Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (25)
Ikalabing-apat na Aytem: Agarang Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Ikaapat na Bahagi)
Ang mga Pamantayan at Batayan Para sa Pagkilatis sa Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao
Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Sa mga nakaraang ilang pagkakataon, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang aspekto na dapat kilatisin ng mga lider at manggagawa, pati na rin sa mahahalagang katotohanan na dapat nilang maunawaan, kapag ginagawa ang gawaing ito; ibig sabihin, nagbahaginan tayo tungkol sa kung paano makikilatis ang lahat ng uri ng masasamang tao. Paano tinutukoy ang lahat ng uri ng masasamang tao? Sila ang mga pumapasok sa sambahayan ng Diyos sa pagpapanggap na nananampalataya sila sa Diyos, pero hindi nila tinatanggap ang katotohanan at ginugulo rin ang gawain ng iglesia; ang lahat ng gayong mga tao ay kabilang sa kategorya ng masasamang tao. Sila ang mga tao na dapat paalisin o patalsikin ng iglesia; ibig sabihin, sila iyong mga hindi pinahihintulutang umiral sa loob ng iglesia. Pinag-iiba at hinihimay natin ang lahat ng uri ng masasamang tao batay sa tatlong pangunahing pamantayan. Anu-ano ang tatlong pamantayang ito? Ang una ay ang layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos. Ang ikalawa ay ang pagkatao ng isang tao—paghihimay sa pagkatao niya para makilatis at malinaw na makita kung kabilang ba siya sa mga dapat paalisin ng iglesia. Ano ang ikatlong pamantayan? (Ang saloobin ng isang tao sa kanyang mga tungkulin.) Ang saloobin ng isang tao sa kanyang mga tungkulin ang ikatlong pamantayan. Napagbahaginan na dati ang unang pamantayan. Tungkol naman sa ikalawang pamantayan—ang pagkatao ng isang tao—dalawang punto ang napagbahaginan na. Ano ang unang punto? (Pagkahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan.) At ang ikalawa? (Pagkahilig na manamantala.) Mula sa nilalaman ng dalawang puntong ito, maaaring tila hindi sapat na ikonsidera ang mga ito bilang mga pagpapamalas ng masasamang tao, pero batay sa mga detalyadong pagpapamalas na nauna Ko nang naibahagi, ang dalawang uring ito ng mga tao ay nanampalataya na sa Diyos nang ilang taon nang walang tunay na pagsisisi; ang mga iba’t ibang pagpapamalas nila ay nakapagdulot na ng kaguluhan at pagkawasak sa buhay iglesia, sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at sa mga relasyon sa pagitan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ayon sa kanilang mga pagpapamalas at batay sa kanilang kalikasang diwa, ang dalawang uri ng taong ito ay dapat na mailagay sa kategorya ng masasamang tao. Dapat silang kilatisin at ilarawan ng mga lider ng iglesia at ng hinirang na mga tao ng Diyos, at paalisin sila kaagad. Angkop ba ito? (Oo.) Ganap na angkop ito. Ang pag-uugali ng dalawang uri ng mga tao na ito sa iglesia ay may napakanegatibong epekto; wala silang anumang interes sa katotohanan, ni hindi talaga sila nagpapasakop sa gawain ng Diyos. Sa mga kapatid, ang isinasabuhay nila ay tila hindi naiiba sa mga walang pananampalataya; madalas silang magsinungaling at mandaya ng iba, ginagawa ang mga tungkulin nila nang pabasta-basta at nang wala ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad, at hindi nagbabago sa kabila ng mga paulit-ulit na babala. Hindi lang nila naaapektuhan ang buhay iglesia kundi malubha ring nagugulo ang gawain ng iglesia. Walang duda, kabilang sila sa mga tao na dapat paalisin o patalsikin ng iglesia, at lubos na naaangkop na ilarawan sila bilang masasamang tao at itala sila sa mga hanay ng gayong mga tao—hindi talaga kalabisan na gawin ito. Tungkol sa unang uri, yaong mga mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, ang problema nila ay hindi kasingsimple ng pagsasabi ng mga bagay na hindi labis na naaangkop, o pagkakaroon ng mga hadlang sa komunikasyon kasama ng iba, atbp., sa halip, may problema sa disposisyon nila. Sa mas malalim na antas, ang problema sa disposisyon nila ay isang problema sa kalikasang diwa nila. Sa mas mababaw na antas, isa itong problema sa pagkatao nila; ibig sabihin, ang pagkatao nila ay labis na ubod ng sama at kasuklam-suklam, kaya imposible para sa kanila na makipag-ugnayan nang normal sa iba. Hindi lang sila kulang sa mga positibong pagpapamalas tulad ng pagtustos, pagtulong, o pagmamahal sa iba, bagkus, ang mga pagkilos at pag-uugali nila ay nagsisilbi lang din para manggulo, mangwasak, at manggiba. Kung may ilang tao na palaging nagsasagawa ng pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, at palagi itong ginagawa, hayagan man o palihim, na nagdudulot ng malulubhang negatibong epekto sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, kabilang sila sa mga dapat paalisin ng iglesia. Ang isa pang uri ay iyong mga mahilig manamantala. Anuman ang sitwasyon, palagi nilang hinahangad na magkamit ng kalamangan, na palaging nakatutok ang kanilang mga mata sa sarili nilang mga interes. Hindi sila nakatuon sa pagpasok sa katotohanang realidad, ni sa paggawa ng mga tungkulin nila nang maayos o sa pagtupad sa mga sarili nilang responsabilidad. Higit pa riyan, hindi sila tumutuon sa pakikisalamuha nang normal sa mga kapatid, sa paggamit ng lakas ng iba para punan ang mga sarili nilang pagkukulang at sa pagbuo ng mga normal na ugnayan, o sa pamumuhay ng isang normal na buhay iglesia. Hindi sila tumutuon sa alinman sa mga bagay na ito—nagpupunta lang sila sa iglesia at sa mga kapatid para manamantala. Hangga’t naroroon sila sa iglesia, at hangga’t nakikipag-ugnayan sa kanila ang mga kapatid, makararamdam ng pagkabahala ang kalooban ng mga kapatid. Hindi lang nakararamdam ng pagkamuhi ang mga kapatid sa mga pagkilos at pag-uugali ng mga taong ito, pero pangunahing madalas nakararamdam ang mga kapatid na masyado silang pinakikialaman at pinipigilan sa puso nila. Ano ang tinutukoy ng ‘masyado’? Ibig sabihin nito na sa mga sitwasyon sa tunay na buhay, kapag nahaharap sa panliligalig mula sa mga hindi mananampalataya o masasamang tao, may ilang indibidwal na napipigilan ng mga damdamin nila at hindi magawang makawala, habang ang iba, bagaman ayaw ito, ay hindi nangangahas na magsalita pero palaging nararamdamang napipigilan sila at walang kapayapaan sa loob nila. Hindi ba’t isa itong seryosong panggugulo sa mga kapatid? (Oo.) Kaya, dapat kilatisin ng hinirang na mga tao ng Diyos ang dalawang uri ng mga indibidwal na ito; ang lahat ng ikinategorya bilang masasamang tao ay kabilang sa mga dapat paalisin ng iglesia. Ang mga partikular na prinsipyo para sa pangangasiwa sa gayong mga indibidwal ay napagbahaginan na sa nakaraang pagtitipon, kaya hindi na pagbabahaginang muli ang mga ito nang detalyado ngayon. Sa pagbubuod, ang dalawang uri ng mga tao na pinagbahaginan sa itaas ay nagdulot ng mga panggugulo hindi lang sa buhay iglesia ng mga kapatid, kundi pati na rin sa maayos na pagganap ng mga tungkulin ng mga ito; ang mga pag-uugali ng ilan sa kanila ay malamang na makapagpatisod pa nga sa ilang bagong mananampalataya na walang pundasyon. Kaya, batay sa mga paraan at hakbang ng kanilang pagkilos, pati na rin sa iba’t ibang pagpapamalas ng kanilang pagkatao at sa masasamang kahihinatnang idinudulot ng mga pagpapamalas na ito, ang dalawang uri ng mga taong ito ay kabilang sa mga dapat na paalisin, at ang pagtatala sa kanila sa mga hanay ng masasamang tao ay hindi talaga kalabisan. Bagaman ang mga pag-uugali niyong mga mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan at ng mga mahilig manamantala ay maaaring tila hindi kasingbastos o kasinglupit nang walang katwiran ng sa masasamang tao na tinukoy sa mga kuru-kuro ng tao—bagaman wala sila ng gayong mga halatang pagpapamalas—dahil sa masasamang kinahihinatnan ng mga pag-uugali nila at pagkatao nila ay kailangan silang paalisin sa iglesia. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng dalawang uri ng mga tao, at ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa kanila, na napagbahaginan noong nakaraan.
II. Batay sa Pagkatao ng Isang Tao
C. Pagiging Bulagsak at Walang Pagpipigil
Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng iba pang uri ng mga tao kaugnay sa kanilang pagkatao, simula sa ikatlong uri ng mga tao. Ano ang isang pangunahing katangian ng pagkatao ng mga taong ito? Ito ay ang pagiging bulagsak at kawalan ng pagpipigil. Ang pag-unawa sa pagiging bulagsak at kawalan ng pagpipigil mula sa literal na perspektiba ay napakadali; ibig sabihin nito na hindi tama ang pag-uugali, asal, at pananalita ng mga indibidwal na ito—hindi sila mga marangal at disenteng indibidwal. Ito ay isang pangunahing pang-unawa sa mga pagpapamalas ng ganitong uri ng mga tao. Sa iglesia, hindi maiiwasang maglaman ng mga paglihis at pagkakamali ang mga pananaw ng ilang tao sa pananampalataya sa Diyos at ang mga paraan ng paghahangad nila. Ang pananalita at asal nila ay walang anumang pagkadeboto, ang mga pagpapamalas nila sa buhay at ang kalidad ng pagkatao nila ay talagang hindi nakakatugon sa kagandahang-asal ng mga banal, at ganap na wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Sa pangkalahatan, ang kanilang pananalita, pag-uugali, at asal ay mailalarawan lang bilang bulagsak at walang pagpipigil. Siyempre, ang mga partikular na pagpapamalas ay marami, nakikita ng lahat, at madaling makilatis. Ang mga indibidwal na ito ay katulad ng mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya; sa partikular, nagpapakita sila ng mga tiyak na bulagsak na pag-uugali. Pagdating sa mga pagtitipon, napakakaswal ng kanilang pananamit at pag-aayos. May ilang hindi nag-aabalang mag-ayos ng sarili nila bago umalis ng kanilang bahay, nagpupunta sa mga pagtitipon nang magulo ang itsura, nang hindi sinuklay ang buhok at hindi naghilamos ng mukha. May iba na hindi maayos ang pananamit, nakasuot ng pudpod na tsinelas o maging ng damit-pantulog sa mga pagtitipon. May ibang namumuhay nang hindi maayos, hindi binibigyang-pansin ang personal na kalinisan, at ayos lang sa kanila na magsuot ng maruruming damit sa mga pagtitipon. Labis na kaswal kung tratuhin ng lahat ng taong ito ang mga pagtitipon, na para bang bumibisita lang sa kapitbahay, hindi ito sineseryoso. Sa mga pagtitipon, ang pananalita at asal nila ay wala ring pagpipigil, at nagsasalita sila nang malakas nang walang pakundangan, nasasabik pa nga at masiglang kumukumpas-kumpas kapag masaya sila, at nagpapakita ng labis na pagpapakasasa. Gaano karaming tao man ang naroroon, tumatawa, nagbibiro, at kumikilos sila nang magaslaw, nakaupo nang nakadekuwatro, at kumikilos na para bang nakatataas sila sa lahat ng tao; sila ay partikular na pasikat at mayabang pa nga, hindi tumitingin nang diretso sa mata ninuman kapag nakikipag-usap sa mga ito, sa halip ay palinga-linga sila kung saan-saan. Hindi ba’t bulagsak ito? (Oo.) Partikular itong mapagpalayaw at walang ni katiting na pagpipigil. Siyempre, maaaring iugnay ng mga walang pananampalataya ang pananalita at asal ng gayong mga tao sa kawalan ng maayos na pagpapalaki, pero iba ang pagkakaunawa natin dito; hindi ito basta usapin ng kawalan ng maayos na pagpapalaki. Bilang mga nasa hustong gulang, dapat malinaw na malaman ng isang tao ang tama at angkop mga na paraan sa pagsasalita, pagkilos, at pakikisalamuha sa iba—sa partikular, dapat alam ng isang tao kung paano ito gawin sa paraang nararapat sa kagandahang-asal ng mga banal, na nakakapagpatibay sa mga kapatid, at nagpapakita ng normal na pagkatao—nang hindi na kinakailangan pang sabihan. Lalo na kapag isinasabuhay ang buhay iglesia, sa presensiya ng mga kapatid, bagaman hindi kinakailangan ang pagpapanggap, dapat magpigil ang isang tao. Ano, kung gayon, ang sukatan at kinakailangang pamantayan ng pagpipigil na ito? Ito ay ang umayon sa kagandahang-asal ng mga banal. Ang kasuotan at pananamit ng isang tao ay dapat na marangal at disente, iniiwasan ang kakaibang pananamit. Sa presensiya ng Diyos, dapat na maging taimtim ang isang tao, at hindi kumikilos nang magaslaw; siyempre, sa harap ng ibang tao, dapat din niyang mapanatili ang pagiging mataimtim at ang wangis ng tao, para maipresenta ang sarili niya sa paraang angkop, kapaki-pakinabang, at nakakapagpatibay sa iba. Ito ang nakalulugod sa Diyos. Yaong mga bulagsak at walang pagpipigil ay hindi nagbibigay-pansin sa pagsasabuhay ng mga pinakabatayang aspekto ng pagkatao, at ang isang tiyak na dahilan ng kanilang pagwawalang-bahala ay ang kanilang ganap na kamangmangan kung paano maging isang taimtim na tao o isang tao na may integridad at dignidad na iginagalang; hindi talaga nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Samakatwid, sa kabila ng paulit-ulit na mga pagtatakda at hinihingi ng iglesia para sa malinis, marangal, at disenteng kasuotan sa mga pagtitipon, nang hindi nagsusuot ng mga kakaibang damit, patuloy nilang hindi sineseryoso ang mga alituntuning ito, madalas dumarating nang nakatsinelas, magulo ang itsura, o maging nang nakadamit pantulog. Isa ito sa mga pagpapamalas niyaong mga bulagsak at walang pagpipigil.
Iyong mga bulagsak at walang pagpipigil ay nagpapamalas ng isa pang pag-uugali, ang magbihis nang sunod sa uso at maglagay ng makapal at kaakit-akit na makeup sa mga pagtitipon. Nagsisimula silang maggayak at mag-ayos dalawang araw bago ang bawat pagtitipon, pinagbubulayan kung anong makeup ang ilalagay, anong alahas ang gagamitin, anong estilo ng buhok ang pipiliin, aling damit ang isusuot, anong bag ang dadalhin, at aling sapatos ang isusuot. May ilang kababaihan ang naglalagay pa nga ng kaakit-akit na lipstick, eyeshadow, at nose contour, at sa mas matitinding kaso, may nagbibihis at naggagayak ng sarili nila sa isang labis na mapang-akit na paraan, naglalabas ng kanilang mga balikat at likod, at nagsusuot ng mga kakaibang damit. Sa mga pagtitipon, hindi sila nakikinig nang mabuti sa pagbabahagi ng mga kapatid, ni hindi sila nagdarasal; lalong hindi sila nakikilahok sa pagbabahaginan o nagbabahagi ng kanilang personal na pang-unawa at mga patotoong batay sa karanasan. Sa halip, ikinukumpara nila ang sarili nila sa lahat ng iba pa, nagpapakaabala sa kung sino ang mas maganda o mas pangit manamit kaysa sa kanila, sino ang nagsusuot ng mga partikular na usong branded na damit, sino ang nagsusuot ng mga mumurahing damit mula sa bangketa, magkano ang halaga ng pulseras ng isang tao, at iba pa; nakatuon lang sila sa mga bagay na ito, madalas pa ngang gumagawa ng gayong mga puna nang hayagan. Mula sa pananamit, pati na rin sa pananalita, pag-uugali, at asal ng mga indibidwal na ito, malinaw na ang pakikilahok nila sa buhay iglesia at ang pakikisalamuha nila sa mga kapatid ay hindi naglalayong maunawaaan ang katotohanan, at lalong hindi ito para sa paghahangad sa buhay pagpasok para magkamit ng pagbabago sa disposisyon; sa halip, ginagamit nila ang oras sa mga pagtitipon para ipagyayabang ang pagtatamasa nila ng pera at materyal na buhay. May ilang tao na dumadalo sa mga lugar ng pagtitipon nang nakasuot ng mga branded na damit para magpakitang-gilas, pinalalayaw nang lubos ang mga pagnanais nila para sa fashion at mga uso sa lipunan sa mga kapatid, inaakit ang iba na hangarin ang mga kalakarang ito at hinihimok ang iba na kainggitan at tingalain sila. Kahit napapansin nila ang mga tingin at saloobin ng pagkasuklam ng ilang kapatid sa kanila, nananatili silang mapagsawalang-bahala, ginagawa pa rin ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, nagsusuot ng matataas na takong, at nagdadala ng mga designer bag. Nagtatangka pa nga ang ilan na magpanggap bilang mga maykaya at mayayamang indibidwal, gumagamit ng mababang kalidad na pabango sa mga pagtitipon, kaya pagkatapos nilang pumasok sa silid, ang pinaghalo-halong amoy ng pabango, blush-on, at langis ng buhok ay lumilikha ng isang masangsang at hindi kanais-nais na amoy. Marami pang ibang kalahok sa pagtitipon ang nagagalit pero hindi nangangahas magsalita, nakararamdam ng pagkasuklam pagkakita sa mga taong ito, at ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos ay lumalayo sa mga ito. Medyo mamahalin o medyo kaswal man ang pananamit ng mga ito, ang tanda ng gayong mga indibidwal ay ang kanilang sobrang malaya at walang disiplinang pananalita, pag-uugali, asal, at paraan ng pamumuhay, hindi lang sa mga pagtitipon kundi pati na rin sa kanilang pang-araw-araw na pakikisalamuha sa mga kapatid o sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Para maging tumpak, sila ay partikular na mapagpalayaw, hindi napamamahalaan maging ng mga pinakakatiting na pagpipigil. Walang mga regular na pattern sa kanilang pang-araw-araw na buhay; sinasabi nila ang anumang gusto nila, kumikilos nang walang-ingat at sutil, hindi kailanman tinatalakay ang mga personal na karanasan, bihirang nagbabahagi ng kanilang pang-unawa sa mga salita ng Diyos, at bihirang nagsasabi ng tungkol sa mga kinaharap na paghihirap sa paggawa ng mga tungkulin nila. Ano lang ang mga paksang tinatalakay nila? Mga uso sa lipunan, fashion, mataas na kalidad na pagkain, ang pribadong buhay ng mga kilalang tao sa lipunan at maging ng mga sikat na personalidad, at mga kakaibang kuwento at anekdota mula sa lipunan. Mula sa mga likas na pagbubunyag nilang ito, hindi mahirap makita na ang pananampalataya ng gayong mga tao sa Diyos ay para makaraos lang sa buhay. Ganap na nakatuon ang buhay nila sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, sa halip na sa gayong mga usapin tulad ng pamumuhay ng buhay iglesia, paggawa ng tungkulin nila, o paghahangad sa katotohanan. Ang ibig sabihin ng “bulagsak at walang pagpipigil” ay na ang paraan ng pamumuhay ng mga indibidwal na ito, ang isinasabuhay nila sa pagkatao, at gayundin ang mga pamamaraan nila ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay, pagtrato sa iba, at pakikisalamuha sa iba ay pawang bulagsak at walang pagpipigil. Madalas nilang ginagaya ang mga sikat na ekspresyon sa lipunan; hindi mahalaga kung gusto bang marinig ang mga ito ng mga kapatid o kung mauunawaan ba nila ang mga ito, patuloy lang sa pagsasalita ang mga indibidwal na ito. Madalas pa nga nilang ginagaya ang mga kasabihan ng ilang kilalang tao sa lipunan at mga sikat na personalidad sa musika at pelikula. Tungkol naman sa mga positibong bokabularyong madalas na ginagamit sa sambahayan ng Diyos at ng mga kapatid, hindi sila kailanman nagpapakita ng anumang interes; hindi sila kailanman nagbabahagi tungkol sa katotohanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang iniidolo nila ay ang mga kalakaran sa mundo; ang iba’t ibang kilalang tao at mga sikat na personalidad ang mga puntirya ng kanilang pag-idolo at panggagaya. Halimbawa, mabilis nilang natututunan ang mga popular na termino at parirala sa online at ginagamit ang mga ito sa kanilang buhay at sa pakikipag-usap sa mga kapatid. Siyempre, ang mga terminong ito ay tiyak na hindi positibo o nakakapagpatibay; lahat ng mga ito ay negatibo, walang halaga, at lalong walang kabuluhan para sa mga nananampalataya sa Diyos. Mga popular na ekspresyon ito na nilikha ng tiwali at masamang sangkatauhan, ganap na kinakatawan ang mga kaisipan at pananaw ng masasamang puwersa. Ang gayong mga salita ay madalas napapansin, tinatanggap, at ginagamit ng mga hindi mananampalataya sa iglesia na mahilig sa masasamang kalakaran. Ganap silang sarado sa espirituwal na terminolohiya at bokabularyo ng sambahayan ng Diyos, hindi pinakikinggan o inaaral ang mga ito nang taimtim. Sa kabaligtaran, mabilis nilang natututunan at ginagamit ang mga negatibong bagay ng mundong walang pananampalataya at iyong mga bagay na binibigyang-pansin ng mga salaula na tao. Kaya, ang mga indibidwal na ito, hinuhusgahan man batay sa kanilang panlabas na pananamit, pananalita, at asal, o sa iba’t ibang kaisipan at pananaw at mga saloobin sa mga bagay-bagay na ibinubunyag nila, ay namumukod-tanging kakaiba sa mga kapatid. Ano ang ibig sabihin ng pagiging kakaiba? Ibig sabihin na ang kanilang pananalita, pag-uugali, at asal ay katulad ng sa mga walang pananampalataya, hindi nagpapakita ng anumang pagbabago; sadyang sila ay hindi mananampalataya. Halimbawa, may ilang tao na umaawit ng dalawang himno sa entablado ng sambahayan ng Diyos at nakakamit ang pagpapahalaga ng lahat, kaya nagsisimula silang mag-isip na sila ay mga sikat na personalidad o mga bigatin, palaging iginigiit na gumamit ng makapal na makeup para sa mga pagtatanghal, ipinipilit na gayahin ang partikular na ayos ng buhok ng isang sikat na tao, at kinukulayan ito ng mga kakaibang kulay. Kapag sinasabi ng iba: “Dapat manamit ang mga mananampalataya nang may dignidad at nang disente; ang estilo mo ay hindi tumutugon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos,” nagrereklamo sila, sinasabing, “Napakahigpit ng mga patakaran sa sambahayan ng diyos; talagang nakakaabala ito! Bakit ba napakahirap maging sikat?” Pagkatapos umawit ng dalawang himno lang, iniisip nilang mga sikat sila at iniisip na magaling sila, at tuwing wala silang ginagawa, palagi nilang pinagbubulay-bulayan: “Ilang daliri ang ginagamit ng mga sikat sa mundong walang pananampalataya sa paghawak ng mikropono? Ilang hakbang ang ginagawa nila para makatuntong sa entablado? Bakit hindi ako nakatatanggap ng mga bulaklak gayong napakahusay kong kumanta? Ang mga sikat doon sa mundo ay may mga ahente at assistant; hindi nila kailangang sila mismo ang mag-asikaso o tumugon sa karamihan ng usapin, ginagawa itong lahat ng mga assistant nila. Pero bilang isang mang-aawit sa sambahayan ng diyos, kailangan kong asikasuhin ang mga karaniwang gampanin tulad ng pagkuha ng pagkain, pagsusuot ng damit, at pamimili nang mag-isa. Masyadong konserbatibo ang sambahayan ng diyos!” Sa puso nila, palagi silang hindi masaya sa pamumuhay sa sambahayan ng Diyos; partikular silang nakararamdam ng pagkaagrabyado, palaging hindi kontento at puno ng mga reklamo. Kaya bang mahalin ng gayong tao ang katotohanan? Isasagawa ba niya ang katotohanan? Bakit hindi niya pinagninilayan ang sarili niya? Napakabaluktot ng perspektiba niya sa mga bagay-bagay, tulad ng sa mga walang pananampalataya; paanong hindi niya napagtatanto ito? Hindi siya hinahadlangan ng sambahayan ng Diyos na maging sikat, pero ang mga pananaw at diskarte ba niyang ito—na kagaya nang sa mga hindi mananampalataya—ay magagawa sa sambahayan ng Diyos? Pangunahin na hindi mapananatili ang mga ito. Ang karaniwan niyang pananalita at asal ay kinasusuklaman ng karamihan ng tao. Dahil sa kanilang “malawak na pag-iisip” at labis na pagpapakalayaw, ang anumang sinasabi o ginagawa ng gayong mga tao ay bulagsak at walang pagpipigil, walang ibinubunyag na anuman kundi ang disposisyon ni Satanas.
Paulit-ulit na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos na ang mga kapatid ay dapat magpanatili ng mga limitasyon sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, at hindi makisangkot sa kasalungat na kasarian. Gayumpaman, may ilang tao na bulagsak at walang pagpipigil, talagang hindi pinakikinggan ang payong ito, at sinusubukan pa ngang lihim na akitin ang iba o makipag-date sa iba, ginugulo ang buhay iglesia. Nasisiyahan sila sa pakikipag-ugnayan sa kasalungat na kasarian, naghahanap pa nga ng mga dahilan at palusot para makipag-ugnayan at makipagkulitan. Kapag nakakakita ng isang tao mula sa kasalungat na kasarian na kaakit-akit o nakakasundo niya, nagsisimula silang makipaghilaan at makipagtulakan, makipaglandian at makipagbiruan, pinaglalaruan ang mga damit niya at ginugulo ang buhok nito, at hinahagisan pa ng mga bolang niyebe ang mga damit nito kapag taglamig; nakikipagharutan sila sa isa’t isa na parang mga hayop, nang walang mga limitasyon o pagpapahalaga sa karangalan, hindi nakararamdam ng anumang kahihiyan. Sinasabi ng ilang tao, “Paano iyon maituturing na pakikipagharutan? Nagpapakita sila ng pagkagiliw; tinatawag iyong pagiging magiliw, pagiging romantiko.” Kung naghahanap ka ng romansa, mali ang napili mong lugar. Ang iglesia ay kung saan ginagawa ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin; ito ay isang lugar para sa pagsamba sa Diyos, hindi para sa pakikipaglandian. Ang mga pampublikong pagpapakita ng gayong pag-uugali sa harap ng lahat ay nagdudulot ng pagkasuklam at pagkasuya sa karamihan ng tao. Ang pangunahing isyu ay na hindi ito nakakapagpatibay sa iba, at nawawala rin ang iyong integridad at dignidad. Ilang taon ka na ba? Hindi mo ba matukoy ang kanang kamay mo sa iyong kaliwa? Hindi mo ba nauunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at mga babae? At sa kabila niyon ay nakikipaglandian ka pa rin! Normal para sa mga batang pito o walong taong gulang na makipagharutan; ang ganitong pag-uugali at mga interes ay karaniwan sa kanilang edad. Gayumpaman, kung nagpapakita ang mga nasa hustong gulang ng ganitong mga pag-uugali, hindi ba’t pagiging isip-bata ito? Sa madaling salita, iyon mismo ito. Pagdating sa diwa, ano ito? (Pagpapalayaw, pagiging bulagsak.) Sobrang bulagsak ang lahat ng ito! Sa pananampalataya sa Diyos, dapat alam ng isang tao na magtaglay ng pagpapahalaga sa karangalan. Kahit sa mga walang pananampalataya, kakaunti ang umaasal nang napakabulagsak. Napakawalang kuwenta at kasuklam-suklam ang gayong mga bulagsak na tao! Ang paghahagis ng mga bolang niyebe sa mga damit ng kasalungat na kasarian para sa kasiyahan, hindi lang basta nakikipaghabulan dito nang mapaglaro kundi sinisipa pa ang puwitan nito—kapag may isang tao na naglalantad ng katunayan na ang gayong pag-uugali ay masyadong bulagsak at pinalalabo ang mga limitasyon sa pagitan ng mga lalaki at mga babae, sumasagot sila, “Naghaharutan lang kami nang ganito dahil masyado kaming malapit sa isa’t isa; dapat maunawaan ito ng mga tao.” Nagpapakalayaw sila sa gayong antas, hindi lang pinahihintulutan ang sarili nila na magpakalayaw kundi inaakit din ang iba na makisali sa kanilang pagpapakalayaw. Anong uri ng walang-hamak na tao ito? Sabihin mo sa Akin, dapat bang manatili ang gayong mga tao sa iglesia? (Hindi.) Palaging hindi kumportable at nakakaasiwa sa pakiramdam ang makasama ang ganitong uri ng tao. Kapag may nakikita silang isang tao, hindi nila ito binabati nang normal; sa halip, sinusuntok lang nila ito, sinasabing, “Nasaan ka ba nitong mga nakaraang taon? Akala ko ay naglaho ka na sa mundong ibabaw! Kumusta ka na?” Maging ang paraan nila ng pagbati ay sobrang malabarbaro at mayabang; hindi lang sila nagsasalita nang malabarbaro, kundi nagiging pisikal pa sila sa iba. Hindi ba’t nahahawig ito sa pag-uugali ng mga maton at bandido? Gusto ba ninyo ang gayong mga tao? (Hindi.) Kumportable ba ang pakiramdam ng kinukutya at pinaglalaruan? (Hindi.) Hindi ito kumportable, at hindi mo man lang ito maipahayag; kailangan mo lang itong tiisin, at sa susunod na makita mo sila, iiwas ka na lang sa malayo. Sa pagbubuod, ano ang sinasabi nito tungkol sa kalidad ng pagkatao ng gayong mga tao? (Mababa ito.) Saang anggulo man sila tingnan—ito man ay sa kanilang pananalita at asal, kanilang personal na pagkilos, sa paraan nila ng pakikitungo sa mundo, at sa pakikipag-ugnayan nila sa iba, ang perspektiba nila sa mga kalakaran ng mundong walang pananampalataya, o sa paraan nila ng pananampalataya sa Diyos at sa saloobin nila sa Diyos at sa Kanyang mga salita—hindi mahirap makita na ang mga indibidwal na ito ay walang anumang pagiging mataimtim o may-takot-sa-Diyos na puso. Wala ring makikitang anumang pagiging taos-puso sa kanila na hanapin o tanggapin ang katotohanan. Ang napagmamasdan ay ang kanilang pagiging bulagsak at kawalan ng pagpipigil, ang kanilang patuloy na panggagaya sa mga sikat na personalidad at mga idolo, at ang kanilang kawalan ng anumang intensyon na magbago gaano man ibinabahagi ang katotohanan. Paano maibubuod ang mga katangian ng kanilang pagkatao? Pagiging bulagsak at kawalan ng pagpipigil. Kaya, masasabi nang may katiyakan na sila ay mga walang pananampalataya na pinasok ang sambahayan ng Diyos; sila ay mga hindi mananampalataya.
Ang mga tao na bulagsak at walang pagpipigil ay gumagamit ng mga salitang katulad ng sa mga bandido at mga maton ng mundong walang pananampalataya; partikular silang nasisiyahan sa panggagaya ng pananalita at estilo ng mga sikat na tao at ng mga negatibong personalidad sa lipunan, kung saan karamihan sa wika nila ay may salaulang tono na parang isang maton o sanggano ang magsasabi. Halimbawa, kapag dumating ang isang walang pananampalataya, nagsasabi ng ilang kakaibang parirala matapos kumatok sa pinto, sinasabi ng mga kapatid, “May kakaiba; bakit parang tiktik o espiya ang taong ito?” Bagama’t hindi pa sila makasiguro sa sandaling iyon, nababalisa ang karamihan ng tao. Gayumpaman, kahanga-hangang nagsasalita ang tao na bulagsak at walang pagpipigil, nagmamalaki pa nga siya, sinasabi niya, “Tiktik? Hindi ako natatakot! Bakit sila dapat katakutan? Kung natatakot kayo, huwag na kayong lumabas. Titingnan ko kung ano ang pakay nila.” Tingnan ninyo kung gaano siya katapang at kamapangahas. Magsasalita ba kayo nang ganito? (Hindi, hindi ganito magsalita ang mga normal na tao; parang pambandido ang dating ng ganitong pagsasalita.) Iba ang pagsasalita ng mga bandido kumpara sa mga normal na tao; partikular silang mapagmataas. Natututuhan ng mga tao ang wika ng kanilang uri; partikular na gumagamit ng popular na wika ng lipunan ang mga tao na sanay sa kalye, mahilig salitain ng mga bandido at maton ang sarili nilang bokabularyo, at ang mga hindi mananampalataya ay katulad lang ng mga walang pananampalataya, sinasabi ang lahat ng bagay na sinasabi ng mga walang pananampalataya. Nasusuklam at napopoot ang mga mabuti, kagalang-galang, at disenteng tao kapag naririnig nila ang pananalita ng mga walang pananampalataya; wala sa kanila ang sumusubok na gayahin ang ganoong uri ng pananalita. Ang ilang hindi mananampalataya, kahit na sampu o dalawampung taon na silang nananampalataya, ay gumagamit pa rin ng wika ng mga walang pananampalataya, sadyang pinipili nila ang gayong pananalita, at habang nagsasalita ay ginagaya pa nga nila ang asal, mga ekspresyon, at mga pagkumpas ng mga walang pananampalataya, gayundin ang mga tingin ng mga ito. Maaari bang maging kaaya-aya sa mata ng mga kapatid sa iglesia ang mga gayong indibidwal? (Hindi.) Nasusuya at naaasiwa ang karamihan sa kapatid kapag nakikita sila. Ano sa palagay ninyo ang nararamdaman ng Diyos tungkol sa kanila? (Pagkasuklam.) Malinaw ang sagot: pagkasuklam. Mula sa isinasabuhay nila, mga hangarin, at mga tao, pangyayari, at bagay na iginagalang nila sa puso nila, malinaw na ang pagkatao nila ay hindi kumakatawan sa dignidad at pagiging disente at malayong-malayo sa pagiging deboto at angkop na kagandahang-asal ng mga banal. Bihirang marinig mula sa bibig nila ang mga salitang dapat sabihin ng mga mananampalataya o mga banal, at ang mga salitang nagpapatibay sa iba at nagpapahiwatig ng integridad at dignidad; malamang na hindi nila sabihin ang mga ito. Ang iginagalang, inaasam, at hinahangad nila sa kanilang puso ay pundamental na hindi tugma sa dapat hangarin at asamin ng mga banal, kaya mahirap na pigilan ang panlabas na pamumuhay, pananalita, at asal nila. Isang malaking hamon na hilingin sa kanila na magpigil, hindi maging bulagsak o hindi magpakasasa, at magpanatili ng dignidad at pagkadisente. Ni hindi nila kayang maging normal na tao na may integridad at dignidad na angkop sa kagandahang-asal ng mga banal, sumusunod sa mga tuntunin, at mukhang may katwiran sa panlabas, lalong hindi nila kayang mamuhay bilang isang tao na may pagkatao at katwiran na nakakaunawa sa katotohanan at nakakapasok sa katotohanang realidad. Noon, may isang tao na pumunta sa kanayunan para ipalaganap ang ebanghelyo at nakita niyang ang ilang kapatid ay may mga pamilyang salat sa yaman at nakatira sa mga bahay na sira-sira na. Sinabi niya nang may pang-uuyam at pangungutya, “Masyado nang sira-sira ang bahay na ito, hindi na ito akma para sa mga tao; halos hindi na nga ito akma para sa mga baboy. Dapat umalis na kayo agad dito!” Tumugon ang mga kapatid, “Madali namang umalis, pero sino ang magbibigay sa amin ng ibang bahay na matitirhan?” Nagsalita siya nang walang ingat at ayon sa sariling kagustuhan, sinabi niya ang anumang pumasok sa isip niya nang hindi iniisip ang epekto nito sa iba. Ito ay pagkakaroon ng salaulang kalikasan. Nagtanong ang mga kapatid, “Kung lilipat kami, sino ang magbibigay sa amin ng bahay na matitirhan? May bahay ka ba?” Wala siyang naisagot. Pagkakitang nahaharap sa paghihirap ang mga tao, kinailangan niyang magawang lutasin ang paghihirap bago magsalita. Ano ang mga kinahinatnan ng pagsasalita niya nang walang ingat nang hindi naman nagawang lutasin ang paghihirap ng mga ito? Ito ba ay problema ng pagiging masyadong prangka at diretsahan? Hinding-hindi. Ang problema ay masyadong malubha ang pagiging salaula niya; siya ay bulagsak at walang pagpipigil. Ang mga gayong tao ay lubos na walang anumang konsepto ng integridad, dignidad, pagsasaalang-alang, pagpaparaya, pagmamalasakit, paggalang, pag-unawa, pakikisimpatiya, awa, pagkamaalalahanin, pagtulong at iba pa. Ang mga katangiang ito na mahalaga sa normal na pagkatao ay ang dapat taglayin ng mga tao. Bukod sa wala sila ng mga katangiang ito, sa pakikitungo nila sa iba, kapag nakikita nilang nahaharap sa mga paghihirap ang isang tao, nagagawa pa nilang ngumisi, mangutya, mang-uyam, at manlibak; bukod sa wala silang kakayahang unawain o tulungan ang mga tao, nagdudulot pa sila ng kalungkutan, kawalan ng pag-asa, pasakit, at maging ng problema sa mga ito. Para sa mga taong labis na salaula, nakikilatis sila ng karamihan ng tao, at paulit-ulit silang tinitiis ng mga ito. Sa palagay ninyo, puwede bang magkaroon ng tunay na pagsisisi ang mga gayong tao? Sa tingin Ko ay malabo ito. Batay sa kalikasang diwa nila, hindi sila nagmamahal sa katotohanan, kaya paano nila matatanggap ang mapungusan at madisiplina? Sa paglalarawan sa gayong mga tao, may mga termino ang mga walang pananampalataya tulad ng “pagsunod sa sariling landas” o “pagtahak sa sariling landas kahit ano pa ang sabihin ng iba”—isang kalokohan ang lohikang ito! Ang mga diumano’y sikat na kasabihan at idyomang ito ay madalas na itinuturing na mga positibong bagay sa lipunang ito, na nagbabaluktot sa mga katunayan at nakakalito sa kung ano ang tama at mali. Tungkol naman sa mga pagpapamalas ng pagkatao ng mga bulagsak at walang pagpipigil, ito na halos ang kabuuan nito.
Nakaaapekto man ang mga bulagsak at walang pagpipigil na indibidwal sa buhay iglesia, sa mga normal na ugnayan sa pagitan ng mga kapatid, o sa normal na pagganap ng tungkulin ng hinirang na mga tao ng Diyos, hangga’t ang mga pagpapamalas at pagbubunyag ng kanilang pagkatao ay nagdudulot ng masasamang epekto at mga kahihinatnan, na gumugulo sa mga kapatid, dapat malutas ang mga isyung ito, at dapat na umaksiyon nang nararapat laban sa gayong mga indibidwal, sa halip na hayaan lang silang kumilos nang walang sagabal. Para sa maliliit na kaso, maaaring magbigay ng tulong at suporta, o maaari silang pungusan at balaan. Para sa malulubhang kaso, kung saan partikular na bulagsak ang kanilang pag-uugali at asal, tulad ng sa mga walang pananampalataya o hindi mananampalataya, walang ni katiting na kagandahang-asal ng isang banal, ang mga lider at manggagawa ng iglesia ay dapat na maghanap ng mga angkop na solusyon para pangasiwaan ang mga indibidwal na ito. Kung karamihan sa mga kapatid ay sasang-ayon at kung pahihintulutan ng mga kondisyon, dapat paalisin ang mga indibidwal na ito; kahit papaano, hindi sila dapat pahintulutang gawin ang mga tungkulin nila sa iglesiang may tungkuling full-time. Ano ang tinutukoy ng “para sa maliliit na kaso”? Ibig sabihin nito na ang ilang tao ay mga bagong mananampalataya, na dating mga walang pananampalataya, na hindi kailanman naniwala sa Kristiyanismo at hindi nakauunawa sa kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos. Ang kanilang pananalita at asal ay nagbubunyag ng mga gawi ng mga walang pananampalataya. Gayumpaman, sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos, pagbabahaginan sa katotohanan, at pagsasabuhay ng buhay iglesia, unti-unti silang tumutuwid at nagbabago, nagiging tulad ng mga mananampalataya, nagpapakita ng kaunting wangis ng tao. Ang mga indibidwal na ito ay hindi dapat ikategorya sa mga hanay ng masasamang tao, kundi bilang mga taong maaaring matulungan. Ang isa pang kategorya ay ang mga kabataang may dalawampung taong gulang, na sa kabila ng pananampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang taon, ay nagpapakasasa pa rin sa pagiging mapaglaro, hindi pa ganap na matatag, nagpapakita ng kaunting pagiging isip-bata sa kanilang panlabas na pananalita at asal—nagsasalita, umaasal, at kumikilos na parang mga bata—at iba pa, dahil sa mura nilang edad. Para sa mga taong ito, dapat ialok ang tulong at suporta nang may pagmamahal; dapat bigyan sila ng sapat na oras para unti-unting magbago nang hindi pinapatawan ng sobrang mahihigpit na hinihingi. Siyempre, para sa mga nasa hustong edad na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos pero nagpapakita pa rin ng bulagsak at walang pagpipigil na pagsasalita, asal, pag-uugali, at mga pagkilos tulad ng mga walang pananampalataya, at na tumatangging magbago sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala, kinakailangan ang ibang pamamaraan; dapat silang pangasiwaan nang naaayon sa mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos. Kung ang pagsasalita at asal ng gayong mga indibidwal, at ang mga pagbubunyag ng kanilang pagkatao ay nakagugulo sa nakararami at nagdudulot ng masamang epekto sa iglesia, na nagiging sanhi ng pagkasuklam ng marami kapag nakikita sila, ayaw makinig sa kanilang magsalita, ayaw makita ang mga ekspresyon nila kapag nagsasalita sila, ni ayaw tingnan ang kasuotan nila, at karamihan ay mas masaya at nasa mas mabuting kondisyon kapag hindi dumadalo ang gayong mga indibidwal sa mga pagtitipon—nakararamdam ng pagkaasiwa at pagkasuklam sa simple nilang pakikilahok sa buhay iglesia at sa simple nilang presensiya kasama ang mga kapatid, na para bang may insekto na nagdudulot ng mga kaguluhan—walang duda na ang gayong mga indibidwal ay masasamang tao. Ibig sabihin, tuwing isinasabuhay nila ang buhay iglesia at ginagawa ang tungkulin nila kasama ang mga kapatid, karamihan ng tao ay nakararamdam ng panggugulo at partikular na nasusuklam. Sa gayong mga kaso, dapat pangasiwaan ang mga indibidwal na ito sa lalong madaling panahon, hindi hinahayaan para gawin ang kagustuhan nila o mapasailalim sa karagdagang pagmamasid. Kahit papaano, dapat silang alisin sa iglesiang may tungkuling full-time at ipadala sa isang ordinaryong iglesia para magsisi. Bakit sa ganitong paraan ito pangangasiwaan? (Nagdulot sila ng mga kaguluhan at masasamang kahihinatnan sa karamihan ng tao, ginugulo ang buhay iglesia.) Dahil ang mga kahihinatnan at epekto ng kanilang mga pagpapamalas ay labis na ubod ng sama! Ayon dito, ang mga lider at manggagawa, gayundin ang hinirang na mga tao ng Diyos, ay hindi dapat magbulag-bulagan sa mga ito at pikit-matang bigyang-layaw ang pag-uugali ng mga ito. Hindi angkop para sa mga lider at manggagawa na walang gawin kahit kapag ang gayong mga indibidwal ay nagdudulot ng mga kaguluhan sa nakararami; ang gayong mga indibidwal ay dapat na alisin sa iglesia ayon sa mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos—ito ang pinakamatalinong desisyon.
Dati na bang napangasiwaan ng iglesia ang mga tao na bulagsak at walang pagpipigil? (Oo.) Nang pinangasiwaan ang gayong mga tao, may ilang umiyak, sinasabing, “Hindi ito sinadya. Paminsan-minsang pag-uugali ko lang ito; hindi naman ako ganoong klase ng tao. Pakiusap, bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon! Kung hindi ako pahihintulutang gawin ang aking tungkulin, hindi ko magagawang manampalataya sa diyos pagkauwi ko sa bahay, kung saan ang lahat ay walang pananampalataya.” Napaka-kaaya-aya nilang magsalita at tila tunay silang nababalisa, nagpapahayag ng pag-aatubiling iwan ang Diyos at humihingi sa sambahayan ng Diyos ng isa pang pagkakataon para magsisi. Posibleng pagkalooban sila ng isa pang pagkakataon, pero ang mahalaga ay kung kaya ba nilang magbago o hindi. Kung lubusang nakikita na ang taong ito ay walang kahit katiting na pagkatao, walang konsensiya o katwiran, maituturing na isang bagay na walang puso at espiritu, hindi siya dapat bigyan ng isa pang pagkakataon; magiging walang saysay ito. Gayumpaman, kung mabuti ang diwa ng isang tao, at hindi pa lang ganap na lumago ang kanyang pagkatao dahil sa mura niyang edad, at siguradong magbabago siya paglipas ng ilang taon, dapat siyang bigyan ng pagkakataon para magsisi. Talagang hindi siya dapat paalisin sa iglesia; walang mabuting tao ang kailanman ay maaaring mapahamak. May ilang tao na likas na hindi mananampalataya; likas silang bulagsak, mangmang, at hangal, at sa pagkatao nila ay likas na wala silang konsepto ng karangalan, hindi alam kung ano ang pakiramdam ng kahihiyan. Pagkatapos kumilos sa isang magaspang na paraan sa publiko, karamihan ng tao ay makadarama ng pagsisisi at pagkapahiya na humarap sa iba. Bukod pa rito, kapag gusto nilang gumawa ng gayong mga bagay, nagagawa nilang maging mapagsaalang-alang sa mga damdamin at opinyon ng mga kapatid, at maingat sa sarili nilang integridad at dignidad, at hindi sila kikilos sa gayong paraan; sa sukdulan marahil ay mag-ingay lang sila sa bahay kasama ang kanilang mga anak o mga kapatid. Kapag nasa labas at nakikisalamuha sa mga estranghero, dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng pagpapahalaga sa karangalan, pagiging disente, mga patakaran, at dignidad. Maaari bang magbago ang isang tao na walang pang-unawa sa mga konseptong ito kahit na tulungan mo siya? Kahit na napipigilan siya ngayon, gaano katagal niya kayang magtiis? Hindi magtatagal at babalik din siya sa mga dati niyang gawi. Dahil ang gayong mga tao ay walang dignidad at pakiramdam ng kahihiyan sa kanilang pagkatao, hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng mga patakaran, pagiging disente, o ang kagandahang-asal ng mga banal, at ang pagkatao nila ay likas na hindi nagtataglay ng mga katangiang ito, hindi mo sila matutulungan. Ang mga taong hindi matutulungan ay mga taong hindi kayang magbago, mga taong hindi kayang turuan o impluwensiyahan. Ang gayong mga tao ay kailangang alisin kaagad at sa lalong madaling panahon, para mapigilan silang magdulot ng mga kaguluhan sa mga kapatid, na magdala ng kahihiyan dito. Hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman para magparami lang ng bilang. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang isang tao, walang silbi ang anumang pagpaparami ng bilang sa taong iyon. Iyong mga hindi kinikilala ng Diyos ay dapat paalisin—alisin iyong mga hindi dapat manatili sa sambahayan ng Diyos, kung hindi ay makasasama ang presensiya ng isang tao na ito sa marami pang iba, na hindi patas sa nakararami. Kung nakikilatis ninyo ang diwa niyong mga bulagsak at walang pagpipigil, dapat ninyo silang pangasiwaan at paalisin sa lalong madaling panahon, sa halip na pagtiisan sila habang panahon. Sinasabi ng ilan, “Paminsan-minsan ay nakagagawa sila ng ilang resulta kapag gumagawa ng tungkulin nila. Kailangan pa rin sila para sa aspektong iyon ng gawain. Mayroon din silang napakamapagmahal na puso at kaya nilang magbayad ng kaunting halaga.” Pero sino ba sa mga natitira sa sambahayan ng Diyos ang hindi kayang magbayad ng kaunting halaga? Sino ang hindi kayang magkamit ng ilang resulta kapag ginagawa ang tungkulin nila? Kung makalilikha ng ilang resulta ang lahat, bakit hindi na lang pumili ng mabubuting tao na may dignidad at disente para gumawa ng mga tungkulin? Bakit ipagpipilitang panatilihin ang mga uri ng tao na mga salaulang tao, mga salbahe, at mga hangal sa iglesiang may tungkuling full-time para magdulot ng mga kaguluhan? Bakit ipagpipilitang panatilihin ang mga hindi mananampalataya na namumuhay na parang mga walang pananampalataya para magtrabaho sa sambahayan ng Diyos? Hindi nagkukulang sa mga trabahador ang sambahayan ng Diyos; gusto lang ng sambahayan ng Diyos ang matatapat na tao na nagmamahal sa katotohanan, matutuwid na tao, at iyong mga kayang hangarin ang katotohanan, para gugulin ang sarili nila para sa Diyos.
Karamihan sa mga kasalukuyang gumagawa ng mga tungkulin ay mga tao na nanampalataya na sa Diyos nang mahigit lima o anim na taon, at ang lahat ng uri ng tao na lubos nang nabunyag sa proseso ng paggawa ng kanilang mga tungkulin—iyong mga hindi mananampalataya, mga taong magulo ang isip, mga huwad na lider, masasamang tao, at mga anticristo ay nabunyag na lahat. Malinaw nang nakita ng marami sa hinirang na mga tao ng Diyos na karamihan sa mga taong ito ay tumatangging magbago sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala, na nakapagdulot na ang mga ito ng malulubhang panggugulo at paggambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Dumating na ang oras na dapat nang alisin ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristong ito. Ang hindi pag-aalis sa kanila ay makakaapekto sa operasyon ng gawain ng iglesia at sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Ang hindi pag-aalis sa kanila ay makakaapekto sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos; ang buhay iglesia ay patuloy na magugulo at hindi kailanman makakasumpong ng kapayapaan. Samakatwid, ang mga lider at manggagawa ng iglesia sa lahat ng antas ay dapat magsimulang sa pag-aalis mula sa iglesia ayon sa mga layunin ng Diyos at batay sa mga salita ng Diyos. Nakikita Ko na marami-raming tao ang walang pagkatao. Sa mga pagtitipon, may mga nagpapakita ng lahat ng uri ng hindi kaaya-ayang pag-uugali, at hindi gumagamit ng angkop na asal nakaupo man o nakatayo, na may nakahandang tsaa, cellphone, facial cream, at pabango sa tabi nila. Ang ilang mahilig magmukhang maganda ay palaging tinitingnan ang itsura nila sa salamin at inaayos ang makeup nila, at ang iba ay palaging umiinom ng tubig, nagba-browse sa kanilang cellphone para magbasa ng balita o manood ng mga video mula sa mundong walang pananampalataya, nagsasalita at nakikipag-usap nang nakadekuwatro, binabaluktot ang katawan nila sa hugis nang parang sa isang ahas, nang hindi man lang pinananatili ang tamang hugis. Narinig Ko rin na may ilang tao na bumabalik sa kuwarto nila sa gabi at humihiga sa kama nang hindi man lang tinatanggal ang mga sapatos nila, natutulog hanggang madaling araw. Sa umaga, nagmumulat sila ng kanilang mga mata hindi para magdasal o magsagawa ng mga espirituwal na debosyon, kundi para tingnan muna ang balita sa cellphone nila. Sa oras ng pagkain, kapag nakakakita sila ng masarap na pagkain, o kapag nakakakita sila ng karne, hayok na hayok silang kumain—hindi iniintindi kung may makakain pa ang iba, basta’t mabusog sila—at pagkatapos ay diretso na silang bumabalik sa pagtulog. Wala silang wangis ng tao sa anumang bagay na ginagawa nila, kumikilos nang bulagsak at walang pagpipigil tulad ng mga walang pananampalataya, hindi talaga sumusunod sa anumang alituntunin, wala ni katiting na pagsunod o pagpapasakop, tulad ng mga hayop. Sabihin mo sa Akin, maaari bang maligtas ang uri ng mga tao na may gayong labis na salaulang kalikasan? (Hindi.) Kung ganoon, may anumang saysay ba ang pananampalataya nila sa Diyos? Taglay ang kakayahang napakababa para talagang maabot ang katotohanan, mauunawaan ba nila ang mga salita ng Diyos kapag binasa nila ang mga ito? Nang hindi nagtataglay ng anumang alituntunin pagdating sa pag-asal nila, magiging pasok ba sa pamantayan ang pagtatrabaho nila? Nang walang konsensiya o katwiran, kaya ba nilang tumanggap kapag nakikinig sa mga sermon at nakikinig sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan? (Hindi.) Iyong mga nagpapakita ng ganitong mga pag-uugali ay pangunahing walang anumang pagkatao, kaya paano pa nila makakamit ang katotohanan? Iyong mga walang pagkatao ay mga hayop, mga diyablo, mga patay na tao na walang espiritu, na hindi kayang makaunawa sa katotohanan kapag naririnig nila ito at hindi karapat-dapat na marinig ang katotohanan. Ang pagpapaunawa at pagpapakamit sa kanila ng katotohanan ay parang pamimilit sa isda na mamuhay sa lupa o pamimilit sa mga baboy na lumipad—imposible! Noong nakaraan, kapag pinag-uusapan kung aling klase ng mga tao ang mga hayop, madalas na pinangungunahan ang salitang “hayop” ng salitang “aso,” kaya tinawag silang mga “asong hayop.” Gayumpaman, pagkatapos mag-alaga ng mga aso at makipag-ugnayan sa mga ito nang malapitan, natuklasan Ko na nagtataglay ang mga aso ng pinakamagagandang bagay na wala sa tao: Ang mga ito ay umaasal nang naaayon sa mga alituntunin, masunurin, at may pagpapahalaga sa paggalang sa sarili. Magtakda ka ng limitasyon para sa pagkilos ng mga ito, at doon lang kikilos ang mga ito, at nang walang eksepsyon, talagang hindi pupunta ang mga ito sa mga lugar na ipinagbabawal mong puntahan ng mga ito. Kung di-sinasadyang lumagpas ang mga ito sa hangganan, kaagad silang umaatras, tuloy-tuloy na kinakawag ang buntot nila, humihingi ng tawad at inaamin ang pagkakamali nila. Maisasakatuparan ba ito ng mga tao? (Hindi.) Bigo ang mga tao. Bagaman maaaring hindi nakauunawa ang mga aso nang tulad sa mga tao, naaarok ng mga ito ang isang bagay: “Ito ay teritoryo ng may-ari, ang bahay ng may-ari. Pupunta ako saanman ipinahihintulot ng may-ari at iiwasan ang mga lugar na ipinagbabawal sa aking puntahan.” Kahit hindi pinapalo, iniiwasan ng mga ito na pumunta roon; may pagpapahalaga sa paggalang sa sarili ang mga ito. Alam maging ng mga aso kung ano ang kahihiyan, kaya bakit hindi ng mga tao? Kalabisan ba ang iklasipika iyong mga hindi alam ang kahihiyan bilang mga hayop? (Hindi.) Hindi talaga ito kalabisan; karamihan ng tao ay hindi man lang nagtataglay ng mga katangian ng isang aso. Sa hinaharap, kapag sinabi nating ang ilang tao ay mga hayop, hindi na natin sila dapat tawaging “asong hayop”; insulto iyon sa mga aso, sapagkat ang mga taong ito, ang mga halimaw na ito, ay mas masahol pa maging sa mga aso. Samakatwid, kapag ang gayong mga tao ay nagdulot ng kaguluhan sa buhay iglesia o sa pagganap ng mga kapatid ng mga tungkulin, dapat silang kaagad na paalisin—ito ay makatarungan at makatwiran lang, at hindi talaga ito kalabisan. Hindi ito pagiging hindi mapagmahal; ito ay pagkilos ayon sa prinsipyo. Kahit pa nagpapakita ng ilang resulta ang mga bulagsak at walang pagpipigil na tao sa kanilang mga tungkulin, maaari ba silang maligtas? Sila ba ay mga tao na tumatanggap ng katotohanan? Ni hindi nila kayang pigilan ang kanilang mga sariling pagkilos, kaya posible ba nilang matanggap ang katotohanan? Hindi nila kayang panatilihin ang kanilang integridad at dignidad, kaya makapapasok ba sila sa katotohanang realidad? Imposible iyon. Kaya, ang pangangasiwa sa gayong mga indibidwal sa ganitong paraan ay talagang hindi kalabisan; ito ay ganap na nakabatay sa prinsipyo, at ganap na para sa pakay ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos mula sa mga panggugulo ni Satanas. Sa pagbubuod, kapag natukoy ang gayong mga indibidwal, dapat silang pangasiwaan ayon sa ilang prinsipyong kababanggit Ko lang. Kalabisan ba na ikategorya ang uri ng mga tao na tunay na bulagsak at walang pagpipigil, at tunay na nagpapakasasa sa laman nang walang anumang kagandahang-asal ng banal bilang mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya? (Hindi.) Dahil ikinategorya sila bilang mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya, ang pagbibilang sa kanila sa mga hanay ng iba’t ibang uri ng masasamang tao na dapat paalisin ng iglesia ay hindi kalabisan. Ang mga tao na ni hindi kayang pigilan ang sarili nilang pag-uugali at asal ay tiyak na hindi kayang tumanggap ng katotohanan. Hindi ba’t ang mga hindi kayang tumanggap ng katotohanan ay mga kaaway ng katotohanan? (Oo, ganoon nga.) Kalabisan ba na ikategorya iyong mga kaaway ng katotohanan bilang masasamang tao? (Hindi.) Hindi talaga ito kalabisan. Samakatwid, ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa kanila ay ganap na angkop.
D. Pagiging Mahilig sa Paghihiganti
Natapos na ang pagbabahaginan natin tungkol sa mga pagpapamalas ng ikatlong uri ng mga tao—iyong mga bulagsak at walang pagpipigil. Bukod sa ganitong uri ng mga tao, marami pang iba na nabibilang sa kategorya ng masasamang tao, at dapat na kilatisin at paalisin ng iglesia ang lahat ng ganitong uri ng masasamang tao. Susunod, tatalakayin natin ang ikaapat na uri. Sa iba’t ibang uri ng masasamang tao na dapat kilatisin at paalisin ng iglesia, isang malaking hamon at problema ang ikaapat na uri. Sino kaya ang mga ito? Sila ang mga taong mahilig sa paghihiganti. Batay sa pariralang “mahilig sa paghihiganti,” malinaw na hindi mabuti ang mga taong ito; sa pangkaraniwang pananalita, salot sila sa lipunan. Batay sa mga palagiang pagpapamalas at pagbubunyag ng pagkatao nila, pati na sa mga prinsipyo nila sa pagkilos, hindi mabuti ang puso nila. Gaya ng karaniwang kasabihan, “maitim ang budhi” nila. Sinasabi natin na hindi sila kabilang sa mabait na uri; sa mas partikular, ang mga indibidwal na ito ay hindi mabait bagkus ay malupit, mapaminsala, at marahas. Kapag may nagsabi o gumawa ng isang bagay na nakakaapekto sa interes, imahe, o katayuan nila, o nagpasama sa loob nila, sa isang banda, nagkikimkim sila ng pagkamapanlaban sa puso nila. Sa kabilang banda, batay sa pagkamapanlabang ito, kumikilos sila; kumikilos sila nang may layon at direksiyong maibulalas ang pagkamuhi nila at mailabas ang galit nila, isang pag-uugaling kilala bilang paghihiganti. Laging may ganitong ilang indibidwal sa mga tao. Ito man ay ang inilalarawan ng mga tao bilang pagiging mababaw, dominante, o sobrang sensitibo, anuman ang mga terminong ginagamit para ilarawan o ibuod ang pagkatao nila, ang karaniwang pagpapamalas ng pakikitungo nila sa iba ay kung sinuman ang di-sadya o sadyang makasakit o makapagpasama ng loob nila ay dapat magdusa at humarap sa mga kaukulang kahihinatnan. Katulad ito ng sinasabi ng ilang tao: “Pasamain mo ang loob nila, at makukuha mo ang higit pa sa inaasahan mo. Kung magalit o masaktan mo sila, huwag mong asahang basta ka na lang makakatakas.” May umiiral bang mga gayong indibidwal sa mga tao? (Oo.) Tiyak na mayroon. Anuman ang mangyari, sulit man o hindi na magalit o maging mababaw tungkol dito, iyong mga tao na mahilig sa paghihiganti ay inilalagay ito sa kanilang pang-araw-araw na adyenda, itinuturing nila ito bilang isang napakahalagang usapin. Sinuman ang makapagpasama ng loob nila, hindi ito katanggap-tanggap, at humihingi silang mabayaran ang katumbas na halaga, na siyang prinsipyo nila sa pagtrato sa mga tao, sa pagtrato sa sinumang itinuturing nilang kaaway. Halimbawa, sa buhay iglesia, may ilang tao na nakikipagbahaginan tungkol sa kalagayan nila o normal na nakikipagbahaginan o nagsasalaysay ng mga karanasan nila, tinatalakay nila ang mga kalagayan at katiwalian nila. Sa paggawa niyon, hindi nila sinasadyang madamay ang mga kalagayan at katiwalian ng iba. Maaaring hindi ito sinasadya ng nagsasalita, pero dinidibdib ito ng nakikinig. Pagkatapos makinig, hindi ito maarok o maharap nang tama ng indibidwal na ito, at malamang na magkaroon siya ng mapaghiganting mentalidad. Kung hindi niya palalagpasin ang usaping ito at igigiit niyang umatake at maghangad na maghiganti, magdudulot ito ng problema sa gawain ng iglesia, kaya dapat na agad na mapangasiwaan ang usaping ito. Hangga’t may masasamang tao sa iglesia, hindi maiiwasang lilitaw ang mga kaguluhan, kaya hindi dapat balewalain ang mga insidente ng masasamang tao na nanggugulo sa iglesia. Sinasadya man o hindi, basta’t ginalit o sinaktan mo sila, hindi nila ito palalampasin basta-basta. Iniisip nila: “Binabanggit mo ang sarili mong katiwalian, bakit mo ako binabanggit? Tinatalakay mo ang pagkilala mo sa sarili, bakit mo ako inilalantad? Dahil sa paglalantad mo sa katiwalian ko, nasisira ang imahe at dignidad ko, nagigisa ako sa harap ng mga kapatid, nawawalan ako ng katanyagan, at nasisira ang reputasyon ko. Kung gayon, maghihiganti ako laban sa iyo; makukuha mo ang higit sa inaasahan mo! Huwag mong isiping madali akong apihin, na maaari mo akong kayan-kayanin dahil lang sa mahirap ang pamilya ko at mababa ang katayuan ko sa lipunan. Huwag mong isiping puwede mo akong kayan-kayanin; hindi ako isang taong maaaring banggain!” Huwag nang isipin kung paano sila naghihiganti; isaalang-alang na lang natin ang mismong mga taong ito: Kapag nahaharap sila sa maliliit na usaping ito—mga usaping karaniwan sa buhay iglesia—bukod sa hindi nila matrato o maarok nang tama ang mga usaping ito, nagkakaroon pa sila ng pagkamuhi at naghihintay ng mga pagkakataon para makapaghiganti, gumagamit pa nga sila ng mga bulagsak na paraan para isakatuparan ang paghihiganti nila. Ano ang sinasabi nito tungkol sa pagkatao nila? (Mapaminsala ito.) Mababait na tao ba sila? (Hindi.) Ang pinakamabuting uri ng mga tao ay iyong mga kayang tumanggap sa katotohanan. Kapag naririnig nila ang iba na nakikipagbahaginan at nagbabahagi ng mga karanasan nila, pinagninilayan nila: “May ganito rin akong katiwalian. Parang kalagayan ko ang inilalarawan nila. Sinasadya man nilang ilantad ako o hindi sinasadyang tinatalakay nila ang isang bagay na nagkataong katulad ng kalagayan ko, aarukin ko ito nang tama—pakikinggan ko kung paano nila ito dinanas, kung paano nila hinahanap ang katotohanan para malutas ang kalagayang ito, at kung paano sila nagsasagawa at pumapasok.” Isa itong tao na tunay na tumatanggap sa katotohanan. Kapag narinig ito ng isang tao na medyo mas mababa ang antas, maaari niyang isipin, “Bakit parang katulad na katulad ng kalagayan ko ang tiwaling disposisyong kinikilala nila? Ako ba ang tinutukoy nila? Kung gayon, hahayaan ko lang silang magsalita. Kung tutuusin, wala namang nawala sa akin, at marahil ay hindi rin naman alam ng karamihan ng tao. Siguro ay tinutukoy lang nila ang sarili nila, at nagkataon lang na katulad ito ng kalagayan ko; pare-pareho naman kaming lahat ng kalagayan.” Hindi niya ito sineseryoso, wala siyang kinikimkim na pagkamuhi sa puso niya, at hindi siya nagtataguyod ng isang mapaghiganting mentalidad. Gayumpaman, iba ito para sa mga di-mabait at masamang tao. Titingnan ng iba ang parehong usapin bilang karaniwan, pangangasiwaan at tatratuhin nila ito nang naaayon. Siyempre, maagap at positibo itong lulutasin ng mabubuting tao na tumatanggap sa katotohanan. Ang mga ordinaryong tao, bagaman hindi positibong nilulutas ito, ay hindi nagkikimkim ng pagkamuhi, lalong hindi sila naghahangad na makapaghiganti. Pero para sa mga tao na di-mabait, maaaring magtalo ang kalooban nila dahil sa gayong karaniwan at lubos na ordinaryong usapin, kaya hindi nila magawang kumalma. Ang mga bagay na ipinapakita nila ay hindi positibo o ordinaryo, kundi malupit at buktot; naghahangad sila na makapaghiganti. Ano ang dahilan ng paghihiganti nila? Naniniwala sila na sinasadya silang siraan ng mga tao gamit ang mga mapaminsalang pahayag, inilalantad ang tunay na mga sitwasyon tungkol sa kanila, gayundin ang pangit na katangian at ang katiwalian nila. Itinuturing nila ang sinasabi ng mga tao bilang sinasadya, kaya itinuturing nila ang mga ito bilang mga kaaway. Pagkatapos, pakiramdam nila ay makatarungan ang paggamit ng paghihiganti para ayusin ang naturang usapin, gumagamit sila ng iba’t ibang paraan para makamit ang layunin nilang makapaghiganti. Hindi ba’t isa itong malupit na disposisyon? (Oo.) Sa buhay iglesia, kapag tinatalakay ng mga kapatid ang tungkol sa mga kalagayan nila, karamihan sa nakikinig ay nakauugnay rito at natatanggap ito mula sa Diyos. Tanging ang mga tutol sa katotohanan at may buktot na disposisyon ang nagpapakita ng pagkamapanlaban at maging ng mapaghiganting mentalidad pagkarinig nila rito, na lubos na nagbubunyag sa kalikasang diwa nila. Kapag nabuo na ang mapaghiganting mentalidad, susunod na ang isang serye ng mga mapaghiganting pag-uugali at kilos. Kapag nangyayari ang mga paghihiganti, ano ang nangyayari sa ugnayan ng mga tao? Hindi na wasto ang mga ito. At sino ang tunay na biktima rito? (Ang taong pinaghihigantihan nila.) Tama. Ang tunay na mga biktima ay ang mga nakikipagbahaginan tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Ang mga mahilig sa paghihiganti ay manghuhusga, mang-aatake, at magdidiin o maninira pa nga sa mga tao na sa tingin nila ay naglalantad o nagkikimkim ng pagkamapanlaban sa kanila, gumagamit sila ng mga salita o kilos sa iba’t ibang sitwasyon. Ang mga taong mahilig sa paghihiganti ay hindi lang pansamantalang nagkikimkim ng pagkamuhi sa puso nila at iyon na iyon; naghahanap at lumilikha pa nga sila ng lahat ng uri ng oportunidad para gantihan ang mga tao na puntirya ng kanilang paghihiganti, ang mga taong may mapanlaban silang saloobin, at ang mga taong sa tingin nila ay hindi paborable sa kanila. Halimbawa, sa panahon ng halalan ng mga lider, kung ang taong may mapanlaban silang saloobin ay nakatutugon sa mga prinsipyo ng paggamit ng mga tao sa loob ng sambahayan ng Diyos at kalipikadong mahalal bilang isang lider, ang pagkamapanlaban nila ay magdudulot sa kanila na husgahan, kondenahin, at batikusin ang taong iyon. Puwede pa nga silang magsagawa ng mga palihim na pagkilos o gumawa ng mga bagay na makapipinsala sa taong iyon para makapaghiganti sila. Sa pagbubuod, iba’t iba ang mga paraan nila ng paghihiganti. Halimbawa, maaaring makahanap sila ng mga bagay na puwedeng gamitin bilang bentahe laban sa isang tao at siraan ito, nag-iimbento ng mga tsismis tungkol sa taong iyon sa pamamagitan ng pagiging eksaherado at walang batayang sabi-sabi, o pagpapakalat ng alitan sa pagitan ng taong iyon at ng ibang tao. Maaari pa ngang magbigay sila ng huwad na paratang sa mga lider tungkol sa taong iyon, sinasabi na ang taong iyon ay hindi tapat, negatibo, at laban sa paggawa ng kanyang mga tungkulin. Ang lahat ng ito ay pawang mga sadyang gawa-gawang pahayag, pawang inimbento lang. Tingnan ninyo kung paano, mula sa mga hinala at maling pagkaunawa nila sa taong iyon, lumilitaw ang napakaraming pag-uugali at kilos na wala sa katwiran; lahat ng pamamaraang ito ay nagmumula sa mapaghiganti nilang kalikasan. Sa katunayan, nang ibinahagi ng taong iyon ang kanyang mga patotoong batay sa karanasan, hindi naman talaga sila ang tinutukoy ng mga iyon; wala namang anumang malisyang nakapuntirya sa kanila. Dahil lang sa tutol sila sa katotohanan at may malupit silang disposisyon na mahilig sa paghihiganti kaya hindi nila tinutulutan ang iba na ilantad sila, ni pinapayagan ang mga talakayan tungkol sa pagkilala sa sarili, pagtalakay sa mga tiwaling disposisyon, o pag-uusap tungkol sa satanikong kalikasan ng isang tao. Kapag tinalakay ang mga gayong paksa, nagagalit sila, iniisip na sila ang pinupuntirya at inilalantad, kaya bumubuo at lumilikha sila ng mapaghiganting mentalidad. Ang mga pagpapamalas ng ganitong uri ng tao na naghihiganti ay hindi limitado sa isang sitwasyon lang. Bakit Ko nasasabi ito? Dahil may malupit na kalikasan ang mga gayong indibidwal; walang makakapukaw o makakapagpagalit sa kanila. Likas na agresibo sila sa sinuman at anumang bagay, tulad ng isang alakdan o alupihan. Kaya, pinupukaw o sinasaktan man sila ng isang tao sa pamamagitan ng pagsasalita nang sadya o di-sadya, basta’t nararamdaman nilang nawalan sila ng dangal o katanyagan, gagawa sila ng paraan para maibalik ang dangal at katanyagan nila, na nagdudulot ng isang serye ng mga mapaghiganting pagkilos.
Sunod, magbabahagi Ako ng iba pang mga pagpapamalas ng mga taong mahilig sa paghihiganti. Ang iba ay pinungusan ng mga lider dahil ginawa nila nang pabasta-basta ang kanilang mga tungkulin, na nagdulot sa kanilang magkimkim ng kawalang-kasiyahan. Sabihin mo sa Akin, makatwiran ba ang pagpupungos sa kanila? (Oo.) Ganap itong makatwiran at normal. Kung ginagawa mo nang pabasta-basta ang iyong tungkulin, na nagdudulot ng pinsala sa gawain ng iglesia, at hindi ka kumikilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at may isang tao na tumindig para ilantad at pungusan ka, makatwiran ito, at dapat mo itong tanggapin. Gayumpaman, hindi lang ito tinatanggihang tanggapin ng mga taong mahilig sa paghihiganti kundi nagkikimkim din sila ng kawalang-kasiyahan. Pagkaalis ng mga lider, nagsisimula silang mambato ng masasakit na salita: “Para saan ka ba nagpapakitang-gilas? Hindi ba’t dahil lang may opisyal kang posisyon? Kung may gayon akong posisyon, magiging mas mahusay pa ako sa iyo! Pinupungusan mo ako, sino ka ba sa tingin mo? Kinamumuhian kita dahil sa pagpupungos mo sa akin. Sinusumpa kita na mabangga ng sasakyan, na mamatay sa pagkabilaok sa inumin mo, na mamatay ka sa pagkabilaok sa pagkain mo. Sinusumpa kita na mamatay nang miserable! Nangangahas kang pungusan ako? Walang sinuman sa mundo ang nangangahas na pungusan ako!” Kapag ang mga lider na iyon ay pinungusan ng mga nakatataas na lider dahil sa ilang usapin, nagagalak sila sa kasawian ng mga lider at nagiging napakasaya, humuhuni pa ng isang himig, iniisip nilang: “Paano iyan? Nagpakitang-gilas ka, at ngayon ay nakararanas ka ng pagpaparusa! Sinumang magpupungos sa akin, gagawin kong miserable ang buhay nila!” Ano ang tingin mo sa gayong mga tao? (Malisyoso sila.) Kahit na gaano kamakatwiran ang pagpupungos sa kanila, hindi nila ito matanggap. Patuloy silang nakikipagtalo at ipinagtatanggol ang sarili nila, at pagkatapos ay patuloy pa rin nilang ginagawa ang mga tungkulin nila nang pabasta-basta, nananatiling hindi nagbabago sa kabila ng mga paulit-ulit na paalala. Kung palagi kang kikilos sa isang pabasta-bastang paraan, sa sambahayan ng Diyos, mapupungusan ka lang; kung ikaw ay nasa trabaho mo sa sekular na mundo at kumikilos ka nang pabasta-basta, maaari kang mapatalsik sa trabaho at mawala ang kabuhayan mo. Kadalasan sa sambahayan ng Diyos, ang prinsipyo ay ang magbahaginan sa katotohanan at magbigay-suporta nang may pagmamahal, pinahihintulutan ang karamihan ng tao na maghangad ng katotohanan at magsagawa ng kanilang mga tungkulin nang normal. Sa katunayan, sa mga lider at manggagawa, ang minorya lang ang maaaring humarap sa matinding pagpupungos. Karamihan sa mga tao ay kumikilos batay sa pananalig, kamalayan, konsensiya, at katwiran, tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, at hindi gumagawa ng mabibigat na pagkakamali, kaya hindi sila dumaranas ng matinding pagpupungos. Gayumpaman, ang mapungusan ay isang mabuting bagay; ilang tao ang nakararanas ng pagpupungos, lalo na mula sa ang Itaas? Nagpapakita ito ng isang malaking pagkakataon para sa pagkilala sa sarili at buhay paglago. Dapat nauunawaan ng mga mananampalataya kahit papaano ang kabuluhan ng mapungusan, kinikilala ito bilang isang mabuting bagay. Kahit na ang pagpupungos mula sa mga partikular na indibidwal ay hindi ganap na alinsunod sa mga prinsipyo, nahahaluan ng mga personal na pagkiling at pagkamainitin ng ulo, dapat mo pa ring suriin ang iyong sarili para makita kung aling mga aspekto ng iyong mga pagkilos ang hindi naaayon sa mga prinsipyo at positibong tanggapin ito; ang paggawa nito ay makatutulong sa iyo. Pero, hindi matanggap ng masasamang taong ito maging ang makatwirang pagpupungos. Kahit na hindi sila kumikilos para maghiganti, napupuno ang puso nila ng matinding kawalang-kasiyahan, at nagmumura at nanunumpa sila. Kapag iyong mga nagpungos sa kanila ay humarap sa sarili nilang pagpupungos o nakaranas ng paghihirap, mas masaya pa sila kaysa sa isang bata na nagdiriwang ng Bagong Taon. Ito ang pagpapamalas ng masasamang tao. Mayroon ding ilang tao na mapagkompetensiya sa paggawa ng kanilang tungkulin; madalas silang hindi sumusunod sa mga prinsipyo at kumikilos nang pabasta-basta, na humahantong sa pagganap ng kanilang mga tungkulin na walang ibinubunga. Kapag ang mga lider ay nagbabahagi tungkol sa mga isyu nila at pinupungusan sila, iyong mga mahilig sa paghihiganti ay hindi kayang tratuhin ang usaping ito nang tama. Kahit na sa panloob ay inaamin nila ang kanilang pagiging pabasta-basta at kawalan ng prinsipyo sa paggawa ng mga tungkulin nila, patuloy pa rin silang nakabubuo ng mga kaisipan at pagkilos ng paghahangad na maghiganti bilang tugon sa pagpupungos. Kasunod nito, nagsusulat sila ng mga liham na nag-aakusa nang mali sa mga lider, sinusunggaban ang ilan sa mga pagsasagawa ng mga ito at mga pagbubunyag ng mga katiwalian ng mga ito para palakihin at iulat sa mga nakatataas sa pagtatangkang mapatanggal ang mga lider. Kung hindi nakamit ang layunin nila, naninira sila at nagdudulot ng mga kaguluhan nang palihim, matigas ang ulong nilalabanan ang mga pagsasaayos ng mga lider. Hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia, ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, o ang pagiging epektibo ng paggawa ng kanilang tungkulin; ang iniintindi lang nila ay ang pagbubulalas ng kanilang galit. Tumatanggi silang makinig sa sinuman, tinatanggihan maging ang mga paalala ng mga lider at manggagawa. Bagaman hindi sila sumasagot o lumalaban nang harapan, nang palihim, kaya nilang magbulalas ng pagkanegatibo, bitiwan ang kanilang gawain bilang pagsalungat, at sunggaban ang anumang kalamangang magagamit nila laban sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos o laban sa mga lider at manggagawa. Nagpapakalat pa nga sila ng mga kuru-kuro; sila mismo ay negatibo at nag-aatubiling gawin ang kanilang tungkulin, pero sinusubukan din nilang manghila ng marami pang tao sa pagiging negatibo at tamad at pagpapabaya sa kanilang mga tungkulin. Ano ang prinsipyo nila? “Hindi ako natatakot mamatay; kailangan kong makahanap ng ibang tao na mahihila pababa kasama ko. Pinupungusan ako ng mga lider, sinasabing hindi pasok sa pamantayan ang pagganap ko ng aking tungkulin—kung ganoon, sisiguraduhin kong mabibigo ang lahat na gawin ang tungkulin nila nang maayos. Kung wala ako sa ayos, wala sa inyo ang magiging maayos! Pinupungusan ako ng mga lider, at pinagtatawanan ninyo akong lahat; pahihirapin ko ang buhay ninyong lahat!” Kapag ginagawa nila ang tungkulin nila nang pabasta-basta o nang laban sa mga prinsipyo, at may nag-ulat nito sa mga lider, iimbestigahan nila ang usaping ito: “Sino ang nag-ulat sa akin? Sino ang nagsumbong sa akin sa mga lider? Sino ang may malapit na ugnayan sa mga lider? Kapag nalaman ko kung sino ang nag-ulat sa akin sa mga nakatataas na lider, hindi ako magpapakita ng anumang paggalang sa taong iyon! Hindi ko ito palalagpasin kailanman!” Hindi lang nila kayang magsabi ng mararahas na pahayag, kundi siyempre, kaya rin nilang isakatuparan ang gayong mga pagbabanta. Ang mga indibidwal na ito ay maraming masama at mapanlinlang na taktika para makapaghiganti, hindi lang sa pamamagitan ng pagsunggab ng kalamangan para husgahan at kondenahin ang iba; may ilan na sadyang ninanakaw ang charger ng laptop ng taong gusto nilang paghigantihan, dahilan para hindi nito magawang i-recharge ang kanyang laptop at hinahadlangan ang paggawa niya ng tungkulin. May ibang sadyang dinaragdagan ng maraming asin ang pagkain ng isang tao para hindi ito makain. Ang magagaspang na paraang ito ng paghihiganti, karaniwan sa mga walang pananampalataya, ay ginagamit din ng masasamang tao sa loob ng iglesia. Ang mga paraan nila ng pagsasakatuparan ng kanilang paghihiganti ay labis na higit pa sa mga ito, kabilang ang mga walang prinsipyong taktika na hindi pa natin nakikita noon; nagbibigay lang tayo ng ilang simpleng halimbawa. Sa mga ito, may ilang indibidwal na sadyang gumagawa ng gulo, hadlang, at mga paghihirap para sa iba; karaniwang pangyayari ito. Sa bawat grupo, sa ilalim ng iba’t ibang sitwasyon at kapaligiran, ang malupit na disposisyon niyong mga mahilig sa paghihiganti ay patuloy na nalalantad. Ang mga mapaghiganting pagpapamalas ng masasamang tao at mga anticristo ay lalo pang kitang-kita. Hangga’t may masasamang tao at mga anticristo sa loob ng iglesia, ang hinirang na mga tao ng Diyos, na tunay na nananampalataya sa Kanya at naghahangad sa katotohanan, ay magugulo. Sa bawat araw na naroroon ang masasamang tao at mga anticristo ay isang araw na walang kapayapaan sa iglesia—ang mabubuting tao ay aatakihin at ibubukod; sa partikular, iyong mga naghahangad sa katotohanan ay makararanas ng pagkamapanlaban at paghihiganti ng masasamang tao at mga anticristo. Paano pinahihirapan at ginagantihan ng masasamang tao at mga anticristo ang iba? Una, pinupuntirya nila iyong mga naghahangad sa katotohanan at sumusunod sa mga prinsipyo. Malinaw na nakikita ng masasamang tao na ito na iyong mga naghahangad lang sa katotohanan ang pinakamapanganib para sa kanila. Una sa lahat, kaya silang kilatisin ng mga taong nakauunawa sa katotohanan; basta’t may gagawin silang masama, makikilatis sila ng mga taong nakauunawa sa katotohanan. Pangalawa, dahil naroroon ang mga taong nakauunawa sa katotohanan, medyo mapipigilan ang kanilang masasamang gawa, kaya magiging mahirap para sa kanila na makamit ang kanilang mga layon. Mula sa perspektibang ito, ang mga naghahangad sa katotohanan lang ang mga tagapagtanggol ng gawain ng iglesia. Dahil naroroon iyong mga naghahangad sa katotohanan, hindi mangangahas na maghari-harian ang mga anticristo at masasamang tao at dapat magsagawa sila ng kaunting pagpipigil. Kaya, iyong mga naghahangad sa katotohanan ay tinik sa lalamunan ng mga anticristo at masasamang tao, sakit sa ulo nila, at iyon ang dahilan kung bakit gumagawa sila ng mga paraan para isakatuparan ang kanilang paghihiganti.
Kapag isinasakatuparan ng masasamang tao ang paghihiganti nila, nagpapakita sila ng isang malupit na disposisyon, nagiging hindi makatwiran at walang pagkamakatwiran. Iyong mga nakasama nila ng ilang panahon at nakauunawa sa kanila ay medyo natatakot sa kanila. Ang pakikipag-usap sa kanila ay nangangailangan ng lubos na pag-iingat at paggalang, humihingi ng labis-labis na antas ng pagrespeto. Dapat palagi nilang pakalmahin at pagbigyan ang mga ito, at anumang isyu o kamalian na mayroon ang mga ito ay hindi maaaring direktang tukuyin. Sa halip, kailangan nilang talakayin ang mga isyung ito nang paligoy-ligoy, nang may panunuyo, at pagkatapos magsalita, kailangan din nilang purihin ang mga ito, sinasabing, “Kahit na mayroon ka ng ganitong kapintasan o pagkukulang, mas mabilis kang matuto ng mga kasanayan kaysa sa amin, ang iyong mga propesyonal na kapabilidad ay mas malakas kaysa sa iba, at ang iyong kahusayan sa gawain ay mas mataas kaysa sa amin. Nakikita ko ang iyong mga kapintasan bilang mga kalakasan.” Kailangan pa nga nilang bolahin ang mga ito. Bakit nila ito ginagawa? Dahil ito sa takot sa paghihiganti ng mga ito. Sa ganitong paraan, nalulugod ang masasamang taong ito at nakararamdam sila ng hinahon sa kanilang puso. Para maiwasan ang kanilang paghihiganti, karamihan ng tao ay natatakot magbanggit ng mga isyung napapansin nila sa mga ito nang harapan, ni hindi sila nangangahas na iulat ang mga isyung ito. Kahit na malinaw na pinipinsala ng mga ito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at na ang gawain ng iglesia ay naaantala dahil sa katigasan ng ulo nila at walang-ingat na pagkamapangahas nila, o kahit kapag napapansin ang ilang pagkabaluktot sa kanilang direksiyon at mga prinsipyo, walang sinuman ang naglalakas-loob na tumutol o mag-ulat sa kanila sa mga nakatataas. Dahil sa malupit nilang disposisyon at sa pagkatao nila na mahilig sa paghihiganti, medyo natatakot sa kanila ang iba, nagagalit pero masyadong natatakot na magsalita tungkol dito. Ang pakikipag-usap sa kanila ay dapat na maging partikular na magalang at maingat, na may sobrang mabait, malumanay, at pinong saloobin sa kanila. Kapag nakikipag-usap sa kanila ang mga tao nang may respeto at paggalang, sumusuko sa kanila, nakararamdam sila ng kaginhawahan sa kalooban nila. Gayumpaman, kung may isang taong prangka, inilalantad ang mga isyu nila at nag-aalok ng mga suhestiyon, nasusuklam sila, nakikita ito bilang kawalang-respeto, bilang pagkakaroon ng iba ng pagtutol o poot sa kanila. Ito ang nagtutulak sa kanila na maghiganti laban sa taong ito at pahirapan ito; kailangan nila itong pabagsakin at sirain ang pangalan nito. Kung ang taong iyon ay mapapasakamay nila, wala itong kahahantungang mabuti. Nakakatakot ba ang gayong mga tao? (Oo.) Kung hindi mo sila nauunawaan at masaktan mo ang damdamin nila, magtatanim sila ng galit sa iyo, mag-iisip na maghiganti laban sa iyo kahit habang kumakain at natutulog sila. Kapag nasa radar ka na nila, hindi na maiiwasan ang gulo, dahil determinado silang maghiganti. Bagaman maaari ka pa rin nilang kausapin tulad nang dati sa panlabas, sa sandaling magsimula silang mag-isip na maghiganti, ang lahat ng bagay na dati mong ginawa o sinabi sa kanila ay magiging armas nila laban sa iyo. Tatratuhin ka nila bilang kaaway, isasakatuparan ang paghihiganti nila nang paunti-unti hanggang sa pakiramdam nila ay sapat na silang nakapaghiganti at ganap nang nasiyahan. Ito ang kahihinatnan ng pakikisalamuha sa masasamang tao.
Ang mga tao na mahilig sa paghihiganti, batay sa kanilang iba’t ibang pag-uugali at sa mga prinsipyo at pamamaraan ng kanilang pagkilos at pag-asal, ay banta sa halos lahat ng tao, maliban sa mga mabait at magiliw sa lahat at na walang mga prinsipyo kapag nakikitungo sa sinuman—ang gayong mga indibidwal ay ligtas kapag kasama ang malulupit na tao. Gayumpaman, iyong mga may kahit katiting na pagpapahalaga sa konsensiya o katarungan, sa iba’t ibang antas at sukat, ay makararamdam ng banta kapag nasa presensiya ng mga taong mahilig sa paghihiganti. Sa malulubhang kaso, maaari silang maharap sa pisikal na pinsala o maging sa mga banta sa buhay nila, habang sa mas magagaang senaryo, maaari silang makaranas ng mga pambabatikos, paninirang-puri, o pagdidiin. Ang mga ito ang kabilang sa mga pangkalahatang pagbubunyag at pagpapamalas ng malupit na disposisyon ng mga taong mahilig sa paghihiganti. Batay sa kanilang pangkalahatang pagpapamalas, ang gayong mga tao ay nagdudulot din ng mga kaguluhan sa mga kapatid at sa loob ng iglesia. Halos lahat ng nakikipag-ugnayan sa mga mapaghiganting tao na ito ay nagiging puntirya ng kanilang paghihiganti at halos palaging nagiging isang biktima. Iyong mga mahilig sa paghihiganti ay may malupit na disposisyon, mga bomba silang maaaring sumabog anumang sandali. Bagaman maaari silang sumunod sa nakararami para gawin ang mga tungkulin nila at mamuhay ng normal na buhay iglesia, batay sa pagkatao nila, maaari silang maghiganti at maging banta sa iba anumang oras, at magdulot sa mga tao na matakot at mag-ingat laban sa kanila. Hindi ba’t katumbas na ito ng panggugulo para sa nakararami? (Oo.) Para maiwasang mapasama ang loob nila, para mapalugod sila, at para maiwasan ang pagsama ng loob nila at paghihiganti, dapat palaging bigyang-pansin ng mga tao ang kanilang mga ekspresyon at makinig sa mga ipinahihiwatig na kahulugan ng pananalita nila, sinusubukang alamin ang kanilang mga intensiyon, layon, at direksiyon kapag nagsasalita sila. Mula sa perspektibang ito, hindi ba’t karamihan ng tao ay hindi lang nagugulo nila kundi nakokontrol din nila? (Oo.) Samakatwid, batay sa kalikasan ng usaping ito, hindi ba’t masasamang tao ang gayong mga mapaghiganting indibidwal? (Oo.) Napakalinaw na dapat silang tukuyin bilang masasamang tao. Kung susubukan ng isang taong unawain ang sitwasyon ng gayong mga indibidwal, karamihan ay matatakot na sabihin ang katotohanan tungkol sa kanila, at isasantabi ang bawat katanungang tungkol sa kanila sa pamamagitan ng mga di-tiyak na sagot tulad ng “Ayos lang,” hindi maglalakas-loob na iulat ang kanilang mga problema o magsalita tungkol sa kanila o suriin sila. Hindi ba’t magulong sitwasyon ito? Sinasabi ng ilan, “Maaaring maghiganti ang gayong masasamang tao anumang oras at saanmang lugar; sino ang mangangahas na galitin sila? Higit pa rito, palagi nilang sinasabi na may mga koneksiyon sila sa mga kriminal at sa mga lehitimong pangkat, nagbabanta na kung may sinumang sasalungat sa kanila, hindi magiging maganda ang kahihinatnan ng taong iyon, tuturuan nila ito ng leksiyon, at gagawing miserable ang kamatayan ng pamilya nito. Samakatwid, walang sinumang nangangahas na galitin sila. Hayaan natin sila, at aasa na lang tayo na magiging maayos ang lahat para sa atin.” Tingnan mo, nabubuo ang gayong sitwasyon sa iglesia, na ibig sabihin talaga na kontrolado na nila ang mga taong ito. Dahil sa nasaksihan na ng mga ito ang malupit nilang disposisyon sa paghihiganti, hindi naglalakas-loob ang mga tao na akusahan o pungusan sila, at hindi naglalakas-loob na sabihin ang mga tunay na pagsusuri ng mga ito sa kanila. Kailangan iwasan silang pag-usapan, sa takot na mapasama ang loob nila, at maging ang pagsasabi ng mga detalye tungkol sa mga tunay na pagpapamalas nila kapag nakatalikod sila ay sobrang nakakatakot. Ano ang kinatatakutan ng mga tao? Natatakot sila na makakarating ang mga salita nila sa mapaghiganting tao, na siyang maghihiganti laban sa kanila. Pagkatapos magsalita, hinahampas nila ang noo nila at sinasabing, “Ay naku, nagsalita ako nang wala sa lugar ngayon. Tingnan mo lang, mapapahamak ako rito. Bakit hindi ko kasi maitikom ang bibig ko?” Mula noon, namumuhay sila sa patuloy na pagkatakot at pagkabalisa, nagdadahan-dahan sa buhay, palaging nagmamasid kapag nasa paligid ng taong iyon, iniisip na, “Alam kaya niya ang sinabi ko? Nakarating na kaya ito sa pandinig niya? Pareho pa rin ba ang saloobin niya sa akin tulad ng dati?” Habang lalo silang nagbubulay-bulay, lalo silang hindi mapakali, at habang mas tumatagal ito, lalong tumitindi ang takot nila, kaya nagpapasya silang mas mabuti pang iwasan na lang siya, iniisip na, “Hindi ko kayang magbakasakaling galitin siya, pero kahit papaano ay maiiwasan ko siya. Alam man niya o hindi ang sinabi ko, hindi ba maaaring lumayo na lang ako sa kanya?” Nagiging napakatindi ng takot na ito na ni hindi sila naglalakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon, iniiwasan ang anumang lugar kung saan maaaring naroroon ang malupit na taong ito, kahit na doon nila dapat gawin ang tungkulin nila, nakararamdam ng labis na takot.
Paano dapat pangasiwaan ang masasamang tao na iyon na mahilig sa paghihiganti? (Paalisin sila.) Napakasimple lang nito: Dalawang salita lang—paalisin sila—at tapos na ito. Kung paaalisin sila at magdiriwang ang nakararami, nakararamdam ng malalim na kasiyahan, na tamang desisyon ang paalisin sila. Noong nakaraan, sa mga pagtitipon, ang presensiya ng masasamang tao ay nangangahulugang napipigilan ang karamihan habang nagbabahaginan; natatakot sila na ang isang maling salita ay maaaring makapagpasama ng loob ng masasamang tao, kaya’t nag-ingat sila at umiwas sa mga ito habang nagsasalita. Doon lumitaw ang isang di-nasusulat na patakaran sa mga pagtitipon: Kung may isang taong sumenyas gamit ang mga mata niya, mabilis na magbabago ang paksa. Ito ang lumitaw na kalagayan ng mga usapin. Matapos mapaalis ang mga taong mahilig sa paghihiganti, mapayapa ang iglesia, naging normal ang buhay iglesia, at bumalik din sa pagiging normal ang ugnayan sa pagitan ng mga tao. Ang mga kapatid ay malaya na ngayong makapagbabahagi at makapagdarasal-makapagbabasa ng mga salita ng Diyos, at malayang makapagbahagi ng kanilang mga patotoong batay sa karanasan, nang hindi kontrolado ng sinuman, nang hindi natatakot sa sinuman, at nang hindi kailangang magbigay-pansin sa mga ekspresyon ninuman. Batay sa resultang ito, tama ba na paalisin ang gayong masasamang tao? (Oo.) Tiyak na tama ito. Dapat silang paalisin. Kung hindi sila paaalisin, magiging napakahirap ng buhay para sa lahat, at marami ang labis na matatakot na dumalo sa mga pagtitipon. Ang ilang matatakuting indibidwal ay maaari pa ngang magdusa mula sa mga bangungot, palaging nananaginip na sinasakal sila ng masasamang demonyo. Palagi silang magiging sobrang maingat sa mga pagtitipon, hindi kailanman maglalakas-loob na magsalita, hindi magawang maramdamang sila ay pinalaya at malaya. Simula nang paalisin ang masasamang tao, ganap na silang nagbago: Naglalakas-loob na sila ngayong magsalita sa mga pagtitipon, naging mas aktibo na sila sa pagbabahaginan, at nararamdaman na nilang sila ay pinalaya at malaya. Hindi ba’t isang mabuting bagay ito? (Oo.) Madaling makilatis ang gayong mga mapaghiganting indibidwal na may malupit na disposisyon. Sa pangkalahatan, pagkatapos makipag-ugnayan sa isang tao nang higit sa anim na buwan, dapat magawang maramdaman at malinaw na makita ng lahat ng tao kung ganoong uri ba sila ng indibidwal; nagiging maliwanag ito pagkatapos gumugol ng ilang panahon kasama nila. Hindi dapat maging pasibo ang mga lider at manggagawa sa iglesia sa pangangasiwa sa gayong masasamang tao. Ano ang ibig sabihin ng huwag maging pasibo? Ibig sabihin nito na huwag maghintay hanggang sa magalit ang lahat sa panlilihis ng mga ito sa ilang tao at sa paggawa ng masasamang gawa bago pakitunguhan ang mga ito—magiging masyadong pasibo iyon. Kaya, kailan ang pinakamainam na oras para pangasiwaan ang masasamang tao? Ito ay kapag ang maliit na bilang ng mga tao ay napinsala na at nakararamdam ng matinding pagtutol at pag-iingat laban sa mga ito, at kapag ang mga ito ay ganap nang natukoy bilang masasamang tao. Sa puntong ito, dapat kaagad pangasiwaan at paalisin ang mga ito para maiwasang mapinsala ang mas marami pang tao, at para maiwasan ang mga matatakutin na matakot nang husto o matisod dahil sa kanila. Ano ang pinakamahalaga rito? Kung pahihintulutan ang masasamang tao na magdulot ng mga kaguluhan sa loob ng iglesia nang masyadong matagal, ang pinakahuling resulta ay na makokontrol nila ang iglesia at ang hinirang na mga tao ng Diyos. Kung magiging ganito na ito kalala, magdurusa ang lahat. Para maiwasan ang pinsala sa lahat, kapag may ilang tao na napinsala, o kapag may ilang nagkaroon na ng matinding pag-ayaw at nakilatis na ang gayong mga indibidwal, natutukoy ang mga ito bilang masasamang tao na mahilig sa paghihiganti, dapat agarang paalisin ang mga ito ng mga lider ng iglesia. Hindi sila dapat maghintay hanggang sa ang masasamang tao ay nakagawa na ng maraming kasamaan at nagpasiklab ng galit ng publiko bago magpasyang kumilos—magiging masyadong pasibo iyon; at hindi ba’t magiging inutil ang mga lider ng iglesia kung ganoon? (Oo.) Sa pagsasagawa ng gayong gawain, ang mga lider ng iglesia ay dapat partikular na sensitibo sa mga kalagayan, pagpapamalas, at pagbubunyag ng gayong mga indibidwal, mabilis na nakikilatis ang disposisyon ng mga ito, at pagkatapos ay natutukoy na ang mga ito ay masasamang tao na dapat paalisin, pinangangasiwaan ang mga ito sa lalong madaling panahon. Kung hindi posible na gumawa ng pagtatakda sa simula, kinakailangan ang pagtutok sa pagmamasid, maingat na binabantayan ang pananalita, pag-uugali, at asal ng mga ito, inuunawa ang mga kaisipan ng mga ito at ang mga tendensiya ng kanilang mga pagkilos. Kapag natuklasang may balak ang mga itong isakatuparan ang kanilang paghihiganti, dapat magsagawa ng agarang mga hakbang para paalisin ang mga ito, para maiwasang mapinsala at magdusa sa mga gawa ng paghihiganti ang mas maraming tao.
Sinasabi ng ilang lider ng iglesia na, “Hindi kami natatakot sa masasamang tao; bukod sa pagkatakot sa Diyos, wala kaming kinatatakutang sinuman. Ano naman ang masasamang tao sa amin? Hindi nga kami natatakot kay Satanas, ni hindi kami natatakot sa mga pagdakip at pag-uusig ng malaking pulang dragon, kaya bakit namin dapat katakutan ang masasamang tao? Ang isang masamang tao ay isang maliit na demonyo lang, bakit siya katatakutan? Pananatilihin na lang namin siya sa iglesia at hahayaan ang karamihan sa mga kapatid na magdusa ng kapinsalaan. Pagkatapos magdusa, lalago sila sa pagkilatis, at nang may pagkilatis, hindi na sila magagapos at mapipigilan ng gayong masasamang tao. Magiging napakainam niyon!” Kaya bang kamtin ng nakararami ang ganitong tayog? (Hindi.) Hindi nila kaya. Masyadong mahina ang kanilang pananalig, masyadong kakaunti ang mga katotohanang nauunawaan nila, at masyadong maliit ang kanilang tayog. Iniiwasan nila ang masasamang tao sa tuwing nakikita nila ang mga ito, hindi sila naglalakas-loob na salungatin ang mga ito. Maliban sa pagkatakot sa kamatayan at pagpapahalaga sa sarili nilang buhay, pinoprotektahan din ng karamihan ng tao ang iba’t iba nilang makalamang interes; hindi nila magawang magkamit ng pagkilatis o matutunan ang mga leksiyon mula sa iba’t ibang bagay na ginagawa ng masasamang tao. Kaya, ang ideyang ito ay pundamental na hindi praktikal at hindi magbubunga ng anumang resulta. Kung magpapakita ang isang masamang tao sa iglesia, sa panahong nakilala at natukoy na ng karamihan na ang indibidwal na iyon ay masama, gaano karaming tao ang nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan para manindigan, kumawala sa masamang tao, lumaban dito, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Anong porsiyento iyon? 10% ba? Kung hindi 10%, 5% ba? (Mga ganoon.) Ibig sabihin na sa isang grupo ng dalawampu, maaaring may isang tao na maninindigan para lumaban sa isang masamang tao, para ilantad at hamunin ito gamit ang mga salita ng Diyos, makipagdebate, at paalisin ito sa iglesia. Ang gayong mga indibidwal ay ang mga bayani sa hinirang na mga tao ng Diyos, ang mga taong may merito sa iglesia. May ilang lider at manggagawa na natatakot na pangasiwaan ang masasamang tao. Naaangkop ba ang gayong mga tao sa kanilang mga papel? Kalipikado ba silang magpatotoo sa Diyos? Kapag nakaririnig sila ng tungkol sa isang masamang tao na kailangang paalisin mula sa iglesia, sinasabi nilang, “Medyo problema na paalisin siya. Naging sobrang pamilyar ako sa kanya dati. Alam niya kung saan ako nakatira at kung sino sa aking pamilya ang nananampalataya sa Diyos. Kung patatalsikin ko siya, tiyak na maghihiganti siya sa akin.” Ano sa tingin ninyo, karapat-dapat bang maging mga lider at manggagawa ang gayong mga tao? (Hindi.) Pagkatapos matuklasan ang isang masamang tao na kailangang paalisin, ang unang naiisip nila ay ang sarili nilang mga interes, natatakot sa paghihiganti ng masamang tao. Nabibigo silang isaalang-alang kung ang masamang tao, na alam ang ilang lokasyon ng pagtitipon at impormasyon ng kontak ng mga kapatid, ay maaaring ipagkanulo ang iglesia o ang mga kapatid pagkatapos mapaalis, pati na rin kung paano ito dapat maiwasan. Ang pangunahing inaalala nila ay hindi ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kundi ang takot na ang masamang tao, na alam ang sitwasyon ng pamilya nila, ay maaaring magkanulo at negatibong makaapekto sa kanilang pamilya. Nagpapatotoo ba ang gayong mga lider at manggagawa? (Hindi.) Nakikita ng ilang lider at manggagawa ang masasamang tao na naghahari-harian at nagtatangkang kontrolin ang iglesia, pero hindi sila naglalakas-loob na magsalita. Sa halip, nakikipagkompromiso sila at umiiwas, hindi naglalakas-loob na pangasiwaan ang masasamang tao. Kapag nakakakita sila ng masasamang tao, nakararamdam sila ng sobrang takot, na para bang nakakita sila ng masamang demonyo na may tatlong ulo at anim na braso, nabibigo silang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Samantala, may ilang ordinaryong kapatid na nagtataglay ng kaunting pagpapahalaga sa katarungan, nagtataglay ng tapang at pananalig na manindigan at ilantad ang masasamang tao pagkatapos matuklasan ang mga ito, hindi natatakot na paghihigantihan sila ng masasamang tao. Gayumpaman, ang gayong mga indibidwal ay masyadong kakaunti sa iglesia. Ang 5% na nabanggit ninyo kanina ay maaaring isang pagmamalabis, hindi isang konserbatibong pagtataya. Mula sa perspektibang ito, ano ang saloobin ng nakararami sa mga indibidwal na may malupit na disposisyon na mahilig sa paghihiganti? (Karamihan sa mga tao ay mapagprotekta sa sarili.) Ang una nilang iniisip ay ang protektahan ang sarili nila, hindi isinasaalang-alang kung paano manindigan at lumaban sa masasamang tao para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng mga kapatid, nakatuon lang sila sa pagprotekta sa sarili. Anong problema ang ipinapakita nitong pagprotekta sa sarili? (Ang gayong mga tao ay labis na makasarili.) Sa isang banda, sinasalamin nito ang isang sobrang makasariling pagkatao, at sa kabilang banda, ipinapakita nito na ang pananalig ng karamihan ng tao sa Diyos ay masyadong mahina. Sinasabi nila, “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; ang Diyos ang ating suporta,” pero kapag nahaharap sa realidad, pakiramdam nila ay hindi nila masasandigan ang Diyos at dapat silang umasa sa sarili nila, inuuna ang sarili nilang pagprotekta sa sarili, na isang bagay na itinuturing nilang pinakamataas na karunungan. Ang implikasyon nito ay: “Walang makapagpoprotekta sa akin, maging ang Diyos ay hindi maaasahan. Nasaan ang Diyos? Hindi natin Siya makita! Bukod pa rito, hindi ko alam kung poprotektahan ba ako ng Diyos o hindi. Paano kung hindi Niya ako protektahan?” Lubos na kahabag-habag ang pananalig ng mga tao. Palagi nilang ipinahahayag, “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; ang Diyos ang ating suporta,” pero kapag may nangyayaring mga sitwasyon, ang hinahangad lang nila ay ang pagprotekta sa sarili, hindi magawang manindigan laban kay Satanas at panindigan ang kanilang patotoo, wala man lang maging ng ganitong lakas ng pananalig. Lubos na kahabag-habag ang pananalig ng mga tao; ito rin ay ganap na nalantad ng usaping ito. Sadyang ganoon kaliit ang kanilang tayog. Tungkol sa masasamang tao na mahilig sa paghihiganti, kung may ilang indibidwal na gusto silang ilantad pero pakiramdam nila ay nakahiwalay sila at walang kapangyarihan at natatakot na sugpuin ng masasamang tao, dapat silang makipagkaisa sa ilang lider at manggagawa o mga mapagkilatis na kapatid. Pagkatapos nilang magsanib-puwersa, magkakaroon sila ng ganap na kumpiyansa sa tagumpay. Pagkatapos, mailalantad at mahihimay nila ang mga pagkilos at pag-uugali ng gayong masasamang tao, pinahihintulutan ang karamihan ng tao na makilatis at malinaw na makita ang tunay na mukha ng masasamang tao, para magagawang magkaisa ng lahat sa puso at isipan at sama-samang paalisin ang masasamang tao. Kanina, binanggit ninyo na kapag nagpapakita ang masasamang indibidwal, may isa sa bawat dalawampu sa hinirang na mga tao ng Diyos ang maaaring magtaglay ng pagpapahalaga sa katarungan para magsalita nang makatarungan at maglakas-loob na manindigan at paalisin ang gayong masasamang tao. Ang isa sa dalawampu ay masyadong kaunti; kung ang isang iglesia ay binubuo lang ng sampung tao, paano nila aalisin ang masasamang indibidwal? Hindi nila magagawa iyon; ang sampung tao na iyon ay mapasasailalim sa kontrol ng masasamang tao, at magdurusa ng pagmamaltrato mula sa kanila, na hindi katanggap-tanggap. Magiging napakainam na maglayon para sa isa sa bawat sampu o kahit isa sa bawat limang tao na may tapang na manindigan at lumaban sa masasamang tao! Ang patuloy na paghahangad na protektahan ang sarili ay hindi lang nagreresulta sa pagkawala ng patotoo sa harap ni Satanas, kundi mas malala pa, sa pagkawala ng pagkakataong makamit ang katotohanan sa harap ng Diyos. Sa isang iglesia na may isang masamang indibidwal, kahit papaano ay may ilang taong mapipinsala; kung may dalawang masamang tao, ang karamihan ay mapipinsala; at kung isang anticristo ang hahawak ng kapangyarihan, na may ilang kasabwat at kampon sa ilalim niya, ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa iglesia ay mapipinsala. Ganito ba ang kaso? (Oo.) Ang isang taong naninindigan laban sa masasamang tao ay kumakatawan sa isang yunit ng lakas, samantalang ang sampung tao na naninindigan laban sa masasamang tao ay kumakatawan sa sampung yunit ng lakas. Kaya, sa palagay ba ninyo ay mas kinatatakutan ng masasamang tao ang isang tao o ang sampung tao pa? (Ang sampung tao.) Kaya, kung dalawampu, tatlumpu, o limampung tao ang maninindigang lahat laban sa masasamang tao, sino ang magwawagi sa huli? (Ang mga kapatid.) Sa huli, magwawagi ang mga kapatid. Hindi ba’t mas pinadadali nito ang pagpapaalis sa masasamang tao? May lakas sa bilang—ang simpleng konseptong ito ay dapat maging malinaw sa inyong lahat. Samakatwid, ang pagkilatis at pagpapaalis ng masasamang tao ay hindi lang responsabilidad ng isang partikular na lider o manggagawa kundi isang kolektibong responsabilidad ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa iglesia. Sa pagsusumikap ng mga lider at manggagawa, pati na sa kooperasyon ng hinirang na mga tao ng Diyos para paalisin ang masasamang tao, ang lahat ay magtatamasa ng magagandang araw. Kung ang masasamang tao ay hindi mapapaalis at maiiwan sa iglesia sa pag-asang magsisisi sila, pero walang pagbabagong nakikita sa kanila pagkatapos ng anim na buwan o isang taon, at patuloy silang nagdudulot ng di-matiis na panggugulo sa hinirang na mga tao ng Diyos, ito ang resulta ng pagpapakita ng awa sa masasama. Ang pagpapahintulot sa masasamang tao na maghari-harian at kontrolin ang iglesia ay katumbas ng pagbibigay ng isang tao ng kanyang sarili sa masasamang tao, pati na rin ang paghahatid sa mga kapatid sa mga kamay ng mga ito, pinahihintulutan ang mga ito na malayang kontrolin at lubhang pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos. Madali bang maunawaan at makamit ang katotohanan sa isang kapaligiran kung saan ang masasamang tao at mga anticristo ang may hawak ng kapangyarihan? (Hindi.) Mahalaga ang oras. Sa pagpapaalis sa masasamang tao sa lalong madaling panahon, maaari mong maibalik ang kapayapaan at matamasa ang tamang buhay iglesia sa lalong madaling panahon, at mas mauunawaan mo ang katotohanan. Kung hindi mo paaalisin ang masasamang tao, magdudulot sila ng kaguluhan at pagkawasak sa mga tao tulad ng mga asong ulol, nagsasabi at gumagawa ng anumang naisin nila. Pinagkakaitan ka nito ng oras para makamit ang katotohanan, ibig sabihin, ang iyong oras at ang pagganap mo ng tungkulin ay kontrolado ng masasamang tao. Isa ba itong mabuti o masamang bagay? (Isang masamang bagay.) Sa teorya, alam ng lahat na isa itong masamang bagay, pero kapag nahaharap sa masasamang tao na gumugulo sa iglesia, hindi na sila ganito mag-isip, nakatuon lang sa kung paano sila hindi mabibiktima ng pagpapakana o malubhang mapipinsala ng masasamang tao. Kung ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa isang iglesia ay natatakot nang ganito sa masasamang tao, madaling makokontrol ang iglesia ng masasamang tao at mga anticristo, at ang hinirang na mga tao ay makokontrol din nila. Ililigtas ba sila ng Diyos kung ganoon? Mahirap sabihin iyon. Kung ang isang iglesia ay walang dalawa o tatlong tao na nakauunawa sa katotohanan at na may iisang puso at isipan sa pagpapatotoo at paglilingkod sa Diyos, ito ay isang walang pag-asang iglesia, at iyon ay isang kalunos-lunos na sitwasyon.
Ang pagiging mahilig sa paghihiganti ay isang pagpapamalas ng masamang asal, at isa ito sa mga pag-uugali at pagpapamalas na dulot ng isang malupit na disposisyon. Ang gayong mga indibidwal, kapag nagpapakita sila ng ganitong partikular na pag-uugali, ay dapat na matukoy bilang masasamang tao. Siyempre, may ilang tao, dahil may makitid silang pag-iisip, walang kabatiran, o mga bagong mananampalataya na hindi pa nakaunawa sa katotohanan, na palaging nakikipagtalo tungkol sa maliliit na bagay, nagkimkim ng pagkamuhi sa mga hindi paborable sa kanila o mga nakapinsala sa kanila, o minsang gumamit ng ilang pamamaraan para maghiganti sa partikular na mga indibidwal—pero pagkarinig na iyong mga mahilig sa paghihiganti ay masasamang tao at dapat paalisin sa iglesia, binabago nila ang pag-iisip nila, lihim nilang binabago ang sarili nila sa loob, at nagpapakita ng kaunting pagtitimpi at pagpipigil sa pag-uugali nila. Sabihin ninyo sa Akin, itinuturing ba ang gayong mga tao bilang kabilang sa hanay ng masasama? (Hindi.) Ano ang ipinapakita nito? (Ang kanilang abilidad na baguhin ang sarili nila.) Ano ang ipinapakita ng abilidad nilang baguhin ang sarili nila? Ipinapakita nito na kaya nilang tanggapin ang katotohanan; ito ay isang magandang penomeno. Bakit sinasabi nating kaya nilang tanggapin ang katotohanan? Dahil, pagkarinig sa katotohanan hinggil dito at mapagtanto na ang paghihiganti ay isang pagpapamalas ng masasamang tao, nagninilay sila sa sarili nilang tiwaling kalagayan, inaamin ang tiwali nilang diwa, at pagkatapos ay nagsisisi sa Diyos, kumikilos nang naaayon sa mga salita ng Diyos, at pinipigilan ang pag-uugali nila. Ito ay isang pagpapamalas ng pagtanggap sa katotohanan. Ang masasamang tao na tinutukoy natin dito ay hindi tumatanggap ng katotohanan. Gaano kalinaw mo mang ibahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila ito tinatanggap; nananatiling matigas ang kanilang ulo, hindi nakikinig sa sinuman. Kahit magbabala ka pa sa kanila, “Ang mga pagkilos mo ay hahantong sa pagpapaalis sa iyo,” wala silang pakialam at nagpapatuloy sa mga gawi nila, hindi mababago ninuman. Kapag inilalantad mo sila, hindi nila inaamin ang mga kamalian nila. Kapag sinasabi mo sa kanila na sila ay isang tao na mahilig sa paghihiganti, masama sila, at dapat silang paalisin, hindi pa rin nila tatalikuran ang masama nilang gawain at talagang hindi sila magbabago. Anong uri ng mga tao ang mga ito? Sila iyong mga tutol sa katotohanan. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan—gaano man tinutukoy ang disposisyong diwa nila, gaano man inilalantad ang masasamang gawa nila, o gaano man sila pinangangasiwaan, nananatili silang hindi natitinag, talagang hindi nagpapakumbaba at umaamin sa mga pagkakamali nila, at tiyak na hindi nila bibitiwan ito. Ito ay kawalan ng kakayahang magbago. Ano ang diwa ng hindi pagbabago ng sarili? Ito ay ang pagtangging tanggapin ang katotohanan. Kung kaya nilang tumanggap ng kahit isang tamang pahayag o isang aspekto ng katotohanan, hindi sila magpapatuloy sa maling landas nang hindi bumabalik. Magbabago sila ng direksiyon, aaminin ang kanilang mga pagkakamali, at kahit papaano, bibitiwan nila ang mga bagay na dati nilang pinagpipilitan. Dahil masasamang tao sila, dahil masasamang indibidwal sila na may malupit na disposisyon, pagkatapos lumitaw ang pag-uugali nila ng paghihiganti mula sa gayong disposisyon, hindi lang sila tumatangging tanggapin ang inilalantad ng mga salita ng Diyos, ang mapungusan, o ang ganitong uri ng pagtukoy, kundi sa kabaligtaran ay iginigiit nila ang mga gawi nila hanggang sa huli. Wala silang plano na tanggapin ang matukoy o malantad, ni hindi nila balak na aminin ang katiwalian nila. Siyempre, sa hindi pag-amin sa kanilang katiwalian, hindi rin nila plano na talikuran ang kanilang pag-uugali at mga pagkilos ng paghihiganti, ni ang mga prinsipyo nila sa pag-asal. Ganap at lubos na masama sila. Hindi ba’t ang gayong masasamang tao ay mga diyablo? (Oo.) Sila ay mga diyablo na ganap na nagtataglay ng diwa ni Satanas. Hindi mo sila mababago. Bakit hindi sila mababago? Ang ugat na dahilan ay ang kanilang ganap na pagtanggi na tanggapin ang katotohanan. Tinatanggihan nila maging ang pinakamaliit na katotohanan, anumang tamang pahayag, positibong salita, o positibong bagay. Kahit na berbal nilang kinikilala ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan at bilang mga positibong bagay, hindi talaga tinatanggap ng puso nila ang katotohanan, ni hindi nila plano na isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos para baguhin ang kanilang mga paraan ng pag-asal at paggawa ng mga bagay. Minsan, maaaring berbal nilang aminin na ang mga pagkilos nila ay ganap na batay sa pilosopiya ni Satanas, pero hinding-hindi pa rin nila tatanggapin ang katotohanan. Ang sinumang nagbabahagi ng katotohanan sa kanila ay sinasalubong ng matinding pagkasuklam, at maging ng pagkamuhi at panghuhusga nila, at ang sinumang naglalantad at kumikilatis sa kanila ay nagiging puntirya ng pagkamuhi at paghihiganti nila, kahit sino pa ito—hindi pinalalampas maging ang sarili nilang mga magulang. Hindi ba’t hindi na sila matutubos? (Oo.) Hindi na sila matutubos. Nakapanghihinayang ba na paalisin sila? (Hindi.) Ang gayong mga indibidwal ay dapat paalisin o patalsikin. Lahat ng ito ay mga pangunahing pagpapamalas niyong mga mahilig sa paghihiganti; ang mga ito ang mga katangian nila, mga disposisyon nila, mga pamamaraan at diskarte nila sa paggawa ng mga bagay-bagay at mga proseso nila ng pag-iisip, pati na rin ang saloobin nila sa katotohanan—ito na talaga ito. Natalakay na ang epektong mayroon sila sa iglesia at sa mga kapatid, kaya hindi na kailangang pagbahaginan pa itong muli. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng ikaapat na uri ng mga tao—iyong mahilig sa paghihiganti.
E. Hindi Magawang Makontrol ang Sariling Dila
Sunod, magbabahaginan tayo tungkol sa ikalimang uri ng mga tao, iyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila. Isang seryosong problema ba ito? Kung titingnan ito mula sa literal na pananaw, tila hindi naman malaking isyu ang hindi magawang makontrol ang sariling dila. Maaaring may partikular na mga kaisipan ang ilan tungkol sa pagtukoy sa mga indibidwal na ito bilang masasamang tao: “Dahil may bibig ang mga tao, nakatakda silang magsalita anumang oras at saanmang lugar; maaari nilang talakayin ang mga usapin anumang oras at kahit saan. Hindi ba’t medyo kalabisan na ikategorya iyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila bilang masasamang tao na dapat paalisin?” Ano ang palagay ninyo tungkol dito? (Kung nagdudulot sila ng mga panggugulo at paggambala sa buhay iglesia o sa gawain ng iglesia, na humahantong sa masasamang kahihinatnan, sila rin ay paaalisin.) Ang problema sa gayong mga tao ay hindi tungkol sa hindi nila pagkontrol sa dila nila; problema ito sa kanilang pagkatao. Kung nagdudulot sila ng mga panggugulo sa mga kapatid, sa buhay iglesia, at sa gawain ng iglesia, o ang mga salita nila ay katumbas ng pagkakanulo at pagtataksil sa iglesia, at nagdudulot pa nga ng kahihiyan sa sambahayan ng Diyos at sa karangalan ng Diyos, dapat pangasiwaan ang gayong mga indibidwal. Talakayin muna natin ang mga pagpapamalas niyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila, at pagkatapos ay kung paano sila pangangasiwaan. Matatawag bang “madaldal” ang mga taong hindi kayang kontrolin ang dila nila? (Oo.) Ganoon ba? Katangian ba ito ng gayong mga tao? Ang pagiging madaldal ba ay nangangahulugan ng pagiging hangal at walang kamalayan sa kung ano ang dapat at hindi dapat sabihin, sinasabi ang anumang maisip nang hindi isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan? Ito ba ang ibig sabihin ng hindi pagkontrol sa dila ng isang tao? (Hindi.) May ilang tao na magaling sa pagsasalita at pakikipag-ugnayan; prangka sila, at medyo simple at matapat. Madalas silang magbahagi ng mga saloobin at ideya nila, ng mga pagbubunyag nila ng katiwalian, kung ano ang naranasan nila, at maging ang mga pagkakamali nila, sa iba. Gayumpaman, hindi nangangahulugan na ang mga indibidwal na ito ay hangal o hindi magawang makontrol ang dila nila. Tila nagsasalita sila tungkol sa lahat ng bagay at medyo simple at matapat; pero pagdating sa mahahalagang isyu, mga isyu na makapagdudulot ng kahihiyan sa Diyos o sa sambahayan ng Diyos, o mga isyu na maaaring kapalooban ng pagkakanulo nila sa mga kapatid o sa iglesia, sa gayon ay ginagawa silang mga Hudas, hindi sila umiimik. Ito ang tinatawag na pagkontrol sa dila nila. Samakatwid, hindi ibig sabihin na ang mga prangkang tao, mga madaldal, o iyong magagaling magsalita ay hindi kayang kontrolin ang dila nila. Ano ang ibig sabihin dito ng hindi magawang makontrol ang sariling dila? Ang hindi magawang makontrol ang sariling dila ay nangangahulugan ng pagsasalita nang walang prinsipyo, at pagsasalita nang walang ingat nang hindi isinasaalang-alang ang mga tagapakinig, ang okasyon, o ang konteksto. Bukod pa rito, kinapapalooban ito ng lubos na hindi pagkakaalam kung paano protektahan ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o ng hindi talaga pagmamalasakit kung nakikinabang ba rito ang mga kapatid o ang buhay iglesia, at basta lang nagsasabi ng kung ano-ano. Ano ang kahihinatnan ng “basta lang nagsasabi ng kung ano-ano”? Ito ay ang di-sinasadyang pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at sa mga interes ng mga kapatid. Hindi sinasadya, dahil sa walang ingat nilang pagsasalita at kawalang-kakayahan na kontrolin ang dila nila, binibigyan nila ng kalamangan ang mga walang pananampalataya laban sa sambahayan ng Diyos, hinahayaan ang mga walang pananampalataya na kutyain ang partikular na mga kapatid, at hinahayaan ang mga walang pananampalataya at mga tao na hindi nananampalataya sa Diyos na makaalam ng maraming bagay na hindi dapat nila malaman. Bilang resulta, ang mga taong ito ay malayang nagkokomento at nagbibigay ng mga walang galang na puna tungkol sa mga usapin ng sambahayan ng Diyos at sa mga panloob na usapin ng iglesia, at nagsasabi ng mga bagay na naninira at lumalapastangan sa Diyos. Maaari pa nga silang mag-imbento ng mga tsismis tungkol sa mga kapatid, sa iglesia, at sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na nagdudulot ng masasamang kahihinatnan. Ito ay katumbas ng panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos at katulad ng paggawa ng masama. May ilang indibidwal na nagbibigay ng partikular na pansin sa pag-alam at pag-iimbestiga sa kung sino ang mga lider at manggagawa sa iglesia, mga address ng pamilya nila, personal na impormasyon ng mga kapatid, gawaing pinansiyal at pagkukuwenta ng iglesia, mga tauhan sa pagkukuwenta, at mga tala ng mga taong pinaalis o pinatalsik sa iglesia. Partikular na nakatuon din sila sa pag-aaral ng tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain ng iglesia. Ang gayong pag-uugali ay lubhang kahina-hinala at maaaring magpahiwatig na sila ay mga tiktik o espiya ng malaking pulang dragon. Kung isisiwalat ang mga detalyeng ito sa mga di-nananampalatayang diyablo, pinahihintulutang malaman ng malaking pulang dragon ang tungkol sa kanila, magiging kahindik-hindik ang mga kahihinatnan. May ilan, dala ng kahangalan at kamangmangan, na maaaring magbahagi ng impormasyong ito o ng bahagi nito sa mga di-nananampalatayang kapamilya nila, na pagkatapos ay ipinapakalat o ipinapaalam sa mga ahente ng malaking pulang dragon. Maaari itong magdulot ng mga potensiyal na banta at magdala ng maraming problema sa gawain ng iglesia, na may mga di-maisip na kahihinatnan. Ang mga panloob na usaping ito ng iglesia ay madalas na di-sinasadyang naibabahagi sa mga di-nananampalatayang kapamilya ng ilang tao, na nagsisiwasalat ng lahat ng bagay nang walang pasubali. At naibabahagi pa nga ang mga ito sa kanilang mga di-nananampalatayang kamag-anak at kaibigan. Humahantong ito sa patuloy na pagsisiwalat ng mga panloob na usapin ng iglesia sa mundo sa labas sa pamamagitan ng mga salita nila. Ano ang kahihinatnan ng mga pagsisiwalat na ito? Marami sa kanilang mga di-nananampalatayang kapamilya, kamag-anak, at kaibigan ang makakaalam sa maraming panloob na usapin ng iglesia na maaaring hindi alam kahit ng mga kapatid, o sa mga address ng tirahan ng mga kapatid, sa mga tunay nilang pangalan, at mga pribadong usaping mag-asawa. Paano naisisiwalat ang mga usaping ito ng iglesia? Paano nalalaman ng mga walang pananampalataya ang mga ito? May mga “tagapag-ulat” sa loob ng iglesia! Ano ang tawag sa gayong mga tao? (Iyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila.) Mismo. Ibinabahagi nila ang lahat ng nangyayari sa pang-araw-araw na buhay iglesia o mga bagay na may kinalaman sa mga kapatid sa kanilang mga di-nananampalatayang kapamilya, tulad ng isang partikular na kapatid na nakikipagdiborsyo, isa pang kapatid na may asawang nawalan ng pera sa negosyo o may suwail na anak, o isa pang partikular na kapatid na bumibili ng bahay, at iba pa. Pinag-uusapan din nila ang tungkol sa mga kapatid na dinakip ng malaking pulang dragon at naging mga Hudas, o iyong mga nanindigan sa kanilang patotoo, at binanggit pa nga na pinungusan sila ng mga lider ng iglesia. Ang mga pag-uusap nila sa bahay ay ganap na umiikot lang sa mga paksang ito. Nagbibigay pa nga ang mga kapamilya nila ng mga payo at estratehiya para tulungan silang kumilos laban sa mga lider, mga kapatid, o sinuman sa iglesia na hindi nila nakakasundo, nagdudulot ng mga hamon, o naglantad sa kanila. Sa mga pagtitipon ng mga kapatid, ang gayong mga indibidwal ay tila partikular na masunurin at may mabuting asal, nagsasalita nang kaunti, hindi magaling makipag-usap, hindi kailanman nagsasalita ng tungkol sa kanilang mga sariling tiwaling disposisyon, hindi kailanman nakikipagbahaginan ng kanilang pagkaunawang batay sa karanasan, at bihira pa ngang magdasal. Tinatrato nila ang mga kapatid nang may pag-iingat, habang tinatrato ang mga di-nananampalatayang kapamilya nila na para bang ang mga ito ay mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Binibigkas nila ang lahat ng detalye tungkol sa iglesia sa mga kapamilya nila nang walang binabawas na detalye, ibinabahagi ang lahat sa mga ito, kasama maging ang pagpapalimbag ng iglesia ng mga aklat ng salita ng Diyos, kung sino ang may kung anong mga talento sa iglesia, at iba pa—ang lahat ng ito ay tinatalakay sa kanilang mga kapamilya at sa mga taong hindi nananampalataya sa Diyos. Anuman ang pakay nila sa paggawa nito, ang pinakahuling kahihinatnan ay na ipinagkakanulo nila ang gawain ng iglesia at ang mga kapatid. Alam nila ang sitwasyon ng bawat pangunahing miyembro ng iglesia. Siyempre, ang mga taong ito ay mga paksa rin sa mga talakayan at panghuhusga nila kapag nakatalikod ang mga ito, at maaari pa ngang maging ang mga tao na palihim nilang ipinagkakanulo. Kung may isang tao na may magandang ugnayan sa kanila, walang tigil nilang pupurihin ang taong iyon sa harap ng pamilya nila. Sa kabaligtaran, kung may isang tao na may hindi magandang ugnayan sa kanila, walang tigil silang magbibitiw ng masasakit na salita tungkol sa taong iyon sa harap ng pamilya nila, idinudulot pa nga na makisali ang pamilya nila sa pambabatikos, tinatawag ang mga kapatid na mga hangal o sinasabing hindi mabuti ang mga ito. Iniinsulto ng mga indibidwal na ito ang mga kapatid gamit ang anumang nakaiinsultong salitang ginagamit ng mga walang pananampalataya. Para silang mga walang pananampalataya; mga ganap silang hindi mananampalataya; hindi sila mabuti, at ang gayong mga indibidwal ay nararapat na kaagad paalisin.
Sa bansa ng malaking pulang dragon, ang impormasyon ng lahat ng nananampalataya sa Diyos ay dapat na panatilihing kumpidensiyal, at kahit kapag lumipat sa ibang bansa ang hinirang na mga tao ng Diyos, dapat manatiling pribado ang impormasyon nila. Ito ay dahil ang mga espiya ng malaking pulang dragon ay nakakalat sa bawat bansa sa mundo, nanghihimasok sa bawat lugar na may partikular na pakay na mangalap ng impormasyon tungkol sa mga nananampalataya sa Diyos. Sa mainland China, ang sitwasyon ng mga kapatid na sumusunod sa Diyos ay lubhang mahirap at mapanganib. Kahit na mangibang bansa sila, may partikular na antas ng panganib. Kung makakalap ng mga espiya ng malaking pulang dragon ang impormasyon nila, sa isang banda, may panganib ng ekstradisyon, at sa kabilang banda, kahit papaano, maaaring masangkot ang mga kapamilya at kamag-anak nila sa mainland China. Para sa mga kadahilanang pangkaligtasan at bilang paggalang sa mga indibidwal, ang personal na impormasyon ng mga kapatid ay dapat panatilihing kumpidensiyal ng lahat at hindi dapat ibahagi sa mga hindi nananampalataya sa Diyos. Kahit sa mga nananampalataya sa Diyos, ang personal na impormasyon ay hindi dapat na kaswal na isinisiwalat sa iba nang walang pahintulot ng indibidwal. Lubos na ipinagbabawal ang pagtrato sa anumang impormasyon tungkol sa mga kapatid, gawain ng iglesia, at mga tungkuling ginagampanan ng isang tao, mga karanasang isinasalaysay sa pagbabahaginan, o iba pang gayong mga detalye bilang mga paksa ng usapan para ikuwento sa mga walang pananampalataya sa oras ng pahinga ng isang tao. Ano ang mga kahihinatnan ng pagtalakay sa mga usaping ito sa kanila? Mayroon bang anumang positibo o konstruktibong resulta? (Wala.) Ang kahihinatnan ng gayong mga talakayan ay na ang mga di-nananampalatayang diyablong ito ay mananamantala, mangungutya, at manghuhusga, at magmumura at maninirang-puri pa nga. Mabuti ba ito? (Hindi.) Dapat ninyong suriin kung may mga indibidwal sa loob ng iglesia na may mga natatagong motibo, na tumatalakay sa gayong mga detalye tulad ng mga aktuwal na sitwasyon ng gawain ng iglesia at buhay iglesia—gayundin kung sino ang tunay na nananampalataya sa Diyos, sino ang naghahangad sa katotohanan, sino ang gumagawa ng mga tungkulin nila, sino ang hindi gumagawa ng mga tungkulin nila, sino ang madalas na negatibo, sino ang may magulong pananalig, at maging ang personal na impormasyon at mga sitwasyon tungkol sa mga kapatid—sa mga walang pananampalataya at hindi nananampalatayang kapamilya, nang pawang walang pasubali. Hanapin ang gayong mga indibidwal. May mga usapin na hindi kailangang malaman maging ng mga tao sa loob ng iglesia, pero mas alam pa ng mga di-nananampalatayang kapamilya ng gayong mga indibidwal ang mga usaping ito kaysa niyong mga nasa loob ng iglesia—at mas malinaw pa ngang nakakaalam tungkol sa mga ito. Paano ito nangyayari? Ito ang “ambag” ng isang tiktik sa loob. Tinatrato ng tiktik na ito ang kanyang mga kapamilya na parang mga lider ng iglesia, iniuulat sa bahay ang anumang makita niya sa iglesia sa kanyang mga “lider” sa pagtatangkang sumipsip at palalimin ang emosyonal na koneksiyon sa kanyang pamilya. Malinaw na ang lahat ng usaping ito sa iglesia ay ipinagkanulo ng mga tiktik na iyon na hindi kayang kontrolin ang dila nila. Hindi nila iginagalang ang mga kapatid, ni hindi nila pinoprotektahan ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia na parang lipunan o isang pampublikong lugar, kaswal na nagkokomento at nanghuhusga sa mga kapatid na para bang mga walang pananampalataya sila, sumasali pa nga sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya sa malayang panghuhusga sa mga kapatid. Bukod pa rito, may ilang indibidwal na, pagkatapos mapungusan ng mga lider o pagkatapos ng mga alitan, di-pagkakaunawaan, at di-pagkakasundo sa mga kapatid, ay umuuwi at gumagawa ng eksena, sinisiguradong alam ng pamilya nila ang lahat ng tungkol dito. Ang kahihinatnan nito ay na ang pamilya nila ay naghihiganti sa mga lider o sa mga kapatid, nilalayong ipagkanulo at pabagsakin ang iglesia. Isang mabuting penomeno ba ito? (Hindi.) Ang pagbabahagi sa mga kapamilya, kamag-anak, at kaibigan nang walang pasubali ng tungkol sa mga panloob na usapin ng iglesia, at ng mga bagay gaya ng kung ilang kapatid ang namumuhay ng buhay iglesia, at kung anong mga tungkulin ang ginagawa ng lahat—anong uri ng mga buhong sila? Mga tunay na mananampalataya ba sila? (Hindi.) Mga miyembro ba sila ng sambahayan ng Diyos? Matatawag ba silang mga kapatid? (Hindi.) Ang pagpapanatili sa gayong mga tiktik at nakatagong taksil sa loob ng iglesia ay magdadala, maging sa nakaraan, kasalukuyan, o hinaharap, ng malaking problema sa sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid. Kahit na parang wala silang gaanong nagagawang masasamang gawa sa buhay iglesia, ang mga kahihinatnan at epekto ng kanilang lihim na pagpapasa ng iba’t ibang detalye tungkol sa sambahayan ng Diyos sa mga walang pananampalataya, sa mga Satanas, at sa mga diyablo ay labis na nakapipinsala! Dapat bang pahintulutang manatili ang gayong basura sa iglesia? (Hindi.) Karapat-dapat ba silang tawaging mga miyembro ng sambahayan ng Diyos? Karapat-dapat ba silang tratuhin bilang mga kapatid? (Hindi.) Paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? (Dapat silang paalisin sa lalong madaling panahon.) Dapat silang paalisin sa lalong madaling panahon! Patalsikin sila! Ito ang dahilan kung bakit kailangan silang paalisin: “Hindi mo kayang kontrolin ang dila mo, bigo kang makilala kung ano ang mabuti para sa iyo, kinakagat ang kamay na nagpapakain sa iyo. Nananampalataya ka sa Diyos at nagtatamasa ng Kanyang biyaya, pati na ng tulong, pagmamahal, pasensiya, at malasakit mula sa mga kapatid, pero ipinagkakanulo mo pa rin ang mga kapatid at ang iglesia nang ganito. Wala kang kuwenta; lumayas ka!” Ang mga usapin ng mga kapatid, ang mga usapin ng iglesia, at ang anumang gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi dapat na isiwalat sa mga walang pananampalataya, ni hindi rin dapat gamitin bilang mga paksa ng walang kabuluhang usapan nila. Hindi sila karapat-dapat dito! Sinumang nagpapakalat ng gayong impormasyon ay nagiging isang isinumpang tao, isang taong dapat paalisin ng iglesia, at dapat silang itakwil ng mga kapatid. Batay lang sa mga pagkilos nila ng pagkakanulo sa mga kapatid at sa iglesia, pagbabahagi ng mga panloob na usapin ng iglesia sa mga walang pananampalataya para sa kaswal na usapan, walang dudang sila ay mga taksil, tiktik, at masasamang tao na nararapat paalisin mula sa iglesia. Ang mga kapatid ay malayang makipagbahaginan at makipagdebate ayon sa pangangailangan tungkol sa anumang gawain na ginagawa sa loob ng iglesia—tulad ng kung sino ang dapat paalisin o ang naganap na mga partikular na pangyayari—pero hindi ito dapat ibahagi sa mga walang pananampalataya, at hindi ito maaaring pag-usapan kasama ng mga di-nananampalatayang kapamilya. Sa partikular, ang personal at pampamilyang sitwasyon ng mga bagong kapatid na may mababang tayog ay hindi dapat na isiwalat sa mga tagalabas. Kung mahirap para sa iyo na sarilinin ito, dapat kang manalangin sa Diyos at sumandig sa Kanya para matutunan ang pagpipigil sa sarili, at humayo at magsagawa ng ilang makabuluhang gawain. Kung talagang hindi mo makontrol ang sarili mo, dapat ka munang mag-ulat sa iglesia para humingi ng solusyon, para maiwasan ang masasamang kahihinatnan, dahil ang pagpapakalat ng gayong impormasyon ay pinakaposibleng magdulot ng mga problema. Halimbawa, ang mga personal na numero ng telepono, address ng tirahan, kung ilang taon nang nananampalataya ang isang tao sa Diyos, personal na kalagayan ng pamilya at mag-asawa, at iba pa, ay mga sensitibong paksa. Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan o buhay pagpasok; tumutukoy ito sa personal na pribasiya. Ang mga ahente at tiktik lang ang partikular na nag-iimbestiga sa mga usaping ito. Kung nasisiyahan kang mag-aral at magpakalat ng gayong mga usapin, anong uri ng disposisyon ang ipinakikita nito? Medyo ubod ng sama ito! Ang hindi paghahangad sa katotohanan, kundi pagtuon sa tsismis, kumikilos bilang tiktik o espiya at nagseserbisyo sa malaking pulang dragon—hindi ba’t ubod ng sama at kasuklam-suklam iyon? Sinumang partikular na nagtatanong, nag-iimbestiga, at walang-ingat na nagpapakalat ng mga sensitibong paksa at pribadong usapin ng iba ay nagkikimkim ng mga natatagong motibo at isang hindi mananampalataya. Dapat na maging lalong maingat ang hinirang na mga tao ng Diyos sa gayong mga indibidwal. Kung hindi magsisisi ang gayong mga tao, dapat matigil ang kanilang buhay iglesia, dahil ang pagkakanulo sa mga kapatid ay ang pinakaimoral, kasuklam-suklam, at kahiya-hiyang pagkilos. Dapat iwasan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang gayong mga indibidwal. Sa buhay iglesia, dapat pigilan ang mga tao sa pagtatanong at pagtalakay sa mga usaping ito, dahil walang kinalaman ang mga ito sa pagbabahaginan ng katotohanan, at ang pagtalakay sa mga ito ay hindi talaga nagdudulot ng anumang kapakinabangan sa iba.
Ang sambahayan ng Diyos ay may iba’t ibang atas administratibo at regulasyon na dapat sundin ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga bagay tulad ng mga panloob na usapin sa iglesia, mga pag-aayos ng tauhan sa mga lider at manggagawa, ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia, at ang mga pagsasaayos mula sa ang Itaas, at iba pa, ay hindi dapat kaswal na ipinapakalat sa loob ng iglesia para maiwasan na ang mga ito ay maipagkanulo kay Satanas ng mga hindi mananampalataya at masasamang tao. Ito ay dahil iba ang sambahayan ng Diyos sa lipunan; hinihingi ng Diyos na hangarin ng mga tao ang katotohanan, higit pang magbasa ng mga salita ng Diyos, higit pang magnilay at makipagbahaginan. Tanging ang pagpapakalat ng mga salita ng Diyos at pagpapatotoo sa Diyos ang makabubuo ng tamang atmospera; tanging ang pagbabahagi ng mas maraming patotoong batay sa karanasan ang makabubuo sa gayong atmospera. Bukod pa rito, maraming bagong mananampalataya sa sambahayan ng Diyos na saglit pa lang nananampalataya sa Diyos. Hindi maiiwasan na may ilang hindi mananampalataya na hindi pa nabubunyag. Sa partikular, ang unang lima o sampung taon ng pananampalataya ay ang panahon para sa pagbubunyag ng tunay na sarili ng mga tao; sa panahong ito, hindi pa tiyak kung sino ang makapaninindigan at kung sino ang hindi, o kung ilang masamang tao na may kakayahang guluhin ang iglesia ang umiiral pa rin. Ang palaging walang ingat na pagpapakalat ng personal na impormasyon at gayong mga panlabas na usapin, pati na rin ang mga usaping hindi nauugnay sa pagbabahaginan ng katotohanan, ay maaaring magdulot ng maraming masamang kahihinatnan. Halimbawa, maaaring magtanong ang isang tao, “Saan galing ang isang partikular na lider? Saan siya nakatira?” Ang sensitibong impormasyong ito ay hindi ang kailangang malaman ng hinirang na mga tao ng Diyos. May iba pang maaaring magtanong, “Magkano ang nagagastos ng sambahayan ng Diyos sa pagpapalimbag ng isang aklat ng mga salita ng Diyos?” Kapaki-pakinabang ba na malaman ito? (Hindi.) May kinalaman ba sa iyo ang gastos sa paglilimbag? Siningil ka ba para dito? Tila wala naman itong kinalaman sa iyo, tama? Maaaring itanong ng ilan, “Sino ang mga nakatataas na lider sa sambahayan ng Diyos ngayon?” Kung hindi ka naman nila direktang pinamumunuan, nakakaapekto ba sa iyo kung hindi mo ito alam? (Hindi.) Sa mainland China, maaaring maging problema ang pagkaalam sa mga bagay na ito. Kung mahuli ka ng malaking pulang dragon at isailalim sa matinding pagpapahirap, kung hindi mo alam ang mga bagay na ito, kahit gaano ka man nila bugbugin, wala kang anumang maisisiwalat, at hindi ka hahantong sa pagiging isang Hudas. Pero kung alam mo at hindi mo makakayanang tiisin ang matinding pambubugbog nila sa iyo, maaari kang mauwi sa pagsasalita, nagiging isang Hudas. Sa sandaling iyon, maaaring maisip mo, “Bakit walang-ingat kong itinanong ang mga iyon noon? Lalong mas mabuti sana kung wala akong alam. Kahit bugbugin pa hanggang mamatay, magiging ignorante pa rin ako sa mga bagay na iyon; kahit ginusto ko pang mag-imbento ng mga sagot, hindi ako makabubuo ng anuman. Sa ganoong kaso, hindi ako magiging isang Hudas. Natutunan ko na ang aking leksiyon ngayon; pinakamabuti na ang walang masyadong alam tungkol sa mga usaping walang kinalaman sa katotohanan. Ang pagtatanong tungkol sa gayong mga bagay ay walang kapakinabangan; mas mabuti nang walang alam.” At may ilan ding maaaring magtanong, “Ilang pangkat ang naroroon sa sambahayan ng Diyos na gumagawa ng mga espesyalisadong gawain?” Anong pakialam mo roon? Gawin mo na lang ang anumang gawaing itinalaga sa iyo ng sarili mong pangkat. Ang hindi pag-alam dito ay hindi makakaapekto sa abilidad mong gawin nang normal ang iyong tungkulin, hangarin ang katotohanan sa iyong pananalig, o ipamuhay ang buhay iglesia; hindi ito nakaaapekto sa anuman. Ang hindi pag-alam dito ay hindi humahadlang sa iyo sa paghahangad ng katotohanan o pagkakamit ng kaligtasan bilang isang mananampalataya, kaya bakit pa magtatanong? “Karamihan ba sa mga kapatid ay mula sa mga lugar sa kalunsuran o mga lugar sa kanayunan? Edukado ba sila o hindi?” Kapaki-pakinabang ba na malaman ang mga bagay na ito? (Hindi.) Ano ngayon kung galing silang lahat sa mga lugar sa kanayunan? At ano naman kung galing lahat sila sa mga lungsod? Wala itong kinalaman sa katotohanan. Maaaring itanong ng ilan, “Paano lumalaganap ngayon ang gawain ng ebanghelyo?” Ayos lang ang magtanong nang kaunti tungkol dito, pero may ilang tao, dala ng pagkamausisa, ang nagtatanong nang detalyado tungkol sa kung ilan eksakto ang mga bansa na naabot ng gawain ng ebanghelyo, na hindi naman kinakailangan. Kahit na alam nila ito, ano ang magiging epekto nito sa kanila? Ano ang magiging pakinabang ng pag-alam sa gayong mga detalye? Kung wala kang katotohanang realidad, patuloy kang hindi magkakaroon nito kahit na malaman mo; hindi talaga makatutulong ang kaalamang ito sa iyo para magawa ang iyong mga tungkulin nang maayos o makapagbibigay ng tulong sa iyong buhay pagpasok. Ayos lang na hindi magtanong tungkol sa mga pangkalahatang usapin; sa katunayan, mas mabuti pang hindi malaman ang mga ito. Isang pasanin ang masyadong maraming nalalaman. Kapag nakalabas ang gayong impormasyon, nagiging isang problema at pagsalangsang ito. Hindi mabuti ang pag-alam sa mga bagay na ito: Kapag mas marami kang nalalaman, mas maraming problema ang maidudulot nito. Alam ng mga nakauunawa sa katotohanan kung ano ang dapat at hindi dapat sabihin. Ang mga tao na magulo ang isip, na walang espirituwal na pang-unawa, ay bigong makita ang kaibahan sa pagitan ng mga tagaloob at tagalabas kapag nagsasalita sila, nagsasalita lang ng kalokohan. Samakatwid, ang mga usaping ito ay hindi dapat iulat sa mga tao sa iglesia na hindi nakauunawa sa katotohanan. Ang pag-alam sa mga bagay na ito ay hindi naghahatid ng anumang mga kapakinabangan sa anumang paraan. Una, hindi makatutulong ang mga taong ito sa paglutas ng mga problema. Pangalawa, hindi nila kayang protektahan ang gawain ng iglesia. At pangatlo, hindi nila kailangang magsalita nang mabuti tungkol sa sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang lahat ng pagkilos ng Diyos ay matuwid—may anuman bang pangangailangan para sa paninipsip at pambobola mula sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya na walang espirituwal na pang-unawa? Wala. Kahit na walang ni isang nilalang sa buong mundo ang sumusunod sa Diyos o sumasamba sa Kanya, mananatiling hindi nagbabago ang katayuan at diwa ng Diyos. Ang Diyos ay Diyos, hindi magbabago magpakailanman, hindi mababago ng anumang alterasyon sa mga sitwasyon. Ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos ay hindi magbabago magpakailanman. Ang mga ito ay ang mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga nananampalataya sa Diyos. Iyong mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya ay nagsasalita at kumikilos nang hindi pinag-iiba ang mga tagaloob at mga tagalabas—kapaki-pakinabang ba sa gawain ng sambahayan ng Diyos kung masyado silang maraming nalalaman? Kinakailangan ba nilang malaman ang tungkol sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Hindi sila karapat-dapat sa kaalamang ito! Maaaring itanong ng ilan, “Lihim ba ang lahat ng usaping ito, at kaya hindi ito maaaring malaman?” Matapos manampalataya sa Diyos hanggang sa puntong ito, iniisip ba ninyo na naglalaman ng mga lihim ang mga usaping ito? (Hindi.) Pero nagtataglay ng integridad at dignidad ang hinirang na mga tao ng Diyos; hindi sila dapat gawing paksa ng talakayan o pangungutya ng mga walang pananampalataya. Ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga kapatid, bilang isang grupo man o mga indibidwal, ay pawang may dignidad; lahat sila ay positibo, at walang sinuman ang dapat magtangkang dungisan sila. Ang sinumang kumikilos sa paraang nagpapahintulot sa mga Satanas at diyablo na walang pakundangang dungisan at kaswal na siraan o pinsalain ang reputasyon ng sambahayan ng Diyos, o pinsalain ang reputasyon ng mga kapatid, ay isinumpa! Samakatwid, ganap na hindi pinahihintulutan ng iglesia ang pag-iral niyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila. Kapag natukoy, dapat silang paalisin! Ang pamamaraang ito ba ay naaayon sa mga prinsipyo? (Oo.)
May ilang tao na lalong maingat at hindi padalos-dalos kapag sila ay nagsasalita, nakikipag-usap, nakikipag-ugnayan, o nakikisalamuha sa mga kapatid, pero pagkauwi nila, nagiging madaldal sila, isinisiwalat ang lahat, maging ang mga personal na impormasyon ng mga kapatid, sa gayon ay nalalaman ng mga miyembro ng pamilya nila, mga walang pananampalataya na walang pananalig, at iyong mga nananampalataya lang sa pangalan ang maraming bagay tungkol sa mga usapin ng iglesia. Ang gayong uri ng tao ay isang tiktik, isang taksil—isang Hudas—at mismong ang uri ng indibidwal na dapat paalisin ng iglesia. Habang mas nagtatagal sila sa iglesia, mas maraming impormasyon ang malalaman nila tungkol sa mga kapatid, mas makikilahok sila sa pagkakanulo, at magkakaroon ng mas maraming usapin na susunggaban ng mga walang pananampalataya para magamit bilang kalamangan at para sa paninirang-puri. Kung hindi ka natatakot na ipagkakanulo nila ang impormasyong ito sa mga walang pananampalataya, panatilihin mo sila; kung ayaw mong kumalat ang iyong personal na impormasyon at mga panloob na usapin ng iglesia mula sa bibig nila, dapat mong paalisin ang mga tiktik na ito sa lalong madaling panahon. Angkop ba ito? (Oo.) Walang dapat ipakitang kaluwagan sa gayong mga indibidwal; wala silang kinikimkim na mabubuting intensiyon at hindi sila mabuti. Paano maikukumpara ang gayong mga tao sa dalawang uring iyon ng mga tao na naunang nabanggit, iyong mga mahilig sa paghihiganti at iyong mga bulagsak at walang pagpipigil? Mas mabuti ba sila o mas masama? (Mas masama.) Maaaring gawin din ng mga indibidwal na ito ang mga tungkulin nila, magsumikap nang kaunti, at magtiis nang kaunting paghihirap; maaaring gawin ang anumang ipag-uutos ng sambahayan ng Diyos sa kanila at hindi sila tatanggi, pero may isang problema: Isinisiwalat nila ang lahat ng tungkol sa sambahayan ng Diyos sa mga walang pananampalataya. Ginagampanan nila ang papel ng isang taksil, isang tiktik, araw-araw. Dahil lang dito, hindi sila maaaring hayaan ng iglesia at dapat silang paalisin. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Masaya man sila o hindi sa iglesia, sinuman ang gumagalit sa kanila, sinuman ang nakakasundo nila, inihalal man sila bilang mga lider ng iglesia o tinanggal—anuman ang mangyari, palagi nilang dapat ibahagi ang bawat detalye sa mga di-nananampalatayang kapamilya nila. Tinitiyak nila na naipaaalam ito kaagad sa mga di-nananampalatayang kapamilya nila at sa mga walang pananampalataya at na kaagad na naaarok ng mga ito ang panloob na sitwasyon ng iglesia. Para sa gayong mga indibidwal, hinding-hindi ka dapat magpakita sa kanila ng anumang kaluwagan o anumang awa; kapag natuklasan ang isa, paalisin siya. Kumusta ang ganitong pamamaraan? (Naaangkop.) Malupit ba ang paggawa nito sa ganitong paraan? (Hindi.) Hindi ito pagiging malupit. Tinatrato mo sila bilang mga kapatid, pero hindi talaga nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ang mga interes ng mga kapatid. Sa halip, ipinagkakanulo nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng mga kapatid sa bawat pagkakataon. Itinuturing mo sila bilang pamilya, pero itinuturing ka ba nilang kapamilya? (Hindi.) Kaya huwag kang magpakita sa kanila ng kaluwagan; kung kailangan silang paalisin, paalisin sila. Hanggang sa puntong ito, may nakatagpo na ba kayong gayong mga indibidwal? (Oo. Ibinahagi nila ang lahat ng tungkol sa mga kapatid sa kanilang mga kapamilya, at minsan ay ipinapaalam din nila sa mga kapamilya nila ang tungkol sa mga partikular na usapin at mga partikular na pagsasaayos sa loob ng iglesia sa unang pagkakataon. Pagkatapos ay nag-iipon ng bala ang mga kapamilya nila para pagtsismisan ang iglesia sa likod nito.) Napaalis na ba ang mga indibidwal na ito? (Oo.) Matapos silang mapaalis, nagreklamo ba sila? Maaaring maramdaman nilang hindi ito patas, iniisip na, “Wala akong ginawang anuman; hindi ito maituturing na paglabag sa mga atas administratibo, ni hindi ako nagdulot ng mga panggugulo o paggambala, kaya bakit ako pinaalis?” Sa palagay ba ninyo ay mas malala ang kalikasan ng mga pagkilos nila kaysa sa pagdudulot ng mga panggugulo at paggambala? (Oo.) Matutubos ba ang gayong mga tao? Madali ba para sa kanila ang magbago? (Hindi.) Bakit mo nasabing hindi ito magiging madali? Anong aspekto ang nagpapakita na mahirap para sa kanila ang magbago? (Hindi sila bahagi ng sambahayan ng Diyos, hindi sila mga kapatid; ang diwa nila ay sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya.) Ito ang diwa nila. Kaya, paano mo masasabi na sila ay mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya? (Anumang emosyon ang mayroon sila sa iglesia, ibinubulalas nila ito sa kanilang pamilya, nagpapakita na anuman ang mangyari, hindi nila ito tinatanggap mula sa Diyos, at lalong hindi sila natututo ng anumang aral. Ang gayong mga tao ay hindi nakararanas ng gawain ng Diyos at hindi tumatanggap sa katotohanan, kaya ang diwa nila ay sa mga hindi mananampalataya.) Itong diwa nila ay ginawa nang malinaw. Ibinubulalas nila ang mga emosyon nila sa kanilang pamilya at tinatrato ang lahat ng bagay batay sa mga emosyon nila. Paano mo masasabi na hindi sila bahagi ng sambahayan ng Diyos, kundi mga walang pananampalataya na pinasok ang sambahayan ng Diyos? (Dahil kaya nilang ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kumikilos bilang mga taksil at tiktik, at dahil pundamental na hindi sila mga tao na nagpoprotekta sa gawain at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kaya, ang mga indibidwal na ito ay hindi kaisa sa puso ng sambahayan ng Diyos.) Hindi akma ang paliwanag na ito. Hayaan mo Akong magpaliwanag. Bagaman lumalahok ang mga indibidwal na ito sa buhay iglesia at ginagawa ang tungkulin nila, kailanman ba ay itinuring nilang pamilya ang mga kapatid? Sa simpleng salita, itinuring ba nila ang mga kapatid na ito bilang sarili nila? (Hindi.) Kung ganoon, ano ang turing nila sa mga kapatid? (Mga tagalabas.) Tama, bilang mga tagalabas, bilang mga kalaban. Kung ganoon, ano ang turing nila sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia? Hindi ba’t lugar ng trabaho lang ito para sa kanila? (Oo.) Itinuturing nila ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia na parang mga kompanya o organisasyon ng mundong walang pananampalataya, tinitingnan ang mga kapatid bilang mga tagalabas, bilang iyong mga taong dapat bantayan, bilang mga kalaban. Kaya, madali para sa kanila na isiwalat ang iba’t ibang uri ng impormasyon at iba’t ibang aktuwal na sitwasyon ng mga kapatid sa mga taong pundamental na hindi nananampalataya sa Diyos. Alam nilang walang sasabihing mabuti ang mga di-nananampalatayang ito, at maaari pa nga nilang siraan ang mga kapatid, at siraan ang sambahayan ng Diyos—alam nila ang lahat ng ito, subalit walang-ingat pa rin nilang isinisiwalat ang mga sitwasyon ng mga kapatid at ng iglesia sa mga di-nananampalatayang ito nang walang kahit katiting na pag-aalinlangan. Malinaw na tinitingnan nila ang mga kapatid bilang mga tagalabas, bilang mga kalaban, at tuwing may lumilitaw na anumang di-kasiya-siya, agad silang nakikipagsanib-puwersa sa mga walang pananampalataya para kutyain, siraan, at kumilos laban sa mga kapatid sa likod ng mga ito, sa gayon ay natutugunan ang mga sarili nilang pagnanais. Pakiramdam nila na hindi maaaring husgahan ang sinumang kapatid sa loob ng iglesia dahil kung tatalakayin nila ang mga usapin ng iglesia o ng mga kapatid sa harap mismo ng mga ito, pakiramdam nila ay kakailanganin nilang pasanin ang mga kahihinatnan, na hindi magiging paborable para sa kanila. Pero ang pagtalakay ng mga usaping ito sa pamilya nila ay ganap na nakatutugon sa sarili nilang pagkamainitin ng ulo, mga pagnanais, at mga emosyon, nang hindi kinakailangang pasanin ang anumang kahihinatnan, dahil ang pamilya, kung tutuusin, ay pamilya, na hindi sila ipagkakanulo. Gayumpaman, hindi ito katulad sa mga kapatid, na maaaring mag-ulat sa kanila, maglantad sa kanila, at magpungos sa kanila, at maging dahilan pa nga para mawalan sila ng mga tungkulin at posisyon sa anumang oras o lugar. Kaya, hindi talaga mali na sabihing itinuturing nila ang mga kapatid bilang mga kalaban nila. Ang isang kalaban ay isang taong dapat bantayan. Kaya, hindi sila nakikipag-usap sa mga kapatid, hindi nakikipagbahaginan sa mga ito o naglalantad ng anuman sa mga ito. Sa halip, sila ay “namumuhay ng buhay iglesia” kasama ng kanilang mga di-nananampalatayang kapamilya sa bahay, kung saan ibinabahagi nila ang lahat at ibinubuhos ang nasa puso nila. Walang pasubali nilang ipinahahayag ang kanilang mga iniisip, opinyon, pagkabigo, pagkadismaya, at lahat ng baluktot nilang pananaw nang walang anumang konsiderasyong moral, at nakararamdam sila ng ginhawa at kasiyahan sa paggawa nito. Hindi sila hinahamak ng mga kapamilya nila kundi sa halip ay tinutulungan sila at nakikipagtulungan sa kanila. Kung ganito sila magsasalita sa iglesia, ganap na malalantad ang tunay nilang kalikasan bilang mga hindi mananampalataya, at kakailanganin silang paalisin ng iglesia. Kaya, hindi nila tinitingnan ang mga kapatid bilang pamilya kundi bilang mga kalaban. Ito ay isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay na hindi nila kailanman itinuturing ang sarili nila bilang bahagi ng iglesia, kaya anumang mangyari sa iglesia, paninirang-puri at panlalapastangan man ito mula sa relihiyosong mundo, mga walang batayang tsismis at pangungutya mula sa mga walang pananampalataya, o pagdidiin at pag-uusig ng pambansang pamahalaan, personal na wala itong kinalaman at kabuluhan sa kanila. Ipagpalagay na ganito talaga ang nararamdaman nila: “Kung masira ang imahe ng iglesia, at malapastangan ang karangalan ng Diyos, ang dignidad natin bilang mga mananampalataya ay seryosong hinahamon. Dahil dito, hinding-hindi ko tatalakayin ang mga usapin ng iglesia o ang mga usapin ng sambahayan ng Diyos sa mga walang pananampalataya, hinahayaan ang mga itong pagtsismisan at pagtawanan ang tungkol dito. Kahit para protektahan ang sarili ko, hindi ako kaswal na magsasalita ng tungkol sa mga usapin ng sambahayan ng Diyos kasama ng aking mga di-nananampalatayang kapamilya”—kung mayroon silang gayong kamalayan, hindi ba’t magagawa nilang kontrolin ang dila nila? Kaya bakit hindi nila ito magawa? Malinaw na pundamental nilang hindi itinuturing ang sarili nila bilang bahagi ng sambahayan ng Diyos, ni hindi nila itinuturing ang sarili nila bilang mga mananampalataya. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi tama ang iyong mga salita. Kung hindi nila itinuturing ang sarili nila bilang bahagi ng sambahayan ng Diyos, bakit dumadalo pa rin sila sa mga pagtitipon?” Sa mga nananampalataya sa Diyos, may lahat ng uri ng mga tao. Hindi ba’t napagbahaginan na natin ito noon? Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos nang may iba’t ibang di-tamang motibo at pakay, at ito ay isa sa gayong uri. Ang pananampalataya sa Diyos para sa katuwaan, para malibang, o para makahanap ng espirituwal na panustos—hindi ba’t karaniwan ang gayong mga hindi mananampalataya? Hindi ba’t maraming matatagpuan na gayong mga tao? (Oo.) Hindi man lang nila kinikilala ang sarili nila bilang mga mananampalataya sa Diyos. Siyempre, wala silang pakialam sa lahat ng gawain ng iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos na gumagawa ng mga tungkulin nila, hindi nila pinapansin ang mga ito. Kaya, kaswal at magaan nilang natatalakay ang sitwasyon ng gawain ng iglesia, ang mga panloob na usapin ng iglesia, at maging ang anumang isyu na nangyayari sa mga kapatid, sa mga walang pananampalataya. Pagkatapos nilang magsalita, nagsisimulang magtsismis, manira, at mangutya ang mga walang pananampalataya, pero hindi sila nababahala rito kahit kaunti. Baka nga makisali pa sila sa mga walang pananampalataya sa pagsasalita ng masama laban sa mga kapatid, sa panghuhusga sa sambahayan ng Diyos, at sa pagkokomento sa gawain at mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Mga mananampalataya ba sila ng Diyos? (Hindi.) Hindi kailanman kikilos nang ganito ang isang tunay na mananampalataya. Kahit pa para ito sa kapakanan ng pagprotekta sa sarili niyang dignidad at mga interes, hindi niya kailanman kakagatin ang kamay na nagpapakain sa kanya at papanig sa mga nasa labas ng iglesia. Hindi ba’t ganito ito? (Oo.) Samakatwid, ang gayong mga indibidwal ay masasamang tao at mga hindi mananampalataya, na dapat paalisin. Kapag mas maagang mapapaalis ang mga ito, mas mabilis na magkakaroon ng kapayapaan ang iglesia.
Pag-usapan natin ang tungkol sa inyong sarili. Halimbawa, kung hindi nananampalataya sa Diyos ang mga magulang mo, o kung hindi nananampalataya sa Diyos ang mga kapatid mo o matatalik na kaibigan, pero hindi nila sinasalungat ang pananampalataya mo at medyo sinusuportahan pa nga ito, sasabihin mo ba sa kanila ang lahat ng nangyayari sa iglesia? Ipagpalagay na nagtanong ang isa sa mga kaibigan mong babae, “May mga lalaki ba sa inyong iglesia na naghahanap ng makakapareha? Mayroon bang sinuman na partikular na taong totoo, at matangkad, mayaman, at guwapo?” May ilang disenteng tao sa mga walang pananampalataya na gusto ring makahanap ng isang disenteng makakapareha para makasama nila sa buhay. Gusto ng kaibigan mong babae na makahanap ng isang taong nananampalataya sa Diyos, kaya handa ka bang sabihin ito sa kanya? (Hindi.) Dapat mong sabihin sa kanya, “Walang silbi ang pagkagiliw mo sa mga mananampalataya. Isa kang walang pananampalataya at pundamental na hindi kaayon ng mga mananampalataya. Wala kayong iisang lengguwahe; magkaibang landas ang tinatahak ninyo! Tingnan mo ang sarili mo, nakadamit nang napakatingkad—sinong kapatid sa aming iglesia ang magkakagusto sa iyo?” Hindi mataas ang tingin mo sa kanya, kaya makakausap mo ba siya tungkol sa mga usapin ng iglesia? (Hindi.) Ilang salita pa lang at masisira ang usapan, na may ganap na magkakaibang pananaw. Kahit pa may mabuting impresyon sa mga mananampalataya ang ilang walang pananampalataya, at kahit pa napanatili nila ang pagkakaibigan nila sa iyo matapos kang maging isang mananampalataya, magiging handa ka bang ibahagi sa kanila ang mga panloob na usapin ng iglesia o ang mga paghihirap na nararanasan mo sa paggawa ng iyong mga tungkulin? (Hindi.) Kahit sinusuportahan pa nila ang pananampalataya mo sa Diyos, ano ang silbi na talakayin sa kanila ang mga usapin ng iglesia? Halimbawa, may ilang kapatid na napagtiisan ang pagpapahirap at interogasyon ng malaking pulang dragon nang hindi nagiging mga Hudas. Isa itong patotoo na hinahangaan maging ng mga walang pananampalataya—magiging handa ka bang ibahagi ito sa kanila? (Hindi.) Bakit hindi ka magiging handang talakayin ito? (Walang kaugnayan sa kanila ang gayong mga usapin, at hindi nila maunawaan ang mga patotoong batay sa karanasan na ito.) Hindi sila makauunawa. Anong mga negatibong epekto ang maaaring idulot ng pagtalakay sa mga usaping ito? (Sa halip ay maaaring mauwi sila sa panghuhusga sa iglesia.) Manghuhusga sila: “Bakit pinahihirapan ninyo ang sarili ninyo nang ganito? Bakit sumasalungat kayo sa pambansang pamahalaan?” Tingnan mo, ang isang komento ay makapaglalantad sa kalikasan nila. Paano masasabing pagsalungat ito sa pambansang pamahalaan? Malinaw na ang diyablong hari na namumuno sa bansa ay labis na pumipinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos, iniiwan silang walang paraan para mabuhay. Kahit kapag nasasaksihan nila ito, nagkukunwari silang hindi nila ito alam. Malinaw na nagsasalita sila sa paraang binabaligtad ang katotohanan at binabaluktot ang mga katunayan. Ano pa ba ang maaari mong talakayin sa kanila? Hindi mo sila maaaring kausapin ng tungkol sa anumang nauugnay sa pananalig sa Diyos; hindi mo maaaring ipaalam sa kanila ang anumang tungkol dito. Kayang sabihin niyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila ang lahat ng bagay tungkol sa iglesia sa mga walang pananampalataya. Halatang sila ay mga hindi mananampalataya; mga diyablo sila na nagpupunta sa sambahayan ng Diyos para magpabasta-basta lang, mga hayop na nangangagat sa kamay na nagpapakain sa kanila nang walang katiting na konsensiya o katwiran. Para sa kanila, ang anumang pinsala sa mga interes o reputasyon ng sambahayan ng Diyos o ng iglesia ay hindi talaga nakaaapekto sa kanila, hindi nakaaapekto sa anumang interes nila, at wala silang nararamdamang kahit katiting na kalungkutan; kaya, walang-ingat silang nakapagsasalita ng tungkol sa mga panloob na usapin ng iglesia sa mga walang pananampalataya at sa mga taong hindi nananampalataya sa Diyos, nang walang anumang pag-aalinlangan. Kamuhi-muhi ba ang gayong mga tao? (Oo!) Kaya ba ng isang hindi mananampalataya, na hindi itinuturing ang mga kapatid bilang pamilya pero itinuturing ang mga walang pananampalataya bilang pamilya nila, na tanggapin ang katotohanan? (Hindi.) Kaya ba nilang kilalanin na ang Diyos ang katotohanan? (Hindi.) Kaya ba ng isang tao na hindi itinuturing ang sarili niya bilang miyembro ng iglesia, kapag naririnig ang mga salita ng pagliligtas ng Diyos sa tao, na isantabi ang sarili niyang mga interes para hangarin ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Ang mga pang-araw-araw na aktibidad niya ay binubuo lang ng pagkakanulo sa mga interes ng iglesia, pagkampi sa mga tagalabas, at pagsisilbing tiktik, Hudas, at taksil, na para bang misyon niya ito. Hindi siya tumatahak sa tamang landas kundi nabubuhay para gumawa ng kasamaan; nararapat siyang mamatay at sumpain! Ang mga Hudas, taksil, at alipin ni Satanas na ito na nangangagat sa kamay na nagpapakain sa kanila ay mga negatibong kaawa-awa, nakapipinsala sila sa sangkatauhan, at kinamumuhian sila ng lahat. Kaya, hindi ba’t lubos na nararapat para sa iglesia na pangasiwaan sila at paalisin sila? (Oo.) Lubos itong nararapat! Hindi ba’t aayawan ninyo ang maipagkanulo? Kung ipinagkanulo ang iglesia o ang sambahayan ng Diyos, maaaring hindi masyadong makisimpatiya o mabagabag ang karamihan; magiging medyo balisa lang sila sa loob dahil, kung tutuusin, miyembro sila nito. Pero paano kung ipinagkanulo ka ng isang tao sa iglesia sa mga walang pananampalataya, at dahil sa pagkakanulo nila sa iyo, binaluktot ng mga walang pananampalataya ang mga katunayan, siniraan, kinutya, hinusgahan, at kinondena ka? Ano ang mararamdaman mo kung ganoon? Hindi ba’t mararanasan mo kung ganoon ang pagkapahiya at kahihiyan na dinanas ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Mula sa pananaw na ito, angkop ba na paalisin ang gayong mga indibidwal? (Oo.) Dapat silang paalisin; hindi sila kailangang pakitaan ng kaluwagan. Tungkol sa mga taong hindi kayang kontrolin ang dila nila, batay sa iba’t ibang pagpapamalas kung paano sila umaasal at kung ano ang isinasabuhay nila, sila ay mga hindi mananampalataya sa loob ng iglesia, isang uri ng masamang tao na dapat paalisin. Palihim o hayagan man ang pagkilos nila, kapag natuklasan na hindi kaya ng isang tao na kontrolin ang dila niya at ang pagkataong diwa niya ay sa isang ganap na hindi mananampalataya, dapat siyang kaagad na iulat sa mga lider at manggagawa, at ipaalam sa mga kapatid. Dapat magawa ang maagap at tumpak na pagkilatis sa gayong mga indibidwal, at dapat silang paalisin mula sa iglesia sa lalong madaling panahon. Huwag silang hayaang magkaroon ng anumang pakikilahok sa iglesia, sa gawain nito, o sa mga kapatid; ang ganap na pagpapaalis sa kanila ang tamang aksiyon. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa pagpapamalas na ito ng pagkatao—ang hindi magawang makontrol ang sariling dila.
Masasabi bang mas malulubhang kaso ang tatlong uri ng tao na napagbahaginan ngayon kaysa sa dalawang uri na nauna nang napagbahaginan? (Oo.) Mas malala ang mga kalagayan nila, mas ubod ng sama at mas kasuklam-suklam ang pagkatao nila, at mas malaki ang pinsala at epekto nila sa mga interes ng iglesia at lahat ng kapatid. Samakatwid, huwag maliitin ang tatlong uri ng taong ito; dapat silang bantayan nang mabuti at huwag bigyang-layaw. Kung matukoy ang sinuman bilang isa sa tatlong uri na ito, dapat silang ilantad at kilatisin kaagad, at pagkatapos ay tanggalin sa lalong madaling panahon. Kung gumagawa sila ng mahalagang tungkulin, maghanap kaagad ng isang taong aako sa tungkulin nila, at pagkatapos ay tanggalin sila sa tungkuling iyon at paalisin sila. Naunawaan ba? (Naunawaan.) Ang iba’t ibang kalagayan ng mga kapatid sa iglesia, ang iba’t iba nilang pagpapamalas sa iba’t ibang panahon, ang gawain ng iglesia, at maging ang ilan sa mga panloob na usapin nito ay pinahihintulutan lang na mapag-usapan at mapagbahaginan sa mga kapatid. Ito ay para bigyang-kakayahan ang hinirang na mga tao ng Diyos na magkaroon ng mas malinaw na mga pang-unawa at kabatiran sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, sa gayon ay nakakamit nila ang abilidad na kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gayumpaman, dapat maging malinaw ang isang prinsipyo: Maging ito man ay mga katotohanan o mga prinsipyo kaugnay sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, o ito man ay ang mga regulasyon para sa mga pangkalahatang usapin, ganap na hindi ito pinahihintulutang sabihin sa mga walang pananampalataya, na magreresulta sa pagkokomento at paninisi ng mga walang pananampalataya. Ganap itong ipinagbabawal. Maaaring sabihin ng ilan, “Kung ganap itong ipinagbabawal, ibig sabihin ba niyan na ito ay isang atas administratibo?” Maaaring sabihin ito nang ganito; sinumang magsiwalat ng impormasyon ay magpapasan ng mga kaukulang kahihinatnan. Bakit kakailanganin nilang pasanin ang mga kahihinatnan? Dahil iyong mga nagsisiwalat ng mga panloob na usapin ng iglesia ay hindi nagpoprotekta sa iglesia o sa mga kapatid, at madali nilang maipagkakanulo ang iglesia at ang mga kapatid. Dahil kumikilos sila bilang mga taksil at mga Hudas, hindi na sila dapat pakitaan ng kaluwagan o ituring bilang mga kapatid o pamilya. Dapat silang tanggalin bilang mga taksil at mga Hudas at dapat direktang paalisin sa iglesia. Sinasabi ng ilang tao, “Dati ay may masama akong ugali ng pagiging madaldal, mahilig akong magsalita nang walang-ingat. Ngayon na nakita ko na ang kahihinatnan ng gayong mga pagkilos, hindi na ako nangangahas na magsalita nang walang-ingat.” Mabuti. Dahil sinabi mo ito, oobserbahan ang iyong pag-uugali. Kung tunay kang nagbago at nagbalik-loob, hindi na walang-ingat na nagpapasa ng impormasyon o nagkakanulo sa mga interes ng mga kapatid, at kayang kontrolin ang dila mo, bibigyan ka ng isa pang pagkakataon ng sambahayan ng Diyos. Kung muling matutuklasan na ginawa mo ito, na ikaw ang nagkalat ng ilang impormasyon, hindi ka pakikitaan ng anumang kaluwagan—magkakaisa ang mga kapatid sa iglesia para paalisin ka. Kapag nangyari iyon, huwag kang umiyak o magreklamo na hindi ka binalaan nang maaga. Ngayong naipaliwanag na ang mga bagay-bagay nang malinaw, kung mangyari ulit ito, ang sambahayan ng Diyos ay ganap na hindi magiging maluwag. Naunawaan ba? (Naunawaan.) Kung makita ninyo ang sinuman na hindi nakaunawa, ipaliwanag ninyo ito sa kanila; bigyan sila ng mga paalala gamit ang mga napagbahaginan natin ngayon. Kung mapansin ninyo ang sinuman na nagpapakita ng mga palatandaan ng ganitong pag-uugali o sinumang kumilos nang ganito dati, makipag-usap kayo sa kanila, bigyan sila ng babala, at ipaalam sa kanila ang kalikasan at mga kahihinatnan ng gayong mga pagkilos, pati na ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa mga usapin at taong ito. Pagkatapos mabigyang-linaw ang mga bagay-bagay, obserbahan sila para makita kung kaya nilang magsisi at kung ano ang gagawin nila sa hinaharap. Kung magbabago sila at hindi na muling kikilos sa gayong paraan, maaari silang tanggapin muli at tratuhin bilang mga kapatid. Pero kung mananatili silang matigas ang ulo na hindi nagsisisi at patuloy na palihim na kumikilos nang ganito, paalisin ninyo sila kapag nakakita kayo ng gayong tao. Kung makakita kayo ng dalawa, paalisin silang dalawa; kung makakita kayo ng isang grupo, paalisin ang buong grupo. Huwag kayong magpakita ng anumang kaluwagan. Tinatanong ng ilang tao, “Maaari ko bang kausapin ang mga kapamilya ko na dating nanampalataya pero napaalis kinalaunan?” Tila nahihirapan iyong mga mahilig dumaldal at magtsismis na kontrolin ang sarili nila, palaging matigas ang ulo na nagtatanong kung pinahihintulutan iyon. Ano sa palagay ninyo, pinahihintulutan ba ito? (Hindi.) Hindi pinahihintulutan na magsalita sa sinuman, dahil madali itong humantong sa mga kahihinatnan. Ang gayong mga tao ay dapat tanggalin bilang mga Hudas. Iyong mga walang pananampalataya, iyong mga pinaalis, iyong malalapit sa iyo, iyong mga mapagkakatiwalaan, iyong mga sumusuporta sa pananampalataya mo sa Diyos, iyong may mga paborableng impresyon sa pananampalataya sa Diyos, at iyong mga nananampalataya sa Diyos sa pangalan lang, na namumuhay lang ng buhay iglesia at nagbabasa ng kaunting salita ng Diyos pero hindi talaga ginagawa ang kanilang tungkulin, ay hindi dapat kausapin—kung gagawin ito ng isang tao, tatanggalin siya bilang Hudas. Naunawaan ba? (Naunawaan.) Sino pa ang kabilang sa mga hindi gumagawa ng mga tungkulin nila? Kasama ba ang mga karaniwang miyembro ng iglesia? (Oo.) Huwag kalimutan ang usaping ito; huwag maging hangal. Dapat ninyong arukin nang maayos ang mga prinsipyo. Huwag kayong magpatuloy sa pananampalataya para lang mauwi sa pagiging Hudas at pagkakanulo sa sambahayan ng Diyos, ipinagkakanulo ang mga kapatid nang hindi man lang ito namamalayan, at ipinagmamalaki pa nga ito. Ang hindi magawang makontrol ang sariling dila at ipinagkakanulo pa nga ang gawain ng iglesia at ang mga kapatid ay isang mabigat na pagsalangsang. Itinatala ng Diyos ang sinumang gumagawa ng gayong kasamaan. Ngayong malinaw na itong naipaliwanag sa iyo, at naunawaan mo na ito, kung gagawin mo ito ulit, hindi na ito simpleng pagsalangsang; isa na itong paglabag sa atas administratibo, na ginagawa kang puntirya sa pagpapaalis, at mapagkakaitan ka ng karapatan sa kaligtasan. Naunawaan mo ba? (Naunawaan.)
Disyembre 11, 2021