20. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Paghatol ng Malaking Puting Trono sa mga Huling Araw ay Tungkol sa Paggantimpala sa Mabubuti at Pagparusa sa Masasama, at Hindi Ito Kaligtasan”
Sinasabi ng mga tao sa mundo ng relihiyon, “Ang paghatol ng malaking puting trono na sinasabi sa Bibliya ay pangunahing pupuntiryahin ang mga walang pananampalataya at huwad na mananampalataya, at ito ay magiging tungkol sa paggantimpala sa mabubuti at pagparusa sa masasama. Hindi ito kaligtasan. Pero sinasabi ninyo na ang paghatol ng Diyos ay isinasakatuparan upang dalisayin at iligtas ang mga tao. Sa tingin namin ay hindi ito tugma sa Bibliya, kaya’t hindi namin matatanggap ang pahayag ninyong ito.”
Mga Salita Mula sa Bibliya
“Ninanais Kita ng aking kaluluwa sa gabi; oo, ng aking espiritu sa loob ko ay hahanapin Kita nang maagap: sapagkat kapag nasa lupa ang Iyong mga kahatulan, ay nangatututo ng katuwiran ang mga nananahan sa sanlibutan” (Isaias 26:9).
“Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghatol sa sambahayan ng Diyos” (1 Pedro 4:17).
“At kung naririnig ng sinumang tao ang Aking mga salita, pero hindi sumusunod sa mga ito, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagkat hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang Daang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48).
“Pakabanalin Mo sila sa katotohanan: Ang Iyong daan ay katotohanan. … At alang-alang sa kanila’y ginagawa Kong banal ang Aking sarili, upang sila rin ay magawang banal sa pamamagitan ng katotohanan” (Juan 17:17, 19).
“Yumaon ka ng iyong lakad, Daniel; sapagkat ang mga salita ay nasarhan at natatakan hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang madadalisay, at mapapaputi, at masusubok; ngunit ang masasama ay gagawa na may kasamaan; at wala sa masasama ang makauunawa; ngunit silang matatalino ay mangakauunawa” (Daniel 12:9–10).
“At Aking dadalhin sa apoy ang ikatlong bahagi, at sila ay pipinuhin Ko na parang pilak na pinipino, at sila ay susubukin Ko na parang ginto na sinusubok: sila ay magsisitawag sa Aking pangalan, at Akin silang didinggin: Aking sasabihin, ‘Sila ang mga tao Ko:’ at kanilang sasabihin, ‘Si Jehova ay aking Diyos’” (Zacarias 13:9).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang gawain ng mga huling araw ay ang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, at ang tapusin ang plano ng pamamahala ng Diyos, sapagkat ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay dumating na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng pumapasok sa Kanyang kaharian—ang lahat ng tapat sa Kanya hanggang sa katapusan—patungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subalit, bago dumating ang kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawain ng Diyos ay hindi ang siyasatin ang mga gawa ng tao, o mag-usisa tungkol sa pamumuhay ng tao, kundi ang hatulan ang pagiging mapaghimagsik ng tao, sapagkat dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng nakasunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsisilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang taong tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng taong tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng paghatol ng Diyos.
Sa paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos na nasabi sa mga nagdaang panahon, ang “paghatol” sa mga salitang ito ay tumutukoy sa paghatol na isinasagawa ng Diyos ngayon sa mga lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan sa mga huling araw. Marahil ay may mga naniniwala na pagdating ng mga huling araw ay maghahanda ang Diyos ng isang malaking mesa sa langit, na kung saan ang isang puting tapete ay ilalatag, at pagkatapos, habang nakaupo sa isang dakilang luklukan at ang lahat ng tao ay nakaluhod sa lupa, ay ilalantad Niya ang mga kasalanan ng bawat tao at doon ay tutukuyin kung ang mga ito ba ay aakyat sa langit o itatapon sa lawa ng apoy at asupre, pati na ang iba pang mga higit sa karaniwan na imahinasyon. Anuman ang mga naguguni-guni ng tao, hindi nito mababago ang diwa ng gawain ng Diyos. Ang mga naguguni-guni ng tao ay walang iba kundi ang mga nabubuo ng kaisipan ng tao; nanggagaling ang mga ito sa utak ng tao, binuod at pinagtagni-tagni mula sa mga nakita at narinig ng tao. Samakatwid ay sinasabi Ko, gaano man kaganda ang mga imahinasyon ng tao, ang mga ito ay mga larawang-guhit lamang, at hindi kayang pumalit sa plano ng gawain ng Diyos. Kung tutuusin, ang tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas, kaya papaano niya maaarok ang mga iniisip ng Diyos? Inaakala ng tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay isang bagay na kakatwa. Naniniwala ang tao na dahil ang Diyos Mismo ang gumagawa ng gawain ng paghatol, ang gawaing ito ay tiyak na sukdulan ang saklaw, at hindi maaarok ng mga mortal, at tiyak na aalingawngaw sa buong langit at yayanigin ang lupa; kung hindi, papaano ito magiging gawain ng paghatol ng Diyos? Naniniwala ang tao na dahil ito ay gawain ng paghatol, ang Diyos ay dapat na maging partikular na kapita-pitagan at maharlika habang Siya ay gumagawa, at yaong mga hinahatulan ay dapat na humahagulgol sa pag-iyak at nakaluhod na nagmamakaawa. Ang ganoong mga tagpo ay tiyak na magiging kagila-gilalas at labis na kapana-panabik…. Naiisip ng bawat tao na mapaghimala ang gawain ng paghatol ng Diyos. Pero alam mo ba na noong matagal nang sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa gitna ng tao, ay nananatili kang nahihimlay sa pagkatulog? Na sa oras na inaakala mong ang gawain ng paghatol ng Diyos ay pormal nang nagsimula, ay nabago na ng Diyos ang langit at lupa? Sa oras na iyon, marahil ay noon mo pa lamang mauunawaan ang kahulugan ng buhay, ngunit ang walang-awang gawain ng pagpaparusa ng Diyos ay magdadala sa iyo, na mahimbing pa ring natutulog, patungo sa impiyerno. Saka ka lamang magkakaroon ng biglang pagkatanto, at saka mo lang mauunawaan na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay natapos na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Naniniwala ang ilan na maaaring pumarito sa lupa ang Diyos sa isang hindi pa batid na panahon at magpakita sa tao, kung saan hahatulan Niya mismo ang buong sangkatauhan, susubukan ang bawat isa nang walang sinumang naiiwan. Hindi alam ng mga nag-iisip sa ganitong paraan ang yugtong ito ng gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang mga tao nang isa-isa, ni hindi sila pinadadaan sa pagsubok nang paisa-isa; hindi magiging gawain ng paghatol ang paggawa ng gayon. Hindi ba’t magkakatulad ang katiwalian ng lahat ng sangkatauhan? Hindi ba’t magkakatulad ang diwa ng tao? Ang hinahatulan ay ang tiwaling diwa ng sangkatauhan, ang diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng kasalanan ng tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang maliliit at di-mahahalagang kapintasan ng tao. Ang gawain ng paghatol ay representatibo, at hindi ito isinasagawa nang partikular para sa isang tiyak na tao. Sa halip, gawain ito na kung saan hinahatulan ang isang pangkat ng mga tao upang kumatawan sa paghatol sa lahat ng sangkatauhan. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa katawang-tao ay ang gamitin ang Kanya Mismong gawain sa isang pangkat ng mga tao para katawanin ang gawain sa buong sangkatauhan, pagkatapos ay unti-unti itong ipinalalaganap. Ganito rin ang gawain ng paghatol. Hindi hinahatulan ng Diyos ang isang partikular na uri ng tao o isang partikular na grupo ng mga tao, bagkus ay hinahatulan ang hindi pagkamatuwid ng buong sangkatauhan, tulad ng paglaban ng tao sa Diyos, o ng hindi pagkatakot ng tao sa Kanya, o ng panggugulo ng tao sa gawain ng Diyos. Ang hinahatulan ay ang diwa ng paglaban ng sangkatauhan sa Diyos, at ang gawaing ito ng paghatol ay ang gawain ng paglupig sa mga huling araw. Ang gawain at salita ng Diyos na nagkatawang-tao na nasaksihan ng tao ay ang gawain ng paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw, na tinaglay ng tao sa kanyang mga kuru-kuro sa mga nakaraang panahon. Ang gawaing kasalukuyang ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang mismong paghatol sa harap ng malaking puting trono. Ang Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay ang Diyos na humahatol sa buong sangkatauhan sa panahon ng mga huling araw. Ang katawang-tao na ito at ang gawain, salita, at buong disposisyon ng katawang-taong ito ay ang kabuuan Niya. Bagama’t may hangganan ang saklaw ng gawain ng katawang-taong ito, at hindi direktang sumasaklaw sa buong sansinukob, ang diwa ng gawain ng paghatol ay ang direktang paghatol sa lahat ng sangkatauhan—ang gawaing ito ay hindi lamang para sa kapakanan ng mga hinirang na tao sa Tsina, at hindi rin ito isinasakatuparan para sa kapakanan ng isang maliit na bilang ng mga tao. Sa panahon ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, bagama’t hindi kabilang ang buong sansinukob sa saklaw ng gawaing ito, kumakatawan ito sa gawain ng buong sansinukob, at pagkaraan Niyang tapusin ang gawain sa loob ng saklaw ng gawain ng Kanyang katawang-tao, agad Niyang ipapalaganap ang gawaing ito sa bawat lugar sa loob ng sansinukob, sa katulad na paraan na lumaganap ang ebanghelyo ni Jesus kasunod ng Kanyang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit. Gawain man ito ng Espiritu o gawain ng katawang-tao, gawain ito na isinasagawa sa loob ng isang limitadong saklaw, ngunit kumakatawan sa gawain ng buong sansinukob. Sa panahon ng mga huling araw, ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng pagpapakita sa Kanyang nagkatawang-taong pagkakakilanlan, at ang Diyos sa katawang-tao ay ang Diyos na humahatol sa tao sa harap ng malaking puting trono. Espiritu man Siya o ang katawang-tao, Siya na gumagawa ng gawain ng paghatol ay ang Diyos na humahatol sa sangkatauhan sa mga huling araw. Natutukoy ito batay sa gawaing Kanyang ginagawa, hindi batay sa Kanyang panlabas na kaanyuan o iba pang mga bagay. Bagama’t nagkikimkim ang tao ng mga kuru-kuro sa mga salitang ito, walang sinuman ang makapagtatatwa sa katunayan ng paghatol at paglupig ng Diyos na nagkatawang-tao sa lahat ng sangkatauhan. Kung anuman ang iniisip ng tao hinggil dito, ang mga katunayan, sa kabila ng lahat, ay mga katunayan. Walang sinuman ang makakayang magsabi na “Ang gawain ay ginagawa ng Diyos, ngunit ang katawang-tao ay hindi Diyos.” Maling kaisipan ito, dahil ang gawaing ito ay maaari lamang gawin ng Diyos sa katawang-tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Higit ang Pangangailangan ng Tiwaling Sangkatauhan sa Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao
Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa sumailalim sa pagbabago o sa pagpeperpekto ng Diyos—makakaayon ka ba sa mga layunin ng Diyos? Para sa iyo, na nasa luma mo pa ring katauhan, totoong iniligtas ka ni Jesus, at dahil sa pagliligtas ng Diyos kaya hindi ka sa kasalanan, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay walang kasalanan o karumihan. Paano ka magagawang banal kung hindi ka sumailalim sa pagbabago? Sa loob, puno ka ng mga karumihan, at makasarili at mababang-uri ka, ngunit ninanais mo pa ring bumaba kasama ni Jesus—sinusuwerte ka naman masyado! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananampalataya sa Diyos; natubos ka pa lang, ngunit hindi ka pa sumailalim sa pagbabago. Para makaayon ka sa mga layunin ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain para baguhin at linisin ka; kung hindi, natubos ka lamang at imposibleng magawa kang banal. Sa ganitong kaso, hindi ka kalipikado na tamasahin ang magagandang pagpapala kasama ang Diyos, dahil napag-iwanan ka ng isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na siyang pangunahing hakbang sa pagbabago at pagperpekto ng tao. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang tumanggap ng pamana ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Katawagan at sa Pagkakakilanlan
Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, noong tinubos ang tao, ito ay pagtubos lamang—ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga—ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi naalis. Ang tao na napakarumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging kalipikadong maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging kalipikado na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng kasalukuyang gawaing ginagawa ay para madalisay at mabago ang tao; ito ay upang magawa ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng salita, at sa pamamagitan ng pagpipino. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang gawain ng pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng paglupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at pagsisiwalat ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karungisan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na inaasam sa puso ng tao. Bagama’t ang tao ay natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pagtanda ng Diyos sa mga pagsalangsang ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga pagsalangsang nito. Subalit, ang tao, na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay makakapagpatuloy lamang sa pagkakasala, ibinubunyag nang walang katapusan ang kanyang mga satanikong tiwaling disposisyon. Ito ang buhay na ipinamumuhay ng tao, isang walang-katapusang siklo ng pagkakasala at pagtanggap ng kapatawaran. … Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan, at wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim. Sa pamamagitan lamang ng paghatol ng salita ay makakamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Si Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at para himayin ang mga salita at gawa ng tao. Ang mga salitang ito ay naglalaman ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, kung paano dapat magpasakop sa Diyos ang tao, kung paano dapat maging tapat sa Diyos ang tao, kung paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao, sa diwa, ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at kung paanong ang tao, sa diwa, ay isang mapanlabang puwersa laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at nagpupungos Siya sa mahabang panahon. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang hinding-hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; ang ganitong uri lamang ng paghatol ang makasusupil sa tao at makakakumbinsi sa kanya nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay mabibigyan-kakayahan siyang magkamit ng tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa sarili niyang paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, malawak na pagkaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos, at malawak na pagkaarok sa mga hiwagang hindi niya kayang unawain. Binigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, pati na ang matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bungang lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Ang diwa ng gawain ng pagkastigo at paghatol ay na ito ay alang-alang sa pagdadalisay sa sangkatauhan, at alang-alang sa huling araw ng pamamahinga; kung hindi, walang mga miyembro ng sangkatauhan ang mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, o makakapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng pagdadalisay ng Diyos ang maglilinis sa kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang maglalantad sa mga mapaghimagsik na bahagi ng sangkatauhan, at sa gayon ay matutukoy kung sino ang mga puwede at di-puwedeng maligtas, at ang mga maaari at hindi maaaring manatili. Kapag natapos na ang gawaing ito, ang lahat ng taong maaaring manatili ay dadalisayin at papasok sa isang mas mataas na mundo ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay ng tao sa lupa; sa madaling salita, papasok sila sa araw ng pamamahinga ng sangkatauhan at mamumuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi maaaring manatili, ang kanilang mga tunay na kulay ay ganap na mailalantad, pagkatapos nito ay lilipulin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na kabibilangan ng sinumang mga tao na ganito ang uri; hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pamamahinga ang ganitong mga tao, at hindi rin sila angkop na pumasok sa araw ng pamamahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng mga tao, dahil sila ang mga target na maparusahan, at sila ay masasama, hindi matutuwid na tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila; minsan din silang nagtrabaho para sa Diyos. Gayumpaman, pagdating ng huling araw, ititiwalag at lilipulin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang paghihimagsik at kawalan ng lunas; hindi na sila kailanman muling mabubuhay sa mundo ng hinaharap, at hindi na mabubuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, lilipulin ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng hindi nailigtas sa sandaling ang ginawang banal sa gitna ng sangkatauhan ay pumasok na sa pamamahinga. Para naman sa mga espiritu at tao na ito na gumagawa ng masama, o mga espiritu ng matutuwid na tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang panahon, sa huli, ang lahat ng masama ay lilipulin, at ang lahat ng matuwid ay mananatiling buhay. Kung makatatanggap ba ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan batay sa gawain ng huling kapanahunan; sa halip, tinutukoy ito batay sa kung sila ba ay lumaban o naghimagsik sa Diyos o hindi. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi maliligtas ay tiyak na magiging mga target ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maililigtas ay tiyak na magiging mga target din ng kaparusahan. Ang mga tao ay inuuri ayon sa kabutihan at kasamaan, at hindi sa kung anong panahon sila nabubuhay. Kapag nauri na nang gayon, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan; sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti kapag natapos na Niyang maisakatuparan ang gawain Niya ng paglupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas sa sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matutuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain; hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkaraang matapos ang Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang sisimulan ang gampanin ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang natapos ang Kanyang gawain. Ang tanging layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti ay ang lubusang madalisay ang lahat ng tao upang madala Niya ang isang ganap na pinabanal na sangkatauhan sa walang hanggang kapahingahan. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ang pinakamahalaga; ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat magsagawa nito; hindi maaaring ang tao ang gumawa nito sa halip na Siya. Sapagkat ang paghatol ay ang paggamit ng katotohanan upang lupigin ang sangkatauhan, hindi mapag-aalinlanganan na nagpapakita pa rin ang Diyos sa gitna ng mga tao nang nasa nagkatawang-taong wangis upang gampanan ang gawaing ito. Ibig sabihin, gagamitin ni Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao mula sa lahat ng lugar at malinaw na ipahayag sa kanila ang lahat ng katotohanan. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos. Marami ang hindi komportable tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa lahat ng tao na maniwala na ang Diyos ay magkakatawang-tao upang gawin ang gawain ng paghatol. Gayumpaman, kailangang sabihin Ko sa iyo na kadalasan, ang gawain ng Diyos ay lumalampas nang labis sa mga inaasahan ng tao, at mahirap para sa isipan ng mga tao na tanggapin ito. Sapagkat ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ang Siyang kataas-taasang pumupuno sa sansinukob; ang isipan ng tao ay katulad ng isang hukay ng umaalingasaw na tubig, at nagluluwal lamang ito ng mga uod, samantalang ang bawat yugto ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay ang kristalisasyon ng karunungan ng Diyos. Palaging sinusubukan ng tao na makipagtunggali sa Diyos, kung saan ay sinasabi Ko na hayag na hayag kung sino ang magdurusa ng kawalan sa katapusan. Hinihikayat Ko kayong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa sa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, bakit hindi mo kaya? Gaano ka ba kataas kaysa sa iba? Kung kaya ng iba na iyuko ang ulo nila sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon? Ang gawain ng Diyos ay hindi mapipigilan. Hindi na Niya uulitin ang gawain ng paghatol dahil sa “kontribusyon” na nagawa mo, at madudurog ang puso mo sa pagsisisi dahil pinalampas mo ang gayon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, hintayin mo na lamang na “hatulan” ka ng malaking puting luklukan na iyon sa langit! Kailangang malaman mo na lahat ng Israelita ay tinanggihan si Jesus, at itinatwa nila si Jesus, gayunman ang katunayan ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan ay umabot pa rin sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Hindi ba’t isa itong katunayan na matagal nang isinakatuparan ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin na dalhin ka ni Jesus paakyat sa langit, kung gayon ay sinasabi Ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy. Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na mananampalataya na kagaya mo, na hindi tapat sa katotohanan at naghahangad lamang ng mga pagpapala. Sa kabaligtaran, hindi Siya magpapakita ng awa sa paghahagis sa iyo sa lawa ng apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libong taon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula
Bakit Bumabalik ang Panginoon Upang Gawin ang Gawain ng Paghatol sa mga Huling Araw?
Ang Paghuhukom ng Diyos sa mga Huling Araw ang Kaligtasan para sa Tao
Kaugnay na mga Himno
Hahatulan at Dadalisayin ng Diyos ang Lahat ng Lumalapit sa Harapan ng Kanyang Luklukan
Ang Paghatol ang Pangunahing Paraan ng Diyos Upang Gawing Perpekto ang Tao
Ipinapamalas ng Paghatol at Pagkastigo ang Pagliligtas ng Diyos