Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (28)

Ikalabing-apat na Aytem: Agarang Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Ikapitong Bahagi)

Ang ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay ang “agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalawang pamantayan para sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng masasamang tao, na nakabatay sa kanilang pagkatao, sinasaklawan ang tatlong pagpapamalas. Basahin ang tatlong pagpapamalas na ito. (Ikawalo, pagkakaroon ng kakayahang magkanulo anumang oras; ikasiyam, pagkakaroon ng kakayahang umalis anumang oras; ikasampu, pag-aalinlangan.) Pagkatapos magbahaginan tungkol sa tatlong pagpapamalas na ito, nauunawaan ba ninyo ang mga ito? (Oo.) Karamihan sa mga taong may ganitong mga problema ay karaniwang walang abilidad na maarok ang katotohanan; hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, ni hindi nila nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos. Bukod pa rito, hindi kayang makilatis ng ilan sa kanila kung tungkol saan talaga ang pananampalataya sa Diyos. Iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay isang relihiyosong pananalig lang at na ang basta pagsunod sa mga relihiyosong ritwal ay sapat na. Hindi nila nauunawaan ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos, ni hindi nila nauunawaan ang kabuluhan ng paggampan sa tungkulin; hindi rin malinaw sa puso nila ang tungkol sa kung umiiral ba ang Diyos, at hindi sila sigurado kung tama ba ang landas ng pagsunod sa Diyos. Gaano karaming taon man silang nanampalataya, o gaano karaming sermon man ang narinig nila, hindi sila kailanman nakapagtatag ng pundasyon sa tunay na daan. Dahil dito, nag-aalinlangan sila, at kung may mangyaring hindi nila ikalulugod, maaari pa nga nilang iwan ang iglesia o ipagkanulo ang iglesia anumang oras. May mga partikular na prinsipyo ang sambahayan ng Diyos para sa pangangasiwa sa ilang uri ng tao na ito. Depende sa iba’t ibang sitwasyon nila, may mga partikular na plano para sa pangangasiwa at paglutas sa kanila; iyong mga dapat paalisin ay paaalisin at iyong mga dapat patalsikin ay patatalsikin. Bagaman hindi masasamang tao ang ilan sa mga taong ito, at lalong hindi sila mga anticristo, batay sa kalikasan ng mga pagpapamalas nilang ito at mga saloobin nila sa pananampalataya sa Diyos, hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila mga tunay na kapatid. Kahit manatili pa sila sa iglesia, magiging napakahirap para sa kanila na maunawaan ang katotohanan. Ano ang mga implikasyon ng pagiging mahirap para sa kanila na maunawaan ang katotohanan? Ibig sabihin nito na dahil hindi nila kailanman maaarok ang mga salita ng Diyos at hindi kailanman mauunawaan ang katotohanan, sa huli ay mabibigo silang makamit ang kaligtasan at mabibigo silang makamit ng Diyos. Ibig sabihin, sa huli, hindi sila maaaring maging mga tao ng sambahayan ng Diyos, hindi maaaring maging mga tunay na nilikha, at hindi makapagsasakatuparan ng tungkulin ng mga nilikha at makababalik sa harap ng Diyos. Bukod pa rito, madalas silang gumaganap ng negatibong papel sa iglesia. Hindi lang sila bigong magkaroon ng positibong epekto, kundi paminsan-minsan, nagdudulot din sila ng mga kaguluhan at pagkawasak, naaapektuhan ang mga kalagayan ng ilang tao at nagugulo ang ilan sa mga gumagampan ng tungkulin nila. Samakatwid, dapat magpatupad ang iglesia ng mga kaukulang hakbang para pangasiwaan sila, sa pamamagitan man ng paghihikayat sa kanilang umalis, o sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanila o pagpapatalsik sa kanila. Sa anumang kaso, hindi sila maaaring pahintulutang magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa iglesia.

Ang mga Pamantayan at Batayan Para sa Pagkilatis sa Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao

II. Batay sa Pagkatao ng Isang Tao

J. Pag-aalinlangan

Hindi kailanman makumpirma ng mga taong nag-aalinlangan kung umiiral ba talaga ang Diyos, at lalong hindi nila makumpirma kung ang Diyos ba na pinananampalatayaan nila ay ang tunay na Diyos. Ngayon gusto nilang maghanap dito, at bukas gusto nilang tingnan ang mga bagay-bagay roon, hindi nalalaman kung alin ang tunay na daan, palaging nagkikimkim ng saloobin na maghintay-at-magmasid. Sa kaso ng ganitong mga tao, kaagad silang hikayating umalis, sa pamamagitan ng pagsasabing: “Hindi mo kailanman makumpirma na ang gawain ng Diyos ay ang tunay na daan, at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga paghihirap mo. Ano ang magiging resulta ng patuloy na pananampalataya nang ganito? Dahil hindi mo minamahal ang katotohanan at hindi ka nasisiyahan sa pamumuhay ng buhay iglesia, dapat pumunta ka sa kung saan ka man interesado, batay sa sarili mong mga pagpili. Hindi ba’t gusto mong hangaring mangibabaw sa iba at magkamit ng malaking tagumpay? Kung gayon, dapat kang lumabas sa mundo at magsikap para dito. Baka yumaman ka o maging isang opisyal at makamit ang mga pangarap mo sa mundo. Hindi ka na dapat pang magtagal sa sambahayan ng Diyos.” Sa kaso ng gayong mga tao, hindi mo sila dapat puwersahin o subukang hikayatin na manatili sa anumang paraan. Kung gusto nilang iwan ang iglesia, hayaan silang umalis. Ang palaging paghihikayat sa mga hindi mananampalataya na ito at pag-uudyok sa kanilang manatili ay hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman pinupuwersa ng gawain ng Diyos ang mga tao, at kapag patuloy mong hinihila at hinahatak iyong mga hindi makapagpasya, may elemento ng pamumuwersa rito. Gusto ng mga taong ito na lumabas para magtrabaho, kumita ng pera, at mamuhay nang matiwasay, o maghangad ng mga bagay na personal nilang gusto. Taglay nilang palagi ang mga intensyon ito, at taglay nilang palagi ang sarili nilang mga mithiin at plano. Bagaman walang nakaaalam nito, ibinunyag na ito ng pag-uugali nila. Halimbawa, kapag ginagawa ang tungkulin nila, madalas silang walang sigla, o madalas silang makakalimutin, pabaya, at pabasta-basta lang. Madalas silang nagpapakita ng partikular na pag-aatubiling gawin ang tungkulin nila, palaging nararamdamang tila nawawalan sila, iniisip na ang paggampan sa tungkulin nila ay humahadlang sa kanilang kumita ng pera. Para sa ganitong mga tao, dapat silang hikayating umalis, sa pamamagitan ng pagsasabing: “Palagi kang walang sigla at pabaya sa paggampan sa iyong tungkulin, at sa huli, mabibigo kang makamit ang katotohanan, at hindi ka sasang-ayunan ng Diyos—magiging isang malaking kawalan iyon! Dahil hindi ka interesado sa katotohanan, dahil hindi mo magawang makumpirma ang pag-iral ng Diyos o ang kataas-taasang kapangyarihan Niya, at iniisip na kamangha-mangha ang mundo, naniniwalang kung hahangarin mo ang mundo ay maaari kang maging sobrang matagumpay at mangingibabaw sa iba, mas mabuti para sa iyo na bumalik sa mundo at magsikap doon. Ano ang saysay ng pagtitiis ng paghihirap na ito rito?” Sa partikular, madalas na pakiramdam ng mga taong ito na may kahusayan sila sa isang partikular na larangan, na mayroon silang ilang kasanayan at kapabilidad, at naniniwalang kung makikipagsapalaran sila sa lipunan o sa mundo, maaari silang magkamit ng parehong kasikatan at kayamanan, magtatamasa ng mataas na katayuan at kabayaran. Gayumpaman, matapos manampalataya sa Diyos at magpabasta-basta ng ilang taon, hindi sila nakatanggap ng anumang mga promosyon o napili para sa anumang mahalagang posisyon. Dahil hindi nila magawang mangibabaw sa iba, nakararamdam sila ng labis na pagkaagrabyado at matinding pag-ayaw sa puso nila. Ayaw nilang tahakin ang landas ng pananampalataya sa Diyos, at mas lalong ayaw na gawin ang tungkulin nila. Palagi silang may hindi mapakaling puso at lumilipad na isip, at pabago-bago at hindi matatag. Paminsan-minsan, iniisip nila ang tungkol sa kung paanong nakakuha ng magagandang trabaho, nagkamit ng gayong katataas na posisyon, at namumuhay ng buhay na superyor kaysa sa iba ang mga kaklase at kaibigan nila, na lalong nagpaparamdam sa kanila na labis nilang naaagrabyado ang kanilang sarili sa pananampalataya nila sa Diyos, at iniisip na sila ay wala silang silbi, walang kakayahan, at isang kabiguan dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, labis na nahihiyang harapin ang kanilang mga magulang at ninuno. Nagiging sanhi ito para lalo pa silang mabalisa at umayaw, at labis nilang pinagsisisihan ang pagpiling manampalataya sa Diyos sa simula pa lang! Kaya’t lalo pang nag-aalinlangan ang isipan nila. Sa mga taon ng pananampalataya sa Diyos at paggampan sa kanilang tungkulin, hindi lang na hindi lumakas ang pananalig nila, kundi nawala rin ang dating sigasig na mayroon sila. Paano sa palagay ninyo dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? (Hikayatin silang umalis.) Kung hihikayatin mo silang umalis, maaaring sabihin nilang, “Nanampalataya ako sa diyos nang napakaraming taon, isinakripisyo ang aking edukasyon, pag-aasawa, at kinabukasan. Ngayon sinasabi mo sa aking iwan ang iglesia—hindi ba’t ibig sabihin niyon na ang lahat ng tiniis kong paghihirap sa mga taon na ito ay para lang sa wala? Hindi ba’t hindi na talaga ako magkakaroon ng destinasyon sa hinaharap? Magiging kawalan iyon sa parehong aspekto. Hindi ba’t parang pagkitil na rin iyon sa buhay ko?” Napakawalang puso ba ang hikayatin silang umalis? Naaangkop bang gawin ito? (Hindi kailanman ginustong manampalataya sa Diyos ng gayong mga tao sa simula pa lang. Nanloko lang sila para makapasok sa iglesia para tumanggap ng mga pagpapala. Kapag nakikita nilang palaging nakatuon ang iglesia sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa pakikipagbahaginan sa katotohanan, nakararamdam sila ng pagtutol sa mga bagay na ito at gusto nilang umalis. Dapat hikayating umalis ang gayong mga tao. Bagaman maaaring mapanatili mo sila, hindi mo mapananatili ang puso nila.) Kung ginagawa nila ang tungkulin nila nang may kaunting pagiging taos-puso pero simpleng walang kalinawan sa katotohanan, o pansamantala silang nagiging medyo negatibo at mahina dahil may mga kinakaharap silang sagabal at kabiguan o nakaranas na mapungusan, sa ganitong mga kaso, maaari mong ibahagi ang katotohanan para tulungan at suportahan sila. Gayumpaman, ipagpalagay na ang kahinaan nila ay hindi pansamantala, kundi sa halip ay palagi silang pabaya at pabasta-basta sa paggampan sa tungkulin nila, at ginagawa ito nang walang sigla, at nasisiyahan lang na hindi sila pinaaalis; at ipagpalagay na ginagawa nila ang tungkulin nila nang walang sinseridad o pag-udyok, o, para sabihin ito nang mas tumpak, wala silang mga layon ng paghahangad at nagpapalipas lang ng mga araw—kung magiging malinaw na ganitong uri sila ng tao, maaari silang hikayating umalis.

Mga hindi mananampalataya ang ilang tao. Kung malinaw mong nakikita na sila talaga ay mga tao na hindi nagmamahal sa katotohanan at ayaw kahit ang magtrabaho, dapat silang hikayating umalis. Ang mga pangunahing pagpapamalas nila ay na hindi sila kailanman nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi kailanman nag-aaral ng mga himno, hindi kailanman nakikinig sa mga sermon, at hindi kailanman nakikipagbahaginan sa katotohanan o nagsasalita ng tungkol sa pagkilala sa sarili nila. Hindi rin nila gustong makinig sa mga patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid. Hindi nila kailanman pinanonood ang mga pelikula o mga video ng himno o mga video ng patotoong batay sa karanasan na ginawa ng sambahayan ng Diyos, at kahit gawin pa nila ito, para lang ito sa paglilibang o dahil sa pagkamausisa, na sa ganitong kaso ay may pag-aatubili lang silang nanonood nang kaunti; at ganap na hindi ito dahil sa anumang pagpapahalaga sa pasaning kaugnay sa sarili nilang buhay pagpasok, kundi nanonood lang para sa kasiyahan at katuwaan nito. Saan nila ginugugol ang karamihan ng oras nila? Sa pakikipag-usap, pakikipagtsismisan, o pag-oonline para tingnan ang mga bagay na gusto nila. Halimbawa, may ilan sa kanilang mahilig sa stock market at palaging sinusuri ang mga kalakaran sa stock online; may ilang mahilig sa mga sasakyan o mga elektronikong produkto at palaging tumitingin online para makita kung aling mga tatak ang naglabas ng mga bagong modelo o lumikha ng ilang bagong teknolohiya; may ibang mahilig manood ng mga ulat ng balita online na gawa ng self-media; at may ilang mahilig sa kagandahan, makeup, o pangangalaga sa kalusugan at madalas pumupunta online para magbasa ng mga bagay tungkol sa kagandahan, pangangalaga sa kalusugan, o mga paraan para mapanatili ang mabuting kalusugan at magkamit ng mahabang buhay. Ang mga taong ito ay walang anumang interes sa iba’t ibang katotohanang kailangang pasukin ng mga mananampalataya para maligtas, o sa mga patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid. Bukod sa may pag-aatubiling paggampan sa kaunting tungkulin, palagi silang nakatuon sa nagbabagong sitwasyon ng walang pananampalatayang mundo, at sa kung ano ang mga bagong uso at mahahalagang balitang mayroon sa mundo, at mga kaganapan sa sarili nilang bansa, at iba pang bagay. Tinitingnan lang nila ang ganitong uri ng impormasyon. Dahil sa pagtingin nila sa ganitong mga bagay sa lahat ng oras, puno lang ang puso nila ng gayong mga usapin, at ganap nilang binabalewala ang mga katotohanang dapat nilang maunawaan bilang mga mananampalataya sa Diyos. Sinuman ang nakikipagbahaginan sa kanila, hindi nila ito tinatanggap. Hindi sila interesado o nababahala tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa buhay pagpasok, tulad ng kung anong mga prinsipyo ang dapat nilang sundin sa paggampan sa tungkulin nila, kung anong mga tiwaling disposisyon ang nabubunyag sa kanila at kung anong mga problema ang umiiral habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at alin sa iba’t ibang hinihingi ng Diyos sa mga tao ang natugunan na nila at hindi pa nila natutugunan. Bagaman ginagawa nila ang tungkulin nila, nagpapabasta-basta lang sila, hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kahit bahagya. Bagaman sinasabi ng gayong mga tao na mga mananampalataya sila ng Diyos, ang panloob na gusto nila at pinagtutuunan ay pera, katayuan, at mga kalakaran ng walang pananampalatayang mundo, at gusto nilang makihalubilo sa mga sumusunod sa mga kalakaran ng walang pananampalatayang mundo. Kapag pinag-uusapan ang mga usapin ng walang pananampalatayang mundo, ginagawa nila ito nang may labis na kasiyahan at walang kapagurang kasiglahan, nagsasalita nang mahusay at naglilitanya nang mahaba tungkol dito, pero kapag nakakasama nila iyong mga mahilig makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, wala silang masabi. Kapag sinasabi ng isang kapatid, “May himnong napakaganda, naisaulo ko na lahat ng liriks nito,” sinasabi nila nang wala sa loob, “Naisaulo mo na ito. Ang galing naman.” Kapag sinasabi ng isang kapatid, “Napakaganda ng patotoong batay sa karanasan ni Sister Ganito-at-ganyan!” sinasabi nila, “Napakarami na ng video ng patotoong batay sa karanasan ngayon, mayroon bang hindi maganda? Napakaganda ng lahat ng iyon.” Sumasagot lang sila sa ganito kababaw na paraan; sa katunayan, wala silang interes sa katotohanan at hindi sila magkaintindihan ng mga kapatid. Kapag may nagtatanong sa kanila, “Nagdarasal ka ba kapag nahaharap sa mga sitwasyon?” sumasagot sila, “Magdasal nang paano? Magdasal tungkol saan?” Hindi sila nagdarasal, ni wala silang anumang masabi sa Diyos. Ang mga taong ito ay walang interes sa anumang may kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, at ang puso nila ay puno ng lahat ng uri ng bagay mula sa walang pananampalatayang mundo. Ano sa palagay ninyo—may problema ba ang gayong mga tao? (Mayroon.) Kung nakikita mong palagi silang walang sigla sa paggampan sa kanilang tungkulin, at kapag itinalaga sa anumang gampanin, lubhang nawawalan sila ng pasensya, nagrereklamo sa sandaling nagdurusa sila ng kaunting paghihirap, at pagkatapos ng ilang taon ng pananampalataya sa Diyos, madalas silang nagbubunyag ng mga kaisipang tulad ng, “Nalugi ako sa pananampalataya sa diyos. Kung hindi ako nanampalataya sa diyos, tumaas na sana ngayon ang suweldo ko nang ganito-at-ganyang kalaki, at nagtatamasa na sana ako ng ganito-at-ganyang katayuan, at ng ganito-at-ganyang marangyang paraan ng pamumuhay,” paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? (Dapat silang hikayating umalis.) Hikayatin na lang na umalis ang gayong mga tao at huwag na silang hayaang gumawa ng anumang tungkulin, dahil ayaw nila kahit ang magtrabaho man lang. Iniisip nilang matitiis pa ang simpleng pagdalo sa mga pagtitipon bilang mananampalataya, pero ang paggampan sa tungkulin nila at pagsunod sa Diyos ay humahadlang sa malalaking gawain nila. Pakiramdam nila na ang paggampan sa tungkulin nila at pagsunod sa Diyos ay isang malaking balakid sa paghahangad nila ng kaligayahan. Naniniwala sila na kung hindi nila ginagampanan ang tungkulin nila, matagal na sana silang umangat sa iba, naging isang mataas na opisyal at kumita ng maraming pera sa mundo. Kaya bakit natin sila pipigilan? Kaya, ang paghihikayat sa kanilang umalis ay makabubuti para sa lahat. Ang pamumuwersa sa kanila o pagsisikap na kumbinsihin silang manatili ay magiging isang malaking pagkakamali. Dapat ninyong hikayatin ang gayong mga tao nang ganito: “Bakit mo piniling manampalataya sa Diyos? Kailanman ba ay makakamit mo ang katotohanan kung hindi ka interesado sa katotohanan at palagi kang puno ng mga pagdududa sa Diyos? Ikaw ay isang tao na may mga ideya, mga diploma, at talento—kung masigasig kang magsisikap sa mundo, tiyak na maaari kang maging isang presidente o CEO ng isang kompanya, o maging isang milyonaryo o bilyonaryo. Sa pagraraos lang nang ganito sa sambahayan ng Diyos, una sa lahat, hindi ka makaaangat sa iba; pangalawa, hindi ka magkakamit ng malaking tagumpay; at panghuli, hindi ka makapagdadala ng kaluwalhatian sa iyong mga ninuno. Bukod pa rito, kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, palagi kang pabaya, na nagdudulot sa iyong mapungusan, iniiwan kang nanlulumo sa lahat ng oras. Bakit mo titiisin ang ganitong pagdurusa? Dapat kang makipagsapalaran sa mundo, sa politika man o negosyo, at tiyak na magkakamit ka ng partikular na antas ng tagumpay para sa sarili mo. Iba ka sa amin: Mayroon kang mga diploma at talento, at isa kang marangal na indibidwal—hindi ba’t hindi karapat-dapat sa iyo na manampalataya sa Diyos kasama naming mga ordinaryong tao? Gaya ng madalas sabihin ng mga walang pananampalataya, ‘Ang mundo ay puno ng oportunidad para sa iyo’—dapat samantalahin mo ang katunayang may panahon pang natitira sa mundo para maghangad ng kaunting kasikatan, pakinabang, at katayuan habang may pagkakataon ka pa. Huwag mong agrabyaduhin ang sarili mo sa pamamagitan ng pananatili rito.” Angkop na paraan ba ito para hikayatin sila? Medyo maingat ang pagkakasabi, hindi ba? (Oo.) Hindi ito nakasasakit sa kanila, at pagsasabi rin ito ng gusto nilang marinig. Sa tingin Ko ay angkop ang ganitong pamamaraan, ginagawa nitong madali para sa kanila na tanggapin ang payo, at matapang silang makaaalis nang walang anumang mga alalahanin. Kapag pinangangasiwaan ang ganitong uri ng mga tao, kung nakatitiyak kang sila ay mga hindi mananampalataya, at nakikita mong wala talaga silang anumang sigasig para sa pananampalataya sa Diyos, na hindi sila kailanman taos-puso sa paggampan sa tungkulin nila, at na hindi sila kailanman nagkamit ng anumang buhay pagpasok—at malamang ay hindi nila ito makakamit kalaunan—dapat silang hikayating umalis. Kung hindi mo sila hihikayating umalis, palagi silang magkakaroon ng isang pabaya at maligamgam na saloobin sa paggampan sa tungkulin nila, at maaaring dumating ang panahon na magdudulot sila ng isang malaking sakuna.

K. Pagiging Duwag at Mapaghinala

Natapos na nating pagbahaginan ang ikasampung pagpapamalas—pag-aalinlangan. Ngayon, sunod naman nating tingnan ang ikalabing-isang pagpapamalas—ang pagiging duwag at mapaghinala. Ano ang mga pagpapamalas ng mga duwag na tao? (Natatakot ang mga duwag na tao kapag nahaharap sa pag-aresto at pag-uusig. Gusto nilang gawin ang kanilang tungkulin pero hindi sila naglalakas-loob.) Isa lang iyong maliit na aspekto. Ang pangunahing isyu ay na mayroon silang pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos: Pakiramdam nila palagi na parang hindi nababagay sa mundong ito ang mga mananampalataya sa Diyos; pakiramdam nila na kahiya-hiya ang pananampalataya nila sa Diyos. Lalo na sa ilang awtoritaryang bansa o mga bansang walang kalayaang panrelihiyon, kung saan hindi lang sa hindi pinoprotektahan ng batas ang mga mananampalataya sa Diyos kundi isinasailalim din sa pag-uusig, may ilang tao na hindi naglalakas-loob na aminin na nananampalataya sila sa Diyos at natatakot na malaman ito ng iba. Pakiramdam nila na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi isang bagay na hayagan at marangal. Bagaman alam nilang nananampalataya sila sa tunay na Diyos, wala silang nararamdamang anumang dangal dito, ni wala silang kumpiyansa. Kapag may anumang palatandaan ng problema o kapag nakita nilang inaaresto, inuusig, inaapi, at itinatakwil ng pamahalaan ang mga mananampalataya, lalo silang nag-aalala na baka madamay sila. Sa gayong mga sitwasyon, may ilang tao na mabilis na inihihiwalay ang sarili nila sa iglesia, nagmamadali pa ngang ibalik ang mga aklat sa sambahayan ng Diyos. Ang iba naman, dahil sa takot na maaresto, ay hindi na naglalakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon at hindi na naglalakas-loob na batiin ang mga kapatid kapag nagkikita sila. Lalo na sa mga medyo kilala sa pananampalataya nila o dati nang naaresto, mas lalong hindi sila naglalakas-loob na makipag-ugnayan sa kanila ang mga duwag na taong ito—ganito katindi ang karuwagan nila. Mas malala pa, pagkarinig na nagpasimula ang pamahalaan ng mga malawakang pag-aresto, nagmamadali silang pumunta sa mga awtoridad para maagap na aminin na dati silang nanampalataya sa Diyos at alam nila kung sinu-sino ang nananampalataya, maagap na ipinagkakanulo ang mga ito at isinusuko ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at iba pang mga materyales na may kaugnayan sa pananampalataya sa Diyos kapalit ng kaluwagan, na may nag-iisang pakay ng pangangalaga sa sarili nila. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mga pagpapamalas ang mga ito ng pagiging duwag? (Oo.) Lalo na para sa ilang tao, matapos manampalataya sa Diyos, palagi silang natatakot na malaman ng iba ang tungkol sa pananalig nila, at mas natatakot pa sila na kung may isang maaresto, ipagkakanulo sila. Sa sandaling may sinumang makaalam na nananampalataya sila sa Diyos, nagmamadali silang magpaliwanag na hindi na sila nananampalataya, nagmamadali pa ngang gumawa ng mga bagay para patigilin ang mga walang pananampalataya na pagdudahan sila ng pagiging isang mananampalataya. Halimbawa, nagtataguyod sila ng mga koneksiyon sa mga walang pananampalataya, kumakain, nagpa-party, nagsusugal, umiinom ng alak nang magkakasama, at iba pa. Sa pinakamaliit na senyales ng panganib, hindi na sila naglalakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon at hindi na ginagawa ang tungkulin nila, binabalewala ang sinumang sumusubok na makipag-ugnayan sa kanila. Kapag payapa ang lahat, iniisip nila kung paanong ang pananampalataya sa Diyos ay nagdadala ng mga pagpapala, pinahihintulutan ang isang tao na makaiwas sa kamatayan, at pinahihintulutan ang isang tao na makapunta sa langit at magkaroon ng isang mabuting destinasyon—puno sila ng sigla sa pananampalataya sa Diyos. Pero sa sandaling nahaharap sila sa isang medyo mapanganib na sitwasyon, nawawala sila na parang bula. Pagkatapos, kapag lumipas na ang problema at tahimik na muli ang mga bagay-bagay, bumabalik sila. Ang ganitong uri ng tao ay madalas nawawala na parang bula. Gaano pa man kahalaga ang tungkuling itinalaga sa kanila, sa sandaling lumitaw ang kaunting panganib, kaya nilang kaagad na iwan ang gawain nila nang hindi gumagawa ng anumang mga pagsasaayos para sa pagpapatuloy nito, at walang sinuman ang makakontak sa kanila pagkatapos. Ang ibang tao, kapag nahaharap sa kaparehong mapanganib na kapaligiran, ay nakapag-iisip ng iba’t ibang paraan para maayos na pangasiwaan ang mga kahihinatnan. Kung ang kapaligiran ay kasalukuyang masyadong mapanlaban at mataas ang panganib ng pag-aresto, maghihintay sila hanggang humupa ang panganib bago ipagpatuloy ang gawain. O, kung masyado silang kilala bilang mga mananampalataya at maaaring madaling maaresto kung magpapakita sila para gumawa ng gawain, isinasaayos nila na ang iba ang gumawa nito. Pero kapag nakaramdam ng kahit kaunting problema ang mga duwag na tao na ito, nagmamadali silang magtago, nagkukumahog na lumayo sa panganib at iligtas ang sarili, ganap na binabalewala at hindi iniintindi ang gawain at ari-arian ng iglesia, hindi gumagawa ng anumang pagsisikap para pangalagaan ang gawain ng iglesia o protektahan ang mga kapatid. Ano ang pinaka-ikinatatakot nila sa pananampalataya nila sa Diyos? Una, takot silang malaman ng pamahalaan ang tungkol sa pananampalataya nila. Pangalawa, takot silang malaman ito ng mga kapitbahay nila. Pangatlo, ang pinakakinatatakutan nila ay ang maaresto at makulong, o mapatay sa bugbog. Kaya, sa tuwing may nangyayari, ang una nilang iniisip ay kung maaari ba silang maaresto o maaari ba silang mapatay. Kung may kahit 1% lang na posibilidad na mangyari ang alinman sa dalawa, mag-iisip sila ng paraan para makatakas. Halimbawa, sa isang pagtitipon, maaaring sabihin ng isang kapatid, “Habang papunta ako rito, may nakita akong isang tao sa malapit na hindi pamilyar. Maaari kayang isa siyang walang pananampalataya na nagmamasid sa atin?” Pagkarinig pa lang sa isang komentong ito, hindi na dadalo ang mga duwag na tao sa susunod na pagtitipon at puputulin na ang pakikipag-ugnayan nila sa lahat. Matatawag mo ba itong pagiging maingat? (Hindi ito normal na pag-iingat, karuwagan ito—walang lugar para sa Diyos sa puso nila.) Ito ay pag-iingat na dinala sa sukdulan. Sa mga bansa o rehiyon kung saan partikular na mapanlaban ang kapaligiran, totoo na dapat mag-ingat ang mga mananampalataya, pero hindi ibig sabihin niyon na dapat silang tumigil sa paggampan sa tungkulin nila o sa pagdalo sa mga pagtitipon dahil sa takot na maaresto, nagiging sobrang ingat na wala nang lugar para sa Diyos sa puso nila. Ano ang prinsipyo ng mga duwag na tao sa pagiging maingat? Anuman ang mangyari—malaki o maliit—hindi talaga sila naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Iniisip nila na walang sinuman ang maaasahan, at umaasa sila sa sarili nila para protektahan ang sarili nila. Ito ang prinsipyo nila. Hindi sila naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos; na ang lahat ay pinamamatnugutan at isinasaayos ng Diyos; na kung mayroon talagang mangyayaring isang bagay, pinahihintulutan ito ng Diyos, at kung hindi ito pinahihintulutan ng Diyos, walang sinuman ang maaaresto. Ganap na wala silang pananalig pagdating dito. Sa halip, puno lang ng karuwagan ang kanilang puso. Bukod pa rito, may isang malubhang kapintasan sa kanilang karuwagan, at ito rin ang pinakakasuklam-suklam na bagay tungkol sa kanila: Para protektahan ang sarili nila at harapin ang anumang sitwasyon na nagdudulot sa kanilang makaramdam ng takot, sinusunod nila ang itinuturing nilang “supremong karunungan” nila, na anuman ang mangyari—minamanmanan man sila o inaresto at ikinulong—kapag may nangyaring mali at manganib ang seguridad nila, sa isang banda, itatanggi nilang nananampalataya sila sa Diyos, at sa kabilang banda, ipinagkakanulo nila ang lahat ng nalalaman nila nang walang anumang itinatago. Bakit nila gagawin ito? Para lang protektahan ang sarili nila mula sa pisikal na pagdurusa; kaya, isisiwalat nila ang anumang nalalaman nila. Una, ipagkakanulo nila ang mga lider ng iglesia, at isisiwalat din kung sino ang mga lider ng distrito at mga lider ng rehiyon at kung saan sila nakatira, isinisiwalat ang lahat ng nalalaman nila. Ipagkakanulo nila ang lahat, kahit bago pa sila pahirapan. Bukod pa rito, kapag sinabihang pumirma sa “Tatlong mga Pahayag,” kaagad silang pipirma nang hindi man lang pinag-iisipan ang tungkol dito—matagal na silang nakahanda para dito sa simula pa lang. Ito ay para makaiwas sila sa pagkakakulong, makaiwas sa pagpapahirap, at makalayo sa anumang panganib ng kamatayan. Napakaduwag nila. Hindi sila nananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ni hindi nila kayang isugal ang buhay nila. Sa halip, iniisip nila ang lahat ng posibleng paraan para protektahan ang sarili nila. Para sa kanila, ang pinakamahusay na paraan ay ang ipagkanulo ang iba at ang iglesia—ito ang pinakamabisang paraan. Ginagamit nila ang pagkakanulo sa iba bilang kabayaran para matiyak ang sarili nilang seguridad at maiwasan ang anumang kapighatian. Isa itong bagay na matagal na nilang pinlano—ito ang kanilang “supremong karunungan.” Sabihin mo sa Akin, normal na karuwagan ba ang karuwagan ng ganitong uri ng tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang isyu rito? (Napakaduwag nila na nagiging mga Hudas sila, handang ipagkanulo ang mga kapatid at ang iglesia sa anumang oras at lugar. Ang gayong mga tao ay mga hindi tunay na mananampalataya.) Isantabi muna natin sa ngayon kung sila ba ay mga tunay na mananampalataya o mga huwad na mananampalataya. Tingnan na lang ang pagkatao nila—iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay isang bagay na lihim at kahiya-hiya, sa halip na isang tapat at marangal na bagay, at tinitingnan nila ang usapin ng pananampalataya sa Diyos, isang bagay na tapat, marangal, at positibo, bilang isang negatibong bagay—anong uri ng mga tao sila sa palagay mo? (Mga tao na magulo ang isip, na medyo buktot.) Ang perspektiba nila at paraan ng pag-arok sa mga bagay-bagay ay iba sa mga normal na tao. Minsan, kaya pa nga nilang tawaging itim ang puti, hindi magawang pag-ibahin ang tama sa mali. Paanong posible na ang mga mananampalataya sa Diyos ay maaaring maging sadyang tuso? Ito ay dahil napakasama ng mundong ito—hindi pinoprotektahan ng batas ang kalayaan sa relihiyon, at higit pa rito, kinamumuhian ng satanikong rehimen ang Diyos at itinuturing ang gawain ng Diyos nang may pagkamapanlaban. Hindi nito pinahihintulutang umiral ang mga positibong bagay at ginagawa ang lahat para usigin iyong mga nananampalataya sa Diyos. Kaya, sa ilalim ng ganitong mga sitwasyong panlipunan, walang magawa ang mga mananampalataya kundi kumilos nang maingat tuwing nagtitipon at gumagawa ng tungkulin nila; hindi sila naglalakas-loob na gawin ito nang hayagan. Mula sa labas, maaaring magmukhang tila nagiging tuso sila gaya ng mga magnanakaw, pero sa katunayan, ito ay ganap na dahil sa konteksto ng pag-uusig, tama? (Oo.) Kung gayon, paano inilalarawan ng malaking pulang dragon ang mga akto ng pananampalataya sa Diyos at paggampan sa tungkulin ng isang tao? Bilang “kahina-hinalang pag-uugali.” Kahina-hinalang pag-uugali ba ito? (Hindi.) Hindi ito kahina-hinalang pag-uugali—isa itong bagay na ginagawa ng mga tao dahil wala silang ibang pagpipilian. May ginawa bang ilegal ang mga taong ito? (Wala.) Wala silang ginawang anumang ilegal o anumang laban sa pamahalaan, lalong hindi sila lumabag sa batas o nanggulo ng pampublikong kaayusan. Ano ang ginagawa ng mga taong ito? Ginagawa lang nila ang tungkulin ng mga nilikha. Ang gawaing ito ay ang pinakamahalaga, pinakamakabuluhan, at pinakamakatarungang gawain sa mundo. Pero dahil masama at madilim ang mundong ito at ipinahahayag na itim ang puti, tinatawag nitong “kahina-hinala” ang pinakamakatarungan, pinakamahalaga, at pinakamakabuluhang gawain. Ito ang interpretasyon ni Satanas. Ang interpretasyon ba ni Satanas ang katotohanan? Positibo ba ito? (Hindi.) Tiyak na hindi ito positibo. Pero kapag naririnig ng mga duwag na tao ang interpretasyong ito, hindi lang nila lubos na sinasang-ayunan ito sa kanilang puso, kundi tinatanggap din nila ang interpretasyong ito mula kay Satanas. Bilang resulta, iniisip din nila na ang pananampalataya sa Diyos at paggampan sa tungkulin nila nang palihim ay hindi tama at tiyak na mali. Palagi silang natatakot na balang araw, sila rin ay pahihirapan ng lipunan at ng pamahalaan, na hindi magagawang ipagtanggol ang sarili nila at walang sinumang tutulong o magliligtas sa kanila. Kaya, partikular silang natatakot na malaman ng mga tao ang tungkol sa pananampalataya nila sa Diyos. Hindi nila kinikilala sa puso nila na ang mga salitang ipinahayag ng Diyos ay ang katotohanan, o na ang landas kung saan inaakay ng Diyos ang mga tao na lumakad ay ang tamang landas, pero gusto pa rin nilang tumanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos. Hindi ba’t magkasalungat ito? Sa huli, pakiramdam nila ay labis silang naagrabyado dahil sa pananampalataya sa Diyos at sa pagdurusa ng mga paghihirap na ito sa gayong kapaligiran. Bakit pakiramdam nila ay naagrabyado sila? Dahil labis silang natatakot sa masamang rehimen sa mundong ito at sa masasamang puwersa ng mga diyablo at Satanas, at palagi silang natatakot na pahihirapan at papatayin sila ng mga diyablo at Satanas. Dahil wala silang tunay na pananalig sa Diyos, umaasta sila nang napakaduwag, hanggang sa punto na hindi na talaga nila ginagawa ang tungkulin nila. Kung ganap na walang panganib, dadalo sila sa mga pagtitipon o makikipag-ugnayan sa mga kapatid, o gagawa ng ilang bagay para sa iglesia, pero sadyang hindi sila maglalakas-loob na aminin na nananampalataya sila sa Diyos, na bahagi sila ng iglesia, o maninindigan para magpatotoo sa Diyos o gawin ang tungkulin nila—labis silang natatakot. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, pero gusto pa rin nilang tumanggap ng mga pagpapala at ng isang mabuting destinasyon mula sa Diyos. Masasabi ba ninyong magkasalungat ito? (Oo.) Hindi ba’t ang pokus nila sa kanilang sariling mga personal na interes ang nagpalabo sa isipan nila? (Oo.) Nilamon ang mga taong ito ng kasakiman para sa pansariling pakinabang. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, pero gusto pa rin nilang tumanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos. Hindi sila naniniwala na ang gawain ng iglesia at ang tungkuling ginagawa ng mga kapatid ay makatarungan, mahalaga, at makabuluhan. Lalo silang natatakot sa paggampan sa mahahalagang tungkulin, o na madalas silang uutusan ng mga lider at manggagawa na lumabas para pangasiwaan ang mga usapin, natatakot na kapag may nangyaring mali, madadamay sila. Ang mga duwag na taong ito, kapag nahaharap sa panganib, ay maaaring maging mga Hudas at ipagkanulo ang iglesia—isang uri din ito ng mapanganib na indibidwal.

Anong iba pang mga pagpapamalas mayroon ang mga duwag na tao? Kayang ipagkaila at itanggi ng mga taong ito ang pangalan ng Diyos anumang oras, ipagkanulo ang Diyos anumang oras, at maging mga Hudas anumang oras. Ang mga duwag na tao ay hindi karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng langit—hindi ba’t ito ang kaso? (Oo.) Ano ang napakalalang kahinaan ng mga duwag na tao? (Takot sila sa kamatayan at kaya nilang magkanulo.) Ang mga taong ito ay walang dangal na iniraraos lang ang buhay, pinag-iimbutan ang buhay at kinatatakutan ang kamatayan. Ang takot sa kamatayan ang pinakamalala nilang kahinaan. Basta’t hindi nila ikamamatay, handa silang gawin ang anumang bagay—kahit ito ay maging isang Hudas, maging anak ng pagkawasak, o maisumpa—handa silang gawin ang anuman, basta’t maaari silang mabuhay. Ang mabuhay ang pinakamataas nilang layon. Gaano ka man magbahagi na ang buhay at kamatayan ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos; na ang Diyos ang nagkokontrol, may kataas-taasang kapangyarihan, at namamatnugot sa kapalaran ng mga tao; at na dapat magpasakop ang mga tao sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, hindi nila pinaniniwalaan o tinatanggap ang mga salitang ito. Iniisip lang nila na isang bihirang pagkakataon ang maipanganak muli bilang isang tao, kaya’t hinding-hindi sila maaaring mamatay; iniisip din nila na kapag pumanaw sila at namatay ang kanilang laman, ang kaluluwa nila ay maaaring ipanganak muli bilang isang hayop o maging isang ligaw na kaluluwa, hindi na kailanman magkakaroon ng pagkakataong maipanganak muli bilang isang tao. Samakatwid, labis silang natatakot sa kamatayan. Para sa kanila, ang kamatayan ay isang malaking kapahamakan, hindi isang magandang pagkakataon para sa susunod na reengkarnasyon, ni isang bagong simula para sa panibagong kapanganakan. Samakatwid, ginagawa nila ang lahat para mapanatili ang buhay nila. Kahit nangangahulugan ito ng pagkakanulo sa iba o pagdudulot ng anumang uri ng pinsala sa gawain ng iglesia, hindi sila magdadalawang-isip na gawin ito; at kahit nangangahulugan pa ito ng pagtalikod sa pangalan ng Diyos, wala silang pakialam sa mga kahihinatnan—ang mahalaga lang sa kanila ay ang mabuhay nang ligtas. Anong uri ng mga tao ang mga ito? (Mga taong pinahahaba ang isang walang dangal na pag-iral.) Mga hamak sila na pinahahaba ang isang walang dangal na pag-iral! Namumuhay sila nang walang dignidad o integridad, handang gawin ang anumang bagay para lang manatiling buhay, nagpapakababa nang husto. May ilang tao na kinalkula na sa puso nila kung ano ang gagawin bago sila humarap sa isang mapanganib na kapaligiran: “Kung maaresto ako, magsasalita na lang ako. Kapag pinahihirapan, binabantaan, at tinatakot kayo ng malaking pulang dragon, pinupuwersa kayong ipagkanulo ang iglesia, tumatanggi kayong lahat na magsabi ng kahit isang salita. Puwes, hindi ako kasinghangal ninyo, na mas pipiliing magtiis ng pisikal na pasakit kaysa magsalita. Magsasalita ako kahit bago pa man bugbugin o takutin—tingnan ninyo kung gaano ako katalino! Ayon nga sa kasabihan, ‘Ang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon.’ Ano bang napakasama sa pagkakanulo ko sa mga kapatid sa iglesia? Dapat maging makasarili ang lahat, tama? Hindi ba’t kahangalan lang na hindi alagaan ang sarili mo?” Bago pa man may mangyaring anuman, napagplanuhan na nila kung paano poprotektahan ang sarili nila. Napag-isipan na nila itong lahat matagal na. Ano ang kredo nila para sa kung paano sila umaasal? “Bakit pahihirapin ng tao ang buhay para sa sarili niya? Bakit magiging napakatigas ang ulo? Sa pagiging mabuti lang sa sarili mo na hindi magiging walang kabuluhan ang buhay na ito!” Ito ang kredo nila sa pag-asal. Wala silang mga moral na hangganan. Ano sa palagay ninyo ang dapat gawin sa mga taong gaya nito? (Kung matutuklasan ang gayong mga tao, dapat silang paalisin nang may karunungan—mga bomba silang sasabog.) Mismo, mga bomba silang sasabog. Lubos silang duwag, at kapag dumarating ang panganib, ipagkakanulo nila ang iglesia. Kung ang isang tao ay may normal na pagkatao, gagamitin niya ang matatalinong pamamaraan para tugunan ang mapapanganib na kapaligiran, at magkakaroon siya ng tunay na pananalig sa Diyos. Hindi niya hahayaang mahadlangan ang pagdalo sa mga pagtitipon o paggawa ng kanyang tungkulin, at gagawin niya ang lahat ng makakaya niya para gugulin ang kanyang sarili para sa Diyos batay sa kanyang tayog at mga kalagayan. Ito ang pagbubunyag ng normal na pagkatao. Pero partikular na pinahahalagahan ng mga duwag na tao ang buhay nila; pinag-iimbutan nila ang buhay at kinatatakutan ang kamatayan, pinahahalagahan ang buhay nila nang higit sa lahat ng iba pa. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos at hindi nila kayang makita na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Kaya, kapag naharap sa pag-uusig, natural silang nabubunyag bilang mga duwag na tao. Ang mga duwag na tao, para protektahan ang sarili nila, ay kayang maging mga Hudas. Ang gayong mga tao ay mapapanganib na elemento, mga nakatatakot na indibidwal sila. Hinding-hindi sila dapat italaga ng iglesia sa anumang gawain, ni pahintulutan silang gumawa ng anumang tungkulin. Kung hindi, kapag nagkanulo sila, ang pinsala sa gawain ng iglesia ay magiging napakalaki; magdudulot ito ng mas malaking pinsala kaysa kabutihan.

Paano naipamamalas ang pagiging mapaghinala ng mga taong duwag at mapaghinala? May ilang tao na hindi kailanman malinaw na nakikita ang iba’t ibang aspekto ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila alam kung anong gawain ang eksaktong ginagawa ng Diyos, o kung ang mga salitang binibigkas ng Diyos ay ang katotohanan. Wala silang tamang pag-arok o pananaw sa mga usaping ito, kaya hindi nila makumpirma kung ano ba talaga ang ginagawa sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kung anong mga resulta ang nilalayong makamit ng gawaing ito, o kung ito ba ay ginawa para sa layon ng pagliligtas sa mga tao. Hindi nila malinaw na makita ang alinman sa mga bagay na ito. Hindi rin malinaw sa kanila ang tungkol sa kung ano ang iglesia. Gaano man karami ang mga sermong naririnig nila, hindi nila nauunawaan kahit ang kaunti ng katotohanan. Palagi silang may mga pagdududa tungkol sa mga kapatid na gumagampan sa mga tungkulin ng mga ito, iniisip nilang, “Ang mga taong ito ay palaging abala, araw-araw na umaalis at bumabalik—ano ba mismo ang ginagawa nila?” Partikular sa konteksto ng pananampalataya sa Diyos at paggawa ng mga tungkulin sa bansa ng malaking pulang dragon, ang mga lider at manggagawa ay nagbabahaginan at nagtatalakayan tungkol sa mga partikular na aytem ng gawain ng iglesia—gaya ng gawaing administratibo, gawain ng mga tauhan, gawain ng mga pangkalahatang usapin, at lalo na ang ilang gawain na may kinalaman sa pagharap sa mga panganib—nang hindi ipinaaalam sa mga ordinaryong kapatid ang tungkol sa mga bagay na ito. Pinoprotektahan sila nito, hindi sila pinipinsala nito. Gayumpaman, hindi ito nauunawaan ng ilang tao at palaging gustong magtanong tungkol sa mga bagay na ito. Halimbawa, nagtatanong sila tungkol sa kung saan iniimprenta ang mga aklat o kung saan pinatutuloy ang mga partikular na lider at manggagawa. Magiging kapaki-pakinabang ba sa iyo ang malaman ang mga bagay na ito? (Hindi.) May mawawala ba sa iyong anuman sa hindi pag-alam sa mga bagay na ito? (Wala.) Hindi nakaaapekto sa iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ang hindi mo pag-alam sa mga bagay na ito, hindi ito nakaaapekto sa pagkakamit mo ng katotohanan, at tiyak na hindi nito hinahadlangan ang iyong buhay pagpasok o ang pagbabago ng iyong disposisyon. Kaya, hindi ba’t hindi kinakailangan para sa iyo na tanungin at alamin ang tungkol sa mga usaping ito? May ilang tao na nagpapatuloy sa bahay ang palaging mapaghinala. Kapag hindi ipinaaalam sa kanila ng mga lider at manggagawa ang pagbabahaginan at talakayan ng mga ito tungkol sa gawain ng iglesia, iniisip nilang, “Bakit palaging nagtitipon at nagbabahaginan ang mga lider at manggagawa nang hindi ko nalalaman? Anong mga aktibidad ang ginagawa nila?” Hindi sa kanila ipinaaalam ang personal na impormasyon ng ilang lider at manggagawa, at nagsisimula silang magtaka, “Bakit hindi nila ipinaaalam ito sa akin? Hindi ko alam ang mga pangalan nila, kung saan sila nakatira, o kung ano ang aktuwal na sitwasyon nila. Maaari kaya nila akong linlangin o pinsalain habang inaakay nila ako sa aking pananampalataya sa diyos?” Mayroon ding ilang sensitibong uri ng gawain, gaya ng gawaing may kinalaman sa mga handog o ilang mapanganib na gawain—ito ang mga bagay na hindi dapat itanong sa simula pa lang, pero palaging gustong magtanong ng mga taong ito tungkol dito. Kapag hindi sila sinasagot ng iba, lalo silang nagiging mapaghinala. Sa partikular, may ilang tao na sa simula pa lang ay hindi naman talaga kailanman nagkaroon ng matibay na pananalig sa Diyos—pagkatapos manampalataya sa Diyos, nakikita nilang gumaganda ang takbo ng negosyo ng kanilang pamilya at malusog ang mga miyembro ng pamilya nila, at iniisip nilang ito ay biyaya at pagpapala ng Diyos. Dahil sa panandaliang kaligayahang ito, naghahandog sila ng kaunting pera, pero pagkatapos ay nagsisimula silang magtaka, “Saan ginamit ang perang inihandog ko? Ginamit ba ito para sa gawain ng iglesia? Ipinuhunan ba ito sa negosyo o ginamit sa mga ilegal na gawain?” Palagi nilang gustong tanungin at alamin ang tungkol sa mga bagay na ito, at palaging gustong malaman ang ugat ng mga bagay na ito. Mas malala pa ang pagdududa ng ilang tao. Halimbawa, kapag bumibili ang iglesia ng ilang kagamitan o aparato dahil sa mga pangangailangan ng gawain, o kapag nagkakaloob ito ng kaunting pag-aalaga at tulong para sa pang-araw-araw na buhay niyong mga gumagawa ng tungkulin nila, palaging naghihinala ang ganitong uri ng mapaghinalang tao, “Ginagastos ang pera sa napakaraming iba’t ibang larangan—saan ito nanggagaling? May ginagawa rin bang kung anong uri ng negosyo ang iglesia? Mayroon ba itong isang mayamang isponsor o isang uri ng makapangyarihang tagasuporta na lingid sa kaalaman ng iba? May isang grupo ba na sumusuporta sa iglesia?” Lalo na kapag nalalantad sila sa ilang walang batayang tsismis at mga maladiyablong salita mula sa mga awtoridad na naninirang-puri sa iglesia—mga pahayag tulad ng si Ganito-at-ganyan mula sa iglesia ay pumatay ng tao at lumabag sa batas, si Ganito-at-ganyang tao ay isang kriminal na pinaghahanap ng estado, si Ganito-at-ganyan ay tumakas sa ibang bansa dala ang malaking halaga ng pera, at iba pa—lalo pang tumitindi ang pagdududa nila sa iglesia at sa gawain ng Diyos. May normal na pag-iisip ba ang gayong mga tao? Nakikita ba nila nang malinaw ang mga prinsipyo na dapat sundin ng mga mananampalataya? Para sa karamihan ng tao, kapag nakatitiyak silang ito ang gawain ng Diyos, wala na silang mga pagdududa tungkol sa Diyos. Anuman ang mga problema o anumang mga uri ng mga tao ang lumilitaw sa iglesia, nagagawa nilang harapin ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos. Kahit pa magdulot ng mga kaguluhan ang masasamang tao o mga anticristo, maaarok nila ito nang tama. Hindi sila kailanman nagkaroon ng mga paghihinala tungkol sa Diyos o sa gawain ng Diyos, o tungkol sa iglesia o sa sambahayan ng Diyos. Sa pinakamalala, maaaring magkaroon sila ng mga opinyon tungkol sa mga partikular na indibidwal o ilang kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos, pero kaya nilang unti-unting lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng pamumuhay ng buhay iglesia. Pero iba ang mga mapaghinalang tao. Mula pa sa pinakasimula ng pananampalataya nila sa Diyos, mayroon silang mga paghihinala at lahat ng uri ng kuru-kuro. Hindi sila tiyak kung ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, hindi sila tiyak kung ang pagpapahayag ng Diyos ng mga salitang ito ay gawain ng Diyos, at lalo pang hindi sila tiyak kung ang pagtitipon nang magkakasama ng mga kapatid ay ang iglesia ng Diyos. Patuloy silang nagkikimkim ng mga paghihinala, at palaging naghahanap ng mga makatotohanang ebidensiya para patunayang tama ang mga hinala nila. Anong uri ng saloobin ito? Sa palagay mo ba ay kayang maunawaan ng mga tao na may ganitong uri ng saloobin ang katotohanan sa pananampalataya nila sa Diyos? (Hindi.) Hindi nila kailanman magagawang maunawaan ang katotohanan. Ano ang pinakapinagtutuunan nila sa puso nila? Palagi nilang pinagbubulay-bulayan, “Sino ang mga taong ito? Isa ba itong uri ng organisasyong panlipunan? Bagaman ang sambahayan ng diyos ang nagtutustos para sa mga gastusin sa pamumuhay ng mga taong ito habang pinatutuloy ko sila, humaharap pa rin ako sa panganib sa pagpapatuloy sa kanila. Kaya, maaalala kaya ng diyos ang aking mabubuting gawa? Kung hindi maaalala ng diyos ang mga ito, hindi ba’t masasayang lang ang paggawa ko ng pagpapatuloy?” Palagi silang may gayong mga pagdududa sa puso nila. Sa palagay mo ba ay kusang-loob nilang pinapatuloy ang mga kapatid? (Hindi.) Ginagawa nila ito dahil lang sa isang pagnanais na magkamit ng mga pagpapala, habang puno sila ng mga pagdududa. Lalo na kapag nakaririnig sila ng ilang bagay na hindi nila nakikita nang malinaw at itinuturing nilang negatibo ayon sa kanilang mga kuru-kuro, nadaragdagan ang mga pagdududa sa kanilang puso. Halimbawa, sa mga pagtitipon, maaaring may magbanggit ng mga paksang may kinalaman sa mga pagkilos ng rehimen ng malaking pulang dragon at sa mga pangit na mukha ng mga demonyong hari, o kung minsan ang pagbabahaginan sa katotohanan ay tumatalakay sa pang-aapi at mga pag-arestong isinasagawa ng malaking pulang dragon, at sa kalikasang diwa ng malaking pulang dragon, at iba pa. Hindi naman talaga kinasasangkutan ng politika ang mga paksang ito—tinutulungan lang ng mga ito ang mga tao na matutunang kilatisin ang malaking pulang dragon at makita nang malinaw ang mukha nito, para matutunan nilang kamuhian at tanggihan ang malaking pulang dragon at hindi na sila mapigilan o magapos ng impluwensiya ni Satanas. Pero kapag naririnig ng mga mapaghinalang tao ang gayong mga paksa, naduduwag sila at natatakot: “Pinag-uusapan ng mga taong ito maging ang politika! Hindi ba’t mga pampolitikang kriminal sila? Hindi ba’t mga kontra-rebolusyonaryo sila? Napakasensitibo ng mga paksang ito! Dali, isara ang mga bintana, ikandado ang tarangkahan, bunutin ang internet at mga linya ng telepono! Kung nakikinig dito ang pamahalaan, baka malagay tayo sa malaking panganib! Siguradong habambuhay na pagkakakulong ang aabutin natin!” Ayaw nilang makinig sa gayong mga paksa at susubukan nila ang lahat ng paraan para sumabad sa pagbabahaginan para matigil na matalakay ang mga ito. Iniisip nila, “Anong uri ng gawain ang mismong ginagawa ng mga taong ito? Sinasabing hindi nakikialam ang diyos sa politika ng tao, kaya bakit pinag-uusapan ng mga taong ito ang tungkol sa politika? Hindi ba’t ang dapat lang na pag-usapan ng mga mananampalataya ay ang mga usapin ng pananampalataya sa diyos? Bakit nila tinatalakay ang mga bagay na ito? Hindi ba’t naghahanap lang sila ng gulo? Kung gusto nilang pag-usapan ang mga bagay na ito, maaari naman nila itong gawin kahit saan, pero hindi nila ito dapat gawin sa bahay ko. Ayaw kong madamay rito!” Hindi nila makita nang malinaw ang anuman. Kapag naririnig nila ang ilang tsismis na gawa-gawa ng pamahalaan, hindi lang sila bigong makilatis ang mga ito, kundi lalo pang tumitindi ang mga pagdududa nila. Kung palagi silang mapaghinala at mapag-alinlangan sa grupo ng mga demonyong nasa kapangyarihan o sa mga puwersa ng anticristo at mga sekta ng masasamang espiritu sa relihiyon, makatutulong pa nga talaga iyon para maprotektahan nila ang sarili nila. Pero sa iglesia kung saan gumagawa ang Diyos, nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan, pero hindi pa rin nila ito maunawaan at hindi nila matukoy na ito ang tunay na daan. Pagkatapos makinig sa mga sermon sa loob ng napakahabang panahon, at makitang napakaraming sinasabi ng Diyos, nananatiling hindi nalulutas ang pagiging mapaghinala nila, at hindi napuksa ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila. Malinaw na napakahina ng kakayahan nila, na wala silang anumang abilidad na makaarok, at na hindi sila mga taong naghahangad ng katotohanan. Mula pa sa simula ng pananampalataya nila sa Diyos, hindi sila kailanman naniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at hindi sila kailanman naniwala na ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan; lalong hindi sila naniwala na ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay ganap na pinangungunahan ng Banal na Espiritu. Bilang resulta, ang lahat ng bagay ay nagdudulot sa kanilang maging mapagduda. Halimbawa, kapag nagbabahaginan tungkol sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng tao sa mga pagtitipon, maaari nating pag-usapan ang tungkol sa kung paanong inililihis ng mga anticristo ang mga tao; o kung paanong hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang ilang tao sa kabila na ang lahat ng kinokonsumo at tinatamasa nila ay ipinagkakaloob gamit ang mga handog sa Diyos, na katumbas ng pagiging palamunin ng iglesia; o kung paanong ninanakaw o winawaldas ng ilang tao ang mga handog; o kung paanong may mga partikular na indibidwal sa iglesia na nakikibahagi sa mahahalay na aktibidad; o kung paanong may ilang tao na gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos habang nangangaral ng ebanghelyo. Tinatalakay natin ang mga usaping ito para matutunan ng mga tao kung paano kilatisin ang iba, at sa gayon ay magawa nilang tingnan ang mga tao at usapin ayon sa mga salita ng Diyos at mga katotohanang prinsipyo, makakuha ng mga aral at matuto mula sa mga bagay na ito, at maiwasang mailihis o mapigilan ng iba. Gayumpaman, kapag naririnig ng mga mapaghinalang tao ang mga bagay na ito, sinasabi nilang, “Hay naku! Ito ang sambahayan ng diyos, ang lugar kung saan ginagawa ang gawain ng diyos—paanong nangyayari ang gayong mga bagay rito? Mukhang tama nga ako na maging mapaghinala noon. Kailangan kong maging lalo pang maingat simula ngayon. Masyadong hindi maaasahan ang lahat ng tao, at hindi rin maaasahan ang sambahayan ng diyos. Maaasahan ba ang diyos, kung gayon? Sino ang nakaaalam—baka hindi rin maaasahan ang diyos.” Kita mo, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, ni hindi nila ito kayang arukin. Anumang aspekto ng katotohanan ang pinagbabahaginan ng sambahayan ng Diyos, anong kongklusyon ang palagi nilang nararating sa huli? Na tamang naging mapaghinala sila sa lahat ng taon na iyon, at na hindi ito hindi kinakailangan. Kung maririnig niyong mga naghahangad sa katotohanan at may pag-iisip ng normal na pagkatao ang mga bagay na ito, matatrato nila ang mga ito nang tama. Sa isang banda, lumalawak ang pananaw nila at nagkakamit sila ng pagkilatis mula sa mga bagay na ito. Sa kabilang banda, makapupulot sila ng mga aral at matututo mula sa mga bagay na ito, at mauunawaan na hindi maaaring sumunod ang mga tao sa ibang pang mga tao, na kailangan nilang makilatis ang iba at mas maunawaan ang katotohanan, at na maaaring mailihis ang sinuman sa anumang oras at sa anumang lugar kung hindi niya nauunawaan ang katotohanan, at na kapag naunawaan na niya ang katotohanan at nagkaroon siya ng tayog, hindi na siya mapipigilan, maililihis, o makokontrol ng iba. Gayumpaman, ang mga mapaghinalang tao ay hindi kailanman mag-iisip nang ganito. Habang mas nagbabahagi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng mga tao at usapin, mas nararamdaman nila na tama at kumpirmado ang mga paghihinala nila: “Kita ninyo, ako ang matalino! Buti na lang nanatili akong maingat. Palaging sinasabi ng mga tao na mapaghinala ako at walang pagtitiwala, pero pinatutunayan ng mga katunayan na tamang naging mapaghinala ako. Tingnan ninyo kung gaano kayo kahangal lahat—sa pananampalataya ninyo sa diyos, alam lang ninyong gawin ang inyong mga tungkulin at magsalita tungkol sa inyong kaalamang batay sa karanasan. Ano ang silbi niyon? Mapoprotektahan ka ba niyon? Hindi! Anuman ang mga sitwasyong kinahaharap mo, mapoprotektahan mo lang ang sarili mo kung magiging mas maingat ka at mas kukuwestiyunin ang mga bagay-bagay. Kailangan mong magbantay laban sa lahat. Hindi ka dapat umasa sa sinuman tulad ng pag-asa mo sa sarili mo, kahit na sa sarili mo pang mga magulang!” Sabihin mo sa Akin, anong mga uri ng mga tao sila? Mga mananampalataya ba sila sa Diyos? (Hindi.) Anumang uri ng gawain ang ibinabahagi ng sambahayan ng Diyos o aling mga uri ng mga tao ang kinikilatis nito, at anuman ang mga kapaligirang inilalatag ng Diyos para sa mga tao, ang layon nito ay para matuto ang hinirang na mga tao ng Diyos ng mga aral mula sa mga bagay na ito, para makatanggap sila ng pagsasanay sa kaharian sa mas praktikal na paraan, at para—sa pamamagitan ng mga praktikal na aral na ito—maunawaan nila ang katotohanan at magkamit sila ng pagkilatis sa mga tao, makita nang malinaw ang mga tao at iba’t ibang usapin, at sa gayon ay higit na maunawaan kung aling aktuwal na mga tao, pangyayari, at bagay-bagay ang tinutukoy ng mga salita at katotohanang ipinahahayag ng Diyos. Pero hindi lang hindi magawang matutunan ng mga mapaghinalang tao ang anumang aral mula sa mga bagay na ito, at sa halip ay lalo pa silang nagiging mapaghinala at tuso.

Ang ilang mapaghinalang tao, tuwing nagsasabi o gumagawa sila ng anumang bagay sa sambahayan ng Diyos, ay palaging sobrang maingat, palaging natatakot na pupungusan o pahihirapan pa nga sila ng mga kapatid o ng mga lider at manggagawa. Sinasabi nilang, “Kung titigil ako sa pananampalataya sa diyos at iiwan ko ang iglesia, gaganti ba laban sa akin ang iglesia?” Hindi sila dapat mag-alala tungkol dito. Kung iiwan ng isang hindi mananampalataya ang iglesia, isa itong masayang okasyon para sa lahat ng panig—kapaki-pakinabang ito para sa lahat. Kaya, kung gusto mong iwan ang iglesia o bitiwan ang tungkulin mo para bumalik sa iyong bahay at ipamuhay ang iyong buhay, dapat buong tapang mo itong banggitin nang walang anumang mga inaalala. Maaari ka ring magsulat ng isang pahayag na nagsasabing: “Simula sa ganito-at-ganyang petsa, opisyal ko nang iiwan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos at aalis mula sa hanay ng mga gumagawa ng tungkulin nila.” Ganap itong pinahihintulutan. Bukas ang mga pintuan ng sambahayan ng Diyos, at maaari kang umalis nang buong tapang nang walang inaalala na may sinumang gaganti laban sa iyo. Hindi kailangang matakot o maghinala. May nakikita ka bang sinumang masasamang tao sa mga taong ito na nasa iglesia? Talagang wala. Kahit pa may masasamang tao, dapat silang alisin. Karamihan ng tao ay medyo may mabuting asal at gustong tumahak sa tamang landas sa buhay. Ang pagganti o pamiminsala sa iba ay lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at hinding-hindi nila magagawa ang gayong bagay. Ano sa palagay ninyo ang mali sa kung paano umaasal ang mga mapaghinalang tao? Mayroon lang silang hindi mapagtiwalang isipan pero walang katalinuhan. Naniniwala sila na ang kanilang tuso, mapanlinlang, at hindi mapagtiwalang isipan ay ang pinakamataas na anyo ng karunungan pagdating sa kung paano sila umaasal. Hindi sila interesado sa mga katotohanang prinsipyo ni sa gawain at mga salita ng Diyos—hindi sila nakauunawa o nagsisikap na makaunawa. Sa halip, namumuhay sila ayon lang sa mga pilosopiya ni Satanas, iniisip na, “Anuman ang mangyari sa akin, dapat kong kuwestiyunin pa ang mga bagay-bagay. Bukod dito, sa palagay ko ay sinuman ang paghinalaan ko, makatwiran para sa akin na gawin iyon, at tumugma man o hindi ang aking mga hinala sa mga katunayan, may katwiran ito. Sa kabuuan, ang mas paghihinala kapag nahaharap sa mga sitwasyon ay kapaki-pakinabang para sa akin.” Bilang resulta, ilang taon man silang nananampalataya sa Diyos, hindi sila kailanman naghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, ni hindi nila hinahanap ang mga sagot sa mga salita ng Diyos para lutasin ang iba’t ibang problema at mga pagdududa nila. Sa halip, umaasa sila sa sarili nilang isipan, hindi mapagtiwalang mentalidad, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, o sarili nilang mga karanasan sa buhay para suriin at pangasiwaan ang mga usaping ito. Sa huli, habang mas nakararanas sila ng iba’t ibang sitwasyon at habang mas maraming iba’t ibang uri ng impormasyon ang naririnig nila, hindi lang nananatiling hindi nagbabago ang mapaghinalang kalikasan nila, kundi lalo pang tumitindi ang mga pagdududa nila. Halimbawa, kapag ang ganitong uri ng mapaghinalang tao ay nanampalataya na sa Diyos nang isa o dalawang taon at narinig ang tungkol sa Insidente sa Zhaoyuan na inimbento ng CCP para siraan ang sambahayan ng Diyos, iniisip nilang, “Siguro ginawa nga ito ng sambahayan ng diyos. Kahit hindi ito iniutos ng sambahayan ng diyos, malamang na ginawa ito ng ilang kapatid sa ibaba, at hindi lang ninyo ito inaamin.” Matapos manampalataya sa Diyos ng tatlo hanggang limang taon, naniniwala pa rin sila sa bersiyon ng mga pangyayari ng malaking pulang dragon. Kahit makalipas ang walo hanggang sampung taon, nananatiling hindi nalulutas ang mga pagdududa nila tungkol sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila naniniwala na ang malaking pulang dragon ang nagdidiin at naninira sa iglesia; sa halip, ipinagpapalagay lang nilang ginawa ito ng mga tao sa sambahayan ng Diyos. Kita mo, kapag tinitingnan nila ang ilang bagay, hindi nila ito ginagawa kailanman batay sa mga salita ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo—naniniwala sila sa bersiyon ng malaking pulang dragon at tinitingnan ang usapin mula sa pananaw ng mga diyablo at ni Satanas. Kahit gaano pa apihin at pahirapan ni Satanas ang hinirang na mga tao ng Diyos, pakiramdam nila ay kauna-unawa ito, pero hindi nila kailanman pinaniniwalaan na inosente ang sambahayan ng Diyos o na walang kasalanan ang mga kapatid na nagdurusa ng pag-uusig dahil sa pananampalataya sa Diyos. Kahit pa nakikita nila mismo na ang mga kapatid sa sambahayan ng Diyos ay may mabubuting asal at marunong lumugar, sa puso nila ay palagi silang naniniwala, nang walang anumang pagdududa, sa mga bagay na ginawa ng malaking pulang dragon para siraan ang iglesia. Bagaman, sa pananampalataya sa Diyos, kayang magtiis ng paghihirap ng gayong mga tao, magbayad ng halaga, at magbigay pa nga ng mga handog, sa huli, sila pa rin ay mga hindi mananampalataya. Sa katunayan, ang mga mapaghinalang tao ay mas mapanggulo pa kaysa sa mga hindi nagmamahal o tumatanggap sa katotohanan. Sa anong paraan sila mas mapanggulo? Iyong mga hindi interesado sa katotohanan ay ganap na walang pakialam at hindi interesado sa gawain ng iglesia at sa paggampan sa mga tungkulin; gaano man sumusunod sa Diyos ang mga mananampalataya o gumagampan sa mga tungkulin nila, hindi ito mahalaga sa mga taong ito. Bilang resulta, wala silang mga pagdududa tungkol sa mga usapin ng pananampalataya sa Diyos o paggampan sa tungkulin, at hindi talaga sila kailanman nagtatanong tungkol sa mga usapin ng iglesia. Pero ang mga mapaghinalang tao ay ang eksaktong kabaligtaran—mahilig silang magtanong tungkol sa mga sabi-sabi. Bakit gusto nilang magtanong tungkol sa mga bagay na ito? Isa sa mga layon nila ay tiyak na: “Kung mas magtatanong ako at maraming malalaman, matutulungan ako nito para maghanda ng reserbang plano nang maaga, at para makapagpasya anumang oras kung mananatili ako o aalis.” Tumutuon din sila sa pagtatanong tungkol sa mga partikular na usapin, tulad ng kung ano ang tunay na pangalan ng isang partikular na lider o manggagawa, kung saan ito nakatira, kung anong uri ng propesyon mayroon ito sa sekular na mundo, o kung bakit nito iniwan ang tahanan nito para gawin ang tungkulin nito. Maaari din silang magtanong tungkol sa mga nangangaral ng ebanghelyo, tulad ng kung kanino nangaral ang mga ito, sino sa mga miyembro ng pamilya ng mga ito ang nananampalataya sa Diyos, ilang taon nang nangangaral ang mga ito ng ebanghelyo, ilang tao na ang nakamit ng mga ito, at iba pa. Nagtatanong sila tungkol sa mga bagay na ito nang napakadetalyado. Mahilig mangalap ng ganitong uri ng impormasyon ang mga mapaghinalang tao, at kapag nakalap na nila ito, napapanatag sila, iniisip na labis na kailangang malaman ang mga bagay na ito, at na magagamit nila ang impormasyong ito sa mahahalagang oras. Masyadong maraming nalalaman ang mga mapaghinalang tao. Sila ay mga “database ng impormasyon,” at alam nila maging ang ilang bagay na hindi alam ng mga lider at manggagawa, tulad ng kung sino ang pumunta sa ibang bansa para gawin ang tungkulin ng mga ito at sa kung aling bansa nagpunta ang mga ito—alam nila maging ang mga bagay na ito tungkol sa mga taong pumupunta sa ibang mga bansa. Pero kung tatanungin mo sila kung aling yugto ng mga sermon ang pinakahuling inilabas, hindi nila ito masasabi sa iyo. Hindi nila kailanman binibigyang-pansin ang mga usapin ng buhay pagpasok, pero pagdating sa personal na impormasyon ng mga kapatid at ng ilan sa kalagayan ng iglesia, malinaw na malinaw sa kanila ang mga bagay na iyon. Isa sa mga pakay nila sa madalas na pagtatanong tungkol sa mga bagay-bagay ay para malaman ang tungkol sa iba’t ibang uri ng mga kalagayan, pagkatapos ay makapaghahanda sila ng daan palabas para sa sarili nila anumang oras. Naniniwala sila na magiging sobrang kahangalan ang hindi pag-isipan ang daan nila palabas—para gamitin ang mga salita ng mga walang pananampalataya, para bang sila ay “tumutulong sa iba matapos silang ipagkanulo nito!” Sa totoo lang, para silang bulok na lumang pagkain, walang halaga, pero nakikita nila ang sarili nila na napakahalaga. Ano sa palagay ninyo, mga mapaghinalang tao ba ang mga ito? (Oo.) Mga mapaghinalang tao nga ang mga ito. Ang mga mapaghinalang tao ay may napakatuso at napakamapanlinlang na pagkatao. Nakikita ng ilang tao ang pagiging tuso at mapanlinlang bilang mga tanda ng mataas na katalinuhan, pero mali ito. Sa totoo lang, ang mga tuso at mapanlinlang na tao na ito ay napakahangal at walang anumang kakayahan. Napakahina ng kakayahan nila, at mahirap nang baguhin ito; ang pagiging tuso rin nila ay nangangahulugan na mas mahirap pa silang gamutin. Kung ang isang tao ay may mahinang kakayahan lang pero medyo matapat at hindi tuso, at kaya niyang taos-pusong gumampan sa tungkulin niya, baka mayroon pa siyang kaunting pag-asang maligtas. Kung may mahinang kakayahan siya at medyo mapanlinlang, pero kaya niyang tanggapin ang katotohanan at kilalanin ang sarili niya, marahil ay may kaunti pa siyang pag-asang maiwaksi ang mapanlinlang niyang disposisyon. Kung kaya niyang maunawaan ang katotohanan at unti-unting malaman ito at makapasok dito, maaaring unti-unting mawala ang pagiging mapaghinala niya. Pero sa kasamaang-palad, ang mga taong ito ay kapwa walang kakayahan, at mapanlinlang at tuso, at napakahangal din nila. Ito ay tulad ng isang taong bulag na dumaranas ng problema sa mata—wala nang lunas, tama? (Tama.) Hindi na matutubos ang gayong mga tao. Dahil ang mga taong ito ay mapaghinala sa antas na hindi na sila matutubos, sa palagay ninyo paano ba sila dapat tratuhin? (Kung matutuklasan ang gayong mga tao, dapat silang bantayan. Kaya nilang ipagkanulo ang iglesia para protektahan ang sarili nila; mapapanganib na indibidwal sila. Maaari tayong humanap ng mga pagkakataon para ilantad sila at paalisin, o kung hindi tayo makahanap ng pagkakataong gawin ito, maaari natin silang hikayating umalis sa matalinong paraan.) Kapag sigurado na kayo na ang isang tao ay mapaghinalang tao, huwag nang makisalamuha sa kanya. Ang pakikisalamuha sa kanya ay magdudulot lang ng problema. Kung makikisalamuha ka sa kanya, palagi ka niyang susubukang kilatisin. Kung aalis ka, babantayan ka niya, palaging nagtatanong, “Saan ka pupunta? Ilang araw kang mawawala? Ano ang gagawin mo?” Pagbalik mo, tatanungin niya, “Kanino ka nakipagkita? Naisakatuparan mo ba ang gampanin mo? Ano ang pinag-usapan ninyong lahat?” Kung hindi mo siya sasagutin, magrereklamo siya: “Hindi nila ipinaaalam sa akin ang kahit ano. Hindi nila ako pinagkakatiwalaan, tama? Hindi nila ako tinatrato na tulad ng isang miyembro ng sambahayan ng diyos! Sinabi nilang gagawa sila ng gawain ng iglesia, pero bakit inililihim nila ito sa akin? Tiyak na umalis sila para gumawa ng ilegal na bagay.” Palagi siyang mag-eespiya sa iyo nang hindi mo nalalaman. Talagang mapanggulo ang gayong mga tao. Nagtatanong sila tungkol sa maraming bagay, gustong malaman ang lahat. Pero kapag nalaman na nila ang mga bagay na iyon, hindi nila maarok ang mga iyon nang wagas o matrato ang mga iyon nang tama, at sinusubukan din nilang hanapan ang mga iyon ng mga kahina-hinalang bahagi, na nagiging sanhi para lalo pang lumaki ang mga pagdududa nila. Ipagpalagay na pinayuhan mo sila, sinasabing, “Dahil may gayong kalaki kang mga pagdududa tungkol sa Diyos, at dahil hindi mo pinaniniwalaan na ang mga salita ng Diyos ay ang mga katotohanan, at na kaya ng mga itong dalisayin at iligtas ang tao, dapat tumigil ka na lang sa pananampalataya sa Diyos!” Aayawan nilang gawin iyon—gugustuhin pa rin nilang manampalataya at gugustuhin pa rin nilang magkamit ng mga pagpapala. Hindi ba’t mapanggulo ang ganitong mga tao? (Oo.) Madaling pangasiwaan ang ganitong mga tao. Kung makapagdadala sila ng malaking problema sa iglesia, kaagad silang hikayating umalis. Ang mga taong ito ay hindi mapagkakatiwalaan, wala silang abilidad na arukin ang katotohanan, at kahit pa kaya nilang gumawa ng kaunting tungkulin, magdudulot lang sila ng malaking problema sa sambahayan ng Diyos—mas malaki ang pinsalang idinudulot nila kaysa mabuti. Kaya, ang paghihikayat sa kanilang umalis ay kinakailangan.

Ang mga duwag na tao ay mapanggulo, at ang mga mapaghinalang tao ay mapanggulo rin. Pero ang mga taong parehong duwag at mapaghinala ay lalo pang mapanggulo. Ang mga tao na ito ay lubhang duwag at takot sa kamatayan, at mapaghinala sila tungkol sa lahat ng bagay, palaging nagdududa tungkol sa kung maloloko ba sila dahil sa pananampalataya sa Diyos. Natatakot silang baka mahadlangan ang kinabukasan nila at iniisip na ang maaresto at mausig, na hahantong sa kamatayan nila, ay hindi magiging sulit. Kung ganito kalala ang pagiging mapaghinala nila, ano ang silbi ng pananampalataya nila sa Diyos? Hindi ba’t pagpapahirap lang ito sa sarili nila? Mapagbantay sila laban sa mga kapatid at sa bawat pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos na para bang nagbabantay sila laban sa mga manloloko, tulad lang ng pagbabantay nila laban sa malaking pulang dragon o mga diyablo at Satanas. May ilang tao na sumusubok pa ring magpayo sa kanila, sinasabing, “Siguraduhin mo lang na manampalataya ka sa Diyos nang masigasig, hangarin ang katotohanan, at gawin ang tungkulin mo nang maayos, at sasang-ayunan ka ng Diyos.” Pero ano ang iniisip nila sa loob-loob nila? “Gusto mong gawin ko nang maayos ang tungkulin ko, pero kapag naging tanyag na ako at inaresto ng malaking pulang dragon, hindi ba’t magiging katapusan ko na iyon?” Kung ganito talaga ang pag-iisip nila, wala nang silbing subukan pang payuhan sila. Lubha silang duwag, at palaging takot sa kamatayan. Kapag naririnig nilang naaresto ang mga mananampalataya sa Diyos, sobra silang natatakot na napapaihi sila sa pantalon nila. Pero pagdating sa panloloko at pandaraya sa mga tao sa negosyo, gaano man kalaki ang gulong kinasasangkutan nila, hindi talaga sila natatakot—lubos na buo ang loob nila sa ganitong bagay. Pero, kapag kinasasangkutan ito ng mga usapin ng pananampalataya sa Diyos, lubha silang duwag. Puno sila ng iba’t ibang uri ng mga pagdududa tungkol sa mga kapatid, tungkol sa sambahayan ng Diyos, at lalo na tungkol sa Diyos at sa mga salita at gawain ng Diyos, at walang anumang dami ng pagbabahaginan ang makalulutas sa mga pagdududang ito. Gaano karaming taon man silang nananampalataya, hindi pa rin nila alam kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos o kung bakit kailangan nilang magtipon at gawin ang tungkulin nila. Malinaw na ang mga taong ito ay may kakulangan sa pag-iisip, at sila ay labis na tuso at mapanlinlang. Ang gayong mga tao ay dapat hikayating umalis kaagad. Kung titigil sila sa pagdalo sa mga pagtitipon at ayaw nang gawin ang tungkulin nila dahil sa pagiging duwag nila o para sa ano pa mang ibang dahilan, mabuti iyon—nakaiiwas ito sa istorbo ng pagpapaalis sa kanila at nakaiiwas sa abala. Kung isang araw ay magiging interesado silang muli na manampalataya sa Diyos at gustong bumalik sa pananampalataya sa Diyos, maaari mong sabihin sa kanila, “Bilang isang mananampalataya sa Diyos, maaari kang maaresto at makulong anumang oras, at may panganib pa ngang makitil ang iyong buhay. Pero kung hindi ka mananampalataya sa Diyos at sa halip ay magnenegosyo ka sa mundo at kikita ng maraming pera, baka maaaring matamasa mo ang ilang maginhawang araw.” Pagkarinig nito, lubos na mapapanatag ang puso nila, at hindi na nila iisipin ang tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Iisipin nilang, “Sa wakas, tapos na ang mga taon ng aking pag-aalala at takot. Hindi ko na kailangang pagdudahan ang iglesia, ang mga kapatid, o ang sambahayan ng diyos. Sa wakas ay nakalaya na ako.” At nang ganoon-ganoon lang, ang mga duwag at mapaghinalang tao ay nahikayat na umalis. Nalulutas nito ang malaking problema, tama? (Oo.) Napakagandang paraan ito para malutas ang usapin.

L. Pagiging Mahilig Maghanap ng Gulo

Tingnan natin ang susunod na pagpapamalas: ang pagiging mahilig maghanap ng gulo. Alam ba ninyo kung anong uri ng mga tao ang mahilig maghanap ng gulo? Sa iglesia, nakatagpo na ba kayo ng ganitong uri ng tao na mahilig maghanap ng gulo? Anuman ang kanilang edad, kasarian, o propesyong mayroon sila sa mundo, kung palagi silang naghahanap ng gulo at palaging gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa mga batas at regulasyon, na nagdudulot ng mga negatibong epekto sa iglesia at lumilikha ng malalaking hadlang sa gawain ng ebanghelyo, dapat kaagad na pangasiwaan ng iglesia ang mga taong ito. Una, bigyan sila ng babala, at kung masyadong malubha ang sitwasyon, patalsikin o paalisin sila. Hindi ninyo sila dapat pakitaan ng anumang paggalang. Anong uri ng mga tao iyong mahilig maghanap ng gulo? Halimbawa, ang ilang tao, habang nagnenegosyo o nagpapatakbo ng mga pabrika sa mundo, ay nakikisalamuha sa mga kahina-hinalang indibidwal at madalas na gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa mga batas at regulasyon. Ngayon, hindi sila nagbabayad o kulang ang ibinabayad nilang buwis; bukas, nakikisali sila sa pandaraya at panlilinlang, o nasasangkot pa nga sa mga kasong legal dahil sa pagdudulot ng kamatayan. Dahil sa mga bagay na ito, madalas silang ipatawag ng korte, ginugugol ang mga araw nila sa mga kaso, at palaging nasasangkot sa mga alitan. Kaya bang manampalataya ng gayong mga tao sa Diyos nang taos-puso? Imposible iyon. May ilang tao ring nagsasabing nananampalataya sila sa Diyos pero kumikilos sa mga lubhang kakaiba at abnormal na paraan. Ngayon, nililigalig nila ang kasalungat na kasarian; bukas, maaaring mambastos sila ng isang tao nang seksuwal at maiulat. Masasabi mo bang mahilig maghanap ng gulo ang ganitong mga tao? (Oo.) Kung gayon, kaya bang manampalataya ng gayong mga tao sa Diyos nang taos-puso? (Hindi.) Ang mga taong ito na mahilig maghanap ng gulo, pagkatapos manampalataya sa Diyos, ay palagi pa ring nakikisalamuha sa mga kahina-hinalang indibidwal mula sa lipunan at patuloy na nagdudulot ng mga alitan, tulad ng mga alitan sa mga emosyonal na usapin, pananalapi, ari-arian, o mga pansariling interes. O, dahil sa ilang insidente na nagdudulot ng tensyon sa isa sa mga relasyon nila, o dahil sa hindi patas na paghahati ng mga nakaw na yaman nila, palaging may mga taong naghahangad na magdulot sa kanila ng kaguluhan. Kapag dumadalaw ang mga kapatid sa bahay nila paminsan-minsan, maaaring makasalubong nila ang mga kahina-hinalang tao na ito. Kahit kapag nasa mga pagtitipon sila o gumagawa ng tungkulin nila, paminsan-minsan ay sumusulpot ang mga kahina-hinalang taong ito sa pinto nila o nagpapadala ng mga nanliligalig na mensahe, kaya ang sinumang kasama ng mga taong ito na mahilig maghanap ng gulo ay malamang na madamay sa mga kaguluhan nila; sa partikular, ang gawain at reputasyon ng iglesia ay lalo pang malamang na maaapektuhan at mapipinsala ng mga taong ito. Sabihin mo sa Akin, mabuti ba para sa gayong mga tao na manatili sa iglesia? (Hindi.) Ang ganitong uri ng tao ay dapat ding paalisin at pangasiwaan.

May ilang tao rin, anuman ang propesyon nila sa lipunan, na palaging gustong sumalungat sa pamahalaan, sa mga opisyal ng pamahalaan, o sa mga partikular na grupong panlipunan at mga pampublikong personalidad. Ngayon, inilalantad nila ang mga hindi makatarungang pagkilos ng pamahalaan; bukas, nagsasampa sila ng kaso laban sa ilang grupo o organisasyon, humihingi ng kabayaran para sa mga pinsala; sa makalawa, inilalantad nila ang pribadong buhay ng isang pampublikong personalidad, na nagtutulak sa mga tao na hanapin sila. Paghahanap ba ito ng gulo? (Oo.) Kahit pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, gusto pa rin nilang patuloy na makisangkot sa mga usaping panlipunan. Kapag may nakikita silang bagay na hindi nila ikinasisiya at ikinagagalit nila, palagi nilang gustong manindigan para sa katarungan para magpakitang-gilas, o magsulat ng isang komento o artikulo para husgahan ang mga tama at mali ng usaping iyon. Ano ang nangyayari sa huli? Wala silang naisasakatuparang anuman, kundi nauuwi sa pagdudulot ng sangkatutak na kaguluhan para sa sarili nila, nasasangkot sa mga kaso at nasisira ang reputasyon nila. At palaging may mga kahina-hinalang tao mula sa lipunan na naghahanap sa kanila, gustong maghiganti o kumilos laban sa kanila, kaya namumuhay sila sa matinding takot. Para makatakas sa ganitong uri ng buhay at maiwasan ang kaguluhan, bumibili sila ng ilang bahay, ipinaliliwanag na, “Sabi nga nila, ‘Ang isang tusong kuneho ay may tatlong lungga.’ Isa lang sa tatlong bahay ko ang alam ng publiko; walang nakakaalam sa dalawa pa. Pinananatili ko ang mga ito para sa paggamit ng iglesia at para matirhan ng mga kapatid.” Sa palagay mo ba ay magiging ligtas ang mga kapatid kung mananatili sila roon? (Hindi, hindi sila magiging ligtas.) Napakagandang pakinggan ang lahat ng salita nila, at mabuti ang intensyon nila sa paggawa nito, pero dahil sa karakter nila at kapintasan nila sa pagkahilig na maghanap ng gulo, sino ang maglalakas-loob na manatili sa bahay nila? Kung mananatili ka roon, maaaring isipin ng mga tao na bahagi ka ng pamilya nila. Kung may sinumang maghahanap para bugbugin sila pero hindi sila matagpuan, hindi ba’t ikaw na lang ang bubugbugin ng mga ito? May ilang tao na mahilig maghanap ng gulo. Kapag nagmamaneho sila nang ordinaryo at napadpad sa isang liblib na lugar, maaari silang harangin ng sinuman, na siya namang kakaladkad sa kanila palabas ng sasakyan, marahas na bubugbugin sila, at bibigyan sila ng babala. Alam nila na ito ay dahil nauna nilang napasama ang loob ng isang tao at nagdala ng kaguluhan sa sarili nila, at na sinumang napasama nila ang loob ay gusto silang pahirapan. Hindi ba’t iyon ang mismong nararapat sa kanila? Ang ganitong uri ng tao ay ang uri na mahilig maghanap ng gulo. Pagkatapos nilang magsimulang manampalataya sa Diyos, anumang usapin ang tinatalakay ng iglesia, palagi nilang gustong makisawsaw; gusto nilang magbigay ng opinyon tungkol sa usapin at magbigay ng ilang komento, sinusubukan ding kumbinsihin ang mga taong makinig sa kanila. Kung hindi tatanggapin ng iglesia ang mga mungkahi nila, labis silang hindi nasisiyahan at naghihinanakit, hindi alam ang sarili nilang mga abilidad. Gaano man karaming kawalan ang dinaranas nila, hindi nila kailanman natatandaan ang mga ito o kinapupulutan ng mga aral ang mga kabiguan nila. Ang gayong mga tao ay nagdudulot ng kaguluhan kahit kapag nananampalataya sila sa Diyos. Sa isang banda, hindi nila nauunawaan ang katotohanan pero palagi pa rin nilang gustong makibahagi sa gawain ng iglesia, sinusubukang makialam sa lahat ng bagay, na nagreresulta sa paggambala at panggugulo nila sa gawain ng iglesia. Sa kabilang banda naman, tuwing gumugugol sila ng maraming oras kasama ang sinumang kapatid, nagdudulot din sila ng kaguluhan sa mga ito. Ang ganitong uri ng mga tao na mahilig maghanap ng gulo ay isang malaking pasakit. Sa palagay mo ba, ang mga taong mahilig maghanap ng gulo ay mga taong hindi nagdudulot ng mga problema? Mga tao ba sila na marunong lumugar? (Hindi.) Tiyak na hindi sila mga taong marunong lumugar. Karaniwan, ang mga taong namumuhay ng disenteng buhay ay may tendensiyang matutong lumugar. Hangga’t walang kinalaman ang mga usaping panlipunan sa pananampalataya nila sa Diyos, ganap na hindi sila nakikibahagi o nagtatanong tungkol sa mga ito. Tinatawag itong pagiging makatwiran, pag-unawa sa panahon, at pag-unawa sa katuturan ng mga bagay-bagay. Ang lipunan at sangkatauhang ito ay napakabuktot at komplikado. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Sa magulong kapanahunan at magulong mundong ito, kailangang matutunan ng mga tao kung paano protektahan ang sarili nila.” Higit pa rito, palagi kang nagkokomento tungkol sa mga usaping panlipunan at gustong makibahagi sa mga ito, pero hindi iyon ang landas na dapat mong tahakin sa buhay. Ang paggawa ng mga bagay na iyon ay walang halaga at hindi ang tamang landas sa buhay. Kahit na nakapagsasalita ka nang patas, hindi pa rin iyon maituturing na makatarungang layunin. Bakit hindi? Dahil walang pagiging patas sa mundong ito; hindi ito pinahihintulutan ng masasamang kalakaran. Kung talagang makapagsasalita ka ng mga patas at matapat na salita sa sambahayan ng Diyos, may halaga at kabuluhan iyon. Pero kung magsasalita ka ng mga patas at matapat na salita sa masama, tiwali, at magulong mundong ito ng tao, ang gayong mga salita ay madaling mag-aanyaya ng gulo at magdadala ng panganib. Hindi ba’t magiging napakahangal sabihin ang gayong mga salita kung ganoon? Ang paggawa nito ay hindi lang hindi magpapahintulot sa iyo na mamuhay nang may kabuluhan, kundi magdadala rin ito sa iyo ng walang katapusang kaguluhan. Kaya, nakikita ng matatalinong tao na ang mga usaping panlipunang ito ay isang salot at lumalayo at umiiwas sila sa mga ito, samantalang lumalapit sa mga ito ang mga hangal na tao, nagdadala ng napakalaking kaguluhan sa sarili nila. May ilang tao sa partikular, matapos magsanay ng martial arts nang ilang araw, ang natututo ng ilang magarbong teknik at nagkakamit ng kaunting kasikatan, at pagkatapos ay gustong makipaglaban para sa katarungan at nakawan ang mayayaman para tulungan ang mahihirap. Gusto nilang gampanan ang papel ng isang kabalyerong lagalag o mandirigma, naglilibot para itama ang mga mali, at nangunguna pa nga sila para tumulong tuwing nakakakita sila ng kawalang katarungan. Bilang resulta, humahantong ito sa kaguluhan—hindi nila napagtatanto kung gaano kakomplikado ang lipunan. Sabihin mo sa Akin, kapag kumikilos ka para tumulong, hindi ba’t mauuwi ka sa pagpapasama ng loob ng ilang tao? Hindi ba’t masisira mo ang maiingat na plano na ginawa ng ilang tao? (Oo.) Kapag nasira mo ang maiingat na plano na mayroon ang mga tao, palalampasin ka ba ng mga ito? (Hindi.) Maaaring sabihin mong, “Ang isinasagawa ko ay isang makatarungang layunin,” pero kahit isa pa itong makatarungang layunin, hindi iyon puwede—hindi ka pahihintulutan ng mundong ito na magsagawa ng mga makatarungang layunin. Kung gagawin mo ito, maghahanap ka ng gulo. Hindi ito nauunawaan ng mga hangal, hindi nila makilatis ang mundo. Palagi nilang iniisip na, dahil mga kabalyerong lagalag sila, dapat silang kumilos para tulungan ang iba. Pero sa huli, sinisira nila ang maiingat na plano ng isang tao, at ang taong iyon ay naghahangad na maghiganti sa kanila at tumatangging huminto. Ganito sila naghahanap ng sakuna. Palihim na sinisimulang alamin ng ibang tao ang pangalan nila, kung saan sila nakatira, kung ano ang sitwasyon ng pamilya nila, kung sinu-sino ang miyembro ng pamilya nila, kung may anumang impluwensiya ba sila sa lugar na iyon, at kung paano pinakamainam na kumilos laban sa kanila. Kapag may malinaw nang pang-unawa ang taong iyon tungkol sa lahat ng ito, saka siya nagsisimulang kumilos laban sa “kabalyerong lagalag,” na ang buhay ay nagiging mahirap mula noon. Ang ganitong uri ng mga tao ay palaging naghahanap ng gulo at, gaano kalaki man ang mga kawalang dinaranas nila, hindi nila kailanman natututunan ang leksiyon nila. Kapag nakakatagpo sila ng isang bagay na sa tingin nila ay hindi makatarungan, gusto pa rin nilang makipaglaban para sa katarungan, at kumilos para tumulong. Hindi lang sila nagdadala ng kaguluhan sa sarili nila, kundi inilalagay rin nila ang pamilya nila sa panganib, at minsan pa nga ay isinasangkot dito maging ang mga kaibigan o kasamahan nila sa trabaho. Kung nananampalataya sila sa Diyos at pumapasok sa iglesia, maaari din nilang mailagay sa panganib ang mga kapatid. Halimbawa, kung masangkot sila sa kaguluhan sa lipunan at may isang taong gustong maghiganti sa kanila, at alam ng taong iyon na dumadalo ka sa mga pagtitipon kasama nila, maaari itong lumapit sa iyo para sa impormasyon tungkol sa sitwasyon nilang personal at sa pamilya. Kaya, sasabihin mo ba sa taong iyon o hindi? Kung sasabihin mo, parang ipinagkanulo mo sila, na magdudulot ng kaguluhan sa kanila; kung hindi mo sasabihin, maaaring pahirapan ka ng taong iyon. Masyadong maraming masamang tao sa mundong ito, at ang masasamang tao ay pawang walang katwiran. Kung may magpapasama ng loob nila, gagamitin nila ang lahat ng paraan para maghiganti. Hindi ba’t iyon ang kaso? (Oo.) Anuman ang uri ng kaguluhan na kinasasangkutan ng mga taong mahilig maghanap ng gulo, palagi itong nagdudulot ng kaguluhan at panggugulo sa pagganap ng kanilang tungkulin at maaari ding makaapekto sa gawain ng iglesia sa iba’t ibang antas. Kung ang isang tao ay palaging naghahanap ng gulo, sa palagay ba ninyo na ang pagbabahagi ng katotohanan sa kanya ay makalulutas sa problemang ito? (Hindi.) Ang ganitong uri ng mga tao ay kadalasang walang tamang katwiran. Kahit kapag nasasangkot sila sa kaguluhan, hindi nila ito nakikita bilang isang kaguluhan; maaaring isipin pa nga nila na may pagpapahalaga sila sa katarungan. Sa gayong mga kaso, walang silbi ang pagbabahagi sa kanila ng katotohanan dahil may baluktot na pagkaarok sila, mga kakatwang indibidwal sila. Hindi madaling tumanggap ng katotohanan ang mga kakatwang indibidwal. Maaaring sabihin ng ilang tao na, “Nahaharap sila sa paghihirap; paano natin sila ipagsasawalang-bahala? Paanong hindi natin sila pakikitaan ng awa? Dapat natin silang tratuhin nang may pagmamahal.” Ayos lang ang pagtrato sa kanila nang may pagmamahal, pero matatanggap ba nila ito? Kung hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at patuloy na pinanghahawakan ang sarili nilang mga pananaw, angkop ba para sa iyo na patuloy na magbahagi sa kanila ng katotohanan nang walang katapusan? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? (Ang ganitong uri ng mga tao ay hindi taos-pusong nananampalataya sa Diyos. Ang diwa nila ay sa mga hindi mananampalataya. Kahit magbahagi pa tayo ng katotohanan sa kanila, hindi nito malulutas ang problema, at makapagdadala pa rin sila ng maraming kaguluhan sa iglesia.) Kaya, dapat bang paalisin ang ganitong uri ng mga tao? (Oo, dapat silang paalisin.)

May isa pang uri ng mga tao na mahilig maghanap ng gulo. Sa iglesia, palagi nilang inuudyukan ang mga kapatid na gumawa ng mga partikular na bagay. Halimbawa, sinasabi nilang: “Ang hakbang na iyon na isinagawa ng pamahalaan at ang polisiyang binalangkas nila ay hindi makatwiran. Bilang mga Kristiyano, dapat tayong magsagawa ng pagiging matuwid, dapat tayong magsalita at hindi maaaring mabahag ang ating buntot tulad ng mga duwag. Kailangan nating magmartsa sa mga kalsada nang may mga bandera at magprotesta, ipinaglalaban ang kapakanan ng mga kapatid, ng ating iglesia, at ng lahat ng sangkatauhan!” At ano ang resulta nito? Bago pa man sila makapagmartsa, natuklasan na ito ng pamahalaan, at ipinatatawag na sila ng hukuman. Sabihin mo sa Akin, mapalad ba o hindi mapalad para sa iglesia na magkaroon ng gayong mga tao? (Hindi mapalad.) Sinasabi ng ilang tao: “Lumalabas na may gayong mga taong may talento ang ating iglesia—may potensiyal ang taong ito na maging lider! Tingnan mo ang mga tao sa ating iglesia; lahat sila ay mababang-loob at sumusunod, walang impluwensiya sa lipunan. Mahina ang loob nila at hindi nangangahas na pangasiwaan ang anumang malalaking isyu, at sobrang natatakot sila na maghanap ng gulo. Iba ang taong ito—siya ay matapang, may kabatiran, at mapagpasya; may impluwensiya rin siya sa lipunan, may kapabilidad, at kapag nakakakita siya ng kawalang katarungan, nangangahas siyang manindigan at kumilos. Kahit kapag nahaharap sa kasong legal, hindi siya natataranta o nababalisa. Ang kakayahan ng kanyang pag-iisip ay likas na angkop sa pagiging isang opisyal. Kung ang taong ito ay masasangkot sa politika, magiging isang kinatawan siya o kahit papaano ay gobernador ng isang probinsya. Hindi tayo sapat na mahusay. Kaya, dapat piliin siya ng iglesia na maging lider. Kung pamumunuan niya tayo, tiyak na magkakamit tayo ng kaligtasan!” May ilang hangal na tao na partikular na mataas ang pagtingin sa mga taong mahilig maghanap ng gulo sa lipunan at iniidolo ang mga ito, ginugusto pa ngang ihalal ang mga ito bilang mga lider ng iglesia. Sa palagay ba ninyo ay naaangkop ito? (Hindi.) Bakit hindi ito naaangkop? Hindi ba’t kailangan ng iglesia ang gayong “mga taong may kapabilidad”? (Hindi kailangan ng iglesia ang gayong mga tao. Dapat pamunuan ng mga lider ng iglesia ang hinirang na mga tao ng Diyos para magkakasamang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, hangarin ang katotohanan, at gawin ang tungkulin nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Bagaman tila may diumano’y tapang, pananaw, at pagiging mapagpasya ang gayong mga tao sa panlabas, hindi nila kayang gawin ang ganitong uri ng gawain at magdudulot sila ng walang katapusang kaguluhan sa iglesia. Samakatwid, hindi sila nararapat na maging mga lider ng iglesia.) Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, isang pagkakamali para sa ganitong uri ng tao na manatili sa iglesia, at magiging mas mapaminsala pa nga ang ihalal ang gayong mga tao bilang lider. Saan nila aakayin ang iglesia? Gagawin nilang isang relihiyosong grupo ang iglesia! Ito ay dahil kapag nakikita nila ang mga kawalang katarungan sa lipunan, magsasampa sila ng mga kaso; kapag nakikita nila ang masasamang tao na inaapi ang mahihirap, ipaglalaban nila ang mga ito; kapag nakikita nila ang mga tiwaling opisyal na brutal na nananakit sa mga tao, gugustuhin nilang ipaglaban ang katarungan sa ngalan ng Langit. Dahil dito, kayong lahat ay unti-unti ring magiging mga kabalyerong lagalag na lumalaban para sa katarungan. Sa ganitong paraan, maaari pa rin ba kayong magtamo ng kaligtasan? Sa panlabas, maaaring tila medyo may kapabilidad ang mga taong mahilig maghanap ng gulo, pero sa huli, ano ang nangyayari? Lahat sila ay itinitiwalag dahil sa paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, dahil ang landas na tinatahak nila ay hindi ang tamang landas. Anumang uri ng gulo ang hinahanap nila, hindi sila tumatahak sa tamang landas, ni hindi sila sumusunod sa kalooban ng Diyos. Wala sa mga ginagawa nila ang may anumang kaugnayan sa iglesia, sa gawain ng Diyos, o sa mga layunin ng Diyos; lahat ng ginagawa nila ay malayo sa mga layunin ng Diyos at lumilihis sa tamang landas. Ang kalikasan ng paghahanap nila ng gulo ay na nakikisalamuha at nasasangkot sila sa mga diyablo; pinahihirapan sila ng mga diyablo. Samakatwid, dapat malinaw na humiwalay ang sambahayan ng Diyos sa gayong mga tao. Kung paulit-ulit silang maghahanap ng gulo, tumatangging makinig sinuman ang magtangkang magpayo sa kanila, at sila ay naghahanap ng gulo nang hindi natututo mula sa mga pagkakamali nila, gumagawa pa nga ng mga walang ingat na maling gawain, dapat silang hikayating umalis. Maaari mong sabihin: “Tingnan mo ang lahat ng kaguluhang hinanap mo, kung gaano kalaking hadlang ito sa gawain ng iglesia, at kung gaano karaming pagganap ng tungkulin ng mga tao ang naapektuhan. Paanong hindi mo ito napagtatanto? Ang lawak ng iyong pag-iisip ay sobra-sobra—sapat ang lawak nito para saklawan ang buong mundo. Ang isang taong tulad mo ay dapat makipagsapalaran sa mundo; dapat mong linangin ang iyong sarili at pamunuan ang bansa, nagdadala ng kapayapaan sa mundo. Nababagay ka sa pakikisalamuha sa matataas na opisyal; saka ka lang makaaangat sa pangkaraniwan at magagawang makipagsapalaran at magtagumpay. Ang pananatili kasama ng mga taong nananampalataya sa Diyos araw-araw—hindi ba’t hahadlangan ka lang niyon sa iyong malalaking ambisyon at lilimitahan ang iyong kakayahang makipagsapalaran at magtagumpay? Tingnan mo kami—wala sa amin ang may malalaking adhikain. Nakatuon lang kami sa pananampalataya sa Diyos, sa pagbabasa ng mas maraming salita ng Diyos para maunawaan ang ilang katotohanan, at sa paggawa ng mas kaunting kasamaan, at pagkatapos marahil ay matatamo namin ang pagsang-ayon ng Diyos—iyon lang iyon. Kaming lahat ay mga taong siniraan at ininsulto ng mga makamundong tao, tinanggihan ng mundo, kaya hindi ka nararapat na makisalamuha sa mga katulad namin. Mas makabubuti sa iyo kung babalik ka sa mundo at magsisikap doon; marahil ay makakamit mo ang malaking tagumpay at maisasakatuparan ang iyong mga ambisyon.” Naaangkop ba ang panghihikayat sa kanilang umalis sa ganitong paraan? Mabuting paraan ba ito para lutasin ang isyu? (Oo.) Ganito dapat pangasiwaan ng iglesia ang gayong mga hindi mananampalataya; ang paglutas sa usapin sa ganitong paraan ay ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo.

Anong iba pang mga uri ng mga tao ang mahilig maghanap ng gulo? May isang uri ng tao na partikular na popular sa kasalungat na kasarian at palaging nakikipaglandian sa mga kahina-hinalang indibidwal. Hindi sila naghahangad ng isang wastong romantikong relasyon; sa halip, nagpapanatili sila ng mga napakalapit at hindi wastong relasyon sa maraming tao sa kasalungat na kasarian. Dahil hindi nila maayos na mapangasiwaan ang mga relasyon na ito, posible na magselos at maghiganti pa nga sa isa’t isa ang mga taong nilalandi nila. Kaguluhan ba ito para sa kanila? (Oo.) Isa rin itong malaking kaguluhan. Maaaring walang pakialam ang ilang tao tungkol sa mga usaping ito, pero ang gayong mga bagay ay madalas na nagdudulot ng problema sa kanilang personal na buhay at sa kanilang pananalig, at maaari pa nga itong makaapekto sa kanilang personal na kaligtasan. Ang mga kaguluhang ito ay patuloy na sumusunod sa kanila, at iyong mga madalas makisalamuha sa kanila ay hindi maiiwasang madadamay rin. Nasa tunay na romantikong relasyon man sila sa mga indibidwal na ito sa kasalungat na kasarian o nakikipaglandian lang at ginagamit ang isa’t isa, wala tayong pakialam sa gayong mga usapin. Ano ang inaalala natin? Inaalala natin kung ang mga kaguluhang idinudulot nila ay may anumang masamang epekto sa mga kapatid o sa iglesia. Kung may epekto ito, dapat makialam ang iglesia para ayusin at pangasiwaan ang isyu, pinapayuhan silang asikasuhin nang maayos ang mga kaguluhang ito. Sa kung paano nila aasikasuhin ito, hindi tayo makikialam. Kung, gaano man sila payuhan, tumatanggi pa rin silang makinig at hindi inaasikaso o nilulutas ang mga kaguluhang ito, dapat silang ibukod at bigyan ng babala: “Kailangan mo munang asikasuhin ang mga personal mong kaguluhan. Kapag naayos na ang mga ito, maaari ka nang magpatuloy sa paggawa ng iyong tungkulin. Kung hindi mo aasikasuhin ang mga ito nang maayos, mananatili kang nakabukod.” Bagaman mga mananampalataya sila at maaaring gumagawa pa nga ng kanilang tungkulin—marahil isang mahalagang tungkulin pa nga—dahil sa mga seryosong problema sa kanilang personal na buhay at dahil ang kaguluhang hinahanap nila ay maaaring makaapekto sa gawain ng iglesia, hindi ito maaaring balewalain ng mga lider ng iglesia, sapagkat ang mga kaguluhang ito ay nagdudulot ng mga potensyal na panganib. Halimbawa, maaaring malaman mula sa kanila ng mga taong nakakarelasyon nila ang ilan sa mga sitwasyon ng iglesia o mga personal na impormasyon tungkol sa mga kapatid. Kung isisiwalat nila ang impormasyong ito sa mga taong may masamang intensyon o sa malaking pulang dragon, makasasama ito kapwa sa iglesia at sa mga kapatid. Kaya, para sa iglesia, ang mga kaguluhang ito o mga potensyal na panganib ay dulot nilang lahat, kaya dapat ipalutas muna sa kanila ng iglesia ang mga personal na kaguluhan nila. Kung ganap nilang maaasikaso ang mga kaguluhan, maaaring magdesisyon ang sambahayan ng Diyos na tanggapin silang muli batay sa kanilang mga sitwasyon. Pero kung patuloy nilang hindi lulutasin ang mga kaguluhan nila at gusto pa ring gawin ang tungkulin nila, ano ang dapat gawin? (Hindi sila dapat pahintulutang gawin ang tungkulin nila.) Sa kasong iyon, dapat silang hikayating umalis o paalisin. Sa madaling salita, maging ito man ay mga lider ng iglesia o mga kapatid, kapag natuklasan nila na may mga tao sa iglesia na mahilig maghanap ng gulo, dapat nilang harapin ang usapin nang naaayon sa mga prinsipyo at kaagad itong pangasiwaan. Hindi nila dapat hintayin na magdala ng panganib ang mga indibidwal na ito sa mga kapatid o magdulot ito ng kaguluhan sa gawain ng iglesia bago ito pangasiwaan at lutasin.

May ilang tao na mabilis magdulot ng kaguluhan at makipag-away at makipagbasag-ulo. Pakiramdam nila palagi na malakas sila sumuntok, palaging gustong talunin ang lahat sa mundo, o, kung marunong sila ng kaunting magarang martial arts, gusto nila palaging gumamit ng dahas at puwersa laban sa iba. Hindi ba’t ang ganitong klaseng tao ay mahilig ding maghanap ng gulo? (Oo.) Mayroon ding mga hindi marunong lumugar saanman sila magpunta. Hindi sila sumusunod sa mga patakaran o sa kaayusang pampubliko at palaging gustong maging hindi pangkaraniwan. Kapag nagmamaneho, ipinipilit nilang tumakbo kahit pula ang ilaw, o iginigiit na lumiko sa kaliwa kung saan hindi ito pinahihintulutan, at kapag pinara at pinagmulta ng pulis, tumatanggi silang tanggapin ito at gustong iulat ang opisyal. Kita mo, nangangahas silang iulat ang sinuman. Kahit pa kumikilos ayon sa batas ang pulis, gusto pa rin nilang ireklamo ito—binabalewala nila ang batas. Hindi ba’t ang mga hangal na ito ay mahilig maghanap ng gulo? (Oo.) Iniisip ng ganitong uri ng tao na mahilig maghanap ng gulo na mayroon silang Diyos na masasandigan dahil nananampalataya sila sa Kanya, at na ang iglesia ay may maraming bilang ng tao at malaking impluwensiya, at kaya wala silang kinatatakutang anuman. Gumagawa sila ng mga walang ingat na maling gawain saanman para ipagyabang ang kanilang mga kapabilidad at para ipakita kung gaano sila kabigatin. Kahit pagkatapos masangkot sa legal na problema, hindi nila alam kung paano baguhin ang landas nila. Sa huli, ano ang sinasabi nila? “Talagang masama ang mundong ito. Inaresto ako dahil lang sa paninindigan para sa katarungan. Talagang hindi patas ang mundong ito!” Tumatanggi pa rin silang aminin ang mga pagkakamali nila. Nang-uudyok at nagdudulot sila ng kaguluhan sa sarili nila, pero nagrereklamo sila na hindi ito patas sa kanila. Hindi ba’t sobrang kakatwa nito? (Oo.) Gaano man kasama o kadilim ang mundo, hindi matalino para sa kanila ang mag-udyok ng kaguluhan. Hindi kailanman hiningi ng Diyos sa sinuman na mag-udyok ng kaguluhan, ni hindi Niya hiningi sa sinumang gamitin ang bandera ng pananampalataya sa Diyos para makipaglaban para sa katarungan at magpatupad ng katarungan sa ngalan ng Langit. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga batas ng mundong ito ay hindi ang katotohanan, kaya hindi kailangang sundin ang mga ito.” Kahit na ang batas ay hindi ang katotohanan, hindi kailanman sinabi sa iyo ng Diyos na maaari mong labagin ang batas ayon sa iyong kagustuhan, ni hindi Niya sinabi sa iyo na maaari kang pumatay o manunog. Hinihingi sa iyo ng Diyos na sundin ang batas at sumunod sa kaayusang pampubliko sa lipunan, na matutong sundin ang mga moral na pamantayan at sundin ang mga patakaran saan ka man magpunta, na huwag galitin ang mga tao, at huwag maghanap ng gulo. Kung lalabagin mo ang batas, ikaw mismo ang magpapasan ng mga kahihinatnan—huwag mong asahan na aakuin ng sambahayan ng Diyos ang responsabilidad para sa iyo, dahil ito ay personal na pag-uugali at kumakatawan lang sa iyo bilang isang indibidwal; hindi ka kailanman sinabihan ng sambahayan ng Diyos na gumawa ng anumang ilegal. Saanmang bansa mo pinangangasiwaan ang mga usapin, ipinag-uutos ng sambahayan ng Diyos na suriin mo ang batas at kumonsulta ka sa abogado. Anumang sinasabi ng abogado ay naaangkop, iyon ang dapat mong gawin. Kung hindi ka pinayuhan ng abogado na kumilos sa isang partikular na paraan, at kumilos ka nang walang alam, ginawang palpak ang mga usapin, at nilabag ang batas, ikaw mismo ang magpapasan ng mga kahihinatnan—huwag kang magdala ng kaguluhan sa sambahayan ng Diyos. Kahit na ang iminumungkahing paraan ng abogado ay hindi ang pinakamainam na pagpipilian, kailangan mo pa ring sundin ang payo ng abogado. Basta’t legal ito at hindi magdudulot ng malaking pinsala sa sambahayan ng Diyos, maaari itong gawin. Palaging sinasabi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na kumonsulta sa mga abogado at pangasiwaan ang mga usapin ayon sa batas. Gayumpaman, iniisip ng ilang tao, “Hindi nabibilang sa mundo ang sambahayan ng Diyos, kaya hindi natin dapat sundin ang mga kalakaran ng mundo! Hindi kumakatawan sa katotohanan ang batas—ang Diyos lang ang katotohanan, at ang Diyos ang pinakamataas. Nagpapasakop lang tayo sa katotohanan at sa Diyos!” Bagaman tama ang pahayag na ito, namumuhay ka pa rin sa mundong ito at kailangang pangasiwaan ang maraming makatotohanang isyu. Samakatwid, hindi mo maaaring labagin ang batas, at hindi mo maaaring labagin ang mga katotohanang prinsipyo. Ang pagiging pinakamataas ng Diyos ay tumutukoy sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan; hindi ito isang dahilan para makilahok ka sa mga ilegal na aktibidad o maghari-harian sa lipunan, gawin ang anumang gusto mo, at maghanap ng gulo sa lahat ng dako. Hindi kailanman hinikayat o hiningi ng Diyos sa sinuman na labagin ang batas sa paggawa ng anumang bagay, kundi sinasabi sa iyong sundin ang batas at sumunod sa mga panlipunang panuntunan, na kapag nilabag mo ang batas at naparusahan ka, dapat mong tanggapin ang parusa, at na hindi ka dapat magdulot ng isyu o maghanap ng gulo. Kung palagi kang naghahanap ng gulo, palaging iniisip na dahil nananampalataya ka sa Diyos ay sinusuportahan ka ng Diyos, at kaya wala kang kinatatakutan, sasabihin Ko sa iyo, mali ka! Hindi sinusuportahan ng Diyos ang iyong kawalang takot sa harap ng lahat ng bagay, at hindi magbabayad ang sambahayan ng Diyos para sa lohika mong tulad ng sa isang tampalasan. Huwag na huwag mong iisipin na dahil lang maraming tao sa sambahayan ng Diyos at may malaking impluwensiya ito, maaari mong gawin ang anumang gusto mo. Kung ganito ka mag-isip, mali ka. Ito ang lohika ni Satanas. Hindi kailanman sinabi ng sambahayan ng Diyos ang gayong bagay, at hindi rin ng Diyos. Hindi hinihikayat ng sambahayan ng Diyos ang sinuman na kumilos nang ganito. Totoo na maraming tao ang sambahayan ng Diyos, pero ang bilang ng mga tao—marami man o kaunti—ay hindi para suportahan ang sinuman, palakasin ang loob ninuman, o protektahan ang sinuman mula sa kaguluhan at ayusin ang lahat. Pinipili ng Diyos ang mga tao para sumunod sila sa Kanya at sundin ang kalooban Niya, para maging pasok sila sa pamantayan bilang mga nilikha at matupad ang tungkulin ng mga nilikha. Hindi ito para kalabanin mo ang mundo, hindi ito para magsabi ka ng magagarbong ideya sa mundo, at tiyak na hindi ito para turuan mo ng leksyon ang mundo. Ang pananampalataya sa Diyos ay hindi tungkol sa pagsalungat sa agos; wala itong kinalaman sa pagsalungat sa agos o paghamak sa mundo. Kaya, huwag kang magkamali ng pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos para sa tao, at huwag mong bigyan ng maling pakahulugan o maling pag-unawa ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos. Ano ang pakay ng Diyos sa pagpili sa mga tao? (Ito ay para sumunod ang mga tao sa Diyos, sumunod sa kalooban ng Diyos, at gawin ang tungkulin ng mga nilikha.) Hinihirang ng Diyos ang mga tao para makamit ang mga ito, para makamit ang tunay na mga nilikha, para makamit ang mga tao na tunay na sumasamba sa Diyos; ito ay para lumitaw ang isang bagong sangkatauhan, isang sangkatauhan na makasasamba sa Diyos. Ang pakay ng Diyos sa pagpili ng mga tao ay hindi para kalabanin ng mga ito ang mundong ito o ang sangkatauhan. Samakatwid, hangga’t maaari ay dapat ilayo iyong mga mahilig maghanap ng gulo mula sa iglesia at sa mga lugar kung saan ginagawa ng mga tao ang tungkulin nila, para maiwasang maapektuhan ang pagganap ng tungkulin ng iba.

Tungkol naman sa mga mahilig maghanap ng gulo, anuman ang uri ng kaguluhan ang hinahanap nila, kung nagdudulot ito ng kaguluhan sa iglesia at nakaaapekto sa pagganap ng tungkulin ng mga kapatid, ang mga lider at manggagawa ay dapat kumilos at lutasin ang isyu. Ganap na hindi ito dapat pabayaan. Dapat kaagad nilang maunawaan at maarok ang sitwasyon, linawin ang ugat ng problema, at pagkatapos ay maglabas ng makatwirang solusyon at pangasiwaan ito. Bakit dapat itong pangasiwaan? Sa isang banda, ang mga kaguluhang ito ay makaaapekto sa gawain ng iglesia, buhay iglesia, o sa pagganap ng tungkulin ng mga kapatid. Sa kabilang banda, nakikita man ng iba ang mga indibidwal na ito na mahilig maghanap ng gulo bilang may talento o bilang mga tamad at tampalasan, basta’t nagdudulot sila ng kaguluhan, dapat kaagad silang pangasiwaan. Kaya paano sila dapat pangasiwaan? Hindi ito tungkol sa pangangasiwa sa kaguluhan, kundi sa pangangasiwa sa mga taong responsable sa pagdudulot nito. Sa pamamagitan ng pag-aalis sa kanila sa iglesia, ang ugat ng kaguluhan ay malulutas, at ang isyu sa gayon ay mapangangasiwaan. Hinding-hindi ka dapat maging maluwag dahil lang sa tingin mo ay may kapabilidad o may talento ang ilang tao na mahilig maghanap ng gulo. Kung kaya mong maging maluwag sa kanila, isa ka talagang tao na napakagulo ang isip at hindi angkop na maging lider sa iglesia, at dapat kang alisin ng mga kapatid mula sa iyong posisyon. Kung hindi mo pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at hindi pinoprotektahan ang mga kapatid, kundi sa halip ay pinoprotektahan mo ang masasamang tao at mga gumagawa ng kaguluhan, iniidolo pa nga sila nang sobra, tinatrato sila bilang mararangal na panauhin at mahuhusay na indibidwal, iniisip na sila ay mga taong may talento na bihira makita sa iglesia, ginagamit sila sa mahahalagang gampanin, at inaayos pa nga ang mga kaguluhan para sa kanila—ganap na hindi ka karapat-dapat para sa papel ng lider ng iglesia. Isa kang tao na naguguluhan at isang huwad na lider, at dapat kang tanggalin at itiwalag. Kung ang isang lider ng iglesia ay tumangging makinig sa payo at iginigiit na protektahan ang isang masamang tao na mahilig maghanap ng gulo o ginagamit ang mga ito sa mahahalagang gampanin, hindi lang dapat alisin ng mga kapatid ang lider kundi isama rin ito sa taong iyon na mahilig maghanap ng gulo at paalisin sila pareho. Hindi ba’t iniidolo mo ang tao na naghahanap ng gulo? Pakiramdam niya ay protektado mo rin siya, at magkasundong-magkasundo kayo—puwes kung ganoon, pasensya na, pero pareho kayong kailangang umalis. Hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman sa inyo! Kung may mga tao sa iglesia na mahilig maghanap ng gulo, at walang alam ang mga nakatataas na lider, habang ang lider ng iglesia ay magulo ang isip at walang pagkilatis, ang mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan ang dapat kumilos para lutasin ang isyu. Una, dapat nilang kaagad na iulat ang usapin sa mga nakatataas na lider. Bukod dito, dapat silang makiisa sa iba pang mga kapatid para magbahaginan at kilatisin ang huwad na lider. Kapag nakumpirma nang ito ay isang huwad na lider, dapat itong tanggalin o alisin, at dapat maghalal ng isang bagong lider—isang taong kayang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang buhay iglesia. Angkop ba ang ganitong pagsasagawa? (Oo.) Magkasamang alisin ang lider ng iglesiang ito at ang taong mahilig maghanap ng gulo. Hindi ba’t sila ay dalawang tao na magkasundong-magkasundo dahil sa kanilang magkaparehong mga ubod ng samang katangian, kinaiinggitan at hinahangaan ang isa’t isa? Kung gayon, pagbigyan ang kahilingan nila at hayaan silang bumalik sa mundo nang magkasama—ayaw ng sambahayan ng Diyos sa mga taong kagaya nila. Kung mananatili sila sa iglesia, maghahanap at lilikha lang sila ng kaguluhan, magdudulot ng malaking pinsala sa gawain ng iglesia. Dapat silang alisin. Saanman nila gustong pumunta at gaano kalaking gulo man ang gusto nilang hanapin ay sarili na nilang problema. Sa anumang kaso, wala itong kaugnayan sa iglesia at hindi madadamay ang iglesia. Hindi ba’t malulutas niyon ang isyu? (Oo.) Medyo mabuti ang solusyong ito. Diyan nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa ikalabindalawang pagpapamalas, hinggil sa mga taong mahilig maghanap ng gulo.

M. Pagkakaroon ng Isang Komplikadong Pinagmulan

Tingnan natin ang susunod na pagpapamalas: ang pagkakaroon ng isang komplikadong pinagmulan. Anu-anong uri ng mga tao ang sa palagay ninyo ay may mga komplikadong pinagmulan? (May ilang tao na sangkot sa parehong kriminal na underworld at mga lehitimong pangkat, at medyo komplikado ang mga panlipunang pinagmulan nila—nabibilang ba sila sa kategoryang ito?) Kapag pinag-uusapan natin ang mga komplikadong pinagmulan, tiyak na tinutukoy natin ang mga taong maalam sa kalakaran ng mundo. Ano ang karaniwang ugali ng mga taong maalam sa kalakaran ng mundo? Ito ay na umuupo sila nang nakadekuwatro, at nagsisimulang magsalita nang walang tigil; paligoy-ligoy sila sa pagsasalita tungkol sa kung ano-ano, at nagagawang sandaling sumatsat tungkol sa mga pambansa at pandaigdigang usapin, pero wala ni isang salitang sinasabi nila ang totoo—ang lahat ng ito ay kayabangan na gawa-gawa o kathang-isip lang. Ang mga hambog ay hindi tiyak na ang may mga komplikadong pinagmulang panlipunan. Ang mga hambog ay maaaring mga tamad lang, at mga karaniwang tao lang—saanman sila magpunta, nagyayabang sila, nagsasalita tungkol sa matatayog at mga hindi makatotohanang bagay para ilihis ang mga tao at pataasin ang tingin ng mga tao sa kanila, at hindi nagtatagal bago masira ang reputasyon nila. Anong mga uri ng mga tao ang may mga komplikadong pinagmulan? Halimbawa, may mga taong sumasali sa isang partidong politikal sa lipunan, pero pagkatapos sumubok ng ilang taon, hindi sila nagkakamit ng anumang katayuan. Pagkatapos, sumasali sila sa ibang partido, at sa wakas ay nakakakuha sila ng posisyon bilang isang mababang lider o opisyal. Mayroon silang mga partikular na komplikadong koneksiyong panlipunan. Walang sinumang tiyak na makapagsasabi kung kaibigan o kaaway nila ang mga taong nakakasalamuha nila—hindi ito alam maging ng sarili nilang pamilya, sila lang ang nakaaalam. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay may mga komplikadong pinagmulan? (Oo.) Ang mga taong ito ay may mga komplikadong pinagmulang politikal. Ngayon ay sinusuportahan nila ang partidong ito, bukas ay susuportahan nila ang isang iyon; ngayon ay sinusuportahan nila ang isang tao para sa halalan, at bukas ay susuportahan nila ang iba pa. Sa madaling salita, walang nakaaalam kung ano talaga ang iniisip nila. Hindi nila sinasabi sa mga karaniwang tao kung sino talaga ang sinusuportahan nila, o kung ano talaga ang paninindigang politikal o mga layong politikal nila; partikular na malihim sila tungkol sa mga bagay na ito, at hindi alam ng mga karaniwang tao—maging ng sarili nilang pamilya—ang mga bagay na ito tungkol sa kanila. Gayumpaman, partikular na maalab ang damdamin nila tungkol sa politika, at may ilan silang kakilala at ang ilang tao sa politikal na larangan ay kilala nila; hindi pa nga lang nila natutupad sa ngayon ang mga ambisyon nila. Pagkatapos pumasok ng ganitong uri ng tao sa iglesia, nakikita nila na ang mga kapatid ay mga ordinaryong tao lang na hindi nakauunawa o hindi nakikisangkot sa politika, at sa puso nila, hinahamak nila iyong mga tunay na nananampalataya sa Diyos. Gayumpaman, gusto nila palaging pakinabangan ang kasikatan ng iglesia sa relihiyosong mundo at sa lipunan, o samantalahin ang impluwensiya ng iglesia para gawin ang gusto nila, para tugunan ang mga labis na pagnanais nila o lubusang maisakatuparan ang mga ambisyong politikal nila—ibig sabihin, gusto nilang magtago sa loob ng iglesia at hintayin ang tamang pagkakataon, para magamit nila ang komunidad ng iglesia o mga partikular na tao, pangyayari, at bagay sa loob ng iglesia para tuparin ang mga pampolitikang layon nila. Maituturing ba ang ganitong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan? (Oo.) Ang mga kaisipan, mga prinsipyo sa pangangasiwa ng mga usapin, iba’t ibang taktika, at ang mga estratehiya at pamamaraan sa pagsasalita na ginagamit niyong mga nakikilahok sa politika ay mga bagay na hindi makilatis ng mga karaniwang tao. Sa partikular, hindi talaga makilatis ang mga ito ng mga kabataan o niyong mga walang karanasang panlipunan. Para sa mga taong ito na may mga komplikadong pinagmulang politikal, mga laruan sa mga kamay nila iyong mga walang kaalaman sa politika, at lubos na mababa ang tingin nila sa gayong mga tao. Para magbigay ng isang hindi tumpak na halimbawa, sa kaharian ng mga hayop, ang mga pinakatusong nilalang ay mga ahas, soro, at tigre. Mula sa perspektiba ng mga ito, ang mga hayop tulad ng mga tupa, kuneho, usa, at aso ay mga hangal. Tinitingnan ng mga taong may mga politikal na pinagmulan ang karamihan sa mga kapatid sa parehong paraan na tinitingnan ng mga tusong hayop tulad ng mga soro at ahas ang mga walang muwang na hayop tulad ng mga tupa, usa, at aso. Nakikita nila nang malinaw ang mga kapatid, pero hindi sila makilatis ng mga kapatid. Kaya paano natin makikilatis ang mga taong may mga komplikadong pinagmulang politikal? Yaong mga nakikilahok sa politika ay nakatuon ang puso sa politika at kapangyarihan. Hangga’t gusto nila ang kapangyarihan at ang pakikilahok sa politika, sa malao’t madali ay makikilahok sila sa politika; hindi sila makakapananatiling nakatago sa iglesia magpakailanman. Kapag inilantad nila ang sarili nila, mauunawaan mo: “Kung gayon, lumalabas na nananampalataya sila sa Diyos para sa mga pampolitikang layon! Mayroon silang politikal na pinagmulan at hindi sila taos-pusong nananampalataya sa Diyos. May iba silang adyenda sa pananampalataya sa Diyos!” Kapag unang pumapasok ang mga taong iyon sa iglesia, mahusay nilang itinatago ang sarili nila, dumadalo sa mga pagtitipon at ginagawa ang tungkulin nila nang normal. Pero kapag hinog na ang pagkakataon, susubukin nilang gamitin ang iglesia para gawin ang gusto nila, at ang mga labis nilang pagnanais at tunay na mukha ay natural na malalantad. Saka pa lang makikita ng mga kapatid na sila ay mga hindi mananampalataya. Kapag nalantad sila, nagiging napakadali nilang makilatis. Halimbawa, kapag ang isang lobo ay nagbabalatkayong tupa at humahalo sa kawan, maaaring hindi mo makilatis kung isa itong lobo o tupa, pero kapag nagsimula na itong kumain ng mga tupa, makikilatis mo na isa itong lobo. Iyong mga taong sangkot sa politika ay pawang mga hindi mananampalataya na pinasok ang iglesia. Kapag sinusubukan ng mga taong ito na ilihis at hikayatin ang mga kapatid na sumali sa isang partidong politikal at lumahok sa politika kasama nila, makikita mo na huwad ang pananampalataya nila sa Diyos, at na ang tunay na layon nila ay makilahok sa politika—gaano man kakomplikado ang pinagmulan nila, lilitaw ito at malalantad. Sa puntong ito, makikilatis sila ng mga tao. Isa itong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan—mga tao na may mga komplikadong pinagmulang politikal.

May isa pang uri ng tao na nabibilang sa kategorya niyong mga may komplikadong pinagmulan. May ilang tao sa lipunan ang hindi marunong lumugar at hindi namumuhay nang disente, kundi sa halip ay mahilig makisalamuha sa mga kahina-hinalang indibidwal. Ang mga indibidwal na ito ay kinabibilangan, halimbawa, niyong mga gumagawa ng pamemeke at panlilinlang o mga kasapi ng kriminal na underworld; iyong mga may katayuan, kasikatan, at katanyagan sa lipunan, na sa panlabas ay mga opisyal ng pamahalaan o mga negosyante, pero palaging palihim na nagsasagawa ng mga ilegal at kriminal na aktibidad, nakikipagsabwatan sa mga partikular na opisyal o miyembro ng kriminal na underworld para magpuslit ng mga baril, droga, o iba pang mga kontrabandong ipinagbabawal ng estado; pati na rin iyong mga nahatulan at nakulong nang maraming beses at nakagawa ng ilang masamang gawa, tulad ng pagnanakaw sa mga libingan, panggagahasa, seksuwal na pang-aabuso, o mga taong sangkot pa nga sa human trafficking o human smuggling. Ang ganitong uri ng mga tao na may mga komplikadong pinagmulan ay nakikisalamuha sa ganitong mga uri ng mga indibidwal at mayroon pa silang partikular na malalapit na ugnayan sa mga ito—tinatawag nila ang isa’t isa na “mga brother,” at ginagamit nila ang isa’t isa at gumagawa ng mga bagay para sa isa’t isa. Sa panlabas, hindi gumagawa ng anumang halatang masasamang gawa ang mga taong ito, at hindi sila nang-uumit, nagnanakaw, pumapatay, o nanununog, pero ang mga grupong inuugnayan nila at ang mga pangkat na ginagalawan nila ay pawang binubuo ng mga hindi disenteng indibidwal na ito. Hindi ba’t labis na nakakatakot din ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Nakikipagsosyo sila sa mga indibidwal na ito para mamuhunan sa negosyo, at kapag may ginagawang ilegal ang kasosyo nila at kinakailangan ang tulong nila, nagbibigay sila ng tulong. Bagaman maaaring hindi sila ang pangunahing maysala, mga kasabwat sila. Masasabi mo na madalas hinahamon ng ganitong uri ng tao ang mga hangganan ng batas. Ano ang ibig sabihin ng “sumasayad sa gilid ng batas”? (Ibig sabihin nito ay madalas silang gumagawa ng mga aktibidad na maaaring lumalabag sa batas.) Isang aspekto iyon. Bukod pa rito, madalas nilang samantalahin ang mga butas sa batas, at ang mga bagay na kinasasangkutan nila ay pawang malalaking usapin. Kung sakaling mahuli sila, kahit bilang isang kasabwat, maaari silang hatulan ng 10 o 20 taon ng pagkakabilanggo, o pagmultahin nang malaki. Hindi ba’t masasabi mo na mapanggulo ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Hindi mo sila kailanman nakitang gumagawa ng mga halatang masamang gawa, at hindi mo sila nakitang pumatay ng mga tao, nagsimula ng mga sunog, o nandaya o nagdiin ng sinuman, pero kapag iyong mga tao na nangungurakot at lumalabag sa batas kapwa sa kriminal na underworld at mga lehitimong pangkat ay gumagawa ng mga ilegal na aktibidad para kumita ng malaking pera, ang ganitong uri ng tao ay kumukuha rin ng bahagi nila sa nakaw na yaman at nakikinabang. Masasabi ba ninyo na ang ganitong uri ng tao ay maibibilang na may komplikadong pinagmulan? (Oo.) Magiging mabuting bagay ba para sa gayong mga tao na manatili sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Nakikisalamuha sila kapwa sa kriminal na underworld at mga lehitimong pangkat, at hindi lang iyon, gumagawa pa sila ng mga ilegal na aktibidad—ito ay isang komplikadong pinagmulan. Kung nakikisalamuha sila sa ilang opisyal ng pamahalaan, at nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sila sa mga ito sa normal na paraan, katanggap-tanggap iyon. Gayumpaman, kung ang mga taong inuugnayan nila ay mga negatibong karakter na sangkot sa iba’t ibang ilegal at kriminal na aktibidad, malaking problema iyon, at sa malao’t madali, may mangyayaring mali. Ang ganitong uri ng tao ay mahilig makisalamuha sa mga taong iyon; nakikisakay rin sila sa tagumpay ng mga iyon, umaasa sa impluwensiya ng mga iyon para kumita ng pera, yumaman, at mamuhay nang matiwasay. Maituturing ba silang mabuting tao, kung ganoon? (Hindi.) Madalas sinasabi ng mga tao, “Nagsasama-sama ang mga ibong magkakatulad ang balahibo”—nagagawa nilang makisalamuha kapwa sa mga miyembro ng kriminal na underworld at mga lehitimong pangkat, sa palagay mo, mga disenteng tao ba sila na marunong lumugar? (Hindi.) Tiyak na hindi. Nakikisalamuha sila sa mga indibidwal na iyon, sa isang banda, dahil marahil ay may silbi sila sa mga taong iyon—kaya nilang pangasiwaan ang ilang gampanin para sa mga taong nakakasalamuha nila. Sa kabilang banda naman, ito ay dahil gusto nila ang mga taong nakakasalamuha nila kapwa mula sa kriminal na underworld at mga lehitimong pangkat—ang mga kasanayan, abilidad, at impluwensiya ng mga taong iyon, at ang mga benepisyo na idinudulot ng mga iyon sa kanila, ay pawang mga bagay na kailangan nila at mga bagay na ikinasisiya nila. Kaya, anong uri nga ba sila ng tao? (Hindi sila disenteng tao.) Ganito lang natin ito mailalarawan. Kauri sila ng mga taong nakakasalamuha nila—ginagamit nilang lahat ang isa’t isa. Sa mundong ito, hindi marami ang mga tao na makagagawa ng mga bagay-bagay para sa iyo o ganap na magiging kapalagayang-loob mo at magiging mga kaibigan mo, pero umiiral talaga sila—hindi na kailangang makisalamuha sa gayong mga uri ng mga tao. Ang ganitong uri ng tao ay nakikisalamuha sa kanila, sa isang banda, dahil magkasundong-magkasundo sila dahil sa kanilang magkakaparehong ubod ng samang katangian at dahil magkakatulad sila. Sa isa pang banda, ito ay dahil gagawin ng taong ito ang lahat para sa kapakanan ng sarili niyang mga interes at sa pananatili niyang buhay sa sekular na mundo, at wala talaga siyang mga prinsipyo pagdating sa pakikisalamuha sa mga tao, ni wala siyang mga prinsipyo sa anumang ginagawa niya. Sinasabi pa nga ng mga walang pananampalataya, “Ang isang maginoo ay mahilig sa kayamanan pero kinakamit ito sa tamang paraan,” at sinusunod ito bilang isang pinakamababang pamantayan. Makapamumuhay man sila ayon sa pinakamababang pamantayan na ito o hindi, ano’t anuman, mabibilang ito bilang isang medyo marangal na pilosopiya para sa pananatiling buhay ng sangkatauhan. Gayumpaman, ang ganitong mga uri ng tao na may mga komplikadong pinagmulan, para sa kapakanan ng sarili nilang mga interes at pagtatamo ng pakinabang, ay walang prinsipyo at walang pinipili pagdating sa pakikisalamuha sa mga tao—basta’t magkakamit sila ng mga pakinabang mula rito, makikisalamuha sila sa sinuman. Higit pa rito, labis nilang ipinagmamalaki ang kakayahan nilang makisalamuha sa gayong mga tao, at iniisip na mahusay ang mga pamamaraang ginagamit mismo nila sa pakikisalamuha sa mga tao. Kaya, paano natin dapat tingnan ang ganitong uri ng tao? Sangkot sila sa parehong kriminal na underworld at mga lehitimong pangkat—ito ay isang komplikadong pinagmulan. Ang ganitong uri ng tao ay labis na nakakatakot! Totoo ba ang ipinakikita niyang mukha? Hindi, palagi siyang nakasuot ng maskara. Hinding-hindi mo siya makikilatis o malalaman ang iniisip niya sa loob. Nagsusuot siya ng maskara kapag nakikisalamuha siya sa iyo, at nagkukubli pa nga kasama ng mga mananampalataya ng Diyos. Tulad lang ito ng isang diyablong nakikihalo sa isang grupo ng mga tao, o isang soro o lobo na sumasalisi sa kawan ng mga tupa. Nagpapadama ba iyon sa iyo ng pagiging ligtas? (Hindi.) Bakit mo iyon nasasabi? Batay ito sa kanyang tuso, malupit, at buktot na kalikasan; patuloy siyang nagpapakana laban sa iyo—para bang palaging may pares ng mga mapanlansi at buktot na mata sa likod mo, binabantayan ang bawat galaw mo—at naghihintay lang siya ng pagkakataon para sirain at lamunin ka. Hindi ba’t nakakatakot iyon? (Oo.) Hindi mo kailanman nararamdamang ligtas ka dahil sa ganitong uri ng tao, dahil ang kalikasan at pinagmulan niya ay palaging nagbibigay sa iyo ng pakiramdam na banta siya sa iyo. Anong uri ng banta? Ito ay na kapag nasa malapit siya, palagi mong nararamdamang maaari siyang magpakana laban sa iyo, paglaruan ka, at maglagay ng mga patibong para sa iyo sa anumang oras at lugar, at na hindi mo kailanman malalaman kung kailan ka niya maaaring gamitin o pinsalain, at humantong sa kamatayan sa mga kamay niya o masira dahil sa kanya. Iyon ang dahilan kung bakit ang gayong mga tao ay hinding-hindi dapat panatilihing malapit. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ganito ang mga bagay-bagay? (Ganito nga.) Halimbawa, ang paglalagay ba ng lobo sa kawan ng mga tupa ay magpoprotekta sa mga tupa o magdudulot ng kapahamakan sa mga ito? (Magdudulot ito ng kapahamakan sa mga ito.) Ayon sa kalikasan ng isang lobo, hindi ito kailanman mananatili sa tabi ng mga tupa at poprotektahan ang kaligtasan ng mga ito, dahil sa isipan nito, pagkain nito ang mga tupa, at kapag nagutom ito kailanman o saanman, kakainin nito ang mga tupa; wala itong awa para sa mga tupa at hindi nito palalampasin ang mga ito. Ang isang lobo ay walang mga pakultad ng isang aso. Kung lumaki ang isang aso kasama ng mga tupa, ituturing nito ang mga tupa bilang isang bagay na dapat protektahan, at kapag dumating ang isang lobo para atakihin o kainin ang mga tupa, kikilos ang aso para lumaban, inaako ang responsabilidad ng pagprotekta sa mga tupa bilang tungkuling dapat nitong gampanan—sadyang may ganitong likas na katangian ang mga aso. Pero iba ang mga lobo; likas na katangian ng mga lobo ang gustuhing kumain ng mga tupa. Kapag ang ganitong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan ay pinasok ang iglesia, katulad ito sa isang lobo na sumasalisi sa isang kawan ng mga tupa—kapag hindi gutom ang lobo, maaaring hindi ito magdulot ng panganib sa mga tupa, pero kapag nagutom na ito, tiyak na magiging pagkain nito ang mga tupa, at walang sinumang makapagbabago sa katunayang ito. Tinutukoy ito ng kalikasan nito. Para lutasin ang problema ng lobo na kumakain ng mga tupa, dapat magmadali kang tukuyin ang lobo. Kapag natukoy mo na kung sino ang lobo na nakadamit-tupa, dapat mong kaagad na alisin ito—huwag kang mag-atubili, at huwag itong pakitaan ng anumang awa. Ang ganitong uri ng mga tao na may mga komplikadong pinagmulan ay dapat tratuhin nang maingat. Kung matuklasan mo na gumagawa sila ng kasamaan at nanggugulo sa iglesia, hinding-hindi mo sila dapat pakitaan ng anumang paggalang. Dapat mong sabihin sa kanila: “Isa kang tao na maalam sa kalakaran ng mundo at hindi ka angkop sa pananampalataya sa Diyos. Pinili mo ang maling lugar sa pagpunta sa sambahayan ng Diyos; hindi tama ang lugar na ito para sa iyo. Dapat mong hangarin ang sarili mong kinabukasan sa lipunan. Ang mga mananampalataya ng Diyos ay nagbabasa lang ng mga salita ng Diyos, nagbabahaginan ng katotohanan, at gumagawa ng tungkulin nila para mapalugod ang Diyos; hindi sila nakikisali sa mga sabwatan at pakana o lumalahok sa politika. Dito, hindi ka makaaangat ng ranggo o yayaman, o makapamumuhay ng isang buhay na superyor kaysa sa iba. Kahit gaano ka pa katagal manatili rito, magiging sayang na oras lang ito.” Sa ganitong paraan, mahihikayat silang umalis, tama? (Oo.) Ang ilang tao na may mga komplikadong koneksiyong panlipunan ay hindi naman talaga masasamang tao, ni hindi sila nakagawa ng malaking kasamaan, pero hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at tunay na nabibilang sila sa kategorya ng mga hindi mananampalataya. Ang pagsubok na tunay na mapanampalataya ang gayong mga tao sa Diyos at mapaghangad ng katotohanan ay parang pagsubok na gawing tupa ang isang lobo—imposible ito. Gaano pa man katagal magsuot ng damit ng tupa ang isang lobo, mananatili itong lobo; hindi ito kailanman magiging isang tupa. Ganoon lang talaga ang mga bagay-bagay. Kaya, ang pananampalataya ng ganitong mga tao sa Diyos ay isang biro lang; maling landas ang tinatahak nila sa pagsampalataya sa Diyos!

May isa pang uri ng tao na may komplikadong pinagmulan. Bagaman nananampalataya sila sa Diyos, may malalapit silang relasyon sa ilan sa mga relihiyosong lider, mga opisyal, o mga taong may katayuan mula sa iba’t ibang denominasyon. Mahilig silang makisalamuha sa mga taong ito at madalas silang dumadalo sa mga aktibidad na panrelihiyon ng iba’t ibang denominasyon; bumubuo sila ng mga koneksiyon at pakikipagkaibigan sa mga taong ito, at ginagamit nila ang isa’t isa at gumagawa ng mga bagay-bagay para sa isa’t isa. Paminsan-minsan, sinasadya man o hindi sinasadya, nagsisiwalat pa nga sila sa mga indibidwal na ito ng partikular na gawain sa pangkalahatang usapin o gawain ng mga tauhan na panloob sa iglesia. Malaking problema ang isyung ito. Kung nakikisalamuha ka lang sa mga tao sa relihiyon o nahihirapang ihiwalay ang sarili mo sa mga relihiyosong lugar na iyon, at mahilig ka ring makibahagi sa iba’t ibang aktibidad ng mga relihiyosong pagdiriwang at mga relihiyosong seremonya, katanggap-tanggap iyon. Gayumpaman, hindi mo dapat isiwalat ang gawain ng iglesia o impormasyon tungkol sa mga kapatid sa ganitong mga tagpo. Halimbawa, hindi mo dapat isiwalat ang mga usapin tulad ng pagtanggap ng isang partikular na tao sa “Kidlat ng Silangan,” kung anong tungkulin ang ginagawa niya sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, saan siya nakatira, at kanino siya madalas na nakikisalamuha—kung isisiwalat mo ang mga bagay na ito, ipinakikita nito na ikaw ay napakaimoral. Kung may isang tao na mag-uulat ng impormasyong ito sa pamahalaan, hindi maipaliliwanag ang mga magiging kahihinatnan nito. Kung napakalapit ng loob mo sa mga tao sa relihiyon, o may mga kaugnay na interes sa kanila o nakipagpalitan ng pabor sa kanila, sa sukdulan, maituturing ito na pagkakaroon mo ng komplikadong pinagmulan. Gayumpaman, kung palihim kang gumagawa ng ibang bagay, tulad ng pagsisiwalat ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, o pagsisiwalat ng mga panloob na usapin ng sambahayan ng Diyos o ang personal na impormasyon ng mga kapatid, ang kalikasan nito ay nagiging isang kalikasan ng pagkakanulo, at ito ay kinokondena. Sa partikular, may ilang kapatid na ayaw malaman ng iba ang sitwasyon nila o maisiwalat ito, dahil naaresto na sila dati o kasalukuyang nasa listahan ng pinaghahanap, pero tinitingnan ng ganitong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan ang impormasyong ito bilang isang bagay na ipagpapalit para sa ilang kapakinabangan o tinitingnan lang ito bilang hindi mahalaga, at isinisiwalat niya ito, na nagdudulot ng problema para sa mga kapatid na iyon. Kung matutuklasan ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga usapin, hinding-hindi talaga nito palalampasin ang taong iyon; dapat kaagad alisin ang gayong mga tao. Sa kontekstong panlipunan kung saan ang mga tao ay inuusig dahil sa pananampalataya sa Diyos, mahirap para sa mga mananampalataya na makuha maging ang pagkakataon para gawin ang isang tungkulin, at talagang pinahahalagahan ito ng bawat tao. Walang sinumang may gusto na magkaroon ng mga potensyal na panganib sa pagganap nila ng tungkulin nila dahil sa iba o dahil sa sarili nilang kamangmangan. Kaya, kung may sinumang magdadala ng mga potensyal na panganib sa pagganap ng mga kapatid sa mga tungkulin nila o sa pansariling seguridad nila, o kung may sinumang maglalagay ng mga hadlang sa landas ng iba sa pananampalataya sa Diyos, hindi sila palalampasin basta-basta ng sambahayan ng Diyos. Kapag natuklasan sila ng sambahayan ng Diyos, kaagad silang paaalisin o patatalsikin nito, hinding-hindi ito magpipigil! Kung ipagtatanggol nila ang sarili nila, lumilikha ng mga katwiran at palusot sa pagsasabing, “Panandaliang pagkadulas lang ito ng dila dahil hindi ako nag-iingat,” hinding-hindi mo dapat paniwalaan ito—walang katuturan ang ganitong mga palusot. Bakit hindi nila sinabi sa mga tao ang tungkol sa sarili nilang mga usapin sa pamilya? Bakit sa halip ay tinatalakay nila ang tungkol sa mga usapin ng mga kapatid? Malinaw na nagkikimkim sila ng masasamang intensyon. Isinisiwalat nila ang gawain ng iglesia at impormasyon tungkol sa mga kapatid; kung magdudulot ito ng problema sa mga kapatid, dapat silang isumpa! Hindi ba’t dapat sumpain ang ganitong mga tao? (Oo.) Sa panahon ng pagpapalaganap ng iglesia ng gawain ng ebanghelyo, hindi maiiwasang may ilang ganitong tao na sasali sa iglesia. Wala silang pag-aalinlangan sa pagtataksil sa iglesia, pagtataksil sa mga kapatid, at maging sa pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nakikisalamuha sila sa iba’t ibang uri ng tao sa pribado, at ang pakay nila sa pakikisalamuha sa mga ito ay hindi dalisay. Kapag nakikipag-ugnayan sa mga taong iyon, napakarami pa nga nilang sinasabi, sinasabi sa mga iyon ang lahat ng nalalaman nilang panloob na impormasyon tungkol sa iglesia, walang inililihim na kahit ano, at sa huli ay nagdudulot ito ng problema sa mga kapatid at sa iglesia. Dapat sisihin dito ang mga taong napakaraming sinasabi. Maaaring sabihin ng ilan sa kanila na hindi nila ito sinasadyang gawin, pero kahit hindi ito sinasadya, hindi niyon ito ginagawang katanggap-tanggap. Kung hindi ito sadya, bakit hindi na lang sarili mo ang pininsala mo? Bakit iba lang ang sinaktan mo? Nagdulot ka ng problema sa iglesia at sa mga kapatid, ito ay isang tinatanggap na katunayan. Kaya, nasa iyo dapat ang sisi. Kung may pinatay kang isang tao at pagkatapos ay sinabi mo, “Hindi ko ito sinasadyang gawin; hindi ko kailanman intensyon na patayin siya—wala akong gayong kaisipan,” idedeklara ka bang inosente ng batas dahil sa pahayag na iyon? (Hindi.) Kahit pa nagsasabi ka ng totoo, magiging walang silbi ito. Ang katunayan ay pumatay ka ng isang tao, at legal na may matibay na ebidensya nito, kaya dapat kang ideklarang nagkasala batay sa mga katunayan. Nagkasala ka ng krimen ng pagpatay, kaya isa kang mamamatay-tao, at walang dami ng pagbibigay-katwiran sa sarili ang makatutulong sa iyo. May ilang tao na madalas magdulot ng kaguluhan sa iglesia sa pamamagitan ng mga pagkilos nila, at minsan malaki ang kaguluhang ito, hindi lang nagreresulta sa pagkakaaresto at pagkakakulong ng mga kapatid, kundi seryoso ring nakaaapekto sa gawain ng iglesia. Tiyak na hindi palalampasin ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao; patatalsikin nito ang bawat isa na mahuhuli nito, at susumpain nito ang mga ito—hinding-hindi talaga magpipigil ang sambahayan ng Diyos! Kung nangyari ang mga bagay na ito sa Kapanahunan ng Kautusan, kinaladkad at binugbog na ang mga taong gumagawa ng masama hanggang kamatayan gamit ang mga pamalo o pinagbabato hanggang kamatayan; ganoon kinailangang pangasiwaan ang gayong mga kaso. Ngayon, dahil hindi ito bahagi ng mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, patatalsikin sila, at magkakasama silang susumpain ng mga kapatid. Wala silang pagkakataon na tumanggap ng mga pagpapala o kaligtasan—dapat silang ipadala sa impiyerno at parusahan!

May isa pang uri ng tao na may komplikadong pinagmulan; pumupunta siya sa iglesia na may mga espesyal na misyong isasakatuparan. May ilang ganitong uri ng tao ang ipinadadala ng mga pamahalaan, habang ang iba naman ay binibigyan ng mga misyon ng mga partikular na grupong relihiyoso o panlipunan. Halimbawa, ang mga misyong ito ay maaaring kapalooban ng pagmamatyag sa mga kapatid, pagmamatyag sa iglesia, o ang pagsisiyasat sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia at ang mga pagsasaayos ng gawain nito mula sa iba’t ibang panahon. Anuman ang misyon nila, sa anumang kaso, mula sa ating perspektiba ang ganitong uri ng tao ay may komplikadong pinagmulan. Ang karamihan ng mga taong ito na may mga komplikadong pinagmulan ay mga hindi mananampalataya; sila iyong mga hindi talaga tumatanggap sa katotohanan. Naiiba sila sa mga may maliit na pananalig, mahinang kakayahan, o maraming kuru-kuro—ang mga taong iyon ay tunay na nananampalataya, samantalang may isang seryosong problema ang mga taong ito na may mga komplikadong pinagmulan. Una, isaalang-alang natin: Anong uri ng pagkatao mayroon ang gayong mga tao? (Mayroon silang masamang pagkatao, buktot sila, at mga miyembro sila ng lupon ni Satanas.) Kaya, anong uri ng mga tao sila? (Mga diyablo sila.) Tama iyan, tumpak ang pagkakasabi mo—mga diyablo sila na pinasok ang iglesia. Mga tao sila na pinasok ang iglesia at namumuhay nang hindi napapansin habang nagkikimkim ng iba’t ibang pakana at pakay. Mga diyablo ang gayong mga tao. Mula sa simula kapag pumapasok ang mga taong ito sa iglesia, hindi sila nagkikimkim ng mabubuting intensyon. Sinuman ang nag-atas sa kanila—ang iba ay maaaring inatasan ng mga pamahalaan o mga partikular na grupo, samantalang ang iba ay maaaring hindi talaga inatasan ng sinuman at gusto lang na pumasok sa iglesia sa sarili nilang pagpapasya—ang gayong mga tao ay pawang mga indibidwal na maalam sa kalakaran ng mundo. Nakikisalamuha sila sa maraming uri ng mga tao, at mayroon silang mga komplikadong relasyon sa ibang tao at koneksiyong panlipunan—mayroon silang mga komplikadong pinagmulan. Ang “mga komplikadong pinagmulan” ay nangangahulugan na ang kanilang mga panlipunang koneksiyon, relasyon sa ibang tao, at mga kapaligirang pinamumuhayan ay partikular na hindi dalisay at malayo sa pagiging simple; hindi sila katulad ng mga ordinaryong tao na nagsisikap lang na kumita ng pera at mamuhay nang maayos. Ang mga papel na ginagampanan ng mga taong ito sa lipunan ay sa mga namumukod-tangi, mga lider, o mga medyo pambihirang indibidwal sa loob ng iba’t ibang pangkat at grupo—sila ang mga uri ng mga tao na tinutukoy ng mga walang pananampalataya na “mahuhusay na indibidwal” o mga “guru.” Nasaan man sila, hindi sila mga tao na marunong lumugar, at hindi sila mga disenteng tao. Naghahanap man sila ng mga pagkakataon para magkamit ng personal na pakinabang, o kapangyarihan, o kontrol sa iba sa loob ng iba’t ibang grupo at pangkat, ito ang pakay nila, at ito ang layon ng kanilang pag-iral. Saanmang iglesia sila naroroon, ang pag-iisip nila ay tulad ng sa isang diyablo, palaging nangangating gumawa ng hakbang, gustong kontrolin ang mga sitwasyon, kontrolin ang mga tao, kontrolin ang pera, gumamit ng impluwensiya, at gumamit ng kapangyarihan. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng ganitong uri ng tao. Kaya, may misyon man ang gayong mga tao, o inatasan man sila ng pamahalaan o ng anumang panlipunang grupo, hindi posibleng makapanatili sila sa nararapat nilang lugar pagkarating nila sa iglesia. Kahit na wala silang misyon, at kahit na ang iglesia o ang mga kapatid ay hindi mga puntirya ng pananamantala nila, hindi sila mga tao na tunay na gustong manampalataya sa Diyos, at tiyak na hindi sila mga tao na naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Ang pakay nila sa pagsali sa iglesia ay hindi talaga dalisay—kahit papaano, isang bagay ang lubhang makatotohanan para sa kanila, ang “pakikisakay sa tagumpay ng iglesia” at paghihintay ng pagkakataon para maisakatuparan ang sarili nilang mga adyenda. Kung mabigo silang makamit ang mga layon nila at mabigo ang mga pagnanais nila, malamang sa iiwan nila ang iglesia anumang oras. Naghahanap sila ng mga pagkakataon sa pamamagitan ng paghihintay sa tamang sandali para kumilos—kung may isang tao na masasamantala nila o isang angkop na sandali na magpapahintulot sa kanilang maisakatuparan ang mga layon, ambisyon, o adhikain nila, hinding-hindi nila hahayaang mapalampas ang tao o sandaling iyon. Kung patuloy silang mabibigo na makahanap ng isang pagkakataon, panghihinaan sila ng loob at madidismaya sila, at gugustuhin nilang iwan ang iglesia. Samakatwid, ang ganitong uri ng tao ay isa ring uri ng mapanganib na indibidwal sa loob ng iglesia, at dapat siyang makilatis at layuan. Ang isa pang mas mahalagang prinsipyo ay na kung hindi ka sigurado tungkol sa kung ano ang pinagmulan ng isang tao, o kung may malabo kang pakiramdam na napakakomplikado ng pinagmulan nila, bilang isang lider o manggagawa, dapat mong malaman kahit papaano na ang taong ito ay hindi maaaring maitalaga sa mahahalagang posisyon, o mapahintulutang magkaroon ng katayuan o kapangyarihan, o mapahintulutang gumanap ng anumang mahalagang gawain sa loob ng iglesia. Kung hindi mo sila makilatis, maaari mo silang obserbahan, pero hinding-hindi ka dapat kumilos nang padalos-dalos o wala sa panahon. Kung bibigyan mo sila ng katayuan o gagawin pa nga silang responsable para sa isang mahalagang bahagi ng gawain bago mo sila nakilatis, nagiging sobrang hangal ka! Habang mas hindi mo sila makilatis, mas hindi mo sila dapat pagkatiwalaan ng mahalagang gawain, mas maingat ka dapat, at mas dapat mo silang matyagan at mahigpit silang bantayan. Sa katunayan, may misyon man sila o wala, ang ganitong uri ng mga tao na may mga komplikadong pinagmulan ay hindi nagtatagal sa iglesia sa huli. Ito ay dahil, sa puso nila, nasusuklam ang mga hindi mananampalatayang ito sa mga usapin ng pananalig. Hindi naniniwala ang mga ateista na umiiral ang Diyos, at hindi sila interesado sa anumang bagay na may kinalaman sa Diyos, sa gawain ng Diyos, o sa pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan. Palagi silang nag-iimbestiga: “May kita bang makukuha sa pananampalataya sa diyos? Maaari ba akong kumita ng malaking pera at yumaman mula rito? Magagamit ko ba rito ang mga pakana at panlilinlang ko gaya ng ginagawa ko sa mundo?” Dahil nakikita nilang hindi isinusulong ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito, kundi sa halip ay palaging nagsasalita tungkol sa pagiging isang matapat na tao, at na ang sinuman na pabasta-basta o walang sigla sa paggawa ng tungkulin niya ay madalas na pinupungusan, nasusuklam sila, at pakiramdam nila ay hindi sila masaya at wala silang kalayaan sa sambahayan ng Diyos, at gusto nila palaging maghanap ng pagkakataon para umalis. Kung ang isang tao ay tunay na isa sa mga tupa ng Diyos, isa sa mga hinirang ng Diyos, hindi siya magsasawang makinig sa mga katotohanan na madalas tinatalakay sa panahon ng pananampalataya sa Diyos kahit talakayin pa ito sa loob ng 20 o 30 taon; kaya niyang makinig sa mga ito sa buong buhay niya at mananatili pa ring sariwa sa kanya ang mga ito. Habang mas nakikinig siya, mas nagiging malinaw ang mga katotohanang ito sa kanya; habang mas nakikinig siya, mas napagyayaman ang puso niya; habang mas nakikinig siya, mas nananabik siya sa katotohanan. Kahit pa makinig siya sa mga salitang ito araw-araw, handa siyang gawin ito. Sa partikular, kapag naririnig niya ang mga patotoong batay sa karanasan na nakatutulong sa kanya, nakararamdam siya ng kaligayahan at kaluguran na para bang nasiyahan siya sa isang malaking piging—mas masaya pa kaysa kung nakapulot siya ng isang piraso ng ginto. Para naman sa mga hindi mananampalatayang ito, sa mga diyablong ito—lalo na ang mga taong ito na may mga komplikadong pinagmulan—habang mas nakaririnig sila ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, mas naiinis sila; habang mas nakikinig sila, mas nababalisa at nasusuklam sila sa loob. Kapag naririnig nila ang mga salitang ito, para sa kanila ay nakababagot, malamlam, at nakapapagod ang mga ito. Kung sasabihin mo sa kanilang umupo at makinig sila ng mga sermon, pakiramdam nila ay pinahihirapan sila. Sinasabi nilang, “Paanong masyado kayong nasisiyahan lahat na marinig ang mga salitang ito, na para bang kumain kayo sa isang malaking piging? Bakit labis akong nasusuklam kapag naririnig ko ang mga ito?” Pagkatapos makinig nang mahabang panahon, hindi na sila mapirmi ng upo. Kung hindi sila magiging isang lider, ayaw nilang gawin ang tungkulin nila o magtiis ng paghihirap, at sa paglipas ng panahon, walang silbi na ang lahat ng ito para sa kanila; nagsisimulang lumitaw ang mga kaisipan ng pagsuko sa kanilang pananalig. Ganito nabubunyag ang mga hindi mananampalataya. Para naman sa mga taong ito na may mga komplikadong pinagmulan, kung sa pagmamasid mo sa kanila ay natuklasan mo na mayroon silang kaduda-dudang pinanggalingan at mga komplikadong pinagmulan, subukan mo ang lahat ng posibleng paraan para maghanap ng pagkakataon para hikayatin silang umalis. Para sa gayong mga tao na hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, mahalagang gumamit ng kaunting karunungan. Maaari mong sabihin sa kanila, “Gusto mong yumaman, at nangangarap kang maging isang opisyal—talagang magiging kawalan sa iyo kung ipagpapatuloy mo ang buong buhay mo na hindi nagiging isang opisyal! Dapat kang maging isang opisyal, yumaman, at hangarin ang mundo—naroroon ang mga kongkretong kapakinabangan. May talino ka para sa pagnenegosyo at angkop ka na maging isang opisyal—kung hahangarin mo ang mundo, tiyak na yayaman ka at magiging isang opisyal.” Kapag narinig nila ito, iisipin nila na nakahanap sila ng isang kasangga at sasabihing, “Tama ka talaga! Nararamdaman kong wala na talagang punto sa pananampalataya sa diyos—talagang nangungusap sa akin ang sinabi mo. May sikolohikal na epekto lang talaga ang pananalig; hindi talaga mahalaga kung mayroon ka nito o wala. Maigsi ang buhay—lumilipas ang ilang dekada sa isang kisapmata lang. Ang palaging pagsasayang ng oras ko rito kasama ang mga taong nananampalataya sa diyos ay wala namang naibigay sa aking anuman, at palagi akong hindi nasisiyahan. Hindi ba’t nagkakasala lang ako sa sarili ko sa paggawa nito? Ang paglabas para kumita ng malaking pera ang talagang mahalaga!” Sasang-ayon sila sa sinabi mo. Kapag sumang-ayon sila, marahil isang araw ay kusa na lang silang aalis dahil mararamdaman nilang walang kabuluhan ang manatili sa iglesia, at dahil, bukod pa rito, may mga bagay na nagiging mali para sa kanila, o nakararanas sila ng ilang kabiguan at dagok, at kaunting pagpupungos. Hindi ba’t mahusay iyon? (Oo. Isa itong matalinong pamamaraan.) Madaling paalisin ang mga diyablo sa iglesia: Kapag natukoy mo na ang pag-iisip nila, kung may isang bagay na gusto nila, hikayatin mo silang hangarin ito. Sa ganitong paraan, mahihikayat mo silang umalis. Sumabay ka sa agos para gabayan silang umalis. Ganito ang pangangasiwa sa ganitong uri ng hindi mananampalataya.

Kung ang gayong mga tao na may mga komplikadong pinagmulan ay matagpuan sa iglesia, dapat silang hikayating umalis o paalisin kaagad; huwag mong subuking hikayatin silang manatili. Bakit hindi? Sa isang banda, wala silang magandang papel na ginagampanan sa iglesia; sa kabilang banda, hinding-hindi sila kabilang sa hinirang na mga tao ng Diyos. Bukod pa rito, kahit manatili pa sila sa iglesia, sa huli, magiging imposible pa rin para sa kanila na tanggapin ang mga salita ng Diyos, ang gawain ng Diyos, o ang pagkastigo at paghatol ng Diyos para makamit ang kaligtasan. Kung mananatili sila sa iglesia, makasasama ito sa gawain ng iglesia, at maaari nilang ilihis at impluwensiyahan ang ilang kapatid na may maliit na tayog. Hindi sila kalugod-lugod para sa mga tao sa sambahayan ng Diyos, at sila rin, ay hindi nalulugod sa mga kapatid sa sambahayan ng Diyos. Sa puso nila, palagi nilang tinitingnan ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga kapatid nang may pagkamapanlaban. Kaya, sabihin ninyo sa Akin, kung may gayong kaaway, gayong kalaban, sa iglesia, mababagabag ba kayo? (Oo.) Samakatwid, pinakamainam na huwag hikayatin ang gayong mga tao na manatili. Kapag natuklasan sila, kaagad silang hikayating umalis, paalisin sila, o patalsikin sila. Paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao kung makatagpo mo sila sa proseso ng pangangaral ng ebanghelyo? (Iwasan lang sila at huwag silang pansinin.) Kapag nakatagpo mo ang ganitong uri ng tao, hindi mo dapat ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Nagsasalita sila sa gayong magarbo at walang batayang paraan at may kadaldalan sila, pero wala talaga silang talento. Hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao na may mga komplikadong pinagmulan; hindi sila kabilang sa mga hinirang ng Diyos. Kahit magbalik-loob pa sila ngayon, sa malao’t madali, kailangan pa rin silang alisin. Samakatwid, kapag nakatagpo niyong mga nangangaral ng ebanghelyo ang gayong mga tao, dapat na lang nilang sukuan ang mga ito. Hindi gusto o tinatanggap ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Ito ang paraan para pangasiwaan ang mga tao na may mga komplikadong pinagmulan, at ito ang prinsipyo. Siyempre, sa pangangasiwa sa isyung ito, hindi kailangang palakihin ang mga bagay-bagay; kailangang malinaw ninyong maunawaan kung ang isang tao ay kabilang sa kategorya ng mga tao na may komplikadong pinagmulan. Kung ang mga pagpapamalas niya ay tumutugma sa ganitong uri ng tao, dapat siyang isama sa hanay ng grupong ito. Pero, kung ang isang tao ay paminsan-minsan lang na nagyayabang o nagsasalita ng walang kabuluhan at dahil sa labis niyang pagmamayabang ay napagkakamalan siyang may isang komplikadong pinagmulan, pero sa katunayan, tunay ang pananampalataya niya sa Diyos at hindi siya kabilang sa kategoryang ito, kinakailangan ng sitwasyong ito ng ibang pagtrato para maiwasang maling maakusahan ang isang mabuting tao.

III. Batay sa Saloobing Mayroon ang Isang Tao Habang Ginagampanan ang Kanyang Tungkulin

Halos tapos na tayong magbahaginan tungkol sa pamantayan ng pagkilatis sa mga tao batay sa pagkatao nila. May isa pang pamantayan—ang pagkilatis sa mga tao batay sa saloobing mayroon sila habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Medyo marami na tayong napag-usapan tungkol sa pamantayang ito sa mga naunang sermon, kaya hindi na kinakailangang magsabi pa ng anuman tungkol dito.

Sige. Diyan nagtatapos ang pagbabahaginan natin ngayon. Paalam!

Hulyo 6, 2024

Sinundan:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (27)

Sumunod:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (29)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger