Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (11)
Sa nakaraang pagtitipon, pinagbahaginan natin ang ikasiyam na aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Tumpak na ipagbigay-alam, iatas, at ipatupad ang iba’t ibang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga hinihingi nito, magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat, at mag-inspeksiyon at magsubaybay sa estado ng pagpapatupad sa mga ito.” Pinagbahaginan natin ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa at ang gawaing dapat nilang gawin, at hinimay rin natin ang ilan sa mga pag-uugali ng mga huwad na lider. Bagama’t hindi natin pinagbahaginan ang mga detalye kung paano ipapatupad ng mga lider at manggagawa ang bawat pagsasaayos ng gawain, pinagbahaginan naman natin ang mga detalye ng mga prinsipyo para sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos na iyon, pati na rin kung ano ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Nagkaroon na ba kayo ng mas partikular at tumpak na pakahulugan ng gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa sa pamamagitan ng pagbabahaginan natin sa ikasiyam na aytem? Maliwanag na ba sa inyo ngayon ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Ang pangunahing bagay para sa kanila ay ang ipatupad ang gawain ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng gawain ng Kanyang sambahayan. Iyon na iyon sa kabuuan. Ngayon, maliwanag na sa ating lahat. Kung anong gawain ang dapat gawin ng isang lider o manggagawa sa sambahayan ng Diyos, at kung ano ang mga responsabilidad nila, ay dapat na napagbahaginan na nang detalyado sa ikasiyam na aytem. Talagang komprehensibo ito. Tinutukoy ang saklaw ng kanilang mga responsabilidad, at ang gawaing dapat nilang gawin, pati na rin kung paano nila ito dapat gawin, ay malinaw ring ipinapahayag. Kung may isang taong hindi pa rin alam kung paano gumawa ng kongkretong gawain ngayong malinaw nang naipahayag ito, problema iyon ng pagkakaroon niya ng mahinang kakayahan. Siya ang klase ng huwad na lider na hindi kayang gumawa ng gawain. May isa pang klase ng huwad na lider na nagsasaayos ng gawain sa pamamagitan lamang ng kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at padalos-dalos na ginagamit ang mga tao, na nagreresulta sa pagkakaroon ng napakaraming taong gumagawa sa iisang gawain. Hindi lang hindi nagagawa nang maayos ang gawain—ginugulo nila ito nang husto, hanggang sa hindi na ito makausad. Hindi kailanman ipatutupad ng mga huwad na lider ang mga pagsasaayos ng gawain, lalong hindi sila gagawa ng tunay na gawain. Ginagawa lamang nila ang gawaing gusto nila, tumutuon lamang sila sa gawain ng mga pangkalahatang usapin; kapag gumagawa sila, ang alam lang nila ay ang mag-utos at maglitanya ng mga hungkag na kasabihan at doktrina. Hindi nila kailanman sinusubaybayan ang gawain, ni iniisip kung naging epektibo ba ito. Isang klase ito ng huwad na lider. Sa madaling salita, kung ang isang tao ay hindi man kayang gumawa ng tunay na gawain o hindi gumagawa ng tunay na gawain bilang isang lider—maging anuman ang sitwasyon—kung hindi niya kayang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa o gawin ang gawain na atas ng Diyos, at kung hindi niya kayang ipatupad ang iba’t ibang bahagi ng gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, isa siyang huwad na lider.
Ngayon, sa pamamagitan ng pagbabahaginan natin tungkol sa siyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa at sa pagsisiwalat natin sa iba’t ibang paraan kung saan naipapamalas ang mga huwad na lider, nagkamit na ba kayo ng kaunting pangunahing kaalaman at pang-unawa kung paano tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Kung gayon, sa tingin ba ninyo ay madaling gawin ang gawain ng sambahayan ng Diyos? Mabibigat ba ang mga hinihingi sa tao? Sobra-sobra ba ito? (Hindi mabibigat ang mga iyon; kaya naming matugunan ang lahat ng hinihinging iyon.) May mga lider at manggagawa bang nagsasabing, “Napakaraming aytem at uri ng gawain na hinihingi ng sambahayan ng Diyos na gawin namin. Mas mataas ang isang lider, mas malawak ang saklaw ng kanyang gawain, at mas maraming aytem ng gawain na siya ang responsable. Para magawa nang maayos ang gawaing iyon at matiyak na maipapatupad ito ayon sa mga hinihingi ng Itaas—hindi ba’t mamamatay kami sa kapaguran?” Mayroon na bang bumagsak sa sobrang pagod dahil ginawa niya nang maayos ang lahat ng kongkretong gawain, dahil ipinatupad niya ang bawat aytem ng gawain kung saan ito nararapat? (Wala.) May nagkasakit na ba dahil sa kapaguran? Mayroon bang sinuman na sa sobrang kaabalahan ay wala nang oras para kumain o matulog? (Wala.) Maaaring sabihin ng ilan, “Anong ibig sabihin ninyong, wala? May ilang tao na talagang napapagod sa paggawa sa gawain ng iglesia, dahil matagal na panahon silang hindi nakakakain sa tamang oras, o nakagagawa at nakapagpapahinga sa maayos na paraan, kung saan balanse ang pagtatrabaho at pahinga. Humahantong sila sa pagkakaroon ng mga sakit dahil sa kapaguran.” Nabalitaan na ba ninyo na nangyari ang gayong sitwasyon? (Hindi.) May nakaramdam na ba ng takot at pangamba pagkatapos nilang marinig ang ikasiyam na aytem at makita ang mga partikular na nilalaman ng iba’t ibang aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos, pati na ang mga hinihinging pamantayan nito para sa mga lider at manggagawa sa paggawa sa partikular na gawaing ito? Pakiramdam ba nila ay, “Hindi madaling maging isang lider o manggagawa. Kung walang malusog na katawan, mahusay na kakayahan, bukas na puso, at pambihirang enerhiya at lakas, sino ang makakagawa nang maayos sa trabaho?” Mayroon na bang nag-isip ng ganito? Wasto ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito wasto? Una, kapag ginagampanan nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, anuman ang ranggo nila, at komprehensibo man o para sa isang aytem ng gawain ang responsabilidad nila, kahit papaano ay dapat gawin nang maayos ng mga lider at manggagawa ang pangunahing gawain nila, pati na rin ang hindi hihigit sa isa o dalawang karagdagang aytem ng gawain. Kahit pa atasan sila ng komprehensibong gawain, hindi ibig sabihin niyon na kailangan nilang gumawa ng komprehensibong pagsubaybay o pagpatnubay. Dapat silang tumuon sa pangangasiwa sa pinakakritikal na gawain, o sabay-sabay nilang asikasuhin ang mahihinang bahagi sa ilang partikular na aytem ng gawain. Maaaring ang ilang tao ay puno ng enerhiya, may malaking pagpapahalaga sa responsabilidad, at mahusay ang kakayahan, at kaya nilang gumawa ng maraming klase ng komplikadong gawain, pero ang pangunahin nilang gawain ay binubuo lamang ng isa o dalawang aytem ng gawain. Sa ibang gawain naman, kailangan lang nilang kumustahin ang lagay niyon, mag-usisa tungkol doon, at subukang unawain iyon, at lutasin lamang ang mga problemang matutuklasan nila. Iyon ang isang bahagi nito. Ang isa pang bahagi ay iyong kahit pa sabay-sabay nilang pinapangasiwaan ang ilang aytem ng gawain, kailangan lang nilang umasa sa mga pangunahing superbisor para gawin ang mga aytem na iyon ng gawain. Ang gagawin lang nila ay ang pangasiwaan ang iba’t ibang aytem ng gawain, subaybayan ang mga ito, at patnubayan ang mga ito; ang pangunahing gawaing sila mismo ang gagawa ay nag-iisang aytem pa rin ng gawain. Mapapagod ba ang isang tao dahil sa paggawa sa iisang aytem ng gawain? (Hindi.) Kung sapat ang kakayahan ng isang tao at kayang bumagay ng isip niya, makatwiran niyang isasaayos ang gawain pagdating sa kung paano ilalaan ang oras at kung paano ito gagawin nang mahusay. Hindi siya malalagay sa isang magulong kalagayan, na walang paraan para makausad. Hindi siya magmumukhang napakaabala—gagawa siya ayon sa itinakdang iskedyul—pero ang gawain ay magiging mahusay, at magbubunga ito ng magagandang resulta. Iyon ang isang taong may kakayahan, na alam kung paano makatwirang maglaan ng tao at oras. Magugulo ang mga taong walang kakayahan o mahina ang kakayahan, anumang gawain ang kanilang ginagawa. Sobrang abala sila araw-araw, pero kung ano ba ang pinagkakaabalahan nila, sila mismo ay hindi iyon masabi nang sigurado. Wala silang iskedyul, walang konsepto ng oras; napakaaga nila gumising at gabing-gabi na kung matulog; hindi sila makakain sa mga regular na oras—pero pagdating sa pagiging episyente ng gawain, wala silang nagagawang anumang tunay na gawain. Hindi ba’t isang kaso ito ng napakahinang kakayahan? (Ganoon nga.) Mukhang abala araw-araw ang ganitong klase ng tao, na hindi na siya nakakapagpahinga, pero hindi niya matumbok ang sentro ng gawain, ni matukoy kung ano ang agarang trabaho at kung ano ang puwedeng ipagpaliban, at hindi siya mahusay sa paglutas ng mga problema. Pinababagal nito ang gawain. Halos sasabog na ang kanyang puso sa pagkabalisa, at nagkakasugat ang bibig niya. Pero kahit sa mga sitwasyong ito, hindi siya bumabagsak dahil sa kapaguran. Maaaring gumawa nang mahigit sa walong oras sa isang araw ang mga taong may mahinang kakayahan, pero mas mahina ang pagiging episyente ng gawain nila kaysa sa mga taong may mahuhusay na kakayahan. Kaya, kailangan nilang magpakaabala, hindi ba? Dapat lang—wala silang makuhang mga resulta, kahit na abala sila; kung hindi sila magpapakaabala, mapaparalisa ang gawain. Ito ay isang taong may napakahinang kakayahan na hindi kayang maging mahusay sa gawain o umako nito. Bukod pa rito, mayroong maraming aytem sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at ang mga hinihingi ay medyo istrikto pagdating sa mga tao at oras. Karamihan sa mga tao, kapag medyo mas abala sila, ito ay para pagsikapan nilang maging mahusay at makakuha sila ng magagandang resulta, dahil naiiba ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa mga negosyo at pabrika ng mundong walang pananampalataya: Ang kailangan sa mga iyon ay mga pakinabang na pang-ekonomiya, samantalang binibigyang-diin natin ang mga resulta ng gawain. Pero dahil karamihan sa mga tao ay may mahinang kakayahan, walang prinsipyo at sobrang hindi mahusay sa kanilang gawain, nangangailangan sila ng mas maraming oras para magkaroon ng mga resulta. Karamihan ba sa inyo ngayon ay wala nang mga negatibong naiisip tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Isang bagay ang sigurado: Hindi babagsak ang mga lider at manggagawa dahil sa kapaguran sa paggawa nang ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Bukod sa mga panlabas at obhetibong bagay na ito, may isa pang bagay na matitiyak ninyo: Kung may pasanin ang isang tao at may partikular siyang kakayahan—at hindi niya binabalewala ang katunayan na mayroong gawain ng Banal na Espiritu—sa ilang problemang hindi niya maisip o inaasahan, at sa ilang usaping hindi pa niya napagdaanan noon at wala pa siyang karanasan, palagi siyang paaalalahanan ng Banal na Espiritu, na magbibigay-liwanag at tutulong sa kanya anumang oras. Hindi ganap na umaasa ang gawain ng iglesia sa lakas, enerhiya at mga pasanin ng tao para magawa ito—ang isang bahagi nito ay dapat umasa sa gawain at pamumuno ng Banal na Espiritu, gaya ng naranasan na ng karamihan sa mga tao. Kaya, saang anggulo man ito tingnan ng isang tao, ang pagtupad sa kanyang mga responsabilidad ang dapat na makamit ng isang lider o manggagawa. Hindi ito karagdagang hinihingi sa kanya. Kapag gumagawa sa mundo ang mga walang pananampalataya, kumikilos sila batay sa kanilang personal na kakayahan. Iba ang paggampan sa tungkulin sa sambahayan ng Diyos: Hindi ito basta ginagampanan lang batay sa kakayahan ng isang tao—dapat din siyang umasa sa kanyang pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo kung gusto niyang magkamit ng mga resulta. Minsan, dapat din silang magtulungan at magkaisa nang matiwasay kung gusto nilang magampanan nang maayos ang tungkulin nila. Maaaring magtanong ang ilan, “Ang paggawa ba sa sambahayan ng Diyos ay humihingi sa amin na ‘sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya namin hanggang sa araw ng aming kamatayan’? ‘Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito’—kailangan ba naming makamit iyon? Titigilan lang ba kami ng sambahayan ng Diyos kapag mamamatay na kami sa kapaguran?” Ito ba ang hinihingi ng Diyos sa tao? (Hindi.) Ang pagbabahaginan natin sa mga hinihingi para sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay para lang magbigay-linaw at pang-unawa sa mga tao tungkol sa kung paano makipagtulungan sa gawain ng Diyos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo at mga pamamaraan ng gawain na hinihingi Niya, para makausad ang Kanyang gawain sa isang maayos at epektibong paraan, at upang ang mga salita at gawain Niya ay makapagkamit ng mas magagandang resulta sa mga hinirang Niyang tao. Ang isang aspekto nito ay tungkol sa pagpapaunlad at pagpapalaganap sa gawain; ang isa pa ay tungkol sa pagkakaroon ng mga salita at gawain ng Diyos ng mga epektong dapat makamit ng mga ito sa mga sumusunod sa Kanya. Ito ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at ang kailangan nilang makamit sa gawain nila.
Ikasampung Aytem: Maayos na Pangalagaan at Makatwirang Ilaan ang Iba’t Ibang Materyal na Aytem ng Sambahayan ng Diyos (mga Aklat, Iba’t Ibang Kagamitan, Pagkaing Butil, at iba pa), at Magsagawa ng mga Regular na Inspeksiyon, Pagmementena, at Pagkukumpuni Upang Mabawasan ang Pagkasira at Pagkasayang; Gayundin, Iwasang Angkinin ng Masasamang Tao ang mga Ito
Ngayon, pagbabahaginan naman natin ang ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Maayos na pangalagaan at makatwirang ilaan ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos (mga aklat, iba’t ibang kagamitan, pagkaing butil, at iba pa), at magsagawa ng mga regular na inspeksiyon, pagmementena, at pagkukumpuni upang mabawasan ang pagkasira at pagkasayang; gayundin, iwasang angkinin ng masasamang tao ang mga ito.” Ang ikasiyam na aytem ay medyo komprehensibong hinihingi sa mga lider at manggagawa. Ang ikasampung aytem ay isa pang malaking seksiyon ng gawain, isa na binubuo ng isa pang partikular na hinihingi para sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang bahaging ito ng gawain ay may kinalaman sa mga aytem na pag-aari ng sambahayan ng Diyos, ang ilan doon ay binili para matugunan ang mga pangangailangan sa buhay ng mga tao na gumagampan sa kanilang tungkulin nang full-time, at ang ilan sa mga iyon ay mga kagamitan, materyal, at iba pa na binili para sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. May ilan ding aklat ng mga salita ng Diyos at ilang bagay na may kinalaman sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at na dapat na ingatan ng sambahayan ng Diyos. Mga bagay ito na may kinalaman sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos. Tatlong kategorya, sa kabuuan: mga aytem na kinakailangan para sa buhay, mga aytem na kinakailangan para sa gawain, at mga aytem na kinakailangan para sa pananampalataya sa Diyos. Binili man ng sambahayan ng Diyos ang mga aytem na ito o inihandog ng mga kapatid, kapag naging pagmamay-ari na ito ng sambahayan ng Diyos, nagkakaroon na ito ng kinalaman sa isyu ng pamamahala at paglalaan ng mga lider at manggagawa sa mga materyal na aytem. Bagama’t sa panlabas ay tila hindi masyadong mahalaga ang gawaing ito kumpara sa buhay iglesia, gawaing administratibo, o propesyonal na gawain, at hindi isang bagay na dapat nasa agenda, mahalagang gawain pa rin ito na kailangang gawin ng mga lider at manggagawa. Ang iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos ay kasama sa gawain, buhay, mga pag-aaral, at lahat ng gayong bagay ng lahat ng taong gumagawa ng mga tungkulin, kaya napakahalaga at hindi dapat balewalain ang pagtatago at makatwirang paglalaan ng mga ito.
Maayos na Pangangalaga
Bilang mga lider at manggagawa, ang mas mahalaga kaysa sa maayos na paggawa sa gawaing administratibo ng iglesia at pagpapabuti sa buhay iglesia ay ang maayos na paggawa sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, pati na rin sa iba’t ibang nauugnay na gawain dito. Dagdag pa rito, ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ay dapat ding bigyan ng angkop na pamamahala. Kailangang itago nang maayos ang mga ito; huwag hayaang amagin o pamahayan ng mga insekto ang mga ito, at huwag hayaang angkinin ng mga tao ang mga ito na para bang ang mga ito ay kanilang personal na pagmamay-ari. Mayroon ding mga partikular na hinihingi at hakbang ang sambahayan ng Diyos kung paano dapat gawin nang maayos ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito. Dapat magsimula ang mga lider at manggagawa sa pamamagitan ng pagsusuri kung ang mga tao bang namamahala sa mga aytem na ito ay angkop, responsableng mga tao, at kung alam ba nila kung paano pangasiwaan ang mga aytem na ito, at kung kaya ba nilang masigasig na tuparin ang kanilang responsabilidad—kung maitatago ba nang ligtas ang mga ito sa mga kamay nila. Halimbawa, sa pagtatago ng mga pagkaing butil, basa ba ang pinag-iimbakan nito kapag tag-ulan—kapag mahalumigmig at madalas ang pag-ulan? Sinusubaybayan ba ito sa tamang oras ng mga taong namamahala rito? Kapag nabasa nga ang mga pagkaing butil, inilalabas ba nila ito para patuyuin? Maingat ba nila itong pinamamahalaan na para bang kanila ito? Mayroon ba silang gayong pagkatao? Mayroon ba silang gayong katapatan? Dapat magsimula ang mga lider at manggagawa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagsusuri sa mga taong namamahala sa mga bagay na ito, para makita kung anong klase ba ang pagkatao nila, at kung may konsensiya at kung matuwid ba sila. Kung mukhang may maayos na pagkatao at mabuting puso ang isang tao, at maayos ang ulat ng karamihan tungkol sa kanya, pero hindi mo alam kung angkop ba siya para pamahalaan ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos, ano ang dapat gawin? Dapat kang magsubaybay, magsuri ng mga bagay-bagay, at mangasiwa. Dapat mong kumustahin ang mga bagay-bagay pagkalipas ng ilang panahon, para malaman kung tinutupad ba ng tagapag-ingat ang responsabilidad nito. Halimbawa, sa mga pagkaing butil, ang pinakamalaking pinangangambahan ay ang pagiging mamasa-masa nito. Dapat suriin ng tagapag-ingat kung mahalumigmig ba ang bodega at kung may posibilidad bang magkaroon ng mga insekto sa mga butil, at dapat siyang humanap ng taong may alam sa mga gayong bagay, para konsultahin at magkaroon siya ng pang-unawa sa kung anong mga pagsasagawa ang maaaring makatiyak na hindi mababasa ang mga butil at hindi aamagin o pamamahayan ng mga insekto. Kapag naitabi na niya ang mga butil, dapat madalas niyang suriin ang bodega, o buksan ang mga bintana para magkaroon ng bentilasyon. Iyon ang talagang pagtupad sa responsabilidad niya. Kung nagkukusa ang tagapag-ingat na gawin ang mga ito nang hindi na kailangan pang udyukan o paalalahanan, siya ay maaasahan, na nakakapanatag ng loob. Kung gayon, paano naman ang mga taong nag-iingat sa iba’t ibang klaseng kagamitan—akma ba sila sa trabaho? Hindi mo pa alam; kailangan mo rin silang subaybayan. Paano ba itinatago ang karamihan sa mga kagamitan kapag hindi kadalasang ginagamit ang mga ito—ang mga elektronikong kagamitan, muwebles, pasilidad, at iba pa? Iniingatan at minementena ba ito ng tagapag-ingat? Nagsasagawa ba siya ng regular na pagsusuri sa mga elektronikong kagamitan, binubuksan at pinapagana ba niya ang mga ito? Sa pamamagitan ng pagtatanong-tanong, maaari mong malaman na regular itong ginagawa ng tagapag-ingat ng mga ito. Maaaring naroon lang ang mga bagay na iyon, hindi ginagamit, pero walang alikabok ang mga iyon, na ang ibig sabihin ay may isang taong madalas na nag-aasikaso sa mga iyon—malalaman mong maayos ang tagapag-ingat ng mga ito, na tinutupad niya ang kanyang responsabilidad. Pagkatapos ay puwede ka nang mapanatag. May mga aklat din ng mga salita ng Diyos. Mahirap makuha ang bawat isa sa mga iyon, at dagdag pa rito, mas mahalaga sa bawat mananampalataya sa Diyos ang mga aklat ng mga salita ng Diyos kaysa sa anumang ibang bagay—higit pa kaysa sa pagkaing butil, mga elektronikong kagamitan, o iba pang gayong aytem. Kaya, pagdating sa mga ito, mas lalong dapat kang maghanap ng tamang tao para pangasiwaan ang mga ito at ng tamang lugar para pagtaguan ng mga ito. Kinakailangan din ang wastong bentilasyon, pangangalaga, at inspeksiyon—hindi niya puwedeng hayaang mabasa o maging mamasa-masa, o ngatngatin ng mga daga ang mga ito. Dapat bantayang lahat ang mga ito. Kaya, ang mga tao bang namamahala sa mga gayong aytem ay angkop para sa trabaho? Dapat mo ring madalas na subaybayan ito. Kung tamad, pabaya, at walang ingat ang mga katiwala, masisira ang ilang aytem, kung hindi dahil sa pagkabasa o amag, sa mga insekto naman. Kawalan lahat ang mga ito, dahil sa pabayang pagmomonitor at pag-iinspeksiyon sa panig ng mga lider at manggagawa. Kung iniingatang mabuti ng mga katiwala ang mga aytem na ito, natupad na ang responsabilidad na ito ng mga lider at manggagawa. Malalaki o maliliit man ang mga aytem na ito, at madalas mang gamitin ang mga ito o hindi, basta’t kasama ang mga ito sa uri ng mga aytem na pag-aari ng sambahayan ng Diyos, dapat na isaayos na pangasiwaan ito ng isang tao. Dapat ligtas ang isang aytem, anumang klase ito at saanman ito nakatago, at dapat tiyaking walang mangyayaring masama rito. Iyon ang ibig sabihin ng maging tapat at responsable. Kung nalamang hindi angkop ang isang taong namamahala sa mga bagay-bagay, ano ang dapat gawin? Dapat siyang ilipat kaagad, at dapat makahanap ng ibang taong papalit sa kanya. Halimbawa, ang ilang tao ay mga tamad, mahilig kumain pero ayaw magtrabaho, ayaw umako ng responsabilidad. Kaswal nilang tinatrato ang mga gamit ng iglesia, na para bang pagmamay-ari ng publiko ang mga ito, nag-aakalang ayos lang basta’t hindi mawala ang mga ito. Pagdating naman sa kung inaamag ba o pinamamahayan ng insekto ang mga iyon, o kung may nasira ba sa mga ito, wala silang pakialam at hindi nagtatanong. Tuwing tatanungin mo sila, sasabihin nilang sinuri nila ang mga ito, at ayos naman ang lahat. Ang totoo, matagal na nilang hindi sinusuri ang mga bagay-bagay. Pagkatapos, isang araw ay may biglang nakatuklas na inamag na ang mga butil, at nginatngat na ng mga daga ang kable ng ilang kagamitan, at maging ang mga aklat ng mga salita ng Diyos ay nabasa na nang sobra kaya malabo at hindi na malinaw ang mga nakasulat doon. Kapag noon lang natuklasan ang mga ito—hindi ba’t masyado nang huli? (Tama, nangyari na ang pinsala.) Resulta iyon ng di-wastong pamamahala. Kung gayon, hindi ba’t hindi angkop ang taong namamahala sa mga iyon? Hindi ba’t mababa ang pagkatao niya at imoral siya? (Oo.) Tatawaging imoral ng mga walang pananampalataya ang ganitong uri ng tao; ano naman ang sinasabi natin? Na masama ang pagkatao ng taong ito, na hindi siya tapat. Ni hindi nga niya matupad ang maliit na responsabilidad na iyon; ni hindi man lang niya magawa ang isang bagay na kayang gawin ng isang taong nagtitiis ng kaunting pasakit, na may kaunting konsensiya at pagkatao. Mananampalataya pa rin ba siya ng Diyos? Maski ang mga walang pananampalataya ay may pananaw na, “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”—ni hindi natutugunan ng taong ito ang pinakamababang pamantayan ng moralidad ng mga walang pananampalataya, kaya malinaw na hindi siya angkop maglingkod bilang miyembro ng mga tauhan na namamahala ng mga aytem. Dapat agarang pangasiwaan ang mga di-angkop na tao, at makahanap ng mga akmang kapalit. Kung hindi mo pinagkakatiwalaan ang mga tauhan mong namamahala sa mga aytem, at wala ka nang oras para masuri mismo ang mga bagay-bagay, o hindi mo masubaybayan ang mga bagay-bagay at matingnan ang mga iyon dahil sa kung anong nagkataong kadahilanan, ano ang dapat gawin sa sitwasyong iyon? Maaari mong pasulatin ng mga garantiya ang taong namamahala ng mga bagay-bagay, na nagsasabing kung may masira sa mga aytem na pinamamahalaan niya ay babayaran niya ito, o na handa siyang tumanggap ng anumang uri ng kaparusahan mula sa sambahayan ng Diyos. Dapat itong lutasin ayon sa sistemang administratibo. Kung magagawa ng lider o manggagawa ang trabaho niya hanggang sa antas na ito, pagtupad iyon sa kanyang responsabilidad.
Ang anumang materyal na aytem sa sambahayan ng Diyos, malaki man ito o maliit, mahal o mura, kapaki-pakinabang man ito sa iyo o hindi, kung ikaw ang pinapamahala rito, responsabilidad mo ito. Ang gawaing ito ay nasa saklaw ng responsabilidad ng mga lider at manggagawa, kaya dapat humanap ka ng tamang tao at tamang lugar para maayos itong mapangalagaan. Huwag mong hayaang masira ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Halimbawa, sa pagtatago ng mga aklat ng mga salita ng Diyos—kapag nakapagsaayos na ang lider o manggagawa ng angkop na tauhan para sa mga ito, dapat pa rin niya itong kumustahin paminsan-minsan: “Maraming aklat ang ipinamahagi kamakailan, pero huwag kang magpabaya, kahit na mas kaunti na ang natira. Sa pag-iingat sa mga aklat, ang pangunahing bagay ay ang hindi hayaang mabasa o masira ang mga iyon dahil sa init ng araw, at hindi hayaang masyadong madaganan o mabaluktot ang mga iyon.” Dapat niya itong kumustahin at dapat siyang magtanong-tanong paminsan-minsan. Kapag may mga dumating na bagong aklat, dapat niyang itanong kung gaano kahusay na iniingatan ang mga ito; kung kakasya ba ang lahat ng ito sa orihinal na puwesto, at kung hindi, kung may nakita na bang ibang puwesto para sa mga ito, at kung ano ang kalagayan ng puwestong iyon, kung ligtas ba ito at tuyo; kung naitatabi ba nang maayos ang mga aklat; at kung pinangangambahan ba ang mga daga, kung kailangan bang mag-alaga ng pusa. Ang lahat ng gayong bagay ang dapat na gawin ng mga lider at manggagawa, at ang responsabilidad na dapat nilang tuparin. Maaaring tila hindi mahalaga ang gawaing ito, pero ito ay isa rin sa mga gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa nang regular. Huwag mo itong balewalain—dapat itong seryosohin. Maaaring pagmamay-ari ng publiko ang mga bagay na iyon at hindi pag-aari ng sinumang indibidwal, pero dapat ingatang mabuti ang mga iyon; magiging kapaki-pakinabang man o hindi ang mga iyon sa iyo sa hinaharap, at maaari mo mang gamitin o hindi ang mga iyon, responsabilidad mong ingatan nang mabuti ang mga iyon, nakaatas sa iyo ang tungkuling ito, at hindi ka dapat maghanap ng anumang dahilan o palusot para ipasa at balewalain ito. Basta’t responsabilidad mo ang isang bagay, ito ay isang bagay na dapat mong pangasiwaan, isang gawaing dapat mong gawin. Sa lahat ng ito, dapat kang mag-usisa at sumubok na unawain ang mga bagay-bagay, o personal na makilahok dito. Kung may oras kang pumunta sa lugar at tingnan ito mismo, siyempre mas mabuti iyon. Pero kung hindi iyon tinutulutan ng mga sitwasyon at kalagayan, o kung masyado kang abala sa gawain, dapat ka pa ring mag-usisa at dapat mo itong kumustahin nang napapanahon, para maiwasang masira o masayang sa anumang paraan ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Ang paggawa nito ay nangangahulugang natupad mo na ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa.
Makatwirang Paglalaan
Pagdating sa mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, may isa pang mahalagang bahagi ng gawain bukod sa pangangalaga sa mga ito: ang makatwirang paglalaan sa mga ito. Lahat ng aytem na ito ay para magamit ng mga tao—lahat ng iyon ay kapaki-pakinabang na bagay—kaya ang pangunahing layon sa pangangalaga sa mga iyon ay para makatwirang magamit ang mga iyon. Bago magamit nang makatwiran ang mga aytem na ito, kailangang makatwirang ilaan ng mga lider at manggagawa ang mga ito. Ano ba ang makatwirang paglalaan? Pagdating sa kung kanino dapat ibigay ang mga aytem na ito para magamit, may mga prinsipyo at panuntunan ang sambahayan ng Diyos. Ang pangunahing layon ng mga aytem na ito, inihandog man ng mga kapatid o binili ng sambahayan ng Diyos ang mga ito, ay hindi para itambak bilang pantulong o panlimos para sa kawanggawa; sa halip, ang mga iyon ay para magamit ng lahat ng kapatid na gumagawa ng kanilang mga tungkulin nang full-time. Kung gayon, kung paano dapat ilaan ang mga ito—kung ano ang mga prinsipyo sa paglalaan ng mga iyon—ay isa pang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa sa kanilang pamamahala sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Binanggit natin dito ang makatwirang paglalaan; sa kasong ito, ang pagiging “makatwiran” ay ang prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos.
I. Makatwirang Paglalaan sa mga Aklat ng mga Salita ng Diyos
Sisimulan natin sa mga libro ng mga salita ng Diyos. Tuwing nagbibigay ng mga bagong libro, may mga hinihingi at panuntunan ang sambahayan ng Diyos pagdating sa mga prinsipyo tungkol sa kung kanino dapat ibigay ang mga librong iyon. Sa iglesia, may mga taong nagbabasa ng mga salita ng Diyos at may mga taong hindi nagbabasa ng mga iyon, may mga taong nagmamahal sa katotohanan at may mga taong hindi nagmamahal dito, at may mga taong gumagawa ng mga tungkulin at may mga taong hindi gumagawa—dapat magkaroon ng pagkakaiba-iba sa pagitan ng mga ganitong uri ng mga tao. May ilan ding mga espesyal na libro sa uri ng mga aklat-aralin—gramatika, mga diksiyonaryo, at iba pang gayong mga instrumental na libro. Dapat ipamahagi ang lahat ng ito nang mahigpit na naaayon sa mga prinsipyo. Dapat ibigay ang mga ito sa mga nangangailangan nito, at hindi sa mga hindi nangangailangan. At pagkatapos ay may ilang instrumental na libro na kakaunti lang na iniimprenta—kung ibibigay ito sa isang indibidwal, ano ang hinihingi sa indibidwal na iyon? Puwede mong basahin ang mga iyon, pero huwag mong sirain ang mga ito; huwag mong iwan sa kung saan-saan ang mga ito o basta-bastang pilasin ang papel ng mga iyon. At dapat na ibalik ang mga iyon sa orihinal na puwesto kapag tapos mo nang basahin. Pagdating naman sa mga aklat ukol sa pananampalataya sa Diyos, dapat ipamahagi ng mga lider at manggagawa ang mga iyon nang mahigpit na naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at dapat nilang hayaan ang mga hinirang na tao ng Diyos na maunawaan din ang mga prinsipyo, at kumilos ayon sa mga ito.
II. Makatwirang Paglalaan sa Iba’t Ibang Uri ng Kagamitan
Ang kasunod ay kung paano ilaan ang iba’t ibang klase ng mga kagamitan. Ito ay medyo kritikal na gampanin. Medyo mas istrikto ang paglalaan sa iba’t ibang klase ng mga kagamitan. Ang mga kagamitang iyon ay kinabibilangan ng mga elektronika, pati na rin ng mga kasangkapang kinakailangan para sa iba’t ibang propesyon. Kapag ipinamamahagi ito ng mga lider at manggagawa, may mga prinsipyo rin dapat doon. Ang mga binibigyan ng mga iyon ay dapat na mga taong kayang pamilyar na paganahin ang gayong kagamitan at gamitin ito nang tama at makatwiran. Kung ang isang tao ay baguhan o sadyang hindi alam kung paano ito gamitin, hindi ito dapat ibigay sa kanya. Ganito dapat lalo na sa magaganda at mamahaling elektronika, gaya ng mga mamahaling kamera at kompiyuter, pati na rin mga pang-rekord na kagamitan, mga photographic device, o mga kagamitang kailangan para sa video post-production—lalong hindi dapat ibigay ang mga ganitong kagamitan sa gayong tao, para maiwasan ang pagkasira nito. Dapat siguruhin ng mga lider at manggagawa na ang mga gumagamit ng gayong kagamitan ay, una, kayang pahalagahan ang mga kagamitan, at pangalawa, kayang gamitin at imentena nang tama ang mga ito. Halimbawa, may ilang kagamitan na ayon sa panuntunan nito ay dapat pagpahingahin nang sampung minuto pagkatapos ng dalawang oras ng paggamit dito para lumamig. Kung hindi ito palalamigin, masisira ang kagamitan at iikli ang buhay nito. Ang mga taong nagpapahalaga sa kagamitan ay gagamitin ito nang mahigpit na naaayon sa mga pag-iingat sa pagmementena; kusa nila itong susundin nang hindi mo sinasabihan, at magiging mas istrikto at mas tumpak pa sila kapag inudyukan mo sila. Angkop ang mga gayong tao na gumamit ng mga kagamitan; akma silang gumamit ng mga mamahaling bagay, dahil alam nila kung paano pahalagahan ang mga kagamitan, at sineseryoso nila ang pag-iingat sa pagmementena at pagkukumpuni rito. Ang gayong mga tao, na kayang pahalagahan ang mga kagamitan at gamitin ito nang normal, ang pinakaangkop para sa paglalaan at pamamahagi ng mga de-kalidad na kagamitan. Dapat magsagawa ang mga lider at manggagawa ng wastong pagbeberipika sa bagay na ito. Kung may mamahaling kompiyuter, at ibinigay ito para magamit ng kahit na sinong humiling sa pamamagitan ng pagsasabi na kailangan niya ito, tama ba ang prinsipyo roon? (Hindi.) Ano ang hindi tama roon? Para sa mga lider at manggagawa, ang isang bahagi ng pamamahagi at paglalaan ng gayong mga bagay ay dapat na ibatay sa propesyonal na kahusayan ng taong naatasan ng gawain; ang isa pang bahagi ay na dapat nilang ibatay ito sa antas ng pagpapahalaga ng taong iyon sa kagamitan, kung mayroon ba itong pagkatao, kung pinapahalagahan ba nito ang kagamitan kapag ginagamit niya ito. Kung hindi alam ng taong iyon kung paano pangalagaan ang kagamitan at hindi siya pamilyar sa mga kasanayan ng propesyon, at gusto lang niyang paglaruan ang kagamitan dahil sa pagkamausisa niya, kung gayon ay dapat siyang limitahan at pagbawalan na gamitin ito. Hindi siya angkop na gumamit at mangalaga sa de-kalidad na kagamitan. Sapat nang bigyan ng mga ordinaryong kagamitan ang mga gumagawa ng mga ordinaryong tungkulin. Ang mga taong may alam sa isang propesyon; may mabuting pagkatao; at marunong gumamit, magmentena, at magpahalaga sa mga kagamitan ay maaaring gumamit ng mga de-kalidad na kagamitan, dahil sanay sila sa isang propesyon at kaya nilang gumamit ng de-kalidad na kagamitan. Kung ang isang taong magulo ang isip o magaslaw ay bibigyan mo ng isang de-kalidad na bagay para magamit nito, masisira niya ang kagamitan sa loob lang ng ilang araw. Hindi na ito magagamit ng iba, at hindi magiging madaling kumpunihin ito. Hindi lamang nito hinahadlangan ang gawain ng iglesia, kundi sinasayang din nito ang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Ano ang ipinahihiwatig dito? Na ang gayong mga tao ay hindi angkop na gumamit ng magagandang kagamitan. Dapat na ibigay ang magagandang kagamitan para magamit ng mga taong may pagkatao, na alam ang pasikot-sikot ng isang propesyon. Sapat nang gumamit ng mga ordinaryong bagay ang mga hindi bihasa sa isang propesyon at mababa ang pagkatao. Makatwiran bang ilaan nang ganito ang mga bagay? (Makatwiran.)
Sa lahat ng uri ng materyal na bagay, ang iba’t ibang tao ay may magkakaibang paraan ng pagtrato sa mga ito. Bumibili ang ilang tao ng mamahaling kompiyuter, at pagkatapos ng dalawang taong paggamit ay mukha pa rin itong bago; kailanman ay wala kang makikitang bakas ng daliri sa screen nito, at napakalinis palagi ng keyboard, walang kahit na anong alikabok. Maayos at malinis din ang desktop, at ang nilalaman ng kompiyuter ay talagang organisado at malinaw lahat. Kung may magsasabi sa kanila na makasasama para sa screen kapag matagal itong ginagamit, itatanong nila kaagad kung ano ang pinakamagandang paraan para maprotektahan ang screen—kung aling paraan ang pinakamainam, iyon ang gagawin nila. Kung may magsasabi sa kanila na kailangang magpahinga ng kompiyuter pagkatapos ng mahabang paggamit, na hindi ito gagana nang maayos kapag masyado itong uminit, na makaaapekto ito sa haba ng buhay ng kagamitan, kapag natanto nila na mahigit dalawang oras na nilang ginagamit ang kanilang kompiyuter ay hihinto sila kaagad para palamigin ito. Kung mabagal itong lumamig dahil napakainit ng panahon, tatapatan nila ito ng bentilador. Tinatrato nila ang kagamitan nang may labis na espesyal na pangangalaga na para bang anak nila ito. Napakamaasikaso at napakamaingat nila kapag inilalagay ito sa bag nito, at kapag inilalagay nila ito sa mesa, kailangang linisin muna nila ang ibabaw ng mesa at ilalagay nila nang tama ang kompiyuter. Hindi ba’t kalakasan nila ito? (Oo.) Hindi lamang pinahahalagahan ng gayong mga tao mismo ang kagamitan—kapag nakikita nila ang iba na sinisira at winawasak ang kagamitan, hindi nila ito matiis. Angkop ang gayong mga tao na gumamit ng magagandang kagamitan. Bumibili rin ng mga mamahaling kompiyuter ang ilang tao na may pera, na hindi man lang nila pinapahalagahan kapag naiuwi na nila. Hindi nila nililinis ang mga ito, maging gaano man ito kaalikabok, at talagang narurumihan nila ang mga ito. Ang ibang mga tao ay gagamit ng isang kagamitan sa loob ng dalawang taon, at magmumukha pa rin itong bago; ginagamit naman ng mga taong ito ang isang kagamitan sa loob ng dalawang buwan, pero mukhang nagamit na ito sa loob ng sampung taon. Sabihan mo silang kailangang imentena ang mga kagamitan, at sasabihin nila, “Para saan pa ang pagmementena ng gamit na iyan? Ang mga kagamitan ay nagsisilbi sa mga tao, para sa pagseserbisyo sa mga tao. Kung masisira iyan, bumili na lang ng bago!” Dahil doon, nasira na ang kagamitan nang wala pang anim na buwan dahil sa maling paggamit. Ano ang tingin ninyo sa gayong mga tao? Angkop ba silang gumamit ng de-kalidad na kagamitan? (Hindi.) Gaano man kaganda ang mga kompiyuter na binibili nila, hindi nila iniisip na pahalagahan ang mga ito, kundi inihahagis lang nila ang mga ito at walang ingat na ipinapatong. Puno na ng mga gasgas ang ilan sa mga kompiyuter nila; ang ilan ay nasira dahil sa tubig; ang ilan ay bumagsak sa sahig at nabasag. Talagang walang ingat sila sa paggamit ng mga ito. May isang bagay na wala sa pagkatao ng mga gayong tao. Handa ba kayong maglaan ng magandang kagamitan para magamit ng gayong mga tao? (Hindi.) Ang ilang tao ay nagsusuot ng salamin, at palaging pinupunasan ang mga lente nito nang napakalinis, samantalang ang mga lente ng ibang tao ay madudungis, may mga dumi at bakas ng daliri at iba pang karumihan sa mga ito. Paano ba nila nagagamit ang mga iyon nang ganoon? Ang maiingat sa kanilang salamin ay maselan kapag inilalapag nila ito; talagang hindi nila hahayaang dumikit ang lente sa ibabaw ng mesa o sa kahit anong bagay, ni pababayaang magasgas ang lente o magkaroon ng anumang kudkod. Napakahalaga ng salamin lalo na sa mga taong malabo ang mata—paano mo pa ito magagamit kung nagasgasan mo na ang mga lente nito? Ang ilang tao ay pabaya sa kanilang mga salamin, at lumalabo na ang mga lente nito pagkatapos nila itong suotin nang maikling panahon lang. Hindi sila makakita nang malinaw kapag sinusuot nila ang mga ito—mas mabuti pa ngang hindi nila ito suot. Pero iniisip nilang ayos lang na isuot ito nang ganoon, na para bang walang pinagkaiba. Naguguluhan Ako rito: Hindi ba’t ang layon nila sa pagsusuot ng salamin ay para makita nang mas malinaw ang mga bagay? Ano bang makikita nila nang malinaw, kung puno naman ng gasgas ang mga lente niyon? Hindi ba’t magagaslaw ang mga taong ito? Talagang magagaslaw! May isang bagay na wala sa pagkatao ng napakagagaslaw na tao—hindi sila marunong mag-alaga ng mga bagay-bagay, lalo pa ang mag-isip na pahalagahan ang mga ito.
Pagdating sa mahahalagang kagamitan at kasangkapan ng sambahayan ng Diyos, ano ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Kapag inilalaan ang gayong kagamitan, dapat itong ibigay sa mga angkop na tao. Ang mga gumagamit ng gayong mahahalaga at de-kalidad na kagamitan ay dapat mga taong talagang marunong magpahalaga sa mga bagay-bagay. Pahahalagahan nila ito, aalagaan ito, at imementena ito; kapag nasa kanila ito, makatitiyak kang hindi nila ito kailanman wawasakin o sisirain nang sinasadya o nang dahil sa mga bagay na kagagawan nila, maliban na lang dahil sa isang sandali ng kapabayaan o kawalan ng isang elemento ng karaniwang kaalaman. Maaaring gamitin ng mga gayong tao ang kagamitang ito; maaaring ilaan sa kanila ang de-kalidad at magandang kagamitan. Sa mga taong likas na hindi maingat sa paggamit ng mga bagay, ayos lang na bigyan sila ng mga ordinaryong bagay para magamit. Gayundin, ang mga tagapag-ingat ng mga gayong kagamitan at kasangkapan ay responsable sa pagtatabi ng mga rekord ng paggamit sa mga ito; kung sino ang kumuha ng kung ano at kung gaano katagal niya itong ginamit, o kung aling aytem ang eksklusibong magagamit ng isang tao, kung sino ang dapat magbayad ayon sa halaga nito kung ito ay masira. Dapat pumirma ang parehong panig sa mga bagay na ito, para patas at makatwiran para sa lahat ang mga bagay-bagay. Dapat ingatang mabuti ang mga kagamitan at kasangkapan, maikli o mahaba man ang paggamit dito; dapat matutuhan ng gagamit na gamitin ito nang tama, at kung pumalya ang mga ito, dapat kumpunihin kaagad ang mga ito. Mas metikulosong nagagawa ang gawaing ito, mas mabuti. Kung umusbong ang isang sitwasyon kung saan inaaresto ng rehimen ni Satanas ang mga tao, ang pinakamahalagang responsabilidad ng mga lider at manggagawa kapag nagkagayon ay ang ilaan ang mahahalagang kagamitan at kasangkapan sa mga maaasahan at mapagkakatiwalaang tao. Kapag naipadala na nila ito, dapat nilang bigyan ng ilang payo ang taong iyon, sabihan ito na, “Galing sa sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito, para magamit mo sa paggampan sa iyong tungkulin. Hindi ito dapat paglaruan. Dapat mong makatwirang gamitin ito at ingatang mabuti ang mga ito. Huwag mong sirain ang mga ito. Dahil kailangan para sa paggampan ng tungkulin ang mga kagamitan at kasangkapang ito, kung may masira sa mga ito, dapat magbayad ayon sa halaga ng mga ito. Kung maaantala ang gawain dahil sa nasirang kagamitan, isyu na iyon na may mas seryosong kalikasan, ibig sabihin ay may ilang panggugulo at pangwawasak na rito. Kaya, dapat mong malaman kung paano gamitin nang tama ang lahat ng klase ng kagamitan at kasangkapan sa paggawa ng mga tungkulin—hinding-hindi mo dapat sirain ang pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos. Siguruhin mong tandaan ang mga prinsipyong ito: makatwirang paggamit, at regular na inspeksiyon, pagkukumpuni, at pagmementena—kung may pumalya, iulat mo ito kaagad at mag-apply para sa pagpapakumpuni.” Para magawa nang maayos ang gawaing ito, sa isang banda ay dapat alam ng mga lider at manggagawa ang mga prinsipyo ng paglalaan at paggamit; sa kabilang banda, dapat nilang ipaalam sa mga gumagamit kung paano magmentena at mag-alaga, at kung paano magkumpuni kung pumalya ito, at iba pa. Ito ay karaniwang kaalaman na dapat unawain at taglayin ng mga tao pagdating sa pag-iingat at paggamit sa lahat ng klase ng kagamitan at kasangkapan.
Dapat makatwirang ilaan ng mga lider at manggagawa ang iba’t ibang kagamitan ng sambahayan ng Diyos. Halimbawa, kung ang isang tauhan sa paggawa ay nangangailangan ng isang kompiyuter na medyo komprehensibo ang mga katangian, dapat kang maglaan ng ganoon sa kanya. Kung sasabihin niyang hindi sapat ang isa, dapat mong itanong kung bakit, at dapat magtanong-tanong ka at alamin mo kung may katunayan ba ang sinasabi niya. Huwag kang basta-basta sumunod sa aplikasyon niya at bigyan siya ng kung gaano karaming kompiyuter ang hinihingi niya, na magbigay ng dalawa kung sinabi niyang hindi sapat ang isa, magbigay ng tatlo kung sinabi niyang hindi sapat ang dalawa. Hindi ba’t kapag ganoon ay namamahagi ka ng mga kompiyuter na para bang laruan ang mga iyon? Hindi ba’t pagiging walang-ingat iyon? Dapat mo munang imbestigahan ang sitwasyon at magpasya ka batay sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Huwag na huwag kang pabasta-bastang mag-apruba ng lahat ng uri ng aplikasyon, kung sakaling may ilang taong basta-basta na lang nag-a-apply na nagkukunwaring gumagawa sila ng isang tungkulin. Bukod dito, maaaring mangailangan ng de-kalidad na kompiyuter ang ilang tao na gumagawa ng mahalagang gawain, pero ang mga personal nilang kompiyuter ay may mas mabababang specs. Dapat na tingnan din ito kaagad ng mga lider at manggagawa, at makatwirang maglaan ng kagamitan. Ang pagbibigay ng mga kompiyuter ay dapat na pagpasyahan batay sa kalikasan ng gawain ng isang tao at sa mga kinakailangang de-kalidad na kompiyuter. Kung isang ordinaryong lider o manggagawa lang ang isang tao, at hindi siya gumagawa ng gawaing may kinalaman sa computer technology o paggawa ng video, at gumagamit lang siya ng mga kompiyuter para gumawa ng mga bagay gaya ng pag-i-internet, paghahanap ng mga sanggunian, at pagtawag, at wala siyang masyadong kinakailangan pagdating sa specs ng kanyang kompiyuter, uubra na sa kanya na gumamit ng ordinaryong kompiyuter. Ang alam lang gawin ng ilang nakatatanda ay mga simpleng operasyon gaya ng pagta-type, pag-o-online, at pagtawag, pero kapag naging lider o manggagawa na sila, binibigyan sila ng mga pinakamamahaling kompiyuter. Makatwiran ba ito? Hindi ba’t naghahanap sila ng mga espesyal na pribilehiyo? Hindi ba’t nagtatamasa sila ng mga pakinabang ng katayuan? (Ganoon nga.) Para saan gagamitin ang ganitong uri ng mga mamahalin at de-kalidad na kagamitan? Dapat ibigay ang mga iyon para magamit ng mga tauhang may kaugnayan dito ang gawain at mga tauhang propesyonal. Hindi ito dapat itugma sa katayuan ng isang tao. Maling pinaniniwalaan ng ilang lider at manggagawa na dapat silang magtamasa ng mga natatanging karapatan sa paggamit ng iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos. Panuntunan ba iyon sa sambahayan ng Diyos? Hindi. Sa sandaling maging mga lider at manggagawa ang ilang tao, binibigyan sila kaagad ng mga de-kalidad na kompiyuter, cell phone, at headphone, at binibigyan sila ng lahat ng klase ng de-kalidad na kagamitan. Ano ang kahihinatnan nito? Ginagawa ba talaga ito para magkamit ng magagandang resulta sa gawain? Hindi ba’t nagnanasa ng kasiyahan ng laman ang mga taong iyon? Para saan mo ba ginagamit ang mga de-kalidad na kompiyuter? Hindi ba’t nagdadaos ka lang ng mga pagtitipon online at nangangaral ng mga salita at doktrina? Marunong ka bang mag-upload ng mga video, o kaya mo bang gumawa ng mga video? Marunong ka bang magmentena ng seguridad ng network, o kaya mo bang gumawa ng mga website? Alam mo ba ang mga propesyong ito? Kung hindi, ano ang gamit sa iyo ng de-kalidad na kompiyuter? Hindi ba’t nakasusuklam gawin ito? (Ganoon nga.) Kung may sarili kang pera, walang makikialam kung ilang kompiyuter man ang bilhin mo, at walang manghihimasok gaano man ka-de-kalidad ang mga iyon. Ang pinag-uusapan natin ngayon ay kung paano makatwirang ilaan ang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “makatwiran”? Kapag ginagamit ng mga lider at manggagawa ang de-kalidad na kagamitang ito ng sambahayan ng Diyos, maituturing ba iyon na “makatwirang” paggamit dito? (Hindi.) Hindi nila alam ang propesyon o kung paano gawin ang kahit ano. Makapagpapataas ba ng antas nila ang pagkakaroon ng de-kalidad na kompiyuter? Bakit ba sila nagpapasikat? Walang panuntunan ang sambahayan ng Diyos na nagbibigay ng natatanging karapatan ng paggamit at paglalaan ng mga materyal na aytem nito sa mga lider at manggagawa; wala silang ganoong natatanging pribilehiyo, at hindi ito makatwirang prinsipyo sa paglalaan ng mga aytem ng sambahayan ng Diyos—hindi talaga ito makatwiran. Maaaring bilhin ng isang tao mismo ang mga bagay na ito kung nasa posisyon siyang gawin iyon; kung hindi naman, at kailangang paglaanan siya ng sambahayan ng Diyos, sapat na ang gumamit siya ng mga ordinaryong kagamitan. Patas at makatwiran ito. Ang mga tunay na nakaaalam kung paano gamitin ang de-kalidad na kagamitang ito ay ang mga propesyonal na tauhang gumagawa sa gawaing ito, kaya dapat ilaan ng sambahayan ng Diyos ang kagamitang ito sa kanila. Ito ang ilang prinsipyong dapat maunawaan at maarok ng mga lider at manggagawa tungkol sa paglalaan ng mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Suriin ninyong muli, batay sa mga prinsipyong ito, para malaman kung ang mga bagay bang ito ay hindi makatwirang nailaan sa kung saan. Kung nagkagayon nga, bilisan ninyo at ituwid ito. Pagkatapos maging mga lider at manggagawa ng ilang tao, nakikita nila na walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang nagpapalakas sa kanila, na walang nagbibigay sa kanila ng mga de-kalidad na aytem, at na suot pa rin nila ang mga sarili nilang lumang damit, ginagamit pa rin nila ang sarili nilang napakaordinaryong maliit na kompiyuter, at na hindi pa sila binibigyan ng sambahayan ng Diyos ng magandang kompiyuter. Kaya, nagpupunta sila sa pangkat ng pananalapi at nag-a-apply na bumili ng isang kompiyuter. Makatwiran ba ito? (Hindi.) Sinasabi nila, “Kung hindi mo ito ibibigay sa akin, hindi ko gagawin ang tungkulin ko—hahanap ako ng pagkakataon para ibili ako ng sambahayan ng diyos ng mas de-kalidad na kompiyuter, isang mas bagong modelo, iyong mas mabilis!” Napakalakas ng loob nila—wala silang hindi pangangahasang gawin. Pagkatapos maging lider ng mga taong ito, tinatrato nilang kanila ang sambahayan ng Diyos, iniisip na, “Akin din ang pera ng sambahayan ng diyos—gagastusin ko ito kung paano ko gusto!” Ito ay isang bagay na kayang gawin ng mga anticristo.
III. Makatwirang Paglalaan sa Iba’t Ibang Uri ng Pang-araw-araw na Suplay at Pagkain
Tapos na tayo sa pagtatalakay tungkol sa makatwirang paglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem at kagamitan. Kasunod nito, pag-uusapan naman natin ang mga bagay para sa araw-araw na pamumuhay, halimbawa: ang mga pagkaing butil, gulay, at tuyong pagkain, pati na rin ang mga kinakailangang sangkap sa pagluluto, ang iba’t ibang suplementong pagkain, at iba pa. Ang mga aytem na ito ay hindi lang dapat makatwirang pangalagaan kundi dapat ding makatwirang ilaan. Kung gayon, paano makatwirang ilalaan ang iba’t ibang aytem na ito? May mga pamantayan ang sambahayan ng Diyos pagdating sa mga pagkain nito, at ang mga namamahala sa gayong mga aytem ay dapat na makatwirang ilaan ang mga iyon nang mahigpit na sinusunod ang mga pamantayang iyon. Hindi sila dapat magbigay ng mas maraming masasarap na pagkain sa mga malalapit ang loob sa kanila. Halimbawa, kung may biniling ilang masarap at de-kalidad na bigas, o kung ang ilang prutas o karne ay paminsan-minsan lang binibili, at nagbibigay ka ng mas marami nito sa sinumang may magandang relasyon sa iyo, o ibinibigay mo ang lahat ng magagandang bagay sa kanila, samantalang ibinibigay mo sa iba ang hindi magaganda—maituturing ba iyong makatwirang paglalaan? (Hindi.) Kung gayon, paano dapat sukatin ang “pagkamakatwiran” dito? Anong paraan ng paglalaan ang maituturing na makatwiran? Ang pantay na paglalaan, ayon sa mga prinsipyo at mga hinihinging pamantayan na itinakda ng sambahayan ng Diyos para sa mga pagkain, ang pagbibigay nang kung gaano ang dapat ipamigay. Kung sa tingin mo ay malapit ka sa isang tao, maaari mong ibigay rito ang parte mo. Huwag kang maging mapagbigay sa mga bagay na pagmamay-ari ng ibang tao, at huwag mong gamitin ang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos para magpakita ng pagiging mapagbigay sa ibang tao; kung gusto mong maging mapagbigay, gawin mo ito sa mga pagmamay-ari mo. Hindi isang prinsipyo sa sambahayan ng Diyos ang pagiging mapagbigay—ang prinsipyo sa sambahayan ng Diyos ay ang makatwirang paglalaan. Ang pamamahagi ng pang-araw-araw na mga kinakailangan sa buhay at iba’t ibang pagkain ay dapat gawin ayon sa mga pamantayang itinakda ng sambahayan ng Diyos, hindi nang pabasta-basta. Natural lang na maaaring pangasiwaan at tingnan ng mga lider at manggagawa kung nasa tamang lugar ba ang puso ng mga taong responsable sa pamamahagi ng mga gayong bagay, kung makatwiran ba ang pamamahagi nila, kung ginagawa ba ang pamamahagi ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, kung paano ito iniuulat ng mga tao, kung may mga reklamo ba ang mga ito, at kung naasikaso ba ang lahat. Anong dapat gawin kung minsan ay kapos sa ilang bagay? Ayos lang bang itabi ng mga lider at manggagawa ang mga iyon para sila mismo ang kakain? Maaaring sabihin ng ilan, “Ang mga lider at manggagawa ang may pinakamataas na katayuan at katanyagan, at karaniwang sila ang pinakamaraming sinasabi sa atin, kaya natutuyo ang bibig nila. Kung mayroong magagandang bagay, itira natin ito para makain nila.” Ayos lang bang ilaan ang mga bagay nang ganito? (Hindi; dapat na itira ang mga bagay para sa mga tunay na nangangailangan ng mga iyon.) Kung kakaunti lang ang ilang medyo mamahaling produktong pangkalusugan, paano dapat ilaan ang mga iyon? Dapat ilaan ang mga iyon sa mga naggugol na ng kanilang sarili nang maraming taon para sa Diyos at nagbigay ng kontribusyon. Hindi maayos ang kalusugan ng mga taong ito dahil sa kanilang edad, pero may konsensiya pa rin nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at talagang nakinabang ang mga kapatid mula sa kanila. Kailangang medyo ingatan at alagaan ng mga taong ito ang kanilang katawan, at tama lang na hayaan silang kumain at gumamit ng mga produktong pangkalusugang iyon. Walang dapat mag-away dahil sa kakulangan ng supply. Ganito dapat ilaan ng mga lider at manggagawa ang mga bagay na ito. Makatwiran ba ito? (Oo.) Kung gayon, tututol ba ang karamihan ng tao sa gayong paglalaan? May nagsasabi bang, “Maaaring hindi ako ganoon katanda, pero marami akong gawaing kailangang gawin—mahigit walong oras akong gumagawa kada araw. Maaaring hindi gaanong mahusay ang paggawa ko, at maaaring hindi ko pa ito nagagawa sa loob ng maraming taon, pero hindi rin ganoon kaayos ang kalusugan ko paminsan-minsan. Bakit walang nagmamalasakit sa akin? Kapag may magagandang bagay, hindi ako kailanman nakatatanggap ng mga iyon, pero kapag may gawaing dapat magawa, palaging ako ang hinahanap”? Dapat bang bigyan ng parte ang taong gaya nito? Dahil may lakas siya ng loob na manghingi nito, magtira kayo para sa kanya—makatwiran ba iyon? Sasang-ayon ba kayong gawin ito? (Hindi.) Kung Ako iyon, sasang-ayon Ako. Bakit tayo masyadong mamomroblema sa mga gayong bagay? Hindi nabubuhay ang mga tao para sa kasiyahan; hindi sila nabubuhay para kumain, uminom, at magpakasaya. Bakit kailangang pag-awayan ang mga iyon? Kung may isang taong gustong makipaglaban para sa mga iyon, at medyo naaangkop naman ang sitwasyon niya, hayaan ninyong medyo matamasa niya ang mga iyon. Nabigyan siya ng kaunting espesyal na pabor, pero hindi ka mawawalan dahil doon; hindi kailangang masyadong mabahala. Kaya, ipagpalagay na may magsasabi, “Bakit hindi mo ako bigyan ng kaunti? Hindi rin maayos ang kalusugan ko; kung talagang makakakain ako ng masarap na pagkain, dahil sa bumuting kalusugan ko, makakaya ko na makagawa pa at magpasan ng higit pang pasakit para sa sambahayan ng Diyos, at mas magiging mahusay ang gawain ko.” Dahil humiling siya nang ganito, huwag mo siyang ipahiya sa pagtanggi rito, ipamahagi mo ang ilan sa kanya. Hindi dapat masyadong mabahala ang ibang tao rito—maging medyo mapagbigay ka. Hindi ba’t magpapatuloy ang buhay mo gaya ng dati kahit wala ang mga iyon? Hindi kapos ang ibinibigay ng Diyos sa mga tao; umaapaw at masagana ito—hindi kailangang pag-awayan ang mga bagay-bagay. Kung may ilang espesyal na aytem, at walang nakararamdam na kinakailangan niya ito o na kailangan niya itong tamasahin, ang alinmang klase ng tao na napagkaisahan ng karamihan na pinakaangkop ang dapat na bigyan nito para kainin. Binibigyang-diin natin ang pagkatao at makatwirang paglalaan ng mga bagay-bagay. Ang mga nagtatamo ng mga bagay na ito ay dapat na tanggapin ang mga ito mula sa Diyos at pasalamatan Siya para sa Kanyang biyaya. Hindi ito dapat pag-awayan ng iba. Kung gagawin mo iyon, hindi ka makatwiran, sinasadya mong manggulo, at wala ka na sa lugar. Ganito dapat harapin ang gayong mga espesyal na sitwasyon. Parehong may mga prinsipyo para sa mga espesyal na sitwasyon at sa mga ordinaryong sitwasyon; hindi dapat tratuhin nang pabasta-basta ang mga ito, lalo pa sa batayan ng mga hinihingi ng mga relasyon ng tao. Kapag makatwirang inilalaan ang mga ito, natupad na ng mga lider at manggagawa ang responsabilidad nila.
Sa paglalaan ng pang-araw-araw na suplay at pagkain, dapat ding gawin iyon ng mga lider at manggagawa batay sa mga tunay na sitwasyon, tunay na dami ng tao, at tunay na dami na kinakailangan, para mailaan ang mga iyon sa isang tunay na makatwirang paraan, na may layong hindi hayaang masayang ang mga iyon o magkaroon ng mga kawalan. Isang responsabilidad ito na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa. Minsan, kapag wala silang pang-unawa sa mga partikular na sitwasyon, maaaring ilaan nila ang ilang bagay ayon sa isang pangunahing prinsipyo, at matuto kalaunan, sa pamamagitan ng puna at kasunod na pagsubaybay ng lahat, na hindi pala makatwiran ang paglalaan, na ito ay medyo nagapos ng patakaran. Sa ganoong sitwasyon, dapat pagbutihin nila sa susunod, para maiwasang magpabalik-balik ang ganoong problema at para mabawasan ang pagsasayang at kawalan. Iyon ay pagtupad sa kanilang responsabilidad. Siyempre, para maiwasan ang pagkasira at pagkasayang, sa isang banda ay dapat mas magtanong-tanong sila kapag naglalaan ng mga bagay-bagay; dapat din silang istriktong sumunod sa mga prinsipyo. Kinakailangan ito. Huwag basta-bastang ibigay ang mga bagay-bagay, nang hindi nagbibigay sa mga tunay na nangangailangan ng mga iyon, nang hindi nagbibigay sa mga gumagawa nang sinsero sa kanilang tungkulin, na may katotohanang realidad, kundi partikular na ibinibigay ang mga iyon sa mga nambobola na walang espirituwal na pang-unawa. Ang paggawa ba niyon ay pagkilos na naaayon sa mga prinsipyo? (Hindi.) Hindi ba’t ang paggawa niyon ay labis na pagsasawalang-bahala? Ang hindi pagkilos nang ayon sa mga prinsipyo ay hindi pagtupad sa mga responsabilidad ng isang tao. Ano ang tinutukoy ng pagtupad sa mga responsabilidad ng isang tao? Ito ay hindi ang paggawa nang pabasta-basta at pagsunod sa mga patakaran, at hindi ito natutupad sa pamamagitan ng paggawa sa mga serye ng mga itinakdang hakbang—sa halip, ito ay ang pagkilos nang napakahigpit na sumusunod sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, habang tinitiyak din na walang nangyayaring mga pagsasayang o pagkasira ng anumang bagay sa sambahayan ng Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng tunay na pagtupad sa iyong responsabilidad. Halimbawa, sa pagbibigay ng mga itlog sa limang tao, dapat ay bigyan mo ng isang itlog ang bawat tao kada araw, at bigyan mo sila kada sampung araw, kaya padadalhan mo sila ng eksaktong limampung itlog. Dapat mo silang bigyan sa ganitong paraan dahil, sa isang banda, kaunti lamang ito at madaling asikasuhin; bukod dito, eksaktong dami ito para makain nila. Talagang tama ang magsagawa nang ganito, nang ayon sa mga pamantayan at pagtatakdang hinihingi ng sambahayan ng Diyos—pagkilos ito nang ayon sa mga prinsipyo. Kung dahil sa takot na maabala ay bibigyan sila ng lider o manggagawa ng itlog na para na sa isandaang araw nang isang bigayan lang—limandaang itlog sa kabuuan—magiging angkop ba iyon? Sabihin ninyo sa Akin, alin ang mas madaling ibiyahe at ingatan, ang limampung itlog o ang limandaang itlog? (Ang limampu.) Mas madaling ibiyahe at ingatan ang mas kakaunting bilang. Ang ilang tao ay talagang nagpapadala na ng para sa isandaang araw, at bilang resulta, nababasag ang ilang itlog habang nasa biyahe, at nadudurog ang ilan kapag hinahatid sa destinasyon nito. Sa sunud-sunod na kaunting pagkabasag, isang bahagi ang nasisira. Dagdag pa rito, kapag nakikita ng mga tao na maraming itlog ang ipinamahagi, kaswal nila itong sasayangin, kaya wala na silang makakaing itlog bago pa dumating ang araw ng susunod na padala. Kaya, kapag nabasag at nasira ang mga itlog na ito, hindi ba’t dahil ito sa kapabayaan ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Kung hihingi sila ng karadagdagan, puwede mo ba silang bigyan niyon? Ayon sa mga prinsipyo, hindi mo na sila puwedeng bigyan ng karagdagan bago ang itinakdang petsa, pero ang pakiramdam nila ay naagrabyado sila kapag wala na silang makain. Ano ang dapat gawin dito? (Dapat silang bigyan sa takdang oras at ng tamang dami.) Ang pagbibigay sa kanila sa takdang oras at ng tamang dami ay pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo—iyon ay makatwirang paglalaan. Kapag naglalaan ng mga bagay na ito, dapat talagang sumunod ang mga lider at manggagawa sa prinsipyo ng makatwirang paglalaan at sa pamantayang hinihingi ng sambahayan ng Diyos, ipinamamahagi ang mga iyon sa takdang oras at nang regular. Bukod doon, dapat silang magkaroon ng isang maagap na pagkaunawa kung may mga kaso ba ng pagsasayang, kung mayroon bang mga muling aplikasyon o kahilingan para sa mga bagay na nagkulang dahil sa pagsasayang, at kung may mga kaso ba ng pagsasayang sa mga bagay na ipinamahagi na ayaw ng mga tao. Halimbawa, kapag parehong ipinamahagi ang karne at mga gulay, at karamihan sa mga tao ay gusto ng karne, kaya maaaring maubos nila ito sa loob ng tatlo o limang araw, at natitira ang mga gulay. Hindi nagtatagal ang mga gulay; ang iba ay nalalanta at nabubulok na pagtagal-tagal, kaya nauubusan na sila bago maibigay ang kasunod. Kaya maaaring may mag-apply muli at manghingi ng karagdagan. Dapat bang magbigay ng karagdagan sa ganitong klase ng sitwasyon? Makatwiran bang bigyan siya ng karagdagan? (Hindi.) Ang ibang tao ay palihim na kakainin ang karne at mga itlog, at uubusin ang lahat ng gulay na gusto nila samantalang nagsasabi ng lahat ng klase ng katwiran at pagdadahilan para hindi kainin ang ayaw nila. Kapag nanilaw at nabulok na ang mga gulay, sasabihin nilang hindi na ito puwedeng kainin, at ipapakain na lang nila ang mga ito sa mga baboy at manok, o kung hindi naman ay itatapon na lang, pagkatapos ay manghihingi ng karagdagan. Kapag naharap ang mga lider at manggagawa sa ganitong sitwasyon, paano nila ito dapat pangasiwaan? Kung sasabihin nila, “Bibigyan ko kayo ng mas marami sa susunod, dahil hindi pala iyan sapat—bibigyan ko kayo ng mas marami, dahil malakas kayong kumain,” iyon ba ang angkop na paraan para pangasiwaan ito? Hindi ba’t bulag iyon? (Oo.) Paano sila naging bulag? (Hindi nila nauunawaan kung ano talaga ang nangyayari: Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi sapat ang pagkaing ibinigay nila ay dahil sinayang ito.) Nagkakaroon na agad sila ng kongklusyon nang hindi nauunawaan kung ano ba talaga ang nangyayari. Karamihan sa mga lugar ay may sapat na pagkain na ibinibigay nang ayon sa mga pagtatakda ng sambahayan ng Diyos. Bakit sa lugar lang na iyon palaging hindi sapat? Hindi ba’t kailangan ng partikular na imbestigasyon iyon? Dapat silang pumunta sa lugar na iyon at magtanong nang mabuti at detalyado tungkol sa sitwasyon, para malaman kung anong nangyayari. Sa huli, sa pamamagitan ng imbestigasyon nila at pag-unawa, napag-alaman nila na ang tagaluto sa lugar na iyon ay isang masama at imoral na tao, na pinapakain sa mga manok ang pagkain na para sa tao, na sinasadyang sayangin ang pagkain ng sambahayan ng Diyos. Talagang maselan siya sa kinakain niya, at masasarap na pagkain lang ang gusto niyang kainin. Hindi siya kakain ng gulay kapag walang karne, at kapag mayroon naman, ni hindi siya kakain ng tokwa. Kapag nakakakuha siya ng mga itlog, kinakain niya ang mga iyon tuwing oras ng pagkain. Eksklusibo niyang pinipili ang masasarap na pagkain at hindi kinakain ang kahit anong ordinaryong mga gulay, at wala rin siyang pakialam kung mabulok ang mga ito. Dahil sa pag-unawa ay napag-alaman na isang masamang tao ang tagaluto—kung gayon, dapat ba siyang bigyan ng dagdag na sustento sa susunod na magbigay ng mga bagay-bagay? (Hindi.) Sapat na ba ang hindi pagbibigay nang mas marami sa kanya? Paano dapat pangasiwaan ang problemang ito kapag natuklasan na? Palitan siya kaagad; halinhan siya ng isang taong may kaunting pagkatao para gampanan ang tungkulin. Tuklasin at lutasin kaagad ang problema, at itiwalag ang gayong masasamang tao, mga bulok na kamatis. Maaaring magtanong ang ilan, “Dahil hindi na sila nagluluto, ayos lang ba na magpakain sila ng mga manok?” (Hindi.) Kung pakakainin nila ang mga manok, hindi na mangingitlog ang mga manok; kung pakakainin nila ang mga baboy, mangangayayat ang mga baboy. Hindi puwedeng sila ang magpakain sa kahit na ano. Dapat paalisin ang mga gayong tao—hindi sila akmang gumawa ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kung may iba pang matuklasang problema habang inilalaan ang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, dapat ding lutasin kaagad ang mga ito. Ano ang layon ng paglutas sa mga problemang ito? Para mabawasan ang pagkasayang at pagkasira na nangyayari sa mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Maaaring magtanong ang ilan, “Para malutas ang mga problemang iyon, kailangang puntahan ng isang tao ang kusina para mag-imbestiga. Hindi ba’t sinabi Mo na hindi pinahihintulutang pumunta sa kusina ang mga lider at manggagawa? Bakit ngayon ay puwede na?” Dalawang magkaibang isyu iyon. Hindi Ko sinabing hindi sila puwedeng pumunta—paghihimay ito sa hindi pagkaalam ng mga lider at manggagawa kung paano gumawa, sa pagtambay nila nang walang ginagawa at palakad-lakad lang, sa pagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan, sa palagi nilang pagpunta sa kusina para maghanap ng masasarap na makakain. Sa kasalukuyang kaso, pupunta sila sa kusina para lumutas ng mga problema, hindi para maghanap ng masasarap na makakain. Pumunta kayo kung kinakailangan, at huwag kayong pumunta kung hindi. Maraming kailangang gawin ang mga lider at manggagawa, at isa ito sa mga gampanin nila, isa na malalaman lang ang mga partikular na problema sa pamamagitan ng pagpasok sa kaloob-looban ng kusina at pag-unawa sa mga detalye. Kung malalamang hindi angkop ang isang tagaluto, dapat siyang tanggalin kaagad at palitan ng isa na angkop. Sa paggawa nito, matitiyak na ang mga aytem na ibinibigay ng sambahayan ng Diyos ay hindi masasayang at masisira. Paano Ko man ito sabihin, ang hinihingi sa mga lider at manggagawa ay iyong dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad—kung ikaw ang dapat na mabahala at gumawa rito, dapat mo talagang ikabahala at gawin ito. Dapat mong pagmasdan at pakinggang mabuti kung ano ang sinasabi ng bawat klase ng tao—at siyempre, dapat mo ring matutuhan sa puso mo na magkaroon ng mga opinyon, kaisipan, at pagkilatis sa lahat ng klase ng bagay; ang isa pang mahalagang bagay ay ang isapuso ang mga prinsipyo na hinihingi ng sambahayan ng Diyos na masunod, at hindi lumihis sa mga iyon sa anumang pagkakataon. Anumang gawain ang ginagawa mo, dapat mo munang maunawaan kung anong mga prinsipyo at panuntunan ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos; bago ka gumawa, dapat mong tanungin ang sarili mo nang ilang beses ng mga katanungang gaya ng: Malinaw ba sa akin ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos? Paano ba ito dapat gawin, kung ito ay dapat na gawin ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos? Paano ba ito dapat gawin ayon sa mga prinsipyo sa mga espesyal na sitwasyon? Paano ba ito pangangasiwaan sa mga ordinaryong sitwasyon? Dapat mo talagang tanungin pa ang sarili mo ng mga ganito at ng iba pang gayong katanungan bago ka gumawa, at manalangin ka pa sa Diyos. Ang isang bahagi nito ay ang pagsusuri sa sarili; ang isa pa ay ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos. Ang paggawa nito ay makakatulong sa mga lider at manggagawa na makagawa ng mas kaunting mga kamalian at paglihis sa kanilang gawain, makabawas ng pagkasayang sa mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, at makabawas sa mga kawalan na nangyayari sa Kanyang sambahayan. Ang mas mahalaga ay iyong sa paggawa nito ay naitataguyod ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa at natutupad ang mga responsabilidad na iyon. Ito ang talagang dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Ito ang hinihingi sa mga lider at manggagawa. Ang pangangalaga at paglalaan sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ay hindi komplikadong gampanin. Sa isang banda, usapin ito ng pagiging pamilyar mismo ng mga lider at manggagawa sa mga prinsipyo; sa isa pang banda, dapat na mas ibahagi ng mga lider at manggagawa ang mga prinsipyong ito sa mga taong namamahala sa pangangasiwa ng iba’t ibang materyal na aytem, mas subaybayan ang mga bagay-bagay at subukang mas maunawaan ang mga bagay-bagay at mas imbestigahan ang kalagayan ng pamamahala, habang mas nakikipagbahaginan sa mga superbisor sa paglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, para bigyan sila ng masinsinang pagkaarok sa mga prinsipyong ito. Siyempre, dapat ding patuloy na mag-usisa ang mga lider at manggagawa at magtanong kung paano inilalaan at ipinamimigay ng mga taong iyon ang mga aytem, at kung mayroon bang kahit anong espesyal na sitwasyon—halimbawa, kung inilalaan ba ng mga superbisor ang mga aytem ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang panahon, sa iba’t ibang pagkakataon, at sa mga sitwasyon kung saan ang iba’t ibang klase ng tao ay may iba-ibang hinihingi. Ang layon sa paggawa niyon ay para mabigyang-kakayahan ang iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos na magampanan nang epektibo ang mga papel nito, at na magamit nang makatwiran sa pinakamalawak na posibleng antas, at para mapangalagaan sa pinakamainam na posibleng pag-iingat, nang may pinakamainam na posibleng pagmementena. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa.
Ang Maayos na Pamamahala sa mga Materyal na Aytem ng Sambahayan ng Diyos ay ang Responsabilidad ng Lahat ng Hinirang na mga Tao ng Diyos
Matapos maunawaan ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, nauunawaan na rin ba ninyo ang mga prinsipyo na dapat maarok ng bawat kapatid sa kanilang pagtrato sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi kayo mga lider at manggagawa, pero dapat pa rin ninyong tuparin ang responsabilidad ng pangangasiwa. Karapatan ito ng hinirang na mga tao ng Diyos. Gayundin, pagdating sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos—ang lahat ng klase ng mga aklat at instrumento; ang pang-araw-araw na pagkain, inumin, at mga aytem; at iba pa—dapat ay tratuhin ito ng lahat nang may pagmamahal at malasakit. Dapat ding magsagawa ang lahat ng mga regular na pagsubaybay, pagkukumpuni, at pagmementena sa iba’t ibang bagay na ginagamit nila, at dapat nilang makatwirang gamitin ang mga ito—huwag hayaang masira o masayang ang mga ito habang nasa iyo, o itapon ito nang basta-basta. Sinasabi ng ilan, “Hindi naman sa akin ang bagay na ito. Hindi ko naman ito binili gamit ang pera ko. Ibinigay ito sa akin ng sambahayan ng Diyos—pag-aari ito ng publiko. Hindi ko kailangang isipin kung kailan ito minementena at kinukumpuni, o kung saan ito nakatago. Hindi ko ito puwedeng dalhin kasama ko, na para bang kinamkam ko ito.” Makatwirang pag-iisip ba ito? Hindi ba’t talagang makasarili ito at walang pagkatao? (Ganoon nga.) Kung gayon, anong mga prinsipyo ang dapat na sundin sa paggamit ng mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos? Kung may isang bagay na inilaan para magamit mo, ikaw ang dapat magkumpuni at mag-ingat dito habang ginagamit mo ito. Ikaw ang ganap na responsable; kahit wala ang pag-uudyok o pangangasiwa ng iba, dapat mong tratuhin, pahalagahan, at protektahan ang aytem na ito na para bang personal mo itong pag-aari. Iyon ang ibig sabihin ng magkaroon ng pagkatao. Anumang kondisyon ng bagay na iyon noong ibinigay ito sa iyo, kapag hindi ka na pinapayagang gamitin ito o tapos ka na rito, dapat mo itong ibalik sa taong nagtatago nito nang buong-buo at nasa orihinal na kondisyon nito. Ito ang tinatawag na pagkakaroon ng katwiran; ito ay isang bagay na dapat nasa pagkatao. Sinasabi mong nananampalataya ka sa Diyos, na may konsensiya at katwiran ka, na mahal mo ang katotohanan, hinahangad mo ito, at nagpapasakop ka rito, pero kung ni wala kang kahit na pinakamababang pagkatao na dapat mayroon ka sa pagtrato mo sa isang materyal na aytem, paano ka pa makapagsasalita tungkol sa pagmamahal sa katotohanan o pagsasagawa rito? Hindi ba’t medyo napakahungkag nito? Kung ni hindi mo matupad ang responsabilidad na dapat mong gawin sa pagtrato mo sa isang materyal na aytem, ibig sabihin nito ay hindi mabuti ang pagkatao mo—“walang pagkatao” ang karaniwang paraan na sabihin ito. Dagdag dito, paano mo man gamitin ang sarili mong mga gamit, magaslaw ka man o metikuloso sa pagtrato sa mga ito, karapatan mo iyon. Walang makikialam. Pero may mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos para sa paggamit sa mga gamit nito. Ang mga prinsipyong ito ay nakabatay lahat sa konsensiya at katwiran, at bagama’t maaaring hindi umabot ang mga ito sa antas ng katotohanan, kahit papaano ay umaayon ang mga ito sa mga pamantayan para sa pagkatao. Kung ni hindi mo matugunan ang pamantayang ito para sa pagkatao, kung ni hindi mo nga matrato at magamit nang tama ang mga instrumento at panustos na ibinibigay sa iyo ng sambahayan ng Diyos, kung mauunawaan mo ba ang katotohanan at makakapasok sa katotohanang realidad ay isang problema—kuwestiyonable ito. Kaya, pagdating sa pagtrato mo sa mga bagay na ito, may karapatan kang gamitin ang mga ito, at natural na may responsabilidad ka rin na kumpunihin, imentena, at ingatan ang mga ito. Dapat mong seryosohin ang mga bagay na ito. Kung gaya ng mga walang pananampalataya ay sinasabi mong, “Hindi naman ito sa akin. Hindi ko naman ito binili gamit ang sarili kong pera. Kung masisira ang gamit ng publiko, masisira ito—bumili na lang ng bago, o kumpunihin ito kung wala nang ibang magagawa. Magkaganoon man, hindi naman na para bang nalugi ako.” Kung ganoon ka mag-isip, problema iyon—nanganganib ka. Wala kang matuwid na karakter, at wala sa tama ang puso mo. Ang tipirin ang sariling mga gamit, pero hindi tratuhing importante ang mga gamit ng sambahayan ng Diyos, hindi pahalagahan nang may pagmamalasakit ang mga iyon—hindi ba’t isang tao iyon na ang puso ay wala sa tama? Gusto ba ng Diyos ang mga taong ang puso ay wala sa tama? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, sinisiyasat ba ng Diyos ang mga taong ang puso ay wala sa tama? (Sinisiyasat Niya.) Parehong sinisiyasat ng Diyos ang mga taong ang puso ay nasa tama at ang mga wala sa tama. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, ano ang dapat gawin kung matuklasang nag-iisip ka nang ganoon? Hindi ito pansinin? Hayaan na lang ito na hindi nasusuri? Hindi ito intindihin? “Personal na bagay kung ano ba ang iniisip ko. Sino ka para makialam doon? Kung hahayaan mo akong gumamit ng isang bagay, may karapatan akong gamitin ito—ano’t ano man, ayos lang naman basta’t hindi ko sisirain ang kagamitan. Bakit ba napakahihirap at napakarami mong hinihingi?” Mabuting paraan ba ito ng pag-iisip? (Hindi.) Ito ay “kawalan ng pagkatao.” Kung may gayon kang mga kaisipan, dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at sabihing, “O Diyos, may tiwali akong disposisyon, at mahina ang pagkatao ko. Iniisip ko dati na talagang marangal at kagalang-galang ako, na may dignidad ako; hindi ko akalaing ibubunyag ako ng maliit na aytem na ito: May mga makasarili akong pagnanais; wala sa tama ang puso ko; mayroon akong sarili kong maliliit na layon. Handa akong tanggapin ang pagsisiyasat at pagdidisiplina Mo, at handa akong magbago.” Dapat kang manalangin at magsisi sa harap ng Diyos, at hayaan Siyang siyasatin ka. Kapag tinanggap mo na ang pagsisiyasat Niya, paano mo dapat baguhin ang sarili mo? Sasabihin mong, “Imoral na mag-isip gaya ng ginawa ko dati—pag-iisip iyon ng mga walang pananampalataya, ng mga hindi mananampalataya. Hindi na ako puwedeng mag-isip nang gaya niyon. Hindi ko dapat tahakin ang daang iyon. Mananampalataya ako ng Diyos; kailangan kong maging isang taong may pagkatao at dignidad, kailangan kong gawin ang mga bagay na gusto ng Diyos. Kailangan kong baguhin ang paraan ko ng paggamit sa mga instrumento at kagamitan sa hinaharap. Kailangan kong pagpahingahin ang mga iyon kapag nararapat, kumpunihin ang mga iyon kung kinakailangan, at mentenahin ang mga iyon kung kinakailangan. Dapat kong madalas na linisin ang mga iyon, at regular na suriin ang iba’t ibang bahagi ng mga iyon para matiyak ang normal na paggamit. At maglilinis ako kaagad kapag tapos ko nang gamitin ang mga iyon, at ibabalik ko ang mga iyon sa taguan, para hindi mahayaan ang mga walang kinalamang tao na pakialaman ang mga ito.” Pagkatapos, kapag ginamit mong muli ang mga kagamitan sa hinaharap, magiging lalo kang maingat at maasikaso. Palaging magbabago ang mga pananaw mo, at bubuti ang mga paraan mo, magbabago mula sa dati mong makasarili at kasuklam-suklam na mga kaisipan at kilos at magiging pagkaramdam ng responsabilidad, pag-iisip na ingatan ang mga bagay-bagay, at pag-iisip na umako ng responsabilidad. Ang pagbabago sa iyong pag-iisip ang simula ng tunay na pagbabago ng iyong sarili. Ito ay nagiging pagbabago sa mga paraan mo kapag isinakatuparan mo ang pag-iisip at mga pananaw mo sa iyong pagsasagawa. Kapag umabot ka na sa antas na ito, saka makikita ng Diyos na talagang nagbabago ka at nagsisisi; ang mga pagbabago at pagpapalit na ito ay gagawin kang tunay na katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang pagsasagawa sa katotohanan. Ano ang pinakapangunahing bagay na dapat taglayin ng isang tao sa pagsasagawa ng katotohanan? Ang konsensiya at katwirang dapat taglayin ng mga tao. At may konsensiya at katwiran ba ang isang taong makasarili at kasuklam-suklam? (Wala.) Maaaring alam mo bilang doktrina na hindi mo puwedeng iwang pakalat-kalat ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos, o sirain at sayangin ang mga iyon, o maging iresponsable sa mga iyon—pero sa puso at isipan mo, ano ang saloobin mo? “Ano ang saysay ng pag-iingat sa mga bagay na iyon? Ni hindi nga sa akin ang bagay na iyon.” Kokontrolin ng gayong pag-iisip ang pag-uugali mo, at kung magkagayon, may silbi ba sa iyo ang doktrinang alam mo? Wala—magiging doktrina lamang ito na wala man lang saysay. Kapag lang nagbago ang pag-iisip at mga pananaw mo, at tunay kang nagbago at nagsisi sa harap ng Diyos, saka magsisimulang magbago ang pag-uugali at mga praktikal na kilos mo. Doon lang magsisimulang magkaroon ng pagkatao ang isinasabuhay mo; doon ka lang magsisimulang pumasok sa katotohanang realidad. Ibinubunyag ng gayong maliit na usapin ang pagkatao ng isang tao, pati na rin kung minamahal ba talaga ng taong iyon ang katotohanan.
Ang pamamahala sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ay isang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa, at dapat sama-samang maghandog ng pangangasiwa, tulong at buong pusong kooperasyon ang bawat isa sa hinirang na mga tao ng Diyos. Responsabilidad ito ng lahat. Dapat magsilbing mga halimbawa ang hinirang na mga tao ng Diyos. Dapat magsimula sila sa sarili nila—kapag lang ginawa nila mismo nang mabuti ang gawain nila saka sila magiging kalipikadong pangasiwaan ang iba, at timbangin kung angkop ba at naaayon sa mga prinsipyo ang ginagawa ng iba. Ito ay isang bagay na may kinalaman sa lahat, ibinubunyag ng maliit na bagay na iyon ang pagkatao ng mga tao, pati na rin ang kanilang saloobin sa katotohanan. Dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito nang maayos at may buong sigla, nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, at dapat din tratuhin ng bawat ordinaryong kapatid ang usaping ito nang may kahigpitan at pag-iingat. Dapat mong madalas na pagnilayan ang iyong sarili, kung may mga problema ba sa iyong pagkatao at pag-iisip, kung anong klaseng saloobin ba ang mayroon ka. Kapag nalaman mong may problema sa saloobin at pag-iisip mo, dapat kang manalangin at magbago kaagad—at kapag pinamamahalaan o ginagamit mo ang mga gamit ng sambahayan ng Diyos, dapat mong pagsikapan na sa isang banda ay hindi sawayin ng konsensiya mo ni magkulang ka sa Diyos, at sa kabilang banda ay hangaan ng iba at mapasang-ayon sila sa ginagawa mo, at masabi nilang may pagkatao ka, na naririyan para makita ng lahat. Ang pangunahing bagay ay ang itaguyod ng mga tao ang mga prinsipyo kapag ginagawa ito. Ito ang obligasyong dapat tuparin ng mga tao, isang bagay na dapat makamit ng bawat miyembro ng sambahayan ng Diyos. Hindi lamang ito responsabilidad ng mga lider at manggagawa.
Kahit papaano ba ay malinaw na sa inyo ang ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Dahil naunawaan na ang mga prinsipyong ito, dapat maging mas maingat at metikuloso na ang mga tao sa paggawa sa gawaing ito, at dapat nilang lalong pagsikapan ito, at hindi maging tamad—kapag ganoon ay halos magagawa na nilang bawasan ang mga pagkasira at pagkasayang sa mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, at maiingatan nila ang mga ito mula sa pag-angkin ng masasamang tao. Ito ay maaaring makamit. Bakit Ko sinasabing madali itong makamit? Ito ay mga usaping maaaring makaharap ng mga tao sa araw-araw na buhay nila sa tahanan. Madaling maging maingat sa pamamahala ng mga bagay sa sarili mong tahanan, kaya kung pangangalagaan mo ang mga gamit ng sambahayan ng Diyos na para bang sa iyo ang mga iyon, nang ayon sa mga hinihingi ng Kanyang sambahayan, at makatwirang ilalaan ang mga iyon, at mababawasan ang pagkasira at pagkasayang, at hindi hahayaang angkinin ng masasamang tao ang mga ito, kung magkagayon ay matutupad mo na ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Mukhang sa kalikasan nito, ang gawaing ito ay isang gampanin ng pangkalahatang usapin. Bakit natin ito tinatawag na gampanin ng pangkalahatang usapin? May kinalaman ito sa pamamahala sa mga materyal na aytem. Pamahalaan at ilaan mo nang maayos ang mga ito, at matutupad mo ang iyong responsabilidad. Gayundin, napakasimple ng prinsipyo ng gawaing ito—kinasasangkutan lamang ito ng iisang prinsipyo, at hindi ito kinasasangkutan ng mga komplikadong katotohanan. Basta’t may pasanin at mga tamang layunin ang isang tao, kaya niyang gawin nang maayos ang gawaing ito nang hindi nangangailangang maunawaan ang napakaraming katotohanan, at nang hindi nangangailangan na mabahaginan siya ng napakaraming katotohanan. Kaya, ang gawaing ito ay iisang gampanin, at ito ay isang gampanin ng pangkalahatang usapin. Ito ay isang gawaing madaling gawin ng mga lider at manggagawa. Basta’t medyo mas masipag ka, mas palatanong, mas mausisa, mas nagmamalasakit, at may mga tamang layunin, kaya mo itong gawin. Hindi talaga ito komplikado. Natapos na natin ang pagbabahaginan natin sa ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ganoon lang iyon kasimple.
Ang Saloobin at mga Pagpapamalas ng mga Huwad na Lider Tungkol sa mga Materyal na Aytem ng Sambahayan ng Diyos
Ngayong nauunawaan na ninyo ang responsabilidad na ito ng mga lider at manggagawa, tungkol dito, hihimayin naman natin ang mga pagpapamalas na ipinapakita ng mga huwad na lider kapag ginagampanan nila ang gawaing ito, at kung ano-anong bagay na ginagawa nila ang nangangahulugang puwede silang mailarawan bilang mga huwad na lider. Una, kapag ginagawa ng mga huwad na lider ang gawaing ito, hindi nila kayang pangalagaan nang tama ang iba’t ibang aytem. Ang pangangalaga ang unang aytem ng mahalagang gawain pagdating sa lahat ng klase ng materyal na aytem. Magulo ang mga huwad na lider sa lahat ng ginagawa nila; bukod sa pagkaipit sa mahirap na sitwasyon pagdating sa katotohanan at sa iba’t ibang prinsipyong sangkot dito, magulo rin sila pagdating sa pangangalaga ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila alam kung anong mga klase ng tao ang hahanapin para pamahalaan ang mga ito o ang paraan para pangalagaan ang mga ito. Wala silang mga tiyak na layon at walang mga partikular na plano, at lalong walang mga detalyadong hakbang sa paggawa ng gawaing ito. Kung may taong handang magsikap, mapangangalagaan ang mga aytem na ito; kung wala, hahayaan ng isang huwad na lider na kaswal ang mga ito na maisantabi. Hindi sila naghahanap ng angkop na tao para mangalaga ng mga ito o ng angkop na lugar para pagtaguan ng mga ito, at lalong hindi nila pinagbabahaginan ang mga partikular na prinsipyo ng pangangalaga sa mga ito. Gayundin, hindi sila gumagawa ng mga pagsasaayos para sa paglalagak, pagkukumpuni, at pagmementena ng mga materyal na aytem na ito sa hinaharap. Ang ilang huwad na lider ay ganap pa ngang walang alam tungkol sa kung anong mga aytem mayroon ang sambahayan ng Diyos—wala silang pakialam at hindi nila tinatanong ang tungkol dito. Ipagpalagay halimbawa na nag-imprenta ng mga bagong libro ng mga salita ng Diyos ang sambahayan ng Diyos. Kung ilang libro ang natira pagkatapos ipamahagi ang mga iyon, kung sino ang isinaayos na magtago ng mga iyon, kung paano itinatago ang mga iyon, at kung itinatago ba ang mga iyon sa tamang lugar—ang isang huwad na lider ay walang alam sa mga ito, at hindi rin siya magtatanong o mag-uusisa tungkol sa mga ito. Bakit siya hindi mag-uusisa? Iniisip niya na maliit na bagay ang pangangalaga ng mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, na siya ay lider, isang taong gumagawa ng mahahalagang bagay, na eksklusibong nangangaral. Wala man lang siyang pakialam sa “maliliit na bagay” na ito, kundi ipinapasa niya ito para gawin ng mga taong walang nauunawaang kahit ano, at wala silang pakialam kung maayos ba itong nagagawa o hindi. Kaya, hindi man lang nila sineseryoso ang gawain ng pangangalaga ng mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Ito ang isang dahilan. Ang isa pa ay iyong magugulo ang isip ng ilang huwad na lider—hindi maayos ang mga isip nila. Wala silang normal na pag-iisip o kamalayan sa pangangalaga ng mga bagay, at wala silang proseso o landas kung paano pangalagaan ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Kaya, hindi nila alam kung ilan sa mga ito ang nasisira, at hindi rin nila alam kung may mga nangyayaring pagsasayang. Kapag may ilang bagay na kinukuha ng masasamang tao, sinasabi ng isang huwad na lider, “Hayaan ninyo sila—ano’t anuman, nasa mga kamay naman ng Diyos ang lahat ng bagay.” Ang ilang mahahalagang aytem ay ginagamit ng mga indibidwal nang walang pagsang-ayon ninuman; kinukuha ng mga taong iyon ang mga bagay na ito, at hindi magamit ng iba ang mga iyon sa kanilang gawain, at walang nangangahas na hingin ang mga ito. Nagsasabi ang huwad na lider, “Hindi ito malaking usapin. Bumili na lang ng bago. Kinuha nila ang bagay na iyon, kaya hayaan nating gamitin muna nila iyon. Bagay lang naman iyan—pare-pareho lang naman kahit sino pa ang gumamit ng mga iyan. Kung hindi nila ito makatwirang ginagamit, sa pagitan na nila at ng Diyos iyon. Hindi na natin kailangang manghimasok.” Tingnan ninyo kung paano nila ipinapangaral ang isang malaking doktrina para “pangasiwaan” ang isyu, ginagawang maliliit ang malalaking isyu at ginagawang walang halaga ang maliliit na isyu. Walang tinutupad na mga responsabilidad nila ang mga huwad na lider pagdating sa pangangalaga ng iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos. Wala silang pakialam o pagtatanong tungkol dito, at hindi nila nilulutas o pinangangasiwaan ang anumang mga problema. Kahit siyasatin pa ng Itaas ang gawain nila, nagsasalita lang sila nang paiwas para malinlang ang mga ito, at iyon na iyon.
Ang ilang kapatid ay bumibili ng mga kagamitan, damit, at gamot para magamit ng sambahayan ng Diyos, at kapag nakita ng isang huwad na lider ang mga aytem na iyon, pagpipilian niya ang mga iyon at kukunin ang magagandang damit, sapatos, at bag para sa kanyang sarili, at hahayaan lang ang iba na kunin ang mga natira na hindi niya mismo kailangan. Kapag nakita ito ng mga hangal na pinamumunuan niya, sasabihin nila, “Pinili ng lider natin ang gusto niya—ngayon, tayo naman. Kapag tapos na tayo, itatapon natin sa mga kapatid na nasa ilalim natin ang mga walang kuwentang bagay na natira.” Kaninumang mga kamay mapunta ang mga ito, sila na ang magmamay-ari nito, at ang mga natitirang bagay na walang may gusto ay isasantabi na, at walang nangangalaga sa mga ito. Kaya, ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ay may lugar para pangalagaan sa pangalan lang, pero ang totoo, hindi naman talaga ito pinangangalagaan—ang mga lugar na iyon ay tambakan, walang sinumang namamahala sa mga iyon. Basta na lang nilang inihahagis ang mga bagay sa kung saang lugar at hinahayaang matambak ang mga iyon. May mga damit, sapatos at medyas, gamot, at mga elektronika, pati na rin mga pang-araw-araw na gamit at kasangkapan sa kusina—gulo-gulo ito, may lahat ng klase ng basura doon, at kahit ang pagkain ng mga tao at pagkain ng mga aso ay magkakahalo. Kung tatanungin mo kung sino ang namamahala sa mga ito at kung pinagbubukod-bukod ba nila ang mga ito; o kung may mga tagubilin ba para sa mga ito, at kung paano kailangang pangalagaan ang mga ito; o, kung ang mga ito ba ay hindi kailangan para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kung kailangan ba ito ng mga kapatid—walang nakakaalam ng mga sagot. Talagang normal para sa mga kapatid na hindi ito alam, pero pati ang mga lider at manggagawa ay walang sagot sa kahit ano sa mga tanong na ito—ganap nilang iniiwasan ang responsabilidad para sa mga ito, sinasabing “Hindi ko alam,” o “May taong nag-aasikaso riyan,” at sa gayon ay binabalewala ka, at dinadaya ang sambahayan ng Diyos. Nagiging sanhi ito na hindi malutas ang mga problemang ito. Hindi mahirap para sa mga lider at manggagawa na humanap ng mga akmang tao para pamahalaan ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, hindi ba? Ni hindi ginagawa ng mga huwad na lider ang simpleng gawain ng paghahanap ng isang taong tapat para pangalagaan nang maayos ang mga bagay na ito, para gumawa ng maaayos na rekord at panatilihing organisado ang mga ito. Ano ang ginagawa nila kung gayon? Kapag ang mga kapatid ay naghandog sa sambahayan ng Diyos ng mga damit o pang-araw-araw na pangangailangan, at nakita ng mga huwad na lider ang mga aytem na ito, dinadagsa nila ang mga ito, na parang kawan ng mga gutom na lobong sabay-sabay na lumalamon ng karne. Paulit-ulit silang nagsusukat ng alinmang damit na bagay sa kanila, walang tigil na namimili ng mga bagay para sa kanila. Kapag bumibili ang sambahayan ng Diyos ng iba’t-ibang klase ng mahahalaga at mamahaling kasangkapan at kagamitan, nagmamadali silang pumili ng magaganda para sa sarili muna nila. Bakit nila pinipili ang magaganda? Iniisip nila na bilang isang lider o manggagawa, mayroon silang espesyal na karapatang gumamit ng mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Anumang ibinibigay ng sambahayan ng Diyos, palagi muna nilang pinipili ang pinakamagagandang bagay. Ganito nila tratuhin ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Paggawa ba ito sa gawain? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng mga huwad na lider? Pagdating sa mga bagay na may mga expiration date—halimbawa, ang mga pagkain at gamot—wala talagang pakialam sa mga ito ang mga huwad na lider. Hindi sila naghahanap ng mga angkop na tauhan para pamahalaan ang mga ito, ni sinasabihan ang mga tauhan na, “Ang ilan sa mga bagay na ito ay may mga expiration date kaya i-rekord mo kaagad ang mga ito. Bilisan mong ipamahagi ang mga ito sa mga kapatid bago ang petsa ng expiration ng mga ito, para makatwirang magamit ang mga ito—huwag mong hintaying masira ang mga ito; huwag mong hayaang masayang ang mga ito.” Hindi kailanman ginagawa ng mga huwad na lider ang mga ganitong bagay. Kapag may nae-expire, basta na lang nila ito itinatapon. Kapag gumagampan ng gawain ang mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos, sa mahigpit na pananalita, dapat sila ang maging mga katiwala ng sambahayan ng Diyos. Ang unang bagay na dapat nilang gawin ay ang makatwirang pangalagaan nang maayos ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos, mahigpit na bantayan ang mga ito at magsagawa ng mga wastong pagbeberipika sa usaping ito. Ito rin ay isang pundamental na aytem ng gawain ng sambahayan ng Diyos, pero ni hindi makagawa ang mga huwad na lider ng gayong pundamental na gawaing gaya nito. Sila ba ay magugulo ang isip, mahihina ang kakayahan, at mga mangmang—o wala ba sa tama ang mga puso nila? Kung mangmang at magugulo ang isip nila, paanong alam nila kung paano mamili ng magagandang aytem para sa sarili nila? Bakit hindi nila iwan ang sarili nilang mga pag-aari o kaswal na ibigay ang mga ito sa ibang tao? Bakit hindi nila sirain o wasakin ang sarili nilang mga pag-aari? At bakit ganito ang saloobin nila sa mga gamit ng sambahayan ng Diyos? Malinaw na wala silang moralidad, at wala sa tama ang mga puso nila. Sa sandaling magkaroon ng katayuan ang mga lider at manggagawa, at nakaharap na ang mas malaking saklaw ng gawain ng sambahayan ng Diyos, nagkakaroon sila ng espesyal na karapatang gumamit ng iba’t ibang materyal na aytem at pampublikong pag-aari ng sambahayan ng Diyos, at sila ang pinakanakakaalam sa mga ito. Pero binabalewala nila ang mga ito, hindi nila wastong pinangangalagaan ang mga ito, at hinahayaan nila ang sinuman na gamitin at kunin ito, hinahayaan lang nila ang sinumang handang magmalasakit sa mga ito na gawin iyon, at kung may isang taong ayaw ingatan ang mga ito at na iresponsable, wala silang pakialam, at kahit pa malaman nilang may problema ang isang tao, hindi nila ito nilulutas. Mga huwad na lider ito. Sa puntong ito, ang kongklusyon natin ay iyong ang mga huwad na lider, bukod sa mahina ang kakayahan at hindi nagbubuhat ng pasanin, ay wala rin sa tama ang puso, at hindi maganda ang karakter. Dahil mahina ang kakayahan at walang abilidad na makaarok ang mga lider na ito, ang hindi nila pagiging mahusay sa gawaing may kinalaman sa katotohanan at buhay pagpasok ay kayang intindihin. At dahil mahina ang kakayahan nila at wala silang kapabilidad sa gawain, ang hindi nila pagiging mahusay sa gawaing may kinalaman sa administrasyon ay isang bagay rin na maaaring palampasin. Pero iyong hindi man lang nila magawang gampanan ang gawaing may kinalaman sa pamamahala ng iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos—na siyang pinakamababa at simpleng gawain—ay mas malinaw pang nagpapakita ng isang bagay: Para sa ilang huwad na lider, ang problema nila ay hindi kasingsimple ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan at hindi pagbubuhat ng pasanin, bukod pa rito, napakababa ng kanilang karakter at ng kanilang pagkatao. Sa pamamagitan ng ating pagbabahaginan sa ikasampung responsabilidad ng mga lider at manggagawa, isa pang pagpapamalas ng mga huwad na lider ang nabunyag: Hindi lamang sila may mahinang kakayahan, hindi nagbubuhat ng pasanin, at nagpapasasa sa kaginhawahan ng laman—mababa rin ang kanilang karakter, at wala sa tama ang puso nila. Wala silang pakialam sa mga bagay na hindi sa kanila—hindi nga nila ito pinangangalagaan. Ginawa kang katiwala ng sambahayan ng Diyos, pero hindi ka tumatanaw ng utang na loob at hindi mo pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos habang nagiging palamunin nito; kaswal mong inihahagis sa isang lugar ang mga gamit ng sambahayan ng Diyos, na para bang sa mga tagalabas ang mga ito, at hindi mo pinangangalagaan ang mga ito, at sa tingin mo ay hindi ito malaking usapin. Hindi ito kabiguang tuparin ang mga responsabilidad mo—problema ito sa iyong pagkatao, malaking kawalan ito ng moralidad! Ang hindi maayos na pangangalaga ng mga bagay na dapat nilang pangalagaan, o ang hindi pangangalaga sa mga ito, ay nagpapahiwatig na walang pagkatao ang mga huwad na lider, at na wala sa tama ang puso nila. Hindi man lang nila mapangalagaan nang maayos ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos, kaya kung ilalaan nila ang mga ito, makatwiran ba nilang magagawa iyon? Mas lalo pa nga silang nagkukulang sa pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo. Nakikita nilang pabayang itinatapon, nasisira, at nasasayang ang mga gamit ng sambahayan ng Diyos, nang walang sinumang mabuti na namamahala sa mga iyon, at alam na alam nila sa kanilang puso na hindi tamang gawin iyon—pero hindi pa rin nila ito pinangangasiwaan. Iyon ay pagkakaroon ng isang pusong wala sa tama. Ang mga walang-kuwentang tao bang iyon, na wala sa tama ang puso, ay makatwirang makapaglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos? Lalo ngang hindi nila magagawa iyon—kung ipapagawa mo sa kanila na ilaan ang mga bagay na iyon, gagawa sila ng mga bagay na mas lalong walang moralidad.
Sa isang iglesia na nasa bukid na nag-aalaga ng mga aso, ang taong responsable sa pag-aalaga sa mga ito ay masyadong nagmamalasakit nang husto sa mga bagong panganak na tuta. Natatakot siya na hindi makukuha ng mga tuta ang nutrisyong kailangan ng mga ito, kaya nag-apply siya para sa mga organikong itlog na ipapakain sa mga aso. Inaprubahan kaagad ng huwad na lider doon ang hiling; hindi niya inisip kung gaano kakaunti ang mga organikong itlog. Hindi nga sapat ang mga iyon para makain ng mga tao, kaya bakit niya ito ibibigay sa mga aso? Hindi ba’t isang kakatwang paraan ito ng pangangasiwa sa usaping ito? Ano ang kalikasan ng pag-uugaling ito ng huwad na lider na iyon? Paano ito dapat ilarawan? Hindi ba’t kakatwa ang pagsasagawang ito ng huwad na lider na iyon? Ang sinasabi ng huwad na lider na iyon sa lahat ng oras, tuwing ibinubuka niya ang kanyang bibig, ay mga doktrina na umaakma sa panlasa ng mga tao, pero ang totoo, hindi niya nauunawaan ni katiting ang mga katotohanang prinsipyo, kaya kapag may nangyayari, hinaharap at pinapangasiwaan niya ito nang ayon sa mga imahinasyon, kagustuhan, at pansariling nais ng tao—at sa huli, nauuwi siya sa paggawa ng kasuklam-suklam na bagay gaya ng pagpapakain ng mga organikong itlog sa mga aso. Maituturing bang makatwiran ang ganitong klase ng paglalaan ng huwad na lider na iyon sa mga aytem ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Bakit hindi niya makamit ang makatwirang paglalaan? Sa panlabas, mukhang nakikialam, nagmamalasakit, at sumusubaybay ang huwad na lider na iyon kahit sa napakaliit na usaping ito, at na siya ay may sapat na dahilan at mga batayan para suportahan ang aplikasyong ito—pero kumikilos ba siya nang naaayon sa mga prinsipyo? Kumikilos ba siya nang ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Kaya, kung titingnan ang kalikasan ng kilos niyang ito, ito ba ay mabuting gawa o masamang gawa? Pagtupad ba ito sa kanyang responsabilidad o isang kapabayaan? Ito ay isang kapabayaan—ito ay walang prinsipyo, ito ay walang ingat na paggawa ng masasamang bagay! Sa pamamagitan ng usaping ito, ano ang nakikita ninyong diwa ng pagkatao ng huwad na lider na ito? Hindi ba’t ito ay baluktot na pagkaarok at pikit-matang pagpapatupad ng mga patakaran? Ang bukambibig niya ay tamang mga doktrina, at para bang walang maling parirala rito, pero ang totoo, baluktot ito. Ang gayong mga tao ay huwad na espirituwal at may baluktot na pagkaarok—mga piraso sila ng basura na walang espirituwal na pang-unawa. Kababanggit lang natin ngayon na ang pagkatao ng mga huwad na lider ay iyong mababa ang kanilang karakter at wala sa tamang lugar ang mga puso nila. Wala silang mga prinsipyo pagdating ng oras ng paglalaan sa mga aytem ng sambahayan ng Diyos, at pikit-mata nila itong inilalaan, na nagbubunyag na ang mga huwad na lider ay baluktot sa kanilang pagkaarok at pikit-mata nilang ipinapatupad ang mga patakaran, at wala silang prinsipyo sa kanilang mga kilos—kumikilos lang sila nang pikit-mata at padalos-dalos. Sa panlabas, mukhang napakabuting loob at napakabait ng mga huwad na lider, pero ang totoo, ito ay huwad na kabutihang loob at huwad na kabaitan. Halimbawa, noong manganak ng mga tuta ang isang aso, sinabi ng tagapag-alaga na dapat niyang bigyan ang mga aso ng isang bagong kumot na para dapat sa mga tao. Pagkatapos ay may nagsabi, “Sayang naman kung ibibigay ang isang bagong kumot sa mga aso—magiging mas mabuti kung ibibigay na lang ito sa mga kapatid, at ibibigay na lang sa mga hayop ang lumang kumot na papalitan na natin.” Ano ang tingin ninyo sa mungkahing ito? Ang paglalaan sa mga tao ng mga bagong bagay at ng mga lumang bagay naman sa mga hayop ay talagang makatwiran. Ito ang prinsipyo; ito ay makatwirang paglalaan. Paano pinangangasiwaan ng mga huwad na lider ang gayong mga bagay kapag nahaharap sila sa mga ito? Pagkatapos itong marinig, nagbulay-bulay ang huwad na lider doon: “Hindi kailanman nakakagamit ng mga bagong bagay ang mga hayop. Palaging gumagamit ng mga luma at maruruming bagay ang mga ito. Tayong mga tao ay palaging nakakagamit ng mga bagong bagay. Sinabi ng mga salita ng Diyos na minsan ay hindi tayo kasing-buti ng mga baboy o aso. Kaya, huwag tayong makipag-agawan sa mga baboy at aso sa mga bagay-bagay. Kawalan iyon ng pagkatao.” Kaya, sa huli, ibinigay niya ang bagong kumot sa mga hayop. Maaaring hindi nawalan ang mga tao roon sa paggamit ng lumang kumot, pero ang paraan ng pangangasiwa sa bagay na ito ay lubos na naglalarawan sa isyu. Anong papel ang ginampanan ng huwad na lider sa usaping ito? Masasabi ba ninyo na magagawa ng mga normal na tao ang gayong bagay? (Hindi.) Kung gayon, anong klase ng mga tao ang hahayaang umabot sa puntong ito ang mga bagay-bagay habang pinangangasiwaan ang usaping ito? (Mga kakatwang klase na walang katwiran o pag-iisip ng mga normal na tao.) Tama lahat ang mga sagot na ito—mga walang kuwenta ang mga taong iyon. Kapag nahaharap ang mga normal na tao sa isang bagay na gaya nito, alam nila kung paano ito pangasiwaan nang makatwiran, pero ang mga huwad na lider na nagkukunwaring espirituwal na may baluktot na pagkaarok ay hindi alam kung paano ito pangasiwaan. Ang paraan nila ng pangangasiwa rito ay mukha ring may batayan, at mukha rin itong naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, at nasusuportahan ng maraming makatwirang pagmamatuwid—pero pagkarinig dito ng mga tao, hindi nila alam kung tatawa ba sila o iiyak, dahil napakahangal nito. Paanong ni hindi nila maintindihan ang gayong simple at malinaw na lohika? Paano sila nauuwi sa pangangasiwa rito sa ganoon kabaluktot na paraan? Nakakasuka ito. Kung gagawin mo silang mga tagapangasiwa, gagawin nila na manghuli ng mga daga ang mga aso, na magbantay ng bahay ang mga pusa, at na humiga ang mga baboy sa mga kama—magiging magulo ang lahat. Kaya ba ng mga huwad na lider ang makatwirang paglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kakaiba silang uri, mga taong naguguluhan, at kakatwang klase. Bukod sa mga huwad na lider na iyon na may napakabaluktot na pagkaarok at na ang puso ay nasa maling lugar, ginugulo at pinaghahalo rin ng karamihan sa mga huwad na lider ang ganitong uri ng gawain, bagama’t may kaunti silang kakayahan at hindi sila baluktot sa kanilang pagkaarok. Hindi man lang nila matupad ang pinakamabababang responsabilidad na dapat nilang gawin. Kaya, kapag tinanong mo sila tungkol sa gawaing ito, palaging pareho ang sagot nila: “Si Ganito-at-ganyan ang nag-aasikaso niyon. Si Ganito-at-ganyan ang nakakaalam. Kung may mga tanong ka, kakailanganin kong itanong kay Ganito-at-ganyan.” At iyon na ang huling maririnig mo tungkol dito. Ito ang pagpapamalas na ipinapakita ng mga huwad na lider kapag ginagawa nila ang gawaing ito.
Pagdating sa gawain ng paglalaan sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, bukod sa hindi ito magawa ng mga huwad na lider nang ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, hinahayaan din nila ang marami nilang personal na damdamin, kagustuhan, at pagnanais, pati na rin ang mga personal nilang pagkaunawa, na mahalo rito. Ginagawa nila itong isang halo-halo at magulong gawain, na wala man lang masasabing mga prinsipyo. Kaya, kapag pinangangasiwaan ng isang huwad na lider ang iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos, madalas na nangyayari, sa mga sitwasyong walang nakakaalam kung ano ba ang nangyayari, na nawawasak ang mga bagay, nasasayang nang walang kadahilanan, o nawawala ang mga bagay-bagay at hindi nagkakatugma ang mga bilang. Kinukuha ng mga indibidwal ang ibang aytem para magamit nang personal, nang hindi ito itinatala o iniuulat. Ni hindi mapangasiwaan nang maayos ng mga huwad na lider ang gayon kasimpleng parte ng gawain ng pangkalahatang usapin Ginugulo nila ang gawaing ito, pero panatag pa rin sila, inaakalang marami silang natapos na gawain. Hindi kailanman nagsasagawa ng regular na inspeksiyon, pagmementena, at pangangalaga sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ang mga huwad na lider; sa puso nila, wala sila ni katiting na malasakit sa mga aytem na ito. Ipagpalagay na tinanong mo sila, “May namamahala ba sa pagmementena at pangangalaga sa mga kagamitang ito? Nagkaroon ba ng anumang kaso ng pag-aaksaya sa pagbili ng mga reserbang piyesa kapag kinukumpuni ang mga ito? O ng sinumang gumagastos nang sobra o nataga sa presyo? May pinanagot ba sa mga insidenteng iyon? May pinagmulta ba o binigyan ng babala?” Walang magiging alam o pakialam sa kahit na ano rito ang mga huwad na lider. Kung ginamit ba nang di-lehitimo ang pera kapag bumibili ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos, kung may naitalaga bang sinuman para pangasiwaan ang mga bagay na iyon pagkatapos bilhin ang mga ito, kung angkop ba ang mga bagay na binili at kung epektibo bang magagamit ang mga iyon, at, kung hindi, kung ibinalik ba o pinapalitan ang mga iyon sa loob ng takdang panahon—wala silang alam sa mga ito. Mga hangal sila—wala silang alam. Ang iniisip lang ng mga huwad na lider ay kung paano ipangaral ang mga doktrina sa mga pagtitipon para igalang sila ng mga tao; wala silang kapabilidad sa gawain pagdating sa partikular na usapin ng pamamahala sa mga aytem, ni anumang saloobin sa usaping ito. Hindi nila alam na ito ay gawaing dapat nilang gawin, ni hindi nila alam kung paano ito gawin. Ang pananaw ng mga huwad na lider pagdating sa mga aytem ng sambahayan ng Diyos ay na ito ay pag-aari lahat, kaya sinumang gustong gumamit ng isang bagay ay puwede itong gamitin, at sinumang nangangailangan ng isang bagay ay maaari itong kunin o mag-apply para dito sa mga nakatataas—na karapatan ito ng lahat, at hindi dapat mapasailalim sa pamamahala o kontrol ng kahit sinong indibidwal ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Kaya, kung may isang taong makasira o makawala ng isang kagamitan, wala silang pakialam, at kung may isang taong mag-apply na bumili ng isang bagay, wala rin silang pakialam kung mahal ba ito o mura. Ang katunayan, may mga panuntunan ang sambahayan ng Diyos para sa mga bagay na ito. Basta’t tinutupad ng mga lider at manggagawa ang kanilang mga responsabilidad at isinasagawa nila ang mga wastong pagbeberipika ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, ang lahat ng gayong kawalan at pagkasayang ay puwedeng maiwasan. Pero ni hindi ginagawa ng mga huwad na lider ang pinakasimpleng gawaing ito na maaaring pumigil sa mga kawalan. Hindi ba’t kinakain lang nila nang libre ang pagkain ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t palamunin lang sila? Hindi ba’t isa itong partikular na pagpapamalas ng “pagiging huwad” ng mga huwad na lider? Paano ninyo pangangasiwaan ang gayong lider, kapag may isa kayong nakaharap? (Tatanggalin sila.) Tatanggalin lang sila, at iyon na iyon? Hindi ba’t kailangan ninyo silang turuan ng isa o dalawang bagay? “Ang kagamitang iyon ay inilagay riyan, at naging mamasa-masa ito, at walang tumingin dito nang ilang araw. Hindi malinaw kung gagana pa ba ito, o kung nangatngat na ng mga daga ang mga kable. Bakit hindi mo isipin ang mga bagay na ito? Sira na at kailangan nang kumpunihin ang kompiyuter na ginagamit ko. Maaantala nito ang gawain kung hindi ito makukumpuni. Pero maraming beses na akong nag-apply nito sa iyo—bakit hindi mo pa ito pinapansin? Ano ba ang pikit-mata mong pinagkakaabalahan sa buong araw, kaya tuliro ka? Kapag ang isang lider na gaya mo ang inasahan para gawin ang gawain, inaantala mo ang lahat ng gawain, at nasisira mo ang lahat ng kagamitan at mga materyal na aytem. Hindi mo binabantayan o pinamamahalaan ang iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos. Hindi ka angkop na maging isang lider—bilisan mo at magbitiw ka na!” Tama lang ba na pangaralan sila nang ganito? (Oo.) Ano ang taglay ng isang taong naglalakas-loob na pangaralan ang mga lider at manggagawa? Dapat muna siyang maging matapang, at dapat siyang magkaroon ng pagpapahalaga sa katarungan. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ako mangangahas na pangaralan ang mga lider at manggagawa. Mga opisyal sila, at isang sundalo lang ako, labis na mas mababa ang ranggo ko kaysa sa kanila. May katotohanan sila at kaya nilang mangaral ng mga sermon. Hindi ako magaling sa kahit ano, at wala ako sa posisyon para pangaralan sila.” Hindi ba’t ito ang lohika ng isang tampalasan? (Ito nga.) Kung gayon, paano ninyo pangangaralan ang ganitong klase ng lider? “Kung kaya mong gawin ang gawaing ito, gawin mo ang makakaya mo para gawin ito, at gawin mo ito nang naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Anumang isaayos mong gawin namin ay susundin namin. Pero kung hindi mo susubukan ang makakaya mo para magawa ang gawaing ito, kung hindi mo ito gagawin ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, hindi mo kami magagawang makinig sa iyo kailanman! Bukod doon, kung hindi ka gagawa ng anumang tunay na gawain, may karapatan kaming tanggalin ka sa posisyon mo at paalisin ka! Saktan mo ang sarili mo, kung gusto mong manakit ng iba—huwag mong subukang saktan kaming lahat.” Mangangahas ba kayong pangaralan sila nang ganito? (Oo.) Sinasabi ninyo iyan ngayon; gagawin ba ninyo talaga, kapag dumating na ang oras para gawin ito? Sa pangkalahatan, sa mga bagay na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo at sa mahahalagang usapin, hindi kayo nangangahas na magsalita nang kaswal, dahil sa takot na ang kawalan ng kabatiran, at linaw sa pagsasalita, ay maaaring mangahulugang hinuhusgahan lamang ninyo ang mga lider at manggagawa at nagdudulot lang kayo ng pagkakagulo. Pero dapat kaya ninyong magkaroon ng kabatiran sa mga usapin ng pamamahala sa mga materyal na aytem; dapat kayong matutong kumilatis sa usaping ito at magkaroon ng pagkaarok sa mga prinsipyo nito.
May isang taong namamahala sa mga damit sa isang pangkat ng mga gumagawa ng pelikula. Wala siyang pakundangan sa kanyang mga kilos, at palagi niyang palihim na nilulustay ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Nang iwan niya ang pangkat ng mga gumagawa ng pelikula, may dinala siyang ilang bagay, at nakita sa pagsusuri kalaunan sa mga account na marami sa perang natanggap niya ang hindi nagtugma. Bukod pa roon, bagama’t hindi siya nagtatrabaho, may pera siya, at nakabili rin siya ng maraming mamahaling aytem. Maraming tao ang nambobola sa kanya noong nasa pangkat siya ng mga gumagawa ng pelikula, at gusto nilang lahat na magkaroon ng magandang relasyon sa kanya, para kapag kinailangan nila ng mga damit, kailangan lang nilang manghingi, at bibigyan na niya sila ng ilan. Kapag ang isang tao ay hindi maganda ang relasyon sa kanya, ni hindi niya ibibigay rito ang damit na dapat nitong makuha. Anong problema ito? Ito ay isang problema sa mga tauhan sa pamamahala. Sa isang banda, nilulustay niya mismo ang mga bagay na ito; sa isa pang banda, hindi niya inilaan ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos nang naaayon sa mga prinsipyo, sa halip ay sumunod siya sa mga damdamin niya, sa sarili niyang kalooban, at sa mga ugnayan niya. Ayon sa mga prinsipyo, dapat ay inalis na ang taong ito. Ito ay isang malinaw na problema. Bukod sa hindi ito ginawa ng huwad na lider, itinuring pa ng huwad na lider na isa itong mabuting tao at isinaayos niya na pumunta ito sa ibang lugar para gawin ang tungkulin nito. Hindi ba’t pinalalala nito ang pagkakamali? Ano ang tingin ninyo sa paraan kung paano ginampanan ang gawaing ito? Naaayon ba ito sa mga prinsipyo? Natupad ba ng lider na ito ang mga responsabilidad na dapat gawin ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Kung isasantabi sandali kung ano ang makukuhang mga pakinabang ng lider sa pangangasiwa nang ganito sa taong iyon—kung huhusgahan lang kung paano niya pinangasiwaan ang usaping ito, ano ang kalikasan nito? Ito ay iyong pagkupkop sa isang masamang tao batay sa mga damdamin, at hindi pangangasiwa rito ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Kaya, para iugnay ito sa ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, anong pagkakamali ang ginagawa ng ganitong klase ng lider at manggagawa sa kanyang pagtrato sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos? Tinupad ba ng lider na ito ang mga responsabilidad niya? Ang pangangasiwa ba niya sa usapin ay batay sa pagprotekta sa mga aytem ng sambahayan ng Diyos? Siguradong hindi. Hindi niya sineryoso ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos, nagpikit-mata pa nga siya habang hinahayaan niya ang mga aytem na ito na sirain o kunin ayon sa kapritso ng masamang tao. Ganito ba niya ito pangangasiwaan kung sarili niyang mga gamit ang nasira o inangkin ng ibang mga tao? Hindi—kung ganoon ang nangyari ay iisipin niya ang paghihiganti at kabayaran. Kung gayon, bakit hindi niya pinangasiwaan nang ganoon ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos? Sinabi pa nga niya, “Puwede siyang kumuha ng ilang aytem, kung gusto niya—hindi naman ganoon karami ang kinukuha niya. Puwede niyang medyo lustayin ang mga ito, kung gusto niya—sino ba ang walang kaunting pagnanais na gawin iyon? Ano ba ang halaga ng kakaunting bagay na nilulustay niya? Hindi naman ibig sabihin na kaunti ang nakukuha ng iba.” Anong klaseng saloobin ito? Ito ba ang saloobing dapat mayroon ang mga lider at manggagawa sa mga aytem ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Hindi ba’t wala silang utang na loob? At anong lohika ang sinabi nila sa huli? “Hayaan mo siyang lustayin ang mga bagay na iyon—hindi natin kailangang singilin sa kanya ang mga account na ito. Ano ba ang halaga ng kakaunting pera at maliliit na aytem na iyon? Mas marami pa ngang nilulustay ang mga anticristo kaysa roon. Ang paglustay niya sa mga aytem na iyon ay sa pagitan na niya at ng Diyos—problema na niya kung paano niya ipapaliwanag ang kanyang sarili sa harap ng Diyos, pagdating ng panahon. Wala itong kinalaman sa atin.” Anong mga kaisipan at damdamin ang nararanasan ninyo pagkatapos ninyong marinig ang isang lider na sabihin ang gayong bagay? Sinumang may kahit anong pagpapahalaga sa katarungan, na may kaunting kamalayan sa konsensiya, ay tatangis sa loob niya kapag narinig ang mga salitang ito, at maghihinagpis at madidismaya siya, kahit pa ordinaryong tagasunod lang siya, at lalo na kung isa siyang lider o manggagawa! Ang ganitong uri ng huwad na lider ay masyadong nagtatamasa ng biyaya at proteksiyon ng Diyos, at ng napakarami sa mga katotohanan ng Diyos, pero mayroon pa rin siyang ganitong uri ng walang-pusong saloobin sa mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Nagtataglay ba siya ng pagkatao? Angkop ba siyang maging isang lider o isang manggagawa? (Hindi.) Sa sandaling tanggalin ang gayong tao, kalipikado ba siyang maging isang lider o manggagawa sa hinaharap? (Hindi—hindi maganda ang pagkatao niya.) Paano naipapamalas ang kanyang hindi magandang pagkatao? (Sa kanyang hindi pagtataguyod sa mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Sa anong partikular na kilos niya hindi itinataguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ano ang diwa ng partikular na pagpapamalas na ito? Ang mga taong gaya nito ay wala sa tamang lugar ang puso at mababa ang kanilang karakter; talagang maayos silang magsalita, pero wala silang anumang tunay na ginagawa. Hinding-hindi dapat maging mga lider at manggagawa ang gayong mga tao. Ang mga taong wala sa tamang lugar ang puso ay hindi nagmamahal sa katotohanan, kundi naririyan para sa sarili nilang pakinabang; ang mga taong wala sa tamang lugar ang puso ay hinding-hindi iniisip ang hinirang na mga tao ng Diyos, at hinding-hindi nila itinataguyod ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.
Ang unang pundamental na bagay na dapat gawin ng mga lider at manggagawa ay ang panatilihin ang maayos na pagbabantay sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, ang magsagawa ng wastong pagsusuri at magbantay para sa sambahayan ng Diyos, hindi hayaan ang anumang aytem na masira, masayang, o maangkin ng masasamang tao. Ito ang pinakamababang bagay na dapat nilang gawin. Sa sandaling mahirang ka bilang isang lider o manggagawa, itinuturing ka ng sambahayan ng Diyos bilang katiwala nito: Kasama ka na sa mga namamahala, at ang gampaning pinapasan mo ay mas mabigat kaysa sa pinapasan ng iba. Nagdadala ka ng isang malaking responsabilidad. Kaya ang bawat saloobin mo, ang bawat kilos mo, ang bawat plano mo sa pangangasiwa ng mga isyu, at ang bawat pamamaraan mo sa paglutas ng mga problema, ay kinasasangkutan lahat ng mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kung ni hindi mo isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o isinasapuso ang mga iyon, hindi ka angkop na maging isang tagapangasiwa ng Kanyang sambahayan. Anong klaseng tao ito? Bakit hindi siya angkop na maging isang tagapangasiwa ng sambahayan ng Diyos? Sa mga huwad na lider, may ilan na hindi lang mahina ang kakayahan—ang pangunahing problema nila ay iyong wala silang dinadalang pasanin; hindi nila alam kung paano gumawa, pero hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi nila kayang tuparin maging ang pinakamaliliit na responsabilidad na dapat gawin ng isang tagapangasiwa. Wala silang konsensiya o katwiran. Ito ay dahil wala sa tamang lugar ang puso nila, mababa ang karakter nila, at makasarili at mababang-uri sila; hindi man lang nila itinataguyod ang gawain ng iglesia, kundi madalas na sinisira at ipinagkakanulo ang mga interes ng iglesia, nagpapalakas sa mga tao at itinataguyod ang kanilang mga relasyon sa ibang tao kapalit ng pagpinsala sa mga interes ng iglesia. Hinahayaan nilang masira, masayang, mawala, o maangkin ng masasamang tao ang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, at wala silang anumang pakialam dito, o nadaramang anumang pagkakautang o pagkakonsensiya rito. Kaya, pagdating sa pagpili ng mga lider at manggagawa, kung titingnan ito mula sa perspektiba ng pagkatao, ano ang pangunahing bagay na dapat taglay nila? Dapat ay mayroon silang konsensiya at pagpapahalaga sa katarungan, at dapat ay wasto ang mga motibo nila. Dapat munang makapasa sa pamantayan ang pagkatao nila. Gaano man kalaking kapabilidad sa gawain ang taglay nila, o anumang antas ng kakayahan ang taglay nila, ang mga ganoong klaseng tao ay magiging pasok sa pamantayan bilang mga katiwala kung maglilingkod sila bilang mga superbisor. Kahit papaano man lang, magagawa nilang itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang pare-parehong mga interes ng mga kapatid. Siguradong hindi nila ipagkakanulo ang mga interes ng mga kapatid ni ang mga sa sambahayan ng Diyos. Kapag malapit nang mapahamak o mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang mga kapatid, pinag-isipan na nila ito nang maaga, at sila ang mauunang kikilos at poprotekta sa mga ito, kahit pa ang paggawa niyon ay makakaapekto sa seguridad nila, o mangangailangan na sila ay magbayad ng halaga o magdusa. Lahat ito ay mga bagay na kayang gawin ng mga taong may konsensiya at katwiran. Ang ilang huwad na lider at manggagawa ay nagmamadaling humanap ng ligtas na lugar na mapagtataguan kapag nahaharap sila sa mapapanganib na sitwasyon, pero pagdating sa mahahalagang aytem ng sambahayan ng Diyos—ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, mga cell phone, kompiyuter, at iba pa—wala silang pakialam sa mga ito ni tinatanong nila ang tungkol sa mga ito. Kung nag-aalala sila kung paano maaapektuhan ng pagkaaresto nila ang kabuuan ng gawain ng iglesia, puwede naman silang magpadala ng ibang mga tao para pangasiwaan ang mga ito—pero ang mga huwad na lider na ito ay nagtatago lang para sa kapakanan ng sarili nilang seguridad. Takot na takot sila, at para matiyak ang kanilang seguridad, hindi nila ginagawa kung ano ang kaya nila. Kaya maraming pagkakataon kung saan ang kapabayaan, kawalan ng aksiyon, at pagiging iresponsable ng mga huwad na lider ay nagdudulot na masamsam at makuha ng malaking pulang dragon ang iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos at mga handog sa Diyos kapag nagkakaroon ng mapapanganib na sitwasyon, na nagdudulot ng mga seryosong kawalan. Kapag ang mga sitwasyong iyon ay nagsisimula pa lang mangyari sa iglesia, ang unang dapat isipin ng mga lider at manggagawa ay ang ilagay sa mga angkop na lugar ang mga kagamitan at materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, ang ipagkatiwala ang mga iyon sa mga angkop na tao para mapamahalaan; hinding-hindi dapat hayaan ang malaking pulang dragon na kunin ang mga iyon. Pero walang gayong mga iniisip kailanman ang mga huwad na lider; kailanman ay hindi nila inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip inuuna nila ang sarili nilang seguridad. Ang kabiguan ng mga huwad na lider na gumawa ng tunay na gawain ay madalas na nagdudulot na magdusa ng kawalan o pinsala ang iba’t ibang mahalagang aytem ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t isa itong seryosong kapabayaan sa responsabilidad sa bahagi ng mga huwad na lider? (Oo.)
Tungkol naman sa ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ano ang pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider na inilalantad natin? Ang saloobin ng mga huwad na lider sa mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ay kawalan ng malasakit at kawalan ng pagpapahalaga; hindi sila sumusunod sa mga prinsipyo, kundi pabaya nilang inilalaan ang mga bagay na iyon, batay sa sarili nilang mga imahinasyon at kagustuhan. Habang pinamamahalaan nila ang mga bagay-bagay, madalas na sumasailalim sa matataas o mabababang antas ng pagkapinsala at pagkasayang ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos, na nagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider. Ni hindi mapangasiwaan ng mga huwad na lider ang pinakasimple at nag-iisang parteng ito ng gawain ng pangkalahatang usapin; ni hindi nila kayang gawin iyon o gawin iyon nang maayos—kung gayon, ano ang kaya nilang gawin? Kaya, kapag nakita ninyo ang gayong mga tao na umaakto bilang mga lider, maaari ninyong inspeksiyonin at pangasiwaan ang gawain nila. Kung magugulo nila ang iisang parteng ito ng gawain ng pangkalahatang usapin, hindi ginagawa kahit ang kaya naman nilang gawin, at hindi sila humahanap ng ibang mga angkop na tao para gawin ito kapag wala silang oras, dapat tanggalin at alisin kaagad sa kanilang puwesto ang gayong mga lider. Hindi sila kailanman gagamitin ng sambahayan ng Diyos. Angkop ba ito? (Angkop.) Bakit? Ang isang taong wala sa tamang lugar ang puso, na baluktot ang pagkaarok, at kumikilos lamang ayon sa mga damdamin niya at sa kanyang mga makasarili at mababang-uring ambisyon at pagnanais, ay hindi mapagkakatiwalaan. Anong gawain ang kayang gawin nang maayos ng isang taong hindi mapagkakatiwalaan? Anong tungkulin ang kaya niyang gawin nang maayos? Kaya ba niyang gumawa ng isang tungkulin nang may katapatan? (Hindi.)
Sa pamamagitan ng pagbabahaginan ngayon tungkol sa ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, hindi ba’t nailatag Ko nang malinaw ang isa pa sa mga prinsipyo at pamantayan na hinihingi sa mga lider at manggagawa? Ang sangkot dito ay hindi ang usapin ng kakayahan, ni ang usapin ng kapabilidad sa gawain, kundi ang usapin ng pagkatao. Obserbahan ninyo ang mga taong nagsisilbi bilang mga lider at manggagawa, o ang mga nililinang ng iglesia, at tingnan ninyo kung mayroon sa kanila na hindi maganda ang pagkatao at na ang puso ay wala sa tamang lugar, na ang pagkatao ay katulad ng sa mga huwad na lider na hinimay sa ikasampung aytem. Kung talagang makakita kayo ng gayong mga lider at manggagawa, kailangan ninyo silang tanggalin, at dapat ninyong tandaan na huwag kailanman maghalal ng gayong mga tao bilang mga lider, at huwag kailanman maglinang ng gayong mga tao para maging mga lider at manggagawa. Kung hindi nauunawaan ng ilang tao ang karakter ng gayong mga tao at inihalal nila ang mga iyon, iulat ninyo kaagad. Huwag ninyo silang bigyan ng pagkakataong maging mga lider at manggagawa. Ang mga taong iyon ay hindi nagiging mga lider at manggagawa para gumawa ng tunay na gawain, kundi para wasakin ang gawain ng iglesia. Kung magiging mga lider sila, ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ay mawawasak lang bilang resulta nito. Handa ba kayong makakita ng gayong kahihinatnan? (Hindi.) Kung gayon, paano ninyo dapat tratuhin ang gayong mga tao? Kung sa kasalukuyan ay nagsisilbi sila bilang mga lider, iulat ninyo sila at alisin sila sa kanilang mga posisyon. Kung hindi naman, kung hindi pa sila naihahalal, sabihin ninyo sa lahat: “Hindi mabuti ang taong ito. Huwag ninyo siyang ihalal, anuman ang gawin ninyo; makapipinsala ito sa iglesia.” At kung nalinlang at nailigaw ang mga tao na ihalal sila, dapat mong ipaalam ito kaagad sa lahat: “May nagawa tayong mali ngayon. Naihalal natin bilang lider natin ang isang taong hindi maganda ang pagkatao, na wala sa tamang lugar ang puso. Ngayong nagawa na natin ito, makararanas ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ng mga kawalan at pinsala. Kailangan natin siyang alisin kaagad sa posisyon niya, para hindi mapinsala ang mga interes at iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos. Hindi natin siya dapat hayaang magtagumpay sa kanyang pakana.” Angkop bang gawin ang bagay na ito? (Angkop.)
Ang mga hinirang bilang mga lider at manggagawa ay hinihingang magkaroon ng kakayahan at kapabilidad sa gawain; ngayon ay may mga hinihingi rin sa kanilang katangian. Ano ang masasabi ninyo, dahil ba ito sa ang karamihan sa mga tao ay hindi pasok sa mga pamantayan ng pagiging mga lider at manggagawa? Alin sa tatlong ito ang pinakamahalaga? (Pagkatao.) At ang pumapangalawa? (Kapabilidad sa gawain.) Pagkatapos noon? (Kung mayroon ba silang kakayahan o wala.) Talagang tumpak ang pagkakasunod-sunod na ito. Kapag pipili kayo ng mga lider sa hinaharap, sukatin sila ayon sa pagkakasunod-sunod na ito. Sinasabi ng ilang tao, “May problema sa pagkakasunod-sunod na ito. Ipagpalagay na nauuna ang pagkatao, at may ilang tao na may mabuting pagkatao pero may hindi gaanong mahusay na kakayahan, at kung mapipili sila bilang mga lider, hindi sila makagagawa ng kahit anong tunay na gawain—kung gayon, ayos pa rin ba na isaalang-alang lamang ang pagkatao ng mga tao?” Ang pagkatao ng mga tao ang pangunahing mahalaga, at ito ang unang bagay na dapat ninyong tingnan, pero hindi lamang ito ang tanging bagay na isasaalang-alang kapag naghahalal ng mga lider at manggagawa. Kung pasok sa pamantayan ang pagkatao ng isang tao, sunod ninyong tingnan ang kanyang kapabilidad sa gawain. Kung wala siyang kapabilidad sa gawain, at hindi niya kayang gumawa ng kahit anong tunay na gawain, puwede ninyong ipagawa sa kanya ang gawain na hindi masyadong mahirap para sa mga abilidad niya. Kung may mabuti siyang pagkatao, at kaya niyang pasanin ang gawain at subukan ang kanyang makakaya para gawin ito nang maayos, at siya ay mapagkakatiwalaan, at hindi na kailangang mag-alala ng sambahayan ng Diyos tungkol sa paggamit sa kanya, at nakakapagpatibay, nakakatulong, at kapaki-pakinabang siya sa karamihan ng mga kapatid, siya ay pasok sa pamantayan. Kung mahina naman ang kakayahan niya at wala siyang kapabilidad sa gawain, o kung karaniwan lang siya pagdating sa kanyang kapabilidad sa gawain, ipagampan ninyo sa kanya ang ilang simpleng gawain o ang iisang trabaho. Kung may mahusay siyang kakayahan at magaling na kapabilidad sa gawain, puwede siyang gumampan ng ilang mahalagang gawain o ilang iba’t ibang trabaho. Hindi ninyo man lang ba kayang magsagawa ng mga ganitong klaseng pagsasaayos? Kung hindi maganda ang pagkatao niya at wala sa tamang lugar ang puso niya, gaano man kahusay ang kapabilidad niya sa gawain, magagawa ba niya nang maayos ang gawain? (Hindi.) Kung namamahala siya sa isang kompanya o sa ilang kawani, maaaring hindi ito problema—ngunit anong mga isyu ang lilitaw kung hinilingan siyang mamahala sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos? Una sa lahat, talagang hindi niya pamamahalaan ang mga aytem na iyon o makakagawa ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Wala sa tamang lugar ang puso niya, hindi niya minamahal ang katotohanan, at puro pakana lamang ang nasa puso niya, walang iba kundi mga buktot na ideya at kaisipan, kaya tuwing kumikilos siya, ginagawa niya iyon ayon sa sarili niyang mga kagustuhan, at batay sa sarili niyang mga interes, hindi batay sa mga katotohanang prinsipyo, ni sa pagiging patas. Isinasaalang-alang lamang niya kung ano ang mawawala o mapapala niya, at hindi niya iniisip ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos—at samakatwid ay nakatadhana siyang mabigo sa gawain ng mga lider at manggagawa. Paano ito natutukoy? Sa pamamagitan ng kanyang katangian; hindi ito natutukoy sa kapabilidad niya sa gawain. Kaya nga, kapag tinitimbang kung ang isang tao ay marangal o hamak, at kung naaabot ba niya ang mga pamantayan ng sambahayan ng Diyos para sa pagpili ng mga lider at manggagawa, tingnan muna ang kanyang pagkatao: Kung maaasahan at pasok sa pamantayan ang pagkatao niya, pagkatapos ay isaalang-alang kung siya ay nagtataglay ng kapabilidad sa gawain at may pasanin; pagkatapos ay isaalang-alang ang iba pang mga aspekto.
Ito ang ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng lider at manggagawa. Ito ang humigit-kumulang na hinimay sa ikasampung aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Puwedeng makita ng isang tao sa saloobin at mga pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga huwad na lider ang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, na karamihan sa kanila ay walang konsensiya at katwiran, na masyadong mababa ang kanilang pagkatao at hindi sila umaako ng responsabilidad—puwede ninyong sabihin na wala sa tamang lugar ang puso nila. Hindi ba’t mayroon na tayong isa pang ebidensiyang magagamit ngayon para tukuyin na ang isang tao ay huwad na lider? Hindi kayang gumawa ng gawain ang ilang huwad na lider dahil mahina ang kakayahan nila, at dahil bulag sila at wala silang kabatiran sa mga bagay-bagay. Ang ilan ay hindi gumagawa ng aktuwal na gawain dahil wala sa tamang lugar ang puso nila, at naroroon sila para lamang sa kanilang mga sariling pakinabang—hindi nila itinataguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at wala silang pakialam kung mabuhay man o mamatay ang hinirang na mga tao ng Diyos. Dapat tanggalin at itiwalag kaagad ang bawat uri ng huwad na lider hangga’t posible, para maiwasan ang mga pagkaantala sa gawain ng sambahayan ng Diyos at ang pagkapinsala sa Kanyang hinirang na mga tao.
Mayo 1, 2021