Kabanata 62
Ang maarok ang Aking mga layunin ay hindi lamang upang malaman mo ang mga iyon, kundi upang makakilos ka nang naaayon sa Aking mga pagnanais. Sadyang hindi nauunawaan ng mga tao ang Aking puso. Kapag sinasabi Ko na ang isang direksyon ay silangan, kailangan nila itong pag-isipan, iniisip na, “Tunay nga bang silangan iyon? Baka hindi. Ayaw kong paniwalaan ito nang ganoon kadali; kailangan pa ring ako mismo ang tumingin.” Ganito kahirap pakitunguhan kayong mga tao; hindi ninyo alam kung ano ang tunay na pagpapasakop. Kapag alam ninyo ang Aking mga pagnanais, tumuon lamang kayo sa pagsasakatuparan ng mga ito—huwag nang mag-isip! Lagi mong pinag-aalinlanganan ang Aking sinasabi at kakatwa ang paraan mo ng pag-unawa rito. Paano ito makapagbubunga ng tunay na kabatiran? Hindi ka kailanman pumapasok sa Aking mga salita. Gaya ng nasabi Ko na noon, ang ninanais Ko ay ang kahusayan ng mga tao, sa halip na malaking bilang nila. Ang hindi nagtutuon sa pagpasok sa Aking mga salita ay hindi karapat-dapat na maging mabuting kawal ni Cristo; sa halip, kumikilos siya bilang alipin ni Satanas at ginagambala niya ang Aking gawain. Huwag isiping maliit na bagay ito. Sinumang gumagambala sa Aking gawain ay lumalabag sa Aking mga atas administratibo, at tiyak na didisiplinahin Ko nang matindi ang ganitong mga tao. Ibig sabihin nito, mula ngayon, kung tatalikod ka sa Akin nang isang saglit, sasapit sa iyo ang paghatol. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, subukan mong tingnan mismo kung anong kalagayan ang mamuhay sa liwanag ng Aking mukha at anong kalagayan ang iwan Ako.
Hindi Ko ikinababahala kung hindi ka namumuhay sa espiritu. Ang Aking gawain ay umusad na hanggang sa kasalukuyang yugto, kaya anong magagawa mo? Huwag kang mabahala, dahil may mga hakbang ang lahat ng Aking ginagawa, at gagawin Ko Mismo ang Aking gawain. Sa sandaling kumilos Ako, lubos na nakukumbinsi ang lahat; kung hindi, pakikitunguhan Ko sila nang may mas matinding pagkastigo, na higit na may kinalaman sa Aking mga atas administratibo. Makikita na ang Aking mga atas administratibo ay nagsimula na ngayong iproklama at ipatupad, at hindi na natatago. Dapat mo itong makita nang malinaw! Ngayon, lahat ng bagay ay may kinalaman na sa Aking mga atas administratibo, at sinumang lumabag sa mga iyon ay tiyak na magdurusa ng kawalan. Ito ay hindi isang maliit na bagay. Tunay bang mayroon kayong kabatiran dito? Malinaw ba ninyong nakikita ito? Sisimulan Kong magbahagi: Ang di-mabilang na mga bayan at tao sa mundo ay pinangangasiwaan sa Aking mga kamay, at, anuman ang kanilang relihiyon, dapat silang dumaloy pabalik sa Aking trono. Siyempre, ang iba na nahatulan na ay itatapon sa walang hanggang hukay (sila ang mga masasawi—lubusan silang susunugin at hindi na mananatili pa), samantalang ang iba na nahatulan na ay tatanggap sa Aking pangalan at magiging mga tao ng Aking kaharian (na tatamasain lamang nila sa loob ng isang libong taon). Samantala, kayo ay maghahari kasama Ko magpakailanman, at dahil nagdusa kayo dati para sa Akin, Aking papalitan ang inyong pagdurusang tiniis ng mga pagpapala na Aking ipinagkakaloob sa inyo, na walang katapusan. Ang Aking mga tao ay magpapatuloy lamang na magserbisyo kay Cristo. Ang sinasabing pagtatamasa rito ay hindi lamang nangangahulugan ng pagtatamasa, kundi na ang mga taong iyon ay hindi rin pagdurusahin sa mga sakuna. Ito ang napapaloob na kahulugan ng pagiging napakahigpit na ngayon ng Aking mga hinihingi sa inyo, at ng kaugnayan ng lahat ng bagay sa Aking mga atas administratibo. Ito ay dahil kung hindi ninyo tatanggapin ang Aking pagsasanay, walang magiging paraan upang maibigay Ko sa inyo ang inyong nararapat na manahin. Gayumpaman, natatakot pa rin kayong magdusa at natatakot kayo na masugatan ang inyong mga kaluluwa, laging nag-iisip para sa laman at laging nagsasaayos at nagpaplano para sa inyong mga sarili. Hindi ba angkop ang mga pagsasaayos Ko para sa inyo? Kung gayon, bakit paulit-ulit kang gumagawa ng mga pagsasaayos para sa iyong sarili? Sinisiraan mo Ako! Hindi ba totoo? Nagsasaayos Ako ng isang bagay para sa iyo, pagkatapos tinatanggihan mo ito nang lubusan at gumagawa ka ng sarili mong mga plano.
Maaaring sinasabi ninyo ang lahat ng bagay na tama, ngunit sa realidad, hindi ninyo nauunawaan ang Aking mga layunin kahit kaunti. Makinig kayo sa Akin! Tiyak na hindi Ko sasabihin na mayroong sinuman sa inyo na kayang tunay na magpakita ng pagsasaalang-alang sa Aking mga layunin. Kahit na maaaring kaayon ng Aking mga layunin ang iyong mga kilos, tiyak na hindi kita pupurihin. Ito ang Aking paraan ng pagliligtas. Gayumpaman, kampante pa rin kayo kung minsan, iniisip na kayo ay kamangha-mangha habang hinahamak ang lahat ng iba pa. Ito ay isang aspekto ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Kapag tinutukoy Ko ito, inaamin ninyong lahat ito, pero mababaw ito. Upang tunay na makapagbago, kailangan ninyong lumapit sa Akin. Makipagbahaginan sa Akin at pagkakalooban kita ng biyaya. May mga tao na gustong maupo na lamang at anihin kung ano ang itinanim ng iba, iniisip na kailangan lamang nilang iunat ang kanilang mga braso upang mabihisan, at ibuka ang kanilang bibig upang mapakain, naghihintay lang na nguyain ng iba ang kanilang pagkain at ilagay ito sa loob ng bibig nila bago ito lunukin. Ang ganyang mga tao ang pinakahangal, gustung-gustong kainin ang nginuya na ng iba. Isa rin itong pagpapamalas ng pinakatamad na aspekto ng tao. Ngayong narinig na ninyo ang mga salita Kong ito, hindi na ninyo dapat balewalain ang mga ito. Ang tanging tamang gawin ay ang doblehin ang inyong pansin, saka lamang matutugunan ang Aking mga layunin. Ito ang pinakamabuting uri ng pagpapasakop at pagsunod.