Kabanata 63
Dapat mong unawain ang iyong sariling kalagayan at, higit pa rito, maging malinaw tungkol sa landas na kailangan mong tahakin; huwag nang hintayin pa na itaas Ko ang iyong mga tainga at ituro sa iyo ang mga bagay. Ako ang Diyos na nagmamasid sa kaloob-looban ng puso ng tao, alam Ko ang bawat kaisipan at ideya mo, at lalo na, nauunawaan Ko ang iyong mga kilos at pag-uugali. Subalit mayroon bang pagsang-ayon Ko ang lahat ng iyong kilos at pag-uugali, at ang lahat ba ng ito ay naglalaman ng Aking mga layunin? Talaga bang naghanap ka kailanman tungkol dito? Gumugol ka na ba talaga ng anumang panahon para dito? Totoo bang may ginawa kang anumang pagsisikap? Hindi kita pinupuna; ipinagwalang-bahala lamang talaga ninyo ang aspektong ito! Lagi kayong naguguluhan, at wala kayong anumang kalinawan sa usaping ito. Alam mo ba kung ano ang sanhi nito? Ito ay dahil hindi malinaw ang inyong mga kaisipan at labis na matatag na nakabaon ang inyong mga kuru-kuro; dagdag pa rito, wala kayong ipinakikitang pagsasaalang-alang sa Aking mga layunin. Sasabihin ng ilang tao: “Paano Mo nasasabi na hindi kami nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa Iyong mga layunin? Patuloy naming sinusubukan na maarok ang Iyong mga layunin, ngunit hindi kami kailanman nagtatagumpay—kaya ano ang dapat naming gawin? Masasabi Mo ba talaga na wala kaming ginagawang pagsisikap?” Hayaan mong itanong Ko ito sa iyo: Mangangahas ka bang sabihin na tunay kang tapat sa Akin? At sino ang nangangahas na magsabi na iniaalay nila ang kanilang sarili sa Akin nang may lubos na katapatan? Nangangamba Ako na wala kahit isa sa inyo ang makakapagsabi nito sapagkat, hindi Ko man sabihin, bawat isa sa inyo ay may mga sariling pagpipilian, mga sariling kagustuhan, at higit pa nga rito, mga sariling intensiyon. Huwag maging mapanlinlang! Matagal Ko nang natamo ang isang ganap na pagkaunawa sa lahat ng inyong pinakamalalim na mga saloobin. Kailangan Ko pa ba itong linawin? Dapat kang higit na magsuri mula sa bawat aspekto (ang iyong mga kaisipan at ideya, ang lahat ng iyong sinasabi, bawat salita, at bawat intensiyon at motibasyon sa likod ng bawat kilos na iyong ginagawa); sa ganitong paraan, makakamit mo ang pagpasok mula sa bawat aspekto. Higit pa rito, magagawa mong sangkapan ang iyong sarili ng buong katotohanan.
Kung hindi Ko sinabi sa inyo ang ganoong mga bagay, mananatili pa rin kayong naguguluhan, nagnanasa ng mga kasiyahan ng laman buong araw at walang anumang pagnanais na isaalang-alang ang Aking mga layunin. Patuloy Kong ginagamit ang Aking mapagmahal na kamay upang iligtas kayo. Alam ba ninyo iyon? Naranasan ba ninyo ito? Taos-puso Akong nagmamahal sa iyo. Mangangahas ka bang sabihin na taos-puso mo Akong minamahal? Itanong mo ito nang madalas sa iyong sarili: Tunay bang nagagawa mong dalhin ang iyong bawat kilos at galaw sa harap Ko para sa Aking pagsusuri? Kaya mo bang tunay na hayaan Akong suriin ang bawat kilos mo at bawat galaw, nang paisa-isa? Sinasabi Kong mapagpalayaw ka, at ipinagtatanggol mo pa rin ang iyong sarili. Dumarating sa iyo ang Aking paghatol; ngayon ay dapat ka nang magising sa katotohanan! Ang lahat ng Aking sinasabi ay tunay; ang lahat ng Aking salita ay tumutukoy sa aktuwal na kondisyon sa loob mo. Ah, sangkatauhan! Napakahirap mong pakitunguhan. Tanging kapag tinutukoy Ko ang inyong aktuwal na kondisyon kayo lubos na makukumbinsi. Kung hindi Ko ito gagawin, lagi kayong kakapit sa dati ninyong gawi at mangungunyapit sa inyong mga paraan ng pag-iisip, ipinapalagay na walang higit na matalino sa mundo kaysa sa inyo. Dito, hindi ba't sadyang nagiging mapagmagaling lang kayo? Hindi ba’t kontento na kayo sa sarili at kampante at puno ng pride at kapalaluan? Dapat mo na itong kilalanin ngayon! Hindi mo dapat isipin na matalino ka o katangi-tangi; sa halip, dapat ay lagi kang may kamalayan sa iyong mga kakulangan at kahinaan. Sa ganitong paraan, hindi manghihina ang iyong paninindigan na mahalin Ako, sa halip ay lalakas ito nang lalakas, at patuloy na bubuti ang iyong sariling kalagayan. Higit na mas mahalaga rito ay patuloy na susulong ang iyong buhay sa bawat araw.
Kapag naarok mo na ang Aking mga layunin, makikilala mo ang iyong sarili, at dahil dito ay makikilala mo Ako nang mas mabuti at patuloy na susulong ang iyong katiyakan tungkol sa Akin. Sa kasalukuyan, kung ang sinuman ay hindi kayang magkamit ng siyamnapung porsiyentong katiyakan tungkol sa Akin, bagkus ay patuloy na nagbabago-bago ang lagay ng loob, ang saloobin ay minsang mainit at minsang malamig, kung gayon ay sasabihin Ko na ang taong iyon ay ang tiyak na aabandonahin. Ang natitirang sampung porsiyento ay ganap na nakasalalay sa Aking pagbibigay-kaliwanagan at pagtanglaw; sa pamamagitan ng mga ito, makakamit ng mga tao ang isandaang porsiyentong katiyakan tungkol sa Akin. Ngayon mismo—ibig sabihin ay sa araw na ito—ilan ang maaaring magkamit ng ganitong uri ng tayog? Patuloy Kong ipinapamalas sa iyo ang Aking mga layunin, at patuloy na dumadaloy sa kaibuturan mo ang mga pakiramdam ng buhay. Kung gayon, bakit hindi ka kumikilos alinsunod sa Espiritu? Takot ka bang magkamali? Kung gayon, bakit hindi ka nagbibigay ng anumang tuon sa pagsasanay? Sinasabi Ko sa iyo na hindi maaarok ng mga tao ang Aking mga layunin sa pamamagitan lamang ng pagsubok ng isa o dalawang ulit; kailangan nilang sumailalim sa isang proseso. Maraming ulit Ko na itong naituro, kaya’t bakit hindi mo ito isagawa? Hindi mo ba naiisip na ito ay pagkabigong magpasakop? Nais mong dagling tapusin ang lahat at hindi kailanman nahahandang magsikap o gumugol ng oras sa anumang bagay. Napakagulo ng isip mo, at higit pa rito, napakamangmang mo!
Hindi ba ninyo nababatid na lagi Akong nagsasalita tungkol sa mga bagay nang hindi nagpapaliguy-ligoy sa Aking mga salita? Bakit patuloy kayong nagiging mabagal umintindi, manhid at mapurol ang isip? Dapat ninyong higit na suriin ang inyong mga sarili, at dapat ninyong dalasan ang paglapit sa Akin kung mayroon man kayong hindi nauunawaan. Sinasabi Ko ito sa iyo: Ang layunin ng pagsasalita Ko nang ganito o sa ganyang paraan ay upang akayin kayo sa Aking harap. Sa tinagal-tagal, bakit hindi pa rin ninyo ito napagtatanto? Dahil ba ganap kayong nalilito sa Aking mga salita? O ito ba ay dahil hindi ninyo siniseryoso ang bawat isa sa Aking mga salita? Kapag binabasa ninyo ang mga ito, nagtatamo kayo ng mabuting kaalaman tungkol sa inyong sarili, at nagsasabi pa nga kayo ng mga bagay tulad ng may pagkakautang kayo sa Akin at hindi ninyo maarok ang Aking mga layunin. Pero paano naman pagkatapos nito? Tila ba wala ka namang pakialam sa mga bagay na ito; tila ba isa kang tao na hindi naman naniniwala sa Diyos. Hindi ba’t nilalamon lamang ninyo ang impormasyon nang hindi binibigyan ang inyong sarili ng panahon upang matunawan? Kapag tinatamasa ninyo ang Aking mga salita, ito ay tulad sa mabilisang pagsulyap lamang sa mga bulaklak habang nakasakay kayo sa kabayong tumatakbo nang matulin; hindi ninyo kailanman sinusubukang maarok ang Aking mga layunin mula sa Aking mga salita. Ganito ang mga tao: Palagi nilang gusto na magmistulang mapagpakumbaba. Ganyan ang mga pinakakasuklam-suklam na uri ng tao. Kapag nagtitipun-tipon sila upang makipagbahaginan sa iba, laging ibig nilang ibahagi ang kanilang kaalaman tungkol sa kanilang mga sarili sa harap ng ibang tao, ipinakikita sa iba na sila ang may pagsasaalang-alang sa Aking pasanin—gayong sa katunayan, sila ang pinakatanga sa mga hangal. (Hindi nila ibinabahagi sa kanilang mga kapatid ang tunay na mga pananaw o kaalaman tungkol sa Akin; sa halip, itinatanghal lamang nila ang kanilang sarili at nagyayabang sa harap ng ibang tao; kinamumuhian Ko sa lahat ang gayong mga tao, dahil sinisiraan at minamaliit nila Ako.)
Madalas Kong ipinamamalas sa inyo ang Aking mga pinakadakilang himala. Hindi ba ninyo nakikita ang mga ito? Ang tinatawag na “realidad” ay isinasabuhay ng mga taos-pusong nagmamahal sa Akin. Hindi ba ninyo ito nakita? Hindi ba’t ito ang pinakamabuting patunay upang makilala ninyo Ako? Hindi ba’t nagbibigay ito ng mas magandang patotoo sa Akin? Ngunit hindi ninyo ito nakikilala. Sabihin ninyo sa Akin: Sino ang makakapagsabuhay ng realidad sa mahalay na lupang ito na napakadumi, napakadungis at ginawang tiwali ni Satanas? Hindi ba’t ang lahat ng tao ay tiwali at hungkag? Sa ano’t anuman, naabot na ng Aking mga salita ang kanilang rurok; wala nang mga salitang higit na madaling maunawaan kaysa sa mga ito. Kahit na ang isang tanga ay magbabasa ng Aking mga salita at makakaunawa sa mga ito—kaya’t hindi ba’t sadyang hindi kayo nagsumikap?