Kabanata 34

Minsan ay inanyayahan Ko ang tao bilang panauhin sa Aking sambahayan, subalit nagparoo’t parito siya dahil sa Aking mga tawag—na para bang, sa halip na anyayahan siya bilang isang panauhin, dinala Ko siya sa dakong bitayan. Sa gayon, naiwang walang laman ang Aking sambahayan, sapagkat iniiwasan Ako palagi ng tao, at lagi siyang nag-iingat laban sa Akin. Iniwan Ako nitong walang paraan para isagawa ang bahagi ng Aking gawain, ibig sabihin, kaya binawi Ko ang piging na inihanda Ko para sa kanya, sapagkat ayaw ng tao na matamasa ang piging na ito, kaya nga hindi Ko siya pinilit. Subalit biglang nasumpungan ng tao ang kanyang sarili na dumaranas ng gutom,[a] kaya kumatok siya sa Aking pintuan na hinihingi ang Aking tulong—nang makitang matindi ang kanyang pangangailangan, paanong hindi Ko siya ililigtas? Sa gayon, minsan pa Akong naglatag ng piging para sa tao, upang matamasa niya ito, at saka lamang niya nadarama kung gaano Ako kahanga-hanga, at sa gayon ay umaasa siya sa Akin. Unti-unti, dahil sa Aking saloobin sa kanya, natututuhan niya Akong mahalin nang may pusong hindi mapagbantay, at hindi na siya naghihinala na ipadadala Ko siya sa “lupaing pinagsusunugan ng mga bangkay,” sapagkat hindi ito ang Aking layunin. Kaya nga, matapos makita ang Aking puso, saka lamang tunay na umaasa ang tao sa Akin, na nagpapakita kung gaano siya “kaingat.” Subalit hindi Ako mapagbantay sa tao dahil sa kanyang panlilinlang, kundi sa halip ay inaantig Ko ang puso ng mga tao sa Aking mainit na yakap. Hindi ba ito ang Aking ginagawa sa kasalukuyan? Hindi ba ito ang naipapamalas sa mga tao sa kasalukuyang yugto? Bakit kaya nilang gumawa ng gayong mga bagay? Bakit taglay nila ang gayong damdamin? Dahil ba tunay nila Akong kilala? Dahil ba talagang walang hangganan ang pagmamahal nila sa Akin? Hindi Ko pinipilit ang sinuman na mahalin Ako, kundi binibigyan Ko lamang sila ng kalayaang gumawa ng sarili nilang pagpili; dito, hindi Ako nakikialam, ni hindi Ko sila tinutulungang gumawa ng mga pagpili tungkol sa kanilang kapalaran. Naitakda na ng mga tao ang kanilang determinasyon sa Aking harapan, dinala na nila ito sa Aking harapan upang masuri Ko, at nang buksan Ko ang bag na naglalaman ng “determinasyon ng tao,” may nakita Akong mga bagay-bagay sa loob, na bagama’t pinaghalo-halo, lubos na “masagana.” Tiningnan Ako ng mga tao nang dilat na dilat ang mga mata, takot na takot na baka mabunot Ko ang kanilang determinasyon. Ngunit dahil sa kahinaan ng tao, hindi Ako gumawa ng paghatol sa pinakasimula, at sa halip ay isinara Ko ang bag at patuloy na ginawa ang kailangan Kong gawin. Ang tao, gayunman, ay hindi pumapasok sa Aking patnubay kasunod ng Aking gawain, kundi patuloy na nag-aalala kung nasang-ayunan Ko ba ang kanyang determinasyon. Napakarami Ko nang nagawang gawain at napakarami Ko nang nasambit na salita, ngunit hanggang sa araw na ito, nananatiling walang kakayahan ang tao na maarok ang Aking mga layunin, at sa gayon ay iniiwan Akong naguguluhan ng bawat nakalilito niyang kilos. Bakit ba lagi siyang walang kakayahang arukin ang Aking mga layunin, at padalus-dalos niyang ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa gusto niya? Nakaranas ba ng dagok ang kanyang utak? Hindi kaya niya nauunawaan ang mga salitang Aking sinasabi? Bakit ba lagi siyang kumikilos nang nakadiretso ang tingin, ngunit hindi niya kayang bumuo ng isang landas at magtakda ng huwaran sa mga tao ng hinaharap? Mayroon bang nagpakita ng huwaran kay Pedro? Hindi ba dahil sa Aking patnubay kaya nanatiling buhay si Pedro? Bakit hindi ito kayang gawin ng mga tao ngayon? Bakit, pagkatapos magkaroon ng isang huwarang susundan, hindi pa rin nila magawang tugunan ang Aking mga layunin? Nagpapakita ito na wala pa ring tiwala sa Akin ang tao, na siyang humantong sa mga miserableng sitwasyon ng kasalukuyan.

Itinuturing Kong isang masayang tanawin ang maliliit na ibong lumilipad sa himpapawid. Bagama’t hindi pa sila nagtakda ng kanilang determinasyon sa Aking harapan at walang mga salitang “mailaan” sa Akin, nakasusumpong sila ng kasiyahan sa mundong naibigay Ko sa kanila. Gayunman, hindi ito kaya ng tao, at puno ng kalungkutan ang kanyang mukha—may utang kaya Ako sa kanya na hindi Ko mabayaran? Bakit laging may bahid ng mga luha sa kanyang mukha? Itinuturing Ko ang mga liryong namumukadkad sa kaburulan bilang mga bagay na hahangaan; natatakpan ng mga bulaklak at damo ang mga dalisdis, ngunit nagdaragdag ng kislap ang mga liryo sa Aking kaluwalhatian sa lupa bago sumapit ang tagsibol—makakamit ba ito ng tao? Makakapagpatotoo ba siya para sa Akin sa lupa bago Ako bumalik? Maiaalay kaya niya ang kanyang sarili alang-alang sa Aking pangalan sa bansa ng malaking pulang dragon? Parang ang Aking mga pagbigkas ay puno ng mga hinihingi sa tao—kinamumuhian niya Ako dahil sa mga hinihinging ito. Dahil napakahina ng kanyang katawan, pundamental siyang walang kakayahang matamo ang Aking hinihingi, kaya kinatatakutan niya ang Aking mga salita. Kapag binubuksan Ko ang Aking bibig, nakikita Ko ang mga tao sa lupa na nagtatakbuhan sa lahat ng direksyon, na parang sinusubukang matakasan ang taggutom. Kapag tinatakpan Ko ang Aking mukha at ipinipihit Ko ang Aking katawan, natataranta kaagad ang mga tao at hindi nila alam kung ano ang gagawin, sapagkat takot silang umalis Ako. Sa kanilang mga kuru-kuro, ang araw ng Aking pag-alis ay magiging araw kung kailan bababa ang sakuna mula sa langit, ang araw kung kailan magsisimula ang pagkastigo sa kanila. Subalit ang Aking ginagawa ay kabaligtaran mismo ng mga kuru-kuro ng tao; hindi pa Ako kumilos kailanman ayon sa mga kuru-kuro ng tao, at hindi Ko pa tinulutan ang kanyang mga kuru-kuro na umayon sa Akin. Ang panahon kung kailan Ako kumikilos ay mismong kung kailan ibinubunyag ang tao. Sa madaling salita, hindi masusukat ang Aking mga kilos ayon sa mga kuru-kuro ng tao. Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, walang sinumang nakatuklas kailanman ng isang “bagong kontinente” sa mga bagay na Aking ginagawa; wala pang sinumang nakaarok sa mga batas na pinagbabatayan ng Aking pagkilos, at wala pang sinumang nakapagbukas ng bagong daan palabas. Sa gayon, ang mga tao ngayon ay nananatiling walang kakayahang pumasok sa tamang landas—ito mismo ang kulang sa kanila, at ito ang dapat nilang pasukin. Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, hindi pa Ako kailanman nakapagsimula ng gayong proyekto. Nagdagdag lamang Ako ng ilang bagong piraso sa Aking gawain sa mga huling araw. Subalit kahit sa napakalilinaw na sitwasyong ito, wala pa ring kakayahan ang mga tao na maarok ang Aking mga layunin—hindi ba ito mismo ang kulang sa kanila?

Pagkatapos Kong pumasok sa bagong gawain, may bago Akong mga hinihingi sa tao. Para sa tao, parang hindi nagkaroon ng epekto ang mga hinihingi noong araw, kaya nakakalimutan niya ang mga iyon. Ano ang bagong kaparaanan ng Aking paggawa? Ano ang hinihingi Ko sa tao? Nasusukat ng mga tao mismo kung ang ginawa nila noong araw ay naaayon sa Aking mga layunin, at kung saklaw ng mga hangganan ng Aking hiningi ang kanilang mga kilos. Hindi na kailangang siyasatin Ko pang isa-isa ang lahat; naiintindihan nila ang kanilang sariling tayog, kaya nga sa kanilang isipan, malinaw sa kanila kung hanggang saan sila makakakilos, at hindi Ko na kailangang sabihin pa sa kanila nang tahasan. Kapag nagsasalita Ako, marahil, may ilang taong matitisod; sa gayon, iniwasan Ko nang sabihin ang bahaging ito ng Aking mga salita upang hindi manghina ang mga tao dahil dito. Hindi ba’t higit na nakabubuti ito sa paghahangad ng tao? Hindi ba higit ang pakinabang nito sa pag-unlad ng tao? Sino ang hindi umaasam na kalimutan ang kanilang nakaraan at magsikap na sumulong? Dahil sa Aking “hindi pag-iingat,” hindi Ko alam kung nauunawaan ng mga tao na ang kaparaanan ng Aking pagsasalita ay nakapasok na sa isang bagong dako. Dagdag pa rito, dahil masyado Akong “abala” sa Aking gawain, hindi Ako nagkaroon ng panahong magtanong kung nauunawaan ng mga tao ang tono ng Aking pagsasalita. Sa gayon, hinihingi Ko lamang na maging mas maunawain ang mga tao sa Akin. Dahil masyado Akong “abala” sa Aking gawain, hindi Ko personal na nabibisita ang mga himpilan ng Aking gawain upang patnubayan ang mga tao, kaya nga “kakaunti ang pagkaunawa” Ko tungkol sa kanila. Sa kabuuan, kahit ano pa man, sinimulan Ko na ngayong akayin ang tao na pormal na pumasok sa isang bagong simula at sa isang bagong pamamaraan. Sa lahat ng Aking pagbigkas, nakita na ng mga tao na may nakakatuwa, nakakatawa, at isang lubhang malakas na tono ng pangungutya sa Aking sinasabi. Sa gayon, naputol ang pagkakasundo sa pagitan Ko at ng tao nang hindi namamalayan, kaya may makakapal na ulap na tumatakip sa mukha ng mga tao. Gayunman, hindi Ako nalimitahan nito, kundi patuloy Ako sa Aking gawain, sapagkat lahat ng Aking sinasabi at ginagawa ay isang kinakailangang bahagi ng Aking plano; lahat ng sinasambit mula sa Aking bibig ay tumutulong sa tao, at wala Akong ginagawa na walang-halaga; lahat ng ginagawa Ko ay nakakapagpatibay sa lahat ng tao. Dahil nagkukulang ang tao kung kaya’t malaya Akong kumikilos at nagpapatuloy sa pagsasalita. May ilang tao, marahil, na desperadong naghihintay na gumawa Ako ng mga bagong hinihingi sa kanila. Kung gayon, tinutugunan Ko ang kanilang mga pangangailangan. Ngunit may isang bagay Akong kailangang ipaalala sa inyo: Kapag nagsasalita Ako, umaasa Ako na magkakamit ang mga tao ng higit na kabatiran at magiging higit na mapagkilatis, upang magtamo sila ng mas marami mula sa Aking mga salita at sa gayon ay matupad ang Aking mga hinihingi. Dati-rati, sa mga iglesia, binigyang-pansin ng mga tao ang pagtanggap sa pagkakapungos at pagkabali. Ang pagkain at pag-inom ng Aking mga salita ay nakasalig sa pundasyon ng pag-unawa sa mga mithiin at pinagmumulan ng mga iyon—ngunit ngayon ay hindi katulad ng nakaraan, at lubos na walang kakayahan ang mga tao na maarok ang pinagmumulan ng Aking mga pagbigkas, at sa gayon ay wala silang pagkakataong mapungusan at mabali Ko, sapagkat nagugol nila ang lahat ng kanilang lakas sa pagkain at pag-inom lamang ng Aking mga salita. Ngunit kahit sa ilalim ng mga sitwasyong ito, nananatili silang walang kakayahang tugunan ang Aking mga hinihingi, kaya nga gumagawa Ako ng mga bagong hinihingi sa kanila: Hinihingi Ko na pumasok sila sa mga pagsubok na kasama Ko, na ibig sabihin, pumasok sila sa pagkastigo. Subalit ipinapaalala Ko sa iyo ang isang bagay: Hindi ito paglalagay sa tao sa kamatayan, kundi sa halip ay ito ang hinihingi ng Aking gawain, sapagkat, sa kasalukuyang yugto, masyadong hindi maintindihan ng tao ang Aking mga salita, at hindi alam ng tao kung paano makipagtulungan sa Akin—walang anumang magagawa! Ang kaya Ko lamang gawin ay papasukin ang tao sa bagong pamamaraan kasama Ko. Ano pa ba ang magagawa Ko? Dahil sa mga kakulangan ng tao, kailangan Ko ring pumasok sa daloy na pinapasukan ng tao—hindi ba’t Ako ang gagawang ganap sa mga tao? Hindi ba’t Ako ang nagbalangkas ng planong ito? Bagama’t hindi mahirap ang isa pang hinihingi, hindi ito pumapangalawa sa nauna. Ang Aking gawain sa grupo ng mga tao ng mga huling araw ay isang proyektong hindi pa kailanman nangyari, at sa gayon, upang mapuno ng Aking kaluwalhatian ang kalangitan, lahat ng tao ay dapat magdusa ng huling paghihirap para sa Akin. Nauunawaan mo ba ang Aking layunin? Ito ang huling hinihingi Ko sa tao, na ibig sabihin, umaasa Ako na lahat ng tao ay makakapagpatotoo nang matatag at matunog para sa Akin sa harap ng malaking pulang dragon, na maialay nila ang kanilang sarili sa Akin sa huling pagkakataon, at matupad ang Aking mga hinihingi sa huling pagkakataon. Talaga bang magagawa ninyo ito? Hindi ninyo kinayang palugurin ang Aking puso noong araw—kaya ba ninyong putulin ang kaugaliang ito sa huling pagkakataon? Binibigyan Ko ang mga tao ng pagkakataong pag-isipan ang bagay na ito; hinahayaan Ko silang magnilay-nilay na mabuti bago Ako sagutin sa huli—masama bang gawin ito? Hinihintay Ko ang tugon ng tao, hinihintay Ko ang kanyang “liham ng pagtugon”—mayroon ba kayong pananalig na tuparin ang Aking mga hinihingi?

Abril 20, 1992

Talababa:

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “Subalit nang hindi man lang niya namamalayan, bigla na lamang nasumpungan ng tao ang kanyang sarili na dumaranas ng gutom.”

Sinundan:  Kabanata 33

Sumunod:  Kabanata 35

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger