Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (6)
Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa at sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Sa nakaraang pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikaanim na aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ano ang pangunahing nilalaman ng aytem na ito? (Ang ikaanim na aytem ay “Iangat at linangin ang lahat ng uri ng kalipikadong talento upang ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay magkaroon ng pagkakataon na magsanay at pumasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon.”) Noong nakaraan, pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pag-aangat at paglilinang sa mga tao, at kung bakit iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hinimay rin natin ang mga problemang umiiral sa mga huwad na lider pagdating sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng taong may talento. Kaya, ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider sa loob ng dalawang aytem na ito? Bakit natin sinasabing mga huwad na lider sila? May dalawang pangunahing aspekto. Ang isang aspekto ay na hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang mga prinsipyo para sa pag-aangat, paglilinang, at paggamit sa iba’t ibang uri ng tao, ni hinahanap ang mga prinsipyong ito. Hindi nila alam kung anong mga aspekto ng kakayahan ang mahalagang taglayin ng mga tao o kung anong mga pamantayan ang mahalagang matugunan para maging lider o manggagawa. Dahil dito, walang ingat nilang ginagamit ang mga tao batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ang isa pang seryosong isyu ay na pagkatapos iangat, linangin, at gamitin ang mga taong ito, hindi nila sinusubaybayan o sinusuri ang gawain ng mga ito, ni hindi nila inaalam kung gaano kahusay ang ginagawa ng mga ito, o kung gumagawa ng tunay na gawain ang mga ito, o kung natutupad ba ng mga taong ito ang kanilang mga responsabilidad, o kung ano ang kanilang karakter, o kung angkop ba sa mga taong ito ang mga tungkuling ginagawa nila, at hindi pinapansin ng mga huwad na lider kung ang mga tao ba na iniaangat, nililinang, at ginagamit nila ay pasok sa pamantayan at naaayon sa mga prinsipyo—hindi nila kailanman sinusuri ang mga bagay na ito. Iniisip ng mga huwad na lider na ito ay isang kaso lang ng pag-aangat sa mga tao, pagsasaayos ng gawain para sa mga ito, at wala nang iba pa, at na pagkatapos ay natupad na ang kanilang mga responsabilidad. Ganito ginagawa ng mga huwad na lider ang kanilang gawain, at ganito rin ang kanilang saloobin at pananaw habang gumagawa. Kaya mapatutunayan ba ng dalawang pangunahing pagpapamalas na ito ng mga huwad na lider na hindi nila ginagawa at hindi nila kayang tuparin ang kanilang mga responsabilidad pagdating sa pag-aangat, paglilinang, at paggamit sa mga tao? (Oo.) Hindi sinusuri ng mga huwad na lider ang gawain o inoobserbahan ang iba’t ibang uri ng tao, at lalong hindi sila nagiging metikuloso pagdating sa katotohanan at sa mga prinsipyo, kung ikukumpara ang mga pagpapamalas at kalagayan ng iba’t ibang uri ng tao batay sa mga katotohanang nauunawaan nila at sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos; hindi rin nila makilatis kung ang pagkatao at mga kalakasan ng iba’t ibang uri ng tao ay nakaaayon sa mga hinihinging prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa paggamit sa mga tao. Sa mga kadahilanang ito, talagang naguguluhan at hindi sila maingat pagdating sa pag-aangat at paggamit sa mga tao, at pagsasaayos ng gawain para sa mga ito, at ang ginagawa lang nila ay ang magraos lang at gumawa ng paimbabaw na gawain batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa ganitong kaso, kung hihilingin sa mga huwad na lider na gumamit ng iba’t ibang uri ng tao nang makatwiran at angkop batay sa pagkatao at mga kalakasan ng mga ito, magagawa ba ito ng mga huwad na lider? (Hindi, hindi nila ito magagawa.) Isantabi muna natin sa ngayon kung ano ang kakayahan ng mga huwad na lider. Sa pagtingin lang sa saloobin nila sa gawain at sa kanilang mga paraan at diskarte sa paggawa ng gawain, at ang katunayan na hindi man lang sila gumagawa ng anumang tunay na gawain, kundi nangangasiwa lang ng mga pangkalahatang usapin at gumagawa ng kaunting paimbabaw na gawain na naglalagay sa kanila sa sentro ng atensiyon, at ang katunayan na hindi man lang nila ginagawa ang gawain ng pagtutustos sa mga tao ng katotohanan, at hindi alam kung paano gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema—lahat ng ito ay sapat nang patunay na hindi kayang gawin ng mga huwad na lider ang tunay na gawain ng iglesia. Batay lang sa katunayan na hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider, o hindi lubos na nakikipag-ugnayan sa mga kapatid para lutasin ang tunay na mga problema, at sa halip ay kumikilos na parang nakatataas at nagbibigay ng mga utos, maaaring makumpirma na wala silang kakayahang gampanan nang maayos ang lahat ng aspekto ng gawain ng iglesia para maiangat at malinang ang mga tao para sa sambahayan ng Diyos.
Ikapitong Aytem: Magtalaga at Gumamit ng Iba’t Ibang Uri ng Tao Nang Makatwiran, Batay sa Kanilang Pagkatao at mga Kalakasan, Upang ang Bawat Isa ay Magamit sa Pinakamainam na Paraan (Unang Bahagi)
Makatwirang Paggamit sa Iba’t Ibang Uri ng Tao Batay sa Kanilang Pagkatao
Ano ang pagkaunawa ninyo tungkol sa kung paano isaayos at gamitin ang iba’t ibang uri ng tao? (May iba’t ibang hinihinging pamantayan ang sambahayan ng Diyos para sa iba’t ibang uri ng tao na iniaangat at nililinang, at dapat iangat at gamitin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo at pamantayan ng sambahayan ng Diyos sa pag-aangat sa mga tao. Kung angkop ang ilang tao na maging mga lider o manggagawa, dapat silang linangin bilang mga lider, manggagawa, at superbisor; kung nagtataglay ang ilang tao ng mga propesyonal na kalakasan sa isang tiyak na larangan, ang tungkuling ginagawa nila ay dapat isaayos ayon sa kanilang mga propesyonal na kalakasan, upang maitalaga at magamit sila nang makatwiran.) May sinuman ba na may anumang idadagdag? (Ang isa pang bagay ay ang pagsukat sa mga tao batay sa kanilang pagkatao. Kung medyo mabuti ang pagkatao ng isang tao, at mahal niya ang katotohanan, at mayroon siyang abilidad na umarok, kandidato siya para sa pag-aangat at paglilinang. Kung ang pagkatao niya ay katamtaman, pero mayroon siyang mga kalakasan at kaya niyang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos at magserbisyo, maaari ding italaga ang ganitong uri ng tao sa isang angkop na tungkulin batay sa kanyang mga kalakasan, para magamit siya sa pinakamainam na paraan. Kung isa siyang tao na mayroong medyo masamang pagkatao at maaaring magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, ang pagpapagawa sa kanya ng isang tungkulin ay magdudulot ng higit na problema kaysa sa pakinabang, kaya hindi nararapat na isaayos siya na gumampan ng isang tungkulin.) Kung ang mga tao ay pinag-iiba-iba batay sa kanilang pagkatao, basta’t hindi sila masasamang tao, hindi nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, at nagagawa nilang gumampan ng tungkulin, sila ay nakaaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao. Ang isa pang uri ng tao na hindi maaaring gamitin, bukod pa sa masasamang tao at masasamang espiritu, ay iyong mga kulang sa katalinuhan, ibig sabihin, iyong mga walang naisasakatuparan, na walang natatapos na anumang bagay, walang kakayahang matuto ng isang propesyon, hindi kayang mangasiwa ng mga simpleng pangkalahatang usapin, na hindi man lang kayang gumawa ng pisikal na trabaho—hindi maaaring gamitin ang mga taong kulang sa katalinuhan at pagkatao. Sino-sino ang mga taong kabilang sa kategoryang ito ng kakulangan sa katalinuhan? Iyong mga hindi nakakaunawa ng wika ng tao, na walang dalisay na pagkaarok, na palaging mali ang pagkaunawa sa mga bagay-bagay, nagkakamali, at nagbibigay ng mga walang kaugnayan na sagot sa mga tanong, at katulad ng mga taong mapurol ang isip o may kapansanan sa pag-iisip—lahat ng ito ay mga taong kulang sa katalinuhan. At mayroon ding mga lubhang kakatwang tao na iba ang pagkakaarok sa lahat ng uri ng mga bagay kumpara sa mga normal na tao—sila rin ay may problema sa katalinuhan. Kasama ba sa kakulangan sa katalinuhan ang kawalan ng kakayahang matuto ng anumang bagay? (Oo, kasama ito.) Kung gayon, ang kawalan ba ng kakayahang matutong magsulat ng mga artikulo ay maibibilang na kakulangan sa katalinuhan? (Hindi, hindi kabilang ito.) Hindi kabilang ang ganitong uri ng mga tao. Halimbawa, ang pagkatutong kumanta at sumayaw, pagkatuto ng mga kasanayan sa computer, o pagkatuto ng banyagang wika; ang kawalan ng abilidad na matuto ng mga bagay na ito ay hindi maibibilang na kakulangan sa katalinuhan. Kung gayon, ang kawalan ng kakayahang matuto ng aling mga bagay-bagay ang nagpapahiwatig ng kakulangan sa katalinuhan? Halimbawa, may kaunting kaalaman ang ilang tao, pero wala silang kakayahang matutong organisahin ang kanilang wika kapag nakikipag-usap sa iba. Kaya ba ng ganitong uri ng tao na magbahagi tungkol sa katotohanan, magdasal, at normal na makipag-usap sa iba kapag nananampalataya sila sa Diyos? (Hindi, hindi nila kaya.) Kapag mayroon silang ideya sa isipan nila o kapag nasa isang kalagayan sila, at gusto nilang magtapat at makipag-usap sa mga tao tungkol dito at maghanap ng landas tungo sa solusyon, nagninilay-nilay sila sa loob ng ilang araw nang tuloy-tuloy, at hindi nila alam kung saan magsisimula o kung paano ipapahayag ang kanilang sarili. Sa sandaling magsalita sila, nalilito sila at nagsasalita sa magulong paraan, tila tumututol ang bibig nila na gawin ang iniutos sa kanila at hindi sila makapag-isip nang maayos. Halimbawa, sasabihin mo sa kanila, “Maganda ang panahon ngayon at sumisikat ang araw,” at sasagot sila, “Umulan kahapon at nagkaroon ng aksidente ng sasakyan sa kalsadang iyon.” Hindi magkatugma ang sinasabi nila at ng kanilang mga kausap. Ang ganitong uri ba ng tao ay may kakulangan sa katalinuhan? (Oo, may kakulangan nga.) Halimbawa, kung masakit ang ulo nila at tatanungin mo sila kung ano ang problema, sasabihin nila na medyo hindi komportable ang pakiramdam ng puso nila. Walang kaugnayan ang sagot na ito sa katanungan, hindi ba? (Oo.) Ito ay pagiging labis na kulang sa katalinuhan. Napakaraming ganitong tao. Maaari ba kayong magbigay ng halimbawa? (May ilang tao na palaging lumilihis sa paksa kapag sumasagot sa mga katanungan, sadyang hindi sila makaunawa kung ano ang itinatanong ng ibang tao sa kanila.) Ang madalas na paglihis sa paksa habang nakikipag-usap—ito ay kakulangan sa katalinuhan. At mayroon ding mga tao na hindi nakikilala ang kaibahan ng mga tagaloob at tagalabas kapag nakikipag-usap sila, at minsan ay ipinagkakanulo nila ang kanilang sarili kapag nagsasalita, nang hindi man lang ito namamalayan—ito rin ay kakulangan sa katalinuhan. Halimbawa, may ilang kapatid na nakatira kasama ang mga di-nananampalatayang miyembro ng pamilya, na nagtatanong sa kanila, “Ano ang ipinagagawa sa inyo ng inyong diyos?” Sasagot sila: “Ang Diyos na sinasampalatayanan namin ay napakabuti. Tinuturuan Niya kami na maging matatapat na tao, at na hindi kami pinapayagang magsinungaling sa kahit kanino, at kailangan naming magsalita nang matapat sa lahat ng tao.” Sa panlabas, tila nagpapatotoo sila sa gawaing ginagawa ng Diyos, niluluwalhati ang Diyos, at binibigyan ang kanilang mga tagapakinig ng magandang impresyon tungkol sa mga mananampalataya at na pagkatiwalaan sila, pero ganito ba talaga ang kaso? Ano ang sasabihin ng mga walang pananampalataya kapag narinig nila ito? Sasabihin nila, “Dahil hiningi sa inyo ng inyong diyos na maging matatapat na tao, kung gayon, sabihin ninyo sa amin ang totoo: Gaano karaming pera mayroon ang iglesia ninyo? Sino ang pinakamaraming ibinibigay na mga handog? Sino ang lider ng iglesia ninyo? Ilang lugar ng pagtitipon ang mayroon kayo?” Mabibigla ka, hindi ba? Hindi ba’t mahina ang isip ng mga taong ganito? Bakit ka nakikipag-usap sa mga diyablo at walang pananampalataya tungkol sa pagiging matapat na tao? Sa katunayan, hindi ka naman ganoon kamatapat sa harap ng Diyos. Kaya, hindi ba’t ipinagkakanulo mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagiging masyadong seryoso tungkol dito sa mga walang pananampalataya? Hindi ba’t parang nilalagay mo ang sarili mo sa kapahamakan at naglalagay ka ng bitag para sa iyong sarili? Hindi ba’t ikaw ay taong mapurol ang isip? Kapag binubuksan mo ang iyong puso o matapat kang nakikipag-usap sa isang tao, kailangan mong isaalang-alang kung sino ang kausap mo—kung diyablo o Satanas, puwede mo bang sabihin sa kanila kung ano talaga ang nangyayari? Kaya, pagdating sa mga taong tulad nito, kinakailangang “mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas, at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati”—ito ang turo ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi alam ng mga taong mapurol ang isip na gawin ito. Marunong lang silang sumunod sa mga regulasyon, at magsabi ng mga bagay tulad ng, “Napakamatapat naming mga mananampalataya, hindi kami nandaraya sa sinuman. Tingnan ninyo kayong mga walang pananampalataya, puno kayo ng mga kasinungalingan, samantalang lahat kami ay nagsasalita nang matapat.” At pagkatapos nilang magsalita nang matapat, nagkakaroon ang mga tao ng magagamit laban sa kanila. Hindi ba’t ito ang pagkabigo nilang makilala ang kaibahan ng mga tagaloob at tagalabas? Hindi ba’t ito ay parang kahinaan sa pag-iisip? Nakakaunawa sila ng ilang doktrina pero hindi nila alam kung paano isagawa ang mga ito. Bumibigkas sila ng ilang islogan, at pagkatapos, pakiramdam nila ay talagang espirituwal sila, at inaakala na nakakaunawa sila sa katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad, at nagpapakitang-gilas sila kahit saan, pero sa huli, sinasamantala ito ng mga Satanas at diyablo, at ginagamit ito laban sa kanila. Ito ay kakulangan sa katalinuhan.
Katatalakay lang natin tungkol sa ilang uri ng tao na kulang sa katalinuhan. Ang isang uri ay ang mga hindi nakakaunawa ng wika ng tao, at ang bigong makaunawa at makaarok sa pinakabuod at mahahalagang punto ng mga salita ng ibang tao; ang isa pang uri ay ang mga taong mapurol ang isip, na walang naisasakatuparang anumang bagay, at hindi nakakaarok sa mga prinsipyo o mahahalagang punto kahit na paano nila gawin ito; ang isa pang karagdagang uri ay iyong mga may sobrang panatiko at kakatwang pananaw sa lahat ng bagay. Pero ang isa pang uri ay iyong mga walang kakayahang matuto ng anumang bagay, ni walang kakayahang matuto kung paano magsalita o makipag-usap, o kung paano ipahayag ang kanilang mga iniisip at opinyon nang malinaw para maunawaan sila ng iba; bagama’t medyo may pinag-aralan sila, hindi nila ma-organisa ang wika nila sa kanilang isipan, o makapagsalita nang malinaw, ni makapagpahayag ng mga tamang pananaw, o makapagsakatuparan ng anumang bagay. Ang mga ito ay pawang mga taong kulang sa katalinuhan. Anumang likhang-sining o kasanayan ang aralin nila, patuloy nilang hindi naaarok ang mga prinsipyo at panuntunan. Kahit na nagagawa nila nang maayos ang isang likhang-sining o kasanayan paminsan-minsan, nagkataon lang ito; hindi nila alam kung paano nila ito nagawa nang maayos. Sa susunod na mabigo sila na magawa ito nang maayos, hindi rin nila alam kung bakit ganito ang kaso. Wala silang kakayahang matuto ng anumang bagay o maging bihasa rito. Kung hihilingin sa kanila na pag-aralan ang isang likhang-sining o teknikal na kasanayan, kahit gaano katagal nilang pag-aralan ito, teorya lang ang maaarok nila. Nakinig na sila sa mga sermon sa loob ng maraming taon, pero hindi pa nila naunawaan ang katotohanan. Kung hihilingin sa kanila na gawing prinsipyo at landas ng pagsasagawa ang mga salitang ito at mga espesipikong pahayag na madalas ibinabahagi ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito makakayang gawin kahit pa magpakahirap sila nang husto, at kahit paano pa sila turuan. Kinukumpirma nito na kulang sa katalinuhan ang mga taong ito. May ilang tao na, sa edad na 50 o 60, ay nakakakuha ng eksaktong kaparehong mga resulta sa paggawa ng isang bagay kagaya noong sila ay 30 pa lang, nang walang kahit anumang pag-usad. Wala ni isang bagay silang matagumpay na natutunan sa buong buhay nila. Hindi naman nila inaksaya ang oras nila, sobra silang maasikaso at nagsisikap, pero hindi sila nagtagumpay na matuto ng anumang bagay; ipinapakita nito na kulang sila sa katalinuhan. Batay sa pinagbahaginan natin, naging mas malawak na ang saklaw ng itinuturing na kakulangan sa katalinuhan, hindi ba? Kayo ba mismo ay maibibilang na kulang sa katalinuhan? (Oo.) Medyo, sa mas mataas o mas mababang antas. Bakit Ko sinasabi iyon? Karamihan sa mga tao ay nakinig na ng mga sermon sa loob ng limang taon, pero hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, o kung ano ang mga layunin ng Diyos; at may ilang tao na nakinig na ng mga sermon sa loob ng 10 taon, o 20 o 30 taon pa nga, at hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ang katotohanang realidad at kung ano ang mga salita at doktrina, puno ng mga doktrina ang mga bibig nila, at napakahusay nilang inililitanya ang mga ito—isa itong problema sa kanilang katalinuhan. Isantabi muna natin sa ngayon ang tungkol sa pag-arok sa katotohanan, sabihin na lang natin na nagpapakita ang mga tao ng mga sumusunod na pagpapamalas sa ilang panlabas na bagay at mga usaping ayon sa sentido komun: Kahit ilang taon na nilang ginagawa ang isang bagay, nananatiling pareho ang kanilang sitwasyon, kalagayan, at pang-unawa gaya noong unang beses silang magsimulang matuto nito, at paano man sila gabayan, turuan, o paano man sila magsagawa, wala pa rin silang anumang pag-usad. Ito ay kakulangan sa katalinuhan.
Ang pagpili at paggamit sa mga tao batay sa kung mayroon silang pagkatao o wala ay naaayon sa mga prinsipyo; kaya sabihin mo sa Akin, dapat ba nating linangin at gamitin ang mga taong may mahinang pagkatao, kulang sa katalinuhan, o may gawain ng masasamang espiritu? Tiyak na hindi iyon maaari. Bukod pa sa ilang uring ito ng mga tao na hindi umaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao, karamihan sa iba pang mga tao ay magagamit nang makatwiran batay sa kanilang pagkatao. Para sa mga taong may katamtamang pagkatao, na hindi matatawag na masama o mabuti, maaari lang silang maging mga karaniwang miyembro ng pangkat. Para sa mga taong medyo may mabuting pagkatao, na medyo makatwiran at nagtataglay ng konsensiya, na nagmamahal sa mga positibong bagay, na partikular na marangal, may pagpapahalaga sa katarungan, at kayang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang pagbibigay-diin ay maaaring ituon sa paglilinang at paggamit sa mga taong ito. Tungkol naman sa kung lilinangin at gagamitin sila bilang mga lider o lider ng pangkat, o para gumawa ng ilang mahalagang gawain, nakadepende ito sa kanilang kakayahan at mga kalakasan. Ito ay pagtitimbang kung paano gamitin ang iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang pagkatao.
Makatwirang Paggamit sa Iba’t Ibang Uri ng Tao Batay sa Kanilang mga Kalakasan
Higit pa nating pag-usapan kung paano gamitin ang iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang mga kalakasan. Bukod sa kakayahan, may ilang tao na mayroon ding ilang propesyonal na kasanayan kung saan mahusay sila. Ano ang ibig sabihin ng salitang “mga kalakasan”? (Ang pagkakaroon ng kasanayan sa isang pinagkadalubhasaang larangan, tulad ng kakayahang kumatha ng musika, tumugtog ng instrumentong pangmusika, o magpinta ng mga larawan.) Ang pag-unawa sa teorya ng musika, sining, at gayundin sa sayaw at pagsulat—lahat ito ay mga kalakasan. Ang pag-arte at pagdidirek ay mga kalakasan na may kinalaman sa paggawa ng pelikula, ang pagsasalin ay isang kalakasan sa wika, at ang paggawa ng video at special effects ay mga kalakasan din sa loob ng mga partikular na larangan. Kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga kalakasan, tinutukoy natin ang mga propesyonal na kasanayang nauugnay sa pinakamahalagang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay may pangunahing antas na ng kahusayan, at ang ilang tao ay nag-aaral ng mga bagay na ito pagkatapos nilang dumating sa sambahayan ng Diyos. Kung ang isang tao ay may pangunahing kahusayan pero hindi pasok sa pamantayan ang kanyang pagkatao, at isa siya sa mga taong kulang sa katalinuhan, isang masamang tao, o masamang espiritu, hindi siya puwedeng gamitin. Kung pasok sa pamantayan ang pagkatao ng isang tao at nagtataglay siya ng isang kalakasang kinakailangan ng sambahayan ng Diyos, maaari siyang iangat, linangin, gamitin, at italaga sa isang pangkat na angkop sa kanyang mga kalakasan, o na may kaugnayan sa kanyang taglay na mga propesyonal na kasanayan, at itakdang magtrabaho kaagad. May ilang tao na hindi pa nagtataglay ng propesyonal na kalakasan, pero handang matuto, at mabilis na nakakaintindi. Kung pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao, puwede silang linangin ng sambahayan ng Diyos at magsaayos ng mga kondisyon para matuto sila, at maaari ding gamitin ang gayong mga tao. Sa kabuuan, ang pagtatalaga ng mga tungkulin ay nakabatay sa kakayahan at mga kalakasan ng mga tao, at hangga’t maaari, ang mga taong may iba’t ibang kalakasan ay dapat isaayos na gumawa sa loob ng kanilang larangan ng kadalubhasaan, para magamit nila ang mga kalakasang ito. Kung hindi na kailangan ng sambahayan ng Diyos ang mga kalakasan nila, maaari silang isaayos na gumawa ng anumang bagay na kaya nilang gawin, batay sa kanilang kakayahan at pagkatao; ito ay tinatawag na makatwirang paggamit sa mga tao. Kung kailangan pa rin ng sambahayan ng Diyos ang mga kalakasan nila, dapat silang pahintulutang magpatuloy sa paggawa ng kanilang tungkulin sa larangang ito, at hindi sila puwedeng basta-bastang ilipat, maliban na lang kung napakaraming tao ang nagtatrabaho sa propesyong ito, na kung saan sa gayong kaso ay dapat bawasan ang bilang ng mga tao ayon sa sitwasyon, sa pamamagitan ng muling pagtatalaga ng mga hindi mahusay sa kanilang propesyon sa ibang mga tungkulin; ito ay makatwirang paggamit sa mga tao.
May isang partikular na uri ng tao na walang anumang espesyal na kasanayan—kaya niyang magsulat ng mga artikulo nang kaunti, kaya niyang kumanta sa tono, at matutong gumawa ng anumang bagay, ngunit hindi siya ang pinakamahusay sa mga bagay na ito. Saan siya pinakamahusay? Mayroon siyang kaunting kakayahan, medyo nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan, at mayroon siyang kaunting kakayahan kung paano husgahan at gamitin ang mga tao. Bukod pa roon, nagtataglay siya higit sa lahat ng mga kasanayan sa pag-oorganisa. Kung bibigyan mo ang taong ito ng isang gampanin o trabaho, kaya niyang mag-organisa ng mga taong gagawa nito. Kasabay niyon, nagtataglay siya ng kapabilidad sa gawain; ibig sabihin, kung bibigyan mo siya ng trabaho, may abilidad siyang gawin ito nang maayos at tapusin ito. Mayroon siyang plano sa isipan, nang may mga hakbang at istruktura. Marunong siyang gumamit ng mga tao, kung paano maglaan ng oras, at kung sino ang gagamitin para sa gampaning ito. Kung may lumitaw na problema, alam niya kung paano talakayin sa lahat ang solusyon. Alam niya kung paano ibalanse at lutasin ang lahat ng bagay na ito. Hindi lamang nagtataglay ng kapabilidad sa gawain ang taong katulad nito, medyo mahusay rin siyang magsalita. Ang kanyang mga salita ay malinaw at maayos, at hindi niya nililito ang mga tao. Kapag nagtalaga siya ng gawain, nauunawaan ng lahat nang malinaw at alam nila kung ano ang dapat na ginagawa ng bawat tao; walang sinumang nakatunganga lang at walang mga kapabayaan sa gawain. Medyo malinaw at maayos din ang paliwanag niya sa mga detalye ng gawain, at lalo na para sa mga komplikadong isyu, nag-aalok siya ng pag-aanalisa, pagbabahagi, at inililista ang mga detalye para maunawaan ng lahat ang mga isyu, malaman kung paano gawin ang gawain, at malaman kung paano magpatuloy. Bukod pa roon, kaya rin niyang magbahagi tungkol sa kung anong mga paraan ng pagkilos ang maaaring may depekto, kung anong mga pamamaraan ng paggawa ang makakaapekto sa kahusayan, kung ano ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga tao habang ginagawa nila ang kanilang gawain, at iba pa. Ibig sabihin, mas nag-iisip ang taong ito kaysa sa iba bago siya magsimulang gumawa—nag-iisip siya nang mas detalyado, mas makatotohanan, at mas komprehensibo kaysa sa iba. Sa isang banda, may utak siya, at sa isa pang banda, mahusay siyang magsalita. Ang pagkakaroon ng utak ay nangangahulugan na ginagawa niya ang mga bagay-bagay sa organisadong paraan, nang may mga hakbang at naaayon sa isang plano, at nang may malaking kalinawan. Ang kahusayan sa pagsasalita ay nangangahulugan na maaari siyang gumamit ng wika para ipahayag, nang malinaw at nauunawaan, ang mga ideya, plano, at kalkulasyon sa isipan niya, at na marunong siyang magsalita nang simple at maikli, para hindi malito ang mga nakikinig sa kanya. Ipinapahayag niya ang kanyang sarili sa wikang partikular na malinaw, tumpak, makatotohanan, at angkop. Ito ang ibig sabihin ng pagiging mahusay magsalita. Ang mga taong ganito ay mahusay magsalita, nagtataglay sila ng kapabilidad sa gawain, mga kasanayan sa pag-oorganisa, at dagdag pa rito, may pagpapahalaga sila sa responsabilidad, at medyo nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan. Hindi sila mapagpalugod ng mga tao o mga tagapanatili ng kapayapaan. Kapag nakakakita sila ng masasamang tao na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, o ng mga taong mapurol ang isip at hamak na mga tao na hindi nag-aasikaso sa mga nararapat nilang gawain at kumikilos sa tusong paraan, nagagalit sila, naiinis, at kaya nilang maagap na lutasin at pangasiwaan ang mga problemang ito, at protektahan ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at katarungan—hindi ba’t ang mga pagpapamalas na ito ay ang mga prominenteng katangian ng ganitong uri ng pagkatao? (Oo.) Maaaring hindi mahusay makisalamuha sa iba ang mga taong gaya nito, o maaaring hindi sila gaanong mahusay sa anumang partikular na propesyonal na kasanayan, pero kung taglay nila ang mga katangiang inilalarawan Ko pa lang, maaari silang linangin bilang mga lider at manggagawa. Ang mga katangiang ito ay mga kalakasan din nila, ibig sabihin, mahusay silang magsalita, nagtataglay ng kapabilidad sa gawain, mga kasanayan sa pag-oorganisa, at medyo nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan. Napakahalaga ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan. Mayroon bang pagpapahalaga sa katarungan ang masasamang tao at mga anticristo? (Wala.) Ang mga anticristo ay may buktot na kalikasan; imposible para sa kanila na magkaroon ng pagpapahalaga sa katarungan. Ang isa pang napakahalagang bagay ay na ang ganitong uri ng tao ay may espirituwal na pang-unawa at abilidad na umarok sa katotohanan; may kaugnayan ito sa kanyang kakayahan. Ang mga kalakasan ng ganitong uri ng tao ay tumutukoy sa mga katangian ng pagkatao at mga talento na kababanggit Ko lang ngayon, kasama na ang tatlong pamantayan ng pagkakaroon ng abilidad na umarok sa katotohanan, pagbubuhat ng pasanin para sa iglesia, at pagtataglay ng kapabilidad sa gawain. Maaaring linangin bilang mga lider ang gayong mga tao; walang problema roon. Bukod sa pagkakaroon ng utak at kakayahan, dapat may abilidad na umarok sa katotohanan ang isang lider, at may mga kasanayan sa pag-oorganisa at kapabilidad sa gawain sa kanyang trabaho, at kahusayan din sa pagsasalita. May ilang tao na may napakahusay na kakayahan, nagtataglay sila ng espirituwal na pang-unawa, pero kapag oras na ng pagbabahaginan sa mga pagtitipon, hindi nila masabi nang maayos ang gusto nilang iparating, lubos silang walang abilidad na i-organisa ang kanilang pananalita, at ang sinasabi nila ay ganap na walang lohika. Maaari bang linangin bilang mga lider ang gayong mga tao? (Hindi maaari.) May mga tao na halos kaya lang makipag-usap sa napakakaunting bilang ng mga tao; kaya nilang magbahagi tungkol sa ilang kalagayan, mga opinyon, at pagkaarok sa katotohanan, at kaya nilang sumuporta, magtustos, at tumulong sa iba, pero sa paligid ng mas maraming tao, hindi sila naglalakas-loob na magsalita, at natatakot sila, at maaari pa ngang nerbiyosin hanggang sa puntong maiiyak na. Maaari bang linangin ang gayong mga tao? Para sa isang tao na medyo may mahina at matatakutin na pagkatao, at may tendensiyang kabahan sa harap ng maraming tao, kung taglay niya ang pagkatao, mga kalakasan, at abilidad na umarok upang maging isang lider, maaari siyang linangin para maging lider ng isang pangkat o lider ng iglesia. Una, linangin at sanayin muna siya; matapos siyang makaranas sa loob ng ilang panahon, magkakamit siya ng kabatiran at kaya magiging mas matapang siya nang kaunti, at hindi na siya matatakot na magsalita o humarap sa maraming tao. Sa kabuuan, pagdating sa mga taong mayroong mga katangian ng pagkatao at kalakasan na katatapos pa lang natin pagbahaginan ngayon, maaari silang linangin para maging mga lider basta’t pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao. Kagaya ng napag-usapan natin noong nakaraan, para malinang ang isang tao bilang lider, hindi niya kinakailangang maunawaan ang lahat ng katotohanan, makapagpasakop sa Diyos, magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, at iba pa. Hindi kailangang lubos na matugunan ang lahat ng pamantayang ito. Kung ang isang tao ay nagtataglay ng partikular na kakayahan, may espirituwal na pang-unawa, at kayang tumanggap sa katotohanan, maaari siyang iangat at linangin. Hindi ba’t ito ay makatwirang paggamit sa mga tao? (Oo.) Ang pinakamahalagang pamantayan ay kung pasok ba sa pamantayan ang pagkatao ng isang tao o hindi.
Pakiramdam ng ilang tao, matapos marinig ang sinabi Ko, na natutugunan na nila ang mga pamantayan para sa pagiging isang lider at na dapat silang iangat. Isa itong maling pagkaunawa sa parte nila, hindi ba? Ganoon ba kasimpleng usapin ang pagiging lider? Iniisip nila, “Talagang mapamaraan ako, mayroon akong mga kasanayan sa pag-oorganisa, at mahusay akong magsalita, kaya kong ipaliwanag nang malinaw maging ang mga pinakakomplikadong usapin, kaya bakit hindi ako inaangat ng sambahayan ng Diyos? Bakit hindi ako pinipili ng mga kapatid na maging lider? Paanong hindi napapansin ng mga nakatataas na lider na may talento ako?” Huwag kang mag-alala. Kung talagang natutugunan mo ang mga pamantayan para maging lider o manggagawa, sa malao’t madali, ikaw ay iaangat at pahihintulutang magsanay. Ang mahalaga ngayon ay na kailangan mong magsanay nang husto sa pagsasagawa ng katotohanan at pangangasiwa ng mga usapin ayon sa mga prinsipyo, at aktibong tumulong sa iba, at lumutas ng mga tunay na problema para sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag nakikita ng hinirang na mga tao ng Diyos na mayroon kang mahusay na kakayahan at kaya mong lumutas ng mga tunay na problema, irerekomenda at ihahalal ka nila. Kung hindi ka magkukusang gumawa ng kaunting tunay na gawain, at maghihintay ka lang sa araw na bigla kang ihahalal bilang lider o iaangat bilang eksepsiyon ng Itaas, hindi kailanman mangyayari iyon. Kailangan mong gumawa ng ilang tunay na gawain para makita ito ng lahat; sa sandaling personal na makita ng lahat ang mga kalakasan mo at pakiramdam nila na isa kang taong dapat na iangat, linangin, at gamitin, natural na irerekomenda at ihahalal ka nila. Kung sa ngayon ay pakiramdam mo na angkop kang maging isang lider, pero walang naghalal sa iyo, at hindi ka pa inaangat ng sambahayan ng Diyos, bakit kaya ganoon? Isang bagay ang sigurado: Hindi ka pa nakikilala sa mga mata ng mga kapatid. Maaaring ito ay dahil sa pagkatao mo, maaaring dahil sa paghahangad mo, o maaaring dahil sa mga kalakasan o kakayahan mo. Kung hindi nakikilala o sinasang-ayunan ng mga kapatid ang isa sa mga aspektong ito, hindi ka nila ihahalal o irerekomenda. Kaya, kailangan mong patuloy na magsikap, patuloy na maghangad at magsanay, at kapag tunay mo nang nauunawaan ang katotohanan at kayang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, natural na irerekomenda at ihahalal ka ng mga tao; ito ay isang sitwasyon kung saan natural na nangyayari ang mga bagay-bagay kapag nasa tamang kondisyon ang lahat. Hindi mo kailangang palaging asamin na maging lider o isipin ito sa lahat ng oras; isa itong maluhong pagnanais. Dapat kang magkaroon ng ordinaryong puso, maging isang tao na naghahangad sa katotohanan, maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at matutong magpasakop at magpasensiya. Hindi ka puwedeng bulag na maghangad na maging lider; isa iyong ambisyon, at hindi ito ang tamang landas. Hindi ka dapat palaging mayroong ganitong ambisyon at pagnanais. Kahit pa mayroon ka talagang kakayahan, kailangan mong maghintay hanggang sa makapasok ka sa katotohanang realidad bago ka maging pasok sa pagseserbisyo bilang isang lider o manggagawa. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at hindi mo alam kung paano isagawa ang katotohanan, kahit pa pinili kang maging lider o manggagawa, hindi ka makakagawa ng anumang tunay na gawain at matatanggal at matitiwalag ka lang, na isang bagay na madalas mangyari. Kung ang tingin mo sa sarili mo ay nababagay kang maging isang lider, nagtataglay ng talento, kakayahan, at pagkatao para sa pamumuno, subalit hindi ka inaangat ng sambahayan ng Diyos at hindi ka inihahalal ng mga kapatid, paano mo dapat harapin ang bagay na ito? May landas ng pagsasagawa rito na maaari mong sundan. Dapat lubusan mong kilalanin ang iyong sarili. Tingnan mo kung ang talagang isyu ay na may problema ka sa iyong pagkatao, o na ang pagbubunyag ng ilang aspekto ng iyong tiwaling disposisyon ay nakakasuklam sa mga tao; o kung hindi mo ba taglay ang katotohanang realidad at hindi ka kapani-paniwala sa iba, o kung hindi ba pasok sa pamantayan ang paggampan mo sa iyong tungkulin. Dapat mong pagnilayan ang lahat ng bagay na ito at tingnan kung saan ka mismo nagkukulang. Matapos mong magnilay-nilay nang ilang sandali at mahanap kung nasaan ang problema mo, dapat mong hanapin kaagad ang katotohanan para lutasin ito, at pumasok sa katotohanang realidad, at sikaping magbago at umunlad, nang sa gayon kapag nakita ito ng mga nakapaligid sa iyo, sasabihin nila, “Nitong mga nagdaang araw, naging mas mahusay siya kaysa dati. Matatag siyang nagtatrabaho at nagseseryoso sa kanyang propesyon, at nakatuon siyang mabuti sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi niya ginagawa ang mga bagay-bagay nang padalos-dalos o nang pabasta-basta, at mas maingat at responsable na siya sa kanyang gawain. Dati, mahilig siyang magyabang, at palagi siyang nagpapakitang-gilas, pero ngayon higit na siyang mas simple at hindi na hambog. Kahit nagagawa niya ang ilang bagay, hindi niya ito ipinagyayabang, at kapag may natapos siyang isang bagay, paulit-ulit niyang pinagninilayan ito, sa takot na may magawang mali. Mas maingat na siyang kumilos kaysa dati, at nang may-takot-sa-Diyos na puso—at higit sa lahat, kaya niyang magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang ilang problema. Totoo ngang umunlad na siya.” Ang mga nasa paligid mo na nakasalamuha mo nang ilang panahon ay makikita na dumaan ka sa di-mapagkakailang pagbabago at paglago; sa iyong buhay bilang tao, sa iyong sariling asal at pangangasiwa ng mga usapin, at sa saloobin mo sa iyong gawain, at gayundin sa pagtrato mo sa mga katotohanang prinsipyo, mas nagsisikap ka kaysa dati, at mas mabusisi sa iyong pananalita at mga pagkilos. Nakikita ng mga kapatid ang lahat ng ito at isinapuso nila ito. Kung gayon, baka sakali ay magawa mong tumakbo bilang kandidato sa susunod na halalan, at magkakaroon ka ng pag-asang mahalal bilang lider. Kung talagang kaya mong gawin ang ilang mahalagang tungkulin, makakamit mo ang pagpapala ng Diyos. Kung tunay kang may pasanin at may gayong pagpapahalaga sa responsabilidad, at nais pumasan ng pananagutan, magmadali ka at sanayin ang iyong sarili. Tumutok sa pagsasagawa ng katotohanan at kumilos nang may mga prinsipyo. Sa sandaling may karanasan ka na sa buhay at kaya mo nang magsulat ng mga artikulo ng patotoo, tunay ngang umunlad ka na. At kung kaya mong magpatotoo para sa Diyos, tiyak na maaari mong makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung gumagawa ang Banal na Espiritu sa iyo, ibig sabihin ay pinapaboran ka ng Diyos, at kapag ginagabayan ka ng Banal na Espiritu, nalalapit na ang pagdating ng oportunidad mo. Maaaring may pasanin ka ngayon, pero hindi sapat ang iyong tayog at masyadong mababaw ang karanasan mo sa buhay, kaya kahit maging lider ka pa, malamang na matutumba ka. Dapat mong hangarin ang buhay pagpasok, lutasin muna ang maluluho mong pagnanais, bukal sa loob na maging tagasunod, at tunay na magpasakop sa Diyos, nang walang salita ng pagrereklamo sa kung anuman ang pinamamatnugutan o isinasaayos Niya. Kapag taglay mo ang ganitong tayog, darating ang oportunidad mo. Isang mabuting bagay na nais mong humawak ng mabigat na pananagutan, at na mayroon ka ng pasaning ito. Ipinapakita nito na mayroon kang maagap na puso na naghahangad na makausad at na gusto mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at sumunod sa kalooban ng Diyos. Hindi ito isang ambisyon, kundi isang tunay na pasanin; responsabilidad ito ng mga naghahangad ng katotohanan at ang pakay ng kanilang paghahangad. Wala kang mga makasariling motibo at hindi ka naghahangad para sa sarili mong kapakanan, kundi para magpatotoo sa Diyos at mapalugod Siya—ito ang pinakapinagpapala ng Diyos, at gagawa Siya ng mga angkop na pagsasaayos para sa iyo. Sa ngayon, asikasuhin mo lang ang paghahangad sa buhay pagpasok, unahin mo ang pagsasakatuparan ng iyong tungkulin nang maayos, at pagkatapos ay magsulat ka ng ilang artikulo ng patotoong batay sa karanasan para magpatotoo sa Diyos. Kung tunay at praktikal ang mga patotoo mo, hahangaan at magugustuhan ka ng mga taong makakabasa ng mga ito, at gugustuhin nilang makisalamuha sa iyo, at irerekomenda ka nila, kaya darating ang oportunidad mo. Samakatwid, tiyak na kailangan mong sangkapan ang sarili mo ng katotohanan bago dumating ang oportunidad. Una, dapat magkaroon ka ng praktikal na karanasan, at pagkatapos, natural kang magkakaroon ng tunay na patotoo; gaganda nang gaganda ang mga resulta ng iyong tungkulin, sa panahong iyon, hindi mo magagawang magtago kahit na gustuhin mo, at irerekomenda ka ng mga kapatid sa paligid mo. Dahil hindi lamang sa sambahayan ng Diyos kailangan ang mga taong may katotohanang realidad, kailangan din sila ng hinirang na mga tao ng Diyos; gustong makisalamuha ng lahat sa mga taong may katotohanang realidad, at gustong makipag-ugnayan ng lahat sa mga kaibigang mayroong katotohanang realidad. Kung makararanas ka hanggang sa ganitong antas, at makikita ng lahat na tunay ang patotoo mo at kikilalanin nila na mayroon kang katotohanang realidad, hindi mo maiiwasan ang maging isang lider kahit gustuhin mo, at igigiit ng mga kapatid na ihalal ka. Hindi ba’t ganoon ang mangyayari? Kapag bumalik sa Diyos ang alibughang anak, ang Diyos ay nalulugod, natutuwa, at napapanatag ang puso Niya. Bilang isang taong may katotohanang realidad, paanong hindi ka gagamitin ng Diyos? Imposible iyon. Ang layunin ng Diyos ay ang magkamit pa ng mas maraming tao na maaaring magpatotoo para sa Kanya; ito ay para gawing perpekto ang lahat ng nagmamahal sa Kanya, at para gawing ganap ang isang grupo ng mga taong kaisa Niya sa puso at isip sa lalong madaling panahon. Samakatwid, sa sambahayan ng Diyos, may magagandang kinabukasan ang lahat ng naghahangad sa katotohanan, at ang kinabukasan ng mga taos-pusong nagmamahal sa Diyos ay walang limitasyon. Dapat maunawaan ng lahat ang layunin ng Diyos. Isang positibong bagay talaga ang magkaroon ng pasaning ito, at ito ay isang bagay na dapat taglayin ng mga may konsensiya at katwiran, pero hindi ibig sabihin na ang lahat ay magagawang humawak ng mabigat na pananagutan. Saan ito nagkakaiba? Anuman ang iyong mga kalakasan o kakayahan, at gaano man kataas ang iyong IQ, ang pinakamahalaga ay ang iyong paghahangad at ang landas na tinatahak mo. Kung pasok sa pamantayan ang pagkatao mo at mayroon kang partikular na kakayahan, pero hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, at mayroon ka lang mabuting pagkatao at kaunting pagpapahalaga sa pasanin, magagawa mo ba nang maayos ang gawain ng pamumuno ng iglesia? Magagarantiya mo ba na kaya mong lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan? Kung hindi mo ito magagarantiya, hindi ka pa rin mahusay sa gawain mo. Kahit na inihalal ka o itinalaga kang maging lider, hindi ka pa rin magkakaroon ng kakayahang gawin ang gawain, kaya ano pa ang silbi niyon? Bagama’t matutugunan nito ang banidad mo, makakapinsala naman ito sa mga kapatid at makakaantala sa gawain ng iglesia. Kung matutugunan mo ang mga pamantayan para maging isang lider o manggagawa, at isa kang taong naghahangad sa katotohanan, at mayroon ka ring ilang patotoong batay sa karanasan, tiyak na magagawa mo nang mahusay ang trabaho sa gawain ng pamumuno, dahil mayroon kang mga patotoong batay sa karanasan, isa kang taong nakakaunawa sa katotohanan, at kayang magbuhat ng mabigat na pasanin ng pagiging isang lider ng iglesia. Ang pagkakaroon mo ng pagkataong pasok sa pamantayan at mga partikular na kalakasan ay mga pangunahing pamantayan lang para maiangat, malinang, at magamit ng sambahayan ng Diyos, pero kung magagawa mo ba nang mahusay ang trabaho sa gawain ng pamumuno ay nakadepende sa kung mayroon ka bang tunay na karanasan at ng katotohanang realidad—ito ang pinakamahalaga. Ang ilang tao ay mga tamang tao at naghahangad sila sa katotohanan, pero mga tatlo hanggang limang taon pa lang silang nananampalataya at wala silang praktikal na karanasan. Magagawa ba nang maayos ng gayong mga tao ang gawain ng pamumuno ng iglesia? Nangangamba Ako na hindi sila magiging mahusay sa gawain. Saan sila nagkukulang? Wala silang praktikal na karanasan at hindi pa nila nauunawaan ang katotohanan. Kahit na kaya nilang magbigkas ng maraming salita at doktrina, hindi pa rin nila kayang lumutas ng mga problema gamit ang katotohanan. Samakatwid, hindi pa rin sila mahusay sa gawain ng pamumuno at kailangan pa nilang magpatuloy sa pagsasanay para matamo ang pagkaunawa sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad. Ipagpalagay, halimbawa, ang isang tao na pasok sa pamantayan ang pagkatao at na medyo matapat, at na bihirang magsinungaling at mandaya, at na ginagawa ang kanyang tungkulin nang hindi nagdudulot ng pagkagambala o kaguluhan, pero mahina siya sa paghahangad sa katotohanan; maaari bang linangin para maging isang lider o manggagawa ang gayong tao? Magiging napakahirap nito. Makakaya ba ng isang taong nakakatugon sa mga pamantayan ng pag-aangat, paglilinang, at paggamit, pero hindi naghahangad sa katotohanan, na maging isang taong naghahangad sa katotohanan kung iaangat siya bilang lider o manggagawa? Masisimulan ba niyang hangarin ang katotohanan? Makakapasok ba siya sa katotohanang realidad pagkatapos gumawa bilang isang lider o manggagawa sa loob ng ilang panahon? Magiging imposible iyon. Anuman ang mga pamantayang natutugunan ng isang tao, hangga’t hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan, tiyak na hindi siya maaaring ihalal o iangat bilang isang lider o manggagawa. Kung ang isang tao ay nagtataglay ng pagkatao at kakayahan na pasok sa pamantayan, at kaya ring tumanggap ng katotohanan at sumailalim sa ilang pagbabago, maaari siyang iangat, linangin, at gamitin, at dahil dito, makukuha niya ang oportunidad na makapagsanay, makapasok sa katotohanang realidad, at makatahak sa landas tungo sa kaligtasan at pagiging perpekto. Samakatwid, sinuman ang iangat ng sambahayan ng Diyos para maging lider, manggagawa, o superbisor, ang layon nito ay hindi para tugunan ang mga personal mong pagnanais at ambisyon, ni hindi rin para tuparin ang iyong mga adhikain, kundi para mabigyan ka ng kakayahang tumahak sa landas ng kaligtasan at maging isang taong naperpekto.
Tungkol naman sa mga taong hindi gaanong sapat ang katalinuhan, mayroon din sila ng kahandaan na gawin nang maayos ang kanilang tungkulin at gusto nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero wala silang karunungan, hindi nila alam kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo, at hindi nila makilatis ang anumang bagay. Sa ilang pagkakataon, nakakaranas sila ng tukso at nahuhulog sila rito, at dahil dito, nagkakanulo sila sa mga interes ng iglesia, nagkakanulo sa mga kapatid, at nagdudulot sila ng pinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Paano natin dapat harapin at pakitunguhan ang ganitong uri ng mga tao na mapurol ang isip at kulang sa katalinuhan? Pagdating sa gayong mga tao na mapurol ang isip na walang espirituwal na pang-unawa at kulang sa katalinuhan, ang bawat kahuli-hulihan sa kanila ay dapat tanggalin at italaga sa ibang tungkulin, at walang ni isa ang maaaring gamitin. Kung gagamitin ang gayong mga tao, maaari silang magdulot ng problema sa gawain ng sambahayan ng Diyos anumang oras—napakaraming aral na katulad nito. Sa panahon ngayon, maraming tao ang may kaunting wangis ng tao sa panlabas, pero hindi nila kayang magbahagi ng anumang katotohanang realidad. Maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos pero nananatili pa rin sila sa ganitong kalagayan. Ang ugat ng problemang ito ay dapat makita nang malinaw; ito ay isang problema ng lubhang mahinang kakayahan at kawalan ng espirituwal na pang-unawa. Hindi magbabago ang gayong mga tao kahit gaano karaming taon pa silang manampalataya sa Diyos, at wala silang nagagawang makabuluhang pag-usad sa kabila ng lahat ng sermong napakinggan nila. Maaari lang silang ilagay sa isang tabi, para magserbisyo sa anumang maliit na paraang kaya nila. Mabuting paraan ba ito ng pakikitungo sa kanila o hindi? (Mabuti ito.) Ang ilang tao na kulang sa katalinuhan at walang kalakasan ay hindi kayang maunawaan ni kaunti ang mga salita ng Diyos kahit ilang taon na nilang nabasa ang mga ito, at hindi nila nauunawaan ang mga sermon kahit ilang taon na nilang napakinggan ang mga ito. May silbi pa rin ba na magbigay ng mga aklat ng mga salita ng Diyos sa gayong mga tao? (Wala na.) Hindi dapat ipamahagi ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa mga taong kulang sa katalinuhan, dahil walang saysay na gawin ito at katumbas ito ng pag-aaksaya, at ang anumang naipamahagi na sa kanila ay dapat bawiin kaagad. Hindi ito para pagkaitan sila ng karapatang magbasa ng mga salita ng Diyos, kundi dahil kulang ang katalinuhan nila. Kahit namumuhay ang gayong mga tao ng buhay iglesia, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, lalo na ang gumawa ng isang tungkulin. Mga basura ang gayong mga tao, hindi ba? Dapat marunong kayong pangasiwaan ang basura. May ilang tao na mukhang totoong-totoo, pero napakababa ng kanilang katalinuhan na hindi man lang nila magawa nang maayos ang anumang pisikal na gawain, at pumapalpak sila sa lahat ng ginagawa nila. Kung may gawaing ipapagawa sa kanila, siguradong may masisira sila, kaya, hindi puwedeng gamitin ang mga taong gaya nito. Kung uutusan mo silang mag-igib ng isang balde ng tubig, masasagi nila ang isang bote ng mantika. Kung uutusan mo silang maghugas ng mangkok, makakabasag sila ng plato. Kung paglulutuin mo sila, magluluto sila nang sobrang dami o hindi kaya ay sobrang kaunti, o kaya naman ay masyadong maalat o matabang. Isinasapuso naman nila ito, pero paano man nila subukan, hindi nila ito magawa nang maayos, ni hindi sila mahusay kahit na sa pisikal na trabaho. Magagamit ba ang gayong mga tao? (Hindi.) Kaya kung hindi sila magagamit, ano ang dapat ipagawa sa kanila? Nangangahulugan ba ito na hindi na sila puwedeng manampalataya sa Diyos at na ayaw sa kanila ng sambahayan ng Diyos? Hindi, hindi iyon ang ibig sabihin. Huwag lang silang hayaang gumawa ng tungkulin. Kung hindi nila kayang gawin nang maayos ang mga bagay sa loob ng saklaw ng normal na buhay ng tao—kabilang na ang mga bagay na ayon sa sentido komun at nakagawiang gawain sa pang-araw-araw na buhay—o kung wala silang kakayahang gawin ang mga bagay na ito, hindi sila angkop na gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos.
Bagama’t hindi nagtataglay ng mabuting pagkatao o anumang espesyal na talento ang ilang tao, at lalong hindi rin puwedeng linangin para maging lider, kaya pa rin nilang gumawa ng ilang pisikal na gawain. Halimbawa, ang pagpapakain ng mga manok at pato, pagpapakain ng baboy, at pag-aalaga ng mga tupa ay mga trabahong kaya nilang gawin nang maayos. Kung bibigyan mo sila ng simpleng trabaho, kaya nila itong gawin nang maayos basta’t isinasapuso nila ito, at sa gayon ay puwedeng gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Bagama’t ito ay iisa at simpleng gawain, kaya nilang isapuso ito at tuparin ang responsabilidad, at kaya rin nilang gumawa ng mga kahilingan sa kanilang sarili ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Gaano man kalaki o kaliit ang gawain, o kung mahalaga ang gawain o hindi, pagkatapos ng lahat, makakaya nilang gawin nang maayos ang iisang trabahong itinalaga sa kanila. Bukod sa kaya nilang magpakain nang maayos ng mga manok para mangitlog ang mga ito nang normal, kaya rin nilang protektahan ang mga manok na hindi matangay ng mga lobo. Kapag nakakarinig sila ng isang lobong umaalulong, agad nilang ipapaalam ito sa kanilang superbisor, nagsusumikap na makaiwas sa anumang kapahamakan sa paggampan nila sa trabaho at gampaning ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Kung ganito sila magtrabaho, medyo dedikado sila, at maituturing ito na pagkakaroon ng kakayahang isakatuparan ang kanilang responsabilidad at gawin nang maayos ang trabaho nila. Sa ibang aspekto gaya ng kanilang personal na buhay, at kung paano sila umasal at humarap sa mga bagay-bagay, medyo nagkukulang sila; halimbawa, hindi nila alam kung paano makisalamuha at makipag-usap sa iba, o kung paano magbahagi sa iba tungkol sa kanilang kalagayan, at minsan ay bugnutin pa sila. Maituturing ba ito na problema? Ayos lang ba na hindi sila gamitin dahil sa mga isyung ito? (Hindi.) May ilang tao na hindi maalaga sa personal na kalinisan; hindi bababa sa sampung araw na hindi nila hinuhugasan ang kanilang buhok at kadalasang masama ang amoy nila. Ang iba naman ay maingay kapag kumakain at umiinom habang nagpapahinga ang mga nasa paligid nila, at maingay rin sa iba pang oras, tulad ng kapag naglalakad, nagsasara ng pinto, at nagsasalita—wala silang pinag-aralan at walang mabuting ugali. Paano dapat tratuhin ang gayong mga tao? Dapat maging maunawain ang lahat, tumulong, at sumuporta sa kanila nang may pusong mapagmahal, makipagbahaginan sa kanila tungkol sa kung ano ang normal na pagkatao, at hayaan silang unti-unting magbago. Dahil magkakasama kayong lahat, kailangan ninyong matutong makibagay. Puwedeng gamitin ang gayong mga tao basta’t nagagawa nila nang maayos ang kanilang trabaho, at inaako ang trabaho, at hindi sila gumagawa ng anumang bagay na nakakagambala o nakakagulo. May ilang tao na mautak, may mahusay na kakayahan, at masipag gumawa, at kaya nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at maging mahusay sa mga trabahong itinalaga sa kanila, kaya maaari silang linangin at gamitin. Pero may ilang tao na sobrang mahina ang kakayahan na hindi nila kayang gawin nang maayos ang kahit isang trabaho; kaya lang nilang magpakain ng mga manok, pero kung papakainin din nila ang mga pato at gansa, mabibigatan na sila at hindi nila alam kung paano ito gagawin. Hindi naman sa ayaw nila itong gawin nang maayos, kundi napakahina ng kakayahan nila. May limitasyon ang utak nila, marunong lang silang gumawa ng iisang gampanin, at kapag binibigyan sila ng isa pa, hindi na nila ito kayang gawin. Hindi sila marunong magplano, kaya pumapalpak lang sila. Ang gayong mga tao ay angkop lang na gumawa ng isang trabaho sa isang pagkakataon. Huwag silang bigyan ng maraming trabaho, dahil hindi nila ito makakayang akuin. Huwag mong isipin na kung kaya nilang gawin nang maayos ang isang gawain, tiyak na kaya rin nilang gumawa ng dalawa o tatlong gawain; hindi laging ganito ang sitwasyon, at nakadepende ito sa kakayahan nila. Hayaan mo muna silang subukang gumawa ng dalawang gawain. Kung mahusay ang kakayahan nila at kaya nilang isagawa ito, maaari kang magsaayos para sa kanila sa ganitong paraan. Kung hindi nila kayang pagsabayin ang dalawang gawain nang maayos, at pumalpak sila, ibig sabihin ay lampas ito sa kakayahan nila, kaya dapat mong alisin kaagad ang pangalawang gawain nila. Ito ay dahil sa pamamagitan ng pag-oobserba at panahon ng probasyon, natuklasan mo na angkop lang sila na gumawa ng isang trabaho sa isang pagkakataon, sa halip na gumawa ng maraming komplikadong trabaho, at na wala silang kakayahan para dito. May ilang tao na medyo mautak at medyo mahusay ang kakayahan, at kung bibigyan mo sila ng ilang trabahong gagawin, kaya nilang gawin ito nang maayos. Halimbawa, kung paglulutuin mo sila ng mga pagkain, at uutusang pakainin ang mga sisiw, at mangalaga sa taniman ng gulay, kaya nilang ihanda ang mga pagkain araw-araw sa tamang oras habang inaalagaan ang taniman ng gulay sa kanilang mga libreng oras, maagap na dinidiligan at inaalisan ng damo ang taniman, at pinapakain ang mga sisiw sa tamang oras. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Dahil may ganito silang kakayahan, hayaan mo rin silang mangasiwa sa gawain ng iglesia at maging lider ng iglesia.” Ayos lang ba iyon? Bagama’t kaya nilang isagawa ang ilang pisikal na gampanin at pang-araw-araw na gawain, pagdating sa pagiging lider ng iglesia, nangangailangan iyon ng hiwalay na pagtatasa; hindi ito isang bagay na masusukat batay sa paggawa nila nitong mga simple at panlabas na gawain. Iyon ay dahil ang pagiging lider ng iglesia ay hindi isang pisikal na gawain; kailangan itong sukatin gamit ang mga prinsipyo ng pamumuno. Gayumpaman, kung nagtataglay ang taong ito ng kakayahan at talento na maging isang lider ng iglesia, at medyo mabuti ang pagkatao niya, hindi magiging marapat na italaga mo siya na gumawa ng mga panlabas na gawain; tinatawag iyon na hindi naaangkop na paggamit sa mga tao. Hindi hihigit sa isa pang part-time na gawain na may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay ang maaaring gawin ng mga lider, at puwedeng pagtuunan nila ito ng pansin nang kaunti pa sa tuwing hindi sila abala—hindi sila mapapagod nito. Pagdating sa maliliit at mga nakagawiang bagay, at sa mga pisikal na gampaning ito, puwedeng gawin ng mga tao kung ilan ang kaya nilang gawin. Mayroon bang sinuman na makakagawa ng lahat ng iyon? Mayroon bang sinuman na may ganoong kakayahan? (Wala.) Maaaring sapat ang kanilang kakayahan at kakayanan, pero may isang bagay na hindi magiging sapat, at iyon ang enerhiya nila. Ang mga tao ay mortal, may hangganan ang enerhiya nila, at limitado rin ang dami ng trabahong kaya nilang isagawa. Ang mga taong may mataas na enerhiya ay maaaring kayang gumawa hanggang 12 oras sa isang araw, samantalang ang mga taong may katamtamang enerhiya ay kadalasang nagtatrabaho nang walong oras, at ang mga taong may mababang enerhiya ay kaya lamang magtrabaho nang apat o limang oras. Samakatwid, ginagamit mo man ang isang tao para gumawa ng mga pisikal na gawain, gawain ng pamumuno sa iglesia, o gawain na nangangailangan ng mga propesyonal na kasanayan, kailangan mong isaalang-alang kung ano ang gawaing pinakanababagay para sa kanya, at pagkatapos italaga sa kanya ang pinakaangkop na gawain, kung hindi niya ito kayang gawin, magtalaga ka sa kanya ng ibang gawain. Kung hindi ka magtatalaga sa kanya ng gawaing ayon sa pinakanababagay niyang gawin, isa itong pagkakamali sa paraan ng paggamit mo ng mga tao. Para sa mga taong hindi puwedeng i-prayoridad sa pag-aangat, paglilinang, at paggamit, kahit na ipagawa sa kanila ang mga pisikal na gawain, kailangang italaga sa kanila ang mga gawaing ito batay sa kanilang kakayahan at mga abilidad. Kung kaya pa rin nilang gumawa ng iba pang mga trabaho kasabay ng mahusay na paggawa sa isang trabahong itinalaga sa kanila, maaaring ipagawa sa kanila ang ilang iba pang pisikal na gawain nang part-time, basta’t hindi nito naaapektuhan ang kanilang pangunahing trabaho. May ilang tao na malakas ang katawan at kayang gumawa ng tatlong gawain nang sunod-sunod; pagkatapos ng isang gawain, mayroon pa rin silang enerhiyang natitira, at libre sila sa halos lahat ng oras. Pero bulag ang mga huwad na lider at hindi sila marunong magtalaga ng gawain, at hindi nila napagtanto na problema ito, kaya, isang gawain lang ang itinatalaga nila sa mga taong iyon, na isang pagkakamali.
Kakatalakay Ko pa lang ngayon ang tungkol sa mga taong kulang sa katalinuhan, na walang mga espesyal na kasanayan at may kakayahan lamang na gumugol ng pisikal na lakas. Mayroon ding mga tao na may kaunting karamdaman at hindi nila kaya kahit ang gumugol ng pisikal na lakas, at sumasakit ang ulo nila, ang tiyan, o ang likod sa tuwing gumagawa sila ng anumang bagay na kahit katiting na pisikal. Ano ang dapat gawin tungkol sa pagtatalaga ng mga tungkulin sa ganitong mga uri ng tao, kung angkop sila sa paggawa ng isang tungkulin? Dapat tingnan ng isang tao ang iba’t ibang aspekto, gaya ng kalagayan ng kalusugan nila at pati na ang pagkatao at kakayahan nila, para matiyak kung anong mga tungkulin ang naaangkop na gawin nila sa sambahayan ng Diyos. Kung sobrang mahina ang kalusugan nila na hindi nila kayang gumawa ng anumang gawain, at kailangan nilang magpahinga pagkatapos magtrabaho nang ilang sandali, at kailangan din nila ng isang taong mag-aasikaso sa kanila, kung hindi nila magawa nang maayos ang isang tungkulin nang mag-isa at isang tao ang kailangang maitalaga para mag-alaga sa kanila, hindi talaga sulit iyon. Ang gayong mga tao ay hindi naaangkop sa paggampan ng tungkulin, kaya hayaan mo silang umuwi at magpagaling. Anuman ang gawin mo, huwag kang gumamit ng sinumang may malubhang karamdaman na kahit ihip ng hangin ay malamang na matatangay na siya. Kung hindi masyadong mahina ang kalusugan niya at sadyang dumaranas lang siya ng pananakit sa tiyan kung nakakakain siya nang hindi maganda, o sumasakit ang ulo niya kung ginagamit niya nang husto ang kanyang utak, kaya nakakapagtrabaho lang siya ng tatlo o apat na oras na mas mababa kaysa sa isang normal na tao, o nakakagawa lang ng kalahating trabaho ng isang normal na tao, ang gayong mga tao ay maaari pa ring gamitin hangga’t natutugunan nila ang ibang mga pamantayan. Maliban na lang kung sila mismo ang magbabanggit nito at magsasabing, “Masyadong mahina ang kalusugan ko para tiisin ang paghihirap na ito. Gusto kong umuwi para magpagaling. Kapag gumaling na ako, babalik ako at gagawin ko ang tungkulin ko,” kung gayon, sumang-ayon ka na roon kaagad at huwag mong subukang payuhan sila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip; hindi ito magkakaroon ng anumang epekto kahit na gawin mo ito. May isang kasabihan na, “Ang isang bagay na ginawa nang may sama ng loob ay hindi magbubunga ng mga kasiya-siyang resulta”; iba-iba ang pananalig, kapasyahan, at paghahangad ng bawat isa. Maaaring sabihin ng ilang tao na: “Hindi kaya minsan ay masama lang ang pakiramdam nila at medyo mababa sa enerhiya? Maaaring sumama ang pakiramdam ng mga tao kung mali ang mga kinakain nila, pero pagkatapos ng ilang araw ay magiging maayos na sila; kailangan pa ba nilang umuwi at magpagaling? Hindi ba mawawala ang sakit ng ulo at pagkahilo nila pagkatapos ng mahimbing na tulog? Hindi ba sila makakapagtrabaho nang normal pagkatapos? Malaking bagay ba iyon?” Maaaring hindi ito malaking bagay para sa iyo, pero ang ilang tao ay naiiba sa ibang tao pagdating sa kung gaano nila pinahahalagahan ang kanilang laman, at ang ilang tao naman ay talaga ngang may mga problema sa kalusugan. Sa gayong mga pagkakataon, kung hinihiling nilang umuwi para magpahinga at magpagaling, dapat sumang-ayon kaagad ang iglesia, huwag gumawa ng kahilingan sa kanila, huwag silang pahirapan, at lalong huwag magtangkang payuhan sila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip. May ilang huwad na lider na patuloy na nanghihimok sa gayong mga tao, sa pamamagitan ng pagsasabing: “Tingnan mo kung gaano kalawak ang naabot na ng gawain ng Diyos ngayon. Palaki nang palaki ang mga sakuna, lumitaw na ang apat na buwan na kulay dugo, at ngayon ay kumalat na ang pandemya na walang paraan para makaligtas ang mga walang pananampalataya! Nasa sambahayan ka ng Diyos, ginagawa ang iyong mga tungkulin at tinatamasa ang biyaya ng Diyos—hindi ka malalantad sa panganib at maaari ka ring magkamit ng katotohanan at buhay—napakalaking biyaya niyon! Walang kuwenta ang maliit mong problemang ito. Kailangan mo itong mapagtagumpayan at manalangin sa Diyos. Tiyak na pagagalingin ka ng Diyos. Basahin mo lang ang mga salita ng Diyos, matuto ka ng ilan pang himno, at likas na gagaling ang karamdaman mo kung hindi mo ito masyadong iisipin. Hindi ba’t sinasabi ng mga salita ng Diyos, ‘Ang manahan sa karamdaman ay ang magkasakit’? Nananahan ka sa sakit ngayon. Kung patuloy mong iisipin ang pagkakaroon ng sakit, magiging malubha ang sakit na ito. Kung hindi mo iisipin ang tungkol dito, mawawala ang karamdaman mo, hindi ba? Sa ganoong paraan, lalago ka sa pananalig at hindi mo gugustuhing umuwi para magpahinga. Ang pag-uwi mo para magpahinga ay tinatawag na pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman.” Huwag mong subukang payuhan sila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip, isang kahangalan ang gawin iyon. Ni hindi nila kayang magtiyaga sa kaunting pansamantalang kawalan ng kaginhawahan at gusto nalang nilang umuwi para magpahinga, at hindi man lang nila kayang lampasan ang isang maliit na suliranin, na nagpapatunay na hindi nila taos-pusong ginagawa ang kanilang tungkulin. Sa totoo lang, ang ganitong uri ng mga tao ay walang intensiyon na gawin ang kanilang tungkulin sa mahabang panahon, hindi nila ito ginagawa nang may sinseridad, ayaw nilang magbayad ng halaga, at ngayon ay nakahanap na sila sa wakas ng isang pagkakataon at dahilan para tuluyang makatakas. Sa puso nila, nagagalak sila na napakatalino nila at na dumating sa tamang panahon ang karamdamang ito. Kaya, anuman ang gawin mo, huwag mo silang hikayating manatili. Kamumuhian nila ang sinumang magtatangkang hikayatin silang manatili, at susumpain nila ang sinumang magtatangkang payuhan sila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip. Hindi mo ba nauunawaan ito? Siyempre, may ilang tao na talagang may sakit, at matagal nang may karamdaman, at natatakot sila na kung magpapatuloy pa sila, manganganib ang kanilang buhay. Ayaw nilang magdulot ng anumang problema sa sambahayan ng Diyos, o makaapekto sa paggampan ng tungkulin ng ibang tao. Pakiramdam nila, sa sandaling bumagsak ang kanilang kalusugan, kakailanganin nilang umasa sa mga kapatid para alagaan sila, at hindi sila komportableng magpaalaga sa sambahayan ng Diyos, kaya naman, matalino silang nagkukusang humingi ng pahintulot na magpahinga. Paano dapat harapin ang ganitong sitwasyon? Ganoon din, kaagad silang hayaang umuwi at magpahinga. Hindi takot sa gulo ang sambahayan ng Diyos, ayaw lang nitong ipilit ang mga bagay-bagay sa mga tao nang labag sa kalooban ng mga ito. Dagdag pa rito, lahat ng tao ay may ilang personal at tunay na suliranin. Lahat ng taong nabubuhay sa laman ay nagkakasakit, at ang mga karamdaman sa laman ay isang problemang umiiral sa realidad—iginagalang natin ang mga katunayan. May ilang tao na tunay na walang kakayahang gumawa sa kanilang mga tungkulin dahil sa malubhang karamdaman, at kung kailangan nila ang sambahayan ng Diyos para magbigay sa kanila ng mga kaginhawahan, o kung kailangan nila ang mga kapatid para magbigay ng mga panlunas o mag-alok ng ilang suhestiyon sa paggamot, magiging masaya ang sambahayan ng Diyos na ibigay ang mga bagay na ito. Kung ayaw nilang abalahin ang sambahayan ng Diyos at mayroon silang pera, paraan, at mapagkukunan para makapagpagamot ng karamdaman nila, ayos lang din iyon. Sa kabuuan, kung dahil sa kalusugan nila ay hindi nila magawang magpatuloy sa paggawa ng kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos o magpatuloy na malinang ng sambahayan ng Diyos, maaari silang makatwirang humingi ng pahintulot, at agad itong sasang-ayunan ng sambahayan ng Diyos. Walang sinuman ang dapat magpayo sa kanila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip, o magpataw ng mga kahilingan, dahil hindi iyon magiging marapat at wala iyong pagkamakatwiran. Ito ang mga pagsasaayos na ginagawa para sa ganitong uri ng mga tao.
Paano Tratuhin ang Ilang Natatanging Uri ng Tao
I. Paano Tratuhin ang mga Tao na Hindi Nag-aasikaso sa Gawain na Marapat Nilang Gawin
Ang ilang tao ay mayroong pasadong pagkatao, mayroon silang mga kalakasan at matalas na pag-iisip, nagsasalita sila nang normal, kadalasang napaka-optimistiko nila, at napaka-aktibo nila sa paggawa ng kanilang tungkulin, ngunit mayroon silang isang kapintasan, at iyon ay ang pagiging masyadong sentimental. Habang sumusunod sa Diyos at gumagawa ng kanilang tungkulin sa iglesia, palagi silang nangungulila sa kanilang pamilya at mga kamag-anak, o palagi silang nag-iisip tungkol sa pagkain ng masasarap doon sa kanilang bayan, at nasasaktan sila na hindi nila ito magawang kainin, na nakakaapekto sa paggampan nila ng kanilang tungkulin. May isa pang uri ng tao, na gustong mamuhay nang mag-isa sa isang lugar, sa sarili niyang pribadong espasyo. Kapag kasama niya ang mga kapatid, pakiramdam niya ay masyadong mabilis ang takbo ng gawain at na wala siyang pribadong espasyo na matitirhan. Palagi siyang napi-pressure, at palaging napipigilan at hindi komportableng namumuhay kasama ng mga kapatid. Palagi niyang gustong gawin ang anumang nais niya at maging malayang magpakasasa sa kanyang sarili. Ayaw niyang gawin ang kanyang tungkulin kasama ang lahat ng iba, at palagi niyang iniisip na makauwi. Palagi siyang hindi nasisiyahan sa paggawa ng kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Bagama’t madaling pakitunguhan ang mga kapatid at walang nang-aapi sa kanya sa sambahayan ng Diyos, medyo nahihirapan siyang sumunod sa iskedyul ng gawain at pahinga—kapag gising na ang lahat sa umaga, gusto niyang patuloy na matulog, pero nahihiya siyang gawin iyon, at kapag nagpapahinga na ang iba sa gabi, ayaw niyang matulog at palagi niyang gustong gumawa ng isang bagay na kinaiinteresan niya. Minsan, may isang partikular na pagkain na talagang gusto niyang kainin, pero wala ito sa kantina, at masyado siyang nahihiyang humingi nito. Minsan naman, gusto niyang maglakad-lakad, pero walang ibang humihiling na gawin ito, kaya’t hindi siya naglalakas-loob na magpakasasa sa kanyang sarili. Palagi siyang maingat at mapagbantay, at takot na mapagtawanan, maliitin, o matawag na isip-bata. Kapag hindi niya ginagawa nang maayos ang kanyang tungkulin, minsan ay napupungusan siya. Araw-araw siyang nababalisa, na parang sumusuong siya sa panganib, at hindi talaga siya masaya. Iniisip niya, “Naaalala ko noong nasa bahay ako, ako ang munting sanggol ng pamilya, malaya at hindi napipigilan, na parang isang munting anghel. Napakasaya ko noon! Ginagawa ko ang tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos ngayon, bakit naglaho ang dating ako? Hindi ko na nagagawa ang anumang gusto ko, tulad ng ginagawa ko noon,” at kaya, ayaw niyang mamuhay sa ganitong klase ng buhay. Pero hindi siya nangangahas na banggitin ito sa lider niya, at palagi niyang ibinabahagi ang mga kaisipang ito sa mga taong nasa paligid niya, palagi siyang nangungulila sa tahanan niya, at palihim na umiiyak sa gabi. Ano ang dapat gawin sa ganitong uri ng mga tao? Ang sinumang may kamalayan sa usaping ito ay dapat mag-ulat tungkol dito kaagad, dapat tiyakin kaagad ng lider kung totoo ang ulat o hindi, at kung totoo ito, maaaring payagang umuwi ang taong iyon. Tinatamasa niya ang pagkain, inumin at mabuting pakikitungo ng sambahayan ng Diyos pero ayaw pa rin niyang gawin ang kanyang tungkulin at palaging masama ang lagay ng loob niya, pakiramdam niya ay naaagrabyado siya at hindi masaya, kaya pauwiin mo na siya sa lalong madaling panahon. Hindi pansamantala ang ganitong lagay ng loob ng ganitong mga uri ng mga tao, at hindi nila malulutas ang mga ito sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa mga bagay-bagay—hindi ganoon ang sitwasyon nila. Ang personal na kagustuhan ng ilang tao ay ang gawin nang matatag ang kanilang tungkulin, at bagama’t nangungulila sila sa tahanan nila, alam nila kung anong uri ng problema ito, at nagagawa nilang hanapin ang katotohanan at lutasin ito. Sa sitwasyon ng mga taong ito, hindi sila kinakailangang pauwiin o mag-alala tungkol sa kanila. Ang sitwasyong pinag-uusapan natin ay kapag ang mga taong nasa edad na 30 ay kumikilos pa rin na parang mga bata, na hindi kailanman nagma-mature at palaging pabago-bago. Ginagawa lang nila ang anumang ipinapagawa sa kanila, at kapag wala silang magawa, iniisip nila na magsaya at makipag-usap tungkol sa mga paksang walang katuturan, at hindi nila kailanman gustong asikasuhin ang gawain na marapat nilang gawin. Nagsasalita ang mga walang pananampalataya tungkol sa pagiging matatag sa edad na 30. Ang pagiging matatag ay nangangahulugan ng pag-aasikaso sa gawain na marapat gawin ng isang tao, pagkakaroon ng kakayahang umako ng trabaho at tustusan ang sarili, pagiging marunong mag-asikaso sa gawain na marapat gawin, paggugol ng mas kaunting oras sa pagsasaya, at hindi pagpapaliban sa gawain na marapat gawin ng isang tao. Ano ang ibig sabihin ng “kumikilos na parang bata”? Ibig sabihin nito ay kawalan ng kakayahang magsagawa ng anumang gawain na marapat gawin, palaging gustong hayaan lang na maglakbay ang isipan nila, at palaging gustong maglakad-lakad, gumala, makipagkulitan, magmeryenda, manood ng mga drama, makipagkuwentuhan tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan, maglaro, at mag-browse sa internet ng mga kakaiba at kakatwang kuwento. Ibig sabihin nito ay hindi sila kailanman nahihikayat na dumalo sa mga pagtitipon, palaging gustong matulog sa tuwing dinaraos ang mga pagtitipon, gustong matulog sa sandaling nakakaramdam sila ng antok, at gustong kumain sa sandaling nakakaramdam sila ng gutom, pagiging sutil at hindi gustong mag-asikaso sa gawain na marapat nilang gawin. Hindi masasabing may masamang pagkatao ang mga taong ganito, sadyang hindi sila kailanman nagma-mature at nananatili silang parang bata. Ganito sila sa edad na 30, at ganito pa rin sila sa edad na 40; hindi nila kayang magbago. Kung hihilingin nila na umalis at ayaw na nilang gawin ang kanilang tungkulin, paano ito dapat harapin? Hindi sila hinihimok ng sambahayan ng Diyos na manatili. Dapat mo silang kausapin kaagad—hayaan mo silang umalis kaagad at umuwi sa mga walang pananampalataya, at sabihin mo sa kanila na huwag na huwag nilang sasabihin na nananampalataya sila sa Diyos. Makakamit ba ng mga taong hindi nag-aasikaso sa gawain na marapat nilang gawin ang katotohanan? Kung umaasa kang lalago sila sa kanilang pagkatao at aasikasuhin nila ang gawain na marapat nilang gawin sa pamamagitan ng paggawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, na magkakaroon sila ng kakayahang pumasan ng isang mahalagang aytem ng gawain, at pagkatapos ay makakaunawa at makapagsasagawa ng katotohanan, at makapagsasabuhay ng wangis ng tao, talagang hindi ka dapat umasa rito. Makakahanap ka ng mga taong gaya nito sa anumang grupo. May palayaw ang mga walang pananampalataya para sa ganitong uri ng mga tao: “matatandang bata.” Ang gayong mga tao ay maaaring umabot sa edad na 60 nang hindi kailanman nakapag-asikaso sa gawain na marapat nilang gawin. Hindi wasto ang kanilang paraan ng pagsasalita at pangangasiwa sa mga bagay-bagay, palagi silang tumatawa, nagbibiro, at lumilibot-libot sa paligid, wala silang anumang ginagawa nang seryoso, at talagang nakatuon lang sila sa pagsasaya. Hindi magagamit ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao.
Sa tingin ba ninyo ay masama ang “matatandang bata” na ito? Masasamang tao ba sila? (Hindi.) Ang ilan sa kanila ay hindi masasamang tao, napakasimple lang nila, at hindi naman sila masama. Ang ilan sa kanila ay napakabait at handang tumulong sa iba. Pero lahat sila ay may iisang kapintasan—sila ay mga sutil, mahilig magpakasaya, at hindi nila inaasikaso ang gawain na marapat nilang gawin. Halimbawa, sabihin nating may isang babae na pagkatapos magpakasal, hindi siya nag-aaral gumawa ng anumang gawaing-bahay. Nagluluto lang siya kapag masaya siya, pero hindi siya nagluluto kapag hindi siya masaya—palagi siyang kailangan pang suyuin. Kapag may gustong ipagawa sa kanya ang isang tao, kailangan nitong makipagkasunduan sa kanya, at kailangan siyang bantayan. Mahilig siyang magbihis nang maayos para makapamasyal, bumili ng mga damit at kolorete, at magpa-beauty treatment. Pag-uwi niya, wala siyang ginagawa kahit isang gawaing-bahay, at gusto lang niyang maglaro ng baraha at mahjong. Kung tatanungin mo siya kung magkano ang kilo ng repolyo, hindi niya alam; kung tatanungin mo siya kung ano ang kakainin niya bukas, hindi rin niya alam iyon; at kung magpapaluto ka sa kanya, papalpak lang siya rito. Kaya, sa anong bagay ba siya pinakamahusay? Pinakamahusay siya sa mga bagay tulad ng pag-alam kung aling restawran ang naghahain ng pinakamasarap na pagkain, kung aling tindahan ang may mga pinaka-usong damit, at kung aling tindahan ang nagtitinda ng mga mura at epektibong kolorete, pero wala siyang nauunawaan o natututunang ibang bagay gaya ng kung paano palilipasin ang mga araw niya, o ng mga kasanayan na kinakailangan sa normal na buhay ng tao. Hindi niya ba natututunan ang mga bagay na ito dahil wala siyang sapat na kakayahan? Hindi, hindi iyon ang dahilan. Batay sa mga bagay na kung saan siya mahusay, mayroon siyang kakayahan, pero hindi lang niya inaasikaso ang gawain na marapat niyang gawin. Hangga’t may pera siyang magagastos, lalabas siya para kumain sa mga restawran at bibili ng mga kolorete at damit. Kung kinapos ng mga kaldero at kawali sa bahay at inutusan siyang bumili ng ilan, sasabihin niya, “May masasarap na pagkain na ibinebenta sa labas, bakit ko pa kailangang bilhin ang lahat ng iyan?” Kung nasira ang vacuum cleaner sa bahay, at sinabihan siyang bawasan ng isa ang bibilhin niyang damit para makatipid ng pera para makabili ng bagong vacuum cleaner, sasabihin niya, “Kapag kumikita na ako ng pera sa hinaharap, kukuha na lang ako ng kasambahay para maglinis ng bahay, para hindi na kailangang bumili ng vacuum cleaner.” Kadalasan, kung hindi siya naglalaro o nagma-mahjong, bumibili siya ng mga bagong usong damit, at hindi siya kailanman naglilinis ng bahay. Hindi ito pag-aasikaso ng gawain na marapat gawin, hindi ba? Mayroon ding ilang lalaki na, sa sandaling kumita sila ng kaunting pera, bumibili ng sasakyan o nagsusugal gamit ang perang ito. Kapag may nasira sa bahay, hindi nila iyon inaayos. Hindi nila pinapalipas ang kanilang mga araw sa tamang paraan. Sa bahay nila, hindi gumagana ang kanilang refrigerator, at gayundin ang washing machine nila, barado ang mga tubo, at tumutulo ang bubong kapag umuulan, at hindi nila inaayos ang mga ito sa loob ng mahabang panahon. Ano ang tingin ninyo sa gayong mga lalaki? Hindi nila inaasikaso ang gawain na marapat nilang gawin. Lalaki o babae man sila, hindi magagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga uri ng tao na sobrang sutil at hindi nag-aasikaso sa gawain na marapat nilang gawin.
May ilang tao na hindi nag-aasikaso sa gawain na marapat nilang gawin bilang mga magulang, at hindi rin nila naaalagaan nang maayos ang kanilang mga anak. Dahil dito, nababanlian ng kumukulong tubig o nagkakaroon ng pasa at galos ang kanilang mga anak; ang ilang bata ay nababasag ang ilong, ang iba ay napapaso ang puwitan sa kalan, at ang iba naman ay nasusunog ang lalamunan matapos makainom ng kumukulong tubig. Ang ganitong mga uri ng tao ay hindi maasikaso sa anumang ginagawa nila, at wala silang kakayahang gumawa ng anumang bagay nang maayos. Hindi nila inaasikaso ang gawain na marapat nilang gawin, nagloloko sila, sutil sila at mahilig sa kasiyahan, at hindi nila kayang pumasan ng mga responsabilidad na dapat pasanin ng isang tao. Bilang mga magulang, hindi nila kayang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at hindi sila maasikaso. Kaya, kaya bang pasanin ng gayong mga tao ang mga responsabilidad na dapat pasanin ng mga normal na tao kapag gumagawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos? Hindi, talagang hindi. Hindi magagamit ang mga taong hindi nag-aasikaso sa gawain na marapat nilang gawin. Kung sasabihin nilang ayaw na nilang gawin ang kanilang tungkulin at hihilingin nilang umuwi, hayaan na lang silang umalis kaagad. Walang sinuman ang dapat pumilit o maghikayat sa kanila na manatili, dahil isa itong problemang may kinalaman sa kanilang kalikasan, hindi ito isang paminsan-minsan at pansamantalang pagpapamalas lamang. Puno ng maling akala ang mga taong ito noong dumating sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin; inakala nila na ang paggampan ng tungkulin at pagsunod sa Diyos ay parang pagpunta sa Hardin ng Eden, na parang nasa mabuting lupain ng Canaan. Kamangha-mangha ang buhay na naisip nila, na may kasamang magagandang bagay na makakain at maiinom buong araw, may kalayaan at walang pagpigil, at walang anumang gawaing kailangang gawin. Gusto nilang mamuhay ng walang alalahaning buhay ng pagliliwaliw, pero ganap na naiiba sa inaasahan nila ang kinalabasan. Sapat na ang naranasan ng mga taong ito, at pakiramdam nila ay nakakabagot at walang kabuhay-buhay rito, at gusto na nilang umalis, kaya hayaan mo na silang umalis kaagad—hindi hinihikayat ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito na manatili. Hindi pinipilit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao, at hindi rin ninyo ito dapat gawin; ito ay pagsasagawa sa katotohanan at pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Dapat ninyong gawin ang mga bagay-bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat kayong maging isang tao na nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, isang marunong na tao—huwag maging isang taong magulo ang isip, o isang walang-pinipiling mapagpalugod ng tao. Sa ganitong paraan mo pangasiwaan ang mga uri ng taong hindi nag-aasikaso sa gawain na marapat nilang gawin—maituturing ba ito na kawalan ng pagmamahal o hindi pagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na magsisi? (Hindi.) Patas ang Diyos sa lahat, at may karapatan ang sambahayan ng Diyos na iangat, linangin, at gamitin ka. Kung ayaw mong gawin ang iyong tungkulin, at hihilingin mo na umalis sa iglesia, iyon ay malaya mong kapasyahan, kaya dapat sang-ayunan ng iglesia ang kahilingan mo, tiyak na hindi ka nito pipilitin. Ito ay alinsunod sa moralidad, sa pagkatao, at siyempre, lalo pang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay isang napaka-akmang paraan ng pagkilos! Kung may sinuman na gumagawa ng kanyang tungkulin sa loob ng ilang panahon, at napapagod at nahihirapan siya sa tungkuling ito, at hindi na siya masayang gawin ito, at dahil dito ay gusto na niyang bitiwan ang kanyang tungkulin at tumigil sa pananampalataya sa Diyos, bibigyan kita ng isang tiyak na tugon ngayon, at ito ay na sasang-ayunan ito ng sambahayan ng Diyos, at hindi ka nito kailanman pipilitin na manatili, o gagawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa iyo. Walang mahirap na kalagayan dito, at hindi mo kailangang maramdaman na parang nag-aalangan ka, o napapahiya. Lalong hindi ito isang isyu para sa sambahayan ng Diyos, at wala ring mga hinihingi sa iyo ang sambahayan ng Diyos. Higit pa rito, kung gusto mong umalis, hindi ka kokondenahin o hahadlangan ng sambahayan ng Diyos, dahil ito ang landas na pinili mo, at maaari lamang tugunan ng sambahayan ng Diyos ang mga hinihingi mo. Ito ba ay wastong paraan ng pagkilos? (Oo.)
Kakalista Ko lang ng ilang sitwasyon kung saan hindi inaasikaso ng mga tao ang gawain na marapat nilang gawin. Hindi pipilitin ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito; kung ayaw nilang gawin ang tungkulin nila o mayroon silang ilang personal na paghihirap at hinihiling nila na hindi na gumawa ng tungkulin, sasang-ayon ang sambahayan ng Diyos. Hindi na sila gagamitin nito, at hindi na sila nito hahayaang gumawa ng tungkulin. Ganito pinangangasiwaan ang gayong mga tao, at ito ay isang ganap na wastong paraan ng pagkilos.
II. Paano Tratuhin ang mga Hudas
May ilang tao na lubhang mahina ang loob, at sa tuwing nababalitaan nila na naaresto ang isang kapatid, labis silang natatakot na sila mismo ay maaaresto rin. Malinaw na kung maaaresto nga sila, may panganib na ipagkakanulo nila ang iglesia. Paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? Angkop ba ang mga taong ito na gumawa ng ilang mahalagang tungkulin? (Hindi, hindi sila angkop.) Maaaring sabihin ng ilang tao, “Sino ang makakagarantiya na sila mismo ay hindi magiging Hudas?” Walang makakagarantiya na hindi sila magiging Hudas kung sila ay pahihirapan. Kaya, bakit hindi gumagamit ang sambahayan ng Diyos ng mga duwag na tao na maaaring maging Hudas? Dahil ang mga taong halatang duwag ay maaaring maaresto at makibahagi sa pagkakanulo anumang oras; kung gagamitin ang gayong mga tao para gumawa ng mahalagang tungkulin, napakalaki ng tendensiya na magkakaroon ng problema. Ito ay isang prinsipyo na kailangang maunawaan kapag pumipili at gumagamit ng mga tao sa mapanganib na kapaligiran sa mainland ng Tsina. May espesyal na sitwasyon dito, na kung saan ay isinailalim ang ilang tao sa matindi at matagal na pagpapahirap, na naglagay sa buhay nila sa panganib, at sa huli, hindi na talaga nila ito kayang tiisin, kaya’t naging mga Hudas sila dahil sa kahinaan at nagkanulo sila sa ilang hindi gaanong mahalagang bagay. Walang nakakakilatis sa gayong mga tao, at maaari pa ring gamitin ang mga taong ito. Ngunit may mga tao rin na nakapaghanda na ng daan palabas para sa kanilang sarili bago pa sila maaresto. Matagal at masusi nilang pinag-isipan kung paano matitiyak ang kanilang agarang paglaya pagkatapos maaresto, nang hindi na kailangan pang sumailalim sa anumang pagpapahirap—una, pag-iwas sa pagpapahirap; pangalawa, pag-iwas na masentensiyahan; at pangatlo, pag-iwas sa pagkakakulong. Ganito sila mag-isip. Wala silang kapasyahan na mas gugustuhin nilang magdusa o makulong kaysa maging isang Hudas. Baka makibahagi sila sa pagkakanulo kahit pa hindi sila pahirapan, kaya masasabi ba na mga Hudas na sila bago pa man sila maaresto at makulong? (Oo.) Ito ang mga tunay na Hudas. Nangangahas ba ang iglesia na gamitin ang ganitong klase ng mga tao? (Hindi.) Kung matutukoy sila, tiyak na hindi sila dapat linangin at gamitin. Paano karaniwang ipinapamalas ng mga taong ito ang sarili nila? Lubhang mahina ang loob nila. Sa sandaling magkaroon ng problema, iniiwasan nila ang kanilang mga responsabilidad sa pinakamaagang pagkakataon, at sa tuwing nakakaranas sila ng pinakakatiting na panganib, tinatalikuran nila ang kanilang tungkulin at umaalis. Sa tuwing nababalitaan nila na naging mapanganib na ang kapaligiran, naghahanap sila ng ligtas na lugar na mapagtataguan; walang makakahanap sa kanila at hindi sila nakikipag-ugnayan sa kahit kanino. Ang pagtatago ay isang gawaing napakahusay nilang nagagawa. Wala silang pakialam sa kahit anong paghihirap na nararanasan ng gawain ng iglesia, at kaya nilang isantabi ang anumang uri ng kritikal na gawain; itinuturing nilang mas mahalaga ang kanilang seguridad kaysa sa anumang ibang bagay. Higit pa rito, sa harap ng panganib, hihimukin nila ang ibang tao na sumuong sa panganib at makipagsapalaran sa tuwing may nangyayari, habang sila naman ay pinoprotektahan ang kanilang sarili. Sa kahit gaano man kalaking panganib nila inilalagay ang ibang tao, sa tingin nila ay karapat-dapat at tama lang na gawin ito alang-alang sa sarili nilang seguridad. Gayundin, kapag nahaharap sa panganib, hindi sila nagmamadaling lumapit sa Diyos para magdasal, o nagmamadaling magsaayos sa paglilipat sa mga kapatid o sa ari-arian ng iglesia na maaaring nanganganib. Sa halip, iniisip muna nila nang mabuti kung paano makakatakas, kung paano magtatago, at kung paano sila makakawala sa panganib. Nagawa na nga nila ang kanilang plano ng pagtakas—kung sino ang unang ipagkakanulo kung maaaresto nga sila, kung paano makakaiwas sa pagpapahirap, kung paano makakaiwas sa sentensiya sa kulungan, at kung paano makakaiwas sa kapighatian. Sa tuwing nahaharap sila sa isang uri ng kapighatian, para silang mamamatay sa takot at wala silang ni katiting na pananalig. Hindi ba’t mapanganib ang ganitong uri ng mga tao? Kung ipinapagawa sa kanila ang isang mapanganib na gawain, walang tigil silang nagrereklamo tungkol dito, natatakot sila at palagi nilang iniisip na tumakas, at ayaw gawin ito. Ang ganitong uri ng mga tao ay nagpapakita na ng mga palatandaan ng pagiging Hudas bago pa man sila maaresto. Sa sandaling maaresto nga sila, isang daang porsiyento ang katiyakan na ipagkakanulo nila ang iglesia. Sa paggawa ng kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, talagang aktibo sila sa lahat ng bagay na maglalagay sa kanila sa sentro ng atensiyon nang hindi sila inilalantad sa panganib; ngunit pagdating sa pagharap sa mga panganib, umaatras sila, at kung may ipapagawa ka sa kanila na isang bagay na delikado, hindi nila iyon gagawin, ayaw lang nilang tumanggap ng responsabilidad. Sa sandaling mabalitaan nila na may panganib sa isang lugar, halimbawa, na nagsasagawa ng mga pang-aaresto ang malaking pulang dragon, o na nahuli ang ilang mananampalataya, humihinto sila sa pagdalo sa mga pagtitipon, tumitigil sila sa pakikipag-ugnayan sa mga kapatid, at walang makakahanap sa kanila. Muli silang nagpapakita kapag humupa na ang mga tsismis at maayos na ang lahat. Maaasahan ba ang ganitong uri ng mga tao? Kaya ba nilang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Bakit hindi? Ni wala nga silang kapasyahan o kagustuhan na hindi maging mga Hudas; sila ay mga duwag, bahag ang buntot, at walang kuwenta. May isang halatang katangian ang ganitong uri ng mga tao, na anuman ang mga kalakasan at abilidad na taglay nila, kung gagamitin sila ng sambahayan ng Diyos, hindi nila kailanman ilalaan ang sarili nila nang buong-puso sa pagtatanggol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba nila ipinagtatanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos dahil wala silang kakayahang gawin iyon? Hindi, hindi ito ang kaso; kahit pa mayroon silang ganitong abilidad, hindi nila ipagtatanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sila ay tipikal na mga Hudas. Sa tuwing kailangan nilang makitungo sa mga walang pananampalataya sa panahong ginagawa nila ang kanilang tungkulin, pinananatili nila ang magandang relasyon sa mga ito at tinitiyak nilang patuloy silang hinahangaan, iginagalang, at pinahahalagahan ng mga walang pananampalataya. Kung gayon, ano ang kabayaran para matamo nila ang lahat ng ito? Iyon ay ang pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos kapalit ng kanilang personal na kaluwalhatian at mga interes. Ang ganitong uri ng tao ay talagang duwag kahit bago pa man maaresto, at pagkatapos maaresto, isang daang porsiyentong sigurado na siya ay makikibahagi sa pagkakanulo. Tiyak na hindi puwedeng gamitin ng sambahayan ng Diyos ang mga taong gaya nito—ang mga Hudas na ito—at kailangan silang itiwalag ng sambahayan ng Diyos sa lalong madaling panahon.
Tungkol naman sa uri ng mga tao na mga Hudas, bagama’t sa panlabas ay hindi sila mukhang masasama, sila ay talagang mga taong may lubhang mababang integridad at maladiyablong katangian. Gaano man sila makinig sa mga sermon o magbasa ng mga salita ng Diyos, sadyang hindi nila maunawaan ang katotohanan, at hindi rin nila nararamdaman na ang pamiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ay ang pinakanakakahiya, buktot, at mapaminsalang bagay. Handa silang magpresenta pagdating sa mga bagay na mapapansin sila, pero pagdating sa mga bagay na delikado, o mahirap harapin, hinahayaan nila ang iba na akuin o harapin ang mga ito. Anong klaseng mga tao sila? Hindi ba’t sila ay mga taong lubhang mababa ang integridad? Ang ilang tao ay bumibili ng mga gamit para sa sambahayan ng Diyos, at sa paggawa nito, dapat nilang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at maging patas at makatwiran sila. Gayumpaman, ang uri ng mga tao na mga Hudas ay hindi lang nabibigong ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, bagkus, tinutulungan nila ang mga walang pananampalataya kapalit ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos, at tinutugunan ang mga hinihingi ng mga walang pananampalataya sa bawat pagkakataon, at mas gugustuhin nilang mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kung matutulungan sila nitong magpalakas sa mga walang pananampalataya. Ito ay tinatawag na pagkagat sa kamay na nagpapakain sa iyo, at ito ay kawalan ng kabutihan! Hindi ba’t ito ay pagkakaroon ng kasuklam-suklam na pagkatao? Hindi ito mas mainam kaysa sa pagkakanulo ni Hudas sa Panginoon at sa mga kaibigan niya. Anuman ang ipinagkakatiwala ng sambahayan ng Diyos na gawin nila, hindi nila isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapag may ipinapabili sa kanila na isang bagay, hindi sila kailanman naglilibot at nagkukumpara ng mga presyo, kalidad at serbisyo pagkatapos ng benta ng maraming taga-suplay at pagkatapos ay hindi maingat na tinitimbang ang mga mapagpipilian at isinasagawa ang mga tamang pagbeberipika, para makaiwas sa pandaraya, makatipid sa pera ang sambahayan ng Diyos, at maprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa pagkakapinsala—hindi nila kailanman ginagawa iyon. Kung iminumungkahi ng isang kapatid na pinakamainam na maglibot-libot muna, sasabihin nila, “Hindi na kailangang maglibot-libot; sabi ng taga-suplay na pinakamaganda ang mga tinda nila.” Kapag tinanong sila ng kapatid, “Kung gayon, puwede ka bang tumawad sa presyo sa kanila?” sasagot sila, “Bakit pa kailangang tumawad? Sinabi na nila sa akin kung ano ang presyo, at kung makikipagtawaran pa ako sa kanila, tiyak na nakakahiya iyon, at magmumukha tayong walang pera. Mayaman naman ang sambahayan ng Diyos, hindi ba?” Anuman ang presyo ng isang bagay o ang kalidad nito, basta’t sa tingin nila ay angkop ito, ipapabili nila agad ito, at pupunahin, pagagalitan at kokondenahin pa nga ang sinumang magpapaantala sa pagbili. Walang nangangahas na magsabi ng “hindi” sa harap nila, at walang nangangahas na magbigay ng anumang mga opinyon. Gumagawa man sila ng isang malaking gawain o may kaunting aasikasuhin para sa sambahayan ng Diyos, ano ang mga prinsipyo nila? “Kailangan lang na magbayad ng pera ang sambahayan ng diyos, at kung napipinsala man o hindi ang mga interes ng sambahayan ng diyos, wala itong kinalaman sa akin. Ganito lang talaga ako magtrabaho; kailangan kong bumuo ng magandang ugnayan sa mga walang pananampalataya. Anuman ang sabihin ng mga walang pananampalataya ay tama, at susunod ako rito. Hindi ko pangangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng diyos. Kung gusto mo akong gamitin, gawin mo; kung ayaw mo akong gamitin, eh ‘di huwag—ikaw ang bahala. Ganito lang talaga ako!” Hindi ba’t maladiyablong kalikasan ito? Ang gayong mga tao ay mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya. Magagamit ba sila para mangasiwa ng mga usapin para sa sambahayan ng Diyos? Ang ganitong tao ay may kaunting pinag-aralan, mga kalakasan, at ilang panlabas na abilidad, at magaling makipag-usap, at kayang mangasiwa ng ilang gawain. Pero kahit anong mga usapin ang pinangangasiwaan nila para sa sambahayan ng Diyos, di-maiiwasang gawin nila ito nang walang pakundangan at ayon lang sa gusto nila, na nagdudulot ng pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Patuloy rin nilang nililinlang ang sambahayan ng Diyos at itinatago ang tunay na kalagayan ng mga usapin, at sa sandaling pumalpak sila sa mga bagay-bagay, kinakailangang magsaayos ang sambahayan ng Diyos ng isang tao na mag-aayos ng kanilang kapalpakan. Ito ay isang tipikal na halimbawa ng pakikipagsabwatan sa mga tagalabas para ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Paanong naiiba ito sa pagkakanulo ni Hudas sa Panginoon at sa mga kaibigan niya? Kapag ang ganitong uri ng mga tao ay ginamit para gumawa ng tungkulin, hindi lang sila nabibigong magserbisyo sa sambahayan ng Diyos, kundi lumalabas na sila ay mga mapag-aksaya at tagahatid pa ng kamalasan. Ni hindi nga sila kalipikadong maging mga tagapagserbisyo; talagang sila ay mga mababang-uri! Ang gayong mga tao ay mismong mga alipin ni Satanas at mga supling ng malaking pulang dragon, at sa sandaling mabunyag sila, dapat silang paalisin at itiwalag kaagad. Bilang isang mananampalataya sa Diyos at isang miyembro ng sambahayan ng Diyos, ni hindi nila matupad ang kanilang responsabilidad na ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, mayroon pa ba silang konsensiya at katwiran? Mas masahol pa sila sa isang asong tagapagbantay!
Ang uri ng mga tao na mga Hudas ay walang nakapaskil na salitang “Hudas” sa noo nila, pero ang mga kilos at pag-uugali nila ay kapareho mismo ng kalikasan ng kay Hudas, at hindi mo kailanman dapat gamitin ang ganitong uri ng tao. Ano ang ibig Kong sabihin sa “hindi kailanman dapat gamitin”? Ibig sabihin nito ay na hindi kailanman sila dapat na pagkatiwalaan sa mahahalagang bagay. Kung ito ay isang maliit na bagay na walang mga implikasyon sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ayos lang na gamitin sila pansamantala, pero ang ganitong uri ng tao ay tiyak na hindi umaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao, dahil sila ay ipinanganak na mga Hudas, at likas silang masama. Sa madaling salita, mapanganib ang mga taong ito at tiyak na hindi dapat gamitin. Habang mas tumatagal ang paggamit mo sa ganitong uri ng mga tao, mas hindi ka mapapanatag, at mas dumarami ang epekto nito sa hinaharap. Kaya, kung malinaw mo nang nakikita na sila ang uri ng mga tao na mga Hudas, talagang hindi mo sila dapat gamitin—totoo ang lahat ng ito. Wasto ba na tratuhin sila nang ganito? Maaaring sabihin ng ilang tao: “Hindi mapagmahal na tratuhin sila nang ganito. Hindi pa nila ipinagkanulo ang kahit sino; paanong masasabi na mga Hudas sila?” Kailangan mo pa bang hintayin na may ipagkanulo sila? Paano ipinamalas ni Hudas ang sarili niya? Nagkaroon ba ng anumang senyales na ipagkakanulo niya ang Panginoon? (Oo, nagnakaw siya ng pera mula sa lukbutan ng Panginoong Jesus.) Ang mga taong palaging ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay may parehong kalikasan ni Hudas, na nagnakaw ng pera sa lukbutan. Sa sandaling maaresto ang mga taong gaya nito, makikibahagi sila sa pagkakanulo, at isusuko kay Satanas ang lahat ng nalalaman nila, nang walang anumang pagpipigil. Ang ganitong uri ng tao ay may diwa ni Hudas. Malinaw nang naibunyag at nailantad ang diwa nila; kung gagamitin mo pa rin sila, hindi ba’t naghahanap ka lang ng problema? Hindi ba’t sadya itong pamiminsala sa sambahayan ng Diyos? Hayagang sinasabi ng ilang tao, “Kung pupungusan ako ng sinuman, o kung may gagawin ang kahit sino na anumang bagay na nakakapinsala sa aking mga interes o nakakasira sa magandang kalagayan ko rito, matitikman din niya ang nararapat sa kanya!” Lalo pang masasabi sa ganitong sitwasyon na may diwa ni Hudas ang ganitong uri ng tao; napakalinaw nito. Sila mismo ang nagsasabi sa iba na sila ay Hudas, kaya, ang ganitong uri ng tao ay tiyak na hindi maaaring gamitin.
III. Paano Tratuhin ang mga Kaibigan ng Iglesia
May isa pang uri ng mga tao na hindi maituturing na mabuti o masama, at na mga mananampalataya lang sa pangalan. Kung hihilingin mo sa kanila na gumawa ng isang bagay paminsan-minsan, kaya nilang gawin ito, pero hindi nila kusang gagampanan ang tungkulin nila kung hindi mo ito isasaayos para sa kanila. Dumadalo sila sa mga pagtitipon sa tuwing libre sila, pero sa sarili nilang pribadong oras, walang nakakaalam kung kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos, nag-aaral ng mga himno, o nagdarasal. Gayumpaman, medyo magiliw sila sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia. Ano ang ibig sabihin ng medyo magiliw? Ibig sabihin, kung hihilingin sa kanila ng mga kapatid na gumawa ng isang bagay, papayag sila; alang-alang sa pagiging kapwa mananampalataya, puwede silang tumulong na gumawa ng ilang bagay, sa loob ng saklaw ng mga abilidad nila. Gayumpaman, kung hihilingin sa kanila na gumugol ng labis na pagsisikap o magbayad ng kung anong halaga, tiyak na hindi nila ito gagawin. Kung may isang kapatid na nahihirapan at nangangailangan ng tulong nila, tulad ng paminsan-minsang pagtulong sa pag-aasikaso sa bahay, pagluluto ng pagkain, o paminsan-minsang pagtulong sa ilang maliit na gawain—o marunong ang naturang tao ng banyagang wika at kaya niyang tulungan ang mga kapatid na magbasa ng mga liham—kaya nilang tumulong sa ganitong uri ng bagay at medyo magiliw sila. Karaniwan ay nakakasundo nila ang iba at hindi sila nagtatanim ng galit sa mga tao, pero hindi sila regular na dumadalo sa mga pagtitipon at hindi nila hinihiling na bigyan sila ng tungkulin, lalo na ang magsagawa ng anumang mahalaga o kahit mapanganib na gawain. Kung hihilingin mo sa kanila na gumawa ng isang mapanganib na gampanin, tiyak na tatanggihan ka nila, sinasabing, “Nananampalataya ako sa diyos alang-alang sa paghahanap ng kapayapaan, kaya paanong gagawa ako ng mga mapanganib na gampanin? Hindi ba’t paghahanap iyon ng gulo? Hindi ko talaga magagawa ito!” Pero kung hihilingin sa kanila ng mga kapatid o ng iglesia na gawin nila ang isang maliit na bagay, kaya nilang tumulong at gumawa ng maliit na pagsisikap, tulad lang ng isang kaibigan. Ang ganitong anyo ng paggugol sa sarili at pagtulong ay hindi matatawag na paggawa ng tungkulin, ni hindi ito matatawag na pagkilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at lalong hindi ito matatawag na pagsasagawa sa katotohanan; isa lang itong kaso ng pagkakaroon nila ng paborableng impresyon sa mga mananampalataya sa Diyos at pagiging medyo magiliw sa mga ito, at pagkakaroon ng kakayahang tumulong kung may nangangailangan ng tulong. Ano ang tawag sa ganitong uri ng mga tao? Tinatawag sila ng sambahayan ng Diyos na mga kaibigan ng iglesia. Paano dapat tratuhin ang uri ng mga tao na mga kaibigan ng iglesia? Kung may taglay silang kakayahan at kaunting kalakasan at kaya nilang tulungan ang iglesia sa pangangasiwa ng ilang panlabas na usapin, mga tagapagserbisyo rin sila at mga kaibigan ng iglesia. Ito ay dahil ang ganitong uri ng mga tao ay hindi maituturing na mga mananampalataya sa Diyos, at hindi sila kinikilala ng sambahayan ng Diyos. At kung hindi sila kinikilala ng sambahayan ng Diyos, puwede ba silang kilalanin ng Diyos bilang mga mananampalataya? (Hindi.) Samakatwid, huwag kailanman hihilingin sa ganitong uri ng mga tao na sumali sa hanay ng mga gumagampan sa tungkulin nang full time. May mga nagsasabi: “Ang ilang tao, nang magsimula silang manampalataya, ay may kaunting pananalig at gusto lang nilang maging mga kaibigan ng iglesia. Hindi nila nauunawaan ang maraming bagay tungkol sa pananampalataya sa Diyos, kaya paano sila magiging handang gumawa ng isang tungkulin? Paano sila magiging handang gugulin ang sarili nila nang buong puso?” Hindi natin tinutukoy ang mga taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang buwan o hanggang isang taon, kundi ang mga taong sa pangalan lang nananampalataya sa Diyos sa loob ng mahigit tatlong taon, o maging sa loob ng lima o sampung taon. Kahit gaano pa sinasabi ng ganitong mga tao na kinikilala nila na ang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos at na ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ang tunay na iglesia, hindi ito nagpapatunay na mga tunay silang mananampalataya. Batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng ganitong uri ng mga tao at sa paraan ng pananalig nila, tinatawag natin silang mga kaibigan ng iglesia. Huwag silang ituring bilang mga kapatid—hindi sila mga kapatid. Huwag hayaan ang gayong mga tao na sumali sa iglesiang may tungkuling full-time, at huwag silang hayaang sumali sa hanay ng mga gumagampan ng tungkulin nang full-time; hindi ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Puwedeng sabihin ng ilan: “May pagkiling Ka ba laban sa ganitong uri ng mga tao? Bagama’t mukhang matamlay sa panlabas, sa loob ay talagang masigasig sila.” Imposible para sa mga sinserong mananampalataya na lima o sampung taon nang nananampalataya sa Diyos at nananatili pa ring matamlay; ang pag-uugali ng ganitong uri ng mga tao ay ganap nang ibinubunyag na sila ay mga hindi mananampalataya, mga taong nasa labas ng mga salita ng Diyos, at mga walang pananampalataya. Kung tinatawag mo pa rin silang mga kapatid, at sinasabi mo pa rin na hindi sila tinatrato nang patas, kung gayon, ang kuru-kuro at mga damdamin mo ang nagsasalita.
Paano natin dapat tratuhin ang uri ng mga tao na kaibigan ng iglesia? Sila ay mapagmalasakit at handang tumulong sa pag-aasikaso ng kaunting gawain. Kung may pagkakataon na kailangan sila, maaari mo silang bigyan ng oportunidad na asikasuhin ang kaunting gawain. Kung kaya nilang gawin ang isang bagay, hayaan silang gawin ito. Para naman sa mga bagay na hindi nila kayang gawin nang maayos, at maaari pa nga silang pumalpak, tiyakin mong hindi ka magtatalaga sa kanila ng gayong mga gampanin, nang sa gayon ay maiwasang makalikha ng problema—hindi mo puwedeng hayaan ang sarili mo na mapilitan dahil sa kanilang mabubuting intensyon. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi rin nila nauunawaan ang mga prinsipyo. Kung may mga panlabas na usapin na kaya nilang pangasiwaan, hayaan silang gawin ito. Pero huwag na huwag mo silang hayaang mangasiwa ng mahahalagang gawain na may kinalaman sa gawain ng iglesia—sa gayong kaso, dapat tanggihan ang kanilang mabubuting intensyon at masigasig na tulong. Kapag nakahaharap mo ang ganitong uri ng tao, pakitunguhan mo lang sila sa panlabas, pero hanggang doon lang iyon; huwag mo silang seryosohin. Bakit hindi sila dapat seryosohin? Dahil mga kaibigan lang sila ng iglesia, at hindi talaga sila mga kapatid. Alinsunod ba sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao ang gayong mga tao? (Hindi.) Kaya naman, kung ang ganitong uri ng tao ay hindi dumadalo sa mga pagtitipon, hindi nakikinig sa mga sermon, o hindi gumagawa ng tungkulin, hindi sila kailangang imbitahan pa. Kung hindi sila kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos o nagdarasal, kung hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa tuwing may nangyayari sa kanila, at kung ayaw nilang makipag-ugnayan sa mga kapatid, hindi sila kailangan pang suportahan o tulungan. Tatlong salita—huwag silang pansinin. Huwag seryosohin ang ganitong mga uri ng tao na mga kaibigan ng iglesia at mga hindi mananampalataya, at huwag mo silang pansinin. Hindi mo sila kailangang alalahanin, at hindi sila kailangang kumustahin. Bakit hindi sila kailangang kumustahin? Ano ang silbi ng pangungumusta sa mga taong walang kinalaman sa atin? Hindi ito kinakailangan, hindi ba? Gusto ba ninyong bigyang-pansin ang ganitong mga uri ng tao? Marahil ay gusto ninyong maging pakialamero at gustong magmalasakit, at nag-iisip, “Kumusta na kaya sila ngayon? May asawa na kaya sila o wala pa? Ayos lang kaya sila? Anong trabaho ang ginagawa nila ngayon?” Anuman ang kalagayan nila, wala itong kinalaman sa iyo. Ano ang silbi na mag-alala ka tungkol doon? Huwag mo silang bigyan ng pansin, at huwag ka ring magkomento tungkol sa kanila. May ilang tao na mahilig magkomento, tulad ng: “Kita mo na? Hindi sila nananampalataya nang maayos sa Diyos, namumuhay sila ng nakakapanghina ng loob at nakakapanlupaypay na pag-iral araw-araw, at mukha silang hapong-hapo at pagod na pagod sa lahat ng oras,” o “Kita mo na? Hindi sila nananampalataya nang maayos sa Diyos, kaya wala silang kapayapaan, at mayroon na namang masamang nangyari sa pamilya nila.” Walang kabuluhan ang lahat ng ito, at hindi kinakailangan. Walang kinalaman sa iyo kung paano sila namumuhay at tumatahak sa kanilang landas. Ni huwag mo silang banggitin; hindi kayo magkapareho ng landas. Taos-puso mong ginugugol ang iyong sarili para sa Diyos at ginagawa ang tungkulin mo nang full time, gusto mo lang na maghangad para makamit ang katotohanan at matamo ang kaligtasan, at anuman ang sabihin ng Diyos, gusto mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para palugurin Siya; wala sa puso ng mga taong iyon ang ganitong mga saloobin. Kapag nakakakita ka ng masasamang kalakaran, nakakaramdam ka ng paghihimagsik at pagkasuklam sa mga ito, at pakiramdam mo ay walang kaligayahan na mamuhay sa mundong ito, at tanging sa pananampalataya sa Diyos ka makakahanap ng kaligayahan; samantalang sila ay eksaktong kabaligtaran mo: Pinatutunayan nito na hindi kayo magkapareho ng landas. Ang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pangangasiwa ng ganitong uri ng tao ay na kung sila ay handang tumulong, maaari silang bigyan ng sambahayan ng Diyos ng oportunidad basta’t walang posibleng mga epekto. Kung hindi sila kailangan ng sambahayan ng Diyos at handa pa rin silang tumulong, pinakamainam na tumanggi nang may paggalang—huwag mong bigyan ng problema ang sarili mo. Araw-araw na nagbabahaginan ang mga mananampalataya tungkol sa katotohanan, at tinatanggap nila ang mapungusan, pero kaya pa rin nilang gawin nang pabasta-basta ang mga bagay-bagay, kaya, magagawa bang pangasiwaan nang maayos ng mga kaibigan ng iglesia ang mga bagay-bagay nang walang anumang kapalit na kabayaran? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, pag-iisip ba ito ng masama sa mga tao? Ito ba ay sobrang negatibong pananaw tungkol sa mga tao? (Hindi.) Ito ay pagsasalita batay sa katunayan, pagsasalita batay sa diwa ng mga tao. Huwag maging mangmang, huwag maging hunghang, at huwag gumawa ng anumang kahangalan. Kailangan pa ring sumailalim ang mga mananampalataya sa mga pagpupungos, mga paghatol at pagkastigo, matinding pagdidisiplina, pagtutuwid, at paglalantad bago unti-unting maging alinsunod sa layunin ng Diyos ang paggampan nila sa kanilang tungkulin. Ang isang kaibigan ng iglesia o isang walang pananampalataya ay hindi tumatanggap ng kahit anong katotohanan, at ang tanging iniisip niya lang ay ang sarili niyang mga interes, kaya anong kabutihan ang maidudulot ng pangangasiwa niya sa mga usapin para sa sambahayan ng Diyos o para sa mga kapatid? Tiyak na wala. Nararapat lang na hindi bigyan ng pansin ang ganitong uri ng mga tao, hindi ba? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng “hindi sila bigyan ng pansin”? Ibig sabihin nito ay hindi sila itinuturing ng sambahayan ng Diyos bilang mga mananampalataya. Maaari silang sumampalataya sa Diyos sa anumang paraan nila gusto, pero walang anumang kinalaman sa kanila ang gawain at mga usapin ng sambahayan ng Diyos. Handa silang tumulong, pero kailangan nating timbangin ang mga bagay-bagay at suriin kung nababagay ba silang gumawa nito, at kung hindi sila nababagay rito, hindi natin puwedeng ibigay sa kanila ang oportunidad na ito. Sabihin mo sa Akin, naaayon ba sa mga prinsipyo ang pagkilos sa ganitong paraan? May karapatan ba tayong tratuhin ang gayong mga tao nang ganito? Oo, sobra!
IV. Paano Tratuhin ang mga Taong Natanggal
May isa pang uri ng mga tao, at iyon ay ang mga natanggal. Paano natin sila dapat tratuhin? Kung tinanggal man ang mga taong ito dahil hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain at inuri sila bilang mga huwad na lider, o dahil sinunod nila ang landas ng mga anticristo at inuri bilang klase ng mga tao na anticristo, kinakailangan na makatwirang italaga sa ibang gawain ang mga taong ito, at gumawa ng mga makatwirang pagsasaayos para sa kanila. Kung sila ay mga anticristo na nakagawa ng maraming masasamang bagay, siyempre, dapat silang patalsikin; kung hindi sila nakagawa ng maraming masasamang bagay, pero may diwa sila ng isang anticristo at nailarawan bilang isang anticristo, hangga’t kaya pa rin nilang magserbisyo sa maliit na paraan nang hindi nakakapanggambala o nakakapanggulo, hindi sila kailangang patalsikin—hayaan silang patuloy na magserbisyo at bigyan sila ng pagkakataon na magsisi. Sa kaso ng mga huwad na lider na natanggal, isaayos na gumampan sila ng ibang gawain batay sa kanilang mga kalakasan at sa mga tungkuling nababagay sa kanilang gawin, pero hindi na sila pinahihintulutang magserbisyo bilang mga lider ng iglesia; sa kaso naman ng mga lider at manggagawa na natanggal dahil sa masyadong mahina ang kanilang kakayahan at wala silang kakayahang gumawa ng anumang gawain, isaayos rin na gumampan sila ng ibang gawain batay sa kanilang mga kalakasan at sa mga tungkuling nababagay sa kanilang gawin, pero hindi na sila puwedeng iangat bilang lider o manggagawa. Bakit hindi puwede? Nasubukan na sila. Nabunyag sila, at malinaw nang nakikita na hindi angkop ang gayong mga tao na maging lider dahil sa kanilang kakayahan at kapabilidad sa gawain. Kung hindi sila angkop na maging lider, wala ba silang kakayahang gawin ang ibang mga tungkulin? Hindi naman sa ganoon. Hindi sila bagay na maging lider dahil sa kanilang mahinang kakayahan, pero kaya nilang gumawa ng ibang mga tungkulin. Matapos tanggalin ang gayong mga tao, puwede nilang gawin ang anumang nababagay nilang gawin. Hindi sila dapat tanggalan ng karapatan na gumawa ng tungkulin; puwede pa rin silang gamiting muli kapag lumago na ang kanilang tayog sa hinaharap. Ang ilan ay tinanggal dahil bata pa sila at walang anumang karanasan sa buhay, at wala ring karanasan sa gawain, kaya, wala silang kakayahang isagawa ang gawain at sa huli ay tinanggal sila. Sa pagtanggal sa ganitong uri ng mga tao, mayroon naman kaunting kaluwagan. Kung pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao at sapat ang kanilang kakayahan, maaari silang gamitin pagkatapos maibaba ng ranggo, o maaari silang ilagay sa ibang gawain na nababagay sa kanila. Kapag malinaw na ang pagkakaunawa nila tungkol sa katotohanan, at medyo nakita at naranasan na nila ang gawain ng iglesia, maaari pa ring iangat at linanging muli ang gayong mga tao batay sa kanilang kakayahan. Kung pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao pero lubhang mahina ang kanilang kakayahan, walang anumang halaga ang paglilinang sa kanila, at tiyak na hindi sila maaaring linangin at panatilihin.
Sa mga natanggal na, may dalawang uri ng mga tao na talagang hindi puwedeng muling iangat at linangin. Ang isa ay ang mga anticristo, at ang isa pa ay ang mga may masyadong mahinang kakayahan. Mayroon ding ilang tao na hindi itinuturing na mga anticristo, pero mayroon lang silang mababang pagkatao, makasarili at mapanlinlang sila at ang ilan sa mga taong ito ay tamad, nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman at hindi kayang magtiis ng hirap. Kahit na napakagaling ng kakayahan ng gayong mga tao, hindi sila puwedeng muling iangat. Kung may kaunti silang kakayahan, hayaan silang gawin ang anumang bagay na kaya nilang gawin, hangga’t nagagawa ang mga angkop na pagsasaayos para doon; sa madaling salita, huwag silang iangat sa pagiging lider o manggagawa. Bukod sa pagkakaroon ng kakayahan at kapabilidad sa gawain, ang mga lider at manggagawa ay kailangang maunawaan ang katotohanan, mayroong pasanin para sa iglesia, kayang magsikap nang husto at magtiis ng pagdurusa, at dapat sila ay masipag at hindi tamad. Bukod dito, dapat ay medyo matapat at matuwid sila. Hindi mo talaga puwedeng piliin ang mga taong mapanlinlang. Iyong mga masyadong baliko at mapanlinlang ay palaging nagpapakana laban sa mga kapatid, sa mga nakakataas sa kanila, at sa sambahayan ng Diyos. Ginugugol nila ang mga araw nila sa pag-iisip lang ng mga tusong kaisipan. Kapag nakikitungo sa ganitong uri ng tao, palagi mong kailangang hulaan kung ano ang totoong iniisip niya, kailangang palagi mong tanungin kung ano mismo ang ginagawa niya kamakailan, at kailangan mo siyang palaging bantayan. Ang paggamit sa kanya ay masyadong nakakapagod at nakakapag-alala. Kung iaangat ang ganitong uri ng tao para gumawa ng mga tungkulin, kahit na nauunawaan niya ang kaunting doktrina, hindi niya ito isasagawa, at aasahan niyang may mga benepisyo at pakinabang ang bawat maliit na gawaing ginagawa niya. Ang paggamit sa gayong mga tao ay masyadong nakakapag-alala at masyadong nakakaabala, kaya hindi puwedeng iangat ang gayong mga tao. Samakatwid, pagdating sa mga anticristo, sa mga may napakahinang kakayahan, sa mga may masamang pagkatao, sa mga tamad, nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman at hindi kayang magtiis ng hirap, at sa mga sobrang baliko at mapanlinlang—kapag ang ganitong mga uri ng tao ay nabunyag at natanggal matapos na gamitin, huwag na silang iangat sa pangalawang pagkakataon; huwag na silang muling gamitin nang mali pagkatapos silang makilatis. Maaaring sabihin ng ilan, “Dating nailarawan bilang isang anticristo ang taong ito. Napansin namin na matagal-tagal nang maayos ang paggampan niya, nagagawa niyang makipag-ugnayan nang normal sa mga kapatid at hindi na niya pinipigilan ang iba. Maaari ba siyang iangat?” Huwag magmadali—kapag naiangat at nagkaroon siya ng katayuan, malalantad ang kanyang anticristong kalikasan. Maaaring sabihin ng iba: “Lubhang mahina ang kakayahan ng taong ito dati; kapag ipinapapangasiwa sa kanya ang gawain ng dalawang tao, hindi siya marunong magtalaga ng mga gampanin, at kung sabay na nangyari ang dalawang bagay, hindi niya alam kung paano gumawa ng mga makatwirang pagsasaayos. Ngayong medyo mas matanda na siya, magiging mas magaling na siya sa mga bagay na ito, hindi ba?” May katuturan ba ang pahayag na ito? (Wala.) Kapag sabay na nangyari ang dalawang bagay, nalilito ang taong iyon at hindi niya alam kung paano haharapin ang mga ito. Hindi niya kayang kilatisin ang sinuman o anumang bagay. Napakahina ng kakayahan niya na wala siyang kapabilidad sa gawain o abilidad na umarok. Ang gayong tao ay tiyak na hindi puwedeng muling iangat bilang lider. Hindi ito isyu sa edad. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay magkakaroon pa rin ng mahinang kakayahan kapag walumpung taong gulang na sila. Hindi ito gaya ng iniisip ng mga tao, na habang tumatanda at nagkakaroon ng higit na karanasan ang isang tao, mauunawaan na niya ang lahat—hindi iyon ganoon. Magkakaroon lamang siya ng kaunting karanasan sa buhay, pero hindi katumbas ng kakayahan ang karanasan sa buhay. Gaano man karaming bagay ang nararanasan o gaano karaming aral ang natututunan ng isang tao, hindi ibig sabihin nito na magiging mahusay ang kakayahan niya.
Kung masyadong makasarili ang pagkatao ng isang tao, masyadong mapanlinlang, at masyadong buktot, at puno siya ng mga tusong pakana, at sarili lang niya ang iniisip niya, kaya bang magbago ng ganitong tao? Tinanggal siya dahil sa mga kadahilanang ito; ngayon, sampung taon na ang lumipas at marami na siyang napakinggan na sermon—hindi na ba makasarili, baliko, at mapanlinlang ang pagkatao niya? Sasabihin Ko sa iyo: Ang ganitong uri ng tao ay hindi magbabago; magiging pareho pa rin siya kahit lumipas pa ang dalawampung taon. Samakatwid, kung makikita mo siyang muli makalipas ang dalawampung taon at tatanungin mo siya kung makasarili at mapanlinlang pa rin ba siya, aaminin niya ito mismo. Bakit hindi nagbabago ang mga taong may masamang pagkatao? Kaya ba nilang magbago? Ipagpalagay na kaya nilang magbago, ano ang kakailanganing mga batayan at kondisyon para mangyari iyon? Kailangang magawa nilang tanggapin ang katotohanan. Ang mga taong may masamang pagkatao ay hindi tumatanggap sa katotohanan, at sa kaibuturan nila, hinahamak, kinapopootan, at inaalipusta nila ang mga positibong bagay, at mapanlaban sila sa mga ito—talagang hindi nila kayang magbago. Kaya, kahit gaano pa karaming taon ang lumipas, huwag mo silang iangat, dahil wala silang kakayahang magbago. Posible na sa loob ng dalawampung taon ay natuto sila na maging mas tuso pa, at maging mas mahusay pa nga sa pagsasalita ng magagandang-pakinggan na bagay at mga bagay na nakalilinlang sa iba. Pero kung makikipag-ugnayan ka sa mga taong ito at oobserbahan ang kanilang mga kilos, matutuklasan mo ang isang katunayan, na hindi sila nagbago kahit kaunti. Ipinagpalagay mo na pagkalipas ng napakaraming taon at pagkatapos makinig sa napakaraming sermon at magampanan ang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa loob ng napakahabang panahon, dapat ay nagbago na sila—nagkakamali ka! Hindi sila magbabago. Bakit? Napakarami na nilang napakinggan na sermon at nabasang salita ng Diyos, pero hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang kahit isang pangungusap, kaya hindi sila nagbago kahit kaunti, at imposibleng magbago sila. Kapag ang gayong mga tao ay ibinunyag at tinanggal, hindi na sila maaaring gamiting muli, at kung gagamitin mo nga sila, pinipinsala mo ang sambahayan ng Diyos at ang mga kapatid. Kung hindi ka sigurado, obserbahan mo lang kung paano sila kumilos, at tingnan kung kaninong mga interes ang ipinagtatanggol nila kapag nahaharap sa mga bagay na nagdudulot na sumalungat ang sarili nilang mga interes sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; tiyak na hindi nila isasakripisyo ang kanilang sariling mga interes at hindi nila gagawin ang lahat ng kanilang makakaya para ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kung titingnan batay rito, hindi sila mapagkakatiwalaan, at hindi sila karapat-dapat na iangat at gamitin ng sambahayan ng Diyos. Kaya, ang gayong mga tao ay nakatadhanang hindi gamitin. Kaya pa rin bang magbago ng mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan? Imposible ito, at ito ay pangarap ng isang hangal!
Tungkol naman sa mga taong tamad, na nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman, at na hindi kayang magtiis ng kahit katiting na paghihirap, mas lalong wala silang kakayahang magbago. Sa panahon ng kanilang pagiging lider, hindi sila dumaranas ng anumang paghihirap, hindi sila nagtitiis maging sa mga paghihirap na nagagawa namang tiisin ng mga ordinaryong kapatid. Iniraraos lang nila ang kanilang tungkulin—nagdaraos sila ng mga pagtitipon at nangangaral ng ilang doktrina, at pagkatapos ay natutulog na sila para alagaan ang sarili nila. Kung sa gabi ay natutulog sila nang medyo dis-oras na, mahimbing pa rin silang natutulog sa umaga habang ang mga kapatid ay bumabangon na. Ayaw nilang mapagod kahit kaunti o maging abala nang kaunti, o magtiis ng kahit kaunting paghihirap. Hindi sila nagbabayad ng anumang halaga at hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain. Saanman sila magpunta, sa sandaling makakita sila ng masarap na pagkain at inumin, sobra silang natutuwa na nakakalimutan na nila ang lahat ng iba pa, at hindi sila umaalis, kundi nananatili lang sila roon, na kumakain, umiinom, at nagpapakasaya, nang hindi gumagawa ng anumang gawain. Hindi sila nakikinig kapag pinupungusan sila ng ang Itaas, at hindi rin sila tumatanggap ng mga paalala at paglalantad mula sa mga kapatid. Pinipili nilang mamuhay sa posibleng paraan na pinakamaginhawa, nang hindi nagbabayad ng anumang halaga, at nang hindi tinutupad ang kanilang mga responsabilidad o ginagawa ang kanilang tungkulin, at kaya, sila ay nagiging walang kuwenta. Kaya ba ng gayong mga tao na magbago? Ang ganitong mga tao ay sobrang tamad, nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman; hindi nila kayang magbago. Ganito sila ngayon at magiging ganito rin sila sa hinaharap. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Nagbago na ang taong iyon, ilang panahon na rin siyang nagsisikap nang husto sa kanyang gawain.” Huwag magmadali. Kung iaangat mo siya bilang lider, babalik siya sa dati niyang gawi—ganoon lang talaga siya. Para siyang isang sugarol, na kapag nauubusan ng pera, ay patuloy pa ring magsusugal kahit na kakailanganin niyang humiram ng pera, ibenta ang kanyang bahay, o ibenta pa nga ang kanyang asawa at mga anak. Kung hindi siya nagsusugal sa kasalukuyan, maaaring dahil sarado na ang casino at walang lugar na mapagsusugalan, o dahil nahuli na ang lahat ng kanyang kaibigan sa pagsusugal at wala na siyang makakasama sa pagsusugal, o dahil naibenta na niya ang lahat ng bagay na puwede niyang ibenta at wala nang natitirang pera para isugal. Sa sandaling makahawak siya ng pera, magsusugal na naman siya at hindi niya magagawang huminto—ganoon lang talaga siya. Gayundin, ang mga tamad at nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman ay wala ring kakayahang magbago. Sa sandaling magkaroon sila ng katayuan, agad silang babalik sa kanilang dating gawi, at malalantad ang totoo nilang mga kulay. Kapag wala silang katayuan, walang nagpapahalaga at naglilingkod sa kanila, at kung wala silang ginagawa, dapat silang paalisin, dahil hindi sinusuportahan ng iglesia ang mga taong walang ginagawa, kaya wala silang mapagpipilian kundi atubiling gawin ang ilang bagay. Iba ang paraan ng paggawa nila sa mga bagay-bagay kumpara sa iba. Aktibong ginagawa ng iba ang mga bagay-bagay, samantalang pasibo nilang ginagawa ang mga ito. Bagama’t sa panlabas ay walang pagkakaiba, sa diwa ay mayroong pagkakaiba. Kapag may katayuan ang iba, ginagawa nila ang nararapat nilang gawin at nagagawa nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad; sa sandaling magkaroon naman ng katayuan ang mga tamad at nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman, sinasamantala nila ang pagkakataon na magpasasa sa mga pakinabang ng kanilang katayuan at hindi sila gumagawa ng anumang gawain, at sa gayon ay nalalantad ang kanilang kalikasang diwa ng pagiging tamad at pag-iimbot sa kaginhawahan. Samakatwid, ang ganitong uri ng mga tao ay hindi magbabago sa anumang sitwasyon, at sa sandaling mabunyag at matanggal sila, hindi na dapat muling iangat at gamitin ang gayong mga tao—ito ang prinsipyo.
Pagdating sa mga taong may iba’t ibang sitwasyon, ito ang mga prinsipyo sa pag-aangat at paggamit sa kanila. Ang pinakamababang pamantayan ay na kaya nilang maglaan ng pagsisikap at magserbisyo sa sambahayan ng Diyos nang hindi nagdudulot ng kaguluhan; sa ganoong kaso, puwede silang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi nila matugunan kahit ang pinakamababang pamantayang ito, kahit ano pa ang kanilang pagkatao at mga kalakasan, hindi sila angkop na gumawa ng tungkulin, at ang ganitong uri ng mga tao ay dapat itiwalag mula sa hanay ng mga gumagawa ng mga tungkulin. Kung ang pagkatao ng isang tao ay mapaminsala at katumbas ng sa isang anticristo, kapag nakumpirma na isa siyang anticristo, hindi siya kailanman gagamitin ng sambahayan ng Diyos, ni iaangat o lilinangin. Maaaring sabihin ng ilang tao: “Ayos lang ba na hayaan siyang magserbisyo?” Depende ito sa sitwasyon. Kung maaaring magdulot ng negatibong epekto at masasamang kahihinatnan sa sambahayan ng Diyos ang kanyang pagseserbisyo, ni hindi siya bibigyan ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos na magserbisyo. Kung alam niya na siya mismo ay isang masamang tao o anticristo na pinatalsik, pero handa siyang magserbisyo, at gagawin niya ang mga bagay-bagay sa anumang paraang isinasaayos ng iglesia na gawin niya, at kaya niyang magserbisyo nang may maayos na asal, nang hindi pinipinsala ang anumang interes ng sambahayan ng Diyos, sa gayong kaso ay puwede siyang hayaang manatili. Kung hindi man lang niya magawang magserbisyo nang maayos, at ang serbisyo niya ay mas naghahatid ng pinsala kaysa sa kabutihan, ni hindi siya magkakaroon ng pagkakataon na magserbisyo, at kahit pa magserbisyo nga siya, hindi pa rin siya gagamitin ng sambahayan ng Diyos, dahil hindi man lang siya karapat-dapat o pumapasa sa pamantayan ng pagseserbisyo. Kaya, hindi na dapat bumalik ang ganitong uri ng mga tao—hayaan silang pumunta kahit saan nila gusto. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Kung hindi ako gagamitin ng sambahayan ng diyos, ako na mismo ang mangangaral ng ebanghelyo, at ipapasa ko sa sambahayan ng diyos ang mga taong makakamit ko sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo.” Ayos lang ba iyon? (Oo.) Maaaring sabihin ng ilan, “Ayaw Mong gamitin ang taong iyon kahit na sa pagseserbisyo, kaya, sa anong batayan niya ibibigay sa Iyo ang mga taong nakakamit niya sa pangangaral ng ebanghelyo? Sa anong batayan niya ipapangaral ang ebanghelyo para sa Iyo?” Hindi siya ginagamit ng sambahayan ng Diyos dahil sa iba’t ibang aspekto. Una, hindi siya umaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao. Ang isa pa ay hindi nangangahas ang sambahayan ng Diyos na gamitin ang ganitong uri ng mga tao, dahil sa sandaling gamitin sila, magkakaroon ng walang katapusang problema. Kaya, paano natin dapat ipaliwanag itong kagustuhan nila na mangaral ng ebanghelyo? Ang pinatototohanan nila sa pangangaral ng ebanghelyo ay ang Diyos, at dahil sa mga salita at gawain ng Diyos kaya nila nakakamit ang mga tao. Bagama’t nakamit ang mga taong ito sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo ng taong iyon, hindi ito maituturing na papuri para sa kanya. Sa pinakamainam, ito ay pagtupad lang sa kanyang mga responsabilidad bilang tao. Isang anticristo ka man o isang masamang tao, o ikaw man ay pinaalis o pinatalsik, ang pagtupad sa mga responsabilidad mo bilang tao ay isang bagay na dapat mong gawin. Bakit Ko sinasabing isa itong bagay na dapat mong gawin? Nakatanggap ka ng napakaraming panustos ng mga katotohanan mula sa Diyos, at ito rin ang dugo ng puso ng Diyos. Diniligan at tinustusan ka ng sambahayan ng Diyos sa loob ng napakaraming taon, pero mayroon bang anumang hinihingi sa iyo ang Diyos? Wala. Ang iba’t ibang aklat na ipinamamahagi ng sambahayan ng Diyos ay libre, walang sinuman ang kailangang magbayad ni isang sentimo. Gayundin, ang tunay na daan ng walang-hanggang buhay at ang mga salita ng buhay na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ay libre, at ang mga sermon at pakikipagbahaginan ng sambahayan ng Diyos ay libre din lahat para mapakinggan ng mga tao. Samakatwid, ikaw man ay isang ordinaryong tao o miyembro ng isang espesyal na grupo, libre kang nakatanggap ng napakaraming katotohanan mula sa Diyos, kaya, tiyak na nararapat lang na ipakalat mo ang mga salita ng Diyos at ang ebanghelyo ng Diyos sa mga tao at dalhin sila sa presensiya ng Diyos, hindi ba? Ipinagkaloob na ng Diyos ang lahat ng katotohanan sa sangkatauhan; sino ang may kayang suklian ang gayong kadakilang pagmamahal? Ang biyaya ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, at ang buhay ng Diyos ay walang katumbas na halaga, at walang tao ang may kayang suklian ang mga ito! Ganoon ba kahalaga ang buhay ng tao? Kasinghalaga ba ito ng katotohanan? Kaya, walang sinuman ang may kayang suklian ang pagmamahal at biyaya ng Diyos, at kasama na roon ang mga pinaalis, pinatalsik, at itiniwalag ng iglesia—hindi sila eksepsiyon. Hangga’t mayroon kang kaunting konsensiya, katwiran, at pagkatao, paano ka man tratuhin ng sambahayan ng Diyos, dapat mong tuparin ang obligasyon mo na ipakalat ang mga salita ng Diyos at patotohanan ang Kanyang gawain. Ito ang di-maiiwasang responsabilidad ng mga tao. Samakatwid, gaano man karaming tao ang pinangangaralan mo ng mga salita ng Diyos at ng Kanyang ebanghelyo, o gaano man karaming tao ang nakakamit mo, hindi ito dahilan para purihin ka. Nagpahayag ng napakaraming katotohanan ang Diyos, pero hindi mo pinapakinggan o tinatanggap ang mga ito. Tiyak na dapat kang magserbisyo nang kaunti at mangaral ng ebanghelyo sa iba, hindi ba? Dahil ganito na kalayo ang narating mo ngayon, hindi ba’t dapat kang magsisi? Hindi ba’t dapat kang maghanap ng mga pagkakataon para masuklian ang pagmamahal ng Diyos? Talagang dapat mong gawin iyon! Mayroong mga atas administratibo ang sambahayan ng Diyos, at ang pagpapaalis, pagpapatalsik, at pagtitiwalag sa mga tao ay ginagawa ayon sa mga atas administratibo at ayon sa mga hinihingi ng Diyos—ang paggawa ng mga bagay na ito ay tama. Maaaring sabihin ng ibang tao, “Medyo nakakahiya namang tanggapin sa iglesia ang mga taong nakamit sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo niyong mga pinaalis o pinatalsik.” Sa katunayan, ito ang tungkuling dapat gawin ng mga tao, at walang dapat ikahiya. Ang lahat ng tao ay mga nilikha. Kahit na pinaalis o pinatalsik ka, kinondena bilang masamang tao o isang anticristo, o isa kang target sa pagtitiwalag, hindi ba’t isa ka pa ring nilikha? Kapag ikaw ay pinaalis na, hindi ba’t Diyos mo pa rin ang Diyos? Nabura na lang ba sa isang iglap ang mga salitang sinabi sa iyo ng Diyos at ang mga bagay na itinustos Niya sa iyo? Huminto ba sa pag-iral ang mga ito? Umiiral pa rin ang mga ito, sadyang hindi mo lang pinahalagahan ang mga ito. Ang lahat ng taong napabalik-loob, kahit sino pa ang nagpabalik-loob sa kanila, ay mga nilikha at dapat na magpasakop sa Lumikha. Kaya, kung handang mangaral ng ebanghelyo ang mga taong ito na pinaalis o pinatalsik, hindi natin sila pipigilan; subalit paano man sila mangaral, hindi puwedeng baguhin ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao at ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, at hinding-hindi ito magbabago kahit kailan.
Sa ilang uri ng mga taong ito na natanggal, ang karamihan sa kanila ay malabong tunay na magsisi at hindi na dapat gamiting muli. May pagkakataon lang para iangat at gamitin ang mga taong natanggal o iyong mga may tungkulin na iniba dahil wala silang karanasan sa gawain kaya’t hindi nila nagawa pansamantala ang kanilang gawain. Ang ganitong uri ng mga tao ay may sapat na kakayahan at walang malalaking problema sa kanilang pagkatao; mayroon lang silang ilang maliliit na pagkukulang, masasamang gawi o kinaugalian na namana mula sa kanilang pamilya—hindi malaking problema ang alinman sa mga bagay na ito. Kung kailangan sila ng sambahayan ng Diyos, puwede silang muling iangat at gamitin sa tamang panahon; makatwiran ito, dahil hindi sila masasamang tao at hindi rin sila magiging mga anticristo. Sapat ang kanilang kakayahan; sadyang hindi pa sila ganoon katagal na gumagawa ng gawain at wala silang karanasan, kaya hindi sila mahusay para gawin ito, na hindi naman isang seryosong problema. Kung tinanggal sila dahil sa mga kadahilanang ito, mayroon silang pagkakataon na umunlad sa hinaharap at maaari silang magbago. Basta’t ang isang tao ay may kapabilidad sa gawain, nagtataglay ng kakayahan, at pasok sa pamantayan ang kanyang pagkatao, kung gayon, habang nararanasan niya ang gawain ng Diyos at ginagawa ang kanyang tungkulin, unti-unting magbabago ang ganitong uri ng mga tao, magbabago ang kanyang pagkatao, lalago ang kanyang buhay pagpasok, magkakaroon ng ilang kaukulang pagbabago sa kanyang disposisyon, at magkakaroon rin ng kaunting pag-usad sa pagkaunawa niya sa katotohanan. Depende sa kapaligiran, sa mga tungkuling ginagawa niya, at sa kanyang personal na kapasyahan, magbabago at lalago siya sa iba’t ibang antas, kaya’t masasabi na dapat iangat at gamitin ang ganitong uri ng mga tao. Ang mga ito ang pangkaraniwang mga prinsipyo para sa muling pag-aangat at paggamit sa ilang uri ng tao na dati nang tinanggal.
Ang ikapitong aytem sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay “Magtalaga at gumamit ng iba’t ibang uri ng tao nang makatwiran, batay sa kanilang pagkatao at mga kalakasan, upang ang bawat isa ay magamit sa pinakamainam na paraan.” Sa ating pagbabahaginan ngayon lang, malinaw nang naipaliwanag ang kahulugan ng paggamit sa mga tao sa pinakamainam na paraan. Hangga’t may kahit katiting na halaga sa paglilinang sa isang tao, at hangga’t pasok sa pamantayan ang kanyang pagkatao, bibigyan siya ng mga oportunidad ng sambahayan ng Diyos. Hangga’t hinahangad ng isang tao ang katotohanan at minamahal ang mga positibong bagay, hindi siya isusuko o ititiwalag ng sambahayan ng Diyos nang ganoon kadali. Hangga’t pasok sa mga pamantayang ibinahagi Ko ngayon lang ang pagkatao at kakayahan mo, siguradong magkakaroon ka ng lugar sa sambahayan ng Diyos para gumawa ng tungkulin, at tiyak na gagamitin ka nang makatwiran, at bibigyan ka ng sapat na pagkakataon para maipakita ang iyong abilidad. Sa madaling salita, kung mayroon kang mga kalakasan at kadalubhasaan sa isang partikular na propesyon na kinakailangan para sa gawain ng iglesia, tiyak na ipapagawa sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang isang angkop na tungkulin. Gayumpaman, kung wala kang kapasyahan o kalooban at ayaw mong magsikap para umunlad, gawin mo na lang ang anumang makakaya mo, gumawa ka ng ilang tungkulin na kaya ng iyong abilidad, at wala nang iba pa. Kung mayroon kang kapasyahan, at sinasabi mo, “Gusto kong maunawaan at makamit ang mas maraming katotohanan, at tumahak sa landas ng kaligtasan sa lalong madaling panahon, at makapasok sa katotohanang realidad. Handa akong maging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos, handang magbuhat ng mabigat na pasanin sa sambahayan ng Diyos, magdusa ng higit na paghihirap kaysa sa iba, mas higit na gumugol ng sarili ko at higit na tumalikod kaysa sa iba,” at kung nababagay ka sa lahat ng aspekto, pero wala pa ring nagrerekomenda sa iyo, maaari mo ring irekomenda ang sarili mo. Hindi ba’t makatwiran iyon? Sa kabuuan, ang mga ito ang lahat ng prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa iba’t ibang uri ng tao, na ang layon ay walang iba kundi ang tulutan ang mga tao na makapasok sa katotohanang realidad. Ano ang mga pagpapamalas ng pagpasok sa katotohanang realidad? Nauunawaan nila ang katotohanan, nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa ang lahat ng iba’t ibang aspekto ng gawain, at may kakayahan silang isagawa ang mga kaukulang katotohanan kapag nakikisalamuha sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at bagay sa pang-araw-araw na buhay, sa halip na malito at hindi malaman ang gagawin sa tuwing may nangyayari sa inyo—ito ang layon. Dahil ito ang itinakdang layon, dapat kayong maghangad na matugunan ito!
Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa ikapitong aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Hindi Ka pa tapos sa pagbabahagi, hindi Mo pa nailantad ang mga huwad na lider kaugnay sa aytem na ito.” Ang isasagot Ko ay hindi na sila kailangang ilantad. Sa isang banda, mahina ang kakayahan ng mga huwad na lider at wala silang kakayahang gumawa ng tunay na gawain; sa kabilang banda, wala silang konsensiya at katwiran, walang dinadalang pasanin, hindi man lang isinasapuso ang kanilang gawain, at ni hindi nila magawa nang maayos ang mga simpleng bagay. Sa tuwing nakakaranas sila ng masalimuot na problema, o ng isang problema na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, hindi man lang nila ito matukoy, at lalong hindi nila makilatis ang diwa ng problema. Kaya, hindi na sila kailangang ilantad. Kahit pa ilantad sila, hindi rin nila ito tatanggapin, at masasayang lang ang mga salita. Dagdag pa rito, ang pagbanggit sa mga nagawa nila ay magiging nakakasuklam at nakakagalit lang nang husto sa mga tao sa kaibuturan nila. Isang pagkakamali sa paggamit sa mga tao ang pagtatalaga ng gayon kahalagang gawain sa mga huwad na lider na ito. Ang kawalan ng kakayahang gawin ang kanilang gawain ay sapat na para maramdaman nilang wala silang kuwenta, at kung sila ay ilalantad at hihimayin, mas lalo lang silang magdadalamhati. Kaya, hayaan ang mga huwad na lider na ito na ikumpara ang kanilang sarili at suriin ang kanilang mga problema sa abot ng kanilang makakaya. Kung matutuklasan mo ang iyong mga problema, tingnan kung kaya mo bang gumawa ng mga pagbuti sa hinaharap; kung hindi mo matuklasan ang mga ito, kailangan mong magpatuloy sa pagsusuri, at maaari ka ring humingi ng tulong sa mga tao sa paligid mo para suriin at ayusin ito. Kung nakipagbahaginan na sa iyo ang iba at isinapuso mo ito, pero hindi mo pa rin natuklasan ang sarili mong mga problema, at hindi mo pa rin alam kung paano makikilala o masosolusyunan ang mga ito, tunay ka ngang isang huwad na lider at dapat kang itiwalag.
Marso 6, 2021