Kabanata 26
Aking mga anak, bigyang-pansin ang Aking mga salita, makinig nang tahimik sa Aking tinig, at magbubunyag Ako ng mga bagay sa inyo. Maging tahimik sa loob Ko, sapagkat Ako ang inyong Diyos, ang inyong tanging Manunubos. Dapat ninyong payapain ang inyong puso sa lahat ng oras at mamuhay kayo sa loob Ko; Ako ang inyong bato, ang inyong tagapagtaguyod. Huwag magkimkim ng ibang mga isipin, bagkus ay buong-pusong sumandal sa Akin at Ako ay tiyak na magpapakita sa inyo—Ako ang inyong Diyos! A, ang mga nagdududang iyon! Sila ay tiyak na hindi makatatayo nang matatag at walang anumang makakamtan. Dapat ninyong malaman kung anong oras na ngayon, kung gaano kakritikal ang oras na ito! Napakahalaga nito! Huwag magpakaabala sa mga bagay na walang kabuluhan; magmadaling lumapit sa Akin, makipagbahaginan sa Akin, at Aking ibubunyag ang lahat ng hiwaga sa inyo.
Dapat kang makinig sa lahat ng salita ng paggabay mula sa Banal na Espiritu, at isapuso ang bawat isa nito. Napakaraming ulit mo nang narinig ang Aking mga salita at pagkatapos ay nakalimutan ang mga iyon. O, mga walang pag-iisip! Ikaw ay nawalan na ng napakaraming pagpapala! Ikaw ngayon ay dapat na makinig nang mabuti at bigyang-pansin ang Aking mga salita, mas higit na makisalamuha sa Akin at maging mas malapit pa sa Akin. Gagabayan kita sa anumang bagay na hindi mo nauunawaan, at Akin kitang pangungunahan sa pagsulong. Huwag isipin na makisalamuha pa sa ibang tao. Marami na ngayon ang nangangaral ng mga salita at doktrina, at lubhang kakaunti ang tunay na nagtataglay ng Aking realidad. Ang kanilang pagbabahagi ay nakakalito at nakakamanhid sa isang tao, hindi nalalaman kung paano uunlad. Kapag narinig ninyo sila, kayo ay makakaunawa lamang nang kaunti tungkol sa mga salita at mga doktrina. Dapat ninyong bantayan ang inyong hakbang at panatilihin ang inyong puso na palaging buhay sa harapan Ko sa lahat ng oras; dapat kayong makipag-usap sa Akin at lumapit sa Akin at hahayaan Kong makita mo ang hindi mo nauunawaan. Ingatan ang iyong pananalita, bantayan ang iyong puso sa lahat ng sandali, at lumakad sa daang Aking nilalakaran.
Ito ay hindi na magtatagal ngayon; mayroon pang kaunting panahon na nalalabi. Magmadaling iwanan ang lahat ng bagay maliban sa Akin at halikayo’t sumunod sa Akin! Hindi Ko kayo tatratuhin nang masama. Napakaraming ulit na hindi ninyo naunawaan ang Aking mga pagkilos, ngunit alam ba ninyo kung gaano Ko kayo kamahal? A, hindi ninyo lamang nauunawaan ang Aking puso. Kahit na gaano pa kayo nag-alinlangan o kahit gaano pa ang utang ninyo sa Akin, hindi Ko na ito aalalahanin, at gayunpaman ay pinili Ko kayo na humayo at kumilos ayon sa Aking mga layunin.
Hindi ngayon ang panahon para mang-antala. Kung may kinikimkim pa rin kayo na kung anong ibang layunin, kung gayon ay sasapit sa inyo ang Aking paghatol. Kung iiwan ninyo Ako kahit nang isang sandali lamang, kayo ay magiging gaya ng asawa ni Lot. Ngayon, ang hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu ay bumibilis, at ang mga hindi makasabay sa bagong liwanag ay nasa panganib, at ang mga hindi nananatiling alerto ay aabandonahin; dapat ninyong protektahan ang inyong sarili. Dapat mong malaman na ang lahat ng iyong nakapaligid na kapaligiran ay tinutulutan at isinasaayos Ko. Dapat maging malinaw sa iyo ito at bigyang-kasiyahan ang Aking puso sa kapaligirang ibinigay Ko na sa iyo. Huwag matakot sa kung ano-ano, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ang puwersang susuporta sa inyo, at Siya ang inyong sanggalang. Sa kasalukuyan, ang mga tao ay masyadong maraming kuru-kuro, na pumupuwersa sa Akin na ipahayag ang Aking mga layunin sa mga taong hinahamak ng iba, kaya napapahiya iyong mga hambog at mapagmagaling, mapagmataas, palalo, at ambisyoso, at nangungunyapit sa mataas na posisyon. Hangga’t kayo ay nagpapakita ng taos-pusong pagsasaalang-alang sa Aking pasanin, inihahanda Ko ang lahat ng bagay para sa inyo. Basta’t sumunod lamang kayo sa Akin!