Kabanata 30
Sa gitna ng tao, minsan Kong sinuri ang paghihimagsik at kahinaan ng tao, at kaya ay naramdaman Ko ang kahinaan ng tao at nalaman ang kanyang paghihimagsik. Bago dumating sa gitna ng tao, matagal Ko nang naunawaan ang mga kagalakan at mga kalungkutan ng tao—at dahil dito, kaya Kong gawin ang hindi kayang gawin ng tao, at sabihin ang hindi kayang sabihin ng tao, at nagagawa Ko iyon nang walang kahirap-hirap. Hindi ba ito ang pagkakaiba sa pagitan Ko at ng tao? At hindi ba ito isang malinaw na pagkakaiba? Maaari kaya na ang Aking gawain ay kayang maisakatuparan ng mga taong may laman at dugo? Maaari kaya na Ako ay kaparehong uri ng mga nilikha? Inihanay na Ako ng mga tao bilang isang “katulad na uri”—at hindi ba ito ay dahil sa hindi nila Ako nakikilala? Bakit, sa halip na umangat sa pinakamataas na posisyon sa gitna ng tao, dapat Akong magpakumbaba? Bakit palagi Akong tinatalikuran ng sangkatauhan, at bakit hindi nila kayang iproklama ang Aking pangalan? May matinding kalungkutan sa Aking puso, ngunit paano malalaman ng mga tao? Paano nila makikita? Ang hindi kailanman pagturing sa yaong may kinalaman sa Akin bilang pinakamahalaga sa kanilang buong buhay ay nagdulot na ang mga tao ay matuliro at malito, na para bang kaiinom lang nila ng tabletang pampatulog; kapag tumatawag Ako sa kanila, sila ay nasa panaginip lamang, kaya’t hindi kailanman natanto ng sinuman ang Aking mga gawa. Ngayon, tulog na tulog pa rin ang karamihan sa mga tao. Kapag tumutunog lang ang awit ng kaharian saka sila nagmumulat ng kanilang inaantok na mga mata at nakararamdam ng bahagyang kapanglawan sa kanilang mga puso. Kapag humahampas ang Aking pamalo sa sangkatauhan, katiting na pansin pa rin ang kanilang ibinibigay, na para bang ang kanilang kapalaran ay walang halaga gaya ng buhangin sa dagat. Bagaman may kaunting kamalayan ang karamihan sa kanila, hindi pa rin nila alam kung gaano na kalayo ang narating na ng Aking mga hakbang—sapagkat hindi nag-aabala ang mga tao na arukin ang Aking puso, at kaya, palagi silang iginagapos ni Satanas, hindi magawang palayain ang kanilang sarili. Gumagalaw Ako sa ibabaw ng lahat ng bagay, at namumuhay sa gitna ng lahat ng bagay, at kasabay nito, Ako ang nasa sentro ng puso ng di-mabilang na mga tao. Sa kadahilanang ito, iba ang tingin sa Akin ng mga tao, naniniwalang Ako ay di-pangkaraniwan, o kung hindi naman, Ako ay di-maarok—at bilang resulta, ang pagtitiwala nila sa Akin ay nagiging mas matibay bawat araw. Minsan Akong humilig sa ikatlong langit, minamasdan ang lahat ng tao at bagay sa sansinukob. Kapag natutulog Ako nang mahimbing, natatahimik ang mga tao, labis na nangatatakot na magambala ang Aking pamamahinga. Kapag nagigising Ako, agad silang sumisigla, na para bang ginagawa nila ang gawain ng sadyang pagdudulot sa Akin ng kagalakan. Hindi ba’t ito ang saloobin tungo sa Akin ng mga tao sa lupa? Sino sa mga tao sa ngayon ang nakakikita sa Akin sa langit at sa lupa bilang iisa? Sino ang hindi tumitingala sa Akin sa langit? At sino ang hindi nangmamaliit sa Akin sa lupa? Bakit lagi Akong pinaghihiwalay ng tao? Bakit laging may dalawang magkaibang saloobin ang tao tungo sa Akin? Ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa ay hindi ba ang Diyos na naghahari sa lahat sa langit? Hindi ba’t ang Ako sa langit ay narito ngayon sa lupa? Bakit nakikita Ako ng mga tao ngunit hindi Ako nakikilala? Bakit may gayong kalaking distansya sa pagitan ng langit at lupa? Ang mga bagay na ito ba ay hindi karapat-dapat na suriin nang mas malalim ng tao?
Kapag ginagawa Ko ang Aking gawain, at sa mga panahong bumibigkas Ako, laging ninanais ng mga tao na dagdagan ito ng “pampalasa,” na para bang ang kanilang pang-amoy ay mas matalas pa kaysa sa Akin, na para bang mas pinipili nila ang matapang na lasa, at para bang wala Akong malay sa kung ano ang kinakailangan ng tao, at sa gayon ay dapat na “abalahin” ang tao para “punan” ang Aking gawain. Hindi Ko sinasadyang patamlayin ang pagka-positibo ng mga tao, bagkus ay hinihingi sa kanila na dalisayin ang kanilang sarili batay sa pundasyon ng pagkakilala sa Akin. Dahil napakalaki ng kanilang kulang, iminumungkahi Ko na sila ay mas magsumikap, at sa gayon ay makabawi sa kanilang mga pagkukulang upang mabigyang-kasiyahan ang Aking puso. Minsan na Akong nakilala ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro, gayunman ay lubos na hindi nila ito namamalayan, at sa gayon ang kanilang pagpapahalaga ay parang pagtrato sa buhangin bilang ginto. Nang paalalahanan Ko sila, tinanggal lang nila ang bahagi nito, ngunit sa halip na palitan ang bahaging nawala ng mga bagay na yari sa pilak at ginto, nagpatuloy silang tamasahin ang bahagi na nananatili pa rin sa kanilang mga kamay—at bilang resulta, palagi silang mapagpakumbaba at mapagpasensya sa harap Ko; hindi nila kayang maging kaayon Ko, sapagkat masyado silang maraming kuru-kuro. Sa gayon, ipinasya Kong samsamin ang lahat ng mayroon ang tao at kung ano ang tao at itapon ito nang malayo, upang ang lahat ay maaaring mamuhay kasama Ko at hindi na mawalay sa Akin. Dahil sa Aking gawain kaya hindi nauunawaan ng tao ang Aking mga layunin. Naniniwala ang ilan na tatapusin Ko ang Aking gawain sa pangalawang pagkakataon at itatapon sila sa impiyerno. Naniniwala ang ilan na magsisimula Akong gumamit muli ng isang “estratehikong” paraan ng pagsasalita, at karamihan sa kanila ay nanginginig sa takot: Takot na takot sila na tatapusin Ko ang Aking gawain at iiwan sila na walang patutunguhan, at lubhang natatakot na aabandonahin Ko silang muli. Laging gumagamit ang mga tao ng mga lumang kuru-kuro upang sukatin ang Aking bagong gawain. Sinabi Ko na hindi kailanman naarok ng mga tao ang pamamaraan ng Aking paggawa—makakaya ba talaga nilang ipakita ang kanilang mga abilidad sa pagkakataong ito? Hindi ba’t ang mga lumang kuru-kuro ng mga tao ang mga sandata na gumagambala sa Aking gawain? Kapag Ako ay nagsasalita sa mga tao, palagi nilang iniiwasan ang Aking titig, lubhang natatakot na matuon ang Aking mga mata sa kanila. Sa gayon, iniyuyuko nila ang kanilang mga ulo, na parang tumatanggap ng pagsisiyasat mula sa Akin—at hindi ba dahil ito sa kanilang mga kuru-kuro? Bakit nagpakumbaba Ako hanggang ngayon, subalit walang sinuman ang nakapansin kahit kailan? Dapat ba Akong yumukod para sa tao? Pumarito Ako sa lupa mula sa langit, bumaba Ako mula sa itaas tungo sa isang lihim na dako, at muling dumating sa gitna ng tao at nagpakita sa tao kung ano ang mayroon Ako at kung ano Ako. Ang Aking mga salita ay taos-puso at taimtim, mapagpasensya at mabait—ngunit sino ang nakakita kahit kailan sa kung ano Ako at kung anong mayroon Ako? Nakatago pa rin ba Ako sa tao? Bakit napakahirap para sa Akin na makipagtagpo sa tao? Dahil ba masyadong abala ang mga tao sa kanilang trabaho? Dahil ba pinababayaan Ko ang Aking mga tungkulin at ang mga tao ay pawang nagpupunyagi para maging matagumpay?
Sa isipan ng mga tao, ang Diyos ay Diyos, at hindi madaling lapitan, habang ang tao ay tao, at hindi dapat madaling maging mapagpalayaw—gayunman ang mga gawa ng mga tao ay hindi pa rin madala sa harap Ko. Maaari kaya na ang Aking mga hinihingi ay napakataas? Maaari kaya na ang tao ay napakahina? Bakit ang mga tao ay palaging tumitingin sa mga pamantayan na Aking hinihingi mula sa malayo? Talaga bang ang mga iyon ay hindi kayang maabot ng tao? Ang Aking mga hinihingi ay kinakalkula batay sa “konstitusyon” ng mga tao, kaya’t hindi kailanman lumampas sa tayog ng tao—subalit magkagayunman, ang mga tao ay nananatiling hindi kayang maabot ang mga pamantayang hinihingi Ko. Di-mabilang ang mga pagkakataon na tinalikuran Ako sa gitna ng tao, di-mabilang ang mga pagkakataon na tiningnan Ako ng mga tao nang may mga matang nanunuya, na para bang puno ng mga tinik ang Aking katawan at kasuklam-suklam sa kanila, at sa gayon ay kinasusuklaman Ako ng mga tao, at naniniwala sila na Ako ay lubos na walang halaga. Sa ganitong paraan, ipinagtutulakan Ako paroo’t parito ng tao. Di-mabilang ang mga pagkakataon na iniuwi Ako ng mga tao sa mababang halaga, at di-mabilang ang mga pagkakataon na ipinagbili nila Ako sa ibang lugar sa malaking halaga, at dahil dito kaya nasumpungan Ko ang Aking sarili sa kinalalagyan Ko ngayon. Para bang ang mga tao ay nag-iimbento pa rin ng mga pakana laban sa Akin; karamihan sa kanila ay nais pa ngang ipagbili Ako para sa daan-daang milyong dolyar na tubo, sapagkat hindi Ako kailanman pinahalagahan ng tao. Para bang Ako ay naging tagapamagitan sa pagitan ng mga tao, o isang sandatang nukleyar na ginagamit nila sa pakikipaglaban sa isa’t isa, o isang kasunduang nilagdaan sa pagitan nila—at bilang resulta, Ako, sa kabuuan, ay lubos na walang halaga sa puso ng tao, Ako ay isang gamit sa bahay na hindi kailangan. Gayunman ay hindi Ko kinukondena ang tao dahil dito; wala Akong ginagawa kundi iligtas ang tao, at laging naging mahabagin sa tao.
Naniniwala ang mga tao na mapapanatag Ako kapag itinapon Ko ang mga tao sa impiyerno, na parang Ako ay sadyang gumagawa ng pakikipagkasundo sa impiyerno, at Ako ay tila isang uri ng departamento na nagpapakabihasa sa pagbebenta ng mga tao, na parang Ako ay isang espesyalista sa panggagantso ng mga tao at ipagbibili sila sa mataas na halaga sa sandaling makontrol Ko sila. Hindi ito sinasabi ng mga bibig ng mga tao, subalit sa kanilang mga puso ito ang kanilang paniniwala. Bagaman iniibig nilang lahat Ako, ginagawa nila ito nang palihim. Nagbayad ba Ako ng ganoon kalaking halaga at gumugol ng ganoon karami kapalit ng ganito kaunting pag-ibig mula sa kanila? Ang mga tao ay mga manloloko, at lagi Kong ginagampanan ang papel ng niloko. Para bang masyado Akong walang muwang: Sa sandaling nakita na nila ang kahinaang ito, patuloy nila Akong niloloko. Ang mga salita mula sa Aking bibig ay hindi naglalayong patawan ng kamatayan ang mga tao o paratangan sila nang walang habas—ang mga ito ang realidad ng tao. Marahil ang iba sa Aking mga salita ay “lumalabis,” kung gayon ay maaari lang Akong “magmakaawa” para sa kapatawaran ng mga tao; dahil hindi Ako “bihasa” sa wika ng tao, karamihan sa sinasabi Ko ay hindi kayang bigyang-kasiyahan ang mga hinihingi ng mga tao. Marahil ang ilan sa Aking mga salita ay tumatagos sa mga puso ng mga tao, kaya maaari lang Akong “magmakaawa” na maging mapagparaya sila; dahil hindi Ako mahusay sa pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo at hindi mapili sa Aking paraan ng pagsasalita, marami sa Aking mga salita ay maaaring gumising sa pagiging miserable ng mga tao. Marahil ang ilan sa Aking mga salita ay nangungusap sa ugat ng karamdaman ng mga tao at inilalantad ang kanilang sakit, kaya’t ipinapayo Ko ang pag-inom ng ilan sa mga gamot na inihanda Ko na para sa iyo, sapagkat wala Akong layuning saktan ka at walang masasamang epekto ang gamot na ito. Marahil ang ilan sa Aking mga salita ay hindi “praktikal” pakinggan, ngunit “nagmamakaawa” Ako sa mga tao na huwag masyadong mag-alala—hindi “maliksi” ang Aking kamay at paa, kaya hindi pa naisasakatuparan ang Aking mga salita. Hinihingi Ko na maging “mapagtimpi” ang mga tao tungo sa Akin. Nakatutulong ba ang mga salitang ito sa tao? Umaasa Ako na may makakamit ang mga tao mula sa mga salitang ito—tiyak na hindi ninyo hahayaang mabigkas nang walang kabuluhan ang lahat ng Aking salita!
Abril 9, 1992