Kabanata 60
Hindi isang madaling bagay ang paglago ng buhay; nangangailangan ito ng isang proseso, at higit pa rito, kinakailangan nito na makaya ninyong magbayad ng halaga, at na kayo ay makipagtulungan sa Akin nang kaisa sa puso at isipan at sa gayon ay matanggap ninyo ang Aking pagsang-ayon. Ang langit at lupa at lahat ng bagay ay itinatatag at isinasakatuparan sa pamamagitan ng mga salitang Aking binibigkas, at sa Akin, walang imposible. Ang nais Ko lamang ay na mabilis kayong lumago, kunin ang pasanin mula sa Aking mga balikat at pasanin ito, at magtrabaho para sa Akin; saka lamang mabibigyang-kasiyahan ang puso Ko. Sinong anak ang hindi magsasabalikat ng mga pasanin para sa kanyang ama? Sinong ama ang hindi magpapagal gabi at araw para sa kanyang anak? Gayumpaman, sadyang hindi ninyo nauunawaan ang Aking mga layunin, at hindi ninyo isinasaalang-alang ang Aking mga pasanin; walang halaga sa inyo ang Aking mga salita, at hindi ninyo ginagawa ang Aking sinasabi; palaging kayo ang amo ng inyong sarili. Napakamakasarili! Gumagawa kayo ng mga plano para lamang sa inyong sarili!
Tunay bang nauunawaan mo ang Aking mga layunin o nagkukunwari ka lamang na hindi? Bakit lagi kang masyadong mapagpalayaw? Batay sa konsensiya, tama ba ang ginagawa mo sa Akin sa pagkilos mo sa ganitong paraan? Nang matagpuan mo ang sanhi ng pagkakasakit, bakit hindi ka nakikipagbahaginan sa Akin para sa lunas? Sasabihin Ko sa iyo: Mula sa araw na ito, hindi na kayo magkakaroon pa ng mga sakit ng katawan. Kung sakaling may bahagi sa inyo na hindi mabuti ang pakiramdam, huwag na huwag kayong mag-abala sa paghahanap ng panlabas na dahilan; sa halip, lumapit kayo sa harap Ko at hanapin ang Aking mga layunin. Matatandaan ba ninyo ito? Ito ang Aking pangako: Mula sa araw na ito, kayo ay ganap na lalabas sa laman at papasok sa espirituwal na mundo; ibig sabihin, hindi na magpapasan ng karamdaman ang inyong katawan. Masaya ba kayo riyan? Kayo ba’y nagagalak? Ito ang Aking pangako, at higit pa riyan, ito ang matagal na ninyong inaasam na matanggap. Ngayong araw, ito ay natutupad sa inyong mga pinagpalang tao. Lubhang kahanga-hanga at di-maarok!
Ang Aking gawain ay umuusad araw at gabi; bawat sandali, hindi ito kailanman humihinto. Ito ay dahil ang apurahan Kong pagnanais ay ang gawin kang isang taong alinsunod sa Aking mga layunin, at na ang Aking puso ay inyong maalo sa lalong madaling panahon. Aking mga anak! Ang panahon ay dumating na para kayo ay magtamasa ng mga pagpapala ng kabutihan kasama Ko! Noong nakaraan, nagdusa kayo ng paghihirap at mga pagsubok para sa Aking pangalan, ngunit ngayon ang mga araw ng inyong pagsubok ay tapos na. Kung ang sinuman ay maglakas-loob na kumanti nang kahit kaunti sa Aking mga anak, tiyak na hindi Ko sila basta-bastang palalagpasin, hinding-hindi Ko sila tutulutang bumangon muli. Ito ang Aking atas administratibo, at ang sinumang lumalabag dito ay magdurusa ng mga kawalan. Aking mga anak! Magpakaligaya hanggang sa ikasisiya ng inyong puso! Umawit hanggang sa ikasisiya ng inyong puso! Magsaya! Hindi na kayo pagmamalupitan at aapihin, at hindi na kayo magiging tampulan ng pang-uusig. Huwag nang manampalataya sa Akin sa paraang natatakot—gawin ito nang hayagan at sa publiko. Tawagin nang malakas ang Aking banal na pangalan, yumayanig sa buong sansinukob at sa mga dulo ng mundo. Hayaang makita nila na ang kanilang mga minaliit, ang sinira at pinahirapan nila, ay ngayon nangingibabaw sa kanila at namumuno sa kanila, namamahala sa kanila, at mas mahalaga, humahatol sa kanila.
Ang dapat lamang ninyong pagtuunan ay ang inyong pagpasok, at pagkakalooban Ko kayo ng mas mabubuti pang pagpapala na naghihintay na inyong matamasa, at higit ninyong matitikman ang walang-kapantay na katamisan, walang-katapusang mga hiwaga, at higit pang di-maarok na kalaliman!