Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)
Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa ikalimang aytem tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Habang nagbabahaginan sa ikalimang aytem, hinimay natin ang ilan sa mga pagpapamalas at kilos ng mga huwad na lider, at natapos natin ang pagbabahaginan sa aytem na ito. Ngayon, magbabahaginan tayo sa ikaanim at ikapitong aytem tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ano ang espesipikong nilalaman ng dalawang aytem na ito? (Ikaanim na aytem: Iangat at linangin ang lahat ng uri ng kalipikadong talento upang ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay magkaroon ng pagkakataon na magsanay at pumasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon. Ikapitong aytem: Magtalaga at gumamit ng iba’t ibang uri ng tao nang makatwiran, batay sa kanilang pagkatao at mga kalakasan, upang ang bawat isa ay magamit sa pinakamainam na paraan.) Himayin natin ang iba’t ibang kilos at pagpapamalas ng mga huwad na lider kaugnay sa dalawang aytem na ito. Kabilang ang dalawang aytem na ito sa parehong kategorya, na may kinalaman sa pag-aangat, paglilinang, at paggamit sa iba’t ibang uri ng tao sa iglesia. Magbahaginan muna tayo tungkol sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pag-aangat at paglilinang sa lahat ng uri ng kalipikadong talento. Sa gayong paraan, hindi ba’t talagang mauunawaan ninyo ang ilang prinsipyong dapat sundin ng mga lider at manggagawa sa paggawa ng gawaing ito? Maaaring iniisip ninyo, “Bilang mga lider at manggagawa, madalas kaming nahaharap sa ganitong mga usapin, pamilyar na kami sa gawaing ito at may kaunting karanasan dito, kaya kahit wala Ka nang sabihin pa tungkol dito, malinaw na ito sa amin, at hindi Mo na kailangang partikular na magbahagi pa tungkol dito.” Kung gayon, hindi na ba kailangang magbahagi tungkol dito? (Kailangan namin ang pagbabahagi Mo tungkol dito. Hindi pa rin namin naaarok ang mga prinsipyo sa aspektong ito, at may ilang taong may talento na hindi pa rin namin alam kung paano kilatisin.) Karamihan sa mga lider at manggagawa ay litong-lito pa rin kung paano gawin ang trabahong ito, at nasa proseso pa sila ng pangangapa, at hindi maarok ang mga tumpak na prinsipyo, kaya, kailangan pa rin nating pagbahaginan ang mga detalye.
Ikaanim na Aytem: Iangat at Linangin ang Lahat ng Uri ng Kalipikadong Talento Upang ang Lahat ng Naghahangad ng Katotohanan ay Magkaroon ng Pagkakataon na Magsanay at Pumasok sa Katotohanang Realidad sa Lalong Madaling Panahon
Ang Kahalagahan ng Pagtataguyod at Paglilinang ng Sambahayan ng Diyos sa Lahat ng Uri ng Taong may Talento
Bakit inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng uri ng mga taong may talento? Para ba sa pakikilahok sa agham, edukasyon, at literatura ang pag-aangat at paglilinang sa lahat ng uri ng mga taong may talento? Dapat alam na ng lahat ng hinirang ng Diyos na kapag inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang iba’t ibang klase ng tao na may talento, hindi ito ginagawa para makabuo ng ilang uri ng high-tech na produkto at lumikha ng himala o para magsagawa ng pananaliksik tungkol sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao, at lalong hindi para gumawa ng anumang uri ng mga plano para sa hinaharap ng sangkatauhan. Bakit, kung gayon, inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng uri ng taong may talento? Naiintindihan ba ninyo ito o hindi? (Para maipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian.) Para maipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian—ito ang isang dahilan. Ano pa? (Para magkaroon ng pagkakataong magsanay ang lahat ng naghahangad sa katotohanan.) Tama iyan, talagang makatwiran ang sagot na ito at tumpak. Ito ay para magkaroon ng pagkakataon ang mas marami pang tao na naghahangad sa katotohanan na magsanay, at makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon. Parehong tama at tumpak ang mga sagot na ibinigay ninyo ngayon lang. Sa isang banda, ang pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng uri ng mga taong may talento ay nauugnay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian at sa gawain ng Diyos, at sa isa pang banda, nauugnay ito sa indibidwal na mga paghahangad at pagpasok. Ito ang dalawang sumasaklaw na aspekto. Sa partikular na salita, ano ang kahalagahan ng pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng uri ng mga taong may talento? Ano ang partikular na gawaing isinasagawa sa iglesia ng mga taong ito na iniaangat at nililinang? Kapag inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao para maging lider ng pangkat, superbisor, o lider o manggagawa ng iglesia, ginagawa ba siyang isang opisyal? (Hindi.) Inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao para maging responsable sila sa mga partikular na proyekto o trabaho sa loob ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, gaya ng gawain ng ebanghelyo, gawaing nakabatay sa teksto, gawain ng paggawa ng pelikula, gawain ng pagdidilig, pati na rin ng ilang pangkalahatang usapin, at iba pa. Kaya, paano nila isinasakatuparan ang mga partikular na trabahong ito? Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t ibang aytem ng gawain sa iglesia nang alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, sa mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos, at sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at sa gayon ay ginagawa ang kanilang tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos at kumikilos nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung titingnan ang katunayan na iniaangat at nililinang ang mga taong ito para magsagawa ng gawain, hindi ang pagkakaroon ng opisyal na titulo o katayuan ang nagbibigay-daan sa kanila na gawin nang maayos ang kanilang gawain. Sa halip, dapat silang magtaglay ng tiyak na kakayahan para pasanin ang isang partikular na trabaho, ibig sabihin, para pasanin ang ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos na gawin, o sa madaling salita, isang tungkulin at obligasyon na may kaakibat na pananagutan. Ito ang partikular na kahalagahan at depinisyon ng pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga indibidwal na may talento, tulad ng binanggit sa ikaanim na aytem tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Samakatwid, sa pag-aangat at paglilinang sa mga tao, ang mithiin ng sambahayan ng Diyos ay linangin ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento para maisagawa nang maayos ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos; ito ay para mabigyan ang mga taong ito ng kakayahan na pasanin ang iba’t ibang partikular na gampanin sa iglesia. Kasabay nito, nililinang at sinasanay ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito para matuto sila kung paano pagnilayan ang mga salita ng Diyos, magbahagi tungkol sa katotohanan, at kumilos ayon sa mga prinsipyo, na umaakay sa kanila na isagawa ang katotohanan at mamuhay sa mga salita ng Diyos, at pumasok sa katotohanang realidad, at mabigyan sila ng mga tunay na karanasan at patotoo, nang sa gayon ay maaari silang mamuno, magdilig, at magtustos sa iba, at gawin nang maayos ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at kasabay nito, maaaring mabigyang-kakayahan ang hinirang na mga tao ng Diyos na magpasakop sa Diyos, magpatotoo sa Diyos, at tuparin ang tungkulin ng pangangaral ng ebanghelyo. Ang pamamaraan ng pagsasagawa para sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento ay, sa isang aspekto, para pamunuan ang mga tao sa pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, pagkilala sa kanilang sarili, pagwaksi sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at pagpasok sa katotohanang realidad; sa isa pang aspekto, ito ay para gamitin ng mga lider at manggagawa ang kanilang sariling praktikal na karanasan ng katapatan at pagpapasakop para pamunuan at linangin ang mga tao sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin at pagbibigay ng matutunog na patotoo sa Diyos. Ang mga ito ang dalawang pangunahing landas ng pagsasagawa sa paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Ito ang partikular na gawain na nakapaloob sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng taong may talento, at ito rin ang tunay na kahalagahan ng pag-aangat at paglilinang sa kanila.
Ang mga Kinakailangang Pamantayan Para sa Iba’t ibang Uri ng Taong may Talento na Itinataguyod at Nililinang ng Sambahayan ng Diyos
I. Ang mga Kinakailangang Pamantayan Para sa mga Lider at Manggagawa at mga Superbisor ng Iba’t Ibang Aytem ng Gawain
Sino ang tinutukoy na “iba’t ibang uri ng mga taong may talento na iniaangat at nililinang ng iglesia”? Anong mga saklaw ang sakop nito? Una ay ang uri ng mga tao na maaaring maging mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain. Ano ang mga hinihinging pamantayan para sa mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain? Mayroong tatlong pangunahing pamantayan. Una, dapat ay mayroon silang abilidad na maarok ang katotohanan. Tanging ang mga taong nakakaarok sa katotohanan nang dalisay na walang pagkabaluktot at nakabubuo ng mga kongklusyon ay mga taong may mahusay na kakayahan. Ang mga taong may mahusay na kakayahan, kahit papaano, ay dapat magkaroon ng espirituwal na pang-unawa at kakayahang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang mag-isa. Sa proseso ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, dapat ay magawa nilang tanggapin nang nakapagsasarili ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos ng mga salita ng Diyos, at hanapin ang katotohanan para malutas ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon at ang karumihan ng sarili nilang kalooban, pati na rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon—kung maaabot nila ang pamantayang ito, nangangahulugan ito na alam nila kung paano danasin ang gawain ng Diyos, at pagpapamalas ito ng mahusay na kakayahan. Pangalawa, dapat silang magbuhat ng pasanin para sa gawain ng iglesia. Ang mga taong tunay na nagbubuhat ng pasanin ay hindi lamang may sigasig, mayroon silang tunay na karanasan sa buhay, nakauunawa ng ilang katotohanan, at nakikilatis nila ang ilang problema. Nakikita nila na sa gawain ng iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos ay maraming suliranin at problema na kinakailangang malutas. Nakikita nila ito sa kanilang mga mata at nag-aalala rito sa kanilang puso—ito ang ibig sabihin ng pagbubuhat ng pasanin para sa gawain ng iglesia. Kung ang isang tao ay mayroon lamang mahusay na kakayahan at kayang umarok sa katotohanan, pero siya ay tamad, nag-iimbot ng mga kaginhawahan ng laman, ayaw gumawa ng tunay na gawain, at gumagawa lang ng kaunting gawain kapag ang Itaas ay nagbibigay sa kanila ng deadline na tapusin ito, kapag hindi siya makaiwas sa hindi paggawa nito, kung gayon, isa itong tao na walang pasanin. Ang mga taong walang pasanin ay mga taong hindi naghahangad sa katotohanan, mga taong walang pagpapahalaga sa katarungan, at mga walang kuwenta na ginugugol ang buong araw sa katakawan, nang hindi pinag-iisipan nang seryoso ang anumang bagay. Pangatlo, dapat magtaglay sila ng kapabilidad sa gawain. Ano ang ibig sabihin ng “kapabilidad sa gawain”? Sa madaling salita, ibig sabihin nito ay hindi lang nila kayang magtalaga ng gawain at magbigay ng mga tagubilin sa mga tao, kundi kaya rin nilang tukuyin at lutasin ang mga problema—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng kapabilidad sa gawain. Dagdag pa rito, kailangan din nila ng mga kasanayan sa pag-oorganisa. Ang mga taong may kasanayan sa pag-oorganisa ay partikular na mahusay sa pagtitipon ng mga tao, pag-oorganisa at pagsasaayos ng gawain, at paglutas ng mga problema, at kapag nagsasaayos ng gawain at lumulutas ng mga problema, kaya nilang lubusang kumbinsihin ang mga tao at mapasunod ang mga ito—ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mga kasanayan sa pag-oorganisa. Kayang isakatuparan ng mga tunay na may kapabilidad sa gawain ang mga partikular na trabahong isinasaayos ng sambahayan ng Diyos, at kaya nila itong gawin nang mabilis at nang may pagpapasya, nang walang anumang kapabayaan, at higit pa roon, kaya nilang gawin nang maayos ang iba’t ibang trabaho. Ito ang tatlong pamantayan ng sambahayan ng Diyos para sa paglilinang sa mga lider at manggagawa. Kung nakatutugon ang isang tao sa tatlong pamantayang ito, siya ay isang pambihira, may talentong indibidwal at dapat siyang iangat, linangin, at sanayin kaagad, at pagkatapos magsanay nang ilang panahon, maaari na siyang tumanggap ng gawain. Ang sinumang may kakayahan, nagbubuhat ng pasanin, at nagtataglay ng kapabilidad sa gawain ay hindi nangangailangan ng mga tao na palaging mag-alala sa kanila at mangasiwa at manghimok sa kanila sa kanilang gawain. Sila ay maagap, at alam nila kung aling mga trabaho ang dapat gawin sa partikular na oras, aling mga trabaho ang kailangang inspeksiyonin at pangasiwaan, at aling mga trabaho ang kailangang suriin o bantayang maigi. Alam na alam nila ang mga bagay na ito. Ang gayong mga tao ay medyo masasandalan at maaasahan sa kanilang gawain, at walang malalaking problema na mangyayari. Kahit na nagkakaroon ng mga problema, ang mga ito ay maliliit na isyu lang na hindi nakaaapekto sa kabuuan, at hindi kailangang mag-alala ang Diyos tungkol sa gawaing ginagawa ng mga taong ito. Tanging ang mga tunay na nakatatayo sa sarili nilang mga paa sa kanilang gawain ang tunay na nagtataglay ng kapabilidad sa gawain. Ang mga hindi nakatatayo sa sarili nilang mga paa at palaging nangangailangan ng ibang tao na mag-aalala sa kanila, babantayan sila, pangangasiwaan sila, at hahawakan pa nga ang kanilang kamay at tuturuan sila kung ano ang dapat gawin ay ang klase ng mga tao na may napakahinang kakayahan. Ang mga resulta ng gawaing ginagawa ng mga taong may ordinaryong kakayahan ay tiyak na karaniwan, at kinakailangan ng mga taong ito ang iba para bantayan at pangasiwaan sila bago sila makagawa ng anumang bagay. Sa kabaligtaran, ang mga taong may mahusay na kakayahan ay nakatatayo sa kanilang sariling mga paa pagkatapos silang sanayin nang ilang panahon, at sa tuwing nabibigyan sila ng Itaas ng mga tagubilin para sa isang gampanin at nababahaginan sila ng ilang prinsipyo, kaya nilang maarok ang mga prinsipyo, ipatupad ang gawain alinsunod sa mga ito, at sa pangkalahatan ay sumunod sa tamang landas nang walang masyadong malalaking paglihis o kapintasan, at makamit ang mga resultang nararapat nilang makamit—ito ang ibig sabihin ng pagtataglay ng kapabilidad sa gawain. Halimbawa, hinihingi ng sambahayan ng Diyos na linisin ang iglesia, at tukuyin at patalsikin ang mga anticristo at masasamang tao mula sa iglesia, at ang klase ng mga taong nagtataglay ng kapabilidad sa gawain sa pangkalahatan ay hindi lumilihis habang isinasakatuparan ang gampaning ito. Sa sandaling lumitaw ang isang anticristo, tumatagal ng humigit-kumulang kalahating taon, sa pinakamababa, bago ito mabunyag at mapaalis. Sa panahong ito, ang mga nagtataglay ng kapabilidad sa gawain ay kaya itong tukuyin, magbahagi tungkol sa katotohanan para himayin ang mga pagpapamalas ng anticristo, at tulungan ang mga kapatid na magkamit ng pagkakilala sa kanila at hindi mailihis, sa gayon ay binibigyang-kakayahan silang tumindig para ilantad at patalsikin ang anticristo nang sama-sama. Kapag lumilitaw sa saklaw ng gawain ng mga taong nagtataglay ng kapabilidad sa gawain ang mga anticristo o masasamang tao, sa pangkalahatan ay hindi nalilihis o naiimpluwensiyahan ang karamihan sa mga kapatid. Tanging ang ilang tao na magulo ang isip at iyong mga may napakahinang kakayahan ang nalilihis, at isa itong normal na penomena. Ang mga taong may mahusay na kakayahan at nagtataglay ng kapabilidad sa gawain ay kayang makamit ang ganitong mga resulta sa kanilang gawain, at ang gayong mga tao ay nagtataglay ng katotohanang realidad at sila ay pasok sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa.
Sa iba’t ibang klase ng mga taong may talento na kababanggit Ko lang ngayon, ang unang klase ay iyong maaaring maging superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain. Ang unang hinihingi sa kanila ay ang magkaroon sila ng abilidad at kakayahan na umarok sa katotohanan. Ito ang pinakamaliit na hinihingi. Ang ikalawang hinihingi ay ang magbuhat sila ng pasanin—ito ay kailangang-kailangan. Mas madaling naaarok ng ilang tao ang katotohanan kaysa sa mga ordinaryong tao, mayroon silang espirituwal na pang-unawa, may mahusay na kakayahan, nagtataglay ng kapabilidad sa gawain, at pagkatapos ng ilang panahon ng pagsasagawa, tiyak na kaya na nilang tumayo sa sarili nilang mga paa. Pero may seryosong problema sa mga taong ito—wala silang pasanin. Gusto nilang kumain, uminom, magsaya, at gumala. Interesadong-interesado sila sa mga bagay na ito, pero kapag ipinapagawa sa kanila ang ilang partikular na gawain kung saan hinihingi sa kanilang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga, at pigilan nang kaunti ang sarili nila, nagiging matamlay sila, at sinasabi nilang mayroon silang ilang karamdaman o sakit, at na ang bawat parte ng katawan nila ay hindi komportable. Sila ay walang pagpipigil at walang disiplina, kaswal, matigas ang ulo, at imoral. Kumakain, natutulog, at nagsasaya sila kung kailan nila gusto, at gumagawa lang ng kaunting gawain kapag nasa magandang lagay ng kalooban. Kung medyo mahirap o nakakapagod ang gawain, nawawalan sila ng interes at ayaw na nilang gawin ang tungkulin nila. Ito ba ay pagbubuhat ng pasanin? (Hindi.) Ang mga taong tamad at nag-iimbot ng mga kaginhawahan ng laman ay hindi ang mga taong dapat iangat at linangin. Mayroon ding mga tao na may higit pa sa sapat na kakayahan para sa isang trabaho, ngunit sa kasamaang-palad, sadyang hindi sila nagbubuhat ng pasanin, ayaw nilang umako ng responsabilidad, ayaw nila ng suliranin, at ayaw nilang mag-alala. Bulag sila sa gawaing kinakailangang gawin, at kahit na nakikita nila ito, ayaw nilang asikasuhin ito. Ang ganitong uri ba ng mga tao ay mga kandidato para sa pag-aangat at paglilinang? Tiyak na hindi; kailangang magbuhat ng pasanin ang mga tao para maiangat at malinang. Ang pagbubuhat ng pasanin ay maaari ding ilarawan bilang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad. Ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad ay mas may kinalaman sa pagkatao; ang pagbubuhat ng pasanin ay nauugnay sa isa sa mga pamantayang ginagamit ng sambahayan ng Diyos sa pagsukat sa mga tao. Ang mga nagbubuhat ng pasanin habang may karagdagang tinataglay na dalawa pang bagay—ang abilidad at kakayahan na maarok ang katotohanan, at ang kapabilidad sa gawain—ay ang mga uri ng tao na maaaring iangat at linangin, at ang ganitong uri ng mga tao ay maaaring maging mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain. Ang mga ito ang mga hinihinging pamantayan sa pag-aangat at paglilinang sa mga tao para maging iba’t ibang uri ng mga superbisor, at ang mga taong nakatutugon sa mga pamantayang ito ay mga kandidato para sa pag-aangat at paglilinang.
II. Ang mga Kinakailangang Pamantayan Para sa mga Taong May Talento sa Iba’t Ibang Propesyon na Nagtataglay ng mga Espesyal na Talento o Kaloob
Bukod sa uri ng mga tao na maaaring maging mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain, ang isa pang uri ng mga tao na maaaring iangat at linangin ay iyong mga nagtataglay ng mga espesyal na talento o kaloob o iyong mga naging dalubhasa na sa ilang propesyonal na kasanayan. Ano ang pamantayang hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa paglilinang sa ganitong mga tao para maging mga lider ng pangkat? Una, tingnan ang pagkatao nila—basta’t medyo mahal nila ang mga positibong bagay at hindi sila masasamang tao, sapat na iyon. Maaaring itanong ng ilan, “Bakit hindi hinihingi sa kanila na maging isang taong naghahangad sa katotohanan?” Dahil ang mga lider ng pangkat ay hindi mga lider ng iglesia o mga manggagawa, hindi rin sila mga tagadilig, at ang hingin sa kanila na tugunan ang pamantayan ng paghahangad sa katotohanan ay magiging kalabisan, at mahirap abutin para sa karamihan sa kanila. Hindi ito hinihingi sa mga taong gumagawa ng gawain sa pangkalahatang usapin o ng mga partikular na aytem ng propesyonal na gawain; kung ganoon man, kakaunti lang ang magiging kalipikado, kaya kailangang ibaba ang mga pamantayan. Basta’t nauunawaan ng mga tao ang kanilang propesyon at may kakayanang pasanin ang gawain, at hindi gumagawa ng kasamaan o nagsasanhi ng anumang kaguluhan, kung gayon, sapat na iyon. Para sa mga taong ito na may kadalubhasaan sa ilang kasanayan at propesyon, at may ilang kalakasan, kung isasagawa nila ang isang gawain na nangangailangan ng pagiging pamilyar nang kaunti sa kasanayan at may kaugnayan sa kanilang mga propesyon sa sambahayan ng Diyos, basta’t sila ay medyo taong totoo at matuwid pagdating sa kanilang karakter, hindi masama, hindi baluktot sa kanilang pag-arok, kayang magtiis ng paghihirap, at handang magbayad ng halaga, kung gayon, sapat na iyon. Kaya, ang unang hinihingi sa paglilinang ng gayong mga tao para maging mga lider ng pangkat ay na kailangang medyo may pagmamahal sila sa mga positibong bagay, at bukod pa rito, kailangan ay kaya nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga. Ano pa? (Dapat matuwid ang kanilang karakter, at hindi masama, at hindi baluktot sa kanilang pag-arok.) Kailangang medyo matuwid ang kanilang karakter, kailangang hindi sila masasamang tao, at hindi sila dapat baluktot sa kanilang pag-arok. Maaaring itanong ng iba, “Kung gayon, maituturing ba na mataas ang abilidad nilang makaarok sa katotohanan? Pagkatapos marinig ang katotohanan, magigising ba sila sa katotohanang realidad, at makapapasok sa katotohanang realidad?” Hindi kinakailangang hingin ang lahat ng ito; sapat na ang hingin na hindi maging baluktot sa kanilang pag-arok ang gayong mga tao. Kapag ginagawa ng mga taong hindi baluktot sa kanilang pag-arok ang kanilang gawain, ang isa sa mga benepisyo nito ay na hindi sila malamang na magdudulot ng mga pagkagambala o gagawa ng anumang kakatwa. Halimbawa, paulit-ulit na ibinahagi ng sambahayan ng Diyos ang mga prinsipyo tungkol sa kulay ng mga kasuotan ng mga aktor, na dapat ay marangal at disente, at makulay sa halip na maputla. Subalit may mga tao pa rin na sadyang hindi makaintindi sa sinabi sa kanila, hindi nila nauunawaan ang naririnig nila, wala silang kakayanang makaarok, at hindi makatukoy ng mga prinsipyong nakapaloob sa mga hinihinging ito ng sambahayan ng Diyos, at nauuwi sila sa pagpili ng mga kasuotan na puro kulay abo—hindi ba’t baluktot na pag-arok ito? (Oo.) Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng baluktot na pag-arok. Ano ang pangunahing kahulugan ng medyo may pagmamahal sa mga positibong bagay? (Ang magawang tanggapin ang katotohanan.) Tama. Ibig sabihin nito ay ang magawang tanggapin ang mga salita at mga bagay na ayon sa katotohanan, at magawang tanggapin at magpasakop sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng aspekto ng katotohanan. Hindi alintana kung kaya mang isagawa ng gayong mga tao ang mga bagay na ito, kahit papaano, sa kaibuturan, dapat hindi sila lumalaban o nasusuya sa mga ito. Ang gayong mga tao ay mabubuting tao, at sa simpleng pananalita, masasabing sila ay mga disenteng tao. Ano ang mga katangian ng mga disenteng tao? Nakararamdam sila ng pagkasuya, pagkasuklam, at pagkapoot sa masasamang kilos na gustong gawin ng mga walang pananampalataya, pati na rin sa masasamang kalakaran na sinusunod ng mga walang pananampalataya. Halimbawa, isinusulong ng mga kalakaran sa mundong walang pananampalataya ang masasamang puwersa, at maraming babae ang naghahangad na makapag-asawa ng mayaman o maging kabit ng kung sino. Hindi ba’t kabuktutan ito? Lubos na kasuklam-suklam ang mga bagay na ito para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, at sinasabi ng ilan na, “Kahit na hindi ako makahanap ng taong pakakasalan, kahit pa mamatay ako sa kahirapan, hindi ako kailanman kikilos ng katulad sa mga taong iyon,” sa madaling salita, mapanglait at mapang-alipusta sila sa gayong mga tao. Ang isang katangian ng mga disenteng tao ay na kasuklam-suklam at nakakasuka para sa kanila ang masasamang kalakaran, at hinahamak nila ang mga nabitag sa gayong mga kalakaran. Medyo matuwid ang mga taong ito; kapag binanggit ang pananampalataya sa Diyos at pagiging mabuting tao, pagtahak sa tamang landas, pagsamba sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, pag-iwas sa masasamang kalakaran, at pag-iwas sa lahat ng masasamang pag-uugali sa mundo, sa kaibuturan nila, pakiramdam nila ay mabuting bagay ito. Magagawa man nila o hindi na magsikap para matamo ang lahat ng ito, at gaano man katindi ang kanilang determinasyon na manampalataya sa Diyos at tumahak sa tamang landas, kapag nasabi at nagawa na ang lahat, sa kaibuturan nila, inaasam nilang mabuhay sa liwanag at inaasam nilang mapunta sa isang lugar kung saan namamayani ang pagiging matuwid. Ang mga matuwid na taong gaya nito ay ang uri ng mga tao na may katamtamang pagmamahal sa mga positibong bagay. Ang mga taong iaangat at lilinangin ng sambahayan ng Diyos ay kailangang nagtataglay ng katangian ng isang matuwid na pagkatao at ng pagmamahal para sa mga positibong bagay, sa pinakamababa. Ito rin ang unang hinihinging pamantayan sa pag-aangat sa uri ng mga taong may talento na mayroong mga propesyonal na kasanayan at kalakasan. Ang pangalawang pamantayan ay na ang gayong mga tao ay dapat kayang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga. Ibig sabihin, pagdating sa mga adhikain o gawain kung saan masigasig sila, kaya nilang isantabi ang kanilang sariling mga pagnanais, isantabi ang mga kasiyahan ng laman o ang isang maginhawang pamumuhay, at kahit talikuran pa ang kanilang mga kinabukasan sa hinaharap. Bukod pa rito, hindi nila alintana ang kaunting hirap o ang medyo makaramdam ng pagod; hangga’t gumagawa sila ng isang makabuluhang bagay at pinaniniwalaan nila itong tama, kung gayon ay masaya nilang tatalikuran ang mga kasiyahan ng laman at mga pakinabang—o, kahit papaano ay magkakaroon ng determinasyon at kagustuhan na gawin iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Paminsan-minsan ay nag-iimbot pa rin ang taong iyon ng mga kaginhawahan ng laman: Minsan, gusto niyang matulog nang mahaba, o kumain ng masarap na pagkain, at minsan gusto niyang lumabas para mamasyal o magliwaliw—ngunit mas madalas na nagagawa niyang magdusa ng hirap at magbayad ng halaga; paminsan nga lamang, dinadala siya ng kanyang lagay ng loob sa gayong mga kaisipan. Maituturing ba itong problema?” Hindi ito maituturing na problema. Kalabisan na kung hilingin pa sa kanila na ganap nilang isantabi ang mga kasiyahan ng laman, maliban na sa mga espesyal na pagkakataon. Sa pangkalahatan, kapag binigyan mo ng trabahong gagawin ang gayong mga tao, malaki man o hindi ang trabaho, at isang bagay man ito na gusto nilang gawin o hindi, at kahit gaano man kahirap ang trabaho, o gaano kalaki ang paghihirap na kailangan nilang tiisin, o anuman ang halagang kailangan nilang ibayad, basta’t itinalaga mo ito sa kanila, garantisadong gagawin nila ito sa abot ng kanilang makakaya nang hindi mo na kailangang bantayan o pangasiwaan sila. Ang gayong mga tao ay kayang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga, at ito ay isa pang pagpapamalas ng mga disenteng tao. Ano ang ibig sabihin ng kakayahang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga? Nangangahulugan ito ng pagiging masinsinan, pagiging labis na masugid at maasikaso, at pagiging handang magdusa ng anumang paghihirap at magbayad ng anumang halaga para magawa nang maayos ang mga bagay-bagay. Ang gayong mga tao, pagdating sa pagtapos ng mga gawain, ay tumutupad sa kanilang mga pangako at maaasahan sila, hindi katulad ng mga taong matakaw at walang ginagawa, na mahilig magliwaliw at napopoot sa trabaho, at inuuna ang pakinabang bago ang lahat ng bagay. Ang mga taong iyon ay hindi tumutupad sa kanilang mga pangako, palaging nagsasalita ng mga huwad na salita para linlangin at himukin ang iba, at hindi sila nag-aatubiling magsinungaling at gumawa ng mga huwad na panunumpa para makamit ang kanilang mga layon—hindi ililigtas ng Diyos ang mga taong iyon. Gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Ang matatapat na tao lamang ang tumutupad sa kanilang salita at tapat sa kanilang mga tungkulin, at tanging ang mga kayang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga para matupad ang atas ng Diyos ang maaaring maligtas ng Diyos. Ang kakayahang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga ay ang ikalawang katangian at pagpapamalas na dapat tinataglay ng isang tao para maiangat at malinang ng sambahayan ng Diyos. Ang ikatlong pamantayan ay ang pagiging hindi baluktot sa pag-arok ng isang tao. Ibig sabihin nito, pagkatapos makinig sa mga salita ng Diyos, kahit papaano, nagagawa nilang alamin kung ano ang tinutukoy ng mga salita, nauunawaan nila ang mga sinasabi ng Diyos, at hindi nalihis o kakatwa ang kanilang pag-arok. Halimbawa, kung magsasalita ka tungkol sa kulay asul, hindi nila ito mapagkakamalan na kulay itim, at kung magsasalita ka tungkol sa kulay abo, hindi nila ito mapagkakamalan na kulay lila. Ito ang pinakamababang pamantayan. Kahit na baluktot minsan ang pag-arok nila, kapag tinutukoy ito ng iba, kaya nilang tanggapin ito, at kung nakikita nila na mas malinaw ang pag-arok ng iba kaysa sa kanila, agad nilang tatanggapin ito—ang ganitong uri ng tao ay may dalisay na pag-arok. Ikaapat, dapat hindi sila masasamang tao. Madali bang maunawaan ito? Ang hindi pagiging masamang tao ay nangangahulugang kailangang gawin ang isang bagay kahit papaano, na kung saan pagkatapos nilang mabigong tuparin ang hiniling sa kanila ng sambahayan ng Diyos, o malabag ang mga prinsipyo at makagawa ng mali, kailangang magawang tumanggap at magpasakop ng gayong mga tao kapag pinupungusan sila, nang hindi lumalaban at hindi nagkakalat ng pagiging negatibo o mga kuru-kuro. Dagdag pa rito, sa anumang grupo man sila nabibilang, kaya nilang pakisamahan ang karamihan ng mga tao at makipag-ugnayan sa mga ito nang may pagkakasundo. Kahit na may manakit sa kanila sa pamamagitan ng pagsasabi ng hindi kanais-nais na bagay, kaya nilang tiisin ito nang hindi naghihinakit, at kung may sinumang mang-api sa kanila, hindi nila pinarurusahan ang masama ng kasamaan, kundi gumagamit lang sila ng matatalinong paraan upang lumayo at umiwas. Bagama’t bigong maging matatapat na tao ang gayong mga indibidwal, sa pinakamababa, sila ay mga taong medyo totoo at hindi gumagawa ng kasamaan, at kung may sinumang sumasalungat sa kanila hindi sila gumaganti o hindi nila ito pinapahirapan, ni sinusupil ito. Higit pa rito, ang gayong mga tao ay hindi nagtatangkang magtatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian, kumikilos nang kontra sa sambahayan ng Diyos, nagpapakalat ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, nagtatangkang manghusga sa Kanya, o gumagawa ng anumang bagay na nakagagambala o nagdudulot ng mga kaguluhan. Ang apat na punto sa itaas ay ang mga pangunahing pamantayan sa pag-aangat at paglilinang sa mga taong may talento, na may ilang kalakasan at nakauunawa ng ilang propesyonal na kasanayan. Basta’t natutugunan nila ang apat na pamantayang ito, sa pangkalahatan ay maaari silang pumasan ng mga partikular na tungkulin at gumampan ng mga partikular na trabaho sa wastong paraan.
Maaaring itinatanong ng ilang tao: “Bakit hindi kasama sa mga pamantayan na dapat matugunan ng mga tao na may talento ang pag-unawa sa katotohanan, pagtataglay ng katotohanang realidad, at kakayahang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan upang maiangat at malinang? Bakit hindi nila isinasama ang kakayahang makilala ang Diyos, magpasakop sa Diyos, maging tapat sa Diyos, at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan? Napag-iwanan na ba ang mga bagay na ito?” Sabihin ninyo sa Akin, kung may isang tao na nakauunawa sa katotohanan at nakapasok na sa katotohanang realidad, at kayang magpasakop sa Diyos, at tapat sa Diyos, at nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at higit pa rito, nakikilala ang Diyos, hindi lumalaban sa Kanya, at isang nilikha na pasok sa pamantayan, kailangan pa rin ba silang linangin? Kung talagang nakamit na nila ang lahat ng ito, hindi ba’t naisakatuparan na ang bunga ng paglilinang? (Oo.) Samakatwid, hindi na kasama ang mga pamantayang ito sa mga hinihingi para maiangat at malinang ang mga taong may talento. Dahil ang mga kandidato ay iniaangat at nililinang mula sa mga tao na hindi nakauunawa sa katotohanan at puno ng mga tiwaling disposisyon, kaya imposible para sa mga kandidatong ito na iniaangat at nililinang na magkaroon na ng katotohanang realidad, o ganap nang nagpapasakop sa Diyos, lalo na ang maging ganap nang tapat sa Diyos, at tiyak na malayo pa rin sila sa pagkakakilala sa Diyos at sa pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ang mga pamantayan na dapat tugunan higit sa lahat ng iba’t ibang uri ng tao na may talento upang maiangat at malinang ay ang mga kababanggit lang natin—ito ang mga pinakamakatotohanan at mga pinakapartikular. Sinasabi ng ilang huwad na lider na, “Wala kaming sinumang tao na may talento rito na maaaring iangat at linangin. Hindi nauunawaan ni Ganito at ni ganyan ang katotohanan, ginagawa ni Ganito at ni ganyan ang mga bagay-bagay nang walang may-takot-sa-Diyos na puso, hindi matanggap ni Ganito at ni ganyan ang pagpupungos, walang katapatan si Ganito at si ganyan …” at kung ano-ano pa, pinupuna ang napakaraming kamalian. Ano ang ipinapahiwatig ng mga huwad na lider na ito sa pagsasabi ng ganitong mga bagay? Para bang hindi maaaring iangat at linangin ang mga taong iyon dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi nararanasan ang gawain ng Diyos, at wala pa silang katotohanang realidad, at iba pa, samantalang ang mga lider mismo ay naging mga lider dahil mayroon na silang ilang praktikal na karanasan at nagtataglay ng katotohanang realidad. Hindi ba’t iyon ang ibig sabihin ng mga huwad na lider na ito? Sa kanilang mga mata, walang sinuman ang kasinggaling nila, at walang ibang angkop na maging lider maliban sa kanila. Ito ang mayabang na disposisyon ng mga huwad na lider; pagdating sa pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa mga tao, puno sila ng mga kuru-kuro at imahinasyon.
III. Ang mga Kinakailangang Pamantayan Para sa mga Tauhan ng Gawain ng mga Pangkalahatang Usapin
Kababanggit Ko lang ng dalawang uri ng mga tao na tinututukan ng sambahayan ng Diyos na linangin. Ang isang uri ay mga tao na maaaring maging mga lider at manggagawa, at ang isa pang uri ay mga tao na kayang magsagawa ng iba’t ibang propesyonal na gawain. May isa pang uri ng tao. Hindi sila maituturing na nagtataglay ng mga partikular na kalakasan o propesyonal na kasanayan; walang kaugnay na anumang modernong teknolohiya ang gawain nila, ibig sabihin, gumagampan ng mga partikular na gawain ng mga pangkalahatang usapin sa iglesia ang mga taong ito, hinaharap nila ang ilang usapin na hindi bahagi ng pangunahing gawain ng iglesia. Sila ang uri ng mga tao na nagsasagawa ng gawain ng mga pangkalahatang usapin. Ano ang mga pangunahing hinihingi ng sambahayan ng Diyos para sa gayong mga tao? Ang pinakamahalagang hinihingi ay na kaya nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nakikipagtulungan sa mga tagalabas sa ikapapahamak ng sambahayan ng Diyos, at hindi ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para kunin ang loob ni Satanas. Iyon lang. Hindi mahalaga kung sila man ay mahusay makipag-usap, ang pinakamataas sa lipunan, o isang may espesyal na talento, dapat nilang magawang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag nangangasiwa ng mga panlabas na usapin para sa sambahayan ng Diyos. Ano ang nakapaloob sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Pera, mga materyal, ang mga reputasyon ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, at ang seguridad ng mga kapatid—napakahalaga ng bawat aspektong ito. Ang sinumang may kakayahang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay nagtataglay ng normal na pagkatao, at sapat na matuwid, at isang tao na handang isagawa ang katotohanan. Ang ilang tao ay walang pagkilatis, at sinasabing, “May isang tao na masama ang pagkatao, pero kaya niyang ipagtanggol ang gawain ng sambahayan ng Diyos.” Posible ba iyon? (Hindi ito posible.) Paano maipagtatanggol ng masasamang tao ang gawain ng sambahayan ng Diyos? Kaya lang nilang ipagtanggol ang sarili nilang mga interes. Kaya, kung tunay na kayang ipagtanggol ng isang tao ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, tiyak na siya ay may mabuting karakter at pagkatao; hindi ito puwedeng maging mali. Kung tinutulungan ng isang tao ang mga tagalabas sa ikapapahamak ng sambahayan ng Diyos kapag gumagawa ng mga bagay-bagay para sa sambahayan ng Diyos, at ipinagkakanulo ang mga interes nito, at hindi lamang nagsasanhi ng malalaking kawalan sa ekonomiya at materyal sa sambahayan ng Diyos, kundi nagdudulot din ng malaking pinsala sa mga reputasyon ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, mabuting tao ba siya? Siguradong hindi mabuti ang gayong mga tao. Wala silang pakialam kung gaano kalaki ang mga materyal at pinansiyal na kawalang dinaranas ng sambahayan ng Diyos; ang pinakamahalaga sa kanila ay ang makinabang sila at makuha ang loob ng mga walang pananampalataya; hindi lang nila pinadadalhan ng mga regalo ang mga walang pananampalataya, kundi palagi rin nilang pinagbibigyan ang mga ito sa panahon ng mga negosasyon—hindi nila naiisip na ipaglaban ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, nagsisinungaling sila sa sambahayan ng Diyos, sinasabi kung paano nila isinakatuparan ang gawain, at ipinagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—habang sa katunayan, dumanas na ng mga kawalan ang gawain ng iglesia, at labis na sinamantala ng mga walang pananampalataya ang sambahayan ng Diyos. Kung, sa lahat ng aspekto, nagagawang ipagtanggol ng isang tao ang mga interes ng sambahayan ng Diyos habang nangangasiwa sa mga panlabas na usapin, mabuting tao ba ang taong ito? (Oo.) At kaya, kung ang ganitong klaseng tao ay walang kakayahang gumawa ng anumang ibang gawain sa sambahayan ng Diyos, at angkop lamang para sa ganitong uri ng gawain ng mga pangkalahatang usapin, dapat ba silang iangat ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Bilang karagdagan sa pagtataglay ng kapabilidad sa gawain, at kakayahang isagawa ang kanilang gawain alinsunod sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, nagagawa rin nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kaya pasok sa pamantayan, at dapat na iangat ang gayong mga tao. Sa kabilang dako, iyong mga palaging nagdudulot ng pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, na palaging may dalang potensiyal na panganib sa seguridad ng mga kapatid, at palaging nagdudulot ng masasamang epekto at kahihinatnan sa mga reputasyon ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia—hindi dapat iangat o linangin ang gayong mga tao; kung iniaangat at ginagamit sila, kailangan silang tanggalin kaagad. Mayroon ding ilang tao na palaging nagkakaproblema habang ginagawa ang mga gawain nila, tulad ng pagkakaroon ng mga aksidente kapag nagmamaneho, kapalpakan sa mga usaping pinangangasiwaan nila, o pagdudulot ng hindi pagkakasundo na nagreresulta sa walang tigil na pagrereklamo, at kung may anumang mga kapintasan hindi nila alam kung paano ayusin ang mga ito. Ang gayong mga tao ay may mahinang pag-iisip, at nagdadala rin ng kamalasan, at mga walang kuwenta. Kung ang ganitong uri ng tao ay magiging lider ng pangkat, superbisor, lider o manggagawa, hindi lang siya agad dapat tanggalin, kundi dapat din siyang paalisin sa iglesia. Ito ay dahil ang ganitong uri ng tao ay parang sumpa at nagdadala ng kamalasan. Hangga’t may isa o dalawang ganitong tao sa iglesia, hindi magkakaroon ng kapayapaan sa iglesia. Parang may masasamang espiritu sa loob nila, o may salot ang gayong mga tao. Ang sinumang magkakaroon ng kaugnayan sa kanila ay magdurusa ng kamalasan, kaya dapat maalis kaagad ang ganitong uri ng tao. Maging ang mga katangian ng mukha ng mga taong ito ay pawang mali, puno ng pagkatuso o maladiyablong katangian o sobrang pangit, at ang sinumang nakikipag-ugnayan sa kanila ay makararamdam na para bang may masamang mangyayari. Ang ganitong uri ng mga tao ay dapat tanggalin at paalisin, at saka lang magiging maayos ang mga bagay-bagay sa iglesia. Ang pag-aangat at paglilinang ng iba’t ibang tao sa iglesia ay nangangailangan ng pagsunod sa mga prinsipyo at ng paggamit ng pagkilatis, upang kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Sa iba’t ibang uri ng mga taong iniaangat at nililinang, mayroong mga nagsisilbi bilang mga lider ng iglesia at manggagawa, iyong mga responsable para sa iba’t ibang propesyon sa iglesia, at gayundin iyong mga nangangasiwa ng mga pangkalahatang usapin para sa iglesia. Ang iba’t ibang pamantayan na dapat tugunan nitong ilang uri ng mga taong may talento ay malinaw ring napagbahaginan. Kapag malinaw sa inyo ang mga prinsipyo kung paano maghalal ng mga lider at manggagawa at kung paano mag-angat at maglinang ng mga tao, papasok sa tamang landas ang lahat ng gawain ng iglesia.
Maaaring nagtatanong ang ilang tao, “Bakit tinatawag na may talento ang mga taong ito na iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos?” Ang mga tao na may talento na tinutukoy natin ay ang mga kandidato para sa pag-aangat at paglilinang. May iba’t ibang hinihingi para sa mga taong may kakayahang gumawa ng iba’t ibang tungkulin, at dahil sila ay nasa proseso ng pag-aangat at paglilinang, sapat nang natutugunan nitong tinatawag na mga taong may talento ang mga pamantayang kababanggit lang natin. Hindi magiging makatotohanan na umasang mayroon nang katotohanang realidad ang mga taong ito, na mapagpasakop at tapat na, at na may takot na sila sa Diyos. Kaya, ang mga taong may talento na pinag-uusapan natin ay iyong mga nagtataglay lang ng ilang katangian at integridad na nararapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, at ng kakayahang maarok ang katotohanan—sa gayong paraan, itinuturing silang kalipikado. Hindi ibig sabihin nito na nauunawaan na nila ang katotohanan at nakapasok sa katotohanang realidad, ni hindi ibig sabihin nito na natamo na nila ang ganap na pagpapasakop sa Diyos matapos tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at ang mga bagay na gaya nito. Siyempre, ang terminong “mga taong may talento” ay hindi tumutukoy sa mga nakatapos sa unibersidad o kumuha ng Ph.D., o sa mga taong may mga pribilehiyadong pamilya na pinagmulan o mataas na katayuan sa lipunan, o sa mga taong may mga espesyal na abilidad o kaloob—hindi ito tumutukoy sa ganitong mga tao. Dahil iaangat at lilinangin sila, maaaring hindi pa kailanman nagawa o napag-aralan dati ng ilang tao na gagampan ng propesyonal na gawain ang propesyong iyon, ngunit hangga’t natutugunan nila ang ilang pamantayang iyon para sa pag-aangat at paglilinang, at handa silang matuto at mahusay sila sa pag-aaral ng isang partikular na propesyon, maaari silang iangat at linangin ng sambahayan ng Diyos. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Hindi Ko ibig sabihin na maaari lamang iangat at linangin ang isang tao kung likas na mahusay siya sa isang partikular na propesyon. Bagkus, ito ay kung mayroon siyang kagustuhang matuto at magtaglay ng mga kondisyon, o kahit magtaglay lang siya ng ilang pangunahing kaalaman sa propesyong ito, kung gayon, maaari siyang iangat at linangin—ito ang prinsipyo. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa mga pamantayang dapat matugunan ng iba’t ibang taong may talento na gustong iangat at linangin ng sambahayan ng Diyos.
Ang mga Pakay ng Sambahayan ng Diyos sa Pagtataguyod at Paglilinang sa Lahat ng Uri ng Taong May Talento
Sunod, pagbabahaginan natin kung bakit inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng uri ng taong may talento. Hindi ito lubos na nauunawaan ng ilang tao, at iniisip, “Hindi ba’t magiging sapat para sa sambahayan ng Diyos na diretsong iangat at gamitin na lamang ang iba’t ibang taong may talento? Bakit kailangan pa nitong linangin at sanayin sila sa loob ng ilang panahon?” Nauunawaan ba ninyo ito o hindi? Pag-usapan muna natin ang uri ng mga tao na nagiging mga lider at manggagawa. Bakit inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga may abilidad na makaarok, na nagbubuhat ng pasanin para sa iglesia, at nagtataglay ng kapabilidad sa gawain? Ito ay dahil bagama’t kalipikado sila pagdating sa kanilang kakayahan at natutugunan nila ang mga pamantayan, wala pa silang tunay na karanasan at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, lalong hindi nila alam kung paano isagawa ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Kailangan silang sanayin sa loob ng ilang panahon at bigyan ng gabay, at kapag nakabisado na nila ang mga prinsipyo sa paggawa ng kanilang tungkulin at nagkaroon ng tunay na karanasan, saka pa lang sila maaaring pormal na magagamit. Kung katulad sila ng mga kapatid sa iglesia, na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, nakikinig sa mga sermon, namumuhay sa buhay ng iglesia, at nagsasanay sa paggawa ng isang tungkulin, at iniaangat at nililinang lamang kapag lumago na ang buhay nila, magiging napakabagal ng kanilang pag-usad. Sa gayong kaso, ilang taon ang aabutin bago sila maging angkop na gamitin ng Diyos? Hindi ba nito maaapektuhan ang gawain ng iglesia? Kaya, hangga’t may abilidad ang isang tao na maarok ang katotohanan, nagtataglay ng kapabilidad sa gawain, at may pagpapahalaga sa pasanin, dapat silang iangat at linangin at hilinging magsanay sa paggawa ng tungkulin ng isang lider o ng isang manggagawa, at bigyan ng pasanin. Sa isang banda, nagagawa nilang mapakinabangan ang kanilang mga kalakasan. Sa kabilang banda, kapag nahaharap sila sa mga espesyal na sitwasyon, kinakailangang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan para malutas ang kanilang mga paghihirap. Kailangan din silang mapungusan minsan, at kung kinakailangan, dapat din silang disiplinahin at isailalim sa maraming pagsubok at pagpipino, at magtiis ng labis na paghihirap. Sa pamamagitan lamang ng pagsasailalim sa gayong praktikal na pagsasanay sila maaaring tunay na makauusad, at unti-unting makauunawa sa katotohanan at makakabisado ang mga prinsipyo, at pagkatapos ay papasanin ang gawain ng mga lider at manggagawa sa lalong madaling panahon. Ang ganitong paraan ng paglilinang at pagsasanay sa mga lider at manggagawa ay magbubunga ng mas magagandang resulta at magiging mas mabilis, na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos at mas makabubuti sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, sapagkat kayang direktang diligan at tustusan ng mga lider at manggagawang may praktikal na karanasan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao para maging lider, binibigyan siya ng sambahayan ng Diyos ng mas mabigat na pasanin para sanayin siya, para sumandal siya sa Diyos, at para magsumikap siya sa katotohanan; saka lamang mabilis na lalago sa lalong madaling panahon ang kanyang tayog. Kapag mas mabigat ang pasaning ibinigay sa kanya, mas matinding kagipitan ang nararanasan niya, at mas napipilitan siyang hanapin ang katotohanan at umasa sa Diyos. Sa huli, magagawa niya ang kanyang gawain nang maayos at masusunod ang kalooban ng Diyos, at sa gayon ay tatapak siya sa tamang landas ng pagkaligtas at pagiging nagawang perpekto—ito ang epektong nakakamtan kapag inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Kung hindi sa paggawa ng mga partikular na gampaning ito, hindi nila malalaman kung ano ang kulang sa kanila, hindi nila malalaman kung paano gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at hindi nila malalaman ang ibig sabihin ng magtaglay ng katotohanang realidad. Kaya, natutulungan sila ng paggawa ng partikular na gawain na matuklasan ang kanilang mga pagkukulang at makita na, bukod sa kanilang mga kaloob, wala silang katotohanang realidad; natutulungan sila nitong madama kung gaano sila kahirap at kaawa-awa, ipinapatanto sa kanila na kung hindi sila aasa sa Diyos at hindi nila hahanapin ang katotohanan, hindi nila makakaya ang anumang gawain; ginagawa sila nitong tunay na makilala ang kanilang sarili at malinaw na makita na kung hindi nila hahangarin ang katotohanan at ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon, magiging imposible para sa kanila na maging angkop para gamitin ng Diyos. Ang mga ito ang lahat ng epektong dapat makamtan kapag nililinang at sinasanay ang mga lider at manggagawa. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga aspektong ito makakayang hangarin ng mga tao ang katotohanan nang may praktikal na saloobin, umaasal nang hindi nagpapasikat, makatitiyak na hindi na magyabang tungkol sa kanilang sarili kapag ginagawa ang gawain nila, at patuloy na dinadakila ang Diyos at nagpapatotoo sa Diyos sa paggawa ng kanilang tungkulin, at unti-unting papasok sa katotohanang realidad. Kapag iniaangat at nililinang ang isang tao para maging lider, binibigyang-kakayahan siya na matutuhan kung paano makilatis ang mga kalagayan ng iba’t ibang tao, sinasanay sa paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga paghihirap ng iba’t ibang tao, at sa pagsuporta at pagtustos sa iba’t ibang uri ng tao, at inaakay ang mga ito tungo sa katotohanang realidad. Kasabay nito, dapat din silang magsanay sa paglutas ng iba’t ibang problema at paghihirap na nararanasan sa gawain, at matuto kung paano kikilalanin at pakikitunguhan ang iba’t ibang uri ng mga anticristo, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya, at kung paano gagawin ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia. Sa ganitong paraan, kumpara sa iba, mas marami silang mararanasan sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay, at mas maraming kapaligirang isinasaayos ng Diyos, at mas maraming salita ng Diyos ang makakain at maiinom nila, at makapapasok sa mas marami pang katotohanang realidad. Isa itong pagkakataon para sanayin ang kanilang sarili, hindi ba? Kapag mas maraming pagkakataon sa pagsasanay, mas marami ang karanasan ng mga tao, mas malawak ang kanilang mga kabatiran, at mas mabilis silang lalago. Kung hindi gagawin ng mga tao ang gawain ng pamumuno, gayumpaman, dadanas at sasailalim lang sila sa personal na pag-iral at personal na mga karanasan, at makikilala lang ang mga personal na tiwaling disposisyon at iba’t ibang personal na kalagayan—lahat ng ito ay nauugnay lang sa sarili nila. Sa sandaling maging mga lider sila, nahaharap sila sa mas maraming tao, pangyayari, at kapaligiran, na naghihikayat sa kanila na palaging lumapit sa Diyos para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Para sa kanila, hindi namamalayang nagiging pasanin ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito, at likas din na lumilikha ng labis na mga kanais-nais na kondisyon para sa kanilang pagpasok sa katotohanang realidad, na isang mabuting bagay. At kaya, ang isang taong nagtataglay ng kakayahan, nagbubuhat ng pasanin, at may kapabilidad sa gawain ay mabagal na makapapasok bilang isang ordinaryong mananampalataya, at mas mabilis bilang isang lider o manggagawa. Para sa mga tao, mabuting bagay ba na makapasok sa katotohanang realidad nang mabilis, o nang mabagal? (Mabilis.) Samakatwid, pagdating sa mga taong nagtataglay ng kakayahan, nagbubuhat ng pasanin, at may kapabilidad sa gawain, gumagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aangat sa gayong mga tao, maliban na lang kung hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan at nagsusumikap tungo sa katotohanan, sa gayong kaso, hindi sila pipilitin ng sambahayan ng Diyos. Hangga’t ang isang tao ay may pundasyon ng pananampalataya sa Diyos, tumutugon sa mga pamantayan ng pagiging isang lider o manggagawa, at handang maghangad sa katotohanan at magamit ng Diyos, kung gayon, walang dudang iaangat at lilinangin siya ng sambahayan ng Diyos, bibigyan siya ng pagkakataon na magsanay bilang lider o manggagawa, at bibigyan siya ng kakayahang matutuhang gawin ang gawain ng iglesia, at matutuhang kumilatis ng mga tao, at matutuhang harapin ang iba’t ibang problema sa iglesia, at matutuhang isagawa ang iba’t ibang trabaho ayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Sa panahon ng pagsasanay, kung kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan at ang mapungusan, kayang magpasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos, kayang hanapin ang katotohanan para lutasin ang iba’t ibang problema, at matutong tratuhin ang lahat ng uri ng tao at makilala at pakitunguhan ang lahat ng uri ng tao ayon sa mga salita ng Diyos, kung gayon, mauunawaan nilang mabuti ang mga nauugnay na katotohanang prinsipyo, at mauunawaan ang katotohanan at makapapasok sa realidad—ang mga ito ay mga bagay na hindi mararanasan o makakamit ng mga ordinaryong mananampalataya. Kaya, mula sa ganitong pananaw, mabuti ba o masama para sa sambahayan ng Diyos na iangat at linangin ang isang tao? Kapaki-pakinabang ba ito sa kanya, o isa ba itong paghihirap na ipinilit sa kanya? Kapaki-pakinabang ito sa kanya. Siyempre, kapag bago pa lang na naiaangat ang ilang tao, hindi nila alam kung anong mga gampanin ang dapat nilang gawin o kung paano gawin ang mga ito, at medyo nalilito sila. Normal lang ito; sino ba ang ipinanganak na may kakayahang gawin ang lahat ng bagay? Kung kaya mong gawin ang lahat, tiyak na ikaw ang magiging pinakamayabang at pinakapalalo sa mga tao, at hindi ka susuko kaninuman—sa gayong kaso, kaya mo pa rin bang tanggapin ang katotohanan? Kung kaya mong gawin ang lahat, aasa ka pa rin ba sa Diyos at titingala sa Kanya? Hahanapin mo pa rin ba ang katotohanan para lutasin ang mga problema ng iyong sariling katiwalian? Tiyak na hindi. Sa kabaligtaran, magiging mayabang at palalo ka at tatahak sa landas ng mga anticristo, makikipaglaban ka para sa kapangyarihan at katayuan at hindi susuko kaninuman, at ililihis at bibitagin mo ang mga tao, at gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia—sa gayong kaso, magagamit ka pa rin ba ng sambahayan ng Diyos? Kung alam mong marami kang pagkukulang, dapat kang matutong sumunod at magpasakop, at gawin nang maayos ang iba’t ibang gampanin ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; magpapahintulot ito sa iyo na unti-unting maabot ang punto kung saan magagawa mo ang iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. Pero karamihan sa mga tao ay hindi kayang gumawa ng napakasimpleng bagay gaya ng pagsunod at pagpapasakop, kaya hindi nila dapat sisihin ang sambahayan ng Diyos sa hindi pag-aangat at paglilinang sa kanila. Dahil wala kang kakayahang sumunod, dahil maging ang pagsunod ay hindi mo magawa, maglalakas-loob ba ang sambahayan ng Diyos na iangat at linangin ka? (Hindi.) At bakit hindi? Ang paggamit sa iyo ay masyadong mapanganib, masyadong abala, at masyadong nakababahala! Dahil kung sakaling gamitin ka ng sambahayan ng Diyos, baka kontrolin mo ang mga tao at akayin sila tungo sa landas ng kabuktutan—kaya napakamapanganib nito. Kung gagamitin ka, baka walang pakundangan kang gagawa ng mga maling gawa at lubusan mong guguluhin ang gawain, at kakailanganin kang tanggalin ng sambahayan ng Diyos at linisin ang lahat ng gulong ginawa mo—kaya napakalaking abala nito. At kung gagamitin ka, hindi mo malalaman kung paano gawin ang anumang gawain, at wala kang magiging anumang epekto sa gawain mo; sa lahat ng gawaing ginagawa mo, kailangan kang himukin, pangasiwaan, at subaybayan ng Itaas, na kailangang makialam sa lahat ng bagay—kaya, bakit ka gagamitin? Masyado kang nakababahala! Ang ganitong klase ng tao ay talagang hindi puwedeng gamitin. Kahit linangin pa ang mga ito, wala rin itong magiging silbi, at magdudulot lang ng malaking abala at makaaapekto rin sa paglilinang ng iba; hindi ba’t magiging mas matimbang ang mga kawalan kaysa sa mga pakinabang? (Oo.)
Ang ilang tao, dahil hindi sila kailanman iniangat o ginamit ng sambahayan ng Diyos, nagkakaroon ng mga ideya sa isipan nila at nagsasabing, “Bakit ni minsan ay hindi ako napapansin ng Itaas? Bakit ni minsan ay hindi ako inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos? Hindi ito patas!” Kung gayon, dapat mo munang timbangin kung kaya mo bang sumunod, at kung kaya mo bang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Pangalawa, dapat mong timbangin kung natutugunan mo ang tatlong pamantayan na hinihingi para maiangat at malinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao na maging mga lider at manggagawa—may kakayahang maarok ang katotohanan, nagbubuhat ng pasanin, at nagtataglay ng kapabilidad sa gawain. Kung natutugunan mo ang mga pamantayang ito, sa malao’t madali ay magkakaroon ka ng pagkakataon na maiangat, malinang, at magamit. Para maiangat ka ng sambahayan ng Diyos, may mga bagay na hinihingi sa iyo. At ano ang mga bagay na ito? Kinakailangan mong kumilos ayon sa mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos; dapat mong gawin ang hinihingi sa iyo, at sa paraang hinihingi, nang sa gayon ay malinang ka na matuto munang kumilos sa paraang may prinsipyo, at matutong hanapin ang katotohanan at magpasakop sa katotohanan, at matutong makipagtulungan nang may pagkakaisa. Sa panahon ng paglilinang sa iyo, pupungusan ka paminsan-minsan ng sambahayan ng Diyos; paminsan-minsan, mahigpit kang sasawayin; paminsan-minsan, magtatanong ito tungkol sa pag-usad ng iyong gawain; paminsan-minsan, tatanungin ka nito kung kumusta na mismo ang gawain, at susuriin ang iyong gawain; at paminsan-minsan, susubukin nito kung ano ang pananaw mo sa isang partikular na bagay. Ang pakay ng mga pagsubok na ito ay hindi para pahirapan ka, kundi para ipaunawa sa iyo, sa mga bagay na ito, kung ano ang mga layunin ng Diyos, at kung anong saloobin at mga prinsipyo ang dapat mong taglayin. Ginagawa ito ng sambahayan ng Diyos para sanayin ka at himukin kang magsagawa. At ano ang pakay at layon ng pagsasanay ng mga tao? Ito ay para ipaunawa sa kanila ang katotohanan. Ang pakay ng pag-unawa sa katotohanan ay para magawa ng mga tao na magpasakop sa katotohanan at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo, para manatili sa kanilang posisyon at tapat na tuparin ang kanilang tungkulin, at, sa proseso ng paggawa ng kanilang tungkulin, para makapasok sa iba’t ibang katotohanang realidad at magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ganito sinasanay ng sambahayan ng Diyos ang mga lider at manggagawa. Hangga’t nauunawaan ng mga lider at manggagawa ang katotohanan, may pag-asang magagabayan nila ang hinirang na mga tao ng Diyos na maunawaan ang katotohanan. Gaano man karaming katotohanan ang nauunawaan ng mga lider at manggagawa, ganoon karaming katotohanan ang may pag-asang maunawaan ng mga taong ginagabayan nila. Kapag naaarok ng mga lider at manggagawa ang mga katotohanang prinsipyo sa kanilang gawain, maaarok din ng mga ginagabayan nila ang mga prinsipyo at makapapasok ang mga ito sa katotohanang realidad sa gawain ng mga ito. Samakatwid, kailangang magtaglay ng mas mahusay na kakayahan kaysa sa ibang tao ang mga lider at manggagawang sumasailalim sa pagsasanay. Binibigyang-kakayahan muna sila na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at makapasok muna sa katotohanang realidad, at pagkatapos, mas maraming tao ang ginagabayan nila sa pagpasok sa katotohanang realidad at pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang palagay mo sa ganitong pamamaraan? (Mabuti ito.) Maaaring hindi gaanong nakapag-aral o hindi magaling magsalita ang gayong mga tao, o maaaring wala silang maraming nauunawaan tungkol sa teknolohiya o mga kasalukuyang usapin at politika. Maaaring hindi rin sila ganoon kahusay sa partikular na propesyon. Pero kaya nilang maunawaan ang katotohanan, at pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos, kaya nilang isagawa at danasin ang mga ito, at kayang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at kayang gabayan ang mas maraming tao sa pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos at sa pagsunod ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang tinutukoy natin kapag pinag-uusapan natin ang uri ng mga taong may talento na iniaangat at nililinang para maglingkod bilang mga lider. Abstrakto ba ito? (Hindi.) Maaaring itinatanong ng ilang tao: “Nagsasalita ka tungkol sa mga taong may talento, kung gayon, sila ba ang mga pinakamataas sa lipunan? Dapat bang sila ay nakapagpatakbo na ng isang negosyo, o naging isang CEO o negosyante sa lipunan? Sila ba ay mga estadista na may karanasan sa politika, o mga magaling sa negosyo, o may mga talento sa larangan ng sining at literatura? Sila ba ay mga taong napakatalino?” Ang mga taong may talento na binabanggit sa sambahayan ng Diyos ay naiiba sa mga taong may talento sa mundo sa labas. Ano ang ibig sabihin ng terminong “mga taong may talento” na binabanggit natin? Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng kakayahang maunawaan ang katotohanan, pagkakaroon ng kakayahang gumabay sa mga tao tungo sa katotohanang realidad, at kaalaman kung paano kumilatis ng iba’t ibang uri ng tao, at kung paano lumutas ng iba’t ibang kalagayan at suliranin na kinasasangkutan ng mga tao, at pagkakaroon ng mga tamang pananaw at saloobin kapag nahaharap sa mga isyu, at pagtataglay ng mga pananaw at saloobin na dapat mayroon ang mga taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya. Hindi ito tumutukoy sa mga taong walang espirituwal na pang-unawa, o sa mga taong mapagpaimbabaw, o sa mga taong nagsasabi ng mga magagarbong salita at naglilitanya ng retorika. Sa halip, tumutukoy ito sa mga taong may katotohanang realidad. Ito ang ibig sabihin ng “mga taong may talento.” Ito ba ay hungkag? (Hindi.) Hindi ba’t napakapraktikal ng mga pamantayang ito na hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa ganitong mga uri ng taong may talento na iniaangat at nililinang nito para maging mga lider at manggagawa? (Oo.) Sobrang praktikal! Hindi hinihingi na magkaroon ng mataas na antas ng pinag-aralan ang gayong mga kandidato, subalit kailangang mayroon sila ng kakayahan kahit papaano na makaarok sa katotohanan. Maaaring sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi nila kailangan ng mataas na antas ng pinag-aralan, ayos lang ba na hindi sila marunong magbasa at magsulat?” Hindi posibleng makababasa ng mga salita ng Diyos kung walang kaunting edukasyon. Kailangan nilang maunawaan ang nakasulat na salita, pero hindi kailangan ng mataas na antas ng pinag-aralan. Kasama sa mga iniaangat sa sambahayan ng Diyos ay ang mga nagtapos ng high school, kolehiyo, at Ph.D., kaya, walang mga limitasyon pagdating sa antas ng pinag-aralan. Dagdag pa rito, wala ring mga limitasyon sa katayuan ng isang tao sa lipunan. Mula sa mga magsasaka at mga intelektuwal, hanggang sa mga negosyante at mga maybahay—lahat ng uri ng tao ay tinatanggap. Bukod sa walang mga limitasyon sa antas ng edukasyon at katayuan sa lipunan, ang mga hinihinging pamantayan ay iyong ilan na nabanggit Ko. Makatwiran ba iyon? (Oo.) Sobrang makatwiran! Ngayon, nauunawaan mo na ba nang kaunti kung ano ang ibig Kong sabihin sa “mga taong may talento na inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos”? (Oo.) Ang mga taong nakatutugon sa ilang pamantayang ito ng pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan, pagbubuhat ng pasanin, at pagkakaroon ng kapabilidad sa gawain ay mga kandidato sa pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos. Kung natutugunan nila ang mga pamantayang ito, kalipikado sila. Pagdating sa ibang bagay tulad ng edukasyon, pinagmulan na pamilya, katayuan sa lipunan, hitsura, at iba pa, hindi ganoon kataas ang mga hinihingi. Ito ay tungkol sa pag-aangat at paglilinang sa mga tao para maging mga lider at manggagawa.
Katatalakay lang natin ang tungkol sa ilang pamantayan na dapat tugunan ng mga taong may talento na may mga kasanayan o propesyon upang maiangat at malinang sila. Kabilang sa mga ito ay na dapat mahal nila ang mga positibong bagay at kayang tanggapin ang katotohanan, hindi maging baluktot sa kanilang pag-arok, kayang maging tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin, magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga nang walang pagrereklamo, at sa pinakamababa, hindi gumawa ng kasamaan—mahalaga ang ilang pamantayang ito pagdating sa mga taong ito. Kung gayon, ano ang pakay sa pag-aangat at paglilinang sa mga taong ito? Gayundin, ito ay upang sa tuwing mahaharap sa mga problema ang mga taong ito habang ginagampanan ang kanilang tungkulin at gumagawa ng partikular na gawain, maaari nilang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Sa proseso ng pagsasagawa ng pagpasok, hindi namamalayang sinasanay at kinokontrol sila, at sinasanay na bitiwan ang sarili nilang mga layunin, ituwid ang mga mali at kakatwang pananaw nila sa mga makamundong tao, bitiwan ang ilang isip-batang kaisipan, at bitiwan ang mga pagkiling, kuru-kuro, at imahinasyon tungkol sa pananalig sa Diyos, at mga bagay na tulad niyon. Siyempre, anuman ang mangyari, ang prosesong ito ng pagsasanay ay naglalayon na unti-unting makaunawa ang mga tao sa katotohanan, matutong magpasakop, at matutong pumasok sa iba’t ibang katotohanang realidad. Sa proseso ng pagkatuto, unti-unti nilang nakakabisado ang mga katotohanang prinsipyo, nalalaman kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos, at kung ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng katotohanan, at kung ano ang ibig sabihin ng paggampan ng tungkulin, at sa huli, unti-unti nilang nauunawaan kung ano ang dapat nilang gawin para magampanan ang kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, kung paano nila dapat gawin ang mga bagay-bagay gaya ng nararapat gawin ng isang mananampalataya, at iba pa—ang lahat ng ito ay mga bagay na unti-unting pinapasok ng mga tao matapos silang maiangat at malinang. Ang proseso ng unti-unting pagpasok ng mga tao ay ang proseso ng paglilinang, at ang proseso ng paglilinang, sa katunayan, ay ang proseso ng pagsasagawa ng mga tao ng pagpasok sa katotohanang realidad. Ngunit kung hindi ka pa naiangat at nalinang, at kumikilos ka lang bilang ordinaryong mananampalataya na dumadalo sa mga pagtitipon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagbabahagi tungkol sa katotohanan, o natututo ng mga himno, sa pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan ay hindi mo tunay na tinutupad ang tungkulin mo bilang isang nilikha, kaya malayong ginagawa mo ang tungkulin mo sa paraang pasok sa pamantayan. Ni hindi malinaw sa iyo kung anong mga prinsipyo ang dapat mong maarok sa paggawa ng tungkulin mo, at kaya lang magsalita ng mga doktrina at islogan; samakatwid, hindi ka pa nakapapasok sa katotohanang realidad, at mabagal ang pagpasok mo sa buhay. Gayundin, ang pakay at layon ng pag-aangat at paglilinang sa mga taong ito na nakikilahok sa mga propesyonal na gampanin ay para mas mabilis silang makapasok sa katotohanang realidad at magkamit ng mas maayos at mas tumpak na pag-arok sa mga katotohanang prinsipyo. Ang mga nakaaarok sa mga katotohanang prinsipyo at nakapapasok sa katotohanang realidad—sila ang mga taong may talento na iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos. Ano ang tinutukoy ng ganitong uri ng taong may talento? Ito ay iyong mga tao na—batay sa pagmamahal sa mga positibong bagay, at kakayahang magdusa ng mga paghihirap at magbayad ng halaga, at pagiging hindi baluktot sa kanilang pag-arok, at hindi pagiging masasamang tao—nagtamo ng pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo at nakapasok sa katotohanang realidad, at nagawang magpasakop sa Diyos at sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at mayroong medyo may-takot-sa-Diyos na puso. Ito ang ikalawang uri ng mga taong may talento na tinutukoy Ko. Ang mga hinihingi para sa kanila ay praktikal din, sapat na tiyak, at hindi abstrak. Kung gayon, ang ganitong uri ba ng mga taong may talento ay kinakailangan na maging ang pinakamataas sa lipunan, at may karanasan sa pakikisalamuha, at may partikular na antas ng pinag-aralan, at may partikular na katayuan sa lipunan? (Hindi.) Hindi kailanman hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na magkaroon ng katayuan sa lipunan, bantog, antas ng pinag-aralan o mataas na antas ng kaalaman—hindi kailanman hinihingi ang mga bagay na ito. Sa pag-aangat at paglilinang ng mga tao, hindi tinitingnan ng sambahayan ng Diyos ang anyo nila, ibig sabihin, kung gaano sila kapangit o kaganda. Maliban sa hindi pag-aangat sa mga uri ng tao na mukhang mga walang pananampalataya, o mga mukhang kakila-kilabot o buktot, ang iba pang mga pamantayan ay iyong mga kababanggit Ko lang—ito ang mga pinakapraktikal. Kapag inaangat ng mga walang pananampalataya ang isang tao, tinitingnan muna nila ang hitsura ng tao; dapat guwapo ang mga lalaki, parang mga opisyal, at dapat maganda ang mga babae, parang mga diwata. Dagdag pa rito, ikinukumpara rin nila ang mga antas ng pinag-aralan, katayuan sa lipunan, pinagmulan ng pamilya, at katusuhan ng mga tao. Kung mataas ang antas ng pinag-aralan mo pero wala kang katusuhan, hindi ka rin papasa; hindi ka kailanman maiaangat at walang magpapahalaga sa iyo. Kung mataas ang antas ng pinag-aralan mo at may tunay na talento, pero hindi gaanong kagandahan o kagwapuhan, at hindi matangkad, at hindi marunong mambola o makipaglapit sa mga nakatataas sa iyo, hindi ka kailanman maiaangat o malilinang hangga’t nabubuhay ka, at walang sinuman ang makatutuklas sa iyo. Kaya, ang mga walang pananampalataya ay may ganitong kasabihan, “Maraming maliliksing kabayo, pero iilan lang ang nakakakilala sa mga ito.” Totoo ba ito sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, totoo ba ang kasabihang “Sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang”? May batayan ba ito? (Wala.) Madalas itong sinasabi ng mga taong mapangutya at hindi sumusuko sa kaninuman. Palaging gustong magningning—ito ay isang ambisyon ng tao. Ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento na iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ay hindi ginto; mga ordinaryong tao lamang sila. Ang pag-aangat at paglilinang na tinatalakay natin ay isa lamang paraan ng pagsasalita; sa katunayan, tumutukoy ito sa pagtataas ng Diyos. Ikaw ba, na isang nilikha, ay ginto sa harap ng Lumikha? Isa ka lang alabok, ni hindi ka man lang tanso o bakal. Bakit Ko sinasabing alabok ka sa halip na ginto? Walang anumang kapuri-puri tungkol sa mga tao. Maaaring tinatanong ng ilan: “Hindi ba’t taliwas ang sinabi Mo? Hindi ba’t kasasabi Mo lang na maaaring maiangat ang isang tao kung natutugunan niya ang pamantayan ng pagmamahal sa mga positibong bagay?” Bilang isang tao, hindi ba’t dapat mong mahalin ang mga positibong bagay? Kung mahal mo ang ilang positibong bagay, ginagawa ka ba nitong ginto? Pinagniningning ka ba nito? Kung mahal mo ang ilang positibong bagay, nangangahulugan ba ito na mayroon kang katotohanan? Tanging sa pagkakaroon ng katotohanan nagniningning ang isang tao. Kung wala sa iyo ang katotohanan, paano masasabing nagniningning ka? Ang katunayan ay na walang nauunawaang anumang katotohanan ang isang nilikha. Ang pagtataglay ng kaunting pagkatao, at ng kaunting abilidad at kakayahan na umarok sa katotohanan ay hindi nangangahulugan na likas na taglay ng isang tao ang katotohanan. Hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga tao, at kahit na matuwid o mabuti ang pagkatao nila, hindi katotohanan ang mga bagay na ito—ang mga ito ay mga katangian lang na dapat taglayin ng may normal na pagkatao. Kaya, huwag magsalita ng tungkol sa pagniningning. Kung gayon, kailan maaaring magningning nang kaunti ang isang tao? Kapag kaya na niyang bigkasin ang mga salita ni Job, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21), doon masasabi na nagniningning siya nang kaunti at namumuhay sa liwanag. Kapag kaya mong gamitin ang katotohanang realidad na tinataglay mo at ang katotohanang nauunawaan mo para tustusan, suportahan, at pamunuan ang iba, nang sa gayon ay madala sila sa harap ng Diyos at sa katotohanang realidad, magpasakop sa Diyos, at sumamba sa Diyos, saka ka pa lamang maaaring magningning nang kaunti.
Ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento na nililinang ng sambahayan ng Diyos ay hindi mga taong may pambihirang kaloob—sila ay mga ordinaryo, tiwaling tao lamang. Basta’t kaya nilang tanggapin ang katotohanan, sumunod at magpasakop, at nagtataglay sila ng partikular na kakayahan, kung gayon, gagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aangat at paglilinang sa kanila. Kapag nagsasalita Ako ng tungkol sa paggawa ng eksepsiyon para iangat at linangin ang mga tao, tungkol ito sa pagtataas ng Diyos, tungkol ito sa pagbibigay sa iyo ng pagkakataon na humarap sa Diyos at tanggapin ang pamumuno ng Diyos, at tanggapin ang paglilinang at pagsasanay ng Diyos sa iyo, para sa panahong ito ay makapasok ka sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon at magawang tumpak na maarok ang mga katotohanang prinsipyo, magawa ang iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, at mamuhay nang may wangis ng isang tao. Ito ang ibig sabihin ng terminong “mga taong may talento” sa sambahayan ng Diyos. Ni katiting ay hindi malaki at kahanga-hanga ang gayong mga tao, nauunawaan lamang nila ang katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad, at kaya nilang gawin ang kanilang tungkulin nang may konsensiya at responsable, at may kaunting sinseridad at kaya nilang magbayad ng kaunting halaga, at hindi kumikilos nang walang pakundangan batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa paggawa ng eksepsiyon sa pamamagitan ng pag-aangat at paglilinang sa mga taong nakatutugon sa mga pamantayang ito, at pagsasanay sa kanila, nararapat ba itong gawin ng sambahayan ng Diyos? Kapaki-pakinabang ba ito sa mga tao? Lubos itong kapaki-pakinabang sa mga tao! Katulad ng ibang mananampalataya, ang mga iniaangat at nililinang ay nananampalataya sa Diyos, at nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, at nakikinig sa mga sermon, at gumagawa ng kanilang tungkulin, ngunit kumpara sa ibang mananampalataya, mas mabilis silang lalago at magkakamit ng higit pa. Gusto ba ninyong magkamit ng higit pa, o magkamit ng kaunti lang? (Magkamit ng higit pa.) Karamihan ng tao ay may ganitong pagnanais, na nangangahulugang mahal nila ang mga positibong bagay. Minsan, nakikipagbahaginan Ako sa ilang pangkat tungkol sa buhay pagpasok, at marami-rami ang nakikilahok para makinig, na nagpapakita na karamihan ay may masidhing pagnanais para sa katotohanan, at handang maunawaan nang higit pa ang katotohanan, at handa ring pumasok sa katotohanang realidad. Sa simula, nakipagbahaginan Ako sa ilang tao at talagang manhid sila. Nagsalita Ako nang mahabang oras pero hindi sila tumugon, o nagpakita man lang ng kahit katiting na pahiwatig ng pagngiti. Matapos ang isa o dalawang taon ng pakikisalamuha sa kanila, naging mas natural ang mga ekspresyon ng mukha nila at tumutugon na ang karamihan sa kanila, at sa paglipas ng panahon, medyo mas mabilis na ang kanilang mga tugon. Ibig sabihin, mula sa pagiging patay, sila ay naging buhay at nagising ang kanilang mga espiritu. Paano ito nangyari? Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kahit gaano pa nila kamahal ang mga positibong bagay, o kahit gaano pa sila katalino o kamautak, mga patay na tao pa rin sila. Ang ilang tao ay nagsisimula bilang hangal at mapurol ang isip, walang sinuman sa mundo ang may mataas na tingin sa kanila, at wala rin silang gaanong pinag-aralan at hindi gaanong malawak ang kanilang kaalaman at karanasan. Pero pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, nakauunawa na sila ng maraming katotohanan at nakakikita na ng maraming bagay nang malinaw, at pagkatapos ay naisasabuhay ang wangis ng mga tao, kaya sila nagiging buhay na mga tao. Ano ang ibig sabihin ng “buhay na mga tao”? Hindi ito tungkol sa kung buhay o patay ang iyong pisikal na katawan, o kung kayang gumalaw o huminga ng katawan mo, kundi ito ay kung may kamalayan at sensitibo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ang iyong espiritu. Tumutugon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos ang mga buhay na tao. Pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos, nagkakaroon sila ng kamalayan, landas, plano, at layon. Walang ganitong mga pagpapamalas ang mga patay na tao. Kaya, kung inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao, mas higit pang magkakamit ang taong ito. Kung gayon, paano makakapagkamit nang sapat ang mga taong hindi nakatutugon sa mga pamantayang ito at hindi iniaangat o nililinang? Paano sila mabilis na makapapasok sa katotohanang realidad? Kailangan nilang matutong isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, magtamo ng pagkaunawa sa maraming katotohanan, at magawa ring gamitin ang katotohanan para makilatis ang mga tao at malutas ang mga problema—saka sila makapapasok sa katotohanang realidad.
Sinasabi ng ilang tao: “Dahil inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento at pinahihintulutan silang makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay hindi makapapasok sa katotohanang realidad ang mga taong walang talento?” Tama ba na sabihin iyon? (Hindi, mali ito.) Kung gayon, pagkatapos ng pagbabahaginan tungkol sa paksang ito, pinasabik ba nito ang ilang tao habang nasisiraan ng loob at binibigo ang iba? Dapat ganito ito tingnan ng isang tao: Hindi dapat magmalaki ang mga taong iniangat at nilinang. Wala kang dapat ipagyabang, biyaya at pagpapala ito ng Diyos. Kapag binibigyan ka ng Diyos nang higit pa, hinihingi rin Niya na higit mong ibigay ang iyong sarili. Kung gumagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aangat at paglilinang sa iyo, nangangahulugan ito na kailangan mong magbayad ng mas malaking halaga. Kung kaya mong pagdusahan ang paghihirap na ito, siyempre, mas marami kang makakamit. Kung sasabihin mo, “Ayaw kong magdusa sa paghihirap na ito,” hindi mo makakamit ang katotohanan, ni ang pagpapala ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Gusto kong makamit ang mga bagay na iyon pero sa tingin ko ay hindi ko kaya, dahil hindi naman gagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aangat at paglilinang sa akin. Hindi ko natutugunan ang mga pamantayan.” Hindi mahalaga kung hindi mo natutugunan ang mga pamantayan. Basta’t hinahangad mo ang katotohanan at nagsusumikap para dito, hindi ka tatratuhin ng Diyos nang hindi patas. Nakakapasok lang sa katotohanang realidad nang mas maaga ang mga taong ito na iniaangat at nililinang dahil sa kanilang kakayahan at dahil sa kanilang iba’t ibang kondisyon. Gayumpaman, ang maagang pagpasok na ito ay hindi nangangahulugang sila lang ang makakapasok sa katotohanang realidad. Ibig lang sabihin nito ay maaari silang magkamit nang medyo mas maaga, at makakapasok sa katotohanang realidad nang medyo mas maaga. Ang mga hindi naiangat ay medyo mahuhuli nang kaunti sa kanila, pero hindi ito nangangahulugan na hindi na sila makakapasok sa katotohanang realidad. Kung makakapasok o hindi ang isang tao sa katotohanang realidad ay nakadepende sa kanilang mga paghahangad. Itong mga taong iniangat at nilinang ay mas mabilis na nakakaarok sa mga katotohanang prinsipyo at mas mabilis na nakakapasok sa katotohanang realidad habang nasa proseso ng paglilinang, na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, tama lang na iangat at linangin ang mga taong natutuklasan na may mahusay na kakayahan at nagmamahal sa katotohanan. Kung matutuklasan ng isang tao ang mga taong ito at iaangat at lilinangin niya sila nang hindi sila kinaiinggitan o pinapabagsak, sa halip ay inaalagaan sila, kung gayon, isinasaalang-alang niya ang mga layunin ng Diyos. Sa kabaligtaran, kung ang ilang tao ay naiinggit at nag-aalala na mas mahusay ang mga taong ito kaysa sa kanila at nahihigitan sila, kaya’t ibinubukod at pinapabagsak nila ang mga ito, malinaw na isa itong masamang kilos at isang bagay na kadalasang ginagawa ng mga anticristo. Tanging ang masasamang tao at mga anticristo ang makakagawa ng pang-aatake at pagbubukod sa mga kapatid.
Ang Pang-unawa at Saloobin na Dapat Taglayin ng Isang Tao Tungkol sa Pagtataguyod at Paglilinang ng Sambahayan ng Diyos sa mga Tao
Ang pinagbahaginan natin ngayon lang ay ang mga pakay ng sambahayan ng Diyos sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Anuman ang uri ng gawaing ginagawa ng mga napiling iangat at linangin—ito man ay teknikal na gawain, ordinaryong gawain, o mga pangkalahatang usapin sa iglesia—sa madaling salita, ang lahat ng ito ay alang-alang sa pagbibigay-daan sa kanila na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at makapasok sa katotohanang realidad, at upang magawa nila ang kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan sa lalong madaling panahon para matugunan ang mga layunin ng Diyos—ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at siyempre, ito rin ang kinakailangan para sa gawain ng iglesia. Nauunawaan mo na ba ngayon ang kahalagahan ng pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento? Mayroon pa rin bang anumang maling pagkaunawa? (Wala.) Sinasabi ng ilang tao, “Ngayong iniangat na ang taong ito bilang isang lider, at may katayuan, hindi na siya isang ordinaryong tao.” Tama ba o mali na sabihin ito? (Mali ito.) Maaaring sinasabi ng iba: “May katayuan ang mga nagiging lider, pero malungkot sa itaas. Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak pagbagsak!” Tama ba o mali na sabihin ito? Malinaw na mali ito. Sinong mga tao ang tinutukoy ng kasabihang “Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak pagbagsak”? Tumutukoy ito sa mga taong may mga ambisyon at pagnanais, tumutukoy ito sa mga anticristo. Kapag naging mga lider ang mga naghahangad sa katotohanan, hindi iyon mataas na pag-akyat—ito ay pagbibigay ng Diyos ng eksepsiyon sa pamamagitan ng pagtataas sa kanila, at ang pagpapala ng Diyos ang naglalagay ng pasaning ito sa kanila at nagpapahintulot sa kanila na gawin ang gawain ng pamumuno. Ang “Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak pagbagsak” ay isang kongklusyong ginawa ng mga walang pananampalataya, at inilalarawan nito ang mga kahihinatnan ng paghahangad ng mga walang pananampalataya ng isang propesyon sa pagiging opisyal. Walang pagkilatis ang mga hindi mananampalatayang iyon at ginagamit nila ang kasabihang ito sa mga positibong tao, na isang malubhang pagkakamali. Maaaring sinasabi ng ilang tao: “Ipinanganak siya sa probinsiya, at ngayon siya ay naging lider na siya ng iglesia—isang mataas na agilang na nagmula sa hamak na kalagayan.” Tama ba o mali ba na sabihin ito? Ito ang mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya at hindi maaaring gamitin sa hinirang na mga tao ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, pinagpapala ng Diyos ang mga naghahangad sa katotohanan, ang matatapat, ang mga may mabubuting kalooban, at ang mga nagtatanggol sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa sandaling maunawaan ng mga taong ito ang katotohanan at magkamit ng kaunting tayog, sila ay iaangat para sa paglilinang at pagsasagawa sa malao’t madali, para palitan iyong mga huwad na lider at anticristo. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga positibong tao na sumailalim sa maraming pagsubok at tukso at patuloy na nagtatanggol sa gawain ng sambahayan Diyos ay mga taong nakatutugon sa pagsang-ayon ng Diyos, at hindi magiging akma na gamitin ang mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya para ilarawan ang mga taong ito. Kaya, iyong mga palaging gumagamit ng mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya para ilarawan ang mga usapin sa sambahayan ng Diyos at para ipahayag ang sarili nilang mga pananaw ay mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan at may mga kakatwang pananaw sa mga bagay-bagay. Hindi man lang nagbabago ang mga pananaw nila sa mga bagay-bagay, at nananatiling mga pananaw ng mga walang pananampalataya, at ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, subalit wala man lang silang anumang nakamit na katotohanan, at hindi pa rin nila kayang tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos—kaya, ang mga taong ito ay mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya. Kapag iniaangat ang isang tao para magsilbing lider o manggagawa, o nililinang siya para maging superbisor ng ilang uri ng teknikal na gawain, ito ay walang anuman kundi pagkakatiwala sa kanya ng sambahayan ng Diyos ng isang pasanin. Ito ay isang atas, isang responsabilidad, at siyempre, isa rin itong espesyal na tungkulin, isang espesyal na oportunidad, at ito ay isang natatanging pagtataas—walang anumang kapuri-puri tungkol sa kanya. Kapag ang isang tao ay iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos, hindi ibig sabihin niyon na mayroon siyang espesyal na posisyon o katayuan sa sambahayan ng Diyos, kaya maaari na siyang magtamasa ng espesyal na pagtrato at pabor. Sa halip, pagkatapos niyang natatanging maitaas ng sambahayan ng Diyos, binibigyan siya ng mga napakagandang kondisyon para makatanggap ng pagsasanay sa sambahayan ng Diyos, para makapagsanay sa paggawa ng ilang mahalagang gawain sa iglesia, at kasabay niyon, ang sambahayan ng Diyos ay magkakaroon ng mas matataas na hinihinging pamantayan para sa taong ito, na labis na kapaki-pakinabang sa kanyang buhay pagpasok. Kapag iniaangat at nililinang ang isang tao sa sambahayan ng Diyos, ibig sabihin ay magiging mahigpit ang mga hinihingi sa kanya at maigting siyang pangangasiwaan. Mahigpit na iinspeksiyonin, pangangasiwaan, at isusulong ng sambahayan ng Diyos ang gawaing ginagawa niya, at mauunawaan at bibigyang-pansin ang kanyang buhay pagpasok. Mula sa mga pananaw na ito, nagtatamasa ba ang mga taong iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ng espesyal na pagtrato, espesyal na katayuan, at espesyal na posisyon? Hindi talaga, at lalo nang hindi sila nagtatamasa ng anumang espesyal na posisyon. Para sa mga taong naiangat at nalinang, kung pakiramdam nila ay mayroon silang kapital na bunga ng medyo epektibong paggawa nila sa kanilang tungkulin, at kaya humihinto at tumitigil sa paghahangad ng katotohanan, kung gayon, manganganib sila kapag nahaharap sa mga pagsubok at kapighatian. Kung masyadong maliit ang tayog ng mga tao, malamang na mawawalan sila ng kakayahang manindigan. Sinasabi ng ilan, “Kung ang isang tao ay iniaangat at nililinang bilang isang lider, mayroon siyang posisyon. Kahit hindi siya isa sa mga panganay na anak, kahit papaano ay may pag-asa siyang maging isa sa mga tao ng Diyos. Hindi pa ako naiangat o nalinang kahit kailan, kaya wala ba akong pag-asang maging isa sa mga tao ng Diyos?” Maling mag-isip sa ganitong paraan. Para maging isa sa mga tao ng Diyos, dapat magkaroon ka ng karanasan sa buhay, at dapat kang maging isang taong nagpapasakop sa Diyos. Hindi mahalaga kung ikaw ay lider, manggagawa, o ordinaryong tagasunod, sinumang nagtataglay ng mga katotohanang realidad ay isa sa mga tao ng Diyos. Kahit isa kang lider o manggagawa, kung wala kang mga katotohanang realidad, isa ka pa ring trabahador. Sa katunayan, walang espesyal sa mga taong iniaangat at nililinang. Ang tanging bagay na naiiba sa iba ay ang pagkakaroon nila ng mas kanais-nais na kapaligiran, mas kanais-nais na pagkakataon, at mas maayos na mga kondisyon para gumawa ng partikular na gawaing may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo. Kahit na ang karamihan sa gawain mo ay may kinalaman sa isang partikular na propesyon, kung walang mga katotohanang prinsipyo na magkokontrol at magsusuri dito, hindi aayon sa mga prinsipyo ang tungkuling gagawin mo, at ikaw ay nagtatrabaho lamang, at tiyak na hindi mo matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos para sa iba’t ibang taong may talento na iniaangat at nililinang? Upang maiangat at malinang ng sambahayan ng Diyos, sa pinakamababa, kailangang sila ay mga taong may konsensiya at katwiran, mga taong kayang tumanggap sa katotohanan, mga taong tapat na gumagawa sa kanilang tungkulin, at mga taong kayang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at sa pinakamababa, kailangang magawa nilang tumanggap at magpasakop kapag nahaharap sila sa pagpupungos. Ang resultang dapat makamit ng mga taong sumasailalim sa paglilinang at pagsasanay ng sambahayan ng Diyos ay hindi para maging mga opisyal o amo sila, o pamunuan ang grupo, at hindi para payuhan nila ang mga tao sa paraan ng kanilang pag-iisip, at siyempre, lalong hindi para magkaroon sila ng mas mahusay na mga propesyonal na kasanayan o mas mataas na antas ng edukasyon, o mas mataas na reputasyon, o na para maihalintulad sila sa mga sikat sa mundo dahil sa kanilang mga propesyonal na kasanayan o mga tagumpay sa politika. Sa halip, ang resultang dapat makamtan ay na maunawaan nila ang katotohanan at maisabuhay ang mga salita ng Diyos, at na sila ay mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Habang nagsasanay sila, nauunawaan nila ang katotohanan at naaarok ang mga katotohanang prinsipyo, at mas tumpak na nalalaman kung ano ang pananalig sa Diyos at kung paano sumunod sa Diyos—lubos itong kapaki-pakinabang para sa mga naghahangad sa katotohanan para makamit ang pagiging perpekto. Ito ang epekto at pamantayan na nais matamo ng sambahayan ng Diyos sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento, at ito rin ang pinakamalaking bungang naaani ng mga taong iniangat at ginamit.
Ginagawa ng ilang tao ang kanilang tungkulin nang medyo responsable at sinasang-ayunan sila ng mga hinirang ng Diyos, kaya’t nililinang sila ng iglesia para maging mga lider o manggagawa. Pagkatapos magtamo ng katayuan, nagsisimula silang makaramdam na namumukod-tangi sila sa karamihan at iniisip, “Bakit ako ang pinili ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t dahil mas mahusay ako kaysa sa inyong lahat?” Hindi ba’t parang ganito ang sasabihin ng isang bata? Ito ay pagiging isip-bata, katawa-tawa, at walang-muwang. Sa katunayan, ni katiting ay hindi ka mas mahusay kaysa sa ibang tao. Sadyang natutugunan mo lang ang mga pamantayan para malinang ng sambahayan ng Diyos. Makakaya mo mang pasanin ang responsabilidad na ito o hindi, ang gawin nang maayos ang tungkuling ito o tapusin ang ipinagkatiwalang ito ay ibang usapan. Kapag ang isang tao ay nahalal ng mga kapatid na maging lider, o iniangat ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang tiyak na gawain o gampanan ang isang tiyak na tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o posisyon, o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay kayang magpasakop sa Diyos, at hindi Siya ipagkakanulo. Tiyak na hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at isa siyang taong may takot sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito. Ang pag-aangat at paglilinang ay pag-aangat at paglilinang lamang sa prangkang salita, at hindi katumbas nito na pauna na siyang itinalaga at sinang-ayunan ng Diyos. Ang pag-aangat at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na iniangat na siya, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Samakatwid, kapag iniaangat at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, iniaangat at nililinang lamang siya sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na pasok na siya sa pamantayan at mahusay bilang isang lider, na kaya na niyang gampanan ang gawain ng pamumuno, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. Hindi malinaw na nakikilatis ng karamihan sa mga tao ang mga bagay na ito, at batay sa sarili nilang mga imahinasyon ay tinitingala nila ang mga iniangat. Isa itong pagkakamali. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, taglay nga ba talaga ng mga iniangat ang katotohanang realidad? Maaaring hindi. Nagagawa ba nilang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi. Mayroon ba silang pagpapahalaga sa responsabilidad? Tapat ba sila? Kaya ba nilang magpasakop? Kapag may nakakaharap silang isang isyu, nagagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito. Mayroon bang may-takot-sa-Diyos na puso ang mga taong ito? At gaano kalaki ang may-takot-sa-Diyos na puso nila? Nagagawa ba nilang iwasang sundin ang sarili nilang kalooban kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Magagawa ba nilang hanapin ang Diyos? Sa panahon na ginagampanan nila ang gawain ng pamumuno, nagagawa ba nilang madalas na humarap sa Diyos para hanapin ang mga layunin ng Diyos? Naaakay ba nila ang mga tao sa katotohanang realidad? Tiyak na wala silang kakayanan sa gayong mga bagay. Hindi pa sila nakakatanggap ng pagsasanay at wala pa silang sapat na mga karanasan, kaya wala silang kakayanan sa mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pag-aangat at paglilinang sa isang tao ay hindi nangangahulugang nauunawaan na niya ang katotohanan, ni hindi nito sinasabi na kaya na niyang gawin ang kanyang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. Kaya, ano ang pakay at kabuluhan ng pag-aangat at paglilinang sa isang tao? Ito ay na ang taong ito ay iniaangat bilang isang indibidwal, para makapagsagawa siya, at para siya ay espesyal na madiligan at magsanay, na nagbibigay-daan sa kanya na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at ang mga prinsipyo, kaparaanan, at sistema ng paggawa ng iba’t ibang bagay at ng paglutas sa iba’t ibang problema, gayundin kung paano pangasiwaan at harapin ang iba’t ibang uri ng kapaligiran at mga taong nakakaharap niya alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at sa paraan na pumoprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Batay sa mga puntong ito, ang mga taong may talento na iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ay mayroon bang sapat na kakayanang isagawa ang kanilang gawain at gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin sa panahon ng pag-aangat at paglilinang o bago ang pag-aangat at paglilinang? Siyempre wala. Samakatwid, hindi maiiwasan na, sa panahon ng paglilinang, mararanasan ng mga taong ito ang pagpupungos, paghatol at pagkastigo, paglalantad at maging ang pagtatanggal; ito ay normal, ito ay pagsasanay at paglilinang. Hindi dapat magkaroon ng anumang mataas na ekspektasyon ang mga tao o mga hindi makatotohanang hinihingi sa mga iniaangat at nililinang; hindi makatwiran iyan, at hindi patas sa kanila. Maaari ninyong pangasiwaan ang kanilang gawain. Kung may matuklasan kayong mga problema o bagay na labag sa mga prinsipyo habang gumagawa sila, maaari ninyong ipaalam ang isyu at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga bagay na ito. Ang hindi ninyo dapat gawin ay husgahan, kondenahin, atakihin, o ibukod sila, dahil nasa panahon pa lang sila ng paglilinang, at hindi dapat ituring na mga taong nagawang perpekto, lalo nang hindi mga taong walang kasalanan, o bilang mga taong nagtataglay ng katotohanang realidad. Gaya ninyo, sila ay nasa panahon pa lang ng pagsasanay. Ang pagkakaiba ay na mas marami silang gawaing ginagawa at responsabilidad kaysa sa mga ordinaryong tao. May responsabilidad at obligasyon silang gumawa ng mas maraming gawain; kailangang magbayad sila ng mas malaking halaga, higit pang magdusa ng paghihirap, mas magsumikap sa pag-iisip, lumutas ng mas maraming problema, magtiis sa mas maraming pamumuna ng mga tao, at siyempre, dapat silang gumugol ng higit na pagsisikap, at—kumpara sa mga ordinaryong taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin—dapat mas kakaunti ang tulog nila, magtamasa sila ng mas kakaunti ng mabubuting bagay, at hindi sila masyadong makipagtsismisan. Ito ang espesyal sa kanila; maliban dito, katulad sila ng sinumang iba pa. Ano ang layunin ng pagsasabi Ko nito? Ito ay para ipaalam sa lahat na dapat nilang harapin nang tama ang iba’t ibang uri ng taong may talento na iniaangat at nililinang sa sambahayan ng Diyos, na hindi sila dapat maging malupit sa kanilang mga hinihingi sa mga taong ito, at, siyempre, na hindi rin sila dapat maging hindi makatotohanan sa kanilang pananaw tungkol sa mga ito. Kahangalan ang labis na paghanga at pagtingala sa kanila; hindi makatao at hindi makatotohanan ang malupit na humingi nang labis sa kanila. Kaya, ano ang pinakamakatwirang paraan ng pagtrato sa kanila? Ito ay ang ituring sila bilang mga karaniwang tao at, kapag kailangan mong kumonsulta sa isang tao tungkol sa isang problema, ang makipagbahaginan sa kanila at matuto mula sa mga kalakasan ng bawat isa at punan ang isa’t isa. Dagdag pa rito, responsabilidad ng lahat na pangasiwaan ang mga lider at manggagawa para tingnan kung gumagawa ba sila ng tunay na gawain, kung kaya ba nilang gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema; ito ang mga pamantayan at prinsipyo sa pagsukat kung ang isang lider o manggagawa ba ay pasok sa pamantayan. Kung ang isang lider o manggagawa ay kayang harapin at lutasin ang mga pangkalahatang problema, may kakayahan siya. Ngunit kung hindi man lamang niya kayang harapin at ayusin ang mga ordinaryong problema, hindi siya angkop na maging lider o manggagawa, at dapat alisin kaagad sa kanyang posisyon. Kailangang may mapiling iba, at hindi dapat maantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pag-antala sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay pananakit sa sarili at sa iba; hindi ito makakabuti kahit kanino.
May ilang tao na iniaangat at nililinang ng iglesia, tumatanggap ng magandang pagkakataon na magsanay. Mabuting bagay ito. Masasabi na itinaas at biniyayaan sila ng Diyos. Kaya, paano nila dapat gawin ang kanilang tungkulin? Ang unang prinsipyo na dapat nilang sundin ay ang maunawaan ang katotohanan—kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan, dapat nilang hanapin ang katotohanan, at kung hindi pa rin nila nauunawaan matapos ang paghahanap nang mag-isa, maaari silang humanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan para makipagbahaginan at maghanap kasama nila, na gagawing mas mabilis at napapanahon ang paglutas sa problema. Kung magtutuon ka lang sa paggugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos nang mag-isa, at sa paggugol ng mas maraming oras sa pagninilay sa mga salitang ito, para magkamit ng pagkaunawa sa katotohanan at malutas ang problema, napakabagal nito; ayon nga sa kasabihan, “Ang mga mabagal na lunas ay hindi kayang tumugon sa mga agarang pangangailangan.” Pagdating sa katotohanan, kung nais mong umunlad kaagad, dapat mong matutuhan kung paano makipagtulungan nang matiwasay sa iba, at magtanong ng mas maraming katanungan at mas maghanap pa. Saka lamang mabilis na lalago ang iyong buhay, at magagawa mong malutas ang mga problema nang agaran, nang walang anumang pagkaantala sa alinman. Dahil kaaangat mo pa lang at nasa probasyon ka pa rin, at hindi tunay na nauunawaan ang katotohanan o taglay ang katotohanang realidad—dahil wala ka pa rin ng tayog na ito—huwag mong isipin na ang pagkakaangat mo ay nangangahulugang taglay mo na ang katotohanang realidad; hindi iyon ganoon. Ito ay dahil lang sa ikaw ay may pagpapahalaga sa pasanin sa gawain at nagtataglay ng kakayahan ng isang lider kaya ka napiling iangat at linangin. Kailangan may ganito kang katwiran. Kung, matapos kang iangat at maging lider o manggagawa, sinimulan mong igiit ang iyong katayuan, at maniwala na isa kang taong naghahangad sa katotohanan at na taglay mo ang katotohanang realidad—at kung, kahit ano pa ang mga problemang mayroon ang mga kapatid, nagkukunwari kang nauunawaan mo, at na espirituwal ka—kung gayon ay isa itong kahangalan, at katulad ito ng mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Dapat magsalita at kumilos ka nang totoo. Kapag hindi mo nauunawaan, maaari kang magtanong sa iba o maghanap ng pagbabahagi mula sa Itaas—walang nakakahiya tungkol sa alinman dito. Kahit hindi ka magtanong, malalaman pa rin ng Itaas ang totoo mong tayog, at malalaman na wala sa iyo ang katotohanang realidad. Ang marapat mong gawin ay ang maghanap at makipagbahaginan; ito ang katwiran na dapat makita sa normal na pagkatao, at ang prinsipyo na dapat sundin ng mga lider at manggagawa. Hindi ito isang bagay na dapat ikahiya. Kung iniisip mo na kapag naging lider ka na ay nakakahiyang hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo, o ang palaging magtanong sa ibang tao o sa Itaas, at natatakot kang mamaliitin ka ng ibang tao, at kaya nagkukunwari ka dahil dito, nagpapanggap na nauunawaan mo ang lahat, na alam mo ang lahat, na mayroon kang kapabilidad sa gawain, na kaya mong gawin ang anumang gawain ng iglesia, at hindi mo kailangan ang sinuman para magpaalala o magbahagi sa iyo, o sinuman para tustusan o suportahan ka, kung gayon, mapanganib ito, at masyado kang mayabang at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, masyadong walang katwiran. Ni hindi mo alam ang sarili mong sukat—hindi ka ba nito ginagawang isang tao na magulo ang isip? Ang gayong mga tao ay hindi talaga natutugunan ang mga pamantayan ng pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos, at sa malao’t madali ay tatanggalin at ititiwalag sila. At kaya, dapat malinaw sa bawat lider o manggagawa na kaaangat pa lang na wala silang katotohanang realidad, dapat mayroon silang ganitong kamalayan sa sarili. Ikaw ngayon ay isa nang lider o manggagawa hindi dahil itinalaga ka ng Diyos, kundi dahil ikaw ay iniangat ng ibang mga lider at manggagawa, o dahil inihalal ng hinirang na mga tao ng Diyos; hindi ito nangangahulugan na mayroon kang katotohanang realidad at tunay na tayog. Kapag nauunawaan mo ito, magkakaroon ka ng kaunting katwiran, na siyang katwiran na dapat taglayin ng mga lider at manggagawa. Naiintindihan mo na ba ngayon? (Oo.) Kung gayon, paano mismo kayo dapat gumawa ng gawain? Paano ninyo dapat isagawa ang maayos na pakikipagtulungan? Paano ninyo dapat hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema sa tuwing nahaharap kayo sa mga ito? Dapat na maunawaan ang mga bagay na ito. Kung nabunyag ang mga tiwaling disposisyon, hanapin ninyo ang katotohanan at lutasin ang mga ito sa lalong madaling panahon. Kung hindi nalutas ang mga ito sa tamang oras at nakaapekto sa gawain ninyo, problema ito. Kung hindi kayo pamilyar sa isang propesyon, dapat din kayong mag-aral agad-agad. Dahil nangangailangan ng propesyonal na kaalaman ang ilang tungkulin, kung nauunawaan lang ninyo ang katotohanan nang walang pagkakaarok sa anumang propesyonal na kaalaman, maaapektuhan din nito ang mga resulta ng inyong gawain. Kahit papaano, dapat may naaarok at nauunawaan kayong kaunting pangunahing propesyonal na kaalaman, para maging epektibo kayo sa pagsusubaybay at pagpapatnubay sa gawain ng mga tao. Kung dalubhasa lang kayo sa isang propesyon pero hindi nakakaunawa sa katotohanan, magkakaroon din ng mga kakulangan sa gawain ninyo, kaya, kakailanganin din ninyong hangarin ang katotohanan at makipagtulungan sa mga taong nakakaunawa sa katotohanan para magawa ninyo nang maayos ang inyong tungkulin. Dahil lang sa dalubhasa ka sa mga propesyonal na kasanayan o sa isang partikular na larangan ng kaalaman, hindi ito nangangahulugang nakakagawa ka ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, kaya mahalagang makipagbahaginan sa mga taong nakauunawa sa katotohanan—ito ay isang prinsipyong dapat ninyong sundin. Anuman ang ginagawa ninyo, hindi kayo dapat magpanggap. Nasa panahon ka ng pagsasanay at paglilinang, at mayroon kang tiwaling disposisyon, at hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, alam ba ng Diyos ang mga bagay na ito? (Oo.) Kaya, hindi ba’t magmumukha kang hangal kung magpapanggap ka? Gusto ba ninyong maging hangal na mga tao? (Ayaw namin.) Kung ayaw ninyong maging hangal na mga tao, anong uri ng mga tao dapat kayo? Maging mga tao na may katwiran, mga taong kayang mapagpakumbabang hanapin ang katotohanan at tanggapin ang katotohanan. Huwag magpanggap, huwag maging mapagpaimbabaw na mga Pariseo. Kaunting propesyonal na kaalaman lang ang alam mo, hindi ito ang mga katotohanang prinsipyo. Dapat kang maghanap ng paraan upang angkop na magamit ang iyong mga propesyonal na kalakasan at magamit ang iyong natamong kaalaman at natutunan batay sa pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t isa itong prinsipyo? Hindi ba’t isa itong landas ng pagsasagawa? Kapag natutuhan mo nang gawin ito, magkakaroon ka ng landas na susundan at makakapasok ka sa katotohanang realidad. Anuman ang iyong gawin, huwag maging matigas ang ulo, at huwag magpanggap. Ang pagiging matigas ang ulo at pagpapanggap ay hindi makatwirang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Bagkus, ito ang pinakahangal na paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon ang mga pinakahangal na tao. Tanging ang mga taong naghahanap sa katotohanan at nangangasiwa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo ang pinakamatatalinong tao.
Sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, mayroon na ba kayong wastong pagkaunawa at pananaw tungkol sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento sa sambahayan ng Diyos? (Oo.) Ngayong mayroon na kayong wastong pananaw ukol dito, magagawa ba ninyong harapin nang tama ang mga taong ito? Dapat ninyong harapin nang tama ang mga kalakasan nila, pati na rin ang mga pagkukulang at kahinaan na mayroon sila pagdating sa kanilang pagkatao, gawain, propesyon, at iba’t iba pang aspekto—dapat harapin nang tama ang lahat ng bagay na ito. Higit pa rito, kayo man ay iniangat o nilinang bilang mga lider o manggagawa, o kayo man ay mga indibidwal na may talento sa iba’t ibang propesyon, lahat kayo ay ordinaryo, lahat kayo ay nagawang tiwali ni Satanas, at wala ni isa sa inyo ang nakakaunawa sa katotohanan. Kaya, wala ni isa sa inyo ang dapat magbalatkayo o magtago ng inyong sarili; sa halip, dapat matuto kayong maging bukas sa pakikipagbahaginan. Kung hindi ninyo nauunawaan, aminin ninyong hindi ninyo nauunawaan. Kung hindi ninyo alam gawin ang isang bagay, aminin ninyong hindi ninyo alam gawin ito. Anuman ang mga problema o paghihirap na lumitaw, lahat ay dapat sama-samang magbahaginan at maghanap ng katotohanan para makahanap ng solusyon. Sa harap ng katotohanan, ang bawat tao ay katulad ng isang sanggol, bawat tao ay naghihikahos at kahabag-habag at lubos na walang-wala. Ang kailangang gawin ng mga tao ay maging mapagpasakop sa harap ng katotohanan, magkaroon ng mapagpakumbaba at nananabik na puso at hanapin at tanggapin ang katotohanan, at pagkatapos ay isagawa ang katotohanan at matamo ang pagpapasakop sa Diyos. Sa paggawa nito, makakapasok ang mga tao sa katotohanang realidad ng mga salita ng Diyos habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin at sa kanilang tunay na buhay. Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan. Ang mga iniaangat at nililinang ay hindi gaanong nakahihigit sa iba. Ang lahat ay naranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng halos parehong panahon. Ang mga hindi pa naiaangat o nalilinang ay dapat ding maghangad sa katotohanan habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Walang sinumang maaaring magkait sa iba ng karapatang hangarin ang katotohanan. Ang ilang tao ay mas masigasig sa paghahangad nila ng katotohanan at may kaunting kakayahan, kaya sila iniaangat at nililinang. Ito ay dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Bakit may gayong mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos sa pag-aangat at paggamit sa mga tao? Dahil may pagkakaiba-iba sa kakayahan at karakter ng mga tao, at pumipili ang bawat tao ng magkakaibang landas, ito ay humahantong sa magkakaibang kahihinatnan sa pananalig ng mga tao sa Diyos. Iyong mga naghahangad sa katotohanan ay naililigtas at nagiging mga tao ng kaharian, habang iyong mga hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, na hindi tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin, ay itinitiwalag. Nililinang at ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao batay sa kung hinahangad nila ang katotohanan, at sa kung tapat sila sa paggawa ng kanilang tungkulin. Mayroon bang pagkakaiba sa herarkiya ng iba’t ibang tao sa sambahayan ng Diyos? Sa ngayon, walang herarkiya pagdating sa iba’t ibang posisyon, halaga, katayuan o kalagayan ng iba’t ibang tao. Kahit man lang sa panahon na gumagawa ang Diyos para iligtas at gabayan ang mga tao, walang pagkakaiba ang mga ranggo, posisyon, halaga, o katayuan sa pagitan ng iba’t ibang tao. Ang tanging mga bagay na nagkakaiba ay nasa paghahati ng gawain at sa mga tungkuling ginagampanan. Siyempre, sa panahong ito, ang ilang tao, bilang eksepsiyon, ay iniaangat at nililinang para gumawa ng ilang espesyal na trabaho, samantalang ang ilang tao ay hindi nakakatanggap ng gayong mga oportunidad dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng mga problema sa kanilang kakayahan o kapaligiran ng pamilya. Ngunit hindi ba inililigtas ng Diyos ang mga hindi pa nakakatanggap ng gayong mga oportunidad? Hindi iyon ganoon. Mas mababa ba ang kanilang halaga at posisyon kaysa sa iba? Hindi. Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan, lahat ay may oportunidad na hangarin at makamit ang katotohanan, at tinatrato ng Diyos ang lahat nang patas at makatwiran. Sa anong punto mayroong kapansin-pansing pagkakaiba sa mga posisyon, halaga, at katayuan ng mga tao? Ito ay kapag dumating ang mga tao sa dulo ng kanilang landas, at natapos ang gawain ng Diyos, at sa wakas ay nabuo ang isang kongklusyon tungkol sa mga saloobin at pananaw na ipinapakita ng bawat tao sa proseso ng paghahangad ng kaligtasan at habang ginagawa ang kanilang tungkulin, pati na rin sa iba’t ibang mga pagpapamalas at saloobin nila tungkol sa Diyos—ibig sabihin, kapag may kompletong talaan sa aklat ng Diyos—sa panahong iyon, dahil iba-iba ang kalalabasan at hantungan ng mga tao, magkakaroon din ng pagkakaiba sa kanilang halaga, mga posisyon, at katayuan. Saka lamang mahihinuha at halos matitiyak ang lahat ng bagay na ito, samantalang sa ngayon, pare-pareho ang lahat. Nauunawaan ba ninyo? Inaabangan ba ninyo ang araw na iyon? Inaabangan ba ninyo ito nang may kasamang takot? Ang inaabangan ninyo ay na sa araw na iyon, magkakaroon na ng resulta sa wakas, at mararating na ninyo ang araw na iyon sa wakas sa kabila ng lahat ng paghihirap; at ang kinatatakutan ninyo ay na baka hindi ninyo natahak nang tama ang landas, at na madadapa kayo sa daan at mabibigo, at na hindi magiging kasiya-siya ang huling kalalabasan, mas masahol pa kaysa sa iniisip at inaasahan ninyo—kay lungkot, kay sakit at sobrang nakakadismaya iyon! Huwag mag-isip nang masyadong malayo pa, hindi iyon praktikal. Tingnan mo muna kung ano ang nasa harap ng mga mata mo, tahakin nang maayos ang landas sa ilalim ng iyong mga paa, gawin nang maayos ang hawak mong gawain, at tuparin ang mga tungkulin at responsabilidad na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo. Ito ang pinakakritikal at pinakamahalaga. Unawain ang katotohanan at ang mga prinsipyo sa paggawa ng tungkulin ninyo na dapat maunawaan ngayon, at pagbahaginan ang mga ito hanggang sa maging malinaw na malinaw ang mga ito—para lubos ninyong maunawaan nang malinaw ang mga ito sa inyong isipan, at malinaw at tiyak ninyong alam kung ano ang mga prinsipyo sa bawat ginagawa ninyo—at tiyaking hindi ninyo nalalabag ang mga prinsipyo, o hindi nalilihis mula rito, o hindi magdudulot ng mga pagkagambala o kaguluhan, o hindi gagawa ng anumang makakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ang lahat ng ito ang dapat ninyong pasukin ngayon mismo. Hindi natin kailangang pag-usapan pa ang tungkol sa anumang bagay sa hinaharap, at hindi rin ninyo ito kailangang itanong o pag-isipan. Walang silbi ang pag-iisip nang masyadong malayo—hindi iyon ang dapat mong pinag-iisipan. Maaaring itinatanong ng ilan: “Bakit hindi namin ito dapat pag-isipan? Napakalubha na ngayon ng kalagayan ng sakuna, hindi ba’t panahon na para pag-isipan namin ang gayong mga bagay?” Panahon na ba? Nakakaapekto ba sa iyong pagpasok sa katotohanan ang katunayan na malubha ang sakuna? (Hindi, hindi ito nakakaapekto.) Naging napakalubha na ng kalagayan ng sakuna, ngunit kailan ba Ako nagdaos ng mga pagtitipon o nangangaral ng mga sermon partikular tungkol sa sakuna? Hindi Ako kailanman tumutuon sa usapin ng sakuna, palagi lang Akong nagsasalita tungkol sa katotohanan, para maunawaan ninyo ang katotohanan at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at para maunawaan ninyo kung paano gawin nang maayos ang inyong tungkulin at paano makapasok sa katotohanang realidad. Sa panahon ngayon, hindi man lang nauunawaan ng ilang tao kung ano ang katotohanang realidad at kung ano ang mga doktrina. Naglilitanya lang sila ng ilang magkakaparehong salita at doktrina, at walang kabuluhang usapan araw-araw, ngunit pakiramdam nila ay nakapasok na sila sa katotohanang realidad. Nag-aalala Ako para sa kanila, pero hindi sila nag-aalala para sa sarili nila. Iniisip pa rin nila iyong mga malayong bagay sa hinaharap—hindi praktikal ang pag-iisip tungkol sa mga bagay na iyon.
Ang pakay ng pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento ay hindi para gawin silang aktibong tao, ni para planuhin na sila ay maging isang uri ng sandigan sa hinaharap, kundi para bigyan ang ilang tao na, kung ikukumpara, ay higit na naghahangad sa katotohanan at nakakatugon sa mga pamantayan ng pag-aangat at paglilinang, ng pagkakataon na magsanay sa mga angkop na kapaligiran at sa ilalim ng mas kanais-nais na mga kondisyon. Ang pinakamahalaga ay na maunawaan nila ang mga salita ng Diyos, maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad. Hindi ba’t ito ang dapat na matamo ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t ito ang dapat na makamit ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos? Para makapasok sa katotohanang realidad, ano ang pangunahing bagay na dapat ninyong hangarin sa ngayon? Mayroon ba kayong anumang plano o hakbang sa paggawa nito? Ituturo Ko sa inyo ang isang simpleng diskarte, madali at mabilis. Sa simpleng pananalita, ang pagpasok sa katotohanang realidad ay talagang pagsasagawa sa katotohanan. Para maisagawa ang katotohanan, kinakailangan munang harapin ang sariling mga tiwaling disposisyon. Ano ang pinakamabilis na panimulang punto sa paglutas ng mga tiwaling disposisyon ng isang tao? Para sa inyo, ang pinakasimple, pinakamabilis at pinakamadaling paraan ay ang lutasin muna ang problema ng pagiging pabaya sa paggawa ng inyong tungkulin, isa-isang nilulutas ang inyong mga tiwaling disposisyon. Gaano kaya katagal bago ninyo ito malutas? May plano ba kayo? Karamihan sa mga tao ay walang plano, patuloy lang nila itong pinag-iisipan, nang hindi nila nalalaman kung kailan nila ito pormal na sisimulan. Bagama’t alam nila na pabaya sila, sadyang hindi nila sinisimulang lutasin ito at wala silang anumang partikular na solusyon. Ang pagiging tamad sa paggawa ng tungkulin, at hindi metikuloso, iresponsable, at hindi pagseseryoso rito—ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng pagiging pabaya. Ang unang hakbang ay lutasin ang problema ng pagiging pabaya. Ang ikalawang hakbang ay lutasin ang problema ng pagkilos ayon sa sariling kalooban. Para naman sa iba pang bagay tulad ng paminsan-minsang pagsasalita nang hindi matapat, o pagbubunyag ng mga mapanlinlang o mapagmataas na disposisyon, huwag ninyong alalahanin ang mga bagay na iyon sa ngayon. Hindi ba’t mas praktikal at epektibo na harapin muna ang pagiging pabaya at pagkilos ayon sa sariling kalooban? Hindi ba’t ang dalawang isyung ito ang pinakamadaling makita? Hindi ba’t madaling lutasin ang mga ito? (Oo.) Namamalayan mo ba kung kailan ka nagiging pabaya? Napagtatanto mo ba kung kailan mo naiisip na maging tamad? Napagtatanto mo ba kung kailan mo naiisip na manlansi o makipagsabwatan at magserbisyo sa sarili mo sa pamamagitan ng panlalansi? (Oo.) Kung napagtatanto mo nga ito, madali itong lutasin. Magsimula sa paglutas ng mga problemang madali mong matukoy at na namamalayan mo sa loob-loob mo. Ang pagiging pabaya sa tungkulin ay isang halatang-halata at karaniwang problema, pero isa rin itong hindi mawala-walang problema na talagang mahirap lutasin. Kapag gumagawa ng tungkulin, kailangang matutuhan ng isang tao na maging maingat, masusi, metikuloso, at responsable, at gawin ito nang matatag, ibig sabihin, sa pamamagitan ng paisa-isang hakbang. Dapat ibuhos ng isang tao ang kanyang buong lakas para gawin nang maayos ang tungkuling iyon, hanggang sa masiyahan siya sa kung paano niya ginampanan ito. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, dapat niyang hanapin ang mga prinsipyo, at kumilos siya ayon sa mga ito at ayon sa mga hinihingi ng Diyos; dapat handa siyang higit na magsumikap na gawin nang maayos ang kanyang tungkulin, at hindi kailanman ito gawin sa pabasta-bastang paraan. Sa ganitong paraan lang ng pagsasagawa makakaramdam ng kapayapaan sa kanyang puso ang isang tao, nang hindi sinusumbatan ng kanyang konsensiya. Madali bang lutasin ang pagiging pabasta-basta? Hangga’t may konsensiya at katwiran ka, malulutas mo ito. Una, dapat kang manalangin sa Diyos: “O Diyos, sisimulan ko ang tungkulin ko. Kung pabaya ako, hinihiling ko na disiplinahin Mo ako at sawayin Mo ako sa puso ko. Hinihiling ko rin na gabayan Mo ako na magawa nang maayos ang tungkulin ko at hindi maging pabaya.” Magsagawa ka sa ganitong paraan sa araw-araw at tingnan mo kung gaano katagal bago malutas ang problema ng pagiging pabaya mo, bago mabawasan ang pagiging pabaya mo, bago mabawasan ang mga karumihan sa tungkulin mo, at bago mapabuti ang mga tunay mong resulta at madagdagan ang kahusayan mo sa paggampan ng iyong tungkulin. Ang paggampan sa tungkulin mo nang hindi nagpapabaya—matatamo mo ba ito sa pamamagitan ng pagsandal sa sarili mo? Kapag nagiging pabaya ka, kaya mo bang kontrolin ito? (Hindi ito madali.) Mahirap, kung gayon. Kung talagang mahirap para sa inyo na kontrolin ito, malaki ang problemang hawak ninyo! Aling mga bagay, kung gayon, ang kaya ninyong gawin nang hindi nagiging pabaya? Ang ilang tao ay sobrang maselan sa kinakain nila; kung hindi nila gusto ang isang pagkain, buong araw na magiging masama ang lagay ng loob nila. May ilang babae na mahilig magbihis at maglagay ng kolorete; hindi nila pinapalampas ang kahit isang hibla ng buhok. May ilang tao na magaling magnegosyo; maingat nilang kinakalkula ang bawat sentimo. Kung kumikilos kayo nang may ganitong klase ng maingat na saloobin, maiiwasan ninyong maging pabaya. Una, lutasin ang problema ng pagiging pabaya, pagkatapos, lutasin ang problema ng pagkilos ayon sa sariling kalooban. Ang pagkilos ayon sa sariling kalooban ay isang karaniwang problema, at isa pa itong bagay na madaling makita ng mga tao sa sarili nila. Nang may kaunting pagninilay-nilay sa sarili, mapagtatanto ng isang tao na kumikilos siya ayon sa sarili niyang kalooban, na hindi alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Madaling lutasin ang mga problemang nakikilala ng mga tao. Pagtuunan mo munang lutasin ang dalawang isyung ito, una, ang problema ng pagiging pabaya, at ang isa pa ay ang pagkilos ayon sa sarili mong kalooban. Magsikap, sa loob ng isa o dalawang taon na magtamo ng mga resulta, na hindi maging pabaya, o kumilos ayon sa sarili mong kalooban, o nang may mga karumihan sa iyong kalooban sa anumang ginagawa mo. Kapag nalutas na ang dalawang problemang ito, hindi na kayo malayo sa paggampan ng tungkulin ninyo sa paraan na pasok sa pamantayan. At kung hindi man lang ninyo malutas ang mga ito, malayo pa rin kayo sa pagpapasakop sa Diyos o sa pagsasaalang-alang sa mga layunin Niya—hindi pa talaga ninyo lubusang nauunawaan ang bagay na ito.
Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa mga pamantayan at pakay ng pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng kalipikadong talento, pati na rin ang tungkol sa pag-unawa at pananaw na dapat taglayin ng isang tao kaugnay ng pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Ang isa pang aspekto ay ang saloobin at pamamaraan na dapat taglayin ng isang tao tungkol sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento na iniaangat at nililinang. Ang mga ito ang ilang isyu na dapat pagbahaginan sa ikaanim na aytem. Kaya, sa susunod, partikular na tungkol sa ikaanim na aytem, ilantad at himayin natin kung paano isinasakatuparan ng mga huwad na lider ang gawain ng pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Ito ang pangunahing nilalaman na pagbabahaginan natin.
Ang mga Saloobin at Pagpapamalas ng mga Huwad na Lider Tungkol sa Pagtataguyod at Paglilinang sa Lahat ng Uri ng Taong May Talento
Ang mga huwad na lider ay hindi nakakaunawa sa katotohanan at hindi naghahanap sa katotohanan. Samakatwid, pagdating sa mahalagang gawain ng pag-aangat at paglilinang sa lahat ng uri ng kalipikadong talento sa sambahayan ng Diyos, sinisira rin nila ito, ganap na ginugulo ito, at sadyang nabibigong tugunan ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Dahil hindi nila nauunawaan ang mga pamantayan, lalo na ang mga layunin ng Diyos, kaugnay sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng kalipikadong talento, at hindi rin nila nauunawaan ang kahalagahan ng pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng kalipikadong talento, napakahirap para sa kanila na gawin ang gawaing ito sa paraan na pasok sa pamantayan at sa maprinsipyong paraan. Ang iba’t ibang uri ng mga taong may “talento” na nililinang ng mga huwad na lider habang ginagawa ang kanilang gawain ay mga halo-halong kalidad. Sa halip na mag-angat at maglinang ng mga kalipikadong talento, inaangat ng mga huwad na lider ang mga taong hindi kailanman dapat iangat at linangin para magserbisyo bilang mga lider o manggagawa, at pinahihintulutan nila ang mga taong ito na maging palamunin ng iglesia at lustayin ang mga handog ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay pawang gumagawa ng ganitong mga bagay, na nagsasanhing maapak-apakan at hindi maiangat at magamit ang ilang tao na naghahangad sa katotohanan at may pagpapahalaga sa katarungan. Sa halip, iyong mga walang kuwentang tao ay nagiging diumano’y mga taong may talento sa mga mata ng mga huwad na lider na ito, at iniaangat at nililinang ng mga ito ang mga taong iyon. Kung gayon, ano ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider kapag ginagawa ang gawaing ito? Ipagpalagay natin, halimbawa, na dahil sa mga kinakailangan ng gawain nito, kailangang makahanap ang sambahayan ng Diyos ng ilang tao na mangangasiwa ng mga usaping panlabas. Kaya, aling mga tao ang dapat nitong hanapin? Inilista Ko ang ilang pamantayan, katulad ng pagkakaroon ng kapabilidad sa gawain, pagkakaroon ng kakayahang gawin ang sariling tungkulin ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at pagkakaroon ng kakayahang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Alam ba ng mga huwad na lider ang mga prinsipyong ito? Maliwanag na hindi, kaya, paano sila naghahanap ng mga tao na mangangasiwa sa mga usaping panlabas? Iniisip nila: “Sino ang puwedeng mangasiwa ng mga usaping panlabas? May isang sister na matalas ang utak at mabilis mag-isip, magaling magsalita at marunong humawak ng mga tao. Mabilis niyang iniikot ang kanyang mga mata sa paligid nang may pagkakalkula kapag nagsasalita siya, at hindi siya mawari ng isang karaniwang tao. Medyo hindi siya angkop bilang lider ng iglesia, pero siya ay magiging napakahusay sa pangangasiwa ng mga usaping panlabas, kaya pipiliin ko siya. Kaya lang, medyo mababa ang pinag-aralan niya; nag-aalala ako na mamaliitin siya ng mga walang pananampalataya, kaya, maghahanap ako ng isang nakatapos ng kolehiyo—na naging presidente sa kanilang samahan ng mga mag-aaral—para makipagtulungan sa kanya. Medyo mautak ang taong ito pero kulang naman sa karanasan sa lipunan at, kung ikukumpara, kakaunti pa lang ang kanyang nakita sa mundo, kaya maaari siyang matuto mula sa kapareha niya. Sa dalawang taong ito, ang isa ay may mababang pinag-aralan at ang isa naman ay may mataas na pinag-aralan, ang isa ay may karanasan sa lipunan, at ang isa naman ay wala—bagay silang makipagtulungan sa isa’t isa, hindi ba?” Ang isa ay mahusay magsalita at malinaw bumigkas, matalas ang isip, at napakatanyag na tao sa lipunan; sa tuwing nakikisalamuha siya sa mga walang pananampalataya, hindi nila matukoy na isa siyang mananampalataya. Ang isa naman ay may mataas na pinag-aralan at may katayuan sa lipunan; sa tuwing nakikisalamuha siya sa mga walang pananampalataya, hindi siya minamaliit ng mga ito. Ano ang tingin ninyo sa dalawang prinsipyong ito ng mga huwad na lider sa pagpili ng mga tao? Naniniwala ang mga huwad na lider na hangga’t magaling magsalita, matalas ang isip, at mabilis kumilos ang isang tao, makakaya niyang mangasiwa ng mga pangkalahatang usapin para sa sambahayan ng Diyos. Angkop ba ang ganitong paraan ng pagpili ng mga tao? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? (Kadalasan, ang gayong mga tao ay tuso; bagama’t marunong silang makisali sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo sa iba, at marunong humawak ng mga tao, hindi nangangahulugan na kaya nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Tama iyan. Ang pinakamahalagang bagay ay na, anuman ang mga usaping pinangangasiwaan ng isang tao para sa sambahayan ng Diyos, kahit papaano, kailangang maging matuwid siya at kaya niyang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pagkakaroon ba ng kahusayan sa panghihikayat at pagsasalita na parang kayang buhaying muli ang patay ay nangangahulugan na kaya niyang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ang pagiging mabilis mag-isip, mahusay magsalita, at malinaw bumigkas ay nangangahulugan ba na kaya niyang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kahit pa manumpa siya, wala itong silbi, at gayundin kawalang saysay kung maglalatag ka ng mga hinihingi sa kanya—tiyak na mayroon siyang ganoong karakter. Pero hindi sinisiyasat ng mga huwad na lider ang ganitong mga bagay, tinitingnan lang nila kung sino ang may karanasan sa lipunan, kung sino ang tuso, mabilis mag-isip, mahusay magsalita at malinaw bumigkas, kung sino ang marunong kumilos nang angkop sa sitwasyon, at kung sino ang balimbing, at tanyag na tao sa lipunan. Sa tingin nila, ang gayong mga tao ay kayang mangasiwa ng mga pangkalahatang usapin sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t mali ito? Mali ito kung pag-uusapan ang mga prinsipyo at pamantayan ng pagpili ng mga tao. Ang totoo ay ang ganitong uri ng tao ay masyadong mahusay manghikayat: Kahit sino pa ang kaharap niya, pawang kasinungalingan ang sinasabi niya, at hindi niya kayang magbago kahit gaano pa karami ang panunumpa niya. Kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, mga sariling interes lang ang ipinagtatanggol niya, at lalo na kapag nahaharap sa panganib, pinoprotektahan niya ang kanyang sarili unang-una sa lahat, at hindi niya kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Basta’t maganda ang relasyon niya sa mga walang pananampalataya, sapat na iyon para sa kanya; kung tungkol naman sa kung napipinsala ba o hindi ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala siyang pakialam. Hindi rin niya isinasaalang-alang ang seguridad ng mga kapatid, at wala rin siyang pakialam kung nailagay man sa kahihiyan ang pangalan ng Diyos; sariling kapakanan lang niya ang iniintindi niya. Hindi makilatis ng mga huwad na lider ang ganitong klase ng tao at iniisip na siya ang pinakaangkop na mangasiwa sa mga usaping panlabas para sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t kahangalan ito? Ipinagkakanulo ng taong iyon ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero hindi man lang alam iyon ng mga huwad na lider at itinatalaga pa rin nila ang taong iyon sa mahahalagang gampanin, at umaasa rito para sa lahat ng bagay. Hindi ba’t ito ang pinakamatinding kahangalan? Mayroon bang matutuwid na layunin ang mga taong mahusay magsalita, malinaw bumigkas, at mabilis mag-isip? Kung hindi mo pa sila napakikitunguhan o maingat na napagmamasdan, hindi mo malalaman. Kapag hinaharap at pinangangasiwaan mo ang mga gawain kasama sila, obserbahan mo kung ang sinasabi nila ay tugma sa kanilang ginagawa. Maaari itong subukin sa pamamagitan ng isang kaganapan. Sabihin natin, halimbawa, kung naglilipat ka ng mga gamit. Kapag nakita nila ito, hindi ka nila tutulungan. Kapag natapos mo na ang trabaho, saka lang sila lalapit at magsasabing, “Paano mo nagawang mag-isa ang gayong nakakapagod na trabaho? Tinulungan sana kita kung sinabi mo lang, kahit gaano pa ako kaabala. Mukhang pagod na pagod ka. Ako na ang magluluto para sa iyo mamaya, hindi mo ito kailangang gawin ngayon.” Pagkatapos sabihin iyon, naglalaho sila. Pagod na pagod ka, pero kailangan mo pa ring magluto. Pagkatapos mong magluto, darating sila para kumain at sasabihin pa nga nila na, “Bakit hindi mo ako tinawagan nang magsimula kang magluto? Pagod na pagod ka na nga, at nagluluto ka pa rin para sa akin—tama ba naman iyon? Dahil nagawa mo na, kakainin ko na lang ito. Ako na ang magluluto sa susunod, at sabihan mo lang ako sa tuwing mayroon kang anumang gawaing kailangang gawin sa susunod.” Ang isang pangyayari lang na ito ang kinakailangan para makilatis sila. Masyadong matamis ang kanilang dila, mabilis mag-isip, at alam nila kung ano ang sasabihin. Alam nila kung paano kumilos nang angkop sa sitwasyon, at ang tanging ginagawa nila ay magsalita ng magagandang-pakinggan na salita, nang hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain. Maaasahan ba ang gayong mga tao? Kung hihilingin mo sa kanila na pangasiwaan ang mga pangkalahatang usapin ng sambahayan ng Diyos, makakaya ba nilang ipagtanggol ang mga interes nito? Makakaya ba nilang panindigan ang reputasyon ng iglesia at protektahan ang seguridad ng mga kapatid? (Hindi.) Numero-unong prayoridad ba nila ang ari-arian ng sambahayan ng Diyos at ang lahat ng interes nito? Malayong mangyari iyon. Ang mga mata at isipan ng mga huwad na lider ay bulag sa gayong mga madaling tukuyin na problema, at sadyang hindi nila ito nakikita. Sa halip, puro salita at doktrina lang ang kaya nilang sabihin. Sino ang minamahal ng Diyos at sino ang hindi minamahal ng Diyos, sino ang nagmamahal sa katotohanan at sino ang hindi nagmamahal sa katotohanan, ano ang ibig sabihin ng pagtataglay ng pundasyon sa pananalig sa Diyos at anong uri ng mga tao ang walang pundasyon, anong uri ng mga tao ang tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin at anong uri ng mga tao ang hindi tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin—nagsasalita sila tungkol sa mga bagay na ito sa makatwiran at lohikal na paraan, at mukhang nauunawaan talaga nila ang mga ito, ngunit puro walang kabuluhan na usapan at mga doktrina lang ito. Sa tuwing ipinapakilatis sa kanila ang mga tao, bulag ang kanilang mga mata at isipan; talagang hindi sila marunong bumasa ng mga tao. Kahit gaano pa sila katagal na nakikisalamuha sa ganitong uri ng mga tao, hindi pa rin nila nakikilatis ang mga ito, at itinatalaga pa nga ang mga ito sa mahahalagang gampanin.
Talagang isa nang karumal-dumal na bagay ang gamitin ng mga huwad na lider ang mga maling tao, ngunit dinagdagan pa nila ang maling gawang ito sa pamamagitan ng paggawa ng lalo pang mas karumal-dumal na mga bagay. Sabihin natin, halimbawa, gumamit ng maling tao ang isang huwad na lider. Hindi talaga angkop ang taong ito bilang superbisor at hindi nakakatugon sa mga pamantayan ng sambahayan ng Diyos para maiangat at malinang. Gayumpaman, iginigiit pa rin ng huwad na lider na gamitin ang taong ito at hindi kailanman iniinspeksiyon ang gawain nito, naniniwalang, “Huwag pagdudahan ang mga taong ginagamit mo, at huwag gamitin ang mga taong pinagdududahan mo. Dahil ikaw ay pinili ko at inangat kita, magagawa mo nang maayos ang gawaing ito, kaya sige lang at gawin mo ito sa anumang paraang nakikita mong naaangkop. Susuportahan kita anuman ang gawin mo, at walang saysay ang pagtutol ng sinuman dito!” Ginamit niya ang maling tao, pero hinayaan pa niyang magpatuloy ang pagkakamali niya hanggang sa huli—ganoon kalaki ang tiwala niya sa kanyang sarili. Pawang bulag ang mga huwad na lider. Hindi nila nakikita ang anumang problema, hindi nila matukoy kung sinong mga tao ang masasamang tao o mga hindi mananampalataya, at kahit sino pa ang nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, wala silang anumang kamalayan dito, at nagtatalaga pa sila ng mahahalagang gampanin sa mga tao na magulo ang isip. Nagbibigay ng labis na tiwala ang mga huwad na lider sa kung sinumang inaangat nila, at basta-bastang ipinagkakatiwala ang mahalagang gawain sa taong iyon. Dahil dito, nagugulo ng taong iyon ang gawain ng iglesia, malubhang naaapektuhan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nagkukunwari pa ang mga huwad na lider na wala silang anumang nalalaman tungkol dito. Tatanungin sila ng Itaas, “Kumusta ang pagganap ng taong inangat mo sa kanyang gawain? Angkop ba siya sa paggampan ng gawaing ito? Ipinagtatanggol ba niya ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Sa mga kritikal na sandali, poprotektahan ba niya ang kanyang sarili, o ipagtatanggol niya ang gawain ng iglesia?” Sasagot naman ang mga huwad na lider: “Nanumpa siya na ipagtatanggol ang gawain ng iglesia. Bukod pa rito, 20 taon na siyang nananampalataya sa Diyos. Paanong poprotektahan niya ang sarili niya at ipagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Malamang na ipagtatanggol niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.” Sasagot naman ang Itaas: “Tumpak ba iyang sinasabi mo? Nainspeksiyon mo ba ang gawain niya?” Sasagot ang mga huwad na lider, “Hindi ko nainspeksiyon ang gawain niya, pero sinabi ko sa kanya na huwag niyang ipagtanggol ang sarili niyang mga interes, at na kailangan niyang ipagtanggol ang gawain ng iglesia, at nangako naman siya sa akin na gagawin iyon.” Ano ba ang silbi ng pangangako niya sa iyo? Ni hindi nga niya kayang tuparin ang sinumpaan niya sa harap ng Diyos. Sa tingin mo ba na dahil lang sa nangako siya sa iyo, sigurado ka na sa kanya? Sigurado bang magagawa ng taong iyon ang ipinangako niya? Dahil hindi mo nainspeksiyon ang gawain niya, paano mo malalaman kung ang taong iyon ay isang taong nagtatanggol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Bakit ganoon na lang kalaki ang tiwala mo sa sarili mo? Hindi ba’t mga tampalasan ang gayong mga huwad na lider? Sa paggamit ng maling tao, nakagawa na sila ng malaking pagkakamali, at pagkatapos ay pinapalala pa nila ang kanilang pagkakamali sa pamamagitan ng hindi kailanman pag-uusisa, pagsusuri, o pag-iinspeksiyon sa gawain ng taong ito, at sa hindi pangangasiwa o pagmamasid dito. Ang ginagawa lang nila ay patuloy na kunsintihin ang taong ito na kumikilos nang walang pakundangan at gumagawa ng mga maling gawa. Ganito gumawa ang mga huwad na lider. Sa tuwing kulang ng mga tao ang isang aytem ng gawain, basta-bastang nagsasaayos ang mga huwad na lider ng isang taong magiging responsable para dito at iyon na iyon; hindi nila kailanman iniinspeksiyon ang gawain, o aktuwal na pinupuntahan ang mismong lugar para makisalamuha sa taong iyon, obserbahan ito, at higit pang kilalanin ito. Sa ilang lugar, hindi kanais-nais ang kapaligiran para makipagkita at gumugol ng oras kasama ang taong iyon, pero dapat kang magtanong tungkol sa gawain niya, at gumawa ng hindi direktang pag-uusisa tungkol sa kung ano ang ginagawa niya, at kung paano ito ginagawa—maaari mong tanungin ang mga kapatid, o ang isang taong malapit dito. Hindi ba’t puwede itong makamit? Pero hindi man lang nag-aabalang magtanong ng anuman ang mga huwad na lider, ganoon sila kakumpiyansa. Sa gawain nila, nagdaraos lang sila ng mga pagtitipon at nangangaral ng mga doktrina, at kapag tapos na ang mga pagtitipon at naisaayos na ang gawain, wala na silang ibang ginagawa; hindi na nila sinusubaybayan o inaalam kung ang taong napili nila ay talagang kayang gumawa ng tunay na gawain. Sa simula, hindi mo nauunawaan ang taong iyon, pero batay sa kakayahan nito at sa mga ipinapakitang pagpapamalas at kasigasigan, pakiramdam mo ay angkop ang taong napili mo para sa gawaing ito, at kaya ginamit mo ang taong ito—walang masama rito, dahil wala namang nakakaalam kung ano ang kalalabasan ng mga tao. Pero matapos itong iangat, hindi ba’t dapat mong subaybayan at tingnan kung gumagawa ba ang taong iyon ng tunay na gawain, kung paano ito gumagawa, at kung naging pabaya ba ito, tuso, o tamad? Ito mismo ang gawaing dapat mong ginagawa, pero hindi mo ginagawa ang alinman dito—hindi ka umaako ng anumang responsabilidad. Isa kang huwad na lider, at dapat kang tanggalin at itiwalag.
Ang mga huwad na lider ay gumagawa ng isang malubhang pagkakamali, na kung saan pagkatapos nilang iangat ang mga tao, ipinaliliwanag nila ang gawain sa mga ito, pagkatapos ay naglilitanya ng kaunting doktrina, nagbibigay ng ilang salita na pampalakas ng loob, at hanggang doon lang iyon, nang hindi man lang sinusubaybayan o nakikisangkot sa mga partikular na gampanin. Kung sinasabi mong may mahina kang kakayahan at wala kang kabatiran sa mga tao, puwede mo namang subaybayan at alamin kung kumusta na ang mga partikular na gampanin, at lubos mong mauunawaan ang sitwasyon. Subalit, hindi man lang sinusubaybayan at inaalam ng mga huwad na lider kung kumusta na ang gawain. Halimbawa na lang ang pag-iimprenta ng mga aklat, na isang partikular na gawain. Itinalaga ng huwad na lider ang isang tao para mamahala sa gawaing ito, pero hindi niya kinumusta ang taong ito kahit isang beses sa loob ng kalahating taon. Dahil dito, pagkatapos ng anim na buwan, lumabas na may depekto ang lahat ng naimprentang aklat—napakalaking gulo! Ganito ang mga huwad na lider—talagang hindi sila gumagawa ng anumang partikular na gawain. Ano ang dapat mong gawin kung isinasaayos mo ang pag-iimprenta ng isang aklat? Kailangan mo munang magtalaga ng isang angkop na superbisor, at pagkatapos ay pangasiwaan at suriin kung gaano kahusay niya ginagawa ang trabaho, at kung posible bang makagulo siya rito. Dapat mong pangasiwaan at subaybayan ang gawain, at direktang lutasin ang anumang problema kung mayroon kang matutuklasan—sa ganito lang matitiyak na walang lilitaw na mga isyu. Pero hindi ito ginagawa ng mga huwad na lider. Iniisip nila na ang mga responsabilidad nila ay maglitanya lang ng mga doktrina sa mga tao, at ipaunawa sa mga ito ang mga doktrina, at na hangga’t nauunawaan ng mga tao ang mga doktrina, maaaring malutas ang mga problema. Samakatwid, binibigyang-pansin lang nila ang paglilitanya ng mga doktrina at pagbibigkas ng mga islogan, at hindi nakikisangkot sa mga partikular na gampanin. Para sa mga huwad na lider, iniisip nila na hindi nila responsabilidad na makisangkot sa mga partikular na gampanin, at na ito ay dapat maging alalahanin ng mga taong nasa ilalim nila. Kaya, ano ang ginagawa nila mismo? Minamanduhan nila ang buong sitwasyon mula sa itaas at nagiging hindi epektibong opisyal. Anuman ang gawain, wala silang presensiya o pakikilahok dito. Pagkatapos sabihin sa mga tao ang mga prinsipyo, kung itinatanong sa kanila ang tungkol sa mga detalyadong isyu o mga partikular na landas, sasabihin lang nila na, “Kayo na ang bahala sa partikular na gawain, hindi ko naiintindihan ang bagay na ito.” Samakatwid, hindi nila alam kung paano ginagawa ng mga taong nasa ilalim nila ang gawain. Tungkol naman sa kung may kakayahan at angkop ba sa gawain ang superbisor, o kung ano ang pagkatao niya, o kung siya ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan, o kung responsable ba siya sa paggawa ng kanyang tungkulin, o kung pabaya ba siya o nag-aamok sa paggawa ng masasamang bagay, o kung mayroon bang mga pagkaantala sa gawain, at iba pa—walang anumang nalalaman ang mga huwad na lider tungkol dito, naglilibot-libot lang sila na tulad ng mga opisyal mula sa mundong walang pananampalataya na tagapirma lang ng papeles, nang hindi gumagawa ng anumang aktuwal na gawain. Sa mga iglesia kung saan sila gumagawa, hindi alam ng mga huwad na lider kung inihihinto ng ilang superbisor ang gawain, o kung nagtatatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian ang ilang superbisor, o kung hindi inaasikaso ng ilang superbisor ang mga tungkuling nararapat sa kanila at sa halip ay ginugugol ang kanilang mga araw sa pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya, at nagbubulag-bulagan pa sila rito kapag napakahina ng kakayahan ng ilang superbisor, baluktot ang pagkaarok, at hindi talaga kayang gawin ang gawain. Ang gayong mga huwad na lider ay parang mga hungkag na lalagyan, mga lider lang sila sa pangalan, at hindi sila gumagawa ng anumang pangunahing gawain ng isang lider. Sa panlabas, tila maganda ang asal ng mga huwad na lider na ito. Nagtatalaga sila ng mga superbisor para sa bawat aytem ng gawain, nakikipagpulong sa mga taong ito sa paminsan-minsang pagtitipon, at ginugugol nila ang kanilang natitirang oras sa isang lugar, gumagawa ng mga espirituwal na debosyon, nagdarasal, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakikinig sa mga sermon, nag-aaral ng mga himno, at nagsusulat ng sarili nilang mga sermon. May ilang huwad na lider ang hindi man lang lumalabas ng kanilang silid sa buong linggo. Mayroon ding mga huwad na lider na walang ginagawa kundi magdaos ng mga pagtitipon online, nang hindi kailanman pumupunta sa mga lugar ng gawain para unawain ang sitwasyon. Hindi sila personal na nakikita ng mga kapatid sa loob ng mahabang panahon, at walang ideya ang mga ito kung ano ang mga karanasan sa buhay o tayog ng mga huwad na lider. Sa mga pagtitipon, pinangangasiwaan lang ng mga huwad na lider ang ilang pangkalahatang usapin, pero tungkol sa kung ano ang partikular na ginagawa ng bawat superbisor, at kung angkop ba sa ibinigay na gawain ang mga taong iniangat at nilinang nila, o kung ano ang saloobin ng mga taong ito sa paggawa ng kanilang tungkulin, o kung maasikaso at mabusisi ba ang mga ito sa kanilang gawain, o kung negatibo at pabaya ba sila, o kung sumusunod ba sa tamang landas ang mga taong ito, o kung mga tamang tao ba sila, walang pakialam ang mga huwad na lider o hindi sila nagtatanong tungkol sa alinman sa mga usaping ito, at ayaw rin nilang malaman ang tungkol sa mga bagay na ito. Hindi ba’t malubha ang kalikasan ng problemang ito? (Oo.)
Kailangan ng sambahayan ng Diyos ng ilang taong may talento na nakakaunawa sa ilang propesyonal na larangan at nagtataglay ng ilang kasanayan, at lilinangin ang mga taong ito na mag-aral ng mga propesyong iyon para makagawa sila ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Anong uri ng mga tao sa tingin ninyo ang mahahanap ng mga huwad na lider? Tinitipon nila ang lahat ng kabataan na nakapag-aral sa unibersidad at sumunod sa kanilang mga magulang sa pananampalataya sa Diyos, at tinitingnan kung sino ang magaling magsalita at sino ang mahilig maging sentro ng atensiyon, at sinasabi sa kanila, “Gusto kayong linangin ng sambahayan ng Diyos; kayo ang reserbang hukbo at ang mga bagong puwersa.” Pagkatapos, itinatalaga ng mga huwad na lider ang mga taong ito na gumawa ng tungkulin. Sa katunayan, hindi pa kailanman gumampan ng tungkulin ang mga taong ito, wala silang iba’t ibang uri ng karanasan, at hindi nila nauunawaan ang anumang katotohanan. Pero pinapaboran sila at gusto sila ng mga huwad na lider, kaya sinisimulan silang linangin ng mga ito. Itinatalaga ng mga huwad na lider ang mga taong ito na gumawa ng mga tungkulin batay sa naaangkop sa kanilang kadalubhasaan sa pag-aaral; ang ilan ay itinalagang gumawa ng gawaing nakabatay sa teksto, ang ilan ay itinalaga sa paggawa ng pelikula, ang ilan ay itinalagang gumawa ng mga video, at ang ilan ay itinalaga para maging mga aktor. Para sa mga huwad na lider, basta’t may tungkuling gagawin ang mga taong ito, sapat na iyon. Hindi sinisiyasat ng mga huwad na lider kung mahal ba ng mga taong ito ang katotohanan o kung kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan, hindi rin tinitingnan ng mga huwad na lider kung ano ang hinahangad ng mga taong ito o kung ano ang mga layon ng mga ito. Sa huli, ano ang nangyayari? Natitiwalag ang ilan sa mga taong iyon. Ito ay dahil masama ang pamumuhay nila at walang pagpipigil, at hinahangad nila ang mga makamundong kalakaran, at ginugugol ang kanilang mga araw sa pagbibihis at pakikipagrelasyon sa iba, at wala silang nauunawaang kahit anong patakaran o walang kagandahang-asal man lang—halatang sila ay mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya. Hindi nila inaasikaso ang nararapat nilang gawain habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at ginagawa nila ang lahat ng bagay sa pabasta-bastang paraan, pero hindi man lang ito nakikita ng mga huwad na lider. Hindi ba’t bulag ang mata ng mga huwad na lider? (Oo.) Ano ang sanhi ng pagkabulag ng matang ito? Hindi ba’t ito ay dahil sa pagiging bulag ng isipan ng mga huwad na lider? Ang pagkabulag sa mata at pagkabulag sa isipan ay dalawang katangian ng mga huwad na lider. Kahit nakadilat ang mga mata nila, hindi nakakaunawa ng anumang bagay o nakakakilatis sa sinuman ang mga huwad na lider—ibig sabihin, bulag ang mga mata nila. Sa isipan nila, wala silang pagkilatis o mga pananaw sa sinuman o anumang bagay, at kahit ano pa ang nakikita nila, wala silang abilidad na makilala ang tama sa mali, at wala silang mga saloobin, opinyon, o depinisyon—isa itong malubhang kaso ng pagiging bulag sa isipan. Ang mga huwad na lider ay pawang mga taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon at madalas na nakikinig sa mga sermon, kaya bakit hindi nila matukoy ang mga hindi mananampalatayang iyon? Ito ay karagdagang patunay na napakahina ng kakayahan ng mga huwad na lider, na wala silang kakayahang umarok ng katotohanan, at na gaano man karaming katotohanan ang marinig nila, wala itong silbi, at hindi nila nauunawaan ang mga ito. Sila ay bulag sa mata at isipan, at ganap silang walang kakayahang kumilatis ng mga tao. Paano sila magiging angkop na mga lider o manggagawa sa iglesia? Naniniwala sila na ang magagaling magsalita ay mga taong may talento, at na ang mga taong marunong kumanta at sumayaw ay mga indibidwal na may talento rin; kapag nakakakita sila ng mga taong may suot na salamin o mga taong nakapag-aral sa unibersidad, iniisip nila na mga indibidwal na may talento ang mga ito, at kapag nakakakita sila ng mga taong may katayuan sa lipunan, mga mayamang tao, mga taong marunong magnegosyo at nagsasagawa ng pandaraya, at mga taong gumagawa ng ilang uri ng mahalagang trabaho sa lipunan, iniisip ng mga huwad na lider na ang mga ito ay mga indibidwal na may talento. Naniniwala sila na dapat linangin ng sambahayan ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao. Hindi nila tinitingnan ang karakter ng mga taong ito o kung may pundasyon ba ang pananampalataya ng mga ito sa Diyos, at lalong hindi nila tinitingnan ang saloobin ng mga taong ito sa pagtrato sa Diyos at sa katotohanan. Tinitingnan lang nila ang katayuan sa lipunan at pinanggalingan ng mga tao. Hindi ba’t katawa-tawa para sa mga huwad na lider na tingnan ang mga tao at bagay sa ganitong paraan? Ang pananaw ng mga huwad na lider sa mga tao at bagay ay kagaya ng sa mga walang pananampalataya—ganoon ang pananaw ng mga walang pananampalataya tungkol sa mga bagay-bagay. Sapat nitong pinatutunayan na ang mga huwad na lider ay hindi mga taong nagmamahal at nakakaunawa sa katotohanan, at na wala silang anumang pagkilatis. Hindi ba’t napakababaw nila? Tunay silang bulag—napakalubha!
Noon, may nakilala Akong isang huwad na lider na nagsasalita at tumatawa kapag kinakausap Ko siya, pero nang sandaling tanungin Ko siya tungkol sa gawain, natulala siya na parang manhid at hindi makaunawa, at hindi makatugon sa anumang sinasabi Ko sa kanya. Sadyang napakahina ng kakayahan ng taong ito para gamitin. Hindi nakapagtataka na wala siyang anumang naunawaan sa sinabi Ko at hindi niya ito maisagawa. Anuman ang tinatalakay Ko sa kanya, palagi niyang sinasabi, “Nagdaos ako ng pagtitipon at kinumusta ko ang gawain ilang araw na ang nakalipas.” Sabi Ko, “Wala ka bang ibang trabaho bukod sa pagdaraos ng mga pagtitipon? Napakaraming gawain ang kailangang gawin sa iglesia, bakit hindi ka maghanap ng ibang gagawin?” Sinabi niya: “Hindi ba’t ang pagiging lider o manggagawa ay tungkol lang sa pagdaraos ng mga pagtitipon? Wala nang ibang gagawin maliban sa pagdaraos ng mga pagtitipon, wala na akong iba pang alam gawin!” Ipinapakita nito na nakatadhana siyang maging isang huwad na lider noong tinanggap niya ang posisyong iyon, at na hindi niya kayang gumawa ng anumang tunay na gawain, dahil napakahina ng kakayahan niya! Ang napakahinang kakayahan ay humahantong sa pagkabulag ng mata at isipan. Ano ang ibig sabihin ng pagkabulag ng mata? Ibig sabihin nito, anuman ang nakikita ng isang tao, hindi niya makita ang mga partikular na problema, at kaya, walang silbi ang mga mata niya. Ano naman ang ibig sabihin ng pagkabulag ng isipan? Ibig sabihin nito, kahit anong mangyari, hindi namamalayan o bigong nauunawaan ng isang tao ang problema roon, at hindi niya nakikita kung saan nakasalalay ang diwa ng problema—ito ang ibig sabihin ng pagiging bulag sa isipan. Kung bulag sa isipan ang isang tao, ganap na katapusan na niya. Ganito ang pagkabulag ng mga huwad na lider sa mata at isipan. Masasabi ba ninyo na sumasama ang loob ng mga huwad na lider kapag naririnig nila ang mga salitang ito? Iniisip nila, “Medyo malaki naman ang mga mata ko, pero sinasabi Niyang bulag ang mata ko; at may mabubuti akong layunin sa isip, pero sinasabi Niyang bulag ang isipan ko—hindi partikular na tumpak ang depinisyon Niya, tama? Bakit hindi na lang ako tawaging huwad na lider? Bakit pa kailangang idagdag na bulag din ako sa mata at isipan?” Kung hindi ganoon ang pagkakasabi Ko, batay sa kakayahan ng mga huwad na lider, mapagtatanto kaya nila na mahina ang kanilang kakayahan? (Hindi.) Hindi ba’t ganap na naipapaliwanag ang bagay na ito sa pagsasabing bulag sa mata at isipan ang mga huwad na lider na ito? Halimbawa, sabihin nating nagtatatag ang isang anticristo ng kanyang nagsasariling kaharian sa iglesia. Pero sinasabi ng mga huwad na lider na, “Napakahusay ng taong ito. Dati siyang propesor sa unibersidad, at malinaw ang pananalita niya, masistema, at ito ay sa organisado at mahusay na paraan. Dagdag pa rito, hindi siya kinakabahan sa entablado, gaano man karami ang nanonood.” Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang taong tinutukoy ng huwad na lider ay isang Pariseo na nagtatatag ng nagsasarili nitong kaharian, subalit pinupuri pa rin ito ng mga huwad na lider. Hindi ba’t pagiging bulag iyon ng mata? (Oo.) Kung may kumakanta na sintunado at hindi mo ito naririnig, maituturing ba iyong pagiging bulag ng mata? (Hindi.) Isa iyong isyung propesyonal, sa halip na isyu ng kakayahan. Pero pagkatapos nilang makinig sa napakaraming katotohanan, hindi man lang makilatis ng mga huwad na lider kung ano ang mga anticristo, at hindi nila matukoy kung mabuti o masama ang pagkatao ng isang tao, o kung isa bang kandidato sa pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao, o kung ang isang tao ay isang hindi mananampalataya o kung taos-puso bang nananampalataya sa Diyos ang taong iyon, at hindi nila matukoy kung ang isang tao ay tapat sa paggawa ng kanyang tungkulin—ano, kung gayon, ang nakamit nila sa pakikinig ng mga sermon sa loob ng maraming taon na ito? Wala silang anumang nakamit na katotohanan, na nangangahulugang mga bulag na hangal sila; ganito kabulag ang mga huwad na lider. Naniniwala sila na ang pangunahing gawain ng isang lider ay ang makapangaral ng mga sermon, at makapangaral nang dalawa o tatlong oras, at na basta’t kaya nilang magsalita ng mga salita at doktrina, bumigkas ng mga islogan, at pukawin ang damdamin ng mga tao, pasok sila sa pamantayan bilang mga lider, na kaya nilang pasanin ang gawain, na mayroon silang katotohanang realidad, at na nalulugod ang Diyos sa kanila. Anong klaseng lohika ito? Dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan at napakahina ng kakayahan, at bulag sa mata at isipan, lubusang wala silang taglay na abilidad kumilatis ng iba’t ibang uri ng tao, at hindi nila malinaw na nakikilala ang iba’t ibang uri ng tao. Kung gayon, magagawa ba nilang gamitin ang iba’t ibang uri ng tao sa isang makatwirang paraan? (Hindi.) Isa lang ang estratehiya nila: Ang mga dating guro ay itinatalagang mangaral ng mga sermon, ang mga naging kabilang sa pakikipagkalakalan sa ibang bansa ay itinatalagang mangasiwa ng mga pangkalahatang usapin, ang mga marunong mag-Ingles ay itinatalagang maging mga tagasalin, at ang sinumang mahusay magsalita at makapal ang mukha ay itinatalagang mangaral ng ebanghelyo; ang mga mahiyain ay itinatalagang magsulat sa bahay ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, ang mga malakas ang loob at mahilig gumanap ay hinirang bilang mga aktor, at ang mga gustong maging opisyal ay hinirang bilang mga lider o direktor. Ganito ginagamit ng mga huwad na lider ang mga tao, nang walang anumang prinsipyo.
Sa saklaw ng gawaing nasa responsabilidad ng mga huwad na lider, madalas na napipigilan ang ilang tao na tunay na naghahangad sa katotohanan at nakatutugon sa pamantayan para maiangat at malinang. Ang ilan sa mga taong ito ay nangangaral ng ebanghelyo, at ang ilan naman ay naitalagang gumawa ng mga tungkuling pagpapatuloy sa bahay. Ang katunayan ay may kakayahan silang lahat, at nauunawaan nila ang ilang katotohanan, at karapat-dapat silang malinang bilang mga lider at manggagawa, sadyang ayaw nilang magpakitang-gilas o maging sentro ng atensiyon. Subalit, hindi man lang pinapansin ng mga huwad na lider ang mga taong ito. Hindi sila nakikisalamuha o nag-uusisa tungkol sa mga ito, at hindi sila kailanman naglilinang ng mga taong may talento para sa sambahayan ng Diyos. Nakatuon lang sila palagi sa pambibitag sa mga taong nambobola sa kanila, para matugunan ang sarili nilang mga makasariling pagnanais. Bilang resulta, ang mga taong tunay na naghahangad sa katotohanan ay hindi naiaangat at nalilinang, samantalang ang mga mahilig na maging sentro ng atensiyon, magaling magsalita, marunong sumipsip, at mahilig sa kasikatan, pakinabang, at katayuan—naiaangat silang lahat, at maging iyong mga naging opisyal, CEO ng kompanya, o nakapag-aral ng corporate management sa lipunan sa labas ay naitatalaga sa mahahalagang posisyon. Mga tunay mananampalataya man o hindi ang mga taong iyon, o mga tao man silang naghahangad sa katotohanan o hindi, ano’t anuman, sila ang mga taong naiaangat at nagagamit sa saklaw ng gawaing responsabilidad ng mga huwad na lider. Paggamit ba ito sa mga tao nang alinsunod sa mga prinsipyo? Hindi ba’t ang pag-aangat lang ng mga huwad na lider sa gayong mga tao ay katulad ng lipunang walang pananampalataya? Sa panahong gumagawa ang mga huwad na lider, ang mga tao na talagang nakakagawa ng mga bagay-bagay kapag gumagawa ng tungkulin nila, na may pagpapahalaga sa katarungan, at nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay—hindi sila naiaangat o hindi sila nalilinang, at mahirap para sa kanila na magkaroon ng mga pagkakataon para makapagsanay. Sa halip, iyong mga magaling magsalita, mahilig magpakitang-gilas, at marunong sumipsip, pati na rin ang mga mahilig sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, ang naitatalaga sa mahahalagang posisyon. Tila matatalino naman ang mga taong iyon, pero sa katunayan ay wala silang abilidad na makaarok, napakahina ng kakayahan nila at napakasama ng pagkatao nila, wala silang dinadalang tunay na pasanin sa mga tungkulin nila, at hindi talaga sila karapat-dapat na malinang. Gayumpaman, sila ang umookupa sa mga posisyon ng mga lider at manggagawa sa iglesia. Ang resulta nito ay hindi nagagawa nang maayos at mabilis ang karamihan sa gawain ng iglesia, o mabagal ang pag-usad nito, at masyadong matagal bago maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ang epekto at kinahihinatnang dulot ng maling paggamit sa mga tao ng mga huwad na lider sa gawain ng iglesia.
Karamihan sa mga huwad na lider ay may mahinang kakayahan. Bagaman tila magaling silang magsalita, wala talaga silang abilidad na makaarok sa katotohanan, hanggang sa puntong wala silang espirituwal na pang-unawa. Bulag ang kanilang mga mata at isipan, hindi nila makilatis ang anumang usapin at hindi talaga nila nauunawaan ang katotohanan, na isa nang malubhang problema. May isa pa silang mas malubhang problema, iyon ay na kapag nakaunawa at naging bihasa na sila sa ilang salita at doktrina at kaya na nilang isigaw ang ilang islogan, iniisip nilang mayroon na silang katotohanang realidad. Kaya, anumang gawain ang ginagawa nila at sinumang pinipili nilang gamitin, hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi sila nakikipagbahaginan sa iba, at lalong hindi nila sinusunod ang mga pagsasaayos sa gawain at ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Napakalaki ng tiwala nila sa sarili nila, palagi nilang pinaniniwalaan na tama ang mga ideya nila at ginagawa nila ang anumang gusto nila. Bilang resulta, kapag nahaharap sila sa isang suliranin o pambihirang pangyayari, hindi nila alam ang gagawin. Bukod pa rito, madalas silang nagkakamali sa paniniwala na, dahil maraming taon na silang gumagawa sa sambahayan ng Diyos at may sapat na karanasan na sila sa paglilingkod bilang lider doon, alam na nila kung paano patakbuhin at paunlarin ang gawain ng iglesia. Tila nauunawaan na nila ang mga bagay na ito, pero ang totoo, hindi talaga nila alam kung paano gumawa ng anumang gawain. Ginagawa nila ang gawain ng iglesia sa anumang paraang gusto nila, sinusunod nila ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, karanasan at mga nakagawian nila, at ang mga regulasyon nila. Ito ang nagdudulot ng kaguluhan at kalituhan sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at pumipigil sa kanila na magbunga ng anumang tunay na resulta. Kung may ilang tao sa isang pangkat na nakakaunawa sa katotohanan at kayang gumawa ng kaunting tunay na gawain, kaya nilang mapanatili ang pagiging normal ng gawain ng pangkat na iyon. Pero, wala talaga itong kinalaman sa huwad na lider nila. Ang dahilan kung bakit puwedeng magawa nang maayos ang gawain ay dahil may ilang mabuting tao sa pangkat na kayang gumawa ng kaunting tunay na gawain at panatilihin ang gawain sa tamang direksyon; hindi ito nangangahulugan na gumawa ng tunay na gawain ang huwad na lider nila. Walang magagawang bahagi ng gawain kung walang ilang mabuting tao na gaya nito ang namamahala. Sadyang hindi kayang gawin ng mga huwad na lider ang trabaho nila, at wala talaga silang silbi. Bakit guguluhin ng mga huwad na lider ang gawain ng iglesia? Ang unang dahilan ay na dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi nila kayang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problema, at hindi sila naghahanap ng paraan kung paano lutasin ang mga problema, kaya nagkakapatong-patong ang mga problema at humihinto ang gawain ng iglesia. Ikalawa, ang mga huwad na lider ay bulag, at hindi nila natutukoy ang mga indibidwal na may talento. Hindi nila magawan ng mga angkop na pagsasaayos ang mga tauhan ng superbisor ng pangkat, na nagreresulta sa kawalan ng naaangkop na tagapamahala sa ilang gawain, na humahantong sa pagkahinto ng gawain. Ikatlo, ang mga huwad na lider ay kumikilos nang masyadong katulad ng mga opisyal. Hindi nila pinapangasiwaan o pinapatnubayan ang gawain, at kung nasaan naroon ang kahinaan sa gawain, hindi sila maagap na nakikilahok o nagbibigay ng gabay sa mga detalye ng gawain. Halimbawa, ipagpalagay nang sa isang partikular na aytem ng gawain, ang ilang tao na gumaganap ng gawain ay mga bagong mananampalataya na walang masyadong pundasyon, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi sila masyadong pamilyar sa larangan ng gawain, at hindi pa nila masyadong naaarok ang mga prinsipyo ng gawain. Ang isang huwad na lider, dahil bulag siya, ay hindi nakikita ang mga problemang ito. Naniniwala siya na basta’t may isang taong gumagawa ng gawain, ayos na iyon; hindi mahalaga kung maayos o hindi ang pagkakagawa rito. Hindi niya alam na saanman may kahinaan sa gawain ng iglesia, dapat niya itong subaybayan, siyasatin, at patnubayan; na dapat siyang personal na makilahok sa paglutas ng mga problema at suportahan ang mga gumagawa ng kanilang mga tungkulin hanggang sa maunawaan ng mga ito ang katotohanan, makakilos ang mga ito ayon sa mga prinsipyo, at makapasok sa tamang landas. Kapag naabot na ang puntong ito, saka lang hindi na nila kailangang mag-alala nang labis. Hindi ganito gumawa ang mga huwad na lider. Kapag nakikita nilang may taong naroroon para gumawa ng gawain, hindi na nila ito pinapansin. Hindi sila nagtatanong, anuman ang kalagayan ng gawain. Kung saan may kahinaan sa gawain, o kung may isang superbisor na may mahinang kakayahan, hindi sila personal na nagbibigay ng gabay sa gawain, at hindi sila mismo nakikilahok sa gawain. At kapag ang isang superbisor ay may kakayahang pasanin ang trabaho, ang mga huwad na lider ay lalong hindi personal na nagsusuri sa mga bagay-bagay o nagbibigay ng gabay; nagpapasarap lang sila, at kahit na may mag-ulat ng isang isyu, hindi sila nagtatanong tungkol dito—iniisip nilang hindi na ito kailangan pa. Walang ginagawa ang mga huwad na lider na anuman sa partikular na gawaing ito. Sa pagbubuod, ang mga huwad na lider ay mga bulok na tao na hindi gumagawa ng kahit katiting na tunay na gawain. Naniniwala sila na sa anumang gawain, basta’t may isang taong namamahala at nakahanda ang lahat na akuin ang gawain, tapos na ang mga bagay-bagay. Iniisip nila na ang kailangan lang nilang gawin ay magdaos ng pagtitipon paminsan-minsan, at magtanong-tanong kung may lumitaw na isyu. Habang gumagawa sa ganitong paraan, naniniwala pa rin ang mga huwad na lider na mahusay ang kanilang ginagawa at nasisiyahan sila nang husto sa sarili nila. Iniisip nila, “Walang problema sa anumang aytem ng gawain. Ang lahat ng tauhan ay ganap nang naisaayos, at ang mga superbisor ay nakatalaga na. Napakagaling ko sa gawaing ito, talagang may talento ako!” Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Sobrang bulag ng mga mata at isipan nila na hindi nila nakikita ang anumang mga gampanin na dapat gawin at hindi nila natutuklasan ang anumang mga problema. Sa ilang lugar, tumigil na ang mga gawain, pero ayon sila, kontento, iniisip nila, “Bata pa ang lahat ng kapatid, mga baguhan silang lahat. Ganadong-ganado sila sa pagharap sa mga tungkulin nila; siguradong magagawa nila nang maayos ang gawain.” Ang totoo, mga baguhan ang mga kabataang ito, wala silang nauunawaan sa anumang mga propesyonal na kasanayan. Kailangan nilang matuto habang gumagawa sila. Naaangkop na sabihing hindi pa nila alam kung paano gawin ang anumang gawain: Ang ilan ay maaaring may kaunting maunawaan, pero hindi sila mga eksperto, at hindi nila naaarok ang mga prinsipyo, at kapag nakatapos sila ng isang gampanin, kailangan itong paulit-ulit na itama o madalas na ulitin pa nga. Mayroon ding ilang kabataang hindi pa nakapagsanay at hindi pa nakaranas ng pagpupungos. Labis silang salaula at tamad, at sakim sa kaginhawahan; hindi nila tinatanggap kahit katiting na katotohanan, at kapag nagdurusa sila nang kaunti, walang tigil ang kanilang paghihimutok. Karamihan sa kanila ay mga pabasta-bastang bulok na tao na nag-iimbot ng kaginhawahan. Sa ganitong uri ng mga kabataan, dapat talagang makipagbahaginan ka nang madalas sa kanila tungkol sa katotohanan, at lalong dapat mo silang pungusan. Dapat na may isang taong namamahala at nagbabantay sa mga kabataang ito. Dapat mayroong lider o manggagawa roon na personal na umako ng responsabilidad sa gawain nila at nagbibigay ng personal na pangangasiwa at paggabay Sa ganoong paraan lang maaaring magbunga nang kaunti ang gawain nila. Kung ang lider o manggagawa ay aalis sa lugar ng gawain at hindi niya aasikasuhin ang gawain o hindi siya magtatanong tungkol dito, magkakagulo-gulo ang mga taong ito, at walang anumang magiging bunga ang pagganap nila sa kanilang tungkulin. Gayumpaman, walang kabatiran ang mga huwad na lider tungkol dito. Nakikita nila ang lahat bilang mga kapatid, bilang mga taong masunurin at mapagpasakop, kaya malaki ang tiwala nila sa mga ito, at binibigyan ang mga ito ng mga trabaho at pagkatapos ay hindi na iniintindi ang mga ito—ito ang pinakamainam na ebidensiya ng pagiging bulag ng mata at isipan ng mga huwad na lider. Hindi talaga nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi nila malinaw na nakikita ang mga bagay, at hindi nila kayang matuklasan ang anumang problema, pero iniisip nilang maayos ang ginagawa nila. Ano ang iniisip nila sa araw-araw? Iniisip nila kung paano kumilos na parang isang opisyal at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Ang mga huwad na lider, tulad ng mga taong walang isip, ay hindi isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos kahit kaunti. Wala silang ginagawang tunay na gawain, pero naghihintay pa rin sila na purihin sila ng sambahayan ng Diyos at iangat sila nito. Talagang wala silang kahihiyan!
Ganap na walang silbi ang mga huwad na lider sa paggawa ng kanilang mga gawain, at walang anumang kapuri-puri tungkol sa kanila. Bigo silang maarok ang mga prinsipyo pagdating sa kabuuang sitwasyon, lalo na ang mga nauugnay sa partikular na detalyadong gawain. Halimbawa, may ilang tao na may mahuhusay na propesyonal na abilidad ngunit sobrang mahina ang pagkatao, samantalang may iba naman na walang problema sa kanilang pagkatao, pero may mahinang kakayahan at mahinang mga propesyonal na abilidad. Pagdating sa kung paano dapat gamitin at italaga ang mga taong ito sa makatwirang paraan, mas lalong kakaunti ang alam ng mga huwad na lider sa ganitong mga mas tiyak at detalyadong bagay. Kaya, sa tuwing tinatanong ang mga huwad na lider kung nakahanap sila ng sinuman na medyo may mahusay na kakayahan na puwedeng linangin, sinasabi nilang wala pa silang nahahanap na sinuman. Sobrang bulag ang mga huwad na lider—paano sila makakahanap ng sinumang tao? Kung tatanungin mo sila kung ano ang katangian ni Sister Ganito-at-ganyan, sasabihin nilang nag-iimbot ang sister na ito ng mga kaginhawahan ng laman; tanungin mo sila kung ano ang katangian ni Brother Ganito-at-ganyan, at sasabihin nilang madalas na negatibo ang brother na ito; tanungin mo sila kung ano ang katangian ng iba pang tao, at sasabihin nila sa iyo na matagal nang hindi nananampalataya sa Diyos ang taong iyon at walang pundasyon. Sa mga mata nila, walang sinuman ang sapat na mahusay. Tinitingnan lang nila ang mga kamalian, pagkukulang, at pagsalangsang ng ibang tao; hindi nila magawang suriin kung umaayon ba ang isang tao sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pag-aangat at paglilinang, o kung ang taong ito ba ay isang mabuting kandidato para sa pag-aangat at paglilinang. Hindi nila matukoy kung sino ang tunay na naaangkop na iangat at linangin, pero sobrang masigasig at mabilis nilang inaangat iyong mga hindi nakakatugon sa mga hinihingi at mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Inaangat nila ang lahat ng mayayamang babae, mayayamang lalaki, at mga anak ng mayayamang pamilya sa iglesia, pati na iyong nakapaglingkod bilang mga opisyal sa mundo sa labas, iyong mga magaling magsalita, at iyong mga marunong mandaya at manggantso—sa anumang kaso, inaangat nila ang sinumang kilala at respetado sa mundo sa labas at ang sinumang mahilig magpapansin. Naniniwala sila na ang mga taong ito ang tanging may talento, at wala silang natutukoy o inaangat kahit isang tao na talagang nagtataglay ng abilidad na umarok at kayang tumanggap ng katotohanan. Magiging mas mahirap para sa isang huwad na lider na magbigay ng isang tunay na kalipikadong talento para sa sambahayan ng Diyos kaysa sa maglakad siya papuntang buwan. Halimbawa, sabihin natin na kasalukuyang nangangailangan ang sambahayan ng Diyos ng mga indibidwal na may talento para sa gawaing nakabatay sa teksto—may ganitong uri ng indibidwal sa isang iglesia na pinamamahalaan ng isang huwad na lider, pero hindi inirerekomenda ng huwad na lider na iyon ang pangalan ng taong ito. Kapag tinanong ang huwad na lider kung bakit hindi niya iniangat o nilinang ang indibidwal na iyon, sasabihin niya: “Dalawang beses na nakiapid ang taong iyon habang nasa unibersidad, pero hindi na niya iyon inulit simula nang mag-asawa siya. Hindi ko alam kung dapat ba siyang iangat o hindi.” Anong klaseng pahayag ito? Magagarantiyahan mo ba na ang mga mayaman at makapangyarihang taong inaangat mo ay hindi kailanman nakiapid? Hindi ba’t mas lalo pa itong ginagawa ng mga taong iyon? Bakit hindi mo nakikita iyon? Ang mga huwad na lider ay sobrang huwad na espirituwal, ipinapalabas nilang may alam silang ilang prinsipyo, at naghahanap ng mga dahilan para pangatwiranan ang hindi nila pag-aangat sa mga dapat sanang iangat at linangin. Sa mga mata nila, ang lahat ay mas mababa sa kanila. Ano ang nangyayari sa huli? Nakapanindigan ba ang mga “elitista” at “taong may talento” na iniangat ng mga huwad na lider? Hindi naman sa sinasabi nating tiyak na hindi mabubuting tao ang mga taong ito. Ang pangunahing inilalantad natin ay na ang prinsipyo ng mga huwad na lider sa pagtrato sa mga tao ay ang gamitin ang mga kuru-kuro ng tao bilang kanilang sukatan, sa halip na ang katotohanan, at na ang prinsipyo nila sa pag-aangat at paglilinang sa mga tao ay ang sumunod sa sarili nilang mga kuru-kuro, imahinasyon, at kagustuhan, at sa ganap na pananaw ng mga walang pananampalataya, sa halip na gamitin ang mga hinihinging pamantayan ng sambahayan ng Diyos bilang kanilang sukatan. Bakit nagagawa ito ng mga huwad na lider? Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos, nagagawa nilang iangat iyong mga sadyang hindi nakakatugon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, tumutuon sa paglilinang ng mga ito, at hinahayaan ang mga ito na humawak ng mahahalagang gawain sa sambahayan ng Diyos. Ganoon ang gawaing ginagawa ng mga huwad na lider. Tingnan ang mga huwad na lider sa paligid mo; hindi ba’t ganito sila gumawa at ganito nila tratuhin ang mga tao?
May isang partikular na pananaw na madalas na nabubunyag sa mga huwad na lider: Iniisip nila na ang mga may kaalaman, may katayuan, at ang mga nakapagserbisyo bilang mga opisyal sa mundo sa labas ay pawang mga taong may talento, at na dapat linangin at gamitin ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao matapos silang magsimula na manampalataya sa Diyos. Talagang pinahahalagahan at sinasamba nila ang mga taong iyon—itinuturing pa nila ang mga ito na parang sarili nilang kamag-anak at kapamilya. Kapag ipinapakilala nila ang mga taong ito sa iba, madalas nilang ikinukuwento kung paanong sa mundo sa labas, ang mga taong ito ang boss ng isang kompanya, o ang lider ng isang departamento ng gobyerno, o editor ng ilang pahayagan, o direktor sa departamento ng pampublikong seguridad, o ikinukuwento nila kung gaano kayaman ang mga ito. Napakataas ng tingin ng mga huwad na lider sa gayong mga tao. Ano ang masasabi ninyo, may kakayahan ba ang mga huwad na lider? Hindi ba’t sila ay huwad na espirituwal, at hindi nakakikilatis sa mga bagay-bagay? Iniisip ng mga huwad na lider na sapagkat ang mga taong ito ay mga indibidwal na may talento sa lipunan, dapat silang linangin ng sambahayan ng Diyos at bigyan sila ng mahalagang papel na gagampanan sa pagpasok nila rito. Tama ba ang pananaw na ito? Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Kung walang pagmamahal sa katotohanan ang mga taong ito kahit kaunti, at walang konsensiya at katwiran, maaari ba silang linangin at bigyan ng mahalagang tungkulin ng sambahayan ng Diyos? Hindi sila kalipikadong linangin. Ang katunayan na sila ay mga indibidwal na may talento sa gitna ng mga walang pananampalataya ay hindi nangangahulugan na sila ay mga taong may talento sa sambahayan ng Diyos, ngunit gustong-gusto ng mga huwad na lider na ito ang pagiging opisyal, at labis nilang sinasamba ang mga naging opisyal. Sa tuwing nakakakita sila ng mga taong naging opisyal o may katayuan sa mundo sa labas, labis-labis silang nagbibigay-galang at kumikilos nang sobrang mapagpalugod sa mga ito, parang mga alipin sa harap ng kanilang amo; desperado silang nagnanais na tawagin ang mga ito na nanay o tatay, o ate o kuya, at hinihiling din nilang maiangat ang mga taong ito para maging mga lider o manggagawa sa iglesia. Sabihin ninyo sa Akin, mga tao ba ito na naghahangad sa katotohanan? Ang pagkakaroon ba nila ng kaunting katayuan at pagtatamasa ng kaunting kabantugan sa mundo sa labas ay nangangahulugan na angkop silang magserbisyo bilang lider o manggagawa sa sambahayan ng Diyos? Kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan at puno sila ng mayabang at palalong disposisyon, karapat-dapat ba silang maging lider o manggagawa sa sambahayan ng Diyos? Naaayon ba sa mga prinsipyo na iangat ang mga tao sa pamamagitan lang ng pagtutuon sa kanilang katayuan at kabantugan, at pagbabalewala sa kanilang karakter? Alam ba ng mga huwad na lider kung anong klaseng mga tao ang gusto ng Diyos, at anong klaseng mga tao ang inaangat at ginagamit Niya? Paulit-ulit na binibigyang-diin ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos na dapat iangat at linangin ang mga tao ayon sa tatlong pamantayan: Una, dapat nagtataglay sila ng pagkatao, konsensiya, at katwiran; pangalawa, dapat sila ay isang taong nagmamahal sa katotohanan at kayang tanggapin ang katotohanan; at pangatlo, dapat mayroon silang sapat na kakayahan at nagtataglay ng kapabilidad sa gawain. Tanging ang mga nakakatugon sa tatlong pamantayang ito ang maaaring iangat at linangin, at kalipikado na maging mga kandidato at maging mga lider o manggagawa. Talagang hindi sapat ang magtaglay lang ng kakayahan at talento. Karakter ang una, at pangalawa, mahalaga ang magawang tanggapin ang katotohanan—ang dalawang ito ang mga pinakamahalagang pamantayan. Kung iniaangat ang masasamang tao na walang pagmamahal para sa katotohanan, magiging kapinsa-pinsala ang mga kahihinatnan, kaya, ang mga walang pagkatao ay tiyak na hindi pahihintulutang maiangat. Pero binabalewala ng mga huwad na lider ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Kapag pumipili at gumagamit ng mga tao, palagi nilang pinagtutuunan kung mayroon bang katayuan sa lipunan ang isang tao, kung ano ang pinagmulan at posisyon nito, kung mataas ba ang antas ng pinag-aralan nito, at kung gaano kataas ang reputasyon nito sa lipunan—ito ang mga aspekto na kanilang pinagtutuunan kapag nag-aangat at naglilinang ng mga tao. Naaayon ba ito sa mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos? Naaayon ba ito sa katotohanan ng mga salita ng Diyos? Sino ang mga taong iyon na may katayuan sa lipunan? Masasabi na sila ay pawang mga taong nakikipaglaban para sa kapangyarihan at katayuan sa anumang paraan, at na sila ay kay Satanas. Kung hahawak sila ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos, magiging iglesia pa rin ba ito ng Diyos? Ano ang pakay ng mga huwad na lider sa pag-aangat ng mga taong kay Satanas para maging mga lider? Ang ganitong pagkilos ba ay naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paglilinang at paggamit ng mga tao? Hindi ba’t hayagang panggugulo at pagsira ito sa gawain ng iglesia? Ang walang prinsipyong pag-aangat at paglilinang ng mga huwad na lider sa mga tao ay ang nagdudulot ng pinakamatinding pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, at isang paraan ng paglaban sa Diyos.
Sobrang hina ng kakayahan ng mga huwad na lider at wala silang abilidad na umarok sa katotohanan. Kahit gaano karaming sermon ang pinakikinggan nila o gaano karaming salita ng Diyos ang binabasa nila, hindi pa rin sila ganap na nakakaarok, o nakakaunawa sa katotohanan, at kahit ilang taon na silang nangangaral ng mga doktrina, hindi nila nauunawaan ang sinasabi nila, puro kalokohan lang ito, at imposibleng maintindihan! Kaya nilang makaalala at mangaral ng kaunting doktrina, kaya akala nila ay mayroon silang katotohanang realidad, pero wala silang ginagawang may kaugnayan sa katotohanan—ito ang mga pinakatipikal na halimbawa ng mga Pariseo. Sa panlabas, tila madalas silang nangangaral sa mga tao, at nagsasabi ng magagandang-pakinggang bagay, na parang nauunawaan nila ang katotohanan, ngunit ang ginagawa nila ay kontra sa katotohanan at kabaligtaran nito. Sinasabi rin nila na pinaglilingkuran nila ang Diyos at ginagawa ang gawain ng iglesia, samantalang sa katunayan, ang lahat ng ginagawa nila ay lubusang mapanlaban sa Diyos. Hindi kailanman inaangat ng mga huwad na lider ang mga taong may talento na kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos, at hindi nila pinapansin at nagbubulag-bulagan sila sa mga medyo matapat na tao na tunay na naghahangad sa katotohanan. Sa halip, inaangat at nililinang nila iyong mga nambobola, iyong mga tuso at mapanlinlang, at iyong may mga ambisyon at mga pagnanais na tumanggap ng gawain sa iglesia. Ang resulta ng lahat ng ito ay na, pagkalipas ng ilang panahon na nasa gawain ang mga taong iyon, ang iba’t ibang gawain sa iglesia ay humihinto at halos napaparalisa, at kaya, ang gawain ng iglesia ay nasisira sa mga kamay ng mga huwad na lider na ito. Hindi ba’t kasuklam-suklam sila, ang uri ng mga taong ito na mga huwad na lider? Dapat ba silang tanggalin? Dapat silang tanggalin! Ang bawat araw ng pagkaantala ay nakakaapekto sa gawain ng iglesia sa isang buong araw. Ayaw magbitiw nang kusa ng ilang huwad na lider kahit alam nilang wala silang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, at patuloy na nahuhumaling sa mga pakinabang ng katayuan, at aabot pa sa puntong pipinsalain ang gawain ng iglesia. Mayroon bang kahit katiting na katwiran ang mga taong ito? Walang abilidad na umarok ang mga huwad na lider, o anumang tunay na talento at tunay na kaalaman, at hindi ang mga taong naghahangad sa katotohanan, at nag-iimbot din sila sa mga pakinabang ng katayuan—sila ay mga taong walang kahihiyan; kaya’t tiyak na hindi sila dapat iangat at linangin. Kung sa tingin mo ay napakahina ng iyong kakayahan, at na wala kang abilidad na makilala ang tama sa mali, at na wala kang abilidad na maarok ang katotohanan, kung gayon, anuman ang gawin mo, huwag kang magpasasa sa iyong mga ambisyon at mga pagnanais, at huwag mong pagbulayan kung paano magsumikap na maging isang opisyal sa iglesia—sa pagiging lider ng iglesia—hindi ganoon kadali ang maging lider. Kung hindi ka isang matapat na tao at walang pagmamahal sa katotohanan, sa sandaling maging isa kang lider, magiging isa kang anticristo o isang huwad na lider. Mga taong walang konsensiya at katwiran ang kapwa mga anticristo at mga huwad na lider, at mga taong kayang gumawa ng kasamaan at guluhin ang gawain ng iglesia. Bagama’t totoong masasabi na mga diyablo at Satanas ang mga anticristo, hindi rin mabubuting tao ang mga huwad na lider; sa pinakamababa, sila ay mga taong tahasang walang kahihiyan, na walang konsensiya at katwiran. Mayroon bang anumang marangal sa pagiging isang huwad na lider at sa pagkakatanggal? Nakakahiya iyon, isang mantsa, at talagang walang anumang ikinararangal tungkol dito. Kung may pagpapahalaga ka sa pasanin sa gawain ng iglesia, at nais makilahok doon, mabuti ito; ngunit dapat mong pagnilayan kung nauunawaan mo ba ang katotohanan, kung nagagawa mo bang magbahagi sa katotohanan para lutasin ang mga isyu, kung nagagawa mo bang tunay na magpasakop sa gawain ng Diyos, at kung nagagawa mo bang isagawa nang maayos ang gawain ng iglesia ayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Kung nakakatugon ka sa mga pamantayang ito, maaari kang tumakbo upang maging lider o manggagawa. Ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito ay na kahit papaano, dapat magtaglay ng kamalayan sa sarili ang mga tao. Tingnan muna kung nagagawa mo bang makilatis ang mga tao, kung kaya mo bang maunawaan ang katotohanan at magawa ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo. Kung natutugunan mo ang mga hinihinging ito, angkop kang maging lider o manggagawa. Kung wala kang kakayahang suriin ang sarili mo, maaari mong tanungin ang mga tao sa paligid mo na pamilyar sa iyo o malapit sa iyo. Kung sinasabi nilang lahat na hindi sapat ang kakayahan mo para maging isang lider, at na sapat na ang paggawa mo lang nang maayos sa kasalukuyan mong gawain, kung gayon ay dapat mong agad na kilalanin ang iyong sarili. Dahil mahina ang kakayahan mo, huwag gugulin ang lahat ng oras mo sa pagnanais na maging lider—gawin mo lamang ang kaya mo, gawin nang maayos ang iyong tungkulin nang praktikal, upang magkaroon ka ng kapayapaan ng isipan. Mabuti rin ito. At kung kaya mong maging lider, kung talagang taglay mo ang gayong kakayahan at talento, kung taglay mo ang kapabilidad sa gawain, at mayroong pagpapahalaga sa pasanin, ikaw ay tiyak na uri ng tao na may talento na kulang sa sambahayan ng Diyos, at siguradong maaangat at malilinang; ngunit may oras ang Diyos sa lahat ng bagay. Ang hiling na ito—ang hiling na maiangat—ay hindi ambisyon, ngunit dapat mayroon kang kakayahan, at natutugunan ang mga pamantayan, para maging lider. Kung mahina ang iyong kakayahan subalit ginugugol pa rin ang lahat ng oras mo sa kagustuhan na maging lider, o tumanggap ng ilang mahahalagang gampanin, o maging responsable sa pangkalahatang gawain, o gumawa ng isang bagay na nagtutulot sa iyo na maitangi ang iyong sarili, sinasabi Ko sa iyo: Ito ay ambisyon. Maaaring magdala ng sakuna ang ambisyon, kaya dapat kang mag-ingat dito. Lahat ng tao ay may pagnanais na umusad at handang magpunyagi tungo sa katotohanan, na hindi naman problema. Ang ilang tao ay may kakayahan, nakatutugon sa mga pamantayan ng pagiging mga lider, at nagagawang magpunyagi tungo sa katotohanan, at mabuting bagay ito. Ang iba ay walang taglay na kakayahan, kaya dapat silang tumuon sa sarili nilang tungkulin, gampanan nang maayos ang tungkuling nasa harapan nila mismo at gawin ito ayon sa prinsipyo, at ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; para sa kanila, mas mabuti iyon, mas ligtas, mas makatotohanan.
Ang mga inihalal bilang mga lider at manggagawa, o mga iniangat at nilinang ay hindi dapat nangangarap nang gising, sa pamamagitan ng pag-aakalang, “Pinili ako ng mga kapatid mula sa napakaraming tao, iniangat ng sambahayan ng Diyos, kaya talagang mayroon akong kaunting talento, at mas magaling ako kaysa sa mga ordinaryong tao; sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang.” Mabuti bang mag-isip nang ganito? Hindi ba’t pagbubunyag ito ng tiwaling disposisyon? (Oo.) Ang maiangat at malinang ay isang mabuting bagay at isang magandang oportunidad, pero kung kaya mo ba o hindi na tahakin ang landas na ito nang maayos ay nakadepende sa kung paano mo haharapin ang oportunidad na ito at kung kaya mo ba itong pahalagahan. Binigyan ka ng Diyos ng pagkakataong ito, pero hindi iyon nangangahulugan na mas magaling ka talaga kaysa sa iba; maaaring mas mahusay nang kaunti ang kakayahan mo kaysa sa iba o na mayroon kang ilang kaloob, pero mahirap sabihin kung ano ang iyong buhay pagpasok at kung taglay mo ba ang katotohanang realidad—dahil magkakapareho ang mga tiwaling disposisyon ng lahat ng tao, at isa ka ring miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Kung mapagtatanto mo ito, magagawa mong harapin nang tama ang pag-aangat at paglilinang sa iyo ng sambahayan ng Diyos. Hindi mo dapat ituring ang iyong sarili bilang isang taong may talento, ni isipin na taglay mo ang katotohanang realidad. Sadyang mayroon ka lang kaunting kakayahan at kayang magsumikap tungo sa katotohanan, kaya nabigyan ka ng pagkakataong sanayin ang sarili mo. Panahon ito ng probasyon, at hindi pa tiyak kung ikaw ba talaga ay isang taong naghahangad sa katotohanan, o kung karapat-dapat ka bang linangin. Mahirap sabihin kung magagawa mo bang manindigan pagkatapos mabigyan ng pagsubok sa panahong ito. Maaaring panatilihin ka para patuloy na linangin, o maaaring itiwalag ka—nakadepende ang lahat ng ito sa kung gaano ka magsisikap. Ito ang tungkol sa pag-aangat sa mga tao para maging mga lider at manggagawa, at dapat mong maunawaan iyon. Walang saysay na ikaw mismo ay nag-iisip na isa kang taong may talento. Kung hindi ka inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos, isa kang walang kuwenta. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at ayaw mong gamitin ka ng sambahayan ng Diyos, wala kang anumang maisasakatuparan. Kung sasabihin mong, “Hindi ako ginagamit ng sambahayan ng Diyos, lalabas ako tungo sa lipunan,” sige kung gayon, lumabas ka tungo sa lipunan at subukan mo, tingnan mo kung sino ang mag-aangat sa iyo, at tingnan mo kung ano ang kaya mong maisakatuparan. Ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito sa inyo ay na dapat mayroon kayong tamang pag-unawa at pagharap sa pag-aangat at paglilinang sa inyo ng sambahayan ng Diyos. Ang mga may mahina o katamtamang kakayahan at hindi nakatutugon sa pamantayang hinihingi para sa pag-aangat at paglilinang sa sambahayan ng Diyos ay kailangan lang tuparin ang kanilang tungkulin nang masunurin at matatag. Basta’t ginagawa mo ang iyong tungkulin nang buo mong puso at isipan, hindi ka tatratuhin ng Diyos nang hindi patas. Kaya, huwag kayong makipag-away tungkol sa mga usapin ng pag-aangat at paglilinang, pero huwag din ninyong tanggihan ang mga ito; hayaan lang ang lahat na dumaloy nang natural; sa isang banda, dapat ninyong sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at sa kabilang banda, dapat kayong magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos—ito ang tamang daan. Madali ba itong gawin? (Oo, madali.) Mayroon bang anumang pakinabang sa isang taong may mahinang kakayahan na maging isang lider? Sa huli, kapag nailarawan siya bilang isang huwad na lider at naitiwalag, ano ang mararamdaman niya tungkol dito? Iyon ba ang ginusto ninyo? (Hindi.) Dadalhin ninyo ang titulong “huwad na lider” sa inyong ulo, at kahit saan kayo magpunta, sasabihin ng mga tao na, “Minsang naging huwad na lider ang taong ito.” Mabuti ba iyon o masama? Hindi iyon mabuti, at hindi iyon isang bagay na marangal. Ang mga tao ay dapat magkaroon ng tamang pag-unawa at saloobin sa pag-aangat at paglilinang; sa mga bagay na ito, dapat nilang hanapin ang katotohanan, at hindi sila sumunod sa sarili nilang kalooban, o magkaroon ng mga ambisyon at mga pagnanais. Kung pakiramdam mo ay mahusay ang kakayahan mo ngunit hindi ka pa inangat ng sambahayan ng Diyos kahit kailan, ni walang anumang planong linangin ka, huwag kang madismaya o magsimulang magreklamo, tumuon ka lamang sa paghahangad sa katotohanan at pagpupunyaging sumulong. Kapag mayroon kang kaunting tayog at kaya mong gumawa ng tunay na gawain, natural na pipiliin kang maging lider ng hinirang na mga tao ng Diyos. At kung pakiramdam mo ay mahina ang kakayahan mo, at na wala kang tsansang maiangat o malinang, at na imposibleng makamtan ang iyong mga ambisyon, hindi ba mabuting bagay ito? Poprotektahan ka nito! Dahil mahina ang iyong kakayahan, kung makatagpo ka ng isang grupo ng mga bulag na magulo ang isip na pinili kang maging kanilang lider, hindi ba’t malalagay ka sa panganib? Hindi mo kayang gumawa ng anumang gawain at bulag ang iyong mga mata at isipan. Lahat ng ginagawa mo ay panggagambala; bawat galaw mo ay paggawa ng masama. Mas mabuti pang gawin mo nang maayos ang gawain ng kasalukuyan mong tungkulin; kahit papaano ay hindi mo maipapahiya ang iyong sarili, at mas mabuti iyon kaysa maging isang huwad na lider at maging puntirya ng kritisismo sa likod ng mga eksena. Bilang isang tao, dapat mong sukatin ang iyong sarili, dapat kang magkaroon ng kaunting kamalayan sa sarili; kung magkagayon, maiiwasan mong tumahak sa maling landas at gumawa ng malulubhang pagkakamali.
Gusto ba ninyong maging huwad na lider, o isang ordinaryong tagasunod? (Isang ordinaryong tagasunod.) Kung ihahalal ka ng mga kapatid, subukan mo ito; baka mas tumpak ang pananaw nila sa iyo kaysa sa pakiramdam mo tungkol sa iyong sarili. Kung sa tingin ng mga kapatid ay kaya mo, dapat mong ibigay ang lahat ng makakaya mo. Kung talagang sinubukan mong gawin ang lahat ng iyong makakaya pero nabibigo ka pa rin sa iyong gawain, at ang puso mo ay nag-aalab sa pagkabalisa na hindi ka makakain o makatulog nang dahil dito, at talagang hindi mo alam kung paano ito gawin nang maayos, kung gayon, tumigil ka sa pagiging lider o manggagawa—masyadong mahirap ito para sa iyo. Kung magpapatuloy ka, malamang na magiging isa kang huwad na lider, kaya dapat kang kaagad na sumulat ng isang liham ng pagbibitiw, na nagdedeklarang: “Dahil mahina ang kakayahan ko at walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, kung ipagpapatuloy ko ang pagiging lider, hindi magtatagal ay tiyak na magiging isa akong huwad na lider sa huli, kaya, hinihiling ko na magbitiw, at kusang-loob na talikuran ang posisyon.” Ito ang pinakamatalinong paraan ng pagkilos, at ang pinakaangkop na gawin! Ito ay makatwiran, at mas mainam kaysa sa manatili sa posisyon at maging isang huwad na lider. Kung alam na alam mo na may mahina kang kakayahan at wala kang kakayahang maging lider pero hindi mo matiis na bitiwan ang katayuan, at sinasabi sa iyong sarili, “Bakit hindi ko ito kayang gawin? Sino ang makakatulong sa akin? Napakaganda kung mapapanatili ko ang katayuan ko bilang lider habang may iba na nag-iisip ng lahat ng plano at estratehiya para sa akin! Sa ngayon, walang ibang naaangkop na pumalit sa puwesto ko, kaya’t maaari lang akong magpatuloy sa pagiging isang lider at magpakasaya rito sa bawat araw na nasa tungkulin ako; kahit na hindi ko magawa ang gawain, ako pa rin ang lider, at mas mainam ang maging isang lider kaysa sa maging isang ordinaryong kapatid. Kung hindi ako tatanggalin ng sambahayan ng Diyos at hindi ako aalisin ng mga kapatid, hindi ako magbibitiw.” Tama ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? (Hindi ito makatwiran; kung wala akong kakayahang gumawa ng tunay na gawain at hindi pa rin ako magbibitiw, maaantala lang nito ang gawain ng iglesia.) Ang ganitong pagkilos ay nakakaantala sa gawain ng iglesia—nasasaktan nito ang iba at ang iyong sarili. Alam mo ba kung ano ang kahulugan ng maging lider? Nangangahulugan ito na may tuwiran kang ugnayan sa buhay pagpasok ng maraming tao, at may tuwirang ugnayan ang pamumuno mo sa kung paano nila tatahakin ang landas na nasa kanilang harapan. Kung namumuno ka nang maayos at inaakay mo sila sa tamang landas, magagawa nilang tumahak sa tamang landas. Kung hindi ka namumuno nang maayos at inaakay mo sila sa kapahamakan, at naging Pariseo sila kagaya mo, malaki ang iyong kasalanan! At pagkatapos mong gawin ang malaking kasalanan na ito, iyon na ba ang magiging katapusan nito? Itatala ito ng Diyos! Alam na alam mo na mahina ang iyong kakayahan, na isa kang huwad na lider, at walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, subalit hindi ka umaamin sa iyong mga kamalian at nagbibitiw, kundi walang pakundangang kumakapit sa iyong posisyon, at ayaw mo itong isuko sa iba. Isa itong kasalanan, at tatandaan ito ng Diyos. At makakabuti ba o makakasama sa iyong hinaharap na tinatandaan Niya ito? Manganganib ka! Tapatan Kong sasabihin sa iyo ang katotohanan: Tinatandaan ng Diyos ang gayong mga bagay para sa bawat isang tao, at bawat aytem ay nakasulat nang malinaw. Kung may napakatinding bagay na mangyayari sa iyong landas tungo sa kaligtasan, malaki ang magiging epekto nito sa iyo! Anuman ang gawin mo, huwag mong tahakin ang landas na ito, at huwag kang maging ganitong klase ng tao.
Maikli nating napagbahaginan ang ilan sa mga pagsasagawa at pagpapamalas ng mga huwad na lider kaugnay sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Sa kabuuan, ang uri ng tao na isang huwad na lider ay hindi gumagawa ng tunay na gawain, at walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain. Mahina ang kakayahan niya, bulag ang mga mata at isipan niya, wala siyang kakayahang tumuklas ng mga problema, at hindi siya nakakakilatis sa iba’t ibang uri ng tao, kaya’t hindi niya magawang pasanin ang mahalagang gawain ng pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Samakatwid, wala siyang paraan na magawa nang maayos ang gawain ng iglesia, at magdudulot siya ng maraming suliranin para sa hinirang na mga tao ng Diyos sa kanilang buhay pagpasok. Batay sa mga salik na ito, malinaw na hindi angkop na maging mga lider ng iglesia ang mga huwad na lider. Mayroong ibang huwad na lider na hindi gumagawa ng partikular na gawain ng iglesia at hindi nakikipag-ugnayan sa mga superbisor ng partikular na gawain, kaya’t hindi nila alam kung aling mga indibidwal na may talento ang may kakayahang gumawa sa kung anong gawain, ni kung sino ang angkop sa kung anong gawain, ni kung naaayon ba sa mga prinsipyo ang paggawa ng mga ito. Dahil dito, hindi nila maiangat at malinang ang mga taong may talento. Kung gayon, paano magagawa nang maayos ng gayong mga tao ang gawain ng iglesia? Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi kayang gumawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider ay dahil mahina ang kakayahan nila; wala silang kabatiran sa anumang bagay at hindi alam kung ano ba ang tunay na gawain. Humahantong ito sa madalas na pagkahinto o pagkaparalisa sa gawain ng iglesia. Direktang nauugnay ang mga ito sa kabiguan ng mga huwad na lider na gumawa ng tunay na gawain. Sa nakalipas na ilang taon, paulit-ulit na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos na kailangang alisin ang masasamang tao at mga hindi mananampalataya, at tanggalin ang mga huwad na lider at mga huwad na manggagawa. Bakit kailangang alisin ang iba’t ibang masamang tao at hindi mananampalataya? Dahil matapos ang maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, hindi pa rin tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan kahit kaunti, at umabot na sa puntong wala na silang pag-asa sa kaligtasan. At bakit kailangang tanggalin ang lahat ng huwad na lider at huwad na manggagawa? Dahil hindi sila gumagawa ng tunay na gawain, at hindi nila kailanman inaangat o nililinang ang mga taong naghahangad sa katotohanan; sa halip, nagpapakapagod lang sila sa mga walang kabuluhang pagsisikap. Nagsasanhi ito ng pagkagulo at pagkaparalisa sa gawain ng iglesia, na nagpapanatili sa mga kasalukuyang problema, hindi nalulutas, at pinapabagal din nito ang buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Kung tatanggalin ang lahat ng huwad na lider at manggagawa na ito, at kung paaalisin ang lahat ng masamang tao at hindi mananampalataya na gumugulo sa iglesia, likas na magiging maayos ang takbo ng gawain ng iglesia, likas na lalago nang mas mabuti ang buhay iglesia, at normal na makakakain at makakainom ng mga salita ng Diyos ang mga hinirang ng Diyos at makakagawa ng kanilang mga tungkulin, at makakapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Ito ang gustong makita ng Diyos.
Pebrero 27, 2021