Kabanata 33
Sa Aking sambahayan, minsang nagkaroon ng mga dumadakila sa Aking banal na pangalan, na ibinigay ang lahat ng kanilang makakaya upang punuin ng Aking kaluwalhatian sa lupa ang kalangitan. Dahil dito, labis Akong natuwa, at napuno ang Aking puso ng kagalakan—ngunit sino ang kayang gumawa bilang kahalili Ko, na tinatalikdan ang tulog sa gabi at araw? Nagbibigay sa Akin ng kaluguran ang determinasyon ng tao sa Aking harapan, ngunit pinupukaw ng kanyang pagiging mapanghimagsik ang Aking galit, at samakatwid, dahil hindi kailanman makapanatili ang tao sa kanyang tungkulin, lalong tumitindi ang Aking pighati para sa kanya. Bakit laging hindi kaya ng mga tao na ialay ang kanilang sarili sa Akin? Bakit nila palaging sinusubukang makipagtawaran sa Akin? Punong tagapamahala ba Ako ng isang sentro ng komersiyal na kalakalan? Bakit Ko kaya isinasakatuparan nang buong puso ang hinihingi ng mga tao sa Akin, habang nauuwi lang sa wala ang hinihingi Ko mula sa tao? Maaari kayang hindi Ako magaling sa mga pamamaraan ng pagnenegosyo, pero ang tao ay magaling dito? Bakit palagi Akong nililinlang ng mga tao sa pamamagitan ng madulas na pananalita? Bakit palaging dumarating ang mga tao na may dalang “mga regalo,” humihingi ng lihim na pasukan? Ito ba ang itinuro Ko na gawin ng tao? Bakit ginagawa ng mga tao ang ganitong mga bagay nang mabilis at malinis? Bakit palaging may intensiyon ang mga tao na linlangin Ako? Kapag nasa gitna Ako ng tao, tinitingnan Ako ng mga tao bilang isang nilikha; kapag nasa ikatlong langit Ako, itinuturing nila Ako bilang ang Makapangyarihan sa lahat, na Siyang naghahari sa lahat ng bagay; kapag nasa kalangitan Ako, nakikita nila Ako bilang ang Espiritu na pumupuno sa lahat ng bagay. Sa kabuuan, walang nararapat na lugar para sa Akin sa puso ng mga tao. Para bang isa Akong tagalabas, kinasusuklaman Ako ng mga tao, at kaya kapag kinukuha Ko ang tiket at nauupo Ako, itinataboy nila Ako, at sinasabing wala Akong mauupuan dito, na nagpunta Ako sa maling lugar, at kaya wala Akong pagpipilian kundi ang umalis nang galit na galit. Nagdesisyon Akong hindi na makipag-ugnayan sa tao, dahil masyadong makitid ang utak ng mga tao at masyadong kakaunti ang kanilang pagiging mapagpatawad. Hindi na Ako kakain sa mesang kinakainan din nila, hindi na Ako gugugol ng oras sa mundo na kasama sila. Ngunit kapag nagsasalita Ako, namamangha ang mga tao; natatakot sila na lilisan Ako, at kaya patuloy nila Akong ikinukulong. Habang nakikita ang kanilang pagkukunwari, agad Kong nararamdamang medyo malungkot at mapanglaw ang Aking puso. Natatakot ang mga tao na iiwan Ko sila, at kaya kapag humihiwalay Ako sa kanila, agad napupuno ang lupa ng tunog ng pag-iyak, at napupuno ng luha ang mga mukha ng mga tao. Pinupunasan Ko ang kanilang mga luha, muli Ko silang itinataas, at tinititigan nila Ako, ang kanilang mga nagsusumamong mata ay tila nagmamakaawa sa Akin na huwag Akong lumisan, at dahil sa kanilang “sinseridad” ay kasama nila Ako. Ngunit sino ang makakaunawa ng sakit na nasa Aking puso? Sino ang mapagsaalang-alang sa Aking mga hindi masabing paghihirap? Sa mga mata ng mga tao, para bang wala Akong damdamin ng laman, at kaya palagi kaming nagmumula sa dalawang magkaibang pamilya. Paano nila makikita ang damdamin ng pighati sa Aking puso? Nag-iimbot lamang ang mga tao sa kanilang mga sariling kaaliwan, at hindi nila isinasaalang-alang ang Aking mga layunin, dahil, hanggang sa kasalukuyan, nananatiling mangmang ang mga tao tungkol sa layon ng Aking plano ng pamamahala, at kaya ngayon gumagawa pa rin sila ng tahimik na mga pagsamo—at ano ang benepisyo nito?
Kapag nabubuhay Ako kasama ng tao, mayroon Akong partikular na puwang sa puso ng mga tao; dahil nagpakita na Ako sa katawang-tao, at nabubuhay ang mga tao sa lumang laman, palagi nila Akong pinakikitunguhan sa laman. Dahil mayroon lamang laman ang mga tao at wala nang higit pang karagdagan, ibinigay na nila sa Akin ang “lahat ng mayroon sila.” Ngunit wala silang alam, simpleng “nag-aalay sila ng mga bagay” sa Aking harapan. Walang kuwentang basura ang Aking natatanggap—ngunit hindi ganoon ang iniisip ng tao. Kapag inihahambing Ko ang “mga regalo” na ibinigay nila sa Aking mga bagay, agad na napagtatanto ng mga tao ang Aking kahalagahan, at saka lamang nila nakikita ang Aking pagiging di-masusukat. Hindi Ako nagmamalaki dahil sa kanilang papuri, kundi nagpapatuloy Ako na magpakita sa tao, upang maaari Akong makilala nang lubusan ng lahat ng tao. Kapag ipinapakita Ko sa kanila ang Aking kabuuan, tinitingnan nila Ako nang may nanlalaking mga mata, nakatayo sa harapan Ko nang hindi gumagalaw, kagaya ng isang haliging asin. At kapag pinagmamasdan Ko ang kanilang pagiging kakaiba, nahihirapan Akong pigilan ang Aking sarili sa pagtawa. Dahil iniaabot nila ang kanilang kamay upang humingi ng mga bagay mula sa Akin, ibinibigay Ko sa kanila ang mga bagay na nasa Aking kamay, at niyayakap nila ang mga ito sa may dibdib nila, itinatangi ang mga ito kagaya ng isang bagong silang na sanggol, isang kilos na ginagawa lamang nila nang sandali. Kapag iniiba Ko ang kapaligiran kung saan sila ay naninirahan, agad nilang inihahagis ang “sanggol” sa isang tabi at tumatakas nang hawak-hawak ang kanilang ulo. Sa mga mata ng mga tao, Ako ang tulong na laging naroon sa anumang oras o lugar, na para bang isa Akong serbidor na dumarating sa oras na siya ay tinawag. Kaya, palaging “bumabaling” sa Akin ang mga tao, na para bang mayroon Akong walang-hanggang kasanayan upang labanan ang kalamidad, at kaya palagi nilang hinahawakan ang Aking kamay, dinadala Ako sa mga paglalakbay sa kabuuan ng lupa, upang maaaring makita ng lahat ng bagay na mayroon silang May Kataas-taasang Kapangyarihan, upang walang mangangahas na manlinlang sa kanila. Noon Ko pa natalos ang panlalansi ng mga tao na isang “sorong nanghihiram ng pagiging kapita-pitagan ng isang tigre,” dahil lahat sila ay “nagsasabit ng kanilang mga pananda,” nagnanais tumubo sa pamamagitan ng panlilinlang. Matagal Ko nang nakilatis ang kanilang mapanira at mapaminsalang pakana, at ito ay dahil lamang sa hindi Ko nais na pinsalain ang pagkakasundo sa pagitan namin. Hindi Ako gumagawa ng gulo nang walang dahilan—walang halaga o importansya roon. Ginagawa Ko lamang ang gawain na nilalayon Kong gawin nang may pagsasaalang-alang sa mga kahinaan ng mga tao; kung hindi, gagawin Ko silang abo at wawakasan Ko ang pag-iral nila. Ngunit may kahulugan ang gawain na Aking isinasakatuparan, at kaya hindi Ko basta-bastang kinakastigo ang mga tao. Sa kadahilanang ito kaya palaging binibigyang-layaw ng mga tao ang kanilang laman. Hindi nila inoobserbahan ang Aking mga layunin, kundi lagi Akong nililinlang sa harap ng Aking hukumang-luklukan. Napakatapang ng mga tao: Kapag pinagbabantaan sila ng lahat ng “kagamitan sa pagpapahirap,” hindi man lang sila nayayanig. Sa harap ng mga katunayan, nananatili silang walang kakayahan na magbigay ng anumang katunayan, at walang ginagawa kundi ang matigas na manlaban sa Akin. Kapag hinihingi Ko na ilabas nila ang lahat ng marumi, nagpapakita pa rin sila sa Akin ng dalawang kamay na walang dala—paanong hindi ito magagamit ng iba bilang isang “huwaran”? Ito ay dahil ang “pananalig” ng mga tao ay labis na malaki kung kaya’t sila ay “kahanga-hanga.”
Nagsimula na Ako sa Aking gawain sa kabuuan ng sansinukob; agad na nagigising ang mga tao sa sansinukob, at gumagalaw nang paikot sa sentro, na siyang Aking gawain, at kapag “naglalakbay” Ako sa loob ng mga ito, tumatakas ang lahat mula sa gapos ni Satanas, at hindi pinahihirapan sa gitna ng pamiminsala ni Satanas. Dahil sa pagdating ng Aking araw, napupuno ng kasiyahan ang mga tao, nawawala ang lungkot sa kanilang mga puso, ang mga ulap ng kalungkutan sa kalangitan ay nagiging oxygen sa hangin at lumulutang doon, at sa sandaling ito, tinatamasa Ko at ng tao ang kasiyahan ng pagiging magkasama. Binibigyan Ako ng mga pagkilos ng tao ng isang bagay na mapapahalagahan Ko, at kaya hindi na Ako namimighati. At, kasama ng pagdating ng Aking araw, muling nakakamit ng mga bagay sa mundo na may sigla ang ugat ng kanilang pag-iral. Pinabubuhay Kong muli ang lahat ng bagay sa mundo, at sa gayon ay tinatanggap nila Ako bilang batayan ng kanilang pag-iral. Dahil idinudulot Ko na ang lahat ng bagay ay magningning nang may buhay, gayundin, idinudulot Ko rin na sila ay mawala nang tahimik. Samakatwid, naghihintay ang lahat ng bagay ng mga kautusan mula sa Aking bibig, at tinatamasa ang Aking ginagawa at sinasabi. Sa lahat ng bagay, Ako ang Kataas-taasan—ngunit nabubuhay rin Ako sa gitna ng di-mabilang na mga tao, at ginagamit Ko ang mga gawa ng tao bilang mga pagpapamalas ng Aking paglikha ng langit at lupa. Kapag nagbibigay ang mga tao ng dakilang papuri sa Aking harapan, nadadakila Ako sa lahat ng bagay, at kaya naman mas gumaganda sa ilalim ng mainit na araw ang mga bulaklak sa lupa, nagiging mas luntian ang mga damo, at tila mas asul ang mga ulap sa langit. Dahil sa Aking tinig, tumatakbo ang mga tao nang paroon at parito; ngayon, napupuno ng kaligayahan ang mga mukha ng mga tao sa Aking kaharian, at lumalago ang kanilang buhay. Gumagawa Ako sa gitna ng lahat ng Aking hinirang na mga tao, at hindi Ko pinahihintulutan ang Aking gawain na mabahiran ng mga ideya ng tao, dahil personal Kong isinasagawa ang Aking gawain. Kapag gumagawa Ako, nagbabago at napapanibago ang langit at lupa at lahat ng bagay, at kapag natapos Ko na ang Aking gawain, lubos na napapanibago ang tao, at hindi na siya namumuhay sa pagkabagabag dahil sa Aking hinihingi. Dahil maririnig sa buong mundo ang mga tunog ng kasiyahan, kinukuha Ko ang pagkakataong ito upang ipagkaloob sa tao ang mga biyaya na ibinibigay Ko sa kanya. Kapag Ako ang Hari ng kaharian, natatakot ang lahat ng tao sa Akin, ngunit kapag Ako ang Hari sa gitna ng tao, at namumuhay Ako kasama ang tao, walang nakikitang kasiyahan ang mga tao sa Akin, dahil napakabigat ng kanilang mga kuru-kuro sa Akin, kaya masyado nang nakabaon nang malalim ang mga ito na mahirap nang alisin. Dahil sa mga pagpapamalas ng tao, ginagawa Ko ang Aking gawain, na siyang naaangkop, at kapag umaakyat Ako sa langit at pinapakawalan ang Aking malaking poot sa tao, agad na nagiging abo ang iba’t ibang opinyon ng mga tao ukol sa Akin. Hinihingi Ko na magsalita sila ng ilan pang kuru-kuro nila tungkol sa Akin, pero hindi sila makapagsalita, na para bang walang-wala sila, at na para bang mapagpakumbaba sila. Habang mas nabubuhay Ako sa mga kuru-kuro ng mga tao, lalo nila Akong minamahal, at habang mas lalo Akong nabubuhay sa labas ng mga kuru-kuro ng mga tao, lalo nila Akong nilalayuan, at nagkakaroon sila ng mas maraming opinyon ukol sa Akin, dahil, mula noong nilikha Ko ang daigdig hanggang ngayon, palagi na Akong nabubuhay sa mga kuru-kuro ng mga tao. Kapag dumarating Ako sa gitna ng mga tao ngayon, pinapawi Ko ang lahat ng kuru-kuro na pinanghahawakan ng mga tao, at kaya sadyang tumatanggi, ang mga tao—ngunit mayroon Akong naaangkop na mga pamamaraan upang pungusan ang kanilang mga kuru-kuro. Hindi dapat mag-alala o maging balisa ang sinuman; ililigtas Ko ang buong sangkatauhan sa pamamagitan ng mga sarili Kong pamamaraan, idinudulot na mahalin Ako ng lahat ng tao, at tinutulutan silang matamasa ang Aking mga biyaya sa langit.
Abril 17, 1992