Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (29)

Ikalabinlimang Aytem: Protektahan ang Iba’t Ibang Mahalagang Tauhan sa Gawain, Pinangangalagaan Sila Mula sa mga Pang-aabala ng Mundong Nasa Labas, at Panatilihin Silang Ligtas Upang Matiyak na Makauusad Nang may Kaayusan ang Iba’t Ibang Mahalagang Aytem ng Gawain

Saan tayo natigil noong nakaraan sa ating pagbabahaginan tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? (Noong nakaraan, pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa huling tatlong pagpapamalas sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa tungkol sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng mga tao batay sa pagkatao nila. Ang tatlong pagpapamalas na ito ay: pagiging duwag at mapaghinala, pagiging mahilig maghanap ng gulo, at pagkakaroon ng isang komplikadong pinagmulan.) Natapos na nating pagbahaginan ang tungkol sa huling tatlong paksa sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa noong nakaraan, kaya ngayon ay pagbabahaginan natin ang tungkol sa ikalabinlimang responsabilidad. Ano ang ikalabinlimang responsabilidad? (“Ikalabinlimang aytem: Protektahan ang iba’t ibang mahalagang tauhan sa gawain, pinangangalagaan sila mula sa mga pang-aabala ng mundong nasa labas, at panatilihin silang ligtas upang matiyak na makauusad nang may kaayusan ang iba’t ibang mahalagang aytem ng gawain.”) “Protektahan ang iba’t ibang mahalagang tauhan sa gawain, pinangangalagaan sila mula sa mga pang-aabala ng mundong nasa labas, at panatilihin silang ligtas.” Ang responsabilidad na ito ay may kinalaman sa isa pang aspekto ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa; ito rin ay isang partikular na aytem ng gawain na kailangang maisagawa nang maayos ng mga lider at manggagawa. Ano ang tinutukoy ng aytem ng gawain na ito? (Tinutukoy nito ang pagpapanatiling ligtas sa hinirang na mga tao ng Diyos.) May kinalaman ito sa mga isyu ng personal na seguridad. Hindi ba’t madalas na nakakaharap ang paksang ito sa gawain ng iglesia? Hindi ba kayo pamilyar sa paksang ito? (Pamilyar kami.) Hindi na bago ang paksang ito sa mga kapatid sa Tsina, dahil sa kalagayang panlipunan sa Tsina, inuusig at inaaresto ang mga mananampalataya, at kinakailangan nila ng mga garantiya sa pagiging ligtas sa paggawa ng tungkulin nila at sa lahat ng aspekto ng buhay. Kaya, ang gawaing ito ay nasasaklawan ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa; hindi ito isang bagay na opsyonal. Ang isang bansa man ay may kalayaang panrelihiyon, ang maayos na pagsasaayos sa pamumuhay ng mga tauhan na gumagawa ng iba’t ibang mahalagang tungkulin ay isang partikular na aytem ng gawain na dapat isagawa ng mga lider at manggagawa. Maaaring magkaiba ang pokus o mga partikular na kinakailangan ng gawaing ito, pero sa esensya ay may kinalaman ang lahat ng ito sa kung kayang gawin ng mga kapatid ang mga tungkulin nila nang ligtas at may seguridad, at kung matitiyak ba ang mga resulta ng mga tungkulin nila. Kaya, huwag balewalain ang gawaing ito o ituring itong walang kinalaman sa iyo dahil nakatira ka sa isang demokratikong bansa. Anuman ang sistema ng pamahalaan sa bansang iyong pinaninirahan o kung inuusig man ang mga mananampalataya roon, ang gawaing ito ay nasasaklawan ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa; ito ay isang gawain na dapat isagawa ng mga lider at manggagawa—walang sinuman ang hindi kasama rito, at hindi ito dapat ituring na “karagdagang” gawain. Kung gayon, pagbahaginan natin ngayon ang tungkol sa iba’t ibang isyung nakapaloob sa paksang ito.

Ang Saklaw ng Mahahalagang Tauhan sa Gawain

Una, tingnan natin kung ano ang ibig sabihin ng “lahat ng uri ng mahahalagang tauhan sa gawain” na binanggit sa ikalabinlimang responsabilidad. Hindi ba’t isa itong paksa na dapat nating pagbahaginan? (Oo.) Kung gayon, ano ang tinutukoy ng “lahat ng uri ng mahahalagang tauhan sa gawain”? Itakda muna natin ang saklaw ng mga target ng gawaing ito. Sino ang makapagsasalita tungkol dito? (Ang lahat ng uri ng mahahalagang tauhan sa gawain ay kinabibilangan ng mga kapatid sa mga pangkat ng mga gumagawa ng video, pangkat ng mga gumagawa ng pelikula, pangkat ng mga tagasuri ng teksto, pangkat ng mga gumagawa ng himno, at iyong gumagawa ng iba pang mahahalagang tungkulin. Bukod pa rito, kinabibilangan ito ng ilang kapatid na gumaganap ng mahahalagang papel sa iba’t ibang mahalagang aytem ng gawain, gayundin ng mga superbisor ng bawat pangkat.) Sino pa ang gustong magdagdag dito? (Kasama rin dito ang mga lider at manggagawa.) Talagang dapat na maprotektahan nang mabuti ang mga lider at manggagawa. Sino pa? (Mayroon ding mahahalagang tauhan na nangangasiwa sa mga pangkalahatang usapin, tulad ng mga tauhan sa pananalapi.) (At ang mga kapatid, dahil sa nananampalataya sila sa Diyos at gumagawa ng mga tungkulin, na pinaghahanap o na may rekord sa pulisya, ay nangangailangan din ng proteksiyon.) Ito ay iba pang kategorya, at ito ay isang espesyal na grupo. Ibuod natin kung gaano karaming kategorya ang mayroon. Ang unang kategorya ay kinabibilangan ng mga lider at manggagawa. Ang pangalawang kategorya ay binubuo ng mga tauhan na kailangang-kailangan sa iba’t ibang aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos, lalo ang mga lider ng pangkat at mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain at mga tauhan na may mahusay na kakayahan, espirituwal na pang-unawa, at abilidad na arukin ang mga prinsipyo at mag-isang pasanin ang mahalagang gawain. May maraming uri ng tauhan na nangangasiwa sa iba’t ibang aytem ng gawain, tulad niyong mga nasa gawaing nakabatay sa teksto, gawain ng paggawa ng himno, gawain ng paggawa ng pelikula, at iba pa, gayundin iyong mga nangangaral ng ebanghelyo, nagpapatotoo, o nagsisilbi bilang mga direktor ng ebanghelyo, at iba pa. Bukod pa rito, kinabibilangan ito ng mga tauhang nangangasiwa sa gawain sa pananalapi, pag-iingat, at mga panlabas na usapin. Ang mga indibidwal na ito ay gumaganap bilang mga tagasuporta sa gawain ng iglesia at kailangang-kailangan sila; kabilang silang lahat sa mga tauhang nangangasiwa sa iba’t ibang aytem ng gawain. Ito ang pangalawang pangunahing kategorya. Ang pangatlong pangunahing kategorya ay kinabibilangan niyong mga nagsasagawa ng mapanganib na gawain ng iglesia. Sa partikular, sa mga bansang may awtoritaryang rehimen kung saan walang kalayaang panrelihiyon, may ilang labis na mapanganib na mga aytem ng gawain, tulad ng pag-iimprenta ng mga aklat, paglilipat ng mga aklat, pag-iingat ng mga ari-arian ng iglesia, gayundin ang pagpapatuloy at pagsasaayos ng tutuluyan para sa mga tauhang gumagawa ng mahahalagang tungkulin. Sino pa ang kabilang? (Mayroon ding ilang tauhan sa pangkalahatang usapin na naghahatid ng impormasyon sa labas; ang mga tungkuling ginagawa nila ay medyo mapanganib din.) Ang mga indibidwal na ito ay itinuturing ding nagsasagawa ng mapanganib na gawain. Gayumpaman, ang mga taong ito ay tiyak na hindi gumagawa ng gawaing ito nang paminsan-minsan; sa halip, dalubhasa sila sa pagsasagawa ng mahahalaga at mapapanganib na gampanin, tulad ng paghahatid ng impormasyon, pamamahagi ng mga pagsasaayos ng gawain, pamamahagi ng lahat ng video, pelikula, o recording ng sermon ng sambahayan ng Diyos, at iba pa. Sa mga awtoritaryang bansa na walang kalayaang panrelihiyon, dapat maging malinaw sa mga lider at manggagawa kung sino-sino sa hinirang na mga tao ng Diyos ang gumagawa ng mahahalagang tungkulin at nagsasakatuparan ng mapanganib na gawain. Sa madaling salita, isang kategorya rin ang mga indibidwal na ito ng mahahalagang tauhan sa gawain, at dapat magbigay ng espesyal na pagsasaalang-alang ang mga lider at manggagawa sa pagiging ligtas ng mga ito; hindi ito maaaring balewalain. Ito ang pangatlong kategorya. Ang pang-apat na kategorya ay isa pang kailangang-kailangang grupo sa gawain ng iglesia. Ang mga indibidwal na ito ay nagtataglay ng mga natatanging kakayahan at kaloob, tulad ng pagiging bihasa sa pangangaral ng ebanghelyo, pagbibigay ng mga sermon, pagdidilig sa iglesia, o pag-aako ng responsabilidad para sa pag-oorganisa ng mga partikular na aytem ng gawain. Ang mga indibidwal na ito ay maaaring mga lider at manggagawa, superbisor para sa iba’t ibang aytem ng gawain, o mga taong nagsasagawa ng mapanganib na gawain. Kung wala ang gayong mga tao, magkakaroon ng puwang sa mahalagang gawain na pinangangasiwaan nila, at walang iba pa na makagaganap sa kanilang papel. Samakatwid, ang mga indibidwal na ito ay dapat protektahan, at ang pagiging ligtas nila ay dapat matiyak. Ito ay isang kategorya ng mga tao. Ang isa pang kategorya, sa mga bansang inuusig ang mga relihiyon, ay iyong mga pinaghahanap o may rekord sa pulisya dahil sa pananalig nila sa Diyos. Anuman ang saklaw ng warrant o ng partikular na gawaing isinasakatuparan nila sa loob ng iglesia, hangga’t pinaghahanap sila dahil sa pananampalataya nila sa Diyos at sa paggawa ng tungkulin nila, dapat humanap ang mga lider at manggagawa ng mga paraan para maprotektahan sila, isinasaayos na mailagay sila sa medyo ligtas na mga lokasyon para gawin ang tungkulin nila. Sa lahat ng bansang umuusig sa relihiyosong pananalig, ang pag-uusig ng Tsina ang pinakamalala. Sa iba’t ibang probinsya at rehiyon sa Tsina, maraming tao ang inaresto o pinaghahanap, at hindi makauwi. Mayroon ilang katulad na bansa sa mundo at sa bawat kontinente na umuusig sa relihiyosong pananalig tulad ng Tsina, at sa mga bansang ito, mayroon ding mga indibidwal na, dahil sa pagtanggap sa Makapangyarihang Diyos, nahaharap sa pag-uusig at hindi makauwi. Para sa mga inuusig at hindi makauwi, dapat isaayos ng mga lider at manggagawa na mailagay ang mga ito sa iglesiang may tungkuling full-time sa lalong madaling panahon. Dapat ilagak ang mga ito ng mga lider at manggagawa sa medyo ligtas na mga kapaligiran ayon sa mga lokal na kondisyon para magawa ng mga ito ang mga tungkulin nila. Isa itong priyoridad na aytem ng gawain na kailangang maisagawa nang maayos. Ang mga indibidwal na ito na inaresto o pinaghahanap ay bumubuo sa ikalimang kategorya ng mga tauhan na nangangailangan ng proteksiyon. May isa pang kategorya ng mga tauhang nangangasiwa sa iba’t ibang aytem ng mahalagang gawain na espesyal. Ang mga indibidwal na ito ay maaaring hindi kasalukuyang mga lider o manggagawa, ni hindi rin sila gumagawa ng mapanganib na gawain, pero dati na silang gumawa ng maraming tungkulin at malawak ang sinaklawan ng gawain nila. Kilala nila ang maraming pamilyang nagpapatuloy sa bahay at alam din nila ang tungkol sa ilang tauhan na gumagawa ng mahahalagang tungkulin. Samakatwid, kung maaaresto ang gayong mga indibidwal, magdudulot din ito ng sakuna sa gawain ng iglesia. Ang mga indibidwal na ito ay dapat tukuyin bilang “mga taong nakaaalam,” at dapat din silang isama sa iba’t ibang mahalagang tauhan sa gawain. Dapat tiyakin ng mga lider at manggagawa ang pagiging ligtas ng mga ito, para sa layunin na maprotektahan ang pagiging ligtas ng lahat ng hinirang na tao ng Diyos at matiyak na normal na makauusad ang gawain ng iglesia. May ilang indibidwal sa partikular na kategoryang ito ang walang ingat; hindi nila alam na dapat maging maingat, at wala silang masyadong karunungan. Madalas silang kumikilos batay sa sigasig, walang pakundangang gumagawa ng mga bagay-bagay sa labas. Dahil hindi pa sila naaresto o napahirapan kailanman, hindi nila alam ang kaakibat na panganib nito at ang mga potensyal na kahihinatnan kung sakaling magkaaberya, lalong hindi nila nauunawaan ang magiging kalubhaan ng mga kahihinatnang iyon. Dahil naniniwala sila na nananampalataya lang sila sa Diyos, hindi gumagawa ng anumang masama, wala silang kinatatakutang anuman. Dahil dito, pagkatapos gumawa sa lokal na lugar nang ilang panahon, maaari silang maging lubos na kilala at mapasailalim sa pagmamatyag ng pamahalaan. Hindi ba’t nagdadala iyon ng panganib? Kapag naaresto sila, kung hindi nila kayang tiisin ang interogasyon sa pamamagitan ng pagpapahirap, maaari silang maging mga Hudas, ipinagkakanulo ang mga kapatid. Magdudulot ito ng malalaking kawalan sa iglesia at madadamay nito ang ibang mga kapatid, inilalagay ang mga ito sa panganib ng pagkakaaresto at pagkakakulong, na seryosong makaaapekto sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Samakatwid, dapat ding ipriyoridad ng iglesia ang proteksiyon ng gayong mga indibidwal. Kung walang ligtas na lokal na lugar para mapagtaguan ng mga ito, dapat ilipat ang mga ito sa ibang medyo mas ligtas na lugar para magampanan ang tungkulin ng mga ito. Ito ay isa pang kategorya ng mga tao. Dahil sa espesyal na kalidad ng sitwasyon nila, kailangang magsaayos ang mga lider at manggagawa ng tirahan para sa kanila, kaya kasama rin sila sa lahat ng uri ng mahalagang tauhan sa gawain. Ilang kategorya ng mga tao mayroon sa kabuuan? (Anim na kategorya. Ang unang kategorya ay mga lider at manggagawa. Ang ikalawa ay binubuo ng mga kailangang-kailangang tauhan na nangangasiwa sa iba’t ibang aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos; mga superbisor, mga lider ng pangkat, at mga direktor ng ebanghelyo; at iyong mga kayang pumasan ng gawain. Ang ikatlong kategorya ay ang mga tauhang gumagawa ng mapanganib na gawain sa iglesia. Ang ikaapat ay iyong may mga natatanging kasanayan at kaloob. Ang ikalimang kategorya ay binubuo ng mga taong may mga rekord sa pulisya, iyong mga tinutugis, at iyong mga pinaghahanap. At ang ikaanim na kategorya ay ang mga taong nakaaalam.) Halos natalakay na natin ang lahat ng mahalagang tauhan na sangkot sa iba’t ibang aytem ng gawain, pero may isang kategorya pa na idaragdag: Kung may sinumang kapatid sa iglesia, dahil sa paglabas para gawin ang tungkulin nila, pagkakaaresto, o pagharap sa iba pang hindi inaasahang pangyayari, ang hindi makapag-alaga sa mga menor de edad na anak niya, dapat isaayos ng mga lider at manggagawa na malagay sa angkop na tirahan ang mga batang ito para may mag-aasikaso sa pangangailangan ng mga ito. Isa rin itong espesyal na aytem ng gawain. Bagaman ang aytem na ito ng gawain ay walang kinalaman sa gawain ng iglesia, at lumilitaw lang ito sa mga espesyal na sitwasyon, dapat akuin ng mga lider at manggagawa ang responsabilidad para sa pagsasaayos ng angkop na tirahan para sa mga menor de edad na batang ito. Kung ang mga ito ay walang angkop na mga kamag-anak, o kung ang mga kamag-anak ng mga ito ay mga walang pananampalataya at ayaw kupkupin ang mga ito, dapat tanggapin ng iglesia ang mga ito. Hindi lang dapat isaayos ng iglesia ang isang angkop na tahanang matutuluyan para sa mga ito kundi dapat ding magtalaga ng mga kapatid para maging responsable sa pangangalaga sa mga ito. Kapag naisaayos na ang angkop na tirahan para sa mga ito, kung nananampalataya ang mga ito sa Diyos, tiyak na ideyal iyon, at kapag nasa hustong gulang na ang mga ito, magagawa ng mga ito ang tungkulin nila sa iglesia. Kung hindi naman nananampalataya ang mga ito sa Diyos, pagtuntong ng mga ito sa hustong gulang at pagsabak sa lipunan, hindi na magkakaroon ang mga ito ng kaugnayan sa iglesia, at ang responsabilidad natin ay matutupad na. Hindi na natin kailangang alalahanin ang mga usapin ng mga ito pagkatapos ng puntong iyon. Angkop ba ito? (Oo.) Bagaman walang kinalaman ang gawaing ito sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, dapat pa rin itong isama sa saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kung may mga anak iyong mga gumagawa ng kanilang tungkulin sa iglesia na nangangailangan ng tirahan, maliban kung hindi alam ng mga lider at manggagawa ang sitwasyon, hindi nila ito maaaring balewalain. Kung alam nila ang tungkol dito, dapat silang magtanong, pangasiwaan ito, at akuin ang responsabilidad na ito na magsaayos ng mga angkop na tirahan para sa mga ito. Dapat tiyakin ng mga lider at manggagawa na ang mga kapatid na gumagawa ng kanilang tungkulin—lalo na iyong mga gumagawa ng mahalagang gawain—ay walang alalahanin pagdating sa usaping ito. Hindi naman mahirap ang maayos na pagsasakatuparan ng aytem ng gawaing ito, hindi ba? (Hindi, hindi ito mahirap.) May hindi bababa sa anim na kategorya ng mahalagang tauhan sa gawain. Ang ikapitong kategorya ay karagdagan, kinakatawan nito ang isang napakanatatanging uri ng sitwasyon. Ang iba’t ibang tauhan na binanggit sa unang anim na kategorya ay maaaring hindi lahat naroroon sa bawat pastoral na lugar o bansa. Gayumpaman, anuman ang bansa, ang pagpoprotekta sa mga lider at manggagawa at sa mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin ay isang napakahalagang aytem ng gawain. Ito ay isang aytem ng gawain na kailangang pagtuunan ng pansin ng lahat ng lider at manggagawa ng iglesia, at ito ay isang responsabilidad na dapat nilang maisakatuparan nang maayos.

Pangangalaga sa Mahahalagang Tauhan sa Gawain mula sa Pang-aabala ng Mundong Nasa Labas

I. Mga Kinakailangang Pangkaligtasan Para sa mga Pamilyang Nagpapatuloy sa Bahay

Ngayong nailinaw na natin kung sino ang mahahalagang tauhan sa gawain, tingnan naman natin ang partikular na gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa—protektahan ang iba’t ibang mahalagang tauhan sa gawain, pinangangalagaan sila mula sa mga pang-aabala ng mundong nasa labas, at panatilihin silang ligtas. Kaya, anong partikular na gawain ang kailangang gawin para epektibong mapangalagaan sila mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas, para masabing naisakatuparan na ng mga lider at manggagawa ang kanilang mga responsabilidad? Pagdating sa pagsasagawa ng partikular na gawain, may ilang lider at manggagawa na naguguluhan, nagkakamot ng ulo nila, at nababalisa at nababahala, hindi sigurado kung paano kikilos. May isang mahalagang prinsipyo sa pagsasaayos ng tirahan para sa mahahalagang tauhan na ito sa gawain: Dapat silang mapangalagaan mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas para matiyak ang pagiging ligtas nila. Pinatira man ang mahahalagang tauhan sa gawain sa mga tahanan ng mga kapatid o sa mga inupahang bahay, ang mahalagang punto ay na dapat matiyak ang pagiging ligtas nila. Ang pagtitiyak sa pagiging ligtas nila ay nangangahulugang napangangalagaan sila mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas. Kaya, ano ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa para mapangalagaan sila mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas? Kinakailangan nito ang pagsasaayos sa mga tirahan para sa mga gumaganap ng mahahalagang tungkulin sa angkop na mga lokasyon. Tingnan natin ito mula sa dalawang aspekto: Una ay ang panloob na kapaligiran ng pamilyang nagpapatuloy sa bahay, at ang isa pa ay ang panlabas na kapaligiran. Pagdating sa panloob na kapaligiran, una, ang nagpapatuloy sa bahay ay dapat na isang tunay na mananampalataya, handang magpatuloy sa bahay, kayang panatilihing pribado ang mga bagay-bagay, maingat kumilos, at marunong makitungo sa mundong nasa labas. Kung may nangyayaring anumang espesyal na sitwasyon, dapat alam nila kung paano tugunan ito; dapat magawa nilang pangasiwaan at harapin ito nang maagap sa halip na pasibo. Dagdag pa rito, dapat mayroon silang disenteng reputasyon sa lugar nila, o marahil ng kaunting katanyagan at mga koneksiyon sa lugar nila. Kahit na wala siyang impluwensiya, kahit papaano ay dapat maging mga tao sila na nananatili sa nararapat nilang lugar at namumuhay nang disente at hindi kailanman naghahanap ng gulo o nagtatawag ng pansin ng mga kahina-hinalang indibidwal sa tahanan nila. Wala sila dapat mga kaibigang nagtitipon para maglaro ng mahjong o mag-inuman. Bukod pa rito, ang mga relasyon nila sa mundong nasa labas at sa mga kapitbahay nila ay dapat na medyo normal. Hindi sila dapat nasangkot sa anumang alitan ukol sa mga utang at nagkaroon ng pakikipaghidwaan sa mga kapitbahay nila. Sa madaling salita, dapat na medyo tahimik ang kapaligiran nila sa bahay, dapat ay hindi komplikado ang mga relasyon ng nagpapatuloy sa bahay, at napakakaunti lang ang mga tagalabas na pumupunta sa bahay nila para magdulot ng mga kaguluhan, at iba pa—dapat angkop ang lahat ng aspekto. Higit pa rito, ang mga anak o kamag-anak ng nagpapatuloy sa bahay ay dapat sumusuporta sa pananampalataya niya sa Diyos, o kahit papaano ay hindi sumasalungat sa pagpapatuloy niya sa mga kapatid, at tiyak na hindi walang pakundangan na nagsasalita ng tungkol sa mga bagay na ito kung saan-saan. Maaaring sinasabi ng ilan, “Hindi madaling makahanap ng pamilyang nagpapatuloy sa bahay na tumutugon sa lahat ng pamantayang ito!” Tumutukoy ito sa paghahanap ng isang medyo angkop na lugar; hindi kinakailangang ganap na perpekto ito. Kahit papaano, dapat angkop ang kapaligirang pinaninirahan—tahimik at walang pang-aabala mula sa labas—na tumutupad sa kinakailangan ng pangangalaga sa mahahalagang tauhan sa gawain mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas. Sa ilang pamilyang nagpapatuloy sa bahay, kahit na hindi lahat ng miyembro ng pamilya ay mananampalataya, ang taong nagpapatuloy ay may prestihiyo sa pamamahay at siyang gumagawa ng mga desisyon. Ang mga walang pananampalatayang anak o kamag-anak niya ay hindi nangangahas na mangialam sa pananampalataya niya sa Diyos o sa pagpapatuloy niya sa mga kapatid; kahit pa hindi sila sumasang-ayon sa loob nila, hindi sila mangangahas na ibahagi ang impormasyong ito sa labas ng pamilya. Kung may mangyari talagang isang bagay, maaari pa nga silang tumulong na magbigay ng proteksiyon. Sa ganitong paraan, ang mga kapatid na nanunuluyan sa tahanang matutuluyan na ito ay mananatili ring hindi naaapektuhan ng pang-aabala ng mundong nasa labas. Sa ilang kaso, ang nagpapatuloy ay mahina ang loob, natatakot na baka ilantad ng kanyang mga anak ang pananampalataya niya sa Diyos, na matuklasan ng mga kapitbahay niya ang tungkol sa kanyang pananampalataya at isumbong siya, at lalo na baka magkaaberya ang mga bagay-bagay at maaresto siya. Kapag nagsimula na siyang magpatuloy ng mga kapatid sa bahay, palagi siyang kinakabahan, hindi makakain sa maghapon o makatulog sa gabi, ginugugol ang buong araw nang nababalisa at natatakot, na parang isang magnanakaw. Sa tuwing maririnig niyang may nangyayari, tulad ng pagpaplano ng pamahalaan na magsiyasat ng rehistro ng mga sambahayan o pagpunta ng mga tauhan ng pamahalaan sa bahay niya para gumawa ng isang bagay sa ilalim ng iba’t ibang kadahilanan, lubos siyang natatakot at palaging gustong paalisin kaagad ang mga kapatid para hindi siya madamay. Kapag nakita ito ng mga kapatid, dapat silang lumipat kaagad, dahil ang gayong lugar ay hindi angkop para sa pagpapatuloy; magagamit lang ito bilang isang pansamantalang tuluyan sa loob ng ilang araw. Kung ang mga anak, kamag-anak, o kaibigan ng nagpapatuloy ay masasamang tao na, kapag nalaman na tumatanggap siya ng mga mananampalataya, ay maaaring dumating para manggulo o magsuplong pa nga ng mga kapatid sa pulisya, napakamapanganib nito. Ang gayong pamilyang nagpapatuloy sa bahay ay hindi angkop na makasamang manuluyan. May ilang magulang na umaastang tila mga alipin ng mga anak nila; maaaring sabihin nila, “Ayos lang, sumusunod sa akin ang mga anak ko,” pero ang totoo, ang pagsunod ng mga anak nila ay nakadepende sa sitwasyon. Kapag nasasangkot ang mga pansariling interes ng mga ito, hindi sumusunod ang mga anak nila sa kanila. Ang gayong tao ay hindi maglalakas-loob na ipaalam sa mga anak niya na nagpapatuloy siya sa bahay niya ng mga kapatid. Kung natuklasan ito ng kanyang mga anak o kamag-anak, tiyak na paaalisin ng mga ito ang mga kapatid, at walang magagawa ang nagpapatuloy para pigilan ang mga ito—wala siyang huling desisyon sa sarili niyang pamamahay. Ang gayong tao ay hindi angkop para magpatuloy sa bahay niya; maaaring may pagnanais siyang magpatuloy sa bahay niya pero wala siyang tapang na gawin ito. Maglalakas-loob ba talaga ang isang duwag na magpatuloy sa bahay niya? Kung hindi mo matitiyak ang pagiging ligtas ng mga kapatid, hindi ka angkop para sa tungkuling ito—hindi ka dapat magboluntaryo para dito at huwag kang magbigay ng mga hungkag na pangako sa mga lider at manggagawa, ni hindi mo dapat tanggapin ang tungkuling ito. Kung isasaayos ng mga lider at manggagawa ang tirahan ng mga kapatid sa ganitong uri ng pamamahay para sa pagpapatuloy sa bahay, sa palagay ba ninyo ay angkop ito? (Hindi.) Sobrang hindi ito angkop. Huwag ipadala ang mga kapatid sa malaking panganib. Maaaring lubhang ligtas na naninirahan ang mga kapatid sa ibang lugar; kung isasaayos mong patirahin sila sa tahanan ng taong ito, kung saan ang mga anak o kamag-anak ay mga walang pananampalataya at maaaring iulat sila at dalhin sa pulisya ng mga ito sa sandaling malaman ng mga ito na may mga mananampalatayang nananatili roon, sa gayon ay nailalagay sa panganib ang buhay nila, hindi ba’t mapapahamak ang nagpapatuloy na iyon? Kung handang ipagsapalaran ng nagpapatuloy ang buhay niya para protektahan ang mga kapatid sa gayong mga sitwasyon at kayang epektibong matiyak ang pagiging ligtas ng mga ito, at kung karaniwan siyang nagpapakita ng mahusay na karunungan, ang pamilyang ito na nagpapatuloy sa bahay ay maaari pa ring maging isang angkop na pagpipilian. Gayumpaman, kung hindi niya kayang ipagsapalaran ang buhay niya para protektahan ang mga kapatid, at kung wala siyang solusyon at umaatras lang na parang pagong na ikinukubli ang ulo nito sa loob ng talukab nito, kapag nagbabanta ang mga walang pananampalataya sa pamilya niya na iuulat ang mga kapatid at dadalhin ang mga ito sa pulisya, hindi pinoprotektahan ang mga kapatid at pinahihintulutan lang ang mga walang pananampalataya na isuplong ang mga ito, kung gayon ay hindi angkop ang sambahayang ito para sa pagpapatuloy sa bahay. Kung pansamantalang manunuluyan doon ang mga kapatid nang ilang araw, at pagkatapos ay lilipat kaagad sa isang angkop na lugar sa sandaling may mahanap na lugar, medyo mapagtitiisan lang iyon. Hindi magiging angkop na manuluyan nang pangmatagalan sa gayong tahanan para gawin ang tungkulin nila. Kahit papaano ay dapat na magawang protektahan ng host ang pagiging ligtas ng mga kapatid—ito ay isa sa mga kinakailangan para sa isang host. Para sa mga gumagawa ng tungkulin nila para maiwasan ang pang-aabala mula sa mundong nasa labas, una, dapat na angkop ang kapaligirang pinaninirahan nila; dagdag pa rito, dapat na angkop ang mga katangian ng magpapatuloy sa bahay sa lahat ng aspekto—ibig sabihin, dapat ay kaya niyang pangalagaan ang mahahalagang tauhan sa gawain mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas. Kung magagawa niyang makamit ito, saka lang makapagsasaayos ang mga lider at manggagawa na mapatira ang mahahalagang tauhan sa gawain sa tahanan niya. Kung ang magpapatuloy sa bahay ay may kakaunting pananalig, walang kakayahan, at mahina ang loob, hindi makapagpasya sa sarili niyang pamamahay, at ang sinumang anak o kamag-anak niyang walang pananampalataya ay makapapasok at makapangangasiwa sa kanya, lubos itong lumilikha ng gulo. Ang gayong lugar ay ganap na hindi angkop para sa pagpapatuloy. Kahit malaki pa ang bahay, na may maraming kuwarto, komportableng kapaligiran, at sa pangkalahatan ay may maaayos na kondisyon, hindi pa rin ito angkop para sa pagpapatuloy sa bahay. Hindi sapat ang isang angkop na kapaligirang pinaninirahan lang; dapat ding maging angkop ang nagpapatuloy sa bahay. Ang mahalagang punto rito ay na dapat munang matiyak ng nagpapatuloy sa bahay na ang mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin nila na pinapatuloy niya sa bahay ay napapangalagaan mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas. Saka pa lang dapat isaalang-alang ang kapaligirang pinaninirahan. Katanggap-tanggap pa rin ang isang medyo hindi ideyal na kapaligiran—ito man ay mas maliit ang espasyo, limitado ang internet, mas simpleng pagkain, o hindi ganoon kadaling makakuha ng tubig. Basta’t ang nagpapatuloy sa bahay ay angkop, may kakayahang tugunan ang panganib kapag lumilitaw ito, pamahalaan ang iba’t ibang komplikadong sitwasyon, at lalo na ang maayos na pangasiwaan ang anumang espesyal na sitwasyon na maaaring maganap para protektahan ang pagiging ligtas ng mga kapatid, maituturing na pasok siya sa pamantayan bilang isang nagpapatuloy sa bahay. Ang mga kinakailangan natin para sa kapaligirang pinaninirahan ng isang pamilyang nagpapatuloy sa bahay ay hindi mataas; ang pinakamahalagang bagay ay na kaya nitong matiyak ang pagiging ligtas. Hindi na kailangang idetalye pa ang puntong ito.

II. Mga Kinakailangan Para sa Kapaligiran sa Lugar ng Paninirahan

Para sa panlabas na kapaligirang nakapaligid sa tirahan ng pamilyang nagpapatira sa bahay, ang unang bagay na dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ay kung ligtas ba ito. Anuman ang kondisyon ng pamilyang nagpapatira sa bahay o kung ang tirahan ba ay bahay ng kapatid o inuupahang bahay, kailangang isaalang-alang kung ang panlabas na kapaligiran ng tirahan ay ligtas; ito ang pinakamahalagang punto. Una sa lahat, angkop lang ito kung ang pananampalataya sa Diyos ng pamilyang nagpapatira sa bahay ay walang masyadong nakakaalam at walang rekord tungkol sa pananampalataya nila sa Kawanihan ng Pampublikong Seguridad. Kung, noon, kapag nagtitipon ang mga kapatid doon, inuulat ito ng mga kapitbahay sa pamahalaan, at alam na ng pamahalaan na ang pamilyang ito ay madalas na may mga pagtitipon kasama ang mga estranghero, ang lokasyong ito ay hindi angkop para sa pagpapatira. Kung umuupa, hindi rin angkop na upahan ang bahay ng gayong pamilya. Ito ay isang aspekto. Bukod pa rito, sa ilang lugar, hindi maganda ang pampublikong seguridad, may madadalas na insidente ng nakawan, patayan, at iba’t iba pang kaso. Ang mga residente ay medyo mga komplikadong indibidwal din, at madalas na pumupunta roon ang pulisya para siyasatin ang mga rehistro ng pamamahay at mga ID card, at imbestigahan ang mga suspek sa krimen, bukod sa iba pang mga bagay. Sabihin ninyo sa Akin, kung manunuluyan kayo sa gayong lugar, hindi ba’t madalas kayong magdurusa sa pang-aabala? (Oo.) Ang gayong mga lugar ay hindi rin angkop para tirhan. Kumakatok ang mga pulis kada ilang araw, sinasabing may nangyaring nakawan o patayan sa malapit at humihiling ng pakikipagtulungan sa imbestigasyon, sinasabi sa mga tao na kaagad na mag-ulat kung makikita nila ang salarin. Palaging kumakatok ang mga pulis sa mga pintuan, nagkukunwari gamit ang iba’t ibang uri ng palusot, sinasabing nag-iimbestiga sila ng mga kaso, pero ang totoo, sinisiyasat nila ang mga tagalabas at estranghero—ang mas tumpak, hinahanap nila ang mga taong nananampalataya sa Diyos. Makararamdam ka ba ng anumang kapanatagan sa panunuluyan sa gayong tahanang matutuluyan? (Hindi.) Walang duda, mababalisa ka buong araw. Kahit pa ang mga krimen sa labas ay walang kinalaman sa pamilyang nagpapatira sa bahay, hindi ka pa rin mapapanatag. Ang pamumuhay sa gayong kapaligiran ay madalas na nagpaparamdam sa iyo na nanganganib ang iyong personal na seguridad. Sino ang nakaaalam kung balang araw, ang pulisya, pagkakita sa mga kapatid, ay magsimulang kuwestiyunin ang mga kapatid na estranghero sa mga pulis, at mauwi sa pagkaaresto ng mga kapatid. Hindi ba’t masasabi mong isang nakatatakot na sitwasyon ito? (Oo.) Bukod pa rito, karamihan sa mga Tsino ay walang kamalayan sa seguridad; sa sandaling narinig nilang may kumakatok, binubuksan nila ang pinto, at kadalasan ding hindi nila kinakandado ang mga pinto nila, na madaling humahantong sa mga insidente. Sa mga bansa sa Kanluran na may kalayaan at demokrasya, ang mga pribadong tirahan ay itinuturing na mga pribadong lugar. Kung pumasok ang isang tagalabas sa pribadong lugar nang walang pahintulot, itinuturing itong ilegal, at ang mga taong nakatira doon ay tatawag sa pulisya. Pagkatapos ay pananagutin sa batas ang nanghihimasok. Kaya, kung kumatok ang isang estranghero, hindi mo kailangang buksan ang pinto—maaari kang tumanggi. Kahit pa may nakatakdang bumisita sa iyo, kung hindi ka handa o nagbago ang isip mo, hindi mo pa rin kailangang buksan ang pinto; maaari kang magtakda ng panibagong iskedyul sa kanila. Ang mga tao sa mga bansa sa Kanluran ay may ganitong karapatan, mayroon silang ganitong kamalayan sa batas. Gayumpaman, walang ganitong kamalayan sa batas ang mga Tsino. Kapag may naririnig silang katok sa pinto, nagmamadali silang buksan ito. Nagpapakita ito ng kawalan ng pag-iingat, kawalan ng kamalayan sa pagprotekta sa sarili, at hindi pagiging pamilyar sa mga kaugnay na batas. Ito ay dahil ang Tsina ay isang diktadura, na may iisang partidong namumuno na nangingibabaw sa batas, ang sistema ng batas nito ay isang pakitang-tao lang. Ang malaking pulang dragon ay kumikilos nang may ganap na pagwawalang-bahala sa batas at kaayusan sa Tsina, walang pakundangang gumagawa ng masasamang gawa, at ang mga tao ay walang anumang karapatang pantao. Hindi binibigyang-pansin ng mga Tsino ang mga karapatang pantao, ni hindi nila natutunan ang pagpapahalaga sa pagsunod sa mga regulasyong pandisiplina at pagsunod sa batas; sa partikular, wala silang kamalayan sa pagprotekta sa sarili, at hindi alam ng karamihan ng tao kung paano gamitin ang batas para protektahan ang sarili nila. Dahil dito, walang garantiya ng pagiging ligtas. Sa pagbubuod, sa anumang lugar na may mahinang pampublikong seguridad, mga residente na may mga komplikadong pinagmulan at pagkakakilanlan, madalas na mga inspeksiyon, o madalas na mga insidente ng iba’t ibang kriminal na kaso, madali para sa mga tao na maapektuhan ng pang-aabala ng mundong nasa labas. Ang gayong lugar ay hindi angkop para panuluyan. Ito ay isang salik sa pampublikong seguridad na dapat isaalang-alang kapag nagsasaayos ng panunuluyan para sa mahahalagang tauhan sa gawain.

Ang kapaligirang pinaninirahan para sa mga gumagawa ng tungkulin nila ay dapat na piliing mabuti; pinakamainam na iwasan ang matataong lugar sa lungsod at mapapanganib na lokasyon. Aling mga lugar ang tinutukoy natin bilang matataong lugar sa lungsod? Kabilang dito ang mga lugar tulad ng malalapit sa mga riles ng tren, haywey, interseksiyon, at palengke. Lalo na sa mga pangunahing linya ng riles ng tren, kung saan dumaraan ang hindi-mabilang na tren araw-araw, at ang mga sahig ng mga kalapit na bahay ay yumayanig sa bawat pagdaan ng tren. Sa gayong kapaligiran, ganap na imposibleng makahanap ng kapayapaan habang ginagawa ang tungkulin ng isang tao. Bukod pa rito, ang ilang taong gumugol ng ilang taon sa paggawa ng tungkulin nila nang malayo sa tahanan nila ay namumuhay nang may patuloy na pagkabalisa, at ang puso nila ay wala sa pinakamainam na kondisyon, kaya’t lalong hindi angkop para sa kanila na manirahan sa gayong mga lugar. Kung ang partikular na gawain ay nangangailangan ng tahimik na kapaligiran, tulad ng gawaing pagre-rekord o gawaing nakabatay sa teksto, kahit papaano ay dapat na walang ingay na makaaabala, at dapat ding matiyak ang pagiging ligtas—magiging ideyal ito. Kung walang ganap na ligtas na lugar, dapat mahanap ang isang medyo ligtas na lugar. Sa ganitong kaso, katanggap-tanggap ang kaunting ingay, at hindi natin dapat masyadong itaas ang mga kinakailangan; basta’t ligtas ang kapaligirang pinaninirahan, sapat na ito. Bukod pa rito, kung ang bahay ay matatagpuan sa lugar na matindi ang trapiko, tulad ng malapit sa mga ilaw trapiko o isang interseksiyon, magkakaroon ng di-mabilang na tao at mga sasakyang dumaraan araw-araw. Ang gayong bahay ay lantad sa paningin ng maraming dumaraan, at sa isang kaswal na sulyap, madaling makikita ng mga taong dumaraan iyong mga nasa loob ng bahay. Lalo na kapag nakabukas ang mga ilaw sa gabi, malinaw na makikita ang sitwasyon sa loob ng bahay. Masasabi mo ba na ang gayong bahay ay katanggap-tanggap pa ring panuluyan? Angkop ba ang ganitong kapaligiran? (Hindi, hindi ito angkop.) Tunay ngang hindi ito angkop. Ang mga taong nanunuluyan sa gayong lugar ay madalas na nagdurusa sa pang-aabala, madalas na nakikitang nagmamasid sa kanila ang mga estranghero. Kapag nagtatagpo ang mga mata nila sa mga mata ng isang estranghero, nagugulat sila, nakararamdam ng pagkabalisa araw-araw, palaging nararamdamang minamatyagan sila—sinong nakaaalam kung may sinumang nasa likod nito, na nagdidirekta at nagkokontrol sa mga bagay-bagay. Sa palagay ba mo ay makadarama ng kapanatagan ang isang taong naninirahan sa gayong kapaligiran? Gayundin, may ilang bahay na may mababang kalidad at mahinang soundproofing, kaya kapag nagsasalita nang malakas o nagpapatugtog ng mga himno sa loob, naririnig ng mga tao sa labas ang lahat. Bukod pa rito, may ilang bahay na nasa pinakamataas na bahagi ng komunidad, sa ganoong kaso, hindi lang ito mas madaling tamaan ng kidlat kundi pinahihintulutan din nito ang mga nakapalibot na kapitbahay na makita ang mga kapatid sa tuwing lumalabas ang mga ito. Mahirap para sa kanila kahit ang magbukas ng bintana paminsan-minsan para magpahangin o magpalamig; dapat na palaging mahigpit na nakasara ang mga bintana nang nakatakip ang mga kurtina, kaya walang liwanag ang makapapasok, at mas lalong mahirap ang lumabas para maglakad-lakad. Palaging nag-aalala na mapagmamasdan at mapapansin ng mga tao sa labas. Bagaman hindi sabay-sabay na pumapasok at lumalabas ang mga kapatid, sa tuwing may pumapasok o lumalabas, malinaw na nakikita ito ng mga tao sa labas. Sa huli, magkakaroon sila ng pangkalahatang ideya kung ilang mga estranghero ang naninirahan sa bahay na iyon. Masasabi ba ninyo na matitiyak pa rin ang pagiging ligtas ng mga taong nanunuluyan dito? (Hindi, hindi matitiyak.) Iniisip ng ilang tao, “Kadalasan ay ginagawa namin ang tungkulin namin sa loob ng bahay, at kahit kapag lumabas kami, nagsasalitan kami at hindi sabay-sabay na lumalabas. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, hindi malalaman ng mga nakapaligid na kapitbahay ang anumang bagay.” Pero kahit na makipagsalitan ka sa paglabas, magdudulot pa rin ito ng problema kung may makapansin na ikaw ay isang estranghero. Maraming mga walang pananampalataya ang hindi namumuhay nang maganda, pero partikular na nasisiyahan sa pagmamasid at pag-uusisa sa buhay ng ibang tao. May ilan pa nga na maaaring gumamit ng teleskopyo para mang-espiya sa iyo, pinapanood kung ano ang ginagawa mo sa loob. Kung matuklasan nilang may nagtitipon na mga mananampalataya, nagmamadali silang iulat ito sa pamahalaan kapalit ng gantimpala. Kapag itinuon ng gayong tao ang pansin niya sa iyo, hindi ba’t mapanganib na sitwasyon ito? (Oo.) Kapag itinuon na niya ang pansin niya sa iyo, may anumang mabuting maidudulot ba ito? Tiyak na mauuwi ito sa iyong pagkaaresto! Sa anumang bansa o rehiyon, palaging maraming usisero. Kahit na wala silang kinikitang pera sa pagmamanman sa iyo, handang-handa silang gawin ito—magbabayad pa nga sila ng sarili nilang pera at iaantala ang sarili nilang gawain para gumugol ng oras sa pagbabantay. At kung may gantimpala para sa pag-uulat sa iyo, mas masasabik silang gawin ito. Lalo na sa isang diktadura tulad ng Tsina, masyadong maraming tao ang nagmamasid sa mga nananampalataya sa Diyos. Dahil tutol sila sa katotohanan at nakararamdam ng pagtutol sa mga nananampalataya sa Diyos, sa sandaling matuklasan nilang ang mga mananampalataya ay nakikisalamuha sa isa’t isa o nagtitipon, iniuulat nila ito. Kung may gantimpala sa pag-uulat, nakahahanap sila ng walang sawang kasiyahan sa paggawa nito. Hindi ba’t madali itong makapagdudulot ng problema sa iglesia? (Oo.) Kung naaabala ka sa ganitong paraan, hindi ba’t dahil ito sa hindi isinaayos ng mga lider at manggagawa ang mga tirahan nang maayos? Kung ang lokasyon at kapaligiran para sa pagpapatira sa mahahalagang tauhan sa gawain ay hindi angkop dahil hindi lubusang isinaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang mga bagay-bagay, ito ang mga kahihinatnan. Kung ang lugar kung saan nakatira ang isang tao ay masyadong nakatatawag-pansin, maaaring madaling mauwi ito sa pagkakaroon ng problema. Kapag nagkaproblema na at saka mo lang napagtanto na ang lugar na ito ay hindi angkop para panuluyan, huli na ang lahat. Kaya’t ang pagpili sa angkop na lokasyong paninirahan ng mga gumagawa ng tungkulin nila ay isa ring mahalagang gampanin, at ang hindi mahusay na pagpili ay maaaring madaling humantong sa panganib.

III. Paano Dapat Gawin ng mga Lider at Manggagawa ang Gawain ng Pagsasaayos sa Tirahan Para sa mga Tauhan

Para sa kapaligirang pinaninirahan ng mahahalagang tauhan ng gawain, may kinalaman man ito sa panloob o panlabas na kapaligiran, kailangang isaalang-alang nang lubusan ng mga lider at manggagawa ang lahat ng aspekto. Hindi sila dapat maging masyadong simple sa pag-iisip nila, palaging ipinagpapalagay na kung hindi tayo makikisalamuha sa mundong nasa labas, walang mangyayari. Ang lipunan ngayon ay sobrang komplikado, puno ng iba’t ibang uri ng mga demonyo, at saanmang lugar, palaging may mga usiserong nagmamasid sa iyo, ginagawang imposible na maiwasan ang pagsisiyasat nila. Maaaring isipin mo na, “Wala naman akong nilabag na anumang batas o ginawang anumang mali sa pananampalataya ko sa Diyos. Ginagawa ko lang ang tungkulin ko; wala namang mangyayaring masama sa akin, tama?” Pero ang mga katunayan ay hindi kasingsimple ng tulad ng inaakala mo. Bakit naggugugol ang CCP ng napakaraming lakas-tao at mapagkukunan para labanan ang Diyos at sugpuin ang iglesia ng Diyos? Mabibigyang-katuturan mo ba ito? Hindi mo ito kailanman mabibigyang-katuturan. Gaano ang makikilatis mo sa kalikasan ng mga diyablo at Satanas? Napakaliit ng nauunawaan mo tungkol sa mga diyablo at Satanas. Napakakomplikado ng lipunang ito, at ang mga diyablo at Satanas ay mga kahabag-habag na gumagawa ng masasamang gawa. Ang pinakagusto nila ay ang arestuhin ang hinirang na mga tao ng Diyos at guluhin ang gawain ng iglesia. Kung palagi mong tinitingnan ang mga Satanas bilang mga karaniwang tao lang, tunay kang mangmang; ipinakikita nito na hindi mo pa nakikilatis ang kasamaan ng lipunang ito, at tiyak na hindi mo pa nakikilatis ang pagiging kamuhi-muhi ng mga diyablo at Satanas. Kaya, para magawa ng mga lider at manggagawa ang gawain ng iglesia nang maayos, dapat nilang tiyakin ang pagiging ligtas niyong mga gumagawa ng tungkulin nila—ito ay napakahalaga. Sa isang bansang nasa ilalim ng diktadurya, kung saan walang kalayaan sa pananampalataya, napakahirap na tiyakin ang pagiging ligtas niyong mga gumagawa ng tungkulin nila. Gayumpaman, gaano man ito kahirap, dapat maingat na piliin ang angkop na mga lugar na paninirahan; hindi dapat magkaroon ng kapabayaan sa aspektong ito. Ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay kinapalooban ng pagbabahaginan sa mga usaping ito. Dapat tiyakin ng mga lider at manggagawa na magagawa ng mga kapatid ang tungkulin nila nang walang panggugulo at walang pang-aabala mula sa mundong nasa labas—basta’t isinasapuso nila ito, maisasakatuparan nila ito. Ang tanging alalahanin ay kapag kumikilos sila nang pabasta-basta at nang iresponsable, iniisip lang ang sarili nilang pagiging ligtas habang binabalewala ang pagiging ligtas ng mga kapatid. Dahil dito ay nagiging imposibleng gawin ang gawain ng iglesia nang maayos. Kung, dahil sa iyong kapabayaan, kawalan ng kasigasigan, pagiging iresponsable, o takot sa kapaligiran at mga problema, nabibigo kang gawin ang mga bagay na ito, na nagreresulta sa pagkakaaresto ng mga tauhang gumagawa ng mahahalagang tungkulin at nalalagay ang buhay ng mga kapatid sa panganib—na nag-aantala sa gawain ng iglesia at pumipinsala sa mga kapatid—bilang isang lider o manggagawa, dapat mong akuin ang pananagutan. Hindi basta malulutas ang pananagutang ito sa pamamagitan ng paggugol ng kaunting pera bilang kabayaran o sa pagtatapat sa panalangin; hindi ito ganoon kasimple. Kaya, ano ang kalikasan ng usaping ito? Isa itong hindi mabuburang dungis, isang walang-hanggang pagsalangsang—nabigyan ka na ng demerito. Ang “demerito” na ito ay hindi tumutukoy sa isang pangkaraniwang pagkakamali; sa paningin ng Diyos, isa itong pagsalangsang. Kung masyadong marami ang iyong mga pagsalangsang—dahil nakagawa ka ng mga pagsalangsang dati, gumagawa pa rin ng mga ito sa ngayon, at gagawa ng mas marami pa sa hinaharap—nang may ilang malalaking pagsalangsang na pinagsama-sama, masasadlak ka sa perdisyon at pagkawasak. Hindi ka na ililigtas ng Diyos, at ang pananampalataya mo sa Diyos ay mawawalan ng kabuluhan. Hindi ka lang mawawalan ng pag-asa sa kaligtasan, kundi haharapin mo rin ang kaparusahan. Samakatwid, napakahalaga na gawin ng mga lider at manggagawa ang gawain nila nang ayon sa mga prinsipyo! Naisaulo mo na ba ito? (Oo.) Dapat tuparin ng mga lider at manggagawa ang mga tungkulin nila, at gaano man kasama o kamapanganib ang kapaligiran, dapat nilang gawin ang lahat ng makakaya nila ayon sa mga lokal na kondisyon para protektahan ang pagiging ligtas ng mahahalagang tauhan sa gawain at wastong magsaayos ng mga tirahan para sa kanila. Ang layon ay para tiyakin na ang gawain ng iglesia ay makauusad nang normal.

Para matiyak ng mga lider at manggagawa na ang mga lugar na isinaayos para sa mahahalagang tauhan sa gawain ay malaya mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas, bukod sa pagkakaroon ng mga kinakailangan at prinsipyo para sa tirahan at kapaligiran nito, may mga kinakailangan at prinsipyo rin para sa iba’t ibang aspekto ng sitwasyon ng pamilyang nagpapatira sa bahay. Kapag nakahanap ang mga lider at manggagawa ng potensyal na pamilyang nagpapatira sa bahay, dapat muna nilang tanungin kung kumusta ang kapaligiran at mga kondisyon ng pamilya, ang sitwasyon ng mga miyembro nito, kung mayroon silang anumang pakikipag-alitan sa iba, mga kaaway, anumang gusot sa pamahalaan, kung madalas silang nasasangkot sa mga demandahan, kung mayroon ba silang komplikadong mga relasyong panlipunan, at iba pa. Ang lahat ng mga batayang sitwasyong ito ay dapat masusing itanong at alamin. Kung ang host o ang mga anak nito at iba pang miyembro ng pamilya ay may komplikadong relasyong panlipunan, at ang pamilya ay palaging walang kapanatagan—madalas bisitahin ng mga kahina-hinalang indibidwal na dumarating para maghanap ng gulo o mangolekta ng utang, o nakatatanggap ng mga liham ng pagbabanta mula sa mga bandido o magnanakaw, gayundin ay ipinatatawag ng pamahalaan o korte—pawang lubos na nakagugulo ang mga usaping ito. Kung nakikipagtipon o gumagawa ka ng iyong tungkulin sa pamamahay na ito, hindi ba’t magiging mga pang-aabala ang mga ito? Kaya, kapag nahanap mo ang pamilyang ito na nagpapatira sa bahay, dapat ka munang magtanong-tanong sa kanila at alamin mo ang kanilang pangunahing sitwasyon. Pinakamainam kung wala ang mga isyung ito, pero kung may ganitong mga isyu at kasalukuyang hindi ka pa makahanap ng mas angkop na lugar, isaalang-alang kung kaya bang epektibong pangasiwaan ng host ang mga problemang ito. Kung hindi kayang epektibong pangasiwaan ng host ang mga ito at hindi kayang alisin ang magugulong isyung ito, hindi angkop ang pamamahay na ito para patuluyin ang mga kapatid, dahil ang paninirahan dito ay mangangahulugan na maaaring magdusa ang mga ito anumang oras mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas at mga nasa labas na tao, pangyayari, at bagay. Hindi direktang pinupuntirya ng mga kapaligirang ito ang mga taong nananampalataya sa Diyos. Gayumpaman, ang mga mananampalataya ay isang partikular na sensitibong grupo sa isang bansa kung saan inuusig ang relihiyon, at, bukod pa rito, matapos ang puspusang pagsisikap ng pamahalaan para sa pagpapakalat ng propaganda, pambe-brainwash, pag-iimbento ng mga tsismis, at paninirang-puri, hindi lang nabibigo ang mga walang pananampalataya na maunawaan ang mga taong nananampalataya sa Diyos, kundi naniniwala pa sila sa retorika ng CCP, nagkakaroon sila ng partikular na pagkamuhi at pagkamapanlaban sa mga mananampalataya. Kaya, kung malalaman nila na ang isang partikular na sambahayan ay nagpapatira ng mga mananampalataya, nagiging lubhang mapanganib ito kapwa sa pamilyang nagpapatira sa bahay at para sa mga kapatid. Kapag naninirahan ang mga kapatid sa gayong kapaligiran, hindi lang sila madalas na magdurusa ng pang-aabala kundi hindi rin matitiyak pati ang pagiging ligtas nila. Kaya, bakit sila patuloy na patitirahin doon? Malinaw na isa itong mapanganib na lugar, hindi angkop para tirhan—dapat kaagad silang ilipat. Ang mga lider at manggagawa ay hindi dapat basta-bastang magsaayos ng tirahan para sa mga kapatid at pagkatapos ay maghuhugas-kamay sa usapin, iniisip na, “Basta’t mayroon silang lugar na makakainan at matutulugan, nakasisilong mula sa mga elemento, ayos na ito. Basta’t nagagawa nila ang tungkulin nila, walang problema. Saan naman ba tayo makahahanap ng napakaraming angkop na lugar?” Napakairesponsable nito! Kung walang angkop na lugar sa oras na iyon, maaari silang pansamantalang manatili roon, pero dapat kaagad kang humanap ng angkop na lugar para mailipat sila sa lalong madaling panahon; huwag mo itong ituring na pangmatagalang tirahan.

May ilang lider at manggagawa na hindi gumagawa ng tunay na gawain. Isinasaayos nila ang tirahan para sa mahahalagang tauhan sa gawain sa isang partikular na lugar, tinatanong kung ano ba ang mga kondisyon ng pagkain at pahinga, at kung may sinumang walang pananampalataya na nagmamatyag sa kanila. Pagkarinig na walang napansing anumang kakaiba sa loob ng ilang araw, hinahayaan na nila ang usapin, at hindi na binabalikan ang mga ito para kumustahin nang kalahating taon o higit pa. Naniniwala silang isinaayos na nila ang mga tirahan nang maayos at tinupad ang responsabilidad nila, iniisip na tapos at maayos na ang lahat. Tungkol naman sa kung magdurusa ng anumang pang-aabala ang kapaligiran o kung may anumang potensyal na panganib sa pagiging ligtas, hindi na nila ito binibigyang-pansin. Angkop ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? (Matapos isaayos ang mga tirahan, kailangang subaybayan ito ng mga lider at manggagawa. Kung hindi nila ito gagawin, at ang mga kapatid ay malalagay sa mapanganib na sitwasyon at hindi makalilipat ang mga ito, maaaring maaresto ang mga ito.) Pero iniisip ng ilang lider at manggagawa, “Mga nasa hustong gulang na kayong lahat—kailangan pa ba kitang subaybayan? Hindi mo ba nakikita kung may panganib? Kung hindi mo kaya, baka hindi gumagana ang utak mo! Kapag napansin mong may panganib, ikaw na lang mismo ang lumipat—kailangan ko pa ba talagang sabihin sa iyo?” Ganito sila mangatwiran. Sa tingin ninyo, may katuturan ba ang ganitong pangangatwiran? (Wala.) Bakit wala? (Dahil ang pagtitiyak sa pagiging ligtas ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin ay likas na responsabilidad ng mga lider at manggagawa; ito ay gawain na bahagi ng kanilang papel na dapat nilang gampanan.) Hindi nila ito nakikita bilang bahagi ng gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa; iniisip nilang pagtulong lang ito sa mga kapatid, tulad ng pagsunod sa halimbawa ni Lei Feng sa paggawa ng mabubuting gawa. Hindi rin nila ito tinitingnan bilang paggawa para itaguyod ang gawain ng iglesia, sa halip ay nakikita nila ito bilang simpleng pagsasaayos ng tirahan para sa mga tauhan, walang kaugnayan sa gawain ng iglesia. Hindi mo ba masasabing kahangalan ito? Anong uri ng tao ang mag-iisip nang ganito? (Isang tao na walang pagpapahalaga sa responsabilidad.) Ganito mag-isip iyong mga tamad, hindi tapat, at iresponsableng huwad na lider. Hindi nila itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos; pagkatapos magsaayos ng lugar para sa mga kapatid, iniisip nila, “Nagsaayos ako ng tirahan para sa inyo sa gayong kagandang lokasyon—napakalaking pabor ang ginawa ko para sa inyo!” Hindi nila ito nakikita bilang pagtataguyod sa gawain ng iglesia. Bilang mga lider at manggagawa, kung hindi ninyo isasaayos nang tama ang mga tirahan para sa mahahalagang tauhan sa gawain at hindi ninyo epektibong tinitiyak ang pagiging ligtas nila, kapag naharap sila sa panganib at hindi magawa ang tungkulin nila nang normal, hindi ba’t maaantala ang gawain ng iglesia? Dapat mo munang isaayos nang tama ang tirahan nila para matiyak ang pagiging ligtas nila, at saka lang sila makauusad para makagawa nang normal. Pero hindi ganoon mag-isip ang mga huwad na lider na iyon; iniiwan nila ang mga taong ito sa isang lokasyon at pagkatapos ay binabalewala ang mga ito, at hindi kinukumusta ang mga ito sa loob ng mahabang panahon. Kapag nagkakaroon ng isang mapanganib na sitwasyon at hindi makontak ng mga ito ang lider nila, wala silang magawa kundi lumipat nang sila-sila lang. Sa oras na nalaman na ito ng lider at sa wakas ay pupunta siya para tingnan ang sitwasyon, matagal nang wala ang mga tao, at walang ideya ang lider kung saan nagpunta ang mga ito. Anong uri ng tao ito? Anong uri ng lider o manggagawa ito? Isang huwad na lider. Lalo na para sa mga kapatid na nanggaling sa ibang lugar at hindi pamilyar sa lokal na kapaligiran, higit na kailangang bisitahin at subaybayan nang regular ang mga ito ng mga lider at manggagawa. Hindi dapat ipagpalagay ng mga lider at manggagawa na ang basta pagsasaayos ng mga tirahan para sa mga ito nang minsan ay makalulutas na nang permanente sa lahat; sa aktuwal, ang gawaing ito ay malayo pa sa pagiging kompleto. Kailangan nilang bisitahin at subaybayan ang mga ito nang madalas. Kung hindi madali para sa mga lider at manggagawa na personal na magpakita sa lokasyon, dapat nilang italaga ang iba para magsagawa ng pangungumusta. Kahit papaano, kailangan nilang subaybayan ang gawaing ito—suriin ang kapaligirang pinaninirahan ng mahahalagang tauhan sa gawaing ito, alamin kung may anumang panganib o anumang kakaiba, o kung may anumang espesyal na sitwasyong nangyari, at kung kinakailangan ang relokasyon. Ang lahat ng ito ay dapat malaman at masubaybayan. Kung, sa maikling panahon, tila pinakaangkop ang lugar na ito, ayos iyon, pero makalipas ang ilang panahon, dapat bumalik sila para kumustahin ang kapaligiran at pagiging ligtas ng mga ito, at kung may sapat na pagkain at iba pang kagamitan ba ang mga ito—dapat tanungin ang lahat ng detalyeng ito. Posibleng hindi maunawaan ng mga lider at manggagawa ang gawain ng mahahalagang tauhan sa gawain, sa ganoong kaso ay hindi sila dapat makialam sa aspektong iyon, pero ang wastong pagsasaayos ng tirahan para sa mga ito ay isang responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang pagkabigong gawin ito ay pagpapabaya sa responsabilidad nila at nagpapakita na sila ay mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain. Lalo na para sa mga kapatid na nanggaling sa ibang lugar, mas kinakailangan pa nila ang dagdag at masusing atensyon at hindi dapat tratuhin nang walang ingat. Dapat kumustahin ng mga lider at manggagawa ang mga ito paminsan-minsan, tinitingnan kung may anumang paghihirap ang mga ito na kailangang lutasin, at kung may anumang isyu o espesyal na sitwasyon sa kapaligiran kung saan ginagawa ng mga ito ang tungkulin nila sa panahong ito, halimbawa, kung nagkaroon ba ng kakaibang aktibidad na kinasasangkutan ng lokal na pamahalaan, komite ng pamayanan, o estasyon ng pulis. Dapat magtanong at mag-usisa ang mga lider at manggagawa tungkol sa mga bagay na ito para manatili silang may sapat na kaalaman. Pagkatapos, ang mga lider at manggagawa ay dapat na makipagbahaginan sa host tungkol sa mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa para sa maayos na pagpapatira at pagprotekta sa mga gumagawa ng tungkulin nila, para lubos na maunawaan ng host ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa na ito. Hindi pa rin dito nagtatapos ang usapin. Ang mga lider at manggagawa ay dapat ding bumisita at mag-usisa paminsan-minsan tungkol sa sitwasyon ng pamilyang nagpapatira sa bahay. Anumang isyung nakikita nila ay dapat agaran na lutasin para matiyak na walang magiging mga problema. Saka lang tunay na magagawa nang maayos ang gawain. Kung nahaharap ang host sa mga paghihirap sa pagpapatira, tulad ng mga limitasyon sa pananalapi o kawalan ng karunungan na nagiging dahilan sa kawalang-kakayahan niyang matugunan o mapangasiwaan ang mga sitwasyong lumilitaw, dapat tumulong ang mga lider at manggagawa na malutas ang mga isyung ito. Madaling lutasin ang mga limitasyon sa pananalapi—kayang ipagkaloob ng sambahayan ng Diyos ang pondo para sa pagpapatira sa bahay, habang kailangan lang ng pamilyang nagpapatira sa bahay na mag-ambag ng lakas-tao. Kung walang karunungan ang host, isa itong malaking isyu. Dapat na malinaw na ipaliwanag ng mga lider at manggagawa ang kinakailangang karunungan at ilang prinsipyo ng pagsasagawa kaugnay sa larangang ito. Kung nagkukulang pa rin ang host, dapat na maghanap ang mga lider at manggagawa ng isang matalinong kapatid sa malapit para makipagtulungan sa host na maisagawa ng maayos ang gawaing ito. Kung ang isyu ay nasa mismong host—tulad ng pagiging mahina ang loob o takot sa pagkakaaresto—dapat makipagbahaginan ang mga lider at manggagawa tungkol sa katotohanan para magbigay ng suporta at tulong, nakikipagbahaginan sa mga layunin ng Diyos pati na sa kahalagahan at kabuluhan ng paggawa ng tungkuling ito. Kung ito ay isang isyu sa obhetibong kapaligiran, hindi ito dapat ipagpaliban o basta na lang pinabayaan, at tiyak na hindi ito dapat na tratuhin nang walang ingat; dapat itong kaagad na lutasin. Halimbawa, kung napansin na ng mga tao ang lugar na ito, madalas na may mga kahina-hinalang estrangherong umaalis at pumaparito sa lugar, at posible na may nagmamatyag sa lugar, nagdudulot ito ng natatagong panganib. Kaya, kaagad na ilipat ang mga kapatid—magiging masyado nang huli kung hihintayin pang may mangyaring hindi maganda. Kung pansamantala lang ang sitwasyon at isa lang itong normal at nakagawiang proseso, kahit paano ay mapagtitiisan pa rin ito: Pansamantalang paalisin ang mga kapatid nang isa o dalawang araw para maiwasan ito, at maaari silang bumalik pagkatapos. Kung napansin na ito ng mga tao, hindi na opsyon ang pananatili roon, at kinakailangan ang permanenteng relokasyon. Ang mga ito ay ilan sa mga detalyadong isyu na kailangang pangasiwaan at lutasin ng mga lider at manggagawa sa gawaing ito. Ang gawaing ito ay hindi lang basta paglalagay ng ilang tao sa isang lugar na may pagkain at tirahan at ituturing itong tapos na; maraming detalye ang sangkot dito. Lalo sa bansang tulad ng Tsina, kung saan ang kapaligiran ay partikular na mapanlaban at matindi ang pag-uusig sa relihiyon, ang mga lider at manggagawa ay dapat na maging higit na mapagmasid at mahigpit na subaybayan ang kapaligirang pinaninirahan at mga isyung pangkaligtasan ng mahahalagang tauhan sa gawain. Hindi sila maaaring maging pabaya. Ang lahat ng aspekto ng partikular na gawain ay dapat na gawin nang maayos para matiyak na ang pagiging ligtas ng mahahalagang tauhan sa gawain na ito ay garantisado at na magagawa nila ang tungkulin nila nang may payapang isip. Sa ganitong paraan, maayos na nagagawa ang gawain. Ito ang gawain na kailangang gawin ng mga lider at manggagawa kaugnay sa mga pamilyang nagpapatira sa bahay, at marami-raming detalye ang sangkot dito.

May ilang lider at manggagawa, matapos na magsaayos para sa partikular na mahahalagang tauhan sa gawain na mailagay sa angkop na tahanang matutuluyan, ang ganap na binabalewala ang mga ito at hindi patuloy na kinukumusta ang sitwasyon ng mga pamilyang nagpapatira sa bahay. Sinasabi nila, “Abala ako araw-araw sa gawain ng iglesia—paano ako magkakaroon ng oras para bisitahin ang mga taong ito? Bukod pa riyan, marami pang ibang gawain, at napakamapanganib din nito. Hindi madaling gawin ang gawain namin!” Patuloy nilang binibigyang-diin ang mga obhetibong dahilan, pero ayaw naman nilang tuparin ang sarili nilang mga responsabilidad. Ano sa palagay ninyo—may katuturan ba ang pahayag nilang ito? (Wala.) Bakit wala? (Sa katunayan, ang paggawa sa gawaing ito ay hindi naman nangangailangan ng napakaraming oras at lakas mula sa mga lider at manggagawa. Maaari nilang bisitahin nang saglit ang mga ito habang nasa labas sila. At kung wala silang oras, maaari din nilang isaayos na bumisita ang malalapit na kapatid.) Kung gustong gawin nang maayos ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito, kahit medyo abala sila sa pangunahin nilang gawain, maglalaan pa rin sila ng oras para pagtuunan ang gawaing ito. Kung wala silang oras para pumunta nang personal, maaari nilang isaayos ang iba para pumunta. Isaayos man nila ang iba na pumunta o sila mismo ang pumunta, sa pinakahuli, ang gawaing ito ay saklaw ng responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang paggawa sa gawaing ito nang maayos ay mahalagang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hindi ito maaaring pabayaan. Kung masyadong abala ang mga lider at manggagawa at wala silang oras, at hindi rin nila isinasaayos ang iba para pumunta, walang mag-aasikaso sa usaping ito. Kung may mangyaring hindi maganda, ito ay magiging kapabayaan sa responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Para maiwasang magdusa iyong mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas, kailangang isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang lahat ng aspekto ng mga isyu, ginagarantiya hangga’t maaari na magagawa ng mga ito ang mga tungkulin ng mga ito nang mapayapa at maisasagawa ang kasalukuyang gawain nang maayos. Kung ang mahahalagang tauhan sa gawain ay maayos na napoprotektahan, katumbas ito sa pagprotekta sa mahalagang gawain mismo. Kapag ang mahahalagang tauhan sa gawain ay nakagagawa nang normal, makauusad din nang maayos ang mahalagang gawain. Kaya, ang layon ng mga lider at manggagawa sa pagprotekta sa mahahalagang tauhan sa gawain ay, sa katunayan, para mapangalagaan ang bawat mahalagang aytem ng gawain. Kung sinasabi ng ilang lider at manggagawa, “Gumagawa ka ng mahalagang tungkulin, at inatasan akong protektahan ka, pero nasa posisyon ako ng pamumuno, at hindi rin ako ligtas. Hindi ko nga magarantiya ang sarili kong pagiging ligtas, kaya paano ko kayo mapoprotektahan?”—tama ba ang pahayag na ito? (Hindi ito tama.) Anong uri ng pag-arok mayroon ang gayong mga lider at manggagawa? (Mahina ang kanilang pag-arok; ang gayong mga tao ay makasarili at madaling magkaroon ng mga pagkabaluktot.) Sila ay mga indibidwal na madaling magkaroon ng mga pagkabaluktot. Wala bang pagkamakatwiran ang mga indibidwal na madaling magkaroon ng mga pagkabaluktot? (Wala.) Kung hindi ginagawa ng mga kapatid na ito ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos pero sa halip ay nagtatrabaho at namumuhay sa mundo, kakailanganin pa rin ba silang protektahan? Dahil mismo sa ginagawa nila ang gawain ng iglesia at mahahalagang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at dahil kung maaaresto sila ay maaari silang mahatulan ng pagkakakulong o mabugbog hanggang sa punto ng kapinsalaan sa katawan o kapansanan, malubhang naaapektuhan ang gawain ng iglesia, dapat maayos na maprotektahan ang mahahalagang tauhan sa gawain. Sa ganitong paraan lang makauusad nang maayos ang gawain ng iglesia. Kung sila ay nasa ilang demokratikong bansa kung saan may kalayaan sa relihiyosong pananampalataya at hindi inuusig ang mga mananampalataya sa Diyos, magiging simple ang gawaing ito para sa mga lider at manggagawa. Kailangan lang nilang humanap ng angkop na tahanan at, alinsunod sa mga lokal na batas at regulasyon, isaayos nang tama ang mga tirahan para sa mga gumagawa ng tungkulin nila. Sa pinakamarami na, kailangan lang nilang itanong kung kumusta ang pang-araw-araw na buhay kamakailan ng mga ito at kung lumalabag ba ang kapaligirang pinaninirahan sa anumang regulasyong pampamahalaan. Kung may paglabag, kailangang linawin kung ano ang isyu, gayundin kung paano ito dapat itama at lutasin. Kung walang anumang paglabag, pero nanggugulo ang pamahalaan, o nanliligalig ang masasamang tao o mga hindi kilalang indibidwal, kailangang kumonsulta sa isang abogado para pangasiwaan nang maayos ang mga usaping ito. Sa ilang malaya at demokratikong bansa, sa pinakamarami na, ang ganitong uri ng gawain lang ang kinakailangan. Gayumpaman, sa mga diktadurang bansa kung saan walang kalayaan sa relihiyosong pananampalataya, ang mga kinakailangan para sa kapaligiran at mga kondisyon ng pamilyang nagpapatira sa bahay ay dapat na mas maging mahigpit, at mas maraming gawain—gayundin ang mas maraming detalyadong gawain—ang kinakailangang asikasuhin kaugnay sa pagiging ligtas. Siyempre, mas malaki rin ang hirap na kaakibat ng ganitong gawain. Para sa gawain ng pangangalaga sa mahahalagang tauhan sa gawain mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas, kung ang bawat aspekto ng kapaligiran ay masusing isinasaalang-alang, medyo mababawasan ang mga pang-aabalang mula sa kapaligiran. Kung kapwa ang panlabas at panloob na kapaligiran ay lubusang isinasaalang-alang, makahahanap ng isang makatotohanan at praktikal na landas. Sa ganitong paraan, maaaring bahagyang mapabuti ang kapaligiran, at mababawasan ang mga pang-aabala. Ang ganitong pamamaraan ay medyo angkop.

Pagpapanatiling Ligtas sa Mahahalagang Tauhan sa Gawain

I. Paano Tiyakin ang Pananatiling Ligtas ng Hinirang na mga Tao ng Diyos sa mga Bansa Kung Saan Inuusig ang Pananalig

Ang ikalabinlimang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay, una sa lahat, para protektahan ang mahahalagang tauhan sa gawain sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanila mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas; bukod pa rito, kailangan ding panatilihing ligtas ng mga lider at manggagawa ang mga taong ito. Ang mga kinakailangan para panatilihin ang pananatiling ligtas ng mga taong ito ay mas mahigpit pa. Tingnan muna natin kung aling mga aspekto ang may kaugnayan sa pananatiling ligtas—ano ang mga isyung nauugnay sa pananatiling ligtas ang naiisip ninyo? Para matiyak ang pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin, mahalaga munang magarantiya na hindi sila apektado ng pang-aabala ng mundong nasa labas—ito ang pinakamababang dapat makamit, at sa pundasyon lang na ito matitiyak ang pananatiling ligtas ng mga ito sa pinakahuli. Ang pananatiling ligtas na pinag-uusapan natin dito ay nangangahulugan lang na magagarantiya na iyong mga gumagawa ng mga tungkulin nila ay hindi magugulo o maaaresto at makagagawa ng mga tungkulin nila nang normal. Ganito lang kasimple iyon. Kung hindi magagarantiya ng mga lider at manggagawa na mapangangalagaan ang mga gumagawa ng tungkulin nila mula sa pang-aabala at pang-aaresto, walang paraan para matiyak ang pananatiling ligtas ng mga ito. Pag-isipan ito—ano ang dapat bigyang-pansin ng mga lider at manggagawa para matiyak ang pananatiling ligtas ng mahahalagang tauhan sa gawain? Una, dapat nilang isaayos ang matitirahan ng mahahalagang tauhan sa gawain sa isang angkop na lokasyon. Ano ang ibig sabihin ng angkop na lokasyon? Dapat matugunan nito ang hindi bababa sa dalawang kondisyon. Una, ang lokasyong ito ay dapat malaya mula sa anumang pang-aabala mula sa kapaligiran. Pangalawa, hindi ito dapat nakaaakit ng atensiyon; ilang lokal na kapatid lang ang nakaaalam na ang pamilyang ito ay nananampalataya sa Diyos at nagpapatuloy sa iba, habang walang iba pa ang nakaaalam. Ang gayong lugar lang ang angkop para sa pagpapatuloy ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin. Pagkatapos lumipat sa bahay na ito ang mahahalagang tauhan sa gawain, ang personal na impormasyon tulad ng pangalan ng bawat isa at lugar na pinagmulan, pati na rin ang mga partikular na sitwasyon tulad ng uri ng gawain sa iglesia na ginagawa nila at kung naaresto na ba sila noon o pinaghahanap ng pamahalaan, ay hindi dapat basta-bastang isinisiwalat sa iba. Kung mas kaunting tao ang nakaaalam, mas mabuti. Dahil masyadong maliit ang tayog ng mga tao at hindi tiyak kung matatag silang makapaninindigan kung maaaresto at makukulong sila, dapat mayroon silang kamalayan sa sarili at iwasang basta-bastang magtanong tungkol sa personal na impormasyon ng mga kapatid, para maiwasang magdulot ng mga problema sa sarili nila sa hinaharap. Ang mga prinsipyo at karunungan sa aspektong ito ay dapat madalas na pagbahaginan para maunawaan ng lahat ang mga ito. Hindi lang ito kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos kundi kapaki-pakinabang din sa bawat indibidwal. Samakatwid, dapat tagubilinan ng mga lider at manggagawa ang mga kapatid sa mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay na kontrolin ang dila ng mga ito at huwag isiwalat ang personal na impormasyon ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin sa iba pang mga kapatid o sa kanilang mga di-nananampalatayang kapamilya. Kailangan bang gawin ang gawaing ito? (Oo.) Ang ilang kapatid sa mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay ay hindi makontrol ang dila nila. Halimbawa, may isang tao na nagpatuloy ng ilang lider at manggagawa, at naging pamilyar siya sa mga personal na sitwasyon, pinagmulan na pamilya, at mga tungkuling ginagawa ng mga taong ito. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Tingnan mo, kaedad mo siya. Sampung taon na siyang nananampalataya sa Diyos at nagbitiw pa nga siya sa trabaho niya para gawin ang tungkulin niya. Dati siyang nagtatrabaho sa isang kagawaran ng pamahalaan sa ganito-at-ganyang lungsod, na may taunang suweldo na sampu-sampung libong yuan!” Tingnan mo, para bang nakikipagkuwentuhan lang siya nang walang kabuluhan, isiniwalat niya ang impormasyon tungkol sa mga taong ito na gumagawa ng mahahalagang tungkulin sa kanyang mga di-nananampalatayang kapamilya. May iba pa nga, kapag nagpapatuloy ng mga kapatid na dati nang naaresto at nakulong, na sinasabi sa mga kapamilya nila, “Tingnan ninyo, nakulong sila nang ilang taon at hindi kailanman naging Hudas. Pagkatapos makalaya, nagpapatuloy sila sa paggawa ng tungkulin nila. Ngayon, gusto na naman silang arestuhin ng pamahalaan, kaya hindi sila makauwi para makasama ang pamilya nila, pero hindi sila negatibo. Nakikita mo ba kung gaano kalaki ang pananalig nila? Bakit hindi ka makapanampalataya nang maayos?” Sa ganitong paraan, kaswal nilang naisisiwalat ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga kapatid sa pamamagitan ng pagbibigay-aral sa kanilang mga anak. Maaari ba itong humantong sa mga problema sa hinaharap? (Oo.) Problema ba ito? (Oo.) Kung walang mangyayari dahil dito, mabuti; pero kapag nagsagawa ng mga pag-aresto ang malaking pulang dragon, ang mga di-nananampalatayang kapamilya nila ang unang lalabas at mag-uulat sa mga kapatid: “Opisyal! Si Ganito-at-ganyan ay isang lider—siya ang hinahanap mo.” Pagkatapos ay inaaresto ng malaking pulang dragon ang taong ipinagkanulo at binubugbog hanggang halos mamatay, nag-iiwan ng mga katanungan tungkol sa kung kaya pa ba ng mga ito na ipagpatuloy ang paggawa ng kanilang tungkulin o mamuhay nang normal. Ito ang kinahihinatnan ng pagkakanulo. Hindi ba’t dulot ito ng kaswal na pananalita ng nagpapatuloy? (Oo.) Kung ang mahahalagang tauhan sa gawain ay malalagay sa gayong panganib sa pananatiling ligtas, hindi ba’t nangangahulugan ito na hindi ginawa ng mga lider at manggagawa ang trabaho nila nang maayos? (Oo.) Iniisip ng nagpapatuloy na, “Mabubuting tao ang lahat ng miyembro ng aming pamilya; hindi nila kayo ipagkakanulo. Sinusuportahan nila ang pananampalataya sa Diyos—bumibili pa nga sila ng mga gulay at karne kapag dumarating kayo!” Itinuturing niya ang mga di-nananampalatayang kapamilya niya na para bang mga kapatid, hindi malinaw na nakikita kung ano ang kayang gawin ng kapamilya niya o kung gaano kalubha ang maaaring kahihinatnan kung ipagkakanulo ng mga ito ang mga kapatid. Masyado rin siyang mausisa tungkol sa mga sitwasyon ng mga kapatid, tinatanong, “Ilang taon mo nang ginagawa ang tungkuling ito? Nakagawa ka na ba ng mga mapanganib na tungkulin? Kilala ka ba sa lokalidad bilang isang mananampalataya sa Diyos? Naaresto ka na ba?” Lalo na pagdating sa mga pinaghahanap o may rekord sa pulisya dahil sa pananampalataya nila sa Diyos at nangangaral ng ebanghelyo sa ibang rehiyon o bansa, palaging nag-uusisa ang nagpapatuloy tungkol sa impormasyon ng mga ito, tinatanong, “Pinaghahanap ka? Lokal na warrant ba ito, probinsyal na warrant, o pambansang warrant?” “May rekord ka—ilang beses ka nang naaresto? Ilang taon kang nasentensiyahan sa kulungan?” Nagtatanong siya tungkol sa mga usaping ito nang napakadetalyado. Nakikita ng mga kapatid na nanunuluyan sa tahanan niya na napakasigasig niya sa pagpapatuloy at na hindi naman siya masamang tao. Kung hindi nila ibabahagi ang impormasyong ito, pakiramdam nila na maaaring magmukha silang bastos, na naglalagay sa kanila sa alanganin. Napipilitan ang ilang tao na magsabi ng kaunting bagay, at pagkatapos magsalita, minsan ay hindi naiiwasang nauuwi ito sa mga seryosong kahihinatnan. Kaya, dapat na direktang turuan ng mga lider at manggagawa ang nagpapatuloy sa bahay: “May ilang patakaran na dapat sundin kapag nagpapatuloy ng mga kapatid. Huwag basta-bastang mag-usisa o magtanong—ang masyadong maraming malaman tungkol sa kanila ay hindi magiging kapaki-pakinabang para sa iyo. Kung may mangyayari at hindi mo makayanang tiisin ang sakit ng pagpapahirap, maaaring maging Hudas ka. Sa ganoong kaso, ang impormasyong nalaman at naarok mo ay para na ring nagbibigay-daan sa iyo na maging Hudas. Kapag nangyari iyon, mag-iiwan ito sa iyo ng panghabambuhay na pagsisisi, at sa huli ay mahaharap ka sa kaparusahan. Kung hindi mo alam ang mga detalyeng ito, hindi ka magiging isang Hudas. Kaya, hinding-hindi ka dapat na mag-usisa o sumubok na alamin ang tungkol sa mga usaping ito. Ang hindi pagkakaalam ay nagpoprotekta sa iyo at hindi makaaapekto sa iyong pagpapatuloy sa bahay o sa pagkakamit mo ng katotohanan sa pananampalataya mo sa Diyos. Pinakamainam kung hindi mo alam. Malinaw sa iyo na narito ang mga kapatid para gawin ang tungkulin nila at na hindi sila di-mabubuting tao o masasamang tao, kaya hindi na kailangang mag-usisa pa. Ang pagtupad sa tungkulin mo na patuluyin sila sa bahay ay ang pinakamahalaga, at ang magarantiya ang kanilang pananatiling ligtas ay sapat na.” Ito ay isang aytem ng gawaing kailangang gawin ng mga lider at manggagawa. Bukod pa rito, iyong mga lokal na mananampalataya na walang pundasyon sa pananalig nila at mga mananampalataya lang sa pangalan, iyong madadaldal at mahilig mag-usisa, iyong mga nagpapanatili ng malapit na pakikipag-ugnayan sa mga tauhan ng pamahalaan, at iyong mga kaagad na nagtatago tulad ng mga pagong na ikinukubli ang mga ulo ng mga ito sa talukab nito kapag nagkakaroon ng problema—at ang maaaring magkanulo sa iglesia at maging Hudas—ay hinding-hindi dapat pahintulutang malaman na ang mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay ay nagpapatuloy sa mga kapatid. Kung kinakailangan ang tulong ng ilang kapatid para sa gawain ng pagpapatuloy sa mahahalagang tauhan sa gawain, tanging iyong mga may pundasyon sa pananampalataya nila sa Diyos at may taglay na karunungan ang dapat piliin para makipagtulungan. Iyong mga walang pundasyon o karunungan ay lubos na hindi angkop. Kaya, paano ba dapat mismo magbigay ng tulong? Ang mga kapatid ng mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay ay nakatuon sa pagpapatuloy sa tahanan nila, habang ang mga lokal na kapatid na may karunungan at pananalig ay tumutulong mula sa labas sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksiyon at pangangalaga sa kapaligiran. Dapat silang makipag-ugnayan sa maiimpluwensiyang tao, manatiling maalam tungkol sa mga bagong patakaran ng pamahalaan, mga kalakaran, at mga potensiyal na operasyon, at kaagad na magbigay-alam sa mga kapatid ng mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay. Sa ganitong paraan, kung magpapasimula ang pamahalaan ng anumang operasyon sa pag-aresto, kaagad na makapagsasagawa ng mga hakbang pang-iwas, at magkakaroon pa rin ng oras para sa paglikas at relokasyon, o pagtatago, kaya maiiwasan ang anumang panganib. Sa ganitong paraan lang pangunahing matitiyak ang pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin. Sa madaling salita, hindi tama para sa mga lider at manggagawa na harapin ang gawaing ito nang may simplistikong pag-iisip; ang pag-iisip nang mas komplikado sa aspektong ito ay palaging mas mabuti kaysa simpleng pag-iisip, dahil ang mga isyung pangkaligtasan ay hindi maaaring balewalain—kapag may nangyaring hindi maganda, hindi ito magiging maliit na isyu!

May mga partikular na sitwasyon ding kailangang bigyang-pansin sa gawain ng pagtitiyak sa pananatiling ligtas ng mahahalagang tauhan sa gawain. May ilang tao na gumagawa ng mga mapanganib na tungkulin, tulad ng paglilipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, o paghahatid ng mga tagubilin sa gawain o pangangasiwa pagkatapos ng insidente sa mga lugar na nakompromiso. Iyong mga gumagawa ng gayong mapanganib na gawain ay hindi kailanman dapat tumira kasama ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin, ni hindi nila dapat malaman kung saan nakatira ang mga indibidwal na iyon o kung aling pamilya ang nagpapatuloy sa mga ito. Ito ay dahil iyong mga gumagawa ng mapanganib na gawain ay nasa panganib na masubaybayan at maaresto anumang oras. Kapag nahuli sila at isinailalim sa pagpapahirap, maaari nilang ipagkanulo ang iglesia, na magdudulot naman na madamay ang mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin at mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay. Hindi ba’t may kinalaman ito sa isyu ng pananatiling ligtas? Kung may ilang tauhang gumagawa ng mahahalagang tungkulin ang lumalabas para mangasiwa ng mga usapin at sumang-ayong babalik pagkatapos ng tatlong araw, pero hindi sila bumalik pagkaraan ng tatlong araw, masasabi ba ninyong mapanganib ang sitwasyong ito? Dapat bang lumikas ang ibang tauhang gumagawa ng mga tungkulin nila? (Oo.) Sa gayong mga kaso, kinakailangan ang agarang paglikas; wala dapat pagkaantala at pakikipagsapalaran—hindi sila puwedeng magkaroon ng pag-iisip na umaasa sa suwerte. May ilang tao ang tamad, pakiramdam na abala ito, at nag-aatubiling lumikas, sinasabing, “Ano bang masama sa paghihintay ng isa pang araw? Baka naantala lang sila dahil sa isang espesyal na sitwasyon.” Ang paghihintay ng isang araw pa ay nagpapalala lang sa panganib. Kung lilikas ka at walang mangyayari, makababalik ka pa rin, at hindi ito magiging isang pagkakamali. Pero kung hindi ka lilikas at maghihintay ng isa pang araw, maaaring may mangyaring insidente, at sa oras na mangyari ito, magiging masyadong huli na ito para sa pagsisisi. Kaya, kung ang mga kapatid na lumabas para mangasiwa sa mga usapin ay hindi bumalik sa napagkasunduang oras, posibleng may nangyaring hindi maganda. Para makaiwas sa anumang posibilidad, ang mga kaugnay na kapatid ay dapat kaagad na lumikas at lumipat sa isang medyo ligtas na lugar. Kapag nahanap na ang isang angkop na lokasyon, maipagpapatuloy na nila ang paggawa ng kanilang mga tungkulin nang normal, nang hindi pa masyadong huli ang lahat. Ang isa pang sitwasyon ay kapag ang tao sa lokal na iglesia na responsable para sa gawain ng pagsasaayos ng tirahan ng mga kapatid na gumagawa ng mga tungkulin nila ay naaresto ng malaking pulang dragon. Ano ang dapat gawin sa gayong mga kaso? (Kaagad na ilipat ang mahahalagang tauhan sa gawain.) Ang pangunahing priyoridad ng mga lider at manggagawa ay na kaagad na ilipat ang mahahalagang tauhan sa gawain sa isang medyo ligtas na lugar. Higit sa lahat, dapat magarantiya ang pananatiling ligtas ng mga ito. Hindi dapat malantad ang mga ito sa anumang panganib. Pagkatapos mailipat ang mga ito, saka pa lang maisasagawa ang mga susunod na gawain. May ilang tao na magulo ang isip na palaging may pag-iisip na umaasa sa suwerte: “Naaresto si Ganito-at-ganyan, pero ayos lang ito; napakalakas ng pananalig niya, at palagi siyang partikular na matatag sa mahihirap na sitwasyon. Siguradong hindi siya kailanman magkakanulo. Kaya, magagarantiya kong wala talagang panganib—hindi kinakailangang lumipat ang sinuman.” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) May ilang tao rin na nagsasabing, “Kahit pa magkanulo sila, magiging mapili sila rito—ipagkakanulo lang nila ang impormasyon tungkol sa hindi mahahalagang usapin, na tiyak na hindi makaaapekto sa inyong pananatiling ligtas.” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Walang batayan ang mga salitang ito! Makikita ba ng mga tao nang malinaw ang iba pang mga tao? Kahit pa ang taong tinutukoy ay may tayog, dapat nating iwasan na magsalita nang may sobrang kumpiyansa, dahil walang sinuman ang makatitiis sa kahihinatnan kung may mangyaring hindi maganda. Anong iba pang gawain ang kinakailangan para maprotektahan ang pananatiling ligtas ng mga tauhang gumagawa ng mahahalagang tungkulin? Kapag sinisimulang gawin ang mga tungkulin nila, kailangang malinaw na pagbahaginan ng mga lider at manggagawa ang mga katotohanang prinsipyong kaugnay sa paggawa ng tungkulin nila, pati na rin kung aling mga prinsipyo at karunungan ang ilalapat kapag nangyayari ang mga sitwasyon. Bukod pa rito, kapag lumalabas sila para gawin ang mga tungkulin nila, dapat magtalaga ang mga lider at manggagawa ng isa o dalawang tao na may karanasan at karunungang panlipunan para makipagtulungan sa kanila. Ang pamamaraan lang na ito ang ligtas at maaasahan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay, sa isang banda, makapoprotekta sa personal nilang pananatiling ligtas. Sa kabilang banda, makatutulong ito sa kanila para malutas ang ilang isyung hindi nila malutas nang sila lang. Makaiiwas ito sa partikular na mga problema at makagagarantiya na iyong mga lumalabas para gawin ang mga tungkulin nila ay maisasagawa ang gawain nila nang normal. Para sa mga lider at manggagawa, ang paggagarantiya sa pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng tungkulin nila ay isang napakahalagang aytem ng gawain, lalo na sa mga bansa na walang kalayaan sa pananampalataya. Para maisagawa nang maayos ang gawain ng iglesia, ang pangunahing priyoridad ay ang magarantiya ang pananatiling ligtas ng mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin nila, ginagawa man nila ang mga tungkulin nila sa kanilang lokalidad o lumalabas man sila para gawin ang mga ito. Ang mga lider at manggagawa lang na mahusay na makapangangasiwa sa gawaing pangkaligtasan ang angkop para magamit ng Diyos. Iyong mga hindi makagagawa ng ganitong gawain ay mga taong hindi pa hinog ang pagkatao, at walang malalim na pang-unawa at karunungan. Mahihirapan sila na maging angkop para magamit ng Diyos.

II. Paano Tiyakin ang Pananatiling Ligtas ng Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Iba’t Ibang Dayuhang Bansa

A. Ang Pagpoproseso sa Legal na Katayuan ng Hinirang na mga Tao ng Diyos

Sa pagsasagawa ng gawain ng iglesia sa iba’t ibang dayuhang bansa, ang dapat na pangunahing priyoridad ay ang maayos na pagsasaayos sa mga tirahan ng mga tauhang gumagawa sa kanilang mga tungkulin, ginagarantiya ang pananatiling ligtas nila para magawa nila ang mga tungkulin nila nang normal. Ang isa pang mahalagang usapin ay ang pangangasiwa sa isyu ng legal na katayuan, na dapat asikasuhin sa sandaling dumating ang hinirang na mga tao ng Diyos sa isang bagong bansa. Kung walang legal na katayuan o kung hindi lehitimo ang kanilang katayuan, palaging may panganib ng deportasyon, kahit gaano pa kaganda ang kapaligiran nilang pinaninirahan. Ang mga indibidwal na ang katayuan ay hindi lehitimo ay itinuturing na mga ilegal na residente, at ang pananatiling ligtas ng mga taong ito ay nasa panganib; kung hindi matitiyak ang pananatiling ligtas nila, hindi nila magagawa ang mga tungkulin nila nang matagal. Samakatwid, sa mga dayuhang bansa, ang pagsasaayos ng maayos na tirahan para sa mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin nila ay ang pangunahing gampanin para sa mga lider at manggagawa. Kapag naisaayos na nang maayos ang tirahan nila, ang susunod na hakbang ay ang pagsasaayos na masimulan nila ang pagpoproseso ng kanilang legal na katayuan. Sa anumang bansa, kahit papaano, ang layon sa pagpoproseso ng legal na katayuan ay dapat na para bigyang-daan ang mga kapatid na manirahan doon nang legal. Isa rin itong mahalagang aytem ng gawain sa pagtitiyak sa pananatiling ligtas ng mahahalagang tauhan sa gawain. Para makamit ang legal na paninirahan, ang unang kinakailangan ay na dapat na maging legal ang katayuan nila; hindi sila maaaring ilegal na manirahan sa isang lugar. Dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang lahat ng makakaya nila para isaayos ang mga tirahan para sa mga kapatid alinsunod sa mga regulasyon ng pamahalaan para sa legal na paninirahan. Ang mga lider at manggagawa ay maaaring direktang makilahok sa gawaing ito ng paghahanap ng tirahan o subaybayan ito. Kung may mga usaping hindi nila makilatis, dapat silang agarang humingi ng gabay mula sa nakatataas na mga lider at manggagawa. Sa kawalan ng mga espesyal na sitwasyon, dapat silang magsagawa nang naaayon sa mga nakaraang alituntunin ng iglesia. Dapat ding mag-usisa ang mga lider at manggagawa paminsan-minsan, at kung malalaman nila na may isang tao na may mga isyu sa kanyang legal na katayuan o anumang espesyal na sitwasyon, dapat silang magsaayos para malutas ng mga tauhang nangangasiwa sa mga panlabas na usapin ang mga isyu sa pagpoproseso para sa legal na katayuan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Siyempre, ang unang hakbang ay ang humanap ng ilang espesyalisadong abogado na mangangasiwa sa pagpoproseso ng legal na katayuan. Sa pagkuha ng mga abogado, kailangang mag-ingat para maiwasang malinlang—hindi dapat kunin ang mga huwad na abogado o iyong mga hindi espesyalisado sa pagpoproseso ng legal na katayuan. Una sa lahat, dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang mga aspektong ito na may kaugnayan sa pagpoproseso sa legal na katayuan, at dapat maisaayos ang mga usaping ito nang maayos. Ang gawaing ito ay bahagi rin ng pagpoprotekta sa mahahalagang tauhan sa gawain at pagtitiyak sa pananatiling ligtas nila, kaya’t pagdating sa gawaing ito, hindi dapat magsawalang-bahala ang mga lider at manggagawa. Sinasabi ng ilang tao, “Ang pagsasaayos ng tirahan para sa mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin nila ay gawain ng sambahayan ng Diyos; kailangan lang nating gawin ito pagkatapos makatanggap ng direktang pagsasaayos mula sa ang Itaas. Kung hindi ito isinasaayos ng Itaas, hindi na natin kailangang mag-abala rito, at kahit na may mangyaring hindi maganda, wala itong kinalaman sa atin. Bukod pa rito, iba-iba ang regulasyon ng bawat bansa sa imigrasyon at legal na katayuan; hindi natin kayang mapangasiwaan ang gayong kalaking isyu! Kailangan lang umasa ng lahat sa sarili nila at umasa para sa pinakamabuti—kung makapapanatili sila sa isang bansa, mananatili sila; kung hindi, babalik sila.” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Ano ang palagay mo sa ganitong saloobin? (Iresponsable ito.) Sa isang banda, iresponsable ito; sa kabilang banda, isa itong pagpapamalas ng hindi paggawa ng mga huwad na lider ng tunay na gawain at pag-iwas sa responsabilidad. Para sa mga lider at manggagawa, ang pagsasaayos ng tirahan para sa mahahalagang tauhan sa gawain sa ibang bansa ay isa ring mahalagang aytem ng gawain. Kapag maayos nang naisaayos ang tirahan para sa mga ito at nagagawa na ng mga ito ang mga tungkulin nila nang normal, ang agad na kasunod na hakbang ay ang magsaayos para gabayan ang mga ito ng mga tauhan sa panlabas na usapin sa pagproseso ng kanilang legal na katayuan. Lalo na kapag may mga espesyal na sitwasyong nangyayari sa panahon ng pagpoproseso na hindi mapangasiwaan ng mga kapatid, dapat mag-isip ang mga lider at manggagawa ng mga paraan para makahanap ng mga solusyon, at huwag balewalain ang isyu. Kung may anumang problema sa pagpoproseso sa legal na katayuan, hindi ito isang maliit na usapin at kailangang pangasiwaan at malutas nang maaga at sa lalong madaling panahon. Huwag magpaliban—huwag ipagpabukas ang maaaring gawin ngayon; ang pagpapabukas nito ay maaaring humantong sa mga kahihinatnang mas kahila-hilakbot pa kaysa sa maiisip. Kung pabaya at iresponsable ang mga lider at manggagawa sa kanilang responsabilidad, hindi inaapura ang usapin at inaantala ang pinakamainam na panahon para sa pagproseso ng legal na katayuan, na nagsasanhi sa mga tauhan na hindi magawa ang mga tungkulin nila nang normal, sino ang aako sa responsabilidad? Nagpahayag ang mga indibidwal na ito ng mga kahilingan nila sa mga lider ng iglesia at sa mga tauhang nagpoproseso, at alam ito ng mga lider at manggagawa, pero dahil hindi sineryoso ng mga ito ang usapin o nagpalusot para hindi ito pangasiwaan, naantala ang pagpoproseso sa legal na katayuan ng ilang mahahalagang tauhan sa gawain, na medyo nakaapekto sa partikular na mahahalagang aytem ng gawain ng iglesia. Kaya, sino sa palagay ninyo ang dapat umako ng responsabilidad dito? (Ang mga lider at manggagawa.) Paulit-ulit na binigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang usaping ito. Hindi ito lingid sa kaalaman ng mga lider at manggagawa, ni hindi sila walang alam o walang pang-unawa rito; sa halip, alam nila ang tungkol dito pero hindi nila ito sineseryoso. Basta’t wala itong kinalaman sa sarili nilang mga usapin, basta’t mga isyu ito ng ibang tao, ipinagpapaliban nila ito hangga’t maaari, sa huli ay naaantala ang isang usaping kasinghalaga ng pagpoproseso ng legal na katayuan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag lumitaw ang mga kahihinatnan, dapat akuin ng mga lider at manggagawa ang responsabilidad. Hindi lang puro salita ang responsabilidad na ito—kung nakaaapekto ito sa gawain ng iglesia, lalo sa mahalagang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang responsabilidad na inako ng mga lider at manggagawa ay nagiging mabigat. Kahit papaano, makatatanggap sila ng demerito mula sa Diyos, magiging isang pagsalangsang ito—iyon ang kahihinatnan. Kung ito ay isang bagay na dapat mong gawin, isang bagay na saklaw ng iyong mga responsabilidad, at hindi mo ito ginawa o binalewala mo ito, o inantala ito dahil sa partikular na mga personal na dahilan, dapat mong akuin ang responsabilidad. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko alam kung paano ito lutasin; wala akong anumang daan pasulong.” Pero sineryoso mo ba ito at humingi ka ba ng gabay mula sa mga nakatataas na lider at manggagawa sa unang pagkakataon? May iba pang nagsasabi na nakalimutan nila ang tungkol dito dahil abala sila sa ibang gawain. Kahit pa totoong nakalimutan nila ito dahil sa pagiging abala, paanong patuloy silang nakalilimot matapos paulit-ulit na binanggit at pinaalala sa kanila ang isyu? Anong problema ang ipinahihiwatig nito? (Hindi nila isinapuso ang usapin ng pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid; wala silang anumang pagpapahalaga sa pasanin.) Ang katunayang kaya nilang makalimutan ang gayong kahalagang bagay ay nagpapakita na wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad at hindi sila mapagkakatiwalaan. Kaya mong kalimutan ang isang bagay na kasinghalaga ng pagpoproseso sa legal na katayuan ng hinirang na mga tao ng Diyos—makalilimutan mo ba ang pagpoproseso ng sarili mong legal na katayuan? Kung hindi mo makalilimutan ang iyong mga sariling usapin pero makalilimutan ang sa iba, pinatutunayan nitong may mahinang karakter ka, walang pagmamahal, at makasarili at mababang-uri. Natapos mo na ang pagpoproseso sa sarili mong legal na katayuan, pero tinatrato mo ang pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid bilang isang karaniwan at walang kuwentang usapin—o ganap mo pa nga itong binabalewala—at sa huli ay naaantala ang pagpoproseso ng legal na katayuan nila, ang mahalagang usaping ito. Maaako mo ba ang responsabilidad na iyon? Hindi ba’t ang gayong mga lider at manggagawa ay lubos na walang konsensiya at katwiran? Napakamakasarili at napakababa nila! Inaalala lang nila ang sarili nila at binabalewala ang iba—anong problema ang ipinahihiwatig nito? Hindi ba’t mga huwad na lider sila? (Oo.) Sa gayon ay ganap na nalantad ang diwa ng problema nila. Ayaw lang talaga nilang asikasuhin ang pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid; nakaaabala ito para sa kanila. Sa puso nila, iniisip nila, “Ano ang kinalaman sa akin ng pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid?” Ito ang saloobin nila sa pagtrato sa usapin ng pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid, sa huli ay nagdudulot ng pagkaantala sa mahalagang usaping ito, nakaaapekto sa pagganap ng tungkulin ng mga kapatid, at nakaaapekto sa gawain ng iglesia. Masasabi mo bang ang gayong mga huwad na lider ay karapat-dapat na maparusahan? (Oo.) Dapat silang papanagutin dahil sinasadya ito; tiyak na hindi ito isang aksidenteng pagkaantala na dulot ng mga obhetibong salik. Kung may naganap na natural na sakuna, tulad ng lindol, pagbaha, o isang malaking pangyayaring pampolitika na nakaabala sa transportasyon at komunikasyon, kaya imposible na mapangasiwaan ang mga usaping ito, magiging kauna-unawa iyon. Pero kung wala naman sa mga pangyayaring ito ang naganap, at nakalimutan o pinabayaan pa rin nila ang pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid, inaantala ang gayong kahalagang bagay—ang legal na katayuan ng mga indibidwal na ito—ang gayong lider o manggagawa ay pabaya sa responsabilidad niya. Dapat siyang bigyan ng demerito at papanagutin. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Dahil ikaw ay isang lider o manggagawa, may responsabilidad kang gawin ang gawaing dapat mong gawin. Para sa lahat ng nasa loob ng saklaw ng iyong responsabilidad, dapat mong maayos na pangasiwaan at tapusin ito nang naaayon sa mga kinakailangan ng sambahayan ng Diyos. Pero kung sadya mong iiwasan ang paggawa nito o aantalahin mo ito, pagpapabaya ito sa iyong responsabilidad, at ang pagpapabayang ito ay isang pagsalangsang. Kung sadya mong aantalahin ang isang usapin at hindi ito pangangasiwaan, ang kabiguan mo ay magiging isang pagsalangsang kalaunan, at bibigyan ka ng demerito ng Diyos. Mananagot ka sa usaping ito.

Sa mga dayuhang bansa, kung may mga partikular na problema sa legal na katayuan ng hinirang na mga tao ng Diyos, o kung inireklamo o isinumbong sila ng mga kapitbahay o mga estranghero, maaari silang humarap sa panganib ng deportasyon. Maaaring mangyari din na ang ilan sa hinirang na mga tao ng Diyos sa mga dayuhang bansa ay detenehin at parusahan o arestuhin at ikulong ng mga pamahalaan ng partikular na mga bansa batay sa mga gawa-gawang paratang. Anuman ang sitwasyon, kapag nalaman ng mga lider at manggagawa ang tungkol dito, hindi sila dapat umasta na parang mga pagong na nagkukubli sa loob ng talukab nila; dapat nilang pangasiwaan ang usaping ito sa unang pagkakataon, na may pinakapangunahing layon na tiyakin ang pananatiling ligtas ng mga kapatid, hindi sila pinahihintulutang mapasakamay ng masasamang tao. Kung ang tungkol sa pagsasaayos ng gawain ng iglesia lang ang inaalala ng mga lider at manggagawa, pero binabalewala ang usapin ng pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid, na nagreresulta sa pagkaaresto o deportasyon sa mga kapatid dahil sa kawalan ng legal na katayuan, anong mga kahihinatnan ito? Hindi ba’t sinira ng gayong mga lider at manggagawa ang pagkakataon ng mga kapatid na magawa ang tungkulin nila? Hindi ba’t direkta nitong naaapektuhan ang gawain ng iglesia? Kung gayon, ang kalikasan ng problemang ito ay napakaseryoso. Kung hindi pa napangangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang usaping ito dati, maaari silang humanap sa mga kapatid ng isang taong bihasa sa pangangasiwa sa mga panlabas na usapin para komunsulta sa isang abogado para mangasiwa sa usaping ito, nagsisikap na makamit ang layong maprotektahan ang mga kapatid at maprotektahan ang pananatiling ligtas ng mahahalagang tauhan sa gawain. Isa rin itong mahalagang aytem ng gawain na dapat gampanan ng mga lider at manggagawa sa ibang bansa; ang mga lokal na lider at manggagawa ay dapat na magkusa sa pag-aasikaso sa usaping ito. Bukod sa pagprotekta sa pananatiling ligtas ng mga lokal na kapatid, higit nilang dapat protektahan ang pananatiling ligtas ng mga dayuhang kapatid; sa ganitong paraan lang magkakaroon ng katiyakan ang gawain ng iglesia. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa sa bawat bansa para sa mga lokal na kapatid at sa mga dayuhan na mahahalagang tauhan sa gawain; hindi sila dapat manatiling walang ginagawa. Sinasabi ng ilang lider at manggagawa, “Sila ay mga dayuhang kapatid at hindi kami pamilyar sa kanila; wala kaming personal na ugnayan sa kanila. Ipinadala sila ng sambahayan ng Diyos para ipangaral ang ebanghelyo rito—ano ang kinalaman niyon sa amin? Ang kapahamakang ito ay isang bagay na idinulot nila sa sarili nila; hindi nila malinaw na inusisa ang tungkol sa sitwasyon bago sila dumating at hindi nila pinangasiwaan nang maayos ang mga usaping ito. Wala kaming paraan para makialam sa kapahamakang ito; sino ang nakaaalam kung ano ang gagawin ng pamahalaan sa kanila.” Gumagamit lang sila ng iba’t ibang palusot para takasan at iwasan ang mga usaping ito, at hindi sila naghahanap ng mga paraan para kumilos na lutasin ang mga ito. Tama ba ang ganitong paraan ng pagkilos? (Hindi.) Bakit hindi? (Kung hindi kumikilos ang mga lider at manggagawa sa paglutas sa mga problemang ito, at ang mga kapatid naman ay walang landas para lutasin ang mga problema, tiyak na magkakaroon ng kaguluhan. Hindi tinupad ng mga lider at manggagawa ang responsabilidad nilang protektahan ang mga kapatid—pagpapabaya ito sa responsabilidad nila.) Ang tungkulin ng mga lider at manggagawa ay tuparin ang bawat responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos. Ang saklaw ng sambahayan ng Diyos ay hindi limitado sa lokalidad, lokal na rehiyon, o isang partikular na bansa; ang sambahayan ng Diyos ay walang pambansang hangganan, walang rehiyonal na mga limitasyon. Mayroon bang mga limitasyon sa lahi sa paghihirang at pagliligtas ng Diyos sa mga tao? (Wala.) Mayroon bang mga limitasyon sa nasyonalidad o rehiyon? (Wala rin.) Wala. Ito ang prinsipyo ng paggawa ng Diyos sa Kanyang gawain; samakatwid, ang prinsipyong ito ang katotohanan! Saanmang bansa nagmula ang mga kapatid, lahat sila ay nananampalataya sa iisang Diyos, sumusunod sa iisang Diyos, at kumakain at umiinom din ng katotohanan na ibinabahagi at ipinagkakaloob ng iisang Diyos. Dinaranas nila ang gawaing ginagawa ng iisang Diyos, at sumasamba sila sa iisang Diyos. Anuman ang kulay ng balat o lahi nila, sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos, sila ay iisa—iisang pamilya sila. Dahil iisang pamilya sila, wala dapat na pagkakaiba sa kanila; wala dapat na mga limitasyon sa lahi o rehiyon; wala dapat mga pagkakahati-hati ng “ikaw ay Asyano, ako ay taga-Europa,” o “Ikaw ay Puti, ako ay isang taong may kulay”—wala dapat mga ganitong pagkakaiba-iba. Kung gumagawa ka pa rin ng mga ganitong pagkakaiba-iba sa sambahayan ng Diyos, malinaw na hindi mo itinuturing ang sambahayan ng Diyos bilang sambahayan ng Diyos, at hindi mo itinuturing ang sarili mo bilang isang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Kaya, kapag nakararanas ng mga problema ang mga dayuhang kapatid tulad ng deportasyon o ilegal na pag-aresto, saanman sila nagmula, anuman ang nasyonalidad nila, o anumang kulay ng balat nila, sila ay mga kapatid—dahil sila ay mga kapatid, kapag nakararanas sila ng mga problema, ang mga lokal na lider at manggagawa ay dapat na kumilos at obligado silang pangasiwaan ang usaping ito, at hindi dapat gumawa ng pagkakaiba-iba sa mga tao. Naaayon ito sa mga prinsipyo, ganap na tumutugma sa mga layunin ng Diyos, at ito ang katotohanang dapat isagawa ng mga tao.

Sa kasalukuyan, maraming hinirang na mga tao ng Diyos mula sa Tsina ang pumupunta sa iba’t ibang dayuhang bansa para mangaral ng ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos. Pagdating nila sa mga bansang ito, ang unang bagay na dapat nilang gawin ay iproseso ang legal na katayuan nila bago sila makapagtrabaho nang may kapanatagan. Ang pagproseso sa legal na katayuan ay hindi isang simpleng usapin; nangangailangan ito ng pakikipagtulungan ng mga tao sa lokal na iglesia. Iyong mga namamahala sa mga iglesia sa iba’t ibang bansa ay dapat humanap ng ilang kapatid na nakauunawa sa mga patakaran sa bansa nila at alam ang mga batas nito para matulungan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa Tsina na malutas ang isyu ng pagpoproseso ng legal na katayuan. Ang paglutas sa isyung ito ay napakahalaga. Ang mga lider at manggagawa ng mga iglesia sa iba’t ibang bansa ay dapat itong pagsikapan, dahil tanging sa ganap na paglutas sa isyu ng legal na katayuan ng mga tao makauusad nang normal ang gawain ng iglesia; kung hindi, maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Iyong mga namamahala sa mga iglesia sa iba’t ibang bansa ay dapat na maging handa sa mga taong may kakayahang mangasiwa sa gayong mga usapin. Ang paggawa nito ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at isa rin itong pagpapamalas ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Maaaring sabihin ng ilang lider at manggagawa, “Hindi pa namin kailanman napangasiwaan ang ganitong uri ng usapin, at hindi rin namin alam kung ano ang gagawin.” Sa ganitong sitwasyon, dapat silang maghanap ng mga taong nakauunawa sa ganitong uri ng mga usapin. Sa hinirang na mga tao ng Diyos sa bawat bansa, mayroong may mga pinag-aralan at kaalaman, at mayroon din iyong mga nakauunawa sa mga pambansang batas at patakaran. Para sa kanila, ang pangangasiwa sa mga usaping ito ay nangangailangan lang ng kaunting konsultasyon para makahanap ng isang landas—hindi ba’t ganoon iyon? Sa pangangasiwa sa ganitong uri ng usapin, hindi ka dapat na maging pasibo at hindi aktibo; kung hindi mo nauunawaan ang isang bagay, dapat kang humanap ng abogado na makokonsulta. Basta’t makahahanap ng kaukulang uri ng abogado, natural na magkakaroon ng isang landas. Maaaring hindi natin nauunawaan ang usaping ito, pero mauunawaan ito ng abogado. Ang pagkakaroon ng puso na naghahanap ay ang tamang saloobin; ang pagkakaroon ng isang pusong naghahanap ay isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad. Kung may lalabas na partikular na mga paghihirap, dapat kang manalangin, maghanap, at makipagbahaginan nang may iisang puso at isipan, at pagkatapos mahanap ang mga prinsipyo at landas para malutas ang problema, dapat ganap mong lutasin ito. Sa ganoong paraan lang maayos na makauusad ang gawain ng iglesia. Kung, kapag natutuklasan ang isang problema, kaya ng mga lider at manggagawa na kaagad na malaman ang tungkol dito, subaybayan ito, at lutasin ito, hindi ba’t mga responsableng lider at manggagawa sila? (Ganoon nga sila.) Ang gayong mga lider at manggagawa ay hindi lang may pagpapahalaga sa responsabilidad kundi kaya ring kaagad na lutasin ang mga problema, na ibig sabihin ay may pag-asa silang maging mga lider at manggagawa na pasok sa pamantayan. Gaano man kalalim ang pag-unawa nila sa katotohanan, kung tutuon sila sa paglutas ng mga problema, makagagawa sila ng tunay na gawain. Kahit papaano, mababawasan nila ang magagawa nilang pagkakamali o hindi sila magkamali; at kahit na makagawa pa sila ng ilang pagkakamali, kaya nilang kaagad na itama ang mga ito para mabawi ang ilang kawalan, sa huli ay makakamit ang layon ng pangangalaga sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa palagay ba ninyo ay mahirap tuparin ang responsabilidad na ito? (Hindi.) Sa katunayan, hindi ito mahirap; nakasalalay ito sa kung ang mga tao ay may katapatan sa paggawa ng tungkulin nila at kung matutupad nila ang responsabilidad nila sa kanilang gawain. Kailangan mo lang na medyo pag-isipan ito, gumugol ng kaunting oras, at mamuhunan ng kaunting lakas; hindi kinakailangang gumastos ka ng pera o humarap sa anumang panganib. Kailangan mo lang na manguna para tumulong na lutasin ang mga problema at pangasiwaan ang mga usapin nang maayos, at sa ganitong paraan, maaari kang maging pasok sa pamantayan. Kaya, hindi ito isang mahirap na usapin, at para sa mga lider at manggagawa, dapat ay madali lang itong makamit. Pero may ilang tao na hindi kayang kamtin maging ang ganito kadaling bagay, at napakalinaw na hindi ito dahil sa kakulangan ng kakayahan o abilidad, o sa mga kondisyon o sa kapaligirang hindi nagpapahintulot dito, kundi sa halip, ito ay dahil sa ayaw nilang gawin ito. Kapag may mga nangyayaring espesyal na sitwasyon na may kinalaman sa legal na katayuan o paninirahan ng mahahalagang tauhan sa gawain, o mga usaping may kaugnayan sa tirahan nila, ang mga lider at manggagawa ay may responsabilidad na isagawa ang gawaing ito. Hindi mahalaga kung para kanino ka nagsasaayos ng tirahan, o kung ano ang kanilang nasyonalidad o lahi; ang dapat mo lang gawin ay tanggapin ito mula sa Diyos. Ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang gawaing ito; ito ay iyong responsabilidad at obligasyon, pati na rin ang iyong misyon. Ang gawaing ito na tinatanggap mo ay nagmumula sa Diyos, hindi mula sa sinumang tao, kaya hindi mo dapat alalahanin kung sino ang mga taong ito na isinasaayos mo ang tirahan. Maaaring sabihin ng ilang tao na, “Ang pagprotekta sa mga lokal na kapatid ay katanggap-tanggap, pero wala kaming pakialam kung pumunta rito ang mga dayuhang kapatid.” May pagpapahalaga ba sa responsabilidad o pagkatao ang mga taong nagsasabi nito? (Wala.) Itinuturing nilang mga kapatid ang mga lokal na kapatid, pero hindi itinuturing na kapatid ang mga dayuhang kapatid—katanggap-tanggap ba ito? (Hindi ito katanggap-tanggap.) Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi ito naaayon sa katotohanan? (Ang mga huwad na lider ay hindi mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos; binabalewala nila ang mga dayuhang kapatid, at hindi sila kumikilos para pangasiwaan ang mga isyu kapag nagkakaroon ng mga problema—hindi nila pinangangalagaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos.) Umiiwas ang mga huwad na lider sa responsabilidad gamit ang iba’t ibang palusot at hindi gumagawa ng tunay na gawain. Sinasabi nilang handa silang igugol ang sarili nila para sa Diyos at handang isagawa ang katotohanan, pero tunay na pagdating sa mga kritikal na usapin ng gawain ng iglesia, nagtatago sila. Ito ay pagiging iresponsable. Para sa lahat ng isyu na may kinalaman sa pagprotekta sa pananatiling ligtas ng mga kapatid sa ibang bansa, dapat agarang pangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang mga ito, tinatrato ito bilang isang responsabilidad at isang gampanin na dapat tapusin. Hindi sila dapat magpalusot para iwasan ito, ni hindi nila dapat hayaan ang kapabayaan nila sa gawaing ito na makaapekto sa pag-usad ng iba’t ibang aytem ng gawain ng sambahayan ng Diyos.

B. Pagbibigay sa Lahat ng Kapatid ng Batayang Legal na Kaalaman

Anong iba pang aspekto ng gawaing may kinalaman sa pananatiling ligtas ng mga kapatid sa ibang bansa ang naiisip ninyo? (Sa mga dayuhang bansa, dapat magbigay rin ang mga lider at manggagawa ng ilang batayang legal na kaalaman sa lahat ng kapatid, para magkaroon ang mga ito ng pagpapahalaga sa kamalayan sa batas at maiwasang sumali sa mga gawaing lumalabag sa batas.) Dapat magbigay ang mga lider at manggagawa ng batayang legal na kaalaman at pag-unawa sa iba’t ibang regulasyon ng pamahalaan sa lahat ng kapatid. Dapat nilang pag-aralan pa ang tungkol sa mga larangang ito mula sa mga lokal na kapatid sa bansang kinaroroonan nila, tulad ng mga polisiya sa imigrasyon at mga polisiyang may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay, at pagkatapos ay organisahin ang mga kapatid para pag-aralan ang mga ito nang sa gayon ay mahigpit silang makasunod sa mga regulasyon ng pambansang pamahalaan at makaiwas na gumawa ng anumang labag sa batas. Sa partikular, ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa Tsina, na napasailalim sa diktadurang pamamahala sa loob ng napakaraming taon, ay walang legal na kaalaman at hindi nakauunawa sa kahalagahan ng batas. Dahil dito, kumikilos sila nang kaswal at walang-ingat, tulad ng mga hindi sibilisadong tao. Kapag umaalis sila para manirahan sa ibang bansa, nagmumukha silang napakamangmang at madalas na gumagawa ng mga bagay na nagpapakita ng kawalan ng pag-unawa sa mga alituntunin. Halimbawa, sa ilang Kanluraning demokratikong bansa, mahusay na pinamamahalaan ang kaayusang panlipunan, may mga regulasyong nagbabawal sa ingay mula alas-10 ng gabi hanggang alas-8 ng umaga—hindi pinahihintulutan ang mga tunog tulad ng pagtahol ng mga aso o ingay mula sa makinarya sa konstruksiyon. Kung may sinumang lumabag sa mga regulasyong ito at iniulat, pangangasiwaan ito ng pulisya. Sa mainland China, walang sinumang namamahala sa mga usaping ito; saanmang may naninirahang mga tao, magiging walang habas na maingay rito, na may malalakas na tunog ng musika, sayawan, inuman, at pagdiriwang, at walang nakikialam. Kung may sinumang nagtatangka na gumawa ng anuman, maaari silang gantihan, kaya walang magawa ang mga Tsino kundi ang tiisin ito. Iba sa mga Kanluraning bansa; lahat ay protektado ng batas. Kung madalas tumahol ang aso mo sa kalagitnaan ng gabi, nakaiistorbo sa pahinga ng mga kapitbahay mo, magrereklamo sila laban sa iyo. Ang ginagawa mo ay nakaaapekto sa normal na pamumuhay ng iba, nalabag mo ang mga legal na regulasyon—lehitimo para sa kanila na gamitin ang batas bilang sandata para magreklamo laban sa iyo. May mga tao ring nagpapatuloy sa gawaing konstruksiyon hanggang alas-11 o alas-12 ng gabi, nakaaapekto sa pahinga ng mga kapitbahay nila at nagreresulta sa mga reklamo. Pagkatapos ay dumarating ang pulisya para pagmultahin at bigyang-babala sila na huwag mag-ingay sa mga itinalagang oras. May ilang tao na wala pa ngang kamalayan sa kalinisang pangkapaligiran, nagkakalat at nag-iiwan ng basurang nakakalat sa mga lansangan. Partikular na maayos sa mga Kanluraning demokratikong bansa. May mga takdang oras ang mga residente para sa pagtatapon ng basura, at dumarating ang mga trak ng basura sa mga nakatakdang araw para kolektahin ito. Matapos ang koleksiyon, nananatiling malinis ang mga lansangan. Iyong mga hindi nakauunawa rito ay maaaring magkalat, na maituturing ding paglabag sa mga regulasyon. Naaapektuhan nito ang pampublikong kalinisan at ang itsura ng lungsod, kaya’t maaari silang sampahan ng mga reklamo. Ang mga Tsino, na hindi sumusunod sa mga alituntunin, ay madalas na nakatatanggap ng mga reklamo kapag naninirahan sa ibang bansa. Pagkatapos na maiulat nang maraming beses, nagkakaroon sila ng mga opinyon sa mga Kanluranin, sinasabi, “Mahilig lang talagang magsampa ng mga reklamo ang mga Kanluranin; nagsasampa sila ng reklamo sa bawat maliit na bagay,” kung saan sinasabi Ko naman, “Nagsampa sila ng mga reklamo laban sa iyo dahil sa napakaraming usapin, at hindi ka pa rin nagnilay sa sarili mo, sa halip ay sinisisi mo pa sila sa pagsasampa ng mga reklamo. Tama ba sila sa pagsasampa ng mga reklamo, kung gayon? Tama o mali ba ang mga bagay na ginawa mo?” Ganap silang tama sa pagsasampa ng mga reklamong iyon; napinsala mo ang mga interes nila at naapektuhan ang buhay nila, kaya bakit hindi sila magsasampa ng mga reklamo laban sa iyo? Isinasagawa ito para mapangalagaan ang kaayusang panlipunan at ipinapakita na ang bansang ito ay pinamamahalaan ng batas; lahat ng tao ay protektado ng batas, at ang batas sa bansang ito ay hindi palabas lang—maaaring gamitin ng lahat ang batas bilang sandata para mapangalagaan ang sarili nilang mga karapatan at interes. Nagsasampa sila ng reklamo laban sa iyo dahil hindi mo nauunawaan ang batas at nilabag mo ang mga lokal na regulasyon. Dapat mo munang aralin ang mga lokal na regulasyon at kumilos nang naaayon sa mga batas at regulasyon—kung gayon, sa palagay mo ba ay magrereklamo pa rin sila laban sa iyo? (Hindi na sila magsasampa ng reklamo.) Kaya bakit hindi kailanman nagsasampa ng mga reklamo ang mga Tsino kahit gaano kaseryoso ang usapin? (Masyadong matagal na silang inapi ng pamahalaan. Hindi sila naglalakas-loob na magsampa ng mga reklamo. Wala ring konsepto ang mga Tsino ng pagtatanggol sa mga karapatan nila.) Ang Tsina ay hindi isang bansang pinamamahalaan ng batas. Hindi ito pinamumunuan alinsunod sa batas. Ang mga batas ng Tsina ay palabas lang, at walang silbi ang pagsasampa ng reklamo roon. Kung magsasampa ka ng reklamo, at ang kabilang panig ay may kapangyarihan at impluwensiya, maaari kang balikan ng mga ito. Kung wala kang impluwensiya, hindi ka man lang maglalakas-loob na magsampa ng reklamo; ang pagsasampa ng reklamo ay maaaring madaling makapagdulot ng problema sa iyo. Kaya, kapag nahaharap sa pag-uusig ang mga Tsino—lalo na sa mga kaso kung saan may taong pinatay—kahit gaano pa kahindi-makatarungan ang pagkamatay, pribado na lang na inaareglo ang usapin kung magbabayad ng kaunting pera ang salarin. Bakit hindi nagsasampa ng kaso ang pamilya ng biktima? Alam nilang hindi sila kailanman mananalo; magkakahalaga ito ng malaking pera, pero hindi pa rin nila makakamit ang katarungan, ni hindi mapananagot ang salarin, kaya pinipili nilang huwag itong ituloy sa legal na paraan at sa halip ay aregluhin ito nang pribado. Ang mga batas ng Tsina ay palabas lang; ang Tsina ay hindi isang bansang pinamumunuan ng batas, at walang lugar para sa paghahanap ng katarungan. Walang saysay ang pagsasampa ng kaso. Kaya’t anuman ang mga ilegal na sitwasyong nararanasan ng mga Tsino, hindi sila naglalakas-loob na magsampa ng mga reklamo. Ito ay dahil ang Partido Komunista ay walang ginawa kundi ang gumawa ng masasamang gawa, walang katwiran, at hindi namumuno nang naaayon sa batas. Sa Tsina, basta’t isa kang ordinaryong tao, gaano man kaseryoso ang isyung kinahaharap mo, hindi ito itinuturing na isang mahalagang usapin ng Partido Komunista—walang sinumang mag-aasikaso nito. Ang mga bagay tulad ng pag-abala sa pahinga ng iba, o maging ang mga kaso ng pang-uumit, pagnanakaw, at panloloob, ay sadyang hindi itinuturing na mga isyu ng Partido Komunista. Gayumpaman, iba ito sa mga Kanluraning bansa. Ang Kanluran ay may sistemang demokratiko at isa itong lipunang pinamumunuan ng batas; basta’t naapektuhan ang pahinga ng isang tao, may maisasampang reklamo, at darating ang pulisya para siyasatin at pangasiwaan ang usapin. Ang mga Kanluranin ay may ganitong legal na kamalayan at hindi gumagawa ng gayong kahangal na mga bagay; iyong mga nanggagaling lang sa ibang bansa at hindi nakauunawa sa mga alituntunin ang gumagawa ng mga hangal na bagay na ito. Nang magsimulang manirahan ang mga Tsino sa ibang bansa, madalas silang makatanggap ng mga reklamo. Sa paglipas ng panahon, natututunan nila ang tungkol sa mga lokal na batas at regulasyon at hindi na naglalakas-loob na gawin ang mga bagay na lumalabag sa batas o nakakagulo sa iba. Samakatwid, dapat iorganisa ng mga lider at manggagawa ang mga kapatid para matutunan nila ang tungkol sa iba’t ibang batas at regulasyon ng bansang kinaroroonan nila. Anuman ang nilalayon nilang gawin, dapat muna nilang konsultahin ang batas—kahit sa pag-aalaga ng mga manok o baboy sa sarili nilang bakuran, dapat muna nilang suriin ang mga regulasyon ng pamahalaan. Maaari silang maghanap ng impormasyon online o komunsulta sa mga lokal na kapatid at sa paraang ito ay makakukuha sila ng mga tumpak na sagot. Sa lahat ng usapin sa iba’t ibang Kanluraning bansa, may mga partikular na regulasyon ang pamahalaan. Halimbawa, sa konstruksiyon, may mga regulasyon kung gaano dapat kataas ang mga saksakan ng koryente mula sa sahig at kung gaano kalayo dapat ang mga saksakan sa isa’t isa. May mga partikular na pamantayan din para sa kapal ng mga barandilya ng hagdan at lapad ng mga balustre ng hagdan. Ang bawat hakbang sa konstruksiyon ay iniinspeksiyon ng mga tauhan ng pamahalaan, kaya’t bihira ang mga insidente ng mga gusaling lumalabag sa mga batas sa konstruksiyon o hindi kontroladong konstruksiyon. Kung gusto ng mga residenteng magtayo ng bahay, ng kamalig ng mga kasangkapan, o isang maliit na silid-imbakan sa bakuran nila, dapat silang kumuha ng pahintulot mula sa pamahalaan. Kung gusto nilang mag-alaga ng mga manok o bibe, may mga regulasyon kung gaano kalayo ang kulungan mula sa ari-arian ng kapitbahay nila. Kahit pa hindi nauunawaan ng mga lider at manggagawa ang mga batas at regulasyong ito, kung may kinalaman ang gawain ng iglesia sa mga usaping ito, dapat nilang pagtuunan ang mga ito ng pansin. Dapat muna nilang konsultahin ang mga lokal na batas at mga regulasyon ng pamahalaan; ang pagiging malinaw sa mga bagay na ito ay kapaki-pakinabang sa pagganap natin ng tungkulin. Bagaman hindi direktang nauugnay ang mga usaping legal sa panloob na gawain ng iglesia, ang pagbibigay ng batayang legal na kaalaman sa lahat ay kapaki-pakinabang pa rin. Kahit papaano, makapagkakamit sila ng kaunting kaalaman, makauunawa sa ilang alituntunin, matututo kung paano mamuhay nang maayos, at makapagkakamit ng kaunting wangis ng pagkatao. Bukod pa rito, dapat makipagbahaginan ang mga lider at manggagawa sa mga responsable sa mga panlabas na usapin, tinutulungan silang magkaroon ng legal na kamalayan. Para sa maliliit na usapin, hindi na kinakailangang komunsulta sa isang abogado—kailangan lang nilang maunawaan ang mga lokal na regulasyon at mahigpit na sundin ang mga ito. Gayumpaman, para sa malalaking usapin, dapat silang komunsulta sa abogado para magkamit ng pagkaunawa sa mga lokal na batas. Sa pagbubuod, anuman ang ginagawa, ang lahat ng pagkilos ay dapat na sumusunod sa mga batas at regulasyon. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon ay magpapahintulot sa mga tao na maranasan ang kahalagahan ng pagsunod sa mga batas at regulasyon, at susunod sila sa mga alituntunin kapag gumagawa ng mga bagay-bagay. Kapaki-pakinabang din ito sa gawain ng iglesia.

C. Mga Prinsipyong Dapat Sundin Kapag Nagpapadala ng mga Tao Para Mangaral ng Ebanghelyo

Pagdating sa pagprotekta sa pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin, may isa pang larangan ng gawain na dapat asikasuhin ng mga lider at manggagawa, ang protektahan ang pananatiling ligtas ng mga taong ipinapadala para gawin ang tungkulin nila. Ano ang mga prinsipyong dapat sundin kapag nagpapadala ng mga tao para lumabas at gawin ang tungkulin nila? Una, dapat bigyan ng pagsasaalang-alang ang edad at kasarian ng mga tao, gayundin ang kanilang malalim na pang-unawa at karanasan sa buhay—hindi dapat magkaroon ng magulong isip o maging kaswal ang mga lider at manggagawa sa bagay na ito. Halimbawa, kung nagpapadala ka ng mga manggagawa ng ebanghelyo para mangaral ng ebanghelyo sa isang di-pamilyar na lugar, anong uri ng mga tao ang angkop na ipadala? (Ang mga taong may kaunting malalim na pang-unawa at karunungan.) Kung ang isang partikular na iglesia ay walang maraming angkop na tao, na karamihan ay mga kabataan na kulang sa karanasan sa buhay at malalim na pang-unawa, na hindi marunong mangasiwa sa mga sitwasyon—lalo na sa mahihirap na problema—kapag nahaharap sila sa mga ito, na nagsasalita nang walang mga prinsipyo, at na wala ring karunungan, hindi nila magagawa ang gawain. Kung ang gayong uri ng mga tao ang ipadadala, hindi lang nila hindi malulutas ang mga problema, kundi maaaring makaapekto at makaantala pa sila sa gawain. Samakatwid, kapag nagpapadala ng mga tao para lumabas at gawin ang tungkulin nila, kinakailangang pumili ng mga taong may hustong pagkatao at karunungan—ang gayong mga tao lang ang angkop. Kung kulang ang mga angkop na tao, hayaang makipagtulungan ang mga kabataan sa mga mas nakatatanda para gawin ang tungkulin nila. Halimbawa, ipagpalagay na may isang nakababatang kapatid na babae na may edad 25 o 26 taong gulang, sa kabila ng pananampalataya sa Diyos nang mahaba-habang panahon, nagtataglay ng pananalig at tayog, at matagal nang gumagawa ng tungkulin niya, ay hindi alam kung paano pananatilihing ligtas ang sarili niya kung ipadadala para gawin ang tungkulin niya sa isang di-pamilyar na lugar—sa gayong kaso, kinakailangang maghanap ng isang lokal na kapatid na may karanasan sa lipunan para makipagtulungan sa kanya para gawin ang tungkulin. Siyempre, kung ang lokasyon ng tungkulin ay isang pamilyar na lugar o lugar kung saan mayroon nang isang iglesia, maaaring pumunta ang mga nakababatang kapatid. Gayumpaman, kung pupunta ang mga tao sa isang di-pamilyar na lugar, lalo sa isang lugar na may mahinang pampublikong seguridad, para mangaral ng ebanghelyo o gumawa ng ibang gawain, dapat isaalang-alang ang kanilang personal na pananatiling ligtas. Para sa mga lider at manggagawa, sinuman ang ipinadadala nila para lumabas at gumawa ng gawain, ang pananatiling ligtas ang pangunahing konsiderasyon. Kung hindi malinaw kung anong uri ng mga tao ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, o kung maaaring gumawa ng hindi nararapat na mga bagay ang mga taong ito, dapat mag-ingat kapag nagpapadala ng mga tao para mangaral ng ebanghelyo. Dati, narinig ko na ang ilang lider at manggagawa ay madalas na nagpapadala ng mga nakababatang sister—humigit-kumulang 18 o 19 taong gulang, o nasa 20 anyos—sa mga di-pamilyar na lugar para mangaral ng ebanghelyo, at ayon sa mga ulat, may ilang hindi kanais-nais na insidenteng naganap. Anuman ang aktuwal na nangyari, sa huli, may kinalaman ito sa hindi pagiging masusi ng mga lider at manggagawa sa pagsasaalang-alang nila kapag ginagawa ang gawain. Dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang mga salik na ito sa kanilang gawain at hindi basta-bastang nagtatalaga sa napakababata pang kapatid sa mga hindi pamilyar at mapanganib na lugar para gawin ang tungkulin ng mga ito. May isang lider na minsang nagsaayos para sa dalawang sister, edad 18 o 19, na mangaral ng ebanghelyo. Nang may nagsabing masyado pang bata at hindi angkop ang mga ito para sa gawain, humanap ang lider ng isang 21-taong-gulang na sister para humalili, iniisip na, “Sinabi mong masyadong bata ang 19, kaya naghanap ako ng 21 taong gulang. Mas matanda na iyon, hindi ba?” Kumusta ang kakayahan ng lider na ito? May tendensiya silang mambaluktot, hindi ba? (Oo.) Ang pagiging mas matanda lang nang dalawang taon sa 19—maaari bang may karanasan siya sa buhay? Maaari bang may karanasan siya sa lipunan? Kapag nahaharap sa mga paghihirap o mapanganib na sitwasyon, maaari bang mapaiyak na lang siya? Bagaman mas matanda siya ng dalawang taon, pagdating sa edad, masyado pa rin siyang bata at wala pang kakayahan na akuin ang gawaing ito. Kahit papaano, kinakailangang maghanap ng isang kapatid na nasa edad 30 o 40, o kahit 50 o 60—mas nakatatanda sila at may karanasan sa lipunan; kapag nahaharap sa mga sitwasyon, mayroon silang karunungan para pangasiwaan ang mga ito, pinipigilang mangyari ang anumang mapanganib na sitwasyon. Ang mga kabataan ay hindi pa nakakita o nakaranas ng maraming bagay at hindi pa alam kung paano pangangasiwaan ang mga ito; kapag nakararanas ng panganib, maaaring hindi pa nga nila ito mapagtanto, kaya’t nagiging madali na mangyari ang mga insidente. Ang mga mas matanda, dahil nakakita na ng mas maraming kabuktutan sa lipunang ito at sa sangkatauhang ito, ay malimit na maging mas alerto sa mga tao. Batay sa kanilang karanasan sa lipunan at kaalaman mula sa tunay na buhay, makagagawa sila ng ilang makatwirang paghuhusga tungkol sa kung anong uri ng panganib ang maaaring lumitaw sa mga partikular na sitwasyon, kung gaano kataas ang antas ng panganib, kung aling mga indibidwal ang masasamang tao, at kung anong uri ng mga bagay ang maaaring gawin ng partikular na mga tao. Kapag nahaharap sa mapanganib na sitwasyon, mayroon din silang karunungan para umiwas sa panganib. Ang mga kabataan, sa kabilang banda, ay kulang sa karanasan. Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, hindi nila makita ang mga posibleng mapanganib na kahihinatnan. Kaya, pagdating sa mga usaping pangkaligtasan, mas masusi ang mga nakatatanda sa mga pagsasaalang-alang nila kaysa sa mga kabataan. Kapag ang mga lider at manggagawa ay nagsasaayos para sa mga tao na lumabas at gawin ang tungkulin nila, dapat nilang isaalang-alang ang mga lokal na kondisyon at magsaayos para sa mas nakatatanda na may kaunting karunungan at karanasan na makipagtulungan sa mga kabataan para gawin ang tungkulin ng mga ito. Ang mga lider at manggagawa ay dapat na maging masusi sa mga pagsasaalang-alang nila sa mga usaping ito.

Saan mang bansa ginagawa ang gawain ng iglesia, ang pagtitiyak sa pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng tungkulin nila ay isang aytem ng gawain na dapat pagtuunan ng pansin ng mga lider at manggagawa. Sinuman ang ipadala para gawin ang anumang gawain, dapat siyang magtaglay ng partikular na kakayahan at magkaroon ng kaunting kapabilidad para maging mahusay sa gawain at para matiyak ang pananatiling ligtas niya; sa partikular, lalong ganito ang kaso sa mga lugar o bansa na may mahinang pampublikong seguridad. Dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng tungkulin ng mga ito bilang pangunahing pagsasaalang-alang, at huwag itong walang-ingat na balewalain. May ilang tao ang nagsasabing, “Ayos lang. Ang ginagawa natin ay ang pagganap ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos—may proteksiyon tayo ng Diyos, kaya walang sinumang mamamatay. Ano bang posibleng mangyaring hindi maganda?” Tama bang sabihin nila ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Ang ganitong pananalita ay iresponsable, at ang pananaw na ito ay napakalayo rin sa realidad.) Dapat gawin ng mga tao ang makakaya nila para tuparin ang mga responsabilidad na kaya nilang tuparin at asikasuhin ang kaya nilang isaalang-alang; hindi nila dapat subukin ang Diyos, o isugal ang pananatiling ligtas ng mga kapatid. Kayang protektahan ng Diyos ang mga tao, pero kung hindi mo isasaalang-alang ang mga problema na kaya mong isaalang-alang, at ginagamit mo ang pananatiling ligtas ng mga kapatid bilang pusta para subukin ang Diyos, ibubunyag ka ng Diyos—sino ang lubhang nagpahangal sa iyo, para gumawa ng gayong kamangmangan! Samakatwid, hindi dapat gamitin ng mga lider at manggagawa ang ganitong uri ng pananalita bilang palusot para gumawa ng mga iresponsableng bagay; ang pagtitiyak sa pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng tungkulin nila ay responsabilidad mo, at dapat mong tuparin ang sarili mong responsabilidad. Matapos asikasuhin ang lahat ng kaya mong isaalang-alang at kayang gawin, para sa mga hindi mo naisaalang-alang, kung paano kikilos doon ang Diyos ay sariling usapin ng Diyos at walang kinalaman sa iyo. May ilang tao na walang pakundangang iniaatang ang lahat ng responsabilidad sa Diyos, sinasabing, “Responsable ang Diyos para sa pananatiling ligtas ng mga tao, hindi natin kailangang matakot; makapangangaral tayo sa anumang paraang gusto natin. Sa Diyos, ang lahat ay malaya at pinalaya; hindi natin kailangang mag-alala tungkol sa mga bagay na iyon!” Tama ba ang ganitong uri ng pahayag? (Hindi.) Ayon sa ganitong uri ng pahayag, hindi kailangan ng mga taong humanap ng mga prinsipyo kapag may nangyayaring mga bagay-bagay; kung ganoon ang kaso, ano ang magiging silbi ng katotohanang ipinahayag ng Diyos? Mawawalan ito ng silbi. Sa mga nakalipas na taong ito, matiyaga at maingat na nagpahayag ang Diyos ng napakaraming salita para turuan ang mga tao, na may pakay na bigyang-kakayahan ang Kanyang hinirang na mga tao na malaman kung paano manatiling buhay, kung paano hangarin ang katotohanan, at kung paano umasal sa masamang mundong ito at sa masamang sangkatauhang ito, para makaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi mo dapat subukin ang Diyos, hindi ka rin dapat kumilos paano mo man gustuhin nang naaayon sa mga salita at doktrina at nang walang mga prinsipyo. Para magawa ng mga lider at manggagawa nang mabuti ang trabaho nila sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo, una sa lahat, dapat nilang magarantiya ang pananatiling ligtas ng mga tao. Para magawa ito, dapat muna nilang malaman at maarok ang mga partikular na sitwasyon ng mga gumagawa ng tungkulin nila, magpadala ng angkop na mga tao, at maunawaan din kung ano ang gagawin sa iba’t ibang sitwasyon para magarantiya ang pananatiling ligtas ng mga tao. Kung ang isang lokasyon ay partikular na magulo, walang mga may kakilala roon, at hindi matitiyak ang pananatiling ligtas ng sinumang pumupunta roon para mangaral ng ebanghelyo, huwag munang magpadala ng mga tao roon; huwag magbakasakali, huwag gumawa ng mga di-kinakailangang sakripisyo. Anuman ang tungkuling ginagawa o alinmang gawain ang isinasagawa, hindi nito kinakailangang lumabas ka sa mundo o ipagsapalaran ang buhay mo, ni hindi nito kinakailangang itaya mo ang pananatiling ligtas mo o buhay mo. Siyempre, sa kapaligiran ng Tsina, hindi maiiwasan ang pagharap sa mga panganib sa paggawa ng tungkulin ng isang tao. Inuusig ng pamahalaan iyong mga nananampalataya sa Diyos, at kahit na alam na alam mong may panganib, dapat ka pa ring manampalataya sa Diyos, sumunod sa Diyos, at gawin ang tungkulin mo; hindi mo puwedeng abandonahin ang tungkulin mo, at walang gawain ang maaaring itigil. Iba-iba ang sitwasyon sa mga dayuhang bansa—ang ilan ay mga awtoritaryang bansa katulad ng Tsina, habang ang iba naman ay may mga demokratikong sistema. Sa mga bansang may mga demokratikong sistema, ang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo ay makauusad nang maayos, at ang iba’t ibang aytem ng gawain ay maisasakatuparan din nang mas maayos. Pero sa ilang bansa na may mga awtoritaryang katangian, ang mga tao ay parehong barbariko at paurong, at hindi madali para sa kanila na tanggapin ang tunay na daan. Kapag ipinangangaral sa kanila ang ebanghelyo, hindi lang nila hindi ito sinisiyasat, kundi maaari din nila itong bulag na kondenahin, at maaari pa ngang isumbong ang sitwasyon sa pulisya. Sa gayong mga kaso, huwag magpadala ng mga tao para mangaral ng ebanghelyo roon; sa halip, pumili ng mga lugar kung saan matitiyak ang pananatiling ligtas para maisagawa ang gawain. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat maingat na isaalang-alang ng mga lider at manggagawa. Halimbawa, sa mga bansang tulad ng Malaysia, Indonesia, o India, na may mga napakakomplikadong relihiyosong pinagmulan, may partikular na mga relihiyosong denominasyon ang may malakas na impluwensiya at kontrol sa buong lipunan, hanggang sa punto na maging ang mga pamahalaan ay sumusuko sa impluwensiya ng mga relihiyong ito. Sa gayong mga bansa, kung gayon, huwag nang magpadala ng mga karagdagang tao para mangaral doon ng ebanghelyo; sapat na para sa mga lokal na iglesia lang na mangaral ng ebanghelyo. Sa ilang bansa, nag-iiba-iba ang mga sitwasyon sa iba’t ibang estado o probinsya, at ang mga lokal na batas at regulasyon ay naiiba sa mga pambansang batas at regulasyon. Halimbawa, may ilang rehiyon na may mga espesyal na relihiyosong pinagmulan, at sa mga rehiyong iyon, nagkakaisa ang iglesia at estado. Sa ilang kaso, ang mga relihiyosong lider ay may mas malaki pa ngang awtoridad kaysa sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan at hayagang lumalabag sa ilang pambansang polisiya. Kung mangangaral ka ng ebanghelyo sa gayong mga rehiyon, may mga potensiyal na panganib sa pananatiling ligtas. Ang mga potensiyal na panganib na ito ay hindi lang limitado sa pag-iimbento ng mga tsismis tungkol sa iyo o sa pagpapalayas sa iyo—maaari ka rin nilang arestuhin, ikulong nang walang kaso, at maging pahirapan, lumpuhin, o patayin ka, at hindi makikialam ang pamahalaan. Sa katunayan, namumuhi ang mga lider ng karamihan sa mga relihiyosong denominasyon sa mga panlabas na relihiyon. Dahil napakalakas ng impluwensiya nila at hindi talaga sila napipigil ng batas, walang nangangahas na papanagutin sila gaano man nila kalupit na inuusig ang mga manggagawa ng ebanghelyo, at maging ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ay ayaw silang salungatin. Kapag nagsimula ka nang mangaral ng ebanghelyo sa teritoryo nila, maaari ka nilang pahirapan sa anumang paraang gusto nila. Kaya, dapat na maging lalong maingat ang mga lider at manggagawa sa pagpapadala ng mga tao para mangaral ng ebanghelyo kung saan mang lugar. Una, dapat nilang imbestigahan at aralin ang tungkol sa sitwasyon sa lugar na iyon—kung may kalayaan ba sa pananampalataya, gaano kalakas ang mga puwersang panrelihiyon, at kung ano ang mga maaaring kahihinatnan kung maiulat ang mga taong nangangaral ng ebanghelyo roon. Ang mga usaping ito ay dapat na maunawaan nang malinaw bago magpasya kung magpapadala ba o hindi ng mga tao roon. Kung, matapos matutunan ang tungkol sa isang lugar, natukoy na hindi ito angkop para sa pangangaral ng ebanghelyo, walang sinuman ang pinahihintulutang magpadala ng mga tao roon para mangaral. Bahagi rin ito ng gawain na dapat gawin para matiyak ang pananatiling ligtas ng mga manggagawa ng ebanghelyo. May ilang lider at manggagawa na may baluktot na pagkaarok, at sinasabing, “Ayos lang; poprotektahan tayo ng Diyos. Kapag mas mahirap ang hamon, mas dapat natin itong harapin. Napakaraming tao na nananampalataya sa Panginoon sa lugar na iyon, kaya bakit hindi tayo dapat mangaral ng ebanghelyo roon?” May nagsasabi sa kanila, “May mga pribadong bilangguan doon. Kapag pumunta tayo roon para mangaral ng ebanghelyo, hindi lang tayo makukulong, kundi maaari pa tayong mamatay roon. Hindi tayo maaaring pumunta!” Pinag-iisipan ito ng mga hangal na huwad na lider na iyon, “Napakaraming bilangguan ng malaking pulang dragon, pero hindi tayo natatakot dito—kaya bakit tayo matatakot sa isang kumpol ng mga pribadong bilangguan doon? Maaaring ipiit ng mga bilangguan ang ating katawan pero hindi ang mga puso natin! Huwag matakot—pumunta ka na lang!” Pagkatapos ay sunod-sunod nilang ipinadadala ang mga tao, at sa huli, wala ni isa sa mga ito ang nakababalik; lahat ng mga ito ay nakulong. Napapatulala ang mga huwad na lider. Ano ang problema rito? (Mga hangal ang mga huwad na lider na ito.) Ang gayong mga huwad na lider ay mga salbahe; mga iresponsable sila, nagpapadala ng mga tao sa panganib. Bakit hindi sila mismo ang pumunta? Tutal hindi naman sila takot sa panganib, dapat sila ang maunang pumunta. Kung pupunta sila, makababalik nang ligtas, at makapagkakamit ng mga tao, saka maaaring sumunod ang iba sa kanila. Anuman ang mangyari, ang pananatiling ligtas ng mga tao ay dapat magarantiya sa pangangaral ng ebanghelyo. Huwag na huwag magbakasakali sa mga lugar na mapanganib at hindi angkop para sa pangangaral ng ebanghelyo. Huwag ipagpalagay na ligtas ang anumang lugar sa labas ng mainland China; ito ay isang ilusyon, isang baluktot na pagkaunawa. Ang mga mangmang na tao lang ang nag-iisip nang ganito—masyadong kaunti ang nauunawaan ng gayong mga tao tungkol sa mundong ito! Huwag ipagpalagay na dahil karamihan sa mga bansang Kanluranin ay may kalayaan sa pananampalataya at medyo maraming tao ang nananampalataya sa Panginoon, maaari kang lantarang mangaral ng ebanghelyo at lantarang magsabi ng iba’t ibang pahayag na naglalantad sa kung gaano kadilim at kasama ang relihiyosong mundo; kung gagawin mo ito, hindi mo lubos na maiisip ang mga kahihinatnan nito. Kailangan mong maunawaan na kapag nangangaral ng ebanghelyo, sa mga relihiyosong tao man o sa mga walang pananampalataya, humaharap ka sa tiwaling sangkatauhan, sangkatauhan na lumalaban sa Diyos. Huwag mong isipin na masyadong simple ang usaping ito.

Kung gustong magarantiya ng mga lider at manggagawa ang pananatiling ligtas ng mga manggagawa ng ebanghelyo, dapat nilang masusing isaalang-alang ang lahat ng aspekto ng isyu, at sakaling may lumitaw na anumang problema, dapat itong agarang pangasiwaan, at pagkatapos, dapat na ibuod ang mga karanasan at aral para mahanap ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa, tinutukoy kung paano magsasagawa sa hinaharap—isang mahalagang aytem rin ito ng gawain na kailangang magawa. May ilang usapin na hindi pa naisasaalang-alang o nakahaharap dati ng mga lider at manggagawa; matapos lumitaw ang mga problema, dapat nilang ibuod: “Dapat pa rin ba tayong pumunta sa ganoong uri ng lugar? Tama ba ang paraang ito ng pagpapadala sa mga tao? Dapat ba nating ayusin ang mga plano, estratehiya, o direksiyon para sa mga susunod na hakbang sa pangangaral ng ebanghelyo o sa paggawa ng anumang iba pang mahalagang gawain?” Sa patuloy na proseso ng pagbubuod, dapat na unti-unting matukoy ng mga lider at manggagawa ang mga pamamaraan at prinsipyo ng gawain, para habang mas ginagawa nila ang gawain, mas nagiging partikular ito at mas naaabot nito ang inaasahang pamantayan, na may mas kakaunting hindi inaasahang pangyayari na nagaganap, o walang hindi inaasahang pangyayari na nagaganap, o maging, nang walang anumang panganib na kinahaharap ang mahahalagang tauhan sa gawain. Para makamit ang ganitong resulta, ang mga lider at manggagawa ay dapat madalas na magbuod ng mga karanasan at magkamit ng pag-unawa sa iba’t ibang kapaligiran at sitwasyon na kinahaharap sa bawat rehiyon kapag pinapangaral ang ebanghelyo. Kapag mas maraming impormasyon ang nakukuha nila at kapag mas tumpak ito, mas magiging tumpak ang mga prinsipyo at plano para sa pangangasiwa sa mga usapin, sa huli ay magkakamit sila ng resulta para sa pagtitiyak sa pananatiling ligtas ng mga tao. Sa ganitong paraan, matitiyak na ang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo ay makauusad nang maayos.

III. Paano Pangasiwaan ang mga Lider at Manggagawa na Hindi Binibigyang-pansin ang Gawaing Pangkaligtasan

May ilang lider at manggagawa na may mahinang kakayahan at walang pagpapahalaga sa responsabilidad; hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain at masyado rin silang tamad para gumawa ng tunay na gawain. Sa mga lugar na responsable sila, madalas nahaharap sa mga panganib sa pananatiling ligtas iyong mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin, hinihinging lumikas o lumipat sila, kaya hindi nila magawa ang tungkulin nila nang may payapang isipan. Maging ang mga usapin na hindi dapat mangyari ay madalas na nagaganap. Halimbawa, may ilang lider o manggagawa na nakahahanap ng bahay na nagpapatuloy na nasa mababang lugar. Kapag inaasahan ang malakas na pag-ulan at pagbaha, sa takot na baka malubog ang bahay, kailangang lumikas nang maaga ang mga kapatid na naninirahan doon—bitbit ang mga kagamitan sa gawain, kaldero, kawali, at lahat ng iba pa, lumilikas sa loob ng dalawang magkasunod na araw. Dahil dito, labis na napapagod ang lahat, nakayuko ang kanilang ulo sa kawalang-pag-asa. Sinasabi nila, “Nagpapalipat-lipat tayo kada ilang araw, palaging tumatakas. Kailan ba ito matatapos? Hindi ba tayo makahahanap ng isang ligtas at maaasahang bahay kung saan normal nating magagawa ang tungkulin natin?” Ni hindi kayang pasanin ng gayong mga lider at manggagawa ang kaunting gawaing ito; ang mga kapatid na nasa ilalim nila ay hindi makakain o makatulog nang maayos, ni wala silang maayos na matutuluyan. Ang mga kondisyon ng paninirahan nila ay palaging pansamantala, na handa ang lahat na lumikas anumang oras. Sa sandaling matapos nilang gamitin ang mga pang-araw-araw na aytem nila, kaagad nila itong ineempake, dahil maaaring mangyari ang isang sitwasyon anumang oras kung saan ipinahahayag ang pagsisiyasat ng rehistrasyon ng pamamahay. Sa katunayan, alam ng lahat na ang ibig sabihin nito ay sinisiyasat kung sino iyong mga nananampalataya sa Diyos, kaya dapat palagi silang maging handa na lumipat anumang oras. Dahil dito, iyong mga gumagawa ng tungkulin nila ay palaging takot at hindi nakararamdam ng seguridad. Hindi ba’t naaapektuhan nito ang mga resulta ng tungkulin nila? Hindi ba’t nauugnay ito sa gawaing ginagawa ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Kumusta ang paggawa nila ng gawaing ito? (Hindi nila ito ginagawa nang maayos, hindi tinutupad ang responsabilidad nila.) May ilang lider at manggagawa na iresponsable at kulang sa dedikasyon. Sila mismo ay walang mataas na mga pamantayan para sa mga kondisyon sa paninirahan; basta’t may lugar na pananggalang nila sa hangin at ulan, sapat na iyon. Kaya, hindi rin nila ginagawa ang lahat ng makakaya nila para humanap ng isang ligtas at matatag na lugar para tirhan ng mga kapatid. May ilang lider at manggagawa na may mahinang kakayahan; hindi nila alam kung anong uri ng kapaligiran ang tahimik at angkop sa paninirahan, o angkop para magawa ng mga kapatid ang tungkulin nila. Nangungupahan sila sa bahay sa mababang lugar na hindi gustong upahan ng iba, at pagkatapos lumipat dito ang mga kapatid, sa loob ng ilang araw ay nagkakaroon na sila ng eczema, nangangati ang buong katawan. Ano ang nangyayari? Masyadong basa ang bahay, na may tubig na tumatagas mula sa sahig. Kaya bang tumira ng sinuman sa ganitong lugar? Hindi man lang kayang lutasin ng gayong mga lider at manggagawa ang problemang ito, hindi sila makahanap ng bahay na angkop para sa paggawa ng tungkulin—anong uri ng kakayahan ito? May iba pang lider at manggagawa na nangungupahan sa mga bahay na palaging tumutulo ang ulan, pinapasukan ng malamig na hangin, walang soundproofing, o walang internet, tubig, o kuryente—paano makapaninirahan ang sinuman doon? Isinasantabi nila ang maaayos na bahay at iginigiit na upahan ang mga depisyenteng bahay na ito—hindi ba’t hinahadlangan nito ang mga bagay-bagay? Bagaman hindi nagkakampo sa labas ang mga kapatid, wala ang marami sa mga pangunahing pasilidad ng bahay; mas mabuti pang manirahan sa isang tolda. Kahit pa ang karamihan sa mga kapatid ay sanay sa paghihirap, iniisip na hindi kalabisan ang pagtitiis sa ganitong antas ng paghihirap, at na kaya nila itong tiisin, hindi ba’t ang patuloy na paghihirap nang ganito kada ilang araw ay nakaaapekto sa pagganap nila ng tungkulin? Samakatwid, kung may mahinang kakayahan at walang pagpapahalaga sa responsabilidad ang mga lider at manggagawa, hindi nila kayang pasanin ang gawaing ito; dapat kaagad silang magbitiw at magrekomenda ng isang taong kayang gawin nang maayos ang gawaing ito para humalili, nang hindi nila maapektuhan ang mga buhay at pagganap ng tungkulin ng karamihan ng mahahalagang tauhan sa gawain. Ang pagsasaayos sa tirahan para sa mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin ay hindi nangangailangan ng pagsasaalang-alang sa bawat isang aspekto, pero dapat matiyak kahit papaano ang pangunahing kapaligirang paninirahan. Kapag may katiyakan sa aspektong ito, saka lang hindi maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Madali bang gawin ang gawaing ito? (Oo.) Simple lang sabihin na madali itong gawin, pero kung ang mga lider at manggagawa ay mga tao na may magulong isip na may mahinang kakayahan at walang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad, sadyang hindi nila magagawa ito. Kapag hindi kayang gawin ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito o hindi kayang gawin ito nang maayos, napakaraming tao ang nagdurusa ng mga kahihinatnan, namumuhay araw-araw na parang tumatakas sila mula sa taggutom—paano nila magagawa ang tungkulin nila nang ganito? May ilang huwad na lider na hindi nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo pero gusto pa ring maging sentro ng atensyon. Hindi nila kayang gawin nang maayos ang gawain pero tumatangging magbitiw, kumakapit sa posisyon nila at hindi umaalis. Paano dapat pangasiwaan ang gayong mga lider? (Dapat silang tanggalin.) Madali ang pagtatanggal sa kanila; ang problema ay kung may mas mahusay na tao bang hahalili sa gawain nila. Kung wala, kaya ba ninyong pasanin ang gawaing ito? Magagarantiya ba ninyo na may matatag na kapaligirang paninirahan ang mahahalagang tauhan sa gawain? Kung hindi ito kayang pangasiwaan ng isang tao, kaya ba ng tatlo o lima sa inyo na magkakasamang magtulungan para pasanin ang gawaing ito? Kung hindi rin ninyo kayang pamahalaan ang gawaing ito—kung hindi man lang ninyo magawa ang gayong kasimpleng gampanin, hindi magawa maging ang matiyak ang pangunahing kapaligirang paninirahan—dapat pansamantala kayong magtiis ng medyo higit pang paghihirap at pagdurusa. Kung makapagpapatuloy pa rin kayo sa paggawa ng inyong tungkulin, at ang Diyos, matapos makita na sapat na matatag ang inyong determinasyong magtiis ng paghihirap, ay magpadala ng isang taong maaasahang mangasiwa sa mga bagay-bagay at kayang lumutas ng mga problema para magawa ang gawain, matatapos ang mga araw ninyo ng paghihirap at mapapalitan ng masasayang araw. Kung walang ganitong tao na dumarating para lutasin ang mga problemang ito, dapat ninyong tanggapin ang kapalaran ninyo—itinadhana kayong magtiis ng paghihirap, itinakda kayo na tiisin ito; dapat ninyong gawing matatag ang inyong puso at tiisin ito. Sa katunayan, makabuluhan ang pagtitiis sa ganitong kaunting paghihirap; higit na mas mabuti ito kaysa sa pagkabilanggo at pagdurusa ng pagpapahirap. Kahit papaano ay hindi kayo isinasailalim sa pagpapahirap o interogasyon; maaari pa rin kayong magbasa ng mga salita ng Diyos, gumawa ng inyong tungkulin, at mamuhay ng buhay iglesia kasama ang mga kapatid. Bagaman may kaunting takot, kabiguan, at balakid sa daan, at madalas ay kinakailangan ninyong lumipat, isa pa rin itong pambihirang karanasan sa buhay ninyo, kung saan maaari kayong matuto ng mga aral at magkamit ng isang bagay. Hindi ba’t napakabuti nito? (Oo.) Dapat magkaroon ang mga tao ng determinasyong magtiis ng paghihirap, at hayaan ang Diyos na mamatnugot ayon sa Kanyang kalooban. Kung talagang hindi ninyo kayang tiisin ang paghihirap na ito, maaari kayong taimtim na manalangin sa Diyos sa inyong puso: “O Diyos, hinihiling namin na tingnan Mo kaming mga nagdurusa—lubos kaming kahabag-habag! Sumusunod kami sa Iyo nang walang pagrereklamo o pagsisisi! Hinihiling namin sa Iyo, alang-alang sa di-natitinag naming katapatan sa Iyo, na wakasan ang buhay na ito ng paghihirap! Hinihiling namin sa Iyo na magpadala ng angkop na lider o manggagawa na maghahanap ng angkop na lugar para sa amin! Palagi kaming nagtitiis sa labas, nagpapalipat-lipat ng lugar araw-araw, at hindi namin alam kung hanggang kailan ito magpapatuloy. Ayaw na naming mawalan pa ng matutuluyan—pakiusap, bigyan Mo kami ng matatag na matutuluyan!” Angkop bang manalangin nang ganito? Maaari kayong manalangin nang ganito; batay sa mga pangangailangan ng kapaligiran, dapat kayong manalangin nang ganito.

Ang pagtitiis ng paghihirap, kapag tiningnan mula sa ibang anggulo, ay hindi naman masyadong masamang bagay; ang pagtitiis ng kaunting paghihirap ay makapagpapatibay sa iyong kalooban. Ano ang ibig sabihin ng pagtibayin ang iyong kalooban? Nangangahulugan ito na sa pamamagitan ng patuloy na pagtitiis ng paghihirap, nagiging manhid ka na rito at hindi mo na tinitingnan ito bilang paghihirap; gaano karaming hirap man ang tinitiis mo, hindi ka na nasasaktan. Gayumpaman, kapag nahaharap sa iba’t ibang sitwasyon, dapat kang matuto ng ilang aral, magkamit ng kaunting malalim na pang-unawa, at matutong kumilatis ng mga tao. Kung ang isang lider o manggagawa ay may napakahinang kakayahan at hindi man lang magawa nang maayos ang gawain ng pagsasaayos ng mga tirahan, paano nila matutustusan at maaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos? Ang gayong mga tao ay hindi angkop na maging mga lider o manggagawa. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi naman walang pera para mangupahan ng mga bahay, at ayaw rin nitong makita ang mga kapatid na palaging walang permanenteng lugar na matitirhan. Hindi itinataguyod ng sambahayan ng Diyos na palaging magtiis ng paghihirap o mamuhay nang mahirap na buhay araw-araw ang mga tao, bagaman siyempre hindi rin ito umiiwas sa mga taong nagtitiis ng anumang paghihirap. Pero kung ang mga lider at manggagawa ay hindi man lang magawang pangasiwaan ang gawain ng pagsasaayos ng mga tirahan, at ang paggawa ng anumang tama ay tunay na pahirapan para sa kanila, ano pa ang maipagyayabang nila? Bawat isa sa kanila ay mukhang presentable, may mga diploma, at isang taong may katayuan, pero ang pangangasiwa sa ganito kaliit na usapin ay napakahirap para sa kanila. Sa ganoong kaso, wala nang magagawa—magagawa mo na lang itong tanggapin mula sa Diyos. Ito ang paghihirap na nararapat tiisin ng mga tao; dapat mong hayaang mamatnugot ang Diyos nang naaayon sa Kanyang kalooban. Ito ang tama. Marahil darating ang araw, ang paghihirap na ito ay masusundan ng mas masasayang araw, at ang ganitong uri ng buhay ay hindi na magpapatuloy. Anumang uri ng kapaligiran ang kinaroroonan mo, dapat kang magpanatili ng isang saloobin ng pagpapasakop at iwasang magreklamo. Kung ang isang partikular na lider o manggagawa ay hindi maaasahan at hindi nagagawa nang maayos ang gawain, huwag hayaang maapektuhan nito ang iyong sinseridad at katapatan sa Diyos, at huwag hayaang maapektuhan nito ang pagpapasakop mo sa Diyos at ang saloobin mo ng pagpapasakop sa Diyos. Sa ganitong paraan, makakapanindigan ka sa usaping ito. Ang mga lider at manggagawa ay mga karaniwang tao lang. Kung may mahina silang kakayahan at hindi makagawa ng gawain, o kung mga huwad na lider sila na hindi tumutupad sa responsabilidad nila, iyon ay personal na problema na nila at walang kinalaman sa sambahayan ng Diyos. Hindi ang sambahayan ng Diyos ang nagturo sa kanila na kumilos nang ganito; nabunyag lang sila dahil sa kanilang pagiging iresponsable. Hindi nila matapos ang gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos, at kaya maaari lang silang tanggalin at itiwalag. Sa gayong mga sitwasyon, kapag ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nagdurusa ng paghihirap na ito, kailangan nilang tanggapin ito mula sa Diyos at hayaan ang Diyos na mamatnugot ayon sa kalooban Niya. Kahit pa hindi nagawa nang maayos ng mga lider at manggagawa ang gawain o may anumang mga problema sila, ang katunayang ang Diyos ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay ay hindi nagbabago magpakailanman. Ang pagsunod mo sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at pagtanggap sa mga salita ng Diyos ay hindi dapat magbago kailanman. Ang mga ito ay mga walang hanggang katotohanan. Habang ginagawa ang tungkulin mo, anuman ang hindi kaaya-ayang mga pangyayari na lumitaw, dapat mong tanggapin ang mga ito mula sa Diyos at matutunan ang mga aral na nakapaloob dito. Dapat mong patahimikin ang sarili mo sa harap ng Diyos at manalangin sa Kanya, at huwag hayaang maapektuhan ka ng mundo sa labas. Dapat matuto kang umangkop sa iba’t ibang kapaligiran at matutong danasin ang gawain ng Diyos sa lahat ng uri ng kapaligiran. Sa ganitong paraan ka lang makapagkakamit ng buhay pagpasok. Ang ilang tao ay may maliit na tayog; kapag may lumilitaw na paghihirap, nagrereklamo sila at nag-aalala, nababalisa at nawawalan ng pananalig sa Diyos—labis na kahangalan at kamangmangan ito! Ang mga lider at manggagawa na hindi gumagawa ng tunay na gawain ay nabunyag at natiwalag na, pero ano ang kinalaman niyon sa iyo? Bakit ka magiging negatibo at malayo sa Diyos dahil lang sa hindi maayos na pagsasaayos nila ng mga bagay-bagay? Hindi ba’t lubos na mapaghimagsik ito? (Oo.) Kapag may ginagawang mali ang mga tao, maaari mo silang kilatisin at tanggihan, pero huwag mong tanggihan ang Diyos o tanggihan ang katotohanan. Ang katotohanan ay hindi mali, ang Diyos ay hindi mali. Ang orihinal na intensiyon ng Diyos ay hindi para magtiis ng gayong paghihirap ang mga tao; pero para sa tiwaling sangkatauhan, ang pagtitiis ng kaunting paghihirap ay talagang kinakailangan. Ang pagtitiis ng kaunting paghihirap ay kapaki-pakinabang sa iyo; ang pakinabang ay na matututo ka ng mga aral at matututong hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema. Kung nagagawa mong tiisin ang iba’t ibang paghihirap, nagkakamit ka ng kaunting tibay, at nagkakaroon ng kakayahang manindigan sa patotoo mo sa lahat ng uri ng kapaligiran. Ang kakayahang magtiis ng hirap ay nagpapatibay ng iyong determinasyon na magpasakop sa Diyos. Ito ang orihinal na intensiyon ng Diyos at ang resulta na gustong makita ng Diyos sa iyo. Kung kaya mong maunawaan ang mga layunin ng Diyos at kumilos at magsagawa nang naaayon sa mga layunin ng Diyos; kung kaya mong huwag talikuran ang Diyos anumang uri ng mga tao o kapaligiran ang nakahaharap mo; at kung kaya mong matutong magsagawa ng katotohanan, magkaroon ng pagpapasakop sa Diyos, magkaroon ng tamang pagkaarok at saloobin, magpanatili ng hindi nagbabagong pananalig sa Diyos, at umiwas mula sa pagrereklamo tungkol sa Diyos o paglayo ng sarili mo sa Kanya sa puso mo, gaano karami mang pagdurusa ang tinitiis ng iyong laman; mayroon kang tayog.

Dapat protektahan ng mga lider at manggagawa ang pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin, pinangangalagaan sila mula sa mga pang-aabala ng mundo sa labas. Ang gawaing ito ay kinapapalooban ng maraming detalye. Sa isang banda, kailangang maunawaan ng mga lider at manggagawa kung paano partikular na ipatupad ang mga detalyadong gampanin na ito. Bukod pa rito, kapag nahaharap sa partikular na mga espesyal na sitwasyon, dapat silang gumawa ng mga tumpak na paghuhusga, pagkatapos ay humanap ng angkop na mga prinsipyo at bumuo ng mga partikular na plano para sa pangangasiwa sa mga sitwasyon. Ang pinakahuling layon ay para matiyak ang pananatiling ligtas ng iba’t ibang mahalagang tauhan sa gawain. Sa ganitong paraan lang magagarantiya na ang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo ay nakauusad sa maayos na paraan. Ang pagsunod sa prinsipyong ito ay tama; ito ang layon at prinsipyo ng mga lider at manggagawa sa paggawa ng gawaing ito. Kung ang mga lider at manggagawa ay tumpak na sumusunod sa layon at prinsipyong ito, masasabing pasok sila sa pamantayan sa paggawa ng gawaing ito. Ano pang ibang mga problema ang sangkot sa gawaing ito? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi pa ako naging lider o manggagawa dati, ni hindi pa ako nakaranas ng mga ganitong uri ng usapin. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin sa gawaing ito, at hindi ko alam kung paano ito gagawin. Kaya, hindi ko ito kailangang gawin—ano ang pakialam ko kung ligtas ka o hindi? Kayo na mismo ang mangasiwa nito.” Katanggap-tanggap ba para sa kanila na basta na lang maghugas-kamay sa isyu? (Hindi, hindi ito katanggap-tanggap.) Ang gayong mga lider at manggagawa ay dapat tanggalin. Kung hindi ka gumagawa ng tunay na gawain, anong silbi mo? Pinananatili ka ba namin bilang isang dekorasyon dahil maganda ka? Ang mga ganitong lider at manggagawa ay dapat tanggalin at itiwalag; hindi sila dapat pahintulutang umokupa sa isang posisyon nang walang ginagawang anumang gawain. Ang mga huwad na lider ay hindi gumagawa ng tunay na gawain—wala silang konsensiya at katwiran, tama ba? Kung talagang may konsensiya at katwiran sila, bakit hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito? Walang ipinanganak na alam ang lahat ng bagay; natututo ang lahat habang nagpapatuloy sila. Kung kaya mong hanapin ang katotohanan, mahahanap mo ang paraan para magawa ang gawain nang maayos. Kung mayroon kang pagpapahalaga sa responsabilidad, mag-iisip ka ng paraan para gawin nang maayos ang gawain. Ang paggawa ng gawain sa pamumuno ay hindi naman talaga mahirap; basta’t kayang hanapin ng isang tao ang katotohanan, madaling gawin nang maayos ang gawain. Bukod pa rito, may kapareha ang mga lider at manggagawa; basta’t may iisang puso at isipan ang dalawa o tatlong tao, madaling matupad ang anumang gawain. Sa kasalukuyan, maraming lider at manggagawa ang nagsasanay; nagsasanay sila sa paghahanap ng katotohanan sa lahat ng bagay para malutas ang mga problema. Sa puntong ito, kahit papaano ay may ilang lider at manggagawa na mahusay sa gawain sa pamumuno at ganap na may kakayahang gawin ang tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo nang maayos, tama? (Tama.) Hanggang dito na muna ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam!

Hulyo 20, 2024

Sinundan:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (28)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger