Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)
May ilang panahon na nating pinagbabahagihan ang paksa ng pagsisikap na matamo ang katotohanan. Nakapalawak ng nilalamang nasasangkot sa paksang ito, pero gaano man kalawak ang nilalaman, hindi ito mahihiwalay sa ilang isyung nakakaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay na nauugnay sa kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay, at sa kung paano sila umaasal at kumikilos, hindi ba? (Oo.) Ang mga ito ay mga tunay na isyu sa buhay ng mga tao. Ang mga ito ay hindi hiwalay sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, ni hindi hiwalay mula sa normal na pagkatao ng mga tao. Ang mga isyung ito ay kinasasangkutan ng mga saloobin at pananaw ng mga tao sa iba’t ibang bagay, pati na sa lahat ng uri ng malalaking usapin na nakakaharap ng mga tao sa kanilang pag-iral at sa kanilang mga paglalakbay sa buhay. Ang nilalaman ng ating huling pagbabahaginan ay tungkol sa isang aspekto ng pagsasagawa sa loob ng “pagbitiw” sa “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan”—pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at sa pagkamapanlaban sa Diyos. Ano ang nasasangkot sa pagsasagawang ito? Nasasangkot dito ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Ang nilalaman ng ilang huling pagbabahaginan ay tungkol sa kung paano dapat tingnan ng isang tao ang lahat ng uri ng tao at lahat ng uri ng bagay nang ayon sa mga prinsipyo at pamantayan na hinihingi ng Diyos, at kung paano pangasiwaan ang lahat ng uri ng tao at lahat ng uri ng bagay. Ang nilalaman ng ating huling pagbabahaginan ay tungkol sa ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at ipinaalam sa mga tao kung paano nila dapat bitawan ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyong hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos, hindi naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, at hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang mga ito ay mga tunay na problemang umiiral sa pagitan ng mga tao at ng Diyos sa paglalakbay sa pananampalataya sa Diyos at sa proseso ng pag-iral. Hinati natin ang malaking paksang ito ng “pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at sa pagkamapanlaban sa Diyos” sa apat na aspekto: Ang una ay mga kuru-kuro at imahinasyon, ang pangalawa ay mga di-makatwirang hinihingi, ang pangatlo ay pagiging mapagbantay at mapaghinala, at ang pang-apat ay pagsisiyasat at pagtitiktik. Sinimulan natin ang pagbabahaginan natin sa mga kuru-kuro at imahinasyon. Ang unang punto sa loob ng mga kuru-kuro at imahinasyon ay nauugnay sa gawain ng Diyos—ibig sabihin, kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Nagbahaginan tayo nang kaunti tungkol dito. Ang pagbabahaginan natin sa puntong ito ay tungkol sa kung paano tinitingnan ng mga tao ang gawain ng Diyos, at kung anong mga paglihis, kuru-kuro, at imahinasyon mayroon ang mga tao sa kanilang kaalaman at mga ideya tungkol sa gawain ng Diyos; ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay isang bagay na dapat bitiwan ng mga tao. Kung bibitiwan ng mga tao ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito at hahanapin nila ang katotohanan, magagawa nilang alamin ang gawain ng Diyos at magkakaroon sila ng dalisay na pagkaarok sa mga salita ng Diyos. Kapag ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, dapat nilang pagnilayan at subukang kilalanin ang kanilang sarili, at dapat din nilang bitawan ang kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, sa halip na umasa sa mga ito para sukatin kung ano dapat ang gawain ng Diyos, o kung ano ang epektong nilalayong makamit ng Diyos sa mga tao sa Kanyang gawain. Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay mayroong direktang epekto sa buhay pagpasok ng mga tao at sa kanilang saloobin sa Diyos, kaya ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay isang bagay rin na dapat bitiwan ng mga tao. Halimbawa, nagbahaginan tayo na hindi binabago ng Diyos ang likas na kakayahan, personalidad, mga likas na gawi ng mga tao, at iba pa, na ang mga likas na katangian na mayroon ang mga tao noong isinilang sila at ang mga likas na gawi ng kanilang laman ay hindi ang mga puntirya ng gawain ng Diyos, at na pinupuntirya ng gawain Niya ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang mga bagay sa loob ng mga tao na naghihimagsik laban sa Diyos at hindi tugma sa Diyos. Kung ang nasa imahinasyon ng mga tao ay na ang pakay ng gawain ng Diyos ay baguhin ang kanilang kakayahan, ang kanilang mga likas na gawi, at maging ang kanilang personalidad, mga nakagawian, mga padron sa pamumuhay, at iba pa, ang bawat aspekto ng kanilang pagsasagawa sa pang-araw-araw na buhay ay maiimpluwensiyahan at maaapektuhan ng sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at hindi maiiwasan na magkakaroon ng maraming baluktot na bahagi o mga sukdulang bagay. Ang mga baluktot na bahagi at sukdulang bagay na ito ay hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at magdudulot sa mga tao na lumihis mula sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at humiwalay sa takbo ng normal na pagkatao. Halimbawa, sabihin natin na sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, naniniwala ka na gustong baguhin ng Diyos ang kakayahan, mga abilidad, at maging ang mga likas na gawi ng mga tao; kung iniisip mo na ito ang mga bagay na gustong baguhin ng Diyos, anong uri ng mga paghahangad ang magkakaroon ka? Magkakaroon ka ng mga paghahangad na baluktot at mahigpit-na-pinanghahawakan—gugustuhin mong maghangad ng superyor na kakayahan, at tutuon ka sa pag-aaral ng iba’t ibang uri ng kasanayan at pagiging dalubhasa sa iba’t ibang uri ng kaalaman para magkaroon ka ng superyor na kakayahan at superyor na mga abilidad, at superyor na kabatiran at paglilinang sa sarili, at maging ng ilang kapabilidad na superyor sa mga ordinaryong tao—sa ganitong paraan, magbibigay-pansin ka sa mga panlabas na abilidad at talento. Kung gayon, ano ang mga kahihinatnan sa mga tao ng gayong mga paghahangad? Hindi lang sila mabibigong tumahak sa landas ng pagsisikap na matamo ang katotohanan, sa halip ay tatahakin nila ang landas ng mga Pariseo. Makikipagkompetensiya sila sa isa’t isa para makita kung sino ang may superyor na kakayahan, sino ang may mas superyor na mga kaloob, sino ang may superyor na kaalaman, sino ang may mas mahuhusay na kapabilidad, sino ang may mas maraming kalakasan, sino ang may mas mataas na katanyagan sa gitna ng mga tao at tinitingala at pinapahalagahan ng iba. Sa ganitong paraan, hindi lang nila hindi magagawang isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, sa halip ay tatahak sila sa isang landas na palayo mula sa katotohanan.
Ang gawain ng Diyos ay ang baguhin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang kanilang iba’t ibang nakalilinlang na kaisipan at pananaw na lumalabag sa katotohanan, sa loob ng saklaw ng kanilang normal na pagkatao, para ang kanilang konsensiya at katwiran ay manumbalik at mapabuti. Sa madaling salita, kapag mas nauunawaan mo ang katotohanan, mas magiging normal ang iyong konsensiya at katwiran, at patuloy ring uunlad ang mga ito sa isang kapaki-pakinabang na direksiyon; hindi ito mahiwaga kahit kaunti. Ano ang ibig Kong sabihin sa salitang ito na “normal”? Kung ang mga tao ay may kamalayan ng konsensiya at pagpapahalaga sa katarungan, magiging mabait sila—kung isasaad ito gamit ang mga salita ng tao, sila ay magiging maunawain, matuwid, makatwiran, at hindi matigas ang ulo at madaling mabaluktot. Ito ang epektong nilalayong makamit ng Diyos hinggil sa pagkatao ng mga tao. Habang mas nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, ang isang nagiging di-planadong epekto ay na mas nagiging normal ang pagkatao nila. Gayumpaman, kung maghahangad ang mga tao ayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay gugugol ng malaking negatibong impluwensiya at negatibong paggabay sa kanilang mga paghahangad, at magdadala sa kanila sa lahat ng uri ng baluktot at matigas-ang-ulong sinusundan, sukdulan, at nakalilinlang na mga landas. Halimbawa, sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila na nilalayon ng gawain ng Diyos na itaas ang pagkatao ng mga tao, at bigyang-kakayahan ang mga tao na lagpasan ang mga likas na gawi ng tao, ang kakayahan ng tao, at maging ang edad at kasarian ng tao. Kapag ang mga tao ay may mga kuru-kuro na tulad ng mga ito, sila ay maghahangad, magsusumikap, at mangangapa sa ganitong direksiyon. Anong mga bagay ang pagtutuunan nila kung gayon? Sa isang banda, tutuon sila sa kaalaman, mga abilidad, kasanayan, kaloob, at talento; sa kabilang banda, tutuon sila sa pagiging mahiwaga. Alam ba ninyo kung ano ang mga pagpapamalas ng pagiging mahiwaga? (Nangangahulugan ba ito na, sa ilang bagay, ang mga tao ay direktang sasailalim samga kalitatibong pagbabago nang hindi nagbabayad ng halaga?) Tulad ito ng kapag ang isang tao ay hindi karaniwang nagbabasa ng mga salita ng Diyos, pero may nangyayari sa kanya, at biglang lumilitaw sa isip niya ang mga salita ng Diyos, o kapag ang isang tao ay hindi kailanman nagawang kumanta o sumayaw, pero pagkatapos mapukaw ay bigla niyang nagawang kumanta at sumayaw, at mahusay pa nga siyang nakasasayaw, o kapag ang isang tao ay hindi kailanman nag-aral ng isang banyagang wika, pero bigla siyang nakakapagsalita ng banyagang wika. Mahiwaga ba ang mga bagay na ito? (Oo.) Halimbawa, ipagpalagay nang kailangan mong lumabas para sa isang apurahang usapin, pero hindi ka marunong magmaneho, at sa pagiging desperado mo ay nagdasal ka, at agad na nag-alab ang damdamin mo, at biglang natuto kang magmaneho, at ang pagmamaneho mo ay kasingtatag pa nga ng tulad sa isang drayber na may karanasan na. May nagtatanong sa iyo, “Paanong ang husay mong magmaneho?” Sinasabi mo, “Hindi ko rin alam. Lahat ng ito ay gawa ng Diyos; inantig ako ng Banal na Espiritu. Tingnan mo, ang mga kamay kong ito ay hindi ko na sariling mga kamay; ang mga ito ay hinahawakan ng Banal na Espiritu!” Sa katunayan, hindi ito ginagawa ng Banal na Espiritu; sa halip, ibang uri ng espiritu ang pumasok sa iyo at nagmamanipula sa iyo, kaya ikaw ay naging ibang tao at hindi makontrol ang iyong sarili. Hindi ba’t ito ay paglagpas sa mga panloob na kapabilidad ng isang tao? Mahiwaga ito, hindi ba? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng mahiwaga? Magandang penomenon ba ito? (Hindi, ginagawa nitong hindi normal ang isang tao.) Kung bigla mong nagagawang malaman ang isang wika, kung bigla kang nagkakaroon ng kasanayan, o bigla mong nauunawaan ang kaunting kaalaman nang hindi nag-aaral sa loob ng ilang panahon o ginagabayan ng sinumang eksperto, iyon ay mahiwaga. Kung ang buhay disposisyon ng isang tao ay nagbago nang hindi na niya kinakailangang sikaping matamo ang katotohanan, maghanap, maghintay, o dumanas ng mga bagay, hindi ba’t ito ay isang katakot-takot na usapin? (Oo.) Kung marami pa ring mga bagay na kuru-kuro at imahinasyon sa iyong isipan at sa iyong subconscious, dapat mong bitiwan ang mga ito at hindi hangarin ang mga ito, dahil ang mga ito ay hindi tunay na kaalaman sa gawain ng Diyos, at ang mga ito ay hindi naaayon sa mga pamamaraan at prinsipyo ng gawain ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay talagang hindi lalagpas sa iyong normal na pagkatao, at ang epektong nakakamit ng gawain ng Diyos sa iyo ay talagang hindi ang pagbabago sa iyong normal na pagkatao patungo sa isang mataas at mahiwagang pagkatao. Higit pa rito, hindi ka babaguhin ng Diyos mula sa isang normal na tao patungo sa isang di-pangkaraniwang tao. Sabihin natin na sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, nagiging mas sensitibo ang iyong konsensiya, at nagkakaroon ka ng higit na pakiramdam ng kahihiyan. Ikaw ay nagiging mabait, nagagawa mong maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at nagagawa mong pangalagaan gawain ng Diyos at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Higit pa rito, ang iyong mga salita at kilos ay hindi sumasalungat sa iyong konsensiya at katwiran, unti-unti mong nagagawang kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at nagagawa mong tukuyin ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay batay sa mga salita ng Diyos. Pinatutunayan nito na ang landas na tinatahak mo sa iyong pananampalataya sa Diyos ay tama. Pero ipagpalagay na tumutuon ka pa rin sa kung may maririnig kang isang tinig kapag ikaw ay nagdarasal, at naghihintay ka sa kung anong inspirasyon, sinag ng liwanag, o mahiwagang pagbubunyag kapag naghahanap ka mula sa Diyos at nagsusumamo sa Diyos. Dagdag pa rito, ang iyong konsensiya at katwiran ay hindi napanumbalik o naitama sa anumang paraan, at hindi ka nagtaglay ng pagpapahalaga sa katarungan o hindi mo nagawang magpasakop sa Diyos. Pinatutunayan nito na may mga problema sa iyong paghahangad at sa landas na tinatahak mo, at masasabi rin na hindi ka talaga tumahak sa landas ng pagsisikap na matamo ang katotohanan. Madalas na hindi mo rin namamalayan na hinahangad mo na maging isang mahiwagang tao, at madalas mong nadarama na dapat mong lagpasan ang laman—hindi nagugutom kapag hindi ka kumakain, at hindi napapagod o inaantok kapag hindi ka natutulog o nagpapahinga sa loob ng ilang araw—at hinahangad mo pa nga na biglang makaunawa o maging dalubhasa sa mga bagay na hindi mo nauunawaan o hindi mo natutunan sa proseso ng paggawa ng tungkulin mo kapag apurahan mong kailangan ang mga ito. Ang mga imahinasyong ito tungkol sa mga mahiwagang bagay ay pawang nagmumula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Dahil hindi naranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, likas silang puno ng mga imahinasyon tungkol sa Kanyang gawain. Sa katunayan, ang gawain ng Diyos ang pinakatotoo at pinakapraktikal sa lahat ng bagay. Hindi kailanman kumikilos ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao; hindi Niya kailanman ginagawa ang ganitong uri ng gawain sa mga tao. Ginagawa lang Niya ang kaunting mahiwagang gawain sa ilalim ng mga napaka-espesyal na sitwasyon at sa napakakaunting tao, pero ang gawaing ito ay pansamantala lang at isang bagay na kinakailangan sa mga espesyal na sitwasyon—hindi ito isang pamamaraan ng gawain na madalas na ipinapapamalas sa mga tao sa loob ng pagliligtas ng Diyos. Sa Kanyang gawain ng pamamahala, nilalayon ng Diyos na iligtas ang mga tao, na bigyang-kakayahan sila na iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at magtamo sila ng kaligtasan, at ang batayang pamamaraan ng paggawa ng Diyos ay ang tustusan ang mga tao ng katotohanan, para magawa nilang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo pagkatapos nilang maunawaan ang katotohanan. Samakatwid, anumang mga kuru-kuro at imahinasyon ang mayroon ka sa iyong isip at sa iyong subconscious, gaano man kalohikal ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon o gaano man natutugunan ng mga ito ang mga espirituwal mong pangangailangan—anuman ang mga dahilan, ang mga ito ay palaging magiging mga kuru-kuro at imahinasyon, at dapat mong bitiwan ang mga ito at hindi kumapit sa mga ito. Hanggang sa anumang antas ginagawa ang gawain ng Diyos, at gaano man ito tumatagal, ang mga tao ay palaging magiging mga tao at hindi sila magiging mga anghel kailanman. Pumuti ka man mula ulo hanggang paa, nang may puting buhok, nang may puting pinta sa mukha, at puting pang-itaas at puting pantalon, at nagsusuot ka rin ng dalawang pakpak, hindi ka maaaring maging anghel—ang mga tao ay palaging magiging mga tao. Dagdag pa rito, ang mga “tao” rito ay tumutukoy sa mga taong may konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, hindi mga ekstraordinaryong tao, at lalong hindi mga di-pangkaraniwang tao. Ang mga taong ito ay hindi talaga mahiwaga, pero malinaw na iba sila mula sa mga walang pananampalataya na hindi nananampalataya sa Diyos, dahil hindi sila gumagawa ng kasamaan, kaya nilang isagawa ang katotohanan kapag naunawaan nila ito, at nauunawaan nila kung paano tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos batay sa mga salita ng Diyos, at nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, sa halip na mamuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon at sa iba’t ibang mga kaisipan at pananaw na itinatanim ni Satanas sa mga tao. Kahit gaano na katagal naghahangad ang mga tao ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, at kahit gaano na karami ang pakiramdam nila ay nakamit na nila, hindi ito nabibilang sa mga mata ng Diyos, at hindi natatandaan ng Diyos ang anuman sa mga ito. Ano ang tinutukoy Ko kapag sinasabi Ko ito. Ito ay na kung, batay sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, pinipigilan mo ang lahat ng iba’t ibang normal na pangangailangan ng iyong laman, o nagsisikap nang husto na baguhin ang iyong mga likas na gawi, kakayahan, mga abilidad, personalidad, mga padron ng pamumuhay, at mga gawi sa buhay, gaano mo man subukan na pigilan at baguhin ang mga bagay na ito, kahit na magawa mong makakuha ng ilang resulta, hindi ito nangangahulugan na may nakamit ka ng anuman sa landas ng pagsasagawa sa katotohanan, at higit pa rito, hindi ito nangangahulugan na isa ka nang tao na nagsisikap na matamo ang katotohanan—hindi natatandaan ng Diyos ang mga bagay na ito. Nauunawaan mo ba? (Oo.)
Bagama’t ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay hindi nakikita at sa panlabas ay tila hindi pinipilit ang mga tao na magsabi o gumawa ng anuman, o tumahak sa anumang uri ng landas, mahigpit na kinokontrol ng mga ito ang mga kaisipan at panloob na sarili ng mga tao, sa kaibuturan ng kanilang puso at ng kanilang subconscious. Bakit ganito? Dahil ang mga bagay na minamahal at hinahangad ng mga tao ay akmang-akma sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang mga bagay na ito ay nagbibigay-layaw rin sa mga pangangailangan ng laman ng tao at tumutugon sa lahat ng uri ng pagnanais at kuryosidad ng mga tao. Halimbawa, sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila na layon ng gawain ng Diyos na gawin silang mga ekstraordinaryong nilalang na naiiba mula sa mga ordinaryong tao, at na kapag inantig sila ng Banal na Espiritu, magagawa nilang magsalita ng maraming wika. Malinaw na lagpas ito sa mga panloob na kapabilidad ng mga tao at sa saklaw ng normal na pagkatao, pero labis nitong tinutugunan ang kanilang banidad, kuryosidad, at pagiging mapagkompetensiya. Sa madaling salita, bago makamit ng mga tao ang katotohanan, gusto nila ang ilang mahiwagang bahagay, at dahil sa mga bagay na ito ay nadarama nila na importante sila at superyor at naiiba sa mga ordinaryong tao—ito mismo ang minamahal at inaasam ng tiwaling sangkatauhan. Umaasa ang lahat na mamukod-tangi sa gitna ng lahi ng tao, na maging iba mula sa lahat, na maging katangi-tangi at namumukod-tangi, at tingalain at hangaan ng iba. Halimbawa, may isang penomenon sa gitna ng tiwaling sangkatauhan na kapag isang aytem lang ng isang bagay ang naiprodyus, ang mga taong mayaman at prominente ay labis na magkokompetensiya para bilhin ito. Hanggang sa anong antas nila ito gagawin? Hanggang sa antas na ang produktong ito ay mabibili sa presyo na labis na mas mataas o sampung beses pa ngang mas mataas kaysa sa orihinal nitong presyo. Iniisip ng tao na nakabili nito na, “Tingnan ninyo, nakuha ko ang bagay na ito na nag-iisa sa mundo. Talagang makapangyarihan ako, hindi ba? Mas magaling ako kaysa sa iba, hindi ba? Wala nang iba pa na may mas kapabilidad kaysa sa akin!” Sa sariling isip nila ay nalulugod sila sa kanilang sarili, at nadarama na sila ay espesyal, ekstraordinaryo, at my labis na kapabilidad. Anong uri ng disposisyon ito? (Kayabangan.) Ito ay idinudulot ng isang mayabang na disposisyon. Ang ilang tao ay hindi komportable kapag nagsuot sila ng aytem ng pananamit na katulad ng sa ibang tao. Kapag nagsusuot sila ng isang aytem ng pananamit na hindi kayang bilhin ng ibang tao o hindi pa nakita kailanman ng ibang tao, at naiinggit ang lahat ng nakakakita rito, ano ang nadarama nila? (Nalulugod sila sa kanilang sarili.) Labis silang nalulugod sa kanilang sarili, at iniisip nila na wala silang katulad at namumukod-tangi sa lahat. Anong uri ng disposisyon ang nagdudulot nito? (Kayabangan.) Dulot din ito ng isang mayabang na disposisyon. Kita mo, halos isang daang porsiyento ng mga tao ang may ganitong mentalidad: Kung naging dalubhasa sila sa isang teknikal o propesyonal na kasanayan, iniisip nila na mas magaling sila kaysa sa iba at na walang sinumang kasinggaling nila. Kung nagiging dalubhasa rin ang ibang tao sa parehong teknikal o propesyonal na kasanayan, nagseselos sila sa taong iyon at desperado nilang hinihiling na walang magiging kasinggaling nila. Bakit sila may gayong mentalidad? (Gusto nila na maging walang katulad.) Kung sila lang ang nagiging dalubhasa sa propesyonal na kasanayang ito, superyor sila sa karaniwang tao sa grupo nila. Sa pagkakaroon ng kaalaman sa teknikal o propesyonal na kasanayang ito, natatakot sila na matututunan ito ng iba mula sa kanila. Kung hihingi ng tulong ang iba mula sa kanila, tuturuan ba nila ang mga ito? (Hindi.) Turuan ka lang nila ng ilang simpleng bagay; pagdating sa mga pinakaimportante at pinakamahalagang bagay, hindi nila ituturo ang mga iyon sa sinuman, at hahayaan nila na ikaw na lang ang umalam sa mga ito. Ano ang aktuwal nilang iniisip? “Kung ituturo ko ito sa iyo, paano ako mamumukod-tangi? Kung kaya itong gawin ng lahat, hindi ba’t magiging isang regular na tao lang ako? Kung wala sa inyo ang nakakaalam kung paano ito gawin, ako ang pinakasuperyor na tao rito, at lahat kayo ay kailangang magpalakas sa akin—sa ganoong paraan ay madarama ko na mahalaga ako, hindi ba? Hindi ba’t ako ang may pinakamataas na katayuan at ang may pinakamahusay na kapabilidad sa inyo? Ako ng pinakamagaling sa inyo, hindi ba?” Sa pagkakaroon ng kaalaman sa isang propesyonal o teknikal na kasanayan, labis silang natatakot na matututunan ito ng iba mula sa kanila, at ayaw nilang maging katulad nila ang iba. Sumasama ang loob nila kapag may sinuman na may propesyonal o teknikal na kasanayan o espesyalisasyon na katulad ng sa kanila, kaya palagi silang nag-iisip ng mga paraan para matuto ng isang bagay upang mahigitan ang iba. Gusto nilang maging superyor sa iba at palagi nilang gustong mahigitan ang iba para madama na importante sila. Ito ba ang tamang paghahangad? (Hindi.) Dahil mismo may gayong mga pag-aasam at paghahangad ang tiwaling sangkatauhan, likas silang nakakabuo ng lahat ng uri ng kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at hinahangad nilang maging nakatataas kaysa sa ibang tao, na magkaroon ng katayuan at katanyagan, na madama na sila ay importante, na maging walang katulad, at maging Superhuman pa nga o ekstraordinaryong mga tao sa paningin ng iba. Samakatwid, dapat bitiwan ng mga tao ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito tungkol sa gawain ng Diyos. Pagdating sa mga detalye, paano ito dapat isagawa? Huwag maghangad ng mga superyor na kaloob o talento, at huwag maghangad na baguhin ang iyong sariling kakayahan o likas na gawi, bagkus, sa ilalim ng iyong likas na mga kondisyon—gaya ng kakayahan, mga abilidad, at mga likas na gawi—gawin mo ang iyong tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at gawin ang bawat bagay ayon sa hinihingi ng Diyos. Hindi humihingi ang Diyos nang lampas sa iyong mga abilidad o kakayahan—hindi mo rin dapat pahirapan ang iyong sarili. Ayos nang gawin mo lang ang iyong makakaya batay sa nauunawaan mo at kaya mong matamo, at dapat kang magsagawa ayon sa kung ano ang makakaya ng iyong kalagayan. Halimbawa, kung tinutulutan ka lang ng kakayahan at mga talento mo na maging angkop sa papel ng lider ng pangkat, gumawa ka nang mahusay bilang isang lider ng pangkat, tinutukoy kung anumang mga trabaho at propesyonal na kasanayan ang nasa loob ng saklaw ng papel na ito, isa-isang hinaharap ang mga ito, at ipinapatupad ang mga ito ayon sa mga pamamaraan at prinsipyo na itinuro ng Diyos sa iyo—sa ganitong paraan, mapapalugod mo ang Diyos. Ipagpalagay nang sinunod mo ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, at iniisip mo, “Dahil may kapabilidad akong maging isang lider ng pangkat, kung mas magsisikap ako na maging mas mahusay, kung magtitiis ako ng kaunting paghihirap at magbabayad ng kaunting halaga at gagawa ang Banal na Espiritu ng dakilang gawain sa akin, hindi ba’t magagawa kong maging isang lider ng iglesia o lider ng isang grupo ng mga tagapagpasya? Maaaring isipin ng mga tao na hindi ko kaya, pero magsusumamo ako sa Diyos—walang mahirap na makamit para sa Diyos! Ayaw kong maging isang lider ng pangkat. Magdarasal ako sa Diyos, hihilingin sa kanya na hayaan akong magpasan ng mas malaking gawain, na hayaan akong maging isang lider o manggagawa.” Tama ba ang ganitong uri ng paghahangad? (Hindi, mali ito.) Bakit mo sinasabi na mali ito? (Ang gayong mga tao ay palaging gustong gumawa ng mga bagay na lagpas sa sarili nilang kakayahan at mga abilidad, at hindi nila magawang patuloy na gumawa ng sarili nilang gawain batay sa sarili nilang kakayahan at mga talento, nang nananatili sa kanilang wastong lugar.) Hindi naaangkop na palaging gustuhin na maging isang superhuman; hindi ito ang dapat hangarin ng isang normal na tao.
Madalas na sinasabi ng ilang tao, “Walang mahirap para sa Diyos”; isang katunayan ang kasabihang ito, at kaya itong maunawaan ng lahat ng tao. Pero ang ilang tao ay may baluktot na pagkaarok, naniniwala sila na ang anumang bagay na imposibleng gawin para sa mga tao ay maaaring isakatuparan ng Diyos para sa kanila kung magdarasal lang sila sa Kanya, at na sa pag-asa sa Diyos sa ganitong paraan, maaaring lagpasan ng mga tao ang sarili nilang mga likas na gawi at maging superhuman. Ito ba talaga ang kaso? (Hindi.) Ang kasabihang “Walang mahirap para sa Diyos” ay malinaw na tumutukoy sa kapangyarihan at diwa ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at pati na rin sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay—walang bagay na hindi kayang isakatuparan ng Diyos. Gayumpaman, hindi ito nangangahulugan na ang mga tao ay dapat na lumagpas sa normal na pagkatao at maging mahiwaga; gaano man kamakapangyarihan ang Diyos, ang gawaing ginagawa Niya sa mga tao ay batay sa kanilang normal na pagkatao at ginagawa sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao. Pinamamatnugutan at minamaniobra ng Diyos ang lahat ng bagay, minamaniobra Niya ang mga tao, pangyayari, at bagay, para ang mga ito ay magserbisyo sa Kanyang pagsasakatuparan sa lahat ng uri ng bagay, isinasakatuparan ang mga katunayang malapit na Niyang isakatuparan. Sa loob ng panahon kung kailan isinasakatuparan ng Diyos ang lahat ng uri ng bagay, ang mga tao ay nasa normal na pagkatao pa rin—walang nagbago sa kanila, at mga tao pa rin sila. Gaano man kamakapangyarihan ang Diyos, at ano mang mga pamamaraan ang ginagamit ng Diyos para may kataas-taasang kapangyarihan na pamunuan ang isang bagay o para maisakatuparan ang isang bagay, ang mga nilikhang tao ay palaging mga nilikhang tao; namumuhay pa rin sila sa normal na pagkatao at hindi mahiwaga sa anumang paraan. Masasabi ba ninyong lahat na mga katunayan ang mga ito? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng “hindi mahiwaga”? Ibig sabihin nito na, kapag pinamamatnugutan ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay, walang magagawa ang mga tao kundi ang mamuhay, manatiling buhay, gawin ang bawat bagay, at mamuhay sa kasalukuyang sandali sa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos. Pero kapag namumuhay ka sa kasalukuyang sandali, magulo ba ang iyong kamalayan? (Hindi.) Malinaw pa rin ang isip mo. Kaya, agad bang umunlad o nagbago ang iyong kakayahan? (Hindi.) Katulad pa rin ito ng orihinal nitong kalagayan. Agad bang nagbago ang iyong mga likas na gawi, kung gayon? Hindi, hindi rin nagbago ang mga ito. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan, mga pamamatnugot, at mga pagsasaayos ng Diyos, gaano man karaming bagay ang iyong naranasan, walang anumang pagbabago sa iyong personalidad, mga gawi, mga padron ng pamumuhay, at sa kakayahan, mga abilidad, at iba’t ibang papel ng iyong normal na pagkatao. Sadya lang na kapag dinaranas ng mga tao ang gawain ng Diyos, dinaranas nila ang lahat ng uri ng bagay at mga tao sa sariling mga kapaligiran ng mga ito, na may huling resulta na, sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, nagkakamit sila ng kabatiran at natututo ng ilang aral. Kung sila ay mga taong nagsisikap na matamo ang katotohanan, nagagawa nilang mag-ani sa usapin ng katotohanan at pagkilala sa Diyos. Sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, normal ang pag-iisip ng mga tao, hindi malabo ang kanilang kamalayan, at ang kanilang kakayahan, mga abilidad, at mga likas na gawi ay nananatiling pareho katulad ng sa orihinal na kalagayan ng mga ito, nang walang anumang pagbabago. Samakatwid, ang “Walang mahirap para sa Diyos” ay tumutukoy sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at sa pamamatnugot ng Diyos sa lahat ng bagay. Hindi ito tumutukoy sa paggawa ng mga tao na mahiwaga o pagbabago sa diwa ng mga nilikhang tao. Hindi binabago ng Diyos ang diwa ng mga tao; ang mga tao ay tao pa rin, at ikaw man ay lalaki o babae, walang anumang pagbabago sa aspektong ito. Pinamamatngutan ng Diyos ang lahat ng bagay, at ang Diyos ay omnipotente; ito ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, at ito ang tinataglay ng Diyos. Ang “Walang mahirap para sa Diyos” ay hindi nangangahulugan na ang mga tao ay naging mahiwaga, ni hindi rin ito nangangahulugan na ang mga tao ay omnipotente. Kahit na ang ilang indibidwal ay kayang magkamit minsan ng ilang bagay na lagpas sa sarili nilang kakayahan o lagpas sa mga likas na gawi ng kanilang katawan, ito ay ang gawa ng Banal na Espiritu. Ang Diyos ang nagbigay sa kanila ng kaloob na ito; hindi sa ipinanganak sila na may ganitong abilidad. Ito ay dahil ang mga nilikhang tao ay walang abilidad na baguhin ang lahat ng ito na inorden ng Diyos. Magbibigay Ako ng isang simpleng halimbawa tungkol sa usapin ng likas na gawi ng tao. Halimbawa, kapag nakakarinig ang mga tao ng isang nakakatakot na tunog, matatakot sila at likas na titiklop. Kahit gaano ka na katanda, ganito ka na simula pagkabata, at magiging ganito ka pa rin hanggang mamatay ka—ito ay likas na gawi. Ano ang ibig sabihin ng “likas na gawi”? Isa itong likas na papel ng pisikal na katawan at hindi ito kailanman magbabago. Sa pamamagitan lang ng pagtataglay ng mga likas na gawi mapapanatili ng isang normal na tao ang buhay at pananatiling buhay ng normal na pagkatao, kaya ang mga likas na gawi ng tao ay hindi isang bagay na nilalayong baguhin ng Diyos. Naunawaan mo ba ito? (Oo.) Ano ang tinutukoy ng “Ang Diyos ay omnipotente”? (Tinutukoy nito ang sariling awtoridad ng Diyos at ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos.) Mayroon ba itong anumang kinalaman sa mga tao? (Wala itong kinalaman sa mga tao, at hindi ito nangangahulugan na kayang gumawa ng mga tao ng mga mahiwagang bagay.) Hindi ito nangangahulugan na sa ilalim ng kontrol ng Diyos, ang mga tao ay omnipotente; kahit na kapag ang mga tao ay nasa ilalim ng kontrol ng Diyos, hindi nila kayang magkamit ng pagiging omnipotente. Bakit ganoon? (Dahil ang mga tao ay hindi Diyos; ang mga tao ay mga nilikha lang, samantalang ang Diyos ay natatangi.) Tama iyan, ganoon nga ito. Ang mga tao ay palaging magiging mga tao. Hindi sila magiging ibang nilalang, at siyempre, lalong hindi sila magiging Diyos; hindi magbabago ang mga katangian ng mga tao. Hindi magbabago ang mga katangian ng mga tao, kaya magbabago ba ang kanilang mga likas na gawi? (Hindi.) Hindi magbabago ang mga likas na gawi ng mga tao, pati na ang kanilang mga gawi sa buhay at mga padron ng pamumuhay, o ang mga likas na personalidad na ibinigay ng Diyos. Gamitin nating halimbawa ang mga padron ng pamumuhay. Ang mga tao, tulad ng karamihan ng nilalang, ay nagtatrabaho pagkatapos sumikat ng araw at nagpapahinga pagkatapos lumubog ng araw. Kapag bumabangon sila sa umaga, at nakapahinga nang maayos ang kanilang utak at komportable ang pakiramdam ng kanilang katawan, nagsisimula silang gumawa; sa gabi, kapag nagsisimula nang mapagod ang kanilang katawan, at humihikab sila at pagod na ang kanilang utak, nagsisimula silang pumasok sa isang kalagayan ng pamamahinga—isa itong napakanormal na padron ng pamumuhay. Isa itong karaniwang katangian ng mga tao, at isa rin itong likas na gawi ng tao, at siyempre, isa rin itong padron ng pamumuhay na itinatag ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang padron na ito ay natutukoy ayon sa pag-ikot ng araw, buwan, at mga bituin, at sa pagsikat at paglubog ng araw. Kung lalabagin mo ang padron ng pamumuhay na ito, sa loob ng maiksing panahon ay maaaring walang anumang magiging malalaking problema—kapag paminsan-minsan ay napapagod ka at gusto mong matulog, maaari kang magpigil ng sarili at uminom ng kaunting tsaa o kape, at medyo maiibsan ang pagod ng iyong katawan—pero sa katagalan ay magkakaroon ng mga problema ang iyong katawan. Bakit ito magkakaroon ng mga problema? Dahil nilabag mo ang padron ng pamumuhay na itinatag ng Diyos para sa mga tao. Kapag nagkakaroon ng mga problema ang katawan mo at pumupunta ka sa doktor, sasabihin nito, “Dapat kang matulog nang maaga sa gabi, nagpapahinga na pagdating ng alas diyes, at bumabangon nang alas kuwatro o alas singko ng umaga; sa loob ng ilang buwan, magiging maayos ka na muli.” Pagkalipas ng tatlong buwan ng pagsunod sa payo ng doktor, ang lahat ng sintomas ng pagiging hindi komportable ng katawan mo ay halos maglalaho, kaya iisipin mo, “Hindi naman pala mga seryosong karamdaman ang mga problema sa katawan ko, kundi idinulot ng hindi ko pagsunod sa normal na padron ng buhay ko.” Kita mo, hindi ba’t sasabihin mo na ang mga normal na padron sa pamumuhay ng mga tao ay hindi puwedeng labagin? (Oo.) Ang padron na ito ng pamumuhay ng mga tao ay katulad ng sa ibang nilalang; lahat ng ito ay gumagawa pagkatapos sumikat ng araw at nagpapahinga pagkatapos lumubog ng araw. Siyempre, may ilang nilalang, tulad ng mga kuwago, na nagpapahinga sa araw at lumalabas at nagiging aktibo sa gabi; ang kanilang padron ng pamumuhay ay iba kumpara sa mga tao at sa ibang nilalang, pero kung gusto mong labagin ang ganitong padron ng mga ito, magiging imposible iyon. Dagdag pa rito, ang ilang nilalang ay nagha-hibernate kapag taglamig. Ang mga tao ba ay may ganitong padron? (Wala.) Wala, hindi kailangang mag-hibernate ng mga tao. Ang buhay ng mga tao ay mayroong isang padron—nagpapahinga sila sa loob ng isa o dalawang araw kada linggo, nagtatrabaho sila pagkatapos sumikat ng araw at nagpapahinga pagkatapos lumubog ng araw, at palagiang pinapanatili ang ganitong normal na padron ng paggawa at pagpapahinga, at sa ganitong paraan ay maaaring mapangalagaan ang kanilang buhay at mapanatili ang kanilang pananatiling buhay. Ang mga tao ay may sarili nilang mga padron ng pamumuhay, at ang mga padron ng pamumuhay na ito ay itinatag ng Diyos. Ang lahat ng ito ay makabuluhan at ang lahat ng ito ay para sa pakay ng pagpapanatili sa normal na buhay at pananatiling buhay ng sangkatauhan. Samakatwid, hinding-hindi lalabagin ng gawain ng Diyos ang mga padron ng buhay at ng pananatiling buhay ng tao gaya ng nasa imahinasyon ng mga tao, at dapat mo ring bitiwan ang kuru-kuro at imahinasyong ito. Kung pipilitin ng mga tao na labagin ang mga padron na ito na itinatag ng Diyos para sa kanila, o kung palaging gustong baguhin ng mga tao ang mga ito dahil pinapamahalaan sila ng ilang ideya tungkol sa mga mahiwagang bagay, magiging kahangalan iyon. Kung iniisip mo na ang pagbabago sa mga ito ay mag-aangat sa iyong buhay at magpapabuti sa iyong pagkatao, subukan mong baguhin ang mga ito at tingnan mo kung gaano ka katagal na mabubuhay, tingnan mo kung paano magbabago ang mga bagay sa mga susunod na araw, at kung aangat ba ang iyong normal na pagkatao, at kung ikaw ba ay magiging superhuman, o isang anghel. Kung naniniwala ka na ang gawain ng Diyos ay dapat na may mahiwagang elemento, at na dapat nitong baguhin ang iyong mga padron ng pamumuhay, at gusto mo ring pilit na baguhin ang mga ito para ikaw ay maging higit sa karaniwan, maaari mo itong subukan. Maaari na pagkatapos mong sumubok sa loob ng ilang taon, talagang nabago mo ang mga padron ng iyong pamumuhay at pananatiling buhay. May isang sitwasyon lang kung saan maaari itong mangyari, iyon ay na ang iyong pisikal na katawan ay hindi na iiral, sa puntong iyon ay tunay na magiging mahiwaga ka at magiging usok, at ikaw ay magiging isang “nilalang ng langit” at magiging imortal. Kung gusto mong mapanatiling normal at malusog ang iyong pisikal na katawan, at magawang tanggapin ang gawain ng Diyos at ang Kanyang mga salita habang nasa isang normal na kalagayan, hindi mo dapat hangarin na maging isang diumano’y superhuman o hangarin ang isang diumano’y angat na pagkatao batay sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon; sa halip, dapat kang mamuhay sa isang normal na pagkatao, panatilihin ang padron ng buhay at pananatiling buhay ng iyong normal na pagkatao, at panatilihin din ang mga likas na gawi ng iyong normal na pagkatao. Huwag humingi nang hindi makatwiran sa Diyos; ang mga hindi makatwirang hinihinging ito ay pawang nagmumula sa iyong mga imahinasyon at kuru-kuro. Ang iyong mga likas na gawi, mga padron ng pamumuhay, at iba pa ay hindi ang nilalayong baguhin ng Diyos, ang mga ito ay hindi rin mga bagay na nilalayon Niyang baguhin sa Kanyang gawain. Ang isang taong naligtas ay tiyak na hindi isang taong puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon, at lalong hindi siya isang superhuman o isang kakaibang tao. Sa halip, isa siyang taong may normal na pagkatao, at konsensiya at katwiran, isang taong nagagawang makinig sa mga salita ng Diyos, at tumingin sa mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo; isa siyang taong kayang magpasakop sa Diyos sa lahat ng bagay, na hindi mahiwaga kahit kaunti, at ang pagkatao niya ay partikular na normal at praktikal.
Ang mga taong namumuhay sa normal na pagkatao ay nalilimitahan din ng maraming mga likas na gawi ng katawan at ng mga pangangailangan ng katawan. Halimbawa, minsan ay maaaring inaantala ng mga tao ang paggawa sa kanilang mga tungkulin sa loob ng ilang araw dahil masyado silang pagod o may sakit at nangangailangan ng pahinga; minsan, dahil sa isang tensyonadong kapaligiran, maaaring makaramdam sila ng takot at hindi nila magawang kumalma para gumawa ng kanilang mga tungkulin; o maaring madalas silang makaramdam ng pakiramdam ng pagkakautang at kalungkutan sa puso nila dahil, sa kanilang limitadong kakayahan at mga abilidad, hindi nila kayang maging mahusay sa isang partikular na uri ng gawain o tungkulin—ang lahat ng ito ay mga normal na pagpapamalas na nasa loob ng saklaw ng normal na pagkatao. Kung minsan ay maaaring napipigilan ang mga tao ng mga damdamin at pangangailangan ng katawan, at minsan ay maaaring sumasailalim sila sa mga limitasyon ng mga likas na gawi ng katawan, o sa mga limitasyon ng oras at personalidad—ito ay normal at natural. Halimbawa, may ilang tao na labis na introvert mula pa noong bata sila; hindi sila mahilig magsalita at nahihirapan silang makipag-ugnayan sa iba. Kahit nasa hustong gulang na sila sa edad na trenta o kuwarenta, hindi pa rin nila mapangibabawan ang personalidad na ito: Hindi pa rin sila sanay magsalita o mahusay sa mga salita, hindi rin sila magaling sa pakikipag-ugnayan sa iba. Pagkatapos nilang maging lider, medyo nagiging limitasyon at hadlang sa kanilang gawain ang personalidad nilang ito, at dahil dito ay madalas silang nababagabag at nadidismaya, kaya’t nararamdaman nilang napipigilan sila. Ang pagiging introvert at hindi pagkahilig na magsalita ay mga pagpapamalas ng normal na pagkatao. Dahil ang mga ito ay mga pagpapamalas ng normal na pagkatao, maituturing ba na mga pagsalangsang sa Diyos ang mga ito? Hindi, hindi mga pagsalangsang ang mga ito, at tatratuhin ng Diyos nang tama ang mga ito. Anuman ang iyong mga problema, depekto, o mga kapintasan, hindi isyu ang mga ito sa mga mata ng Diyos. Tinitingnan lang ng Diyos kung paano mo hinahanap ang katotohanan, isinasagawa ang katotohanan, kumikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sumusunod sa daan ng Diyos sa ilalim ng mga likas na kalagayan ng pagkatao—ang mga ito ang tinitingnan ng Diyos. Kaya, sa mga usaping nauugnay sa mga katotohanang prinsipyo, huwag hayaan na paghigpitan ka ng mga pangunahing kondisyon tulad ng kakayahan, mga likas na gawi, personalidad, mga kagawian, at mga istilo ng pamumuhay ng tao ng normal na pagkatao. Siyempre, huwag mo ring igugol ang iyong enerhiya at panahon sa pagsubok na lampasan ang mga pangunahing kondisyong ito, o sa pagsubok na baguhin ang mga ito. Halimbawa, kung mayroon kang introvert na personalidad, at hindi ka mahilig magsalita, at hindi ka mahusay sa mga salita, at hindi ka sanay makipag-ugnayan at makisalamuha sa mga tao, wala sa mga bagay na ito ang mga problema. Bagama’t mahilig magsalita ang mga extrovert, hindi lahat ng sinasabi nila ay kapaki-pakinabang o naaayon sa katotohanan, kaya ang pagiging introvert ay hindi isang problema at hindi mo kailangang subukang baguhin ito. Maaaring sabihin mo, “Kung isa akong ordinaryong tagasunod, hindi magiging problema para sa akin na magkaroon ng introverted na personalidad; pero ngayon ay isa na akong lider, kaya hindi ba’t dapat kong baguhin ang introverted na personalidad ko?” Kung talagang gusto mong baguhin ito, maaari mong subukang pag-aralan kung paano makisalamuha sa iba, o gumawa ng tuntunin sa kung gaano karami ang sasabihin mo, kung gaano karaming usapin ang pangangasiwaan mo, at kung ilang uri ng tao ang pakikitunguhan mo sa isang araw. Kung talagang may abilidad kang baguhin ang iyong likas na personalidad, siyempre, hindi awtomatiko na isa itong masamang bagay sa usapin ng paggawa mo sa gawain ng Iglesia. Gayumpaman, kung ipinanganak ka na may introverted na personalidad at hindi ka mahusay sa mga salita, at hindi sanay na makisalamuha, at hindi ka marunong makipag-usap o makipag-ugnayan sa iba, walang makapagbabago nito. Ang ilang tao ay may introverted na personalidad, ayaw nilang makisalamuha o makipag-usap sa iba, at dagdag pa rito, wala silang masyadong nasasabi. Palagi nilang nadarama na tama lang na magsabi ng isang bagay na kapaki-panginabang, at na hindi na kailangang magsabi pa ng mga bagay na hindi kinakailangan, kaya ayaw nilang magsabi ng marami. Para sa ilang tao, maaaring ito ay dahil masyado pa silang bata at walang karanasan sa buhay at walang mga salita; para sa ibang tao, maaaring hindi na sila bata at mayroon na silang karanasan sa buhay, pero mayroon pa rin silang ganitong introverted na personalidad. Kung susubukan mong baguhin ang ganitong uri ng personalidad at gagamit ka ng lahat ng uri ng pamamaraan para baguhin ito, hayaan mong sabihin ko sa iyo, hindi mo ito kailanman mababago sa buong buhay mo, dahil hindi ginagawa ng Diyos ang ganitong uri ng gawain. Ang iyong mukha o hitsura man ay kamukha ng sa tatay mo, sa nanay mo o sa iba pang kamag-anak, hindi magbabago ang hitsurang ito, at higit pa rito ang personalidad mo, sa partikular, ay hindi magbabago. Sinasabi ng ilang tao, “Mahirap baguhin ang isang introverted na personalidad, kaya madali bang baguhin ang isang extroverted na personalidad?” Ganoon din kahirap na baguhin ang isang extroverted na personalidad. Mahilig magsalita ang mga extrovert at marami silang gustong sabihin; kung sasabihan mo silang huwag magsalita o na bawasan ang pagsasalita, hindi nila magawang kontrolin ang sarili nila, at kung may sinumang magbabawal sa kanila na magsalita, para bang pinagkaitan mo sila ng buhay. Kung makikisalamuha ang isang introvert sa isang extrovert, maiimpluwensiyahan ba nila ang isa’t isa? Maaaring medyo maimpluwensiyahan nila ang isa’t isa sa umpisa; alang-alang sa reputasyon, ang dalawang taong ito ay magiging bukas at mapagparaya sa isa’t isa, o magiging matiisin at maunawain sa isa’t isa. Pero sa paglipas ng panahon. Makikilala nila ang isa’t isa at magtatamo sila ng malinaw na ideya sa personalidad ng isa’t isa, at hindi na kailangang pang kumillos nang masyadong matiisin at mapagsaalang-alang sa isa’t isa, kaya mabilis silang babalik sa kanilang mga orihinal na kalagayan. Kung orihinal kang mayroong introverted na personalidad, introverted ka pa rin ngayon; kapag nagsasalita ka at nakikipag-usap, nagbibigkas ka lang ng kaunting salita o pangungusap, at wala ka nang iba pang nasasabi. Kung may magtatanong, “Lumabas ka ba?” Sasagot ka, “Oo.” Pagkatapos, kung tatanungin nito, “Kailan ka bumalik?” Sasagot ka, “Ngayon lang.” Hindi mo sinasabi kung ano ang nangyari, at hindi mo sinasabi kung ano ang gustong marinig ng taong iyon. Sa kabaligtaran, walang tigil na naglilitanya ng mga salita ang mga extrovert, para silang machine gun, at kahit na sumabat ka sa kanila, pagkalipas ng ilang saglit ay magpapatuloy sila sa pagsasalita. Madali bang mabago ang personalidad ng isang tao? (Hindi.) Ito ay isang bagay na mayroon ang bawat nilikhang tao nang ipinanganak sila. Wala itong kinalaman sa mga tiwaling disposisyon o sa diwa ng pagkatao ng isang tao; isa lang itong kalagayan ng pagkatao na nakikita ng mga tao mula sa panlabas, at isang paraan ng pagtrato ng isang tao sa mga tao, pangyayari, at bagay. Ang ilang tao ay mahusay sa pagpapahayag ng kanilang sarili, samantalang ang iba ay hindi; ang ilan ay mahilig maglarawan ng mga bagay, samantalang ang iba ay hindi; ang ilan ay mahilig magsarili ng kanilang mga iniisip, samantalang ang iba ay ayaw na magkimkim ng kanilang mga iniisip, bagkus ay gustong ipahayag nang malakas ang mga ito para marinig ng lahat ang mga ito, at saka lang sila nagiging masaya. Ang mga ito ang iba’t ibang paraan ng pagharap ng mga tao sa buhay at mga tao, pangyayari, at bagay; ang mga ito ang mga personalidad ng mga tao. Ang personalidad mo ay isang bagay na taglay mo noong ipinanganak ka. Kung bigo kang baguhin ito kahit pagkatapos ng maraming pagtatangka, hayaan mong sabihin Ko sa iyo, maaari ka nang tumigil ngayon; hindi mo kailangang magpakapagod nang husto. Hindi ito mababago, kaya huwag mong subukang baguhin ito. Anuman ang orihinal mong personalidad, iyon pa rin ang iyong personalidad. Huwag subukang baguhin ang iyong personalidad alang-alang sa pagkakamit ng kaligtasan; ito ay isang nakalilinlang na ideya—anumang personalidad ang mayroon ka, isa iyong obhektibong katunayan, at hindi mo ito mababago. Sa usapin ng mga obhektibong dahilan para dito, ang resultang nais na makamit ng Diyos sa Kanyang gawain ay walang kinalaman sa iyong personalidad. Kung makakamit mo man ang kaligtasan ay wala ring kaugnayan sa iyong personalidad. Dagdag pa rito, kung ikaw man ay isang taong nagsasagawa sa katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad ay walang kinalaman sa iyong personalidad. Kaya, huwag mong subukang baguhin ang iyong personalidad dahil lang sa gumagawa ka ng ilang tungkulin o naglilingkod bilang isang superbisor ng isang partikular na aytem ng gawain—maling kaisipan ito. Ano ang dapat mong gawin kung gayon? Anuman ang iyong personalidad o likas na mga kalagayan, dapat mong sundin at isagawa ang mga katotohanang prinsipyo. Sa huli, hindi sinusukat ng Diyos kung sumusunod ka sa Kanyang daan o kung makakamit mo ang kaligtasan batay sa iyong personalidad kung ano ang taglay mong likas na kakayahan, mga kasanayan, mga abilidad, kaloob, o talento, at siyempre ay hindi rin Niya tinitingnan kung gaano mo napigilan ang iyong mga likas na gawi at pangangailangan ng katawan. Sa halip, tinitingnan ng Diyos kung, habang sinusundan mo ang Diyos at ginagawa ang iyong mga tungkulin, isinasagawa at dinaranas mo ba ang Kanyang mga salita, kung mayroon ka bang kahandaan at kapasyahang hangarin ang katotohanan, at sa huli, kung nakamit mo ba ang pagsasagawa sa katotohanan at pagsunod sa daan ng Diyos. Ito ang tinitingnan ng Diyos. Naiintindihan mo ba ito? (Oo, naiintindihan namin.)
Kapag kumikilos ang ilang babae, mabilis nilang nagagawa ang mga bagay, kasingbilis at kasingsigla sila ng isang kidlat, at gumagawa sila ng mabibilis at madidiing desisyon; ang personalidad nila ay katulad mismo ng sa isang lalaki. Ano ang sikat na terminong ginagamit para ilarawan sila sa panahon ngayon? Malalakas na babae. Ang “malalakas na babae” ay hindi na ang mga tunggak na malalaking hangal na dating tinutukoy ng mga tao gamit ang terminong ito. Hindi ito isang mapangkutyang termino; sa halip, isa itong papuring termino. Pero paano itinuturing ng Diyos ang papuring terminong ito? Kasingbilis at kasingsigla mo ang isang kidlat, at matapang at determinadong mapagpasya sa iyong mga kilos, pero ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa mo at ang batayan sa mga kilos mo? Ito ba ang katotohanan? Ito ba ang mga salita ng Diyos? Mahalaga ito. Kung ang isang lalaki ay mabagal at metikuloso sa kanyang mga kilos, sa mga salita ng mga walang pananampalataya, para siyang isang babae na nakagapos ang mga paa—ang ilan ay gumagamit pa nga mapangkutyang termino, sinasabi na siya ay “parang babae”—pero paano siya tinitingnan ng Diyos? Ang isang tao man ay kasingbilis at kasingsigla ng isang kidlat at matapang at madiing mapagpasya sa paggawa ng mga bagay, o kumikilos tulad ng isang babaeng nakagapos ang mga paa at parang babae sa kanyang mga kilos, mga problema ba ang alinman sa mga bagay na ito? (Hindi.) Ang pagiging kasingbilis at kasingsigla ba ng isang kidlat, at matapang at determinadong mapagpasya ay isang kalaksan? (Hindi, hindi tiyak iyon.) Kaya, isa bang kahinaan na kumilos nang tulad ng isang babaeng nakagapos ang mga paa? (Hindi rin, hindi tiyak iyon.) Bagama’t ang isa sa dalawang termino “malalakas na babae” at “parang babae” ay papuri at ang isa pa ay mapangkutya, ang diwa ng dalawang uri ng ugali o gawing ito ng paggawa ng mga bagay ay hindi dapat husgahan batay sa mga literal na kahulugan ng mga ito. Ano ang dapat gamitin para husgahan ito? (Kung ang isinasagawa ng isang tao ay ang salita ng Diyos o hindi.) Ang batayan ng kanyang mga kilos, at pati na rin ang epektong nilalayon niyang makamit, ay dapat na gamitin para husgahan ito. Kung ang batayan sa kanyang mga kilos ay ang salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo, halos 90 porsiyento ang katiyakan na wala siyang ginagawang mali. Kung bukod sa ginagawa niya ang mga bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, higit pa rito, ang epektong nilalayon niyang makamit ay ang ipagtanggol ang patotoo sa Diyos at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ang pagpapatibay sa mas maraming kapatid, makakatiyak tayo ng isang daang porsiyento na wala siyang ginagawang mali. Hindi na mahalaga kung siya ay matapang at determinadong mapagpasya o tulad ng isang babae na nakagapos ang mga paa—hindi na mahalaga kung paano siya kumikilos sa panlabas—hindi iyon importante. Ang importante ay kung ang mga katotohanang prinsipyo ang batayan sa kanyang mga kilos, at kung ang layon ba ng kanyang mga kilos at ang epektong nilalayon niyang makamit sa pamamagitan ng kanyang mga kilos ay ang pangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at sa gawain ng iglesia, at ang pagpapatibay sa mas maraming tao. Kaya, importante ba ang anyo ng kanyang mga kilos? (Hindi.) Ikaw man ay isang malakas na babae o parang isang babaeng nakagapos ang mga paa, hindi ito ang tinitingnan ng Diyos; hindi ito ang pamantayang ginagamit ng Diyos para suriin ang mga tao. Kaya, kung ang isang babae ay tila isang malakas na babae, at sa kanyang mga kilos, siya ay kasingbilis at kasingsigla ng isang kidlat, at matapang at determinadong mapagpasya, karapat-dapat ba itong purihin at pahalagahan? (Hindi.) Ang pagiging kasingbilis at kasingsigla ba ng isang kidlat, pagiging matapang at determinadong mapagpasya ay isang prinsipyo para sa paggawa ng mga bagay? (Hindi.) Ikaw man ay isang lalaki o babae, ang pagiging matapang at determinadong mapagpasya at pagiging kasingbilis at kasingsigla ng isang kidlat ay hindi isang prinsipyo para sa paggawa ng mga bagay. Kaya, ano ang isang prinsipyo para sa paggawa ng mga bagay? (Dapat gawin ng isang tao ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at ang epektong nilalayon ng isang tao na makamit ay dapat na ang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at patibayin ang mas maraming tao—ito ay isang prinsipyo.) Isa itong kongkretong prinsipyo. Kung kikilos ka ayon sa prinsipyong ito, isinasagawa mo ang katotohanan; kung hindi ka kikilos ayon sa prinsipyong ito, sa Aking mga mata, ang pahayag na pinakamainam na tumutukoy sa iyong pagiging matapang at determinadong mapagpasya, pagiging kasingbilis at kasingsigla ng isang kidlat ay “pag-aamok habang gumagawa ng masasamang bagay.” Malinaw na ang pag-aamok habang gumagawa ng masasamang bagay ay hindi pagkilos batay sa mga katotohanang prinsipyo; bagama’t mukha kang mapagpasya at hindi nag-aalinlangan sa iyong mga kilos, at na mayroon kang ere ng isang lider o hari, sa realidad ay nag-aamok ka habang gumagawa ng masasamang bagay. Ano ang mga kahihinatnan ng pag-aamok habang gumagawa ng masasamang bagay? Nagdudulot ito ng mga paggambala at panggugulo, at sinasabotahe ang gawain ng iglesia. Kaya, matatandaan ba ito ng Diyos? (Hindi.) Hindi lang ito hindi matatandaan ng Diyos, kundi kokondenahin din Niya ito. Kaya, sinasabi mo na ikaw ay isang malakas na babae, at na sa iyong mga kilos ay kasingbilis at kasingsigla ka ng isang kidlat, at matapang at determinadong mapagpasya, pero kapaki-pakinabang ba iyon? (Hindi.) Tanging ang paghahanap sa katotohanan at pagkilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo ang matatawag na isang tunay na abilidad; ito lang ang pagsasagawa sa katotohanan at pagsisikap na matamo ang katotohanan, at ito lang ang dapat gawin ng mga taong may normal na pagkatao. Ipagpalagay nang sinabi mo, “Sadyang ganito ang personalidad ko at hindi ito mababago, kaya ang magagawa ko?” Mayroong madaling solusyon. Ikaw man ay isang mabilis na tao o mayroong mabagal na galaw ay hindi isang problema; huwag magpapigil dito. Hindi rin kailangan na magsikap ka nang husto para baguhin ang iyong pamamaraan ng paggawa ng mga bagay dahil gusto mong kumilos nang ayon sa mga prinsipyo. Anuman ang iyong pamamaraan, kung ang batayan ng iyong mga kilos ay ang mga katotohanang prinsipyo, at ang epektong nakakamit mo ay ang pagtatanggol sa patotoo sa Diyos, sa mga interes ng Diyos, at sa gawain ng sambahayan ng Diyos, mabubuting gawa ang mga ito, at tatandaan ng Diyos ang mga ito. Sa kabaligtaran, ikaw man ay mahiyain sa panlabas at nag-aatubili tulad ng isang babaeng nakagapos ang mga paa, o kasingbilis at kasingsigla ng isang kidlat tulad ng isang lider o hari—anuman ang panlabas na anyo ng iyong mga kilos—kung hindi ka kikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nagdudulot ka ng mga paggambala at panggugulo, at ang mga ito ay masasamang gawa, at ang mga ito ay kokondenahin ng Diyos, at hindi tatandaan ng Diyos. Ito ang prinsipyo para sa paghusga kung ang isang tao ay mabuti o masama. Naiintindihan mo ba ito? (Oo.) Kaya, ngayong natapos na tayong magbahaginan tungkol sa mga bagay na ito, mayroon na ba kayong kaunting pagkaunawa tungkol sa kung ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? (Mayroon.) Ngayong nauunawaan na ninyo ang mga ito, alam ba ninyo ang ilang paglihis na mayroon ang mga tao sa proseso ng kanilang pananampalataya sa Diyos at pagsisikap na matamo ang katotohanan? Malinaw na rin ba sa inyo kung paano kayo dapat magsagawa? (Oo.)
Ang layunin ng pag-unawa sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, sa isang banda, ay ang pigilan ang mga tao na mamuhay ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito at tumahak sa maling landas sa buhay. Sa kabilang banda, ito ay para bigyang-kakayahan ang mga tao—habang binibitiwan nila ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito—na mamuhay sa loob ng normal na pagkatao at tuparin ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin nang may kapanatagan at kagalakan, at huwag pilitin ang kanilang sarili na gumawa ng mga bagay na hindi nila kayang gawin. Kung may isang bagay na kaya mong makamit at nararapat na gawin, gawin mo ang lahat ng makakaya mo sa paggawa nito; kung ang isang bagay ay lagpas sa iyong kakayahan at abilidad, maghanap ka ng isang tao na makikipagtulungan sa iyo rito o humingi ka ng tulong sa ibang mga kapatid, at gawin mo ito sa pinakaabot ng iyong abilidad—ang mga ito ang mga prinsipyo. Sa pagbubuod, ang dapat maunawaan ng mga tao tungkol sa usaping ito ay na, sa panahon kung kailan gumagawa ang Diyos, ang pagkatao ng lahat ng tao ay unti-unting umuunlad sa isang mabuting direksiyon sa proseso ng pagtanggap sa mga salita ng Diyos, at sa loob ng saklaw ng likas na batayang mga kondisyon ng kanilang pagkatao, sa halip na maging baluktot, mahiwaga, o hindi normal. Samakatwid, kung ang tungkuling ginagawa mo ay kinasasangkutan ng isang teknikal o propesyonal na kasanayan, kung gayon, para magawa nang maayos ang tungkuling iyon, dapat kang magsikap na masipag na matutunan at pag-aralan nang lubos ang teknikal o propesyonal na kasanayang iyon. Hindi ka dapat bulag na maghintay na kumilos ang Diyos batay sa mga kaisipan at pananaw gaya ng “Ang Diyos ay omnipotente, at anumang imposibleng magawa ng mga tao ay kayang maisakatuparan ng Diyos kung magdarasal lang tayo sa Kanya” at mga imahinasyon tungkol sa mga mahiwagang bagay, nang hindi gumugugol ng pagsisikap na ikaw mismo ang matuto ng kasanayan. Dapat mong ibigay ang iyong buong puso, ang iyong buong lakas, at ang iyong buong isipan sa paggawa niyong nasa loob ng saklaw ng kung ano ang kayang makamit ng iyong kakayahan, at pagdating sa kung ano ang lagpas sa iyong kakayahan at mga abilidad, huwag mong pahirapan ang iyong sarili, huwag mong pahirapan ang sarili mo, dagdagan ang pasanin mo, o gipitin ang iyong sarili sa anumang paraan, sa halip ay maging malumanay ka sa iyong sarili. Gamitin nating halimbawa ang pag-aaral ng mga kasanayan sa pagkokompyuter. Sabihin nating tumatanda ka na, at batay sa iyong edad, kakayahan, at sa iyong mga kasalukuyang kondisyon, ang pag-aaral lang na mag-type ay isa nang malaking tagumpay para sa iyo. Kung kaya mo ring matutong kontakin ang mga kapatid at gumawa ng gawain sa online, ayos na ayos na iyon. Gayumpaman, hindi ka kailanman nasisiyahan at mayroon ka pa ring pagnanais para sa higit pa—gusto mong matuto kung paano magsulat ng mga program at panatilihin ang seguridad ng network, gumawa ng gawain na tanging ang mga network engineer at high-tech personnel ang nakakagawa. Hindi ba’t kahangalan iyon? (Oo.) Hindi mo kayang matutunan ang mga bagay na ito, kaya nagiging negatibo ka at nagrereklamo ka tungkol sa Diyos: “O Diyos, bakit hindi ko matutunan ang mga bagay na ito? Bakit Mo ako binigyan ng ganitong uri ng kakayahan? Napakatanda ko na—bakit hindi Mo ako kayang gawing bata uli? Hindi ba’t omnipotente ang Diyos?” Mali na magkaroon ka ng gayong mga kaisipan at gumawa ng gayong mga paghingi. Ano ang ibig sabihin ng “ginagawa ang anumang nasa kapangyarihan ng isang tao, at hindi lumalagpas sa kakayahan, mga abilidad, at mga likas na gawi ng isang tao?” Anuman ang nakakamit mo batay sa iyong kakayahan at mga abilidad, iyon ang hinihingi ng Diyos sa iyo. Anuman ang hindi mo kaya, hindi iyon hinihingi ng Diyos sa iyo, at hindi mo rin iyon kailangan hingin sa sarili mo. Kung hindi mo kayang gawin ang isang bagay, may iba na kaya itong gawin; hindi hinihingi ng Diyos na ikaw ang gumawa nito. Sinasabi mo, “matanda na ako—hindi ko alam kung paano mag-upload ng mga video, hindi ko rin alam kung paano panatilihin ang seguridad ng network, at lalong hindi ko alam kung paano magsulat ng mga program,” pero pinipilit mo pa rin na matutunan ang mga bagay na ito—tinanong mo ba kung kailangan ng sambahayan ng Diyos na gawin mo ang gawaing ito? Ginawa mo ba nang maayos ang sarili mong gawain? Ginawa mo ba nang maayos ang gawain na kaya mo batay sa iyong kakayahan? Kung hindi mo ito nagawa nang maayos, at pinipilit mo pa ring subukang gawin ang mga bagay na lagpas sa iyong kakayahan at hindi mo maarok, at ni hindi mo magagawang matutunan sa iyong buong buhay, sa tingin mo ba ay nakikibaka ka laban sa iyong sarili, o sa Diyos? Hindi ba’t labis itong mapanggulo? (Oo.) Palagi mong gustong higitan ang iyong sarili at maging superhuman, pero hindi hiningi ng Diyos na gawin mo iyon. May iisang dahilan lang kung bakit gusto mong maging superhuman, iyon ay na gusto mong magpakitang-gilas at hindi ka tatanggap ng pagkatalo o susuko sa katandaan. Hindi para sa paggawa ng iyong tungkulin nang maayos kaya ka nagtitiis ng paghihirap at nagbabayad ng halaga; hindi mo ginagawa ang tungkulin mo nang ayon sa prinsipyo ng pag-asal sa isang maayos na paraan at mahigpit na pagkapit sa iyong wastong lugar. Gusto mong patunayan na hindi ka matanda sa pamamagitan ng paghamon sa sarili mong kakayahan at mga abilidad. “Kaya ko pa rin ito,” iniisip mo. “Kasinghusay ako ng iba, kaya kong gawin ang anumang kayang gawin ng ibang tao!” Makabuluhan ba ito? (Hindi.) Hindi ito makabuluhan. Ang lahat ng pagsisikap mong ito ay walang silbi at walang halaga. Kung ibibigay mo ang iyong buong puso, ang iyong buong isip, at ang iyong buong lakas sa wastong paggawa ng bagay na tinutulutan kang makamit ng sarili mong mga kondisyon, masisiyahan ang Diyos. Huwag mong hamunin ang sarili mo, ni subukang lampasan ang kakayahan mo. Alam ng Diyos kung kumusta ang kakayahan at mga abilidad mo. Matagal nang paunang itinakda ng Diyos ang kakayahan at mga abilidad na ibinigay Niya sa iyo. Ang palaging pagnanais na higitan ang mga ito ay pagiging mapagmataas at pagkakaroon ng labis na kumpiyansa sa sarili; ito ay paghahanap lang ng gulo at hindi maiiwasang mauuwi ito sa kabiguan. Hindi ba’t pinapabayaan ng mga gayong tao ang kanilang wastong tungkulin? (Oo.) Hindi sila umaasal sa paraang sumusunod sa tuntunin, at hindi nila pinanghahawakan nang mahigpit ang mga wastong posisyon nila para tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha—hindi nila sinusunod ang mga prinsipyong ito sa kanilang mga kilos, kundi lagi nilang sinusubukang magpakitang-gilas. May isang kasabihan na may dalawang bahagi: “Naglalagay ng kolorete ang isang matandang babae—para may isang bagay kang titingnan.” Para saan ang ginagawang ito ng “matandang babae”? (Para magpakitang-gilas.) Gustong ipakita ng matandang babae sa iyo, na para bang sinasabi niyang, “Bilang isang matandang babae, hindi ako ordinaryo—papakitaan ko kayo ng isang espesyal na bagay.” Ayaw niyang hamakin siya, kundi gusto niya na tinitingala at pinagpipitaganan siya; gusto niyang hamunin at lampasan ang sarili niyang kakayahan. Hindi ba’t pagkakaroon ito ng mapagmataas na kalikasan? (Oo.) Kung may mapagmataas kang kalikasan, hindi ka nananatili sa limitasyon mo, ayaw mong umasal nang naaangkop sa katayuan mo. Gusto mong laging hamunin ang sarili mo. Ano mang magagawa ng iba, gusto mo ring magawa. Kapag ang iba ay gumagawa ng mga bagay na nagiging dahilan para sila ay mamukod-tangi, nagkakamit ng mga resulta, o nakapag-aambag, at nakakatanggap ng papuri ng lahat, ikaw ay naaasiwa, naiinggit, at hindi nasisiyahan. Kaya gusto mong talikdan ang mga kasalukuyang tungkulin mo para gawin ang gawaing magpapaningning sa iyo, gusto mo ring hangaan ka nang sobra. Subalit hindi mo kayang gumawa ng gawaing nagtutulot sa iyo na mamukod tangi, kaya hindi ba’t pagsasayang lang ito ng oras? Hindi ba’t pagpapabaya ito sa iyong wastong tungkulin? (Oo.) Huwag mong pabayaan ang mga wastong tungkulin, dahil hindi maganda ang kalalabasan ng pagpapabaya sa mga iyon. Hindi lang ito nakakaantala sa mga bagay at nagsasayang ng oras, kaya hahamakin ka ng iba, kundi nagdudulot din ito na kasuklaman ka ng Diyos, at sa huli, pinapahirapan mo ang sarili mo para maging labis kang negatibo.
Anuman ang edad ng isang tao—siya man ay bata, nasa katanghaliang edad, o matanda—mayroon siyang mga limitasyon pagdating sa kanyang kakayahan at mga talento; walang taong perpekto. Kalimutan mo na ang pagiging isang perpektong tao, kalimutan mo na ang tungkol sa pagkaalam kung paano gawin ang lahat ng bagay, ang magawang gawin ang lahat ng bagay, at maunawaan ang lahat ng bagay—mapanggulo kung mayroon kang ganitong uri ng disposisyon.
Sa loob ng gawain ng Diyos, bakit kapag nagsasalita siya sa lahat ng uri ng tao tungkol sa anumang paksa o anumang uri ng isyu, paulit-ulit Siyang nagsasalita tungkol sa parehong bagay nang tinutugunan ang iba’t ibang kalagayan at sitwasyon? Iniisip ng mga walang espirituwal na pang-unawa, “Ang pagsasalita sa ganitong paraan ay masyadong detalyado at masyadong mahaba; nauunawaan na namin.” Maaaring nauunawaan mo na, pero ang iba ay maaaring hindi pa; at kahit nauunawaan mo na, kaya mo bang lutasin ang mga problema ng iba’t ibang kalagayan? Kung hindi mo kaya, ibig sabihin ay hindi mo pa ganap na nauunawaan, kaya huwag kang magpanggap na nauunawaan mo na. Pawang magkakaiba ang mga kalagayan ng mga tao. Kapag natalakay na ang lahat ng kalagayan ng bawat uri ng tao, at kapag natalakay na ang lahat ng iba’t ibang kalagayan—ibig sabihin, kapag natalakay na ang lahat ng kalagayan ng lahat ng uri ng tao sa loob ng isang partikular na malaking isyu, at nauunawaan na ng lahat ang aspektong ito ng katotohanan—saka lang naipaliwanag nang malinaw ang isyung ito. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ito ay na nagkakaroon ng iba’t ibang problema ang lahat habang namumuhay sa ilalim ng sarili nilang mga kondisyon; magkakaiba ang mga problema ng lahat ng tao, at ang mga personalidad, kalakasan ng mga tao, at ang mga bagay kung saan sila mahusay, ay magkakaiba rin. Samakatwid, ang lahat ng tao ay may sari-sarili nilang personal na mga kondisyon, sarili nilang mga paghihirap, at sari-sarili nilang magkakaibang mga kaisipan at pananaw. Gayumpaman, gaano man naiiba ang sariling mga kondisyon ng mga tao, at gaano man naiiba ang kanilang mga abilidad, mga kakayahan, antas ng pangitain, mga personalidad, at mga gawi, magkakapareho ang mga tiwaling disposisyon at kalikasang diwa ng mga tao. Ibig sabihin, gaano man magkakaiba ang iba’t ibang kondisyon ng pagkatao ng mga tao, nagtataglay ang mga tao ng pare-parehong mga katangian. Bakit nagtataglay ang mga tao ng pare-parehong karaniwang mga katangian? Dahil pare-pareho ang disposisyong diwa na sinasandigan ng mga tao para sa pananatiling buhay. Samakatwid, pagkatapos malantad ang mga kalagayan at problema ng lahat ng uri ng tao, ang dapat gawin ng mga tao ay magsagawa ayon sa mga katotohanan at prinsipyong hinihingi ng Diyos, at pagkatapos ay malulutas ang mga karaniwang problema ng sangkatauhan. Anuman ang iyong personalidad o kakayahan, gaano man kahusay ang iyong kapabilidad, at ikaw man ay lalaki o babae, o isinilang ka man sa Kanluran o sa Silangan, o ikaw man ay mula sa Timog o sa Hilaga, hangga’t ang iyong mga tiwaling disposisyon ay nalulutas sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan, pagtanggap sa paghusga at pagtastigo ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan, malulutas ang mga paghihirap mo. Nangangahulugan ito na ang lahat ng iba’t ibang kalagayan na lumilitaw sa mga tao sa konteksto ng mga karaniwang problema ng mga tao ay maaari ding malutas. Bakit lumilitaw ang iba’t ibang kalagayan sa mga tao? Ito ay dahil magkakaiba ang mga likas na kondisyon ng pagkatao na tinataglay ng bawat tao. Halimbawa, kung naninirahan ka sa Timog, at mayroon ka ng ilang gawi at padron ng pamumuhay ng mga taga-timog, at nagkakaroon ka rin ng ilang personalidad at istilo ng pamumuhay na partikular sa mga taga-timog, kung gayon, nang may ganitong uri ng pinagmulan, magkakaroon ka ng ilang partikular na kuru-kuro at imahinasyon, mga partikular na kaisipan at pananaw, at mga partikular na kalagayan. Kung isinilang ka sa Hilaga, magkakaroon ka ng personalidad at mga gawi ng pamumuhay ng mga taga-hilaga, o ng ilang kalagayan na lumilitaw mula sa mga kagawian, kultural na pinagmulan, mga pamamaraan ng edukasyon, at iba pang gayong mga bagay na likas sa mga taga-hilaga. Sa ganitong paraan, ang mga kalagayan na lumilitaw sa mga tao na namumuhay sa Timog at sa Hilaga ay magkakaiba. Gayumpaman, ang ugat na dahilan at diwa ng mga kalagayan na lumilitaw mula sa iisang problema ay magkakapareho, kaya maaaring malutas ang lahat ng ito gamit ang mga parehong katotohanan. Dahil ganito ang kaso, hindi mahalaga kung ikaw ay mula sa Hilaga o sa Timog, o sa Silangan o sa Kanluran; hangga’t ikaw ay isang nilikhang tao, lahat ng problema mo ay maaaring malutas gamit ang mga katotohanan. Naunawaan mo ba? Komplikado ba ang isyung ito? (Ngayong narinig ko nang maipaliwanag ito, pakiramdam ko ay hindi na ito komplikado.) Bakit mo nasasabi na hindi komplikado ang isyung ito? (Bagama’t magkakaiba ang sariling mga kondisyon, mga pinagmulan, at mga personalidad ng mga tao, at natural itong nagpapalitaw sa magkakaibang kalagayan, magkakapareho ang ugat na dahilan ng iba’t ibang kalagayang ito, at magkakapareho ang tiwaling diwa ng mga tao. Gaano man karaming tiwaling disposisyon ang ibinubunyag ng mga tao, maaari itong malutas gamit ang mga parehong katotohanan; samakatwid, maaaring malutas ng mga katotohanan ang mga problema ng bawat tao.) Hindi mahalaga kung ang mga tao ay mula sa Timog, sa Hilaga, sa Silangan, o sa Kanluran, hindi mahalaga kung sila ay lalaki o babae, bata o matanda, at hindi mahalaga kung ano ang sarili nilang mga kondisyon, magkakapareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at ang iba’t ibang kalagayan, mga kaisipan at pananaw, at mga saloobin sa katotohanan na pinalilitaw ng mga tiwaling disposisyong ito ay may parehong katangian. Ano ang parehong katangiang ito? Ang lahat ng bagay na lumilitaw mula sa mga tiwaling disposisyong ito ay kay Satanas at hindi naaayon sa katotohanan; siyempre, para maging mas partikular, maaaring sabihin na ito ay salungat sa katotohanan. Samakatwid, anuman ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga lahi, relihiyon, o kultura ng tiwaling sangkatauhan, at ang mga tao man ay mayroong dilaw, puti, kayumanggi, o itim na balat, lahat sila ay mga tiwaling tao, at ang lahat ng tao ay may parehong diwa ng paglaban sa Diyos. Isa itong bagay na pare-pareho silang mayroon. Samakatwid, saang bansa man nagmula ang mga tao o anuman ang kanilang lahi, kolektibo silang tinatawag bilang mga tiwaling tao. Ibig sabihin, superyor o mapagkumbaba man ang mga lahing ito ng mga tao, mahirap o mayaman sa usapin ng kulay ng kanilang balat, ng kanilang hitsura, mga gawi sa buhay, o kultura ng lahi, at anuman ang edukasyong natanggap nila, ano’t anuman, ang mga tuntuning sinasandigan nila para sa kanilang pananatiling buhay ay nagmumula kay Satanas, hindi tugma sa katotohanan, at laban sa Diyos. Kahit na ang mga tao ay nabibilang sa isang mayaman at marangal na lahi na may matayog na relihiyosong pinagmulan, ang diwa nila ay sa mga tiwaling tao pa rin, sila pa rin ang kauri ni Satanas na lumalaban sa Diyos, mga tiwaling tao pa rin sila, lahat sila ay laban sa Diyos, sila ang lahat ng mga hinusgahan at kinastigo sa loob ng gawain ng Diyos, at ang mga tao sa kanila na kayang tumanggap sa katotohanan ay ang mga nilalayong iligtas ng Diyos. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na bago ka maligtas, gaano man ka tayog ang iyong kultural na pinagmulan, pinag-aralan, at relihiyosong pinagmulan, ang iyong diwa ay laban pa rin sa Diyos at mapanlaban sa Diyos. Kaya naman, hindi mababago ang diwa ng mga tao dahil sa kulay ng kanilang balat, relihiyon, bansa ng kapanganakan, o sa kanilang tinapos sa pag-aaral o kultural na pinagmulan. Gayundin, anuman ang lahi ng isang tao, hindi siya magiging marangal o mababa sa mga mata ng Diyos dahil sa kanyang sariling mga kondisyon. Kaya sa mga mata ng Diyos, ano ang pamantayan para sa pagsusuri kung ang isang tao ay marangal o mababa? May isang pamantayan lang, at iyon ay na kung tinatanggap mo ang katotohanan o hindi. Kung tinatanggap mo ang katotohanan, anuman ang iyong lahi o ang kulay ng iyong balat, marangal ka. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, kahit sabihin mo, “Puti ang aking balat, rubyo ang aking buhok, at asul ang aking mga mata, at maharlika ang pamilya ko sa loob ng maraming henerasyon,” walang silbi iyon! Kahit na marangal ka sa gitna ng sangkatauhan, kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, sa mga mata ng Diyos ay isa ka pa ring tiwaling tao, katulad ka ng sinumang tiwaling tao—walang pagkakaiba. Kahit ilang miyembro ng lahi ng tao ang tumitingala sa iyo, nagpipitaganan sa iyo, at nagbibigay ng mga handog sa iyo, wala itong silbi at hindi magbabago ang iyong katayuan, pagkakakilanlan, at diwa sa mga mata ng Diyos. Ang pamatayan ng Diyos sa pagsusuri sa sangkatauhan—na siyempre ay ang naitatag na mataas na panukat din at pamantayan para sa pagsusuri sa sangkatauhan—ay ang suriin sila gamit ang katotohanan. Kung minamahal mo ang katotohanan at isinasagawa mo ang katotohanan, marangal ka; kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan, ang matandang laman mong ito ay isang tiwaling tao; hindi ito nagkakahalaga ng kahit isang sentimo, at ni hindi kasinghalaga ng isang langgam sa lupa. Sa eksepsiyon ng mga microorganismo na hindi nakikita ng mga tao, ang mga langgam ay relatibong maliit sa gitna ng lahat ng bagay na may buhay. Ang kanilang mga padron sa pamumuhay, mga tuntunin sa pananatiling buhay, at mga likas na gawi ay ganap na sumusunod sa mga batas na itinakda ng Diyos. Ang kanilang trabaho-at-pahinga na iskesyul ay nagbabago ayon sa klima at sa pabago-bagong temperatura ng apat na season, at hindi nila kailanman aktibong babaguhin ang mga padron at tuntuning ito. Pero iba ang mga tao. Palaging gusto ng mga tao na baguhin ang status ko at ang mundo, palagi silang may mga ambisyon, at palagi silang nakikibahagi sa mga pagkakanulo at paghihimagsik. Bagama’t ang mga langgam ay walang pakultad na tanggapin ang katotohanan, ni ng kapabilidad na maarok ang katotohanan, kahit papaano ay hindi lumalaban sa Diyos ang mga ito. Iba ang mga tao; aktibo silang kikilos para atakihin at labanan ng Diyos. Samakatwid, sa mga mata ng Diyos, ang mga taong hindi nagkamit ng katotohanan at hindi naligtas ay walang halaga. Hindi ba’t isa itong katunayan? (Oo.) Ang pagsusuri at paglalarawan sa mga tao batay sa katunayang ito ay ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa mga isyung ito, dapat magkaroon ang mga tao ng tamang pananaw at pagkaunawa sa diwa ng sangkatauhan at sa epekto na nilalayong makamit ng gawain ng Diyos. Pagkatapos mong maunawaan ang aspektong ito ng katotohanan, hindi ba’t hindi ka na masyadong mapipigilan kapag ipinapangaral mo ang ebanghelyo sa mga tao o kapag nakikisalamuha at nakikipagbahaginan ka sa kanila, anumang uri sila ng tao—mayroon man silang relihiyosong pinagmulan o wala, mayroon man silang posisyon at katayuan sa lipunan o mababang panlipunang katayuan, at kung sila man ay puti o taong may kulay? (Oo.) Kung hindi mo nauunawaan ang mga katotohanang ito, ang tendesiya mo ay palaging tingalain ang mga taong may ibang lahi, o madama na hindi mo sila maarok, at na hindi mo alam kung paano makipagbahaginan o makisalamuha sa kanila. Hindi ba’t ang pagkaunawa sa mga katotohanang ito ay nakakatulong sa inyo sa pakikisalamuha sa mga taong iyon? Tutulungan kayo nito na tingnan ang buong lahi ng tao mula sa tamang paninindigan at mula sa tamang pananaw. Ito ang pakinabang ng pagkaunawa sa katotohanan. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, magiging tama ang perspektiba mo sa mga bagay at ito rin ay magiging medyo masaklaw, at hindi masyadong makitid. Kung hindi, palagi kang magkukulang sa kumpiyansa bilang isang lider o manggagawa. Una, madarama mo na kulang ka sa karanasan sa buhay. Ikalawa, madarama mo na hindi pa sapat ang iyong mga naging karanasan. Ikatlo, madarama mo na hindi ka mahusay sa pagsasalita at hindi mo makilatis ang kalagayan ng karamihan ng tao; sa partikular, kapag nakakakita ka ng matatanda, matatakot ka at kakabahan, at hindi ka maglalakas loob na magsalita. Sinasabi ng ilang tao, “Lalo na kapag nakikita ko na ang mga matagal nang relihiyosong mananampalataya ay may kaunting kaalaman sa Bibliya, hindi ko alam kung paano ipapangaral ang ebanghelyo sa kanila, at natatakot ako at nadarama ko na mas mababa ako sa kanila.” Nakakaunawa ka ng napakaraming katotohanan, kaya ano ang ikinatatakot mo? Hindi ba’t ito ay kawalan ng kakayahan na makilatis ang mga usapin? Kapag naunawaan ng mga tao ang katotohanan, dapat magawa nilang lutasin ang mga usapin at problemang ito, at hindi na sila mapipigilan ng mga bagay na ito.
Anong mga aspekto ng katotohanan ang naunawaan ninyo sa pamamagitan ng mga paksang pinagbahaginan natin ngayon? Malinaw na ba sa inyo ang gawain ng Diyos, at kung paano nililigtas ng Diyos ang mga tao, ang mga paraan ng Diyos sa pagliligtas sa mga tao, at ang mga aspekto ng mga tao na binabago ng Diyos? (Oo.) Ngayong malinaw na sa inyo ang mga bagay na ito, hindi ba’t mas nadarama na ninyo ang kahalagahan ng pagsasagawa sa katotohanan at ng pagsusuri sa lahat ng bagay gamit ang katotohanan? (Oo.) Hindi ba’t mas lalo ninyong iniisip na labis na mahalaga na hangarin at unawain ang katotohanan? Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya kayang makilatis ang anumang usapin, hindi niya kayang makilatis ang lahat ng uri ng tao, at hindi niya kayang makilatis ang mga tao mula sa lahat ng bansa at lahi, at kaya siya ay isang hangal, isang tunggak. Kapag ang ilang indibidwal ay nakakakita ng mga taong nakasuot ng salamin, ipinagpapalagay nila na ang mga ito ay mga propesor o mga intelektuwal, at kaya nadarama nila na napipigilan sila at hindi sila naglalakas-loob na magsalita, at sa tuwing nakakakita sila ng matatangkad na tao na may hitsura, pakiramdam nila ay mas mababa sila sa mga ito. Pagkatapos maunawaan ang katotohanan, hindi ba’t sa pundamental ay hindi maaapektuhan ang mga tao sa mga bagay na ito? Sa isang banda, hindi nila pipigilan ang kanilang sarili; sa kabilang banda—sa isang partikular na antas—pauunlarin nila ang kanilang saloobin at pananaw pagdating sa pakikitungo sa mga tao at bagay, at magkakaroon din sila ng kaunting kapatiran tungkol dito. Magiging kapaki-pakinabang ito sa paggampan sa kanilang tungkulin, lalo na pagdating sa paggampan ng gawain ng mga lider at manggagawa sa lahat ng antas. Pagkatapos maunawaan ng mga tao ang mga pakay at tunay na kahalagahan ng gawain ng Diyos, paano sila dapat kumilos para harapin ang sarili nilang mga likas na kondisyon nang tama? Ilang prinsipyo ang mayroon? (Ang mga naiisip ko ay na dapat tingnan ng mga tao ang sarili nilang personalidad, kakayahan, at ibang mga kondisyon nang tama, tumigil sa paghahangad ng mga mahiwagang bagay at tumigil sa paghahangad na maging superhuman, gawin ang anumang kaya nilang gawin hangga’t kaya ng abilidad nila, at huwag puwersahin ang kanilang sarili na makamit ang hindi nila kayang maabot. Sa ganoong paraan, mas magiging malaya ang kanilang buhay, at lalong magiging normal ang kanilang pagkatao.) Una sa lahat, kung gusto mong umiwas sa paggawa ng mga hangal o tunggak na bagay, dapat mo munang maunawaan ang sarili mong mga kondisyon: Kung kumusta ang iyong kakayahan, kung ano ang iyong mga kalakasan, kung saan ka mahusay, at kung saan ka hindi mahusay, pati na kung anong mga bagay ang kaya at hindi mo kayang gawin batay sa iyong edad, kasarian, sa kaalamang tinataglay mo, at sa iyong mga kabatiran at karanasan sa buhay. Ibig sabihin, dapat maging malinaw sa iyo kung ano ang mga kalakasan at kahinaan mo sa tungkuling ginagampanan mo at sa gawaing ginagawa mo, at kung ano ang mga kahinaan at merito ng sarili mong personalidad. Kapag malinaw na sa iyo ang sarili mong mga kondisyon, merito, at pagkukulang, dapat mo namang tingnan kung aling mga merito at kalakasan ang dapat na mapanatili, kung aling mga pagkukulang at kapintasan ang maaaring lagpasan, at kung aling mga pagkukulang at kapintasan ang hindi talaga maaaring lagpasan—dapat maging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito. Para makamit ang kalinawang ito, sa isang banda, dapat mong hanapin ang katotohanan, pagbulay-bulayan ang mga bagay na ito at magkamit ng kaalaman tungkol sa mga ito sa pamamagitan ng pagkumpara ng mga salita ng Diyos sa iyong aktuwal na sitwasyon, at kasabay nito, magdasal sa Diyos na ihayag ang mga bagay na ito. Sa kabilang banda, maaari mo ring tanungin ang mga kapatid sa paligid mo at manghingi sa kanila ng mga pang-uudyok at gabay. Sa ganoong paraan, magkakaroon ka ng mas malalim na pagkaunawa sa iyong sarili, at magkakaroon ka ng mas maraming ideya at pahiwatig pagdating sa usapin ng pagkilala sa iyong sarili. May ilang problema na hindi kayang lutasin ng mga tao. Halimbawa, maaaring madali kang kabahan kapag nakikipag-usap sa iba; kapag nahaharap sa mga sitwasyon, maaaring may sarili kang mga ideya at pananaw pero hindi mo malinaw na masabi ang mga ito. Lalo kang kinakabahan kapag maraming tao sa paligid; hindi malinaw ang iyong pagsasalita at nanginginig ang iyong mga labi. Ang ilang tao ay nauutal pa nga; para sa iba naman, kung may mga miyembro ng kabilang kasarian sa paligid, lalong hindi sila naiintindihan, sadyang hindi ninyo alam kung ano ang sasabihin o gagawin. Madali ba itong malampasan? (Hindi.) Sa loob ng maikling panahon, kahit papaano, hindi madali para sa iyo na malampasan ang kapintasang ito dahil parte ito ng iyong likas na mga kondisyon. Kung pagkatapos ng ilang buwan ng pagsasagawa ay kinakabahan ka pa rin, ang kaba ay magiging presyur, na negatibong makakaapekto sa iyo dahil natatakot kang magsalita, makipagkita sa mga tao, dumalo sa mga pagtitipon, o magbigay ng sermon dahil dito, at madadaig ka ng mga takot na ito. Kaya ano ang dapat mong gawin? Maaari mong pagbulay-bulayan ang isyung ito at talakayin ito kasama ang iba; alamin mo kung ano ang mentalidad ng iba kapag nahaharap sila sa ganitong problema, at kung paano nila ito nilulutas, at pagkatapos ay dapat ka ring magsagawa sa ganitong paraan. Sabihin natin na sa pagtitipon ngayong araw ay medyo maayos ang kalagayan mo; masiyahin ang lagay ng loob mo, at higit pa rito, naaantig ka rin sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nakadarama ka ng partikular na pagnanais na ipahayag ang iyong sarili. Nagkataon lang na ito ay isang maliit na grupo ng pagtitipon na may kaunting tao lang, sinusubukan mong magbahagi ng kaunting salita at maganda naman ang pakiramdam mo tungkol dito, at hindi ka kinakabahan. Sa sitwasyong ito, kapag hindi ka nakakaramdam ng anumang presyur at hindi ka talaga naghanda, malaya mong naipapahayag ang iyong sarili nang napakahusay, at ang lahat ay talagang naaantig at napapatibay rito. Hindi ba’t pag-usad ito? Magsanay ka lang na magsalita at makipagbahaginan sa maliliit na grupo ng pagtitipon, kung saan may kaunting tao, at unti-unti ay magagawa mong magsalita ng normal, at unti-unti mong magagawang makapagsalita nang normal, at unti-unting maglalaho ang iyong kaba. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay magkakamit ng pinakamahuhusay na resulta. Una, pumili ng isang maliit na grupo ng pagtitipon kung saan may kaunting tao o ng isang hindi pormal na sitwasyon para isagawa ito, nagsasalita at nakikipagbahagian sa isang hindi paraang hindi pinaghandaan, na para bang nakikipagdaldalan ka lang, para mapagtagumpayan mo ang kapintasang mong ito. Minsan, pagkatapos magsalita sa loob ng isang minuto ay maaaring madama mo na medyo kinakabahan ka, maaaring mabawasan ang kumpiyansa mo habang mas nagsasalita ka, at maaaring mas kaunti ang masabi mo habang nagpapatuloy ka; sa gayong mga kaso, huwag ka nang magsalita pa—agad mong tapusin ang iyong mga sinasabi at tumigil na. Minsan, pagkatapos mong magsalita sa loob ng ilang panahon, ang lahat ay maaaring makinig at madama na labis silang napalaya; sa gayong atmospera, ang iyong kaba at stress ay mapapawi nang hindi mo namamalayan. Sa ilalim lang ng gayong mga sitwasyon maaaring unti-unting mapabuti ang kapintasan mong ito—pero hindi ito mapagtatagumpayan. Kung nadarama mo na pagkatapos magsanay nang isang buwan, hindi masyadong umunlad ang iyong kalagayan, at lumilitaw pa nga sa puso mo ang isang uri ng presyur, kaya ikaw ay mas lalong kinakabahan, na nakakaapekto sa iyong normal na gawain, buhay, paggampan ng tungkulin, hindi mo na kailangang patuloy na magsanay. Sapat na kung kaya mong gawin nang normal ang tungkulin mo. Tumuon ka na lang sa paggawa nang maayos sa iyong tungkulin—tama ito. Panatalihin sa puso mo ang depektong iyan, ang kapintasang iyan, tahimik na magdasal sa Diyos, at pagkatapos ay humanap ng mga naaangkop na sitwasyon para magsanay sa pagsasalita at pakikisalamuha sa mga tao, ipinapahayag ang gusto mong sabihin sa pamamagitan ng pagbigkas sa bawat salita, pagsasalita nang may istruktura at kalinawan. Sa ganitong paraan, ang iyong epekto, ang kapintasang ito, ay unti-unting mapapabuti. Posible na pagkatapos ng isa o dalawang taon, maaaring maging mas mature ka habang tumatanda ka at mas magiging pamilyar sa mga tao sa paligid mo, at ang kanilang tingin, mga opinyon, at ang atmosperang nalilikha kapag nagsasama-sama ang lahat ay maaaring hindi na lumikha ng presyur, paggapos, o pagpipigil para sa iyo—kapag nagkagayon ay maaaring mapagtagumpayan at malutas ang iyong kapintasan sa gitna ng mga taong ito. Ito ang uri ng taong may pinakamalubhang anyo ng kapintasang ito; maaari lang nila itong malagpasan sa pamamagitan ng pangmatagalang pagpapanday at pagsasanay sa gayong mga kapaligiran. Siyempre, may mga tao rin na unti-unting nilulutas ang kapintasang ito sa loob ng maikling panahon ng tatlo hanggang limang buwan. Hindi sila kinakabahan kapag nakikisalamuha at nakikipag-usap sa iba sa mga ordinaryong sitwasyon, maliban kung nahaharap sa malalaking okasyon. Samakatuwid, kung kaya mong lampasan ang depektong ito, ang kapintasang ito, sa loob ng maiksing panahon, gawin mo. Kung mahirap itong lampasan, huwag ka nang mag-abala pa, huwag makipaglaban dito, at huwag hamunin ang iyong sarili. Siyempre, kung hindi mo malampasan ito, hindi ka dapat makadama ng pagkanegatibo. Kahit hindi mo ito kailanman malampasan sa buong buhay mo, hindi ka kokondenahin ng Diyos, dahil hindi ito ang iyong tiwaling disposisyon. Ang iyong pagkatakot sa harap ng mga tao, ang iyong nerbiyos at takot—ang mga pagpapamalas na ito ay hindi sumasalamin sa iyong tiwaling disposisyon; ang mga ito man ay likas sa iyo o dulot ng kapaligiran sa buhay kalaunan, sa pinakamalala, ito ay isang depekto, isang kapintasan ng iyong pagkatao. Kung hindi mo ito mababago pagkalipas ng mahabang panahon, o maging sa buong buhay mo, huwag mo itong pakaisipin, huwag hayaang pigilan ka nito, at hindi ka rin dapat maging negatibo dahil dito, dahil hindi mo ito tiwaling disposisyon; walang silbi na subukang baguhin o labanan ito. Kung hindi mo ito kayang baguhin, tanggapin mo ito, hayaan itong umiral, at ituring ito nang tama, dahil maaari kang umiral kasama ng depektong ito, ng kapintasang ito—ang pagkakaroon mo nito ay hindi nakakaapekto sa iyong pagsunod sa Diyos at paggawa ng mga tungkulin mo. Hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan at gawin ang mga tungkulin mo sa pinakaabot ng iyong mga abilidad, maaari ka pa ring maligtas, hindi ito nakakaapekto sa iyong pagtanggap sa katotohanan at hindi nakakaapekto sa pagtatamo mo ng kaligtasan. Samakatuwid, hindi ka dapat madalas na mapigilan ng isang partikular na depekto o kapintasan sa iyong pagkatao, hindi ka rin dapat maging negatibo at panghinaan ng loob, o bumitiw pa nga sa iyong tungkulin at sa paghahangad sa katotohanan, at mawalan ng pagkakataong maligtas, dahil sa parehong dahilan. Ito ay lubos na hindi sulit; iyan ang gagawin ng isang hangal at mangmang na tao.
Ang ilang tao ay kaya lang maabot ang mga panggitnang nota kapag kumakanta sila at hindi nila maabot ang matataas na nota kahit gaano man sila magsanay rito. Kaya, ano ang magagawa rito? Kumanta na lang ng mga nota sa loob ng mga panggitna at mababang saklaw; ayos lang na kantahin nang maganda ang mga notang iyon. Kung palagi mong gustong hamunin ang sarili mo, sinasabing, “Mahusay ako sa pagkanta ng mga panggitnang nota. Gusto kong hamunin ang sarili ko na maabot ang matataas na nota,” kung gayon, kahit na magtagumpay ka sa hamong ito, magiging walang kabuluhan ito, at hindi ito mangangahulugan na natamo mo ang katotohanan. Sa pinakamainam, mangangahulagan lang ito na nagkamit ka ng dagdag na kasanayan, maaari kang gumawa ng dagdag na tungkulin, maaari kang kumanta ng dagdag na mga kanta, at maaari kang maging mas sikat. Pero ano naman? Ang pagiging mas sikat ba ay nangangahulugan na mas isinasagawa mo ang katotohanan? May kaugnayan ba ang dalawang bagay na ito? (Wala.) Kung kaya mong kumanta ng mga panggitnang nota, kantahin mo nang maganda ang mga ito. Kung hindi mo kayang kumanta ng matataas na nota nang maganda, pero pinipilit mong magpakahirap para kantahin ang mga ito, at sa huli ay hindi mo nagagawang kantahin ang mga ito nang tama, at idinudulot mo rin na magkasakit ka dahil sa sobrang pagod, hindi ito tatandaan ng Diyos. Hindi mahalaga kung kaya mong kumanta ng matataas na nota o ng mga panggitnang nota, hangga’t kaya mong kumanta nang maganda, at maging tapat at ibigay ang lahat-lahat mo sa iyong tungkulin, nang hindi nagiging pabasta-basta, o nagiging tuso at nagpapakatamad, o walang habas na gumagawa ng masasamang gawa, o naglilitanya ng matatayog na pakinggang ideya, at nagsisikap ka—sa usapin man ng teknik, emosyon, kalidad ng tono, at mga nota—ang kumanta sa isang pamantayan at magandang paraan na nakakaantig sa puso, at kumanta sa isang paraan na nakakapukaw sa mga tao, nakapagpapatahimik ng puso ng mga tao sa harapan ng Diyos, at nakakapagpatibay sa mga tao kapag nakikinig sila sa iyo, ito ay paggawa ng tungkulin sa isang paraan na pasok sa pamantayan. Kung palagi mong gustong hamunin ang iyong mga limitasyon, at palaging gustong gumawa ng mga personal na panibagong tagumpay at higitan ang iyong sarili, ito ay pagbubunyag sa iyong satanicong tiwaling disposisyon, at hindi ito paggawa sa iyong tungkulin. Pagkatapos mong magawa nang maayos ang sarili mong gawain, at magawa ang kung ano ang kaya mong makamit nang maayos, ayos lang na mag-aral ka ng isang bagay na kapaki-pakinabang para sa iyong tungkulin sa iyong libreng oras, pero hindi ito ang hinihingi ng Diyos. Ipagpalagay nang kinakanta mo nang maganda ang mga panggitnang nota, at sa libre mong oras ay nagsasanay kang kumanta ng matataas na nota. Pagkalipas ng ilang panahon ay nagkaroon ka ng isang panibagong tagumpay, at pagkalipas ng dalawa hanggang tatlong taon ng pagsisikap nang husto ay nagagawa mo nang kumanta nang maganda ng matataas na nota. Nagagawa mo nang kumanta ng kapwa mga panggitna at matataas na nota, at tuparin kapwa ang mga tungkuling ito; nagagawa mo ang parehong mga tungkuling ito nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at nagagawa mong kumanta nang buong puso mo, nang hindi nagiging pabasta-basta, nagiging tuso o nagpapakatamad, o naglilitanya ng matatag na pakinggang mga ideya. Mas lalong mainam ito, isa itong mabuting gawa, at tatandaan ito ng Diyos. Pero sabihin natin na hindi mo ito kayang makamit, at palagi mo pa ring iniisip, “Matataas ang mga inaasahan ng Diyos sa akin, hindi ba’t nagiging tuso at nagpapakatamad ako kung kakanta lang ako ng mga panggitnang nota? Hindi nasisiyahan ang Diyos!” Sariling imahinasyon mo iyan. Ikaw ay naghihinuha tungkol sa Diyos, at nakikibahagi sa pagsasagawa ng “tinitimbang ang marangal batay sa mga pamantayan ng hindi marangal” walang ganoong mga hinihingi ang Diyos sa iyo. Ang hinihingi ng Diyos sa iyo ay gawin mo nang maayos ang nararapat mong gawin sa loob ng saklaw ng iyong likas na kakayahan at mga abilidad, kung gagawin mo ito nang maayos ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos, binigyan ka na ng Diyos ng matataas na marka. Pero kung hindi mo sinusubukang gawin nang maayos ang kaya mong makamit, at hindi mo ito ginagawa nang ayon sa mga prinsipyo, at palagi kang tuso at nagpapakatamad at palaging gustong maglitanya ng matatayog na pakinggang ideya, at hindi mo sinasanay ang iba’t ibang teknik sa pagkanta, pero gusto mo pa ring hamunin ang iyong mga limitasyon, ang pagkilos mo nang ganito ay walang katwiran, isa itong pagpapamalas ng kayabangan at kamangmangan, at hindi masisiyahan ang Diyos. Hinding-hindi Niya sasabihin, “Kaya ng taong ito na kumanta ng mga panggitnang nota at sinusubukan din niyang kumanta ng matataas na nota. Bagama’t hindi niya kayang kantahin nang maganda ang matataas na nota, napakasinop ng ginagawa niyang ito, at sapat na iyon.” Hindi ka titingnan ng Diyos sa ganoong paraan, kaya huwag kang matuwa sa sarili mo. Pinagmamasdan lang ng Diyos kung umaasal ka nang naaangkop sa katayuan mo, at kung isa ka bang taong maayos na ginagawa ang mga tungkulin ng isang nilikha. Pinagmamasdan Niya kung, sa paggampan mo ng tungkulin mo, ibinibigay mo ba ang buong puso at lakas mo rito ayon sa mga likas na kalagayang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, at kung kumikilos ka ba ayon sa mga prinsipyo at kung nakakamit mo ba ang mga resultang ninanais ng Diyos. Kung kaya mong isakatuparan ang lahat ng bagay na ito, bibigyan ka ng Diyos ng ganap na marka. Ipagpalagay nang hindi mo ginagawa ang mga bagay nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at kahit na pag-igihan mo at magsikap ka, ang ginagawa mo lang ay magpasikat at magyabang, at hindi ka kumikilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo o hindi mo ibinibigay ang buong puso at lakas mo para palugurin ang Diyos sa paggampan ng tungkulin mo. Kung gayon, ang mga pagpapamalas at pag-uugali mo, ay kasuklam-suklam sa Diyos. Bakit kinasusuklaman ng Diyos ang mga iyon? Sasabihin ng Diyos na hindi ka tumutuon sa mga wastong gampanin, hindi mo pa ibinigay ang buong puso, lakas, o isip mo sa paggampan ng tungkulin mo, at hindi ka tumatahak sa tamang landas. Sapat na ang kakayahan, mga kaloob, at mga talentong ibinigay sa iyo ng Diyos—sadyang hindi ka lang kontento, hindi tapat sa tungkulin mo, hindi mo alam kung saan lulugar, gusto mo laging magsabi ng mga ideyang matatayog pakinggan at magpakitang-gilas, sa huli ay nagiging palpak ang iyong mga tungkulin. Hindi mo pa nagagamit ang kakayahan, mga kaloob, at talentong ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, hindi ka pa nagsikap nang husto, at hindi ka nagkamit ng anumang mga resulta. Bagaman napakaabala mo, sinasabi ng Diyos na para kang hangal, hindi isang taong marunong lumugar at nakatuon sa mga wastong gampanin niya. Ayaw ng Diyos sa mga gayong tao. Samakatwid, anuman ang iyong mga plano at layon, kung sa huli ay hindi mo ginagawa ang tungkulin mo nang ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos nang buong puso mo, nang buong isip mo, at nang buong lakas mo, batay sa likas na kakayahan, mga kaloob, mga talento, mga abilidad, at ibang mga kondisyon na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo, hindi tatandaan ng Diyos kung ano ang ginawa mo, at hindi mo gagawin ang tungkulin mo, sa halip, ang gagawin mo ay kasamaan.
Naunawaan mo ba ang prinsipyo ng pagsasagawa sa kung paano harapin nang tama ang iyong mga likas na kondisyon—ibig sabihin, ang sarili mong mga kondisyon, merito, at pagkukulang? (Oo.) Ano ang unang hakbang? Una, gamitin nang husto ang likas at umiiral na mga kaloob, abilidad, at kalakasan na ibinigay ng Diyos sa iyo, pati na ang mga teknikal o propesyonal na kasanayan na nagagawa mong matamo at makamit, at huwag kang magpigil. Kung napalugod mo ang Diyos sa usapin ng lahat ng bagay na ito at nadarama mo na kaya mo pa ring maabot ang matatayog na taas, tingnan mo kung aling mga teknikal o propesyonal na kasanayan ang kaya mong mapaunlad o mapagtagumpayan, sa loob ng saklaw ng kung ano ang kayang makamit ng kakayahan mo. Maaari kang patuloy na matuto at umunad batay sa kayang mong matamo gamit ang sarili mong kakayahan. Kaya, paano dapat isagawa ng isang tao ang pagbitiw sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos? Una sa lahat, kailangan mong maunawaan kung ano ang iyong mga likas na kondisyon, kung ano ang ibinigay ng Diyos sa iyo, kung paano mo dapat gamitin ang mga bagay na ito, at kung paano ilabas ang buong potensyal ng mga ito at gamitin nang husto ang mga ito, at gawin ang mga ito na mga batayang kondisyon—sa halip na mga hadlang—para magawa mo nang tapat ang iyong tungkulin. Unawain mo ang sarili mong mga kalakasan at hayaan mong magamit ang mga ito. Unawain mo ang sarili mong mga kapintasan at depekto at kung kaya mong baguhin ang mga ito sa loob ng maiksing panahon, gawin mo; kung hindi madaling baguhin ang mga ito, huwag mong hayaang maging harang o hadlang ang mga ito sa proseso ng paggawa mo ng tungkulin, huwag magpapigil o magpaimpluwensiya sa mga ito, at huwag magpatali o ganap na magpagapos sa mga ito. Halimbawa, sabihin natin na ipinanganak ka ng may mahinang kalusugan at mahinang pangangatawan, at palagi mong gustong mapagtagumpayan ito, at gusto mong makakain, makainom, at makapagpuyat tulad ng isang normal na tao, pero hindi ka binigyan ng Diyos ng ganoong kapital. Kung gayon ay dapat mong harapin ang bawat araw batay sa iyong sariling mga kondisyon, at gawin ang mga bagay nang ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos. Huwag hamunin ang iyong sarili, at huwag hayaan ang sarili mong mga kapintasan at depekto na maging mga harang at hadlang sa iyong landas ng pagsunod sa Diyos, sa paggawa mo ng tungkulin, at sa paghahangad sa katotohanan; huwag hayaan na mapukaw ka ng mga ito na maging negatibo, at higit pa rito, huwag sukuan ang pagsisikap na matamo ang katotohanan o ang paggawa sa tungkulin mo, makaramdam ng inggit at pagkamuhi sa iba dahil lang mayroon kang ilang depekto, kapintasan, at kakulangan—dapat ay wala ang mga ito. Dapat harapin mo nang tama ang sarili mong mga depekto at kapintasan; kung hindi mo kayang baguhin ang mga ito, dapat hayaan mong umiral ang mga ito, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at magawang harapin ang mga ito nang tama, at hindi mapigilan ng mga ito. Bakit kailangan mong gawin iyon? Ito ang katwirang dapat mayroon ang normal na pagkatao. Kung normal ang katwiran ng iyong pagkatao, dapat mong harapin ang iyong mga depekto at kapintasan sa tamang paraan; dapat mong kilalanin at tanggapin ang mga ito. Ito ay kapaki-pakinabang para sa iyo. Ang pagtanggap sa mga ito ay hindi nangangahulugang napipigilan ka ng mga ito, ni ibig sabihin na madalas kang negatibo dahil sa mga ito, bagkus, ibig sabihin nito ay hindi ka napipigilan ng mga ito, kinikilala mo na isa ka lang ordinaryong miyembro ng tiwaling sangkatauhan, na may sariling mga kapintasan at depekto, nang walang maipagmamalaki, na ang Diyos ang Siyang nagtataas sa mga tao para magawa nila ang kanilang tungkulin at na nilalayon ng Diyos na isagawa ang Kanyang salita at buhay sa kanila, binibigyang-kakayahan sila na magkamit ng kaligtasan at makatakas sa impluwensiya ni Satanas—na ito ay ganap na pagtataas ng Diyos sa mga tao. Lahat ay may mga kapintasan at depekto. Dapat mong hayaang umiral kasama mo ang iyong mga kapintasan at depekto; huwag iwasan ang mga ito o pagtakpan ang mga ito, at huwag madalas na makaramdam ng panunupil sa loob-loob mo, o palaging makaramdam pa nga ng pagiging mas mababa dahil sa mga ito. Hindi ka mas mababa; kung nagagawa mo ang iyong tungkulin nang buong puso, buong lakas, at buong isipan, sa abot ng iyong makakaya, at mayroon kang taos na puso, kung gayon, ikaw ay kasinghalaga ng ginto sa harap ng Diyos. Kung hindi mo kayang magbayad ng halaga at wala kang katapatan sa paggawa ng iyong tungkulin, kahit na ang iyong mga likas na kondisyon ay mas mainam kaysa sa mga katamtamang tao, hindi ka mahalaga sa harap ng Diyos, ni hindi ka kasinghalaga ng isang butil ng buhangin. Naunawaan mo ba? (Oo.) Ito man ay ang iyong mga likas na hitsura, ang iyong likas na kakayahan at mga talento, o ang mga depekto at kakulangan ng ilang aspekto ng pagkatao mo, huwag mong hayaang mapigilan ka nito at makaapekto sa iyong katapatan at pagpapasakop sa Diyos, huwag mong hayaang makaapekto ito sa iyong pagsisikap na matamo ang katotohanan, at siyempre, lalong huwag mong hayaang makaapekto ito sa dakilang usapin ng iyong kaligtasan. Dapat mong harapin nang tama ang iyong mga depekto at kakulangan at hayaan ang mga ito na umiral kasama mo, ibig sabihin ay hindi mo na dapat subukang baguhin ang mga ito, dahil hindi makakaapekto ang mga ito nang kahit kaunti sa iyong paggampan ng iyong tungkulin nang buong puso mo, isip at lakas, at siyempre, hindi rin makakaapekto ang mga ito sa iyong paggampan sa iyong tungkulin nang ayon sa mga prinsipyo, at lalong hindi makakaapekto ang mga ito sa iyong panghabangbuhay na pagsisikap na matamo ang katotohanan sa iyong pananampalataya sa Diyos, o makakaapekto sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao o bagay at sa kung paano ka umaasal at kumikilos sa proseso ng pagsisikap na matamo ang katotohanan. Siyempre, hindi ka dapat palaging humingi sa sarili mo, iniisip na, “Huwag ipakita ang kapintasang ito, huwag hayaan ang iba na makita ang mga depekto ko, at huwag hayaan ang iba na maliitin ako!” Kung gagawin mo ito, mamumuhay ka ng isang buhay na labis na nakakapagod. Kung tutulutan mo ang iyong mga depekto at kapintasan na umiral kasama mo, hayaan mo ang mga ito na umiral, o at kahit na makita ng iba ang iyong mga depekto, maaari pa ngang maging kapaki-pakinabang ito sa iyo, at maging isang proteksiyon din, na pipigil sa iyo na maging mayabang at palalo. Siyempre, para sa maraming tao ay kailangan nila ng lakas ng loob para ibunyag ang sarili nilang mga depekto at kapintasan. Sinasabi ng ilang tao, “Ibinubunyag ng lahat ng tao ang sarili nilang mga kalakasan at merito. Sino ba ang sadyang magbubunyag ng sarili nilang mga kahinaan at depekto?” Hindi sa sadya mong ibinubunyag ang mga ito, kundi ay tinutulutan mo ang mga ito na mabunyag. Halimbawa, kung mahiyain ka at madalas kang kinakabahan kapag nagsasalita kapag maraming tao ang nasa paligid, maaari kang magkusa na sabihin sa iba, “madali akong kabahan kapag nagsasalita; hinihiling ko lang sa lahat ng maging maunawain at huwag akong hanapan ng kapintasan.” Nagkukusa kang ibunyag ang iyong mga depekto at kapintasan sa lahat ng tao, para sila ay maging maunawain at mapagparaya sa iyo, at para makilala ka ng lahat. Kapag mas nakikilala ka ng lahat, mas napapanatag ang iyong puso, at mas nababawasan ang pagpipigil sa iyo ng mga depekto at kapintasan mo. Ang totoo, magiging kapaki-pakinabang at makakatulong ito sa iyo. Ang palaging pagtatakip sa iyong mga depekto at kapintasan ay nagpapatunay na ayaw mong umiral kasama ang mga ito. Kung tutulutan mo ang mga ito na umiral kasama mo, kailangan mong ibunyag ang mga ito; huwag mahiya o panghinaan ng loob, at huwag madama na mas mababa ka kaysa sa iba, o isipin na wala kang silbi at walang pag-asang maligtas. Hangga’t kaya mong magsikap na matamo ang katotohanan, at kaya mong gawin ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nang buong lakas mo, at nang buong isip mo nang ayon sa mga prinsipyo, at sinsero ang puso mo, at hindi ka nagiging pabasta-basta sa Diyos, may pag-asa kang maligtas. Kung sasabihin ng isang tao, “Tingnan mo nga kung gaano ka kawalang silbi at kamahiyain. Kinakabahan ka na kahit kaunting salita lang ang sinasabi mo, at namumula ang buong mukha mo,” kung gayon ay dapat mong sabihin, “Mahina ang kakayahan ko at hindi ako mahusay sa pagsasalita. Kung palalakasin mo ang loob ko, magkakaroon ako ng lakas ng loob na magsanay sa pagsasalita.” Huwag mong isipin na wala kang kwenta, o na kahiya-hiya ka. Dahil alam mo na ang mga ito ang mga depekto at problema sa iyong pagkatao, dapat mong harapin ang mga ito at tanggapin ang mga ito. Huwag maapektuhan sa anumang paraan dahil sa mga ito. Tungkol naman sa kung kailan magbabago ang mga depekto at kapintasang ito, huwag mong alalahanin iyon. Tumuon ka lang sa pamumuhay at paggawa sa tungkulin mo nang normal sa ganitong paraan. Kailangan mo lang tandaan: Ang mga depekto at kapintasang ito ng pagkatao ay hindi mga negatibong bagay o mga tiwaling disposisyon. At hangga’t ang mga ito ay hindi mga tiwaling disposisyon, hindi makakaapekto ang mga ito sa paggampan mo ng iyong tungkulin o sa iyong pagsisikap na matamo ang katotohanan, at lalong hindi makakaapekto ang mga ito sa iyong pagtatamo ng kaligtasan; siyempre, ang mas mahalaga ay hindi makakaapekto ang mga ito sa kung paano ka tinitingnan ng Diyos. Hindi ba’t napapanatag ang isip mo dahil doon? (Oo.) Kung inaalala mo pa rin na mamaliitin ka ng ibang tao, problema iyan ng iyong mayabang na disposisyon, at dapat mong lutasin ang mayabang na disposisyong ito. Ito ang landas ng pagsasagawa para sa pagharap sa sarili mong mga depekto at kapintasan nang tama. Hindi ba’t ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay nagpapadali para sa iyo na bitiwan ang mga bagay na ito at hindi na mapigilan ng mga ito? (Oo.)
Ang normal bang paggampan sa tungkulin ng isang tao at ang mga depekto at kapintasan ng kanyang pagkatao ay magkakaroon ng epekto sa isa’t isa? (Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng Diyos, nauunawaan ko na ngayon na ang mga depekto at kapintasan ng pagkatao ay hindi mga tiwaling disposisyon, at na hindi makakaapekto ang mga ito sa normal na paggampan ng mga tao sa kanilang mga tungkulin. Hangga’t ginagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, makakakuha sila ng magagandang resulta. Tungkol naman sa mga depekto at kakulangan ng pagkatao, kung magagawa nating mapagtagumpayan ang mga ito, maaari nating gawin iyon. Kung hindi natin kayang mapagtagumpayan ang mga ito sa loob ng maiksing panahon, dapat nating hayaan ang mga ito na umiral, at magawang harapin nang tama ang mga ito.) Kung mababa ang antas ng pinag-aralan mo, pero kailangan mong gumamit ng kaalamang pang-akademiko sa iyong tungkulin, hindi ba’t isa itong uri ng kahinaan? (Oo.) Kaya paano malulutas ang ganitong paghihirap? (Maaari akong gumawa sa halip ng isang tungkulin na nababagay sa akin batay sa antas ng aking pinag-aralan. O kung nababagay sa akin ang tungkuling ito, pero nangangailangan ito ng partikular na antas ng akademikong kaalaman, maaari akong maghanap ng ilang kapatid na edukado para makipagtulungan sa akin—maaari naming gamitin ang mga kalakasan ng isa’t isa para punan ang aming mga kahinaan, at tuparin nang magkasama ang tungkuling ito.) Maaari bang punan ng katotohanan ang mababang antas ng edukasyon? (Oo, dahil kapag ang isang tao ay may katotohanan, kaya niyang makilatis ang mga bagay.) Ang edukasyon ay isang bagay na nasa antas ng kaalaman. Kahit gaano ka kamaalam, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, kapag nagsasalita o nagsusulat ka ng mga artikulo, magagawa mo lang gumamit ng tamang gramatika, hindi ka makakapagpaliwanag nang malinaw o makakapaglutas ng mga isyu na nauugnay sa katotohanan. Samakatwid, ang edukasyon ay hindi mahalaga; ang katotohanan ay mas mahalaga kaysa sa edukasyon. Siyempre, kung wala kang pundasyon ng edukasyon, at kung ang tungkuling ginagawa mo ay kinasasangkutan ng akademikong kaalaman, hindi ka magiging mahusay rito. Gayumpaman, kung nauunawaan mo ang katotohanan, maaari mong gabayan ang ibang tao—maaari kang magsagawa ng pagsusuri sa usapin ng mga katotohanang prinsipyo. Kung mababa ang antas ng edukasyon mo at wala kang abilidad na ipahayag ang iyong sarili, at gusto mong mangaral ng mga sermon o makipagbahaginan sa katotohanan, maaari kang maghanap ng isang edukadong tao para tulungan kang ayusin ang iyong mga burador. Kapag nagkagayon ay magiging madali para sa iyo na magkamit ng mga resulta kapag nakikipagbahaginan ka o nangangaral. Gayumpaman, kahit papaano, dapat mong maunawaan ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at hindi ka rin edukado, hindi mo magagawa ang mga tungkuling kinasasangkutan ng akademikong kaalaman, at dapat kang gumawa ng tungkulin na nababagay sa iyong antas ng pinag-aralan. Hindi ba’t nalulutas nito ang problema? (Oo.) Kaya, ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamahalagang bagay, sa alinmang perspektiba mo ito tingnan. Maaari mong iwasan ang mga depekto at pagkukulang ng pagkatao, ngunit hinding-hindi mo maaaring iwasan ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Kahit gaano pa kaperpekto o karangal ang iyong pagkatao, o maaari mang mas kaunti ang iyong mga kapintasan at depekto, at nagtataglay ka man ng mas maraming kalakasan kaysa sa ibang tao, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan, hindi rin nito mapapalitan ang iyong paghahangad sa katotohanan. Sa kabaligtaran, kung hahangarin mo ang katotohanan, kung marami kang nauunawaan sa katotohanan, at kung may sapat at praktikal kang pagkaunawa tungkol dito, mapupunan nito ang maraming depekto at problema sa iyong pagkatao. Halimbawa, sabihin nang ikaw ay mahiyain at introverted, nauutal ka, at hindi ka masyadong edukado—ibig sabihin, marami kang depekto at kakulangan—pero mayroon kang praktikal na karanasan, at bagama’t nauutal ka kapag nagsasalita, malinaw mong naibabahagi ang katotohanan, at ang pakikipagbahaginang ito ay nakakapagpatibay sa lahat kapag naririnig nila ito, naglulutas ng mga problema, nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makaahon mula sa pagkanegatibo, at pumapawi sa kanilang mga reklamo at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kita mo, bagama’t nauutal ka sa iyong mga salita, nakalulutas ng mga problema ang mga ito—napakahalaga ng mga salitang ito! Kapag naririnig ng mga karaniwang tao ang mga ito, sinasabi nila na isa kang taong walang pinag-aralan, at hindi ka sumusunod sa mga tuntunin ng gramatika kapag nagsasalita ka, at kung minsan ay hindi rin talaga naaangkop ang mga salitang ginagamit mo. Maaaring gumagamit ka ng wika na pangrehiyon, o ng pang araw-araw na wika, at na ang iyong mga salita ay walang pagkapino at istilo na kagaya sa mga taong may mataas na pinag-aralan na napakahusay magsalita. Gayumpaman, ang iyong pakikipagbahaginan ay nagtataglay ng katotohanang realidad, kaya nitong malutas ang mga paghihirap ng mga tao, at pagkatapos itong marinig ng mga tao, naglalaho ang lahat ng madidilim na ulap sa paligid nila, at nalulutas ang lahat ng problema nila. Kita mo, hindi ba’t mahalaga ang pagkaunawa sa katotohanan? (Oo.) Sabihin nang hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at kahit na mayroon kang kaunting akademikong kaalaman at mahusay kang magsalita, kapag naririnig ka ng lahat na magsalita, iniisip nila, “Mga doktrina lang ang mga salita mo, walang kahit katiting na katotohanang realidad sa mga ito, at hindi nakapaglulutas ang mga ito ng mga tunay na problema kahit kaunti, kaya’t hindi ba’t pawang hungkag ang mga salita mong ito? Hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Hindi ba’t isa ka lamang Pariseo?” Bagama’t nagsasalita ka ng maraming doktrina, nananatiling hindi nalulutas ang mga problema, at iniisip mo, “Nagsasalita ako nang napakasinsero at napakataimtim. Bakit hindi ninyo naunawaan ang sinabi ko?” Puro doktrina ang sinabi mo, pero ang mga negatibo ay nanatiling negatibo, at ang mga may maling pagkaunawa tungkol sa Diyos ay mayroon pa ring ganoong mga maling pagkaunawa, at wala sa mga paghihirap na umiiral sa kanilang paggampan ng kanilang mga tungkulin ang nalutas—nangangahulugan ito na ang mga salitang sinabi mo ay puro satsat lang. Kahit gaano karaming mga depekto at kapintasan mayroon sa iyong pagkatao, kung ang mga salitang sinasabi mo ay naglalaman ng katotohanang realidad, ang iyong pakikipagbaginan ay kayang maglutas ng mga problema; kung ang mga salitang sinasabi mo ay mga doktrina, at ang mga ito ay wala ni kaunting praktikal na kaalaman, kahit gaano ka magsalita, hindi mo magagawang lutasin ang mga tunay na problema ng mga tao. Paano ka man tinitingnan ng mga tao, hangga’t ang mga bagay na sinasabi mo ay hindi naaayon sa katotohanan, at hindi kayang matugunan ng mga ito ang mga kalagayan ng mga tao, o malutas ang mga paghihirap ng mga tao, hindi gugustuhin ng mga tao na makinig sa mga ito. Kaya, alin ang mas mahalaga: ang katotohanan o ang sariling mga kondisyon ng mga tao? (Ang katotohanan ay mas mahalaga.) Ang pagsisikap na matamo ang katotohanan at ang pag-unawa sa katotohanan ang mga pinakamahalagang bagay. Kaya, anumang mga depekto mayroon ka sa usapin ng iyong pagkatao o sa iyong mga likas na kondisyon, hindi ka dapat magpapigil sa mga ito. Sa halip, dapat mong sikaping matamo ang katotohanan, at bumawi sa iyong iba’t ibang depekto sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan, at kung makakatuklas ka ng ilang pagkukulang sa iyong sarili, dapat magmadali kang itama ang mga ito. Ang ilang tao ay hindi tumutuon sa pagsisikap na matamo ang katotohanan, at sa halip ay palagi silang tumutuon sa paglutas sa mga paghihirap, kapintasan, at depekto sa kanilang pagkatao, at pagtutuwid sa mga problema sa kanilang pagkatao, at lumalabas na gumugugol sila ng ilang taong pagsisikap nang hindi nakakakuha ng malilinaw na resulta, at dahil dito ay nadidismaya sila sa sarili nila, at iniisip nila na masyadong mababa ang kanilang pagkatao at na hindi na sila matutubos. Hindi ba’t labis na kahangalan ito?
Ang ilang tao ay mukhang malumanay, mapagparaya, at matiisin; pino ang kanilang pananalita at isinasakatuparan nila ang gawain nang kasingbilis at kasingsigla ng isang kidlat at nang may maawtoridad na presensiya. Tila napakaperpekto ng kanilang pagkatao, at mayroon silang pamantayang tindig ng isang lider. Gayumpaman, wala silang nauunawaang anumang katotohanan, sinusubukan nilang gumamit ng mga doktrina para lutasin ang lahat ng uri ng problema, at hindi nila kayang gumawa ng anumang makabuluhang gawain o magpatupad ng mga pagsasaayos ng gawain. Hindi ba’t wala silang silbi? Ang mga ito ay mga tipikal na Pariseo. Sa panlabas, ang mga Pariseo ay napakaganda ng pananamit, may dignidad, at maganda ang tindig; sila ay edukado, maalam sa etiketa, magalang, mapagmahal, mapagparaya, at mapagpasensiya. Ang kanilang asal ay labis na wasto, at nakikipag-usap sila sa iba nang partikular na may pagkamalumanay, kababaang-loob, at pagkamapagkumbaba. Hindi ka makakakita ng anumang hindi perpekto, mga kapintasan, o mga depekto sa kanila. Batay sa kanilang pagkatao, tila labis silang maaasahan, may kabatiran, pino, at elegante, tulad lang ng mga edukado at eleganteng lalaki na binabanggit ng mga Tsino. Mukhang perpekto ang kanilang pagkatao, at sa panlabas, walang makikitang kapintasan sa kanila, pero nauunawaan ba nila ang mga layunin ng Diyos? Nauunawaan ba nila ang mga prinsipyo para sa paggawa ng lahat ng uri ng bagay? Kaya ng mga taong ito na magsalita nang ilang oras sa bawat pagtitipon, at ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay nagpapatirapa sa paghanga, iniisip na ang mga ito ay nagsasalita nang napakahusay, at ipinapahayag ang sarili ng mga ito sa isang napakalinaw at napakalohikal na paraan. Pero ang mga nakakaunawa sa katotohanan, pagkatapos makinig sa mga indibidwal na ito, ay alam na pawang doktrina ang sinasabi ng mga ito, at na hindi nito nalulutas ang mga aktuwal na paghihirap ng mga tao sa pamamagitan ng pagpuntirya sa kanilang mga problema. Binabalewala ng mga indibidwal na ito kung ano ang mga tunay na paghihirap ng mga tao, at alam lang nila kung paano mangaral ng mga hungkag na doktrina at walang katapusan silang nagsasalita tungkol sa mga teorya na matayog at hungkag. Pagkatapos magsalita, natutuwa pa nga sila nang labis sa kanilang sarili, iniisip na nauunawaan nila ang katotohanan at nagtataglay sila ng katotohanang realidad. Sa katunayan, ang hinahangad lang nila ay ang pagtakpan ang panlabas na hitsura ng kanilang pagkatao para magmukha itong perpekto at elegante, ginagawa itong mukhang matayog at enggrande. Gayumpaman, hindi nagbago kahit kaunti ang kanilang diwa at mga tiwaling disposisyon na lumalaban sa Diyos. Ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, ang kanilang paghihimagsik sa kanya, ang kanilang mga maling pagkaunawa, pagiging mapagbantay, at mga paghihinala tungkol sa Diyos, at lalo na ang kanilang mga hindi makatwirang hinihingi at mga labis-labis na pagnanais tungkol sa Diyos ay ganap na pumupuno sa kanilang isipan. Hindi nila sinisikap na matamo ang katotohanan kahit kaunti, ni hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Kaya, ang ilarawan ang kanilang pagkatao bilang “perpekto” ay paggamit ng “perpekto” sa isang mapangkutyang paraan, dahil walang pagkatao ang perpekto; ang kanilang pagiging “perpekto” ay pawang palabas lang at isang balatkayo. Ang pagkatao na walang mga depekto ay hindi umiiral; isa itong panlabas na anyo, huwag paniwalaan ang mga ito. Kapag mas mukhang perpekto ang isang tao sa panlabas, maslalo ka dapat maging mapagbantay laban sa kanya, obserbahan siya, at kilatisin siya. Paano mo siya kikilatisin? Mas makisalamuha sa kanya, mas makipag-usap sa kanya, at tingnan mo kung nauunawaan niya ang kanyang sarili. Ipagpalagay nang sinasabi niya, “Isa akong diyablo, akong Satanas, nilalabanan ko ang Diyos, tiwali ako! Isa akong makasalanan, isang labis na makasalanan, hindi nalulugod sa akin ang Diyos, namumuhi sa akin ang Diyos!” o, “Ako ay bulag at hangal, mahirap at kaawa-awa! Ako ay marumi, at hindi ako malinis!” Mayroon bang anumang aktuwal na katunayan sa mga salitang ito? Mayroon bang anumang makabuluhang pagkaunawa? (Wala.) Wala silang anumang pagkaunawa sa sarili nilang mga tiwaling disposisyon; ni hindi nila kinikilala ang katunayan na mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Natututo lang silang magsalita ng ilang hungkag na salita at ilang teorya. Ang mga hungkag na salita at teoryang ito ay hindi mga pagkaunawa na nagmumula mula sa kanilang naramdaman o naranasan sa kaibuturan ng kanilang puso; ang mga ito ay mga salita lang na magandang pakinggan, ang mga ito ay pawang panlabas na anyo na ipiniprisinta nila. Kung pagkatapos ay hihilingin mo sa kanila na talakayin ang sarili nilang mga karanasan, kung paano nila naunawaan ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, at kung anong pagpupungos ang naranasan nila at alin sa mga salita ng Diyos ang binasa nila pagkatapos para lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, umaakto sila na parang hindi ka nila narinig, at muli ay nagsasalita sila ng kung ano-anong walang kuwentang salita: “Mahina ang kakayahan ko, ipinanganak akong makasalanan, isa akong mababang taong ipinanganak sa dumi, hindi ako karapat-dapat sa pagliligtas ng Diyos! Mayroon akong mga tiwaling disposisyon, at hindi ko nagagawang magpatotoo sa Diyos kung nasaan man ako; gusto ko lang ang pagkakaroon ng katayuan.” Kung tatanungin mo kung paano nila sinubukang lutasin ito, bibigyan ka pa rin nila ng sagot na walang kaugnayan: “Ang mga tao ay hindi dapat magkaroon ng katayuan; sa sandaling magkaroon ng katayuan ang mga tao, katapusan na nila. Ang paghahangad ng katayuan ay isang labis-labis na pagnanais. Subukan mo na lang na maging ang pinakahindi importanteng tao, at saan ka man magpunta, umupo ka sa pinakamababang bangkito, umupo ka sa pinakahindi kapansin-pansing lugar. Ang mga tao ay dapat na maging mapagkumbaba; ito ay tinatawag na pagiging mapagkumbaba.” Sumailalim ba sila sa anumang makabuluhang pagbabago? Nagkaroon ba sila ng anumang mga tunay na karanasan? (Hindi.) Hindi nangyari ang alinman sa mga bagay na ito. Mayroon ba silang anumang pagkaunawa sa sarili nilang mga tiwaling disposisyon? (Wala.) Wala silang pagkaunawa sa mga ito. Kaya, tinatanggap ba nila ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Ang mga taong hindi kumikilala na mayroon silang mga tiwaling disposisyon ay hindi kailanman tumatanggap sa katotohanan. Kung tinatanggap man nila ang katotohanan, ikukumpara nila ang bawat salita at kilos nila at ang kanilang mga pagbubunyag ng katiwalian sa mga salita ng Diyos. Kapag nagbunyag sila ng katiwalian, magninilay sila sa kanilang sarili, itatanong nila sa kanilang sarili, sa ganito-at-ganoong konteksto, kung bakit sila nagbunyag ng katiwalian, at kung ano ang iniisip nila at kung ano ang namamahala sa kanila noong oras na iyon. Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos at mga pagkukumpara, matutuklasan nila na ito ay isang tiwaling disposisyon, at na hindi sila kasingpinabanal o kasingdalisay gaya ng nasa imahinasyon nila, na lumalabas na sila rin ay nagtataglay ng pagiging mapanlinlang, mga makasariling intensyon, mga ambisyon, at mga pagnanais, at na sadyang sila ay hindi mga taong nagtataglay ng katotohanang realidad. Nagkaroon ba sila ng mga gayong karanasan? Hindi. Nakapagsabi sila ng maraming salita, pero walang kahit isang katunayan na nagpapatunay na kinikilala nila na mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Napakaraming taon na nilang nananampalataya sa Diyos, pero wala silang anumang karanasan sa katotohanan. Nagsasalita lang sila ng mga doktrina, pinagbubulay-bulayan lang kung paano gagawa ng panlabas na anyo at palalamutian ang kanilang sarili para pagtakpan ang mga kapintasan at depekto ng kanilang pagkatao. Pinalalamutian nila ang kanilang sarili ng mga panlabas na ugali, mga kilos, mga ekspresyon ng mukha, tindig, at asal ng huwad na espirituwalidad, habang ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay mahigpit at madiing pinapanatili, at mahigpit na nakabulumbon sa loob nila. Hindi nila tinatanggap kahit kaunti ang anuman sa iba’t ibang isyu o pahayag na inilalantad ng Diyos tungkol sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, ni hindi nila itinatala ang mga ito o isinasapuso ang mga ito; pinagsisikapan lang nila ang panlabas na hitsura ng kanilang pagkatao. Pagkatapos, kung hihilingin mo sa kanila na talakayin ang kanilang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, kung mayroon man silang anumang tunay na pagkaunawa o pagpapahalaga sa Kanyang mga salita ng pagkastigo at paghusga, sa Kanyang mga salita na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, o sa Kanyang mga salita sa disposisyon ng Diyos, iniiwasan nila ang mga praktikal na paksang ito at muli silang naglilitanya ng napakaraming espirituwal na teorya: “Ang Diyos ang Lumikha, ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos! Ang Diyos ay karapat-dapat na purihin at dakilain, ang Diyos ay katangi-tangi, pinakamataas ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos!” Sinasabi ng mga tao, “Kung gayon ay talakayin mo ang sarili mong karanasan. Sa anong usapin mo nakita ang disposisyon ng Diyos at ang pagiging banal ng Diyos?” Sumasagot sila, “Ang Diyos ay labis na dakila, ang tao ay labis na hindi mahalaga, hindi karapat-dapat ang tao! Sa mga mata ng Diyos, ang tao ay mas mababa maging kaysa sa mga langgam sa lupa. Itinataas ng Diyos ang tao!” Mayroon bang silang anumang ganitong uri ng pagkaunawa? (Wala.) Wala silang anumang ganitong uri ng pagkaunawa. Anong uri ng tao ito? (Isang mapagpaimbabaw na Pariseo.) Isa itong mapagpaimbabaw na Pariseo. Hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti; ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay mga islogan at doktrina lang sa kanyang mga mata. Madalas nga siyang nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagsusulat ng mga espirituwal na tala ng debosyon, at dumadalo sa mga pagtitipon at nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos—ginagawa niya ang lahat ng prosesong ito nang walang napapalampas na kahit isa o nang walang nakakaligtaan. Kaya, ano ang naunawaan niya mula sa pagbabasa ng mga salitang ito ng Diyos? Ano ang nakamit niya? Hindi niya binabasa ang mga salita ng Diyos para maunawaan ang katotohanan, lalong hindi para ikumpara ang mga salita ng Diyos sa sarili niyang mga tiwaling disposisyon, sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, o sa kanyang baluktot na mga kaisipan at pananaw, para malutas niya ang mga problema niya, at magkaroon ng landas na susundan sa kanyang pagsasagawa. Nagbabasa siya ng mga salita ng Diyos para sangkapan ang kanyang sarili ng mga doktrina para makapangaral at makapagturo sa iba ng mga leksiyon sa mga pagtitipon. Iba-iba ang sinasabi niya sa bawat pagkakataon, at kaya niyang tuloy-tuloy na magsalita sa loob ng mahabang oras, pumipili ng iba’t ibang salita ng Diyos na ibabahagi sa iba’t ibang tao, nilalayong idulot na pahalagahan at sambahin siya ng iba. Ang ilang tao ay partikular na sanay sa pagbabalatkayo ng kanilang sarili—gaano sila kamuhi-muhi? Kapag nakikinig sila sa mga salitang sinabi Ko at nakikita nilang kapaki-pakinabang ang mga ito, kinakabisado nila ang mga ito, at pagkatapos ay naghahanap sila ng mga pagkakataon para magpakitang-gilas sa mga pagtitipon. Sa partikular, kapag sila ay nasa mga grupo ng mga bagong mananampalataya—mga taong hindi pa nakarinig ng maraming sermon, at hindi kayang tandaan ang mga salita ng Diyos kahit na may kaunti na silang nabasa—sinasamantala nila ang pagkakataong ito at nagsisimula silang magpakitang-gilas at magpasikat sa gitna ng mga baguhang iyon. Pagkatapos makinig sa kanila, iniisip ng lahat, “Ang taong ito ay binigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, siya ay espirituwal.” Ang paggamit ng gayong mga pamamaraan para magpasikat upang makuha ang pagpapahalaga at pagsamba ng iba—hindi ba’t kamuhi-muhi ito? Hindi ba’t panlilihis ito sa mga tao? (Oo.) Ito ay panlilihis sa mga tao.
Kung sa buong buhay mo, hinahanap mo ang mga katotohanang prinsipyo at hinahanap ang mga salita ng Diyos bilang batayan para lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon at ang mga bagay sa iyo na hindi tugma sa katotohanan, sa huli ay tiyak na ikaw ay magiging isang taong nagtatamo ng kaligtasan. Pero ipagpalagay nang sa buong buhay mo, itinutuon mo ang mga pagsisikap mo at naghahanap ka ng mga landas para sa paglutas sa mga kapintasan at depekto ng iyong pagkatao, gumagawa ng lahat ng uri ng paraan para mawala ang anumang mga kapintasan at depekto mo, para ikaw ay maging isang taong naiiba sa lahat, perpekto, at walang kapitasan. Sinasabi pa nga ng ilang tao, “Gusto kong maging isang dalisay na tao, isang matayog at enggrandeng tao, isang taong nahihigitan ang lahat ng normal na pagkatao.” Hayaan mong sabihin Ko sa iyo: Sa paggawa nito, ikaw ay nabigo! Anumang kapintasan o depekto ng pagkatao mo ang sinusubukan mong lutasin, wala itong kinalaman sa iyong kaligtasan, dahil hindi mo sinisikap na matamo ang katotohanan para lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon. Kung malulutas mo nga ang mga depekto at kapintasan ng iyong pagkatao, sa pinakamainam ay nangangahulugan lang ito na walang mga kapintasan ng pagkatao ang makikita sa iyo mula sa panlabas, at na mukha kang perpekto at pino sa panlabas. Kalimutan na ang katunayan na ang mga kapintasan at depekto ng iyong pagkatao ay imposibleng mabago sa pundamental; kahit na mabago ang mga ito, ang iyong mas malalaking kapintasan at depekto—ang iyong mga tiwaling disposisyon—ay natatago pa rin sa loob mo! Habang mas gumagawa ka ng panlabas na anyo at naghahangad ng isang perpektong pagkatao na walang anumang mga depekto, mas malalim at mas mahigpit kang itatali at igagapos ng iyong mga tiwaling disposisyon, ginagawa kang mas mayabang, mapanlinlang, buktot, at matigas ang kalooban. At ano ang kahihinatnan nito? Dahil dito ay lalo kang napapalayo sa katotohanan at mula sa landas ng pagsisikap na matamo ang katotohanan. Sa huli, ikaw ay matitiwalag, at magiging katapusan mo na. Imposibleng gagawin kang eksepsiyon ng Diyos at ililigtas ka dahil lang perpekto ka sa panlabas o mukha kang dalisay na tao. Sa kabaligtaran, kapag mas naghahangad ka ng isang perpektong pagkatao na walang anumang mga depekto, mas lalo kang kamumuhian ng Diyos at hindi siya gagawa sa iyo. Gayumpaman, ang ilang tao ay madalas na nakakaramdam ng pagsisisi at kalungkutan dahil nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon. Habang nakakaramdam ng pagsisisi, nagkakaroon sila ng determinasyon na sikaping matamo ang katotohanan, nagagawa nilang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga para makamit ang katotohanan, nagpupursigi sila sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw, at nagdarasal sa Diyos at naghahanap sa katotohanan sa lahat ng usapin. Sa ganitong paraan, lalong nagiging malinaw sa kanila ang tungkol sa katotohanan, unti-unting nagkakamit ng ilang pagpasok, pakinabang, at aktuwal na pamumuhay sa lahat ng aspekto ng katotohanan. Sa huli, kapag nahaharap sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, mayroon silang mga nauugnay na mga katotohanang prinsipyo na isasagawa at gagamitin para magsuri. Pagkatapos ng maraming taon ng karanasan, sa pamamagitan ng pagkastigo at paghusga ng Diyos, pagpupungos, at sa pamamagitan din ng halagang ibinayad nila sa pagsisikap na matamo ang katotohanan, unti-unti nilang tinataglay ang katotohanan bilang buhay nila sa kalooban nila. Lalong lumalaki ang pag-asa nilang maligtas, at lalong lumiliit ang posibilidad na maghimagsik sila laban sa Diyos at magkanulo sa Diyos. Bagama’t halos hindi nagbabago ang mga depekto at kapintasan ng kanilang pagkatao at ang mga likas nilang kondisyon, tuloy-tuloy na humuhupa ang kanilang mga tiwaling disposisyon, mas madalang na silang lumalaban at naghihimagsik laban sa Diyos, mas nagugustuhan sila ng Diyos, mas nakakapagpatibay sila sa iba, at nagiging mas angkop sila para sa paggamit. Kung ang ganitong mga tao ay magpapatuloy sa ganitong landas, tiyak na sila ang mga magtatamo ng kaligtasan; ang mga ito ang nilalayong iligtas ng gawain ng Diyos. Pagmasdan ang mga tao sa paligid ninyo. Tingnan kung sino ang palaging nagpupursigi na pagsikapan ang mga hitsura, ang mga depekto, kapintasan, at kahinaan ng kanilang pagkatao, ginagawa ang pinakamakakaya nila para pagtakpan ang sarili nila at magbalatkayo para makamit ang pagpapahalaga, paghanga, at pagsamba ng iba, at para magkaroon ng katayuan sa puso ng mga tao—ang ganitong uri ng mga tao ay mga Pariseo. Ang mga Pariseo ay may iisa lang na pinal na resulta: ang mamatay kasama ang daga. Kaya sinasabi Ko na katapusan na ng ganitong uri ng mga tao at matitiwalag sila.
Mula umpisa hanggang swakas, ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi para baguhin ang mga depekto at kapintasan sa pagkatao ng mga tao, ito ay ang ipanumbalik lang ang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Ang gustong baguhin ng Diyos ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Siyempre, madalas ding binabanggit ng Diyos ang pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao at sa gayon ay pagbibigay-kakayahan sa mga ito na magtamo ng kaligtasan. Kaya, sa anong pundasyon itinatayo ang pagpapanumbalik sa normal na pagkatao? Itinatayo ito sa pundasyon ng pagwawaksi ng mga tao sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang unti-unting panunumbalik ng normal na pagkatao ng mga tao ay nangangahulugan na ang kanilang konsensiya ay nagkakamit ng damdamin, nagiging mas normal ang kanilang katwiran, at nagagawa nilang gumawa ng mga tamang bagay at magsabi ng mga tamang salita mula sa perspektiba ng normal na pagkatao; hindi sila nagdudulot ng mga paggambala o panggugulo, ang kanilang pananalita at mga kilos ay hindi pabugso-bugso, bulag, o mainitin ang ulo, kundi ganap na batay sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos, partikular na normal ang kanilang katwiran, at ang kanilang pagkatao ay partikular na matuwid at mabait. Kaya, sa anong batayan maaaring makamit ang mga bagay na ito, at maaaring maabot ang ganitong antas ng pagpapanumbalik? Nakakamit io sa batayan ng pagbabago ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa pagwawaksi ng mga tao ng kanilang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan at pagtanggap sa paghusga at pagkastigo ng Diyos. Gayumpaman, kung ang iyong mga tiwaling disposisyon ay hindi nababago o hindi nawawaksi, kahit na ang iyong pagkatao ay medyo mabuti at nagtataglay ka ng kaunting konsensiya at katwiran, kung wala ang katotohanan bilang ang buhay mo, hindi puwedeng mamahala ang iyong konsensiya at katwiran, at madalas ka pa ring maiimpluwensiyahan, mauudyukan, at masusulsulan ng iyong mga tiwaling disposisyon na gumawa ng mga bagay na salungat sa iyong konsensiya at katwiran. Samakatwid, kahit na nagtataglay ka ng kaunting pagpapahalaga sa katarungan, isa lang itong uri ng kahilingan at determinasyon. Mayroon ka lang kaunting mabait na pagkatao, pero dahil ang iyong mga tiwaling disposisyon ay ang buhay mo at ang kumokontrol sa iyo mula sa loob, ang kaya mo lang makamit ay ang hindi paggawa ng kasamaan at hindi pagkukusa na dayain at pinsalain ang iba, na mahusay naman na. Sa madaling salita, kaya mo lang tiyakin na hindi ka gagawa ng kasamaan kapag hindi naaapektuhan ang sarili mong mga personal na interest, at sa sandaling maapektuhan ang iyong mga personal na interest, lilitaw ang iyong mga tiwaling disposisyon para supilin ang iyong konsensiya at katwiran, dahil dito ay ipinagtatanggol mo ang sarili mong mga interes at karapatan, at kaya magiging napakahirap para sa iyo na hayaang mamuno ang konsensiya at katwiran. Bakit ganoon? Ito ay dahil ang katotohanan ay hindi ang iyong buhay; sa halip, ang mga tiwaling disposisyon ni Satanas ang iyong buhay. Samakatwid, maaari ka lang magbunyag ng kaunting konsensiya at katwiran ng pagkatao mo kapag ang iyong mga interes ay hindi napipinsala. Sa sandaling mapinsala o manganib ang iyong mga interes, agad na lilitaw ang mga tiwaling disposisyon mo para supilin ang konsensiya at katwiran mo, dahil dito ay gumagawa ka ng mga bagay na salungat sa konsensiya at katwiran—ibig sabihin, mga bagay na salungat sa moralidad at moral na hustisya—at maaari pa ngang magkaroon ka ng kapabilidad na gumawa ng anumang bagay. Siyempre, masasabi na ang lahat ng kilos na ito ay salungat sa katotohanan; hindi ito maiiwasan. Samakatwid, ang isinasabuhay ng isang tao ay hindi nakasalalay sa mga kondisyon ng kanyang pagkatao, bagkus ay sa kung ano ang kanyang panloob na buhay diwa. Kung tunay na mayroon siya ng katotohanan bilang kanyang buhay, ang kanyang buhay ay naglalaman ng katotohanan, ng mga salita ng Diyos, at ng paraan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kung gayon, ang kanyang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao ay mananatili sa isang maayos na kalagayan at magagawang gumana, binibigyang-kakayahan siya na isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga prinsipyo. Gayumpaman, kung ang buhay diwa ng isang tao ay ang kanyang mga tiwaling disposisyon, ang kanyang konsensiya at katwiran ay napapababa sa pinakamababang pamantayan, ibig sabihin, hindi lang siya bumabagsak sa baba ng pinakamababang hangganan ng pagkatao. Ano ang pinakamababang hangganang ito? “Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako; kung inatake ako, siguradong gaganti ako ng atake”; “Ngipin sa ngipin, mata sa mata”; “Igigisa ang iba sa sarili nilang mantika.” Ano pa? “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo.” Ito ang pinakamababang hangganan sa kung paano umaasal ang maraming walang pananampalataya. Para sa isang walang pananampalataya, ang magawang magsagawa sa ganitong paraan ay mahusay na. Ano ang naunawaan ninyo mula rito? Kung hindi mo sinisikap na matamo ang katotohanan, hindi mawawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, hindi magbabago ang iyong buhay diwa, at kung hindi magbabago ang iyong buhay diwa, ang iyong konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao ay hindi mapapanumbalik sa diwa, at sa anyo ay hindi lang babagsak sa ilalim ng pinakamababang hangganan ng pagkatao. Gayumpaman, kung naiwaksi ang mga tiwaling disposisyon mo at nagbago ang diwa ng iyong buhay, sa isang partikular na antas, ang konsensiya at katwiran ng iyong normal na pagkatao ay mapapabuti at maitataas. Ano ang tinutukoy rito ng “mapapabuti” at “maitataas”? Nangangahulugan ito na ang iyong konsensiya at katwiran ay gumagana nang normal—hindi ito ang kaso na hindi lang mapupunta ang mga ito sa pinakamababang hangganan, sa halip ay naaabot ng mga ito ang pamantayan ng pagsasagawa sa katotohanan. Ang mga diumano’y mabubuting tao sa gitna ng mga walang pananampalataya ay nagpapakita lang ng kaunting konsensiya at katwiran hindi gumagawa ng halatang masasamang gawa, at hindi lumalagpas sa pinakamababang hangganan ng moral na hustisya. Mahusay na ito; maaari silang makonsidera bilang napakabubuting tao. Gayumpaman, ang mga tao na may katotohanan bilang kanilang buhay ay lumalagpas dito; may abilidad silang makilatis ang tama mula sa mali, at kaya nilang tukuyin ang iba’t ibang uri ng tama at mali, at tukuyin ang iba’t ibang uri ng tao. Kaya ano ang batayan nila? Ito ay ang mga katotohanang prinsipyo. Taglay nila ang mga katotohanang prinsipyo—hindi ba’t labis na mas mataas ito kaysa sa pamamatayan ng konsensiya at katwiran? (Oo.) Dahil nauunawaan nila ang katotohanan at mayroon silang katotohanan bilang kanilang buhay, at ang batayan ng kanilang pagtukoy sa iba’t ibang usapin ay labis na mas mataas kaysa sa pamamatayan ng mga ordinaryong tiwaling tao, magpupursigi sila sa pagkilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo kapag nahaharap sa mga komplikadong usapin. Pagkatapos maarok ang mga katotohanang prinsipyo, hindi magiging magulo ang isip nila at ang pag-iisip nila ay magiging malinaw. Ano ang ibig sabihin ng malinaw? Ang ibig sabihin nito ay makatwiran. Gaano man kakomplikado ang mga usaping nakakaharap nila, nakatatatak sa puso nila ang mga katotohanang prinsipyo para sa paggagawa; tumpak at lubusan nilang naaarok ang katotohanan, at naging buhay na nila ito. Sa harap ng lahat ng uri ng mga komplikadong tao, pangyayari, at bagay, mayroon silang batayang pamantayan, iyon ay na sumunod sa mga katotohanang prinsipyo. Binibigyang-kakayahan sila ng mga katotohanang prinsipyong ito na makilatis ang diwa ng iba’t ibang komplikadong bagay at kung ano ang realidad ng isyu; kaya nilang matukoy ang mga bagay na ito. Ito ang kanilang pagkamakatwiran. Hindi ba’t ang pagkamakatwirang ito ay mas mataas kaysa sa mga ordinaryong tao? (Oo.) Pagkatapos maabot ang antas na ito, hindi ba’t nataas at napabuti na ang kanilang pagkamakatwiran? (Oo.) Ang ganitong uri ng normal na pagkatao ang gusto ng Diyos; ayaw ng Diyos sa mga taong magulo ang isip. Sinasabi ng ilang tao, “Ako ay taong totoo at matatakutin, at palagi akong inaapi,” habang sinasabi ng iba, “Napakahina ng kakayahan ko, at wala akong anumang abilidad o talento.” Sinasabi ng Diyos na hindi malaga ang mga bagay na ito, at na ang mahalaga ay kung nauunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo. Kung nauunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo, at ikaw ay nagsasalita at kumikilos ayon sa mga pamantayan at prinsipyo ng pagiging isang matapat na tao, kahit na kutyain ka ng mga walang pananampalataya bilang hangal, hindi ito tunay na kahangalan. Bakit? Ito ay dahil sa sandaling maunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo, nagiging mahusay at mabuti ang katwiran mo, mas mataas kaysa sa mga ordinaryong tao. Kapag nakakaharap mo ang anumang usapin, hindi ka naguguluhan; mayroon ka ng mga tamang prinsipyo, paninindigan, at layon bilang batayan sa pangangasiwa rito. Maliwanag ang isipan mo at malinaw ang mga kaisipan mo. Kumikilos ka, nagsisikap na maabot ang mga prinsipyo at pamantayang iyon, at tiyak na hindi ka sumasalungat sa mga layunin ng Diyos; tiyak na kumikilos ka nang naaayon sa Kanyang mga layunin. Pagkatapos mong mapangasiwaan ang usapin, nakilatis man ito ng mga tao noong oras na iyon, kapag lumipas na ang sapat na panahon at nauunawaan na ng mga tao, lahat sila ay lubusang makukumbinsi, at malalaman nila na lubos na kapaki-pakinabang ang naging pangangasiwa mo rito. Kaya, ano ang ugat na dahilan ng pagkakamit ng gayong epekto? Ito ay na mayroon ka ng katotohanan bilang iyong buhay. Saka ka lang mabibigyang-kakayahan ng iyong pagkamakatwiran na magkaroon ng tumpak na mga paghusga, tumpak na mga paglalarawan, at tumpak na mga kongklusyon tungkol sa sinuman at anuman, pati na ng mga tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa, at siyempre, mga tumpak na prinsipyo para sa pagtulong at paggabay sa mga tao. Hindi ba’t kung gayon ay naitaas at napabuti ang iyong pagkamakatwiran? Saan nakukuha ng normal na pagkatao ang gayong pagkamakatwiran? (Sa katotohanan.) Ang mga tao na mayroong katotohanan bilang kanilang buhay ay ang sangkatauhang gusto ng Diyos. Marahil ikaw ay hangal, totoo, matatakutin, at hindi mahusay, marahi ay hindi ka popular at inaapi ka ng mga tao sa mundo, pero hindi mahalaga ang anuman sa mga ito; hindi ito ang tinitingnan ng Diyos. Marahil ay napakahusay ng kapabilidad mo sa mundo, partikular kang sanay sa pagbabasa ng mga tao, pagkilatis ng mga kalakaran, at pagsabay sa agos, pero wala rin itong silbi; hindi ito katumbas ng pagiging mahusay ng iyong pagkamakatwiran. Kapag tinanggap mo na ang katotohanan, naunawaan ang katotohanan, at naarok, naisagawa, at nagkamit ng karanasan sa lahat ng katotohanan, at ang katotohanan ang naging buhay mo, saka lang magiging tumpak ang iyong pagtukoy, paghusga, at paggawa ng desisyon tungkol sa iba’t ibang usapin.
Tungkol sa konsensiya—ano ang sinabi natin dati na tinutukoy nito? Ito ang pagpapahalaga sa katarungan at kabaitan ng normal na sangkatauhan. Ang isang tao ay dapat na matuwid at mabait para masabing may konsensiya. Kaya, paano mapapabuti at maitataas ang pagiging matuwid at mabait ng normal na pagkatao pagkatapos manampalataya ng isang tao sa Diyos? Dapat itong itayo sa pundasyon ng pagkaunawa sa katotohanan. Ibig sabihin, pagkatapos maunawaan ng isang tao ang katotohanan, ang pamantayan ng kanyang pag-asal at pagkilos ay magiging isang positibong layon, na magkakaroon ng positibong epekto, halaga, at importansiya para sa kanilang sarili at para sa lahat. Kapag nauunawaan na niya ang katotohanan, titingnan at pangangasiwaan niya ang lahat ng bagay batay sa mga katotohanang prinsipyong itinuro ng Diyos. Sa paningin ng iba, ang gayong tao ay napakamatuwid. Ano ang ibig sabihin ng pagiging matuwid. Ang pagiging matuwid ay nangangahulugan ng hindi pagkiling sa kaliwa o sa kanan, hindi pagkiling sa pagkamainitin ng ulo, sa mga damdamin, sa mga pribadong interes o sa mga ugnayan, o sa mga personal na intensyon, kundi sa halip ay pagsasagawa patungo sa pinakatama, pinakawastong layon, na siyang pinakakarapat-dapat sa pagrespeto, paghanga, at labis na pagpapahalaga ng mga tao—o, maaaring sabihin, ang pagsasagawa patungo sa isang layon na nakikita ng Diyos bilang mabuti at sinasang-ayunan Niya. Hindi ba’t superyor ito sa pagiging matuwid gaya ng tingin ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng pagiging matuwid na ito? Ganap itong naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, ganap na batay sa mga salita ng Diyos, at itinayo sa pundasyon ng konsensiya. Kapag nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, nagtataglay siya ng mga paraan at prinsipyo para lutasin ang mga problema at pangasiwaan ang mga usapin, kaya hindi ba’t napakapperpekto ng konsensiya ng taong ito? Hindi ba’t napabuti ito? (Oo.) Kung gayon, hindi ba’t ang isang tunay na tao, ang isang tunay na nilikha, ay dapat magtaglay ng gayong konsensiya? Hindi ba’t dapat siyang magtaglay ng pagiging matuwid sa ganitong aspekto? (Oo.) Ang isang tunay na tao ay dapat magtaglay ng pagiging matuwid sa aspektong naaayon sa katotohanan, sa halip na kung ano ang sinasabi ng mga tao—pagiging matatag na matuwid at walang kinikilang kinikilingan, bukas at tuwirn, o “ang isang tunay na lalaki ay walang itinatago at palaging pinaninindigan ang kanyang mga kilos.” Iyon ay pagkamainitin ng ulo, wala itong aktuwal na nilalaman, at ito ay ganap na pagpapanggap ng mga tao. Ang pagiging matuwid ay mayroong katotohanan bilang batayan nito; mayroong mga aktuwal na isinabuhay ng mga pagsasagawa nito. Nangangahulugan ito na ang isang tao ay may normal na pagkatao bilang kanyang pinagmulan at panimula, at nagagawa niyang tratuhin at pangasiwaan ang iba’t ibang usapin nang ayon sa mga salita ng Diyos—ito ay tinatawag na pagiging matuwid. Higit pa rito, ang kabaitan ay hindi na kailangang ipaliwanag pa; kahit papaano, nahihigitan nito ang pamantayan ng konsensiya at katwiran. Sa loob ng kabaitan, walang pagpapaimbabaw, lalong walang kalupitan, ito ay pagkilos nang ganap na batay sa mga paraan na kapaki-pakinabang at nakakapagpatibay sa mga tao, at na naaayon rin sa mga hinihingi ng Diyos; ito ay pagkilos nang ganap na batay sa layon at pamantayan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, pagpapalugod sa Diyos, at pagsunod sa daan ng Diyos. Ito ang pinakamabait, pinakakahanga-hangang bagay sa ilalim ng langit, sa buong sansinukob. Ang isang tao na mayroong mga salita ng Diyos o ng katotohanan bilang kanyang buhay ay tiyak na mayroong pinakamabait na puso, dahil nagagawa niyang tanggapin ang katotohanan, at ganap nitong naaabot ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Dahil nagtataglay siya ng ganitong uri ng pagkatao, angkop na sabihin na siya ay matuwid, at angkop ding sabihin na siya ay mabait. Ito ay dahil nagagawa niyang tanggapin at isagawa ang katotohanan, at hindi niya sinusunod ang kanyang mga damdamin o wala siyang mga ambisyon o pagnanais sa kanyang paggampan ng kanyang tungkulin, at hindi niya kinikimkim sa loob niya ang mga lason ng tradisyonal na kultura, at ang kanyang pamantayan para sa pagsukat ng moralidad at pagkatao ay hindi narurumihan ng anuman sa mga pilosopiya, kaisipan, o pananaw ni satanas—ganap itong naaayon sa katotohanan. Kaya sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ang pagkatao na naglalaman ng gayong konsensiya at katwiran ay labis nang napabuti? (Oo.) Dahil ang ganitong uri ng tao ay nagtataglay ng katotohanan, at dahil ang diwa ng buhay na kanyang isinasabuhay ay ang katotohanan, ang kanyang pagkatao na nagtataglay ng gayong buhay diwa ay perpekto. Kung ayaw ninyong marinig ang salitang “perpekto”, maaari ko rin itong tawagin bilang “napabuti”. Kahit papaano, sa mga mata ng Diyos, siya ay napabuti at minamahal ng Diyos. Ginagamit ang Diyos ang kaunting kamalayan sa konsensiya, katwiran, at pakiramdam ng kahihiyan na mayroon ang mga tao para isagawa ang Kanyang mga salita at katotohanan sa kanila. Kapag isinasagawa sa iyo ang katotohanan ng mga salita ng Diyos, bukod sa hindi napapahina o natatago ang iyong konsensiya katwiran, sa halip ay nagiging mas normal at napapabuti ang mga ito. Gayon ang sangkatauhan na gusto ng Diyos. Huwag natin sabihing perpekto, sabihin nating napabuti. Bakit hindi sasabihing perpekto? Kung sasabihin Kong perpekto, ang ilang taong walang espirituwal na pang-unawa ay sasabihin na, “Hindi ba’t sinabi mo na huwag maging mga perpektong tao?” Kaya kailangan Kong iwasan ang salitang ito, dahil baka magkamali ng pagkaunawa ang ilang tao. Ang totoo, kapag ang isang bagay ay napabuti sa mga mata ng Diyos, sa gitna ng nilikhang sangkatauhan ay masasabi na ito ay perpekto. Ang pagiging perpektong ito ay hindi ang pagiging perpekto sa mga imahinasyon ng mga tao, kundi isang maganda at mabuting bagay, isang puwersa ng katarungan, at isa ring positibong bagay, karapat-dapat sa papuri, pananabik, pagtatangi, pagrespeto, at pagpapahalaga ng mga tao. Samakatwid, kung gusto mo na ang iyong konsensiya ay hindi lang maipit sa hindi pagkatawid sa pinakamababang hangganan ng pagkatao sa iyong sariling asal, pero gusto mong gawing mas sensitibo at mas may kamalayan ang konsensiya mo, at ang iyong katwiran na tumugon sa mga hinihingi ng Diyos, may iisang landas ka lang. Ang landas na ito ay hindi ang malagpasan ang iba’t ibang kapintasan at depekto ng pagkatao, kundi ang pagsisikap na matamo ang katotohanan, pagsusumikap sa iba’t ibang katotohanan na itinuturo ng Diyos sa mga tao, at pag-unawa sa kung ano ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos sa iyo pagdating sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, at kung paano mo dapat tingnan, tratuhin, at pangasiwaan ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito. Ang Diyos ay may mga hinihinging prinsipyo at pamantayan para sa lahat ng aspektong ito. Ano ang iyong gampanin? Ito ay ang magsagawa tungo sa direksiyong ito, sa layong ito, ayon sa mga pamantayang ito. Una, hanapin at unawain kung ano ang mga pamantayan para sa pagsasagawa sa katotohanan. Susunod, humingi sa sarili mo ayon sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos, habang kasabay nito ay binibitiwan ang iba’t ibang mga kaisipan, pananaw, tuntunin, regulasyon, at iba pa sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon na hindi naaayon sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Pagkatapos, hayaan ang mga salita ng Diyos na unti-unting maging mga prinsipyo mo ng pagsasagawa. Habang natututong bumitiw, huwag kalimutan: ang layon ng pagbitiw ay hindi para gawin kang isang taong hungkag ang puso; gusto ng Diyos na ang buhay mo ay magkaroon ng nilalaman. Ano ang tinutukoy ng nilalamang ito? Tinutukoy nito ang mga hinihinging prinsipyo ng Diyos para sa iba’t ibang usapin. Siyempre, ayaw ng Diyos na gawin ng mga tao na mga hungkag na teorya ang iba’t ibang prinsipyo ng pagsasagawa, sinasabi lang ang mga ito pero hindi isinasagawa ang mga ito. Sa halip, umaasa Siya na magagawa ng mga tao na mariing baguhin ang mga katotohanang prinsipyong ito bilang bahagi ng kanilang buhay, at dalhin ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga tunay na buhay. Gamitin nating halimbawa ang paggawa ng isang tungkulin—ano ang pamatayang hinihingi ng Diyos sa mga tao sa aspektong ito? Ito ay na ang umasal sila sa isang praktikal na paraan at nang ayon sa kanilang wastong posisyon. Ibig sabihin, sa paggawa ng tungkulin mo, dapat kang maging praktikal, hindi ka dapat maging pabasta-basta o padalos-dalos, hindi mo dapat iraos lang ang mga bagay-bagay, o gampanan ito para ipakita sa iba, at hindi ka rin dapat magpakitang-gilas; siyempre, ang mas mahalaga ay na dapat kumilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Dapat kang kumilos sa paraang sinasabi sa iyo ng Diyos, at dapat kang umiwas sa paggawa ng mga bagay na sinasabi ng Diyos na huwag mong gawin. Kung hindi mo magawang ganap na umiwas sa paggawa ng mga bagay na iyon, magsimula ka sa pagbabawas sa paggawa ng mga iyon, maghimagsik laban sa sarili mong mga pagnanais at sa sarili mong mga kagustuhan, at unti-unting ganap na iwasan ang paggawa ng mga ito—hindi ba’t madali itong makamit? (Oo.) Sa proseso ng paghahangad ng kaligtasan, dapat mong lutasin at bitiwan ang iba’t ibang tiwaling disposisyong inilalantad ng mga salita ng Diyos. Siyempre, ang pagbitiw sa mga tiwaling disposisyong ito ay hindi ang pinakalayon. Ang pinakalayon, sa paunang kondisyon ng pagbitiw sa mga tiwaling disposisyong ito, ay ang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos. Ang pagtanggap sa mga ito ay hindi alang-alang sa pagbabago ng iyong lagay ng loob, ni hindi ito alang-alang sa pagbibigay-kakayahan sa iyo na mamuhay nang may digdidad; ito ay alang-alang sa pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon mo. Ito ang pinakalayon, dahil magagawa mo lang magtamo ng kaligtasan pagkatapos mong maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon mo.
Ang pinakamalaking hadlang sa pagtatamo ng mga tao ng kaligtasan ay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang iyong mababang pinag-aralan, katandaan, o hindi mahusay na paraan ng pagsasalita at kawalan ng abilidad na ipahayag ang iyong sarili—wala sa mga ito ang pinakamalalaking hadlang sa kaligtasan. Ang iyong mahinang mga propesyonal na kasanayan sa iyong tungkulin at ang iyong kawalan ng abilidad na maintindihan ito—hindi rin ito ang pinakamalaking hadlang sa iyong kaligtasan. Kung gayon ay ano ang pinakamalaking hadlang sa kaligtasan? Ito ay ang mga tiwaling disposisyon mo. Siyempre, ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng tao na inilalantad sa mga salita ng Diyos ay hindi madaling lutasin para sa mga tao. Ito ay hindi dahil ayaw ng mga taong bitiwan ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ni dahil lipas na ang kanilang mga kaisipan at pananaw, at siyempre, lalong hindi ito dahil sa mga depekto o kapintasan sa kanilang pagkatao, ni hindi rin dahil manhid, mabagal ang reaksiyon ng mga tao at iba pa—wala sa mga ito ang ugat ng problema. Kung gayon ay bakit? Sadya lamang na ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay nag-ugat na sa kanilang puso, hindi kayang iwaksi ng mga tao ang mga ito dahil lang gusto nila, at kaya ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay madalas na lumalabas para magdulot ng mga panggugulo at mga pagkaantala habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Halimbawa, ipagpalagay nang isa kang lider ng iglesia, at may nagawa kang mali at pinungusan ka. Sa ganoong kaso, dapat mo itong tanggapin, aminin mo na may nagawa kang mali, maging handang magsisi, at baligtarin ang maling pamamaraang iyon at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Isa itong napakasimpleng usapin, pero hindi mo ito kayang gawin. Pinagbubulay-bulayan mo, “Pinungusan ba ako nang ganito dahil hindi sila nalulugod sa akin at gusto nila akong tanggalin?” Lumilitaw sa puso mo ang mga reklamo at mga maling pagkaunawa, at sinusubukan mo pa ngang makipagtalo sa Diyos, “Dahil hindi ka nalulugod sa akin at gusto mo akong tanggalin at itiwalag, sige, linawin natin ito. Nagsimula akong manampalataya sa Diyos sa edad na disiotso anyos, maraming taon na akong lider, tinalikuran ko ang pamilya at propesyon, isinuko ang pag-aasawa at pagpapamilya—paano mapapanagutan ang mga ito?” Habang mas nagkakalkula ka, mas lalo kang naaahita. Ito ba ay kawalan lang ng kakayahan na bumitiw? Hindi. Bakit hindi mo magawang bitiwan ang mga bagay na ito? May ugat na problema rito. Nang pinungusan ka, pakiramdam mo ay naagrabyado ka, nagrereklamo ka at nakakaramdam ng pagtutol sa iyong puso, at sinusubukan mo ring makipagtalo at pangatwiranan ang sarili mo, at hinihiling mo pa nga sa iba na ipagtanggol ka. Bakit ka kumikilos nang ganito? (Dahil mayroon kaming mga tiwaling disposisyon.) May isang dahilan lang, isang ugat na dahilan: May mga tiwaling disposisyon ka na hindi pa nalutas. Sasabihin ng ilan sa inyo, “Dahil ba ito sa hindi sapat ang aking likas na kakayahan at abilidad at hindi ko kayang gawin ang gawain?” Posible na para sa ilan sa inyo, isa ito sa mga dahilan; dahil sa mahinang kakayahan ay hindi mo kaya ang gawain, at hindi mo rin nauunawaan ang katotohanan, kaya gumagawa ka ng mga bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo. Talaga bang dahil lang ito sa mahina ang kakayahan mo? Isang aspekto lang iyon. Ang ugat na problema ay na may isyu sa iyong konsensiya. Ang isyung ito sa iyong konsensiya ay direktang nauugnay sa iyong mga tiwaling disposisyon. Gumawa ka ng mga bagay na nagdulot ng mga paggambala at panggugulo at pinungusan ka—paano mo dapat harapin ito? Paano mo hinaharap ang usapin ng kawalan mo ng kakayahan para sa gawain? Kung kaya mong isagawa ang katotohanan, hindi problema ang mga ito, at kaya mong harapin ang mga ito nang tama. Pero paano umaasal ang karamihan ng tao kapag nahaharap sila sa mga ganitong bagay? Sinusubukan nilang makipagtalo, nagrereklamo sila, nagiging negatibo, at nagsasalita pa nga sila nang mainit ang ulo, “Hindi ba’t dahil lang ito sa iniisip mo na mahina ang kakayahan ko at na wala akong kapabilidad? Hindi ba’t ibinigay sa akin ng Diyos ang kakayahang ito? Pero nagrereklamo ka na hindi ko kayang gawin ang gawain! Kung hindi ka nalulugod sa akin, dapat ay sinabi mo nang maaga pa lang!” Kung nagamit ang medyo malulupit na salita habang sila ay pinupungusan, iniisip nila, “Wala na ba akong pag-asa na magkamit ng mga pagpapala? Nanganganib ang katayuan ko sa buhay na ito, at marahil ay wala na rin akong pag-asa sa mundong darating.” Mayroon ba silang anumang intensyon na hanapin ang katotohanan? Kaya ba nilang magpasakop sa puso nila? Hindi madali para sa kanila na magpasakop. Sa pinal na pagsusuri, ang lahat ng pagpapamalas na ito ay dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Mahina ang kakayahan mo at hindi mo kayang gawin ang gawain—isa lang iyon sa mga likas na kapintasan o depekto ng pagkatao; hindi iyon isang problema. Kahit na malaki ang mga likas mong kapintasan at depekto at hindi mo kaya ang gawain, hindi ka inaayawan o kinamumuhian ng Diyos kahit kaunti. Pero bukod sa hindi mo kaya ang gawain, hindi mo nakikilala ang sarili mong mga problema, at nagrereklamo ka rin, at nakadarama ng paglaban, at sa huli ay nagiging negatibo at tinatalikuran ang mga tungkulin mo—ano ito? Ito ay mga tiwaling disposisyon. Ito ang kailangan mong lutasin. Tama ba? (Oo.) Pagkatapos malutas ng mga tiwaling disposisyon mo, magiging angkop kang gamitin sa gawain na kaya ng iyong kakayahan at ng mga kondisyon ng iyong pagkatao. Pero, kung hindi mo lulutasin ang mga tiwaling disposisyon mo, at hindi mo kayang magsagawa ayon sa katotohanan, hindi mo magawang magpasakop sa pagpupungos, o magpasakop sa paglalantad, gaano man kahusay ang kakayahan mo, gaano man ka superyor ang mga kondisyon ng pagkatao mo, hindi ka magiging angkop na gamitin. Nauunawaan mo? (Nauunawaan.) Sabihin mo sa Akin, ano ang punto ng pinagbahaginan natin ngayon lang? (Sa pananampalataya sa Diyos, ang pinakamahalagang bagay ay ang malaman ang sariling mga disposisyon ng isang tao. Ang dapat na bigyang-diin ay ang paglutas sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao, hindi ang mga panlabas na depekto o kahinaan ng pagkatao ng isang tao. Kapag nahaharap tayo sa mga sitwasyon, palagi tayong nagiging abala sa mga panlabas na usapin, sa pundamental ay hindi natin magawang lutasin ang mga esensyal na problema, at hindi rin natin magawang makamit ang pagpapasakop sa pagpupungos o pagpapasakop sa mga kapaligirang inihahanda ng Diyos.) Kung malulutas ang mga tiwaling disposisyon mo, at sa mga usaping nakakaharap mo, naaarok mo ang mga katotohanang prinsipyo, at alam mo kung paano pangasiwaan ang mga ito ayon sa mga prinsipyo, magiging angkop kang gamitin sa paggawa ng tungkulin mo. Mataas man o mababa ang kakayahan mo at gaano man karami ang talento mo, kung hindi nalulutas ang mga tiwaling disposisyon mo, kahit saang posisyon ka ilagay, hindi ka magiging angkop na gamitin. Sa kabaligtaran, kung limitado ang kakayahan at mga abilidad mo, pero nauunawaan mo ang iba’t ibang katotohanang prinsipyo, kabilang na ang mga katotohanang prinsipyong dapat mong maunawaan at maarok sa loob ng saklaw ng gawain mo, at nalutas na ang iyong mga tiwaling disposisyon, ikaw ay magiging isang tao na naaangkop na gamitin. Nauunawaan mo? Maaaring kailangan muna ninyong pagbulay-bulayan ang mga salitang ito para ganap na maunawaan ang mga ito.
Sa kasalukuyan, ang karamihan ng tao ay umaasa pa rin sa mga kalooban at sumusunod sa mga regulasyon sa paggawa ng kanilang tungkulin. Basta’t hindi sila nagkakasala o gumagawa ng kasamaan, naniniwala sila na natupad na nila ang kanilang tungkulin. Hindi sila tumutuon sa pagsisikap na matamo ang katotohanan at pagninilay sa kanilang sarili para lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang karamihan ng tao ay nagiging abala lang at naiipit sa mga pamamaraan at pag-uugali, pero hindi tumutuon sa paghahanap sa katotohanan at pagkilos nang ayon sa mga prinsipyo. Kontento na sila sa paggawa lang ng kaya nila, sinusubukang huwag magdulot ng mga paggambala o mga panggugulo, o na magsabotahe ng mga bagay, at iyon na iyon. Ang karamihan ng tao ay hindi pa nakakaranas ng pagpupungos o paglalantad, ni hindi pa nakakaranas ng pagkastigo at paghusga, lalong hindi pa nila nararanasan ang yugto ng matitinding pagsubok, kaya ang mga tiwaling disposisyon ng karamihan ng tao ay hindi pa nagsisimulang magbago. Hindi ito mabuting balita, pero isa itong katunayan. Magbibigay Ako ng isang halimbawa, at pagkatapos ay malalaman ninyo kung ano ang nangyayari. Alam mo, karamihan ng mga taong gumagawa ng mga tungkulin ngayon ay mga ordinaryong tagasunod; wala silang katayuan, at wala pala sila sa punto kung saan ginagampanan nila ang isang aytem ng gawain habang mayroong katayuan at kapangyarihan. Ang batayang prinsipyong isinasagawa ng karamihan ng tao ay ang maging masunurin at mapagpasakop. Iniisip nila na ano’t anuman, ang mga lider ay nakikipagbahaginan ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng ang Itaas, kaya ginagawa lang nila kung ano ang sinasabi ng mga lider, sa paraang sinasabi sa kanila ng mga lider na gawin ito, at iniisip nila na hindi na kailangang kilatisin ang tama o mali o siyasatin kung ito ba ay naaayon sa katotohanan, at na basta’t hindi sila nakakagawa ng mga pagkakamali, ayos lang ito. Ito ba ay pagkakaroon ng mga katotohanang prinsipyo bilang buhay ng isang tao? (Hindi.) Kung gayon ay sa ilalim ng anong mga sitwasyon matitiyak na mayroon kang katotohanan bilang iyong buhay? Ito ay kapag napili ka bilang isang lider para gumawa ng gawain ng iglesia; ito ang pinakanagbubunyag sa mga tao. Kung ikaw man ay may mga prinsipyo sa pangangasiwa ng mga usapin at kung gaano karami sa iyong mga tiwaling disposisyon ang naibubunyag mo ay makakapagpatunay kung mayroon ka mang katotohanang realidad, at kung ikaw ba ay nababagay na maging isang lider o manggagawa. Kung magbubunyag ka ng mga tiwaling disposisyon, paano mo ito dapat ratuhin? Dapat mo bang buksan ang sarili mo at makipagbahaginan sa katotohanan, o itago ang sarili mo at magbalatkayo? Ito rin ang panahon kung kailan pinakanabubunyag ang mga tao. Karamihan ng tao sa iglesia ay hindi magawang tingnan ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo; sa halip, tumitingin at nagkokomento sila sa mga bagay ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at batay sa kanilang mga kagustuhan. Iniisip ng karamihan ng tao, “‘Hangga’t hindi ako nakagagawa ng malalaking pagkakamali sa aking tungkulin, at pinapanatili kong tumatakbo ang gawain gaya nito, sapat na iyon. Kung ako ay makakagawa ng malaking pagkakamali at ako ay mabubukod para sa pagninilay-nilay sa sarili o maililipat sa isang grupong B, sadyang malas lang ako kung ganoon.” Ano ang ipinapakita ng sitwasyong ito? Bagama’t nagagawa mong maging masunurin at mapagpasakop sa proseso ng paggawa ng tungkulin mo, ginagawa ang anumang sinasabi, hindi ito nangangahulugan na mayroon kang katotohanan bilang buhay mo, at hindi ito nangangahulugan na isa kang taong nagpapasakop sa Diyos. Kapag ikaw ay napili bilang isang lider at natamo mo ang ganoong katayuan, mabubunyag ka. Bakit? Kapag may katayuan ka na, gagawin mo ang anumang gusto mo, ikaw ang mamamahala sa lahat ng bagay, igigiit mo ang ganap na pamumuno, at magtatatag ka ng nagsasariling kaharian; kikilos ka batay sa init ng ulo, batay sa iyong mga tiwaling disposisyon, at batay sa sarili mong mga pagnanais at ambisyon. Kaya, hindi ka pa rin naaangkop na gamitin. Hanggang ngayon, masasabi na siyamnapu’t siyam na porsiyento ng mga tao ang nasa ganitong uri ng kalagayan at kondisyon. Bagama’t karamihan ng tao ay ginagawa ang kanilang tungkulin sa loob ng maraming taon at sa panlabas ay naging medyo masunurin at mabuti ang asal, nangangahulugan ba ito na wala na silang mga tiwaling disposisyon? (Hindi.) Ang kanilang pag-uugali ay hindi na imoral, sa panlabas ay mabuti ang asal nila, at mukha silang may kaunting asal ng isang banal, pero hindi nagbago kahit kaunti ang kanilang mga tiwaling disposisyon dahil hindi nila aktibong hinahanap ang katotohanan para lutasin ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon. Kapag lumilitaw ang mga problema sa kanilang gawain, sila man ay pinupungusan ng mga lider o ng ang Itaas, sa pinakamainam ay iniisip nila, “Sige, kung sasabihin nila sa akin na itama ito, itatama ko ito. Magtitiis lang ako nang kaunti pang paghihirap, gugugol ng kaunti pang oras, at magmamadali akong gawin itong muli.” May ganito lang silang uri ng saloobin at mentalidad. Hindi ito kumakatawan sa pagpapasakop sa katotohanan, at hindi ito kumakatawan sa tunay na pagpapasakop. Saan nagmumula ang ganitong mentalidad? Nagmumula ito sa katunayan na, sa kanilang pananampalataya sa Diyos, ang mga tao ay may positibong pag-aasam, pag-aasam na maging mabubuting tao, pag-aasam na maging mga nilikhang pasok sa pamantayan. Ang kahilingan ito ay nagdudulot ng ganitong uri ng mentalidad sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao at sa kanilang paggampan sa kanilang tungkulin; sa pananalita ng tao, ito ay: “Huwag magdulot ng gulo, umasal tayong lahat nang mabuti.” Ano ang tinutukoy ng umasal nang mabuti? Isa ba itong katotohanang prinsipyo? Hinihimok ka lang nito na sumunod, tumalima sa mga tuntunin, at huwag magdulot ng gulo. Ito ang pinakamababang hinihingi sa mga tao, at hindi ito isang katotohanang prinsipyo. Kung gayon ay ano ang katotohanang prinsipyo? Ito ay na dapat mong aktibong hanapin ang mga layunin ng Diyos. Kapag nagbubunyag ka ng mga tiwaling disposisyon, kapag mayroon kang mga makasariling pagnanais o nagbubunyag ka ng pagkamainitin ng ulo, kapag ang mga tiwaling disposisyon ay nagdudulot na lumitaw sa loob mo ang isang kalagayan, dapat aktibo mong ikumpara ang mga pagpapamalas na ito sa mga salita ng Diyos. Nang may pagbibigay-liwanag, paggabay, pagtulong, pagsuporta ng Diyos at maging ng mahigpit na paghusga at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, unti-unti, nababago mo ang saloubin mo sa mga salita ng Diyos, tumataas nang tumataas ang antas ng pagtanggap mo sa mga salita ng Diyos, at mas kinikilala at nagsasabi ka ng Amen sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay tinatanggap mo ang mga salita ng Diyos sa sarili mo, binibitiwan ang mga nakalilinlang na mga kaisipan at pananaw, at hindi na kumakapit sa pamana ng tao; nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, at nagagawa mong pangasiwaan ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo, at baguhin ang iyong perspektiba, tindig, at pananaw sa mga tao, pangyayari, at bagay, ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang landas sa paglutas sa mga tiwaling disposisyon mo. Kung gayon, mayroon na ba kayo ngayong ganitong uri ng aktibong pagsasagawa? Tingin Ko, siyamnapu’t siyam na porsiyento ng mga tao ay wala nito. Ang mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ng karamihan ng tao ay tungkol sa pagdanas ng isang kapaligirang pumilit sa kanila na kumilos sa isang partikular na paraan at sapagkakamit ng “pagpapasakop sa Diyos” sa mga kilos nila. Tuwang-tuwa sila sa sarili nila, iniisip nilang mayroon silang katotohanang realidad. Bagama’t nagsulat ka ng isang patotoong batay sa karanasan, ang totoo ay tungkol ito sa pagyayabang, pagpapatotoo sa sarili mo, at pagtatatag sa sarili mo: “Tingnan ninyo, may patotoo ako. Hindi ko binigo ang Diyos. Pinanghawakan ko ang tungkulin ko sa kapaligirang ito!” Ang mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ng ibang tao ay tungkol sa kung paanong, pagkatapos na mapungusan, nagnilay-nilay sila at nagkaroon ng pagkatanto, napagtanto nila na pabasta-basta sila at na hindi nila napalugod ang Diyos, at ngayon ay handa na silang magsisi. Kahit na may panahon ng pagpapakita ng pagsisisi, kung saan tila hindi na sila nagiging pabasta-basta, nagbago ba ang mga tiwaling disposisyon nila? Hindi. Kapag walang nakakakita, napakayabang pa rin nila at mapangdikta. Ang paninindigan, perspektiba, at mga pananaw nila sa pagtingin at pagharap sa mga tao at bagay ay hindi talaga batay sa mga salita ng Diyos. Kaya hindi pa talaga nagsisimulang magbago ang mga tiwaling disposisyon nila! Kaya, ano ang pagbabagong binabanggit mo? Pagbabago lang ito sa pag-uugali, estilo ng pamumuhay, at maaaring sa tono, paraan ng pagpapahayag, at estilo ng pakikitungo mo sa iba at pangangasiwa sa mga usapin. Lumakas din ang pananalig mo; nagagawa mong hanapin ang katotohanan pagkatapos na dumaan sa maraming pagkakataon ng pagkakapungos sa iba’t ibang kapaligiran, at ngayon ay nauunawaan mo na ang maraming katotohanan, at mas matatag na kaysa dati ang determinasyon mong sundan ang Diyos—nagbago na ang lahat ng aspektong ito. Dahil sa mga pagbabagong ito, ang mga tao ay nagkakaroon ng mas higit na kumpiyansa na magkamit ng kaligtasan, nagiging mas handang hangarin ang katotohanan, at nagkakaroon ng higit na pag-asa at nagiging mas positibo tungkol sa pagsunod sa Diyos. Anong mga pagsubok o kapighatian man ang makaharap nila, hindi sila magiging masyadong negatibo na tatalikuran na nila ang pananalig nila. Gayumpaman, ang mga ito ay mga pagbabago lang sa kung ano ang panlabas na ipinamumuhay sa normal na pagkatao. Ang mga medyo positibo at maagap na kaisipan at pananaw na ito ay unti-unting umookupa sa puso ng mga tao. Ang mga pagbabagong ito ay mga tanda na nagigising at muling nabubuhayan ang puso nila. Ibig sabihin, ang mga tao ay nagiging mas maagap at nag-aasam, at mas naghahangad sa mga positibong bagay, nagiging mas tiwala sa paghahangad sa mga salita ng Diyos, sa Kanyang gawain, at sa Kanyang mga hinihingi. Natural na mayroon din silang mas malinaw na konsepto tungkol sa pinakamahalagang gawaing ginagawa ng Diyos—ang gawain ng pagliligtas sa mga tao. Batay sa mga kondisyong ito, maraming tao ang gumagawa sa mga tungkulin nila sa mas praktikal na paraan, sa paraang mas tumatalima sa mga tuntunin, at mas masunurin kaysa dati. Bumubuti ang kahusayan ng mga tungkulin nila, partikular na sa teknikal na gawain, na umuusad na nang mas mabilis ngayon. Hindi na sila kasingbagal nang dati, noong inaabot ng isang linggo o higit pa ang mga gampaning pang-ilang araw lang dapat¬—ngayon ay may mga resulta na sa loob lang ng ilang araw. Siyempre, mabuting balita ito, pero ano ang masamang balita? Ito ay na ang mga ibinubunyag at ipinapakita ninyo ay mga pagbabago lang sa pag-uugali, kaisipan, at mentalidad, at ilang tanda ng medyo positibo, maagap, at optimistikong elemento ng paggising sa isipan ninyo. Gayumpaman, ang mga tandang ito ay hindi nangangahulugan na nagsimula nang magbago ang mga tiwaling disposisyon ninyo. Hindi masyadong maganda ang balitang ito, hindi ba? (Hindi.) Bagama’t hindi ito masyadong maganda, isa itong hindi maiiwasang proseso para magkamit ng kaligtasan ang tiwaling sangkatauhan. Ganito kakaawa-awa at kahina ang mga tao, ganito sila kahilaw, at ganito kabagal ang bilis ng kanilang buhay pagpasok at ang pagwawaksi nila ng mga tiwaling disposisyon. Ang pundamental na dahilan para sa mabagal na bilis na ito ay dahil ang gayong sangkatauhan ay walang pakultad na tanggapin ang katotohanan, at ganito sila kamanhid sa katotohanan, sa mga positibong bagay, at sa anumang bagay na nagmumula sa Diyos.
Ang ilang tao ay nananampalataya sa Diyos nang higit sa sampu, dalawampu, o tatlumpung taon, pero ngayon lang nila napagtatanto na pagkatapos ng lahat ng taong ito, medyo nagbago lang ang kanilang panlabas na pag-uugali at nakaranas lang sila ng kaunting pagkamulat sa kanilang puso, pero walang naging pundamental na pagbabago sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang ilan, pagkakita ng ilang pagbabago sa pag-uugali sa kanilang sarili, ay iniisip na isa itong pagbabago sa buhay disposisyon at ipinagyayabang pa nga nila sa iba, “Tingnan ninyo, hindi ba’t nagbago ang aking buhay disposisyon?” Sa realidad, nagbago ka lang sa pag-uugali; wala ka ng mga aktuwal na pagpapamalas ng disposisyonal na pagbabago at hindi ka nagsabuhay ng normal na pagkatao. Kung gayon ay paano malalaman ng isang tao kung nagkaroon ba ng pagbabago sa iyong disposisyon? Hindi ito pagbabasa ng mukha; hindi ito malalaman ng isang tao sa pagtingin sa iyong panlabas na hitsura, ni sa pakikinig sa iyong sinasabi, lalong hindi sa pamamagitan ng pakikinig sa iyong ipinapahayag na mga resolusyon at kahilingan—ang mga resolusyon at kahilingan ang mga pinakahungkag na bagay. Kung gayon ay pano malalaman ng isang tao? Malalaman ng isang tao sa pamamagitan ng pagtingin, nang walang sinumang nang-uudyok, nagsusuperbisa, o sumusuporta at tumutulong pa nga sa iyo, kung mayroon ka ng landas at abilidad na tingnan at pangasiwaan ang bawat usapin nang ayon sa mga salita ng Diyos, at kung mayroon ka ng mga salita ng Diyos bilang iyong buhay sa loob ng iyong puso para pigilan ka sa lahat ng ginagawa mo. Kung hindi mo pa naaabot ang ganitong antas, pag-usapan natin ang isang mas mababang antas: kung mayroon ka bang kamalayan na gamitin ang mga salita ng Diyos bilang ang prinsipyo para sa lahat ng ginagawa at sinasabi mo. Kung hindi mo ito kayang makamit, sa kasamaang-palad, wala ka ng katotohanan bilang buhay mo. Ang iyong mga tiwaling disposisyon ay ang buhay mo pa rin; maaari ka pa ring kontrolin ng mga ito anumang oras, sa anumang lugar, pinapangibabawan ang iyong kamalayan at ang iyong mga kaisipan at pananaw. Sa anumang oras, sa anumang lugar, tatratuhin at pangangasiwaan mo ang anumang tao, pangyayari, o bagay batay sa sarili mong mga emosyon, lagay ng loob, mga kagustuhan, paghusga, perspektiba, at mga hilig. Nasa malaking panganib ka pa rin; hindi mo pa rin kayang tuparin nang nagsasarili ang iyong tungkulin, at hindi mo nagagawang mamuhay nang nagsasarili—palagi mong kailangang umasa sa iba, at kung wala ang suporta ng iba, babagsak ka. Nangangahulugan ito na masyadong mababa ang tayog mo; pinatutunayan nito na hindi mo pa nakamit ang katotohanan bilang iyong buhay. Ano ang ibig sabihin ng hindi nakakamit ang katotohanan bilang buhay? Nangangahulugan ito na mayroon ka lang isang isa o dalawang prinsipyo na pumipigil sa iyo mula sa paggawa ng masasamang bagay o paggawa ng malalaking pagkakamali. Ibig sabihin, kapag normal ang iyong pagkamakatwiran, at walang umuudyok sa iyo o sumusulsol sa iyo, hinding-hindi mo sadyang lalaspatanganin ang Diyos, isusumpa ang Diyos, o gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia. Gayumpaman, ang katunayan na hindi mo iyon gagawin nang sadya ay hindi nangangahulugan na hindi mo iyon kayang gawin; maaaring hindi mo ito gawin nang aktibo, pero maaari mo pa rin itong gawin nang pasibo. Ano ang tinutukoy rito ng pasibo? Nangangahulugan ito na maaaring lumitaw ang iyong mga tiwaling disposisyon sa anumang oras para kontrolin ka at para ipasabi at ipagawa sa iyo ang anumang bagay, at idulot sa iyo na tingnan ang isang tao o usapin nang may mapaninlang na mga pananaw sa anumang oras, at pagkatapos ay gamitin ang iyong mga tiwaling disposisyon para pangasiwaan ang isang usapin o pakitunguhan ang isang uri ng tao. Halimbawa, ipagpalagay nang may nagawa kang mali at iniisip mo na hindi mo puwedeng hayaan ang ang Itaas, ang mga lider, o ang sinuman na malaman ito. Anuman ang dahilan sa likod nito, ano’t anuman, may sarili kang mga maladiyablong ideya, kaya itinatago mo ito at wala kang sinasabi. Ang iyong mga tiwaling disposisyon ba ang namumuno rito, o ang katotohanan ba ang namumuno? Malinaw na ang mga tiwaling disposisyon mo ang namumuno. Pinapangibabawan ka ng mga tiwaling disposisyon mo, upang itago mo ito at wala kang sabihin, at hindi ka makaalpas. Ano ang ibig sabihin ng hindi makaalpas? Ibig sabihin nito na bagama’t handa kang isagawa ang mga katotohanang nauunawaan mo, wala kang lakas para gawin iyon; sadyang hindi mo kayang mapangibabawan ang iyong mga tiwaling disposisyon. Nangangahulugan ito na may problema ka; hindi mo kayang isagawa ang katotohanan. Kung gusto mong itago ang mga bagay at linlangin ang iba, ganap na may kapabilidad kang gumawa ng mga kilos ng pagtatago at panlilinlang, lalo na patungkol sa ang Itaas, iniuulat lang ang mabubuting balita pero hindi ang masasama, nililinlang pa nga ang mga nasa itaas at nagtatago ng mga bagay mula sa mga nasa ibaba. Sinasabi mo, “Talagang minamahal ko ang katotohanan, at isa akong taong nagsasagawa ng katotohanan. Maingat kong itinatala, pinagbubulay-bulayan, at ibinubuod ang bawat katotohanang sinasabi ng Diyos, at pagkatapos ay isinasagawa ito sa tunay na buhay.” Ganito ka mag-isip, mayroon kang ganitong kahilingan, pero hindi ito nangangahulugan na isinagawa mo ang katotohanan. Bakit? Dahil marami kang nakalilinlang nakaisipan at pananaw sa loob mo na umokupa na sa puso mo. Dahil dito, naging buhay mo ang mga tiwaling disposisyon. Namumuno ang mga tiwaling disposisyon mo, pinapangibabawan ang mga kaisipan at kilos mo. Kahit na gusto mong isagawa ang katotohanan, wala itong silbi; hindi mo matulak ang sarili mo na gawin ito. Samakatwid, kung hindi nalulutas ang mga tiwaling disposisyon mo, kahit na ginagawa mo ang tungkulin mo, imposible para sa iyo na kumilos ayon sa mga prinsipyo—napakahusay na kung kaya mong iwasan na aktibo at hayagang husgahan, labanan, o lapastanganin ang Diyos. Gayumpaman, dahil may mga tiwaling disposisyon na namumuno sa iyong puso, hindi mo maiwasang maghimagsik at lumaban sa Diyos. Marahil ay iniisip mo na sinusubukan mo lang na linlangin ang Itaas at magtago ng mga bagay mula sa ang Itaas at linlangin ang Diyos sa mga sitwasyon kung saan ikaw ay pasibo o sa mga sandali ng pagkadesperado, at na sinusupil mo lang ang mga tao o nagbubunyag ka lang ng pagkamainitin ang ulo sa mga sandali ng pagkadesperado. Talaga bang ito ay dahil sa mga pansamantalang sandali ng pagkadesperado? Hindi, ito ang resulta ng pamumuno ng malalim-na-nakaugat na mga tiwaling disposisyon mo. Hindi ito maiiwasan. Bakit hindi ito maiiwasan? Dahil ng mga katotohanang nauunawaan mo ay isang uri lang ng kahandaan, isang uri ng pananampalataya para sa iyo; hindi pa naging buhay mo ang mga ito. Mayroon ka mang kaalaman o mataas man o mababa ang iyong kakayahan, kahit papaano, ang katotohanan ay hindi naging iyong buhay. Ibig sabihin, ang katotohanan ay hindi ang namumuno sa loob mo; ang namumuno sa loob mo ay mga satanikong disposisyon at mga pilosopiya ni Satanas. Kapag napapangibabawan ka ng mga satanikong disposisyon, namumuhay ka ayon sa mga satanikong disposisyon, at namumuhay ka pa rin sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Kapag hindi napipinsala ang iyong mga interes at pride, kapag hindi nasasangkot ang iyong katayuan, kasikatan, at pakinabang, handa kang magsagawa ng kaunting katotohanan. Pero sa sandaling masangkot ang iyong kasikatan, pakinabang, katayuan, o hantungan, mariin at mahigpit kang pinanghahawakan at kinokontrol ng mga tiwaling disposisyon mo. Wala ka pa ring tunay na pagpapasakop sa Diyos; isang daang porsiyento pa rin ang posibilidad na ipagkanulo mo ang Diyos at ang katotohanan. Batay sa mga penomenong ito, nalutas na ba ang mga tiwaling disposisyon mo? Naiwaksi na ba ang mga ito? Naging buhay mo na ba ang katotohanan? Kapag may nangyayari, kung ang mga katotohanang nauunawaan mo ay hindi kayang pangibabawan ang mga tiwaling disposisyon mo, hindi kayang pangibabawan ang iyong mga pagpili at kagustuhan, hindi mapangibabawan ang iyong mga pagnanais, ambisyon, katayuan, at reputasyon, ang mga katotohanang nauunawaan mo ay hindi ang iyong buhay. Kapag ang katotohanan ay naging iyong buhay, likas na magagawa mong mapangibabawan ang mga tiwaling disposisyong ito. Kung hindi mo kayang pangibabawan ang iyong mga tiwaling disposisyon, ipinapakita nito na ang katotohanan ay hindi pa namumuno sa iyo, at na hindi pa ito naging buhay mo. Sinasabi mong minamahal mo ang katotohanan, pero ito lang ang iyong pag-aasam at ang iyong kahilingan; hindi ito kumakatawan sa iyong buhay. Ang mga taong may normal na pagkatao ay pawang may mga positibong pag-aasam. Ang pag-aasam ba na maging isang mabuting tao ay nangangahulugan na isa kang mabuting tao? (Hindi.) Ang pagmamahal ba sa katotohanan, pagiging patas, at pagiging matuwid, ay nangangahulugan na nagtataglay ka ng katotohanan, pagiging patas, at pagiging matuwid? Hindi—hindi mo tinataglay ang mga bagay na ito, inaasam mo lang ang mga ito. Ang tinutukoy ng pag-aasam? (Isang kahanga-hangang kahilingan ng isang tao.) Tama, isa lang itong kahilingan. Wala itong kinalaman sa kung paano ka aktuwal na umaasal, hindi? (Wala nga.)
Mayroon na ba kayo ngayong katotohanan bilang inyong buhay? (Wala.) Paano malalaman ng isang tao kung mayroon kang katotohanan bilang iyong buhay? Malalaman ito ng isang tao sa pamamagitan ng pagtingin sa kung ang mga katotohanang nauunawaan mo ay kayang pangibabawan ang mga tiwaling disposisyon mo kapag ang iyong mga interes ay sumasalungat sa katotohanan, kapag ang iyong mga interes ay magdurusa ng mga kawalan o malalagay sa panganib. Kung oo, ikaw ay isang taong may katotohanan bilang iyong buhay. Kung hindi, pinatutunayan nito na napakababa ng tayog mo. Gaano kababa? Wala kang katotohanan bilang iyong buhay. Ito ang realidad. Sinasabi ng ilang tao, “Kung wala kaming katotohanan bilang aming buhay, bakit nagagawa pa rin naming talikuran ang lahat para gawin ang mga tungkulin namin sa sambahayan ng Diyos? Bakit nagagawa pa rin naming magdusa at magbayad ng halaga para sa Diyos?” Sinasabi pa nga ng ilang tao, “Nagtataglay na ako ng kaunting debosyon; naging mananagumpay na ako.” Ang totoo, ang gayong mga pahayag ay nahahaluan ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao. Hindi mali para sa mga tao na magkaroon ng mga resolusyon at adhikain. Ang pag-aasam ng mga tao para sa liwanag, para sa katarungan, at ang pag-aasam din nila para sikaping matamo ang katotohanan, magtamo ng kaligtasan, at iba pa—ang mga kahanga-hangang kahilingang ito ay maaaring makapagbago sa ilan sa kanilang kamalayan, sa direksiyon ng landas na tinatahak nila, at siyempre, sa ilan sa kanilang pag-uugali, at sa panlabas, sa ilang aspekto ng kanilang tindig at sa kanilang paraan ng pamumuhay. Ano ang tinutukoy rito ng pagbabago? Halimbawa, ipagpalagay nang kasalukuyan kang may pananalig, napakaganda ng kalagayan mo, hindi ka negatibo, at partikular na maayos ang takbo ng tungkulin mo. Dahil dito, nadarama mo na ikaw ay napakatapat, at na may pag-asa kang matamo ang kahilingan mong magkamit ng kaligtasan, at ayos lang sa iyo na magtiis ng anumang paghihirap. Pero hindi nagtatagal ang magagandang panahon. Sa proseso ng paggawa ng tungkulin mo, nakakaharap ka sa ilang problema at pagkabigo, napupungusan ka, lumilihis ka nang maraming beses, at naililigaw at nasusupil pa nga ng mga anticristo, nagdurusa ng maraming kapighatian. Pagkatapos ay nakadarama ka ng pagiging hindi komportable sa puso mo. Hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo alam kung bakit nangyari ang mga bagay na ito, at hindi ka nakakakuha ng anumang mga kasagutan mula sa pagdarasal sa Diyos, kaya nababagabag ka. Sa isang malaking antas, ang paglitaw ng ganitong mga bagay ay nagdudulot ng partikular na dagok at sakuna sa determinasyon mong asamin ang katotohanan at ang liwanag. Pagkatapos magdusa sa sakunang ito, ayaw mo nang gawin ang tungkulin mo, nadarama mo na wala itong silbi. Ano ang nangyayari dito? Paanong nagbago ka nang napakabilis? Bakit tila ganap na ibang tao ka na kumpara dati? Kung mayroon kang tayog, at mayroon kang katotohanan bilang iyong buhay, hindi magbabago ang debosyon mo. Pero dahil wala kang katotohanan bilang iyong buhay, ang iyong panloob na kalagayan, mentalidad, at ang iyong tsgasig na manampalataya sa Diyos at gugulin ang sarili mo ay palaging hindi matatag at pabago-bago sa pagitan ng mainit at malamig. Sa mga panahon kung kailan maayos ang takbo ng lahat ng bagay at maganda ang lagay ng loob mo, mayroon kang sigasig, marami kang nasasabi sa tuwing nagdarasal, handa kang basahin ang mga salita ng Diyos, labis kang nagsisikap sa iyong tungkulin, at ayos lang sa iyo na maging abala o mapagod, at na magtiis ng anumang paghihirap. Pero sa sandaling medyo maging hindi paborable ang mga bagay, nagiging negatibo at mahina ka, nawawalan ng sigasig na gawin ang tungkulin mo. Kapag napapalampas mo ang isang pagkain o nababawasan nang kaunti ang pagtulog mo, pakiramdam mo ay napakalaking paghihirap nito, at lumilitaw ang mga reklamo sa puso mo: “Bakit ako dapat magdusa? Ni hindi nga ako kumikita ng pera mula sa paggawa ng tungkulin ko, hindi ito sulit!” Kita mo na, ganap na iba ang mentalidad mo. Bakit nangyari ang gayon kalaking pagbabago? Ito ay dahil wala kang katotohanan bilang buhay mo, at umiiral pa rin ang mga tiwaling disposisyon sa loob mo. Kapag masigasig ang mga tao, nadarama nila na wala silang mga ambisyon o pagnanais, o mga hinihingi sa Diyos. Sa realidad, namumuno pa rin ang mga tiwaling disposisyon nila sa loob nila; nananatiling hindi nagbabago ang mga bagay na ito. Kapag positibo ang mga tao, labis silang masigasig at mataas ang motibasyon, at walang makakapigil sa kanila. Kapag negatibo sila, lugmok na lugmok sila, walang sinumang makapagpabangon sa kanila. Palagi silang gumagawa nang sukdulan, at ganap silang hindi matatag. Ipinapakita nito na may kulang sa kanilang normal na pagkatao. Ano ang wala sa kanila? Wala silang katotohanan bilang kanilang buhay—iyon ang kulang. Ang iyong kalagayan ay pabago-bago sa pagitan ng mainit at malamig, negatibo sa umpisa at positibo naman sa susunod. Ano ang nagdudulot nito? Ito ay ang mga tiwaling disposisyon mo na nagdudulot ng gulo. Ngayon ay ipinapaisip ng mga ito sa iyo ang isang bagay, bukas naman ay isa pang bagay; ano’t anuman, ang mga kaisipang ito ay palaging naaayon sa iyong mga kagustuhan, sa iyong pagkamainitin ng ulo, at sa iyong kasalukuyang kalagayan, lagay ng loob, at mga emosyon. Pero iba ito kapag ang mga tao ay mayroong katotohanan sa loob nila. Kung ang katotohanan ay nagiging buhay mo, palagi kang bibigyang-kakayahan nito na magkaroon ng tumpak at tunay na depinisiyon sa iyong ginagawa, at hindi ito kailanman magbabago. Hindi ka magiging mainit at malamig, at hindi ka magiging negatibo at mananatiling lugmok dahil sa isang kabiguan at pagbagsak, o dahil sa kaunting pagpupungos o kaunting problema. Hindi ka rin magiging labis na positibo na kumikilos ka na parang isang masikhay na kabataan, nananatiling gising sa loob ng tatlong araw at gabi. Sa halip, magkakaroon ka ng normal na pagkamakatwiran. Tama ba? (Oo.) Kapag nauunawaan na ng mga tao ang katotohanan at ang katotohanan ay naging buhay nila, nagiging malinaw sa kanila ang mga pangitain. Hindi nila alam kung bakit nila kailangang sumunod sa Diyos, kung bakit nila kailangang gawin ang kanilang tungkulin, kung anong mga resulta ang dapat nilang makamit sa paggampan ng kanilang tungkulin, at ang layunin, importansiya, at kahalagahan ng pagtitiis ng mga paghihirap na ito. Nauunawaan nila ang lahat ng katotohanang prinsipyong ito nang lubusan sa kanilang puso, nang walang kalituhan o kalabuan. At kaya, nagdurusa sila nang kusang-loob at nang walang reklamo, mayroon silang mga tuntunin at prinsipyo sa lahat ng ginagawa nila, at hindi sila kailanman nawawalan ng pananalig sa Diyos; kapag nakakaramdam sila ng pagkanegatibo, hindi sila nagrereklamo tungkol sa Diyos o hindi nila inaabandona ang Diyos, at kapag nakadarama sila ng pagkapositibo, wala silang mga karagdagang hinihingi sa Diyos, at labis na normal ang kalagayan nila. Ganito ba kayo ngayon? (Hindi.) Kung gayon ay ano ang dapat gawin? (Mula ngayon, dapat kaming tumuon sa pagsisikap na matamo ang katotohanan para lutasin ang aming mga tiwaling disposisyon; wala nang iba pang landas.) Wala nang iba pang landas maliban sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo: kung hindi mo sinisikap na matamo ang katotohanan, at kung ang mga tiwaling disposisyon mo ay nananatiling namumuno sa iyong buhay, hindi ka magkakaroon ng magandang hantungan; sa pinakamainam, ikaw ay magiging isang trabahador. Pero kung sinisikap mong matamo ang katotohanan, magiging malaki ang pag-asa mo na magtamo ng kaligtasan, at magiging malaki rin ang mga pagpapala na matatanggap mo sa huli. Kung sinisikap mong matamo ang katotohanan, makakaalpas ka mula sa gapos ng mga tiwaling disposisyon, ang mga tiwaling dispesisyon ay hindi na magiging buhay mo, at dahil dito ay tunay kang makakakita ng pag-asa na magtamo ng kaligtasan. Kung hindi mo sinisikap na matamo ang katotohanan, at nananatiling hindi nalulutas ang iyong mga tiwaling disposisyon, at gusto mong umasa lang sa pagpipigil sa sarili at kalakasan ng kalooban para gumawa ng mabubuting bagay at huwag gumawa ng kasamaan, mahirap sabihin kung magagawa mo bang makarating sa dulo ng landas. Naunawaan mo ba? (Nauunawaan ko.) Ano ang pinakamalaking problema na kailangang lutasin ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos? (Mga tiwaling disposisyon.) Ang paglutas sa mga tiwaling disposisyon ang pinakamahalagang bagay. Huwag isipin, “Full-time na akong gumagawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon, full-time na ginugugol ang sarili ko, kaya isa na akong mananagumpay!” Binabanggit ng Diyos ang tungkol sa pagbubuo ng isang grupo ng mga mananagumpay—ano ang ibig sabihin ng mga mananagumpay? “Ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man siya pumaroon” (Pahayag 14:4). Ang mga ito ay mga mananagumpay sa pinakasimpleng kahulugan ng salita. Ang isang tao ay hindi maaaring makontento sa pagiging isang mananagumpay lang. Ang pagiging mananagumpay sa ganitong simpleng kahulugan ay hindi nangangahulugan na ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao ay naiwaksi na, at hindi ito nangangahulugan na ang isang tao ay mayroong katotohanan bilang kanyang buhay. Ang mga naliligtas sa huli ay hindi lang mga mananagumpay—hindi ito ganoon kasimple. Ang mga mananagumpay ay ang mga napagtatagumpayan lang ang sekular na mundo, si Satanas, ang masasamang kalakaran, at ang masasamang rehimen—ito ang mga mananagumpay. Kung nakakaunawa ka lang ng ilang katotohanang prinsipyo, at kaya mong pansamantalang pagtagumpayan ang laman at mga damdamin, o hindi ka napipigilan ng iba’t ibang walang batayang tsismis, o hindi nagugulo ng masasamang tao o ng mga hindi mananampalataya, hindi pa rin nito natutugunan ang pamatayan ng isang mananagumpay. Ang pagkakaroon lang ng kaunting maliliit na karanasang ito ay hindi labis na mahalaga. Ano ang mahalaga? Ang pagkakaroon ng katotohanan bilang buhay ng isang tao ang pinakamahalagang bagay. Paano magagawa ng isang tao ang katotohanan bilang kanyang buhay? May iisang landas lang: Dapat mong higit na basahin ang mga salita ng Diyos, at higit na isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan mo lang makakamit ang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos at magkakaroon ng katotohanan bilang iyong buhay. Kung gagamitin mo ang katotohanan para gabayan ang buong buhay mo, ang pang-araw-araw mong buhay, at ang mga prinsipyo ng iyong pagkilos at pag-asal—kung magsasagawa ka sa ganitong paraan—magkakaroon ka ng katotohanang realidad. Kapag nagtataglay ka ng katotohanang realidad, ang iyong mga dating satanikong disposisyon ay maisasantabi. Bago ka magdesisyon kung paano kikilos, pagbulay-bulayan mo muna, “Ang iniisip ko ay hindi kumakatawan sa mga katotohanang prinsipyo. Dapat kong makita kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos.” Kung nagbubulay-bulay ka sa ganitong paraan sa bawat pagkakataon, at kung nagsasalita at nagsasagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos sa bawat pagkakataon, hindi ba’t unti-unting papasok ang katotohanan sa iyong buhay? Ang maraming maliliit na patak ay bumubuo sa isang karagatan. Hayaan ang katotohanan na unti-unting pumasok sa puso mo para baguhin ang iyong araw-araw, ang iyong mga pananaw, ang iyong kasalukuyang katayuan ng pag-iral, at ang iyong kalagayan. Habang unti-unting nagbabago at napupunta sa mabuting direksiyon ang kalagayan mo, patuloy na mababawasan ang posibilidad ng paggawa mo ng kasamaan at pagudulot ng mga paggambala at panggugulo, patuloy na mababawasan ang posibilidad na magpakitang-gilas ka, habang patuloy na madaragdagan ang iyong mga patotoo ng pagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag lumitaw ang mga kritikal na usapin ng tama at mali, napapangibabawan ng mga katotohanang prinsipyo ang iyong mga satanikong tiwaling disposisyon, at ang iyong mga personal na kagustuhan, hilig, at plano. Saka ka lang magiging isang tunay na mananagumpay, isang tao na mayroong katotohanan bilang kanyang buhay, at isang taong kayang magtamo ng kaligtasan. Kung hindi, kung kumikilos ka lang batay sa mga kagustuhan mo, iniisip na “Mabuti ang pagkilos sa ganitong paraan, ginagawa ko ang mga bagay na ito nang masaya at kusang-loob at wala akong mga reklamo,” ano ang silbi niyon? Wala kang mga reklamo, pero ano ang mga prinsipyo ng iyong pagsasagawa? Ang pagsasagawa mo ay ganap na nagmumula sa mga kagustuhan ng iyong mga tiwaling disposisyon, mula sa mga maling kaisipan at pananaw, mula sa mga makasariling intensyon, mula sa mga ambisyon at pagnanais, mula sa mga damdamin, at mula sa pagkamainitin ng ulo—ganap itong ginagabayan ng iyong mga tiwaling disposisyon. Isa itong buhay na nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, hindi isang buhay na nagbubunyag sa katotohanan. Bukod sa hindi ito tinatandaan ng Diyos, kokondenahin din Niya ito. Dapat mong subukan ang lahat ng magagawa mo para ang isinasabuhay mo, ang mga salitang sinasabi mo at ang mga bagay na ginagawa mo, at ang mga kaisipan at pananaw na ibinubunyag mo ay pawang naaayon sa katotohanan; para ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na iyon na iniluluwal ng mga tiwaling disposisyon ay mabawasan nang mabawasan sa iyong puso; at para ang iniisip mo sa iyong puso at ang iyong mga pananaw sa mga usapin ay pawang nauugnay sa katotohanan, at pawang naaayon sa katotohanan. Dapat kang maghangad at tumuon sa aspektong ito, at pagkatapos ay magiging parami nang parami ang mga pagbabago sa loob mo, at magiging pabuti nang pabuti ang kalagayan mo. Sa panahon ngayon, maraming tao ang kayang magsalita ng mga salita at doktrina, binibigkas ang mga ito nang malinaw at lohikal, pero pagdating sa pagsasalita tungkol sa katotohanang realidad, wala silang nasasabi, at hindi nila magawang magpahayag kahit ng kaunting praktikal na pagkaunawa. Ano ang nangyayari dito? (Wala kaming katotohanan.) Ang iyong buhay ay ang buhay pa rin ng mga tiwaling disposisyon, ang buhay ni Satanas, at hindi ito ang buhay ng katotohanan.
Naunawaan ba ninyo ang katatapos lang nating pagbahaginan? Kung tunay ninyong kinikilala ang inyong mga tuwaling disposisyon ay hindi pa naiwaksi at na namumuhay pa rin kayo sa mga tiwaling disposisyon, magiging negatibo ba kayo?(Kanina lang, nang marinig kong sinabi ng Diyos na hindi pa nagbabago ang aming mga tiwaling disposisyon, nakaramdam ako ng malaking pakiramdam ng tensiyon sa puso ko, iniisip na palagian kong kinakain at iniinom ang mga salita ng Diyos sa lahat ng taon na ito, at tumuon ako sa pagsasagawa sa katotohanan sa mga partikular na sitwasyon—kaya paanong hindi pa rin nagbabago ang mga tiwaling disposisyon ko? Medyo nadismaya at naging negatibo ako. Pero sa pamamagitan ng unti-unting pagbibigay-gabay at pakikipagbahaginan ng Diyos, naunawaan ko na nagpapakita lang ako ng kaunting panlabas na mabuting pag-uugali, pero namumuno pa rin sa kalooban ko ang mga tiwaling disposisyon ko; talaga ngang wala pang naging anumang pagbabago. Sinabi ng Diyos na kapag gumagawa ng mga bagay, dapat munang magbulay-bulay ang mga tao, at na gaano man kaganda ang mga ideya nila, hindi kinakatawan ng mga ito ang mga katotohanang prinsipyo, at na dapat nilang makita kung ano ang katotohanan na sinasabi sa mga salita ng Diyos, at magsanay sa paghahanap ng katotohanan at pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos sa tuwing may ginagawa sila, at pagkatapos ay unti-unting magbabago ang kalagayan nila. Pagkatapos kong marinig ang pakikipagbahaginan ng Diyos, tila nakakita uli ako ng pag-asa, at nadama ko na mayroong landas, at hindi na ako negatibo.) Mali ang maging negatibo; hindi ka dapat maging negatibo sa ilalim ng anumang sitwasyon. Ang pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ay ang dakilang usapin ng pagtatamo ng kaligtasan. Kapag ang isang bagay ay mas isang tiwaling disposisyon, mas dapat kang tumuon sa paglutas nito. Dapat gawin mo ang lahat ng makakaya mo at ibigay ang buong atensiyon mo rito. Hindi ka maaaring maging negatibo, at hindi ka maaaring sumuko. Bagama’t nagsisimula na kayo ngayon na tumuon sa pagsisikap na matamo ang katotohanan, minsan ay hindi pa rin ninyo alam kung paano magsasagawa. Ang pagkikipag-usap sa inyo ngayon tungkol sa landas ng pagsasagawa ay mas kapaki-pakinabang para sa inyong buhay pagpasok, at kasabay nito, maaari itong magdulot na lumitaw ang isang pakiramdam ng krisis sa inyo, at magbibigay kakayahan sa inyo na tumuon sa katotohanan, at maunawaan ng katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon. Huwag maging maluwag, at huwag makontento sa kasalukuyan ninyong sitwasyon. Naging masunurin at maganda lang ang asal ninyo, at medyo mas matino na kayo kaysa dati, pero malayo pa kayo sa pagwawaksi ng mga tiwaling disposisyon ninyo! Madaling makita ang mga katunayan, kaya anong silbi ng pagiging negatibo? Ang pagiging negatibo ay hindi nakapaglulutas ng mga aktuwal na problema. Dapat ninyong hanapin kung saan nagmumula ang problema at simulang subukang lutasin ito mula roon. Hindi pa huli na magsimula ngayon. Kailan magiging huli na ang lahat? Magiging huli na ang lahat kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos. Mayroon ba kayong determinasyon na pumasok sa katotohanang realidad at makamit ang katotohanan bilang inyong buhay? (Ngayon ay mayroon na kaming ganitong determinasyon.) Ang totoo, hindi mahirap ang pagpasok sa katotohanang realidad. Pag-isipan ninyo ito, nasabi na ang maraming salita ng pakikipagbahaginan sa katotohanan, at labis na detalyado at partikular ang mga ito. Tila maraming nilalaman, pero hindi nagbabago ang mga prinsipyo, at hindi nagbabago ang landas ng pagsasagawa. Kapag nagbubunyag ka ng isang tiwaling disposisyon, sadyang sungggaban ang ideya o kaisipang iyon, at magbulay-bulay sa iyong puso, “Isa itong tiwaling disposisyon, kaya paano ko ito dapat lutasin? Hindi ko pa ito nalutas dati. Nanampalataya ako sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, pero tumuon lang ako sa mga panlabas na kilos at sa pagpapakitang-gilas, at hindi ko kailanman pinagbulay-bulayan ang katunayan na mayroon pa rin akong mga tiwaling disposisyon. Ngayon ay bigla kong natuklasan na mayroon akong gayong kaisipan sa loob ko. Saan nagmula ang kaisipang ito? Mula sa isang tiwaling disposisyon. Kung gayon ay paano dapat lutasin ang tiwaling disposisyong ito?” Magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan, at magtanong-tanong din sa mga tao sa paligid mo na mayroong mga karanasan; aakayin ka nila na hanapin ang katotohanan at lutasin ang problema. Kapag magkakasama ang lahat, dapat ninyong suportahan at tulungan ang isa’t isa, at maging maunawain sa isa’t isa. Magkakapareho ang tayog ng lahat ng tao, at walang dapat tumingala o mangmaliit sa sinuman. Kung ang lahat ay nagtutulungan at nagsusuportahan sa isa’t isa tulad nito, at unti-unting lumalago ang tayog ng lahat, sa huli, kayong lahat ay magkakasamang nagtatamo ng kaligtasan at nakakapasok sa kaharian, hindi ba’t magiging mabuti iyon? (Oo.) Sige, dito na natin tapusin ang pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!
Setyembre 9, 2023