Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (26)

Ikalabing-apat na Aytem: Agarang Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Ikalimang Bahagi)

Ang Saloobin na Dapat Taglayin ng mga Lider at Manggagawa sa Gawain ng Pag-aalis Mula sa Iglesia

Ngayong taon, tuloy-tuloy tayong nagbabahaginan tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at sa mga pagpapamalas ng lahat ng uri ng mga taong kasangkot. Naging lalong detalyado at partikular ang mga paksa ng pagbabahaginan, na kinasasangkutan ng iba’t ibang problema ng lahat ng uri ng mga tao, at ang pagbabahaginan tungkol sa mga partikular na pagpapamalas ng mga taong ito at ang mga kategorya kung saan sila dapat hatiin ay naging napakapartikular at napakalinaw rin. Habang mas partikular at mas malinaw na pinagbabahaginan ang mga detalyadong problemang ito, mas nagbibigay dapat ito ng positibong tulong at patnubay para sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at mas nagbibigay dapat ito ng patnubay at tulong para magawa at magampanan ng mga lider at manggagawa ang mga tungkulin nila. Gayumpaman, paano man isinasagawa ang pagbabahaginan, gaano man kapartikular ang pagbabahaginan, hindi pa rin malinaw sa ilang lider at manggagawa kung paano pangasiwaan at isaayos ang iba’t ibang uri ng mga tao at isyu sa iglesia. Napakalinaw na pinagbabahaginan ang mga isyu ng lahat ng klase ng mga tao, pero hindi pa rin maintindihan ng ilang lider at manggagawa kung paano kilatisin at tratuhin ang iba’t ibang uri ng mga tao. Hindi pa rin nila kayang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ni gamitin ang katotohanan para pangasiwaan ang iba’t ibang uri ng mga tao at isyu sa iglesia. Ano ang dahilan nito? Walang katotohanang realidad ang gayong mga tao. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng lahat ng uri ng mga tao, dapat magkaroon ng pangunahing pagkilatis ang isang tao at gumawa siya ng mga makatwirang pagsasaayos para sa mga nasa iglesia na gumagampan ng mga tungkulin nila at sa mga hindi, para sa mga naghahangad sa katotohanan at sa mga hindi, para sa mga masunurin at mapagpasakop, at sa mga nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo. Gayumpaman, kung titingnan ang sitwasyon ng lahat ng uri ng mga tao sa iglesia, ang mga malinaw na masamang tao lang ang pinaalis; maraming hindi mananampalataya ang hindi pa ganap na pinaalis. Sa gawain ng pag-aalis mula sa iglesia, dapat na makipagtulungan ang mga lider at manggagawa sa gawain ng Diyos para alisin ang masasamang tao at ang mga hindi mananampalataya sa lalong madaling panahon, sa halip na harapin ito nang pasibo, kumikilos bilang mga mapagpalugod ng mga tao, o iniisip na ang pag-aalis lang sa mga malinaw na masamang tao ay nangangahulugang nalutas at naayos na ang lahat. Dapat na aktibong suriin ng mga lider at manggagawa ang gawain ng bawat pangkat, kumpirmahin ang mga sitwasyon ng bawat miyembro ng pangkat, kung mayroon bang sinumang mga hindi mananampalataya roon para lang dumami ang mga bilang o mga hindi mananampalataya na nagpapakalat ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro para guluhin ang gawain ng iglesia, at sa sandaling matuklasan sila, dapat na ganap na ilantad at paalisin ang mga taong ito. Ito ang gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa; hindi sila dapat maging pasibo, hindi dapat maghintay ng mga utos at panghihimok mula sa ang Itaas para kumilos, ni gumawa lang ng kaunting bagay kapag nananawagan ang mga kapatid para dito. Sa kanilang gawain, dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang mga layunin ng Diyos at maging tapat sila sa Kanya. Ang pinakamainam na paraan ng pagkilos para sa kanila ay ang aktibong kilalanin at lutasin ang mga problema. Hindi sila dapat manatiling pasibo, lalo na’t mayroon silang ganitong kasalukuyang mga salita at pagbabahaginan para maging batayan nila. Dapat silang magkusang lutasin nang lubusan ang mga aktuwal na problema at paghihirap sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at gawin ang kanilang gawain nang mismong ayon sa nararapat. Dapat agad at aktibo nilang subaybayan ang pag-usad ng gawain; hindi sila maaaring palaging maghintay ng utos at panghihimok mula sa ang Itaas bago sila kumilos nang may pag-aatubili. Kung ang mga lider at manggagawa ay palaging negatibo at pasibo at hindi gumagawa ng totoong gawain, hindi sila karapat-dapat na maglingkod bilang mga lider at manggagawa, at dapat silang tanggalin at italaga sa ibang tungkulin. Maraming lider at manggagawa ngayon na lubhang pasibo sa kanilang gawain. Gumagawa lang sila ng kaunting gawain kapag inuutusan at inuudyokan sila ng ang Itaas; kung hindi, nagpapakatamad sila at ipinagpapaliban ang mga gawain. Ang gawain sa ilang iglesia ay napakagulo, ang ilan sa mga taong gumagawa ng mga tungkulin doon ay masyadong tamad at pabasta-basta, at walang nakukuhang anumang tunay na mga resulta. Ang kalikasan ng mga problemang ito ay masyado nang matindi at katakot-takot, ngunit kumikilos pa rin ang mga lider at manggagawa ng mga iglesiang iyon na parang mga opisyal at panginoon. Bukod sa hindi sila makagawa ng anumang tunay na gawain, hindi rin nila matukoy o malutas ang mga problema. Dahil dito, napaparalisa at natitigil ang gawain ng iglesia. Saan man napakagulo at walang tanda ng kaayusan ang gawain ng iglesia, siguradong may isang huwad na lider o anticristo na may hawak ng kapangyarihan. Sa bawat iglesia na kung saan isang huwad na lider ang may hawak ng kapangyarihan, ang gawain ng iglesia ay walang kaayusan at ganap na magulo—walang duda riyan. Halimbawa, nadiskubre ng sarili Ko mismong mga tainga o mata ang maraming isyu sa mga iglesia sa Amerika. Karamihan sa mga isyung nakita Ko ay nalutas agad-agad; para sa iba pang isyu, sinabihan Ko ang mga lider ng mga iglesia sa Amerika na lutasin ang mga ito. Gayumpaman, karamihan sa gawain ng mga lider at manggagawa ay ginagawa nang napakapasibo, na may napakabagal na mga pagsubaybay at may napakababang kahusayan, karamihan sa kanilang pang-araw-araw na gampanin ay ginagawa lamang pagkatapos ng mga utos at pang-uudyok mula sa ang Itaas. Matapos isaayos ng Itaas ang gawain, magiging abala sila nang sandali, ngunit pagkatapos maisagawa ang maliit na bahaging iyon ng gawain, hindi na nila alam kung ano ang susunod na gagawin dahil hindi nila nauunawaan kung ano ang mga tungkulin na dapat nilang gawin. Hindi kailanman malinaw sa kanila ang tungkol sa gawain na saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa na dapat nilang gampanan; sa kanilang paningin, walang gawain na kailangang gawin. Ano ang nangyayari kapag tingin ng mga tao na walang gawaing kailangang gawin? (Hindi sila nagbubuhat ng pasanin.) Sa tumpak na pananalita, hindi sila nagbubuhat ng pasanin; masyado rin silang tamad at nag-iimbot ng kaginhawahan, kumukuha sila ng maraming pahinga hangga’t maaari sa tuwing magagawa nila, at sinisikap nilang iwasan ang anumang karagdagang gampanin. Madalas isipin ng mga tamad na taong ito, “Bakit ba ako labis na mag-aalala? Tatanda lang ako kaagad kapag masyado akong nag-aalala. Paano ako makikinabang sa paggawa niyon, at sa masyadong pagpapakaabala, at pagpapakapagod nang husto? Ano ang mangyayari kung mapagod ako nang sobra at magkasakit? Wala akong perang pampagamot. At sino ang mag-aalaga sa akin pagtanda ko?” Ganito kapasibo at kaatrasado ang mga tamad na taong ito. Wala sila ni katiting na katotohanan, at wala silang nakikita nang malinaw. Malinaw na isang pangkat sila ng mga taong naguguluhan, hindi ba? Lahat sila ay magulo ang isip; wala silang kamalayan sa katotohanan at wala silang interes dito, kaya paano sila maliligtas? Bakit laging walang disiplina at tamad ang mga tao, na para bang mga buhay na bangkay sila? Tinutukoy nito ang isyu sa kanilang kalikasan. May isang uri ng katamaran sa kalikasan ng tao. Anuman ang gampaning ginagawa ng mga tao, lagi nilang kailangan ng ibang tao para pangasiwaan at udyukan sila. Minsan, isinasaalang-alang ng mga tao ang laman, nag-iimbot sila sa pisikal na kaginhawahan, at lagi silang may itinatabi para sa kanilang sarili—ang mga taong ito ay puno ng mga maladiyablong intensyon at mga tusong pakana; talagang wala silang kuwenta. Hindi nila ginagawa palagi ang pinakamakakaya nila, anumang mahalagang tungkulin ang kanilang ginagawa. Ito ay pagiging iresponsable at hindi tapat. Sinabi Ko ang mga bagay na ito ngayon upang ipaalala sa inyo na huwag maging pasibo sa inyong gawain. Dapat makasunod kayo sa anumang sinasabi Ko. Kung pupunta Ako sa iba’t ibang iglesia at malalaman o makikita Kong marami kayong nagawang gawain, na gumawa kayo nang napakahusay, at na umuusad nang napakabilis ang gawain, na umabot na ito sa kasiya-siyang antas, at ginawa ng lahat ang abot ng makakaya nila, lubos Akong masisiyahan. Kung pupunta Ako sa iba’t ibang iglesia at makikita Kong mabagal ang pag-usad ng gawain sa lahat ng aspekto, na nagpapatunay na hindi ninyo ginampanan nang maayos ang mga tungkulin ninyo at hindi kayo nakasabay sa normal na bilis ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, ano sa tingin ninyo ang magiging lagay ng kalooban Ko kung magkagayon? Magiging masaya pa rin ba Ako na makita kayo? (Hindi.) Hindi Ako magiging masaya. Ipinagkatiwala sa inyo ang gawaing ito, at nasabi Ko na ang lahat ng kailangang sabihin; nasabi na rin sa inyo ang mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa at ang landas. Ngunit, hindi kayo kumikilos, hindi gumagawa, naghihintay lang na personal Ko kayong pangasiwaan at himukin, na pungusan Ko kayo o utusan pa nga kayo na kumilos. Ano ang problema rito? Hindi ba’t dapat itong himayin? Kapag hindi ninyo ginagawa ang gawain na malinaw naman na dapat gawin at hindi ninyo ito kayang pasanin—maaari ba Akong magkaroon ng mabuting saloobin sa inyo? (Hindi.) Bakit hindi Ako maaaring magkaroon ng mabuting saloobin sa inyo? (Masyado kaming iresponsable sa paggampan ng mga tungkulin namin.) Dahil hindi ninyo ginagampanan ang mga tungkulin ninyo nang buong puso at lakas, kundi sa halip ay pabasta-basta lang ninyong ginagampanan ang mga ito. Ang isang taong tapat sa mga tungkulin niya ay dapat na ibigay man lang ang buo niyang lakas, pero hindi man lang ninyo ito kayang makamit; masyado kayong nagkukulang! Hindi ito dahil sa hindi sapat ang kakayahan ninyo; ito ay dahil mali ang mentalidad ninyo at iresponsable kayo. May ilang kakatwang bagay sa puso ninyo na pumipigil sa inyo sa paggampan ng mga tungkulin ninyo. Dagdag pa rito, ang pag-iisip na maging mga mapagpalugod ng mga tao ay humahadlang sa pagsasagawa ninyo ng gawain ng pag-aalis mula sa iglesia. Alam ba ninyo kung ano ang kabuluhan ng gawain ng pag-aalis mula sa iglesia? Bakit gusto ng Diyos na linisin ang iglesia? Ano ang mga kahihinatnan ng hindi pag-aalis mula sa iglesia? Hindi malinaw sa inyong lahat ang mga usaping ito at hindi ninyo hinahanap ang katotohanan, na nagpapatunay na hindi ninyo isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Handa lang kayong gumawa ng kaunting ordinaryo at regular na gawain sa posisyon ninyo at umiiwas kayo sa mga espesyal na gampanin, lalo na iyong mga maaaring makapagpasama sa loob ng iba. Mas gusto ninyong lahat na ipasa ang mga gampaning ito sa ibang tao. Hindi ba’t ganito kayo mag-isip? Hindi ba’t isa itong isyu na dapat matugunan? Palagi ninyong sinasabi, “Mahina ang kakayahan ko, limitado ang pagkaunawa ko sa katotohanan, at wala akong sapat na karanasan sa gawain. Hindi pa ako kailanman naging isang lider ng iglesia, ni nagsagawa ng gawain ng pag-aalis mula sa iglesia.” Hindi ba’t pagdadahilan ito? Napakalinaw nang napagbahaginan ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia. Ang pag-aalis sa mga anticristo, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya ay isang napakasimpleng usapin. Ganoon ba talaga kahirap unawain ang iilang prinsipyong iyon? Kung ipinapaliwanag nang napakalinaw ang gayon kasisimpleng isyu pero hindi pa rin nauunawaan ng mga tao, ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na masyadong mahina ang kakayahan nila para maunawaan ang wika ng tao, o kaya naman ay sadyang mga tampalasan sila na hindi tumutuon sa mga gampaning marapat nilang gawin. Sa mga lider at manggagawa, tiyak na may ilang may mahinang kakayahan, at tiyak na may ilang mapagpalugod ng mga tao na hindi nakikibahagi sa tunay na gawain; tiyak din na may ilang tampalasan na nagpapabaya sa mga gampaning marapat nilang gawin at walang pakundangang gumagawa ng mga maling gawa—umiiral ang lahat ng sitwasyong ito. Una, kailangang alisin ang mga tampalasang ito na nagpapabaya sa gampaning marapat nilang gawin. Dapat na gamitin ang sinumang kayang gumawa ng tunay na gawain, talagang dapat na tanggalin ang mga mapagpalugod ng mga tao na kumikilos bilang mga lider, at dapat na panatilihin ang mga taong may mahinang kakayahan na kayang umunawa ng wika ng tao at kayang gumawa ng ilang tunay na gawain. Dapat lutasin ang mga isyung ito sa ganitong paraan. Pagkatapos makipagbahaginan ng Diyos, kung malinaw mong makikita ang mga problema sa gawain ng iglesia na dapat lutasin ng mga lider at manggagawa, dapat na maagap mong tugunan ang mga ito nang walang karagdagang pagkaantala. Dapat kaya mong magkusang kumilos nang hindi kinakailangang maghintay na personal na magtalaga ng mga gampanin o magbigay ng mga utos ang Itaas. Anumang mga problema ang lumitaw, dapat malutas ang mga ito bago makaapekto ang mga ito sa gawain. Bago pa man magsimula ang Itaas na siyasatin ang mga isyu, dapat iniulat mo na ang pagkaunawa at mga solusyon mo sa mga isyu, ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa mga ito, at ang mga resulta ng pangangasiwa sa mga ito. Magiging napakahusay niyon! Maaari pa rin bang madismaya ang Itaas sa iyo kung gayon? Bilang isang lider o manggagawa, kung palagi kang nabibigong makita ang gawaing nasasaklaw sa sarili mong mga responsabilidad, o kahit pa may kaunting kabatiran o ideya ka ay patuloy ka namang nagpapaliban at hindi kumikilos, palaging naghihintay na magsaayos ang Itaas ng mga gampanin para sa iyo, hindi ba’t isa itong pagpapabaya sa responsabilidad? (Oo.) Isa itong malubhang pagpapabaya sa responsabilidad! Nawala sa iyo ang saloobin at responsabilidad na kaakibat ng papel ng isang lider o manggagawa sa kung paano dapat tratuhin ang tungkulin. Sa gawain nila, dapat na mahigpit na sundin ng mga lider at manggagawa ang mga hinihingi ng ang Itaas; anuman ang ibinahagi ng ang Itaas, iyon ang dapat mong ipatupad, na mabilis na kumikilos at nagpapatupad sa sandaling maunawaan mo ito. Ang paglutas ng mga problema gamit ang katotohanan ang pinakamahalagang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hindi ka dapat pasibong maghintay na magsaayos ng gawain ang Itaas bago ka gumawa ng anumang bagay. Kung palagi kang pasibong naghihintay, hindi ka angkop na maging isang lider o manggagawa, hindi mo kayang balikatin ang gawaing ito, at ang pag-ako ng responsabilidad at pagbibitiw sa tungkulin ang tanging makatwirang bagay na dapat gawin.

Ang mga Pagpapamalas at Kalalabasan ng Tatlong Uri ng mga Taong Nananampalataya sa Diyos

I. Mga Trabahador

Mayroong labinlimang responsabilidad sa kabuuan ang mga lider at manggagawa, at napagbahaginan na natin ang hanggang sa ikalabing-apat. Ang mga problema sa iglesia na kailangang lutasin ng mga lider at manggagawa, pati na rin ang mga isyu ng lahat ng uri ng mga tao na kasangkot sa mga problemang ito, ay napagbahaginan na hanggang sa humigit-kumulang walumpu hanggang siyamnapung porsiyento. Ang lahat ng ito ay mga gampaning kailangang gawin ng mga lider at manggagawa at mga problemang kailangan nilang lutasin. Sangkot dito ang maraming isyu. Sa isang banda, nauugnay ito sa mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa; sa isa pang banda, sangkot din dito ang iba’t ibang isyu ng lahat ng uri ng mga tao sa iglesia. Bagama’t ang tema ng pagbabahaginan natin sa panahong ito ay ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa at ang paglalantad sa mga huwad na lider, marami rin tayong napagbahaginan tungkol sa mga isyu ng iba’t ibang uri ng mga tao—at ang mga kalagayan at diwa ng iba’t ibang uri ng mga tao—na kaugnay sa temang ito. Siyempre, may iba’t ibang epekto ang partikular na nilalamang ito sa lahat ng uri ng mga taong sumusunod sa Diyos sa iglesia. Kasama sa mga ito, may isang uri ng tao na, pagkatapos man marinig ang lahat ng pagbabahaginang ito, ay pinanghahawakan pa rin ang saloobin na “Mayroon akong mabuting pagkatao, tunay akong nananampalataya sa Diyos, handa akong talikuran ang mga bagay-bagay sa pananalig ko sa Diyos, at handa akong magbayad ng halaga at magtiis ng paghihirap para magampanan ang tungkulin ko.” Wala silang pakialam sa iba’t ibang kalagayan ng lahat ng uri ng mga tao, sa katotohanang kasangkot sa iba’t ibang kalagayan, o sa mga katotohanang prinsipyong dapat maunawaan ng mga tao, na pinagbahaginan sa panahong ito. Hindi ba’t isang uri ito ng tao? Hindi ba’t labis na kumakatawan ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Palaging may pinanghahawakang isang partikular na pananaw ang ganitong uri ng tao. Ano ang pangunahing bumubuo sa pananaw na ito? Ang tatlong puntong kakabanggit Ko lang: Una, naniniwala silang hindi masama ang pagkatao nila, at na mabuti pa nga ito. Pangalawa, iniisip nilang tunay silang nananampalataya sa Diyos, na nangangahulugang tunay silang naniniwala sa pag-iral ng Diyos at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, naniniwalang kinokontrol ng Diyos ang tadhana ng tao, na sumasailalim ito sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, na isang malawak na interpretasyon ng “tunay na nananampalataya sa Diyos.” Pangatlo, naniniwala silang kaya nilang talikuran ang mga bagay-bagay sa pananalig nila sa Diyos at magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga para magampanan ang mga tungkulin nila. Masasabing ang tatlong puntong ito ang mga pinakasimple, pangunahin, at buod na elementong pinanghahawakan ng mga taong ito sa pananalig nila sa Diyos. Siyempre, maituturing din ang mga bagay na ito bilang kapital nila sa pananampalataya sa Diyos, pati na rin ang mga layong hinahangad nila, at ang motibasyon at direksyon nila sa pagkilos. Naniniwala silang dahil sa pagtataglay ng tatlong puntong ito ay nagiging kalipikado sila para sa tatlong pangunahing kondisyon ng pagliligtas, na ginagawa silang mga taong minamahal at tinatanggap ng Diyos. Isa itong seryosong pagkakamali; nagpapahiwatig lang ng kaunting pagkatao ang pagkakaroon ng tatlong puntong ito. Makakamit ba ng pagkakaroon lang ng kaunting pagkatao ang pagsang-ayon ng Diyos? Hinding-hindi; sinasang-ayunan ng Diyos iyong mga may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan. Hindi natutugunan ng tatlong puntong ito ang pamantayan ng katotohanang realidad; tatlong pamantayan lang ang mga ito para sa pagiging mga trabahador. Sunod, makikipagbahaginan Ako tungkol sa mga detalye ng tatlong puntong ito para maunawaan ninyo nang malinaw. Ang unang punto ay ang pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Naniniwala silang ang hindi paggawa ng kasamaan, ang hindi pagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at hindi pagdudulot ng pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ay sapat na, at na nangangahulugan itong kaya nilang tugunan ang mga layunin ng Diyos at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Ang ikalawang punto ay ang “tunay na pananampalataya sa Diyos.” Para sa kanila, ang ibig sabihin ng tinatawag nilang “tunay na pananampalataya sa Diyos” ay ang hindi kailanman pagdudahan ang pag-iral ng Diyos o ang katunayan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang paniniwalang ang tadhana ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, na sa tingin nila ay magbibigay-kakayahan sa kanila na sundin ang Diyos hanggang sa wakas. Naniniwala silang hangga’t tunay silang nananampalataya sa Diyos, makakamit nila ang Kanyang pagsang-ayon. Samakatwid, paano man mamuno o kumilos ang Diyos, o anumang mga problema ang kinakaharap nila, sinasabi nila, “Mahalin lang ang Diyos, sundin ang Diyos, magpasakop sa Diyos.” Masyadong simple ang pamamaraan nila ng paglutas sa mga problema; malulutas ba ng gayong mga pangkalahatang salita ang anumang mga problema? Ang ikatlong punto ay ang pagkakaroon ng kakayahang talikuran ang mga bagay-bagay sa pananalig nila sa Diyos, at ang pagkakaroon ng kakayahang magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga para magampanan ang mga tungkulin nila. Paano nila ito isinasagawa? Dahil tunay silang nananampalataya sa Diyos, kapag may pangangailangan sa gawain ng iglesia o kapag nararamdaman nila ang mga apurahang layunin ng Diyos, kaya nilang maagap na talikuran ang mga pamilya, pag-aasawa, at karera nila, isantabi ang mga makamundo nilang kinabukasan, at sundin ang Diyos at gampanan ang mga tungkulin nila nang may di-natitinag na determinasyon, nang walang anumang mga pagsisisi kailanman. May kakayahan silang magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga para sa anumang tungkuling isasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa kanila, kahit na nangangahulugan ito ng pagbabawas ng pagkain at pagbabawas ng pagtulog. Gaano man kahirap ang mga kondisyon sa pamumuhay, o maging sa ilang hindi kanais-nais na kapaligiran, kaya pa rin nilang magpursigi sa paggampan ng mga tungkulin nila. Bukod sa tatlong puntong ito, ang pagsasagawa ng lahat ng iba pang aspektong nauugnay sa katotohanan ay tila walang kaugnayan sa kanila. Ginagawa nila kung ano ang tila mabuti o tama para sa kanila. Pagdating naman sa iba’t ibang prinsipyo ng pagsasagawang sinabi ng Diyos sa tao, pati na rin sa mga kalagayan, pagpapamalas, at diwa ng iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao na inilantad ng Diyos, sa tingin nila ay ayos lang na kaunti lang ang alam nila o wala talaga silang alam; wala silang nararamdamang pangangailangan para partikular at metikulosong maghanap ng iba’t ibang prinsipyo upang suriin ang sarili nilang katiwalian at makabawi para sa mga pagkukulang nila, o anumang pangangailangan para madalas na dumalo sa mga pagtitipon upang marinig ang iba na magbahagi ng iba’t iba nilang patotoong batay sa karanasan, at pagkatapos ay magkamit ng pagbabago sa sarili, at iba pa. Sa palagay nila, ang pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan ay masyadong nakakaabala, hindi ito kinakailangan. Sinusunod nila ang Diyos at ginagampanan ang mga tungkulin nila nang may paimbabaw na pagkaunawa sa pananalig sa Diyos at pagbabago ng disposisyon, kasama ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Hindi ba’t labis na kumakatawan ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Nagtatakda sila ng pinakapayak na hinihingi sa sarili nila, at mayroon silang napakasimpleng saloobin sa pananampalataya sa Diyos. Bukod dito, pinapabayaan nila ang katotohanan, ang paghatol at paglalantad ng Diyos, ang pagpupungos, gayundin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon at iba’t ibang kalagayan ng mga tao, pagpapamalas, at iba pa. Hindi nila kailanman pinag-iisipan o pinagbubulayan ang mga isyung ito. Ibig sabihin, itinuturing ng mga taong ito ang sarili nila bilang may mabuting pagkatao, bilang mabubuting tao, at bilang tunay na nananampalataya sa Diyos; at bagama’t kinikilala nila na may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, binabalewala nila ang mga partikular na kalagayan at pagpapamalas ng iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao na inilantad ng Diyos, hindi naglalaan ng anumang pagsisikap para siyasatin ang mga bagay na ito. Hindi ba’t isa itong uri ng tao? Hindi ba’t labis na kumakatawan ang mga pananaw at partikular na pagpapamalas ng ganitong uri ng tao sa pananalig niya sa Diyos? (Oo.) Kung isasaalang-alang ang mga pananaw ng mga taong ito sa pananampalataya sa Diyos, ang pagkaunawa nila sa pagkakaligtas, at ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao, sa anong kategorya dapat ilagay ang mga taong ito? (Sa mga taong magulo ang pananalig, na hindi hinahangad ang katotohanan.) Panlabas na anyo lang ito; paano ba talaga dapat ikategorya ang mga taong ito? Marami bang ganoong tao sa iglesia? (Oo.) Sa tuwing tinatalakay ang mga partikular na isyu at pinagbabahaginan ang mga nauukol na katotohanan, nagsisimula silang antukin, makatulog, o malito, hindi nagpapakita ng interes. Kapag itinalaga sila sa anumang gawain o mga gampanin, naghahanda sila at ginagawa ito, hindi umiiwas sa paghihirap o pagkapagod. Iniisip nilang maganda sana kung ang pananampalataya sa Diyos ay tulad ng paggawa ng ganitong uri ng gawain—magkakaroon sila ng motibasyon kung gayon. Pagdating ng panahon para magtiis ng paghihirap, magbayad ng halaga, at magsikap sa gawain, nagpapakita sila ng tunay na sigasig. Pero ang tunay na sigasig at siglang ito ba ay kapareho ng pagiging tapat? Ito ba ang pagpapamalas na dapat taglayin ng isang tao pagkatapos maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan Ko, nakikita ba ninyo kung sa aling kategorya dapat maklasipika ang mga taong ito? (Mga trabahador.) Tama iyan. Mga trabahador ang mga taong ito, at ganito manampalataya sa Diyos ang mga trabahador.

Nagsimula tayo sa pagbabahaginan tungkol sa kalikasang diwa at iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, gayundin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo pero hindi aktuwal na mga anticristo. Ngayon, pinagbabahaginan natin ang mga pagpapamalas ng iba’t ibang uri ng mga tao na saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Bagama’t ang mga paksang pinagbahaginan ay tungkol sa mga anticristo at huwad na lider, ang mga partikular na isyu at pagpapamalas na saklaw ng bawat aytem ay may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon ng tiwaling sangkatauhan, gayundin sa iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas na nabubuo sa ilalim ng kapamahalaan ng mga tiwaling disposisyon. Bagama’t kakaunti lang ang mga huwad na lider at mga anticristo, ang mga disposisyon ng mga huwad na lider at mga anticristo, gayundin ang iba’t iba nilang kalagayan at pagpapamalas, ay umiiral sa bawat tao sa iba’t ibang antas. Ngayong napakadetalyado nang napagbahaginan ang mga isyung ito, ang mga naghahangad sa katotohanan ay mas magkakaroon na ng landas at direksyon, at mas malilinaw na layon, sa paghahangad sa katotohanan, pagsasagawa sa katotohanan, pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo, at pagpasok sa katotohanang realidad. Isa itong mabuting bagay para sa kanila at isang dahilan para magalak. Sa madaling salita, tumatahak sila sa isang bagong mahalagang yugto sa pananalig nila sa Diyos. Hindi na sila namumuhay sa ilalim ng mga regulasyon, relihiyosong ritwal, o mga salita at doktrina, at islogan. Sa halip, mayroon silang mga mas kongkretong direksyon at layon sa pagsasagawa, at siyempre, mga mas partikular na prinsipyong dapat sundin. Kung paano magsasagawa kapag nasa mga partikular na sitwasyon at kung anong mga katotohanang prinsipyo ang nasasangkot, o kung anong mga kalagayan at katiwalian mayroon ang mga tao at kung paano dapat tratuhin ang mga ito, gayundin kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito—ang dalawang pangunahing napagbahaginang paksa ng mga anticristo at huwad na lider ay karamihang tumatalakay sa mga nilalamang ito. Para sa mga naghahangad sa katotohanan, habang mas partikular na pinagbabahaginan ang katotohanan, mas nagkakaroon sila ng landas para sa pagsasagawa. Habang mas partikular na pinagbabahaginan ang katotohanan, nagiging mas maliwanag at mas malinaw ang puso ng mga tao, mas nakikilala at nauunawaan nila ang sarili nila, at mas nababatid nila kung ano ang susunod na dapat nilang pasukin at kung anong mga problema ang susunod na kailangan nilang lutasin. Pagdating naman sa uri ng mga tao na nabanggit bilang mga trabahador ngayon lang, pagkatapos nating malawakang pagbahaginan ang iba’t ibang kalagayang dulot ng mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at ang iba’t ibang problema ng katiwalian na kailangang lutasin, nananatili silang hindi natitinag. Ano ang ibig sabihin ng manatiling hindi natitinag? Nangangahulugan ito na hindi pa rin malinaw sa kanila ang paghahangad sa katotohanan at ang landas ng kaligtasang sinabi ng Diyos at hindi nila maarok ang mga iyon. Ang mas malala, pagkatapos pagbahaginan ang napakaraming mahalagang pagpapamalas at problema, iniisip pa rin nila, “Mayroon akong mabuting pagkatao, tunay akong nananampalataya sa Diyos, handa akong talikuran ang mga bagay-bagay sa pananalig ko sa Diyos, at handa akong magbayad ng halaga at magtiis ng paghihirap para magampanan ang tungkulin ko; sapat na ito.” Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, hindi nila sinusuri ang sarili nila ni ikinukumpara ang sarili nila sa mga salita ng Diyos, kundi sa halip ay sinusubukan nilang lutasin ang mga problema batay lang sa sarili nilang kabutihang pantao o sa kaunting konsensiya at katwirang mayroon sila. Siyempre, umaasa ang ilang tao sa pagpipigil at pasensiya, paulit-ulit na nagtitiis, habang umaasa ang iba sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, ginagawang mistulang maliliit ang malalaking isyu, at pagkatapos ay ginagawang mistulang hindi problema ang maliliit na isyu. Ang layong hinahangad nila ay: “Sa araw na magtatapos na ang gawain ng Diyos, kung nasa iglesia pa rin ako at ginagampanan ang tungkulin ko, hindi pa napapaalis, sapat na iyon. Kung mayroon ba akong tunay na pagkaunawa sa sarili ko, kung nalutas ba ang mga tiwali kong disposisyon, kung mayroon ba akong tunay na pagpapasakop sa Diyos, kung isa ba akong tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan—maliliit na isyu ang mga iyon, hindi na karapat-dapat pang banggitin. Pinalalaki Mo ang lahat ng bagay, pinagbabahaginan ang katotohanan nang napakadetalyado, walang katapusang binabanggit kahit ang pinakamaliliit na isyu para mapagbahaginan, palagi kaming pinakikilatis; sadyang hindi ako handang makinig sa mga pagbabahaginang ito tungkol sa katotohanan, wala akong anumang interes. Pagdating ng araw ng Diyos, magiging napakaganda sana kung puwede na lang tayong direktang makapasok sa kaharian!” Bagama’t tunay na may mga hangganan ang pasensiya ng lahat ng tao, walang hanggan ang pasensiya ng gayong mga tao. Bakit? Ito ay dahil naniniwala silang mayroon silang mabuting pagkatao, na tunay silang nananampalataya sa Diyos, na mayroon silang kakayahang talikuran ang mga bagay-bagay bilang mga mananampalataya sa Diyos, at ng kahandaang magbayad ng halaga at magtiis ng paghihirap para magampanan ang tungkulin nila; kapag nahaharap sa anumang bagay, may sarili silang mga solusyon, kaya pa rin nila sa huli na matatag na gampanan ang mga tungkulin nila at manindigan. Gayumpaman, paano man sila nagtitiyaga sa paggampan ng mga tungkulin nila, o sa anumang paraan man sila nagtitiis hanggang sa wakas, anuman ang motibasyon nila, isang bagay ang tiyak: Wala silang tunay na pagpapasakop sa Diyos, at hindi nila kailanman nauunawaan ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon. Sa mas tumpak na pananalita, hindi umaamin ang mga taong ito na mayroon silang katiwalian, hindi rin nila kinikilala ang iba’t ibang kalagayan at problemang umuusbong mula sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao na inilantad ng Diyos. Kahit na paminsan-minsan ay itinutugma nila ang sarili nila sa mga kalagayan at problemang ito, tinatrato nila ito nang may panlalamig, sinasabi, “Pare-pareho namang tiwali ang lahat ng tao. Ang kalikasang diwa ng lahat ay iyong sa mga diyablo at kay Satanas; tayong lahat ay mga kaaway ng Diyos. Isa itong katunayang hindi mababago ng sinuman. Pero hangga’t nagtitiyaga ang isang tao sa paggampan ng tungkulin niya, tiyak na sasang-ayunan siya ng Diyos, at iyong mga nagpupursigi hanggang sa wakas ang magiging mga mananagumpay.” Batay sa mga pananaw nila, lubos silang masigasig sa pananampalataya nila sa Diyos, pero pagdating sa pagbabahagi ng mga patotoong batay sa karanasan, natatahimik sila, hindi makabigkas ni isang salita. Kapag oras na para makipagbahaginan sa mga pagtitipon ang katotohanan, nakakaramdam sila ng antok at hindi nila ito maintindihan. Kung tatanungin mo sila, “Paano mo nararanasan ang mga salita ng Diyos sa tungkulin mo araw-araw?” sasabihin nila, “Anuman ang isinasaayos ng iglesia na gawin ko, ginagawa ko. Kailangan ba nito ang pagdanas?” Tila hindi nila nauunawaan. Kung tatanungin mo naman sila, “Mayroon ka bang anumang katiwaliang nabubunyag? Paano mo nauunawaan ang sarili mo?” sasabihin nila, “Nagpapasakop lang ako sa Diyos at minamahal ko ang Diyos; ano namang magiging problema?” Ganoon kasimple ang pag-iisip nila. Ito ang pananaw nila: “Ganito dapat ang pananampalataya sa Diyos. Bakit kailangang mag-abala sa napakaraming di-mahalagang isyu? Masyado ninyong ginagawang komplikado ang mga bagay-bagay!” Samakatwid, ginagampanan nila ang tungkulin nila at isinasagawa ang mga gampanin nang hindi kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, kundi sa halip ay kumikilos sila ayon sa mabubuting intensyon at kasiglahan. Sa mas tumpak na pananalita, kumikilos sila sa ilalim ng kapamahalaan ng konsensiya at katwiran, iniisip na: “Labis na akong nagdusa at nagbayad ng halaga; labis ko nang naisagawa ang katotohanan at napalugod ang Diyos; huwag ka nang humingi sa akin ng iba pa. Maayos naman ako, isa akong mabuting tao, at tunay akong nananampalataya sa Diyos.” Siyempre, may mga pagkakataong hindi maiwasan ng mga taong ito na magbulalas ng nararamdaman nila, at pagkatapos ay nalalantad ang tunay nilang kulay. Kaya nilang maglitanya ng maraming salita at doktrina pero wala silang anumang tunay na tayog; sa madaling salita, wala silang buhay. Ano ang partikular na tinutukoy ng kawalan ng buhay? (Wala silang katotohanan.) Paano nangyayari ang kawalan ng katotohanan? (Hindi nila minamahal ang katotohanan, ni hinahangad ito.) Ni hindi nga ito tungkol sa kung minamahal ba nila ang katotohanan o hindi; sa tumpak na pananalita, hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Maaaring sabihin ng ilan, “Paano Mo nasasabing hindi nila tinatanggap ang katotohanan? Nagtitiis sila ng napakatinding paghihirap at nagbabayad ng napakalaking halaga para magampanan ang tungkulin nila, nagsusumikap araw-araw mula bukang-liwayway hanggang dapithapon; paano Mo nasasabing wala silang katotohanan?” Pang-aagrabyado ba sa kanila na sabihin ito? Pero kung titingnan mo ang mga taong ito, sa likod ng pagdurusa nila at pagbabayad nila ng halaga, ang lahat ba ng ginagawa nila ay nasa saklaw ng mga katotohanang prinsipyo? Naghahanap ba sila ng mga prinsipyo sa lahat ng ginagawa nila? Humaharap ba sila sa Diyos nang may may-takot-sa-Diyos na puso, at gumagawa ng mga bagay nang ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos? Hindi; mga kilos ng tao ang lahat ng ito, pagpipigil ng tao. Ano ang pangunahin nilang pagpapamalas ng hindi pagtanggap sa katotohanan? Iyon ay, bago gumawa ng isang bagay, hindi nila kailanman aktibong hinahanap ang katotohanan, ni seryosong pinagbubulayan kung ano ang mga prinsipyo ng katotohanan at pagkatapos ay hindi kailanman mahigpit na nagsasagawa nang ayon sa mga salita ng Diyos. Nagkikimkim ba sila ng gayong mga kaisipan at saloobin? Ano ang saloobin nila sa iba’t ibang pagpapamalas ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan na inilantad ng Diyos? Tinatanggap ba nila ang mga salitang ito? Inaamin ba nilang batay sa katunayan ang mga salitang ito? Kinikilala ba nilang mga pagbubunyag ng katiwalian ang mga partikular na pagpapamalas na ito? Maaari silang tumango bilang pagsang-ayon o maaari nila itong aminin sa panlabas, pero sa puso nila, hindi nila ito tinatanggap; binabalewala nila ito. Ano ang ibig sabihin ng pagbabalewala rito? Sa partikular, ang ibig sabihin nito ay hindi pagtanggap, walang malinaw na saloobin, at walang kapansin-pansing paglaban o pagsalungat, bagkus ay pagkakaroon ng isang saloobin ng malamig na pakikitungo sa mga salitang ito na sinabi ng Diyos. Medyo abstrakto ang pagsasabi ng “malamig na pakikitungo”; sa partikular, ito ay na iniisip nila, “Sinasabi Mong mapagmataas at mapanlinlang ang mga tao, pero sino ba ang hindi mapanlinlang? Sino ba ang wala ni kaunting katusuhan? Sino ba ang hindi nagpapakita ng kaunting pagmamataas o kahambugan? Wala lang iyan! Hangga’t kaya ng isang tao na magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga, sapat na iyon.” Hindi ba’t isa itong saloobin at isang partikular na pagpapamalas ng hindi pagtanggap? (Oo.) Hindi ito pagtanggap sa katotohanan. Ang saloobin nila sa mga salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos ay isang saloobin ng pagbabalewala at hindi pagtanggap. Kaya, pagdating sa mga pagsusuri at paalalang ibinibigay ng mga kapatid sa kanila, at maging sa mga payo at tulong na ibinibigay ng mga kapatid para sa mga tiwali nilang disposisyon, matatanggap ba nila ang mga bagay na ito? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, kung gayon, ano ang mga partikular nilang pagpapamalas? Bakit hindi nila matanggap ang mga bagay na ito? Nasaan ang ebidensya mo sa pagsasabi nito? Halimbawa, kapag sinabi mo sa kanila, “Hindi mo puwedeng gampanan ang tungkulin mo sa ganyang kawalang-ingat na paraan; pabasta-basta ito,” anong mga pagpapamalas nila ang nagpapatunay na hindi nila tinatanggap ang katotohanan? (Sasabihin nila, “Isinapuso ko na ito. Nagdusa at nagbayad na ako ng halaga. Paano mo nasasabing nagiging pabasta-basta ako?”) Pagbibigay-katwiran nila ito sa sarili nila. Maghahanap ba sila minsan ng mga palusot? Aminin man nila sa puso nila, iniisip pa rin nila, “Naging pabasta-basta ako, at ano naman ngayon? Sino ba ang hindi nagkakaroon ng mga araw na wala sila sa kondisyon? Sino ba ang hindi nakakaranas ng mga normal na emosyon? Pero hindi ako puwedeng umamin sa pagiging pabasta-basta; kailangan kong humanap ng palusot para pagtakpan ito. Hindi ako puwedeng mapahiya.” Kaya, naghahanap sila ng maraming dahilan at palusot para nakalilinlang nilang ipagtanggol ang kanilang sarili, hindi inaamin ang katunayang naging pabasta-basta sila, hindi kinikilala ang sarili nilang mga isyu sa usaping ito, ni tumatanggap ng mga payo mula sa ibang mga tao. Isa itong partikular na pagpapamalas ng hindi pagtanggap sa katotohanan. Kapag hindi nahaharap sa mga aktuwal na sitwasyon, itinuturing nila ang sarili nila bilang “isang mabuting tao, na tunay na nananampalataya sa Diyos.” Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, kahit na hindi na nila ito magagamit bilang isang kalasag, nakakahanap pa rin sila ng sapat na mga dahilan para bigyang-katwiran at ipagtanggol ang sarili nila, pagtakpan ang isyu, tapusin ito, at saka patuloy na tingnan ang sarili nila bilang “isang mabuting tao, na may mabuting pagkatao, na tunay na nananampalataya sa Diyos, at may abilidad na tumalikod at magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga para magampanan ang tungkulin nila.” Sa tumpak na pananalita, ang mga pagpapamalas, ang diwa ng gayong mga tao, ay iyong sa mga trabahador. Inookupa ng grupong ito ang malaking bahagi ng iglesia. Anuman ang bahagi, sa huli, kung tunay na kaya ng mga indibidwal na ito na magdusa at magbayad ng halaga, at magtiis at magtiyaga hanggang sa wakas nang hindi gumagawa ng anumang malalaking pagsalangsang, nang hindi nilalabag ang mga atas administratibo ng Diyos o sinasalungat ang Kanyang disposisyon, kung gayon, sila ay mga tapat na trabahador, mga trabahador na puwedeng manatili. Isa itong malaking pagpapala! Hindi nila hinahangad ang katotohanan, ni kayang sundin ang kalooban ng Diyos, patotohanan ang Diyos, o kumilos bilang saksi sa mga salita at gawain ng Diyos—ang tumanggap ng pagpapalang ito ay labis nang mabuti. Ano ang maaasahan ng isang tao na makamit nang hindi hinahangad ang katotohanan? Ang pagiging isang tapat na trabahador ay hindi na masama. Nagtatanong ang ilang tao, “Posible bang maging mga tao ng Diyos ang mga indibidwal na ito?” Posible ito. Ang tanging posibilidad ay kung ang mga indibidwal na ito, batay sa pagkakaroon ng kakayahang tumalikod at magdusa, ay kayang tanggapin ang katotohanan, kilalanin at harapin nang tama ang sarili nilang katiwalian, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para malutas ito, hindi kumikilos batay sa kabutihang pantao o pagpipigil, pagtitiis, at pagtitiyaga ng tao, kundi nagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, para sa huli, puwedeng sumailalim ang disposisyon nila sa ilang pagbabago, kung gayon ay mayroon silang kaunting pagkakataon na maging mga tao ng Diyos. Gayumpaman, kung ang mga kilos at pag-uugali nila ay walang kaugnayan sa pagbabago ng disposisyon, walang kaugnayan sa pagtanggap sa katotohanan at sa kaligtasan, wala silang pagkakataon na maging mga tao ng Diyos; isa itong katunayan. Ano ang prinsipyo para sa pagtrato sa mga tapat na trabahador? Ito ay ang gawin ang pinakamalaking pagsisikap upang matulungan ang mga taong ito na maging malinaw ang isip. Ano ang layunin ng pagpapalinaw sa kanilang isip? Para mapigilan silang mangarap nang gising. Maaaring magtanong ang ilan, “Ano ang tinutukoy ng ‘mangarap nang gising’?” Ito ay kapag itinuturing ng mga tao ang sarili nila bilang “mayroong mabuting pagkatao, tunay na nananampalataya sa Diyos, at mayroong kakayahang tumalikod at ng kahandaang magbayad ng halaga,” at pagkatapos ay inaasahan nilang ililigtas sila ng Diyos, na siyang imposible. Dapat na linawin sa kanila na ang panghawakan ang pananaw na “ang pagkakaroon ng mabuting pagkatao, ang tunay na pananampalataya sa Diyos, at ang pagkakaroon ng kakayahang tumalikod at ng kahandaang magbayad ng halaga ay puwedeng humantong sa pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos” ay mali at hangal. Dapat na linawin sa kanila na ang pagkakaroon ng mga katangiang ito ay hindi nangangahulugang naiwaksi na ng isang tao ang tiwali niyang disposisyon, at hindi rin nangangahulugan ang kaunting mabuting pag-uugali na maililigtas ang isang tao, lalong hindi na nakamit na ng isang tao ang katotohanan, at na ang mga pananaw niya ay kakatwa, katawa-tawa, at hindi naaayon at ganap na hindi tugma sa katotohanang ipinahayag ng Diyos. Para sa mga taong ito na nagmamatigas na panghawakan ang mga relihiyosong kuru-kuro, dapat silang tulungan; basahan sila ng mga salita ng Diyos at bahaginan sila ng katotohanan. Kung hindi pa rin nila matanggap ang katotohanan, at paano mo man ibahagi ang katotohanan ay nananatili silang hindi naliliwanagan at wala silang ipinapakitang intensyon na maghanap, kung gayon ay hindi sila kailangang pilitin. Maaari lang silang magserbisyo bilang mga trabahador hanggang sa wakas.

II. Mga Tao ng Diyos

Pagkatapos pagbahaginan ang mga pagpapamalas ng mga tapat na trabahador, pag-usapan naman natin ang mga pagpapamalas ng isa pang uri ng mga tao. Matapos marinig ang iba’t ibang paglalantad at paghatol ng Diyos sa mga tiwaling disposisyon ng lahat ng uri ng mga tao, ang mga indibidwal na ito, kung ihahambing, ay mas nag-iisip tungkol sa sarili nilang iba’t ibang nakaraang pagpapakita ng tiwaling disposisyon at iba’t ibang saloobin sa Diyos at sa katotohanan na umuusbong sa ilalim ng kapamahalaan ng tiwali nilang disposisyon—sinisimulan nilang pagnilayan at alamin ang iba’t iba nilang pagpapamalas, ikumpara ang sarili nila sa mga salita ng Diyos, suriin ang saloobin nila sa tungkulin nila, at suriin ang iba’t ibang katiwaliang ipinapakita nila habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin at sa gitna ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos. Sinusuri at kinikilala nila ang sarili nila mula sa bawat detalye habang sinusubukan nilang tanggapin ang paghatol, paglalantad, at pagdidisiplina ng Diyos. Sa anong mga paraan mas nakalalamang ang mga indibidwal na ito kaysa sa mga trabahador? Kaya nilang maagap at positibong tanggapin ang katotohanan, ang mga salita ng Diyos, at ang bawat tiwaling disposisyong inilantad ng Diyos. Bagama’t minsan ay maaari silang maging negatibo, umiwas, o mag-isip pa ngang sumuko, anuman ang mangyari, nagtataglay pa rin sila ng motibasyon na tanggapin ang katotohanan. Ano ang motibasyong ito? Ito iyon: “Kayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang mga tao. Hangga’t tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, malulutas ang lahat ng problema at tiwaling disposisyong ito, at sa gayon ay maililigtas ang isang tao. Kung gusto kong maligtas, dapat akong makipagtulungan sa gawain ng Diyos at dapat kong tanggapin ang katotohanan.” Halimbawa, nang marinig ang katotohanan tungkol sa pagiging isang matapat na tao, nagsisimula ang ilan na pagnilayan ang sarili nila at mas malinaw na makita ang panlilinlang at panlalansi na ginagawa nila, gayundin ang mga tuso at buktot nilang aspekto. Naaalala nila ang mga dati nilang kasinungalingan at madadayang pamamaraan na nananatili sa puso o impresyon nila, na paulit-ulit na naglalaro sa isipan nila tulad ng mga eksena mula sa isang pelikula, na nagdudulot sa kanila na lalong makaramdam ng kahihiyan, pasakit, at kalumbayan. Pagkatapos ng tuloy-tuloy na pagsusuri sa sarili at pagninilay sa sarili, pakiramdam nila ay para silang mga kriminal, agad silang ganap na nanlalata at hindi nila kayang tumayo. Pakiramdam nila ay hindi sila mabubuting tao kundi masasama, at iniisip nilang mapalad sila na hindi nila direktang nilabanan ang Diyos, na talagang muntik na silang hindi makaligtas! Pagkatapos ay nagsisimula na silang magising, ayaw na mabigo nang ganito bilang isang tao, at nagpapasya silang: “Dapat akong magsimulang muli at maging isang matapat na tao, kung hindi, hindi ako maililigtas ng Diyos. Para maligtas, dapat akong maging isang matapat na tao. Hinding-hindi ako maaaring sumuko ngayon!” Kailan man tanggapin ng mga taong ito ang katotohanan, at malalim man o mababaw ang pag-arok nila sa mga salita ng Diyos, ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos ay hindi panghahamak, lalong hindi ito pagtutol o paglaban. Sa halip, aktibo nilang kinikilala at tinatanggap ang mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay palagi na silang handang isagawa ang mga ito. Kapag kumikilos sila o gumaganap ng mga tungkulin nila, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para hanapin ang mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos at pagkatapos ay kumilos nang may kamalayan ayon sa mga prinsipyong ito. Kahit pa minsan ay hindi nila mahanap ang mga partikular na prinsipyo o maarok ang direksyon, ang layon nila ay ang gampanan nang maayos ang tungkulin nila, ang gampanan ito ayon sa mga layunin ng Diyos at nang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang pagkatao ng mga taong ito at ng mga trabahador ay halos pareho; walang pagkakaiba sa pagitan ng mataas at mababa, o ng marangal at hamak. Siyempre, marami sa ganitong uri ng mga tao ay nakikita ang sarili nila bilang “mayroong mabuting pagkatao, tunay na nananampalataya sa Diyos, at mayroong abilidad na talikuran ang mga bagay-bagay bilang isang mananampalataya sa Diyos, at ng kahandaang magbayad ng halaga at magtiis ng paghihirap para magampanan ang tungkulin ko.” Pero ano ang kaibahan sa pagitan ng mga taong ito at mga trabahador? Matapos nilang marinig ang mga salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos sa mga tao, ang saloobin nila ay hindi pagbalewala, hindi pag-iwas, kundi aktibo at masigasig na pagtanggap. Kahit pa mabagabag at panghinaan sila ng loob pagkatapos nilang marinig ang mga salitang ito, at magpahayag pa nga ng galit sa sarili nilang nabunyag na katiwalian, sa huli, kaya pa rin nilang harapin nang tama ang mga ito, tanggapin nang aktibo, at maagap na isagawa at pasukin ang mga ito. Hindi ba’t isa rin itong uri ng tao? (Oo.) Hindi ba’t sa isang antas ay kumakatawan ang mga taong ito? (Oo.) Marami bang ganitong tao? (Hindi marami.) Bagama’t hindi sila marami ngayon, mayroong pag-asa na dadami ang bilang nila. Kaya, sa anong kategorya dapat mabilang ang mga taong ito? Maipapahiwatig ba ng mga partikular na pagpapamalas na ito na minamahal ng mga taong ito ang katotohanan at kaya nilang tanggapin ang katotohanan? (Oo.) Maipapahiwatig ng mga ito. Bagama’t mas mabagal na tinatanggap ng ilang taong may mahinang abilidad na makaarok ang katotohanan, sa kaibuturan ng puso nila, tinatanggap nila ang katotohanan at mayroon silang pag-iisip na aktibong pumasok dito. Sa tuwing mayroong nakikipagbahaginan tungkol sa bagong liwanag o mga landas para sa pagsasagawa na alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, kumikinang ang mga mata nila, naliliwanagan ang mga puso nila, at nagagalak sila, iniisip na, “Sa wakas, mayroong nakipagbahaginan tungkol sa liwanag na ito. Ito ang wala sa akin.” Palagi nilang naaarok kung ano ang wala sa kanila, para matamo ang liwanag at kaliwanagan na kailangang-kailangan nila at wala sa kanila, at para mahanap ang mga katotohanang prinsipyong kinakailangan nila mula sa tunay na pagkaunawang batay sa karanasan na ibinabahagi ng mga kapatid nila. Batay sa mga partikular na pagpapamalas na ito, hindi ba’t inaasam ng mga puso nila ang katotohanan? (Oo.) Kung sasabihin nating minamahal ng mga taong ito ang katotohanan, hindi masyadong obhetibo o tumpak ang pahayag na ito. Gayumpaman, batay sa mga partikular nilang pagpapamalas, inaasam nga ng mga taong ito ang katotohanan. Saan nanggagaling ang pag-aasam na ito? Nanggagaling ito sa pag-asa nilang malutas ang mga tiwali nilang disposisyon, sa pag-asa nilang malutas ang iba’t ibang problema at suliraning kinakaharap nila sa buhay pagpasok nila, at sa pag-asa nilang lumago sa katotohanan, na magsiyasat nang mas malalim, gayundin sa pag-asa nilang tunay na makakilos nang may mga prinsipyo, na magsagawa nang may landas, na mas tumpak na makilala mula sa mga pagbubunyag ng mga tiwali nilang disposisyon kung ano ba ang diwa ng mga tiwali nilang disposisyon, at kung paano ba lulutasin at iwawaksi ang mga ito. Kahit na madalas na namumuhay ang mga taong ito sa loob ng mga tiwaling disposisyon, tulad ng pakikipag-agawan para sa katayuan, pagmamatigas na ipilit ang sarili nilang paraan, at pagiging mapagmagaling, mapagmataas, mapanlinlang, o matigas pa nga ang kalooban, sa pamamagitan ng patuloy na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagdanas ng gawain ng Diyos, unti-unting masusuri at matutukoy ang mga hayagang problemang ito. Pagkatapos, makikilala nila ang mga ito bilang mga problema, mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, hindi alinsunod sa katotohanan, at kinamumuhian ng Diyos. Matapos mabatid ang mga tiwali nilang disposisyon, mas lalo silang nag-aasam na malutas at maiwaksi ang mga ito. Isa ito sa mga pinagmulan ng pag-aasam nila sa katotohanan. Sa madaling salita, mayroon silang pangangailangang lutasin ang mga tiwali nilang disposisyon, ng apurahang mentalidad na iwaksi ang mga tiwali nilang disposisyon. Kasabay nito, matapos matuklasan ang iba’t ibang kalagayan, problema, at suliraning ibinunyag ng mga tiwali nilang disposisyon, mas nananabik silang maunawaan kung ano ang mga mismong salita at hinihingi ng Diyos para sa mga isyung ito, at kung aling mga katotohanan o mga salita ng Diyos ang makakalutas sa mga ito. Ang mga ito ang mga partikular na pagpapamalas at pinagmulan ng pag-aasam nila sa katotohanan. Isa ba itong obhetibong pahayag? (Oo.) Hindi masasabing nagmamahal sa katotohanan ang mga taong ito. Kung mahal nila ang katotohanan, magiging lubos na maagap sila, at magiging mas positibo ang iba’t iba nilang pagpapamalas. Gayumpaman, batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga taong ito at sa aktuwal nilang tayog, hindi pa sila umaabot sa punto ng pagmamahal sa katotohanan kundi inaasam pa lang nila ito. Labis nang obhetibo ang pahayag na ito. Kaya, kung titingnan ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga taong ito, sa aling kategorya sila dapat mabilang? Sa tumpak na pananalita, nabibilang ang mga taong ito sa kategorya ng mga tao ng Diyos. May batayan ang pahayag na ito. Anong batayan? Ang mga tiwaling disposisyon ng mga taong ito ay pareho sa mga tiwaling disposisyon ng iba. Pagdating sa pagkatao, hindi masasabing mabuti ang pagkatao nila, ni masasabing perpekto sila sa paningin ng Diyos; may taglay na karaniwang pagkatao ang karamihan sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng “karaniwan” dito? Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng isang partikular na antas ng konsensiya at katwiran. Pero hindi ito ang pinakamahalagang aspekto. Ano ang pinakamahalaga? Ito ay na pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos, pagkatapos marinig ang tungkol sa mga tiwaling disposisyon ng lahat ng uri ng mga tao na inilantad ng mga salita ng Diyos, hindi sila walang interes kundi naaantig at kikilos sila. Ano ang ibig sabihin ng pagkilos? Nangangahulugan ito na pagkatapos marinig ang mga salitang ito ng Diyos at ang mga katotohanang ito, ayaw na nilang mamuhay sa mga tiwaling disposisyon at ipagpatuloy ang mga nakaraan nilang paraan ng pamumuhay. Sa halip, sinisikap nilang baguhin ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, at paraan ng pag-iral at paraan ng pamumuhay na dati nilang sinandigan. Kasabay nito, aktibo nilang hinahanap ang katotohanan sa paggampan ng tungkulin nila at sa iba’t ibang sitwasyong isinaayos ng Diyos, gamit ang mga salita ng Diyos bilang batayan at mga prinsipyo para sa pagsasagawa, sa halip na maging walang pakundangan at matigas ang ulo. Mula sa kanilang pagkatao, kakayahan, mga saloobin at pananaw sa mga salita ng Diyos, sa gawain ng Diyos, at sa mga hinihingi ng Diyos, at iba pa, ang mga taong ito ang mismong mga nilalayong iligtas ng Diyos. Mas may pag-asa silang maiwaksi ang mga tiwali nilang disposisyon at mailigtas kaysa sa mga trabahador. Tanging ang mga tumatanggap sa katotohanan at kayang iwaksi ang mga tiwali nilang disposisyon para maligtas ang itinuturing na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t napakaangkop ng pakahulugang ito? (Oo.) Ito ang pinakaangkop. Ang kaligtasan ay hindi tungkol sa kaunting pagsisikap lang at pagbabayad ng kaunting halaga para makapanatili, at pagkatapos ay nalutas na ang lahat. Ano ang kondisyon ng mga maililigtas? Isa itong kondisyon kung saan, sa pamamagitan ng pagtanggap at pagdanas sa mga salita at gawain ng Diyos, nalulutas ang mga tiwali nilang disposisyon. Sa prosesong ito, nakikilala nila ang Diyos, nauunawaan nila ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, at nagkakaroon sila ng mga tunay at kongkretong karanasan sa mga salita ng Diyos, kaya nagagawa nilang magpatotoo sa Diyos—nagagawa nilang patotohanan ang Diyos. Anong mga aspekto ng Diyos ang pinatototohanan nila? Nagpapatotoo sila sa mga layunin ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, sa mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, sa pagkakakilanlan ng Diyos, at na ang Diyos ang Lumikha. Ito ang maaaring maipamalas sa isang tao pagkatapos matamo ang kaligtasan. Bakit makakamit ng mga tao ang mga resultang ito pagkatapos na maligtas? Hindi dahil itinuturing nila ang sarili nila bilang “mayroong mabuting pagkatao, tunay na nananampalataya sa Diyos, at mayroong abilidad na talikuran ang mga bagay-bagay bilang isang mananampalataya sa Diyos, at ng kahandaang magbayad ng halaga para magampanan ang tungkulin ko” kaya nakakamit nila ito. Ang tanging dahilan—at ang pinakamahalagang punto—ay na kaya nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang buhay nila, kaya nilang isagawa ang katotohanan para maiwaksi ang mga tiwali nilang disposisyon, maisantabi ang mga orihinal at dati nilang paraan ng pamumuhay at mga pananaw sa pamumuhay, at tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang bago nilang buhay. Ginagamit nila ang mga salita ng Diyos bilang isang batayan sa pag-asal, paggawa ng mga bagay, pagsunod sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at pagbibigay-kasiyahan sa Diyos. Ito ang resulta na maaaring makamit sa gayong mga tao. Ano ang pinakamahalagang aspekto para sa pagkakamit ng kaligtasan? (Ang magawang tanggapin ang katotohanan.) Tama iyan. Ang magawang tanggapin ang katotohanan ang susi.

Sinasabi ng ilang tao, “Kung gugugulin ko ang sarili ko para sa Diyos hanggang sa wakas, labis ba akong pagpapalain ng Diyos?” Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, pero kaya mo pa ring magpursigi sa pagsunod sa Diyos hanggang sa wakas, nagtatrabaho hanggang sa huli, at sa panahong ito ay walang malalaking pagsalangsang at hindi mo sinasalungat ang disposisyon ng Diyos, kung gayon, sa gayong mga sitwasyon, ituturing ka ng Diyos bilang isang tapat na trabahador na mananatili. Nagtatanong ang ilang tao, “Anong uri ng pagpapala ang manatili?” Hindi ito maliit na pagpapala! Kung mayroong pagkakataon at posibilidad, maaari mong makita ang tunay na persona ng Diyos, at nakasalalay ito sa kung ano ang gagawin ng Diyos sa susunod na kapanahunan. Kung mayroong oportunidad na manatili at mabuhay nang ilan pang dekada, napakamakabuluhan ng pagpapalang iyon. Paano nangyayari ang pagpapalang ito? Nakakamit ito sa pamamagitan ng pagtatrabaho nang tapat habang pinanghahawakan ang pananaw na “Mayroon akong mabuting pagkatao, tunay akong nananampalataya sa Diyos, kaya kong talikuran ang mga bagay-bagay, at handa akong magbayad ng halaga at kaya kong magtiis ng paghihirap para magampanan ang tungkulin ko.” Hindi ba’t dapat marunong makontento ang mga trabahador? (Oo.) Dapat silang maging kontento na matamo ang pagpapalang ito. Ni hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos, pero dahil nakikita ng Diyos ang katapatan at abilidad mong magtrabaho hanggang sa wakas, nang hindi lumilisan sa panahong ito, nang hindi sinasalungat ang disposisyon ng Diyos o nilalabag ang Kanyang mga atas administratibo, nang hindi gumagawa ng malalaking pagsalangsang, ipinagkakaloob Niya sa iyo ang pagpapala at biyayang ito—mula noong likhain ang sangkatauhan, ito ang pinakamalaking kaloob na ibinibigay ng Diyos sa mga tiwaling tao na nagtrabaho lang nang tapat pero hindi nagtamo ng kaligtasan. Nagsikap ka lang nang kaunti, at hindi mo man lang tinatanggap ang mga salita ng Diyos—ang makatanggap ng gayon kalaking pagpapala ay napakainam na; ito ang napakalaking biyaya ng Diyos. Ang isa pang kategorya ay ang mga tao ng Diyos, na kakatalakay lang natin. Ang mga pagpapalang matatanggap ng mga tao ng Diyos ay tiyak na mas malaki kaysa sa mga matatanggap ng mga trabahador. Kung gayon, ano ang pagpapala sa mga tao ng Diyos? Siyempre, hindi ito kasingsimple ng makapanatili lang o magkaroon ng oportunidad na makita ang tunay na persona ng Diyos. Mayroong higit pang mga pagpapala, pero hindi natin tatalakayin ang mga ito rito. Hindi makatotohanan na talakayin iyon, at bukod pa roon, kahit pa sabihin Ko sa inyo, hindi naman ninyo mauunawaan o matatamo ang mga iyon sa ngayon. Ang mga tao ng Diyos ang mga nilalayong iligtas ng Diyos, at sa buong sangkatauhan, matatanggap nila ang pinakamalalaking pagpapala; hinding-hindi ito isang pagmamalabis. Bakit ganoon? Dahil, sa gawain ng Diyos, sa loob ng gawain ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, ay naiwaksi ng mga tao ng Diyos ang tiwaling disposisyon ni Satanas at naisabuhay nila ang mga salita ng Diyos, dahil nagagawa nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos, ituring ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan at bilang ang mga prinsipyo para sa pag-iral nila, at gawing buhay nila ang mga salita ng Diyos, at sa gayon ay malakas at umaalingawngaw na magpatotoo sa Diyos. Nagagawa nilang gamitin ang isinasabuhay nila, ang buhay nila, para gantihan at ipahiya si Satanas, nagagawa nilang patotohanan ang Diyos sa sangkatauhan, at sa gayon ay magdala ng kaluwalhatian sa Diyos. Samakatwid, ang mga tao ng Diyos ang mga nilalayong iligtas ng Diyos, at ang mga nakatatanggap ng kaligtasan. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil kaya ng mga indibidwal na ito na gawing buhay nila ang mga salita ng Diyos, isabuhay ang mga salita ng Diyos, at patotohanan ang Diyos, dahil ba roon ay nagiging mga minamahal na anak sila ng Diyos, iyong mga kinalulugdan ng Diyos?” Masyado kang nag-iisip; ayos nang maging isa sa mga tao ng Diyos. Kung tatawagin ka ng Diyos na Kanyang anak, Kanyang supling, o Kanyang minamahal na anak, ang Diyos ang magpapasya roon, pero kahit kailan, hindi mo kailanman dapat ipahayag mismo na ikaw ang minamahal na anak ng Diyos, ang anak ng Diyos, o ang minamahal ng Diyos. Huwag kang gumawa ng gayong mga pahayag tungkol sa sarili mo, at huwag mong ituring ang sarili mo bilang ganoon; isa kang nilikha—tama ito. Kahit pa isang araw ay tawagin ka na kasama sa mga tao ng Diyos, o tumahak ka na sa landas ng kaligtasan, isa ka pa ring nilikha lang. Kung ganito ka mag-isip, nagpapatunay ito na ang landas na tinatahak mo ay ang tamang landas. Kung palagi kang naghahangad na maging minamahal na anak ng Diyos, na mahalin ng Diyos, na kalugdan ng Diyos, ang landas na tinatahak mo ay ang maling landas; walang patutunguhan ang landas na ito, at hindi mo dapat gawin ang ganyang pangangarap nang gising. Kung nagsabi man ang Diyos ng gayong mga salita kailanman, o nagbitaw ng gayong pangako sa mga tao, hindi mo dapat ituring ang sarili mo na ganito; hindi ito ang dapat mong subukang matamo. Ayos nang maging isa sa mga tao ng Diyos; pasok na sa pamantayan bilang mga nilikha ang mga tao ng Diyos—nakakalungkot lang na hindi ka pa ganoon. Kaya, huwag mong hangarin ang mga malabo, di-totoo, at walang-kabuluhang bagay na iyon. Ang magawang hangarin na maligtas ay, sa isang antas, pagtahak na sa landas ng kaligtasan. Ang mga pangunahing katangian ng mga tao ng Diyos ay na kaya nilang tanggapin ang katotohanan at nagpapakita sila ng pagmamahal sa katotohanan. Sa proseso ng pagdanas ng gawain ng Diyos at paghahangad ng kaligtasan, maaaring malutas, maiwaksi, at mabago sa iba’t ibang antas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, mga dating kaisipan, at iba’t ibang negatibong kalagayan at pagpapamalas na nauugnay sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Pagkatapos, maisasabuhay na nila ang mga hinihingi ng Diyos na maging isang matapat na tao, isang taong nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, isang taong may katapatan at pagpapasakop, at isang taong kayang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Pagdating naman sa kung paano maging isa sa mga tao ng Diyos na pasok sa pamantayan at nakakatugon sa sukatan, hindi tayo magpapalawig tungkol doon; hindi iyon ang paksa ng pagbabahaginan natin ngayon.

III. Mga Upahang Manggagawa

Bukod sa mga trabahador at mga tao ng Diyos, may isa pang kategorya ng mga indibidwal, na pinakakaawa-awa sa mga hinirang ng Diyos. Pagkatapos marinig ang iba’t ibang katotohanang ipinahayag ng Diyos at ang iba’t ibang salita ng Kanyang paglalantad sa sangkatauhan, ang pag-uugali nila, ang isinasabuhay nila, at mga paghahangad nila ay hindi nagpapakita ng anumang pagbabago. Paano ka man makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, nananatili silang walang interes: “Ayaw kong magbago. Mamumuhay ako kung paano ko man gustong mamuhay, at walang sinuman ang makakakontrol sa akin. Gawin ninyo kung ano ang gusto ninyo, wala akong pakialam! Hindi maganda ang timpla ko ngayon, kaya wala dapat sa inyo na mang-inis sa akin. Kung iinisin ninyo ako, hindi ako magiging magalang!” Hindi nila itinuturing ang sarili nila nang may tiyak na saloobin o pananaw na “Mayroon akong mabuting pagkatao, tunay akong nananampalataya sa Diyos, kaya kong talikuran ang mga bagay-bagay, at handa akong magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga,” pero nagpapakita sila ng mas tiyak na saloobin kasama ang mga kapatid. Ano ang saloobing ito? Ito ay, “Kikilos ako kung paano ko man gusto, gagawin ko kung anuman ang nais ko. Walang sinuman ang dapat humimok sa akin na tanggapin ang katotohanan, walang sinuman ang dapat sumubok na baguhin ako. Ang sinumang sumubok na himukin akong tanggapin ang katotohanan ay naghahanap lang ng gulo, at kung may sinumang sumubok na pungusan ako, lalaban ako nang todo!” Wala silang kahit katiting na interes sa anumang pangungusap na binigkas ng Diyos, ni sa gawaing ginagawa ng Diyos. Siyempre, pagdating sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao at sa mga prinsipyo ng paggawa ng mga bagay, gayundin sa saloobing dapat taglayin ng mga tao sa Diyos at mga prinsipyong dapat sundin sa mga pakikisalamuha sa iba—na binabanggit ng mga kapatid sa mga pagtitipon o habang ginagampanan ang tungkulin nila—tinatrato nila ang mga ito nang may saloobin ng panghahamak. Gumagampan ng tungkulin ang ilang indibidwal, pero ganap nilang binabalewala ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, ginagawa nila ang mga bagay-bagay kung paano nila ito pinlano. Pagkatapos na pagkatapos mong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga prinsipyo, sumasang-ayon sila nang harap-harapan pero pagkatapos ay tumatalikod sila at nagsisimulang kumilos nang walang pakundangan at basta-basta, na nagpapakita ng malademonyo nilang aspekto. May mga indibidwal ding mukhang mga disenteng tao sa panlabas, pero kapag nakikipag-usap o nakikipagkuwentuhan ka sa kanila, hindi tama ang mga pananaw nila, hindi tama ang tono nila, at ang mas malala pa ay hindi tama ang disposisyon nila, na ginagawang imposible na makipag-usap sa kanila. Kapag tinanong mo sila, “Umiiral ba sa mundo ang Diyos?” sasabihin nila, “Hindi ko alam.” Sasabihin mo, “Dapat itong gawin sa ganitong paraan, layunin ito ng Diyos.” Tutugon sila, “Sa tingin mo ba ay mahirap akong pakisamahan? Nilalayon mo bang bigyan ako ng problema? Sinusubukan mo ba akong patalsikin?” Sasabihin mo, “Ang pagkilos nang ganito ay pagkakalat ng mga kuru-kuro at pagbubulalas ng pagkanegatibo, na maaaring maging sanhi na matisod ang ilang bagong mananampalataya. Dapat tayong sumunod sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos, at dapat malinaw sa atin ang mga prinsipyong dapat sundin sa mga pakikisalamuha at pakikisama ng mga tao sa isa’t isa. Kung hindi makapagpapatibay o makatutulong sa iba ang sinasabi at ginagawa, kahit papaano man lang, hindi dapat ito magkaroon ng negatibong epekto sa iba. Ito ang katwiran na dapat taglayin ng isang tao na may normal na pagkatao.” Sasabihin nila, “Nakikipag-usap ka sa akin tungkol sa normal na pagkatao, nangangaral sa akin tungkol sa mga panuntunan, sino ka ba sa tingin mo? Ano ba ang mali sa pagbubulalas ko ng pagkanegatibo? Para sa bawat bagong mananampalatayang natitisod, nababawasan ng isa ang mga bagong mananampalataya—makaiiwas ako na mainis na makita sila!” Walang saysay ang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa mga panuntunan, at gayundin ang pagtatalakay tungkol sa pagkatao. Paano naman ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, ang pagbabahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos? Hindi rin sila nakikinig sa pagbabahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos. Walang nangangahas na punahin sila, walang nangangahas na abalahin o inisin sila. Mayroon bang ganitong mga tao sa iglesia? (Mayroon.) Sa mga pinaalis na, mayroon ngang gayong mga indibidwal. Ang mga taong ito ba ay mga trabahador, mga tao ng Diyos, o ano? (Sila ay mga taong itiniwalag.) Bakit sila itiniwalag? (Dahil sa hindi pagtanggap sa katotohanan; dahil sa pagtutol sa katotohanan.) Ito ang diwa ng problema. Kung gayon, bakit hindi nila tinatanggap ang katotohanan? Bakit sila tumututol sa katotohanan? Ano ang ugat na sanhi? (Ang diwa ng mga taong ito ay sa mga hindi mananampalataya.) Tama, ang diwa nila ay sa mga hindi mananampalataya. Marami-raming hindi mananampalataya sa iglesia, pero ganito ba ang lahat ng hindi mananampalataya? (Hindi.) Ang mga indibidwal na ito, na wala man lang pinakapangunahing moralidad at pagpapalaki—itinitiwalag ba sila dahil lang sila ay mga hindi mananampalataya? Bakit sila itinitiwalag? Sa ugat nito, isa itong problema ng pagkatao; may masama at mapaminsalang pagkatao ang mga taong ito. Sa tumpak na pananalita, wala silang pagkatao. Dahil wala silang pagkatao, ano sila? Mga tao sila na may maladiyablong kalikasan. Paano maikukumpara ang mga taong may maladiyablong kalikasan sa mga hayop? Sa tingin Ko ay mas masahol pa nga sila kaysa sa mga hayop; kaya ng ilang hayop na maging masunurin at umiwas na gumawa ng mali. Halimbawa, kaya ng mga aso na maging napakabuti; talagang mainam na gawing mga alaga ang ilang aso, talagang nakakasundo ang mga tao! Talagang masunurin at matalino sila, nauunawaan ang lahat ng sinasabi ng mga tao, at angkop silang manatili sa loob ng bahay. Higit na mas mabuti ang gayong mga aso kaysa sa mga masuwaying tao. Maraming tao ang mas masahol pa kaysa sa mabubuting aso. Kung gayon, tao pa rin ba sila? Hindi, hindi sila tao; sila ay hindi-tao. Maraming tao ang hindi nakauunawa sa wika ng tao; imposibleng makipag-usap sa kanila. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan paano man ito ibinabahagi, nagrereklamo sila kapag pinupungusan, at nagngangalit sila at nagmumura kapag natiwalag sila, hindi nagpapakita ng anumang pagbabago kahit ilang taon na silang nananampalataya. Puwede pa rin bang pahintulutang manatili sa sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao? (Hindi.) Hindi sila puwedeng pahintulutang manatili. Sa anong kategorya dapat ibilang ang gayong mga indibidwal? Una sa lahat, dapat bang ikategorya ang mga indibidwal na ito bilang hinirang na mga tao ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi sila kabilang sa mga hinirang ng Diyos, sa anong kategorya sila dapat ilagay? Ang hindi mapabilang sa mga hinirang ng Diyos—paano dapat ito bigyan ng kahulugan? Nangangahulugan ito na mula sa perspektiba ng pagkatao na ipinapakita at isinasabuhay nila, hindi lang ito isang simpleng usapin ng pagiging hindi mananampalataya; hindi sa tao ang diwa nila. Marami ang hindi mananampalataya—kasinsama at kasingmapaminsala ba silang lahat ng mga indibidwal na ito? Hindi. Maging sa mga walang pananampalataya, hindi lahat ay ganoon kasama; nagtataglay ang ilang tao ng mga pinakapangunahing pamantayan ng moralidad. Paano naman ang mga indibidwal na ito kung gayon? Wala man lang sila ng mga pinakapangunahing moralidad at pagpapalaki na mayroon ang mga walang pananampalataya; ang mga pagbubunyag nila at ang isinasabuhay nila, sa tumpak na pananalita, ay hindi pasok sa mga pamantayan ng moralidad ng tao. Ang diwa ng mga taong ito ay pagiging maladiyablo. Kung gayon, mula sa perspektiba ng diwa nila, inililigtas ba sila ng Diyos? (Hindi.) Hindi sila inililigtas ng Diyos. At bakit ganoon? Dahil masama at mapaminsala ang pagkatao nila, malademonyo ang kalikasan nito, at sa gayon ay tumututol sila sa katotohanan at nilalabanan nila ito. Ang totoo, ang ganitong paglalarawan ay pagtataas sa kanila; sa mas tumpak na pananalita, tinututulan at kinamumuhian ng mga indibidwal na ito ang mga positibong bagay, hindi sila umaabot sa antas ng pagiging tutol sa katotohanan at hindi pagtanggap dito. Tumututol, namumuhi, at lumalaban sila maging sa mga pinakapangunahing positibong bagay; ang mga panuntunang dapat sundin ng isang taong may normal na pagkatao at ang pagpapalaking dapat na mayroon sila ay pawang mga bagay na kinasusuklaman nila. Kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan? (Hindi nila iyon nagagawa.) Tama, hindi nila iyon nagagawa; hindi man lang sila mga trabahador. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil hindi man lang sila mga trabahador, ano ang turing sa kanila sa loob ng sambahayan ng Diyos? Paano sila nakapasok sa sambahayan ng Diyos?” Kung ipapaliwanag natin sila, para ilagay sila sa isang kategorya, sa tumpak na pananalita, ang mga indibidwal na ito ay katulad ng mga upahang manggagawa o pansamantalang manggagawa na ipinasok mula sa mga walang pananampalataya. Malinaw ba ang kahulugan nito? Ito ang kategorya nila, gayundin ang papel na ginagampanan nila sa sambahayan ng Diyos. Hindi man lang sila mga trabahador; hindi Ko sila itinuturing na mga trabahador, hindi sila karapat-dapat! Nagtataglay ang mga trabahador ng mga katangiang tulad ng pagkakaroon ng mabuting pagkatao, tunay na pananampalataya sa Diyos, at pagkakaroon ng kahandaang magbayad ng halaga, at ng abilidad na magtiis ng paghihirap, at isinasabuhay nila ang mga bagay na ito. Wala kahit ng mga katangiang ito ang mga indibidwal na ito, kaya ang pagkaklasipika sa kanila bilang mga upahang manggagawa ay pagpapakita na sa kanila ng sukdulang kabaitan at lubos na magalang. Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang upahang manggagawa o pansamantalang manggagawa? Nangangahulugan ito na, dahil sa mga espesyal na pangangailangan sa mga partikular na panahon, ang sambahayan ng Diyos ay kumukuha ng ilang indibidwal na walang kaugnayan sa kaligtasan para makumpleto ang ilang gampanin. Pagkatapos makumpleto ang mga gampaning ito, nabubunyag ang tunay na kulay ng mga indibidwal na ito. Sapat nang nagdusa ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pakikisalamuha sa kanila, labis nang nagsasawa sa kanila, at nagkaroon na rin ng sapat na pagkilatis tungkol sa kanila. Sa gayong mga sitwasyon, dapat na paalisin ang mga indibidwal na ito; ito ang pinakaangkop na panahon para sa gayong mga pagkilos. Malinaw bang ipinaliwanag ngayon lang kung paano lumilitaw ang mga indibidwal na ito? (Oo.) Mga upahan silang manggagawa na walang kaugnayan sa kaligtasan, na ipinasok sa mga espesyal na panahon ng gawain ng iglesia. Pagkatapos gumawa ng kung anu-anong trabaho at magserbisyo sa loob ng ilang panahon, gumagawa ang mga indibidwal na ito ng mga walang-pakundangang maling gawa sa loob ng sambahayan ng Diyos, na nagiging sanhi ng maraming paggambala at panggugulo. Ang papel na ginagampanan nila ay iyong sa mga negatibong karakter. Ganap nilang sinasalamin ang tunay na mukha ni Satanas at ng mga diyablo, ginugulo ang gawain ng iglesia, at sinisira ang kaayusan ng buhay iglesia. Sa mas kongkretong pananalita, masasabing lubhang nakakapinsala ang mga indibidwal na ito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, tulad ng paninira ng marami sa mga kasangkapan, makinarya, at mahalagang gamit ng sambahayan ng Diyos, at iba pa. Masasabing nagdulot ng malawakang galit ang mga kilos at pag-uugali ng mga indibidwal na ito. Siyempre, binigyang-kakayahan din nila ang mas maraming tao na matuto ng mga aral at magkamit ng pagkilatis, na matutunan kung ano ang isang diyablo at kung ano ang ibig sabihin ng kawalan ng pagkatao, at na malinaw na makita ang mga tunay na mukha ng mga hindi mananampalataya; binigyang-kakayahan nila ang mga tao na makita, sa isang malinaw at mas kongkretong paraan, kung ano ang mga kaisipan at pananaw ng mga hindi mananampalataya, kung ano ang hinahangad nila, kung ano ang ninanais nila sa kaibuturan ng mga puso nila, kung ano ang saloobin nila sa Diyos at sa katotohanan, at kung ano ang saloobin nila sa mga tungkulin nila, at sa mga positibong bagay, at maging ang mga saloobing kinikimkim ng mga indibidwal na ito sa mga partikular na regulasyong ginawa ng sambahayan ng Diyos, at iba pa. Kapag nagiging ganito kapartikular ito, kung paano isinasabuhay ng mga indibidwal na ito ang pagkatao nila, ang pagkataong diwa nila, at kung ano ang hinahangad nila, ay pawang ganap na nalalantad. Kung gayon, ang pagpapanatili sa mga indibidwal na ito sa iglesia ay tila kalabisan; magdudulot ito ng malaking pinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos at hindi talaga ito kapaki-pakinabang sa kanila. Ito na ang panahon para lumisan sila. Kaya, kung sasabihin natin na binigyan sila ng sambahayan ng Diyos ng sapat na panahon at mga pagkakataon para tanggapin ang katotohanan at sambahin ang Diyos, tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Paano ito dapat sabihin kung gayon? Binigyan sila ng sambahayan ng Diyos ng maraming pagkakataon at sapat na panahon para magbago, pero nagbubunyag ng isang katunayan ang huling resulta: Ang isang diyablo ay palaging isang diyablo sa anumang panahon at hindi maaaring magbago kailanman. Ito ang katunayan. Posible bang maipagawa sa malaking pulang dragon na kilalanin ang katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos? Ang mapagbago at mapasunod sa ilang panuntunan ang mga taong ito na may malademonyong kalikasan—makakamit ba ito? (Hindi.) Hindi nila ito makakamit. Ang pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataon ay hindi para tanggapin nila ang katotohanan, kilalanin nila ang gawaing ginawa ng Diyos, o kumilos sila ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kundi para bigyan sila ng mga pagkakataon na magbago. Kung mayroong kahit katiting na palatandaan na nagbago na sila, maaaring magbago ang kalalabasan nila kalaunan. Gayumpaman, hindi alam ng mga taong ito kung ano ang mabuti para sa kanila; palaging magiging ganoon lang ang malademonyo nilang kalikasan. Gaano kahabang panahon man o ilang pagkakataon man ang ibigay sa kanila, hindi magbabago ang isinasabuhay nila at ang diwa nila; isa itong katunayan. Samakatwid, ang pinakamabuting paraan para pangasiwaan ang mga taong ito ay ang tanggalin sila sa mga tungkulin nila, paalisin sila sa iglesia, at tiyakin na wala na silang koneksyon o kaugnayan sa sambahayan ng Diyos. Mayroon bang mga indibidwal na mag-aatubiling makita silang lumisan at maaawa sa kanila, na magsasabing, “Napakabata pa ng mga taong ito; kung bibigyan ng panahon, magiging mahusay sila. Mayroon silang napakagaling na kakayahan, labis silang binigyan ng kaloob at talento—napakaganda sana kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan! Kung magiging mas mapagmahal at mapagparaya sana ang sambahayan ng Diyos, at magbibigay sa kanila ng mas marami pang pagkakataon para magsisi, kapag tumanda sila, baka mag-iba ang mga bagay-bagay”? Anong uri ng mga tao ang ganito mag-isip? (Mga taong naguguluhan, mga taong nalilito.) Tama. Silang lahat ay mga taong naguguluhan at nalilito—mga tampalasan lang! Hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi sila pinapahintulutan ng sambahayan ng Diyos na manatili—ano ba ang dapat kaawaan sa kanila? Sinasabi ng Diyos na hindi Niya ililigtas ang gayong mga tao, pero iminumungkahi mong bigyan sila ng pagkakataong magsisi. Kaya mo bang magligtas ng mga tao? Hindi ba’t pagsalungat ito sa Diyos? Sinusubukan mo bang ipaisip sa iba na mas mapagmahal ka kaysa sa Diyos? Taglay mo ba ang katotohanang realidad? Kaya mo bang kilatisin ang diwa ng isang tao? Sino ba ang makapagliligtas sa mga tao, ang Diyos o ikaw? Ang pangangahas na sumalungat sa Diyos—masyado itong mapagmataas, mapagmagaling, at wala sa katwiran, hindi ba? Hindi ba’t isa itong malaking pagrerebelde? Hindi ba’t reinkarnasyon ito ni Satanas at ng masasamang espiritu, na palaging nasisiyahan sa pagsalungat sa Diyos? Ang mga hindi mananampalatayang binanggit ngayon lang ay mas mababa kaysa sa mga hayop. Paano man makipagbahaginan ang isang tao sa kanila tungkol sa katotohanan, wala itong silbi; maging ang pagpupungos sa kanila ay walang saysay. Masasabing taglay nila ang kalikasan ni Satanas at hindi sila kailanman magbabago. Kung gusto ng isang tao na bigyan ng pagkakataon iyong mga kauri ni Satanas na magsisi, hayaan mo siyang magtustos para sa gayong mga tao; tingnan natin kung tunay na may pagmamahal siya. Iyong mga hindi mananampalataya na hindi man lang tinatanggap ang katotohanan ang pinakamasahol sa iglesia; parang mga hayop silang lahat, wala sa katwiran at walang kakayahang maligtas. Sa nakaraan man o sa kasalukuyan, ang pagtrato sa kanila ng iglesia ay naging napakaangkop; nagpakita ang iglesia ng napakalaking pasensiya at pagpaparaya sa kanila, at nagbigay sa kanila ng sapat na mga pagkakataon. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin talaga sila nagbabago, lalo pang tumitindi ang mga pamamaraan nila. Sa simula, kapag nananampalataya sa Diyos ang mga taong ito nang may mga kuru-kuro nila, imahinasyon, at pagnanais sa mga pagpapala, kaya nilang medyo magpigil, gampanan ang mga tungkulin nila nang may kaunting kasiglahan at sigasig. Gayumpaman, sa huli, kapag nakikita nila na “nangangahulugan ang pananampalataya sa Diyos ng paghahangad sa katotohanan, pagkilala sa gawain ng Diyos, at pagpapasakop sa Diyos, at iyon na lahat iyon,” ganap na nalalantad ang saloobin nila sa Diyos at sa katotohanan, pati na rin ang tunay nilang kulay. Ano ba ang nalalantad? Hindi lang sila walang pagkatao, konsensiya, at katwiran, kundi labis-labis din silang malupit, buktot, at mabangis. Hinahamak nila ang Diyos at ang katotohanan, at tinatrato pa nga ang mga hinihingi at panuntunan ng sambahayan ng Diyos—at ang mga atas administratibo ng Diyos—nang may pagkamapanlaban at paghamon. Pinatindi ng mga pagpapamalas nilang ito ang pagkasuklam at pagkamuhing nararamdaman ng hinirang na mga tao ng Diyos sa kanila, at pinabilis din ng mga ito ang pag-aalis sa kanila ng sambahayan ng Diyos, na sa huli ay mabilis na tumukoy kung mananatili o lilisan ba sila, nagpasya ng mga kinalabasan at tadhana nila. Sila ang may gawa ng mga kinalabasan at tadhana nila, hindi naganap ang mga ito dahil sa pag-uudyok o panunulsol ng sinuman, o dahil pinuwersa o tinukso ng isang tao ang mga taong ito, at lalo namang hindi naganap ang mga ito dahil sa mga obhetibong sitwasyon; ang mga kinalabasan at tadhana nila ay kagagawan din nila, naganap ang mga ito dahil sa sarili nilang mga pagpili, at tinukoy ang mga ito ng kalikasang diwa nila at ng mga landas na tinahak nila. Nakatakda na ang mga kalalabasan at tadhana ng mga taong ito; sa sandaling mapaalis sila mula sa hanay ng mga gumagampan ng tungkulin nila, hindi na sila mga trabahador man lang. Maiisip mo nang mabuti kung anong uri ng tadhana ang mapupunta sa kanila—hindi ito karapat-dapat na banggitin dito, dahil hindi sila karapat-dapat.

Pagdating sa uri ng mga tao na nabubunyag at natitiwalag, malinaw na makikita ang mga pagpapamalas ng iba’t iba nilang masasamang gawa, pati na rin ang mga mapaminsalang salita at pagbigkas na ibinubunyag nila sa pang-araw-araw nilang buhay. Gayumpaman, walang kakayahan ang ilang lider at manggagawa na makilatis kung ano talaga ang masasamang taong ito, o na makilatis ang kalikasang diwa ng mga ito. Tila hindi batid ng mga lider at manggagawang iyon na ang mga ito ay masasamang tao at mga hindi mananampalataya, at sa gayon ay walang mga plano ang mga lider at manggagawang iyon na alisin ang mga taong ito sa iglesia, o na harapin ang mga ito nang naaangkop. Isa itong malubhang pagpapabaya sa responsabilidad sa parte nila bilang mga lider o manggagawa. Dilat na nakatingin ang mga lider at manggagawa na iyon habang hindi sumusunod sa anuman sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito na may malademonyong kalikasan, habang nag-aamok ang mga ito at walang pakundangang ginugulo at sinasabotahe ng mga ito ang gawain ng iglesia at ang kaayusan ng buhay iglesia; binibigyang-layaw pa nga ng mga lider at manggagawang iyon ang mga taong ito kapag ang mga ito ay kumikilos nang mapangahas at walang habas, umaasal nang tampalasan, at namiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos habang diumano’y gumagampan ng tungkulin ng mga ito. Sumasaklaw sa maraming bagay ang pamiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos: ang paninira sa makinarya at iba’t ibang kasangkapan ng sambahayan ng Diyos, ang paninira sa iba’t ibang kagamitan at suplay sa opisina, maging ang pagwawaldas ng mga handog para sa Diyos ayon sa gusto nila, at iba pa. Ang mas malubha, walang pakundangan silang naglalabas ng iba’t ibang maling pananampalataya at panlilinlang, na nagdudulot ng sobrang panggugulo na hindi magawa ng hinirang na mga tao ng Diyos na gampanan ang mga tungkulin nila nang mapayapa, labis na panggugulo na ang mga taong mahina at negatibo ay tinatalikuran ang mga tungkulin nila at nawawalan ng pananalig sa pagsunod sa Diyos. Ginagawa ng masasamang taong ito ang lahat ng masamang bagay na ito, ginagawa nila ang lahat ng masamang gawang ito na gumugulo at gumagambala sa gawain ng iglesia at nagdudulot ng pinsala sa mga kapatid, pero nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang mga lider at manggagawa; sinasabi pa nga ng ilan sa kanila, “Hindi ko alam, walang nagsabi sa akin!” Nagdulot ng malaking pinsala ang pangkat ng mga hayop at diyablong iyon, nagpapakawala ng kaguluhan sa iglesia, pero ganap na walang alam at kabatiran ang mga lider at manggagawa tungkol dito! Hindi ba’t basura sila? Nasaan ang puso nila? Ano ang ginagawa nila? Hindi ba’t nakikibahagi lang sila sa walang-kuwentang daldalan? Hindi ba’t pinapabayaan nila ang mga gampaning marapat nilang gawin? Sa bawat araw na nasa trabaho ang gayong mga huwad na lider ay isa pang araw para walang pakundangang guluhin ng lahat ng uri ng masasamang tao ang iglesia at pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos. Dahil sa hindi tumutupad ang mga huwad na lider sa mga responsabilidad nila kung kaya’t ang pangkat ng mga halimaw na iyon ay walang ginagawa buong araw, hindi gumagampan ng anumang mga tungkulin o sumusunod sa anumang mga panuntunan, nagiging palamunin ng sambahayan ng Diyos, malayang tinatamasa ang iba’t ibang materyal na pakinabang at kabutihan ng sambahayan ng Diyos—sadya pa nga nilang ginugulo ang gawain ng iglesia, sinisira ang mga makinarya at kagamitan ng sambahayan ng Diyos. Ganito sila kumilos, gayumpaman ay umaasa pa rin silang magkaroon ng masarap na buhay at gumawa ng anumang gusto nila sa sambahayan ng Diyos, nang walang sinuman ang puwedeng mang-abala o mang-inis sa kanila. Napakalubha ng isyung ito, pero isinasantabi ito ng mga lider at manggagawa, hindi ito nilulutas kahit pa iulat ito ng iba—hindi ba’t basura sila na hindi gumagawa ng tunay na gawain? Hindi ba’t isa itong malubhang pagpapabaya sa responsabilidad? (Oo.) Sinasabi ng ilan, “Hindi ko nalutas ang problema dahil abala ako sa ibang gawain. Hindi ko lang talaga mabigyan ng panahong gawin ito!” Nasa katwiran ba ang mga salitang ito? Ano ba talaga ang pinagkakaabalahan mo, kung hindi mo nilulutas ang gayon kalubhang problema? Mayroon bang halaga ang mga bagay na pinagkakaabalahan mo? Nagagawa mo bang unahin ang gawain mo? Hindi ba’t dapat unahin ang paglutas sa mga problema, gaano ka man kaabala sa gawain? Ang agarang pag-unawa at pagharap sa iba’t ibang uri ng mga tao na gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia ay ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kung isasantabi mo ang mga tunay na problema at magpapakaabala ka sa ibang mga usapin, gumagawa ka ba ng tunay na gawain? Kung makakatuklas ka ng isang isyu o may mag-uulat ng isang isyu sa iyo, dapat mong isantabi ang gampaning ginagawa mo at agad kang pumunta sa lugar at tingnan mo kung ano ang pinagmulan ng problema. Kung ito ay isang masamang tao na gumugulo at gumagambala sa gawain ng iglesia, dapat mo munang alisin ang masamang taong ito. Pagkatapos, magiging madali na ang paglutas ng ibang mga problema. Kung makakatuklas ka ng isang problema at hindi mo ito aayusin, sinasabi na masyado kang abala, sa katunayan, hindi ba’t nagmamadali ka lang na parang isang ardilya sa isang hawla? Ano ba talaga ang pinagkakaabalahan mo? Ito ba ay tunay na gawain? Maaari mo bang ipaliwanag ito nang malinaw? Makatwiran ba ang mga dahilan at palusot mo? Bakit mo itinuturing na hindi mahalaga ang paglutas ng mga problema? Bakit hindi mo maagap na nilulutas ang mga problema? Bakit ka naghahanap ng mga dahilan at umiiwas sa mga bagay-bagay, sinasabing masyado kang abala para asikasuhin ang mga ito? Hindi ba’t pagiging iresponsable ito? Bilang isang lider sa iglesia, ang hindi pagbibigay-priyoridad sa paglutas ng mga problema, ang pagpapakaabala sa iba’t ibang di-mahalagang usapin, ang pagkabigong makilala ang pag-iral ng mga kritikal na problema, ang kawalan ng kakayahang mapag-iba ang kahalagahan at pangangailangan na gawin agad ang gawain at maarok ang mga napakahalagang punto—ang mga ito ang mga pagpapamalas ng isang napakahinang kakayahan, at ang gayong tao ay magulo ang isip. Kahit gaano karaming taon ka nang isang lider, hindi mo kayang gawin nang maayos ang gawain ng iglesia. Dapat kang tumanggap ng pananagutan at magbitiw. Kung napakahina ang kakayahan ng isang lider, walang silbi ang anumang pagsasanay; tiyak na hindi niya magagawang maisakatuparan ang anumang gawain—isa siyang huwad na lider, na dapat tanggalin at italaga sa ibang tungkulin. Kapag gumagawa ang mga huwad na lider, ano ang mga kahihinatnan? Sa obhetibong pananalita, nagdudulot ng masasalimuot na kawalan sa iglesia ang lahat ng ginagawa ng mga huwad na lider. Sa isang banda, hindi nagagawa nang maayos ang mahalagang gawain ng iglesia, na direktang humahadlang sa pagiging epektibo ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Kasabay nito, napipinsala at naaapektuhan din nito ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang pinakamahalaga, naaapektuhan nito ang paglaganap ng ebanghelyo ng kaharian. May direktang kaugnayan ang lahat ng kahihinatnang ito sa mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain. Sa mas malinaw na pananalita, ang lahat ng ito ay dulot ng hindi paggawa ng mga huwad na lider ng tunay na gawain. Kung magagawa ng ibang mga lider at manggagawa na aktibong makibahagi sa kaunting tunay na gawain, na nagpapabilis sa takbo at nagpapaikli sa panahon ng paglutas ng mga problema, hindi ba’t medyo maiibsan ang iba’t ibang kawalan na dulot ng mga huwad na lider sa sambahayan ng Diyos? Kahit papaano, mababawasan ang mga ito. Kahit na hindi hinihingi sa iyo ng sambahayan ng Diyos na pangasiwaan kaagad ang mga isyu kapag lumilitaw ang mga ito, kahit papaano man lang, sa sandaling maiulat ang mga problema, dapat mong simulan ang agarang pagtugon sa mga ito: Mag-usisa ka tungkol sa sitwasyon mula sa mga kapatid, at makipagtalakayan at makipagbahaginan ka sa iba pang mga lider at manggagawa kung paano lulutasin ang mga problema. Kung malubha ang isyu at hindi mo alam kung paano ito lutasin, dapat mo itong iulat kaagad paitaas at dapat kang maghanap ng mga solusyon. Ito ang dapat makamit ng lahat ng lider at manggagawa. Ngunit ang kasalukuyang problema ay na ang mga lider at manggagawang ito, kahit pa hindi nila malutas ang mga problema, ay hindi nag-uulat paitaas. Labis silang nangangamba na mag-ulat paitaas sa takot na mabunyag nila ang sarili nilang kawalan ng kahusayan, lubhang mahinang kakayahan, at kawalan ng abilidad na gumawa ng tunay na gawain; nag-aalala sila na matatanggal sila. Ngunit, hindi sila nagkukusang gumawa; sila ay mapurol ang isip at manhid, at mabagal kumilos. Kung walang landas sa paglutas ng mga problema, iniraraos lang nila ang bagay-bagay, na humahantong sa pagkaipon ng napakaraming hindi pa nalulutas na isyu, na nagbibigay ng mga pagkakataon sa masasamang tao. Sa panahong ito, dahil nakikita nila na walang kuwenta ang mga huwad na lider, sinasamantala ng masasamang taong iyon at ng mga may ambisyon ang pagkakataon para walang pakundangang gumawa ng masasamang gawa, isinasadlak ang iglesia sa kaguluhan at kawalan ng kaayusan, pinaparalisa ang lahat ng aspekto ng gawain. Bagama’t dapat pasanin ng mga huwad na lider ang pangunahing responsabilidad, hindi rin natupad ng ibang mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad nila. Hindi ba’t ito ay isang malubhang pagpapabaya sa responsibilidad ng mga lider at manggagawa? Sa katunayan, karamihan sa mga problemang lumilitaw sa iglesia ay direktang nauugnay sa mga panggugulong dulot ng masasamang tao at mga hindi mananampalataya. Kung hindi agarang matutukoy ng mga lider at manggagawa ang ugat ng mga problema, kung hindi nila mahahanap ang mga punong salarin na nagdudulot ng mga problema, at palagi silang maghahanap ng mga dahilan sa kung saanman, hindi nila payak na malulutas ang mga problema, at patuloy na lilitaw ang mga problema sa hinaharap. Kung mahuhuli at direktang mapananagot ang mga nanggugulo o mga gumagawa ng mga problema nang palihim, ang ganitong paraan ng pangangasiwa sa mga problema ang pinakamabisa. Kahit papaano man lang, tinitiyak nito na hindi mangangahas iyong mga hindi mananampalataya at masasamang tao na patuloy na mag-amok at magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan. Hindi ba’t ito ang dapat makamit ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Tiyak na masasabing ang pangunahing dahilan ng pagdami ng mga problema ng iglesia at ng hindi maagap na pagkalutas ng mga ito ay dahil sa pagiging iresponsable ng mga lider at manggagawa, o, dahil walang katotohanang realidad ang mga huwad na lider at hindi sila makagawa ng tunay na gawain. Kung hindi kayang lutasin ng mga lider at manggagawa ang iba’t ibang problemang lumilitaw sa iglesia, tiyak na hindi nila kayang gawin ang gawaing likas sa mga posisyon nila. Mayroong ilang sitwasyon at dahilan na dapat malinaw na maunawaan dito: Kung ang mga lider at manggagawa ay mga baguhang walang karanasan, dapat silang matiyagang tulungan, akayin para makalutas ng mga problema, at sa proseso ng paglutas ng mga problema, ay matuto ng ilang bagay at maarok ang mga katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan, unti-unti silang matututong lumutas ng mga problema. Kung ang mga lider at manggagawa ay hindi ang mga tamang tao, ganap na tumatangging tanggapin ang katotohanan at sa halip ay ginagamit ang mga pananaw at pamamaraan ng mga walang pananampalataya para malutas ang mga problema, hindi ito umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi angkop ang gayong mga tao na maging mga lider at manggagawa at dapat silang maagap na tanggalin at itiwalag; pagkatapos, dapat magdaos muli ng isang halalan para pumili ng mga angkop na lider at manggagawa. Tanging ang pamamaraang ito ang lubusang makakalutas sa problema. Ang pagiging isang lider ng iglesia ay hindi isang madaling gampanin, at hindi maiiwasan na may ilang problemang hindi mapangangasiwaan. Gayumpaman, kung mayroong katwiran ang isang tao, kapag nahaharap sa mga problemang hindi niya kayang lutasin, hindi niya dapat itago o supilin ang mga problema at balewalain ang mga ito. Sa halip, dapat siyang kumonsulta sa ilang tao na nakakaunawa sa katotohanan para sama-samang makahanap ng solusyon, na maaaring makalutas sa pitumpu hanggang walumpung porsiyento ng mga problema, pinipigilan kahit papaano ang pansamantalang pag-usbong ng malalaking isyu. Isa itong mabisang landas. Kung talagang hindi malulutas ang mga problema, dapat siyang humanap ng mga solusyon mula sa Itaas, na isang matalinong pasya. Kung itatago at hindi mo iuulat ang mga problema dahil natatakot kang mapahiya o natatakot kang pungusan ka ng Itaas dahil sa kawalan mo ng kahusayan, ito ay pagiging ganap na pasibo. Kung kikilos ka na tulad ng isang manhid at mapurol ang isip na hangal, na hindi alam kung ano ang gagawin, maaantala nito ang mga bagay-bagay. Madaling nagbibigay ng mga pagkakataon ang gayong mga sitwasyon sa masasamang tao at mga anticristo, na nagpapahintulot sa kanila na samantalahin ang kaguluhan para kumilos. Bakit sinasabing sinasamantala nila ang kaguluhan para kumilos? Dahil naghihintay sila ng mismong pagkakataong ito. Kapag hindi kaya ng mga lider at manggagawa na pangasiwaan ang anumang mga problema, at ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nakakaramdam ng pagkabalisa at pagkabagabag at nawalan na ng tiwala sa kanila, nilalayon ng masasamang tao at mga anticristo na samantalahin ang puwang na ito. Inaakala nila na ang iglesia ay nasa kalagayan ng kawalan ng pamumuno o pamamahala. Gusto nilang samantalahin ang pagkakataong ito na magpakitang-gilas ng mga abilidad nila para ang hinirang na mga tao ng Diyos ay tingalain sila, suportahan sila, at maniwala na, kumpara sa mga lider at manggagawa, mas mahusay ang kakayahan nila, mas may kakayahan silang lutasin ang mga problema at umakay sa daan palabas, at mas kaya nilang ayusin ang sitwasyon sa gitna ng kaguluhan. Hindi ba’t ito ang pinakagustong gawin ng masasamang tao at mga anticristo? Sa panahong ito, kapag walang magawa ang mga lider at manggagawa, at tumitindig ang masasamang tao at mga anticristo at lumulutas ng mga problema, umaakay pa nga sa daan palabas, kanino maniniwala ang hinirang na mga tao ng Diyos? Natural, maniniwala sila sa masasamang tao at sa mga puwersa ng mga anticristo. Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nito na ang mga lider at manggagawa ay walang silbi at wala silang naisasakatuparan, nabibigo sa mga napakahalagang sandali. Karapat-dapat pa rin ba ang gayong mga tao na maging mga lider at manggagawa? Bagama’t walang katotohanang realidad ang mga anticristo at hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain, nagtataglay silang lahat ng ilang kaloob sa iba’t ibang antas at medyo mas matalino sila pagdating sa mga usaping panlabas, na mismong bumubuo sa kalamangan nila at kung paano nila maililihis ang mga tao. Pero kung magiging mga lider at manggagawa sila, magagamit ba talaga nila ang katotohanan para lutasin ang mga problema ng hinirang na mga tao ng Diyos? Maaakay ba talaga nila ang hinirang na mga tao ng Diyos para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, maunawaan ang katotohanan, at pumasok sa katotohanang realidad? Hinding-hindi. Bagama’t mayroon silang ilang kaloob at mahusay silang magsalita, wala silang anumang katotohanang realidad. Nararapat ba silang maging mga lider at manggagawa ng iglesia? Talagang hindi! Ito ay isang bagay na dapat makilatis ng hinirang na mga tao ng Diyos; hindi sila dapat kailanman mailihis o makuha ng masasamang tao at mga anticristo. Hinding-hindi hinahangad ng mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo ang katotohanan at wala sila ni katiting na katotohanang realidad. Kaya sabihin mo sa Akin, masasabi ba nila ang isang bagay nang may konsensiya at katwiran, gaya ng, “Bagama’t walang namamahala sa iglesia ngayon, dapat tayong kumilos nang kusa. Hindi puwedeng baliin ang mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos, hindi puwedeng baguhin ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Dapat nating gawin kung ano ang nararapat; dapat manatili ang lahat sa mga tungkuling dapat nilang gampanan, gampanan ang mga responsabilidad nila, at hindi makagambala sa kaayusan”? Masasabi ba nila ang ganitong bagay? (Hindi.) Hinding-hindi! Anong mga pagkilos ang gagawin ng mga hindi mananampalataya at masasamang taong ito? Kung walang pangangasiwa at pagsubaybay, hindi man lang nila ginagampanan ang mga tungkulin nila, nagpapasasa sila sa pagkain, pag-inom, paglalaro, at pagpapakasaya, nakikibahagi sila sa walang kuwentang daldalan, nakikipagbiruan, at nakikipaglandian pa nga. Ginugugol ng ilan ang buong gabi sa panonood ng mga video ng mundong walang pananampalataya, at pagkatapos ay ginagamit ang pagdadahilan na napuyat sila sa paggampan ng mga tungkulin nila upang magpakatamad at matulog nang labis-labis. Ang mga ito ang mga pagkilos ng masasamang tao, iyong sa mga diyablo. Kapag ginagawa nila ang masasamang gawang ito, nakakaramdam ba sila ng anumang pagkakasala? Bigla ba silang magkakaroon ng konsensiya at magkukusang tuparin ang ilang responsabilidad ng tao at gumawa ng isang bagay na kapaki-pakinabang para sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, at sa mga kapatid? Hinding-hindi. Kapag may nanonood, atubili silang gumagawa ng kaunting gawain na pinagmumukha silang mabuti para lang kumayod para sa pagkain. Ito ang tanging bagay na magagawa nila; bukod dito, walang kahit isang kapuri-puring katangian ang mga taong ito. Kaya, mayroon bang anumang saysay ang pananatili ng mga taong ito sa sambahayan ng Diyos? Walang anumang saysay. Hindi kinakailangan ang gayong mga tao at dapat silang alisin.

Paano ninyo sinusukat kung minamahal ng isang tao ang katotohanan? Hayaan ninyo Akong magbigay ng isang halimbawa para maunawaan ninyo. Nasasangkot sa isang propesyon ang ilang tao, at habang mas natututo sila, habang mas isinusulong nila ang pag-aaral nila, habang mas nakakaunawa sila, mas nagiging handa silang gawin itong propesyon at nababawasan ang pagnanais nilang lisanin ang propesyon. Anong uri ng pagpapamalas ito? Nangangahulugan ba ito na talagang gusto nila ang propesyong ito? (Oo.) Gaano man karaming paghihirap ang tinitiis nila, anuman ang halaga, gaano man katindi ang pagsisikap nila, nagpapatuloy sila sa propesyon nang walang pagsisisi, hindi nasisiraan ng loob. Ito ay tunay na pagmamahal, isang malalim at taos-pusong pagkagiliw. Ipagpalagay nang mayroong nagsasabing gusto niya ang isang partikular na trabaho pero hindi siya handang magtiis ng paghihirap o magbayad ng halaga sa proseso ng pag-aaral ng mga propesyonal na kasanayan, at kapag maraming problema ang lumilitaw sa gawain, hindi siya naghahanap ng mga solusyon, natatakot siya sa problema, at madalas pa nga niyang nararamdaman na ang pagkakaroon ng propesyong ito ay isang abala o pasanin. Gayumpaman, hindi madali ang pagbabago ng propesyon, at matapos isaalang-alang ang mga materyal na pakinabang na maidudulot ng propesyong ito, atubiling ginagawa ng taong ito ang propesyon niya, pero hindi siya kailanman mamumukod-tangi sa propesyong ito. Kung gayon, gusto ba talaga niya ang propesyong ito? (Hindi.) Malinaw na hindi. May isa pang uri ng tao, isang taong pasalitang nagpapahayag ng pagmamahal para sa isang partikular na propesyon at ginagawa ang propesyong ito, pero hindi siya kailanman nagtitiis ng paghihirap o nagbabayad ng halaga para mag-aral nang mabuti ng mga propesyonal na kasanayan. Maaari pa nga siyang magkaroon ng pagkasuklam o pagkapoot sa propesyon na ito habang nasa proseso ng pag-aaral, kaya lalong nababawasan ang pagnanais niyang matuto. Kapag umabot na sa isang partikular na antas ang pagkasuklam niya, nagbabago siya ng karera, at pagkatapos ay ayaw na niyang banggitin ang anumang proseso, kuwento, o ano pa man mula sa panahon na naroon pa siya sa propesyong iyon. Gusto ba talaga ng gayong mga tao ang propesyong iyon? (Hindi.) Hindi nila iyon gusto. Madali silang sumuko sa propesyon, nasusuklam sila at nagpapalit pa nga sila ng karera, na nagpapatunay na hindi talaga nila gusto ang propesyong iyon. Ang dahilan kung bakit kaya nilang abandonahin ang propesyong iyon ay na, pagkatapos gumugol ng napakaraming panahon, lakas, at gastos, hindi sila pinahintulutan ng propesyon na mamuhay ng ninanais nilang marangyang buhay o na magtamasa ng magandang materyal na pagtrato. Nagiging tutol sila sa propesyong iyon at isinusumpa nila iyon sa puso nila, pinagbabawalan pa nga ang iba na banggitin ito, sila mismo ay hindi na ito binabanggit, at nahihiya pa nga sila na naging dati nila itong propesyon at na itinuring nila ito bilang kanilang adhikain at pinakamataas na layon na hahangarin nila sa buhay. Nang isinasaalang-alang ang antas na kayang abutin ng pagtutol nila sa propesyon, tunay ba ang naging una nilang pagpapakita ng pagmamahal para sa propesyon? (Hindi.) Isang uri lang ng tao ang talagang gusto ang propesyon—nagbibigay man o hindi sa kanya ang propesyon ng magandang materyal na buhay o malalaking pakinabang, at gaano man karami ang paghihirap na nararanasan niya o gaano man karaming pagdurusa ang tinitiis niya sa propesyong ito, kaya niyang magtiyaga rito nang hindi nasisiraan ng loob, hanggang sa kadulu-duluhan. Ito ay tunay na pagmamahal. Ganoon din sa kung minamahal ba ng isang tao ang katotohanan. Kung tunay mong minamahal ang mga positibong bagay, umuusad mula sa pagmamahal sa mga positibong bagay patungo sa pagmamahal sa katotohanan, anuman ang mga sitwasyong daranasin mo, magpupursigi ka sa paghahanap at paghahangad sa katotohanan, nang hindi binabago ang layon ng buhay mo. Kung basta-basta mong magagawang isuko ang pananampalataya sa Diyos at abandonahin ang landas ng kaligtasan, hindi ito tunay na pagmamahal sa katotohanan. Para naman sa mga hindi hinahangad ang katotohanan pero hindi rin sumusuko, mayroon lang isang dahilan para sa pagtitiyaga nila: Iniisip nila na hangga’t may katiting na pag-asa para magkaroon ng isang magandang kalalabasan at destinasyon, isang magandang kinabukasan, sulit na sumugal, at dapat silang magtiyaga hanggang sa wakas. Naniniwala sila na kinakailangan ang pagtitiyagang ito; nagkataon lang na tumitindi na ang mga sakuna at wala nang ibang lugar na mapupuntahan, kaya mabuti pang manatili na lang sila rito at subukan kung papalarin sila. Mayroon bang kahit katiting na pagmamahal para sa katotohanan ang gayong mga tao sa puso nila? (Wala.) Wala sila nito. Nang una silang magsimulang manampalataya sa Diyos, nagsasalita rin ang mga taong ito tungkol sa pagkamuhi sa mundo, pagkamuhi kay Satanas, pagkamuhi sa mga negatibong bagay, pagmamahal sa mga positibong bagay, at pag-aasam ng liwanag. Pero ano ang pag-uugali nila kapag pumasok na sila sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia? Ano ang saloobin nila kapag natuklasan nila na mga trabahador sila, kapag napagtanto nila na ang mga kilos, mga pag-uugali, at kalikasan nila ay hindi nakakalugod sa Diyos? Anong klase ng mga pag-uugali ang ipinapakita nila? Masasabing kapag nakikinita, nararamdaman, o naiisip nila na hindi na sila pinapaboran sa sambahayan ng Diyos, na ititiwalag sila, pinipiling lumisan ng ilan. Ang iba naman, bagama’t nag-aatubili silang manatili sa iglesia, ay nasasadlak sa kawalan ng pag-asa, at sa huli ay napipilitan silang lumisan. Talagang hindi nagmamahal sa katotohanan ang gayong mga tao; kapag nasira ang pagnanais nila para sa mga pagpapala, maaari nilang ipagkanulo ang Diyos at talikuran Siya. Ipinapakita ng iba’t ibang pagpapamalas na ito ang mga saloobin ng iba’t ibang tao sa katotohanan.

IV. Ang Iba’t Ibang Kalalabasan ng Tatlong Uri ng mga Taong Ito

Ngayon lang, nagbahaginan tayo tungkol sa mga katangian ng tatlong uri ng mga tao: mga trabahador, mga upahang manggagawa, at mga tao ng Diyos. Mula sa mga katangian nila, malinaw na ang mga kalalabasan nila sa huli ay hindi natutukoy ng mga obhetibong kapaligiran o kondisyon, kundi ng sarili nilang mga paghahangad at ng kalikasang diwa nila. Siyempre, sa obhetibong pananalita, ang Diyos ang nagpapasya ng mga kapalaran ng mga tao, pero ginagawa ng Diyos ang mga pagpapasyang ito batay sa kung minamahal ba ng mga tao ang katotohanan at kung kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan. Ipinapahayag din ng mga trabahador na minamahal nila ang katotohanan at mga positibong bagay, pero sa huli, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, nananatiling hindi nagbabago ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila tungkol sa Diyos, ang mga labis na kahilingan nila sa Diyos, at ang pagkakanulo nila sa Diyos. Ito ay dahil, sa panahon ng gawain ng Diyos, sa proseso ng pagsunod sa Diyos at paggampan ng mga tungkulin nila, hindi nila kailanman malulutas ang mga tiwali nilang disposisyon. Ang ugat na sanhi ng hindi nila pagtugon sa mga tiwali nilang disposisyon ay na hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan. Bagama’t mayroon sila ng pagnanais na magpasakop sa Diyos, ang tunay na ipinapamalas nila ay tanging isang abilidad na tumalikod at isang kahandaang magbayad ng halaga, nang hindi hinahanap kailanman ang mga katotohanang prinsipyo o ang paraan ng pagpapasakop sa Diyos. Ang panghuling resulta ay na sa kabila ng labis nilang pagsisikap, wala silang kahit katiting na kaalaman tungkol sa Diyos. May kakayahan pa rin silang ipagkanulo ang Diyos at ipahayag ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila tungkol sa Kanya at ang mga di-makatwiran nilang kahilingan sa Diyos sa harap ng ibang mga tao at ni Satanas. Kapag natapos na ang gawain ng Diyos, itinuturing pa rin nila ang sarili nila bilang “mayroong mabuting pagkatao, tunay na nananampalataya sa Diyos, mayroong kakayahang tumalikod at magtiis ng paghihirap, at tiyak na maililigtas,” at dahil dito, nakakaramdam sila ng kapayapaan. Ang totoo, palagi na nilang tinatahak ang landas ng isang trabahador, nang hindi talaga hinahangad ang katotohanan; kaya, palagi nilang pinapanatili ang pagkakakilanlan ng isang trabahador. Para naman sa isa pang kategorya ng mga tao, ang mga upahang manggagawa, hindi natin sila tatalakayin. Ang isa pang kategorya ay ang mga tao ng Diyos, na kakabanggit lang natin. Sa panahon ng pagsunod sa Diyos, tulad ng mga trabahador, ginugugol nila ang sarili nila para sa Diyos, inilalaan nila ang oras at lakas nila, at maging ang kabataan nila, at dumaranas sila ng matinding pagdurusa at nagbabayad ng malaking halaga. Katulad ito ng mga trabahador. Kung gayon, ano ang naiiba? Ito ay na kapag natapos na ang gawain ng Diyos, matutugunan na ang napakarami nilang kuru-kuro, imahinasyon, at labis na kahilingan sa Diyos. Maiwawaksi na ang mga pagpapamalas, kalagayan, at pagbubunyag ng katiwalian na malinaw na lumalaban sa Diyos sa loob ng mga tiwaling disposisyon nila. Maglalaho ang mga hindi pa nalulutas habang unti-unti nilang nauunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng karanasan. Bagama’t hindi pa maiwawaksi nang ganap ang mga tiwaling disposisyon nila, sasailalim sa ilang pagbabago ang mga buhay disposisyon nila. Kadalasan, magagawa nilang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyong nauunawaan nila, at lubhang mababawasan ang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon nila. Bagama’t hindi totoo na hindi nila ipapakita ang mga ito sa anumang kapaligiran, matutugunan na ng mga taong ito ang isang pangunahing kahingian: Matutugunan na nila ang kahingian ng Diyos na maging matapat sila; sa pangkalahatan, magiging matatapat silang tao. Dagdag pa rito, kapag ang mga taong ito ay nagpakita ng mga tiwaling disposisyon, o gumawa ng mga pagsalangsang, o nagkimkim ng mga kuru-kuro at pagrerebelde laban sa Diyos, saanmang kapaligiran nila iyon gawin, magkakaroon sila ng isang saloobin ng pagsisisi. At mayroon pang isang puntong napakahalaga: Anumang mga partikular na pagkilos ang gawin ng Diyos at paano man Siya kumilos sa gawain ng paghatol sa mga huling araw, anuman ang layon Niyang gawin sa hinaharap, paano man Niya isasaayos ang kapalaran ng sangkatauhan, at paano man sila mismo mamumuhay sa kapaligirang isasaayos Niya, magkakaroon silang lahat ng isang mapagpasakop na puso at isang saloobin ng pagpapasakop, nang walang mga personal na pasya at walang mga personal na plano at balak. Dahil sa iba’t ibang maagap at positibong pagpapamalas na ito, magiging uri na sila ng taong hinihingi ng Diyos, isang taong sumusunod sa daan ng Diyos, at ito ay ang matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan. Bagama’t magiging malayo pa rin sila mula sa tunay na pamantayan—“ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at maging isang perpektong tao”—gaya ng sinabi ng Diyos, pagsapit sa kanila ng mga pagsubok ng Diyos, magagawa nilang maghanap at magpasakop, at sapat na ito. Hindi sila magrereklamo; maghihintay at magpapasakop lang sila. Bagama’t ang mga kasalukuyan ninyong sitwasyon ay maaaring malayo pa rin sa gayong resulta, at para sa ilan, maaari itong magmukhang napakalayo at hindi maaabot, kung magagawa ninyong tanggapin ang katotohanan at tratuhin ang mga salita ng Diyos bilang prinsipyo at pundasyon ninyo para sa pag-iral, maniwala kayo na isang araw, ikaw, o kayong lahat, ay hindi na magiging malayo mula sa pagiging mga tunay na tao ng Diyos, na Kanyang minamahal—maniwala kayong ang araw na iyon ay abot-tanaw na. Kung ito man ay kasalukuyang ipinropesiya o abot-tanaw na, ang panghuling resulta ay hindi isang pantasya sa alinmang kaso, kundi isa itong katunayan na magkakatotoo at matutupad na. Kung kanino mismo matutupad ang katunayang ito, kung sa aling mga tao ito matutupad, ay nakasalalay sa kung paano ninyo aktuwal na hinahangad ang katotohanan. Sa madaling salita, kung tunay mo bang minamahal ang katotohanan sa antas na kaya mong hangarin at isagawa ito, o mayroon ka lang bang kaunting pagmamahal para sa katotohanan pero hindi mo ito magawang tanggapin at isagawa nang buo, ang panghuling resulta ang magbibigay ng sagot sa iyo. Sige, tatapusin natin dito ang pagbabahaginan natin tungkol sa paksang ito.

Ang mga Pamantayan at Batayan Para sa Pagkilatis sa Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao

II. Batay sa Pagkatao ng Isang Tao

Susunod, tutuloy naman tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Nahahati sa tatlong pangunahing kategorya ang mga pamantayan para sa pagkilatis sa lahat ng uri ng masasamang tao. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos, at pagkatapos ay tumungo tayo sa pagkatao niya. Pagdating sa pagkatao ng isang tao, ikinategorya rin natin ang maraming iba’t ibang pagpapamalas. Ano ang ilang pagpapamalas na napagbahaginan na natin? Basahin ninyo ang mga ito. (Ang ikalawang aytem para sa pagkilatis sa lahat ng uri ng masasamang tao ay may kinalaman sa pagkatao ng isang tao. Una, ang pagkahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan; ikalawa, ang pagkahilig na manamantala; ikatlo, pagiging imoral at walang pagpipigil; ikaapat, pagiging mahilig sa paghihiganti; ikalima, hindi magawang makontrol ang sariling dila.) Nagbahaginan tayo hanggang sa ikalimang punto tungkol sa hindi magawang makontrol ang sariling dila. Nagbabahaginan man tayo tungkol sa mga partikular na pagpapamalas ng pagkatao o tungkol sa iba pang mga bagay, tulad ng sinabi Ko, magkakaroon ito ng magkakaibang epekto sa iba’t ibang uri ng mga tao. Iyong mga naghahangad sa katotohanan, pagkatapos makinig, ay tutuon sa pagsusuri sa sarili nila; susukatin nila ang sarili nila kumpara sa pagbabahagi Ko at magkakaroon sila ng maagap at positibong pagpasok. Gayumpaman, iyong mga hindi naghahangad sa katotohanan, tulad ng mga trabahador, ay makikinig lang at iyon na iyon. Hindi nila ito isinasapuso o hindi nila iginugugol ang puso nila sa pakikinig. Minsan, nakakatulog pa nga sila habang nakikinig sa mga sermon. Hindi nila ito maisaisip, at iniisip pa nga nila, “Ano ang silbi ng pakikinig sa mga di-mahalagang usaping ito? Sayang sa oras—hindi ko pa nga natatapos ang gawaing ginagawa ko!” Palagi silang nag-aalala tungkol sa mga trabahong nangangailangan ng pagpapakapagod. Lubha silang masigasig at nakatuon sa pagpapakapagod, nagpapakita ng katapatan, pero sadyang hindi nila kayang magkaroon ng lakas para sa mga usaping may kinalaman sa katotohanan. Malinaw na ibinubunyag nito na hindi interesado sa katotohanan ang gayong mga tao; nasisiyahan na sila sa pagpapakapagod lang. May isa pang grupo ng mga tao na nagpapanatili ng parehong saloobin paano man magbahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan: “Mapanlaban at salungat lang ako. Kahit pa tukuyin mo ang mga problema ko at ilantad mo ang mga pagpapamalas, pagbubunyag, at disposisyon ko, hindi ko pa rin ito bibigyang-pansin o seseryosohin. Ano naman ngayon kung malaman ng iba na inilalantad ako?” Walang kahihiyan lang silang nagpapatuloy sa pagsuway at pagsalungat, na hindi na matutubos. Gayumpaman, makikita ang kaibahan ng mga pagpapamalas ng iba’t ibang uri ng mga tao. Ang katotohanan—para man sa mga naghahangad nito, sa mga handang magpakapagod pero hindi nagmamahal dito, o sa mga nasusuklam at tumututol sa katotohanan—ay isang tabak na may dalawang talim, isang panukat. Masusukat nito ang mga saloobin ng mga tao sa katotohanan at pati na rin ang landas na tinatahak nila.

F. Pagiging Hindi Makatwiran at Sadyang Mapanggulo, Nang Walang Sinumang Naglalakas-loob na Galitin Sila

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa pagkilatis sa limang pagpapamalas ng iba’t ibang masasamang tao. Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikaanim. Ang ikaanim ay isa ring pagpapamalas ng isang uri ng masamang tao, o sa halip, kahit pa hindi itinuturing ng mga tao ang uring ito bilang masama, hindi pa rin ito gusto ng lahat. Bakit ganoon? Ito ay dahil ang mga taong ito ay walang konsensiya at katwiran, walang normal na pagkatao, at lubhang mapanggulo at mahirap makisalamuha sa kanila, na nagdudulot ng pagkasuklam. Ano ang mga partikular na pagpapamalas ng mga taong ito? Ito ay ang pagiging hindi makatwiran at sadyang mapanggulo, nang walang sinumang naglalakas-loob na galitin sila. Mayroon bang gayong mga tao sa iglesia? Bagama’t hindi marami, tiyak na mayroon. At ano ang mga partikular nilang pagpapamalas? Sa mga karaniwang sitwasyon, kayang gampanan ng mga taong ito ang mga tungkulin nila nang normal at makisalamuha sa iba nang napakanormal; hindi ka makakakita ng isang malupit na disposisyon mula sa kanila. Gayumpaman, kapag sumasalungat ang mga kilos nila sa mga katotohanang prinsipyo at pinungusan sila, sasabog sila sa galit, ganap na tinatanggihan ang katotohanan habang gumagawa ng mga tila kapani-paniwalang dahilan para sa sarili nila. Bigla, napagtatanto mo na para silang isang hedgehog na nababalot ng mga tinik, isang tigreng hindi mahawakan. Iniisip mo, “Napakatagal na akong nakikisalamuha sa taong ito, iniisip na siya ay may mabuting pagkatao, maunawain, at madaling kausap, naniniwalang kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Hindi ko inasahan na isa siyang tao na hindi makatwiran at sadyang mapanggulo. Dapat akong maging mas maingat sa mga pakikisalamuha ko sa kanya sa hinaharap, dapat kong bawasan ang pakikipag-ugnayan maliban na lang kung kinakailangan, at panatilihin ang distansya ko para maiwasan na magalit ko siya.” Nakakita na ba kayo ng gayong mga tao na hindi makatwiran at sadyang mapanggulo? Sa pangkalahatan, alam ng mga nakakaunawa sa kanila kung gaano sila kakila-kilabot at nakikipag-usap ang mga iyon sa kanila nang may lubhang pagkamagalang at pag-iingat. Sa partikular, kapag kinakausap ninyo sila, hinding-hindi ninyo sila puwedeng saktan, o hahantong ito sa walang-katapusang problema sa kanila. Sinasabi ng ilang tao, “Sino ba talaga ang magagaspang na taong ito? Hindi pa namin sila nakakatagpo.” Kung gayon, kailangan talaga nating pag-usapan ang tungkol dito. Halimbawa, habang nakikipagbahaginan ang mga kapatid sa kanilang mga karanasan, kapag binanggit ng ilan ang mga tiwali nilang kalagayan o mga personal na paghihirap, hindi maiiwasang magpakita ng empatiya ang iba, dahil nagkaroon na ang mga ito ng mga katulad na karanasan o damdamin. Ito ay lubhang normal. Pagkatapos makinig, maaaring isipin ng isang tao, “Nagkaroon na rin ako ng gayong mga karanasan, kaya sama-sama nating pagbahaginan ang tungkol sa paksang ito. Gusto kong marinig kung paano mo ito pinagdaanan. Kung mayroong liwanag ang pagbabahagi mo, at may kinalaman ito sa isang isyung mayroon ako, tatanggapin ko ito at magsasagawa ako ayon sa mga karanasan at landas mo para makita ko kung ano ang magiging mga resulta.” Mayroon lang isang uri ng tao na, sa sandaling marinig ang iba na magbahagi tungkol sa pagkilala sa sarili nila at maglantad ng sarili nilang katiwalian at kapangitan, ay naniniwala na ito ay hindi direktang paglalantad at panghuhusga sa kanya, at hindi niya mapigilang hampasin ang mesa at sumabog sa galit: “Sino ba ang walang katiwalian? Sino ba ang namumuhay nang nag-iisa? Sa tingin ko, mas malala pa nga ang katiwalian ninyo kaysa sa akin! Ano bang mga kalipikasyon ang mayroon kayong lahat para puntiryahin ako, para ilantad ako? Sa tingin ko, gusto lang ninyo akong pahirapan, ibukod ako! Hindi ba’t ito ay dahil lang nanggaling ako sa kanayunan at hindi ko kayang magsalita ng mga nakakalugod na salita para purihin kayong lahat? Hindi ba’t ito ay dahil ang antas ng edukasyon ko ay hindi kasintaas ng sa inyo? Ni hindi nga ako minamaliit ng diyos, kaya ano ang karapatan ninyo para maliitin ako!” Sasabihin ng iba, “Ito ay normal na pagbabahaginan, hindi nakapuntirya sa iyo. Hindi ba’t pare-pareho ang mga tiwaling disposisyon ng lahat? Kapag nagbabahagi ang isang tao tungkol sa isang paksa at binanggit niya ang sarili niyang tiwaling kalagayan, hindi maiiwasang masumpungan ng iba ang sarili nila sa mga katulad na kalagayan. Kung sa palagay mo ay pareho kayo ng kalagayan, puwede ka ring magbahagi tungkol sa mga karanasan mo.” At sasagot siya, “Ganoon ba? Matitiis ko ang gayong pagbabahagi mula sa isang tao, pero bakit nagtutulungan kayong dalawa o tatlo para apihin ako? Sa tingin ba ninyo ay madali akong kayan-kayanin?” Hindi ba’t palayo nang palayo na sa punto ang mga salita niya habang lalo siyang nagsasalita? (Oo.) May katwiran ba ang gayong mga tao sa pagsasabi ng mga salitang ito? (Wala.) Kung talagang iniisip mo na nakapuntirya sa iyo ang paksa ng pagbabahaginan ng iba, puwede kang makipag-usap o magbahagi tungkol sa paksang ito; direkta kang magtanong kung nakapuntirya ba ito sa iyo, sa halip na isingit mo ang pinagmulan mo bilang isang magsasaka, ang mas mababang antas ng edukasyon mo, o ang pangmamaliit sa iyo ng mga tao. Ano ang silbi ng pagsasabi ng mga bagay na iyon? Hindi ba’t paglilitanya iyon tungkol sa tama at mali? Hindi ba’t ito ay pagiging hindi makatwiran at sadyang mapanggulo? (Oo.) Hindi ba’t iniisip ninyo na kakila-kilabot ang gayong mga tao? (Oo.) Pagkatapos niyang gumawa ng gayong eksena, alam na ng lahat kung anong uri ng tao siya, at kapag nagbabahaginan sa mga darating na pagtitipon, kailangan nilang palaging mag-ingat sa pagsasalita at pag-aralan ang mga ekspresyon niya. Kung magiging mapanglaw ang ekspresyon niya, mag-aalangan ang iba na magsalita, at mararamdaman ng lahat na napipigilan sila sa mga pagbabahaginan sa mga pagtitipon. Hindi ba’t ito ang pagpigil at panggugulong dulot ng pagiging hindi makatwiran at sadyang mapanggulo niya? (Oo.) Lahat ng hindi makatwiran at sadyang mapanggulo ay wala sa katwiran; hindi tatanggapin ng gayong mga indibidwal ang katotohanan at hindi sila maaaring maligtas.

Mayroon pang isang pagpapamalas ang uring ito ng tao na hindi makatwiran at sadyang mapanggulo. Palaging sinasabi ng ilang tao sa mga pagtitipon, “Hindi na ako puwedeng kumilos nang pabasta-basta. Kailangan kong magtuon sa pagsasagawa sa katotohanan; kailangan kong hangarin ang pagiging perpekto. Likas akong nagsusumikap na maging mahusay. Anuman ang gawin ko, dapat itong gawin nang maayos.” Sinasabi nila iyon, pero sa realidad, pabasta-basta pa rin silang kumikilos kapag ginagampanan nila ang tungkulin nila, at maraming problema sa tungkuling ginagampanan nila, malayo sa pagkamit sa epekto ng pagpapatotoo sa Diyos. Kapag tinutukoy ng mga lider ang mga problema sa paggampan nila ng tungkulin at pinupungusan sila, agad silang nagagalit, sinasabing, “Sabi ko na nga ba. Hinuhusgahan ninyo akong lahat kapag nakatalikod ako, sinasabing mahina ang mga propesyonal kong kasanayan. Hindi ba’t mababa lang talaga ang tingin ninyong lahat sa akin? Ito ay isang maliit na pagkakamali lang, iyon lang. Kinakailangan bang pungusan ako nang ganito? Bukod pa rito, sino ba ang hindi nagkakamali? Sinasabing pabasta-basta akong kumikilos—hindi ba’t naging pabasta-basta ka rin sa gawain mo noon? Kalipikado ka bang punahin ako? Kung wala ang kooperasyon ko, sino sa inyo ang kayang pasanin ang gawaing ito?” Ano ang tingin ninyo sa gayong mga tao? Sa anumang ginagawa nila, hindi nila pinapayagan ang iba na tukuyin ang mga pagkukulang nila o mag-alok ng mga suhestiyon; hindi nila tinatanggap kahit ang makatwirang pagpupungos. Kung sinuman ang magsalita, lumalaban at sumasalungat sila sa kanya, nagbibitaw ng mga hindi makatwirang salita, sinasabi pa nga na minamaliit sila, o na inaapi sila dahil nag-iisa sila at walang kapangyarihan, o iba pang gayong mga bagay. Hindi ba’t ito ay pagiging hindi masupil, hindi makatwiran, at sadyang mapanggulo? Mayroon pa ngang ilang tao na, pagkatapos pungusan, ay inaabandona ang tungkulin nila: “Hindi ko na gagawin ang gawaing ito. Kung magagawa ninyo ito, sige, gawin ninyo. Pagkatapos, titingnan ko kung magagawa pa rin ninyong ipagpatuloy ang gawain nang wala ako!” Sinusubukan ng mga kapatid na hikayatin sila, pero hindi sila nakikinig. Kahit kapag nakikipagbahaginan ang mga lider at manggagawa sa kanila tungkol sa katotohanan, tumatanggi silang tumanggap; nagsisimula silang magmataas at abandonahin ang tungkulin nila. Sa mga pagtitipon, nagmumukmok sila, hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ni nakikipagbahaginan, palaging huling dumarating at unang umaalis. Kapag umaalis sila, nagdadabog sila at ibinabagsak ang pinto, at hindi alam ng karamihan kung paano sila haharapin. Kapag mayroong nangyayari sa gayong mga tao, naglilitanya sila ng mga walang katuturang argumento at walang kabuluhang bagay; nagiging hindi sila masupil at naghahagis pa nga ng mga bagay, ganap na hindi tinatablan ng katwiran. Mayroon ngang mas malulubha pang pagpapamalas ang ilan—kung hindi sila babatiin ng mga kapatid, naiinis sila at sinasamantala nila ang pagkakataon para mag-atungal sa mga pagtitipon: “Alam kong mababa ang tingin ninyong lahat sa akin. Sa mga pagtitipon, nakatuon lang kayong lahat sa pagbabahaginan tungkol sa mga salita ng diyos at sa pagtatalakay ng sarili ninyong mga pagkaunawang batay sa karanasan. Walang may pakialam sa akin, walang ngumingiti sa akin, at walang naghahatid sa akin kapag umaalis ako. Anong klaseng mga mananampalataya kayo? Wala talaga kayong pagkatao!” Nagwawala sila nang ganito sa iglesia. Nagagalit sila kahit sa mga di-mahalagang usapin, naglalabas ng lahat ng naipon nilang hinaing. Malinaw na ibinubunyag nila ang sarili nilang tiwaling disposisyon, pero hindi nila pinagninilayan ang sarili nila ni kinikilala ang sarili nila, at wala silang pagnanais na hangarin ang pagbabago o ang katotohanan. Sa halip, naghahanap sila ng problema sa iba, naghahanap ng iba’t ibang dahilan para balansehin ang sarili nilang kaibuturan ng isipan—at habang ginagawa nila ito, naghahanap sila ng mga pagkakataon para ibulalas ang mga hinaing nila. Ang mas mahalaga, nilalayon nilang mapansin at katakutan sila ng mas maraming tao, para magkaroon sila ng kaunting katanyagan at atensiyon mula sa mga tao. Napakamapanggulo ng ganitong mga tao! Anuman ang sabihin nila, walang sinumang naglalakas-loob na magsabi ng “hindi”; walang sinuman ang naglalakas-loob na tasahin sila nang basta-basta; at walang sinuman ang naglalakas-loob na maging bukas at makipagbahaginan sa kanila. Kahit pa may napapansing ilang kapintasan at tiwaling disposisyon sa kanila, walang sinuman ang naglalakas-loob na tukuyin ang mga ito. Sa mga pagtitipon, kapag nagbabahaginan ang lahat tungkol sa mga personal na karanasan nila at sa pagkaunawa nila sa mga salita ng Diyos, maingat nilang iniiwasan ang taong ito na siyang “pugad ng putakti,” natatakot na galitin siya at magdulot ng problema. Nagbubulalas ng sama ng loob ang ilang tao sa mga pagtitipon pagkatapos makatanggap ng hindi magandang pagtrato o maharap sa sama ng loob sa tahanan o gawain. Malinaw na ginagawa nila ang mga kapatid na labasan ng sama ng loob at pinagbubuntunan ng emosyon nila. Kapag nayayamot sila, naglilitanya sila ng mga walang katuturang argumento, umiiyak, at nagwawala. Kung gayon, sino ang maglalakas-loob na makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan? Kung makikipagbahaginan sa kanila, at may masasabing hindi nila magugustuhan, magbabanta silang magpapatiwakal. Lalong magiging mapanggulo iyon. Sa gayong mga tao, hindi uubra ang normal na pagbabahaginan; hindi uubra ang normal na pakikipag-usap; kapwa hindi uubra ang pagiging masyadong mainit o masyadong malamig; hindi uubra ang pag-iwas sa kanila; hindi uubra ang pagiging masyadong malapit sa kanila; at kung hindi magpapahayag ng kaligayahan ang mga kapatid para tumbasan ang kaligayahan nila, hindi uubra iyon; at kapag nakaranas ng paghihirap ang mga taong ito, kung hindi matutumbasan ng mga kapatid ang pagkabagabag nila, hindi rin uubra iyon. Walang umuubra sa kanila. Anuman ang gawin ay puwedeng makainis at makagalit sa kanila. Paano man sila tratuhin, hindi sila kailanman nasisiyahan. Maaaring makagalit sa kanila maging ang mga sermon at pagbabahagi Ko tungkol sa mga partikular na kalagayan ng mga tao. Paano sila ginagalit nito? Iniisip nila, “Hindi ba’t paglalantad ito sa akin? Hindi mo pa nga ako nakakasalamuha, at wala pa akong sinasabi sa iyo tungkol sa ginawa ko sa pribado. Paano mo malalaman? May nagsumbong siguro. Kailangan kong malaman kung sino ang nakikipag-ugnayan sa iyo, kung sino ang nagsumbong, kung sino ang nag-ulat tungkol sa akin; hindi ko ito papalampasin!” Ang uri ng taong ito na hindi makatwiran at sadyang mapanggulo ay maaaring magkaroon ng mga baluktot na kaisipan tungkol sa anumang bagay, at hindi niya kayang tratuhin nang tama ang anumang bagay. Wala siya sa katwiran! Talagang wala siyang pagkamakatwiran, at lalong hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan. Ang pananatili niya sa iglesia ay hindi nagdudulot ng pakinabang, nagsasanhi lang ng pinsala. Isa lang siyang pabigat, isang pasanin na dapat tanggalin kaagad; dapat siyang alisin kaagad!

Sa Tsina, ang pananampalataya sa Diyos ay humahantong sa paniniil at pag-uusig ng malaking pulang dragon, at napakaraming tao ang tinutugis at hindi makauwi sa tahanan nila. Gayumpaman, kapag inuusig at hindi makauwi, naniniwala ang ilang tao na nagtamo sila ng merito o kalipikasyon. Namumuhay sila kasama ang mga pamilyang nagho-host, at hindi lang sila nagpapaasikaso sa mga tao—kung bahagyang sasalungat sa mga kahilingan nila ang anumang bagay o magsisimula silang mangulila sa tahanan nila, magsisimula silang gumawa ng eksena, at kailangan silang suyuin at tiisin ng iba. Hindi ba’t hindi makatwiran at sadyang mapanggulo ang gayong mga tao? Napakaraming tao ang inuusig, at walang gaanong mga pamilyang nagho-host. Dahil sa pagmamahal, hino-host ng mga kapatid ang mga hindi makauwi. Dahil sa kanila ay wala ang mga ito sa mga lansangan at pinapayagan nila ang mga ito na manirahan sa mga tahanan nila. Hindi ba’t biyaya ito ng Diyos? Subalit, hindi lang nabibigo ang ilan na pahalagahan ang biyaya ng Diyos, kundi nabibigo rin silang makita ang pagmamahal ng mga kapatid. Sa halip, nakakaramdam sila ng pagkaagrabyado, at magrereklamo pa nga sila at magiging magulo. Ang totoo, ang mga kondisyon ng pamumuhay sa mga tahanan ng mga kapatid ay mas mainam nang bahagya kaysa sa sarili nilang tahanan. Lalo na pagdating sa pananampalataya sa Diyos at sa paggampan ng tungkulin ng isang tao, ang pananatili sa mga tahanan ng mga kapatid ay mas mainam pa nga kaysa sa pananatili sa sarili nilang tahanan, at ang pagkakaroon ng mga kapatid para makipagtulungan nang may pagkakasundo ay palaging higit na mas mainam kaysa sa nag-iisa lang. Kahit pa medyo nagkukulang ang mga kondisyon ng pamumuhay sa ilang rehiyon, katumbas pa rin ng mga ito ang isang karaniwang pamantayan ng pamumuhay. Ang pinakamahalaga ay na nagagawa nilang mamuhay kasama ang mga kapatid, para madalas na makapagtipon at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, para maunawaan ang marami pang mga katotohanan, at para malaman kung ano ang mga layon ng paghahangad nila. Kaya, iyong mga naghahangad sa katotohanan ay kayang magbayad ng halagang iyon at dumanas ng pagdurusang iyon. Mayroong tamang saloobin tungkol dito ang karamihan sa mga tao; kaya nila itong tanggapin mula sa Diyos, sa kaalamang ang pagdurusang iyon ay kapaki-pakinabang, at na sila ang dapat dumanas niyon. Kaya nila itong harapin nang tama. Pero ang ilang hindi makatwiran at sadyang mapanggulo na tao na magulo ay sadyang hindi kayang maarok ang mga bagay sa ganitong paraan. Maaaring medyo matiis nila na hindi makauwi sa loob ng isang linggo, pero pagkatapos ng dalawang linggo, nagiging sumpungin sila, at pagkalipas ng isa o dalawang buwan, nagiging magulo sila, sinasabi, “Bakit puwedeng maging magkakasama nang masaya ang pamilya ninyo pero hindi ako makauwi sa amin? Bakit wala akong kalayaan, samantalang kayong lahat ay puwedeng magparoon at magparito hangga’t gusto ninyo?” Tumutugon ang iba: “Hindi ba’t dulot ito ng pag-uusig mula sa malaking pulang dragon? Hindi ba’t tama lang na tiisin natin ang gayong pagdurusa bilang mga tagasunod ng Diyos? Ano ba ang problema sa kaunting pagdurusang ito? Sa mga ganitong sitwasyon, bakit dapat maging pihikan? Kung kaya ng iba na tiisin ang pagdurusang ito, bakit hindi mo kaya?” Talagang ayaw ng mga hindi makatwiran at sadyang mapanggulo na magdusa. Kung mahuhuli at mabibilanggo sila, tiyak na magiging mga Hudas sila. Gaano katinding pagdurusa ba talaga ang mayroon sa pamumuhay kasama ang isang pamilyang nagho-host? Una, pagkaing pangtao pa rin ang pagkain; pangalawa, walang sinuman ang nagpapahirap sa iyo; at pangatlo, walang sinuman ang umaapi sa iyo. Iyon nga lang, hindi ka makauwi at hindi mo makasamang muli ang pamilya mo—at ang kaunting pagdurusang iyon ay talagang hindi katanggap-tanggap sa mga taong hindi makatwiran at sadyang mapanggulo. Kapag nakikipagbahaginan sa kanila ang iba tungkol sa katotohanan, tumatanggi silang tanggapin ito, sa halip ay nagsasabi sila ng mga bagay tulad ng, “Huwag mo akong pangaralan tungkol sa mga dakilang doktrinang iyon. Hindi mas kakaunti ang nauunawaan ko kaysa sa iyo; alam ko ang lahat ng ito! Sabihin mo na lang sa akin, kailan ba ako makakauwi? Kailan ba titigil ang malaking pulang dragon sa pagsubaybay sa tahanan ko? Kailan ba ako makakauwi nang hindi ako aarestuhin ng malaking pulang dragon? Kung hindi ko alam kung kailan ako makakauwi, mabuti pang hindi na lang ako mabuhay!” Gumagawa na naman sila ng eksena, at habang nagpapatuloy sila, umuupo sila sa sahig, sumisipa-sipa—at habang lalo silang sumisipa, mas nagagalit sila, at nagwawala rin sila nang hindi masupil, nang may kasamang pag-iyak at pag-atungal. Sinasabi ng iba, “Hinaan mo ang boses mo. Kung ipagpapatuloy mo ang ganito at maririnig ka ng mga kapitbahay, at matutuklasang may mga tagalabas na naninirahan dito, malalantad tayo, hindi ba?” Sumasagot sila, “Wala akong pakialam, gusto ko lang gumawa ng eksena! Makakauwi kayong lahat, pero ako, hindi. Hindi ito patas! Gagawa ako ng matinding eksena para hindi rin kayo makauwi tulad ko!” Hindi humuhupa ang hindi masupil nilang pagwawala, at lumilitaw ang poot nila; walang sinuman ang makakausap sa kanila nang maayos, walang sinuman ang makakahikayat sa kanila. Kapag medyo bumuti na ang timpla nila, tumatahimik sila at tumitigil sa paggawa ng eksena. Pero malay natin—anumang araw, baka maging hindi na naman sila masupil at gumawa ng eksena: Kakailanganin lang nilang magpahangin sa labas at maging malaya, at magsalita nang malakas sa loob ng bahay; palagi silang magbabalak na umuwi. Binabalaan sila ng mga kapatid: “Masyadong mapanganib ang umuwi; mayroong mga pulis na nagmamanman sa lugar at nagmamasid dito.” Sumasagot sila, “Wala akong pakialam, gusto kong bumalik! Kung mahuhuli nila ako, mahuhuli nila ako! Ano ba ang problema? Sa pinakamalala, magiging isa lang akong Hudas!” Hindi ba’t kabaliwan ito? (Oo.) Hayagan nilang sinasabi na handa silang maging isang Hudas. Sino ang maglalakas-loob na patuluyin sila? Mayroon bang may gustong patuluyin ang isang Hudas? (Wala.) Isa bang mananampalataya sa Diyos ang gayong tao? Hino-host sila ng mga kapatid bilang isang mananampalataya sa Diyos. Kung medyo nagkukulang ang pagkatao nila, matitiis iyon; matitiis din ang hindi paghahangad sa katotohanan. Pero mayroon silang kakayahang ipahamak ang mga kapatid sa pamamagitan ng pagkakanulo sa iglesia at pagiging isang Hudas, at sa gayon ay hindi magagawang makauwi ng maraming tao sa mga tahanan nila o magampanan ang mga tungkulin nila nang normal—sino ang kayang umako ng sisi para sa mga kahihinatnang ito? Maglalakas-loob ka bang patuluyin ang ganitong klase ng kaaway? Hindi ba’t magdudulot lang ng problema sa iyo ang pagpapatuloy sa kanila?

Ang mga tao na hindi makatwiran at sadyang mapanggulo ay iniisip lang ang sarili nilang mga interes kapag kumikilos sila, ginagawa nila ang anumang nakakalugod sa kanila. Ang mga salita nila ay walang iba kundi mga walang katuturang argumento at maling paniniwala, at hindi sila tinatablan ng katwiran. Nag-uumapaw ang malupit nilang disposisyon. Walang sinumang nangangahas na makipag-ugnayan sa kanila, at walang may gustong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, sa takot na mapahamak pa. Kinakabahan ang ibang tao kapag pinaprangka sila ng mga ito, natatakot na kung makapagsabi ng hindi nila gusto o hindi naaayon sa gusto nila, sasamantalahin nila iyon at gagawa sila ng masasamang paratang. Hindi ba’t masasamang tao ang mga iyon? Hindi ba’t mga buhay silang demonyo? Lahat ng may malupit na disposisyon at hindi tuwid ang pag-iisip ay mga buhay na demonyo. At kapag nakipag-ugnayan ang isang tao sa isang buhay na demonyo, maaari niyang ipahamak ang sarili niya dahil lamang sa isang kapabayaan. Hindi ba’t magkakaproblema nang malaki kung nasa iglesia ang gayong mga buhay na demonyo? (Oo.) Pagkatapos magwala at magbulalas ng galit ang mga buhay na demonyong ito, may ilang panahon na maaari silang magsalita na parang tao at humingi ng paumanhin, ngunit hindi sila magbabago pagkatapos. Sino ang nakakaalam kung kailan ulit iinit ang ulo nila at kung kailan sila magwawala ulit, maglilitanya ng kanilang mga walang katuturang argumento. Nag-iiba-iba ang puntirya ng kanilang pagwawala at pagbubulalas sa bawat pagkakataon, gayundin ang pinagmumulan at dahilan ng kanilang pagbubulalas. Ibig sabihin, kahit ano ay maaaring ikagalit nila, kahit ano ay maaaring ikadismaya nila, at kahit ano ay maaaring magdulot ng kanilang pagwawala at pagiging hindi masupil. Kahindik-hindik! Napakamapanggulo! Ang mga wala sa katinuan na masamang taong ito ay maaaring masiraan ng bait anumang oras; walang nakakaalam kung ano ang kaya nilang gawin. Pinakakinamumuhian Ko ang gayong mga tao. Bawat isa sa kanila ay dapat alisin—lahat sila ay kailangang paalisin. Ayaw Ko silang makasalamuha. Magulo ang isipan nila at malupit ang disposisyon nila, puno sila ng mga walang katuturang argumento at maladiyablong salita, at kapag may nangyayari sa kanila, mainitin ang ulo na lang silang nagbubulalas tungkol dito. Ang ilan sa kanila ay umiiyak kapag nagbubulalas, ang iba ay sumisigaw, ang iba naman ay nagdadabog ng paa, at mayroon pa ngang ilang umiiling-iling at nagyuyugyog ng mga braso. Sadyang mga halimaw sila, hindi mga tao. Ang ilang kusinero ay naghahagis ng mga kaldero at pinggan kapag umiinit ang ulo nila; ang iba naman, na nag-aalaga ng mga baboy o aso, ay tinatadyakan at sinasaktan ang mga hayop na ito kapag umiinit ang ulo nila, ibinubulalas nila ang lahat ng galit nila sa mga ito. Ang mga indibidwal na ito, anuman ang mangyari, ay palaging galit ang reaksiyon; hindi sila kumakalma para pagnilayan ni tanggapin ito mula sa Diyos. Hindi sila nagdarasal o naghahanap sa katotohanan, ni hindi sila naghahangad na makipagbahaginan sa iba. Kapag wala silang magawa, nagtitiis sila; kapag ayaw nilang magtiis, nagwawala sila, naglilitanya ng mga walang katuturang argumento, inaakusahan at kinokondena nila ang iba. Madalas nilang sabihin ang mga bagay tulad ng, “Alam kong edukado kayong lahat at minamaliit ninyo ako”; “Alam kong mayaman ang mga pamilya ninyo, at hinahamak ninyo ako dahil mahirap ako”; o “Alam kong minamaliit ninyo ako dahil wala akong pundasyon sa pananalig ko, at minamaliit ninyo ako dahil hindi ko hinahangad ang katotohanan.” Kahit na alam na alam nila ang maraming isyu sa kanila, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ni hindi nila tinatalakay ang pagkilala nila sa sarili sa pakikipagbahaginan nila sa iba. Kapag nababanggit ang sarili nilang mga problema, umiiwas sila at gumagawa ng mga hindi totoong kontra-akusasyon, itinutulak ang lahat ng problema at responsabilidad sa iba, at nagrereklamo pa na kaya ganoon ang pag-uugali nila ay dahil sa masamang pagtrato sa kanila ng iba. Para bang ang kanilang mga pagwawala at walang kuwentang panggugulo ay sanhi ng iba, na para bang ang iba ang may kasalanan, wala lang talaga silang magawa kundi ang kumilos sa ganitong paraan, at wasto nilang ipinagtatanggol ang sarili nila. Tuwing hindi sila nasisiyahan, sinisimulan nilang magbulalas ng kanilang hinanakit at maglitanya nang walang katuturan, iginigiit ang mga walang katuturan nilang argumento na para bang mali ang lahat ng iba pang tao, na para bang sila lang ang mabubuting tao at ang lahat ng iba pa ay kontrabida. Gaano man sila magwala o maglitanya ng mga argumentong walang katuturan, hinihingi nila na maging mabuti ang sasabihin ng iba tungkol sa kanila. Kahit kapag nagkakamali sila, pinagbabawalan nila ang iba na ilantad o punahin sila. Kung tutukuyin mo kahit ang maliit na isyu nila, sasalabirin ka nila sa walang katapusang mga alitan, at malabo nang makapamuhay ka pa nang payapa kapag nagkagayon. Anong klaseng tao ito? Isa itong tao na hindi makatwiran at sadyang mapanggulo, at ang mga gumagawa nito ay masasamang tao.

Ang mga taong hindi makatwiran at sadyang mapanggulo, sa pangkalahatan, ay maaaring hindi gumawa ng anumang lubos na mapanlinlang o masamang gawa, ngunit sa sandaling masangkot ang kanilang mga interes, reputasyon, o dignidad, agad silang sumasabog sa galit, nagwawala, kumikilos nang hindi masupil, at nagbabanta pa nga na magpapatiwakal. Sabihin mo sa Akin, kung ang gayong kakatwa at di-makatwirang magaspang na tao ay lilitaw sa isang pamilya, hindi ba’t magdurusa ang buong pamilya? Ang tahanan ay mababalot sa matinding kaguluhan, mapupuno ng mga iyak at hiyaw, kaya magiging napakahirap nang mabuhay. May mga gayong tao ang ilang iglesia; bagama’t maaaring hindi halata kapag normal ang lahat ng bagay-bagay, hindi mo alam kung kailan sila sasabog at magbubunyag ng kanilang sarili. Kabilang sa mga pangunahing pagpapamalas ng mga gayong tao ang pagwawala, paglilitanya ng mga argumentong walang katuturan, at pagmumura sa publiko, at iba pa. Kahit na isang beses lang sa isang buwan o tuwing kalahating taon nangyayari ang mga pag-uugaling ito, nagdudulot ang mga ito ng matinding pagkabagabag at paghihirap, nagdudulot ng iba’t ibang antas ng panggugulo sa buhay iglesia ng karamihan sa mga tao. Kung talagang nakumpirma na ang isang tao ay nabibilang sa kategoryang ito, kailangang agaran siyang pangasiwaan at paalisin sa iglesia. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi naman gumagawa ng anumang kasamaan ang mga taong ito. Hindi sila maituturing na masasamang tao; dapat natin silang pagtiisan at pagpasensyahan.” Sabihin ninyo sa Akin, ayos lang ba na hindi pangasiwaan ang mga gayong tao? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil nagdudulot ng malaking abala at pagkayamot ang mga kilos nila sa karamihan ng mga tao, at nagdudulot din ng mga kaguluhan sa buhay iglesia.) Batay sa kinalabasang ito, malinaw na iyong mga nanggugulo sa buhay iglesia, kahit na hindi sila masasamang tao o mga anticristo, ay hindi dapat manatili sa iglesia. Ito ay dahil hindi nagmamahal sa katotohanan ang mga gayong tao, bagkus ay tumututol sila sa katotohanan, at kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos o kahit ilang sermon ang naririnig nila, hindi nila tatanggapin ang katotohanan. Kapag gumawa sila ng masama at pinungusan sila, nagwawala sila at naglilitanya nang walang saysay. Kahit may isang taong nakikipagbahaginan sa kanila ng katotohanan, hindi nila ito tinatanggap. Walang sinuman ang may kayang pangatwiranan sila. Kahit kapag nakikipagbahaginan Ako ng katotohanan sa kanila, maaaring nananahimik lang sila sa panlabas pero sa loob-loob nila ay hindi nila ito tinatanggap. Kapag nahaharap sa mga aktuwal na sitwasyon, kumikilos pa rin sila gaya ng nakagawian nila. Hindi sila nakikinig sa Aking mga salita, kaya mas lalong hindi nila tatanggapin ang inyong payo. Bagama’t hindi gumagawa ng malalaking kasamaan ang mga taong ito, hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Kung titingnan ang kanilang kalikasang diwa, bukod sa wala silang konsensiya at katwiran, sila rin ay hindi makatwiran, sadyang mapanggulo, at hindi tinatablan ng katwiran. Makakamit ba ng mga gayong tao ang pagliligtas ng Diyos? Tiyak na hindi! Ang mga hinding-hindi tumatanggap sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya, sila ay mga alipin ni Satanas. Kapag hindi nasusunod ang kanilang gusto, nagwawala sila, patuloy na naglilitanya ng mga walang katuturang argumento, at hindi sila nakikinig sa katotohanan kahit paano ito pagbahaginan. Ang gayong mga tao ay hindi makatwiran at sadyang mapanggulo, ganap na mga diyablo at masasamang espiritu; mas masahol pa sila sa mga halimaw! Sila ay mga siraulong wala sa tama ang katwiran, at hindi nila kailanman kayang tunay na magsisi. Habang mas matagal silang nananatili sa iglesia, mas dumarami ang kanilang kuru-kuro tungkol sa Diyos, mas dumarami ang kanilang mga hindi makatwirang hinihingi sa sambahayan ng Diyos, at mas lumalaki ang kaguluhan at pinsalang idinudulot nila sa buhay iglesia. Ito ay nakakaapekto sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos at sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Ang kanilang pamiminsala sa gawain ng iglesia ay hindi mas mababa kaysa sa pamiminsala ng masasamang tao; dapat maaga pa lang ay paalisin na sila sa iglesia. Sinasabi ng ilan, “Hindi ba’t medyo nagiging hindi lang sila masupil? Wala pa sila sa punto ng pagiging masama, kaya hindi ba’t mas mabuti kung tatratuhin sila nang may pagmamahal? Kung papanatilihin natin sila, baka magbago sila at maligtas.” Sinasabi Ko sa iyo, imposible iyon! Walang “baka” rito—ang mga taong ito ay talagang hindi maliligtas. Ito ay dahil hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan, lalong hindi nila kayang tanggapin ito; wala silang konsensiya at katwiran, hindi normal ang proseso ng kanilang pag-iisip, at ni wala sila ng pinakasimpleng sentido komun na kinakailangan sa pag-asal. Sila ay mga taong wala sa tama ang katwiran. Talagang hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Maging iyong mga medyo mas normal ang pag-iisip at mas mahusay ang kakayahan, kung talagang hindi nila tinatanggap ang katotohanan, ay hindi maililigtas, lalo pa iyong mga wala sa tama ang katwiran. Ang tratuhin pa rin ang gayong mga tao nang may pagmamahal at maniwalang may pag-asa pa sila, hindi ba’t labis na iyong kahangalan at kamangmangan? Sinasabi Ko ito sa inyo ngayon: Ang pag-aalis sa mga hindi makatwiran, sadyang mapanggulo, at hindi tinatablan ng katwiran mula sa iglesia ay ganap na tama. Sa diwa, sinusugpo nito ang panliligalig nila sa iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kung mayroong gayong mga hindi makatwirang tao sa alinmang iglesia, dapat silang iulat ng hinirang na mga tao ng Diyos, at sa sandaling matanggap ng mga lider at manggagawa ang gayong mga ulat, dapat nilang agarang pangasiwaan ang mga ito. Ito ang prinsipyo para sa pangangasiwa sa ikaanim na uri ng mga tao—iyong mga hindi makatwiran at sadyang mapanggulo.

G. Ang Palagiang Pakikibahagi sa Mahahalay na Aktibidad

Ang ikapitong uri ay iyong mga nakikibahagi sa mahahalay na aktibidad, isang grupong karaniwang nababanggit. Bagama’t ang mga pagpapamalas ng pagkatao nila ay hindi napakasama—hindi tulad ng paghahasik ng hindi pagkakasundo, o paggawa ng masasamang gawa at pagdudulot ng mga pagkakagulo—mayroong parehong katangian ang mga ito, iyon ay na palaging lumilitaw ang mga problema at insidente sa mga pakikipag-ugnayan nila sa kabilang kasarian. Mayroon man o walang mga pagkakataon, palaging lumilitaw ang gayong mga problema sa kanila, at kung wala namang mga pagkakataon, gumagawa sila nito, para mangyari pa rin ang gayong “mga kuwento” ano’t anuman. Anuman ang sitwasyon, sinuman ang isa pang tao, o gaano man kalayo ang loob ng taong iyon sa kanila, talagang nangyayari ang gayong mga insidente sa kanila paminsan-minsan. Anong klase ng mga insidente? Nakikipag-date sila sa isang tao, o palagi nilang gustong mapalapit sa isang tao, o nahuhulog ang loob nila sa isang tao, o may natitipuhan silang isang tao, at iba pang gayong mga bagay. Palagi silang nabibigong mamuhay nang normal at gampanan nang normal ang mga tungkulin nila, palaging naiimpluwensiyahan ng malalaswang pagnanasa. Ibig sabihin, sa mga ordinaryong sitwasyon kung saan hindi nasasangkot ang mga normal na tao sa gayong mga isyu, madalas silang masangkot. Hindi nila kailangan ng anumang mga espesyal na sitwasyon o ng sinumang gagawa ng mga oportunidad para sa kanila; likas lang na nangyayari ang mga insidenteng ito. Pagkatapos mangyari ang gayong mga insidente, anuman ang mga kahihinatnan, palaging may isang grupo ng tao o isang partikular na tao na pinagbabayad para dito. Anong mga halaga ang ibinabayad nila? Naaapektuhan ang paggawa nila sa tungkulin nila; naaantala at nahahadlangan ang gawain ng iglesia; nababagabag at natutukso ang ilang kabataan, at nawawalan sila ng interes sa pananampalataya sa Diyos at sa paggampan ng mga tungkulin nila; at nawawalan pa nga ang ilang tao ng mga tungkulin nila o binibitiwan nila ang mga ito. Masyadong mapanggulo ang mga taong nakikibahagi sa mahahalay na aktibidad. Sa bawat pagkakataon, ang mga miyembro ng kabilang kasarian ay nagdadagsaan sa palibot nila, lumalapit sa kanila, nakikipaglandian sa kanila, at nakikipagbiruan pa nga. Bagama’t walang malulubhang problema na may mahalagang kalikasan ang maaaring lumitaw, lubha nilang ginugulo ang mga normal na kalagayan ng hinirang na mga tao ng Diyos habang ginagampanan ng mga ito ang kanilang mga tungkulin. Saanman sila pumunta, nagdudulot sila ng problema at panggugulo sa iba, sa gawain, at sa iglesia, inaakit pa nga nila sa lahat ng pagkakataon ang mga miyembro ng kabilang kasarian na kaakit-akit para sa kanila, at bumubuo sila ng ugnayan sa mga ito. Napakalaking perwisyo nito. Sa sandaling mahulog ang loob nila sa isang tao, tiyak na mapapahamak ang taong iyon, hindi na niya magagawang normal na manampalataya sa Diyos o gampanan ang mga tungkulin niya. Hindi lubos maisip ang mga kahihinatnan. Hindi na kakayanin ng taong iyon na hindi makausap o makita ang mang-aakit, at habang abala siya sa paggampan ng mga tungkulin niya, hindi niya magagawang makapag-asawa o lumagay sa tahimik, at mananatiling hindi matitinag ang relasyon. Ano ang mangyayari sa huli? Magsisimula siyang magdusa nang matindi, nang napakasakit! Kung magtitiis siya hanggang sa maparusahan siya sa mga sakuna, talagang tapos na ang lahat para sa kanya, mawawasak ang pag-asa niyang maligtas. Minsan, sumasalungat ang ilan at hindi nagsisisi kapag pinungusan sila, kundi sumasalungat pa sila sa ikalawa o maging sa ikatlong pagkakataon, nagkakaroon ng tatlo o apat na relasyon sa loob ng dalawa o tatlong taon, na nagdudulot ng panggugulo sa hinirang na mga tao ng Diyos at sa buhay iglesia, at nasusuklam sa kanila ang hinirang na mga tao ng Diyos dahil dito. Nag-iiwan ito ng mantsa sa kanila, na pinagsisisihan nila habambuhay.

Ang ilang tao, dahil medyo may hitsura sila, at medyo elegante sila at may ilang kaloob at talento, o gumagawa sila ng ilang mahalagang gawain, ay palaging mayroong mga nakakunyapit sa kanila na mga miyembro ng kabilang kasarian na para bang mga langaw, na nakapalibot sa kanila. Ang ilan sa mga ito ay naghahain sa kanila ng mga pagkain, ang ilan ay nag-aayos ng higaan nila, ang ilan ay naglalaba ng mga damit nila, ang ilan ay binibilhan sila ng mga suplementong pangkalusugan at pampaganda at binibigyan sila ng maliliit na regalo, at iba pa. Malugod nilang tinatanggap ang lahat ng dumarating, alam sa puso nila na hindi tama ang gayong pag-uugali ng iba pero hindi ito kailanman tinatanggihan, nang-aakit ng ilang miyembro ng kabilang kasarian nang sabay-sabay. Nakikipagpaligsahan sa isa’t isa ang mga taong iyon para sa pagkakataon na paglingkuran sila, nakikipagkompetensiya at nagseselos sa isa’t isa, habang tinatamasa ng mahalay na tao ang damdamin, naniniwalang sila ay lubos na kaakit-akit. Sa realidad, ang mga usapin ng kalalakihan at kababaihan ay nauunawaan nang mabuti ng mga nasa hustong gulang na, at nauunawaan maging ng mga menor de edad ang mga ito; tanging ang mga hangal, may kapansanan sa pag-iisip, o may sakit sa pag-iisip ang hindi nakakaunawa sa mga ito. Bakit ba masidhing nakikipagkompetensiya ang mga taong ito para paglingkuran at palugdan ang isang miyembro ng kabilang kasarian? Tungkol lang ito sa kagustuhang mang-akit, hindi ba? Hindi na ito kailangan pang ipaliwanag; alam ng lahat kung ano ang nangyayari. Ito ay isang bagay na batid na batid ng mga tao, isang bagay na malinaw na mali, ngunit hindi ito tinatanggihan ng taong iyon, kundi sa halip ay walang-kibong sinasang-ayunan—ano ang tawag doon? Ito ay tinatawag na pakikipaglandian. Alam niyang tungkol ito sa pang-aakit sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, pero para sa katuwaang dulot ng pagtugon sa malalaswang pagnanasa ng laman, ayaw niyang tumanggi. Pakiramdam niya, ang sensasyong ito ay isang klase ng kasiyahan, isang sensasyon na mas masarap pa nga kaysa sa anumang masarap na pagkain sa mundo, kaya hindi siya tumatanggi. Kapag hindi tumatanggi ang naturang tao, iyong mga nang-aakit sa kanya ay lalong sumasaya, iniisip na sila ang gusto ng taong iyon, ikinasisiya ang sitwasyon sa loob-loob nila. At iniisip ng taong iyon na hangga’t walang malalim na relasyon na naganap, hindi ito maituturing na isang bagay na malubha, na lubhang mas malala ang kahalayan ng mga walang pananampalataya, at na sa pinakahigit ay itinuturing lang itong pang-aakit, katulad ng normal na pakikipag-date. Ngunit dapat bang ganito ang pakikipag-date? Ngayong araw ay kasama ang isang tao, bukas ay iba naman, walang pakundangang paulit-ulit na nakikipag-date at nang-aakit ng sinuman. Saanman sila magpunta, inuuna ng gayong mahahalay na tao ang pagpapalabas ng malalaswa nilang pagnanasa, pagpapakitang-gilas, at pang-aakit. Habang dumarami ang taong naaakit nila, mas sumasaya ang pakiramdam nila. Ano ang mangyayari sa huli? Pagkatapos magpakitang-gilas nang paulit-ulit, makikilatis ng ilang kapatid ang pag-uugali nila at sama-samang magsusulat ang mga ito ng isang liham sa mga nakatataas na lider. Papatunayan ng isang imbestigasyon ang mga pahayag ng mga kapatid, at aalisin sa iglesia ang mahalay na tao. Nakita ba ninyo kung ano ang mangyayari? Hindi ba’t nagtatapos na roon ang landas ng pananampalataya nila sa Diyos? Nabubunyag ang kalalabasan nila. Ang mga kilos at pag-uugali nila, na sa tingin ng mga tao ay hindi puwedeng palampasin, ay lalong mas kasuklam-suklam sa Diyos. Ang pag-uugaling ipinapakita ng mga taong ito ay hindi kumakatawan sa wastong ugnayan sa pagitan ng mga tao, ni sumasalamin sa mga normal na pangangailangan ng tao. Mailalarawan ang mga kilos nila sa isang salita lang: “kahalayan.” Ano ang tinutukoy ng kahalayan? Ang ibig sabihin nito ay ang walang pakundangang pakikipagrelasyon sa kabilang kasarian, iresponsableng pang-aakit sa iba ayon sa sariling kagustuhan, at panunukso at panliligalig sa mga miyembro ng kabilang kasarian. Ito ay pagbibigay-layaw sa pagnanasa, at paggawa nito nang hindi isinasaalang-alang ang kabayaran o ang mga kahihinatnan. Kung kalaunan ay may isang taong mabibitag at romantikong makikipaglandian sa kanila, tatanggi silang kilalanin ito, sasabihin, “Nagbibiro lang ako. Sineryoso mo ba? Hindi ko talaga iyon sinasadya; masyado mo itong binibigyan ng kahulugan.” Hindi ba’t isa itong diyablong nanunukso sa mga tao? Pagkatapos tuksuhin ang isang tao, naghahanap siya ng susunod niyang pupuntiryahin, nang-aakit ng iba. Napakasama at napakabuktot niya! Pagkatapos akitin ang isang tao, tatanggi siyang kilalanin ito. Kung may isang taong malilihis at madadamay sa gusot dahil sa gayong tao, hindi ba’t nakakasuklam iyon? (Oo.) Kamuhi-muhi ba ang mga tao na walang pakundangang nang-aakit ng iba? (Oo.) Ipinahayag ng sambahayan ng Diyos sa pinakasimula pa lang na kung umabot na ang isang tao sa edad ng pag-aasawa at nasa hustong gulang na siya, hindi kumokontra ang sambahayan ng Diyos sa normal niyang pakikipag-date o sa pag-aasawa niya at pamumuhay niya kasama ng kabiyak niya sa normal na paraan, at na pinapahintulutan ang taong ito at binibigyan siya ng kalayaang gawin iyon. Gayumpaman, mayroong ilang kondisyon: Hindi pinapayagan ang pakikibahagi sa mahahalay na aktibidad; hindi pinapahintulutan ang walang pakundangang pang-aakit at pakikipaglandian, at ang kaswal na panliligalig sa kabilang kasarian. Hindi naghihigpit ang sambahayan ng Diyos sa pakikipag-date, pero hindi nito pinapayagan ang walang pakundangang pang-aakit. Ano ang ibig sabihin ng walang pakundangang pang-aakit? Ang ibig sabihin nito ay ang panliligalig sa sinumang miyembro ng kabilang kasarian, at pagkatapos ay ang hindi pag-amin sa paggawa nito. Ang mga taong nililigalig nila ay hindi ang kanilang tunay na minamahal; hindi nila nilalayong makipagrelasyon nang pangmatagalan o magpakasal kundi nais lang nilang mang-akit, paglaruan ang taong iyon, masiyahan sa kanya, maghanap ng mga katuwaan, makarelasyon ang ilang kasintahan, kumilos tulad ng isang malaswang tao—ito ay tinatawag na kahalayan. Sa iglesia, hindi pinapahintulutan ang kahalayan, at kung mangyayari ito, dapat pangasiwaan iyong mga kasangkot ayon sa mga prinsipyo ng pagpapaalis sa mga tao. Siyempre, sa loob ng mga pangkat ng mga taga-ebanghelyo, hindi pinapahintulutang mangyari ang gayong mga sitwasyon sa mga taong nangangaral ng ebanghelyo, mula man sila sa mga iglesiang may tungkuling full-time o sa mga ordinaryong iglesia. Kung magkukunwari ang isang tao na ipinapangaral ang ebanghelyo para walang pakundangang mang-akit ng iba, pinipiling makipagtulungan sa mga miyembro lang ng kabilang kasarian, o ipinapangaral lang ang ebanghelyo sa mga miyembro ng kabilang kasarian, at sa gayon ay sinasamantala ang pagkakataon para pumasok sa mga di-wastong ugnayan, gagambalain at guguluhin nito ang gawain ng ebanghelyo ng Diyos. Dapat agarang alisin ng mga lider at manggagawa ang gayong mga tao.

Para makahanap ng mga miyembro ng kabilang kasarian at makibahagi sa mahahalay na aktibidad, binabalewala ng ilang tao ang edad at wala silang limitasyon sa edad. Sinusubukan lang nilang akitin ang lahat ng makakaya nila, nang walang katiting na kahihiyan. Hindi lang tinutugunan ng ilan ang malalaswang pagnanasa ng kanilang laman sa pang-aakit ng mga miyembro ng kabilang kasarian—hinihingi pa nga nila sa kabilang panig na ito ang magbayad ng mga gastusin sa pamumuhay nila, na bilhan sila nito ng mga bagay-bagay, at iba pa. Kung makakatuklas kayo ng gayong mga tao o mayroong mag-uulat ng gayong mga pangyayari, dapat agarang pangasiwaan ang mga ito. Ang tanging solusyon ay ang paalisin ang mga taong ito, ang permanenteng paalisin ang mga taong ito. Ito ay dahil para sa mga taong may ganoong mga isyu, hinding-hindi ito isang pansamantalang problema. Lalo nang ganito ang kaso para sa mga may-asawa—sa kabila ng pagkakaroon ng asawa sa tahanan, partikular pa rin nilang pinupuntirya ang kabilang kasarian gamit ang pagdadahilan na nangangaral sila ng ebanghelyo. Naghahanap sila ng kahit anong uri, mayaman man o mahirap, at kung makakahanap sila ng taong gusto nila, maaari pa nga silang makipagtanan kasama ito, ni hindi na nga ipinapangaral ang ebanghelyo—hindi na talaga nananampalataya sa Diyos. Kung maagang matutuklasan ang gayong mga tao, dapat silang agad at permanenteng paalisin sa mga hanay ng mga nangangaral ng ebanghelyo, nang hindi na binibigyan ng isa pang pagkakataon, at nang wala nang pangangailangan pa para sa karagdagang obserbasyon. Nauunawaan ba ninyo? Sinasabi ng ilan, “Para sa ilan, mahirap ang buhay. Kung mang-aakit sila ng isang tao sa kabilang kasarian para bumuo ng isang pamilya, at magagawa ng taong iyon na manampalataya sa Diyos at suportahan sila, hindi ba’t iyon ay isang sitwasyong makabubuti sa lahat?” Sinasabi Ko sa iyo, kailangang paalisin ang gayong mga tao sa lalong madaling panahon; hindi buhay-pamilya ang talagang habol nila kundi ang pakikibahagi sa mahahalay na aktibidad. Bakit Ako labis na nakakatiyak? Kung hindi sila ang uri na nakikibahagi sa mahahalay na aktibidad, pagkatapos manampalataya sa Diyos ay hinding-hindi na sila magpapatuloy sa gayong mga pag-uugali at masusuklam na sila sa mga iyon, lalo na kung mayroon na silang asawa. Ang mga kalakaran ngayon sa buong mundo ay mahalay at buktot; nagpapasasa ang mga tao sa pagnanasa nila at nagpapaligsahan sila kung sino ang makakaakit ng mas maraming miyembro ng kabilang kasarian nang walang anumang pangangailangan para sa pagpipigil, dahil hindi kinokondena o nililibak ng lipunang ito at ng sangkatauhang ito ang mga pagkilos na ito. Kaya, iniisip ng mga tao na kung magagawa nilang kumita ng pera sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mahahalay na aktibidad at pagbebenta ng laman nila, isa itong tanda ng kasanayan o kapabilidad. Tinitingnan nila ito bilang isang bagay na dapat ipagmalaki. Gayumpaman, pagkatapos manampalataya sa Diyos, ganap na nagbabago ang mga pananaw ng mga tao sa mga usaping ito. Nahahanap nila ang wastong paraan para tratuhin ang malalaswang pagnanasa ng laman, na una sa lahat ay may kaugnayan sa pagpipigil. Paano maisasagawa ng isang tao ang pagpipigil? Kailangang magkaroon ang mga tao ng kahihiyan at makaramdam ng kahihiyan. Iyon ang tinatawag na normal na pagkatao. Mayroong malalaswang pagnanasa ang lahat ng tao, pero kailangang matutunan ng mga tao na pigilan ang sarili nila, na makaramdam ng kahihiyan. Kahit na mayroon silang ilang ganitong pag-iisip, dapat nilang pigilan ang sarili nila dahil nananampalataya sila sa Diyos at mayroon silang konsensiya at katwiran. Hinding-hindi nila dapat sundin ang mga maling bagay na nasa isipan nila, lalong hindi sila dapat magpasasa sa mga ito. Dapat nilang hanapin ang katotohanan para malutas ang mga isyung ito. Kahit pa sila ay mga bagong mananampalataya na hindi nauunawaan ang katotohanan, dapat pa rin nilang ikumpara ang sarili nila sa mga pinakapangunahing pamantayan ng moralidad ng tao. Kung wala ka kahit ng antas na ito ng pagpipigil, wala kang normal na pagkatao at wala kang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Sumusunod ang lahat ng klase ng mga hayop sa isang partikular na kaayusan at sumusunod ang mga ito sa mga panuntunan sa usaping ito, hindi kumikilos nang walang pakundangan; bilang mga tao, lalo pa ngang hindi sila dapat kumilos nang walang pakundangan, at mayroon dapat silang mas higit na pagpipigil. Kung wala ka kahit ng antas na ito ng pagpipigil at pagkontrol sa sarili, paano ka makakaasang mahahanap at maisasagawa mo ang katotohanan? Kung hindi mo man lang kayang lutasin ang sarili mong buktot na pagnanasa, paano mo malulutas ang mga tiwali mong disposisyon? Ang kalikasan mo ng paglaban at pagkakanulo sa Diyos ay lalo nang magiging mas imposibleng malutas, hindi ba? (Oo.) Kung hindi mo man lang kayang pangasiwaan ang malalaswang pagnanasa ng laman, paano ka makakaasang malulutas mo ang mga tiwali mong disposisyon? Huwag mo na itong isipin pa. Hindi mo ito makakamit.

Palaging naghahanap ng mga pagkakataon ang ilang tao para makipag-date habang nangangaral ng ebanghelyo, at madalas mangyari ang gayong mga insidente. Iyong mga nakagawian na nagkakaroon ng mga romantikong relasyon habang pinapabayaan ang mga nararapat nilang gampanin ay pinaalis at pinangasiwaan na, samantalang iyong mga paminsan-minsang sumasalangsang ay binabalaan. Sa sandaling makahanap ng mga angkop na sitwasyon ang mga indibidwal na ito na may mga buktot na disposisyon at makatagpo sila ng isang tao na itinuturing nilang kalaguyo, natutukso sila. Sa gayon, naglalaho sa gitna ng buktot nilang pagnanasa ang intensyon nilang tumanggap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos. Sa sandaling pumasok sila sa isang romantikong relasyon, pinapabayaan nila ang lahat ng iba pa, inaabandona pa nga ang intensyon nilang mapagpala, at hinahangad lang ang kaligayahan ng laman. Pagkatapos ng isa o dalawang pagkakasala, maaari silang makaramdam ng kaunting pag-aakusa sa sarili at pagkabagabag, pero pagkatapos ng tatlo o apat na beses, nagiging kahalayan na ito. Sa sandaling magsimula na ang kahalayan, hindi na sila nakakaramdam ng pag-aakusa sa sarili o pagkabagabag dahil nalabag na ang suson ng kahihiyan na siyang pinakabatayan ng pagkatao ng isang tao. Hindi na nila itinuturing na kahiya-hiya ang kahalayan at sa gayon ay patuloy silang nakikibahagi rito. Iyong mga kayang magpatuloy na makibahagi sa kahalayan ay lubhang nagpapasasa sa malalaswa nilang pagnanasa, hindi nagpapakita ng anumang pagpipigil. Hindi pinapayagan ang gayong mga indibidwal sa iglesia, at dapat silang paalisin; huwag silang bigyang-layaw at huwag gumawa ng anumang pagdadahilan para panatilihin sila. Hindi nagkukulang ng mga tao ang sambahayan ng Diyos para mangaral ng ebanghelyo; hindi nito kailangan ng gayong malalaswang tao para magparami ng bilang dahil lubha itong nakakasira sa pangalan ng Diyos. Samakatwid, kung mayroong mag-uulat o kung personal mong matutuklasan ang gayong mga indibidwal sa loob ng pangkat ng mga tagapagpangaral ng ebanghelyo, dapat alam mo na kung ano ang gagawin. Kung mayroong ganitong isyu ang ilang bagong mananampalataya, dapat muna ninyong pagbahaginan ang katotohanan tungkol sa isyung ito, ipaalam sa lahat kung ano ang mga prinsipyo at saloobin ng iglesia sa mga gumagawa ng mahahalay na gawa. Sa pinakamababang antas, dapat silang bigyan ng paunang babala para maiwasan nilang gawin ito at na gamitin ang pangangaral ng ebanghelyo bilang isang pagkakataon para makibahagi sa gayong mga pag-uugali, at sa huli ay sisisihin iyong mga namamahala o ang mga lider at manggagawa sa hindi pakikipagbahaginan nang maaga ng mga ito tungkol sa mga nauugnay na katotohanang prinsipyo. Samakatwid, bago mangyari ang gayong mga insidente, bago mabatid ng ilang tao ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa gayong mga indibidwal at usapin, kapag hindi malinaw sa mga tao ang tungkol sa mga isyung ito, dapat na hayagan at malinaw na makipagbahaginan sa kanila ang mga lider at manggagawa tungkol sa mga prinsipyong ito para malaman nila kung sa anong klase ng pag-uugali at kalikasan nabibilang ang mga usaping ito, at kung ano ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa gayong mga usapin at indibidwal. Pagkatapos na masinsinang mapagbahaginan ang tungkol sa mga prinsipyong ito, kung kakapit pa rin sila sa sarili nilang landas at ipagpapatuloy nila ang ginagawa nila sa kabila ng pagkaalam sa mga prinsipyong ito, dapat silang pangasiwaan at tanggalin, dapat silang paalisin. Kung lilitaw ang gayong mga indibidwal sa iglesia, madalas na nagdudulot ng mga insidente sa pamamagitan ng pang-aakit sa iba o madalas na nagsasanhi ng panliligalig sa mga miyembro ng kabilang kasarian, tiyak na mayroon silang mga problema. Kahit pa walang naganap na malalaking isyu, dapat na balaan at pangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang mga indibidwal na ito, o tanggalin ang mga ito sa mga lugar kung saan ginagampanan ng mga tao ang mga tungkulin nila; sa malulubhang kaso, dapat direktang paalisin ang mga indibidwal na ito. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa ikapitong aspekto ng mga pagpapamalas ng pagkatao ng mga tao.

Disyembre 18, 2021

Sinundan:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (25)

Sumunod:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (27)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger