21. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang mga Mananampalataya sa Panginoon ay Mabubuti Na ang Pag-uugali at Nagbago Na, Kaya Hindi Na Nila Kailangang Tanggapin ang Paghatol at Pagdadalisay sa mga Huling Araw”

Tinatanong ng mga tao sa mundo ng relihiyon: “Mula nang sumampalataya kami sa Panginoon, naging mapagpakumbaba at matiisin kami, minahal namin ang aming mga kaaway, pinasan ang krus, tinalikuran ang mga makamundong bagay, at gumawa at nangaral para sa Panginoon. Nagkaroon na kami ng kaunting pagbabago. Pagdating ng Panginoon, madadala kami sa kaharian ng langit. Kaya bakit ninyo sinasabi na kailangan naming tanggapin ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw upang maging dalisay?”

Mga Salita Mula sa Bibliya

“Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang sumusunod sa kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagpropesiya kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga diyablo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha? At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 7:21–23).

“Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailanman: ang anak ang nananahan magpakailanman” (Juan 8:34–35).

“Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang matitirang sakripisyo para sa mga kasalanan, kundi isang kakila-kilabot na paghihintay sa paghatol at isang nagpupuyos na poot, na lalamon sa mga kaaway” (Mga Hebreo 10:26–27).

“Hangarin ninyo ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at ang kabanalan, na kung wala ito ay sinuman ay hindi makakakita sa Panginoon” (Mga Hebreo 12:14).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ganoon ba kadaling magawang perpekto sa harap ng Diyos bilang isang banal na tao o isang taong matuwid? Isang totoong pahayag na “walang matuwid sa ibabaw nitong lupa, ang mga matuwid ay wala rito sa mundo.” Kapag haharap kayo sa Diyos, isaalang-alang ninyo ang inyong kasuotan, ang inyong bawat salita, pagkilos, at galaw, ang bawat kaisipan at ideya, maging ang mga panaginip na pinapangarap ninyo araw-araw—lahat ng mga iyon ay para sa inyong sariling kapakanan. Hindi ba ito ang totoong kalagayan ng mga bagay-bagay? Ang “pagkamatuwid” ay hindi nangangahulugang pagbibigay ng limos sa iba, ito ay hindi nangangahulugan ng pag-ibig mo sa iyong kapwa gaya ng sa iyong sarili, at hindi ito nangangahulugan ng pag-iwas sa pag-aaway at pagtatalo o pagnanakaw at pag-uumit. Ang pagkamatuwid ay nangangahulugan na tinatanggap mo ang atas ng Diyos bilang iyong tungkulin at nagpapasakop ka sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos bilang iyong tungkulin na mula sa langit, kailanman o saanman, tulad lamang ng lahat ng ginawa ng Panginoong Jesus. Ito ang pagkamatuwid na sinabi ng Diyos. Maaaring tawaging matuwid si Lot dahil iniligtas niya ang dalawang anghel na isinugo ng Diyos nang hindi alintana kung ano ang natamo niya o nawala sa kanya; masasabi lamang na ang ginawa niya sa panahong iyon ay matatawag na matuwid, ngunit hindi siya matatawag na taong matuwid. Dahil lamang nakita ni Lot ang Diyos kung kaya ibinigay niya ang kanyang dalawang anak na babae kapalit ng mga anghel, ngunit hindi lahat ng kanyang pag-uugali noong nakaraan ay kumatawan sa pagkamatuwid. Kaya sinasabi Ko na “walang matuwid sa ibabaw nitong lupa.” Sa mga nasa daloy ng pagpapanumbalik, walang sinuman ang matatawag na matuwid na tao. Gaano man kahusay ang iyong mga pagkilos, kahit gaano mo ipinakikitang niluluwalhati mo ang pangalan ng Diyos, hindi sinasaktan ni sinusumpa ang iba, o nagnanakaw o nangangamkam sa iba, hindi ka pa rin matatawag na matuwid, dahil ang gayong mga bagay ay kayang taglayin ng sinumang normal na tao. Ang susing isyu ngayon ay na hindi mo kilala ang Diyos. Masasabi lamang na sa ngayon ay mayroon kang maliit na normal na pagkatao, subalit ikaw ay walang mga elemento ng pagkamatuwid na sinalita ng Diyos, kung kaya wala sa mga ginagawa mo ang makapagpapatunay na kilala mo ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan

Sa relihiyon, maraming taong nagdurusa nang husto sa buong buhay nila: Sinusupil nila ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, at patuloy pa silang nagdurusa at nagtitiis kapag nasa bingit na ng kamatayan! Nag-aayuno pa rin ang ilan sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain at magagarang damit, nakatuon lang sa pagdurusa. Nagagawa nilang supilin ang kanilang katawan at maghimagsik laban sa kanilang laman. Kapuri-puri ang diwa nilang magtiis ng pagdurusa. Ngunit ang kanilang mentalidad, ang kanilang mga kuru-kuro, ang kanilang mental na pananaw, at ang dati nilang kalikasan ay hindi pa napungusan kahit kaunti. Wala silang tunay na pagkakilala tungkol sa kanilang sarili. Ang wangis ng Diyos na nasa kanilang isipan ay ang tradisyonal na imahe ng isang kathang-isip na diyos. Ang determinasyon nilang magdusa para sa Diyos ay nagmumula sa kanilang kasigasigan at mabuting personalidad ng kanilang pagkatao. Kahit nananampalataya sila sa Diyos, hindi nila Siya nauunawaan ni hindi nila alam ang Kanyang mga layunin. Pikit-mata lamang silang gumagawa at nagdurusa para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng anumang halaga ang pagkilatis, halos walang pakialam kung paano titiyakin na talagang tinutupad ng kanilang paglilingkod ang mga layunin ng Diyos, lalo nang wala silang kamalayan kung paano magkamit ng pagkakilala tungkol sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos sa Kanyang likas na wangis, kundi isang Diyos na inilarawan nila sa kanilang isip, isang Diyos na nabalitaan lamang nila, o nabasa lamang nila sa mga nakasulat na alamat. Pagkatapos ay ginagamit nila ang kanilang mayayabong na imahinasyon at pagiging deboto upang magdusa para sa Diyos at isagawa ang gawain ng Diyos na nais gawin ng Diyos. Lubhang hindi tumpak ang kanilang paglilingkod, kaya nga halos walang sinuman sa kanila ang tunay na nagagawang maglingkod sa Diyos alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Gaano man sila kahandang magdusa, ang orihinal nilang pananaw sa paglilingkod at ang wangis ng Diyos sa kanilang isipan ay hindi nagbabago, dahil hindi pa sila sumasailalim sa paghatol, pagkastigo, pagpipino, at pagpeperpekto ng Diyos, ni hindi sila nagabayan ng sinuman gamit ang katotohanan. Kahit nananampalataya sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang sinuman sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas kailanman. Nalalaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga alamat at sabi-sabi. Dahil dito, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng arbitraryong paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang bulag na naglilingkod sa sarili niyang ama. Ano, sa bandang huli, ang makakamit ng gayong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula simula hanggang wakas, ganoon pa rin ang kanilang paglilingkod sa kabuuan; tumatanggap lamang sila ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang naturalesa at sa kanilang sariling mga kagustuhan. Anong gantimpala ang idudulot nito? Kahit si Pedro, na nakakita kay Jesus, ay hindi alam kung paano maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos; nalaman lamang niya ito sa bandang huli, noong matanda na siya. Ano na lang kaya ang masasabi tungkol sa mga taong bulag na hindi pa nakaranas ng kahit kaunting pagpupungos, at walang sinumang gumagabay sa kanila? Hindi ba kagaya ng sa mga taong bulag na ito ang paglilingkod ng marami sa inyo ngayon? Lahat ng hindi pa nakatanggap ng paghatol, hindi pa nakatanggap ng pagpupungos, at hindi pa nagbago—hindi ba’t lahat sila ay yaong hindi pa ganap na nalupig? Ano ang silbi ng gayong mga tao? Kung ang iyong mentalidad, iyong pagkakilala tungkol sa buhay, at iyong pagkakilala tungkol sa Diyos ay hindi nagpapakita ng bagong pagbabago at wala ka talagang napapala, hindi ka magkakamit kailanman ng anumang resulta sa iyong paglilingkod! Kung wala kang pangitain at bagong kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, ikaw ay hindi nalupig. Ang pagsunod mo sa Diyos, kung gayon, ay magiging katulad ng mga nagdurusa at nag-aayuno: maliit ang halaga! Dahil mismo sa walang patotoo sa kanilang ginagawa kaya Ko sinasabi na walang saysay ang kanilang paglilingkod! Ang mga taong ito ay nagdurusa at gumugugol ng oras sa bilangguan sa buong buhay nila, lagi silang matiisin, mapagmahal, nagpapasan ng krus, at sinisiraan sila at itinatakwil ng mundo—nagdaranas ng lahat ng hirap. Bagama’t masunurin sila hanggang sa pinakahuli, hindi pa rin sila nalupig, at walang maibahaging patotoo na nalupig na sila. Nagdusa na sila nang malaki, ngunit sa kanilang kalooban ay ni hindi man lamang nila kilala ang Diyos. Wala sa kanilang dating mentalidad, mga dating kuru-kuro, mga relihiyosong gawi, kaalamang gawa ng tao, at pag-iisip ng tao ang napungusan. Wala sila ni katiting na pahiwatig ng bagong kaalaman sa kanilang kalooban. Wala ni katiting ng kanilang pagkakilala tungkol sa Diyos ang totoo o tumpak. Mali ang pagkaunawa nila sa mga layunin ng Diyos. Paglilingkod ba ito sa Diyos? Anuman ang pagkakilala mo tungkol sa Diyos noong araw, kung ganoon pa rin iyon ngayon at patuloy mong ibinabatay ang iyong pagkakilala sa Diyos sa sarili mong mga kuru-kuro at pag-iisip anuman ang ginagawa ng Diyos, na ang ibig sabihin ay kung wala kang taglay na bago at tunay na pagkakilala tungkol sa Diyos at kung nabigo kang makilala ang likas na wangis at disposisyon ng Diyos, kung ang iyong pagkakilala sa Diyos ay ginagabayan pa rin ng pyudal at mapamahiing pag-iisip at mga imahinasyon at kuru-kuro pa rin ng tao, hindi ka pa nalupig. Ang lahat ng maraming salitang sinasabi Ko ngayon sa iyo ay para ipaalam sa iyo, para akayin ka ng kaalamang ito sa isang mas bago at tumpak na pagkakilala; ang mga ito ay para pungusan din ang mga lumang kuru-kuro at mga lumang kaalaman mo, upang magtaglay ka ng bagong kaalaman. Kung tunay mong kinakain at iniinom ang Aking mga salita, ang iyong kaalaman ay lubhang magbabago. Basta’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos na may pusong mapagpasakop, babaligtad ang iyong pananaw. Basta’t nagagawa mong tanggapin ang paulit-ulit na mga pagkastigo, unti-unting magbabago ang iyong dating mentalidad. Basta’t lubos na napalitan ng bago ang iyong dating mentalidad, magbabago rin ang iyong pagsasagawa ayon dito. Sa ganitong paraan, ang iyong paglilingkod ay lalong magiging tumpak, lalong magagawang tugunan ang mga layunin ng Diyos. Kung mababago mo ang iyong pamumuhay, ang iyong kaalaman tungkol sa buhay ng tao, at ang iyong maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos, unti-unting mababawasan ang iyong naturalesa. Ito, at wala nang iba, ang epekto kapag nilupig ng Diyos ang mga tao, ito ang pagbabagong nangyayari sa mga tao. Kung, sa iyong pananalig sa Diyos, ang tanging alam mo ay supilin ang iyong katawan at magtiis at magdusa, at hindi mo alam kung iyan ay tama o mali, lalo na kung para kanino ito ginagawa, paano maaaring humantong sa pagbabago ang gayong uri ng pagsasagawa?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (3)

Ang pagbabago ng disposisyon ng isang tao ay hindi pagbabago ng pag-uugali, o pakunwaring panlabas na pagbabago o pansamantalang pagbabago na bunsod ng sigasig. Gaano man kabuti ang mga pagbabagong ito, hindi mapapalitan ng mga ito ang mga pagbabago sa buhay disposisyon. Ang dahilan sa lahat ng ito ay na ang mga panlabas na pagbabagong ito ay maaaring makamtan sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng tao, pero hindi makakamtan ang mga pagbabago sa buhay disposisyon sa pamamagitan lang ng sariling pagsisikap ng isang tao. Kailangang maranasan ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos para makamtan ito, gayundin ang pagpeperpekto ng Banal na Espiritu. Kahit nagpapakita ng ilang mabubuting pag-uugali ang mga taong nananampalataya sa Diyos, wala ni isa man sa kanila ang tunay na nagpapasakop sa Diyos, tunay na nagmamahal sa Diyos, o nakasusunod sa kalooban ng Diyos. Bakit ganito? Ito ay dahil kailangan nito ng pagbabago sa buhay disposisyon, at ang pagbabago lang sa ugali ay hinding-hindi sasapat. Ang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na mayroon kang pagkakilala at karanasan sa katotohanan, at na naging buhay mo na ang katotohanan, na maaari nitong patnubayan at pangibabawan ang iyong buhay at lahat ng tungkol sa iyo. Ito ay isang pagbabago sa buhay disposisyon mo. Ang mga tao lamang na nagtataglay ng katotohanan bilang buhay ang mga taong nagbago na ang mga disposisyon. Dati, maaaring mayroong ilang katotohanan na hindi mo maisagawa noong naunawaan mo ang mga iyon, pero ngayon naisasagawa mo na ang anumang aspekto ng katotohanang nauunawaan mo nang walang mga sagabal o paghihirap. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, natutuklasan mong napupuno ka ng kapayapaan at kaligayahan, pero kung hindi mo maisagawa ang katotohanan, nagdurusa ka at nababagabag ang konsensiya. Nakapagsasagawa ka ng katotohanan sa lahat ng bagay, nabubuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at mayroon kang pundasyon sa buhay. Nangangahulugan ito na nagbago na ang iyong disposisyon. Madali mo nang napapakawalan ngayon ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, ang iyong mga kagustuhan at hangarin ng laman, at ang mga bagay na hindi mo mapakawalan dati. Nadarama mo na ang mga salita ng Diyos ay totoong mabuti, at na ang pagsasagawa ng katotohanan ang pinakamainam na gawin. Nangangahulugan ito na nagbago na ang iyong disposisyon. Parang napakasimple ng pagbabago sa disposisyon ng isang tao, pero ang totoo ay isang proseso ito na kinabibilangan ng maraming karanasan. Sa panahong ito, kailangang magtiis ng maraming pagdurusa ang mga tao—kailangan nilang supilin ang kanilang katawan at maghimagsik laban sa kanilang laman, kailangan din nilang tiisin ang pagdurusa ng paghatol, pagkastigo, pagpupungos, mga pagsubok, at pagpipino, at kailangan din nilang dumanas ng maraming kabiguan at pagbagsak, at tiisin ang pagdurusa ng mga panloob na pakikibaka at paghihirap. Pagkatapos nilang maranasan ang mga ito, saka lang magkakaroon ng kaunting pagkaunawa ang mga tao sa sarili nilang kalikasan, pero ang kaunting pagkaunawa ay hindi agad-agad na nagbubunga ng lubos na pagbabago; kailangan nilang dumaan sa mahabang proseso ng mga pagsubok, pagpipino, at pagpupungos, at kailangan nilang patuloy na hanapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan, saka lang nila magagawang iwaksi nang paunti-unti ang kanilang mga tiwaling disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon

Talagang binibigyang-diin ng karamihan sa mga tao ang pag-uugali sa kanilang pananampalataya sa Diyos, at bilang resulta, nagkakaroon ng ilang pagbabago sa kanilang pag-uugali. Pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, humihinto sila sa paninigarilyo at pag-iinom, at hindi na sila nakikipagtunggali sa iba, mas pinipiling magtiis kahit pa nangangahulugan ito ng pagdurusa ng kawalan. Sumasailalim sila sa ilang pagbabago sa pag-uugali. Ang ilang tao, pagkatapos manampalataya sa Diyos, ay tumutuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, nakauunawa ng ilang katotohanan, nakakaranas sa gawain ng Banal na Espiritu, at nakakaramdam ng matinding kasiyahan sa puso nila, at kaya, handa silang igugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at kaya pa nga nilang talikuran ang anumang bagay at magdusa ng anumang paghihirap. Ngunit kung, matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng ilang taon, ang mga tao ay palaging nabibigong hangarin ang katotohanan, kung gayon, dahil walang naging pagbabago sa kanilang buhay disposisyon, hindi maiiwasang patuloy silang gagawa ng parehong mga dating pagkakamali. Hindi lang sila nabibigong iwaksi ang kanilang satanikong disposisyon, kundi nagiging malala lang ito. Umaasa sila sa kanilang tagal sa pananampalataya para makipag-agawan para sa kapangyarihan at pakinabang, nag-iimbot sila sa pera ng iglesia, at naiinggit sila sa tuwing nakikita nilang may ibang nananamantala sa sambahayan ng Diyos, umaasa lang na makakuha ng mas malalaking benepisyo para sa kanilang sarili—nagiging mga linta at salot sila sa loob ng sambahayan ng Diyos. Bilang resulta, ang ilan ay nagiging mga huwad na lider at mga anticristo, at nabubunyag at natitiwalag. At ano ang pinatutunayan ng mga katunayang ito? Ang mga pagbabago lang sa pag-uugali ay hindi napapanatili; kung walang pagbabago sa buhay disposisyon ng mga tao, sa malao’t madali, ipapakita nila ang mga tunay nilang kulay. Ito ay dahil ang pinagmumulan ng mga pagbabago sa pag-uugali ay ang kasigasigan, at bukod pa rito, gumagawa ang Banal na Espiritu ng ilang gawain sa panahong ito, kaya nagiging napakadali para sa mga tao na maging masigasig o magpakita ng kaunting kabaitan sa loob ng maikling panahon. Katulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Madali ang paggawa ng isang mabuting bagay; ang mahirap ay ang habambuhay na paggawa ng mabubuting bagay.” Bakit walang kakayahan ang mga tao na gumawa ng mabubuting bagay sa buong buhay nila? Sapagkat sa kalikasan, ang mga tao ay buktot, makasarili, at tiwali. Ang pag-uugali ng isang tao ay dinidikta ng kanyang kalikasan; anuman ang kalikasan ng taong iyon, gayundin ang mga likas na pagbubunyag niya, at iyon lamang likas na ibinubunyag niya ang kumakatawan sa kanyang kalikasan. Hindi magtatagal ang mga pagkukunwari. Kapag gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, hindi ito upang palamutian ang tao ng mabuting pag-uugali—ang layon ng gawain ng Diyos ay ang baguhin ang disposisyon ng mga tao, baguhin sila hanggang sa kaibuturan at gawin silang mga bagong tao. Ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos sa tao ay pawang nagsisilbi upang baguhin ang kanyang disposisyon upang makamit niya ang pagpapasakop at katapatan sa Diyos, at tunay siyang sumamba sa Diyos. Ito ang resulta na nais makamit ng Diyos sa Kanyang gawain, at ito rin ang pakay ng gawain ng Diyos. Ang pagpapakabait ay hindi katulad ng pagpapasakop sa Diyos, lalong hindi ito katumbas ng pagiging kaayon kay Cristo. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay batay sa doktrina at bunga ng sigasig; hindi batay ang mga ito sa tunay na pagkakilala sa Diyos o sa katotohanan, lalong hindi batay sa paggabay ng Banal na Espiritu. Bagama’t may mga pagkakataon na ang mga tao ay medyo nabibigyang-liwanag o nagagabayan ng Banal na Espiritu, hindi ito isang pagbubunyag ng buhay nila. Hindi pa sila nakapasok sa mga katotohanang realidad, at ang kanilang buhay disposisyon ay hindi talaga nagbago. Gaano man kabuti ang pag-uugali ng isang tao, hindi ito nagpapatunay na nagpapasakop siya sa Diyos o na isinasagawa niya ang katotohanan. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay hindi kumakatawan sa mga pagbabago sa buhay disposisyon at hindi maaaring ituring ang mga ito bilang mga pagbubunyag ng buhay.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Sa huli ay sasabihin ng ilang tao, “Napakarami kong nagawang gawain para sa Iyo, at kahit na wala akong nakamit na anumang bagay, nagtiis ako ng paghihirap. Hindi Mo ba ako maaaring papasukin na lamang sa langit para kainin ang bunga ng buhay?” Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; iyong marurumi ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, iyong marurumi ay hindi pinapayagang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t puwedeng marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli, ikaw pa rin ay kalunos-lunos na marumi, at hindi ito katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pagkakalikha ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nag-alok ng gayong madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga nambobola sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makababasag dito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, iyong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila iyong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at tuparin nang maayos ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi ka naghahangad ng pagbabago sa iyong sariling buhay disposisyon, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—ito ay isang katotohanang hindi mababago!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, noong tinubos ang tao, ito ay pagtubos lamang—ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga—ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi naalis. Ang tao na napakarumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging kalipikadong maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging kalipikado na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng kasalukuyang gawaing ginagawa ay para madalisay at mabago ang tao; ito ay upang magawa ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng salita, at sa pamamagitan ng pagpipino. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang gawain ng pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng paglupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)

Hindi mababago ng mga tao mismo ang mga disposisyon ng mga tao; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa mga pagsubok at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pagkakapungos at pagdidisiplina ng Kanyang mga salita. Saka lamang sila magkakamit ng pagpapasakop at katapatan sa Diyos, at hindi na magiging pabasta-basta sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng pagsisiwalat, paghatol, pagdidisiplina, at pagpupungos ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na magagawa nilang magpasakop sa pinakabagong mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain. Kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, magagawa nilang bitiwan ang mga kuru-kurong ito at kusang magpasakop. Noong araw, ang usapan tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumukoy sa paghihimagsik laban sa sarili, pagpapahintulot na magdusa ang laman, pagdidisiplina sa katawan, at pag-aalis sa sarili ng mga makalamang kagustuhan—na isang uri ng pagbabago sa disposisyon. Ngayon, alam ng lahat na ang tunay na pagpapakita ng pagbabago sa disposisyon ay pagpapasakop sa pinakabagong mga salita ng Diyos at tunay na pagkakilala sa Kanyang bagong gawain. Sa ganitong paraan, maaaring mapawi ang dating batay-sa-kuru-kurong kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, at makapagtatamo sila ng tunay na pagkilala at pagpapasakop sa Diyos—ito lamang ang tunay na pagpapamalas ng isang pagbabago sa disposisyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos

Si Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at para himayin ang mga salita at gawa ng tao. Ang mga salitang ito ay naglalaman ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, kung paano dapat magpasakop sa Diyos ang tao, kung paano dapat maging tapat sa Diyos ang tao, kung paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao, sa diwa, ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at kung paanong ang tao, sa diwa, ay isang mapanlabang puwersa laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at nagpupungos Siya sa mahabang panahon. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang hinding-hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; ang ganitong uri lamang ng paghatol ang makasusupil sa tao at makakakumbinsi sa kanya nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay mabibigyan-kakayahan siyang magkamit ng tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa sarili niyang paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, malawak na pagkaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos, at malawak na pagkaarok sa mga hiwagang hindi niya kayang unawain. Binigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, pati na ang matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bungang lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. Kung hindi mo itinuturing na mahalaga ang mga katotohanang ito, kung palagi mong sinusubukang iwasan ang mga ito o palagi kang naghahanap sa labas ng mga ito ng isang bagong daan palabas, kung gayon ay sinasabi Kong lubha kang makasalanan. Kung nananampalataya ka sa Diyos, ngunit hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos, ni minamahal ang daan na naglalapit sa iyo sa Diyos, kung gayon ay sinasabi Kong ikaw ay isang tao na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa malaking puting luklukan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinuman sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng mas mabigat pang kaparusahan. Iyong mga nagsisilapit sa harap ng Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol, at higit pa rito ay nadalisay na, ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Siyempre, ito ay isang bagay na nabibilang sa hinaharap.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Kaugnay na mga Himno

Iyong mga Hindi Ginawang Perpekto ay Hindi Makatatanggap ng Pamana ng Diyos

Itinatakda ng Diyos ang Kalalabasan ng Tao Batay sa Kung Taglay Niya ang Katotohanan

Sinundan:  20. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Paghatol ng Malaking Puting Trono sa mga Huling Araw ay Tungkol sa Paggantimpala sa Mabubuti at Pagparusa sa Masasama, at Hindi Ito Kaligtasan”

Sumunod:  22. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Diyos ay Trinidad”

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger