Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (10)

Ikasiyam na Aytem: Tumpak na Ipagbigay-alam, Iatas, at Ipatupad ang Iba’t Ibang mga Pagsasaayos ng Gawain ng Sambahayan ng Diyos Alinsunod sa mga Hinihingi Nito, Magbigay ng Patnubay, Pangangasiwa, at Panghihikayat, at Mag-inspeksiyon at Magsubaybay sa Estado ng Pagpapatupad sa mga Ito (Ikalawang Bahagi)

Magbigay ng Patnubay, Pangangasiwa, at Panghihikayat Para sa Pagpapatupad ng mga Pagsasaayos ng Gawain, at Mag-inspeksiyon at Magsubaybay sa Estado ng Pagpapatupad ng mga Ito

Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Tumpak na ipagbigay-alam, iatas, at ipatupad ang iba’t ibang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga hinihingi nito, magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat, at mag-inspeksiyon at magsubaybay sa estado ng pagpapatupad sa mga ito.” Noong nakaraan, pangunahin nating pinagbahaginan ang iba’t ibang nilalaman at mga partikular na aytem sa mga pagsasaayos ng gawain na kinakailangang maunawaan ng mga tao, pati na ang mga pinakapangunahing responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang ipagbigay-alam, iatas, at ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Ngayon, partikular nating pagbabahaginan kung paano dapat magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat ang mga lider at manggagawa, at paano sila dapat mag-inspeksiyon at magsubaybay sa estado ng pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain pagkatapos iatas ang mga ito. Paano dapat tratuhin ng mga lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain, at paano tumpak na ipatupad at isagawa ang mga pagsasaayos ng gawain alinsunod sa mga hinihingi ng Itaas at sa mga hakbang, sa sandaling maunawaan nila ang kahalagahan ng mga pagsasaayos ng gawain—ang mga ito ay mga katotohanang prinsipyo na kailangang maunawaan ng mga lider at manggagawa sa pamamagitan ng pagbabahaginan, at kailangan nilang maarok ang mga prinsipyong ito upang magampanan nang maayos ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Dapat malaman ng mga lider at manggagawa na ang pangunahing hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga naglilingkod sa papel na ito ay ang pangunahing gampanan ang kanilang gawaing nakasentro sa iba’t ibang pagsasaayos ng gawain. Hindi ito para asikasuhin nila ang sarili nilang personal na proyekto o gumawa sila ng mga bagay alinsunod sa sarili nilang mga pagnanais, at lalong hindi ito para mangapa sila sa alinmang gawaing ginagawa nila. Siyempre, hindi rin ito para mag-imbento o lumikha sila ng kahit ano. Sa halip, ito ay para gumawa sila nang partikular at nang detalyado batay sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Paano ba dapat partikular na isagawa ang gawain? Ano ang mga kaugnay na detalye? Ang sagot sa mga katanungang ito ay nasa mga hinihingi ng ikasiyam na responsabilidad: Bukod sa pagbibigay-alam, pag-aatas, at pagpapatupad ng iba’t ibang pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, kailangan din ng mga lider at manggagawa na magbigay ng patnubay, pangangasiwa at panghihikayat, at mag-inspeksiyon at magsubaybay sa estado ng pagpapatupad ng mga ito. Ang mga ito ang mga partikular na landas ng pagsasagawa para maipatupad ng mga lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain. Susunod, isa-isa nating tatalakayin ang mga ito.

Pagkatapos iatas ang mga pagsasaayos ng gawain, kailangan munang pagnilayan at pagbahaginan ng mga lider at manggagawa ang iba’t ibang hinihingi at prinsipyo na nakalahad dito. Pagkatapos, kailangan nilang maghanap ng mga landas at plano ng pagsasagawa para partikular na ipatupad ang gawain. Una, kailangan nilang malaman kung ano ang hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, kung anong partikular na gawain ang kailangang gawin, at kung ano ang mga kaugnay na prinsipyo, pati na kung sinong mga tao at aling aspekto ng gawain ang tinutukoy ng mga pagsasaayos ng gawain. Ito ang unang dapat gawin ng mga lider at manggagawa pagkatapos matanggap ang mga pagsasaayos ng gawain. Hindi nila dapat kaswal na sulyapan ang mga pagsasaayos ng gawain at pagkatapos ay basahin ang mga ito nang malakas para sa lahat, o ipasa ang mga ito at ipaalam sa lahat ang tungkol sa gawain, at pagkatapos ay iyon na iyon. Ito ay pagbibigay-alam at pag-aatas lang ng mga pagsasaayos ng gawain; hindi ito pagpapatupad sa mga ito. Ang unang partikular na gampanin sa kanilang pagpapatupad ay ang matutuhan ng mga lider at manggagawa ang partikular na nilalaman ng mga pagsasaayos ng gawain, ang mga hinihingi at layon ng Diyos para sa mga gawaing ito ng iglesia, at ang kahalagahan ng pagsasakatuparan ng gawaing ito, at pagkatapos ay ang bumuo ng mga partikular na plano ng pagsasagawa at pagpapatupad. Ito ang unang hakbang. Madali bang makamit ang unang hakbang? (Oo.) Basta’t nakakaunawa ka ng mga nakasulat na salita at wika ng tao, madali mong makakamit ang unang hakbang. Siyempre, ang pagsasakatuparan sa unang hakbang ay nangangailangan din ng seryoso, taimtim, responsable, at metikulosong saloobin ng mga lider at manggagawa sa kanilang gawain, sa halip na maguluhan, maging pabasta-basta, o wala sa loob na gumagawa. Nabanggit man noon ang pagsasaayos ng gawain o hindi, madali man o medyo mahirap para sa mga tao na makamit ito, handa man ang mga tao na gawin ito o hindi, ano’t anuman, hindi dapat magkaroon ng walang-ingat na saloobin ang mga lider at manggagawa tungkol sa gawain ng iglesia, nagsasalita lang ng mga doktrina, sumisigaw ng mga islogan, o gumagawa ng ilang mababaw na pagsisikap para harapin ito sa pabasta-bastang paraan. Ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao? Una, dapat silang magkaroon ng seryoso, taimtim, responsable, at metikulosong saloobin. Ang pagkakaroon ba ng ganitong saloobin ay nangangahulugan na maipapatupad nang maayos ng isang tao ang mga partikular na aytem sa mga pagsasaayos ng gawain? Hindi, ito ay ang saloobin lang na dapat taglayin ng isang tao kapag gumagawa ng anumang gawain; hindi nito mapapalitan ang aktuwal na pagpapatupad ng mga partikular na gampanin. Sa sandaling magtaglay sila ng ganitong saloobin at maunawaan din nila ang partikular na nilalaman, mga hinihingi, at mga prinsipyo ng mga pagsasaayos ng gawain, ang susunod na hakbang para sa mga lider at manggagawa ay kung paano nila ipapatupad ang mga partikular na gampanin sa mga pagsasaayos ng gawain. Ano ang unang dapat gawin? Kailangan nilang gawin nang maayos ang gawain ng paghahanda; napakahalaga nito. Una, kailangan nilang tipunin ang mga lider, manggagawa, at superbisor para pagbahaginan ang mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa para sa mga gampaning ito. Pagkatapos, kailangan nilang bumuo ng mga partikular na pagsasaayos at plano. Kasabay nito, dapat silang maghanap ng mga suhestiyon o ideya ng hinirang na mga tao ng Diyos tungkol sa mga planong ito. Dapat maghanap at magbahaginan ang lahat nang sama-sama hanggang sa maunawaan at maging malinaw ang lahat ng mga hinihingi at prinsipyo na inilalahad sa mga pagsasaayos ng gawain, at hanggang sa malaman na ng lahat kung paano ipatupad ang mga pagsasaayos na ito ng gawain at kung paano magsagawa—saka maituturing na kompleto na ang paunang hakbang ng pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain. Kaya, kapag marunong na ang lahat kung paano ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, nangangahulugan ba ito na kompleto na ang gampanin ng pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain? Hindi. Ang ilang detalyadong isyu at espesyal na sitwasyon ay hindi binabanggit sa mga pagsasaayos ng gawain, pero ang mga ito ay mga problema na talagang kailangang solusyunan. Habang nagbabahaginan tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain, kailangang tuklasin ng mga lider at manggagawa ang mga espesyal na sitwasyong ito, ang mga isyung ito na dapat lutasin, at hanapin ang katotohanan para lubusang solusyunan ang mga ito, at kasabay nito, dapat din silang bumuo ng mga partikular na plano ng pagpapatupad para sa mga ito. Sa ganitong paraan, kapag ipinapatupad ng mga lider at manggagawa sa iba’t ibang antas ang mga pagsasaayos ng gawain, malalaman nila kung aling mga prinsipyo ang susundin at aling mga problema ang sosolusyunan. Ito ang pinakamababang pang-unawa at saloobin na dapat taglayin ng mga lider at manggagawa tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain. Ang gampaning ito ay maituturing na panimulang hakbang para matutuhan ng mga lider at manggagawa kung paano gumawa ng gawain ng iglesia. Sa pamamagitan ng paghahanap, pagbabahaginan, pagbibigay ng patnubay, at paggawa ng mga pagsasaayos, natututo silang tratuhin at pangasiwaan ang ilang aktuwal na suliranin at espesyal na sitwasyon nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Saka lang nila tunay na maipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain.

I. Pagbibigay ng Patnubay

Kapag nagbibigay ng paunang patnubay para sa isang gampanin, bukod sa pag-aalok ng mga partikular na plano ng pagpapatupad para sa mga espesyal na sitwasyon, dapat bigyan ng mas partikular at detalyadong patnubay ang mga lider at manggagawa na may katamtamang kakayahan at medyo mahinang kapabilidad sa gawain. Bagama’t ang mga taong ito ay maaaring nauunawaan ang mga prinsipyo at mga partikular na plano ng pagpapatupad para sa isang gampanin batay sa doktrina, hindi pa rin nila alam kung paano isagawa ang mga ito pagdating sa aktuwal na pagpapatupad. Paano mo dapat tratuhin ang ilang lider at manggagawa na may mahinang kakayahan at walang kapabilidad sa gawain? Sinasabi ng ilang tao, “Kung ang isang taong may mahinang kakayahan ay hindi kayang gawin ang gawain, bakit hindi na lang maghanap ng ibang tao na may mas mahusay na kakayahan para palitan siya?” Narito ang suliranin: Hindi makahanap ang ilang iglesia ng sinumang mas mahusay. Sa mga iglesiang iyon, halos pareho lang ang tagal ng pananampalataya ng lahat at tinatayang magkakapareho lang ang tayog nila; sa partikular, katamtaman lang ang kakayahan at kapabilidad sa gawain ng bawat isa. Para makahanap ng isang taong mas mahusay, kakailanganin mong maglipat ng mga tao mula sa ibang iglesia, pero hindi iyon gaanong madaling gawin doon, at walang sinumang tunay na angkop na mga kandidato. Ang magagawa mo lang ay pumili ng mga medyo angkop na kandidato mula sa lokal na iglesia. Kung hindi nakakatugon sa mga hinihinging pamantayan ang kanilang gawain, ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Dapat partikular mong sabihin sa kanila kung paano gawin ang gawain, at kung paano ito ipatupad. Dapat mong sabihin sa kanila kung sino ang dapat italaga at gawing responsable sa gampaning ito, at kung sinong mga tao ang dapat piliin para sama-samang makipagtulungan dito. Ipaliwanag ang lahat ng detalyeng ito sa kanila at hayaan silang isagawa ito. Bakit ito dapat gawin sa ganitong paraan? Dahil ang mga miyembro ng lokal na iglesia ay karaniwang may mababaw lang na karanasan at walang kapabilidad sa gawain, kaya’t imposibleng makapili ng mga angkop na lider at manggagawa. Tanging sa paggawa sa ganitong paraan maipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Kung hindi ka gumagawa sa ganitong paraan at ang pagturing mo sa mga taong ito ay pareho ng pagturing mo sa ibang lider at manggagawa, sinasabi lang sa kanila ang mga partikular na prinsipyo at plano, at walang pili-pili, hindi maipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Kung hindi mo ito bibigyang-pansin, hindi ba’t pagpapabaya iyon sa responsabilidad? (Oo.) Ito ay isang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Sinasabi ng ilang lider at manggagawa, “Marunong naman ang iba kung paano ipatupad at isagawa ang mga pagsasaayos ng gawain; bakit hindi marunong ang taong ito? Kung hindi siya marunong, hindi ko na siya iintindihin. Hindi ko responsabilidad ito. Ano’t anuman, nagawa ko na ang aking parte.” Lohikal ba ang ganitong pangangatwiran? (Hindi.) Halimbawa, sabihin nating may tatlong anak ang isang ina, at mahina ang isa sa kanila, palaging nagkakasakit, at ayaw kumain. Kung hahayaan ng ina na hindi kumain ang batang ito, maaaring hindi ito magtagal. Ano ang dapat niyang gawin? Bilang ina, kailangan niyang bigyan ng espesyal na pag-aaruga ang mahina niyang anak. Ipagpalagay na sasabihin ng ina, “Sapat nang tinatrato ko nang pantay-pantay ang mga anak ko. Isinilang ko ang batang ito at naghanda ako ng pagkain para sa kanya. Natupad ko na ang responsabilidad ko. Wala akong pakialam kung kakain siya o hindi. Kung ayaw niyang kumain, hayaan siyang magutom, at kapag talagang gutom na siya, kakain din siya.” Ano ang tingin mo sa ganitong uri ng ina? (Iresponsable siya.) Mayroon bang mga ina na gaya nito? Tanging ang isang babaeng mahina ang isip o isang madrasta ang magiging ganoon. Kung siya ang tunay na ina at hindi mahina ang isip niya, hinding-hindi niya tatratuhin nang ganito ang sarili niyang anak, tama ba? (Tama.) Kung mahina ang isang bata, palaging nagkakasakit, at ayaw kumain, kailangan magbigay ng mas higit na pag-aaruga at pagsisikap ang kanyang ina. Kailangan ng ina na maghanap ng mga paraan para mapakain ang bata, kailangan niyang magluto ng anumang gustong kainin ng bata, maghanda ng mga espesyal na pagkain para dito, at kapag ayaw kumain ng bata, kailangan niyang suyuin ito. Kapag umabot na ang bata sa edad na labingwalo o labinsiyam at malusog ang katawan niya katulad ng isang normal na taong nasa hustong gulang na, makapagpapahinga na ang ina at maaari nang bumitaw, at hindi na niya kailangang bigyan ng espesyal na pag-aaruga ang batang ito. Kung kaya ng isang ina na tratuhin nang ganito ang anak na may mga espesyal na kondisyon at tuparin ang kanyang responsabilidad, paano naman ang isang lider o manggagawa? Kung wala ka man lang pagmamahal ng isang ina para sa mga kapatid, sadyang ikaw ay iresponsable. Kailangan mong tuparin ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin; kailangan mong isaalang-alang ang mga iglesia kung saan ang mga namamahala ay medyo mahina at may medyo mababang kapabilidad sa gawain. Kailangang magbigay ng espesyal na atensiyon at patnubay ang mga lider at manggagawa sa ganitong mga usapin. Ano ang tinutukoy ng espesyal na patnubay? Bukod sa pagbabahaginan sa katotohanan, kailangan mo ring magbigay ng mas partikular at detalyadong direksiyon at tulong, na nangangailangan ng mas higit na pagsisikap pagdating sa komunikasyon. Kung ipapaliwanag mo sa kanila ang gawain at hindi pa rin sila nakauunawa, at hindi nila alam kung paano ito ipatupad, o kahit pa nauunawaan nila ito batay sa doktrina at tila alam nila kung paano ito ipatupad, pero hindi ka pa rin sigurado at medyo nag-aalala ka kung ano ang magiging takbo ng aktuwal na pagpapatupad—ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong personal na makipag-ugnayan sa lokal na iglesia para patnubayan sila at ipatupad ang gampanin kasama nila. Sabihin sa kanila ang mga prinsipyo habang gumagawa ng mga partikular na pagsasaayos tungkol sa mga gampaning kailangang gawin ayon sa mga hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, tulad ng kung ano ang unang gagawin at ano ang susunod na gagawin, at kung paano maayos na magtalaga ng mga tao—maayos na i-organisa ang lahat ng bagay na ito. Ito ay praktikal na pagpatnubay sa kanila sa kanilang gawain, salungat sa basta lang na pagsigaw ng mga islogan o pagbibigay ng kung ano-anong utos, at pangangaral sa kanila ng ilang doktrina, at pagkatapos ay itinuturing mong tapos na ang iyong gawain—hindi iyon pagpapamalas ng paggawa ng partikular na gawain, at ang pagsigaw ng mga islogan at pag-uutos-utos sa mga tao ay hindi mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kapag kaya nang pasanin ng mga lider o superbisor ng lokal na iglesia ang gawain, at nakapasok na sa tamang landas ang gawain, at wala nang malalaking isyu, saka pa lang maaaring umalis ang lider o manggagawa. Ito ang unang partikular na gampanin na binanggit sa ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain—ang pagbibigay ng patnubay. Kaya, paano mismo dapat magbigay ng patnubay? Ang mga lider at manggagawa ay dapat munang magsanay na magnilay-nilay at magbahaginan tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain, at matutuhan at maarok ang iba’t ibang partikular na hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, at maunawaan at maarok ang mga prinsipyo sa loob ng mga pagsasaayos ng gawain. Pagkatapos, dapat sama-sama silang makipagbahaginan sa mga lider at manggagawa sa lahat ng antas tungkol sa mga partikular na plano ng pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain. Dagdag pa rito, dapat silang magbigay ng mga partikular na plano ng pagpapatupad para sa mga espesyal na sitwasyon at, sa huli, dapat silang magbigay ng mas detalyado at partikular na tulong at direksiyon sa mga lider at manggagawa na medyo mahina at medyo may mahinang kakayahan. Kung ganap na hindi maipatupad ng ilang lider at manggagawa ang gampanin, ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Ang mga nakatataas na lider at manggagawa ay dapat makipag-ugnayan sa iglesia at personal na lumahok sa gampanin, nilulutas ang mga aktuwal na isyu sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa katotohanan, at turuan sila kung paano gawin ang gawain at kung paano ipatupad ang gawain ayon sa mga prinsipyo. Malinaw na ipinahayag sa mga salita ang mga hakbang na ito, pero madali bang ipatupad ang mga ito? Mayroon bang mga kaugnay na suliranin? Maaaring sabihin ng ilan, “Pinalalabas mong simple lang ito, pero hindi ganoon kadali ang pagpapatupad nito. Minsan, napakakomplikado ng mga pagsasaayos ng gawain, at walang nakaaalam kung paano ipatupad ang mga ito!” Kahit ang unang gampanin—ang pakikipagbahaginan sa mga partikular na hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain at pagbibigay ng patnubay sa isang praktikal na paraan—ay sobrang nakapapagod para sa ilang lider at manggagawa. Sinasabi nila, “Hindi ko pa kailanman nagawa ang mga partikular na gampaning ito, kaya hindi ko alam kung paano makipagbahaginan at magbigay ng patnubay tungkol sa mga ito. Dapat sundin na lang nila ang mga eksaktong salita ng mga pagsasaayos ng gawain—ano pa ba ang kailangang pagbahaginan? Hindi ba’t pormalidad lang iyon?” Hindi sila marunong makipagbahaginan; marunong lang silang sumigaw ng mga islogan: “Kailangan nating ipatupad nang maayos ang gawaing ito! Ito ang hinihingi ng Diyos sa atin. Talagang kailangan nating manindigan, tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, at huwag biguin ang mga ekspektasyon ng Diyos sa atin. Tungkol naman sa kung paano ito gagawin, dapat alamin ninyo ito nang kayo-kayo lang.” Ano ang problema sa mga taong nagsasabi ng ganitong mga bagay? Kaya ba nilang gawin ang gawain? May kapabilidad ba sila sa gawain? Mahina ba ang kakayahan nila? (Oo, mahina ito.)

Anuman ang mangyari, malaki o maliit man na bagay ito, dapat kayong magdasal at maghanap mula sa Diyos, at maingat at masinsinang mag-isip at magsaalang-alang, bago gumawa ng paghusga. Kung ang isang tao ay walang normal na pag-iisip, mas lalong mahalaga para sa kanya na magdasal sa Diyos, hingin ang tulong ng Diyos, at higit na maghanap sa mga taong nakauunawa sa katotohanan. Dagdag pa rito, para sa malalaking usapin sa gawain ng iglesia at sa malalaking usaping nararanasan habang ginagawa ang mga tungkulin, kailangan ninyong makipagbahaginan at makipagtalakayan sa mga kaugnay na tauhan para magkaroon ng kasunduan at sa huli ay makabuo ng isang partikular at praktikal na plano ng pagsasagawa. Ang planong ito ay dapat isang napagkasunduan na nakamit mula sa maingat na pagsasaalang-alang at pagsangguni, at dapat itong matibay sa harap ng mga lider at manggagawa sa anumang antas. Ang mga taong kayang bumuo ng mga partikular na plano ng pagsasagawa na matibay ay itinuturing na may normal na pag-iisip. Kung walang kongkreto sa iniisip ng isang tao, kapag nahaharap sa mga isyu, maliit man o malaki, at hindi siya makaisip ng mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa, at gumagamit lang siya ng mga simpleng teoretikal na islogan bilang kapalit ng mga prinsipyo sa pagharap ng mga problema, kaya ba niyang gawin nang maayos ang kanyang gawain? Ang gayong tao ba ay may abilidad na mag-isip at abilidad na pag-isipang mabuti ang mga bagay-bagay? (Wala.) Anong uri ng tao ang walang abilidad na mag-isip? (Isang taong may mahinang kakayahan.) Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang taong may mahinang kakayahan. Halimbawa, ipagpalagay na naninirahan ka sa ibang bansa, at isang araw ay bigla kang nakatanggap ng mga patawag ng korte. Hindi ba’t hindi ito inaasahan at biglaan lang? Una sa lahat, wala kang ginawang anumang ilegal. Pangalawa, wala kang isinampang kaso, at wala ka ring narinig na sinumang nang-aakusa sa iyo ng anumang bagay. Natanggap mo ang mga patawag nang hindi nalalaman ang mga sitwasyong nakapalibot dito. Ano ang unang mararamdaman ng isang karaniwang tao kapag nahaharap sa gayong sitwasyon? Ang masangkot sa mga legal na usapin ay magdudulot sa kanya ng kaunting taranta, pag-aalala, at pangamba; mararamdaman niya na parang nabigla siya at wala talagang siyang ganang kumain. Mahalaga man o hindi ang isang tao, matapang o matatakutin, nasa hustong gulang man o menor de edad, walang sinuman ang gustong makaranas ng gayong sitwasyon dahil hindi ito magandang bagay. Kapag nahaharap sa ganitong sitwasyon, may dalawang magkaibang reaksiyon ang mga tao. Iniisip ng unang uri ng tao, “Wala akong ginawang ilegal, hindi rin ako lumabag sa anumang regulasyon ng gobyerno. Ano ang dapat kong ikatakot? Ito ay isang lipunang pinamamahalaan ng batas, kung saan ang lahat ay nakabatay sa ebidensiya. Dahil wala akong anumang ginawang masama, wala silang magiging ebidensiya laban sa akin kung sakaling kasuhan nga nila ako. Wala akong dapat ikatakot. Ano ba ang magagawa ng isang patawag? Ang isang taong matuwid ay hindi kailangang matakot sa mga akusasyon. Kukuha ako ng abogado para ipagtanggol ako; walang magiging problema.” Matapos itong pag-isipang mabuti, wala na siyang nararamdamang bigat sa puso niya, at nananatiling hindi apektado ang kanyang pang-araw-araw na buhay. Ito ang reaksiyon ng isang uri ng tao. Ngayon, tingnan natin ang reaksiyon ng pangalawang uri ng tao. Pagkatapos matanggap ang mga patawag, iniisip ng taong ito, “Wala akong nilabag na batas, at wala rin akong nagawang krimen, kaya, tungkol saan kaya ito? Maaari kayang ito ay dahil nananampalataya ako sa Diyos? Hindi naman ilegal ang manampalataya sa Diyos. Posible kayang may sadyang nagdiin at nagsumbong sa akin? Mas malamang na ganoon nga. Pero maaari kayang ibang bagay ito? Kailangan kong kumonsulta sa isang abogado at papuntahin siya sa korte para alamin kung bakit ako nakatanggap ng mga patawag at kung sino ang nagdemanda laban sa akin. Kailangan kong alamin ang puno’t dulo nito bago ako magpasya ng magiging kontra-hakbang. Kung sasabihin ng abogado na may kinalaman ito sa pananampalataya ko sa Diyos, kailangan kong maghanap agad ng mga tao para bumuo ng kontra-hakbang at magmadali ring itago ang anumang libro o ibang bagay na may kaugnayan sa pananalig ko para hindi makahanap ang kaaway ng bagay na magagamit laban sa akin.” Pagkatapos ng mga inisyal na kaisipang ito, bagama’t wala pa siyang mga tiyak na kongklusyon o mga tumpak na paghusga tungkol sa pagkakatanggap ng mga patawag, mayroon na siyang malinaw na ideya sa partikular na plano ng mga pagsasagawa: ano ang gagawin sa Plano A, ano ang gagawin sa Plano B, at kung hindi maisasagawa ang parehong plano, ano ang susunod niyang gagawin. Masusi at maingat niyang isinasaalang-alang ang bawat hakbang; una niyang pinapakalma ang kanyang isipan at agad siyang nagdarasal sa kanyang puso, at pagkatapos, kapag mahinahon na siya, agad niyang inaasikaso ang bagay na ito. Sa loob ng isang araw, naunawaan na niya ang lahat ng bagay na ito at alam na niya kung paano magpapatuloy. Anuman ang kalalabasan ng bagay na ito sa huli, tingnan muna natin ang dalawang klase ng mga tao. Sino ang may abilidad na pag-isipang mabuti ang mga problema? Sino ang may kakayahan? (Ang pangalawang tao.) Maliwanag na ang pangalawang tao ang may kakayahan. Ang pagkakaroon lang ng tapang at kapasyahan kapag nahaharap sa isang sitwasyon ay hindi katumbas ng pagkakaroon ng kakayahan. Ang isang tao ay kailangang may kakayahang mag-isip, magtaglay ng pagkakilatis, at may abilidad na mangasiwa ng mga problema. Sa proseso ng pag-iisip, kailangang makagawa siya ng mga partikular na paghusga at makabuo ng mga partikular na plano ng operasyon. Ang ganitong uri lang ng tao ang may kakayahan. Sa panlabas, maaaring mukha siyang napakamatatakutin, kumikilos nang mapagbantay at maingat kahit sa maliliit na bagay, at tinatrato niyang mahalaga ang maliliit na bagay. Gayumpaman, ang sistema at paraan ng pangangasiwa niya sa mga problema ay nagpapatunay na ang taong ito ay may abilidad na mag-isip at abilidad na pag-isipang mabuti at pangasiwaan ang mga problema. Sa kabaligtaran, ang unang klase ng tao ay napakatapang at walang kinatatakutan. Kapag nahaharap siya sa isang sitwasyon, iniisip lang niya, “Wala naman akong ginawang masama. Anuman ang maging problema, palaging mayroong mas mahusay na tao na mag-aayos nito. Ano ang dapat kong ikatakot?” Wala siyang inaalala at namumuhay siya nang magaan, pero hindi ba’t medyo hangal ang pagkamatapang niya at mahina ang isip niya? Ang ganitong klase ng tao ay malakas na sumisigaw ng mga islogan, at hindi naman mali ang sinasabi niya, pero ano ang wala sa kanya? (Wala siyang normal na pag-iisip at wala siyang abilidad na pag-isipang mabuti ang mga problema.) Saan naipamamalas ang kanyang kawalan ng normal na pag-iisip? Kapag nahaharap sa isang sitwasyon, ito man ay isang bagay na biglaang nangyari o isang bagay na alam na niya, hindi niya kayang pag-isipan ito nang mabuti o gumawa ng paghusga, kaya natural, wala siyang plano para pangasiwaan ang problema o abilidad para lutasin ito. Napakalinaw nito. Sa panlabas, mukhang magaling magsalita ang ganitong klase ng tao at kaya niyang magsalita ng mga doktrina, at kaya rin niyang magpalakas ng loob; tila may kakayahan siya na maging lider. Gayumpaman, kapag nahaharap sa mga problema, hindi niya makilatis ang diwa ng mga problema at hindi niya kayang makipagbahaginan sa katotohanan para lutasin ang mga ito. Ang kaya lang niyang gawin ay magsabi ng ilang salita at doktrina at sumigaw ng mga islogan. Sa panlabas, mukha siyang matalas, pero kapag nahaharap sa mga problema, hindi niya kayang suriin o husgahan ang mga sanhi ng mga problema, at hindi rin niya kayang suriin ang malulubhang kahihinatnan na mangyayari kung patuloy na mabubuo ang mga problema. Hindi niya kayang ayusin ang mga bagay na ito sa kanyang isipan, lalo na ang lutasin ang mga problema. Ang gayong tao ay mukhang magaling magsalita, pero ang totoo, mahina ang kakayahan niya at hindi niya kayang gumawa ng tunay na gawain. Gayundin, kung pagkatanggap sa isang pagsasaayos ng gawain ay kaya lang itong basahin at literal na ipaliwanag ng mga lider at manggagawa, at bagama’t maaaring iatas nila ang pagsasaayos ng gawain at pagbahaginan ang mga pangunahing punto nito sa mga pagtitipon, hindi nila alam kung paano gumawa ng mga partikular na pagsasaayos at magbigay ng partikular na patnubay para sa mga partikular na hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, mga prinsipyo, mga usaping nangangailangan ng atensiyon, mga espesyal na sitwasyon, at iba pa, at wala silang mga plano, walang mga ideya, at walang abilidad na lumutas ng mga problema, kung gayon, mahina ang kakayahan nila. Kapag nagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, ang unang gampaning kailangang gampanan ng mga lider at manggagawa—ang pagbibigay ng patnubay—ay hindi madali o simple. Ang unang gampaning ito ay sumusubok kung ang isang lider o manggagawa ay may kakayahan at kapabilidad sa gawain na dapat nilang taglayin. Kung ang mga lider at manggagawa ay wala nitong kakayahan at kapabilidad sa gawain, hindi sila makapagbibigay ng partikular na patnubay para sa mga pagsasaayos ng gawain o makapagpapatupad sa mga ito.

II. Pagbibigay ng Pangangasiwa at Panghihikayat

Susunod, magbahaginan tayo tungkol sa gampanin ng “pangangasiwa.” Kung pagbabatayan ang literal na kahulugan, ang kahulugan ng pangangasiwa ay pag-iinspeksiyon: sinusuri kung aling mga iglesia ang nagpatupad ng mga pagsasaayos ng gawain at alin ang mga hindi, ang pag-usad ng pagpapatupad, kung sinong mga lider at manggagawa ang gumagawa ng tunay na gawain at kung sino ang mga hindi, at kung may mga lider o manggagawa na basta na lang ipinapasa ang mga pagsasaayos ng gawain nang hindi nakikilahok sa mga partikular na gampanin. Ang pangangasiwa ay isang partikular na gampanin. Bukod sa pangangasiwa sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain—kung naipatupad ba ang mga ito, ang bilis ng pagpapatupad, ang kalidad ng pagpapatupad, at ang mga nakamit na resulta—dapat suriin ng mas nakatataas na mga lider at manggagawa kung mahigpit bang sinusunod ng mga lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain. Sa panlabas, sinasabi ng ilang lider at manggagawa na handa silang sundin ang mga pagsasaayos ng gawain, pero pagkatapos maharap sa isang partikular na kapaligiran, natatakot silang maaresto at nakatuon na lang sa pagtatago, matagal na nilang isinantabi sa isip nila ang mga pagsasaayos ng gawain; hindi nalulutas ang mga problema ng mga kapatid, at hindi nila alam kung ano ang tinutukoy ng mga pagsasaayos ng gawain o kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Ipinapakita nito na talagang hindi naipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Ang ibang lider at manggagawa ay may mga opinyon, mga kuru-kuro, at paglaban sa ilan sa mga hinihingi sa mga pagsasaayos ng gawain. Kapag oras na para ipatupad ang mga ito, lumilihis sila mula sa tunay na kahulugan ng mga pagsasaayos ng gawain, ginagawa nila ang mga bagay ayon sa sarili nilang mga ideya, iniraraos lang ang gawain at padalos-dalos na ginagawa ang mga bagay-bagay para lang matapos na sila sa mga ito, o tinatahak nila ang sarili nilang landas, ginagawa ang mga bagay sa anumang paraang gusto nila. Ang lahat ng gayong sitwasyon ay nangangailangan ng pangangasiwa ng mga mas nakatataas na lider at manggagawa. Ang layunin ng pangangasiwa ay upang mas mahusay na maipatupad ang mga partikular na gampaning hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain nang walang paglihis at nang alinsunod sa mga prinsipyo. Habang isinasagawa ang pangangasiwa, kailangang lubos na bigyang-diin ng mga mas nakatataas na lider at manggagawa ang pagtukoy kung mayroon bang sinuman na hindi gumagawa ng tunay na gawain o iresponsable at mabagal sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain; kung may sinumang nagpapakita ng paglaban patungkol sa mga pagsasaayos ng gawain at hindi handang ipatupad ang mga ito o pumipili lamang ng mga ipinapatupad mula sa mga ito, o sadyang hindi sumusunod sa mga pagsasaayos ng gawain kahit kaunti at sa halip ay nagsasagawa lang ng sarili niyang mga proyekto; kung sinasarili ng sinuman ang mga pagsasaayos ng gawain, at ipinapaalam lamang ang mga ito ayon sa sarili niyang mga ideya, hindi hinahayaan ang hinirang na mga tao ng Diyos na malaman ang tunay na kahulugan at mga partikular na hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain—sa pamamagitan lamang ng pangangasiwa at pag-iinspeksiyon sa mga isyung ito maaaring malaman ng mga mas nakatataas na lider kung ano talaga ang nangyayari. Kung hindi nagsasagawa ng pangangasiwa at inspeksiyon ang mga mas nakatataas na lider, matutukoy ba ang mga problemang ito? (Hindi.) Hindi matutukoy ang mga ito. Samakatwid, bukod sa dapat ipagbigay-alam ng mga lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain at magbigay ng patnubay sa bawat antas, dapat din nilang pangasiwaan ang gawain sa bawat antas kapag ipinatutupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Dapat pangasiwaan ng mga lider ng rehiyon ang gawain ng mga lider ng distrito, dapat pangasiwaan ng mga lider ng distrito ang gawain ng mga lider ng iglesia, at dapat pangasiwaan ng mga lider ng iglesia ang gawain ng bawat grupo. Ang pangangasiwa ay dapat isagawa sa bawat antas. Ano ang layunin ng pangangasiwa? Ito ay para mapadali ang tumpak na pagpapatupad ng nilalaman ng mga pagsasaayos ng gawain ayon sa mga partikular na hinihingi ng mga ito. Kaya naman, napakahalaga ng gampanin ng pangangasiwa. Kapag nagsasagawa ng pangangasiwa, kung pinahihintulutan ng kapaligiran, dapat makipag-ugnayan ang mga lider at manggagawa sa mga iglesia upang makisalamuha sa mga gumagawa ng aktuwal na gawain. Dapat silang magtanong, mag-obserba, mag-usisa, alamin, at arukin ang sitwasyon ng pagpapatupad sa gawain. Kasabay nito, dapat nilang malaman kung ano ang mga suliranin at saloobin ng mga kapatid kaugnay sa gawaing ito at kung naarok ba ng mga kapatid ang mga prinsipyo ng gawaing ito. Ang mga ito ay pawang mga partikular na gampanin na kailangang gampanan ng mga lider at manggagawa. Lalo na para sa mga medyo may mahinang kakayahan at pagkatao, na medyo iresponsable, hindi tapat, at medyo tamad sa kanilang gawain, kailangang mas higit na pangasiwaan at gabayan ng mga lider at manggagawa ang gawain ng mga ito. Paano dapat gawin ang pangangasiwa at paggabay? Ipagpalagay nang sasabihin mo, “Bilisan ninyo! Naghihintay ang Itaas sa ulat ng ating gawain. May takdang oras ang gawaing ito; huwag ninyo itong patagalin!” Gagana ba ang ganitong paraan ng panghihikayat sa kanila? Ang panghihikayat ba ay nangangahulugan ng pagtulak lang sa kanila nang kaunti, at iyon na iyon? Ano ang mas mabuting paraan ng panghihikayat? Kapag gumagawa kayo, isinasama ba ninyo ang panghihikayat bilang parte ng inyong mga gampanin? (Oo. Kung nakikita kong may ilang gampanin na hindi kaagad natatapos, sinusubukan kong unawain kung bakit hindi nila ginagawa ang mga ito at sinusubaybayan ko ang kanilang gawain.) Kung may nakikita kayong isang tao na hindi marunong gawin ang gawain, dapat kayong magbigay ng partikular na patnubay at tulong, at bigyan siya ng gabay. Kung may nakikita kayong isang tao na nagpapakatamad, dapat ninyo siyang pungusan. Kung marunong siyang gumawa ng gawain pero masyado siyang tamad na gawin ito, mabagal at nagpapaliban, at nagpapakasasa sa kaginhawahan ng laman, dapat siyang pungusan kung kinakailangan. Kung hindi nalulutas ng pagpupungos ang isyu at hindi nagbabago ang kanyang saloobin, ano ang dapat gawin? (Huwag siyang hayaan na gawin ang gawaing ito.) Una, bigyan siya ng babala: “Napakahalaga ng gawaing ito. Kung patuloy mo itong tatratuhin nang may gayong saloobin, aalisin sa iyo ang tungkulin mo at ibibigay ito sa iba. Kung ayaw mo itong gawin, may ibang handang gumawa nito. Hindi ka tapat sa tungkulin mo; hindi ka angkop para sa gawaing ito. Kung hindi mo kaya ang gampaning ito at hindi mo kayang magtiis ng paghihirap ng katawan, maaari kang palitan ng sambahayan ng Diyos, at maaari ka ring magbitiw. Kung hindi ka magbibitiw at handa ka pa ring gawin ito, gawin mo ito nang maayos, at gawin mo ito nang ayon sa mga hinihingi at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi mo ito makakamit at paulit-ulit mong inaantala ang pag-usad, na nagdudulot ng mga kawalan sa gawain, kung gayon, haharapin ka ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi mo kayang tuparin ang tungkuling ito, paumanhin, pero kailangan mong umalis!” Kung pagkatapos ng babala ay handang magsisi ang taong ito, maaari siyang panatilihin. Pero kung pagkatapos ng paulit-ulit na babala ay hindi pa rin nagbabago ang kanyang saloobin at wala siyang ipinapakitang anumang bahid ng pagsisisi, ano ang dapat gawin? Dapat siyang tanggalin kaagad—hindi ba’t malulutas niyon ang problema? Hindi sa hinuhusgahan natin ang mga tao dahil sa maliliit na pagkakamali o maliliit na isyu kapag nakikita natin ang sinumang mayroon ng mga ito; sa halip, binibigyan natin ang mga tao ng mga pagkakataon. Kung handa silang magsisi at nagbago sila, nagiging mas mabuti kaysa dati, panatilihin sila kung maaari. Kung hindi umuubra ang paulit-ulit na pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataon, pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, pagpupungos, at pagbibigay ng babala, at hindi epektibo ang tulong ng sinuman, kung gayon, hindi ito isang ordinaryong isyu: Masyadong mahina ang pagkatao ng taong ito, at hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Sa gayong kaso, hindi siya angkop para sa tungkuling ito at dapat siyang itaboy. Hindi siya angkop na gumawa ng tungkulin. Ganito dapat pangasiwaan ang usapin.

Kapag nangangasiwa sa gawain ng iglesia, hindi lamang dapat mahusay ang mga lider at manggagawa sa pagtukoy ng iba’t ibang problema, kundi dapat din nilang bigyan ng espesyal na atensiyon ang ilang lider ng iglesia na bumabagabag sa kanila o sa tingin nila ay hindi maaasahan. Ang mga taong ito ay kailangang pangasiwaan at subaybayan sa loob ng mahabang panahon; hindi maaaring paminsan-minsan mo lang silang tanungin tungkol sa sitwasyon o isantabi ang isyu gamit ang ilang salita at isipin na tapos na iyon. Minsan, kinakailangang manatili sa mismong lugar para pangasiwaan ang kanilang gawain. Ano ang layunin ng pananatili sa aktuwal na lugar? Ito ay para mas mabilis na matuklasan at malutas ang mga problema at maisagawa nang maayos ang gawain. Minsan, hindi mo agad matutuklasan ang mga problema pagkarating mo sa lugar ng gawain. Sa halip, sa pamamagitan ng detalyadong pag-unawa, pag-iinspeksiyon sa gawain, at maingat na obserbasyon, unti-unting lumilitaw at natutuklasan ang mga problema. Ang pananatili sa aktuwal na lugar para magsagawa ng pangangasiwa ay hindi tungkol sa pagsusubaybay o pagbabantay sa mga tao. Ano ang ibig sabihin ng pangangasiwa? Ang pangangasiwa ay kinapapalooban ng pag-iinspeksiyon at pagbibigay ng gabay. Ang ibig sabihin nito ay partikular na pagtatanong tungkol sa gawain nang detalyado, pagkatuto at pag-arok sa pag-usad ng gawain at mga kahinaan sa gawain, pagkaunawa sa kung sino ang responsable sa kanilang gawain at sino ang hindi, at kung sino ang may kakayahan o walang kakayahan na gampanan ang gawain, bukod pa sa ibang bagay. Minsan, ang pangangasiwa ay nangangailangan ng pagkonsulta, pag-unawa, at pag-usisa tungkol sa sitwasyon. Minsan, kailangan nito ng harap-harapang pagtatanong o direktang pag-iinspeksiyon. Siyempre, mas madalas itong kinapapalooban ng direktang pakikipagbahaginan sa mga taong nangangasiwa, nagtatanong tungkol sa pagpapatupad ng gawain, sa mga suliranin at problemang kinakaharap, at iba pa. Habang nagsasagawa ng pangangasiwa, matutuklasan mo kung sinong mga tao ang nagsusumikap lang sa kanilang gawain sa panlabas at paimbabaw lang na gumagawa ng mga bagay-bagay, kung sinong mga tao ang hindi marunong magpatupad ng mga partikular na gampanin, kung sinong mga tao ang marunong magpatupad ng mga ito pero hindi gumagawa ng tunay na gawain, at iba pang gayong mga isyu. Kung maagap na malulutas ang mga natuklasang problemang ito, iyon ang pinakamainam. Ano ang pakay ng pangangasiwa? Ito ay upang mas maayos na maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, para makita kung angkop ang isinaayos mong gawain, kung mayroong anumang pagkalingat o mga bagay na hindi mo isinaalang-alang, kung may mga bahagi na hindi naaayon sa mga prinsipyo, kung mayroong anumang mga baluktot na aspekto o parte na kung saan may nagawang mga pagkakamali, at iba pa—ang lahat ng isyung ito ay maaaring matuklasan sa proseso ng pagsasagawa ng pangangasiwa. Pero kung mananatili ka lang sa bahay at hindi mo gagampanan ang partikular na gawaing ito, matutuklasan mo ba ang mga problemang ito? (Hindi.) Maraming problema ang kailangang ipagtanong, obserbahan, at maunawaan sa aktuwal na lugar para malaman at maarok. Kapag nagsasagawa ng pangangasiwa, kailangan mong hikayatin iyong mga iresponsable at walang ingat sa kanilang gawain, mga nanlilinlang sa mga nakatataas sa kanila at nagtatago ng mga bagay-bagay sa mga nakabababa sa kanila, at mga pabaya at mabagal. Katatapos lang nating talakayin ang ilang hakbang patungkol sa kung paano sila hikayatin: Maaari kang magbigay ng direksiyon, makipagbahaginan, magpungos, magbigay ng babala, at maaari mo rin silang tanggalin. Madali bang isagawa ang mga hakbang na ito? (Oo.)

III. Pag-iinspeksiyon at Pagsusubaybay

Pagkatapos hikayatin ng mga lider at manggagawa ang pagsulong ng gawain, ang susunod na hakbang ay ang pag-iinspeksiyon sa gawain. Ano ang karaniwang layunin ng pag-iinspeksiyon sa gawain? Ang pag-iinspeksiyon sa gawain ay upang matukoy ang pag-usad ng mga gampaning naisaayos, matukoy ang anumang problema na kailangang agarang malutas, at matiyak na ang gawain ay ganap na nagawa nang maayos sa huli. Pagkatapos maisaayos ang gawain, kinakailangang inspeksiyonin ang ilang aspekto: kung anong yugto na ang narating ng kasunod na gawain, kung natapos na ba ito, kung gaano ito kahusay, kung ano ang mga resulta, kung may anumang natukoy na partikular na problema, kung may anumang suliranin, kung may mga bahagi bang hindi umaayon sa mga prinsipyo, at iba pa. Ang pag-iinspeksiyon sa gawaing isinaayos mo ay isa ring partikular at kinakailangang gampanin. Madalas magkamali ang ilang lider at manggagawa: Akala nila, kapag naisaayos na nila ang gawain, tapos na ang kanilang trabaho. Naniniwala sila, “Tapos na ang gampanin ko, natupad ko na ang aking responsabilidad. Ano’t anuman, sinabi ko na sa inyo kung paano ito gawin. Alam ninyo kung ano ang gagawin, at pumayag kayong gawin ito. Hindi ko na kailangang alalahanin kung paano ang magiging takbo ng mga bagay-bagay; mag-ulat na lang kayo sa akin kapag natapos na kayo.” Pagkatapos magplano at magsaayos ng gawain, naniniwala sila na tapos na ang kanilang gampanin at maayos na ang lahat. Hindi nila sinusubaybayan o iniinspeksiyon ang gawain. Tungkol sa kung angkop ba ang taong isinaayos nila na mangasiwa sa gampanin, kung ano ang kalagayan ng karamihan sa mga tao, kung mayroon bang mga problema o suliranin, kung mayroon ba silang kumpiyansa na gawin nang maayos ang gawain ng iglesia, kung mayroon bang mga baluktot at maling aspekto, o kung mayroon bang anumang paglabag sa mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, hindi nila inaalam, iniinspeksiyon, o sinusubaybayan ang tungkol dito. Itinuturing lang nilang tapos na ang trabaho nila pagkatapos nilang isaayos ang gawain; hindi ito paggawa ng partikular na gawain. Ano ang dapat inspeksiyonin sa gawain? Ang mga pangunahing bagay na dapat suriin ay kung ang plano ng pagpapatupad ay naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain, kung lumalabag ba ito sa mga prinsipyo at hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, at kung mayroon bang mga taong nagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, sinumang taong bulag na gumagawa ng problema, o sinumang taong naglilitanya ng tila magagarbong salita sa panahon ng gawain. Siyempre, habang iniinspeksiyon ang gawain, sinusuri din ninyo kung mayroon bang anumang pagkakamali sa sarili ninyong pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain. Sa totoo lang, ang pag-iinspeksiyon sa gawain ng iba ay pag-iinspeksiyon din sa sarili ninyong gawain.

Pagbabahaginan sa Kung Paano Magpatupad ng mga Pagsasaayos ng Gawain Nang may Halimbawa

Tungkol sa kung paano ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, magbigay tayo ng partikular na halimbawa. Halimbawa, sabihin nating hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain na magsulat ang mga tao ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Isa itong partikular na gampanin na sumasaklaw sa maraming iba’t ibang aspekto at isang pangmatagalan at nagpapatuloy na gampanin, hindi isang pansamantalang pagsasaayos ng gawain. Kaya, pagkatapos iatas ang pagsasaayos na ito ng gawain, ano ang unang dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Ayon sa ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa, kung saan hinihingi sa kanilang magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat, at inspeksiyonin at subaybayan ang estado ng pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, ang unang kailangang gawin ng mga lider at manggagawa ay ang makipagbahaginan sa mga lider ng pangkat at mga superbisor tungkol sa kung paano partikular na isasakatuparan ang gampaning ito nang naaangkop at sa paraang nagbubunga ng mga resulta, tinitiyak na ang lahat ay may landas at mga prinsipyo na susundin para sa gawaing ito. Sa pamamagitan lamang ng pagbabahaginan sa ganitong antas magagawa nang maayos ang gawain. Una, tiyakin na nauunawaan ng lahat ang mga pamantayang hinihingi ng Itaas para sa pagsusulat ng mga artikulo ng patotoo at kung anong uri ng mga artikulong patotoo ang hinihingi. Una, itatag ang partikular na nilalaman, mga prinsipyo, at saklaw ng mga artikulong ito, at tiyakin na alam ito ng lahat ng lider at manggagawa. Dagdag pa rito, magbigay ng partikular na pagbabahagi at patnubay tungkol sa haba, format, paksa, at estilo ng wika ng mga artikulo—halimbawa, ipaalam sa kanila na ang mga artikulo ay maaaring isulat bilang isang salaysay, talaarawan, personal na kuwento, prosang tula, at iba pa. Hindi ba’t ito ay pagbibigay ng patnubay? (Oo.) Pagkatapos magbigay ng patnubay, malalaman ng lahat ang partikular na konsepto at depinisyon ng mga artikulo ng patotoo na kailangan nilang isulat. Kasunod niyon, tukuyin kung sino ang may kakayahan at karanasan na magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, at kung sino ang walang malalim na karanasan at kaya lamang magsanay sa pagsusulat ng mga karaniwang artikulo ng patotoo. Kailangang maging napakalinaw sa mga lider ng iglesia ang mga sitwasyong ito. Kapag naisulat na ang mga artikulo, irebyu ang mga ito para tingnan kung ang mga ito ay tunay at nakapagpapatibay. Kung pasok sa pamantayan ang mga ito, maaaring gamitin ang mga ito bilang mga halimbawang artikulo para basahin at gawing sanggunian ng mga kapatid na hindi pa nakapagsulat ng mga artikulo o hindi marunong magsulat ng mga ito. Kung may sinumang may mga karanasan at handang magsulat ng mga artikulo ng patotoo, dapat niyang sundin ang mga prinsipyo at hinihingi, ibahagi ang mga nilalaman ng kanyang puso at magsalita ng mga praktikal na salita para mapatibay nila ang mga mambabasa. Kung ang ilang tao ay hindi magaling sa pagsusulat ng mga artikulo at kaya lang magsulat ng simpleng salaysay ng mga pangyayari, ano ang dapat gawin sa kanila? Kahit hindi pasok sa pamantayan ang kanilang mga artikulo, dapat pa rin silang magsanay. Dapat silang magsulat ng mga artikulo tungkol sa kanilang tunay na pagkaunawa at pagpapahalagang nakamit mula sa pagdanas sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos i-edit at irebyu ang mga artikulong ito, kung ang nilalaman ay pasok sa pamantayan ng mga artikulo ng patotoo, kung gayon, balido ang gayong mga artikulo. Anuman ang estilo ng pagkasulat sa artikulo, at anuman ang porma nito—isinulat man ito bilang isang salaysay o talaarawan—basta’t kapaki-pakinabang at nakapagpapatibay ito sa mga mambabasa, maaari itong isulat. Mayroon ding ilang tao na mababa ang antas ng pinag-aralan na mayroong ilang patotoong batay sa karanasan pero hindi marunong magsulat ng mga artikulo ng patotoo. Ano ang dapat gawin sa gayong mga kaso? Maaari nilang isalaysay nang pasalita ang kanilang mga karanasan, at ang isang taong may mas pinag-aralan ay maaaring tumulong sa kanila na magtala ng kanilang mga karanasan at pagkatapos ay ipahayag nang tumpak ang mga ito nang ayon sa tunay na pagpapakahulugan ng taong iyon, ini-edit ito para maging isang artikulo ng patotoong pasok sa pamantayan. Balido rin ang gayong mga artikulo. Upang simulan ang gawaing ito, una ay makipagbahaginan kung ano ang isang artikulo ng patotoo at ang format nito. Pagkatapos, gumawa ng mga partikular na hinihingi at mga pagsasaayos para sa mga taong may iba’t ibang antas ng pinag-aralan, iba’t ibang edad, at iyong may iba’t ibang karanasan at tayog. Pasulatin muna ng ilang artikulo iyong may mga karanasan. Samantala, tukuyin ang mga indibidwal sa iglesia na naaangkop pumatnubay sa mga kapatid sa pagsusulat ng mga artikulo at na mga naaangkop sa pag-e-edit at pagsusuri ng mga artikulo para isagawa ang mga partikular na gampaning ito. Nagbibigay ito ng paunang pagsasaayos para sa gawaing ito. Ang pagsasaayos ba sa ganitong paraan ay nangangahulugan na ganap nang naipatupad ang gawain at maaari na ninyo itong iwanan? Hindi, pagbibigay pa lang ito ng partikular na direksiyon, tulong, at mga plano ng pagpapatupad batay sa mga hinihingi ng pagsasaayos ng gawain. Ano ang sunod na dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Dapat ninyong pangasiwaan ang gawain. Dapat ba na may target ang pangangasiwang ito? Ang pangangasiwa ay hindi random na pagsusuri sa isang lugar; kailangan nitong magkaroon ng pangunahing target. Kailangan ninyong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa kung sino ang kailangang pangasiwaan at kung aling mga yugto ng gawain ang nangangailangan ng pangangasiwa. Halimbawa, kung ang isang partikular na sister ay lider ng iglesia na karaniwang hindi masigasig sa kanyang gawain, mahilig siyang magyabang, ambisyosa pero wala namang kakayahan, may tendensiyang manlinlang sa mga nakatataas sa kanya at magtago ng mga bagay-bagay sa mga nakabababa sa kanya, nagsasalita sa paraang talagang magandang pakinggan, at may tendensiyang maging pabaya sa kanyang gawain, kinakailangan niyang mapangasiwaan sa kanyang gawain. Hindi ninyo siya maaaring lubos na pagkatiwalaan. Ang unang hakbang, kung gayon, ay inspeksiyonin ang kanyang gawain at tingnan kung kumusta ang takbo ng pagpapatupad niya sa mga pagsasaayos ng gawain. Ito ba ay pabasta-basta lang na pangangasiwa sa mga tao? (Hindi.) Kinakailangan ito para sa gawain sapagkat napakahalaga ng gawaing ito, at ang mga nagsasagawa ng ganitong uri ng gawain ay dapat na maaasahan. Kung hindi sila gumagawa ng mga partikular na gampanin at hindi sila mapagkakatiwalaan, ang bulag na pagtitiwala sa kanila ay makakaantala sa gawain ng iglesia, at magiging pabaya ka rin sa iyong responsabilidad. Sa gayong mga tao, hindi ka puwedeng magpadala sa kung gaano kaganda pakinggan ang mga salita nila o kung gaano nila kalakas na ipinapahayag ang kanilang dedikasyon; sa totoo lang, magaling lang silang magsalita pero wala silang ginagawang makabuluhan kapag walang nakatingin. Ang gayong mga tao ang tiyak na mga target ng pangangasiwa. Sa pamamagitan ng pangangasiwa, obserbahan kung nagsisi ba sila. Kung hindi pa, tanggalin sila kaagad at huwag nang mag-aksaya ng lakas sa kanila. Sa katunayan, dapat kang magsubaybay, mangasiwa, at magbigay ng gabay sa karamihan ng mga lider at manggagawa. Para sa iyong mga kayang gumawa ng tunay na gawain at may pagpapahalaga sa responsabilidad, kung ito ay gawaing alam nilang gawin, hindi na kailangan ng pangangasiwa. Gayumpaman, para sa isang gawaing bago o mahalaga, kinakailangan pa rin ang pagsusubaybay, pangangasiwa, at pagbibigay ng gabay. Masasabi na ang pangangasiwa at pagsusubaybay sa ganitong gawain ay ang trabaho ng mga lider at manggagawa. Ang pagsusubaybay, pangangasiwa, at pagbibigay ng gabay ay hindi tungkol sa kawalan ng tiwala, bagkus, ito ay pagtitiyak sa maayos na pag-usad ng gawain. Dahil may iba’t ibang pagkukulang ang mga tao, at higit pa roon, mayroon silang iba’t ibang tiwaling disposisyon, kung hindi magsasagawa sa ganitong paraan, imposibleng matiyak na maayos na magagawa ang gawain. Ang mga bago-bagong naiangat para gumawa ng gawain ay nangangailangan ng mas higit na pagsusubaybay, pangangasiwa, at paggabay. Ito ay isang partikular na gampanin na kailangang gampanan ng mga lider at manggagawa. Kung hindi mo isinasagawa ang pagsusubaybay, pangangasiwa, at pagbibigay ng gabay, maraming gampanin ang hindi magagawa nang maayos, at ang ilang gawain ay maaari pa ngang pumalpak o mahinto. Isa itong napakakaraniwang pangyayari. Sa partikular, ang mga lider at manggagawa na hindi naghahangad sa katotohanan ay mas lalong nangangailangan ng pangangasiwa. Sa iba naman, maaaring maipatupad nang maayos ang gawain, ngunit sa gayong mga tao, hindi tiyak kung maipapatupad ba ang gawain o kung gaano kaayos ito maipapatupad, at lalong mahirap masabi kung maipapatupad ba ito ayon sa pagsasaayos ng gawain. Ang gayong mga tao ay hindi gaanong maaasahan sa kanilang gawain. Kung pagkakatiwalaan mo sila nang hindi pinangangasiwaan ang kanilang gawain, sa esensiya, ito ay pagiging pabaya at iresponsable sa gawain. Sa gayong mga tao, kailangan mong magsubaybay at mangasiwa, at makibahagi sa gawain ng kanilang iglesia. Kung ayaw ka nilang papuntahin o hindi ka nila malugod na tinatanggap, ano ang dapat mong gawin? Maaari mong sabihin, “Lulunukin ko na lang ang pride ko at pupunta pa rin ako.” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Hindi nila personal na teritoryo iyon; isa itong iglesia, at saklaw ito ng responsabilidad mo. Hindi mo pinatatagal ang pananatili mo sa kanilang bahay para maging palamunin; pumupunta ka sa isang iglesia para gumawa. Hindi ito tungkol sa paglunok mo sa iyong pride. Bagama’t sila ay lider, hindi kanila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ay dahil iresponsable at hindi sila tapat sa kanilang gawain kaya kailangan mong subaybayan at pangasiwaan ang gawain nila. Kaya, ano ang dapat mong gawin kapag pumunta ka roon? Una, tanungin sila kung sino sa iglesia ang may mga karanasan sa buhay at kayang magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, kung sino ang higit na tumutuon sa paghahangad sa katotohanan, kung sino ang higit na tumutuon sa pagsusulat ng mga talaarawan at mga tala ng espirituwal na debosyon, kung sino ang tumutuon sa pagbabahagi ng kanilang mga karanasan sa mga pagtitipon, at kung sino ang may pinakamaraming patoong batay sa karanasan. Hayaan silang ituro muna ang mga taong ito. Kung magbibigay sila ng ilang kapatid, sinasabi na ang mga ito ang higit na tumutuon sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, may kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu, madalas na nagsusulat ng mga tala ng espirituwal na debosyon, nakatuon sa pagsasagawa sa katotohanan kapag nahaharap sa mga sitwasyon, at madalas na nagbabahagi ng mga patotoong batay sa karanasan na gustong pakinggan ng iba, kung gayon, dapat kang makipagtagpo at makipagbahaginan sa mga kapatid na ito. Dagdag pa rito, tiyak na may ilang tao sa iglesia na mababa ang pinag-aralan at hindi makapagsulat ng mga artikulo pero may mga praktikal na karanasan. Ang mga taong ito ay nangangailangan ng patnubay at pagsasanay, at maaari mong isaayos ang mga marunong magsulat ng mga artikulo na tulungan sila sa loob ng ilang panahon. Kasabay nito, pumili ng isang tao na magiging responsable sa pagpapatupad ng partikular na gawain ng pagsusulat ng hinirang na mga tao ng Diyos ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Ang taong ito ang mangangasiwa sa pagkolekta, pag-e-edit, pagrerebyu, at pagsusumite ng mga natapos na artikulo. At ano ang dapat gawin ng lider ng iglesia? Ipangasiwa at ipasubaybay sa kanila ang mga gampaning ito. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Dahil mayroon nang lider ng iglesia, bakit kailangan pa nating pumili ng ibang tao para mangasiwa? Hindi ba’t kalabisan na iyon?” Kalabisan ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? Ito ay dahil hindi gumagawa ng tunay na gawain ang lider ng iglesiang ito at lubha siyang hindi maaasahan kaya kailangan mong pumili ng ibang tao para partikular na maging responsable para sa gawaing ito. Kung maaasahan ang lider ng iglesia, magagawa niyang matatag na isakatuparan ang gawain pagkatapos matanggap ang pagsasaayos ng gawain, at hindi mo na kakailanganing pangasiwaan siya nang ganito. Ang pagpili sa isang tao na mangasiwa ay hindi para isantabi ang lider ng iglesia, kundi para magkamit ng mas magagandang resulta sa gawain. Kung hindi mo pipiliin ang taong ito, maaaring mabigo ang gawain, at walang katiyakan kung kailan ito matatapos o magbubunga ng mga resulta.

Ang layunin ng mga lider at manggagawa sa pakikilahok sa gawain ng iglesia ay ang akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos na praktikal na danasin ang gawain ng Diyos. Bukod sa dapat nilang gawin nang maayos ang tungkulin nila, dapat din nilang tulungan at akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos na isakatuparan ang lahat ng gawain ng iglesia ayon sa mga pamantayang hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain. Tanging ang mga lider at manggagawa na gumagawa nito ang umaayon sa mga layunin ng Diyos. Pero kung hindi ka partikular na nakikilahok sa gawain, at hindi ka nagsasagawa ng pangangasiwa sa mga lider at manggagawang hindi gumagawa ng tunay na gawain, maaaring mauwi sa wala ang mga resulta ng mga gampaning ito ng iglesia, dahil nasira ng mga huwad na lider ang mga ito. Kung malinaw mong nauunawaan ang sitwasyon ng isang partikular na iglesia, at alam mo sa puso mo na iresponsable ang mga lider ng iglesiang ito, pero hindi ka maagap na nagsusubaybay at nagbibigay ng gabay, hindi ba’t pagpapabaya ito sa responsabilidad? Para sa ganitong klase ng gawain, kung partikular kang nagsubaybay at nakilahok, at isinaayos mo kapwa ang superbisor at mga tao na gawin ang gawain, kaagad ka na bang makakaalis? (Hindi.) Pinakamainam na magsubaybay sa loob ng ilang panahon. Sa panahon ng pagsubaybay, sa isang banda, maaari mong hikayatin at patnubayan ang mga lider ng iglesia na aktibong gawin ang gampaning ito. Dagdag pa rito, maaari kang magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa sitwasyon ng gawain ng mga taong isinaayos mo, at kasabay nito, maaari kang magbigay ng agarang mga pagwawasto at tulong para sa anumang problemang kinakaharap nila sa anumang oras. Kung aalis ka nang masyadong maaga, at babalik para pangasiwaan at lutasin ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito, maaantala nito ang gawain. Sa kabuuan, para sa partikular na gawaing ito, bukod sa pakikilahok sa pagsasaayos sa mga tauhan at sa superbisor, pinakamainam na magsubaybay rin sa loob ng ilang panahon para makita kung anong mga problema ang lumilitaw sa panahon ng kanilang gawain. Sa isang banda, pangasiwaan kung tinutupad ba ng mga lider ng iglesia ang kanilang responsabilidad; sa kabilang banda, tingnan kung paano ginagampanan ng mga tauhan ang gawain. Dahil karamihan ng tao ay hindi pa nakagawa ng ganitong gawain dati, at hindi batid ang mga problemang maaaring lumitaw, patuloy mong matutuklasan ang ilang hindi batid na isyu habang lumalahok ka sa gawaing ito. Siyempre, pinakamainam din na makapagbigay ng mga solusyong nasa oras. Ang pananatili sa aktuwal na lugar, pangangasiwa, at pagsusubaybay ay ang mga pinakamainam na pagsasagawa. Huwag maging pabaya na iniraraos lang ang gawain at sabihing tapos na iyon. Ito ay isang gawaing ginawa para sa isang espesyal na sitwasyon, nagbibigay ng kaunting tulong at patnubay. Pagkatapos lutasin ang mga problema, subaybayan ang gawain nila sa loob ng ilang panahon. Nakikita mo na may ilang artikulo na ang naisulat, at mayroong maraming klase ng mga artikulo, na tumatalakay sa iba’t ibang isyu at sumasaklaw sa iba’t ibang paksa—ang ilan ay tungkol sa mga karanasan ng pang-uusig ng CCP, ang ilan ay tungkol sa mga karanasan ng pang-uusig ng pamilya, ang ilan ay kung paano nauunawaan ng mga tao ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila, o kung paano nalulutas ang iba’t ibang tiwaling kalagayang ipinapakita ng mga tao habang ginagawa ang mga tungkulin nila, at iba pa. Kailangang marebyu ang lahat ng artikulong ito ng patotoo para matiyak na ganap na umaayon ang mga ito sa mga katunayan at tunay na nakakapagpatibay sa mga tao bago maaprubahan at gawing mga video ang mga ito. Kapag umabot na sa ganitong antas ang gawain, makikita mo na ang mga resulta. Pinatutunayan nito na, sa mga paunang kondisyon, ang mga tauhan at ang superbisor na isinaayos mo para sa gawaing ito ay medyo naaangkop. Sunod, kung kaya nilang tapusin ang gawaing ito nang sila lang, naaangkop na umatras ka. Nakakatanggap din ba ng pagpapatibay ang mga lider at manggagawa na gumagawa sa ganitong paraan? Mas nakapagbibigay-kasiyahan ba ito kaysa sa pagdadaldal lang ng puro teorya buong araw at pag-aaksaya ng oras? (Oo.) Ang ganitong uri ng gawain ay may malalaking gantimpala. Sa isang banda, natututo kang lutasin ang mga aktuwal na problema. Sa kabilang banda, natutupad mo ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Dagdag pa rito, ang pagkaunawa mo sa katotohanan ay hindi natatapos sa antas ng mga salita at doktrina; sa halip, higit mong nagagamit ang katotohanan sa tunay na buhay. Sa ganitong paraan, nagkakamit ng praktikal na karanasan ang mga tao, at nagiging mas kongkreto at praktikal ang pagkaunawa nila sa katotohanan.

Pagkatapos mapatnubayan sa ganitong antas ang inisyal na proyekto ng gawain ng isang iglesia at magkamit ng mga paunang resulta, anong gawain ang dapat kasunod na gawin ng mga lider at manggagawa? Tapos na ba ang trabaho mo kapag natapos na ang isang inisyal na proyekto? Mayroon pa bang karagdagang gawain na kailangan mong gawin? Napakarami pa ring gawain! Pagkatapos mapatnubayan ang gawain ng iglesiang ito, tingnan kung alin pang gawain ng iglesia ang nangangailangan ng nakatuon na pamamatnubay, at pagkatapos ay pumunta sa iglesiang iyon at patuloy na magbigay ng patnubay. Dahil mayroon ka nang kaunting karanasan sa gawain at naarok mo na ang ilang katotohanang prinsipyo, magiging mas madali na muling magbigay ng patnubay sa gawain. Siyempre, ayon sa mga hakbang ng gawain na tinalakay kanina, dapat mo munang suriin kung pasok sa pamantayan ang mga napiling tauhan, kung angkop ba sila para sa gawaing ito, at kung ang kanilang kakayahan, pagkatao, antas ng edukasyon, antas ng paghahangad sa katotohanan, saloobin sa kanilang tungkulin, at pagkaunawa sa katotohanan, pati na ang iba pang mga aspekto, ay medyo ideyal, at kung sila ba ay mga medyo pinakamahuhusay na indibidwal. Sa pamamagitan ng ilang panahon ng pangangasiwa at pag-iinspeksiyon sa gawain, magkakaroon ka ng pagkakataong matuklasan na ang ilang lider at manggagawa o superbisor ay hindi pasok sa pamantayan. Halimbawa, ang ilang tao ay may mahinang kakayahan at hindi kayang gawin ang gawain. Ang iba naman ay may baluktot na pagkaarok, mga maling pananaw, walang normal na pag-iisip, at walang espirituwal na pang-unawa. Kaya lang nilang sumuri ng teksto ng mga artikulo batay sa kanilang akademikong kaalaman, pero mangmang sila pagdating sa pagiging angkop ng mga partikular na espirituwal na termino at sa kaangkupan ng pagsisipi ng mga salita ng Diyos; hindi nila kayang makilatis ang mga bagay na ito kahit kaunti, na nagpapakita na hindi angkop ang pagpili sa kanila at na dapat silang palitan kaagad. Samantala, napipili pa rin ang iba bilang mga superbisor, at bagama’t kaya nilang gumawa ng ilang gawain, mas magagandang resulta ang natatamo kapag nagsusulat sila ng mga artikulo nang mag-isa. Kapag hiniling sa kanila na maglingkod bilang mga superbisor, wala silang oras na magsulat kapag nagiging abala sila sa kanilang gawain, at hindi nila nagagawa nang talagang maayos ang gawain ng isang superbisor. Hindi sila mahusay sa pagbibigay ng patnubay, pag-iinspeksiyon ng gawain, o pagwawasto ng mga problema, pero mas magaling sila sa paggampan ng iisa at partikular na gampanin. Kaya, ang pagpili sa gayong indibidwal para maging superbisor ay hindi angkop, at dapat pumili ng ibang kandidato. Samakatwid, kapag nag-iinspeksiyon at nagsusubaybay ang mga lider at manggagawa sa isang partikular na gampanin, hindi sapat ang magtanong lang at mag-usisa para alamin kung nauunawaan ba ng superbisor ang mga prinsipyo. Kailangan mo ring obserbahan kung ano ang pagkatao ng naturang tao, at kung angkop ba sa paggawa ng tungkuling ito ang kanyang kakayahan, abilidad na umarok, at tayog. Kung ibinubunyag ng pag-iinspeksiyon ang mga tauhang hindi pasok sa pamantayan, kailangang maagap na gumawa ng mga pagsasaayos. Ito ang kaakibat ng pag-iinspeksiyon sa gawain.

Para maipatupad ang gawain ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoo, kailangan ding matuto ang mga lider at manggagawa na suriin ang mga artikulo at magbigay ng gabay at pagsisiyasat para sa gawain ng pagsusulat ng mga artikulo, bukod pa sa pag-iinspeksiyon kung angkop ba ang superbisor ng gawaing ito. Ang mga artikulong isinulat nang partikular at praktikal ay maaaring gamitin bilang mga halimbawa. Ang mga artikulong isinulat nang mababaw at hindi praktikal, na walang halaga at hindi nakakapagpatibay sa mga tao, ay dapat direktang alisin. Sa ganitong paraan, malalaman ng mga kapatid kung aling klase ng mga artikulo ang may halaga at aling klase ang walang halaga, at sa hinaharap, hindi na sila magsusulat ng mga artikulong walang halaga, kaya, maiiwasan ang pag-aaksaya ng lakas at oras. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng halaga ang gawain mo. Kapag pumunta ka para inspeksiyonin ang gawain, kailangan mong suriin ang iba’t ibang uri ng artikulo ng patotoong batay sa karanasan na isinulat nila para makita kung nahaluan ba ng anumang karumihan o kasinungalingan at kung nakakapagpatibay ba ang mga artikulo o hindi. Kailangan mo munang siyasatin ang mga bagay na ito. Kapag nagsisiyasat ka, hindi ba’t natututo ka rin? (Oo.) Habang natututo ka, mas magiging mahusay ka sa paggawa ng gawaing ito. Ipagpalagay nang hindi ka nag-iinspeksiyon, hindi mo sineseryoso ang mga bagay-bagay, at iresponsable ka, at iniraraos mo lang ang gawain, pakay mo lang na tapusin ang trabaho at pagkatapos ay mag-ulat sa mga nakatataas sa iyo na tapos na ito, iniisip na, “Ano’t anuman, maraming tao sa iglesia namin ang kayang magsulat ng mga artikulo ng patotoo. Pagkatapos nilang magsulat, isusumite ko ang lahat ng ito. Ano naman kung pasok sa pamantayan ang mga ito o hindi? Basta’t alam lang ng mga nakatataas na lider na marami akong nagawang gawain, na naipatupad ko ang mga pagsasaayos ng gawain, at naging abala ako, sapat na iyon!” Responsableng saloobin ba ito? (Hindi.) Ito ay pagiging iresponsable. Kung inaako mo ang responsabilidad, kailangan munang ikaw mismo ang magsiyasat sa mga bagay-bagay. Ang anumang artikulong isinumite sa pamamagitan mo ay kailangang pasok sa pamantayan; dapat sabihin ng sinumang nagbabasa nito na nakakapagpatibay ito at dapat maging handa siyang basahin ito. Ito lang ang masasabing pagtupad sa responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang pag-inspeksiyon sa gawain ay hindi tungkol sa pagraos lang ng gawain, pagsigaw ng mga islogan, pangangaral ng mga doktrina, o di-makatwirang pagsesermon sa mga tao. Ito ay tungkol sa pag-iinspeksiyon sa kahusayan at mga resulta ng gawain, pag-iinspeksiyon kung ang gawaing nagawa mo ay pasok sa pamantayan, kung nakakamit ba nito ang mga resulta ng pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain, kung natutugunan ba nito ang mga hinihingi ng Diyos, kung aling mga aspekto ang pasok sa pamantayan at alin ang hindi—ang mga ito ang mga bagay na dapat inspeksiyonin. Kabilang dito ang paggawa ng partikular na gawain, at nauugnay ito sa kakayahan ng mga tao—kung sila ba ay may espirituwal na pang-unawa, kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan nila, kung gaano karaming katotohanang realidad ang taglay nila—at sa abilidad nilang tingnan ang mga bagay-bagay. Kung marunong kang mag-inspeksiyon ng gawain, at habang iniinspeksiyon mo ang gawain ay nakakatuklas ka ng mga problema, naaarok mo ang pinakabuod ng mga problema, natutukoy ang diwa ng mga problema, at nalulutas ang mga problema, at bago ka magsumite ng mga artikulo ng patotoo ay sinisiyasat mo ang mga ito ayon sa mga prinsipyo, tinitiyak na ang mga artikulong isinusumite mo ay pawang pasok sa pamantayan at nakakapagpatibay sa mga nagbabasa ng mga ito, kung gayon, ikaw ay pasok sa pamantayan bilang lider o manggagawa, at nagawa mo na nang maayos ang gawain mo.

Karamihan ng tao ay kayang gawin ang gawain ng pagbibigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat. Gayumpaman, kapag kinakailangan ng pag-iinspeksiyon at pagsisiyasat, sinusubok nito ang kakayahan ng mga lider at manggagawa at kung taglay ba nila ang katotohanang realidad. Ang ilang tao ay kayang magbigay ng patnubay, mangasiwa sa gawain, at magpungos o magtanggal at humarap sa mga hindi angkop na tauhan, pero hindi nila alam kung paano suriin ang kahusayan at mga resulta ng gawaing isinaayos nila, kung umaayon ba ito sa mga pagsasaayos ng gawain, at kung paano ito lulutasin kung hindi ito umaayon. Karamihan sa mga lider at manggagawa ay hanggang sa pagbibigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat lang ang kayang gawin, pero pagdating sa pag-iinspeksiyon sa gawain, hindi nila alam kung ano ang gagawin, wala silang mga prinsipyo, at naguguluhan sila. Iniisip nila, “Naipatupad na ang mga pagsasaayos ng gawain, kaya ano pa ang dapat inspeksiyonin? Gumagawa ang lahat, walang sinuman ang walang ginagawa, ang mga taong nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan ay hinarap na, at ang mga kailangang tanggalin o alisin ay napangasiwaan na rin nang naaayon. Ano pa ba ang dapat inspeksiyonin?” Sadyang wala silang kamalay-malay. Ang pag-iinspeksiyon sa gawain ay nangangailangan ng pagsisiyasat. Ano ang ibig sabihin ng pagsisiyasat? Nangangahulugan ito na kailangan mong gumawa ng kongklusyon. Halimbawa, ang superbisor ng gawain ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ay naghatid sa iyo ng isang artikulo, nagsasabing maganda ang estilo ng pagsusulat, matatas ang wika, at kapwa maganda ang estilo ng wika at ang paksa ng artikulo. Gayumpaman, pakiramdam niya ay tila kulang ito sa praktikal na nilalaman at hindi ito makakapagpatibay sa mga tao, na kailangan itong dagdagan at pagbutihin, pero hindi niya makilatis ang usaping ito nang siya lang, kaya hinihiling niya sa iyo na tingnan ito. Ano ang ibig sabihin ng paghiling niya na tingnan mo ito? Ibig sabihin, kailangan niya na siyasatin mo ito. Kung paano mo ito sinisiyasat at kung maayos mo ba itong sinisiyasat ay sumusubok sa tunay mong tayog. Ano ang ibig sabihin ng tunay na tayog? Nangangahulugan ito kung nauunawaan mo ba ang mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi nauunawaan ng superbisor ang mga prinsipyo ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoo, hindi masuri kung praktikal at tunay ba ang isang artikulo, at hindi alam kung paano gumawa ng paghusga, at ganoon ka rin, hindi makagawa ng paghusga o desisyon, isang bagay ang pinatutunayan nito: Kapareho lang ng sa kanya ang kakayahan mo, at hindi mo kayang magsiyasat ng mga artikulo. Hindi ba’t ganito ang kaso? Ang katotohanang nauunawaan mo ay halos kapareho ng sa kanya, at hindi mo makilatis ang mga problemang hindi niya makilatis—ipinapahiwatig nito ang isang isyu. Kung kaya mong kilatisin ang mga problemang hindi niya kayang kilatisin, at kaya mong matuklasan ang mga problema sa pamamagitan ng pag-iinspeksiyon na hindi niya kayang matuklasan, pinatutunayan nito na kaya mong magsiyasat ng mga artikulo. Halimbawa, itinuturing niyang pasok sa pamantayan ang karamihan sa mga artikulo at na walang malalaking isyu sa mga ito, pero sa pamamagitan ng iyong pag-iinspeksiyon at pagsisiyasat, may nahanap kang isang maliit na parte na hindi pasok sa pamantayan. Ipinaliliwanag mo ang mga problema sa mga artikulong ito sa pamamagitan ng paghihimay at pagbabahaginan; sang-ayon ang lahat na may katwiran ang mga punto mo, naaayon sa mga prinsipyo, at hindi paghahanap lang ng butas, bagkus ay mga tunay ngang isyu, at na kailangang iwasto ang mga ito. Ang ilang artikulo ay hungkag at walang praktikal na pagkaunawang batay sa karanasan; ang ilang artikulo ay may praktikal na pagkaunawang batay sa karanasan pero hindi sapat na kongkretong ipinahayag; may ilang artikulo rin na hindi angkop na nagsisipi ng mga salita ng Diyos, hindi pumipili ng mga mas nababagay na sipi ng mga salita ng Diyos, na humahantong sa mas malalalang resulta; ang ilang artikulo ay may mga maling pananaw, may baluktot na pagkaarok at walang pagbabahaginan tungkol sa pag-unawa sa katotohanan, kaya hindi napapatibay ang mga mambabasa at madali silang magkaroon ng pagkanegatibo at mga maling pagkaunawa; at iba pa. Matutukoy at makikilatis mo ang mga isyung ito. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan mo, natutulungan mo silang maarok ang mga prinsipyo, na nagbibigay-kakayahan sa mga may karanasan na makapagsulat ng mga tunay na patotoong batay sa karanasan. Pinipili mo ang mga artikulong nakakapagpatibay at may halaga para sa mga tao bilang mga patotoong batay sa karanasan na pasok sa pamantayan, nang sa gayon ay kapag binasa ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga ito, napapatibay sila. Samantala, ang mga artikulong walang tunay na pagkaunawang batay sa karanasan o naglalaman ng baluktot na pagkaarok ay inaalis. Kung gagawin mo ito, hindi ba’t nagsisiyasat ka? Kung mayroon kang gayong abilidad na makita ang mga bagay-bagay at gumawa ng gawain, hindi ba’t sapat ang kakayahan mo? Hindi ba’t tinutupad mo ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Kung iniisip nila na karamihan sa mga artikulo ay katanggap-tanggap at dinadala nila ang mga ito sa iyo para masiyasat, at iniisip mo rin na maayos naman ang karamihan sa mga ito, samantalang sa totoo lang ay may mga isyu sa ilan sa mga artikulong ito at kinakailangan ng karagdagang pagpili, pag-e-edit, at pagwawasto sa mga problema, pero hindi mo makilatis ang mga ito—kapag isinumite mo ang mga ito sa Itaas, at may natuklasan na ilang artikulo ang Itaas na hindi pasok sa pamantayan at inaalis ang mga ito—hindi ba’t nangangahulugan ito na hindi ka nagsiyasat nang maayos? Sa isang banda, ang pag-iinspeksiyon sa gawain ay sumusubok sa kakayahan ng mga lider at manggagawa, at sa kabilang banda, sinusubok nito ang lawak ng kanilang pagkaunawa sa katotohanan. Hindi makapagsiyasat ang ilang tao dahil mahina ang kakayahan nila, kaya hindi nila magawa ito, hindi nila nauunawaan ang katotohanan sa aspektong ito, at hindi nila makilatis ang mga problema. Ang kanilang mga pag-iinspeksiyon ay paggawa lang nang pabasta-basta, hindi alam kung ano ang iinspeksiyonin. May mga tao na sapat ang kakayahan, pero dahil mababaw ang pagkaunawa nila sa katotohanan, kaya nilang makatuklas ng mga problema pero hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito. Ang ganitong mga tao ay kailangan pa ring umunlad. Gayumpaman, kung hindi man lang kayang tuklasin ng mga tao ang mga problema, imposibleng uusad pa sila.

Ang pagpapatupad sa gawain ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ay may kasamang mahalagang hakbang ng pag-iinspeksiyon, na nakadepende sa kung taglay ng mga lider at manggagawa ang katotohanang realidad. Bukod sa pag-iinspeksiyon sa mga lider at manggagawa na may medyo mahinang kakayahan at medyo mahina, dapat ka ring mag-usisa tungkol sa mga may katamtamang kakayahan at unawain mo sila. Kung hindi angkop ang kapaligiran, maaari kang magpadala ng isang tao para mag-usisa at umunawa sa sitwasyon, at gumawa ng mga detalyadong tala. Kung pinahihintulutan ng sitwasyon, pinakamainam na personal na pumunta at makisalamuha sa superbisor ng gawaing ito; magtanong, mag-usisa, at alamin ang partikular na sitwasyon ng gawaing ito, at tingnan kung gaano kahusay naipapatupad ang gawain. Sa kabuuan, kapag iniatas na ang pagsasaayos ng gawain para sa pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, hindi ito isang bagay na matatapos sa loob lang ng isa o dalawang buwan. Hindi ito isang pansamantalang gampanin kundi isang pangmatagalang gawain. Hindi lamang dapat magbigay ang mga lider at manggagawa ng patnubay, pangangasiwa, panghihikayat, at pag-iinspeksiyon sa loob ng unang isa o dalawang buwan matapos iatas ang pagsasaayos ng gawain, at ituring nila ito na tapos na. Sa halip, kailangan nilang patuloy na subaybayan ang gawaing ito sa loob ng mahabang panahon. Para sa mga mas mahinang lider ng iglesia, kailangan nilang pumunta at magbigay ng personal na patnubay. Para naman sa mga lider ng iglesia na kayang magpatupad ng mga pagsasaayos ng gawain nang mag-isa, dapat din silang magsagawa ng mga regular na pag-iinspeksiyon para maunawaan ang pag-usad ng gawain at malutas ang anumang problemang lumilitaw. Ito ay responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Samakatwid, isang bagay ang natitiyak tungkol sa mga lider at manggagawa na gumagawa ng gawain: Hindi sila kailanman nagkakaroon ng oras na walang ginagawa. Palaging iniisip ng ilang lider at manggagawa, “Naiatas na ang mga pagsasaayos ng gawain, at nakipagbahaginan na ako kung paano ipatupad ang mga ito. Natapos ko na ang trabaho ko, wala nang ibang kailangang gawin. Kaya, gagawa na lang ako ng ilang naaangkop na gawaing-bahay, tulad ng pagtulong sa pagluluto at pagpapatuloy sa bahay, o pagbili ng mga pang-araw-araw na pangangailangan na wala ang mga kapatid.” Wala na silang ginagawa pagkatapos iatas ang mga pagsasaayos ng gawain at pakiramdam nila ay natapos na nila ang kanilang trabaho at wala na silang gagawin pa. Ipinapakita nito na hindi sila marunong gumawa sa gawain o mangasiwa ng mga partikular na gampanin. Sa katunayan, kapag naiatas na ang iba’t ibang pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, hangga’t walang abiso mula sa Itaas na itigil ito, dapat magpatuloy ang gawain at hindi maaaring ihinto sa kalagitnaan. Halimbawa, ang gawain ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan—ipinatigil na ba ito ng Itaas? Mayroon bang anumang pabatid na nagsasabing itigil na ang gawaing ito? (Wala.) Kung gayon, paano dapat isagawa ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito? Huwag maging ganado dahil lang sa pansamantalang sigasig. Noong unang iniatas ang pagsasaayos ng gawain, labis kang masigasig, aktibo, at sabik na isagawa ang gawaing ito. Gayumpaman, pagkalipas ng ilang panahon, kung ang Itaas ay hindi nanghihikayat, hindi nag-aatas ng mga bagong tagubilin, o hindi nagbibigay ng mga karagdagang direktiba para sa pagsasaayos na ito ng gawain, maaaring iisipin mo na dahil walang bagong isinaayos ang Itaas, maaari mong balewalain ang gawaing ito. Hindi ito katanggap-tanggap; ito ay kapabayaan sa responsabilidad. Gaano man katagal nang naipatupad ang gawaing ito, at kung ang Itaas ay nag-usisa, nanghikayat, o nagbigay-diin man tungkol sa gawaing ito sa panahong iyon, hangga’t ipinagkatiwala sa iyo ang gawaing ito, dapat mo itong pasanin at patuloy na gawin, isinasakatuparan ito nang maayos. Ano ang ibig sabihin ng “patuloy”? Nangangahulugan ito na hangga’t hindi sinasabi ng Itaas na itigil ito, ang mga lider at manggagawa ay kailangang magbigay ng walang-hinto at tuloy-tuloy na patnubay, pangangasiwa, panghihikayat, pag-iinspeksiyon, at pagsusubaybay sa gawaing ito. Maliban kung bumaba ka sa posisyon o tinanggal ka, hangga’t hawak mo ang posisyon mo, kailangan mong gawin nang maayos ang gawaing ito bilang isang lider o manggagawa. Isa rin itong gampanin na dapat patuloy mong ipatupad at subaybayan. Paano ito dapat isagawa? Sa tuwing dadalaw ka sa isang iglesia, kailangan mong tanungin ang mga lokal na lider at ang superbisor ng gawaing ito: “Kumusta ang mga artikulo ng patotoo sa panahong ito? Mayroon bang anumang maganda at medyo nakakaantig na artikulo ng patotoo? Mayroon bang anumang artikulo na may mga espesyal na karanasan?” Kung sasabihin nilang mayroon, dapat mong suriin ang mga artikulong ito. Kung naglalaman nga ang mga ito ng mga praktikal na karanasan at tunay na nakakapagpatibay sa mga tao, dapat isumite kaagad ang mga ito. Sa tuwing dadalaw ka sa isang iglesia, dapat mo munang tanungin ang tungkol sa bagay na ito. Isa itong partikular na gampanin na dapat mong ipatupad, isang obligasyon na hindi mo puwedeng iwasan—responsabilidad mo ito. Hinihikayat o inuusisa man ng Itaas ang tungkol sa bagay na ito, kabilang ang gampaning ito sa kung ano ang dapat mong gawin. Kung abala ang mga kapatid sa paggawa ng kanilang mga tungkulin at walang oras na magsulat ng mga artikulo ng patotoo, dapat mo silang hikayatin, sabihin na, “Ang pagsusulat ng magagandang artikulo ng patotoo ay labis na kapaki-pakinabang sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at isa rin itong mahalagang tungkulin.” Gayumpaman, sinasabi ng ilang lider, “Pakiramdam ng mga kapatid, naisulat na nila ang lahat ng kanilang karanasan at wala na silang maisulat pa.” Tama ba ang pahayag na ito? Sa katunayan, maraming detalyadong karanasan ang hindi napapansin ng mga tao at nakakaligtaan. Kapag binasa nila ang mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan na isinulat ng iba, saka lang nila naaalala na nagkaroon din sila ng mga katulad na karanasan. Kaya naman, ang pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ay nangangailangan ng maingat na pag-iisip at pagninilay. Maraming pagkaunawang batay sa karanasan ang karapat-dapat na isulat. Makatwiran bang dahilan ang kawalan ng oras na magsulat? Ito ay isang tungkuling dapat gawin ng mga tao. Gaano man sila kaabala, dapat silang maglaan ng oras para magsulat. Kung hindi sila marunong magsulat ng mga artikulo ng patotoo, dapat nila itong idikta sa iba para i-edit, nang sa gayon ay makagawa ng isang magandang artikulo. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng iyong panghihikayat at paggabay, naisulat ang isa pang magandang artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Alam mo ba kung gaano karaming tao ang kayang patibayin ng artikulong ito? Ilang tao ang makakatanggap ng tulong at pakinabang mula rito? Kung hindi ka mangangasiwa at magbibigay ng gabay, at wala ring pagpapahalaga sa pasanin ang mga lokal na lider ng iglesia, iniisip na naisulat na ng mga kapatid ang lahat ng kanilang patotoong batay sa karanasan at wala nang maisusulat pang mga artikulo, hindi iiral ang magandang artikulong ito ng patotoong batay sa karanasan. Minsan, kapag dumadalaw ka sa isang iglesia, nakikipagkuwentuhan sa iyo ang ilang kapatid at sinasabi nila, “Naranasan ko ang lahat ng uri ng paghihirap sa buhay ko. Pagkatapos manampalataya sa Diyos, maraming beses din akong inusig. Sa bawat hakbang na dinadaanan, ang Diyos ang umaakay sa akin. Nakita ko ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos, at napagtanto ko na ang lahat ng bagay ay inorden ng Diyos, at na tunay na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat—ito ay ganap na totoo!” Pagkatapos nilang ikuwento sa iyo ang karanasan nila, tatanungin mo sila kung naisulat ba nila ito bilang isang artikulo, at sasabihin nila, “Hindi pa, mababa ang pinag-aralan ko at hindi ako marunong magsulat. Bukod pa rito, sinasabi ng iba na hindi mahalaga ang karanasang ito.” Sasabihin mo sa kanila, “Paanong walang halaga ang ganoon kagandang karanasan? Pagkatapos ng bawat hakbang ng karanasan mo, lubos mong naramdaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang pag-akay ng Diyos, at ang pag-orden ng Diyos. Anong karanasan pa ba ang maaaring maging mas mahalaga kaysa rito? Ang gayong mga karanasan ay dapat isulat at hindi palampasin.” Pagkatapos, agad kang magsasaayos ng mga mas edukadong kapatid para tulungan silang i-edit ito. Sa loob ng tatlong araw, may naisulat nang isang maganda at napakahusay na artikulo ng patotoo at pagkatapos ay ginawa itong isang video ng patotoong batay sa karanasan. Sinasabi ng lahat ng nanonood nito, “Kamangha-mangha ang karanasan ng bida! Lubos na nakapagpapatibay na panoorin ito! Tunay nitong ipinapakita na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat—ganoon nga iyon mismo! Ito ay mas higit pang nakumpirma ngayon, at tumibay ang pananalig namin sa Diyos.” Sinasabi ng iba, “Ang artikulong ito ng patotoong batay sa karanasan ay napakapraktikal at lubos na nakakaantig. Mas magiging maganda pa nga kung gagawin itong pelikula!” Maraming kapatid ang sabik na nag-aabang na gawin itong pelikula kaagad. Kaya naman, dahil responsable at tapat na tinrato ng mga lider at manggagawa ang gawain ng iglesia, ang isang kaswal na pag-uusap ay nauwi sa isang magandang artikulo at magandang materyal para sa isang pelikula. Ito ang pinakamagandang patotoo at pinakamagandang paksa para sa pagpapatotoo sa kataas-taasang kapangyarihan at pag-orden ng Diyos. Ang gayong mga kuwento ay makapagpapalakas sa pananalig ng napakaraming tao at makakapagpatibay rin sa maraming tao! Ano ang tingin mo sa mga lider at manggagawa na gumagawa ng gawain sa ganitong paraan? Hindi sila sumusunod sa anumang pormalidad sa kanilang gawain. Saanman sila pumunta, nagtatanong sila, nag-uusisa, at nakikisalamuha sa mga kapatid, nakikihalubilo sa mga ito nang hindi nagmamataas. Bukod sa mayroon silang pagpapahalaga sa pasanin sa kanilang puso, mayroon din silang matibay na pagpapahalaga sa responsabilidad. Sa patuloy na paggawa nito, natural silang nagkakamit ng mga resulta. Hindi ba’t tatandaan ito ng Diyos? Mabubuting gawa ang mga ito, hindi ba? Sabihin mo sa Akin, mahirap bang gawin ang kaunting gawaing ito? Nangangailangan ba ito ng pagdurusa? Nangangailangan ba ito ng pag-akyat sa bundok na puno ng mga batong kasingtalim ng mga espada o ng pagtalon sa dagat-dagatang apoy? Hindi. Hindi ito mahirap. Kinakailangan mo lang itong isapuso. Taglay ang gawaing ito sa puso mo, saan ka man pumunta, magtatanong at mag-uusisa ka: “Kumusta na ang pag-usad ng gawain? Mayroon bang magagandang artikulo ng patotoo sa panahong ito? Para sa mga kapatid na may mga karanasan pero hindi pa nakapagsusulat ng mga artikulo, alam ba ninyo kung paano sila patnubayan sa pagsasalaysay ng kanilang mga karanasan? Alam ba ninyo kung paano sila tulungang ipahayag ang kanilang sarili at patnubayan sila na maisulat ang mga ito?” Saanman kayo pumunta, kailangang palagi kayong makipagbahaginan tungkol sa usaping ito, gumawa ng mga bagay na nauugnay sa gawaing ito, at magsalita ng mga salitang nauugnay sa gawaing ito. Hindi ba’t sa ganitong paraan ng pagsasagawa, nagiging mas masagana ang gawain ng mga lider at manggagawa? Maaari kayang magkaroon ng isang sitwasyon kung saan wala kayong ginagawa na gawain? (Hindi.) Mapapagod o mamamatay ba sa pagkahapo ang mga lider at manggagawang gumagawa sa ganitong paraan? (Hindi.) Hindi sila mapapagod o mamamatay sa pagkahapo, magkakaroon ng mga resulta ang gawain, at matatandaan ito ng Diyos. Kung gagawa ka sa ganitong paraan, marami ang mapapatibay, at mararamdaman ng mga kapatid na mahalaga at makabuluhan ang pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Dati, iniisip nila na walang halaga ang mga karanasan nila, pero sa pamamagitan ng patnubay mo, naunawaan nila kung paano sumulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Nakakabuti rin ito sa kanilang buhay pagpasok. Kapag gumagawa ka sa ganitong paraan, saka mo lang natutupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa.

Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa kung paano dapat inspeksiyonin ng mga lider at manggagawa ang gawain, natutuhan na ba ninyo kung paano inspeksiyonin ang gawain? Ang pag-iinspeksiyon sa gawain ay hindi tungkol sa paghahanap ng mga kamalian o pagiging masyadong mabusisi, kundi tungkol sa pagtingin kung paano isinagawa ang gawain, kung ito ba ay isinaayos, kung mayroon bang sinumang nangangasiwa sa gawain, kung paano umuusad ang gawain, kung kumusta ang pag-usad, kung maayos ba ang daloy nito, kung ginagawa ba ang gawain ayon sa mga prinsipyo, kung nagbubunga ba ito ng mga resulta, at iba pa. Kasabay nito, kailangan ninyong obserbahan, irebyu, at suriin ang pagiging epektibo ng gawain, at mula rito, maghanap kayo ng mas mabuti at mas angkop na mga paraan para maipatupad ang gawain. Para sa pagsasaayos ng gawain tulad ng pagsasaayos ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, hangga’t hindi ito ipinapahinto ng Itaas, kailangang patuloy na subaybayan at ipatupad ang gawaing ito, at kapaki-pakinabang ito para sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung pakiramdam ng ilang tao na mayroon nang sapat na mga patotoong batay sa karanasan at hindi na kayang basahin ng hinirang na mga tao ng Diyos ang lahat ng ito, maaari na bang ihinto ang gawaing ito? Hindi ito maaaring ihinto. Kung mayroong mas maraming patotoong batay sa karanasan, mas mainam iyon; kung mas marami ang patotoong batay sa karanasan, mas magiging masagana ang mga ito—ito ang pinakanakatutulong sa hinirang na mga tao ng Diyos na makapasok sa katotohanang realidad. Ang ilang bagong mananampalataya, pagkatapos mabasa ang mga patotoong ito na batay sa karanasan, ay matututo kung paano danasin ang gawain ng Diyos. Matapos pagdaanan ang isang panahon ng karanasan at pagkakamit ng mga resulta, likas na magagawa nilang sumulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Ang ilang taong may mabababaw na karanasan ay maaaring mapatibay rin sa pamamagitan ng pagbabasa ng medyo mas malalalim na patotoong batay sa karanasan, at maaari silang magkamit ng mas malalalim na karanasan at makapagsulat ng mas magagandang artikulo ng patotoo. Ang mga patotoong ito ay kapaki-pakinabang kapwa sa mga tao sa relihiyon at sa hinirang na mga tao ng Diyos sa sambahayan ng Diyos. Kaya, hindi kailanman maaaring huminto ang gawain ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Kailangang patuloy na subaybayan ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito at hindi nila dapat itigil ito dahil lang sa anumang dahilan o palusot. Isa itong mahalagang aytem ng gawain sa iglesia. Dapat manguna ang mga lider at manggagawa sa pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Ang pagsasagawang ito ang pinakamahusay na nagbubunyag kung nagtataglay ba sila ng katotohanang realidad. Kung hindi nila kayang magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, hindi sila pasok sa pamantayan bilang mga lider o manggagawa at hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain, dapat silang tanggalin at itiwalag. Pagkatapos gawin nang maayos ang gawaing ito, kailangang patuloy na dumalaw ang mga lider at manggagawa sa iba’t ibang iglesia para mag-usisa tungkol sa pag-usad ng gawain. Maaari nilang itanong at alamin ang tungkol sa gawain: “Pawang may kaunting karanasan ang ilang kapatid sa inyong iglesia na medyo masigasig sa kanilang paghahangad—maaari ba silang magsulat ng mga artikulo ng patotoo?” Dapat ding tanungin ng mga lider at manggagawa ang mga bagong tumanggap sa tunay na daan kung paano nila siniyasat at nagawang tanggapin ito, at kung maaari ba nilang isulat ang kanilang mga impresyon tungkol dito. Ang mga lider at manggagawa ay hindi lamang kailangang patuloy na mag-usisa, matuto, magsubaybay, at magpatupad ng gawaing ito, kundi kailangan din nilang inspeksiyonin kung gaano kaayos ang takbo ng pagpapatupad: “Sa panahong ito, nagsaayos ba kayo ng mga taong gagawa ng gawaing ito? Ilang artikulo ng patotoong batay sa karanasan ang naisulat? Ilan ang pasok sa pamantayan? Ano ang proporsiyon ng mga artikulo na pasok sa pamantayan?” Sasagot ang superbisor: “Pagkatapos ng huling pagbabahaginan, may ilan nang naisulat na artikulo ng patotoong batay sa karanasan sa aming iglesia, at naisumite na ang ilang artikulong pasok sa pamantayan. Patuloy naming ginagawa ang gawaing ito.” Ayos lang ito; nangangahulugan ito na nagawa mo nang maayos ang gampaning ito. Kung iisipin ito, mayroon bang direktang ugnayan sa pagitan ng kakayanan ng isang iglesia na makagawa ng mga tunay na artikulo ng patotoong batay sa karanasan at ng ginagampanang papel ng mga lider at manggagawa? Sa isang banda, kailangan mong patuloy na makipagbahaginan tungkol sa aspektong ito ng gawain; sa kabilang banda, kailangan mong manguna bilang isang huwaran, patuloy na mag-usisa tungkol sa gawain, at makilahok at sumubaybay rin sa gawain. Pagkalipas ng ilang panahon ng pagsubaybay at matapos umalis sa iglesiang ito, dapat kang bumalik kalaunan para inspeksiyonin ang pagpapatupad. Hindi ba’t ito ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa.

Para sa bawat pagsasaayos ng gawain na iniatas ng sambahayan ng Diyos, kailangang seryoso itong tratuhin at ipatupad ng mga lider at manggagawa. Dapat madalas mong gamitin ang mga pagsasaayos ng gawain para ikumpara at inspeksiyonin ang lahat ng gawaing nagawa mo. Dapat mo ring suriin at pagnilayan kung aling mga gampanin ang hindi mo nagawa nang maayos o naipatupad nang wasto sa panahong ito. Para sa anumang gampaning itinalaga at hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain na napabayaan, dapat agad kang bumawi at mag-usisa tungkol dito. Kung abala ka sa isang partikular na gampanin at hindi makaalis, puwede mong ipagkatiwala sa iba ang pag-iinspeksiyon at pagsusubaybay sa mga gawaing hindi nagawa nang maayos. Huwag kang basta na lang magbigay ng mga utos at mag-isip na tapos na ang gampanin matapos italaga at isaayos ang gawain, at pagkatapos ay wala ka nang gagawin. Bilang isang lider, responsable ka sa lahat ng gawain, hindi lang sa isang gampanin. Kung nakikita mo na talagang mahalaga ang isang partikular na gampanin, puwede mong pangasiwaan ang gampaning iyon, pero kailangan mo ring maglaan ng oras para mag-inspeksiyon, maggabay, at magsubaybay sa iba pang mga gampanin. Kung kontento ka lang sa paggawa nang maayos sa isang gampanin, at pagkatapos ay itinuturing mong tapos na ang mga bagay-bagay, at nagtatalaga ka ng mga gampanin sa ibang mga tao nang hindi nagmamalasakit o nagtatanong tungkol sa mga ito, isa itong iresponsableng pag-uugali at kapabayaan sa responsabilidad. Kung isa kang lider, ilang gampanin man ang pinananagutan mo, responsabilidad mong palaging magtanong tungkol sa mga ito at mag-usisa, at kasabay nito, inspeksiyonin ang mga ito at lutasin agad ang mga problema pagkalitaw pa lamang ng mga ito. Trabaho mo ito. Kaya nga, lider ka man sa rehiyon, lider sa distrito, lider sa iglesia, o lider o superbisor ng anumang pangkat, kapag nalaman mo na ang saklaw ng iyong mga responsabilidad, kailangan mong suriin nang madalas kung gumagawa ka ba ng tunay na gawain, kung natupad mo ba ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng isang lider o manggagawa, pati na kung aling mga gampanin—mula sa ilang ipinagkatiwala sa iyo—ang hindi mo nagawa, alin ang ayaw mong gawin, alin ang mga nagbunga ng mga hindi magandang resulta, at alin ang mga may prinsipyong hindi mo naarok. Ito ang lahat ng bagay na dapat mong suriin nang madalas. Kasabay nito, kailangan mong matutong makipagbahaginan at magtanong sa ibang tao, at kailangan mong matutong tumukoy, sa mga salita ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng gawain, ng isang plano, mga prinsipyo, at isang landas para sa pagsasagawa. Sa anumang pagsasaayos ng gawain, nauugnay man ito sa administrasyon, sa mga tauhan, o sa buhay iglesia, o kaya ay sa anumang uri ng propesyonal na gawain, kung binabanggit nito ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ito ay isang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa, at nasa saklaw ng responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ito ang mga gampaning dapat mong asikasuhin. Natural, dapat itakda ang mga priyoridad batay sa sitwasyon; walang gawaing maaaring maiwan. Sinasabi ng ilang lider at manggagawa, “Hindi tatlo ang ulo ko at hindi anim ang braso ko. Napakaraming gampanin sa pagsasaayos ng gawain; tiyak na hindi ko kakayanin kung ako ang aatasang mangasiwa ng lahat ng ito.” Kung may ilang gampaning hindi mo kayang personal na makisangkot, nagsaayos ka ba ng ibang tao na gagawa ng mga ito? Pagkatapos gawin ang pagsasaayos na ito, nagsubaybay ka ba at nag-usisa? Sinuri mo ba ang gawain nila? Siguradong may oras ka naman para mag-usisa at magsuri, hindi ba? Tiyak na mayroon! Sinasabi ng ilang lider at manggagawa, “Paisa-isang trabaho lang ang kaya kong gawin. Kung uutusan mo akong magsagawa ng pagsusuri, paisa-isang gampanin lang ang kaya kong suriin; ang anumang hihigit pa roon ay hindi na magagawa.” Kung ganoon, wala kang kuwenta, lubhang mahina ang kakayahan mo, wala kang kapabilidad sa gawain, hindi ka akma para maging lider o manggagawa, at dapat kang bumaba sa posisyon. Gumawa ka na lang ng gawaing nababagay sa iyo—huwag mong antalahin ang gawain ng iglesia at ang paglago ng buhay ng hinirang na mga tao ng Diyos dahil lang sa napakahina ng kakayahan mo para gumawa ng gawain; kung wala ka ng ganitong katwiran, ikaw ay makasarili at ubod ng sama. Kung mayroon kang ordinaryong kakayahan pero nagagawa mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, kung handa kang magsanay, at hindi ka sigurado kung kaya mong gawin nang maayos ang gawain, dapat kang maghanap ng ilang taong may mahusay na kakayahan para makipagtulungan sa iyo sa gawain. Magandang pamamaraan ito, at maituturing na pagkakaroon ng katwiran. Kung masyadong mahina ang kakayahan mo at tunay na wala kang kapabilidad na pasanin ang gawaing ito, pero gusto mo pa ring manatili sa posisyong ito at magtamasa ng mga pakinabang nito, isa kang taong makasarili at ubod ng sama. Ang mga lider at manggagawa ay kailangang magtaglay ng konsensiya at katwiran—ito ay napakahalaga. Kung wala man lang sila ng ganitong pagkatao, tiyak na hindi sila puwedeng maging lider o manggagawa, at kahit pa gumawa sila ng kaunting gawain, sila ay magiging isang huwad na lider na magdudulot lamang ng pinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos at maglalagay sa panganib sa gawain ng iglesia. Dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang mga layunin ng Diyos; talagang hindi sila dapat maging diktatoryal at umako sa lahat ng bagay nang mag-isa, pagkatapos ay wala naman silang maayos na magagawang anumang gawain at maaantala nila ang lahat ng gawain ng iglesia, pati na ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t magiging malaking pagsalangsang iyon? Samakatwid, ang mga taong may napakahinang kakayahan ay talagang hindi maaaring maging lider at manggagawa. Iyong mga walang may-takot-sa-Diyos na puso at hindi kayang magsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos ay mas lalong hindi maaaring maging mga lider at manggagawa; hindi sila puwedeng atasan na mangasiwa sa anumang gampanin. Bilang mga lider at manggagawa, mahalagang magkaroon ng kamalayan sa sarili. Kung hindi mo kayang gumawa ng tunay na gawain pero gusto mo pa ring akuin ang lahat, at mahilig kang magtamasa sa mga pakinabang ng katayuan, ito mismo ang depinisyon ng isang huwad na lider, at dapat kang tanggalin at itiwalag.

Matapos pagbahaginan ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, mayroon na ba kayong landas ngayon sa kung paano dapat tratuhin at ipatupad ng mga lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain? (Mayroon.) Mayroon bang anumang suliranin? Sa iba’t ibang gampaning nakabalangkas sa loob ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa na napagbahaginan natin, maaaring tumuon lamang ang ilang tao sa isa o dalawang aspekto, habang ang kahit isa o dalawang aspekto ay maaaring hindi man lang maisakatuparan ng iba. Para sa mga lider at manggagawa na kayang tumuon sa isa o dalawang aspekto ng gawain, kung sapat ang kakayahan nila at kaya rin nilang matutuhang subaybayan ang iba pang mga aspekto ng gawain, sila ay halos pasok sa pamantayan. Gayumpaman, kung nananatili lamang sila sa antas ng pangangaral ng mga doktrina at pagdaraos ng mga pagtitipon pero hindi sila makagawa ng partikular na gawain, at kapag inatasang lumahok sa pag-iinspeksiyon at pagsusubaybay sa mga partikular na gampanin, nag-aalala sila, nang walang mga plano, hakbang, o landas na susundan, at hindi alam kung ano ang gagawin, nagpapahiwatig ito ng mahinang kakayahan. Kaya bang ipatupad ng mga taong may mahinang kakayahan ang mga pagsasaayos ng gawain? (Hindi.) Ang gayong mga lider at manggagawa ay hindi pasok sa pamantayan. Paano ninyo dapat harapin ang gayong mga lider at manggagawa? Sabihin sa kanila, “Naiatas na ang mga pagsasaayos ng gawain, at malinaw ang pagkaunawa namin sa kung anong mga gampanin ang gagawin at anong mga prinsipyo ang dapat itaguyod, pero hindi mo alam kung ano ang gagawin at wala kang landas na susundan. Pero ang lakas pa rin ng loob mo na magbahagi at magsermon sa amin. Dapat ka nang bumaba agad sa posisyon mo! Hindi ka angkop na maging lider o manggagawa, hindi mo kayang tuparin ang responsabilidad na ito. Ipasa mo ito kaagad sa isang taong may kakayahan! Itigil mo ang pagsigaw ng mga islogan dito, wala namang gustong makinig!” Angkop ba na harapin ito sa ganitong paraan? (Oo.) Kung hindi mo magawa ang gawain, ano pa ang silbi ng bulag na pagsigaw ng mga islogan? Lahat ay kayang basahin ang mga salita sa mga pagsasaayos ng gawain; lahat ay kayang magsalita ng mga doktrina—ang mahalaga ay kung paano mo ito aktuwal na ginagawa. Kung hindi mo ito kayang gawin, hindi ka angkop na maging lider o manggagawa. Walang gampanin ang kasingsimple ng pagbibilang ng isa at dalawa. Sa bawat gampanin, kinakailangan ng mga lider at manggagawa na bumuo ng mga partikular na plano ng pagpapatupad sa loob ng saklaw ng mga prinsipyo batay sa partikular na sitwasyon. Kasabay nito, dapat silang matuto kung paano mangasiwa, mag-inspeksiyon, at sumubaybay hanggang sa maipatupad nang maayos ang gawain, ganap na tinutugunan ang mga hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, na nagbubunga at nagkakaroon ng mga resulta. Saka lamang nila natupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa; saka lamang sila pasok sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa.

Ang Saloobin at mga Pagpapamalas ng mga Huwad na Lider Patungkol sa mga Pagsasaayos ng Gawain

Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa kung ano ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa pagdating sa mga pagsasaayos ng gawain. Susunod, pagbabahaginan natin kung ano ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider. Sa mga huwad na lider na nakasalamuha ninyo, ano ang saloobin nila sa mga pagsasaayos ng gawain? Anong mga kilos at pagpapamalas ang ipinapakita nila? Kadalasang nauunawaan ng mga huwad na lider mula sa mga salita ng mga pagsasaayos ng gawain kung ano ang dapat gawin, ang mga partikular na hinihingi ng Itaas, at kung ano ang mga partikular na proyekto ng gawain, subalit nauunawaan lang nila ito sa usapin ng doktrina. Hindi pa rin nila nauunawaan o lubusang naiintindihan ang mga partikular na prinsipyo, pamantayan, at landas ng pagsasagawa para sa pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain. Pagkatapos matanggap ang mga pagsasaayos ng gawain, pabasta-basta lang silang gumagawa, nagbabahaginan kung paano gawin ang gawain at kung paano iatas at ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Gayumpaman, gaano man sila magbahaginan, isa lang itong literal at doktrinal na pagkaunawa sa mga pagsasaayos ng gawain. Tungkol naman sa kung paano partikular na ipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain at kung anong mga resulta ang maaaring makamit, pati na kung gaano kaepektibo ang magiging pagpapatupad kung pipili sila ng ilang tao na gagawa sa gawain o pipili ng isang plano para ipatupad ito, o kung kaya bang matugunan ang mga layon at resulta na hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, hindi nila namamalayan at hindi malinaw sa kanila ang mga aspektong ito. Kapag ipinatutupad ng mga huwad na lider ang mga pagsasaayos ng gawain, kadalasan ay nagdaraos lang sila ng isang pagtitipon para mangaral ng ilang salita at doktrina, magtalaga ng gawain, magbanggit ng ilan sa mga hinihingi ng Diyos, at pagkatapos ay manghikayat sa lahat na ipahayag ang kapasyahan ng mga ito. Itinuturing nila ito na paggawa ng kanilang trabaho. Naniniwala sila na hangga’t itinalaga na nila ang gawain, itinakda ang isang tao para mangasiwa, at binanggit ang mga resultang hinihingi ng sambahayan ng Diyos, natupad na nila ang kanilang responsabilidad. Pagkatapos ay ganap silang nakakampante, na para bang tapos na ang gawain. Wala silang ideya kung kailan iinspeksyonin ang gawain, kung anong mga problema at paghihirap ang maaaring lumitaw sa gawain, at kung aling mga problema ang kaya at hindi kayang lutasin ng mga nasa ibaba. Hindi rin nila alam kung aling mahahalagang gampanin ang kailangang subaybayan at bigyan ng patnubay. Halimbawa, ang mahahalagang hakbang tulad ng pangangasiwa, panghihikayat, at pag-iinspeksiyon ay hindi kailanman sumasagi sa isipan ng mga huwad na lider. Ang medyo mas mabubuting huwad na lider, na medyo may kaunting konsensiya at ayaw kumain nang libre, ay naniniwala na dapat silang gumawa ng ilang gawain. Dadalawin nila ang iglesia at tatanungin ang mga kapatid kung mayroong anumang problema ang mga ito. May isang kapatid na magsasabi sa kanila, “Kaming magkakapatid ay madalas na may mga hindi pagkakasundo kapag magkakasama kami. Kapag hindi magkakatugma ang mga opinyon namin, walang tigil kaming nagtatalo at nagbubunyag ng pagkamainitin ng ulo.” Sasabihin ng mga huwad na lider, “Madali lang itong lutasin,” at pagkatapos ay magdaraos sila ng isang pagtitipon, kung saan makikipagbahaginan sila: “Ang mga tao ay dapat matuto ng pagtitimpi at pagpapasensiya; ang mga tao ay dapat matutong magpakumbaba, hindi maging mayabang, at matutong magpasakop. Ito ang layunin ng Diyos. Ang sinumang nagbubunyag ng tiwaling disposisyon ay dapat pagnilayan ang sarili at tumanggap ng pagpupungos, hindi mamuhay ayon sa kanyang tiwaling disposisyon.” Pagkatapos nilang pagbahaginan ang lahat ng doktrinang ito, sasabihin nila, “Kayo-kayo na ang mag-asikaso ng mga natitirang isyu. Hindi ako masyadong mahusay sa mga teknikal na usapin. Kahit papaano, idinaos ko ang pagtitipong ito para sa inyo; gawin na lang ninyo ang gawain ayon sa paraang sa tingin ninyo ay naaangkop. Ang susi at mahalagang bagay ay maging tapat sa paggawa ng inyong mga tungkulin at huwag kumapit sa sarili ninyong mga ideya.” Pagkatapos makinig, magninilay-nilay ang mga tao at sasabihin nila, “Ang problema namin ay hindi lang ang pagbubunyag ng katiwalian, pagkamainitin ng ulo, at mga makasariling pagnanais, kundi pati na rin ang kawalan namin ng katiyakan at kalinawan tungkol sa ilang teknikal na isyu, at hindi rin alam kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo. Hindi pa nalulutas ang problemang ito!” Sasagot ang mga huwad na lider, “Magbasa pa kayo ng mga salita ng Diyos. Kapag nalutas na ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag ninyo, malulutas na rin ang mga isyung ito.” Ang gawain na pinakamahusay ang mga huwad na lider ay ang paglilitanya ng mga doktrina at pagsigaw ng mga islogan. Hindi nila pinaghahandaan ang mga malimit na problemang maaaring lumitaw sa gawain. Kapag may nagbabanggit ng isang isyu, iisa lang din ang solusyon nila, at iyon ay ang magpaliwanag gamit ang ilang salita at doktrina, pagkatapos ay ang magbigay ng kaunting panghihikayat o payo, at ang ituring itong tapos na. Hindi sila makapag-isip ng anumang mga partikular na plano at hindi makapagbigay ng wastong patnubay at tulong. Hindi ba’t simple at madali ang gawain ng mga huwad na lider? Saanman sila magpunta, pangangaral lang ang ginagawa nila, na pangunahing nakatuon sa pagsasalita ng mga doktrina at pagsigaw ng mga islogan. Medyo karaniwan ang ganitong sitwasyon sa mga lider at manggagawa, hindi ba? Hindi nila kayang magpatupad ng partikular na gawain at hindi sila marunong magsagawa, magpatupad, o sumubaybay sa mga pagsasaayos ng gawain na iniaatas. Hindi nila alam kung ano ang mga responsabilidad nila sa gawain o kung anong mga gampanin ang dapat nilang gawin. Kapag inatasan silang gumawa ng partikular na gawain, sumisigaw lang sila ng mga islogan. Kapag may nagbabanggit ng isang isyu, itinuturing nila itong pagkakataon para magsimulang mangaral. Kapag may nagbanggit ng isang mahalagang isyu na hindi nila kayang lutasin, nauuwi sila sa pagpupungos at pagsaway sa mga tao. Wala silang ibang mga solusyon at hindi talaga nila kayang lutasin ang mga problema at paglihis na lumilitaw sa gawain. Isa itong pangunahing katangian ng mga huwad na lider. May mga huwad na lider din na inaatasang magpatupad ng isang pagsasaayos ng gawain at mag-inspeksiyon sa kung aling mga suliranin ang lumilitaw habang isinasagawa ang gawain—kung kaya nilang lutasin ang mga suliranin, dapat nila itong gawin kaagad; kung hindi nila kaya, maaari silang mag-ipon ng ilang katanungan at maghanap paitaas, at lulutasin ng Itaas ang mga ito. Pero ang nangyayari, kapag pumupunta sila sa aktuwal na lugar para lumahok sa gawaing ito, ipinatatawag nila ang lahat para sa mga pagtitipong nagtatagal nang buong araw, at bukod sa pagtuklas sa kung sino-sino ang may mga alitan, sino ang laging nagtatalo, sino ang may hindi gaanong mabuting pagkatao, sino ang may baluktot na pagkaarok, sino ang mayabang at palaging kumakapit sa sarili nitong mga ideya, sino ang matakaw at tamad, sino ang katulad ng mga hindi mananampalataya, at sino-sino ang masasamang tao, hindi nila matukoy ang anumang problema o suliraning lumilitaw sa pagpapatupad ng gawain, ni hindi rin nila makita ang mga isyung ito. Sa tingin ba ninyo ay kayang isakatuparan ng gayong mga lider at manggagawa ang kanilang gawain? (Hindi.) Saan ba may problema? (Masyadong mahina ang kakayahan nila, wala silang abilidad na kumilatis, at hindi nila matukoy ang mga problema.) Gaano karami ng gayong klase ng lider ang nasa paligid ninyo? Kaya bang tumukoy ng mga problema ang mga lider ninyo? Kung iniatas ang isang pagsasaayos ng gawain at ang mga lider at manggagawa ay sumisigaw lang ng mga islogan at nangangaral ng walang anumang partikular na plano o hakbang para maipatupad ang pagsasaayos ng gawain, nang hindi nalalaman kung paano gawin ang gawain, kung gayon, hindi maipatutupad ang gawain. Ito ay nagiging tunay na walang saysay at walang bisa. Ang susi sa kung gaano kahusay na naipapatupad ang isang pagsasaayos ng gawain sa iglesia at kung gaano ito ka-epektibo ay nakasalalay sa kung kayang gumawa ng mga lider at manggagawa ng tunay na gawain. Kung ang mga lider at manggagawa ay may mahusay na kakayahan, kapabilidad sa gawain, at may katapatan, kung gayon, maipapatupad nang maayos ang pagsasaayos ng gawain. Kung ang mga lider at manggagawa ay may mahinang kakayahan, naguguluhan, at walang kapabilidad sa gawain, kung gayon, kahit pa mayroong sinumang may talento sa larangan ng gawain sa loob ng iglesia o kahit gaano pa kahanda ang mga kapatid na gawin ang parte nila, hindi pa rin maipapatupad ang pagsasaayos ng gawain, at mas lalong hindi ito magkakamit ng anumang resulta.

Ang gawain ng mga huwad na lider ay limitado lang sa nakikita ng mga tao sa panlabas. Kahit na talagang nagpapatupad sila ng mga pagsasaayos ng gawain, bilang pormalidad lang ito, nang walang anumang pagsusubaybay o pag-iinspeksiyon pagkatapos. Ang gawain nila ay nananatili lang sa antas ng paggawa nang pabasta-basta; wala itong anumang tunay na puwersa sa likod nito at bigo itong magkamit ng anumang resulta. Halimbawa, sa gawain ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, pagkatapos matanggap ang pagsasaayos na ito ng gawain, nagpapatawag ang isang huwad na lider ng mga tao para sa mga pagtitipon para magbahaginan at sagutin ang iba’t ibang katanungan ng mga tao tungkol sa pagsasaayos ng gawain na hindi nauunawaan ng mga ito. Pagkatapos niyang mangaral ng mga doktrina, at tila nakauunawa naman ang mga tao, iisipin ng huwad na lider, “Naiatas na ang gawain, kaya ano ang dapat kong gawin? Dahil hinihingi ng sambahayan ng Diyos na magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, kailangan ko ring magsulat. Kung hindi ako magsusulat, hindi ba’t magiging mababa ang tingin ng mga tao sa akin bilang lider?” Nagninilay-nilay siya sa bahay tungkol sa kung ano ang isusulat, at pagkalipas ng isang araw, wala pa rin siyang naisusulat. Iisipin niya, “Napakahirap magsulat ng artikulo. Karaniwan, pakiramdam ko ay mayroon akong mga karanasan, pero bakit naglalaho ang mga ito kapag nagsisimula na akong magsulat? Saan napunta ang mga karanasang iyon? Hindi, may mga karanasan naman ako, kaya lang, napipigilan ako ng paraan ng pagsusulat. Palagi kasi akong lumalabas at nakikisalamuha sa mga tao, na nakaaabala sa isipan ko, kaya nahihirapan akong magpokus. Hindi puwedeng palagi na lang akong nakikipagbahaginan at nakikipagtalakayan tungkol sa gawain kasama ang mga tao; kung hindi, palagi na lang lilipad ang isip ko, at hindi ako makasusulat ng artikulo. Kailangan ko ng oras ng katahimikan para maingat na pag-isipan kung paano ito isusulat nang maayos bago ako makapagsusulat.” Ginagawa nilang pangunahing gampanin ang pagsusulat ng mga artikulo at itinuturing na karagdagang gampanin lang ang gawain na dapat ginagawa ng isang lider o manggagawa. Buong araw silang nagsusulat ng mga artikulo sa bahay, hindi sila nagbibigay-pansin sa pagpapatupad ng gawain at hindi nila inaaral o inaarok kung ilang tao sa iba’t ibang iglesia ang kayang magsulat ng mga artikulo o kung mayroon bang mga angkop na tao na gagabay at susuri sa gawain—wala silang ideya tungkol sa mga bagay na ito. Lumilipas ang isang buwan, at bukod sa hindi sila nakapagsulat ng isang artikulo, hindi rin nila alam kung paano na umuusad ang gawaing ito sa iglesia. Ano ang problema rito? Pagkatapos iatas ang pagsasaayos ng gawain, ang ilang lider ng iglesia na may mahinang kakayahan ay hindi marunong gumawa ng tunay na gawain. Katulad ng indibidwal na ito, nangangaral lang sila ng ilang salita at doktrina at sumisigaw ng mga islogan, at iyon na iyon. Hindi mahalaga sa kanila kung handa man ang mga kapatid na magsulat o hindi; hindi hinihikayat o pinapatnubayan ng mga lider ang mga kapatid, lalong hindi nila iwinawasto ang mga ito. At hindi inaalala ng huwad na lider ang gayong mga lider at manggagawa. Nagsusulat ang ilang kapatid ng isang uri ng artikulo, at ang ilan ay sumusulat naman ng ibang uri, pero walang nagsusuri kung ang sinusulat nila ay praktikal at alinsunod sa mga prinsipyo. Hindi nauunawaan ng mga kapatid ang mga prinsipyo at hindi nila alam kung kanino magtatanong; nagsusulat lang sila dahil sinabihan silang magsulat, sinusunod nila ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. May ilan din na may mga karanasan pero hindi nakapag-aral; walang tumutulong sa mga taong ito na mag-edit ng kanilang mga artikulo, at walang gumagawa ng mga pagsasaayos para sa usaping ito. Lumilitaw ang lahat ng uri ng problema, at nasaan ang mga lider at manggagawa? Ano ang ginagawa nila? Sila ay “nakabukod” na nagsusulat ng mga artikulo! Hindi alam ng mga huwad na lider kung ano ang dapat nilang pagkaabalahan o kung anong mga gampanin ang dapat nilang gawin. Ang mga pagsasaayos ng gawain ay ipinatutupad sa iglesia sa iba’t ibang paraan, nang may iba’t ibang pamamaraang ginagamit, at hindi sila nag-uusisa tungkol sa alinman dito. Kapag nahaharap ang mga kapatid sa iba’t ibang problema habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin at iniuulat ang mga problemang ito sa mga huwad na lider, hindi nilulutas ng mga huwad na lider ang mga ito. Bilang resulta, maraming problema at suliranin ang natatambak, at naiipon din ang kung ano-anong uri ng artikulo ng patotoong batay sa karanasan nang walang sinumang nag-eedit, sumusuri, o nagsisiyasat sa mga ito. Gayumpaman, hindi sinusubaybayan o iniinspeksiyon ng mga huwad na lider ang mga isyung ito, at hindi sila mahanap ng mga kapatid kapag may mga problema ang mga ito. Hindi napagtatanto ng mga huwad na lider na responsabilidad nila ang gawaing ito at na dapat nilang subaybayan ang gawaing ito. Hindi ba’t basura sila? (Oo nga.)

Kung paano ipinatutupad ng isang lider o manggagawa ang gawain, gayundin ang kahusayan at mga resulta ng kanyang gawain, ay sumusubok kung siya ba ay pasok sa pamantayan. Sinusubok din nito ang kanyang pagkatao, ang kanyang kakayahan at kapabilidad sa gawain, at kung mayroon ba siyang pagpapahalaga sa pasanin. Kapag nakatatanggap ang mga huwad na lider ng isang pagsasaayos ng gawain, itinuturing nilang tapos na ito pagkatapos nilang makipagbahaginan tungkol dito. Hindi sila nakikilahok, nangangasiwa, nanghihikayat, o nag-iinspeksiyon sa pagpapatupad, ni hindi nila ito sinusubaybayan. Hindi nila naiintindihan na ang mga gampaning ito ang dapat nilang ginagawa; hindi nila naiintindihan na ang mga gampaning ito ang kanilang mga responsabilidad bilang mga lider at manggagawa. Naniniwala sila na ang pagiging lider o manggagawa ay nangangailangan lang ng kakayahang mangaral. Hindi ba’t sila ay mga taong mapurol ang isip? Maaari bang maging pasok sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa ang mga taong mapurol ang isip? (Hindi.) Hindi sila maaaring maging pasok sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa, pero iniisip nila na talagang mahusay sila at naniniwala sila na kaya nilang gawin ang gawain. Hindi ba’t kulang sila sa talas ng pag-iisip? Ni hindi nila maipatupad ang isang simpleng gampanin tulad ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Ito ang isa sa mga pinakamadaling gampanin—pakilusin mo lang ang mga may mahusay na kakayahan at karanasan sa buhay para magsulat ng mga artikulo ng patotoo, at pagkatapos ay magsubaybay ka at magbigay ng gabay. Ang ilang lider at manggagawa ay may katamtamang kakayahan at mababang pinag-aralan, at hindi mahusay sa gawaing nakabatay sa teksto, pero puwede silang magtalaga ng mga angkop na tao na mangangasiwa. Sa ganitong paraan, makagagawa pa rin sila ng ilang tunay na gawain. Kung ni hindi nila alam kung anong uri ng mga tao ang itatalaga nila para mangasiwa at magsagawa ng pagsisiyasat, hindi nila magagawa ang gawain at sila ay mga huwad na lider. Sinasabi ng ilang tao, “Maaaring hindi makagawa ng gawaing nakabatay sa teksto ang isang huwad na lider dahil sa mahinang kakayahan at mababang pinag-aralan, pero dapat niyang magawa ang iba pang gawain.” May katuturan ba ang pahayag na ito? (Wala.) Bakit wala itong katuturan? (Ang gawain ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ay simple lang. Kung hindi nila ito maipaliwanag nang malinaw o hindi nila maipatupad ang gawain, tiyak na hindi nila kayang pangasiwaan ang iba pang mga gampanin. Hindi nila alam kung paano gawin o subaybayan ang gawain.) Ipinapakita nito na masyadong mahina ang kakayahan nila. Sila ay mga taong mapurol ang isip. Iniisip nila na ang pagiging isang lider o manggagawa ay katulad ng pagiging isang opisyal ng malaking pulang dragon: Hangga’t marunong silang mambola, magyabang, sumigaw ng mga islogan, at magsagawa ng pandaraya, nililinlang ang mga nakatataas sa kanila at nagtatago ng mga bagay-bagay mula sa mga nasa ibaba nila, maaari na nilang itatag ang kanilang sarili at makakukuha na sila ng suweldo ng gobyerno. Hindi nila nauunawaan na ang pinakamahalagang aspekto ng pagiging lider o manggagawa ay ang pagkatutong gumawa ng tunay na gawain. Iniisip nila na napakasimple ng trabaho ng mga lider at manggagawa. Bilang resulta, hindi sila gumagawa ng tunay na gawain at nagiging huwad na lider sila.

Ano pang ibang partikular na mga pagpapamalas mayroon ang mga huwad na lider? Nakikilatis at naaarok ba ng mga huwad na lider ang mga prinsipyo at pamantayang hinihingi sa mga pagsasaayos ng gawain? (Hindi.) Bakit hindi? Hindi nila makilatis kung ano ang mga prinsipyo ng gawaing ito, at hindi nila ito maberipika. Kapag may mga espesyal na sitwasyon na lumilitaw sa panahon ng partikular na pagpapatupad ng gawain, hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito. Kapag tinatanong sila ng mga kapatid kung ano ang gagawin sa isa sa mga sitwasyong ito, nalilito sila: “Hindi ito nabanggit sa pagsasaayos ng gawain, paano ko malalaman kung paano ito pangangasiwaan?” Kung hindi mo alam, paano mo ipapatupad ang gawaing ito? Hindi mo nga alam pero hinihiling mo pa sa iba na ipatupad ito—makatotohanan ba iyon? Makatwiran ba iyon? Kapag nagpapatupad ang mga huwad na lider at huwad na manggagawa ng mga pagsasaayos ng gawain, sa isang banda, wala silang ideya tungkol sa mga hakbang at plano para sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain. Sa kabilang banda, kapag naharap sa mga problema, hindi nila kayang magsagawa ng pagbeberipika ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain. Samakatwid, kapag lumitaw ang maraming iba’t ibang uri ng isyu sa panahon ng pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, ganap na hindi nila kayang lutasin ang mga ito. Dahil sa mga unang yugto, hindi matukoy o mahulaan ng mga huwad na lider ang mga problema at hindi sila nakikipagbahaginan nang maaga, at sa mga huling yugto, kapag lumilitaw ang mga problema, hindi nila malutas ang mga ito kundi nangangaral lang sila ng mga doktrina nang walang kabuluhan at mahigpit nilang ipinapatupad ang mga regulasyon, patuloy na pabalik-balik at nananatili ang mga problema, naaantala ang pagpapatupad ng ilang gawain, at hindi napapatupad nang sapat ang iba pang gawain. Halimbawa, tungkol sa pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos para sa pagpapaalis at pagpapatalsik sa mga tao, kapag isinasagawa ng mga huwad na lider ang gawaing ito, inaalis lang nila ang mga halatang masamang tao, anticristo, at masamang espiritu na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, pati na rin ang mga hindi mananampalataya na kinasusuklaman at kinamumuhian ng mga kapatid. Gayumpaman, mayroon pa ring ilan na dapat paalisin, at iyon ang mga nakatago, mapanlinlang, tusong masamang tao at anticristo. Hindi sila nakikilatis ng mga kapatid, maging ng mga huwad na lider. Sa katunayan, ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, umabot na ang mga taong ito sa antas ng pagpapaalis. Gayumpaman, dahil hindi nakikilatis ng mga huwad na lider ang mga ito, itinuturing pa rin ng mga huwad na lider ang mga taong ito bilang mabuti at inaangat, nililinang, at ginagamit pa nga ang mga ito para sa mahalagang gawain, na nagpapahintulot sa mga ito na humawak ng kapangyarihan at sumakop ng mahahalagang posisyon sa gawain sa iglesia. Kung gayon, maipapatupad ba ang pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos na paalisin at patalsikin ang mga tao? Lubusan bang malulutas ang iba’t ibang problema? Makapagpapatuloy ba nang normal ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? Malinaw na hindi puwedeng lubusang maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at maraming mahalagang gawain ang hindi magagawa nang maayos. Dahil walang anumang katotohanang realidad ang mga taong ginagamit ng mga huwad na lider at kaya pang gumawa ng masasamang gawa, pinipigilan nito ang iba’t ibang aytem ng gawain sa iglesia na maisagawa nang maayos. Ginagamit ng mga huwad na lider ang masasamang taong ito, hinahayaan ang mga ito na gumawa ng mahahalagang tungkulin at umako ng mahalagang gawain sa iglesia, pinapayagan pa nga ang masasamang tao ito na pamahalaan ang mga handog. Makagagambala at makagugulo ba ito sa gawain ng iglesia? Magdudulot ba ito ng mga kawalan sa mga handog sa Diyos? (Oo.) Isa itong napakalubhang kahihinatnan. Dahil hindi makilatis ng mga huwad na lider ang mga taong ito, dahil hindi nila magawang siyasatin ang mga ito, at hinahayaan nilang umako ng mahahalagang gawain ang masasamang taong ito, ganap na pumapalpak ang gawain. Sa paggawa ng mga tungkulin nila, ang masasamang taong ito ay palaging gumagawa nang pabasta-basta, nililinlang ang mga nasa itaas nila at nagtatago ng mga bagay-bagay mula sa mga nasa ibaba nila, at walang ginagawang tunay na gawain; kumikilos sila nang padalos-dalos, inililigaw ang mga tao, at gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa. Gayumpaman, hindi sila makilatis ng mga huwad na lider, at sa oras na mapansin ng mga huwad na lider ang mga problema, nangyari na ang isang malaking sakuna. Halimbawa, sa pastoral na lugar ng Henan, gumamit ng iba’t ibang kasuklam-suklam na paraan ang ilang masamang tao na naging lider para nakawin ang mga handog sa Diyos; nagnakaw sila ng malalaking halaga, at hindi na nabawi ang mga halagang ito. May kaugnayan ba ito sa pagpili at paggamit ng mga lider at manggagawa sa mga maling tao? (Oo.) Ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, kung hindi makilatis ang mga piniling tao, puwede silang italaga muna sa paggawa ng ilang simpleng gawain, at maaaring subaybayan ang gawain nila at obserbahan sila sa loob ng ilang panahon. Hindi dapat italaga sa anumang mahalagang gawain ang mga taong hindi makilatis, lalo na kung may kasama itong panganib. Pagkatapos ng matagalang obserbasyon at pagkilatis sa diwa nila, saka lang dapat gumawa ng mga desisyon kung paano sila tatratuhin at pangangasiwaan. Hindi gumagawa ang mga huwad na lider ayon sa mga pagsasaayos ng gawain at hindi nila kayang arukin ang mga prinsipyo; higit pa rito, hindi nila kayang makilatis ang mga tao at ginagamit nila ang mga maling tao. Humahantong ito sa mga kawalan sa gawain ng iglesia at sa mga handog sa Diyos. Ito ang kalamidad na dulot ng mga huwad na lider. Sinasadyang gamitin ng mga anticristo ang masasamang tao, samantalang ang mga huwad na lider ay magulo ang isip, hindi nila makilatis ang sinuman, at hindi rin nila malinaw na maunawaan ang diwa ng anumang problemang natutukoy nila. Gumagamit at nagtatalaga sila ng mga tao batay lamang sa kanilang mga damdamin. Karamihan sa mga taong isinasaayos ng mga huwad na lider ay hindi angkop; nagsasanhi sila ng mga kawalan sa gawain ng iglesia, nang may mga kahihinatnan na kapareho sa sadyang paggamit ng mga anticristo ng masasamang tao. Ang mga huwad na lider, na may mahinang kakayahan at walang abilidad gumawa ng gawain, ay nagdudulot din ng masyadong mabibigat na resulta, hindi ba? (Oo.) Kaya, huwag isipin na ang mga anticristo lang ang lumalabag sa mga pagsasaayos ng gawain; ang mga huwad na lider ay maaaring lumabag din sa mga pagsasaayos ng gawain. Kahit hindi ito sinasadya, ang kalikasan nito sa huli ay isa pa ring paglabag sa mga pagsasaayos ng gawain. Ang mga huwad na lider, dahil sa kawalan ng pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo at kawalan ng kakayanang makilatis ang mga tao o mga bagay-bagay, ay nauuwi sa paglabag sa mga pagsasaayos ng gawain at sa kawalan ng kakayanang gumampan ng tunay na gawain. Inaantala nito ang gawain ng iglesia at pinipinsala ang mga hinirang ng Diyos. Ang kalikasan at mga kahihinatnan ng kanilang mga kilos ay kapareho ng sa mga anticristong gumagawa sa gawain, na nagdudulot din ng mga kawalan sa gawain ng iglesia at pumipinsala sa buhay pagpasok ng mga kapatid.

Ang mga huwad na lider, kapag gumagawa ng gawain at nagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, ay pabasta-basta lang na gumagawa at nagiging sanhi ng ganap na kapalpakan ng mga bagay-bagay. Sila ay sobrang mapagmagaling at hindi kailanman naghahanap o nakikipagbahaginan, hangal nilang iniisip na mayroon silang mahusay na kakayahan; nangangahas silang gumawa ng aksiyon, at mahusay silang magsalita. Dahil inihalal sila ng mga kapatid o pansamantala silang inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos, iniisip nila na pasok sila sa pamantayan bilang mga lider at na kaya nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad. Ang hindi nila alam, wala silang kuwenta, at hindi nila kayang tuparin ang alinman sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Wala silang panukat sa sarili nilang mga kakulangan; walang kahihiyan silang mapangahas na gumagawa ng mga bagay-bagay. Bilang resulta, pagkatapos iatas ang iba’t ibang pagsasaayos ng gawain, hindi nila kayang ipatupad ang mga ito ayon sa mga hinihingi mula sa Itaas. Ang bawat pagsasaayos ng gawain na pinangangasiwaan nila ay nauuwing ganap na palpak at lubusang magulo. Mahina ang pagpapatupad nila ng gawaing administratibo; hindi malinaw sa kanila kung ilang bagong mananampalataya ang nakamit sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, kung paano magtatag ng mga iglesia, pumili ng mga lider at diyakono, at kung paano magsagawa ng buhay iglesia. Pagdating sa kung sino ang may pinakamaraming resulta sa pangangasiwa ng gawain ng ebanghelyo, kung sino ang pinakaepektibong nagpapatotoo, kung sino ang pinakaangkop na magdilig sa iglesia, kung sinong mga lider ng pangkat ang dapat italaga sa ibang tungkulin at tanggalin dahil sa pagiging iresponsable, at kung paano lutasin ang mga problemang lumilitaw sa ilang aspekto ng gawain, hindi malinaw sa mga huwad na lider ang tungkol sa lahat ng partikular na gampaning ito, at ganap silang pumapalpak sa kanilang gawain. Hinggil sa iba’t ibang propesyonal na gampanin sa iglesia na nangangailangan ng mas mataas na antas ng teknikal na kadalubhasaan, ganap din na pumapalpak ang mga huwad na lider sa mga ito. Wala silang ideya kung paano partikular na isagawa ang mga gampaning ito. Kahit na gusto nilang mag-usisa tungkol sa mga ito, hindi nila alam kung paano ito gagawin. Gusto nilang tanungin ang Itaas kung paano harapin ang mga gampaning ito, pero ni hindi nila alam kung paano sasabihin ang kanilang mga katanungan. Dahil dito, hindi magagawa ang gawain. Maging ang simpleng gampanin ng pamamahala sa mga pag-aaring kinakailangan ng mga pagsasaayos ng gawain—pagtatalaga ng mga angkop na tao para mangalaga at magtalaga ng mga pag-aari, at pagtatatag ng iba’t ibang sistema—ay isang bagay na hindi kayang pangasiwaan ng mga huwad na lider. Ganap silang pumapalpak dito. Ang mga huwad na lider ay lubos na nalilito sa bawat gampaning pinangangasiwaan nila. Kapag tinanong kung naipatupad ba nila ang mga pagsasaayos ng gawain, may pagmamalaki at kumpiyansa nilang sinasabi, “Oo, naipatupad ko na. May kopya ng mga pagsasaayos ng gawain ang lahat, at alam ng lahat kung anong gawain ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos.” Kung tatanungin mo sila kung paano nila ito ginawa, na ipaliwanag nila ang mga partikular na hakbang ng gawain, kung aling mga gampanin ang hindi gaanong nagawa nang maayos, kung aling mga gampanin ang mas maayos na nagawa, kung nagawa ba nang tama ang bawat gampanin, kung aling mga gampanin ang kailangang patuloy na subaybayan at inspeksiyonin, at kung mayroon bang mga problemang natuklasan pagkatapos ng pag-iinspeksiyon, wala silang kaalam-alam tungkol sa lahat ng ito. Ang ilang huwad na lider, mula nang maging lider sila, ay hindi man lang alam kung ano ang mga gampaning kailangan nilang gawin o kung ano ang saklaw ng kanilang responsabilidad. Hindi ba’t lalo pa itong nakakaabala? Sa kasalukuyan, karamihan ba sa mga lider at manggagawa ay may ganitong problema sa iba’t ibang antas? (Oo.)

Ang Pamantayan sa Pagsubok Kung ang mga Lider at Manggagawa ay Pasok sa Pamantayan

Sa pamamagitan ng pagbabahaginan ngayong araw, mayroon na ba kayong mas malinaw na pagkaunawa sa mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa, at superbisor? Mayroon na ba kayong naiisip na mas magandang ideya? Mas tumpak na ba ang pagkaunawa ninyo sa papel ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Sa isang banda, ang mga lider at manggagawa ay nagkamit ng kaunting pagkaunawa tungkol sa kung aling mga gampanin ang dapat nilang gampanan; sa kabilang banda, ang lahat ay mayroon nang ilang landas ngayon sa pagkilatis kung ang isang lider o manggagawa ay pasok ba sa pamantayan. Ayon sa mga hinihingi ng ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pasok ba sa pamantayan ang karamihan ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Kung gayon, sino-sinong mga lider at manggagawa ang maaaring maging pasok sa pamantayan, at sino-sino ang hindi? Iyong mga may kakayahan na pasok sa pamantayan, may kaunting praktikal na karanasan, may mga prinsipyo sa kanilang pangangasiwa sa mga bagay-bagay, at may pagpapahalaga sa pasanin para sa gawain ng iglesia, ay maaaring maging pasok sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa pagkatapos ng ilang panahon ng pagsasanay. Gayumpaman, ang mga may mahinang kakayahan at walang abilidad na umarok, na hindi makaarok sa mga prinsipyo kahit gaano pa karaming katotohanan ang pinagbabahaginan, ay hindi maaaring maging pasok sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa at maaari lamang silang matiwalag. Samakatwid, kung gusto mong maging isang lider o manggagawa na pasok sa pamantayan, at gusto mong mapili ng iba bilang lider o manggagawa, dapat mo munang suriin kung sapat ba ang kakayahan mo. Paano mo ito masusuri? Sa pamamagitan ng pagtingin kung kaya mo bang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Gamitin ang isang pagsasaayos ng gawain kamakailan, basahin ito, at subukin ang iyong sarili para makita kung mayroon ka ba ng mga hakbang at plano para sa pagpapatupad nito. Kung mayroon kang mga ideya at plano at alam mo kung paano ito ipatupad, dapat mong akuin ang gawain bilang iyong obligadong tungkulin kapag pinili ka ng mga kapatid. Gayumpaman, kung pagkatapos basahin ang pagsasaayos ng gawain ay blangko ang isipan mo, lubos mong hindi makilatis kung sino ang pinakaangkop na isaayos na mangasiwa sa gawain, at higit pa roon ay hindi mo makilatis kung paano partikular na ipatupad ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, ni hindi mo rin alam kung paano makipagbahaginan, mangasiwa, mag-inspeksiyon, at sumubaybay, at wala kang maisip na mga hakbang o plano para sa pagpapatupad, pero pinagkakamalan ka ng ilang kapatid na isang taong may napakahusay na talento at angkop na maging lider o manggagawa, ano ang dapat na maging saloobin mo? Dapat mong sabihin, “Salamat sa papuri mo, pero sa totoo lang, wala akong gaanong talento. Wala akong kakayahan para dito—mali ang paghusga mo sa akin. Kung pipiliin mo ako bilang lider, maaantala nito ang gawain ng iglesia. Alam ko ang sarili kong tayog; ni hindi ko alam kung paano ipatupad ang isang simpleng pagsasaayos ng gawain—wala akong ideya kung saan magsisimula at wala akong kahit anong palatandaan. Kung walang pagkaunawa sa katotohanan, hindi magagawa nang maayos ang gawain ng iglesia. Kahit pa italaga ako ng Itaas, hindi ko ito magagawa. Hindi talaga ako nababagay para sa papel na ito.” Ano ang tingin mo sa ganitong uri ng pag-amin? Ang ganitong pagharap ay nagpapakita ng katwiran; ang mga taong nagsasabi nito ay mayroong mas higit na katwiran kaysa sa mga huwad na lider. Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman makapagsasabi ng isang bagay nang may ganitong antas ng katwiran. Ang iniisip ng mga huwad na lider ay, “Pinili ako, kaya nararapat akong maging lider. Paanong hindi? May talento ako, kaya karapat-dapat ako. Problema ba ang hindi magawang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain? Sino ba ang ipinanganak na marunong nang gumawa nito? Hindi ba’t puwede ko naman itong matutuhan? Hangga’t kaya kong mangaral, sapat na iyon. Mayroon akong espirituwal na pang-unawa, alam ko at nauunawaan ko ang mga salita ng Diyos, kaya kong makipagbahaginan, at kaya kong mahanap ang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Sanay ako sa paglutas ng mga tiwaling disposisyon at iba’t ibang kalagayan ng mga tao. Ang pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi malaking usapin. Hindi ba’t ito ay gawain lang ng pamamahalang administratibo? Nag-aral ako noon ng pamamahalang administratibo, kaya ang kaunting gawaing ito ng sambahayan ng Diyos ay hindi na problema para sa akin!” Hindi ba’t nanganganib ang gayong tao? (Oo.) Nasaan ang panganib? Nakikilatis ba ninyo ang usaping ito? (Hindi nila kayang gawin ang gawain at gagambalain at guguluhin nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi lang nila pinipinsala ang kanilang sarili at mga kapatid, kundi inaantala rin nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos.) Pinsala lang ba ito? Iyon ba ang kahahantungan nito sa huli? Kung iyon lamang, maaari pa rin itong malunasan. Ang pangunahing isyu ay na kung magpapatuloy ang isang huwad na lider sa kanyang papel sa loob ng mahabang panahon, susundan niya ang landas ng mga anticristo at sa huli ay magiging isang anticristo siya. Sa tingin mo ba, ganoon lang kasimple ang pagiging lider o manggagawa? Ang katayuan ay may kasamang tukso, at ang tukso ay may kasamang panganib. Ano ang panganib na ito? Ito ay ang posibilidad ng pagsunod sa landas ng mga anticristo. Ang pinakamalalang kahihinatnan ng pagsunod sa landas ng mga anticristo ay ang maging isang anticristo.

Sinasabi ng ilang tao, “Medyo mahina lang ang kakayahan ng ilang huwad na lider, pero hindi naman masama ang pagkatao nila. Maaari kayang sumunod sila sa landas ng mga anticristo?” Sino ang nagsabi na ang pagkakaroon ng pagkataong hindi masama ay nangangahulugan na hindi sila susunod sa landas ng mga anticristo? Gaano ba dapat sila kasama para masabing mga anticristo sila? Kaya mo bang kilatisin ito? Kung ang isang huwad na lider ay magpapatuloy sa kanyang papel sa loob ng mahabang panahon, nagsisimula na siyang tumahak sa landas ng mga anticristo. May agwat ba sa pagitan ng pagsunod sa landas ng mga anticristo at ng pagiging isang anticristo? (Wala.) Pag-isipang muli: Anong landas ang sinusundan ng mga huwad na lider na iyon? Hindi gumagawa ng partikular na gawain ang mga huwad na lider, at wala rin silang kakayahang gumawa ng partikular na gawain, pero gusto pa rin nilang tumayo sa matataas na posisyon para sermunan ang iba at himukin ang mga tao na pakinggan at sundin sila. Pagsunod ba ito sa landas ng mga anticristo? Ano ang kahihinatnan ng pagsunod sa landas ng mga anticristo? (Likas silang nagiging mga anticristo.) Bagama’t hindi likas na mga anticristo o masasamang tao ang mga huwad na lider, kung susundan nila ang landas ng mga anticristo sa loob ng mahabang panahon, nang walang pangangasiwa o nang walang sinumang nag-uulat at nagtatanggal sa kanila, kaya ba nilang mag-angkin ng kapangyarihan at magtatag ng mga nagsasariling kaharian? (Oo.) Sa puntong iyon, hindi ba’t naging mga anticristo na sila? Kaya, kita ninyo, hindi ba’t mapanganib ang papel ng isang huwad na lider? (Oo.) Ang pagiging huwad na lider ay napakamapanganib na. Bagama’t kasalukuyan nating hinihimay ang mga huwad na lider at hindi tinatalakay ang mga anticristo, may kaugnayan sa diwa ng dalawang ito. Sa katunayan, sinusunod ng mga huwad na lider ang landas ng mga anticristo. Ang pagsunod sa landas na ito ay likas na magtutulak sa kanila na maging mga anticristo, na itinatakda ng kanilang kalikasang diwa. Sa puntong iyon, hindi na kailangang tingnan ang kanilang pagkataong diwa; ang landas lang na sinusundan nila ay nagtatakda na kung sila ba ay mga anticristo. Isipin ninyo ang mga huwad na lider na tinanggal. Kung hindi sila maagap na tinanggal, batay sa kanilang diwa kung paano sila umasal at kung ano ang ibinunyag nila habang nasa panunungkulan sila, susunod ba sila sa landas ng mga anticristo sa huli? Magiging mga anticristo ba sila? Sa katunayan, may ilang tao na nagpakita na ng mga senyales nito, at ang sambahayan ng Diyos ang nagtanggal sa kanila kaagad. Kung hindi sila tinanggal, nagsimula na sana silang maging palamunin ng iglesia at ilihis ang mga tao. Nag-umpisa na sana silang kumilos gaya ng mga opisyal o panginoon sa matataas na posisyon, inuutus-utusan ang mga tao at nangmamando, pinasusunod ang iba sa kanila na parang sila ay Diyos. Ipinapahayag pa nga nila na ginawa silang perpekto ng Diyos at sila ay mga taong ginagamit ng Diyos. Hindi ba’t problema iyon? Kaya, paano natin dapat tingnan at ilarawan ang mga kalagayan at pagpapamalas ng gayong mga huwad na lider? Maaari silang paunang ilarawan bilang mga mapagpaimbabaw, mga taong palamunin ng iglesia, mga Pariseo. At ano ang mangyayari kung magpapatuloy pa ito? Bagama’t ang mga huwad na lider ay maaaring hindi kasinglupit o kasingbuktot ng mga anticristo, at bagama’t sa panlabas ay maaaring mukha silang may kakayahang magtiis ng paghihirap at gumawa ng mabigat na gawain, tumulong sa iba sa bawat pagkakataon, at maging matiyaga at mapagpasensiya sa mga tao, katulad lang ng mga Pariseo na naglakbay sa lupa at dagat para mangaral at gumawa, ano ang halaga nito sa huli? Kung hindi nila kayang ipatupad ang iisang gampanin, paano naiiba ang mga kilos at pag-uugali nila sa mga Pariseo? Nakatutulong ba sa gawain ng Diyos ang mga gawa nila, o ang mga ito ba ay sumusuway at nanggugulo sa gawain ng Diyos? Malinaw na nilalabanan ng mga ito ang gawain ng Diyos at hinahadlangan ang normal na pag-usad ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Hindi ba’t wala itong ipinagkaiba sa pag-uugali ng mga Pariseo at ng mga pastor at elder na iyon sa mundo ng relihiyon? Ang mga huwad na lider ay katulad lang ng mga ito. Kaya, paano natin sila dapat ilarawan? Ano ang mangyayari kung patuloy na kikilos ang mga huwad na lider? Bukod sa mabibigo silang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, sisimulan din nilang tuligsain, punahin, husgahan, kondenahin, at gawin ang iba pang gayong mga bagay sa mga pagsasaayos na ito—isang buong serye ng mga pag-uugali ng anticristo ang lilitaw. Hindi lang sila bigong ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, kundi nakahahanap pa sila ng iba’t ibang palusot para labanan at hadlangan ang pagpapatupad ng mga ito. Hindi ito pakikipagtulungan sa gawain ng Diyos, kundi paghahadlang at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ginagamit nila ang kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang kapangyarihan at katayuang ibinigay sa kanila ng sambahayan ng Diyos, para hadlangan ang pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ito ang diwa ng problema? (Oo.) Ang mga huwad na lider ay hindi gumagawa ng tunay na gawain at hindi nila maipatupad ang iba’t ibang gampaning isinaayos ng Itaas, pero iginigiit pa rin nila ang kanilang katayuan para mangaral sa mga tao, iniisip na sila ang mga pinuno, ang mga kapitan, ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ginagawa na sila nitong mga anticristo—mga tunay na anticristo. Tumpak ba ang paglalarawang ito sa gayong mga tao? Sobrang tumpak ito, walang anumang pagkakamali! Hindi ito lohikal na pangangatwiran kundi isang paglalarawan batay sa kanilang diwa. Ang mga hindi makapagpatupad sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay mga huwad na lider, at ang mga hindi nagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay mga huwad na lider din. Bago sila mabunyag bilang mga Pariseo, maaari silang ilarawan bilang mga huwad na lider. Gayumpaman, mula sa sandaling maging mga Pariseo sila at maging palamunin ng iglesia, umasa sa kanilang “mga nakaraang tagumpay,” at humawak ng mga posisyon nang hindi nagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain o gumagawa ng mga partikular na gampanin, nagiging mga balakid sa gawain ng sambahayan ng Diyos, ang gayong mga tao ay dapat ilarawan bilang mga anticristo. Paano mo natutukoy kung ang isang tao ay isang huwad na lider o isang anticristo? Ang isang huwad na lider ay inilalarawan batay sa kung kaya ba niyang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain at gumawa ng tunay na gawain. Ang mga hindi nagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain at hindi gumagawa ng tunay na gawain ay mga huwad na lider. Gayumpaman, kung alam nilang hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain at magpatupad ng mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, pero gusto pa rin nilang igiit ang kanilang katayuan para mangaral at sumigaw ng mga islogan upang makuha ang loob ng mga tao, at balewalain ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at asahan ang sambahayan ng Diyos—batay sa katunayan na maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos at nagtitiis para sa gawain ng iglesia—na panatilihin sila para patuloy silang maging palamunin ng iglesia at masamantala nila ang sambahayan ng Diyos bilang isang retirement home, patuloy na nililihis ang mga kapatid, naghahangad pa nga ng kapangyarihan para kontrolin ang diskurso at ang awtoridad sa paggawa ng desisyon, ang gayong mga tao ay mga anticristo. Ganito mo matutukoy kung ang isang tao ay huwad na lider o isang anticristo. Malinaw ba ang prinsipyo at pamantayang ito sa paglalarawan? (Oo.)

Ang ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay pangunahing kinapapalooban ng mga pagsasaayos ng gawain. Ang pamantayan sa pagsubok kung ang isang lider o manggagawa ay pasok sa pamantayan ay kung ipinapatupad ba niya ang mga pagsasaayos ng gawain. Ang pagsusuri kung ang mga lider at manggagawa ay totoo o huwad batay sa kung isinasagawa ba nila ang gawain ng iglesia ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ay ang pinakatumpak na pamamaraan. Ang paggamit ng kanilang saloobin sa mga pagsasaayos ng gawain para kilatisin at himayin ang mga huwad na lider, at tukuyin kung sila ba ay mga huwad na lider o mga anticristo, ay ganap na patas. Ang pagsusuri sa mga lider at manggagawa batay sa kung paano nila ipinapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, kung kaya ba nilang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, at ang pagiging epektibo at pagiging ganap ng kanilang pagpapatupad ay patas at makatwiran para sa sinumang lider o manggagawa. Hindi nito nilalayon na sadyang gawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa sinuman. Nakikilatis ba ninyo na ang ilang huwad na lider ay hindi nagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain at sa huli ay nagiging mga anticristo? Tama ba ang paggiit na ito? (Oo.) Bakit ito tama? (Dahil hindi ipinapatupad ng mga huwad na lider ang mga pagsasaayos ng gawain at pinanghahawakan ang kanilang posisyon para magtatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian. Nangangahulugan ito na sinimulan na nilang tahakin ang landas ng mga anticristo.) Ito ang penomenon—ano ang diwa ng problema? Ang hindi pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain ay paglaban sa Diyos at pagkontra sa Kanya. Ano ang ibig sabihin ng pagkontra sa Diyos? Ang mga sumusunod sa landas ng mga anticristo ay kumokontra sa Diyos, ganap na sumasalungat sa Kanya. Kung ang isang tao ay isang huwad na lider lamang, sadyang hindi siya marunong gumawa ng gawain o magpatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, hindi niya sadyang nilalabanan ang Diyos. Gayumpaman, ang mga katangian ng mga anticristo ay higit na mas malubha ang kalikasan kaysa sa mga huwad na lider. Ang ilang huwad na lider ay matagal nang tumatahak sa landas ng mga anticristo. Nagsisimula ang mga indibidwal na ito sa hindi paggawa ng tunay na gawain at hindi pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain. Pagkatapos maging lider sa loob ng mahabang panahon at makapangaral ng ilang salita at doktrina, pakiramdam nila ay matatag na ang kanilang posisyon, na mayroon silang kapital, at na nagkamit sila ng katanyagan sa gitna ng mga tao. Pagkatapos, nangangahas na silang gawin ang anumang gusto nila at kontrahin ang Diyos. Palaging sobra-sobra ang bilib nila sa kanilang sarili, naniniwala na nagkamit sila ng katanyagan sa gitna ng mga kapatid, na may bigat ang kanilang mga salita, at samakatwid, dapat silang ganap na mangibabaw sa diskurso at awtoridad sa paggawa ng desisyon sa lahat ng ginagawa nila. Sa tingin nila ay dapat makinig ang mga tao sa kanila; dapat ay pinapangalagaan ng mga ito ang dangal nila kapag napapahiya sila habang ginagawa ang isang bagay o nagkakamali sila ng salita—gayundin dapat ang sambahayan ng Diyos. Dapat silang konsultahin ng sambahayan ng Diyos tungkol sa anumang isyung lumilitaw at bigyan sila ng parte sa mabubuting bagay, at dapat silang makatanggap ng mas magagandang pribilehiyo at mas mataas na papuri kaysa sa iba. Sa tingin nila ay dapat din silang tratuhin ng Diyos nang espesyal. Dahil sa mga inaakalang kalamangang ito at pagiging nakatataas nila, naniniwala sila na hindi sila dapat basta-bastang pungusan ng sambahayan ng Diyos o ilantad nito ang tiwaling disposisyon nila sa harap ng iba, lalong hindi sila dapat tanggalin nito nang walang anumang pagsasaalang-alang sa kanilang mga damdamin. Ang gayong mga tao ay nanganganib. Umaasa sila sa kanilang “mga nakaraang tagumpay.” Sila ay mga Pariseo, at naging mga anticristo na. Hindi ba’t ito ay itinatakda ng kanilang kalikasang diwa? Kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad, hihingin ba nila ang mga di-makatwirang hinihingi na ito sa sambahayan ng Diyos at sa Diyos? (Hindi.) May isang uri ng tao na, pagkatapos gumawa ng gawain sa loob ng mahabang panahon, ay nakararamdam na nagkamit siya ng katayuan at na may kapital siya, kaya, nabubuo niya ang ganitong mga kaisipan at pakiramdam ng pagiging nakatataas. Anong uri ng tao ito? Isa itong tao na may diwa ng isang anticristo. Dahil hindi niya hinahangad ang katotohanan at sinusunod niya ang landas ng mga anticristo, mayabang at mapagmagaling siya, kung ano-ano ang hinihingi niya sa Diyos at sa sambahayan ng Diyos na hindi makatwiran. Umaasa siya sa kanyang “mga nakaraang tagumpay,” nagiging palamunin siya ng iglesia, kumakapit sa kanyang katayuan, at sa huli ay nagiging anticristo siya. Isa itong tipikal na halimbawa ng isang anticristo. May gayong mga tao ba sa iglesia? Ang sinumang nagmamalaki na isa siyang espirituwal na tao ay ganitong klase ng tao. Malinaw na sila ay walang kuwenta at hindi nila kayang gumawa ng anumang partikular na gawain, pero itinuturing pa rin nila ang kanilang sarili na espirituwal; itinuturing nila ang kanilang sarili bilang mga taong pinapaboran ng Diyos at mga pakay ng pagpeperpekto ng Diyos. Naniniwala sila na sila ay mga minamahal na anak ng Diyos, ang mga mananagumpay. Anong landas ang sinusundan ng gayong mga tao? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Sila ba ay mga taong nagpapasakop sa katotohanan? Sila ba ay mga taong nagpapasakop sa mga pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos? Tiyak na hindi, isang daang porsiyento na hindi. Sila ay mga taong naghahangad ng katayuan, reputasyon, at mga pagpapala, at tumatahak sa landas ng mga anticristo. Kapag ang gayong mga tao ay matagal nang humahawak ng isang posisyon, matagal nang naglilingkod bilang mga huwad na lider, hindi maiiwasang magiging anticristo sila. Ang mga anticristo ay mga hadlang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi posibleng makagawa sila ng gawain ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, at hindi posibleng makasunod sila sa kalooban ng Diyos o makagawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga hinihingi ng Diyos; higit pa rito, hindi posibleng maisuko nila ang kanilang katayuan, reputasyon, at mga interes para gawin ang gawain ng iglesia, dahil sila ay mga anticristo.

Ang pagbabahaginan tungkol sa ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay pangunahing tungkol sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain. Kung pasok ba sa pamantayan ang isang lider o manggagawa at kung natutupad ba niya ang kanyang mga responsabilidad ay pangunahing natutukoy ng kung paano niya ipinapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain at ng mga resulta ng mga pagpapatupad na ito. Siyempre, ginagamit din ang pamantayang ito para ilantad ang mga huwad na lider at ang mga landas na sinusundan nila, pati na ang mga kahihinatnang idinudulot nila sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang lahat ng pagtatakda, paghatol, at panghuling mga paglalarawan ay nakabatay sa pagpapatupad ng mga huwad na lider sa mga pagsasaayos ng gawain. Ang pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain ay isang pangunahing gampanin, kaya, ang pagtukoy kung pasok ba sa pamantayan ang isang lider o manggagawa batay sa kanyang pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain ay napakamakatotohanan at lubos na mahalaga. Higit pa rito, ang pagsukat sa bawat lider at manggagawa gamit ang pamantayang ito ay ganap na makatwiran at patas, nang walang anumang karumihan.

Abril 24, 2021

Sinundan:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (9)

Sumunod:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (11)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger