Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4)

Ikalimang Aytem: Panatilihing Mayroong Napapanahong Pagka-arok at Pang-unawa Tungkol sa Estado at Pag-usad ng Bawat Aytem ng Gawain, at Magawang Agarang Lutasin ang mga Problema, Itama ang mga Paglihis, at Remedyuhan ang mga Kapintasan sa Gawain Nang sa Gayon ay Maayos Itong Makausad

Ang pagbabahaginan ngayon ay tungkol sa ikalimang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Panatilihing mayroong napapanahong pagka-arok at pang-unawa tungkol sa estado at pag-usad ng bawat aytem ng gawain, at magawang agarang lutasin ang mga problema, itama ang mga paglihis, at remedyuhan ang mga kapintasan sa gawain nang sa gayon ay maayos itong makausad.” Tututukan natin ang responsabilidad na ito para himayin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider, para makita kung tinutupad ng mga huwad na lider ang mga responsabilidad nila sa gawaing ito, at kung mahigpit nilang pinanghahawakan ang mga tungkulin nila at isinasakatuparan nang maayos ang gawain.

Nagpapasasa sa Kaginhawahan at Hindi Nakikibahagi Nang Malalim ang mga Huwad na Lider sa mga Pinakamababang Antas Para Maunawaan ang Gawain

Unang binabanggit ng ikalimang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ang “panatilihing mayroong napapanahong pagka-arok at pang-unawa tungkol sa estado at pag-usad ng bawat aytem ng gawain.” Ano ang tinutukoy ng “estado ng bawat aytem ng gawain”? Tinutukoy nito kung paano ang kasalukuyang kalagayan ng isang partikular na aytem ng gawain. Ano ang dapat maunawaan ng mga lider at manggagawa rito? Halimbawa: Anong mga partikular na gampanin ang ginagawa ng mga tauhan, anong mga aktibidad ang pinagkakaabalahan nila, kung kinakailangan ba ang mga aktibidad na ito, kung mga pangunahin at mahalagang gampanin ba ang mga ito, kung gaano kahusay ang mga tauhang ito, kung umuusad ba nang maayos ang gawain, kung tumutugma ba ang bilang ng tauhan sa dami ng gawain, kung nabigyan ba ng mga sapat na gampanin ang lahat, kung may anumang mga kaso ba ng pagkakaroon ng napakaraming tauhan sa isang partikular na gampanin—kung saan may napakaraming tauhan para sa napakakakaunting gawain, at walang ginagawa ang karamihan ng tao—o mga kaso kung saan masyadong maraming gawain pero masyadong kaunti ang tauhan, at nabibigo ang superbisor na epektibong magdirekta, na humahantong sa mababang kahusayan sa gawain at mabagal na pag-usad. Ang mga ito ang lahat ng sitwasyong dapat maunawaan ng mga lider at manggagawa. Dagdag pa rito, habang isinasakatuparan ang bawat aytem ng gawain, kung nagdudulot ang sinuman ng mga kaguluhan at sabotahe, kung may sinumang pumipigil sa pag-usad o palihim na nagpapahina, kung may nangyayaring anumang uri ng pakikialam o pagpapabasta-basta—ang mga ito ay mga bagay rin na dapat maunawaan ng mga lider at manggagawa. Kaya paano sila magkakamit ng pagkaunawa sa mga isyung ito? Maaaring tumawag paminsan-minsan ang ilang lider para magtanong, “May pinagkakaabalahan ba kayo ngayon?” Kapag narinig ang kabilang partido na nagsasabing marami silang pinagkakaabalahan, maaari silang tumugon ng, “Mabuti, basta’t may pinagkakaabalahan kayo, magaan ang loob ko.” Ano ang palagay ninyo sa paraang ito ng paggawa? Ano ang tingin ninyo sa tanong na ito? Isa ba itong mahalaga, kinakailangang tanong na dapat itanong? Katangian ito ng gawain ng mga huwad na lider—iniraraos lang nila ang gawain. Nasisiyahan sila sa paggawa ng kaunting paimbabaw na gawain para pagaanin ang konsensiya nila nang kaunti pero hindi sila nakatuon sa paggawa ng tunay na gawain, lalong hindi sila pumupunta sa mga pinakamababang antas, sa bawat pangkat, para unawain ang kasalukuyang estado ng gawain. Halimbawa, kung angkop ba ang mga pagsasaayos ng tauhan, paano isinasagawa ang gawain, kung may lumitaw ba na anumang mga problema—ang mga tunay na isyu na ito ay hindi inuusisa ng mga huwad na lider, na sa halip ay naghahanap ng isang di-napapansing lugar para kumain, uminom, at magpakasaya nang hindi tinitiis ang kalupitan ng hangin o araw. Nagpapadala lang sila ng mga liham o may nag-uusisa para sa kanila paminsan-minsan, iniisip na maituturing na ito na paggawa ng trabaho nila. Higit pa rito, maaaring hindi sila makita ng mga kapatid sa loob ng sampung araw o kalahating buwan. Kapag tatanungin ang mga kapatid, “Ano ba ang pinagkakaabalahan ng lider ninyo? Gumagawa ba siya ng kongkretong gawain? Ginagabayan ba niya kayo at nilulutas ang mga problema?” tutugon sila, “Huwag mo nang itanong, isang buwan na naming hindi nakikita ang lider namin. Simula noong huling pagtitipon na idinaos niya para sa amin, hindi pa siya kailanman dumaan ulit, at ngayon ay marami kaming problema nang walang sinuman ang tumutulong sa aming lutasin ang mga ito. Walang ibang paraan; ang superbisor ng pangkat namin at ang mga kapatid ay kailangang magtipon-tipon para magdasal at maghanap ng mga prinsipyo, para mag-usap at magtulungan sa gawain. Hindi epektibo rito ang lider; wala na kaming lider ngayon.” Gaano kahusay ang lider na ito sa paggawa ng gawain niya? Tatanungin ng ang Itaas ang lider na ito, “Nang matapos ang huling pelikula, nakatanggap ka ba ng anumang bagong iskrip? Anong pelikula ang ginagawa mo ngayon? Kumusta ang pag-usad ng gawain?” Tutugon ang lider, “Hindi ko alam. Pagkatapos ng huling pelikula, nagdaos ako ng isang pagtitipon kasama sila, at pagkatapos niyon, silang lahat ay sumigla, hindi naging negatibo, at hindi nagkaroon ng anumang mga problema. Hindi pa kami nagkita simula noon. Kung gusto mong malaman ang kasalukuyan nilang sitwasyon, puwede akong tumawag at magtanong para sa iyo.” “Bakit hindi ka tumawag para unawain ang sitwasyon nang mas maaga?” “Kasi masyado akong maraming pinagkakaabalahan, dumadalo sa mga pagtitipon kung saan-saan. Hindi pa nila panahon. Mauunawaan ko lang ang sitwasyon kapag nakipagtipon na ako sa susunod kasama sila.” Ito ang saloobin nila sa gawain ng iglesia. Sasabihin naman ng Itaas, “Hindi mo batid ang kasalukuyang sitwasyon o ang mga problemang umiiral sa gawain ng paggawa ng pelikula, kaya paano naman ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo? Aling bansa ang pinakamahusay na nagpalaganap ng gawain ng ebanghelyo, sa pinakaideyal? Aling bansa ang may mga tao na medyo mahusay ang kakayahan at mabilis umarok? Aling bansa ang may mas magandang buhay iglesia?” “Ah, nakatuon lang ako sa mga pagtitipon, nakalimutan kong magtanong tungkol sa mga bagay na ito.” “Kung gayon, sa pangkat ng mga taga-ebanghelyo, ilang tao ang kayang magpatotoo? Ilang tao ang nililinang para magpatotoo? Sino ang responsable at sumusubaybay sa gawain ng iglesia at buhay iglesia sa aling bansa? Sino ang nagdidilig at nagpapastol? Nagsimula na bang mamuhay ng buhay iglesia ang mga bagong miyembro ng iglesia mula sa iba’t ibang bansa? Ganap na bang nalutas ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila? Ilang tao na ba ang nag-ugat ng sarili nila sa tunay na daan, hindi na maililihis ng mga relihiyosong tao? Pagkatapos manampalataya sa Diyos nang isa o dalawang taon, ilan ang kaya nang gumampan sa mga tungkulin nila? Nauunawaan at naaarok mo ba ang mga usaping ito? Kapag lumilitaw ang mga problema sa gawain, sino ang makakalutas sa mga ito? Sa pangkat ng mga taga-ebanghelyo, aling grupo o mga indibidwal ang responsable sa gawain nila at may mga aktuwal na resulta, alam mo ba?” “Hindi ko alam. Kung gusto mong malaman, puwede akong magtanong para sa iyo. Kung hindi ka naman nagmamadali, magtatanong ako kapag may oras ako; may pinagkakaabalahan pa ako!” Gumawa ba ang lider na ito ng anumang kongkretong gawain? (Hindi.) “Hindi ko alam” ang sinasabi niya sa lahat ng bagay; nagtatanong lang siya tungkol sa mga bagay-bagay sa sandaling tinatanong siya, kung gayon, ano ang pinagkakaabalahan niya? Kahit aling pangkat ang puntahan niya para sa mga pagtitipon o para suriin ang gawain, nabibigo siyang tukuyin ang mga problema sa gawain at hindi niya alam kung paano lutasin ang mga ito. Kung hindi mo agarang nakikilatis ang mga kalagayan at karakter ng iba’t ibang tao, hindi ba’t kahit papaano ay dapat mong subaybayan, unawain, at arukin ang mga isyung umiiral sa gawain, kung anong gawain ang kasalukuyang ginagawa, at kung hanggang sa anong yugto ito umusad? Gayumpaman, hindi kayang gawin ng mga huwad na lider maging ang ganito man lang karami; hindi ba sila bulag? Kahit na pumunta sila sa iba’t ibang pangkat sa loob ng iglesia para subaybayan at suriin ang gawain, hindi talaga nila nauunawaan ang totoong sitwasyon, hindi nila kayang tukuyin ang mga pangunahing problema, at kahit na makahanap sila ng ilang problema, hindi nila kayang lutasin ang mga ito.

May isang pangkat ng mga gumagawa ng pelikula na naghahandang kunan ang isang uri ng napakamapanghamong pelikula na hindi nila kailanman sinubukan noon. Kung angkop ba silang simulan ang iskrip ng pelikulang ito, kung may kapabilidad ba ang direktor at ang buong tauhan na tapusin ang gawaing ito—hindi batid ng lider nila ang mga sitwasyong ito. Sinabi lang niya, “Sinimulan niyo ang isang bagong iskrip. Kung gayon, sige at kunan ninyo ito. Susuportahan at susubaybayan ko kayo. Gawin ninyo ang lahat ng makakaya ninyo, at kapag may umusbong na mga problema, magdasal kayo sa Diyos at lutasin ninyo ang mga iyon ayon sa mga salita ng Diyos.” At saka siya umalis. Hindi makita o matukoy ng lider na ito ang anuman sa umiiral na mga problema; magagawa ba nang maayos ang gawain nang ganito? Pagkatapos tanggapin ng pangkat ng mga gumagawa ng pelikula ang iskrip na ito, madalas na sinusuri ng direktor at ng mga miyembro ng pangkat ang banghay at pinag-uusapan ang mga kasuotan at pagbabalangkas, pero wala silang ideya kung paano kukunan ang pelikula; hindi sila opisyal na makapagsimula sa paggawa. Hindi ba’t ito ang kasalukuyang kalagayan? Hindi ba’t ang mga ito ang umiiral na mga problema? Hindi ba’t ang mga isyung ito ang dapat lutasin ng lider? Ginugol ng lider ang bawat araw sa mga pagtitipon, walang mga tunay na problema ang nalutas pagkatapos ng maraming araw ng mga pagtitipon, at hindi pa rin makausad nang normal ang paggawa ng pelikula. Nagkaroon ba ng anumang epekto ang lider? (Wala.) Sumigaw lang siya ng mga islogan para magpalakas ng loob: “Hindi tayo puwedeng umupo nang walang ginagawa, hindi tayo puwedeng nakaasa sa sambahayan ng Diyos!” Pinangaralan pa nga niya ang mga tao: “Wala kayong konsensiya, umaasa sa sambahayan ng Diyos nang walang anumang pakiramdam—wala ba kayong kahihiyan?” Pagkatapos niyang sabihin ito, nakaramdam ng kaunting pagkapahiya ang konsensiya ng lahat: “Oo, umuusad nang napakabagal ang gawain, at kumakain pa rin kami nang tatlong beses sa isang araw nang ganito—hindi ba’t pagiging pala-asa sa iba ito? Wala pa talaga kaming nagagawang anumang gawain. Kung gayon, sino ang lulutas sa mga problemang ito na lumilitaw sa gawain? Hindi namin kayang lutasin ang mga ito kaya nagtatanong kami sa lider, pero sinasabi lang sa amin ng lider na magdasal nang masigasig, magbasa ng mga salita ng Diyos, at magtulungan nang nagkakaisa, nang hindi nakikipagbahaginan kung paano dapat lutasin ang mga problemang ito.” Araw-araw na nagdaraos ng mga pagtitipon ang lider sa lugar ng gawain, pero hindi talaga nalulutas ang mga problemang ito. Kalaunan, nanlamig ang pananalig ng ilang tao, at nasiraan sila ng loob dahil hindi nila nakita ang isang daan pasulong at hindi nila alam kung paano umusad sa paggawa ng pelikula. Inilagay nila ang huling pag-asa nila sa lider, umaasang kaya niyang lutasin ang ilang aktuwal na problema, pero aba, talagang bulag ang lider na ito, hindi inaaral ang propesyon ni hindi nakikipagbahaginan, nagtatalakay, o naghahanap sa mga nakakaunawa rito. Madalas siyang humahawak ng isang aklat ng mga salita ng Diyos at sinasabi, “Nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos para sa espirituwal na debosyon. Sinasangkapan ko ang sarili ko ng katotohanan. Walang manggugulo sa akin, abala ako!” Kalaunan, parami nang parami ang mga problemang naipon, humahantong sa isang bahagyang pagka-paralisado ng kalagayan ng gawain, pero iniisip pa rin ng huwad na lider na mahusay niyang ginagawa ang gawain. Bakit ganoon? Naniniwala siyang dahil nagdaos siya ng mga pagtitipon, nag-uusisa siya tungkol sa sitwasyon ng gawain, nagtukoy siya ng mga problema, nagbahagi siya ng mga salita ng Diyos, nagbanggit ng mga kalagayan ng mga tao, at ikinumpara ng lahat ang mga sarili nila sa mga kalagayang ito at nagpasya silang gampanan nang mahusay ang tungkulin nila, kung gayon ay naisakatuparan na ang responsabilidad niya bilang isang lider, at ginawa na niya ang lahat ng maaaring asahan mula sa kanya—kung hindi mapamahalaan nang maayos ang mga partikular na gampaning may kaugnayan sa mga propesyonal na aspekto, hindi iyon pananagutan ng lider. Anong uri ng lider ito? Bumagsak sa isang bahagyang pagka-paralisadong kalagayan ang gawain ng iglesia, pero hindi man lang siya nabalisa o nabagabag. Kung hindi nag-usisa o naghikayat ang ang Itaas, magpapatuloy lang siya sa pagpapatumpik-tumpik, hindi kailanman babanggitin kung ano ang nangyayari sa ilalim niya, walang nilulutas na mga problema. Naisakatuparan ba ng gayong lider ang mga responsabilidad niya sa pamumuno? (Hindi.) Kaya, ano ang pinagsasabi niya buong araw sa mga pagtitipon? Dumadaldal siya nang walang ginagawa, nangangaral lang ng mga doktrina at sumisigaw ng mga islogan. Walang nilutas ang lider na mga tunay na problema sa gawain, hindi niya nilutas ang mga pabasta-basta at negatibong kalagayan ng mga tao, at hindi niya alam kung paano lutasin ang mga isyu sa gawain ng mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Dahil dito, huminto ang buong proyekto at walang nakikitang pag-usad sa loob ng mahabang panahon. Pero hindi man lang nabalisa ang lider. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain? Ano ang diwa ng pagpapamalas na ito ng mga huwad na lider? Hindi ba’t isa itong malubhang pagpapabaya sa responsabilidad? Ang pagiging labis na pabaya sa gawain ng isang tao, nabibigong isakatuparan ang mga responsabilidad niya—ito mismo ang ginagawa ng mga huwad na lider. Nananatili ka sa opisina para lang iraos ang gawain, hindi naglulutas ng mga tunay na problema. Nananatili ka sa opisina para lang dayain ang mga tao; nang hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain, kahit na nananatili ka pa roon sa lahat ng oras, walang anumang matatapos. Iba’t ibang problema ang lumilitaw sa gawain at kasama ang mga propesyonal na aspekto, ilan sa mga ito ay kaya mong lutasin pero hindi mo ginagawa—isa na itong malubhang pagpapabaya sa responsabilidad. Dagdag pa rito, bulag ka kapwa sa iyong mga mata at sa iyong isipan: Minsan kapag nakakatuklas ka ng mga problema, hindi mo makilatis ang diwa ng mga ito. Hindi mo malutas ang mga ito, pero nagkukunwari kang kaya mong pangasiwaan ang mga ito, pilit na nakakapit habang tahasang tumatanggi na makipagbahaginan o magkonsulta sa mga nakakaunawa sa katotohanan, at hindi rin nag-uulat o naghahanap mula sa ang Itaas. Bakit ganito? Takot ka bang mapungusan? Takot na malaman ng ang Itaas ang katotohanan tungkol sa iyo at tanggalin ka? Hindi ba’t pagtutuon ito sa katayuan nang hindi itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa kaliit-liitan? Sa ganitong uri ng mentalidad, paano mo magagawa ang tungkulin mo nang maayos?

Kahit ano pang mahalagang gawain ang ginagawa ng isang lider o manggagawa, at kahit ano pa ang kalikasan ng gawaing ito, ang numero uno niyang prayoridad ay unawain at arukin kung kumusta na ang gawain. Dapat naroroon mismo siya upang magsubaybay sa mga bagay-bagay at magtanong, upang siya mismo ang makakuha ng impormasyon. Hindi siya dapat umasa lang sa mga usap-usapan o makinig lang sa mga ulat ng ibang tao. Sa halip, dapat maobserbahan mismo ng kanyang mga mata ang sitwasyon ng mga tauhan, at kung kumusta ang pag-usad ng gawain, at unawain kung anong mga problema ang mayroon, kung may anumang aspekto ba ng gawain ang hindi ayon sa mga hinihingi ng ang Itaas, kung may mga paglabag ba sa mga prinsipyo, kung mayroon bang anumang kaguluhan o pagkagambala, kung kulang ba ang mga kailangang kagamitan o mga nauugnay na materyales sa pagtuturo tungkol sa propesyonal na gawain—dapat alam niya ang lahat ng ito. Kahit gaano pa karaming ulat ang pakinggan niya, o kahit gaano pa karami ang mahinuha niya mula sa mga sabi-sabi, wala sa mga ito ang makakatalo sa personal na pagbisita; mas tumpak at maaasahan kung makikita niya ang mga bagay-bagay sa sarili niyang mga mata. Sa sandaling pamilyar na siya sa lahat ng aspekto ng sitwasyon, magkakaroon siya ng malinaw na ideya sa kung ano ang nangyayari. Lalo nang dapat ay mayroon siya ng isang malinaw at tumpak na pagkaarok sa kung sino ang may mahusay na kakayahan at karapat-dapat na linangin, dahil ito lang ang magpapahintulot sa kanya na tumpak na linangin at gamitin ang mga tao, na siyang napakahalaga para magawa ng mga lider at manggagawa ang gawain nila nang mahusay. Ang mga lider at manggagawa ay dapat may landas at mga prinsipyo sa kung paano maglilinang at magsasanay ng mga taong may mahusay na kakayahan. Dagdag pa rito, dapat may pagkaarok at pagkaunawa sila sa iba’t ibang uri ng problema at paghihirap na umiiral sa gawain ng iglesia, at alam nila kung paano lutasin ang mga ito, at dapat may sarili rin silang mga ideya at mungkahi kung paano mapapausad ang gawain, o ang mga plano para sa pag-usad nito sa hinaharap. Kung malinaw silang nakapagsasalita tungkol sa gayong mga bagay nang walang kahirap-hirap, nang walang anumang pagdududa o agam-agam, lalong magiging mas madaling isagawa ang gawain. At sa paggawa sa ganitong paraan, maisasakatuparan ng isang lider ang mga responsabilidad niya, hindi ba? Dapat batid nilang mabuti kung paano lutasin ang mga isyu sa gawaing nabanggit sa itaas, at dapat nilang pagnilayan nang madalas ang mga bagay na ito. Kapag nakakatagpo sila ng mga problema, kailangan nilang makipagbahaginan at makipagtalakayan tungkol sa mga bagay na ito kasama ang lahat, hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga isyu. Sa paggawa ng tunay na gawain sa ganitong praktikal na paraan, hindi magkakaroon ng mga problemang hindi malulutas. Alam ba ng mga huwad na lider kung paano ito gawin? (Hindi.) Alam lang ng mga huwad na lider na magkunwari at mandaya ng mga tao, kumikilos na parang nauunawaan nila ang mga bagay kahit na hindi naman, hindi makalutas ng anumang mga aktuwal na problema at nagpapakaabala lang sila sa mga walang-kuwentang usapin. Kapag tinatanong kung ano pinagkakaabalahan nila, sinasabi nila, “Kulang ng ilang kutson ang tinitirahan namin, at kulang ng isang piraso ng tela para sa mga kasuotan ang pangkat ng mga gumagawa ng pelikula, kaya umalis ako para bumili ng ilan. Sa iba pang pagkakataon, naubusan ng mga sangkap ang kusina, at hindi makaalis ang kusinero, kaya kinailangan kong lumabas at bumili ng ilan, at bumili na rin ako ng ilang supot ng harina. Kinailangan ko mismong gawin ang lahat ng bagay na ito.” Talagang napakarami ng pinagkakaabalahan nila. Hindi ba’t pinababayaan nila ang mga marapat nilang gampanin? Wala talaga silang pakialam o wala talaga silang dinadalang pasanin pagdating sa gawain na nasa saklaw ng mga responsabilidad nila bilang mga lider, nilalayong mairaos lang ang gawain. Ang problema ng pagiging lubos na mahina ng sarili nilang kakayahan at ng pagiging bulag nila kapwa sa mga mata at isipan ay sapat nang malubha, pero wala rin silang dinadalang pasanin at nagpapasasa sila sa kaginhawahan, madalas na gumugugol ng ilang araw sa isang komportableng lugar. Kapag may problema ang isang tao at hinahanap sila nito para sa isang solusyon, hindi sila matatagpuan kahit saan, at walang sinuman ang nakakaalam kung ano talaga ang pinagkakaabalahan nila. Pinamamahalaan nila ang sarili nilang oras. Sa linggong ito, magdaraos sila ng isang pagtitipon para sa isang pangkat sa isang umaga, magpapahinga sa hapon, at sa gabi, titipunin nila ang mga tao na namamahala sa mga pangkalahatang usapin para talakayin ang mga usapin. Sa susunod na linggo, magdaraos sila ng isang pagtitipon para sa mga namamahala sa mga usaping panlabas, kaswal na nagtatanong, “Mayroon bang anumang mga problema? Nagbasa ba kayo ng salita ng Diyos sa panahong ito? Napigilan o nagulo ba kayo sa mga pakikisalamuha ninyo sa mga walang pananampalataya?” At pagkatapos itanong ang ilang tanong na ito, tatapusin na nila ang usapan. Sa isang kisapmata, lilipas ang isang buwan. Anong gawain ang nagawa nila? Bagama’t nagdaos sila ng mga pagtitipon para sa bawat pangkat nang halinhinan, wala silang alam tungkol sa sitwasyon ng gawain ng anumang pangkat, ni hindi rin nila inalam o inusisa ang tungkol dito, o lalong hindi sila sumali sa gawain o nagdirekta nito sa bawat pangkat. Hindi sila nakilahok, nagsubaybay, o nagbigay ng direksyon tungkol sa gawain, pero may ilang bagay silang ginawa nang nasa oras: pagkain sa takdang oras, pagtulog sa takdang oras, at pagdaos ng mga pagtitipon sa takdang oras. Lubos na regular ang buhay nila, inaalagaan nila nang mabuti ang sarili nila, pero ang paggampan nila sa gawain ay hindi abot sa pamantayan.

Hindi isinasakatuparan ng ilang lider ang anumang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, hindi ginagawa ang mahalagang gawain ng iglesia pero sa halip ay nagtutuon lang sa ilang di-mahalagang pangkalahatang usapin. Dalubhasa sila sa pamamahala sa kusina, palaging nagtatanong, “Ano ang kakainin natin ngayon? Mayroon pa ba tayong mga itlog? Gaano karaming karne ang natitira? Kung ubos na ito, bibili ako ng ilan.” Itinuturing nila ang gawain sa kusina bilang lubhang mahalaga, gumagala-gala sa kusina nang walang dahilan, palaging nag-iisip tungkol sa pagkain ng mas maraming isda, mas maraming karne, mas nagpapasasa, kumakain nang walang anumang mga pagkabagabag. Habang ang mga tao sa bawat pangkat ay abala sa paggawa, tinututukan ang maayos na paggampan sa mga tungkulin nila, nakatuon lang ang mga lider na ito sa pagkain nang mabuti, namumuhay ng isang lubos na komportableng buhay. Simula noong naging mga lider sila, hindi lang sa wala silang pakialam sa gawain ng iglesia at umiiwas sa anumang puspusang pagsisikap, kundi inaalagaan din nila ang sarili nila para panatilihing bilugan at malarosas ang pisngi nila. Ano ang ginagawa nila araw-araw? Abala sila sa ilang gawain sa pangkalahatang usapin, sa ilang di-mahalagang usapin, hindi gumagawa nang maayos ng anumang tunay na gawain o lumulutas ng anumang mga tunay na problema. Pero hindi sila nakakaramdam ng pagsisisi sa puso nila. Hindi gumagawa ng pangunahing gawain ng iglesia ang lahat ng huwad na lider, ni hindi sila lumulutas ng anumang mga tunay na problema. Matapos nilang maging mga lider, iniisip nila, “Kailangan ko lang maghanap ng ilang tao para gawin ang partikular na gawain, at sa gayon ay hindi ko na mismo ito kailangang gawin.” Naniniwala sila na sa sandaling nagsaayos na sila ng mga superbisor para sa bawat aytem ng gawain, wala na sila mismong maiiwang gagawin. Naniniwala silang paggawa ito ng gawain ng pamumuno, at sa gayon ay may karapatan silang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan nila. Hindi sila nakikilahok sa anumang tunay na gawain, hindi nagsusubaybay o nagbibigay ng direksyon at hindi sila nagsasagawa ng mga imbestigasyon o pagsasaliksik para malutas ang mga problema. Isinasakatuparan ba nila ang mga responsabilidad ng isang lider? Magagawa ba nang maayos ang gawain ng iglesia sa ganitong paraan? Kapag nagtatanong ang ang Itaas sa kanila para kumustahin ang gawain, sinasabi nila, “Normal ang lahat ng gawain ng iglesia. May isang superbisor na nangangasiwa sa bawat aytem ng gawain.” Kung tatanungin pa tungkol sa kung may anumang mga problema sa gawain, itinutugon nila, “Hindi ko alam. Wala sigurong anumang mga problema!” Ito ang saloobin ng mga huwad na lider sa gawain nila. Bilang isang lider, nagpapakita ka ng ganap na pagiging iresponsable sa gawaing itinalaga sa iyo; iniaatas ang lahat ng ito sa iba, nang walang pagsubaybay, mga pag-usisa, o pagtulong sa paglutas ng mga problema mula sa panig mo—nakaupo ka lang na parang walang pakialam na tagapag-utos. Hindi ba’t nagiging pabaya ka sa responsabilidad mo? Hindi ba’t kumikilos ka na parang isang opisyal? Hindi gumagawa ng anumang partikular na gawain, hindi sumusubaybay sa gawain, hindi nilulutas ang mga tunay na problema—hindi ba’t ang gayong mga lider ay pirasong pandekorasyon lang? Hindi ba’t mga huwad na lider sila? Ito ang perpektong halimbawa ng isang huwad na lider. Ang gawain ng isang huwad na lider ay ang dumaldal lang nang dumaldal at ang maglabas ng mga utos nang hindi talaga nakikilahok o nagsusubaybay sa gawain, ni hindi naghahanap o tinutukoy ang mga problemang nakapaloob sa gawain. Kahit na natukoy ang mga problema, hindi niya nilulutas ang mga ito. Kumikilos lang siya bilang isang walang pakialam na tagapag-utos, iniisip na iyon ang bumubuo sa paggawa ng gawain. Gayumpaman, hindi man lang nababagabag ang konsensiya niya sa ganitong paraan ng pamumuno; komportable siyang namumuhay araw-araw, at masaya siya sa lahat ng oras. Paanong kaya pa rin niyang ngumiti? May natuklasan Akong isang katunayan: Ang gayong mga tao ay ganap na walang kahihiyan. Wala silang ginagawang aktuwal na gawain bilang isang lider, nagsasaayos lang sila ng ilang tao na gagawa ng mga gampanin at itinuturing itong tapos na. Hindi ninyo sila makikita kailanman sa lugar ng gawain; wala silang ideya tungkol sa pag-usad o sa mga resulta ng gawain ng iglesia, pero iniisip pa rin nilang may kakayahan sila at pasok sila sa pamantayan bilang isang lider. Ito ang perpektong halimbawa ng isang huwad na lider, walang ginagawang anumang aktuwal na gawain. Walang pasanin ang mga huwad na lider para sa gawain ng iglesia, hindi sila nag-aalala o nababalisa gaano man karaming problema ang lumilitaw; nasisiyahan na sila sa paggawa lang ng ilang pangkalahatang usapin at sa gayon ay iniisip nilang gumawa na sila ng aktuwal na gawain. Paano man ilantad ng ang Itaas ang mga huwad na lider, hindi sumasama ang loob nila, ni hindi nila nakikita ang sarili nila sa paglalantad; wala silang anumang pagninilay sa sarili o pagsisisi. Hindi ba’t walang konsensiya at katwiran ang gayong mga tao? Kaya ba ng isang taong tunay na may konsensiya at katwiran na tratuhin ang gawain ng iglesia sa ganitong paraan? Tiyak na tiyak na hindi.

Sa pangkalahatan, ang mga tao na may kahit katiting na konsensiya at katwiran, kapag naririnig ang paglalantad ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider at ikinukumpara ang sarili nila sa mga paglalarawang ito, ay makakakita, sa mas malaki o mas maliit na antas, na may isang bagay sa sarili nila sa mga paglalarawang ito. Mamumula ang mga mukha nila, hindi sila mapapalagay, hindi mapapakali ang mga puso nila, nakakaramdam ng utang na loob sa Diyos, at palihim silang magkakaroon ng kapasyahan: “Noong nakaraan, nagpasasa ako sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ko ginawa nang maayos ang gawain ko, hindi ko isinakatuparan ang mga responsabilidad ko, hindi ako gumawa ng tunay na gawain, naging mangmang ako kapag tinatanong, palaging gustong umiwas sa responsabilidad, at palaging nagkukunwari, natatakot na sa sandaling makita ng iba kung ano talaga ang nangyayari sa akin, mawawala ang reputasyon at katayuan ko, at hindi ko mapapanatili ang posisyong pinanghahawakan ko bilang isang lider. Ngayon ko lang nakikita na kahiya-hiya at hindi puwedeng magpatuloy ang gayong pag-uugali. Dapat maging mas masigasig ako nang bahagya sa pagkilos, at magsumikap ako. Kung patuloy akong mabibigo sa paggawa nang maayos, hindi mapapatawad iyon—makokonsensiya ako!” Nagtataglay pa rin ang ganitong mga huwad na lider ng kaunting pagkatao at konsensiya; kahit papaano, may kamalayan ang konsensiya nila. Pagkatapos marinig ang paglalantad Ko, nakikita nila ang sarili nila sa mga salitang ito at nakakaramdam ng pagkabagabag; nagninilay sila: “Talagang wala akong nagawang anumang tunay na gawain, o nalutas na anumang mga tunay na problema. Hindi ako karapat-dapat sa atas ng Diyos o sa titulo ng lider. Kung gayon, ano ang dapat kong gawin? Dapat akong bumawi; mula ngayon, dapat akong magpakasigasig at lumutas ng mga tunay na problema, makilahok sa bawat partikular na gampanin, umiwas sa pagtakas sa responsabilidad, umiwas sa pagkukunwari, at gumawa ng mga bagay sa abot ng makakaya ko. Sinisiyasat ng Diyos ang puso at kaloob-loobang kaisipan ng mga tao, alam ng Diyos ang tunay na sukat ng lahat; hindi importante kung ginagawa ko man nang maayos o hindi ang mga bagay, pinakamahalaga ang buong-pusong paggawa nito. Kung hindi ko man lang magawa ito, matatawag pa rin ba akong tao?” Ang kakayahang pagnilayan ang sarili sa ganitong paraan ay tinatawag na pagkakaroon ng konsensiya. Ang mga taong walang konsensiya, paano mo man sila ilantad, ay hindi namumula ang mukha o hindi nakararamdam ng pagkabog ng dibdib nila; nagpapatuloy lang sila sa paggawa ng anumang gusto nila. Kahit na nakikita nila ang sarili nila sa inilantad ng Diyos, nakakaramdam sila ng kawalan ng interes tungkol dito: “Hindi naman nabanggit ang pangalan ko,” iniisip nila. “Bakit dapat akong matakot? Mahusay ang kakayahan ko, may talento ako; kung wala ako, walang kayang gawin ang sambahayan ng Diyos! Ano naman kung hindi ako gumagawa ng anumang tunay na gawain? Hindi ako mismo ang gumagawa nito, pero ipinapagawa ko naman sa iba, kaya natatapos pa rin naman ang gawain, hindi ba? Sa ano’t ano man, sa bawat gampaning ipinapagawa mo sa akin, tinatapos ko ito para sa iyo, sino pa man ang isinasaayos ko para gawin ito. Mahusay ang kakayahan ko, kaya matalino akong gumagawa. Sa hinaharap, magpapatuloy akong iraos ang gawain at magpapakaligaya sa buhay tulad ng ninanais ko.” Kahit paano Ko himayin o ilantad ang mga huwad na lider nang dahil sa hindi paggawa ng tunay na gawain, nananatiling pareho ang gayong mga tao, ganap na walang kamalayan: “Hayaan mo ang iba na isipin kung ano ang gusto nila, at tingnan ako kung paano nila ako gustong tingnan—talagang hindi ko ito gagawin!” May konsensiya ba ang gayong mga huwad na lider? (Wala.) Ito ang ikaapat na pagkakataong nagbahaginan tayo tungkol sa paglalantad ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider, at sa bawat pagkakataong inilalantad Ko ang gayong mga indibidwal, iyong mga may kahit katiting na konsensiya ay nakakaramdam ng kaba o pagkabalisa, nakakaramdam ng kawalang-kumpiyansa nang dahil sa hindi maayos na paggawa nila ng gawain, at palihim na nagpapasyang mabilis na magsisi at magbago. Samantala, iyong mga walang konsensiya ay labis-labis na walang kahihiyan; wala silang anumang nararamdaman. Paano man Ako makipagbahaginan, nagpapatuloy lang sila sa pamumuhay sa mga araw nila tulad ng nakasanayan, nagpapakaligaya sa buhay tulad ng ninanais nila. Kapag tinatanong mo sila, “Responsable ang ilang tao sa gawain ng ebanghelyo, ang ilan sa gawain ng pagsasalin, at ang iba naman sa gawain ng paggawa ng pelikula—sa anong partikular na gawain ka responsable?” sinasabi nila: “Bagama’t wala akong nagawang anumang partikular na gawain, pinangangasiwaan ko ang lahat ng bagay. Nagdaraos ako ng mga pagtitipon para sa kanila.” Kung tatanungin mo sila, “Gaano karaming pagtitipon ang idinaraos mo sa loob ng isang buwan?” tutugon sila: “Sa pinakamababa, isang malaking pagtitipon sa isang buwan, at isang maliit kada dalawang linggo.” At kapag tinatanong mo sila, “Bukod sa pagdaraos ng mga pagtitipon, anong partikular na gawain ang nagawa mo?” tutugon sila: “Dahil napakaabala ko sa mga pagtitipon, anong partikular na gawain ang magagawa ko? Bukod pa rito, napakalawak ng saklaw ng pinamamahalaan ko, wala akong oras para sa partikular na gawain.” Pakiramdam ng mga huwad na lider na ito na ganap silang nasa tama—napakatatag at napakatibay nilang mga lider! Kahit paano sila inilantad at pinungusan, hindi masama ang loob nila tungkol dito kahit kaunti. Kung may ipinapagawa sa Aking partikular na gawain, tulad ng pagluluto para sa limang tao, pero gumawa Ako ng pagkain na sapat lang para sa apat, hindi Ako magiging komportable dahil sa hindi sapat ang nagawa Ko, at makakaramdam Ako ng pagkakonsensiya dahil hindi Ko napakain nang sapat ang lahat. Kung gayon, iisipin Ko kung paano Ako makakabawi, tinitiyak na wastong magkakalkula sa susunod para makakuha ng sapat na makakain ang lahat. At kapag may nagsabi na masyadong maalat ang pagkain, sasama rin ang loob Ko. Tatanungin Ko kung aling putahe ang masyadong maalat, at pagkatapos ay tatanungin Ko ang iba kung angkop ba ang pampalasa. Bagama’t mahirap pasayahin ang lahat, dapat Ko pa ring subukan ang bawat posibleng paraan para magawa Ko nang maayos ang parte Ko. Ito ay tinatawag na pagsasakatuparan ng mga responsabilidad ng isang tao; ito ang katwirang dapat taglayin ng mga tao. Dapat mong isakatuparan palagi ang mga responsabilidad mo; ano man ang gawain, dapat may partisipasyon ka mismo rito. Kung may sinumang mag-aalok ng ibang opinyon—kahit sino pa sila—at napagtanto mong nasa mali ka at sumama ang loob mo pagkatapos marinig ito, dapat kang gumawa ng mga pagwawasto at ilagay ang puso mo sa gagawin mo sa hinaharap, na gumagawa nang maayos kahit na nangangahulugan ito ng pagtitiis ng ilang paghihirap. Walang ganitong pakiramdam ang mga huwad na lider, kaya hindi talaga sila nagtitiis ng anumang paghihirap. Pagkatapos marinig ang mga katunayang ito tungkol sa paglalantad ng mga huwad na lider, wala silang anumang nararamdaman, nasisiyahan pa rin sa pagkain nila, natutulog nang mahimbing, at nagpapakasasa sa buhay, nang may parehong pakiramdam ng kasiyahan araw-araw, at nang walang pakiramdam ng pagdadala ng mabigat na pasanin sa mga balikat nila, o walang kirot ng pagkakonsensiya sa puso nila. Anong uri ng mga tao ang mga ito? May problema ang gayong mga tao sa karakter nila: Wala silang konsensiya, wala silang katwiran, at mababa ang karakter nila. Sa kabila ng paglalantad sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider sa napakahabang panahon—kapwa mula sa isang positibong perspektiba, pagtutustos at pagbabahaginan, at mula sa isang negatibong perspektiba, paglalantad at paghihimay sa kanila—hindi pa rin makilala ng isang bahagi ng mga huwad na lider ang sarili nilang mga isyu, ni hindi nila kailanman layong magnilay at magsisi. Kung walang anumang pangangasiwa o panghihimok mula sa ang Itaas, iraraos pa rin nila ang gawain nila hangga’t kaya nila, nang hindi talaga nagbabago ng direksyon. Paano Ko man sila inilalantad, nakaupo pa rin sila roon nang kalmado at ganap na walang kamalayan. Hindi ba’t masyado na talaga silang walang kahihiyan? Ang ganitong uri ng mga tao ay hindi angkop na maging mga lider o manggagawa; sila ay may napakababang karakter na wala silang kahihiyan! Para sa mga normal na tao, maging ang marinig lang ang isang tao na banggitin ang kanilang mga pagkukulang, kapintasan, o anumang hindi angkop o salungat sa mga prinsipyo tungkol sa ginawa nila—hindi na bale ang partikular na mailantad—ay magiging mahirap para sa kanila na tiisin, at makakaramdam sila ng sama ng loob at ng labis na kahihiyan, at iisipin kung paano babaguhin at itatama ang mga sarili nila. Samantala, gumagawa ng ganap na gulo ang mga huwad na lider na ito sa gawain nila at namumuhay pa rin sila nang malinis ang konsensiya, hindi nag-aalala o nababalisa, at nananatiling ganap na walang kamalayan paano man sila nalantad—naghahanap pa nga sila ng mga lugar na mapagtataguan at naghahanap ng libangan, at palagi silang hindi makita kahit saan. Wala talaga silang kahihiyan!

Kahit papaano ay dapat may taglay na konsensiya at katwiran ang isang lider ng iglesia, at dapat nauunawaan rin niya ang ilang katotohanan—saka lang siya makadarama ng isang pasanin. Ano ang mga pagpapamalas ng pagdama ng isang pasanin? Kung nakikita niya na negatibo ang ilang tao, may baluktot na pag-arok ang ilan, inaaksaya ng ilan ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos, pabasta-bastang ginagawa ng ilan ang gawain nila, hindi inaasikaso ng ilan ang mga marapat nilang gampanin kapag ginagampanan ang mga tungkulin nila, palaging bumibigkas ang ilan ng matatayog na salita pero hindi gumagawa ng tunay na gawain…, natutuklasan na masyadong maraming problema ang umiiral sa loob ng iglesia at kinakailangang malutas, nakikitang napakaraming gawain ang hindi natapos, nagiging sanhi ito ng pagkakaroon nila ng isang pakiramdam ng pasanin. Simula noong naging isa siyang lider, tila may isang apoy na palaging nagniningas sa kalooban niya; kung may natutuklasan siyang problema at hindi niya ito malutas, nag-aalala at nababalisa siya, hindi makakain o makatulog. Sa mga pagtitipon, kapag nag-uulat ang ilang tao ng mga problema sa gawain nila na hindi agarang nakikilatis at nalulutas ng lider, hindi sumusuko ang lider; pakiramdam niya ay dapat niyang malutas ang problemang ito. Pagkatapos magdasal at maghanap, at sa pag-iisip-isip nito sa loob ng dalawang araw, sa sandaling alam na niya kung paano ito malulutas, mabilis niyang nilulutas ang isyu. Pagkatapos lutasin ang isyu, agaran niyang sinusuri ang iba pang gawain at natutuklasan ang isa pang isyu kung saan masyadong maraming tao ang kabilang sa isang gawain; na nangangailangan ng pagbabawas sa tauhan. Pagkatapos ay agad siyang nagpapatawag ng isang pagtitipon, malinaw niyang inuunawa ang sitwasyon, nagbabawas ng tauhan, at bumubuo ng mga makatwirang pagsasaayos, at sa gayon ay nalulutas ang problema. Alinmang gawain ang kanilang sinusuri, laging makatutukoy ng mga problema ang mga lider na nagdadala ng pasanin. Para sa anumang problemang may kinalaman sa propesyonal na kaalaman, o salungat sa mga prinsipyo, magagawa nilang tukuyin ang mga ito, magtanong tungkol sa mga ito, at maunawaan ang mga ito, at kapag may natuklasan silang problema, nilulutas nila ito kaagad. Nilulutas lamang ng matatalinong lider at manggagawa ang mga problemang may kinalaman sa gawain ng iglesia, propesyonal na kaalaman, at mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila pinapansin ang maliliit na bagay sa pang-araw-araw na buhay. Sinusubaybayan nila ang bawat aspekto ng gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo na iniatas ng Diyos. Nagtatanong sila at sinusuri ang tungkol sa anumang problemang napapansin o natutuklasan nila. Kung hindi nila malutas mag-isa ang problema sa sandaling iyon, nakikipagtipon sila sa iba pang mga lider at manggagawa, nakikipagbahaginan sa kanila, naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo, at nag-iisip ng mga paraan para malutas ito. Kung may makaharap silang isang malaking problema na talagang hindi nila malulutas, agad silang sumasangguni sa ang Itaas, at ipinapaubaya sa ang Itaas na asikasuhin at lutasin ito. Ang mga lider at manggagawang ganito ay mga taong may prinsipyo sa kanilang mga kilos. Anuman ang mga problema, basta’t nakita nila ang mga ito, hindi nila ito palalampasin; iginigiit nilang lubusang unawain ang mga problemang ito at pagkatapos ay isa-isang lutasin ang mga ito. Kahit na hindi ganap na malutas ang mga ito, masisiguro na hindi na muling lilitaw ang mga problemang ito. Ito ay ang paggampan sa tungkulin ng isang tao nang buong puso, lakas, at isipan, ganap na isinasakatuparan ang mga responsabilidad niya. Iyong mga huwad na lider at manggagawa na hindi gumagawa ng tunay na gawain o hindi tumutuon sa paglutas ng mga tunay na problema ay hindi makakatuklas ng mga problema na nasa harapan nila at hindi alam kung anong gawain ang dapat nilang tapusin. Basta’t nakikita nila na abala ang mga kapatid sa paggampan ng mga tungkulin ng mga ito, ganap silang kontento, pakiramdam nila na ito ang resulta ng tunay nilang paggawa; iniisip nila na napakainam ng lahat ng aspekto ng gawain at na wala silang gaanong personal na gagawin o wala silang anumang mga problema na lulutasin, kaya nakatuon sila sa pagtatamasa ng mga pakinabang ng katayuan nila. Palagi nilang gustong magpakitang-gilas at magyabang tungkol sa sarili nila sa gitna ng mga kapatid. Sa tuwing nakikita nila ang mga kapatid, sinasabi nila, “Maging mabuti kang mananampalataya. Gampanan mo nang maayos ang tungkulin mo. Huwag kang magpabasta-basta sa gawain. Kung magiging pasaway o magdudulot ka ng pagkabagabag, tatanggalin kita!” Ang alam lang nila ay igiit ang katayuan nila at pangaralan ang mga tao. Sa mga pagtitipon, palagi silang nagtatanong kung anong mga problema ang umiiral sa gawain at nagtatanong kung iyong mga nasa ilalim nila ay may anumang mga paghihirap, pero kapag nagpapahayag ang iba ng mga problema at paghihirap ng mga ito, hindi nila malutas ang mga ito. Sa kabila nito, masaya pa rin sila, at nagpapatuloy pa ring mamuhay nang may malinis na konsensiya. Kung hindi nagbabanggit ng anumang mga paghihirap o problema ang mga kapatid, pakiramdam nila ay ginagawa nila nang maayos ang trabaho nila, na nagiging kampante sila. Iniisip nilang ang pagtatanong tungkol sa gawain ay ang trabahong iniatas sa kanila, at kapag lumilitaw ang mga problema at natutukoy ng ang Itaas ang pananagutan pabalik sa kanila, natutulala sila. Inilalatag ng iba sa harap nila ang mga paghihirap at problema sa gawain, pero nagrereklamo pa rin sila kung bakit hindi hinahanap ng mga ito ang katotohanan para lutasin ang mga iyon. Hindi nilulutas mismo ang mga tunay na problema, ipinapasa nila ang sisi sa mga superbisor sa ibaba nila, malupit na sinisita ang mga taong gumagawa ng mga partikular na gampanin. Nakakatulong ang pagsita na ito na mapawi ang galit nila, at naniniwala pa nga sila nang may malinis na konsensiya na gumagawa sila ng tunay na gawain. Hindi sila kailanman nakaramdam ng pag-aalala o pagkabalisa dahil sa hindi pagkatuklas o pagkalutas ng mga problema, ni hindi sila nawalan ng ganang kumain o matulog nang maayos dahil dito—hindi sila kailanman nagdusa ng ganitong uri ng paghihirap.

Sa tuwing bumibisita Ako sa isang iglesia sa bukid, nilulutas Ko ang ilang problema. Sa tuwing pumupunta Ako, hindi ito dahil may natuklasan Akong ilang partikular na isyu na dapat malutas; pagkakaroon lang ito ng kaunting libreng panahon para mag-ikot-ikot at kumustahin ang gawain ng iba’t ibang pangkat sa iglesia, at ang mga kalagayan ng mga tao sa bawat pangkat. Tinitipon Ko ang mga superbisor para mag-usap-usap, tinatanong kung anong gawain ang ginagawa nila sa panahong ito, at anong mga problema ang mayroon, hinahayaan Ko silang magsabi ng ilang isyu, at pagkatapos ay nakikipagbahaginan Ako sa kanila tungkol sa kung paano lutasin ang mga ito. Kapag nakikipagbahaginan Ako sa kanila, natutuklasan Ko rin ang ilang bagong problema. Ang isang uri ng problema ay iyong may kaugnayan sa kung paano ginagawa ng mga lider at manggagawa ang gawain nila; ang isa pa ay mga problema sa gawaing nasa saklaw ng mga responsabilidad nila. Dagdag pa rito, tinutulungan at ginagabayan Ko rin sila sa kung paano gumawa ng partikular na gawain, kung paano ipatupad ang gawain, kung anong gawain ang gagawin, at pagkatapos ay sinusubaybayan Ko sa susunod, kinukumusta sila tungkol sa gawaing iniatas noong nakaraan. Kinakailangan ang gayong pangangasiwa, panghihimok, at pagsusubaybay. Bagama’t hindi ito ginagawa nang may maraming palabas at pagsigaw, gumagamit ng mga ispiker para mag-anunsiyo, ipinapahayag at ipinapatupad ang mga partikular na trabaho at gampaning ito sa pamamagitan ng ilang lider at manggagawa na kayang gumawa ng tunay na gawain. Kaya, nagiging maayos at umuusad ang gawain ng bawat pangkat, bumubuti ang kahusayan ng gawain, at mas maganda ang mga resulta. Sa huli, ang lahat ng tao sa bawat pangkat ay mapanghahawakan nang mahigpit ang sarili nilang tungkulin, na alam kung ano ang dapat nilang gawin at kung paano ito gagawin. Kahit papaano, ginagampanan ng lahat ang nararapat nilang tungkulin, lahat sila ay may mga nakaatas na gampanin, at ang kanilang ginagawa ay nagagawa ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos at naisasagawa rin ito ayon sa mga prinsipyo. Hindi ba’t pagkamit ito ng ilang resulta? Alam ba ng mga huwad na lider kung paano gumawa sa ganitong paraan? Magbubulay ang mga huwad na lider: “Kung gayon, ganito isinasagawa ng ang Itaas ang gawain: tinatawagan ang ilang tao para sama-samang mag-usap, nagtatala ang lahat sa isang munting aklat, at pagkatapos ng pagtatala, tapos na ang gawain ng ang Itaas. Kung ganito magsagawa ng gawain ang ang Itaas, gagawin namin ito sa parehong paraan.” Kaya, gumagaya ang mga huwad na lider sa ganitong paraan. Kinokopya nila ang panlabas na anyo, pero sa huli, hindi talaga sila gumagawa ng anumang tunay na gawain, hindi ipinapatupad ang alinman sa mga gampaning iniatas sa kanila, pinapalipas lang ang oras sa pagdaldal nang walang kabuluhan. Minsan, pumupunta rin Ako sa mga taniman ng gulay at mga greenhouse para tingnan kung paano lumalaki ang mga punla, o para alamin kung gaano karaming siklo ng mga pananim ang mapapalaki sa greenhouse sa taglamig, at kung gaano kadalas ang pagdidilig sa mga ito. Ang lahat ng gampaning ito, malaki man o maliit, ay may kasangkot na mga teknikal na isyung may kaugnayan sa pagtatanim ng gulay, at hangga’t masigasig na ginagawa ng isang tao ang mga ito, matatapos niya ang mga ito. Saan pangunahing ipinapakita ng mga huwad na lider ang pagiging huwad nila? Ang pinakalantad ay ang hindi paggawa ng tunay na gawain; gumagawa lang sila ng ilang gampaning nagpapaganda ng imahe nila at itinuturing na nilang tapos na ang mga ito, at pagkatapos ay nagsisimula na silang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan nila. Kahit gaano karami ang ganitong uri ng gawaing ginagawa nila, ibig ba nitong sabihin ay nagsasagawa sila ng tunay na gawain? Hindi dalisay na naaarok ng karamihan sa mga huwad na lider ang katotohanan, nauunawaan lang ang ilang salita at doktrina, kaya’t napakahirap na magawa nang maayos ang tunay na gawain. Ang isang bahagi ng mga huwad na lider ay hindi pa nga makalutas ng mga isyung may kinalaman sa pangkalahatang usapin; malinaw na may mahina silang kakayahan at walang espirituwal na pang-unawa. Ganap na walang halaga ang paglilinang sa kanila. May kaunting kakayahan naman ang ilang huwad na lider, pero hindi sila gumagawa ng tunay na gawain, at nagpapasasa sila sa mga kaginhawahan ng laman. Ang mga taong nagpapasasa sa mga kaginhawahan ng laman ay walang gaanong ipinagkaiba sa mga baboy. Ginugugol ng mga baboy ang maghapon sa pagtulog at pagkain. Walang ginagawa ang mga ito. Gayumpaman, matapos ang isang taon ng pagsisipag na mapakain ang mga ito, kapag kinakain ng buong pamilya ang karne ng mga ito sa pagtatapos ng taon, masasabi na nagkaroon ng silbi ang mga ito. Kung inaalagaan ang isang huwad na lider na gaya ng isang baboy, kumakain at umiinom nang libre tatlong beses bawat araw, tumataba at lumalakas, pero wala siyang ginagawang anumang tunay na gawain at wala siyang silbi, hindi ba walang saysay ang pag-aalaga sa kanya? Nagkaroon ba iyon ng anumang silbi? Magiging isa lang siyang hambingan at dapat itiwalag. Talagang mas mabuti pang mag-alaga ng isang baboy kaysa isang huwad na lider. Ang mga huwad na lider ay maaaring may titulong “lider,” maaaring nakaupo sila sa posisyong ito, kumakaing mabuti nang tatlong beses kada araw, tinatamasa ang maraming biyaya ng Diyos, bumibilog at nagiging malarosas mula sa kakakain nang sobra sa katapusan ng taon—pero kumusta naman ang gawain? Tingnan mo ang lahat ng nakompleto sa gawain mo ngayong taon: Nagkaroon ka ba ng mga resulta sa anumang bahagi ng gawain ngayong taon? Anong tunay na gawain ang ginawa mo? Hindi hinihingi ng sambahayan ng Diyos na gawin mo ang bawat trabaho nang perpekto, pero dapat mong gawin nang mabuti ang pangunahing gawain—halimbawa, ang gawain ng ebanghelyo, o gawain ng paggawa ng pelikula, gawaing nakabatay sa teksto, at iba pa. Dapat maging mabunga ang lahat ng ito. Sa mga normal na sitwasyon, karamihan sa gawain ay dapat magbunga ng ilang resulta at tagumpay pagkatapos ng tatlo hanggang limang buwan; kung walang mga tagumpay pagkatapos ng isang taon, isa itong malubhang problema. Sa loob ng saklaw ng iyong responsabilidad, aling gawain ang naging pinakamabunga? Alin ang binayaran mo ng pinakamalaking halaga at pinakapinagdusahan mo nang buong taon? Ipakita mo ang tagumpay na ito, at pagnilayan kung nakagawa ka ng anumang mahahalagang tagumpay mula sa isang taon ng iyong pagtatamasa ng biyaya ng Diyos; dapat na may malinaw kang pagkaunawa rito sa iyong puso. Ano nga ba ang ginagawa mo habang kinakain mo ang pagkain ng sambahayan ng Diyos at tinatamasa ang biyaya ng Diyos sa buong panahong ito? May nakamit ka bang anuman? Kung wala kang nakamit, iniraraos mo lang ang gawain; ikaw ay isang tunay na huwad na lider. Dapat bang tanggalin at itiwalag ang gayong mga lider? (Oo.) Makikilatis ba ninyo ang gayong mga huwad na lider kapag nakatagpo ninyo sila? Makikita ba ninyong mga huwad na lider sila, iniraraos lang ang gawain para makalibre ng pagkain? Kumakain sila hanggang maging mamantika ang mga bibig nila pero hindi sila kailanman nagmumukhang nag-aalala o balisa tungkol sa gawain, hindi nakikilahok o nagsisiyasat tungkol sa anumang mga partikular na gampanin. Kahit na magsiyasat sila, may dahilan ito; ginagawa lang nila iyon kapag ginigipit sila ng ang Itaas tungkol sa mga resulta at kung hindi, hindi sila mag-aabalang gawin iyon. Palagi silang nagpapasasa sa pagpapakaligaya, madalas nanonood ng mga pelikula o palabas sa TV. Nag-aatas sila ng gawain at habang abala ang iba sa paggampan ng mga tungkulin ng mga ito, nagpapahinga at nagpapakaligaya sila. Kung may isang problema at susubukan ninyong hanapin sila para asikasuhin ito, hindi sila makikita kahit saan, pero hindi sila kailanman nahuhuli sa mga kainan. At pagkatapos kumain, kapag bumabalik na ang lahat sa gawain, umaalis sila para magpahinga pa nang mas matagal. Kung tatanungin mo sila, “Bakit hindi ka lumabas at suriin mo ang gawain? Naghihintay ang lahat sa paggabay mo, sa mga pagsasaayos mo!” sasabihin nila: “Bakit ninyo ako hinihintay? Kaya ninyong lahat iyan, alam ninyong lahat kung paano gawin iyan—hindi ba’t pareho lang kapag wala ako? Hindi ba ako puwedeng magpahinga sandali?” “Pagpapahinga ba iyan? Nanonood ka lang ng mga pelikula!” “Pinag-aaralan ko ang mga propesyonal na kasanayan, nag-aaral ako kung paano kinukunan ang mga pelikula.” Nagdadahilan pa nga sila. Nanonood sila ng pelikula nang sunod-sunod, at kapag nagpapahinga ang lahat sa gabi, nagpapahinga rin sila. Sa bawat araw, iniraraos lang nila ang gawain nang ganito, pero hanggang saan? Hindi sila kaaya-aya sa tingin ng lahat, naaasiwa ang lahat sa kanila, at kalaunan, walang sinuman ang pumapansin sa kanila. Sabihin mo sa Akin, kung ang isang lider na tulad nito ay hindi ang nangangasiwa, makakausad pa rin ba ang gawain? Kung wala siya, hihinto ba ang pag-ikot ng mundo? (Umiikot pa rin ito.) Kung gayon, dapat siyang ilantad para makita ng lahat na hindi niya inaasikaso ang mga marapat na gampanin at na walang dapat mapigilan ng taong ito. Ang gayong mga huwad na lider na hindi nag-aasikaso sa mga marapat na gampanin ay dapat na malantad at mahimay para kilatisin ng lahat, at dapat siyang tanggalin para isantabi! Makikilatis ba ninyo ang gayong mga huwad na lider kapag nakatagpo ninyo sila? Kung walang mga huwad na lider, mararamdaman ba ninyong lahat na para kayong mga mandaragat na walang kapitan? Makakakumpleto ba kayo ng gawain at makakatapos ng mga gampanin nang kayo lang? Kung hindi ninyo kaya, nasa panganib kayo. Ang pagharap sa ganitong uri ng mga huwad na lider, na hindi gumagawa ng tungkulin nila nang maayos, hindi namumuno sa pamamagitan ng halimbawa, at nag-aaksaya ng oras sa pakikipag-usap online—magkakaroon ba kayo ng pagkilatis sa ganitong uri ng sitwasyon? Maiimpluwensiyahan ba niya kayo para makisali rin sa walang-kuwentang daldalan at magpaliban sa mga tungkulin ninyo? Magagawa pa rin ba ninyong sundin ang gayong mga huwad na lider? (Hindi.)

Matatakaw at mga tamad ang ilang huwad na lider, mas gusto nila ng kaginhawahan kaysa sa mabigat na gawain. Ayaw nilang gumawa o mag-alala, iniiwasan nila ang pagsisikap at responsabilidad, at gusto lang nilang magpakasasa sa kaginhawahan. Mahilig silang kumain at maglaro, at lubha silang tamad. May isang huwad na lider noon na babangon lang sa umaga kapag nakakain na ang lahat, at sa gabi, nanonood pa rin siya ng mga teleserye sa TV habang nagpapahinga na ang iba. Isang brother na responsable sa pagluluto ang hindi na nakatiis at pinuna siya. Sa palagay ba ninyo ay makikinig siya sa isang kusinero? (Hindi.) Ipagpalagay nating pinagsabihan siya ng isang lider o manggagawa, sinasabi, “Kailangan mong maging mas masipag; ang gawaing kailangang gawin ay dapat na gawin. Bilang lider, dapat mong tuparin ang mga responsabilidad mo anuman ang gawain; dapat mong tiyaking walang mga problema rito. Ngayong may nakita nang problema, at wala ka para lutasin ito, nakakaapekto ito sa gawain. Kung palagi kang gumagawa sa ganitong paraan, hindi ba’t pag-aantala ito sa gawain ng iglesia? Kaya mo bang pasanin ang pananagutang ito?” Makikinig ba siya rito? Hindi sigurado. Para sa mga gayong huwad na lider, dapat agad silang tanggalin ng grupo ng mga tagapagpasya at dapat magsaayos ito ng ibang gawain para sa kanila, hayaan silang gawin ang anumang kaya nilang gawin. Kung wala silang silbi, gustong maging palamunin kahit saan sila magpunta, kung wala silang kayang gawin, paalisin na sila at huwag nang bigyan ng anumang tungkulin. Hindi sila karapat-dapat na gumawa ng tungkulin; hindi sila tao, wala silang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, wala silang kahihiyan. Para sa mga gayong huwad na lider, na maituturing na mga tamad, kapag nakilatis na sila, dapat tanggalin na sila agad; hindi na kailangan pang subukang hikayatin sila, at hindi na sila dapat bigyan ng anumang pagkakataon para sumailalim sa obserbasyon, ni hindi na kailangang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan. Hindi ba’t sapat na ang narinig nilang mga katotohanan? Kung pinungusan sila, magagawa ba nilang magbago? Hindi. Kung ang isang tao ay may mahinang kakayahan, may mga katawa-tawang pananaw minsan, o hindi nauunawaan ang buong sitwasyon dahil sa pagiging ignorante, pero siya ay masipag, nagdadala ng pasanin, at hindi tamad, kung ganoon, ang gayong tao, sa kabila ng mga paglihis sa paggawa ng tungkulin niya, ay puwedeng magsisi kapag naharap siya sa pagpupungos. Sa pinakamababa, alam niya ang mga responsabilidad ng isang lider at alam niya kung ano ang dapat niyang gawin, may konsensiya siya at pagpapahalaga sa responsabilidad, at may puso siya. Gayumpaman, iyong mga tamad, pumipili sa kaginhawahan kaysa sa mabigat na gawain, at walang pasanin, ay hindi kayang magbago. Walang pasanin sa puso nila; sinuman ang pumungos sa kanila, wala itong silbi. Sinasabi ng ilang tao, “Kung gayon, kung darating sa kanila ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, mababago ba nito ang isyu nila ng kawalan ng pasanin?” Hindi ito mababago; tinutukoy ito ng kalikasan ng isang tao, tulad ng isang aso na hindi kayang baguhin ang gawi nitong pagkain ng dumi. Sa tuwing nakakakita ka ng taong tamad at walang pasanin at nagseserbisyo rin bilang isang lider, matitiyak mong isa siyang huwad na lider. Maaaring sabihin ng ilan, “Paano mo siya matatawag na isang huwad na lider? May mabuti siyang kakayahan, matalino siya, nakikilatis niya ang mga bagay-bagay, at nakakabuo siya ng mga plano. Sa mundo, namahala siya ng mga negosyo, nagserbisyo bilang mga CEO; matalino, may karanasan, at siya ay maalam sa mundo!” Malulutas ba ng mga katangiang ito ang problema niya ng pagiging tamad at ng kawalan ng pasanin? (Hindi.)

Anong uri ng mga pagpapamalas at katangian ang ipinapakita niyong mga sobrang tamad? Una, sa anumang bagay na ginagawa nila, pabasta-basta silang kumikilos, nag-aaksaya ng oras, nagmamabagal, at nagpapahinga at nagpapaliban hangga’t maaari. Pangalawa, wala silang pakialam sa gawain ng iglesia. Para sa kanila, maaari naman itong gawin ng sinumang may gusto ng pag-aalala tungkol sa gayong mga bagay. Hindi nila gagawin ito. Kapag nag-aalala nga sila tungkol sa isang bagay, para ito sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan—ang mahalaga lang para sa kanila ay na natatamasa nila ang mga pakinabang ng katayuan. Pangatlo, umiiwas sila sa paghihirap sa gawain nila; hindi nila matanggap na nakapapagod nang kahit kaunti ang gawain nila, labis na sumasama ang loob nila kung ganoon nga, at hindi nila kayang magtiis ng paghihirap o magbayad ng halaga. Pang-apat, hindi nila kayang magtiyaga sa anumang gawaing ginagawa nila, palagi silang sumusuko sa kalagitnaan at hindi nakatatapos ng mga bagay-bagay. Kung pansamantala silang nasa isang mabuting kalagayan, maaari silang gumawa ng kaunting gawain dahil sa katuwaan, pero kung nangangailangan ng pangmatagalang dedikasyon ang isang bagay, at palagi silang ginagawang abala nito, kailangan itong pag-isipan nang husto, at nakapapagod ito sa katawan nila, sa paglipas ng panahon ay magsisimula silang magreklamo. Halimbawa, ang ilang lider ang nangangasiwa ng gawain ng iglesia, at bago at sariwa ito para sa kanila sa simula. Malaki ang motibasyon nila sa kanilang pagbabahagi sa katotohanan at kapag nakikita nilang may mga problema ang mga kapatid, nagagawa nilang tumulong at lutasin ang mga ito. Pero, matapos ang pansamantalang pagtitiyaga, nagsisimula na silang makaramdam na masyadong nakakapagod ang gawain ng pamumuno, at nagiging negatibo sila—ninanais nilang lumipat sa mas madaling trabaho, at hindi sila handang magtiis ng paghihirap. Kulang ang gayong mga tao sa pagtitiyaga. Panlima, ang isa pang katangian na nakatutukoy sa mga tamad na tao ay ang pag-aatubili nilang gumawa ng tunay na gawain. Sa sandaling magdusa ang laman nila, nagpapalusot sila para iwasan at takasan ang gawain nila, o ipinapasa nila ito sa ibang tao. At kapag natapos ng taong iyon ang gawain, sila mismo ang umaani sa mga gantimpala nang walang kahihiyan. Ito ang limang pangunahing katangian ng mga taong tamad. Dapat kayong magsuri para makita ninyo kung may gayong mga tamad na tao sa mga lider at manggagawa sa mga iglesia. Kung may makita kayong isa, dapat siyang tanggalin kaagad. Makagagawa ba ng mabuting gawain bilang lider ang mga tamad? Anumang uri ng kakayahan ang mayroon sila o anuman ang kalidad ng kanilang pagkatao, kung tamad sila, hindi nila magagawa nang maayos ang gawain nila, at maaantala nila ang gawain at mga importanteng usapin. May sari-saring aspekto ang gawain ng iglesia; ang bawat aspekto nito ay may kaakibat na maraming detalyadong gampanin at nangangailangan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga problema upang magawa ang gawain nang maayos. Samakatwid, dapat maging masigasig ang mga lider at manggagawa—kailangan nilang gumawa ng maraming pag-uusap at maraming gawain araw-araw para matiyak ang pagiging epektibo ng gawain. Kung masyadong kaunti ang pagsasalita o gagawin nila, walang magiging resulta. Kaya, kung tamad ang isang lider o manggagawa, tiyak na isa siyang huwad na lider at walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain. Hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga tamad na tao, lalong hindi sila pumupunta sa mga lugar ng trabaho, at hindi sila handang lutasin ang mga problema o makisangkot sa anumang partikular na gawain. Wala silang ni katiting na pagkaunawa o pagkaarok sa mga problema sa anumang gawain. Mayroon lang silang paimbabaw, malabong ideya sa isipan nila mula sa pakikinig sa sinabi ng iba, at iniraraos nila ang gawain sa pangangaral lang ng kaunting doktrina. Magagawa ba ninyong makilatis ang ganitong uri ng lider? Makikilala ba ninyo na siya ay huwad na lider? (Medyo.) Pabasta-basta ang mga taong tamad sa anumang tungkuling ginagampanan nila. Ano man ang tungkulin, wala silang pagtitiyaga, paminsan-minsang gumagawa, at nagrereklamo sa tuwing dumaranas sila ng ilang paghihirap, naglalabas ng mga walang-katapusang hinaing. Inaalipusta nila ang sinumang pumupuna o pumupungos sa kanila, tulad ng isang taong mainitin ang ulo na nang-iinsulto ng mga tao sa lansangan, na palaging gustong ilabas ang kanyang galit sa iba, at na hindi gustong gampanan ang tungkulin niya. Ano ang ipinapakita nitong pag-ayaw nilang gampanan ang tungkulin nila? Ipinapakita nito na hindi sila nagbubuhat ng pasanin, ayaw nilang umako ng responsabilidad, at sila ay mga taong tamad. Ayaw nilang magdusa ng mga paghihirap o magbayad ng halaga. Naaangkop itong lalo sa mga lider at manggagawa: Kung hindi sila nagdadala ng pasanin, maisasakatuparan ba nila ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Talagang hindi.

Hindi Nagsusubaybay o Nagbibigay ng Direksyon ang mga Huwad na Lider Tungkol sa Gawain

Kakatalakay pa lang natin ng aspektong ito ng ikalimang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “manatiling mayroong kaalaman at pagkaunawa tungkol sa estado ng bawat aytem ng gawain.” Sa pagtalakay sa aspektong ito, inilantad natin ang ilang espesipikong pagpapamalas ng mga huwad na lider, gayundin ang pagkatao at katangian nila. Ngayon, tingnan natin ang “pagpapanatili ng pagkakaroon ng kaalaman at pagkaunawa tungkol sa pag-usad ng bawat aytem ng gawain.” Siyempre, medyo nauugnay ang pag-usad ng gawain sa estado ng gawain, medyo malapit ang kaugnayan. Kung hindi mapapanatili ng isang tao ang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa estado ng isang aytem ng gawain, hindi rin niya mapapanatili ang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa pag-usad ng gawain. Halimbawa, kung paano ang pag-usad ng gawain, hanggang sa anong yugto ito umusad, kung ano ang mga kalagayan ng mga tao na kasangkot, kung may anumang mga paghihirap sa mga propesyonal na aspekto, kung may anumang bahagi ng gawain na hindi tumutugon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, kung ano ang mga resultang nakamit, kung natututo ba ang sinumang mga manggagawa na hindi masyadong mahusay sa mga propesyonal na aspekto ng gawain, kung sino ang nag-oorganisa ng pagkatuto, kung ano ang natututunan nila, kung paano sila natututo, at iba pa—nauugnay ang lahat ng espesipikong isyung ito sa pag-usad. Halimbawa, hindi ba’t napakaimportante ng gawain ng pagkatha ng mga himno? Sa isang himno, mula sa unang pagpili ng mahahalagang sipi ng mga salita ng Diyos hanggang sa pagkumpleto ng komposisyon, anong mga espesipikong gampanin ang kinakailangang gawin sa prosesong ito? Una, kinakailangang pumili ng mahahalagang sipi ng mga salita ng Diyos na akma para maging mga himno, at dapat nasa angkop na haba rin ang mga ito. May kinalaman ang ikalawang hakbang sa pagpapasya kung aling estilo ng melodiya ang naaangkop sa sipi para gawin itong kaaya-aya at kasiya-siyang kantahin. Pagkatapos, dapat hanapin ang mga tamang tao na kakanta sa himno. Hindi ba’t mga espesipikong gampanin ang mga ito? (Oo.) Pagkatapos makatha ang isang himno, hindi man lang nagsisiyasat ang huwad na lider tungkol sa kung kalipikado ang komposisyon o angkop ang estilo. Ang kompositor, na napapansin ang kawalan ng pangangasiwa, ay personal na nararamdamang sapat na ito at nagpapatuloy sa pagrekord nito. Ang sipi ng mga salita ng Diyos na inaabangan ng lahat ng tao na gawing isang himno ay nilapatan na ng musika at ginawa nang isang himno sa wakas, pero tingin ng karamihan ay may mga kapintasan pa rin ito kapag kinakanta. Anong problema ang lumilitaw? Hindi pasado sa inaasahan ang himno: Nairekord ito sa kabila ng kakulangan ng melodiya at dating. Pagkatapos itong pakinggan, nagtatanong ang huwad na lider, “Sino ang kumatha ng himnong ito? Bakit ito inirekord?” Sa sandaling itanong niya ang katanungang ito, hindi bababa sa isang buwan ang lumipas na. Sa buwan na ito, hindi ba’t dapat sinubaybayan at maagap na inalam ng lider ang pag-usad ng gawaing ito? Halimbawa, kumusta ang pag-usad ng komposisyon? Tinukoy ba ang pangunahing himig? Nagkaroon ba ito ng melodiya? Tumugma ba sa mga salita ng Diyos ang melodiya at estilo ng himnong ito? Nakatulong ba sa paggabay ang mga indibidwal na may nauugnay na karanasan? Matapos itong mabuo, maaari bang kantahin ang himnong ito nang malawakan? Ano ang magiging epekto nito? Maituturing bang maganda ang himig? Palaging bigo ang huwad na lider na subaybayan ang mga usaping tulad nito. At may isa siyang dahilan sa hindi pagsubaybay: “Hindi ko nauunawaan ang pagkatha ng himno. Paano ko masusubaybayan ang isang bagay na hindi ko nauunawaan? Imposible ito.” Isa bang lehitimong dahilan ito? (Hindi.) Hindi ito isang lehitimong dahilan; kung gayon, kaya ba ng isang taong hindi pamilyar sa paggawa ng mga himno na magsubaybay pa rin? (Oo.) Paano siya dapat sumubaybay? (Puwede siyang makipagtulungan sa mga kapatid, at suriin ang melodiya ayon sa mga prinsipyo para tingnan kung angkop ito; puwede niyang praktikal na subaybayan ang gawain, sa halip na maghugas-kamay rito.) Ang pangunahing katangian ng gawain ng mga huwad na lider ay pagdadaldal tungkol sa doktrina at pag-uulit ng mga islogan. Matapos ilabas ang kanilang mga utos, naghuhugas-kamay na lang sila tungkol sa bagay na iyon. Hindi sila nagtatanong tungkol sa sumunod na pag-unlad ng gawain; hindi nila itinatanong kung nagkaroon ng anumang mga problema, paglihis, o paghihirap. Itinuturing nilang tapos na ang kanilang trabaho sa sandaling italaga nila ang gawain. Sa katunayan, bilang isang lider, matapos isaayos ang gawain, dapat mong subaybayan ang pag-usad ng gawain. Kahit hindi ka pamilyar sa larangang iyon ng gawain—kahit wala kang anumang kaalaman tungkol dito—makakahanap ka ng paraan para magawa ang gawain mo. Makakahanap ka ng isang taong tunay na nakakaarok dito, na nakakaunawa sa naturang propesyon, para magsuri at magbigay ng mga mungkahi. Mula sa kanilang mga mungkahi matutukoy mo ang angkop na mga prinsipyo, kaya magagawa mong subaybayan ang gawain. Pamilyar ka man o hindi o nauunawaan mo man o hindi ang propesyong pinag-uusapan, sa pinakamababa ay kailangan mong pangunahan ang gawain, subaybayan ito, at patuloy na mag-usisa at magtanong tungkol sa pag-usad nito. Kailangan mong magkaroon ng pagkaintindi tungkol sa gayong mga bagay; ito ang responsabilidad mo, bahagi ito ng iyong trabaho. Ang hindi pagsubaybay sa gawain, hindi paggawa ng higit pa sa sandaling naitalaga na ito, ang paghuhugas-kamay mo rito—ito ang paraan ng mga huwad na lider sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ang hindi pagsusubaybay o pagbibigay ng direksiyon sa gawain, hindi pag-uusisa o paglulutas sa mga isyung lumilitaw, at hindi pag-aarok sa pag-usad o kahusayan ng gawain—mga pagpapamalas din ang mga ito ng mga huwad na lider.

Hindi Gumagawa ng Tunay na Gawain ang mga Huwad na Lider, na Siyang Nagpapaantala sa Pag-usad ng Gawain

Dahil hindi inaalam ng mga huwad na lider ang tungkol sa pag-usad ng gawain, at dahil hindi nila kayang agad na matukoy—lalo na nilang hindi kayang malutas—ang mga problemang lumilitaw rito, madalas humahantong ito sa paulit-ulit na mga pagkaantala. Sa ilang gawain, dahil hindi naiintindihan ng mga tao ang mga prinsipyo at walang sinumang angkop na maging responsable para dito o mamahala rito, ang mga nagsasagawa ng gawain ay kadalasang negatibo, pasibo, at naghihintay, na lubhang nakakaapekto sa pagsulong ng gawain. Kung natupad ng mga lider ang kanilang mga responsabilidad—kung pinamahalaan nila ang gawain, isinulong ito, pinangasiwaan ito, at naghanap ng isang taong nakakaunawa sa larangang iyon para patnubayan ang gawain, sumulong sana nang mas mabilis ang gawain kaysa dumanas ng paulit-ulit na mga pagkaantala. Kung gayon, para sa mga lider, mahalagang maunawaan at maarok ang estado ng gawain. Siyempre pa, talagang kinakailangan din na maunawaan at maarok ng mga lider kung paano umuusad ang gawain, sapagkat ang pag-usad ay nauugnay sa kahusayan ng gawain at mga resulta na dapat nitong makamtan. Kung ang mga lider at manggagawa ay walang pagkaunawa sa kung paano umuusad ang gawain ng iglesia, at hindi nila sinusubaybayan o pinangangasiwaan ang mga bagay, kung gayon, tiyak na magiging mabagal ang pag-usad ng gawain ng iglesia. Ito ay dahil sa katunayan na ang karamihan sa mga taong gumagawa ng mga tungkulin ay lubhang salaula, walang pagpapahalaga sa pasanin, at madalas na negatibo, pasibo, at pabasta-basta. Kung walang sinuman ang may pagpapahalaga sa pasanin at kapabilidad sa gawain ang umaako ng responsabilidad sa gawain sa kongkretong paraan, napapanahon na inaalam ang tungkol sa pag-usad ng gawain, at ginagabayan, pinangangasiwaan, dinidisiplina, at pinupungusan ang mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin, kung gayon ay likas na magiging napakababa ng antas ng kahusayan sa gawain at magiging napakababa ng mga resulta sa gawain. Kung hindi man lang ito malinaw na nakikita ng mga lider at manggagawa, sila ay mga hangal at bulag. Kaya naman, dapat na agad na siyasatin, subaybayan, at arukin ng mga lider at manggagawa ang pag-usad ng gawain, siyasatin kung anong mga problema ng mga taong gumagawa ng mga tungkulin ang kailangang malutas, at unawain kung aling mga problema ang dapat lutasin para magkamit ng mas magagandang resulta. Napakahalaga ng lahat ng bagay na ito, dapat maging malinaw ang mga bagay na ito sa isang taong gumaganap bilang lider. Upang magawa nang maayos ang iyong tungkulin, hindi ka dapat tumulad sa isang huwad na lider, na gumagawa ng mababaw na gawain, at pagkatapos ay iisipin niyang nagawa niya nang maayos ang kanyang tungkulin. Walang ingat at pabaya ang mga huwad na lider sa gawain nila, wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad, hindi nila nilulutas ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito, at kahit ano pang gawain ang ginagawa nila, mababaw lang nila iyong naiintindihan at hinaharap nang pabasta-basta ang mga ito; nagsasabi lang sila ng mga salitang matayog pakinggan, naglilitanya sila ng mga doktrina at pananalitang walang kabuluhan, at iniraraos lang nila ang gawain nila. Sa pangkalahatan, ito ang kalagayan kung paano gumagawa ng gawain ang mga huwad na lider. Bagama’t kung ikukumpara sa mga anticristo, walang ginagawang lantarang masama ang mga huwad na lider at hindi sadyang gumagawa ng masama, kung titingnan mo ang pagiging epektibo ng kanilang gawain, patas na ilarawan sila bilang pabasta-basta, hindi nagdadala ng pasanin, bilang iresponsable at walang katapatan sa gawain nila.

Katatapos pa lang natin ngayon na magbahaginan tungkol sa mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain, at hindi inuunawa at inaalam ang pag-usad ng bawat aytem ng gawain. Tungkol sa mga problema at paghihirap na lumilitaw sa gawain ng iglesia, totoo rin na hindi lang talaga pinapansin ng mga huwad na lider ang mga ito o nagbubulalas lang sila ng kaunting doktrina at nanggagaya ng ilang islogan para ipagwalang-bahala ang mga ito. Sa lahat ng aytem ng gawain, hindi sila kailanman makikitang pumupunta mismo sa lugar ng gawain para subukang unawain at subaybayan ang gawain. Hindi sila makikitang nagbabahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga problema roon, at lalo pa ngang hindi sila makikitang personal na nagdidirekta at nangangasiwa sa gawain, para pigilang magkaroon ng mga kapintasan at paglihis dito. Ito ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng pabasta-bastang paraan kung saan gumagawa ang mga huwad na lider. Bagama’t ang mga huwad na lider, hindi tulad ng mga anticristo, ay hindi naglalayong gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, ni hindi sila gumagawa ng iba’t ibang kasamaan at nagtatatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian, nagdudulot ng mga napakalaking hadlang sa gawain ng iglesia ang iba’t ibang pabasta-bastang pag-uugali nila, kaya walang-katapusang lumilitaw at hindi nalulutas ang iba’t ibang problema. Malubha itong nakakaapekto sa pag-usad ng bawat aytem ng gawain ng iglesia, at nakakaapekto sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Hindi ba’t dapat itiwalag ang gayong mga huwad na lider? Hindi makagawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider—may malakas na simula ang anumang gawin nila pero unti-unti itong humihina sa huli. Isang tagapagsimula ng seremonya ang papel na ginagampanan nila: Nagbibigkas sila ng mga islogan at nangangaral ng mga doktrina, at kapag naitalaga na nila ang gawain sa iba at naisaayos na kung sino ang magiging responsable rito, tapos na sila. Pareho sila sa nakakabinging malalakas na ispiker na nakikita sa mga rural na bahagi ng Tsina—hanggang dito lamang ang papel na ginagampanan nila. Gumagawa lang sila ng kaunting panimulang gawain; para sa natitirang bahagi ng gawain, hindi sila makikita kahit saan. Para naman sa mga espesipikong tanong tulad ng kung kumusta ang pagsulong ng bawat aytem ng gawain, kung naaayon ba ito sa mga prinsipyo, at kung epektibo ba ito—hindi nila alam ang mga sagot. Hindi sila kailanman malalimang nakikisalamuha sa mga pinakamababang antas at bumibisita sa lugar ng gawain para unawain at alamin ang pag-usad at mga detalye ng bawat aytem ng gawain. Samakatwid, maaaring hindi naglalayon ang mga huwad na lider na magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, o gumawa ng iba’t ibang kasamaan sa panahon ng panunungkulan nila bilang mga lider, pero, sa katunayan, pinaparalisa nila ang gawain, inaantala ang pag-usad ng bawat aytem ng gawain ng iglesia, at ginagawang imposible para sa mga hinirang ng Diyos na magampanan nang maayos ang mga tungkulin ng mga ito at magkamit ng buhay pagpasok. Sa ganitong paraan ng paggawa, paano nila posibleng maaakay ang mga hinirang ng Diyos sa tamang landas ng pananalig sa Diyos? Ipinapakita nito na hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang mga huwad na lider. Hindi nila nasusubaybayan ang gawaing sila dapat ang responsable o naibibigay ang wastong paggabay at pangangasiwa para matiyak na normal ang pag-usad ng gawain ng iglesia; nabibigo silang gampanan ang mga nilalayong tungkulin ng mga lider at manggagawa, at hindi nila nagagampanan ang katapatan o mga responsabilidad nila. Nagpapatunay ito na hindi tapat ang mga huwad na lider sa kung paano nila ginagampanan ang mga tungkulin nila, na pabasta-basta lang sila; nililinlang nila kapwa ang mga hinirang ng Diyos at ang Diyos Mismo, at naaapektuhan at hinahadlangan nila ang pagsasagawa ng Kanyang kalooban. Kitang-kita ng lahat ang katunayang ito. Maaaring ang isang huwad na lider ay talagang hindi sapat na mahusay para sa gawain; maaari ding tinatakasan niya ang gawain niya at sinasadyang magpabasta-basta. Alinman sa dalawa, nananatiling tunay na ginugulo niya ang gawain ng iglesia. Wala ni kaunting pag-usad ang nagagawa sa bawat aytem ng gawain ng iglesia, at nananatiling hindi nalutas ang isang bunton ng naipong problema sa loob ng mahabang panahon. Hindi lang nito naaapektuhan ang pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo, kundi malubha rin nitong hinahadlangan ang buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Sapat ang mga katunayang ito para ipakita na hindi lang sa hindi kaya ng mga huwad na lider na gumawa ng tunay na gawain, kundi nagiging mga balakid din sila sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at mga hadlang sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos sa iglesia.

Hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider at hindi nila kayang maglutas ng mga tunay na problema. Hindi lang nito naaantala ang pag-usad ng gawain at naaapektuhan ang mga resulta nito, kundi nagdudulot rin ito ng malulubhang kawalan sa gawain ng iglesia, inaaksaya ang maraming manggagawa, materyal na kagamitan, at mapagkukunang pinansiyal. Samakatwid, dapat bayaran ng mga huwad na lider ang mga ekonomikong kawalan. Sinasabi ng ilang tao, “Kung dapat na bayaran ng mga lider at manggagawa ang mga kawalang idinulot ng hindi nila paggampan ng gawain nila nang maayos, walang sinuman ang magnanais na maging isang lider o manggagawa.” Hindi kalipikadong maging mga lider o manggagawa ang gayong mga iresponsableng tao. Iyong mga walang konsensiya o katwiran ay masasamang tao—hindi ba’t nakakabagabag ito kung gusto ng masasamang tao na maging mga lider at manggagawa? Dahil may kinalaman sa mga ekonomikong gastusin ang karamihan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi ba’t kinakailangang kuwentahin ang mga ito? Puwede bang aksayahin at lustayin ng mga tao ang mga handog para sa Diyos ayon sa gusto nila? Anong karapatan mayroon ang mga lider at manggagawa para lustayin ang mga handog para sa Diyos? Dapat pagbayaran ang pagdudulot ng ekonomikong kawalan; ganap itong likas at may katwiran, at ito ay hindi maikakaila ng sinuman. Halimbawa, sabihin nang may isang trabaho na maaaring makumpleto ng isang tao sa isang buwan. Kung aabutin ng anim na buwan para magawa ang trabahong ito, hindi ba’t maituturing na kawalan ang mga gastusin sa natitirang limang buwan? Hayaan ninyo Akong magbigay ng isang halimbawa tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo. Sabihin nang handa ang isang tao na saliksikin ang tunay na daan at maaari siyang mahikayat sa isang buwan lang, pagkatapos ay papasok siya sa iglesia at patuloy na tatanggap ng pagdidilig at pagtutustos, at sa loob ng anim na buwan maaari siyang makapagtatag ng pundasyon. Pero kung ang saloobin ng taong nangangaral ng ebanghelyo sa usaping ito ay saloobin ng pagwawalang-bahala at pagiging pabasta-basta, at binabalewala rin ng mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad nila, at sa huli ay aabutin ng kalahating taon para mahikayat ang taong iyon, hindi ba’t katumbas ng kalahating taon na ito ang magiging kawalan sa buhay niya? Kung mahaharap siya sa malalaking sakuna at hindi pa siya nakapagtatag ng pundasyon sa tunay na daan, malalagay siya sa panganib, at hindi ba’t mabibigo siya ng mga taong iyon kung gayon? Ang gayong kawalan ay hindi masusukat sa pera o mga materyal na bagay. Kung naantala ang pagkaunawa ng taong iyon sa katotohanan nang kalahating taon, at naantala ang pagtatatag niya ng pundasyon at ang pagsisimula niya sa paggampan ng tungkulin niya nang kalahating taon, sino ang mananagot para dito? Kaya bang akuin ng mga lider at manggagawa ang pananagutan para dito? Walang sinuman ang kayang pasanin ang pananagutan para sa pag-antala sa buhay ng isang tao. Dahil walang makakapasan sa pananagutan na ito, ano ang angkop na gawin ng mga lider at manggagawa? Anim lang na salita: Gawin ang abot ng makakaya ninyo. Gawin ang abot ng makakaya ninyo para gawin ang ano? Para tuparin ang sarili ninyong mga responsabilidad, gawin ang lahat ng makikita ninyo gamit ang sarili ninyong mga mata, mag-isip sa inyong isipan, at magkamit gamit ang sarili ninyong kakayahan. Ito ang paggawa sa abot ng makakaya ninyo, ito ay pagiging tapat at responsable, at ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa. Hindi itinuturing ng ilang lider at manggagawa ang pangangaral ng ebanghelyo bilang isang seryosong usapin. Iniisip nila, “Maririnig ng mga tupa ng Diyos ang tinig ng Diyos. Pagpapalain ang sinumang nagsisiyasat at tumatanggap; hindi pagpapalain ang sinumang hindi magsisiyasat at tatanggap, at nararapat na mamatay sa isang sakuna!” Hindi nagpapakita ng pagsasaalang-alang ang mga huwad na lider sa mga layunin ng Diyos, at hindi sila nagdadala ng pasanin para sa gawain ng ebanghelyo; hindi rin sila umaako ng pananagutan para sa mga baguhan na kakapasok lang sa iglesia, at hindi nila sineseryoso ang buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos—palagi silang nakatuon sa pagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan nila. Gaano man karaming tao ang magsiyasat sa tunay na daan, hindi talaga sila nakakaramdam ng pagkabalisa, palaging may isang mentalidad ng pagraraos ng gawain, kumikilos tulad ng isang retiradong emperador o isang opisyal. Gaano man kahalaga o kaapurahan ang gawain, hindi sila kailanman nagpapakita sa eksena, at hindi sila nagtatanong at hindi nila inuunawa ang sitwasyon ng gawain, o hindi nila sinusubaybayan ang gawain at nilulutas ang mga problema. Nagsasaayos lang sila ng mga gampanin at iniisip na ganap nang tapos ang trabaho nila, at naniniwala silang maituturing na ito na paggawa ng gawain. Hindi ba ito pagiging pabasta-basta? Hindi ba ito panlilinlang kapwa sa mga nasa itaas at ibaba nila? Angkop ba ang gayong mga lider at manggagawa para gamitin ng Diyos? Hindi ba’t katulad lang sila ng mga opisyal ng malaking pulang dragon? Iniisip nila, “Ang pagiging isang lider o manggagawa ay parang paghawak lang ng isang katungkulan, at dapat tamasahin ng isang tao ang mga pakinabang ng katayuang ito. Ang pagkakaroon ng katungkulan ay nagbibigay sa akin ng pribilehiyong ito, na nagpapalaya sa akin mula sa pangangailangang dumalo sa lahat ng usapin. Kung palagi akong nasa eksena, nagsusubaybay ng gawain at umuunawa sa sitwasyon, talagang nakakapagod iyon, nakakapanliit! Hindi ko matatanggap ang gayong pagkapagod!” Ganito mismo gumawa ang mga huwad na lider at huwad na manggagawa, nababahala lang sa pag-iimbot ng kaginhawahan at pagtatamasa ng mga pakinabang ng katayuan nang hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain, at ganap na walang anumang konsensiya o katwiran. Dapat talagang itiwalag ang gayong mga linta, at kahit na parusahan sila, nararapat ito sa kanila! Sa kabila ng maraming taon ng paggawa ng gawain ng iglesia, hindi alam ng ilang lider at manggagawa kung paano ipangaral ang ebanghelyo, lalong hindi nila alam kung paano magpatotoo. Kung hihilingin mo sa kanila na magbahagi tungkol sa lahat ng katotohanan ukol sa mga pangitain ng gawain ng Diyos sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, hindi nila ito kaya. Kapag tinanong sila, “Ni minsan ba ay nagsumikap kang sangkapan ang sarili mo gamit ang katotohanan ng mga pangitain?” mag-iisip-isip ang mga huwad na lider, “Bakit dapat akong magsumikap nang gayon? Sa mataas kong katayuan, hindi para sa akin ang gampaning iyon; maraming iba ang gagawa nito.” Sabihin mo sa Akin, anong uri ng mga nilalang sila? Ginagawa na nila ang gawain ng iglesia sa loob ng maraming taon, pero hindi nila alam kung paano ipangaral ang ebanghelyo. At pagdating sa pagpapatotoo, kinakailangan nilang maghanap ng isang tagapangaral ng ebanghelyo na gagawa nito para sa kanila. Kung, bilang isang lider o manggagawa, hindi mo kaya na ipangaral ang ebanghelyo, magpatotoo, o makipagbahaginan sa mga tao tungkol sa mga katotohanan patungkol sa mga pangitain, ano ang kaya mong gawin? Ano ang mga responsabilidad mo? Naisakatuparan mo na ba ang mga ito? Hindi ba iniraraos mo lang ang kung ano na ang mayroon ka? Ano ba ang mayroon ka? Sino ang nagpahintulot sa iyo na magparaos sa kung ano na ang mayroon ka? Ni hindi man lang nagmasid at nakinig kailanman ang ilang superbisor ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo sa iba na nangangaral ng ebanghelyo. Ayaw nilang makinig; hindi sila puwedeng abalahin, matrabaho ito sa tingin nila, at wala silang pasensiya. Mga lider sila, hindi mo ba alam—mga opisyal, walang iba—kaya hindi nila ginagawa ang mga espesipikong gampaning ito; ipinapagawa nila ang mga ito sa mga kapatid. Ipagpalagay nang nakatagpo ang ilang manggagawa ng ebanghelyo ng isang taong mataas ang kakayahan, na humaharap sa lahat ng bagay nang may pagkataimtim, at na nagnanais na maunawaan ang ilang espesipikong katotohanan tungkol sa mga pangitain. Hindi kaya ng mga manggagawa ng ebanghelyo na magbahagi nang ganap na malinaw, kaya hinihiling nila sa mga lider nila na gawin ito. Natatagpuan ng mga lider ang sarili nila na walang masabi, at nagdadahilan pa nga, sinasabi na, “Hindi ko pa kailanman nagawa ang ganitong gawain mismo. Kayo na ang gumawa nito; susuportahan ko kayo. Kung lilitaw ang anumang mga problema, tutulungan ko kayong ayusin ang mga ito; susuportahan ko kayo. Huwag kayong mag-alala. Ano ang katatakutan natin kapag kasama natin ang Diyos? Kapag hinahanap ng isang tao ang tunay na daan, maaari kayong magpatotoo o magbahagi tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain. Responsable lang ako para sa pagbabahagi tungkol sa mga katotohanan ng buhay pagpasok. Ang gawain ng pagpapatotoo ay mabigat ninyong pasanin na dapat ninyong dalhin, huwag kayong umasa sa akin.” Sa tuwing darating ang napakahalagang sandali ng pagpapatotoo sa pangangaral ng ebanghelyo, nagtatago sila. Alam na alam nilang wala sila ng katotohanan, kaya bakit hindi sila nagsusumikap na sangkapan ang mga sarili nila nito? Gayong alam na alam nila na wala sila ng katotohanan, bakit palagi silang desperadong nagsusumikap na maging mga lider? Wala silang anumang talento, at gayunman ay may lakas sila ng loob na kumuha ng anumang opisyal na posisyon—kukunin pa nga nila ang papel ng emperador kung hahayaan mo sila—masyado silang walang-hiya! Anuman ang antas ng pamumuno na hinahawakan nila, hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain, pero nangangahas silang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan nang walang nararamdamang anumang pagkakonsensiya. Hindi ba’t sila ay mga taong ganap na walang kahihiyan? Katanggap-tanggap pa kung hiniling sa iyo na magsalita sa isang wikang banyaga at hindi mo kaya; pero dapat posible ang pagbabahagi ng mga katotohanan ng pangitain at ng mga layunin ng Diyos sa wikang katutubo mo, hindi ba? Maaaring pagbigyan ang mga taong tatlo hanggang limang taon pa lang na nanampalataya sa kawalan nila ng kakayahang magbahagi tungkol sa katotohanan. Pero ang ilan ay halos 20 taon nang nananampalataya sa Diyos at kahit papaano ay hindi pa rin nila kayang magbahagi tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain—hindi ba’t mga walang-silbing indibidwal ang gayong mga tao? Hindi ba’t mga wala silang kuwenta? Nagigilalas Akong marinig na nananampalataya sa Diyos ang isang tao sa loob ng marami nang taon, pero hindi niya alam kung paano magbahagi tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain. Ano ang nararamdaman ninyong lahat pagkatapos marinig ito? Hindi ba’t mahirap itong paniwalaan? Paano nila ginagawa ang gawain nila sa lahat ng taon na ito? Kapag hiniling sa kanila na magbigay ng paggabay para sa paggawa ng musika, hindi nila alam kung paano, at sinasabing masyadong mahirap ang bahaging ito ng pagkadalubhasa, na hindi ito isang bagay na mauunawaan ng karaniwang tao. Kapag hiniling sa kanila na magbigay ng paggabay sa gawain ng paggawa ng obra, o sa gawain ng paggawa ng pelikula, sinasabi nilang kinakailangan ng mga trabahong ito ang napakataas na antas ng teknikal na kasanayan para mapangasiwaan nila. Kapag hinihiling sa kanila na magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, sinasabi nilang masyadong mababa ang antas ng kanilang pinag-aralan at hindi nila alam kung paano isulat ang mga ito, at na hindi sila kailanman nagsanay rito. Kung hindi nila kayang gawin ang ganitong mga uri ng trabaho, mapapatawad ito, pero likas na bahagi ng tungkulin nila ang gawain ng ebanghelyo. Labis silang pamilyar sa gawaing ito—hindi ba’t madali dapat ito para sa kanila? Ang pinakamahalagang aspekto ng pagbabahagi tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain ay ang malinaw na pagbabahagi tungkol sa katotohanan ng tatlong yugto ng gawain. Sa una, walang gaanong karanasan ang mga tao sa paggawa nito at maaaring hindi nila maibahagi iyon nang mabuti, pero sa pagsasanay nito sa paglipas ng panahon, nakakaya nilang maging mas mahusay sa pakikipagbahaginan habang lalo nilang ginagawa ito, na nakakaya nilang magsalita sa isang organisadong paraan, nang may tumpak at malinaw na wika, at mahusay na paraan ng pagpapahayag. Hindi ba’t isa itong partikular na bahagi ng gawain ng pagkadalubhasa na dapat maging eksperto ang mga lider? Hindi ito tulad ng pagpipilit sa isang isda na mamuhay sa lupa, hindi ba? (Hindi, hindi nga.) Pero walang kakayahan ang gayong mga huwad na lider para gawin maging ang kaunting gawaing ito. At gayunman, nagseserbisyo pa rin sila bilang mga lider? Ano pa ang ginagawa nila sa posisyong iyon? Sinasabi ng ilang tao, “Isa akong tao na may magulo at hindi malinaw na pag-iisip, walang lohika, at hindi ako ganoon kahusay sa pagsasalita tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain.” Kung gayon ang kaso, kaya mo bang tukuyin at lutasin ang iba’t ibang kapintasan at paglihis na nangyayari sa gawain ng ebanghelyo? Kung hindi mo natutukoy ang mga ito, tiyak na hindi mo rin malulutas ang mga ito. Kapag ang mga huwad na lider ang namamahala sa gawain ng ebanghelyo, wala silang anumang papel na ginagampanan sa pagsusuri at pangangasiwa; hinahayaan lang nilang gawin ng mga nasa ilalim nila ang nais ng mga ito, kaya nagagawa ng sinuman ang mga bagay ayon sa gusto niya, at nangangaral sa sinumang gusto niya—ganap na walang mga prinsipyo o pamantayan na inilalapat. Kumikilos nang padalos-dalos ang ilang tao, nang walang katwiran at lalong walang mga prinsipyo kapag gumagawa sila ng bagay-bagay, at walang pakundangang nagsasagawa ng mga maling gawa. Ganap na nabibigo ang mga huwad na lider na makita o matukoy ang mga isyung ito.

Sinasabi na sa Timog Amerika at Aprika, dinala ang ilang maralita sa loob ng kawan sa pamamagitan ng gawain ng ebanghelyo. Walang regular na kinikita ang mga taong ito, at nagdudulot ng mga problema maging ang pagkuha ng sapat na pagkain at ang pamumuhay. Kaya, ano ang dapat gawin? May mga lider na nagsabi, “Layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, at para maligtas, dapat munang magkaroon ng sapat na makakain ang isang tao, tama ba? Hindi ba’t dapat magbigay ng ayuda ang sambahayan ng Diyos kung gayon? Kung nananampalataya sila sa Diyos, puwede tayong mamahagi ng ilang aklat ng mga salita ng Diyos sa kanila. Wala silang mga kompyuter o telepono, kaya ano ang dapat nating gawin kung hihilingin nilang gumampan ng mga tungkulin? Magsagawa kayo ng ilang pagtatanong, tingnan ninyo kung taos-puso silang handang gumampan ng mga tungkulin.” Sa pagtatanong-tanong, natuklasan na kasalukuyang walang pera ang mga taong ito, pero kung may pera sila at mabubusog sa pagkain, magiging handa silang humayo at ipangaral ang ebanghelyo at gampanan ang tungkulin nila. Matapos maunawaan ang mga sitwasyong ito, nagsimulang mamahagi ang mga lider ng mga pondong pantulong, ibinibigay ang mga ito buwan-buwan. Ang pagkain at matutuluyan, at maging ang mga bayad sa internet, at ang pagbili ng mga telepono, kompyuter, at iba pang kasangkapan para sa mga taong ito ay binayarang lahat gamit ang pera ng sambahayan ng Diyos. Ang pamamahagi ng pera sa mga taong ito ay hindi naglayong ipalaganap ang gawain ng ebanghelyo, kundi sa halip, naglayon itong magbigay ng ayuda para sa pamumuhay nila. Naaayon ba ito sa mga prinsipyo? (Hindi, hindi naaayon.) May panuntunan ba ang sambahayan ng Diyos na, kapag nangangaral ng ebanghelyo at nakakatagpo ng mga maralitang walang kabuhayan, basta’t kaya nilang tanggapin ang yugtong ito ng gawain, dapat silang bigyan ng tulong? May ganoon bang prinsipyo? (Wala.) Kung gayon, sa anong prinsipyo namahagi ang mga lider na ito ng mga pondong pantulong sa kanila? Dahil ba ito sa akala nila na may pera ang sambahayan ng Diyos pero walang mapaggugugulan nito, o dahil ba itinuring nila ang mga taong ito bilang masyadong kaawa-awa, o ito ba ay sa pag-asang tutulong ang mga taong ito na ipalaganap ang ebanghelyo? Ano nga ba ang mismong intensyon nila? Ano ang sinusubukan nilang makamit? Pagdating sa pamamahagi ng mga telepono, kompyuter, at mga gastusin sa pamumuhay, nagpakita sila ng matinding kasigasigan; ikinagalak nilang makibahagi sa gayong gawain na nagbigay ng benepisyo sa iba, dahil pinahintulutan sila nitong makakuha ng pabor sa mga taong ito at makuha ang loob ng mga ito, at partikular silang gumugol sa ganitong mga uri ng gampanin, lalong nagpapatuloy at wala ni katiting na kahihiyan. Paggamit ito ng pera ng Diyos para makakuha ng pabor sa mga tao at bilhin ang pagmamahal ng mga ito. Sa katunayan, hindi tunay na nananampalataya sa Diyos ang mga maralitang ito; binubusog lang nila ang mga sikmura nila at humahanap ng paraan para makapaghanap-buhay. Hindi naglalayon ang gayong mga tao na makamit ang katotohanan o kaligtasan. Ililigtas ba ng Diyos ang mga taong ito? Ang ilan, kahit na handa silang gampanan ang isang tungkulin, ay hindi naging taos-puso, kundi sa halip, ay naudyukan ng pagnanais para sa mga telepono at kompyuter, para sa mga kaginhawahan sa buhay. Pero walang pakialam dito ang mga huwad na lider; hangga’t handa ang isang tao na gumawa ng tungkulin, inaalagaan siya ng mga huwad na lider, hindi lang sa pagbibigay ng pera para sa tirahan at pagkain, kundi pati na rin sa pagbili ng mga kompyuter, telepono, at iba’t ibang kasangkapan. Pero lumabas na ginampanan ng mga taong ito ang mga tungkulin nila nang walang nakakamit na anumang epekto o anupaman. Hindi ba’t nagtatapon lang ng pera ang mga huwad na lider? Hindi ba’t ginagamit nila ang pera ng sambahayan ng Diyos para ipakita ang pagkabukas-palad nila? (Oo.) Ito ba ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Hindi ba’t mga huwad na lider ito? Mahilig magkunwaring mabuti, maganda ang kalooban, at mabait ang mga huwad na lider. Kung gusto mong magpakita ng kabaitan, ayos lang, gamitin mo lang ang sarili mong pera! Kung wala silang damit, tanggalin mo ang sarili mong damit at ibigay mo ito sa kanila; huwag mong gastusin ang mga handog para sa Diyos! Para sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga handog para sa Diyos, hindi para sa pamamahagi ng mga benepisyong pangkapakanan, at tiyak na hindi para sa pagbibigay ng tulong sa mga maralita. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang institusyong pangkapakanan. Walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider, at mas lalong wala silang kakayahang magtustos ng katotohanan o ng buhay. Nakatuon lang sila sa paggamit ng mga handog para sa Diyos para mamahagi ng mga benepisyong pangkapakanan nang sa gayon ay makakuha sila ng pabor sa mga tao at mapanatili nila ang sarili nilang reputasyon at katayuan. Mga walang kahihiyang gastador sila, hindi ba? Kung matutuklasan ang gayong mga huwad na lider, mailalantad at mapipigilan ba sila ng sinuman bago pa mahuli ang lahat? Walang sinuman ang nanindigan para pigilan sila. Kung hindi ito natuklasan at pinigilan ng ang Itaas, hindi sana natapos kailanman ang gawi na paggamit ng pera ng Diyos para magbigay ng mga benepisyo sa mga tao. Iniuunat ng mga maralitang iyon ang mga kamay nila nang palayo nang palayo, palaging nagnanais ng higit pa. Wala silang kasiyahan; gaano man karami ang ibinibigay mo, hindi kailanman ito sasapat. Iyong mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos ay kayang iwanan ang mga pamilya at karera nila para gampanan ang tungkulin nila upang maligtas sila, at kahit na humaharap sila sa mga paghihirap sa buhay, nakakahanap sila ng mga paraan para lutasin ang mga ito nang sila-sila lang, nang hindi palaging humihingi ng mga bagay-bagay mula sa sambahayan ng Diyos. Nilulutas nila kung ano ang kaya nila nang mag-isa, at para naman sa kung ano ang hindi nila kayang lutasin, nagdarasal sila sa Diyos at umaasa sa pananalig nila para dumanas. Iyong mga palaging nagmamakaawa sa Diyos, umaasang magbibigay ang sambahayan ng Diyos para sa mga gastusin nila sa pamumuhay at magtutustos sa kanila, ay ganap na walang katwiran! Ayaw nilang gampanan ang anumang tungkulin pero nais nilang magpakaligaya sa buhay, na ang alam lang ay ang iunat ang mga kamay nila para humingi ng mga bagay-bagay mula sa sambahayan ng Diyos, at kahit pagkatapos, hindi kailanman ito sumapat. Hindi ba sila mga namamalimos? At ang mga huwad na lider—ang mga hangal na ito—ay patuloy lang na nagbibigay ng mga benepisyo, at hindi tumitigil, patuloy na nagpapalugod ng mga tao para makuha ang pasasalamat nila, at iniisip pa nga nila na lumuluwalhati sa Diyos ang gayong mga kilos. Ito ang mga bagay na pinakakasiya-siyang ginagawa ng mga huwad na lider. Kaya, mayroon bang sinuman na makakatukoy sa mga isyung ito, na makakakilatis sa diwa ng mga problemang ito? Nagbubulag-bulagan ang karamihan sa mga lider, iniisip na, “Ano’t ano man, hindi ako ang namamahala sa gawain ng ebanghelyo, bakit ko dapat pakialaman ang mga bagay na ito? Hindi ko naman pera ang ginagastos. Hangga’t hindi nagagalaw ang pera sa sarili kong bulsa, ayos lang. Puwede kayong magbigay kung kanino ninyo gusto, ano ang kinalaman nito sa akin? Hindi rin naman napupunta sa pitaka ko ang perang iyon.” Marami ang gayong mga iresponsableng tao sa paligid, pero gaano karami ang may kakayahang magtaguyod sa gawain ng sambahayan ng Diyos?

Ngayon, isinasagawa na sa buong mundo ang gawain ng ebanghelyo sa ibayong dagat. May mas maraming tao ang ilang bansa na kayang tumanggap sa katotohanan, habang ang iba naman ay may mga populasyon ng mas mababang kakayahan, na nagreresultang mas kaunting tao na kayang tumanggap sa katotohanan. Walang kalayaan sa pananampalataya ang ilang bansa, na nagpapakita ng matinding paglaban sa tunay na daan at gawain ng Diyos, at hindi marami ang taong kayang tumanggap sa katotohanan. Dagdag pa rito, masyadong makaluma at may mahinang kakayahan ang populasyon ng ilang bansa na hindi nila maunawaan ang katotohanan paano man ito ibinahagi, at tila nagkukulang sa katotohanan ang mga tao roon. Hindi dapat ipangaral ang ebanghelyo sa gayong mga lugar. Gayumpaman, nabibigo iyong mga nangangaral ng ebanghelyo na makita ang diwa ng problema; hindi sila nangangaral sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, sa halip ay iginigiit nila na hanapin ang mahihirap na kaso habang binabalewala ang mas madadali. Hindi sila nangangaral sa mga lugar kung saan ipinapalaganap na ang gawain ng ebanghelyo at kung saan madaling mangaral. Sa halip, iginigiit nilang ipangaral ang ebanghelyo roon sa mahihirap at mga makalumang lugar, ipangaral sa mga pangkat ng tao na may pinakamahinang kakayahan, na hindi kayang maarok ang katotohanan, at sa mga pangkat etnikong may mga pinakamabigat na kuru-kuro sa relihiyon at pinakamatinding paglaban sa Diyos. Hindi ba’t isa itong paglihis? Gawin nating halimbawa ang Hudaismo at ang ilang relihiyong panlahi na may malalim na pagkakaugat, na tumuturing sa Kristiyanismo bilang isang kaaway at umuusig pa nga rito. Sa kaso ng ganitong mga uri ng mga bansa at pangkat etniko, hindi talaga dapat ipangaral ang ebanghelyo. Bakit hindi? Dahil walang saysay ang pangangaral. Kahit na ibuhos mo ang lahat ng lakas-tao, pinansiyal na kagamitan, at materyal na kagamitan, maaaring lumipas ang tatlo, lima, o maging sampung taon nang walang nakikitang anumang makabuluhang resulta. Batay sa sitwasyong ito, ano ang puwedeng gawin? Sa una, nang walang masyadong alam, puwedeng subukan ng isang tao; pero kapag nakikita na nang malinaw ang mga sitwasyon—na ang pangangaral ng ebanghelyo sa kanila sa malaking halaga ay maaaring hindi naman magbunga ng magagandang resulta sa huli—dapat pumili ang isang tao ng isa pang landas, isang landas na makakapagkamit ng mga resulta. Hindi ba’t isa itong bagay na dapat makilatis ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Pero hindi ito nauunawaan ng mga huwad na lider. Pagdating sa kung saan magsisimulang ipalaganap ang ebanghelyo sa ibayong dagat, sinasabi ng ilan, “Simulan muna sa Israel. Dahil ang Israel ang pundasyon para sa unang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, dapat itong ipangaral doon. Gaano man ito kahirap, dapat nating pilit na ipagpatuloy ang pangangaral sa kanila.” Gayumpaman, pagkatapos ng mahabang panahon ng pangangaral, walang mga makabuluhang resulta, na humahantong sa pagkabigo. Ano ang dapat gawin ng mga lider sa panahong ito? Kung isa itong lider na may kakayahan at pasanin, sasabihin niya, “Walang prinsipyo ang pangangaral natin ng ebanghelyo; hindi natin alam kung paano makibagay sa sitwasyon, kundi tinitingnan lang natin ang mga bagay-bagay batay sa mga imahinasyon natin—masyado tayong walang-muwang! Hindi natin inasahan ang kahangalan, katigasan ng ulo, at kawalan ng katwiran ng mga taong ito. Inisip natin na dahil libo-libong taon na silang nananampalataya sa Diyos, sila dapat ang unang makarinig ng ebanghelyo ng Diyos, pero nagkamali tayo ng inisip; masyado silang di-makatwiran! Sa katunayan, noong ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagtubos, sinukuan na Niya ang mga ito. Ang pagbalik at pangangaral natin sa kanila ngayon ay pakikibahagi sa isang walang saysay na pagsisikap; pagtatrabaho ito nang walang kabuluhan at pagkilos nang may kahangalan. Nagkamali tayo ng pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Hindi gumagawa ang Diyos sa usaping ito, kaya sa anong paraan natin, bilang mga tao, magagawa ito? Sinubukan na natin ito, pero paano man tayo nangangaral, hindi nila tinatanggap ang tunay na daan. Dapat nating isuko ito sa ngayon, isantabi ang mga ito, at pansamantalang huwag pansinin ang mga ito. Kung may mga handang maghanap, tatanggapin natin sila at magpapatotoo tayo sa kanila tungkol sa gawain ng Diyos. Kung walang maghahanap, hindi natin sila kailangang hanapin nang maagap.” Hindi ba’t isa itong prinsipyo ng pangangaral ng ebanghelyo? (Oo.) Kung gayon, kaya bang sumunod ng isang huwad na lider sa mga prinsipyo? (Hindi.) May mahinang kakayahan ang mga huwad na lider at hindi nila kayang kilatisin ang diwa ng isyu; sasabihin nila, “Sinabi ng Diyos na ang mga Israelita ang Kanyang mga taong hinirang. Hindi natin sila kailanman puwedeng sukuan sa anumang oras. Dapat silang mauna; kailangan muna nating mangaral sa kanila bago tayo mangaral sa mga tao sa ibang mga bansa. Kung papalaganapin ang gawain ng Diyos sa Israel, isang dakilang kaluwalhatian iyon! Dinala ng Diyos ang kaluwalhatian mula Israel hanggang sa Silangan, at dapat nating dalhin ang kaluwalhatiang iyon pabalik sa Israel mula sa Silangan, at hayaan silang makita na nagbalik na ang Diyos!” Hindi ba’t isa lang itong islogan? Naaayon ba ito sa mga katunayan? Ito ang sasabihin ng mga walang espirituwal na pang-unawa. Paano naman iyong mga huwad na lider na walang ginagawang tunay na gawain? Hindi nila pinapansin ang mga bagay na ito. Matagal nang nababagabag sa isyung ito ang mga taong nangangaral ng ebanghelyo, nahahati sa pagitan ng pagsuko at pagtuloy sa pangangaral, hindi sigurado kung paano magsasagawa. Ganap na walang kamalayan ang mga huwad na lider na isa itong problema. Nakikitang nag-aalala ang mga taong ito sa kawalan ng landas, sinasabi nila, “Ano ang dapat ninyong ipag-alala? Mayroon tayo ng katotohanan at patotoong batay sa karanasan; mangaral lang kayo sa kanila!” Sinasabi ng isa, “Hindi mo nauunawaan, talagang mahirap mangaral sa mga taong ito.” Kapag lumilitaw sa gawain ang mahahalagang isyu na humihiling sa mga lider na lutasin ang mga ito, isinisigaw pa rin ng mga lider ang mga islogan at binibigkas ang mga hungkag na salita. Ito ba ang pag-uugaling inaasahan sa mga lider? Kapag tinatanong kung dapat pangaralan ang gayong mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, sinasabi nila, “Dapat pangaralan ang lahat, lalo na ang mga Israelita, dapat talaga silang pangaralan.” May naririnig ba kayong anumang problema sa mga salitang ito? Alam ba nilang isa itong paglihis, isang kapintasan sa gawain ng ebanghelyo na kailangan nilang pangasiwaan? Walang alam ang mga walang kuwentang ito at nandoon pa rin sila na nagbubulalas ng matayog na wika at sumisigaw ng mga islogan, talagang mga wala silang kuwentang basura! At gayunman ay iniisip nilang matalas ang isipan nila, at na may kakayahan at matalino sila. Ni hindi man lang nila batid na lumitaw sa gawain ang gayong malaking kapintasan at paglihis; makakaya pa kaya nilang simulang lutasin ito? Mas malamang na hindi. Labis-labis na nag-aalala iyong lahat ng nangangaral ng ebanghelyo; naapektuhan, nahadlangan, at hindi makausad nang maayos ang gawain ng ebanghelyo, at nakakagulat na walang alam ang mga huwad na lider tungkol sa paglihis na nangyayari sa gawain. Kapag nahaharap sa mga problema o paglihis sa gawain, ang karamihan sa mga tao ay kadalasang walang pakialam, hindi nakakapansin, at matigas pa rin ang ulo na nagpupumilit sa maling pamamaraan nang walang pakundangan at pagpipigil. Kung hindi rin maagap na mauunawaan at maaarok ng mga lider at manggagawa ang sitwasyon, sa oras na maging malubha na ang problema at naaapektuhan na nito ang pag-usad ng gawain, at magagawa nang matuklasan ng karamihan sa mga tao ang problema, natutulala ang mga lider at manggagawa. Dahil ito sa pagpapabaya sa responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kaya, paano nila maiiwasan ang gayong malulubhang kahihinatnan? Dapat na regular na suriin ng mga lider at manggagawa ang gawain, at maagap na unawain ang kasalukuyang estado at pag-usad ng gawain. Kung matutuklasang hindi mataas ang kahusayan sa gawain, dapat nilang tingnan kung aling bahagi ang may mga kapintasan at problema, at pagnilayan nila: “Sa ngayon, mukhang abala ang mga taong ito, pero bakit walang anumang malinaw na kahusayan? Tulad ng gawain ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo; napakaraming tao ang nangangaral ng ebanghelyo at nagpapatotoo araw-araw, kasama ang ilang tao na nakikipagtulungan sa gawaing ito, kaya bakit hindi marami ang taong nakakamit bawat buwan? Aling bahagi ang may problema? Sino ang nagdudulot ng problema? Paano nabuo ang paglihis na ito? Kailan ito nagsimula? Kailangan kong pumunta sa bawat pangkat para alamin kung ano ang ginagawa ng lahat ngayon, kung kumusta ang mga kasalukuyang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, at kung tumpak ba ang direksyon ng pangangaral ng ebanghelyo; kailangan kong alamin ang lahat ng ito.” Sa pamamagitan ng pagkokonsulta, pakikipagbahaginan, at pagtatalakay, unti-unting lumilinaw ang mga paglihis at kapintasan sa gawain. Sa sandaling matuklasan ang isang problema, hindi ito puwedeng pabayaan lang; dapat itong malutas. Kaya, anong uri ng mga lider ang kayang makatuklas ng ilang problema, paglihis, at kapintasan na lumilitaw sa gawain? Kinakailangang magdala ng pasanin ang mga lider na ito, at maging masigasig, at makisangkot sa bawat detalye ng partikular na gawain; subaybayan, unawain, at arukin ang bawat bahagi; tiyakin kung ano ang ginagawa ng lahat, kung anong bilang ng mga tao ang angkop para sa paggawa ng kung aling gampanin, kung sino ang mga superbisor, kung ano ang kakayahan ng mga taong ito, at kung ginagawa ba nila ang gawain nila nang maayos o hindi, at kung kumusta ang kahusayan nila, kung paano umuusad ang gawain, at iba pa—dapat tiyakin ang lahat ng bagay na ito. Dagdag pa rito, ang pinakamahalagang bahagi ng gawain ng ebanghelyo ay kung taglay ba ng mga tagapangaral ng ebanghelyo ang katotohanan o hindi, kung kaya ba nilang magbahagi nang malinaw tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain para malutas ang mga kuru-kuro at problema ng mga tao, kung kaya ba nilang tustusan ang kakulangan ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo para makumbinsi sila nang mabuti, at kung kaya nilang gumamit ng pang-usapang paraan sa pagbabahagi nila ng katotohanan, para mas marinig ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang tinig ng Diyos. Halimbawa, kung gusto ng isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na matuto tungkol sa mga katotohanan hinggil sa kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, pero palaging nagsasalita ang isang partikular na tagapangaral ng ebanghelyo tungkol sa kabuluhan ng gawain ng Diyos at tungkol sa kung ano ang mga kuru-kurong panrelihiyon, hindi ba’t problema ito? Kung gusto lang ng isang tao na malaman kung paano siya maliligtas at kung ano ang nilalaman ng plano ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan, hindi ba’t ito ang panahon para magbahagi tungkol sa mga katotohanan ng pangitain hinggil sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos? (Oo.) Pero patuloy na nagsasalita ang tagapangaral ng ebanghelyo na ito tungkol sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, at sa paglalantad ng Diyos na kabilang sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao ang pagmamataas, panlilinlang, at kabuktutan, at iba pang gayong paksa. Bago tanggapin ng kabilang partido ang gawain ng Diyos, sinisimulan na ng tagapangaral ng ebanghelyo na makipag-usap sa kanya tungkol sa pagkastigo at paghatol, inilalantad ang mga tiwali niyang disposisyon. Dahil dito, nasusuklam ang tao, hindi nakukuha ang gusto niya, at nananatiling hindi nalutas ang mga problema niya na nangangailangan ng paglulutas; nawawalan siya ng interes at ayaw nang magpatuloy sa pagsisiyasat. Hindi ba’t isa itong problema sa tagapangaral ng ebanghelyo? Hindi nauunawaan ng tagapangaral ng ebanghelyo ang katotohanan, o wala siyang espirituwal na pang-unawa, at kaya, ganap niyang hindi batid kung ano ang kinakailangan ng ibang tao, nabibigong makapagbigay ng punto kapag nagsasalita siya, patuloy na nagpapaligoy-ligoy nang pagkahaba-haba, at talagang hindi nilulutas ang mga isyu ng potensyal na tatanggap ng ebanghelyo—paano siya posibleng magkakamit ng mga tao sa ganitong paraan ng pangangaral ng ebanghelyo?

Binabalewala ng mga huwad na lider ang anumang mga isyung kinakaharap nila sa gawain nila. Anuman ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng ebanghelyo, at paano man ginugulo at naaapektuhan ng masasamang tao ang gawaing ito, hindi nila pinapansin ang alinman sa mga ito, na parang wala itong kinalaman sa kanila. Magulo ang isip ng mga huwad na lider sa gawain nila; may mga resulta man ang isang partikular na indibidwal o sumusunod man siya sa mga katotohanang prinsipyo sa tungkulin niya, hindi siya naglalaan ng pangangasiwa o pagsusuri, na nagpapahintulot sa mga tao na malayang kumilos anuman ang mga kahihinatnan. Nagiging dahilan ito ng hindi pagkalutas kailanman ng mga paglihis at kapintasang lumilitaw sa gawain ng ebanghelyo, at humahantong ito sa paglayo ng di-masabing bilang ng mga tao na naghahanap sa tunay na daan, hindi sila madala sa harap ng Diyos sa lalong madaling panahon. Matapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, sinasabi ng ilang tao, “Ang totoo, may nangaral sa akin ng ebanghelyo tatlong taon na ang nakakaraan. Hindi naman sa ayaw ko itong tanggapin o sa naniwala ako sa negatibong propaganda; napakairesponsable lang ng tao na nangaral sa akin. Hindi niya masagot ang mga tanong ko, at hindi siya malinaw na nagbabahagi noong hinanap ko ang katotohanan, nagsasabi lang ng ilang walang-kuwentang salita. Dahil dito, ang nagawa ko lang ay umalis sa pagkadismaya.” Pagkalipas ng tatlong taon, matapos ang pagsisiyasat online at pagkatapos ay paghahanap at pakikipagbahaginan kasama ang mga kapatid, nalutas ng mga taong ito ang lahat ng kuru-kuro at pagkalito sa mga puso nila isa-isa, ganap na nakukumpirma na ito nga ang Diyos na nagpapakita at gumagawa ng gawain, at tinatanggap nila ito. Ito ang pagtanggap nila sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng sarili nilang paghahanap at pagsisiyasat. Kung malinaw na nakapagbahagi ang taong nangaral ng ebanghelyo tungkol sa katotohanan at nalutas niya ang mga kuru-kuro at katanungan nila tatlong taon na ang nakakaraan, mas maaga nang tatlong taon na sana nila itong natanggap. Napakaraming paglago ng buhay ang naantala sa tatlong taon na ito! Dapat itong ituring na pagpapabaya sa responsabilidad sa bahagi ng mga nangangaral ng ebanghelyo at direkta itong nauugnay sa hindi nila pagkaunawa sa katotohanan. Talagang hindi lang nakatuon ang ilang manggagawa ng ebanghelyo sa pagsasangkap ng mga sarili nila gamit ang katotohanan, kaya lang nilang maglitanya ng ilang doktrina nang hindi nakakalutas ng mga kuru-kuro o aktuwal na isyu ng mga tao. Dahil dito, maraming tao ang hindi tumanggap sa ebanghelyo nang napapanahon noong narinig nila ito, inaantala ang paglago nila sa buhay nang ilang taon. Dapat sabihin na responsable rito ang mga lider na namamahala sa gawain ng ebanghelyo dahil sa kulang nilang paggabay at hindi sapat na pangangasiwa. Kung tunay na may pasanin ang mga lider at manggagawa at kaya nilang magtiis ng kaunti pang pagdurusa, magsagawa ng higit pang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at magpakita ng kaunti pang katapatan, malinaw na nagbabahagi tungkol sa lahat ng aspekto ng katotohanan, nang sa gayon ay magawa ng mga manggagawang iyon ng ebanghelyo na magbahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga kuru-kuro at pagdududa ng mga tao, bubuti nang bubuti ang mga resulta ng pangangaral ng ebanghelyo. Magbibigay-daan ito sa mas maraming tao na nagsisiyasat sa tunay na daan para mas maaga nilang matanggap ang gawain ng Diyos at bumalik sa harap ng Diyos para matanggap ang Kanyang pagliligtas sa lalong madaling panahon. Naaantala ang gawain ng iglesia dahil lang lubhang pabaya ang mga huwad na lider sa mga responsabilidad nila, hindi gumagawa ng tunay na gawain o sumusubaybay at nangangasiwa sa gawain, at hindi kayang magbahagi ng katotohanan para ayusin ang mga problema. Siyempre, dahil din ito sa pagpapasasa ng mga huwad na lider na ito sa mga pakinabang ng katayuan, talagang hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi handang subaybayan, pangasiwaan, o direktahan ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo—na ang resulta ay ang mabagal na pag-usad ng gawain, at ang pagkabigo na maagap na maituwid o malutas ang maraming gawang-taong paglihis, kahangalan, at walang-pakundangang paggawa ng mali, na lubhang nakakaapekto sa pagiging epektibo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Saka lang naitutuwid ang mga problemang ito kapag natuklasan na ang mga ito ng ang Itaas at sinabihan ang mga lider at manggagawa na dapat nilang ayusin ang mga ito. Tulad ng mga taong bulag, hindi kaya ng mga huwad na lider na ito na makatuklas ng anumang mga problema, at talagang walang mga prinsipyo sa paraan nila ng paggawa ng mga bagay-bagay, at gayunman ay wala silang kakayahang mapagtanto ang sarili nilang mga pagkakamali, at inaamin lang nila ang mga kamalian nila kapag pinungusan sila ng ang Itaas. Kaya, sino ang may kakayahang akuin ang responsabilidad para sa mga kawalang idinulot ng mga huwad na lider na ito? Kahit na tanggalin sila mula sa mga posisyon nila, paano pa mababawi ang mga kawalang idinulot nila? Kaya’t kapag natuklasan na may mga huwad na lider na walang kakayahang gumawa ng anumang tunay na gawain, dapat silang tanggalin kaagad. Sa ilang iglesia, talagang mabagal ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo, at dahil lang ito sa mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain, pati na rin sa masyadong maraming pagkakataon ng pagpapabaya at pagkakamali sa parte nila.

Sa lahat ng iba’t ibang aytem ng gawain na ginagawa ng mga huwad na lider, talagang maraming isyu, paglihis, at kapintasan na kailangan nilang lutasin, ituwid, at remedyuhan. Gayumpaman, dahil walang pagpapahalaga sa pasanin ang mga huwad na lider na ito, nagpapasasa lang sa mga pakinabang ng katayuan nila nang walang ginagawang anumang tunay na gawain, dumarating sila sa puntong nagugulo nila ang gawain. Sa ilang iglesia, hindi nagkakaisa ang mga tao sa mga isipan nila, ang lahat ay naghihinala, nagbabantay, at nananabotahe sa isa’t isa, habang natatakot na matiwalag ng sambahayan ng Diyos. Nahaharap sa mga sitwasyong ito, hindi kumikilos ang mga huwad na lider para lutasin ang mga ito, nabibigong gumawa ng anumang tunay at espesipikong gawain. Humihinto ang gawain ng iglesia, pero hindi man lang sumasama ang loob ng mga huwad na lider dahil dito, naniniwala pa ring gumawa na sila mismo ng maraming gawain at hindi nila naantala ang gawain ng iglesia. Likas na walang kakayahan ang gayong mga huwad na lider na gampanan ang gawain ng pagtutustos ng buhay, ni hindi nila kayang maglutas ng mga aktuwal na problema ayon sa katotohanan. Nagsasagawa lang sila ng kaunting gawain ng pangkalahatang usapin na espesyal na itinalaga at itinakda ng ang Itaas, na tila ang gawain nila ay ginagawa lang para sa ang Itaas. Pagdating sa mahalagang gawain ng iglesia na palaging hinihingi ng ang Itaas—tulad ng gawain ng pagtutustos ng buhay at ng gawain ng paglilinang ng mga tao—o mga partikular na espesyal na gampaning idinirekta ng ang Itaas, hindi nila alam kung paano ito gawin at hindi nila ito kayang gawin. Iniaatas lang nila ang mga gampaning ito sa iba at pagkatapos ay itinuturing na nilang tapos ang trabaho nila. Ginagawa nila kung ano ang mismong ibinilin ng ang Itaas sa kanila, at kumikilos lang nang kaunti kapag inudyukan; kung hindi, wala silang ginagawa at pabasta-basta sila—mga huwad na lider ang mga ito. Ano ang isang huwad na lider? Sa madaling salita, isa itong tao na hindi gumagawa ng tunay na gawain, na hindi ginagawa ang trabaho niya bilang isang lider, nagpapakita ng malubhang pagpapabaya sa responsabilidad sa kritikal at mahalagang gawain at hindi kumikilos—isa itong huwad na lider. Nagpapakaabala lang ang mga huwad na lider sa mga paimbabaw na pangkalahatang usapin, napagkakamalan itong paggawa ng tunay na gawain, at sa aktuwal, pagdating sa trabaho nila bilang isang lider at sa kritikal na gawaing itinalaga sa kanila ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ginagawa nang maayos ang alinman dito. Dagdag pa rito, madalas na lumilitaw ang mga isyu sa loob ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia na nangangailangan ng paglutas ng lider, pero hindi niya malutas ang mga ito, madalas na gumagamit ng isang mapang-iwas na saloobin, at hindi siya mahanap ng mga kapatid kapag gusto nilang malutas ang isang isyu. Kung mahanap man nila ang lider, umiiwas ito sa kanila gamit ang dahilang masyado itong abala sa gawain at hinihiling nito sa mga kapatid na basahin ang mga salita ng Diyos nang sila-sila lang at hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema nila nang nakapagsasarili, nagpapakita ng walang-pakialam na pag-uugali. Sa huli, humahantong ito sa mga naipon na napakaraming di-nalutas na isyu, na pumipigil sa pag-usad sa lahat ng aytem ng gawain at nagpapatigil sa gawain ng iglesia. Ito ang kahihinatnan ng hindi paggawa ng mga huwad na lider ng tunay na gawain. Hindi kailanman masigasig o masipag ang mga huwad na lider pagdating sa mga pangunahin nilang responsabilidad, ni hindi nila hinahanap ang katotohanan para malutas ang iba’t ibang isyu. Nangangahulugan ito na tiyak na walang kakayahan ang mga huwad na lider na gumawa ng tunay na gawain at lutasin ang anumang mga isyu. Mahusay ang mga huwad na lider sa pangangaral ng mga salita at doktrina, pagsisigaw ng mga islogan, at panghihikayat sa iba, nakatuon lang sa pagpapakaabala sa mga sarili nila sa gawain ng pangkalahatang usapin. Tungkol sa mahalagang gawain ng iglesia na ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos, tulad ng pagtutustos ng buhay at pagbabahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga isyu, hindi nila alam kung paano gawin ang mga ito, hindi sila nagsasanay para matutunan kung paano, at hindi kayang maglutas ng anumang tunay na problema—mga huwad na lider ang mga ito.

Kapag hinihiling na gabayan ang gawaing nakabatay sa teksto tulad ng pagsulat ng mga iskrip, pagsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, at iba pang espesipikong gampanin, iniisip ng ilang huwad na lider na dahil paggabay lang ito, hindi nila kailangang gumawa ng anumang kongkretong gawain, kaya sa halip ay nagpapagala-gala lang sila. “Zhang,” sinasabi nila, “kumusta ang artikulo mo?” “Malapit nang matapos.” “Li, mayroon ka bang anumang paghihirap sa pagsusulat ng iskrip na iyan?” “Oo, puwede mo ba akong tulungang lutasin ang mga iyon?” “Pag-usapan ninyong lahat ito nang kayo-kayo. Magdasal pa kayo lalo.” Hindi lang nabibigo ang mga huwad na lider na ito sa paggabay at pagtulong sa mga kapatid, hindi rin sila nakatuon sa maayos na paggawa ng sarili nilang trabaho, palaging gumagala-gala, at namumuhay ng isang nakakalibang at komportableng buhay. Sa panlabas, tila sinusuri nila ang gawain, pero ang totoo ay hindi nila nilulutas ang anumang mga problema—talagang hindi sila gumagawa ng tunay na gawain! Iyong mahuhusay na opisyal sa ilang bansa sa mundong walang pananampalataya ay gayundin ang pagiging tiwaling tao, pero maging sila ay labis na nakahihigit sa mga huwad na lider na ito, na walang pagpapahalaga sa responsabilidad na taglay ng mga opisyal na ito. Halimbawa, kasunod ng pagsiklab ng pandemya, nagsimula ang mga bansa sa buong mundo na magpatupad ng mga hakbang ng pag-iwas. Sa kalaunan, sumang-ayon ang karamihan sa mga bansang ito na epektibo ang mga pagsisikap sa pag-iingat ng Taiwan, na nangangahulugang ginawa ng mga opisyal ng pamahalaan ng Taiwan ang mga gampanin nila sa pagtugon sa pandemya sa pinakamatataas na pamantayan at nang may sukdulang detalye. Para sa isang bansa ng sekular na mundo, para sa mga opisyal at politiko na kasama sa tiwaling sangkatauhan, ang pagtupad ng isang gampanin sa pinakamatataas na pamantayan at nang may gayong sukdulang detalye ay tunay na kahanga-hanga. Maraming opisyal sa Europa ang gustong bumisita at matuto mula sa Taiwan; mula sa perspektibang ito, ang mga opisyal ng pamahalaan ng Taiwan ay lubos na nakahihigit sa mga opisyal ng ibang mga bansa. Dahil lang sa karamihan sa mga opisyal nila ay may kakayahang gumawa ng kongkretong gawain at kayang ilagay ang puso nila sa pagsasakatuparan ng mga responsabilidad nila, nagpapatunay ito na pasok sa pamantayan ang mga opisyal na ito. Palaging pabasta-basta ang ilang lider at manggagawa sa iglesia kapag ginagampanan ang mga tungkulin nila, at paano man sila pungusan, hindi ito epektibo. Naiisip Kong hindi pa nga pumapantay ang katangian ng mga lider at manggagawang ito sa mga katangian ng mga opisyal mula sa mundong walang pananampalataya na kayang gumawa ng aktuwal na gawain. Sinasabi ng karamihan sa kanila na nananampalataya sila sa Diyos at naghahangad sa katotohanan, pero ang totoo, hindi sila handang magbayad ng halaga. Napakaraming katotohanan ang itinutustos sa kanila, pero ganoon ang saloobin nila sa paggampan ng tungkulin nila. Ang resulta, lahat sila ay nagiging mga huwad na lider, na lubos na nagkukulang kung ikukumpara sa mga mas nakatataas na opisyal sa pamahalaan! Hindi naman talaga mataas ang mga hinihingi Ko sa mga tao; hindi Ko hinihingi na maunawaan ng mga tao ang masyadong maraming katotohanan o magkaroon ng masyadong mataas na kakayahan. Ang pinakamababang pamantayan ay ang pagkilos nang may konsensiya at ang pagtupad ng mga responsabilidad ng isang tao. Kung wala nang iba pa, sa kaliit-liitan man lang, dapat kang maging karapat-dapat sa kinakain mo araw-araw at sa ibinigay na gawain ng Diyos sa iyo; sapat na iyon. Ngunit nagawa na ang gawain ng Diyos hanggang ngayon, at kaya ba ng maraming tao na kumilos nang may konsensiya? Nakikita Ko na nagsasalita at kumikilos nang may sinseridad ang ilang opisyal sa mga demokratikong bansa. Hindi sila gumagawa ng mga pagmamalabis o nagsasalita ng matatayog na teorya, lalong metikuloso at tunay ang pananalita nila, at kaya nilang asikasuhin ang maraming tunay na usapin. Talagang napakahusay ng gawain nila, tunay na sumasalamin sa integridad at pagkatao nila. Kung titingnan ang karamihan sa mga lider at manggagawa sa iglesia ngayon, sa gawain nila, iniraraos nila ang gawain at nagpapabasta-basta, hindi sila nagkamit ng mga napakagandang resulta, at hindi nila lubusang natupad ang mga responsabilidad nila. Pagkatapos maging mga lider, nagiging mga relihiyoso silang opisyal, nagpapakita sila ng pagmamataas at nagbibigay ng mga utos, at hindi sila gumagawa ng totoong gawain. Nakatuon lang sila sa pagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan nila, at gusto nilang nakasunod ang lahat sa kanila at umiikot sa palibot nila. Bihira silang makibahagi nang malalim sa mga pinakamababang antas para lumutas ng mga tunay na problema. Sa puso nila, lumalayo sila nang lumalayo sa Diyos. Ganap nang hindi matutubos ang ganitong mga uri ng mga huwad na lider at mga huwad na manggagawa! Nagbahagi Ako nang napakabuong-ingat tungkol sa katotohanan, pero hindi ito tinatanggap ng mga lider at manggagawang ito, pilit silang kumakapit sa mga mali nilang ideya, at hindi sila naaantig. Palaging pabasta-basta ang saloobin nila sa mga tungkulin nila, at wala silang ni katiting na intensyong magsisi. Nakikita Ko na ang mga taong ito ay walang konsensiya, walang katwiran, talagang hindi tao! Pagkatapos ay nagninilay Ako: Kailangan pa rin bang makipagbahaginan nang paulit-ulit sa ganitong mga uri ng tao tungkol sa mga katotohanang ito? Kailangan Ko bang gawing napakaespesipiko ang pakikipagbahaginan? Kailangan Ko bang tiisin ang pagdurusang ito? Kalabisan ba ang mga salitang ito? Pagkatapos ng kaunting pag-iisip, nagpasya Akong dapat pa rin Akong magsalita, dahil kahit na walang epekto ang mga salitang ito sa mga wala ni katiting na konsensiya o katwiran, kapaki-pakinabang ang mga ito para sa mga tao na, kahit na medyo mababa ang kakayahan, kayang tanggapin ang katotohanan at taos-pusong gampanan ang mga tungkulin nila. Hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider at hindi nila isinasakatuparan ang mga responsabilidad nila, pero iyong mga naghahanap sa katotohanan ay matututo ng mga aral, mabibigyan ng inspirasyon, at makakahanap ng landas para sa pagsasagawa mula sa mga salita at usaping ito. Hindi ganoon kadali ang buhay pagpasok; nang walang sinumang susuporta at magtutustos, nang walang paghihimay at paglilinaw ng bawat aspekto ng katotohanan, napakahina ng mga tao, madalas na natatagpuan ang mga sarili nila sa kawalan ng magagawa at pagkalito, isang kalagayan ng pagiging negatibo at pasibo. Samakatwid, sa maraming pagkakataon, kapag nakikita Ko ang mga huwad na lider na ito, humihina ang loob Kong makipagbahaginan sa kanila. Gayumpaman, kapag iniisip Ko ang pagdurusang tiniis at ang mga halagang binayaran ng mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos at ng mga tapat na gumagampan sa mga tungkulin nila, nagbabago ang isipan Ko. Walang ibang dahilan kundi ito: Kahit na 30 hanggang 50 katao—o sa kaliit-liitan ay 8 o 10 katao—ang kayang taos-pusong igugol ang sarili nila at maging tapat sa paggampan ng mga tungkulin nila, at handang makinig at magpasakop, sulit ang pagsasabi ng mga salitang ito. Hindi Ako magkakaroon ng motibasyong magsalita at makipagbahaginan sa mga taong walang konsensiya at katwiran; sobrang nakakapagod at walang saysay ang pakikipag-usap sa mga taong ito. Hindi hinahangad ng karamihan sa inyo ang katotohanan at hindi kayo nagbabayad ng halaga sa mga tungkulin ninyo—wala kayong pasanin o katapatan, nagraraos lang kayo ng gawain sa mga kilos ninyo, at atubili kayong gumagawa ng mga bagay-bagay sa pag-asang magkakamit kayo ng mga pagpapala. Sa aktuwal, isang di-nararapat na pabor para sa inyo ang pakikinig sa mga salitang ito. Nakikisakay kayo sa mga taos-pusong gumagampan ng mga tungkulin nila, sa mga tunay na nagbabayad ng halaga, sa mga nagtataglay ng katapatan at pasanin, at sa mga handang isagawa ang katotohanan. Para sa mga taong iyon ang mga salitang ito, at nagkakamit kayo ng isang di-nararapat na pabor sa pakikinig sa mga ito. Kung titingnan mula sa perspektibang ito—ibig sabihin, na ang karamihan sa inyo ay may saloobin ng pagraraos sa gawain nang walang anumang kasigasigan sa mga tungkulin ninyo—hindi kayo karapat-dapat na makarinig sa mga salitang ito. Bakit hindi kayo karapat-dapat? Dahil kahit makinig kayo, walang saysay ang lahat ng ito; gaano man karami ang nasasabi o gaano man ito kadetalyado, iniraraos lang ninyo ang pakikinig, hindi isinasagawa ang mga salitang ito gaano man karami ang nauunawaan ninyo pagkatapos ninyong pakinggan ang mga ito. Kanino dapat sabihin ang mga salitang ito? Sino ang karapat-dapat na makarinig sa mga ito? Iyon lang mga handang magbayad ng halaga, ang mga kayang igugol nang taos-puso ang mga sarili nila, at ang mga tapat sa mga tungkulin at atas nila ang karapat-dapat na makinig. Bakit Ko sinasabing karapat-dapat silang makinig? Dahil sa sandaling naunawaan na nila ang kaunting katotohanan pagkatapos makinig, maisasagawa nila ito, at isinasagawa nila kung ano ang nauunawaan nila; hindi sila tuso at hindi sila tamad; at tinatrato nila ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos nang may saloobin ng sinseridad at pananabik, kayang mahalin at tanggapin ang katotohanan. Kaya, pagkatapos nilang makinig, ang mga salitang ito ay may epekto sa kanila at nagkakamit ng resulta.

Pebrero 13, 2021

Sinundan:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (3)

Sumunod:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger