibang tao ng pagbubunyag ng anumang uri ng tiwaling disposisyon sa kanila, sukdulan silang magiging laban at patuloy na gagamit ng mapanlinlang na pangangatwiran para depensahan ang sarili nila, nang wala man lamang ni katiting na tunay na pagpapasakop. Kung hindi hahangarin ng mga taong iyon ang katotohanan, sila ay nagiging problema. Sa iglesia, hindi sila nakakanti at hindi sila maaaring punahin. Kapag nagsabi ang mga tao ng mabuting bagay tungkol sa kanila, sumasaya sila; kapag tinutukoy ng mga tao ang isang masamang bagay tungkol sa kanila, nagagalit sila. Kung may maglantad at magsabi sa kanila na: “Mabuti kang tao, pero napakasutil mo. Lagi kang arbitraryo at walang pakundangan kung kumilos. Kailangan mong tanggapin ang mapungusan. Hindi ba’t mas makakabuti para sa iyo na alisin ang mga kapintasan at tiwaling disposisyong ito?” bilang tugon, sasabihin nila, “Wala akong nagawang anumang masama. Hindi ako nagkasala. Bakit mo ako pinupungusan? Binigyang-layaw ako nang husto sa bahay mula pa noong bata ako, kapwa ng aking mga magulang at mga lolo’t lola. Ako ang munting sinta nila, ang pinakamamahal nila. Ngayon, dito sa sambahayan ng Diyos, wala ni isa mang nagbibigay-layaw sa akin—hindi masayang mamuhay rito! Lagi ninyo akong hinahanapan ng mali at sinusubukang pungusan. Paano ako mamumuhay nang ganoon?” Ano ang problema rito? Masasabi kaagad ng taong mapagkilatis na ang mga taong ito ay pinalaki sa layaw ng kanilang mga magulang at pamilya, at na kahit ngayon, hindi nila alam kung paano umasal o mamuhay nang mag-isa. Labis kang binigyang-layaw ng iyong pamilya. Hindi mo alam ang posisyon mo sa sansinukob at naging bisyo mo na ang kayabangan, pagmamagaling, at sukdulang kasutilan, pero hindi mo ito namamalayan at hindi mo alam na dapat itong pagnilay-nilayan. Nananampalataya ka sa Diyos ngunit hindi mo alam na dapat makinig sa Kanyang mga salita o magsagawa ng katotohanan. Matatamo mo ba ang katotohanan nang may gayong pananampalataya sa Diyos? Makapapasok ka ba sa katotohanang realidad? Maisasabuhay mo ba ang wangis ng isang tunay na tao? Tiyak na hindi.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (1)

May isa pang grupo ng mga tao na hindi naghahangad ng pisikal na kaginhawahan, at sa halip ay naghahangad na gawin ang mga bagay ayon sa sarili nilang kapritso at ayon sa sarili nilang lagay ng loob. Kung nagkataong masaya sila isang araw, kaya nilang tiisin ang maraming pagdurusa, at hindi sila makakaramdam ng pagod kahit buong araw silang magtrabaho. Pero kung hindi sila masaya, sasama ang loob nila kahit na hihingin mo lang sa kanila na gumugol ng dagdag na minuto sa isang bagay, at kung medyo pagsasabihan mo sila, sasabihin nila, “Tumigil ka sa pagsasalita! Pakiramdam ko ay napipigilan ako. Kung magpapatuloy ka pang magsalita, hindi ko na gagawin ang tungkulin ko, at magiging kasalanan mo na hindi ko magawa ang tungkulin ko. Kung hindi ako makatatanggap ng mga pagpapala sa hinaharap, kasalanan mo iyon, at ikaw ang mananagot sa lahat ng iyon!” Sumpungin ang mga tao kapag nasa abnormal silang kalagayan. Kung minsan ay makakaya nilang magdusa at magbayad ng halaga, pero sa ibang pagkakataon ay magrereklamo sila kahit sa kaunting pagdurusa lang, at maiinis sila kahit sa isang maliit na isyu lamang. Kapag hindi maganda ang lagay ng loob, hindi na nila gugustuhing gawin ang kanilang mga tungkulin, basahin ang mga salita ng Diyos, kantahin ang mga himno, o daluhan ang mga pagtitipon at pakinggan ang mga sermon. Gugustuhin lang nilang mapag-isa sandali, at magiging imposible para kaninuman na tulungan o suportahan sila. Pagkaraan ng ilang araw, maaaring maunawaan nila ang mga bagay-bagay at gumanda ang pakiramdam nila. Ang anumang hindi nagpapalugod sa kanila ay nagpaparamdam sa kanila ng pagkapigil. Hindi ba’t partikular na pasaway ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Partikular silang pasaway. Halimbawa, kung gusto nilang matulog agad-agad, ipipilit nilang gawin iyon. Kung sasabihin ng isang tao, “Kaya mo bang magpatuloy nang sampung minuto pa? Malapit na malapit nang matapos ang gampaning ito. Tapusin natin ito, at pagkatapos ay puwede ka nang magpahinga, okay?” sasagot sila, “Hindi, kailangan ko nang matulog ngayon din! Pagod na pagod ako, talagang kailangan ko nang matulog!” Kung may makahihikayat sa kanila, labag sa loob na magpapatuloy sila nang ilang sandali, pero makararamdam sila ng pagkapigil at pagtutol. Madalas silang nakakaramdam ng pagkapigil sa mga bagay na ito at ayaw nilang tumanggap ng tulong mula sa kanilang mga kapatid o mapangasiwaan ng mga lider. Kung magkakamali sila, hindi nila hahayaan ang iba na pungusan sila. Ayaw nilang malimitahan sa anumang paraan. Iniisip nila, “Nananampalataya ako sa Diyos para makahanap ako ng kaligayahan, kaya bakit ko pahihirapan ang sarili ko? Bakit kailangang maging sobrang nakakapagod ang buhay ko? Dapat mamuhay nang masaya ang mga tao. Hindi nila dapat masyadong pansinin ang mga tuntuning ito at ang mga sistemang iyon. Ano ang silbi ng palaging pagsunod sa mga iyon? Sa ngayon, sa sandaling ito, gagawin ko kung anong gusto ko. Walang sinuman sa inyo ang dapat na may masabi tungkol doon.” Partikular na pasaway, mapagpalayaw, at walang pagpipigil ang ganitong uri ng tao. Ayaw nilang mapasailalim sa anumang pagpipigil sa anumang kapaligiran sa gawain. Ayaw nilang sumunod sa mga tuntunin at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, ayaw nilang tanggapin ang mga prinsipyong dapat pinanghahawakan ng mga tao sa kanilang sariling asal, at ni ayaw nilang sundin ang sinasabi ng konsensiya at katwiran na dapat nilang gawin. Gusto nilang gawin ang gusto nila, gawin ang anumang magpapasaya sa kanila, ang anumang mapakikinabangan nila at makakaginhawa sa kanila. Naniniwala sila na ang mamuhay sa ilalim ng mga pagpipigil na ito ay lalabag sa kanilang kalooban, na magiging isa itong uri ng pang-aabuso sa sarili, na pahihirapan lang nito ang kanilang sarili, at na hindi dapat mamuhay nang ganoon ang mga tao. Iniisip nila na dapat mamuhay ang mga tao nang malaya at napalaya na, nagpapakasasa sa mga pagnanais ng kanilang laman nang walang pakundangan, pati na rin sa kanilang mga adhikain at kahilingan. Iniisip nila na dapat nilang gawin ang gusto nila—sabihin ang anumang gusto nila, gawin ang anumang gusto nila, at pumunta kung saan man nila gusto, nang hindi kinakailangang isaalang-alang ang mga kahihinatnan o ang mga damdamin ng ibang tao, at lalo na nang hindi kinakailangang isaalang-alang ang sarili nilang mga responsabilidad at obligasyon, o ang mga tungkuling dapat gawin ng mga mananampalataya, ang mga katotohanang prinsipyo na dapat nilang sundin, ang mga katotohanang realidad na dapat nilang isabuhay, o ang landas sa buhay na dapat nilang sundan. Ang ganitong uri ng tao ay palaging gustong gawin ang gusto nila sa lipunan at sa gitna ng ibang tao, pero saanman sila magpunta, hindi nila iyon matatamo kailanman. Naniniwala sila na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang mga karapatang pantao, na binibigyan nito ng lubos na kalayaan ang mga tao, at na pinahahalagahan nito ang pagkatao, at ito ay mapagpasensya at mapagparaya sa mga tao, at na matapos nilang dumating sa sambahayan ng Diyos ay dapat malaya nilang magawang magpasasa sa mga pagnanais ng kanilang laman hangga’t gusto nila. Gayumpaman, dahil may mga tuntunin at atas administratibo ang sambahayan ng Diyos, hindi pa rin nila magawa ang gusto nila. Dahil hindi nila hinahanap ang katotohanan, ang nakapipigil na emosyon nilang ito ay nananatiling hindi nalulutas. Hindi sila nabubuhay para tuparin ang anumang uri ng mga responsabilidad o para tapusin ang anumang misyon, o para maging isang tunay na tao. Ang pananampalataya nila sa Diyos ay hindi para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, tapusin ang kanilang misyon, at kamtin ang kaligtasan. Kahit sino pa ang mga taong kasama nila, kahit ano pa ang mga kapaligiran nila, o ang trabahong ginagawa nila, ang sukdulan nilang layon ay ang mahanap at mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili. Ang layunin ng lahat ng kanilang ginagawa ay umiikot dito, at ang mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili ang kanilang ninanasa sa buong buhay nila at ang layon ng kanilang paghahangad.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (5)

May isang uri ng tao na masigasig sa puso niya sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Handa siyang gawin ang anumang tungkulin, at ayos lang sa kanya na magtiis ng kaunting paghihirap, pero hindi matatag ang temperamento niya—emosyonal at sutil siya, at hindi siya matatag. Kumikilos siya batay lang sa lagay ng kanyang loob. Kapag masaya siya, ginagawa niya nang maayos ang trabahong iniatas sa kanya, at nakakasundo niya nang maayos ang sinumang kasama niya sa pakikipagtulungan at ang sinumang nakakaugnayan niya. Handa rin siyang gumanap ng mas maraming tungkulin—anumang tungkulin ang ginagawa niya, mayroon siyang diwa ng responsabilidad para rito. Ganyan siya kumikilos kapag siya ay nasa mabuting kalagayan. May paliwanag sa kanyang mabuting kalagayan: Marahil siya ay napuri sa mahusay na pagganap ng kanyang tungkulin, at nakuha niya ang paghanga at pagkilala ng grupo. O, baka maraming tao ang nagpapahalaga sa trabahong nagawa niya, kaya siya ay nagmamalaki gaya ng isang lobong lumalaki sa bawat ihip ng papuri, ginagawa ang kanyang tungkulin nang ganadong-ganado. At kaya, patuloy niyang ginagawa ang parehong tungkulin bawat araw, pero sa buong panahong ito, hindi niya kailanman sinusubukan na arukin ang mga layunin ng Diyos o hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Palagi siyang kumikilos batay sa kanyang karanasan. Ang karanasan ba ang katotohanan? Maaasahan ba ang kumilos batay sa karanasan? Tumutugma ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Ang pagkilos batay sa karanasan ay hindi tumutugma sa mga prinsipyo; tiyak na may mga pagkakataong mabibigo ito. Kaya, sumasapit ang isang araw kung kailan hindi niya ginagawa nang maayos ang kanyang tungkulin. Maraming isyu ang lumilitaw at siya ay pinupungusan. Hindi nasisiyahan ang grupo sa kanya. Kaya nagiging negatibo siya at binibitiwan niya ang kanyang tungkulin: “Hindi ko na gagawin ang tungkuling ito. Hindi ko kayang gawin ito nang maayos. Mas magaling kayong lahat kaysa sa akin. Ako ang walang kwenta. Sinumang gustong gumawa nito, sige lang!” May taong nagbabahagi sa kanya tungkol sa katotohanan, pero hindi ito tumatagos sa kanya, at hindi niya nauunawaan, sinasabi niya, “Ano ang kailangang pagbahaginan tungkol dito? Wala akong pakialam sa anumang katotohanan. Gagawin ko ang tungkulin ko kapag masaya ako, at kung hindi naman, hindi ko ito gagawin. Bakit ginagawa itong komplikado? Hindi ko ito gagawin ngayon; maghihintay ako ng araw na masaya ako.” Ganito siya kasutil at kaemosyonal palagi. Sa paggawa man ng tungkulin niya; sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, o sa pagdalo sa mga pagtitipon at pakikinig ng mga sermon; o sa kanyang mga pakikisalamuha sa iba—sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa anumang aspekto ng buhay niya, ang ibinubunyag niya ay maulap sa isang sandali at maaraw naman sa susunod, masigla sa isang sandali at nasisiraan ng loob sa susunod, malamig sa isang sandali at mainit sa susunod, negatibo sa isang sandali at positibo sa susunod. Sa madaling salita, ang kalagayan niya, mabuti o masama, ay palaging hayag na hayag. Makikita mo ito sa isang sulyap. Pabago-bago siya sa lahat ng bagay na ginagawa niya, nagpapadala lang siya sa temperamento niya. Kapag masaya siya, mas mahusay siyang magtrabaho, at kapag hindi, pabasta-basta siya, at maaari pa nga niyang bitiwan ang gawain niya at hindi ito gawin. Anuman ang ginagawa niya, dapat niya itong gawin ayon sa lagay ng loob niya, ayon sa kapaligiran, ayon sa mga hinihingi niya. Wala siyang anumang determinasyon na dumanas ng paghihirap; sanay siya sa layaw at pinalaking sunod sa layaw, at nag-aalburuto siya at kumikilos nang hindi makatwiran, hindi nagpapakita ng anumang pagpipigil. Walang sinuman ang puwedeng kumanti sa kanya o magpukaw ng galit niya; sinuman ang mang-inis sa kanya ay nagiging puntirya ng kanyang galit—nagngangalit siya—pagkatapos ay nagiging negatibo siya at nasisiraan ng loob. Higit pa rito, ginagawa niya ang lahat batay sa mga kagustuhan niya. “Kung gusto ko ang trabahong ito, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko ito gagawin, at hindi kailanman. Puwede itong gawin ng sinuman sa inyo na may gusto. Wala itong kinalaman sa akin!” Anong uri ng tao ito? Kapag masaya siya at mabuti ang kalagayan niya, sumisigla siya at sinasabi na gusto niyang mahalin ang Diyos. Umiiyak siya dahil labis siyang sumisigla, tumutulo ang maiinit na luha sa mukha niya. Tunay ba siyang nagmamahal sa Diyos? Ang kalagayan ng pagmamahal sa Diyos sa puso ay normal, pero sa pagtingin sa kanyang disposisyon, mga pag-uugali, at pagbubunyag, iisipin mong para siyang batang may edad na humigit-kumulang sampung taon. Ang disposisyon niyang ito, ang paraan ng pamumuhay niya, ay pagkasutil. Siya ay pabago-bago, hindi deboto, iresponsable, at walang pananagutan sa lahat ng bagay na ginagawa niya. Hindi siya kailanman dumaraan sa paghihirap at ayaw niyang tumanggap ng responsabilidad. Kapag masaya siya, ayos lang sa kanyang gawin ang anumang bagay; ayos lang ang kaunting paghihirap, at kung mapinsala ang mga interes niya, ayos lang din iyan. Pero kung hindi siya masaya, wala siyang gagawing anumang bagay. Anong uri siya ng tao? Normal ba ang kalagayang gaya niyan? (Hindi.) Ang isyung ito ay higit pa sa kalagayang hindi normal—ito ay pagpapamalas ng sukdulang pagkasutil, sukdulang kahangalan at kamangmangan, sukdulang pagiging isip-bata. Anong uri ng problema ang pagkasutil? May ilang maaaring magsabi, “Ito ay ang pagbabago-bago ng temperamento. Masyado pa siyang bata at masyadong kaunti pa ang pinagdaanang paghihirap, at hindi pa buo ang personalidad niya, kaya madalas siyang magpakita ng pagkasutil.” Ang katunayan ay walang pinipiling edad ang pagkasutil: Kahit ang mga nasa hustong gulang na lampas apatnapung taong gulang at matatandang lampas pitumpung taong gulang ay nagiging sutil din minsan. Paano ito maipapaliwanag? Ang pagkasutil, sa katunayan, ay isang problema sa disposisyon ng isang tao, at isa talaga itong napakalubhang problema! Kung ang gayong tao ay gumagawa ng isang mahalagang tungkulin, maaari nitong maantala ang tungkuling iyon at ang pag-usad ng gawain, na nagdudulot ng mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; at kahit na gumagawa siya ng isang ordinaryong tungkulin, minsan ay maaapektuhan nito ang tungkuling iyon at makakahadlang sa mga bagay-bagay. Wala itong anumang naidudulot na pakinabang sa iba, sa kanyang sarili, o sa gawain ng iglesia. Kung isasaalang-alang ang kakarampot na halagang ibinabayad niya at ang kaunting gawaing ginagawa niya, mas malaki ang nawawala kaysa sa nakakamit sa paggamit sa kanya. Ang mga taong partikular na sutil ay hindi angkop na gumawa ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at maraming gayong tao. Ang pagkasutil ay ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon. Halos ang bawat tao ay may ganyang disposisyon. At ano ang disposisyong iyan? Siyempre, bawat tiwaling disposisyon ay isang uri ng mga disposisyon ni Satanas, at ang pagkasutil ay isang tiwaling disposisyon. Sa mas banayad na salita, ito ay ang hindi pagmamahal o pagtanggap sa katotohanan; sa mas mabigat na salita, ito ay ang pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi rito. Kaya ba ng mga sutil na taong magpasakop sa Diyos? Tiyak na hindi. Kaya nila sa panandalian, kapag masaya sila at nakikinabang, pero kapag hindi sila masaya at hindi nakikinabang, mapupuno sila ng galit at mangangahas na salungatin at ipagkanulo Siya. Sasabihin nila sa sarili nila, “Wala akong pakialam sa anumang katotohanan—ang mahalaga ay masaya ako, na kontento ako. Kung hindi ako masaya, anuman ang sabihin ng iba ay walang silbi! Ano ang halaga ng katotohanan? Ano ang halaga ng diyos? Ako ang masusunod!” Anong mga uri ng tiwaling disposisyon ang mayroon dito? (Pagkamuhi sa katotohanan.) Mayroong disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi sa katotohanan. Mayroon ba itong elemento ng isang mapagmataas at palalong disposisyon? Mayroon ba itong elemento ng isang disposisyong matigas ang kalooban? (Mayroon.) May isa pang napakasamang kalagayan dito. Kapag maganda ang pakiramdam nila, mabait sila sa lahat ng tao at responsable sa paggawa ng kanilang tungkulin; iniisip ng mga tao na sila ay isang mabuti, mapagpasakop na tao, isang taong handang magbayad ng halaga, na talagang nagmamahal sa katotohanan. Pero sa sandaling maging negatibo sila, sila ay susuko sa tungkulin nila, magrereklamo, at magiging sarado pa nga sa katwiran. Dito, lumalabas ang malupit nilang anyo. Hindi nila tinatanggap ang pagsaway sa kanila ng sinuman. Sasabihin pa nila, “Nauunawaan ko ang bawat katotohanan, hindi ko lang ito isinasagawa. Ayos lang sa akin na maging panatag ako sa sarili ko!” Anong disposisyon ito? (Pagiging malupit.) Ang masasamang taong ito ay hindi lang handang lumaban sa sinumang maaaring magpungos sa kanila, sasaktan at pipinsalain din nila ang mga iyon, gaya ng isang masamang demonyo. Walang sinumang mangangahas na guluhin sila. Hindi ba’t napakasutil at napakalupit nila? Isa ba itong problema na may kaugnayan sa pagiging kabataan? Hindi ba sila magiging sutil kung mas matanda sila? Magiging matino at makatwiran ba sila kung mas matanda sila? Hindi. Hindi ito usapin ng kanilang personalidad o edad. May nagkukubli roong mga tiwaling disposisyon na malalim na nakaugat. Kinokontrol sila ng mga tiwaling disposisyon, at namumuhay sila batay sa mga tiwaling disposisyon. May pagpapasakop ba sa isang taong namumuhay sa mga tiwaling disposisyon? Kaya ba niyang hanapin ang katotohanan? May bahagi ba sa kanya na nagmamahal sa katotohanan? (Wala.) Wala, walang anuman sa mga iyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Kung Ano Ba Talaga ang Ipinamumuhay ng Tao

Kapag nahaharap sa isang usapin, kung ang mga tao ay masyadong sutil at palaging ipinipilit ang sarili nilang mga ideya nang hindi hinahanap ang katotohanan, ito ay napakamapanganib. Itataboy ng Diyos ang mga taong ito at isasantabi sila. Ano ang magiging bunga nito? Tiyak na masasabi na ang gayong mga tao ay nanganganib na matiwalag. Gayumpaman, matatanggap ng mga naghahanap sa katotohanan ang kaliwanagan at gabay ng Banal na Espiritu, at bilang resulta, nakakamit nila ang pagpapala ng Diyos. Ang dalawang magkaibang saloobin ng paghahanap at hindi paghahanap sa katotohanan ay kayang makapagdulot ng dalawang magkaibang kalagayan sa iyo at ng dalawang magkaibang resulta. Aling uri ng resulta ang gusto ninyo? (Gusto kong matanggap ang kaliwanagan ng Diyos.) Kung nais ng mga tao na mabigyang-liwanag ng Diyos at magabayan ng Diyos, at matanggap ang biyaya ng Diyos, anong klaseng saloobin ang kailangan nilang taglayin? Kailangan ay madalas silang humarap sa Diyos nang may saloobin ng paghahanap at pagpapasakop. Ginagampanan mo man ang iyong tungkulin, nakikisalamuha ka man sa iba, o humaharap sa isang partikular na isyu na nangyayari sa iyo, kailangan mong magkaroon ng saloobing naghahanap at nagpapasakop. Sa ganitong klase ng saloobin, masasabi na mayroon kang kaunting may-takot-sa-Diyos na puso. Ang magawang hanapin ang katotohanan at magpasakop sa katotohanan ay ang landas sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kung wala kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, at sa halip ay ipinipilit mo ang sarili mong mga ideya, ikaw ay matigas na mapanlaban, at ayaw mong tanggapin ang katotohanan, at tutol ka sa katotohanan, kung gayon ay likas kang gagawa ng maraming kasamaan. Hindi mo mapipigilan iyon! Kung hindi mo kailanman hahanapin ang katotohanan upang lutasin ito, ang kalalabasan nito sa huli ay gaano man karami ang iyong maranasan, gaano man karaming sitwasyon ang makaharap mo, at gaano man karaming aral ang ihanda ng Diyos para sa iyo, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, at sa huli ay mananatili kang walang kakayahang pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi mo taglay ang katotohanang realidad, hindi mo makakayang sumunod sa daan ng Diyos, at kung hindi ka kailanman makasusunod sa daan ng Diyos, kung gayon ay hindi ka isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Palaging sinasabi ng mga tao na gusto nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin at sumunod sa Diyos. Ang mga ito ba ay mga simpleng bagay? Talagang hindi. Ang mga bagay na ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng mga tao! Hindi madaling gampanan nang maayos ang tungkulin ng isang tao para bigyang-kasiyahan ang Diyos, o ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Subalit sasabihin Ko sa inyo ang isang prinsipyo ng pagsasagawa: Kung mayroon kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop kapag may nangyayari sa iyo, poprotektahan ka nito. Ang layon sa huli ay hindi ang maprotektahan ka. Ito ay ang bigyang-kakayahan kang maunawaan ang katotohanan, makapasok sa katotohanang realidad, at magtamo ng kaligtasan ng Diyos. Ito ang layon sa huli.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos ay pawang mga indibidwal na nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, lahat sila ay handang gampanan ang kanilang mga tungkulin, kaya nilang magpasan ng isang gawain at gawin iyon nang maayos ayon sa kanilang kakayahan at sa mga tuntunin ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, sa simula ng paggawa, maaaring wala kang malinaw na ideya kung ano ang gagawin o hindi mo maarok ang mga prinsipyo, at maaaring medyo nakakapagod ito. Gayumpaman, kung may determinasyon kang gawin ang iyong bahagi, handang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at kayang makamtan ang magkakasundong pakikipagtulungan sa iba, kung gayon, ang paggampan mo sa tungkulin ay natural na magbubunga ng mga resulta, at kasabay nito ay madali mong maisasagawa ang katotohanan at maiwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, at magiging pasok sa pamantayan ang paggampan mo sa tungkulin. Kaya, kailangan mong magbayad ng kaunting halaga. Kapag mayroon kang udyok na maging pasaway, dapat kang manalangin sa Diyos, na nagsusumamo sa Kanya na disiplinahin ka, at dapat kang maghimagsik laban sa laman at pigilan ang iyong sarili, upang unti-unting mabawasan ang iyong makasariling mga pagnanais. Dapat kang humingi ng tulong sa Diyos sa mahahalagang bagay, sa mahahalagang oras, at sa mahahalagang gampanin. Kung tunay kang may paninindigan, dapat mong hilingin sa Diyos na ituwid at disiplinahin ka, at na bigyang-liwanag ka upang maunawaan mo ang katotohanan, sa ganoong paraan ay makakukuha ka ng mas magagandang resulta. Kung tunay kang may determinasyon, at lumalapit ka sa Diyos para magdasal at magsumamo, bibigyang-liwanag ka ng Diyos; babaguhin Niya ang iyong kalagayan at mga iniisip. Kung gagawa nang kaunti ang Banal na Espiritu, aantigin at bibigyang-liwanag ka nang kaunti, magbabago ang iyong puso, at magbabago ang iyong kalagayan. Sa puntong ito, medyo gagaan ang iyong nakapipigil na emosyon, at mag-iiba ang iyong kalagayang pangkaisipan kaysa dati—mararamdaman mo na mayroong kasiyahan sa paggawa ng tungkulin mo sa sambahayan ng Diyos, na hindi nakakapagod na mamuhay sa ganitong paraan, at mararamdaman mo rin na ang pagtitiis ng paghihirap, pagbabayad ng halaga, at pagkilos ayon sa mga prinsipyo sa paggawa ng iyong tungkulin ay nagpapanatag at nagpapayapa sa iyong puso, na ito ang uri ng buhay na dapat ipamuhay ng isang normal na tao, at na ang magawang mamuhay ayon sa katotohanan at gawin nang maayos ang iyong tungkulin ay nagbibigay ng labis na kabuluhan sa buhay. Lubos mong pagsisisihan na wala kang naunawaang anumang katotohanan noon, at na ganap kang namuhay ayon sa iyong mga satanikong disposisyon, kumikilos nang walang pakundangan at pasaway—mararamdaman mo na napakasakit na mamuhay sa gayong paraan na hindi ka nagmukhang tao ni demonyo. Mapagtatanto mo na lahat ito ay dahil sa pagtanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw kaya ka nakaunawa ng maraming katotohanan at kaya mong iwaksi ang ilang tiwaling disposisyon, at kaya mong gawin nang normal ang iyong tungkulin at tamasahin ang mga salita ng Diyos, at sumailalim sa mga tunay na pagbabago araw-araw, at mararamdaman mo na ang pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos ay tunay na naghahatid ng kapayapaan at kagalakan. Hindi ba’t nagbago na kung gayon ang lagay ng iyong kalooban? (Oo.) Sa sandaling mapagtanto mo kung bakit pakiramdam mo noon ay napipigilan at miserable ang buhay mo, sa sandaling mahanap mo ang pinag-uugatan ng iyong paghihirap at malutas ang problema, magkakaroon ka ng pag-asang magbago. … Una sa lahat, kailangan mong matutunang tahakin ang tamang landas at asikasuhin ang iyong marapat na gawain, na pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat gawin ng isang normal na tao, at pagkatapos ay matutunang sundin ang mga patakaran, tanggapin ang pamamahala ng sambahayan ng Diyos, tanggapin ang pangangasiwa at pagpupungos, at gawin nang maayos ang iyong mga tungkulin. Ito ang tamang saloobin na dapat taglayin ng isang taong may konsensiya at katwiran. Ikalawa, dapat kang magkaroon ng tamang pagkaunawa at kaalaman sa mga responsabilidad at obligasyon na nauukol sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Dapat mong bitiwan ang negatibong emosyon ng pagkapigil, at harapin nang tama at pangasiwaan ang iba’t ibang suliranin na lumilitaw sa buhay mo. Para sa iyo, ang mga ito ay hindi mga karagdagang bagay, o mga pabigat, o mga pagkagapos, kundi sa halip ay kung ano ang dapat mong pasanin bilang isang normal na taong nasa hustong gulang. Nangangahulugan ito na ang bawat taong nasa hustong gulang, anuman ang kanyang kasarian, kanyang kakayahan, kanyang antas ng abilidad, o mga kalakasang taglay niya, ay dapat umangkop sa kanyang kapaligiran sa pamumuhay, pumasan sa kanyang mga responsabilidad, obligasyon, at misyon, at pumasan sa gawaing dapat niyang gawin. Hindi mo dapat iwasan ang dapat mong pasanin, at dapat mong tanggapin ang anumang paghihirap na dapat mong danasin. Dapat mong tanggapin ang mga bagay na ito sa isang positibong paraan sa halip na magpasilbi sa iba sa lahat ng iyong pangangailangan, at maging palamunin sa mga bunga ng pagtatrabaho ng iba. Bukod pa rito, kailangan mong matutunang makibagay at tanggapin ang iba’t ibang uri ng mga patakaran, sistema, at pamamahala, tanggapin ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, at matutunang umangkop sa patuloy na pagiging buhay at pamumuhay sa gitna ng isang grupo ng mga tao. Dapat mong taglayin ang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at magawang harapin nang tama ang mga tao, pangyayari, at bagay na nasa iyong paligid, at asikasuhin at lutasin nang tama ang iba’t ibang problemang nakakatagpo mo. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat harapin ng isang taong may normal na pagkatao, at maaari ding sabihin na ito ang buhay at ang kapaligirang pinamumuhayan na dapat harapin ng isang taong nasa hustong gulang. Halimbawa, bilang isang taong nasa hustong gulang, dapat kang umasa sa sarili mong mga abilidad para suportahan at pakainin ang iyong pamilya. Gaano man kahirap ang buhay mo, ito ang paghihirap na dapat mong tiisin, ang responsabilidad na dapat mong tuparin, at ang obligasyong dapat mong tugunan. Dapat mong pasanin ang mga responsabilidad na dapat pasanin ng isang taong nasa hustong gulang. Gaano man kalaki ang pagdurusang tinitiis mo o ang halagang iyong binabayaran, gaano man kapait ang pakiramdam mo, dapat mong lunukin ang iyong mga hinaing at hindi ka dapat magkaroon ng anumang negatibong emosyon o magreklamo tungkol sa kaninuman, dahil ito ang dapat na pasanin ng mga taong nasa hustong gulang. Bilang isang taong nasa hustong gulang, kailangan mong pasanin ang mga ito—nang hindi nagrereklamo o lumalaban, at lalo na nang hindi umiiwas o tumatanggi sa mga ito. Ang pagpapatangay sa agos ng buhay, ang pagiging walang ginagawa, ang paggawa ng kung ano ang gusto mo, ang pagiging pasaway o arbitraryo, ang paggawa sa gusto mo at hindi paggawa sa hindi mo gusto—hindi ito ang saloobin sa buhay na dapat mayroon ang isang taong nasa hustong gulang. Ang bawat taong nasa hustong gulang ay kailangang magpasan ng mga responsabilidad ng isang taong nasa hustong gulang, gaano mang presyur ang harapin niya, gaya ng mga paghihirap, karamdaman, at maging ng iba’t ibang suliranin. Ang mga ito ay mga bagay na dapat danasin at pasanin ng lahat ng tao; ganito ang buhay ng isang normal na tao. Kung hindi mo kayang tiisin ang presyur, batahin ang pagdurusa, o kayanin ang mga dagok, nangangahulugan ito na wala kang pagtitiyaga o determinasyon, at masyado kang marupok at walang silbi. Ang lahat—maging sa lipunan man o sa sambahayan ng Diyos—ay dapat magtiis ng pagdurusang ito sa kanilang buhay. Ito ang responsabilidad na dapat pasanin ng bawat nasa hustong gulang, ang pasaning dapat nilang balikatin, at walang sinuman ang makakaiwas dito, kaya hindi mo dapat subukang iwasan ito. Kung palagi mong gustong tumakas o maging malaya mula sa lahat ng pagdurusang ito, lalabas ang iyong emosyon ng pagkapigil, at palagi ka nitong sisiluin. Gayumpaman, kung kaya mong maunawaan at tanggapin nang maayos ang lahat ng ito, at tingnan ito bilang isang kinakailangang bahagi ng iyong buhay at pag-iral, hindi ka na magkakaroon ng mga negatibong emosyon dahil sa mga isyung ito. Sa isang aspekto, kailangan mong matutunang pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat taglayin at isagawa ng mga taong nasa hustong gulang. Sa isa pang aspekto, dapat mong matutunang mamuhay nang nakakasundo ang iba sa iyong kapaligirang pinamumuhayan at pinagtatrabahuhan sa loob ng normal na pagkatao. Huwag mong basta na lang gawin ang gusto mo. Ano ang layunin ng mamuhay nang nakakasundo ang iba? Ito ay para mas mahusay na makompleto ang gawain, mga obligasyon, at mga responsabilidad na dapat mong tuparin bilang isang nasa hustong gulang. Anuman ang gawain o anumang tungkulin ang ginagawa mo, kapag nahaharap sa panganib, kapag nahaharap sa mga panggugulo at pinsala ng mga puwersa ni Satanas, dapat magawa mong bawasan ang mga kawalan, upang maging mas mahusay nang kaunti ang mga resulta ng iyong gawain at tungkulin. Ito ang dapat makamit ng isang taong may determinasyon. Kung nagtataglay ka ng normal na pagkatao, dapat mo itong makamit kapag gumagawa ka ng gawain. Pagdating naman sa presyur sa trabaho, nanggagaling man ito sa ang Itaas o sa sambahayan ng Diyos, o kung presyur ito na iniaatang sa iyo ng mga kapatid, isa itong bagay na dapat mong pasanin. Hindi mo maaaring sabihin na, “Hindi ko ito gagawin dahil sa presyur. Naghahanap lang ako ng kalibangan, kadalian, kaligayahan, at kaginhawahan sa paggawa ng aking tungkulin at paggampan sa sambahayan ng Diyos.” Hindi ito maaari, at hindi ito isang kaisipan na dapat taglayin ng isang normal na taong nasa hustong gulang, at ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang lugar para magpakasasa ka sa kaginhawahan. Ang bawat tao ay nagpapasan ng ilang presyur at panganib sa kanyang buhay at gawain. Sa anumang trabaho, lalo na sa paggawa ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat mong pagsikapang makakuha ng pinakamagagandang resulta. Sa mas mataas na antas, ito ang itinuturo at hinihingi ng Diyos. Sa mas mababang antas, ito ang saloobin, pananaw, pamantayan, at prinsipyo na dapat taglayin ng bawat tao sa kanyang sariling asal at mga kilos. Kapag gumagawa ka ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kailangan mong matutunang sumunod sa mga panuntunan at sistema ng sambahayan ng Diyos, at kailangan mong matutunang sumunod sa mga alituntunin, umaasal nang maayos. Isa itong mahalagang bahagi ng sariling asal ng isang tao. Hindi mo dapat ginugugol ang buong araw sa pagpapakabusog, hindi seryosong pinag-iisipan ang anumang bagay, at pinalilipas ang iyong mga araw nang walang ginagawa, o walang ingat na gumagawa ng mga maling gawa, at naghahangad ng sarili mong paraan ng pamumuhay, gaya ng ginagawa ng mga walang pananampalataya. Huwag maging dahilan na hindi ka magustuhan ng iba, huwag kang maging tinik sa kanilang lalamunan, huwag mong gawing layuan o tanggihan ka ng lahat, at huwag kang maging sagabal o balakid sa anumang gawain. Ito ang konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng isang normal na taong nasa hustong gulang, at ito rin ang responsabilidad na dapat pasanin ng sinumang normal na taong nasa hustong gulang.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (5)

Kaugnay na mga Himno

Kami ang Pinakamapalad sa Lahat ng mga Henerasyon

Sinundan:  6. Paano lutasin ang problema ng pagtrato sa mga tao nang ayon sa mga damdamin

Sumunod:  8. Paano lutasin ang problema ng pagiging salanggapang

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger