Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)

Noong huling pagtitipon, patuloy tayong nagbahaginan tungkol sa paksa ng “paano sikaping matamo ang katotohanan.” Ano ang pangunahing nilalaman ng pagbabahaginan? Nagbahaginan tayo tungkol sa mga pagkakaiba sa pagitan ng mga likas na kondisyon ng mga tao at ng mga tiwaling disposisyon nila, at partikular din tayong nagbahaginan tungkol sa dalawang aspektong ito. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, mayroon ba kayong partikular na pagkaunawa sa gawaing nilalayong gawin ng Diyos at sa kung anong mga aspekto ng mga tao ang gustong baguhin ng Diyos sa pagliligtas sa mga tao? (Oo. Sa pamamagitan ng huling pakikipagbahaginan ng Diyos, naunawaan ko na ang layong baguhin ng Diyos sa Kanyang gawain ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao.) Sa pagliligtas sa mga tao, layon ng Diyos na alisin sa kanila ang mga tiwaling disposisyon nila; hindi Niya layon na baguhin ang mga likas na kondisyon nila, tama ba? (Tama.) Nagpapahayag ang Diyos ng katotohanan at nagtutustos sa mga tao ng katotohanan, at gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan ng paggawa—ang pakay ng lahat ng ito ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan ng Kanyang gawain, binibigyang-kakayahan ng Diyos ang mga tao na iwaksi ang mga disposisyong inaasahan nila para manatiling buhay, na ginawang tiwali ni Satanas. Sa ganitong paraan, ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay isinasagawa sa mga tao, na nagiging buhay nila. Ito ang panghuling resulta na layong makamit ng gawain ng Diyos. Ano ang naarok ninyo mula sa pagbabahaginan tungkol sa aspektong ito? Anong nilalaman ang nag-iwan ng pinakamalalim na impresyon sa inyo? Pag-isipan muna ninyo ito sandali. (Tinulungan ako ng huling pakikipagbahaginan ng Diyos na ituwid ang nakalilinlang na pananaw na mayroon ako noon. Noon, inakala ko na babaguhin ng Diyos ang likas na kakayahan, mga abilidad, at personalidad ng mga tao, pero sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng Diyos, naunawaan ko na hindi gumagampan ang Diyos ng mahiwagang gawain. Ang gawain ng Diyos ay ang baguhin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang iba’t iba nilang nakalilinlang na kaisipan at pananaw, na mga bagay na kay Satanas. Sa pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, napapanumbalik ang normal na pagkatao ng mga tao, at unti-unting nagiging normal ang konsensiya at katwiran nila. Kasabay nito, naunawaan ko rin ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan. Sa pamamagitan lang ng paghahangad sa katotohanan at pagsasagawa sa katotohanan malulutas ang mga tiwaling disposisyon namin; kapag naging buhay namin ang mga salita ng Diyos, nakakamit namin ang maligtas ng Diyos. Nag-iwan sa akin ng malalim na impresyon ang dalawang aspektong ito ng pakikipagbahaginan ng Diyos.) Ang nilalaman ng huling pagbabahaginan ay kinabibilangan ng isang katotohanang nauugnay sa mga pangitain; kinabibilangan ito ng ilang partikular na aspekto ng gawain ng Diyos, ng mga pakay ng gawain ng Diyos, at ng mga resultang layon nitong makamit. Batay sa nilalamang napagbahaginan, lumitaw ang ilang partikular na katanungan. Kabilang sa mga tanong na ito ang kung aling mga pagpapamalas ng pang-araw-araw na buhay ang maituturing na mga likas na kondisyon ng isang tao, kung aling mga pagpapamalas ang sumasalamin sa karakter o pagkataong diwa ng isang tao—ibig sabihin, ang karaniwan nating tinutukoy bilang ilang pagpapamalas ng kung mabuti ba o masama ang pagkatao ng isang tao—at kung aling mga pagpapamalas ang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Mga partikular na katanungan ang mga ito, tama ba? Bagama’t nagbigay tayo ng ilang halimbawa noong pinagbahaginan natin ang paksang ito noong nakaraan, hindi masyadong tutok o partikular ang mga ito. Ngayon, partikular nating pagbabahaginan ang isyung ito para mapag-iba natin ang mga pagpapamalas na ibinubunyag ng mga tao na mga likas na kondisyon, iyong mga tumutukoy sa karakter nila, at iyong mga nakakategorya bilang mga tiwaling disposisyon, pinag-iiba ang mga partikular na pagpapamalas ng tatlong aspektong ito. Sa ganitong paraan, magiging mas malinaw kung paano dapat iugnay ng mga tao ang samu’t saring isyung nararanasan nila sa pang-araw-araw na buhay nila sa tatlong aspektong ito batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kabilang dito kung alin sa mga pagbubunyag ng mga tao ang mga likas na aspekto ng normal na pagkatao na hindi na kailangang harapin o pigilan; kung aling mga aspekto ang mga pagbubunyag ng mga problema sa pagkatao ng mga tao, at kung paano nila dapat baguhin at ituwid ang mga ito, o lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan; at kung aling mga pagpapamalas ang makakategorya bilang mga tiwaling disposisyon, at kung paano dapat unawain ng mga tao ang diwa ng mga disposisyong ito at lutasin at iwaksi ang mga ito sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsasagawa sa katotohanan. Ang lahat ng ito ay may mga partikular na pagpapamalas, at siyempre, mayroong mga partikular na landas ng pagsasagawa na nasasangkot. Ayon sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga tao, pagbabahaginan natin ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa para maunawaan ng mga tao kung paano harapin at lutasin ang mga isyung ito, at para magkaroon ng mga mas kongkretong saloobin at landas ng pagsasagawa ang mga tao para sa iba’t ibang problema. Mainam bang pakinggan ang pagbabahaginan sa ganitong paraan? (Oo.)

Dalawang beses na nating napagbahaginan dati ang tatlong isyu ng mga likas na kondisyon, ng pagkatao, at ng mga tiwaling disposisyon. Bagama’t hindi natin partikular na ipinaliwanag sa tutok na paraan kung alin sa tatlong isyung ito nabibilang ang mga pagpapamalas at pagbubunyag ng mga tao, nagbigay naman tayo ng ilang halimbawa noong pinagbahaginan natin ang bawat isyu. Sa mga nakaraang pagbabahaginan, kapag tinatalakay ang tatlong isyung ito, nagbabahaginan din tayo tungkol sa diwa ng mga isyung ito o sa mga landas at prinsipyo ng pagsasagawa na nasasangkot. Ngayon, tungkol sa tatlong isyung kakabanggit Ko lang, gusto Ko munang talakayin ng lahat kung ano ang tinutukoy na mga likas na kondisyon. Maaari kayong magbahaginan nang pangkalahatan tungkol dito para magkaroon muna kayo ng batayang konsepto. (O Diyos, ang mga likas na kondisyon ba ay tumutukoy sa kakayahan, mga abilidad, likas na personalidad, at mga likas na gawi ng isang tao?) Napagbahaginan na natin dati ang nilalamang ito, kaya dapat ay pamilyar na kayong lahat dito. May dagdag pa ba? Ang mga kalakasan at hitsura ba ay itinuturing na mga likas na kondisyon? (Oo.) Paano naman ang pinagmulang pamilya ng isang tao? (Oo, likas na kondisyon din ito.) At ang mga kinaugalian at gawi sa pamumuhay, tama ba? May iba pa ba? (Ang mga hilig at libangan din.) May kaunting pagkakaiba sa pagitan ng mga hilig at libangan at ng mga kalakasan. Ang pagdaragdag ng mga hilig at libangan ay nagbubukas ng higit na mga partikular na detalye. Ilista natin ang mga ito nang sunod-sunod: Ang una ay pinagmulang pamilya. Ang ikalawa ay hitsura. Ang ikatlo ay personalidad. Ang ikaapat ay mga likas na gawi. Ang ikalima ay kakayahan. Ang ikaanim ay mga kalakasan. Ang ikapito ay mga hilig at libangan. Ang ikawalo ay mga abilidad. At pagkatapos ay mga gawi sa pamumuhay at mga kinaugalian sa pamumuhay. Ang huling dalawang ito ay magkatulad pero may ilang partikular na pagkakaiba. Sa kabuuan ay sampu ang lahat ng ito. Sige at basahin ninyo ang mga ito. (Una: pinagmulang pamilya. Ikalawa: hitsura. Ikatlo: personalidad. Ikaapat: mga likas na gawi. Ikalima: kakayahan. Ikaanim: mga kalakasan. Ikapito: mga hilig at libangan. Ikawalo: mga abilidad. Ikasiyam: mga gawi sa pamumuhay. Ikasampu: mga kinaugalian sa pamumuhay.) Ang lahat ng ito ay mga likas na kondisyon ng mga tao. Hindi ba’t dapat din tayong partikular na magbahaginan tungkol sa mga likas na kondisyon? Kung walang pagbabahaginan, magagawa ba ninyo ang mga wastong pag-iiba nang kayo-kayo lang? (Hindi.) Sa anong mga sitwasyon ninyo hindi magagawa ang mga pag-iiba-iba? (Minsan, kapag nakakakita kami ng ilang partikular na pagpapamalas sa isang tao, hindi namin matukoy kung sumasalamin ba ang mga iyon sa personalidad o mga likas na gawi ng taong iyon, o kung ang mga iyon ba ay mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon.) (Isa pa, ang mga gawi sa pamumuhay at ang mga kinaugalian sa pamumuhay—inakala ko dati na nabubuo ang mga ito batay sa naging kondisyon at kalagayan ng pamumuhay; hindi ko napagtanto na maaaring mga likas na kondisyon ang mga ito.) Kita mo, kapag hinimay natin ang ilang detalyado at partikular na nilalaman sa loob ng isang pangunahing tema, sa panlabas, tila alam mo ang mga partikular na detalyeng ito, pero sa tunay na buhay, medyo napaghahalo-halo mo ang mga ito; hindi pa rin lubos na malinaw sa iyo kung paano pag-ibahin ang mga ito, tama ba? (Tama.) Kailangan pa rin nating partikular na magbahaginan tungkol sa isyung ito.

Tungkol sa tatlong aspektong kakabanggit lang natin—mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon—maglista tayo ng ilang partikular na nilalaman para sa mga likas na kondisyon at isa-isa nating pagbahaginan nang detalyado ang mga ito. Hindi na natin ililista ang pagkatao at mga tiwaling disposisyon. Habang nagbabahaginan tungkol sa mga partikular na nilalaman at pagpapamalas ng mga likas na kondisyon, tatalakayin din natin ang ilang pagpapamalas ng pagkatao at ang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Kapag pinagbahaginan natin ang mga ito, matutukoy at mapag-iiba ninyo kung nabibilang ba ang mga ito sa mga likas na kondisyon, kung alin ang hindi kailangang baguhin, o kung nabibilang ba ang mga ito sa mga problema sa karakter ng mga tao o sa mga tiwaling disposisyon nila, na kailangang lutasin sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Sa pamamagitan ng partikular na pagbabahaginan gamit ang mga partikular na halimbawa at isyu, magiging mas malinaw ang mga kaibahan, tama ba? (Oo.) Halimbawa, ang ilang tao ay nagmula sa mahihirap na pamilya at hindi maalwan ang pamumuhay. Namumuhay sila sa gipit na sitwasyon; palagi silang kinakapos at kailangan nilang kalkulahin at planuhin ang bawat paggastos. Ang pamamaraan nila pagdating sa paggastos ng pera ay ang tipirin ang bawat barya hangga’t maaari. Isinilang sila sa gayong mga pamilya at sa ilalim ng gayong mga kondisyon. Alin sa tatlong aspektong ito na napagbahaginan natin ang kinabibilangan nito? Ito ba ay isang likas na kondisyon, pagkatao, o isang tiwaling disposisyon? Isa itong aspekto ng pinagmulan nilang pamilya, na isang likas na kondisyon, tama ba? (Oo.) Mabuti ba o masama ang pinagmulang pamilyang ito? (Sa perspektiba ng tao, masama ito.) Nahihirapan silang makaraos, napakahirap ng pamilya nila, hindi maalwan o masagana ang pamumuhay nila—ang lahat ng ito ay mga isyung may kinalaman sa pinagmulan nilang pamilya. Bagama’t ang ganitong uri ng tao ay isinilang sa isang mahirap na pamilya, hindi pa kailanman nakakain ng caviar, hindi kailanman nakapagsuot ng damit na may tatak, hindi kailanman nakaranas ng iba’t ibang luho, at hindi pa kailanman nakagamit ng anumang bagay na mamahalin o nakaugnayan ang sinumang mayayamang indibidwal o mga sikat na tao, nagtataglay naman siya ng konsensiya at katwiran. Kapag nakikisalamuha sa iba, hindi siya kailanman nananamantala. Kapag nakikita niya ang isang taong nagtatamasa ng magagandang bagay o kapag nakakakita siya ng mayamang tao, bagama’t nakakaramdam siya ng inggit, hindi niya kailanman naiisipang nakawin o kamkamin ang mga pag-aari ng iba. Aling aspekto ang tinutukoy ng pagbubunyag ng ganitong uri ng tao? (Ang karakter niya, ang pagkatao niya.) Tumutukoy ito sa pagkatao niya. Mabuti ba o masama ang pagpapamalas ng pagkatao niya sa aspektong ito? (Mabuti at matuwid ang pagkatao niya.) Hindi pa ito maituturing na matuwid; nangangahulugan lang ito na hindi niya sinasamantala ang maliliit na pakinabang at hindi niya binobola ang mayayaman. Nagagawa niyang tratuhin nang tama ang gayong mga usapin. Kumusta ang pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Medyo mabuti ang pagkatao niya.) Isa itong obhetibong pahayag; medyo mabuti ang pagkatao niya, ibig sabihin, sa usapin ng karakter niya, medyo may integridad at dignidad siya. Bagama’t mahirap at hindi marangal ang pinagmulan niyang pamilya, hindi niya kinasusuklaman ang mahihirap at pinapaboran ang mayayaman, ni sinasamantala ang iba. May isa pang uri ng tao: Isinilang siya sa isang mayamang pamilya, o gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “isinilang nang may pilak na kutsara sa bibig.” Hindi niya kailanman kinailangang mag-aalala tungkol sa pagkain o pananamit, at nakukuha niya ang lahat ng bagay; nakakain niya ang anumang pagkaing gusto niyang kainin. Lubhang mabuti ang kalagayan ng pamilya niya, at napakaganda ng pagtrato sa kanya ng mga magulang niya. Aling aspekto ang tinutukoy nito? (Tumutukoy rin ito sa pinagmulan niyang pamilya.) Ang pinagmulang pamilya ng isang tao ay isang likas na kondisyon. Bagama’t ang ganitong uri ng tao ay may lubhang mabuting pinagmulang pamilya, nang may maalwan na buhay at walang alalahanin tungkol sa pagkain o pananamit, at nakakita na ng magagandang bagay at naranasan na ang mga maibibigay ng mundo, kapag nakikisalamuha sa iba, kung may makikita siyang isang taong mas mahusay at mas may kakayahan kaysa sa kanya, o kaya ay kapansin-pansin na bihasa sa isang larangan, o kaya ay may katanyagan sa mga tao, nagseselos siya at pinipiga niya ang utak niya kakaisip kung paano mamaliitin ang taong ito. Aling aspekto ang tinutukoy ng mga pagpapamalas na ito? (Tingin ko, tumutukoy ang mga ito kapwa sa mga tiwaling disposisyon at sa pagkatao.) Tama iyan. Ang mga pagpapamalas na ito ay tumutukoy kapwa sa pagkatao at sa mga tiwaling disposisyon niya. Kapag nakakita ang ganitong uri ng tao ng isang taong mas magaling kaysa sa kanya, siya ay nagseselos, namumuhi, at gusto niyang supilin, pahirapan, at ibukod ito; gusto niya itong higitan. Kung may ganito lang siyang mga kaisipan pero hindi naman siya kumikilos batay sa mga ito, isa siyang taong may di-mabuting pagkatao—masama ba ang pagkatao niya? (Oo.) Kung, batay sa masamang pagkatao na ito, nakakaramdam siya ng pagtutol kapag may nakikita siyang mas mahusay kaysa sa kanya, hinuhusgahan niya ito kapag nakatalikod ito, at kumikilos pa siya nang tuso para supilin ito, ang mga ito ay mga partikular na pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon. Ano ang diwa ng tiwaling disposisyong ito? Ito ay kalupitan. Tumutukoy ang mga pagpapamalas na ito kapwa sa pagkatao at sa isang tiwaling disposisyon. Bagama’t maganda ang kalagayan ng pamilya ng ganitong uri ng tao at kumakain at nagdadamit siya nang maayos, at maaaring asahan mo na nagtataglay siya ng kabatiran at nagpaparaya sa iba, kapag nakikisalamuha sa mga tao, palagi niya silang gustong samantalahin at palagi siyang masyadong mapagkalkula. Kapag lumalabas siya kasama ang ibang mga tao, palagi niyang binubusisi kung sino ang gumastos nang mas malaki at kung sino ang nagbayad para sa mga gastusin sa biyahe, ayaw niyang gumastos ng kahit isang karagdagang barya. Kapag gumagawa kasama ang iba, palagi niyang kinakalkula kung sino ang may mas maraming ginawa at kung sino ang mas kaunti ang ginawa, at palagi siyang nag-iisip ng mga paraan para magpakatamad. Aling aspekto ang tinutukoy nito? (Tumutukoy ito sa pagkatao niya.) Aling aspekto ng pagkatao? (Pagkamakasarili at pagiging mababang uri.) Pagkamakasarili at pagiging mababang uri, pagkahilig na manamantala ng iba, kawalan ng integridad at dignidad—tumutukoy ito sa karakter niya. Kapag nakikisalamuha sa mga tao, mapagkalkula siya at mahilig siyang manamantala ng iba, kahit na isang barya lang naman ang makakamit na pakinabang, at naghahanap siya ng bawat pagkakataon para makalamang. Ito man ay galing sa isang pampubliko o pampribadong pinagmulan, o mula man sa mga bata o matatandang tao, sinasamantala niya ang lahat ng tao. Sinuman ito, hindi siya nagpapapigil, at nananamantala siya sa tuwing may pagkakataong lumilitaw. Labis siyang mahigpit at mapagkalkula sa mga pakikisalamuha niya sa iba. Halimbawa, noong huling beses ay hiningan mo siya ng pabor, at ngayon, pakiramdam niya ay may pagkakautang ka sa kanya. Sisikapin niyang itulak kang suklian ang naging pabor niya sa iyo, at dapat ay mas malaking pabor ito kaysa sa ginawa niyang pabor para sa iyo; saka lang niya madarama na patas na kayo. Hindi ba’t ito ay pagiging masyadong mapagkalkula? (Oo.) Ito ay pagiging masyadong mapagkalkula, lubhang mahigpit sa iba, at labis na mapagpakana. Bagama’t wala na siyang mahihiling pa pagdating sa pagkain at pananamit, at nagtatamasa siya ng mas magandang buhay sa lahat ng aspekto kung ikukumpara sa iba, sa tuwing nakikita niya ang isang taong may gamit na hindi pa niya nakikita noon, gusto niyang gamitin ito saglit at subukan ito. Pakiramdam niya ay kailangan niyang magkaroon ng anuman ang mayroon ang ibang tao. Kung wala siya nito, hindi komportable at panatag ang puso niya, hanggang sa puntong nawawalan siya ng gana kumain at hindi na siya makatulog; kapag napasakanya na ang bagay na ito ay saka lang siya nasisiyahan. Anong uri ng isyu ito? (Isa pa rin itong isyu ng pagkatao.) Ang mga partikular na pagpapamalas na ito ay mga isyu ng pagkatao niya, hindi ng mga likas na kondisyon niya. Ang mga likas na kondisyon ay tumutukoy lang sa pinagmulan niyang pamilya at sa mga sitwasyon ng pamilyang nagagawa niyang matamasa, samantalang ang mga paraan niya ng pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay ay tumutukoy sa pagkatao niya. Ang mga pagbubunyag at pagpapamalas niya, tulad ng kanyang mga saloobin, pamamaraan, at motibasyon sa kanyang pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay, ay tumutukoy sa isyu ng karakter niya; hindi pa ito umaabot sa antas ng mga tiwaling disposisyon. Siya ay makasarili, mahigpit, masyadong mapagkalkula, mapagpakana, at mahilig manamantala ng iba—ang mga ito ba ay mga pagpapamalas ng mabuti o masamang pagkatao? (Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng masamang pagkatao.) Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng mababang karakter at masamang pagkatao. Nakikita at nadarama ba ng iba ang mga pagpapamalas na ito ng masamang pagkatao? (Oo.)

Ang ilang tao ay may magandang mukha at ipinanganak nang may mga malaki, maningning, at matalinong mata na mukhang buhay na buhay at puno ng damdamin. Simula pagkabata, labis na silang kinagigiliwan. Sa aling aspekto ito napapasailalim? (Tumutukoy ito sa hitsura nila.) Ang hitsura ay nabibilang sa mga likas na kondisyon, tama ba? (Oo.) Ang pagkakaroon ng malalaking mata at magandang mukha, likas na nagtataglay ng kalamangan ng magandang hitsura—isa ba itong aspekto ng mga tiwaling disposisyon? (Hindi.) Tumutukoy ba ito sa mga isyu ng pagkatao? (Hindi.) Hindi ito tumutukoy sa pagkatao o sa mga tiwaling disposisyon, kaya walang kailangang baguhin. Ang mga likas na kondisyon ay taglay na mula pagkasilang; ipinanganak sila nang may ganitong hitsura, at hindi sila nagparetoke o nagpaopera ng hitsura. Sadyang ganito na sila. Bagama’t likas silang maganda, palagi silang naguguluhan kapag nahaharap sa masasalimuot na isyu sa pang-araw-araw na buhay at hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang mga ito. Wala rin silang pagkilatis tungkol sa mga tao, pangyayari, at bagay. Hindi malinaw sa kanila kung sino ang puwede nilang makaugnayan at kung sino ang dapat nilang iwasan. Hindi nila alam kung sino ang masama at kung aling mga ugnayan ang maaaring magdulot ng panganib. Sa edad na bente anyos o higit pa, hindi nila alam ang mga bagay na ito, at kahit trenta o kuwarenta anyos na sila, kahit na may kaunti na silang karanasan sa buhay, hindi pa rin nila alam. Kahit na malaki at puno ng damdamin ang mga mata nila, napakagulo ng isip nila. Anong uri ng problema ito? (Problema ba ito sa likas na kakayahan nila?) Hindi masyadong mahusay ang likas na kakayahan nila. Hindi nila kailanman mahanap ang mga prinsipyo kapag nakikisalamuha sila sa iba at humaharap sa mga bagay-bagay, at hindi nila makilatis ang iba’t ibang uri ng mga tao. Madalas silang nadadaya, nagagantso, at napaglalaruan ng iba. Kumusta ang kakayahan ng ganitong uri ng tao? (Medyo mahina ang kakayahan niya.) Hindi mahusay ang kakayahan niya. Ang pagkakaroon ng mga matang puno ng damdamin ay hindi tiyak na nangangahulugan na marunong ang isip niya. Bagama’t sa usapin ng likas na kondisyon niya ay maganda ang hitsura niya, hindi naman mahusay ang kakayahan niya. Gayumpaman, mayroong isang bagay: Noong nasa paaralan pa siya, mahusay siya sa pag-aaral ng mga kaalaman mula sa mga aklat-aralin; kaya niyang makabisado nang mabilis ang literatura at kapag nag-aaral ng matematika, pisika, at kimika, o ng isang bagong wika, mabilis niyang naaarok ang paksa. Madali siyang nakapasok sa unibersidad, kumuha siya ng master’s degree, at nagkamit siya ng Ph.D. Saan dapat ito mapasailalim? Puwede ba itong mapasailalim sa mahusay niyang kakayahan? (Hindi.) Kung gayon, saan ito napapasailalim? (Napapasailalim ito sa mga kalakasan niya, na siyang mga likas na kondisyon niya.) Tumpak iyan. Ang ganitong uri ng tao ay mahusay sa pag-aaral, pagkuha ng kaalaman, at mga pang-akademikong paksa. Mabilis siyang umarok ng kaalaman mula sa mga aklat-aralin at ng mga bagay na teoretikal at batay sa mga regulasyon, tulad ng mga aspektong nauugnay sa mga propesyonal na kasanayan at teknolohiya o mga pormula at regulasyon para sa matematika, pisika, at kimika, at natatandaan niya nang mabuti ang mga ito. Ang ganitong uri ng tao ay mahusay sa pag-aaral ng mga bagay na ito at may angking galing siya sa mga ito. Kaya niyang maunawaan ang mga ito sa isang sulyap lang, at partikular siyang mahusay sa mga pagsusulit at pagsagot ng mga tanong; pagdating sa pagsagot ng mga tanong, madali niya itong nagagawa—sa ganito niya pinakamahusay na magagamit ang mga kalakasan niya. Masasabi mo na ang ganitong uri ng tao ay panatag sa karagatan ng kaalaman. Kumakatawan ba sa kakayahan niya ang mga pagpapamalas na ito? (Hindi.) Kinakatawan lang ng mga ito na mayroon siyang partikular na kalakasan. Ang ganitong uri ng tao ay nagpapakita ng partikular na mahusay na paggampan sa larangan ng kaalaman, hinahayaan ang mga tao na makita na namumukod-tangi ang kalakasan niya sa larangang ito. Dahil may ganito siyang kalakasan, at dahil nagkamit na siya ng ilang tagumpay—nakapagkamit ng master’s at doctorate degree, at nakapagtamo ng mataas na antas ng edukasyon—kumpara sa ibang mga tao, nakikita niya ang sarili niya bilang maalam na indibidwal, iskolar, at intelektuwal na mataas ang antas. Kapag mas marami siyang nababasang aklat, mas lalo niyang nararamdaman na isa siyang bantog na indibidwal, isang nakahihigit na tao, at na ang iba pang mga tao ay ordinaryo, walang kaalaman, hindi makaunawa o makakilatis sa isip niya, at hindi niya kapareho ng antas. Dahil dito, madalas niyang nadarama na nakahihigit siya sa iba at itinuturing niya ang sarili niya bilang natatangi at ekstraordinaryo. Anong pagpapamalas ito? (Isang tiwaling disposisyon). Aling aspekto ng mga tiwaling disposisyon? (Pagmamataas.) Dahil sa mayabang na tiwaling disposisyon niya, lalo niyang hinahamak ang masa at ang mga tao mula sa iba’t ibang kalagayan ng pamumuhay pagkatapos niyang magkamit ng mataas na antas ng edukasyon. Dahil sa kanyang mataas na pinag-aralan at diploma, pagkatapos manampalataya sa Diyos, palagi niyang gusto na siya ang may huling salita sa iglesia at inaasam niyang maging isang lider. Sa tuwing may halalan, umaasa siyang mahalal siya. Kung hindi siya mahahalal, nagiging negatibo siya at sumusuko siya sa kawalan ng pag-asa. Anuman ang sabihin ng mga lider at manggagawa, ayaw niya itong pakinggan at gusto niya itong labanan. Anumang tungkulin ang italaga sa kanya, nasusuklam siya sa pagtatalagang ito at nanghuhusga siya nang palihim. Sa puso niya, iniisip niya, “Wala ka naman masyadong kaalaman. Walang lohika ang mga salita mo. Sa kaibuturan ng puso ko, hinahamak kita bilang isang lider ng iglesia. Hindi ako papayag na mapasailalim sa iyo! Huwag mong isiping mas magaling ka kaysa sa akin. Magkumpara tayo—tingnan natin kung sino ang mas magaling. Tingnan natin kung sino ang kayang bumigkas ng mas maraming salita ng Diyos at kung sino ang kayang magbahagi ng mas mahusay na pagkaunawa. Kung hindi kasinghusay ng sa akin ang pakikipagbahaginan mo, hindi ako papayag na mapasailalim sa iyo! Kahit na nahalal ka bilang lider, hindi ko kailangang pakinggan, ipatupad, o sundin ang lahat ng iniuutos mo sa akin!” Anong pagpapamalas ito? Isang tiwaling diposisyon.) Isa itong partikular na pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. Tumutukoy ba ito sa pagkatao? Dahil ang ganitong uri ng tao ay may likas na kalakasan at, batay sa pundasyong ito, nag-aaral nang husto, nagtatamo ng maraming kaalaman, at nagkakamit ng katayuan sa lipunan, nadarama niya na siya ay nakahihigit sa iba, bukod-tangi, at gusto niyang magsalita mula sa posisyon na mas mataas kaysa sa lahat at kumilos nang mapaghari-harian; sa gitna ng mga tao, gusto niya palagi na siya ang namumuno, na pakinggan siya ng iba—may problema ba ang ganitong uri ng tao sa kanyang konsensiya at katwiran? (Oo, mayroon.) Anong uri ng problema ito? Dahil sa kalakasan niya, naging napakadali para sa kanya na magtamo ng mataas na antas ng edukasyon sa pamamagitan ng pag-aaral. Problema ba ang mismong kalakasang ito? Ang kalakasan bang ito mismo ay isang aspekto ng mga tiwaling disposisyon? Isa ba itong pagpapamalas ng di-mabuting pagkatao? (Hindi.) Gayumpaman, dahil may ganito siyang kalakasan, nagtamo siya ng maraming kaalaman at nagkamit ng mataas na antas ng edukasyon, umaayon sa pagsusuri at depinisyon ng lipunan para sa katayuan. Dahil dito ay naniniwala siyang dapat siya ang may huling salita sa iglesia, maging nakatataas sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at maging mas mataas sa lahat. May anumang katwiran ba ang gayong pagkatao? Mabuti ba ang gayong pagkatao? (Hindi mabuti ang pagkatao niya.) Sa anong mga paraan hindi mabuti ang pagkatao niya? (Wala siyang katwiran at konsensiya; palagi niyang gustong maging mas mataas kaysa sa iba.) Ang palaging pagnanais na maging mas mataas kaysa sa iba, sa isang banda, ay dahil sa isang tiwaling disposisyon. Sa kabilang banda, mula sa perspektiba ng pagkatao, hindi ba’t medyo walang hiya ito? (Oo.) Ang sambahayan ng Diyos ay hindi ang lipunan. Kinukumpara ba ng sambahayan ng Diyos ang mga pang-akademikong kalipikasyon kapag naghahalal ng mga lider? (Hindi.) Saan ibinabatay ng sambahayan ng Diyos ang halalan ng mga lider? Batay ito sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba? (Oo.) Sa sambahayan ng Diyos, ang halalan ng mga lider ay batay sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sa kung sino ang may mas matataas na pang-akademikong kalipikasyon. Alam ba niya ang mga prinsipyo para sa paghahalal ng mga lider? Alam niya, pero tinatrato niya ang mga prinsipyong ito bilang mga burukratikong pahayag lang at bilang mga teorya lang, at hindi niya alam kung paano isagawa o ilapat ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Palagi niyang ipinapakalat ang ideya na tanging ang mga may mataas na pang-akademikong kalipikasyon lang ang may mahusay na kakayahan, nakakaunawa sa katotohanan, at nakakapamuno sa iba. Dahil mayroon siyang matataas na pang-akademikong kalipikasyon, kaunting kaalaman, at katayuan sa lipunan, dahil iniisip niya na kumikilos ang sambahayan ng Diyos katulad ng sa lipunan, ginagamit niya ang kanyang kaalaman at matataas na pang-akademikong kalipikasyon bilang kapital para subukang magkaroon ng huling salita sa sambahayan ng Diyos. Gusto niyang palitan ang mga prinsipyo para sa paghahalal sa mga lider sa sambahayan ng Diyos gamit ang sarili niyang mga paraan ng pagtingin sa mga tao at pagharap sa mga bagay-bagay at gamit ang sarili niyang mga pamamaraan, perspektiba, at pananaw sa posisyon at katayuan sa lipunan. Hindi ba’t wala itong katwiran? (Oo.) Ano ang isa pang paraan para ilarawan ang kawalan ng katwiran? (Ang pagiging walang kahihiyan.) Sa madaling salita, ito ay kawalan ng kahihiyan; ang isa pang paraan para ilarawan ito ay na ang ganitong uri ng tao ay may napakahinang pagkamakatwiran. Kita mo, bagama’t nakatanggap siya ng diumano’y mas mataas na edukasyon at nakapagbasa ng maraming aklat, wala sa mga aklat na iyon o sinumang guro o edukador ang nagturo sa kanya kahit kailan kung paano kumilos para magkaroon ng katwiran. Pagkatapos matuto ng maraming bagay mula sa mga aklat, sa halip ay nadarama niyang nagkamit siya ng kapital at na nakahihigit siya sa mga ordinaryong tao. Bagama’t ang kalakasan niya ay hindi isang negatibong bagay at isa itong likas na kondisyon, ang kalakasang ito ay madaling hahantong sa isang partikular na kahihinatnan—dahil dito, siya ay nagiging mayabang at hambog, nawawalan ng kanyang katwiran, at nagiging labis na mapangahas at walang kahihiyan. Kahit na marami na siyang nabasang aklat at marami na siyang natamong kaalaman, hindi niya nauunawaan ang kahulugan ng salitang “kahihiyan.” Samakatwid, pagkatapos magkamit ng ilang pang-akademikong kalipikasyon, ginagamit niya ito bilang kapital para magpakitang-gilas kahit saan, at gusto niya itong gamitin para magkamit siya ng katayuan sa sambahayan ng Diyos at maging siya ang may huling salita. Iniisip niya, “Mayroon akong matataas na pang-akademikong kalipikasyon at mabilis kong natututunan ang mga bagay-bagay, ibig sabihin, may mahusay akong kakayahan. Dagdag pa rito, labis akong maalam, marami na akong naranasan sa mundo, at mabilis akong mag-isip, kaya kalipikado akong pamunuan ang iba.” Ang ipinapahiwatig nito ay na ang kaalaman at mga kalakasan niya ang katotohanan. Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng kawalan ng katwiran. Ang ganitong uri ba ng tao, na walang katwiran, ay may integridad? May dignidad ba siya? (Wala.) Ang kawalan ng integridad at dignidad—isa ba itong pagpapamalas ng mabuting pagkatao o ng kasuklam-suklam at napakababang pagkatao? (Isa itong pagpapamalas ng kasuklam-suklam na pagkatao.) Walang mabuting pagkatao ang gayong mga tao. Ang pinakapinapahalagahan nila ay ang kanilang mga pang-akademikong kalipikasyon, katayuan sa lipunan, personal na halaga, at posisyon. Gamit ang mga ito bilang kapital nila, sukdulan ang kanilang pagiging mayabang at hambog, at gusto nilang sila ang may huling salita. Isa itong pagpapamalas ng kasuklam-suklam na pagkatao. Ang isyung ito ay kinabibilangan ng dalawang aspekto: Ang isa ay tumutukoy sa pagkatao nila at ang isa pa ay sa tiwaling disposisyon nila. Ang perspektiba nila sa mga isyu at ang kanilang saloobin at mga pananaw sa pangangasiwa ng mga isyu ay nauugnay sa pagkatao nila. Dahil sa ganitong uri ng pagkatao, nakakabuo sila ng mga partikular na pagkilos, pagpapamalas, at pagbubunyag, na siyang mga pagpapahayag ng isang tiwaling disposisyon.

Ang ilang tao ay likas na hindi palasalita; mula pagkabata, hindi na sila gaanong mahilig magsalita. Kapag nakikisalamuha sa iba, nagsasalita sila gamit ang mga simple at maiksing termino, at kapag maraming bagay ang nangyayari sa kanila, wala silang masyadong naiisip, ni wala silang masyadong wika para ipahayag ang mga ito. Kahit na magpahayag man sila, napakasimple lang nito. Anong klaseng problema ito? (Isa itong problema tungkol sa personalidad nila.) Isa itong problema sa personalidad nila, na bahagi ng mga likas na kondisyon nila. Likas na hindi palasalita ang personalidad nila. Sila ay gumagamit ng simpleng wika, walang masyadong komplikadong iniisip, at nag-aatubiling magsalita kapag nakikisalamuha sa iba. Kapag pinagbabahaginan ang katotohanan sa mga pagtitipon, nakikinig lang sila sa pagsasalita ng iba, at ayos na kung makapagbigay sila ng isang simpleng tugon matapos magsalita ang iba. Kung tatanungin mo sila, “Ano ang pagkaunawa mo rito?” sasabihin nila, “Katulad ng sa iyo ang pagkaunawa ko.” Kung sasabihan mo sila na maging partikular, sasabihin nila, “Kaparehas ng sa iyo ang iniisip ko,” at pagkatapos ay wala na silang masasabi pa. Sadyang ganito ang personalidad nila; kung hihilingin mo sa kanilang magsalita pa, wala na silang masasabi pa. Bahagi ito ng mga likas na kondisyon nila. May isa pang uri ng tao, bagama’t mukhang wala siyang masyadong masasabi at madalas siyang hindi palasalita sa panlabas, na mahilig makipagtsismisan sa pribado, nagsasabi ng mga bagay tulad ng: “Saang pastoral area galing si brother o sister Ganito-at-ganyan? Nabalitaan kong walong taon na siyang nananampalataya sa Diyos—naging lider na ba siya? Ilang taon na siya? Totoo bang nakipagdiborsiyo siya at may anak siya?” Anong uri ng pagpapamalas ito? Sa panlabas, hindi siya palasalita at ayaw niyang magsalita kapag nasa publiko. Hindi masyadong malawak ang bokabularyo niya, at hindi niya alam ang mga salita para makipag-usap nang normal sa iba. Gayumpaman, sa ibang mga usapin, marami siyang nasasabi at mahilig siyang mag-usisa tungkol sa iba, nagsasabi ng mga bagay tulad ng: “Nagpa-double eyelid surgery ba ang taong iyon? Napakaputi ng balat niya—madalas ba siyang nagpupunta sa mga beauty salon?” o “Nakikita ko na palaging ang pinakabagong computer ang ginagamit ni Ganito-at-ganyan, at may tatak at talagang mamahalin ang lahat ng damit niya. Maykaya ba ang pamilya niya? Ano ang negosyo ng pamilya niya? Opisyal ba ang tatay niya?” Anong mga problema ang kinasasangkutan ng mga pagpapamalas na ito? (Kinasasangkutan ng mga ito ang mga problema sa pagkatao niya.) Ang pagkahilig na magtanong tungkol sa tsismis, ang pagkolekta ng mga impormasyon tungkol sa maliliit na personal na usapin, at ang kasiyahang makipagkuwentuhan tungkol sa mga usapin ng ibang mga tao—ang mga ito ay mga pagpapamalas na nauugnay sa pagkatao ng isang tao. Mabuti ba ang mga pagpapamalas na ito? (Hindi.) Sa anong mga paraan hindi mabuti ang mga pagpapamalas ito? Anong mga problema ng pagkatao ang nasasangkot sa mga ito? Wala siyang napinsala o pinahirapan, ni hindi niya napinsala ang mga interes ng iba, kaya bakit itinuturing na masama ang mga pagpapamalas na ito? (Palagi niyang gustong malaman ang mga usapin ng ibang mga tao, palagi niyang palihim na inaalam ang mga usapin ng ibang mga tao kapag nakatalikod sila. May problema sa katwiran ng pagkatao niya.) May kinalaman ito sa katwiran ng pagkatao niya. Kung matapat at diretsahan niyang tatanungin, halimbawa, “Brother Ganito-at-ganyan, ilang taon ka na?” normal na pagpapamalas ba ito ng pagkatao? (Oo.) Hindi ba’t bukas at tuwiran ang pagtatanong sa ganitong paraan? Hindi ba’t wasto ito? (Oo.) Kung gayon, bakit hindi nagtatanong o nagsasabi nang diretsahan ang ilang tao sa mga nasasangkot? Bakit pinipili nilang kumilos nang tuso kapag nakatalikod ang ibang mga tao? Kung ang isang paksa ay puwedeng itanong o pag-usapan nang personal, dapat itong sabihin nang hayagan. Bakit pa magbubulungan ng mga sekreto kapag nakatalikod ang ibang mga tao? Hindi ba’t kinasasangkutan ito ng isang partikular na saloobin at pamamaraan ng pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay. Mabuti ba ang saloobin at pamamaraang ito? (Hindi.) Bakit hindi itinuturing na mabuti ang saloobin at pamamaraang ito? Ang mga tao bang ito na mahilig na mag-usisa nang palihim tungkol sa mga bagay-bagay ay nasisiyahan sa pag-aalam ng mga pribadong bagay tungkol sa iba at sa pagsisiyasat sa mga tao kapag nakatalikod ang mga ito? (Oo.) Bakit mahilig silang magsiyasat ng mga tao kapag nakatalikod ang mga ito? Kung may mga katanungan sila, bakit hindi nila direktang itanong ang mga ito? Mahirap bang magtanong nang harap-harapan? Pakiramdam nila, hindi madali o posible na magtanong nang direkta, kaya nag-uusisa sila kapag nakatalikod ang ibang mga tao. Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit sila kumikilos sa ganitong paraan? (Oo.) Ang totoo, may ilang bagay na puwede namang itanong nang direkta, tulad ng pagtatanong sa isang tao ng mga bagay tulad ng: “Ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos? Nagkolehiyo ka ba? Ano ang tinapos mo sa pag-aaral? Ilang taon ka na?” Ang lahat ng ito ay puwedeng itanong nang harap-harapan. Kung may ilang tao na ayaw magsabi sa iyo, huwag ka nang magtanong, at huwag ka ring mag-usisa kapag nakatalikod sila. Kung sa tingin mo ay magiging handa silang magbahagi ng ilang bagay sa iyo, o kung pamilyar kayo sa isa’t isa at pinagkakatiwalaan ka naman niya para magsabi sa iyo, puwede mo siyang tanungin nang direkta. Bakit ipipilit mo pang mag-usisa kung kani-kanino kapag nakatalikod sila? Kailangan ba talaga iyon? Hindi ba’t tila napakababa naman niyon? Hindi naglalakas-loob ang mga taong ito na magtanong nang direkta dahil nangangamba silang hindi magsasabi sa kanila ang taong iyon. Pero gustong-gusto nilang alamin at tuklasin ang tungkol sa mga bagay na ito. Kung hindi nila matutuklasan ang mga ito, hindi sila mapapakali, pero sa sandaling makuha na nila ang impormasyon, napapanatag na ang kalooban nila, na para bang nagtamo sila ng isang napakahalagang kayamanan. Anong uri sila ng tao? Ang pagiging masaya sa pag-uusisa at pag-arok sa mga pribadong usapin o personal na impormasyon ng iba—ang gayong mga tao ay malamang na magtsismis at manghusga ng iba, hindi ba? (Oo.) Kung naniniwala kang magiging handa ang ibang tao na sagutin ang mga tanong mo, puwede mo siyang tanungin at direkta mong alamin ang mga bagay na ito. Kung pakiramdam ng taong iyon na ang ilang tanong mo ay labis-labis at lampas na sa dapat mong itanong, at tumanggi siyang sagutin ka, ayos lang iyon. Kung ayaw ka niyang sagutin o ayaw niyang malaman mo ang ilang bagay, huwag ka ring mag-usisa kapag nakatalikod siya. Kung ipipilit mong malaman ang impormasyon o mga pribadong usapin ng isang tao, sa isang banda, magsisimula siyang maghinala sa iyo: “Bakit gusto mong malaman ang mga bagay na ito? Bakit sinusubukan mong alamin ang tungkol sa akin kapag nakatalikod ako? Pakay mo bang kontrolin ako, pahirapan ako, o ipagkanulo ako?” Isang aspekto iyon. Sa kabilang banda, bakit mo ba kailangang alamin ang tungkol sa ibang mga tao? Ano ang karapatan mo na malaman ang mga bagay-bagay tungkol sa kanila? Gusto mo bang kumalap ng impormasyon tungkol sa lahat ng tao? Kailangan mong malaman ang lahat ng bagay—bihasa ka ba sa pangongolekta ng impormasyon? Ito ba ang trabaho mo? Hindi binigyan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman ng gayong atas. Kung palagi mong sinusubukang mag-usisa tungkol sa mga pribadong usapin ng ibang mga tao, nag-uusisa tungkol sa mga bagay na ayaw nilang malaman mo, nagiging dahilan ito ng labis nilang pagkainis sa iyo. Kumusta ang pagkatao ng isang taong kinaiinisan ng iba? Kahit papaano man lang, walang kahihiyan ang taong ito. Ano ang tawag ng mga walang pananampalataya sa gayong tao? Isang mapangahas na tampalasan. Mababang-uri ang pagkatao niya, wala siyang dignidad, at gusto niyang mag-usisa sa lahat ng bagay, umaasal nang hindi wasto. Hindi ba’t ganito siya? (Oo.) Mabuti ba o masama ang pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Masama ang pagkatao niya.) Kahit papaano man lang, hindi mabuti ang pagkatao niya. Ito ay isang pagpapamalas sa loob ng kategorya ng kawalan ng mabuting pagkatao—umaasal nang hindi wasto at palaging kumikilos nang tuso. Sa panlabas, mukha siyang magalang, may respeto, at mapitagan sa iyo, mukhang maayos at wasto sa pag-asal niya. Gayumpaman, kapag nakatalikod ka, kumikilos siya nang tuso, inuusisa ang iyong edad, pinagmulang pamilya, at iba pang mga aspekto tungkol sa iyo, nang hindi hayagang nakikipag-usap o nagtatanong sa iyo nang direkta. Kapag nakikisalamuha at nakikipagkuwentuhan sa iba, hindi siya matapat o diretsahan; sa halip, palagi siyang kumikilos nang tuso kapag nakatalikod ang ibang mga tao, gumagawa ng mga bagay na hindi maaaring isiwalat. Palagi niyang pinagninilayan ang mga pribadong usapin ng ibang mga tao at kung ano kaya ang iniisip ng iba, palaging okupado ng gayong mga usapin ang isipan niya. Hindi mabuti ang pagkatao ng ganitong uri ng tao, at sa anumang grupo, inaayawan ng lahat ang gayong mga tao. Hindi dahil sa ayaw ng mga tao na malaman mo ang mga personal na bagay o na may itinatago sila mula sa iyo; inaayawan ka ng iba dahil sa pagkatao mo at sa pamamaraan mo ng pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay. Ang dahilan kaya ka inaayawan ng mga tao ay dahil ang pamamaraan mo ng pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay ay medyo kahina-hinala; ang mga taktikang ginagamit mo ay mababang-uri at ubod ng sama, sa halip na wasto at tuwiran. Tila walang isyu ang ilang tao kapag nakikisalamuha sa ibang mga tao nang harap-harapan, pero kapag nakatalikod ang mga ito, palagi silang gumagawa ng mga bagay nang palihim. Kapag umalis na ang ibang tao, mabilis nilang binubuksan ang computer nito para alamin kung sino ang kausap nito, kung ano ang pinag-usapan ng mga ito, kung ano ang isinulat nito sa talaarawan nito, at kung ano ang mga pananaw nito. Minsan, kapag may password ang computer ng isang tao, sinusubukan nilang alamin ito at sinasabi nila, “Binago mo ba ang password ng computer mo? Ginawa ko nang 1234567 ang password ko, siguro ay dapat mo na ring baguhin ang sa iyo.” Ano ang layunin ng pagsasabi nito? “Sinasabi ko sa iyo ang password ko—dapat mo ring sabihin sa akin ang sa iyo, para magkaroon ako ng pagkakataong matingnan ang computer mo.” Nangangahas pa nga ang ilang tao na halughugin ang bag at mga pag-aari ng ibang mga tao kapag wala ang mga ito. Halimbawa, kapag nakikita nilang may suot na bagong headphones ang isang tao at gusto nilang malaman kung kumusta ang kalidad ng tunog nito, maaari silang mangahas na kunin ang headphones at gamitin ito kapag wala ang may-ari. Kung hayagan mong hihiramin ang headphones ng taong iyon, at pumayag siya, may karapatan kang subukan ito. Kung hindi siya papayag, hindi mo dapat subukan ito. Hindi ba’t iyon ang wastong paraan ng pangangasiwa rito? Pumayag man o hindi ang iba, dapat mong pangasiwaan nang hayagan ang mga bagay-bagay sa harap nila, hindi kapag nakatalikod sila. Sadyang hindi iyon magawa ng ganitong uri ng tao—palagi siyang kumikilos nang tuso. Hanggang saan? Sa sandaling umalis ka, agad niyang hahalughugin ang mga gamit mo, tinitingnan niya kung ano ang isinulat mo sa talaan mo ng espirituwal na debosyon at kinokopya niya ito kaagad, takot na may hindi siya makopya. Sa panlabas, tila nag-aasam siya sa katotohanan, pero ubod ng sama ang mga kilos niya kapag walang nakakakita. Kapag nakikita niyang bumili ka ng bagong computer, nagseselos siya. Sa panlabas, sinasabi niya na maganda at mabilis ang bagong computer, pero sa loob-loob niya, iniisip niya, “Mabilis? Sana masira iyan balang araw!” Isang araw, binanggit mo na ang bagong computer ay hindi gumagana nang maayos at mabagal, at palihim siyang natutuwa: “Dapat lang sa iyo iyan dahil gumamit ka ng bago! Hindi pa nga ako nakakagamit ng ganyan, kaya mas mainam kung hindi ka rin makagamit!” Ang isipan niya ay puno ng mga mababang-uri at ubod ng sama na kaisipan na hindi puwedeng masiwalat. Nakikita ng ilang tao na may magandang damit ang isang tao, at gusto rin nila itong isuot. Pero sa halip na magtanong nang direkta, sadyang naghihintay sila ng pagkakataon para palihim na isuot ito kapag wala ang taong iyon. Nananalamin sila, iniisip na maganda ang hitsura nila, pero sa sandaling marinig nila ang mga yapak na pabalik na ang taong iyon, mabilis nila itong hinuhubad at ibinabalik sa lagayan nito. Bagama’t ang mga tusong kilos ng ganitong uri ng tao at ang mga paraan niya ng pangangasiwa sa mga bagay ay maaaring hindi kinasasangkutan ng isang tiwaling disposisyon o hindi kasinglubha ng isang tiwaling disposisyon, labis namang kasuklam-suklam at kamuhi-muhi ang kanilang saloobin sa pag-asal at pagharap nila sa mga bagay-bagay at ang paraan nila ng pagtrato sa mga tao, at nakakaapekto ito sa normal na buhay ng iba sa isang antas. Samakatwid, masasabing ang ganitong uri ng tao ay may malulubhang isyu sa pagkatao niya. Gaano kalubha? Hindi wasto ang pag-asal niya, kumikilos siya nang tuso kapag walang nakakakita, at nakakapanghinala at ubod ng sama ang paraan niya ng pangangasiwa sa mga bagay. Palagi siyang masekreto; hindi siya kailanman gumagawa ng mga bagay nang hayagan, at palagi siyang gumagawa ng mga bagay-bagay kapag nakatalikod ang mga tao. Kapag wala ang ibang mga tao, kapag nasa iba ang atensiyon ng mga ito, o kapag walang makakakita o makakatuklas sa ginagawa niya, palihim niyang ginagawa ang mga bagay-bagay. Hindi mabuti ang pagkatao ng ganitong uri ng tao. Palagi siyang namumuhay sa madidilim na sulok, nababalot ng kadiliman, hindi makaharap sa liwanag o sa ibang mga tao. Mababang-uri at ubod ng sama ang pagkatao niya. Likas na gawi ba ang mga pagpapapamalas na ito ng napakababang pagkatao niya? (Hindi.) Nahihiya siyang gumawa ng mga bagay sa harap ng iba; mas gusto niyang gawin ang mga ito kapag nakatalikod ang iba, at kapag kumikilos habang nakatalikod ang iba, wala siyang anumang pagpipigil. Mayroon ba itong anumang kinalaman sa personalidad niya? (Wala.) Kung sasabihin mo na ang mga tusong pagkilos na ito o ang ibinubunyag at ipinapamuhay niya sa pagkatao niya ay nauugnay sa isang partikular na aspekto ng mga tiwaling disposisyon, hindi iyon tumpak. Gayumpaman, palagian ang mga tusong pagkilos niya. Sa panlabas, tila wala siyang ginawang anumang malalaking pagkakamali, at kapag itinatalaga siya ng iglesia sa isang tungkulin, kadalasan ay ibinibigay niya ang buong puso niya rito at masunurin siya; mukha pa nga siyang wasto sa panlabas. Pero kapag walang nakakakita, iba na ang nangyayari—tulad ng isang daga, sa sandaling wala nang nakatingin, nagsisimula na siyang kumilos nang tuso at kahina-hinala. Hindi ba’t katulad mismo ng mga daga ang mga taong ito? Pag-isipan mo ito—kung ito ang pagkatao nila at ang paraan nila ng pakikisalamuha sa iba at pagharap sa mga bagay, kung ganito ang uri ng moral na karakter ng pagkatao nila at mayroon sila ng ganitong klase ng pagkataong diwa, paano nila tinatrato ang Diyos at ang katotohanan? Ang pagtrato ba nila sa Diyos at sa katotohanan ay parehas ng pagtrato nila sa mga tao? (Oo.) Kumikilos din sila nang tuso kapag walang nakakakita, hindi ba? Sinusubukan nila ang lahat ng posibleng paraan para maiwasan ang pangangasiwa ng mga lider at manggagawa, iba ang ikinikilos nila sa harap ng mga ito kumpara sa ikinikilos nila kapag nakatalikod ang mga ito. Hindi nila tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, ni tinatanggap ang katotohanan sa kaibuturan ng puso nila. Anuman ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, hinaharap nila ang mga ito sa sarili nilang paraan, kumikilos sila nang tuso at gumagawa ng ilang bagay para magpakitang-tao, para sa panlabas, walang makakakita ng anumang mga problema o maling paggawa. Sa panlabas, tila wala silang ginagawang mali at tila isinasagawa nila ang katotohanan, pero kapag walang nakakakita, kumilos na sila nang tuso, at palihim nang nagawa ang mga kamalian, nang walang nakakaalam. Hindi nila pinaniniwalaan o tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, kaya naman, hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Ano ang nasasangkot dito? Nasasangkot dito ang mga tiwaling disposisyon. Kapag tinatrato nila ang Diyos, ang katotohanan, at ang tungkulin nila nang may ganitong uri ng pagkatao at nang may ganitong paraan ng pakikisalamuha sa iba at pagharap sa mga bagay, ang mga partikular na pagpapamalas ng pagkatao nila na ibinubunyag nila ay kinasasangkutan ng mga tiwaling disposisyon. Ano ang nasasangkot sa mga tiwaling disposisyong ito? Kahit papaano man lang, nasasangkot dito ang pagkamapanlinlang. Kung ang mga kilos nila ay higit na mas masekreto at mapanlinlang, ano ang nasasangkot dito? (Umaangat ito sa antas ng kabuktutan.) Nasasangkot dito ang pagkamapanlinlang at kabuktutan sa loob ng mga tiwaling disposisyon nila. Dagdag pa rito, sa kaibuturan ng puso nila, palagi silang nagkikimkim ng mga pagdududa tungkol sa katotohanan at sa pagsisiyasat ng Diyos. Malalim itong nakatatak sa isip nila. Iniisip nila, “Walang nakakaalam kung ano ang ginagawa ko kapag walang nakakakita. Hindi ko nakita ang Diyos kahit saan, kaya tiyak na wala ring alam ang Diyos—ako lang ang nakakaalam.” Hindi ba’t kinasasangkutan din ito ng isang tiwaling disposisyon? Sa aling aspekto ng mga tiwaling disposisyon ito nauugnay? (Katigasan ng kalooban ba ito?) Mayroon nga silang disposisyon ng katigasan ng kalooban sa loob nila. Kaya, ang diwa ba ng mga kaisipang ito ay isang pagtutol sa katotohanan? (Oo.) Ang saloobin nila sa katotohanan ay saloobin ng paglaban at pagsalungat. Bukod sa pagiging matigas ang kalooban, partikular din silang tutol sa katotohanan, kaya nagiging malubhang isyu ito. Sa sandaling kasangkutan ito ng isang tiwaling disposisyon, mas malubha na ito kaysa sa mahinang pagkatao. Nasasangkot dito ang paghihimagsik laban sa Diyos, pagsalungat sa Diyos, at ang diwa ng pagsalungat sa katotohanan. Nasasangkot dito ang saloobin ng isang tao sa Diyos at sa katotohanan. Sa sandaling kasangkutan ito ng isang tiwaling disposisyon, nasasangkot na rito ang mga katotohanang prinsipyo at ang pangangailangang lutasin ang mga tiwaling disposisyon gamit ang katotohanan.

Ang ilang tao ay likas na matangkad at may magandang hubog ng katawan, at, dagdag pa rito, maganda, malinis, at mayumi ang mukha nila na nakakalugod sa ibang mga tao. Anuman ang suotin nila, hinahangaan sila ng mga tao, sinasabi, “Para talaga siyang naglalakad na magazine ad—napakaguwapo, napakaganda, labis na nakakabighani!” Napapasailalim ba ito sa mga likas na kondisyon nila, sa pagkatao nila, o sa mga tiwaling disposisyon nila? (Ito ang likas nilang hitsura.) Ipinanganak silang may magandang hitsura. Dahil likas silang kaakit-akit at maganda ang katawan nila, simula pagkabata, pinupuri na sila ng mga nakakatanda sa kanila, kinaiinggitan sila ng mga kaklase nila, at labis silang kinagigiliwan ng mga magulang nila. Araw-araw, binibihisan sila ng mga magulang nila, at bago sila magtatlo o limang taong gulang, isang araw ay nakadamit sila ng pambatang babae, at sa susunod na araw naman ay nakadamit sila ng pambatang lalaki. Sa madaling salita, minahal sila na parang isang minamahal na maliit na laruan. Habang lumalaki sila, nagiging lubhang mahilig silang magmukhang maganda. Dahil pinalaki sila sa isang moderno at maalwan na kapaligiran ng pamumuhay, naging gawi nila ang magbihis nang maganda. Lalo na matapos makakita ng iba’t ibang kabatiran sa fashion, nagsisimula silang mawilisa pagtutugma ng mga kulay, sukat, at estilo; nagbibihis sila nang napakaganda, at mukha silang elegante. Maging ang simpleng T-shirt at maong na pantalon ay iba ang dating sa kanila, at kapag pinarisan ng sapatos na nababagay ang kulay, lalong nagiging kahanga-hanga ang estilo nila—labis silang nakakabighani at napakaguwapo. Nakakabusog na sa mata ang makita lang sila. Sa tuwing nakikita sila sa mga pampublikong lugar o sa mga lansangan, tiyak na napapalingon sa kanila ang mga tao. Dahil isinilang sila nang may magandang hitsura at may ganitong likas na kondisyon, at marunong silang magbihis nang maganda, mukha silang elegante kahit ano ang suotin nila, ang kapwa mga kapareho at kasalungat nila ng kasarian ay lubhang nasisiyahan sa pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan sa kanila. Nasasabik ang mga tao na tumabi sa kanila at makipag-usap at makipagkuwentuhan sa kanila, at makisalamuha sa kanila nang malapitan, para makapagdulot ng kagalakan sa mga ito ang kagandahan nila. Kasalanan ba nila ito? (Hindi.) Dahil sa paborable nilang likas na kondisyon, palaging mapagparaya ang mga tao sa anumang mga problema, kamalian, o pagkukulang na maaaring mayroon sila. Kaya, saanman sila magpunta, lubha silang nagugustuhan ng mga tao at popular sila. Kahit na may masabi silang hindi kaaya-aya, nasisiyahan pa rin ang iba na marinig ito. Kapag mainit ang ulo nila o kapag nagmamaktol sila, ayos lang ito sa mga tao o hindi sumasama ang loob ng mga tao—pakiramdam pa nga ng mga tao na isa itong gantimpala mula sa kanila. Habang naiipon ang mga karanasang ito, ang likas na kondisyon nila ay nagbibigay sa kanila ng pakiramdam na nakahihigit sila. Nagsisimula silang mag-isip, “Ang pagiging maganda, elegante, at maganda manamit ay nagtutulot sa akin na maging popular saanman ako magpunta—ang saya nito! Ang lipunang ito, ang sangkatauhang ito, ay talagang nagpapahalaga rito. Tila itong likas na kondisyong ibinigay ng mga magulang ko sa akin ang kapital ko. Mas madali ang humanap ng trabaho, at sa mga pagsusulit, kung gusto kong mangopya sa papel ng isang tao, ang kailangan ko lang gawin ay tingnan siya, at iaalok na niya sa akin ang sagot niya.” Maraming tao sa kasalungat na kasarian ang nanliligaw sa kanila, at sa mga nasa kaparehong kasarian, marami rin ang tumatrato sa kanila nang maayos at palagiang pumupuri sa kanilang ganda at kaakit-akit na hitsura. Sa paglipas ng panahon, dahil dito, lalo nilang natatamasa ang kalamangang ito. Dahil sa kalamangang ito, nakakaranas sila ng maraming kaginhawahan, maraming pakinabang, at maraming pagtrato nang may pagkiling, na nagtutulot sa kanilang magtamasa ng maraming bagay. Kaya, sa ganitong uri ng kapaligiran, nagkakaroon sila ng ilang kahingian para sa sarili nila. Hindi sila umaalis ng bahay nang hindi naglalagay ng kolorete, at kung magkakaroon sila ng kahit isang taghiyawat, hindi sila naglalakas-loob na magpakita. Maingat sila sa pagkain nila, iniiwasan nila ang maaanghang na pagkain at toyo, at nag-aalala sila: “Kailan ba mawawala ang taghiyawat na ito? Hindi ko ito puwedeng tirisin—natatakot ako na baka magpeklat ito. Pero kung hindi ko ito titirisin, kapag nakita ba ito ng mga miyembro ng kasalungat na kasarian na dating humahanga sa akin, iisipin ba nilang hindi na ako kaakit-akit, hindi na ako ang taong pinapangarap nila? Magsisimula na ba silang mawalan ng pakialam sa akin? Ano ang dapat kong gawin? Siguro ay kailangan kong maghintay hanggang sa mawala ang taghiyawat bago ako lumabas. Hinding-hindi ko puwedeng hayaan ang mga tao na makita ako nang ganito; masisira nito ang perpektong imahe ko sa isipan nila.” Ang ilang tao ay kailangang maperpekto ang pagtutugma ng mga kulay, sukat, at estilo ng mga pananamit nila. Bago lumabas, kailangan nilang tingnan ang sarili nila sa salamin mula sa bawat anggulo, at ang ilan ay nagse-selfie para tiyakin na perpekto ang hitsura nila sa liwanag ng araw at sa artipisyal na ilaw, tinitiyak na ang mga aspekto tulad ng balat, kalagayan ng balat, estilo ng buhok, pananamit, at panlabas na pag-asal ay kaaya-aya sa mata at nagugustuhan ng iba, at saka lang sila nagiging handa na lumabas. Kahit pagkatapos na magsimulang gumawa ng tungkulin, pinapanatili pa rin nila ang ganitong estilo ng pamumuhay. Kung, dahil sa mga espesyal na sitwasyon, hindi sila nakaligo noong araw na iyon at lumapit sa kanya ang isang miyembro ng kasalungat na kasarian, agad nilang iniiwasan ito. Pakiramdam nila, kung hindi sila nakaligo, hindi sila dapat makita. Dahil napakarami nilang hinihingi sa hitsura at panlabas na pag-asal nila, nakakaapekto ito sa pang-araw-araw na buhay nila. Kung magpupunta sila sa isang lugar kung saan hindi sila makakaligo, nababalisa sila at labis na nagdurusa, at hindi sila makakain o makatulog nang maayos. Iniisip nila, “Ano ang gagawin ko kung hindi ako makakaligo? Hindi pa ako umabot nang higit sa tatlong araw nang hindi naliligo. Kung magsisimula akong mangamoy, mamaliitin ba ako ng mga tao? Hindi na ba magiging perpekto ang imahe ko? Hindi na ba ako ang papangarapin ng ibang mga tao? Ano ang dapat kong gawin?” Kung mapupunta sila sa isang lugar na may mahirap na kondisyon ng pamumuhay at mga pagkain na hindi sapat na masustansiya o balanse, nagsisimula silang mag-alala: “Makakaapekto ba ito sa balat ko? Gagaspang o tatanda ba ang balat ko? Mangungulubot ba ako? Hindi ako puwedeng manatili sa lugar na ito—kailangan kong makaalis dito!” Ang pakiramdam ng pagiging nakahihigit na dala ng likas na kondisyon nila ay nagdudulot na maging labis na masalimuot ang buhay nila, na nagtutulak sa kanila na mamuhay sa paraang labis na nakakapagod at nalilimitahan. Labis silang nag-aalala tungkol sa mga opinyon ng iba sa kanila, partikular na sa kung paano sinusuri ng iba ang kanilang pananamit, panlabas na asal, at tindig, masyadong inaalala kung ano ang tingin sa kanila ng iba—hanggang sa anong antas ito umaabot? Hanggang sa antas na nakakaapekto na ito sa normal nilang buhay, gawain, at paggampan ng tungkulin. Dahil sa pakiramdam ng pagiging nakahihigit na nagmumula sa hitsura nila, sila ay naging labis na paimbabaw, labis na nag-aalala sa hitsura nila, at labis na nag-aalala sa kung ano ang tingin sa kanila ng iba. Anong uri ng problema ito? Ang lahat ba ng pagpapamalas na ito ay isang tamang saloobin para sa pangangasiwa ng mga isyu sa pang-araw-araw na buhay? (Hindi.) Ang mga ito ba ay mga baluktot na pananaw na nabuo nila sa buong pang-araw-araw na buhay nila? (Oo.) Kung gayon, saan nauugnay ang mga pagpapamalas na ito? (Nauugnay ang mga ito sa pagkatao nila.) Sa aling aspekto ng pagkatao nila ito nauugnay? Ano ang isyu sa pag-asal nila? Ito ba ay pagiging paimbabaw? (Oo.) Ang pagiging paimbabaw ay isang isyu sa loob ng pagkatao nila. Ano pa? Banidad, pag-aalala sa kung ano ang tingin sa kanila ng iba, ang pagnanais na maging ang pinakaperpektong tao sa mga mata ng iba, at isang partikular na karupukan at kawalan ng abilidad na magtiis ng paghihirap. Dagdag pa rito, nariyan din ang pagiging makasarili. Para mapanatili ang kanilang imahe, hinihimok nila ang lahat na paglingkuran at paglingkuran sila, habang tumatanggi silang magtiis ng kahit katiting na paghihirap. Ang pakiramdam ng pagiging nakahihigit na dala ng likas na hitsura nila ay nagdudulot sa kanila na gustuhing sila ang maging sentro ng lahat ng tao. Ang sentro ng pang-araw-araw na buhay ng mga ito at ang layon na pakay nilang makamit ay ang mapanatili ang panlabas na hitsura nila. Sa isang pagkakataon, halimbawa, habang kumukuha ng litrato, may nakapansin na may piraso ng letsugas na nakaipit sa ngipin nila nang ngumiti sila. Mula noong sandaling iyon, tumigil na sila sa pagkain ng mga berdeng dahon. Kahit kapag iyon lang ang mapagpipilian at wala silang magagawa kundi kainin ito, agad silang nagmumugmog ng tubig pagkatapos kumain para hugasan ang bibig nila at talagang tumitingin sila sa salamin para makitang walang nakaipit sa ngipin nila bago sila maglakas-loob na lumabas at makipagkita sa iba. Isa ba itong isyu sa loob ng pagkatao nila? (Oo.) Ang mga pangkaraniwang isyung ito sa pang-araw-araw na buhay ay nakapaloob ng saklaw ng pagkatao at hindi pa umangat sa antas ng isang tiwaling disposisyon. Ang mga isyung kinakaharap nila ay pawang nauugnay lang sa mga aspekto ng buhay ng tao—sinusubukan nilang mapanatili ang kanilang kagandahan at mataas na atensiyon mula sa iba sa pamamagitan ng pagtutok sa kanilang pisikal na hitsura at mga panloob na hinihingi. Anuman ang ginagawa nila—ito man ay pagkain, pagbibihis nang maganda, o pagtitiis ng hirap at pagbabayad ng halaga—sa pangangasiwa ng mga isyung ito, ang mga pananaw at saloobin nila ay pawang nakatutok sa pagpapanatili ng panlabas na imahe nila para palagi silang mukhang kaaya-aya sa paningin, tinitiyak na maganda ang impresyon sa kanila ng iba at na nakakaakit sila ng mataas na antas ng atensiyon. Nasasangkot ba rito ang pagkatao nila? (Oo.) Nasasangkot ang pagkatao nila sa lahat ng pagpapamalas na ito—ipinapakita nila na labis na paimbabaw ang pagkatao nila.

May isa pang uri ng tao na bigay-todo sa pagpapakitang-gilas sa tuwing nasa paligid ang mga miyembro ng kasalungat na kasarian, sinusubukang manamit nang mas espesyal at maglagay ng kolorete para magmukhang mas kaakit-akit. Halimbawa, normal pa rin ang pag-uugali at hitsura nila kapag kasama nila ang mga kapatid na lubos nang pamilyar sa kanila, pero sa sandaling may lumitaw na isang tao mula sa kasalungat na kasarian na halos kaedad nila, nasasabik nang husto ang kalooban nila at pakiramdam nila ay kailangan nilang magbihis at mag-ayos nang espesyal. Ang ilang babae ay agad-agad na naglalagay ng lipstick para maging mas matingkad ang mga labi nila, nag-aayos ng kilay nila, at kung may oras pa, nagdadagdag ng pampapula ng pisngi. Karaniwang naka-ponytail ang buhok nila, pero sa sandaling makaharap nila ang isang tao mula sa kasalungat na kasarian na gusto nila o kaakit-akit para sa kanila, pinapaganda nila ang imahe nila sa paglulugay ng buhok nila hanggang balikat. Samantala, ang ilang lalaki naman ay pinapakintab ang buhok nila, inaayos ito sa gupit na estilong Koreano, Hong Kong, o Kanluranin, inaahit ang balbas o bigote nila, nagsusuot ng salamin, nagpapalit ng mas maayos na kasuotan, at kung may pagkakataon, nagpapabango sila—ang lahat ng ito ay para akitin ang kasalungat na kasarian. Kapag nakikipag-usap sa mga miyembro ng kasalungat na kasarian, madalas silang gumagamit ng ilang magarbong salita para magpakitang-gilas, layon nilang ipakita ang kanilang kultural na pagkapino, pagiging elegante, katalinuhan, at galing sa pagpapatawa. Labis nilang sinasadya ang layunin nila sa lahat ng kilos na ito—ginagawa nila ito para lang akitin ang kasalungat na kasarian. Ang ilang tao, kapag nasa paligid ng isang taong mula sa kasalungat na kasariang gusto nila, o ng isang taong mula sa kasalungat na kasarian na halos kaedad nila, ay nagiging mas masigla, mas madaldal, at mas mahusay na naipapahayag ang sarili nila, at nagiging mas buhay ang mga mata nila, at hindi na malamlam at walang sigla ang mga ito, at nagiging mas makulay rin ang mga ekspresyon ng mukha nila. Ano ang nangyayari dito? Bakit nagmumukha silang labis na apektado at hindi natural kapag nakakakita ng kasalungat na kasarian? Kapag unang nagkikita ang mga miyembro ng magkasalungat na kasarian, kadalasan ay medyo nahihiya pa sila, pero pagkatapos ng ilan pang pagkikita, nagiging mas pamilyar sila, at kumikilos sila nang mas natural. Gayumpaman, nagiging lubos na masigla at sabik ang ilang tao tuwing nakikita nila ang kasalungat na kasarian. Anong uri ng isyu ito? (Ito ay tungkol sa pang-aakit, na umaangat sa antas ng isang tiwaling disposisyon.) Anong uri ng tiwaling disposisyon ito? (Kabuktutan.) Hindi ba’t may problema sila sa pagkatao nila? (Mayroon.) Sa mahigpit na pananalita, isa itong problema sa pagkatao ng gayong mga tao. Anong aspekto ng pagkatao nila ang may problema rito? Isa itong problema tungkol sa mga pakikisalamuha sa kasalungat na kasarian. Paano ito inilalarawan ng mga walang pananampalataya? Tinatawag nila itong isang “isyu ng pagharap,” hindi ba? (Oo.) Kung ito ay kinasasangkutan ng isang tiwaling disposisyon, katanggap-tanggap na tawagin ito bilang kabuktutan; pero kung mas angkop itong ilalarawan, isa itong isyu ng pagharap ng isang tao sa mga pakikisalamuha sa kasalungat na kasarian na may kinalaman sa pagkatao ng isang tao. Kapag nahaharap sa kasalungat na kasarian, nagiging lubhang masigla, at lubhang positibo at aktibo ang ilang tao. Ang ipinapamalas ng “mga lubha” na ito ay isang isyu ng pagharap na may kinalaman sa pagkatao ng isang tao. Normal ba o hindi normal ang pagharap na ito? (Hindi normal.) Kung gayon, maaari ba itong ilarawan bilang buktot? Angkop bang sabihin na ito buktot ito? Ayos lang bang sabihin na medyo ubod ito ng sama? (Oo.) Ang gayong mga tao ay medyo ubod ng sama. Sa tuwing may isang tao mula sa kasalungat na kasarian na gusto nila, lumalapit sila sa grupo ng taong iyon, pilit na umuupo sa tabi nito, at pisikal na nakikilapit at nakikipagtinginan dito. Sumasalamin ito sa isang problema sa karakter nila—sila ay magulo, masama ang asal, at ubod ng sama. Kung paimbabaw ang isang tao, dapat pareho ang mga pagpapamalas niya kung nasa harap man siya ng kaparehong kasarian o ng kasalungat na kasarian—gusto lang niyang magmukhang maganda, at magustuhan, hangaan, at pahalagahan ng iba. Isa itong problema ng pagiging paimbabaw sa pagkatao niya. Gayumpaman, kung ang layunin niya ay ang akitin at guluhin ang kasalungat na kasarian, nagiging isyu ito ng pagharap niya sa mga pakikisalamuha sa kasalungat na kasarian. Kung ang isang tao ay lubhang paimbabaw hanggang sa naaapektuhan na ang normal niyang pamumuhay, isa lang itong kapintasan o isyu sa isang aspekto ng pagkatao niya. Pero kung partikular na nagbibihis ang isang tao para akitin ang mga miyembro ng kasalungat na kasarian, para magmukhang seksi at nakakabighani, at para mapalingon sa kanya ang mga tao, kung gayon, iyon ay buktot, ubod ng sama, at nagpapahiwatig ng maling pagharap. Lalong nagiging ubod ng sama ang ilang tao kapag mas maraming tao ang nasa paligid, palaging naghahanap ng pagkakataon na makaugnayan ang kasalungat na kasarian at magpakitang-gilas sa harap ng mga ito. Anuman ang uso sa mga walang pananampalataya, ganoon sila mananamit. Lalo na kapag dumadalo sa mga pagtitipon o humaharap sa kamera, kapag mas maraming miyembro ng kasalungat na kasarian ang naroroon, mas lalong gusto nilang magbihis nang maganda. Ang ilang babae ay nagsusuot ng manipis na pang-itaas, inilulugay ang buhok nila, naglalagay ng matingkad na lipstick, at nagdadagdag ng pampapula ng pisngi. Ang ilan pa nga ay nagko-contour ng ilong nila, naglalagay ng eye shadow, at nagsusuot ng kung ano-anong alahas. Nagbibihis sila sa anumang paraang makakaakit sa kasalungat na kasarian. Mas malubha ito kaysa sa pagiging paimbabaw. Kung ang pagiging paimbabaw ay isang depekto o kapintasan sa isang aspekto ng pagkatao ng isang tao, at isang maliit na isyu, ang mga buktot at ubod ng samang aspekto ng mga ugnayan ng magkasalungat na kasarian ay isang malaking isyu. Hindi nangangahulugang gumagawa ng kahalayan ang isang paimbabaw na tao, pero sa mga kapwa buktot at ubod ng sama, mahigit siyamnapung porsiyento ang posibleng masangkot sa kahalayan. Bakit Ko sinasabi iyon? Kung ang isang tao ay nagbibigay ng labis na pagpapahalaga sa mga pakikisalamuha niya sa kasalungat na kasarian, at lubhang nasisiyahan na magpakitang-gilas at magpapansin sa harap ng mga miyembro nito, may malaking posibilidad na maakit ng gayong tao ang mga miyembro ng kasalungat na kasarian. Ano ang layunin ng pang-aakit sa mga miyembro ng kasalungat na kasarian? Ito ay para makipagrelasyon nang hindi wasto. Kung nagagawa niyang kaswal na akitin ang isang taong mula sa kasalungat na kasarian, hindi ba’t ipinapahiwatig nito na napakakaswal niya pagdating sa pakikipagrelasyon sa kasalungat na kasarian? (Oo.) Walang dignidad ang gayong mga tao; kaswal silang nakikipaglandian sa iba at sila pa nga ang nangungunang magpakita ng motibo. Kapag mas maraming tao silang nilalandi, nagiging mas masaya sila, at hindi nila kailanman tinatanggihan ang sinuman hangga’t gusto nila ito. Anong uri ng tao ito? Kung isasantabi muna sa ngayon kung anong mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila, mabuti ba ang ganitong uri ng pagkatao? (Hindi.) Anumang mga kalamangan o kakulangan ang maaaring mayroon sila sa ibang mga aspekto ng pagkatao nila, kung sila ay labis na kaswal, hindi seryoso, at maluwag sa pagharap nila sa mga pakikisalamuha sa kasalungat na kasarian, sapat na ito mismo para ipakita na hindi mabuti ang pagkatao nila. Kung nagagawa nilang gumawa ng mali o ng hindi dapat sa anumang oras o lugar, hindi ba’t isa itong malubhang problema? (Oo.) Maaasahan ba ang gayong tao? (Hindi.) Ano ang ugat ng pagiging hindi nila maaasahan? Ito ay nasa buktot nilang kalikasan. Nagagawa nilang mag-isip ng kahalayan sa anumang oras at lugar, at nagagawa nilang akitin ang kasalungat na kasarian sa anumang oras at lugar—okupado lang ng ganitong mga bagay ang isipan nila. Kung hindi tutulutan ng kapaligiran o mga kondisyon, o kung wala silang sapat na oras para magbihis nang maganda, nakakahanap pa rin sila ng paraan; sumusulyap sila nang mapang-akit at ipinapangalandakan ang katawan nila o ang mga ekspresyon nila, nakikipagtinginan sa iba para akitin ang mga ito. Walang silbi ang gayong mga tao; talagang hindi sila maaasahan! Sila ay hindi seryoso, mahalay, at kaswal, at sa anumang oras at lugar ay magagawa nilang akitin ang iba na magkasala at gumawa ng mga pagsalangsang; walang pakiramdam ng kahihiyan ang gayong mga tao sa pagkatao nila, at hindi sila matutubos. Nakakatakot ba ang gayong mga tao? (Oo.) At hindi nila iniisip na kahiya-hiya ang mga bagay na ito; gaano man karaming tao ang nasa paligid, hayagan silang nagbibihis at nagpapakitang-gilas nang tulad nito, kumikilos nang maluwag at nang-aakit ng iba sa ganitong paraan. Ni hindi alam ng iba kung ano ang nangyayari—habang nakatutok pa rin ang iba sa normal na gawain nila, nakikipagdaldalan, o nag-uusap-usap, ang mga indibidwal na ito ay nagsimula nang makipaglandian sa isang tao sa pamamagitan ng pagsulyap dito nang mapang-akit. Tingnan mo kung gaano kasuklam-suklam at kakila-kilabot ang gayong mga tao! Wala silang anumang kahihiyan, hindi ba? Patuloy na gumagawa ng mga pagsalangsang ang mga taong walang kahihiyan, at ano ang kalalabasan nila sa huli? (Sa huli ay paparusahan sila sa impiyerno.) Ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? “Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno.” Samakatwid, kung napakalubha ng mga isyu sa pagkatao mo, lubha kang nasa panganib. Kung ang masamang pagkatao ng isang tao sa isang aspekto ay isang depekto, maaaring may mga pagkakataon para ituwid ito. Gayumpaman, kung mahina ang ilang aspekto ng pagkatao niya dahil likas siyang walang pakiramdam ng kahihiyan, at nagagawa niyang akitin ang iba sa anumang oras at lugar, at—kahit na hindi siya nagbunyag ng malinaw na tiwaling disposisyon—maaari pa rin siyang gumawa ng malulubhang pagsalangsang na humahantong sa malulubhang kahihinatnan, ang gayong mga tao ay walang mga limitasyon sa pag-asal nila, lubhang masama ang pagkatao nila, at kung gagawa sila ng ilang pagsalangsang, maaari nilang ikasira ito. Tungkol sa mga isyu ng pagkatao, hinarangan nila ang sarili nilang landas pasulong. Ito ay dahil napakahina ng pagkatao nila at napakarami ng mga pagsalangsang nila na sapat na ito para ipadala sila sa impiyerno, at magiging katapusan na ng mga bagay para sa kanila bago pa sila magkaroon ng anumang pagkakataong tahakin ang landas ng pagsisikap na matamo ang katotohanan at pagkamit ng kaligtasan. Ang kawalan ng pakiramdam ng kahihiyan ay isang napakalubhang isyu na may kinalaman sa pagkatao ng isang tao. Sa mahigpit na pananalita, hindi ito umaangat sa antas ng isang tiwaling disposisyon; isa lang itong paraan, isang saloobin, na ginagamit ng isang tao sa pag-asal at pagharap sa ilang usapin. Ang saloobing ito ay may kinalaman sa pagkatao niya at maaaring humantong sa mga pagsalangsang, na nagpapalubha sa problema.

Ang ilang tao ay mahilig sumayaw at talagang mabilis matuto ng mga galaw sa sayaw. Pagkatapos ipakita ng guro nang tatlong beses, halos lubusan na nilang natutunan ang ritmo at mga galaw ng sayaw at kaya na nila itong isayaw nang tumpak. Napakagaling din nilang sumayaw, nanalo na sila ng mga parangal, at umaasa silang maghangad ng propesyong may kaugnayan sa pagsasayaw—marahil bilang isang guro ng sayaw o isang mananayaw. Sa anong aspekto ito nauugnay? (Nauugnay ito sa mga hilig at libangan nila.) Ito ang kalakasan nila; isa itong hilig at libangan nila. Napakabilis nilang matuto ng sayaw, na nagpapakita na napakagaling nila sa pagsasayaw; likas nilang naaarok nang tumpak ang ganitong uri ng bagay at madali nila itong natututunan. Isa itong kalakasan, hindi ba? (Oo.) May kalakasan sila sa aspektong ito. Pagkatapos nilang matutong sumayaw, nagagalak din sila sa pagsasayaw, sabik silang sumayaw; at higit pa rito, nagpaplano silang maghangad ng propesyong may kaugnayan sa pagsasayaw sa hinaharap, at layon nilang maging bahagi ng buhay at landas nila sa hinaharap ang pagsasayaw—nauugnay ito sa mga hilig at libangan nila. Ang pagsasayaw ay parehong kanilang kalakasan at kanilang hilig at libangan—isa itong likas na kondisyon nila. May ganitong likas na kondisyon ang ilang tao, at pagkatapos nilang magsimulang manampalataya sa Diyos, nagagalak din silang manood ng mga video ng pagsasayaw. Dahil dito, tinatanggap nila ang tungkulin ng pagsasayaw sa sambahayan ng Diyos, umaasang magagamit nila ang natutunan nila sa paggawa ng tungkulin nila at maging kapaki-pakinabang ito sa sambahayan ng Diyos, at na makakapaghanda sila ng sarili nilang mabubuting gawa na maaalala ng Diyos. May matibay silang pundasyon sa pagsasayaw, at mabilis din silang natututo ng iba’t ibang uri ng sayaw. Habang gumagawa ng mga programa sa pagsasayaw ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, handa silang ituro sa iba ang lahat ng natutunan nila nang walang pag-iimbot. Kahit na mas marami silang natutunang uri ng sayaw kaysa sa iba at mas bihasa sila sa propesyon nila, hindi sila nagmamataas. Magiliw silang nakikitungo sa iba at buong tiyaga nilang itinuturo ang natutunan nila sa mga kapatid. Ano ang ipinapamalas nito? (Isa itong pagpapamalas ng pagkatao nila.) Mabuti ba o masama ang pagkatao nila? (Mabuti ang pagkatao nila.) Sa anong mga paraan ito mabuti? (Nagagawa nilang ituro sa iba ang lahat ng nalalaman nila nang walang pag-iimbot, tinutulutan ang iba na makamit din kung ano ang mayroon sila—ito ay mabuting pagkatao.) Nagagawa nilang ituro sa iba ang lahat ng natutunan nila nang walang pag-iimbot. Ano pa ang ibang mabubuting katangian nila? Hindi talaga sila nagpapakitang-gilas. Mabuti ang pagkatao ng ganitong uri ng tao. Dahil mayroon siyang kalakasan sa pagsasayaw, tumatanggap siya ng isang tungkuling may kaugnayan sa pagsasayaw sa sambahayan ng Diyos. Pero makalipas ang ilang panahon, dahil sa mga pangangailangan ng gawain, nagsasaayos ang sambahayan ng Diyos na gumawa siya ng ibang naaangkop na gawain. Iniisip niya, “Sinayang ko ba ang dalawampung taong ginugol ko sa pag-aaral ng sayaw? Ngayong pinapagawa ako ng gawaing walang kinalaman sa pagsasayaw, labis akong hindi kontento! Bakit hindi na lang ako hayaang gamitin ang kalakasan ko, kung saan ako magaling, sa halip na gawin akong isang lider ng pangkat o superbisor? Hindi ito ang kalakasan ko, at hindi ko alam kung paano ito gawin. Isa itong bagay na hindi ko kailanman inasahan.” Bagama’t sa panlabas ay sinasabi niya, “Ang lahat ng ito ay bahagi ng mga pagsasaayos ng Diyos, at handa akong magpasakop,” ang totoo, anuman ang sabihin ng mga lider, ayaw niya itong tanggapin at hindi niya ito tinatanggap. Iniisip niya, “Wala kayong propesyonal na kaalaman, pero kayo ang namumuno sa amin. Ang ginagawa lang ninyo ay magsalita tungkol sa doktrina. Hindi naman kayo mas magaling kaysa sa akin!” Ano ang ipinapamalas nito? (Panloob na pagsalungat.) Anong uri ng isyu ito? Isa ba itong pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon? (Oo.) Bagama’t sa pangkalahatan ay katanggap-tanggap naman ang pagkatao niya—handa siyang makipagtulungan sa iba, maging mabait, at maging isang mabuting tao, hindi nanggagambala at nanggugulo o nagdudulot ng perwisyo o problema—at sa usapin ng personal niyang pagnanais, handa siyang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos at gawin nang maayos ang tungkulin niya, pagdating sa katayuan niya, o sa mga usaping hindi umaayon sa sarili niyang mga kuru-kuro at pagnanais, may pagpapasakop ba siya? Nagpapakita ba siya ng anumang mga pagpapamalas ng paghahanap sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ipinapamalas niya? (Ang ipinapamalas niya ay paglaban, pagrereklamo, at kawalan ng pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos.) Tama iyan. Kaya, paano maibubuod ang uri ng problema ng mga pagpapamalas na ito? (Isang tiwaling disposisyon.) Bagama’t sa panlabas ay tila mabuti ang pagkatao niya at hindi siya hayagang sumasalungat, nag-aaklas, o nanghuhusga sa mga lider, ang saloobin niya tungkol sa mga usaping ito ay isang pagbubunyag sa tiwaling disposisyon niya. Anong uri ng tiwaling disposisyon ang ibinubunyag niya? (Isang mayabang na disposisyon.) Tama iyan, kayabangan. Iniisip niya na may kasanayan siya sa isang partikular na larangan at na mabuti naman ang pagkatao niya, kaya ginagamit niya ito bilang kapital para labanan ang pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng mga lider ng iglesia. Hindi niya hinahanap ang katotohanan at gusto niyang gawin ang anumang tungkuling gusto niya. Kahit na itinatalaga siya ng iglesia sa isang naaangkop na tungkulin, hindi niya ito matanggap, at kung may isang bagay na hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon niya, kahit na isa itong pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, tumatanggi siyang magpasakop. Ang mga ito ay mga pagbubunyag ng paghihimagsik at ng isang mayabang na disposisyon. Tingnan ang seryeng ito ng mga pagpapamalas na ipinapakita niya: Mula sa mga kalakasan ng mga likas na kondisyon niya, hanggang sa pagkatao niya, at sa wakas ay sa tiwaling disposisyon niya—sumasaklaw ang mga pagpapamalas niya sa tatlong magkakaibang aspektong ito. Ang mga kalakasan ng mga likas na kondisyon niya ay isang bagay na taglay na niya mula nang isinilang siya, at walang dapat punahin doon. Anuman ang kasanayan niya, hindi ito nangangahulugan na wala siyang tiwaling disposisyon, ni hindi nito maipapakita kung mabuti ba o masama ang karakter niya. Gayumpaman, ang pakiramdam ng pagiging nakahihigit ng isang tao na dulot ng mga partikular na likas na kondisyon, o ang pagpoposisyon at paglalarawan na ipinapataw sa kanya ng makamundong pampublikong opinyon, ay maaaring magbaluktot sa pagkatao niya. Ano ang ibig sabihin ng pagbabaluktot na ito? Nangangahulugan ito na dahil nagtataglay ang isang tao ng ilang likas na kondisyon na tinitingnan nang medyo paborable ng iba, at nakakatanggap siya ng paghanga at pagpapahalaga mula sa ilang tao sa lipunan, nakakabuo siya ng maling paglalarawan sa sarili niyang halaga at posisyon. Iniisip niya na napakagaling niya, na nakahihigit siya sa iba, at nagsisimula siyang mangmaliit ng mga tao, palaging naniniwala na tama siya at na lahat ng tungkol sa sarili niya ay mabuti, at gusto niyang pakinggan at sundan siya ng ibang mga tao. Kung gayon, mali ang lahat ng pananaw at perspektiba niya sa mga bagay. Kung may ganitong mga maling pananaw at perspektiba, susundan ng isang tao ang mundo at ang masamang sangkatauhan. Ano ang ipinapahiwatig ng pagsunod sa masamang sangkatauhan at sa masamang mundo? Ang ipinapahiwatig nito ay na mamumuhay ka ayon sa mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na nagmumula sa masamang mundong ito at sa masamang sangkatauhang ito, at na gagamitin mo ang mga nakalilinlang na kaisipan, pananaw, at kasabihang ito para pag-ibahin at ilarawan ang lahat ng bagay. Halimbawa, sabihin nating may hitsura ka, maganda ang mukha at katawan mo—mga likas na kondisyon ang mga ito, na ipinagkaloob ng Diyos. Walang mali rito; sadyang isa itong katunayan. Gayumpaman, sa ilalim ng maling pagpoposisyon ng lipunang ito at ng masamang sangkatauhang ito, dahil sa katunayang ito ay maaari kang maging mayabang at maluwag, paimbabaw, at mapagmalaki. Ibig sabihin, dahil sa pagtataglay ng mga likas at nakahihigit na kondisyon, na sinamahan ng pagkondisyon, panunukso, at paghubog ng iba’t ibang nakalilinlang na kaisipan at pananaw mula sa lipunan at sangkatauhang ito, nagiging baluktot ang pagkatao mo. Ano ang ibig sabihin ng “baluktot”? Ang pagtataglay mo ng mga likas na kondisyong ito ay ganap na normal—ang pagiging maganda ay hindi naman ekstraordinaryo; hindi ito nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan, ni nangangahulugan na marangal ka. Ang ibig sabihin lang nito ay maganda ang hitsura mo, mukha kang presentable, at na maaaring gustuhin ng mga tao na mas sulyapan ka pa; hindi ka nakakainis o hindi kaaya-aya sa iba, at iyon lang iyon. Gayumpaman, sa isang panlipunang kapaligiran kung saan ang mga kaisipan ng pagiging maganda, pagiging kaakit-akit, at elegante at sosyal na estilo ay iniidolo, sukdulan kang itinutulak ng kalakarang ito, ginagawang mapagmalaki, maluwag, at paimbabaw ang pagkatao mo. Ang pagkakaroon ng magandang hitsura ay isang likas na kondisyon. Ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang likas na kondisyong ito hindi para gawin kang mapagmalaki, maluwag, o paimbabaw, kundi sa halip, nais Niyang tingnan mo ito nang normal: “Salamat sa Diyos sa pagkakaloob sa akin ng likas na kondisyong ito, ng hitsurang ito. Ito ay biyaya at parangal ng Diyos. Dapat akong maging mapagpasalamat sa Diyos. Wala akong maipagyayabang.” Nang may gayong likas na kondisyon, ang dapat gawin ng isang tao ay ang tingnan ang mga tao at bagay, umasal, at kumilos nang ayon sa mga turo ng Diyos. Gayumpaman, matapos tumanggap ng iba’t ibang kaisipan at pananaw mula sa lipunan at kay Satanas, nakikita niya ang pagiging maganda at kaakit-akit bilang isang anyo ng kapital. Pagkatapos ay ginagamit niya ang kapital na ito para magkamit ng pabor mula sa bawat tao sa bawat grupo, sinasamantala ang likas at batayang kondisyong ito para matamo ang gusto niya. Ginagamit pa nga ng ilan ang likas na kondisyong ito para gumawa ng mga bagay na labag sa batas, labag sa mga limitasyon ng moralidad, o salungat sa pagkatao. Ang dahilan kaya naglalaman ng ilang baluktot at sukdulang bagay ang pagkatao ng isang tao ay dahil sa nagpapalalang impluwensiya ng ilang maling paniniwala, panlilinlang, at maling pampublikong opinyon mula sa lipunan at sa maling sangkatauhan. Dahil ang mga tao ay likas na walang katotohanan at abilidad na kumilatis, likas nilang tinatanggap ang mga pampublikong opinyon, kasabihan, at teoryang ito na mula sa lipunan at sa masamang sangkatauhan. Tinatanggap nila ang mga negatibong bagay na ito na para bang tama ang mga ito, at sa ilalim ng gabay ng mga nakalilinlang at masamang kaisipan at pananaw na ito, hindi naiaangat o nadadalisay ang konsensiya at katwiran nila, kundi sa halip ay nababaluktot at napipinsala. Kung hindi pupurihin o hahangaan ng lipunang ito ang mga guwapong lalaki at magagandang babae, at kung walang mga panlabas na kaisipan na tumutukso o humuhubog sa iyo—kung, saan ka man magpunta, walang humahanga sa iyo dahil sa maganda mong hitsura, walang tumatrato sa iyo nang espesyal, o walang tumutukso o gumigipit sa iyong gumawa ng iba’t ibang bagay—makikita mo na ang pagkakaroon ng likas na magandang hitsura ay ganap na normal at hindi nararapat na ipagyabang. Ang ibig sabihin nito ay gagawin mo ang mga bagay na dapat mong gawin batay sa iyong likas at pundamental na kondisyon, at hindi mo gagawin ang mga bagay na hindi mo dapat gawin dahil lang mayroon ka ng ganoong nakahihigit na likas na kondisyon. Gayumpaman, dahil sa tukso at katiwalian ng panlabas na kapaligiran, naniniwala kang ang pagkakaroon ng likas na magandang hitsura ay isang ekstraordinaryong bagay at na ginagawa ka nitong mas mahusay kaysa sa sino pa man. Dahil wala kang anumang pagpipigil sa sarili, ginagamit mo ang nakakaakit mong hitsura para akitin ang iba, umaalpas ka sa pagpipigil ng konsensiya at katwiran at lumalampas sa mga limitasyon ng pag-asal. Sa iba’t ibang kapaligiran, nagagawa mong magbunyag ng iba’t ibang tiwaling disposisyon, sinasamantala ang nakahihigit mong likas na kondisyon at gumagamit ng iba’t ibang taktika para matamo ang mga pakinabang na ninananis mo. Ito ang ugnayan sa pagitan ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Minsan, may partikular na ugnayan sa pagitan ng tatlong aspektong ito, at siyempre, minsan ay may kinakailangang ugnayan sa pagitan ng unang dalawa o ng huling dalawa. Nauunawaan mo ba? (Mas nauunawaan na namin ngayon nang kaunti.) Ano ang dapat mong malaman bilang pinakabatayan? Ang anumang likas na kondisyon ay hindi naman mali; isa lang itong batayang kondisyon ng pagkatao ng isang tao. Pagdating sa mga pagkatao ng mga tao, may mabuti at masama, positibo at negatibo. Kaya, paano umuusbong ang isang tiwaling disposisyon? Umuusbong ito kapag, batay sa kanilang mga natural at likas na kondisyon, nakokondisyon ang isang tao ng iba’t ibang kaisipan at pilosopiya ni Satanas, at humahantong ang pagkokondisyong ito sa pagbubuo ng iba’t ibang maling pananaw, na siyang nagiging isang uri ng buhay diwa na inaasahan ng tao para manatiling buhay. Ito ang isang tiwaling disposisyon.

Kanina lang, nagbahaginan tayo tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Naglista tayo ng sampung likas na kondisyon, at nagbahaginan din tayo kanina tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas na nauugnay sa pagkatao. Ngayon naman, magbuod tayo: Anong iba’t ibang pagpapamalas ng pagkatao ang pinagbahaginan natin? (Sa usapin ng pagkatao, may mga pagpapamalas ng mabuting pagkatao at ng masamang pagkatao. Kakabigay lang ng Diyos ng ilang halimbawa. Ang ilang tao ay likas na may partikular na kalakasan sa isang partikular na larangan at may kasanayan sa isang partikular na teknikal na propesyon, at nagagawa nilang turuan ang iba nang walang anumang pag-iimbot. May ilan ding taong hindi nananamantala ng iba. Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng medyo mabuting pagkatao. Nagbigay rin ang Diyos ng mga halimbawa ng mga pagpapamalas ng masamang pagkatao. Halimbawa, ang pagkakaroon ng mababang-uri at ubod ng sama na pagkatao, at palagiang pagkahilig na mag-usisa para tsumismis kapag nakatalikod ang iba; at, sa usapin ng pagharap ng isang tao sa mga pakikisalamuha sa kasalungat na kasarian, pagiging kaswal, at kawalan ng dignidad at integridad; at ang pagiging makasarili at mababang-uri, at pagkahilig na manamantala ng iba, pati na pagiging labis na mapagkalkula sa mga pakikisalamuha sa iba, nang walang kahit katiting na konsensiya o katwiran—ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng masamang pagkatao.) Sa mga pagpapamalas ng masamang pagkatao, ano ang pinakamalubha? Aling uri ng tao ang pinakahindi ninyo gusto? (Iyong mga walang pakiramdam ng kahihiyan at labis na kaswal sa mga pakikisalamuha nila sa kasalungat na kasarian.) Kaswal, mahalay, at walang pakiramdam ng kahihiyan. Ang isang mas edukadong paraan ng pagsasabi nito ay na “hindi marunong mahiya” ang mga taong ito. Sa madaling salita, sila ay “walang kahihiyan,” o ang mas tumpak, “ganap na walang pakundangan.” Walang may gusto sa gayong mga tao.

Ang ilang tao ay isinilang sa isang lugar kung saan pangkaraniwan na ang pagkain ng sili; marahil ay dahil sa klima, o dahil may gawi ang pamilya nila at mahilig kumain ng sili, kinakain nila ito araw-araw, at madalas na nangingibabaw ang maaanghang na lasa sa pang-araw-araw nilang diyeta. Malinaw na isa itong likas na kondisyon. Alin ito sa mga likas na kondisyon? (Isang gawi sa pamumuhay.) Ang gawi nila sa pamumuhay ay na hindi puwedeng walang maaanghang na lasa sa pang-araw-araw nilang diyeta; dapat may anghang ang lahat ng kinakain nila. Gaano katindi ang pagkahilig nilang ito? Nagdadagdag pa nga sila ng anghang sa matatamis na pagkain, kumakain sila ng mga hamburger at pizza na may maaanghang na lasa, at naglalagay pa nga sila ng sili sa tsaa at kape—ganito katindi ang pagkain nila ng maaanghang na pagkain. Isa itong gawi sa pamumuhay. May tama o mali ba rito? (Wala.) Ang pagkahilig sa maaanghang na pagkain ay dulot ng kapaligiran sa pamumuhay at mga gawi sa pamumuhay ng isang tao; walang tama o mali rito. Ang ilang tao ay labis-labis ang pagkain ng maaanghang na pagkain, kung walang maanghang na pagkain, hindi sila kakain. Matatanggap mo man ito o hindi, ipinipilit nilang kumain ng maanghang na pagkain, at walang makakapagbago nito. Sa madaling salita, ang pagkahilig sa pagkain ng sili ay isang gawi sa pamumuhay, walang problema rito, at wala itong kinalaman sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Napakasukdulan naman ng gawi sa pamumuhay na ito; dapat ba itong ituring na isang negatibong bagay? Dapat ba itong punahin o kontrolin? Dapat ba tayong magtaguyod ng ilang kaalaman sa kalusugan, at ipalaganap ang ideya na ang mga prinsipyo sa pagkain at mga gawi sa pamumuhay ay dapat unahin ang kalusugan?” Makakatiyak ka ba na ang pagkain ng sili at maaanghang na pagkain ay hindi maganda sa kalusugan? Ganito sila kumain sa loob ng maraming taon, sa loob ng ilang henerasyon, at malusog talaga sila. Sa partikular, ang mga tao sa ilang lugar ay kumakain ng sili hanggang sa puntong nahihirapan na itong tanggapin ng iba. Kapag nakikita ng mga tao kung gaano kaanghang ang pagkain nila, naaasiwa ang mga ito, pero ang mga indibidwal na ito ay malakas, malusog, at maganda ang pangangatawan, mayroon sila ng lakas at tibay ng katawan na gumawa ng pisikal na gawain. Pinapatunayan nito na hindi nakakapinsala at hindi nakakaapekto sa kalusugan ang pagkain ng sili; at tila umaayon din sa mga prinsipyo sa kalusugan ang maanghang nilang diyeta. Ang pagkahilig na kumain ng sili ay isang likas na gawi sa pamumuhay. Gusto man ito o kaya man itong tanggapin ng iba o hindi, hangga’t nasisiyahan ang isang tao rito at hindi ito nakakaapekto sa buhay o diyeta ng iba, maaari itong ipagpatuloy. Walang tama o mali rito; hindi ito isang malaking isyu, at hindi gumagawa ng anumang mga paghatol ang sambahayan ng Diyos tungkol dito. Sinasabi ng ilang tao, “Masama sa tiyan ang pagkain ng sili.” Kung nag-aalala ka na makakasama ito sa tiyan mo, maaaring piliin mo na lang na huwag nang kumain ng mga ito. Kung matagal nang kumakain ng maaanghang na pagkain ang iba at sumakit ang tiyan nila, sila mismo ang makakaramdam nito at gagawa sila ng sarili nilang desisyon. Kaya, ang bawat tao ay may kanya-kanyang panlasa—mahilig man sila sa matamis, maasim, mapait, o maanghang na lasa, isa itong personal na usapin. Paano ka man kumain o gaano katindi ka man kumain, hindi mo kailangang makonsensiya. Hangga’t tinutulutan ito ng mga kondisyon at ng kapaligiran, maaari mong isantabi ang lahat ng alalahanin at maaari kang kumain nang walang pag-aalinlangan. Kung Ako ang tatanungin, walang anumang tagubilin tungkol dito. Kung may sinumang may masasabi tungkol dito, puwede kang tumugon na, “Kalayaan ko ito, karapatan ko ito, at hindi mo kailangang makialam. Kahit na sili lang ang kainin ko, wala ka nang pakialam doon. Kung nakakapinsala man ito sa tiyan ko o hindi ay sarili ko nang responsabilidad, hindi sa iyo.” Ayos lang bang magsalita nang ganito? (Oo.) Sariling usapin mo na iyan; wala itong kinalaman sa iba, at wala rin itong kinalaman sa Akin. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil walang kinalaman sa katotohanan ang usaping ito, wala itong kinalaman sa isang tiwaling disposisyon, at hindi ito isa sa mga isyung layong lutasin ng Diyos sa pagliligtas sa mga tao. Samakatwid, pagdating sa mga isyu ng mga gawi sa pamumuhay, puwede nating isantabi ang mga ito. Hindi ito isang bagay na positibo, pero hindi rin ito isang bagay na negatibo—isa lang itong pagkahilig na mayroon ang ilang tao.

Mahilig kumain ng sili ang ilang taong nagpapatuloy sa bahay, at gusto nilang may maanghang na pagkain sa tatlong beses na pagkain nila sa isang araw. Kaya, kapag nagluluto sila, naghahanda sila ng maaanghang na pagkain tuwing oras ng pagkain. Ang ilang taong hindi pa nakakakain ng sili ay nahihirapang kainin ito at sa gayon ay nagmumungkahi na magluto na lang ng hindi maaanghang na pagkain. Gayumpaman, ayaw itong tanggapin ng nagluluto at sinasabi nito, “Hindi puwede iyan. Sanay ako sa pagkain ng maanghang; kung hindi ko ito aanghangan, hindi ako masasarapan. Dapat sanayin mong kumain ng maanghang na pagkain; pagkatapos mo itong kainin sa loob ng ilang panahon, masasanay ka na at hindi ka na matatakot sa anghang.” Ano ang problema rito? (May problema sa pagkatao niya.) Anong uri ng problema mayroon ang pagkatao niya? (Ipinipilit niya ang mga bagay sa iba.) Hindi mabuti ang pamimilit ng mga bagay sa iba. Hindi ba’t pamumuwersa ito sa iba na gawin ang ayaw gawin ng mga ito? Sinusubukan ng gayong mga tao na sila ang maging sentro ng lahat ng ginagawa nila, naniniwalang ang gusto nila ang pinakamainam, at na dapat itong tanggapin ng iba. Kung gusto nila ang isang bagay, sinusubukan nilang himukin ang iba na magustuhan din ito; dapat palugurin sila ng lahat ng tao. Hindi ba’t makasarili at mababang-uri ito? Hindi lang nila ipinipilit ang mga bagay sa iba, pero mayroon ding kaunting pagkamapinsala rito. Mabuti ba ang pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Hindi.) Ang mga taong may mahinang pagkatao ay hindi makakapagdulot ng pakinabang sa iba; maaari lang silang makapagdulot ng pasakit, at sa malulubhang kaso, maaari pa nga silang makapinsala. Masyadong makasarili at mababang-uri ang gayong mga tao, at wala rin silang galang nang wala sa katwiran. Kung may katwiran ang isang tao, maaari niyang sabihin, “Mahilig akong kumain ng maaanghang na pagkain, pero ang ilang tao ay hindi. Kaya, kapag nagluluto ako, hindi puwedeng sarili ko lang ang iisipin ko. Kailangang maghanda ako kapwa ng maaanghang at di-maaanghang na pagkain, para masiyahan kapwa ako at ang iba pa. Ang prinsipyong sinusunod ko kapag ginagawa ang tungkulin ko ay ang palugurin ang lahat, tinitiyak na nakakakain nang mabuti ang lahat, at ang huwag tumuon sa sarili ko lang. Dapat kong gawin nang maayos ang tungkuling ito ayon sa mga prinsipyo.” Ano ang tingin mo sa ganitong uri ng tao? (Medyo mabuti ang pagkatao niya.) Sa anong mga paraan ito mabuti? (Marunong siyang magmalasakit at mag-alaga sa iba. Hindi lang niya pinapalugod ang sarili niya.) Medyo mabait siya, tama ba? Ang mabuting pagkatao ay kinasasangkutan ng kabaitan—ang pagiging mapagsaalang-alang sa iba at pag-aalaga sa mga ito. Kinasasangkutan ba ito ng pagkatao ng isang tao? (Oo.) Anuman ang edad, kasarian, o pag-uugali ng isang tao, kung may mabuti siyang pagkatao, makikinabang ang mga tao sa paligid niya at ang mga nakakasalamuha niya. Sa mas partikular, makakatanggap ang ilang tao ng suporta at tulong mula sa kanya, habang pagmamalasakitan naman niya ang iba sa pang-araw-araw na buhay. Isa itong pagpapamalas ng mabuting pagkatao.

May ilang tao rin na napakahilig sa maaanghang na pagkain na kahit kapag lumalabas sila para gawin ang tungkulin nila, partikular silang naghahanap ng mga lugar na naghahain ng maaanghang na pagkain kapag oras na ng kainan. Kung walang maanghang na pagkain, naaasiwa sila: “Hindi talaga kasiya-siya na gawin ang tungkulin ko dahil hindi ako makakain ng maanghang na pagkain dito. Gusto ko nang umuwi, kung saan makakakain ako ng maanghang na pagkain tuwing kainan—iyon ang talagang masarap! Kapag walang sili, walang lasa ang kahit na ano; kahit ang adobong baboy ay nawawalan ng lasa. Ano ang dapat kong gawin?” Kaya, patuloy silang naghahanap ng mga lugar kung saan sila makakakain ng sili. Kalaunan, natuklasan nila ang isang restawran na kilala sa maaanghang na pagkain, pero higit isang oras ang layo nito. Sinasabi nila, “Kahit gaano pa ito kalayo, kailangan kong makapunta! Kung hindi ako makakakain ng maanghang ngayon, hindi ko gagawin ang tungkulin ko. Kung hindi ako makakakain ng maanghang, hindi ako mapapanatag, at sadyang hindi ako makakaraos sa araw na ito!” Sinabihan sila ng isang tao, “Mapanganib sa ngayon ang kapaligiran sa labas, at napakagulo ng lugar na ito! Huwag tayong magpunta roon para kumain.” Pero hindi sila nakikinig, at sinasabi nila, “Ano ba ang dapat nating ikatakot? Ang pagkain ang mahalaga! Hindi ba’t madalas ka rin namang lumalabas? Huwag kang matakot, walang mangyayari—poprotektahan tayo ng Diyos!” Pagkatapos kumain, nasisiyahan sila. Basta’t nagagawa nilang kumain ng sili at masasarap na pagkaing hinahanap-hanap nila, nagiging maayos na ang pakiramdam nila sa lahat ng bagay, at napakasaya na nila na hindi nila mapigilang ngumiti, kahit sa pagtulog nila. Anong uri ng pagkatao ito? (Isang makasarili at mababang-uri ng pagkatao.) Dagdag pa sa pagiging makasarili at mababang-uri, may isa pang katangian: Hindi nila isinasaalang-alang ang obhetibong kapaligiran o ang mga kondisyon kapag may gusto silang gawin. Basta’t nagagawa nilang tugunan ang sarili nilang mga pagnanais at kagustuhan, iyon lang ang mahalaga. Handa silang magbayad ng anumang halaga para lang sa isang kagat ng anumang pagkaing gusto nilang kainin—kahit na kailangan nilang magsumikap nang husto, gagawin nila anuman ang kinakailangan para makamit ang layon nila. Ito ba ay pagiging makasarili at mababang-uri lang? Hindi ba’t kasutilan din ito? (Oo.) Ito ay sukdulang kasutilan! Ang sinumang kasama nila ay kailangang magbayad ng halaga para sa kasutilan nila at magtiis ng mga hinanakit dahil dito. Nasusunod ang anumang sabihin nila, at nangyayari ang anumang gusto nilang gawin. Ngayon, masama ang lagay ng loob nila, kaya ayaw nilang kumain. Kapag tinanong sila kung bakit hindi sila kumakain, sinasabi nila, “Galit ako ngayon, masama ang lagay ng loob ko, kaya wala akong ganang kumain.” Kalaunan sa gabi, kapag oras na para magpahinga, hindi rin sila natutulog, sinasabing hindi sila makatulog at gusto nilang kumanta para maipahayag ang mga emosyon nila. Sinusubukan silang kumbinsihin ng isang tao, sinasabi nito, “Makakaapekto ka sa pagtulog ng iba kung kakanta ka.” Tumutugon sila, “Masama ang lagay ng loob ko ngayon. Gusto kong kumanta. Hindi ko na problema kung makakatulog man kayo o hindi. Masama ang lagay ng loob ko, pero walang nagpapagaan ng loob ko o nagmamalasakit sa akin—napakamakasarili ninyong lahat!” Hindi ba’t kasutilan ito? Talagang napakasutil nila; hindi sila umaasal nang maayos, at ginagawa nila anuman ang gusto nila. Kapag masaya sila, hindi sila nababagabag sa sinasabi ng iba, at sinasabi pa nga nila, “Isa akong taong malawak ang kaisipan. Hindi ko hilig na mamroblema sa mga bagay-bagay.” Pero kapag hindi sila masaya, kailangang maging labis na maingat ang lahat sa pananalita, hinahangad na huwag mapasama ang loob nila dahil maaari itong humantong sa malaking problema. Maaari silang magmaktol, magsira ng mga gamit, at tumanggi pa ngang kumain. Sa mas malulubhang kaso, maaaring gustuhin nilang isuko ang tungkulin nila, tumigil na lang bigla sa paggawa at umuwi, habang sinasabi, “Wala sa inyo ang tumatrato sa akin nang maayos; inaapi ninyo akong lahat. Walang mabubuting tao sa mundo!” Hindi ba’t kasutilan ito? (Oo.) Ang kasutilan ba ay problema sa pagkatao ng isang tao? (Oo.) Talagang napakasutil nila—kailangan silang pagsilbihan ng lahat, at kapag hindi umaayon sa gusto nila ang mga bagay-bagay, agad silang nagiging mapanlaban, at sumasabog ang init ng ulo nila. Walang puwedeng kumontra sa kanila, at kailangan silang suyuin ng lahat. Kahit na hindi na sila bata, nananatiling wala sa hustong gulang ang pagkatao nila, tulad ng sa isang bata. Saanman nila ginagawa ang tungkulin nila, hindi sila kailanman sumusunod sa mga pampublikong panuntunan. Kapag masaya sila at gusto nilang magsalita, kailangang makinig ang lahat, at kung may hindi nakikinig, nagtatanim sila ng sama ng loob sa taong iyon. Kapag kinakausap mo sila, kailangan mong ngumiti; kung wala kang ipapakitang ekspresyon at tila hindi ka ganoon kahandang makinig, nagagalit sila at umiinit ang ulo nila. Sa iglesia, ginagawa nila anuman ang gusto nila, kailanman nila gusto, nang walang pagsasaalang-alang sa kung paano ito nakakaapekto sa normal na kinaugalian sa buhay ng iba. Basta’t komportable sila at maganda ang lagay ng loob nila, iyon lang ang mahalaga sa kanila, at hindi puwedeng gumawa ng anumang pagtutol ang iba. Kung may sinumang tututol para magpakita ng pagkamuhi o kawalang-kasiyahan, magagalit sila, at hindi nila ito papalampasin. Ang ilang taong ganito ay bata pa at may pagkatao na wala pa sa hustong gulang, pero ang iba ay nasa edad kuwarenta na, singkuwenta na, o setenta o otsenta pa nga, at ganito pa rin ang pagkatao nila sa pagtanda nila—lubhang napakasutil. Tinutulutan man ito ng kapaligiran o ng mga kondisyon, ginagawa nila anuman ang gusto nila. Halimbawa, dumating sila sa isang lugar kung saan hindi tinutulutan ng mga kondisyon ang pagligo, pero nagpupumilit silang makaligo, sinasabi nila, “Sa bahay, araw-araw akong naliligo; hindi puwedeng hindi ako makaligo.” Gayumpaman, wala sa lugar na ito ang mga wastong kondisyon; maging ang pagligo nang isang beses sa isang linggo ay mahirap. Kaya, ano ang gagawin mo? Ang isang taong may normal na pagkatao ay alam kung paano harapin at pangasiwaan ang sitwasyong ito. Kung malagkit at mainit ang panahon, ang pagkuha ng isang batya ng tubig at simpleng pagpunas sa katawan sa gabi para makatulog siya sa gabi ay sapat na—isa itong paghihirap na kayang tiisin. Hindi ito imposibleng malampasan. Gayumpaman, hindi ito mapangasiwaan ng ganitong uri ng tao; kung hindi siya makakaligo, hindi siya makakatulog, makakakain, at nadarama pa nga niyang hindi niya kayang manatiling buhay, na para bang nagtitiis siya ng isang malaking kahihiyan. Gaano ba talaga siya kasutil? Napakasutil niya na hindi niya magawa nang normal ang tungkulin niya, hindi niya magawang makisalamuha sa iba o makitungo sa mga ito nang normal, at ni hindi niya kayang mamuhay nang tulad ng isang normal na tao. Para sa iba, tila may problema sa pag-iisip ang ganitong uri ng tao. Kung may maganda siyang ugnayan sa isang tao, hindi sila mapaghiwalay, na para silang iisang tao. Pero kung may masama siyang ugnayan sa isang tao o kung napasama man ang loob niya ng isang tao kailanman, kaya niyang hindi kausapin ang taong iyon habambuhay. Kapag nakikita niya ang taong iyon, napapairap siya, at agad na nagdidilim ang mukha niya, na para bang nahaharap siya sa isang kaaway—talagang sukdulan na ito. Normal ba ang pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Hindi.) Napakasutil ng ganitong uri ng tao, at hindi normal ang pagkatao niya. Ano ang ibig sabihin ng “hindi normal”? Ang ibig sabihin nito ay wala siyang normal na pagkatao. Maaari bang magkaroon ng mga normal na pakikisalamuha at pakikipagtulungan sa iba ang gayong mga tao? Kaya ba nilang mamuhay nang normal kasama ang mga tao? Kaya ba nilang gawin nang maayos ang tungkulin nila? (Hindi.) Hangga’t gusto nilang makamit ang layon nila—ito man ay pagkain, pagtatamasa ng magandang pagtrato, o paggawa ng isang bagay na gusto nilang gawin—dapat itong matupad. Kung hindi, pakiramdam nila ay bumabagsak na ang langit, para bang magwawawakas na ang mundo nila. Nababahala sila at nagsisimula silang maghimutok, nagrereklamo tungkol sa iba, nagrereklamo tungkol sa kapaligiran, at nagrereklamo pa nga sila tungkol sa Diyos, sinasabi nila, “Anong uri ng kapaligiran ang isinaayos ng Diyos para sa akin, na labis akong pinagdurusa? Bakit hindi pa naranasan ng iba ang gayong mga kapaligiran at nagdusa nang ganito? Bakit ako ang nagdurusa? May pagkiling ang Diyos!” Kita mo, lumitaw na ang malademonyong kalikasan nila, hindi ba? Pasok ba sa pamantayan ang ganitong uri ng pagkatao? (Hindi.) Kailangang harapin ang gayong mga tao. Paano dapat harapin ang ganitong uri ng tao? (Ipadala siya sa isang ordinaryong iglesia.) Kung umabot siya sa puntong hindi na niya magawa ang tungkulin niya, nagdudulot lang ng mga paggambala at panggugulo kapag ginagawa niya ang tungkulin niya, kaya namumuhi at naiinis ang lahat ng nakakakita sa kanya, at hindi siya mapakitunguhan ng iba, kung gayon, dapat siyang ipadala agad sa ibang lugar—ang ganitong uri ng tao ay katulad ng mabahong dumi ng aso. Ang kasutilan ay kinasasangkutan ng pagiging makasarili, mababang-uri, at pagiging hindi magalang nang wala sa katwiran. Minsan, kinasasangkutan din ito ng pagiging labis na mapagkalkula, mabagsik, at maging ng pagiging malupit at mapaminsala. Kapag ginagawa ng ganitong uri ng tao ang tungkulin niya sa loob ng ilang panahon, lubhang napipinsala ang lahat ng tao, at natatakot ang sinumang nakakakita sa kanya. Kung susubukan mo siyang iwasan at hindi galitin, may masasabi pa rin siya: “Ano ba ang pinagtataguan mo, magnanakaw? Paano ko pinasama ang loob mo para iwasan mo ako?” Pero kung lalapitan mo siya at susubukan mong magsalita, hindi pa rin siya makikipag-usap nang normal sa iyo. Wala siyang normal na pagkatao, at ang mga nakikisalamuha sa kanya ay nagdurusa hindi lang ng pasalitang pinsala kundi pati na rin ng pinsala sa integridad nila, emosyonal na pinsala, at maging ng kaunting pisikal na pinsala. Tunay na kasuklam-suklam ang gayong mga tao! Angkop ba silang ikategorya bilang may masamang pagkatao? (Oo.) Ang ganitong uri ng tao ay may masamang pagkatao at sutil. Ang isang sutil na tao ay hindi lang nabibigong mapatibay ang iba, kundi dahil sa kanya ay naiinis at namumuhi rin ang mga ito, at hindi niya mapakitunguhan ang sinuman. Sabihin mo sa Akin, kaya bang tanggapin ng isang sutil na tao ang katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng disposisyon ang mayroon siya sa loob niya? (Katigasan ng kalooban.) Malinaw ang katigasan ng kalooban niya, pero mayroon ding isa pang bagay—ano ito? (Ang pagiging tutol sa katotohanan.) Tama iyan. Ang pagkakaroon ng mga tiwaling disposisyon ng pagiging matigas ang kalooban at tutol sa katotohanan—ang mga ito ay dalawang katangian ng mga sutil na tao. Ang ganitong uri ng tao ay hindi lang sutil kundi makasarili rin at walang paggalang nang wala sa katwiran. Ang pagiging walang galang niya nang wala sa katwiran ay kinasasangkutan ng isang elemento ng pang-aabala sa iba nang wala sa katwiran at nang basta-basta. Kapag nakikisalamuha ka sa kanya, hindi umuubra ang pagsasalita nang mabait—iniisip niya na mayroon kang mga lihim na motibo. Kung magsasalita ka nang seryoso, iisipin niyang inaapi mo siya, pero pagkatapos makapinsala sa iba ang kasutilan niya, sasabihin pa rin niya, “Hindi ko sinasadyang saktan ka. Kung nasasaktan ka, humihingi ako ng tawad.” Bagama’t magandang pakinggan ang mga salitang ito, kapag hindi siya pinatawad ng taong nasaktan at pinuna pa siya nito, nagagalit ang sutil na tao at sinasabi niya, “Sadyang hindi mo ito mabitiwan—hindi ba’t sinasamantala mo lang ang paghingi ko ng tawad? Tingin mo ba ay madali akong kayan-kayanin dahil humingi ako ng tawad? At ngayon, tinutukoy mo pa ang mga kapintasan ko! May mga kapintasan ba ako? Kalipikado ka bang tukuyin ang mga iyon?” Hindi ba’t isa itong kaso ng hindi pagtanggap sa katotohanan? (Oo.) Sangkot dito ang tiwaling disposisyon niya. Ang mga katangiang ito sa pagkatao niya ay likas ding napapamalas sa ilang katangian ng mga tiwaling disposisyon—magkakaugnay ang mga ito. Ang mga katangian ng mga tiwaling disposisyon sa ganitong uri ng mga tao ay kinasasangkutan ng katigasan ng kalooban, pagtutol sa katotohanan, at kaunting kalupitan. Ang mga aspektong ito ay ang mga katangian ng mga tiwaling disposisyon nila.

Ang mga likas na kondisyon ay kinasasangkutan ng isa pang aspekto, at iyon ay ang likas na gawi ng tao. Halimbawa, pagkatapos manampalataya ng ilang tao sa Diyos, nakikita nila ang matinding pang-aapi, mga pang-aaresto, at malupit na pagtrato ng gobyerno ng CCP sa hinirang na mga tao ng Diyos, at kinikilabutan, nababagabag, nangangamba, at natatakot sila. Minsan, nanghihina pa nga ang mga binti nila, at palagi nilang gustong magbanyo. Ano ang ipinapamalas nito? (Likas na gawi.) Isa itong likas na reaksyon. Sa loob ng normal na pagkatao, pagdating sa ilang kagimbal-gimbal na kaganapan, mga sitwasyong kinasasangkutan ng sariling buhay ng mga tao, o mga usaping maaaring magdulot ng panganib sa sarili nila, ito man ay sa pagkarinig ng impormasyon o kapag nahaharap sa realidad, magkakaroon sila ng ilang likas na reaksyon—mangangamba at matatakot sila. Kasabay nito, likas na magpapakita ng ilang normal na reaksyon ang katawan nila, tulad ng pagiging hindi mapakali, mga pagkibot ng kalamnan, pansamantalang pagkabingi o pagkabulag, pati na ng pagkatuyo ng bibig, panghihina ng mga binti, labis na pagpapawis, kawalan ng kontrol sa pag-ihi o pagdumi. May posibilidad bang mangyari ang mga reaksyong ito? (Oo.) Ang mga reaksyong ito, na kontrolado man ng nervous system o dulot ng iba pang dahilan, sa ano’t anuman, ay mga pagtugon sa laman na dulot ng panlabas na salik, at ang mga reaksyong ito ay sama-samang tinatawag bilang likas na gawi. May mga limitasyon ang abilidad ng katawan na magtiis; kapag lampas na ito sa mga limitasyon ng tapang ng isang tao, magpapakita ang katawan ng ilang likas na reaksyon. Maaaring makita ng iba ang mga reaksyong ito bilang mga kahinaan, o maaaring magmukhang katawa-tawa, kaawa-awa, o karapat-dapat sa simpatya ang mga ito, pero hindi mapagkakaila na ang mga ito ay mga pagpapamalas ng mga likas na gawi ng isang tao. May mga tao rin na, kapag nahaharap sa panganib, ay hahawak sa ulo nila at iiyak, luluha, o hihiyaw pa nga nang malakas; ang iba ay maaaring mamaluktot sa isang madilim na sulok para magtago—ang lahat ng gayong pagtugon ay mga likas na reaksyon. Ang mga likas na reaksyong ito, ito man ay pag-iyak, pagtawa, o labis na pagkatakot na gumagawa na sila ng kahiya-hiyang bagay—may anuman bang tama o mali sa mga ito? (Wala.) Kung gayon, para sa mga natatakot kapag nababalitaan nila ang tungkol sa pang-aaresto ng gobyerno sa mga mananampalataya, maaari ba nating sabihin na duwag at walang pagkatao ang mga taong ito? (Hindi.) Tama ba ang pahayag na, “Ang pananampalataya sa Diyos ay dapat may kasamang pananalig; hindi dapat matakot ang isang tao!” (Hindi.) “Kahinaan ito, isang pagpapamalas ng karuwagan at kawalang-kakayahan. Nagpapakita ito ng kawalan ng pananalig sa Diyos, at ipinapakita nito na hindi sila marunong umasa sa Diyos. Hindi isang mananagumpay ang gayong tao!” Maaari ba nating sabihin ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Isa lang itong pisyolohikong reaksyon na nagaganap kapag nahaharap ang isang tao sa mga panlabas na sitwasyon.) Isa itong normal na pisyolohikong reaksyon, hindi isang pagpapamalas na itinutulak ng isang tiwaling disposisyon. Nangangahulugan ito na kapag may ganitong mga pagpapamalas at pagbubunyag ang mga tao sa gayong mga sitwasyon, hindi ito dahil sa impluwensiya ng isang tiwaling disposisyon, ni hindi rin ito dahil napapangibabawan sila ng kung anong kaisipan o pananaw sa loob ng pagkatao nila. Ang mga reaksyong ito ay hindi isang bagay na pauna mo nang naisip; hindi ito ang kaso na kapag nahaharap sa gayong mga sitwasyon, bigla kang nagkakaroon ng mga di-mapigil na kaisipan, at pagkatapos, habang mas pinag-iisipan mo ito, natataranta ka, nanginginig ang katawan mo, o nawawalan ka pa nga ng kontrol sa pag-ihi o pagdumi mo. Hindi iyon ang dahilan sa likod ng mga reaksyong ito. Sa halip, ito ay dahil pagkatapos marinig ang tungkol sa mga kaganapan o balitang ito, nang hindi mo napag-iisipan, nang walang anumang pagpili o pagproseso ng impormasyon sa isipan, ang katawan mo ay natural na gumagawa ng ilang likas na pisyolohikong reaksyon. Kaya, ang ganitong uri ng natural na reaksyon ay dulot ng mga likas na gawi ng laman. Wala itong tama o mali, walang kaibahan sa pagitan ng kalakasan at kahinaan, at tiyak na walang pagkakaiba sa pagitan ng positibo at negatibo. Sinasabi ng ilang tao, “Paano man mang-aresto ang gobyerno, hindi ako natatakot!” Kung gayon, sasabihin Ko na isa kang hangal dahil diyan. Kapag pinahirapan ka ng malaking pulang dragon, tingnan natin kung matatakot ka o hindi—sa panahong iyon, magiging imposible para sa iyo na hindi tumangis. Ano ang iisipin mo kapag umabot na sa rurok ang pasakit? “Mas gugustuhin kong mamatay na lang. Kung mamamatay ako, makakalaya na ako, hindi na ako masasaktan.” Ang lahat ng ito ay mga likas na reaksyon ng laman, at hindi isyu ang anuman sa mga ito. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Hindi ako natatakot; kung may hahampas sa akin, hahampasin ko rin siya, at kung hindi ako mananalo, tatakbo na lang ako palayo.” Pero kapag tumakbo ka at may tumutok ng baril sa iyo, manghihina ang mga binti mo, mangangamba ang puso mo, at hindi ka na makakasigaw ng “hindi ako natatakot.” Kapag buhay mo na ang nakataya, matatakot ka ring mamatay—ito ang likas na reaksyon mo. Dahil mga likas na reaksyon ang mga ito, anuman ang mga pagpapamalas ng isang tao, o anumang mga pagbubunyag ng kahinaan ng tao mayroon ang isang tao, hindi ito maituturing na mali, ni hindi rin ito kahiya-hiya, at hindi ito kinokondena ng Diyos. Natural, hindi mo dapat subukang pigilan ang mga reaksyong ito, at hindi rin dapat kutyain ng mga nanonood ang mga ito, dahil pare-parehas lang ang lahat ng tao—ang lahat ay binubuo ng laman at dugo. Ganito ang mga likas na reaksyon ng laman at dugo; ganito ka, ganito sila, ganito ang lahat. Tulad ito ng kapag nakatagpo ng isang lobo ang isang tao; ano ang una niyang likas na reaksyon? “Takbo! Tumakbo ka nang napakabilis!” At habang tumatakbo, lumilingon siya para tingnan kung naabutan na ba siya ng lobo, nag-aalala siya: “Paano kung maabutan ako nito? Paano kung kagatin nito ang leeg ko—mamamatay ba ako? Kung may baril o bakal na pamalo lang sana ako.” Naiisip lang niya ang mga bagay na ito habang tumatakbo siya. Pero anuman ang naiisip mo, ang una mong likas na reaksyon ay tiyak na ang mabilis na takasan ang panghahabol nito, ang tumakbo nang mabilis sa pinakamalayo hangga’t makakaya mo, ang umiwas na maabutan at malapa. Likas na reaksyon ang lahat ng ito. Ano ang iyong likas na reaksyon? Ito ay tungkol sa pagligtas sa sarili mo, pagprotekta sa sarili mong buhay, at pagtiyak na hindi nalalagay sa panganib ang buhay mo. Mukha mang duwag, hindi katanggap-tanggap, o kahiya-hiya ang mga likas na reaksyong ito sa isang nanonood, ang totoo ay hindi kahiya-hiya ang mga ito, dahil ang mga ito ang mga normal na pagpapamalas ng mga tao na sa laman at dugo; mga natural na pagbubunyag ang mga ito. Ang isang likas na reaksyon ay sadyang isang natural na pagbubunyag, at walang kahiya-hiya rito. Halimbawa, tatawa ka kapag nakarinig ka ng isang biro. Kahit na may pagkain o tubig sa bibig mo, tatawa ka pa rin, dahil isa itong likas na reaksyon. Ang likas na reaksyon ay isang likas na katangian na ipinagkaloob ng Diyos, na natural na mangyayari at magaganap kapag tama ang mga kondisyon. Kaya, pagdating sa mga likas na reaksyon, mga natural na pagbubunyag ang mga ito. Maaaring ang mga ito ay mga pagbubunyag ng isang kahinaan o depekto ng pagkatao, o maaaring ang mga ito ay mga pagbubunyag ng isang natural na pagpapamalas ng laman mo. Sa ano’t anuman, dahil isa itong likas na reaksyon, walang tama o mali. Kung nahihiya ka, ipinapakita nito na wala kang kabatiran at na labis na paimbabaw ang pagkatao mo—gusto mong mag-iwan ng magandang impresyon sa iba. Kung susubukan mong pigilan ang mga likas mong reaksyon, pinapatunayan nito na hangal ka at na may isyu sa katwiran mo. Sa mga espesyal na mapanganib na kapaligiran at sitwasyon, kahit na labis ka nang takot na nakaihi ka na sa pantalon mo, hindi mo ito dapat tingnan bilang isang kahiya-hiyang bagay. Sa katunayan, isa itong pagpapamalas ng normal na pagkatao. Magkakaroon ang sinuman ng mga pagpapamalas na ito sa gayong mga sitwasyon—maging ang mga sikat o dakilang tao ay hindi natatangi. Sa malulupit na sitwasyon, walang mga superman—isa ka lang ordinaryong tao, hindi ka katangi-tangi, at hindi maipagyayabang. Kahit na takot na takot ka na nakaihi ka na sa pantalon mo, at malaman ito ng iba, hindi ito isang kahiya-hiyang bagay, dahil sa ganitong paraan, hindi ka titingalain o iidolohin ng mga tao, at kahit papaano man lang, magiging ligtas ka. Dapat ay malinaw na ito ngayon, tama ba? Ang mga likas na reaksyon ng tao ay napakanormal at natural. Halimbawa, kapag marumi ang buhok mo at nangangati ang anit mo, likas mo itong kakamutin. Kahit na mapuno ng dumi ang mga kuko mo pagkatapos at isipin ng mga tao na hindi ka kaaya-aya o na marumi ka, ano ang magagawa mo? Kapag marumi ang buhok mo, mayroon itong dumi, dahil ikaw ay sa laman at dugo, gawa sa alikabok, at dapat mong kilalanin ang katunayang ito. Sinasabi lang sa iyo ng sitwasyong ito na marumi ang buhok mo at kailangan na itong hugasan. Kapag nangangati ang anit mo, likas na reaksyon ang pagkakamot. Ang likas na reaksyon ay isang natural at normal na pagtugon, isang normal na pagpapamalas sa ilalim ng mga likas na kondisyon at ng nervous system na nilikha ng Diyos. Kahit na minsan ay maaaring makadama ka ng pagkapahiya, pagiging hindi ka kaaya-aya, o kawalang-dignidad dahil sa mga pagpapamalas, hindi mo dapat subukang baguhin o pigilan ang mga ito. Sa isang banda, ang paggawa niyon ay nakakatulong sa iyo na tratuhin nang tama ang mga likas na gawi ng tao; sa kabilang banda, nakakapagpatibay at kapaki-pakinabang din ito sa pag-asal mo. Sa sandaling makapagkamit ka ng partikular na pagkaunawa at kamalayan sa aspektong ito, kapag nakikisalamuha at humaharap sa iba, kung ang ilang aspekto ng likas na gawi ng laman ng tao ay natural na napapamalas at nabubunyag, at hindi mo kailangang sadyang pagtakpan ang mga iyon. At kung, minsan, talagang lumilitaw ang isang kahiya-hiyang sitwasyon, hindi na kailangang magpaliwanag, o magkunwari o magpanggap, dahil isa itong pagbubunyag ng normal na pagkatao, at isa rin itong likas na reaksyon ng tao—ang lahat ng ito ay nasa saklaw ng kung ano ang kayang tanggapin ng isang normal na tao. Halimbawa, kapag kumakain ang mga tao ng munggo, natural na naglalabas ng hangin ang katawan nila, at likas silang didighay o uutot. Isa itong napakanatural na bagay. Madalas maramdaman ng mga kabataang lalaki at babae na kahiya-hiya ang gayong mga pagpapamalas, pero ang totoo ay wala namang kahiya-hiya rito. Isa lang itong normal na likas na reaksyon ng katawan, at wala itong kinalaman sa mga prinsipyo ng pag-asal o pagkilos. Bagama’t maaaring hindi ito maunawaan ng ilang tao o hindi sila masiyahan dito, tiyak na hindi ito umaabot sa antas ng kawalan ng mga limitasyon sa pag-asal ng isang tao, pagiging hindi napalaki nang maayos, pagiging magulo, sutil, makasarili, o pagkakaroon ng di-mabuti o masamang pagkatao—hindi na ito kailangan pang paabutin sa ganitong antas. Ang isyung ito ay hindi kinasasangkutan ng pag-asal, at tiyak na wala itong kinalaman sa isang tiwaling disposisyon. Hindi na kailangan pang palakihin ang usapin. Dapat na harapin nang tama ang mga bagay na ito.

Ang ilang tao, dahil ipinanganak sila sa mga hindi maunlad na bansa o kapaligiran, o sa mga pamilyang may mahirap na kondisyon, ay hindi masyadong partikular sa mga bagay sa buhay nila. Maaaring hindi sila metikuloso sa kalinisan ng pagkain, maaaring hindi sila magpalit ng damit sa loob ng mahabang panahon nang hindi nilalabhan ang damit na ito, at maaari pa ngang hindi nila mapansin na amoy-pawis na ang damit nila. Anong uri ng pagpapamalas ito? Isa itong pagpapamalas ng mga gawi sa pamumuhay ng isang tao.) Isa itong usapin ng mga gawi sa pamumuhay; hindi ito pagbibigay ng labis na pansin sa kalinisan. Iisang tuwalya ang ginagamit ng ilang tao kapag naghuhugas sila ng mukha at paa, at ito rin ang pinampupunas nila ng pawis kapag lumalabas sila para magtrabaho sa umaga. Minsan, kung may makita silang isang taong nasugatan, ginagamit pa nila ang parehas na tuwalya para takpan ang sugat. Wala talaga silang pakialam sa kalinisan. Anong isyu ito? May partikular na kaugnayan ito sa mga kondisyon ng pamilya kung saan sila isinilang. Ang ilang tao ay nagmula sa mga pamilyang may mabuting kondisyon ng pamumuhay, kung saan ang bawat tao ay may maraming tuwalya at tuwalyang panligo, nang may malinaw na kaibahan kung alin ang ginagamit para sa mukha at alin ang para sa paa. Araw-araw silang naliligo at naghuhugas ng mukha nila, at araw-araw ding nilalabhan ang mga tuwalya at tuwalyang panligo, kaya tila labis silang maselan. Paano nabubuo ang gayong mga gawi? Ang mga ito ay ang resulta ng pagkakaroon ng partikular na pang-ekonomikong pundasyon at mga pinansiyal na kondisyon sa pamilya, na humahantong sa mga pinong gawi sa pamumuhay na ito. Dahil dito, nagmumukhang napakaingat sa kalinisan at kagalang-galang ang isang tao. Sa panlabas, tila napakaselan niya, pero ang totoo, sa likod ng lahat ng ito ay ang mga likas na kondisyon na nagdulot nito. Kung gayon, bakit hindi maingat ang ilang tao sa mga bagay na ito? Ang ilang tao ay natural na walang tendensiyang magbigay ng labis na pansin sa gayong mga usapin, at kahit na may kakayahan sila, hindi nila masyadong sineseryoso ang mga bagay na ito—hindi ito isang malaking isyu. Para naman sa iba, ito ay dahil sa mga kondisyon at kapaligiran ng pamilya nila. Sa isang pamilya na may pito o walong tao, maaaring iisang tuwalya lang ang ginagamit nilang lahat sa paghuhugas ng mukha at paa nila, at sunod-sunod sila sa paggamit nito. Humihiga pa nga sa kama ang ilang tao nang hindi naghuhugas ng paa at nakakatulog pa rin sila nang mahimbing. Hindi ito nakakaapekto sa pang-araw-araw na buhay nila o sa pag-asal nila. Maaaring sabihin ng maseselan, “Pero may mga mikrobyo sa mga paa mo—napakarumi ng mga ito!” Na maaari namang sagutin ng iba, “Hindi marumi ang mga paa; buong araw na nakabalot ang mga ito at hindi dumidikit ang mga ito sa mundo sa labas, kaya walang anumang mga mikrobyo, kaunting pawis lang ng paa. Iniisip ng mga tao na marumi ang pawis ng paa, pero ang totoo ay hindi. Sa ilang lugar, ginagamit pa nga ang mga paa sa paggawa ng pagkain. Malay mo, ang pagkaing binili mo sa palengke ay maaaring ginamitan ng mga paa para haluin ang harina. Hindi mo nakikita iyon, at kinakain mo ito—pero iniisip mo pa rin na napakaselan mo!” Partikular man o hindi ang isang tao, ang lahat ng ito ay mga gawi o paraan sa pamumuhay na hinubog ng mga likas na kondisyon. Wala itong anumang kinalaman sa pag-asal niya. Kaya, anong mga uri ng mga pagpapamalas ang kinasasangkutan ng pag-asal ng isang tao? Halimbawa, kapag nahaharap sa isang mapanganib na sitwasyon, kapag tinutugis ng malaking pulang dragon, ang lahat ay tensiyonado at natatakot, at magkakaroon sila ng ilang likas na reaksyon. Gayumpaman, maaaring sabihin ng ilang tao, “Gaano man tayo katensiyonado at katakot sa ngayon, dapat tayong kumalma at harapin natin ang mga problema ng sitwasyon. Dapat muna nating protektahan ang mga lider at manggagawa, at ang mga kapatid mula sa ibang mga rehiyon, para makaalis sila kaagad.” Pero maaaring iba ang isipin ng iba: “Protektahan sila? Paano naman ako? Paano kung hindi ako makatakas sa huli? Kailangan kong mauna sa pagtakbo! Ang sinumang mauunang tumakbo ay hindi mahuhuli, at hindi masesentensiyahan o mapapahirapan.” Kita mo, kapag nahaharap sa panganib, bagama’t pare-parehas ang lahat na may likas na reaksyon ng pagkatakot, inuuna ng ilang tao ang pagprotekta sa iba at isinasantabi nila ang seguridad ng sarili nilang buhay—nagpapakita ng pagmamahal at kabaitan ang gayong mga tao. Gayumpaman, ang iba naman ay sarili nila ang unang iniisip, tumatakas na sila nang walang pagsasaalang-alang sa iba—ito ay pagkamakasarili. Sa aktuwal, sa pakiramdam ng konsensiya ng pagkatao nila, alam ba ng huling grupong ito na dapat muna nilang protektahan ang mga lider at manggagawa at ang mga kapatid mula sa ibang mga rehiyon? Sa usapin ng katwiran, naiintindihan ba nila ito? (Oo.) Kapag pantay-pantay ang pagkaunawa ng lahat sa katwirang ito at mayroon silang mga likas na reaksyon, nagkakaiba-iba ang mga tao sa usapin ng mga pagpapamalas nila. Sumasalamin ito sa mga pagkakaiba sa pagkatao sa pagitan ng mga indibidwal. Ang ilang tao ay makasarili at mababang-uri, sarili lang ang inaalala nila at binabalewala nila ang iba, habang ang iba ay may mabuting puso, nagagawa nilang maging hindi mapag-imbot at maging mapagsaalang-alang sa iba, inuuna ang pagprotekta sa mga ito at hindi kumikilos nang makasarili. Sumasalamin ba ito sa iba’t ibang uri ng pagkatao? (Oo.) Ginagawa nitong malinaw ang kaibahan. Kaya, sa mga uring ito ng mga tao, sa dalawang uri nila ng pagkatao, aling uri ng tao ang nagagawang tumanggap sa katotohanan at iwaksi ang tiwaling disposisyon niya? (Ang uri ng tao na may mabuting pagkatao ay nagagawang tanggapin ang katotohanan at madaling iwaksi ang tiwaling disposisyon niya.) Paano naman ang mga makasariling tao? (Hindi madali para sa kanila na isagawa ang katotohanan; kahit na nauunawaan nila ito, hindi nila ito maisagawa, kaya mahirap para sa kanilang iwaksi ang tiwaling disposisyon nila.) Mismo. Kaya, habang maaaring magbunyag ang lahat ng isang tiwaling disposisyon, kung magkakaiba ang mga pagkatao ng mga tao, magkakaiba rin sila sa kung magagawa ba nilang iwaksi ang tiwaling disposisyon nila. Kapag may magkakaibang uri ng pagkatao ang mga tao, tumutugon sila sa parehong sitwasyon nang may magkakaibang saloobin at pagharap. Tinutukoy nito kung kaya ba ng isang tao na tanggapin sa huli ang katotohanan at mga positibong bagay, kung kaya ba niyang tahakin ang landas ng pagsisikap na matamo ang katotohanan, kung kaya ba niyang iwaksi ang kanyang tiwaling disposisyon. Napakahalaga ng pagkatao ng isang tao, hindi ba? Kapag nahaharap sa panganib, magkakaroon ng ilang likas na reaksyon ang lahat ng tao—lahat sila ay nakadarama ng pagkatakot, pagkataranta, at pagkagimbal, at hindi sila nakakatiyak, takot silang mamatay, at gusto nilang tumakbo palayo. Sa gayong kakritikal na sitwasyon, ang isang taong may mabuti at mabait na pagkatao ay unang maiisip ang pagprotekta sa mga lider at manggagawa, at sa mga kapatid mula sa ibang mga rehiyon—ang una niyang naiisip ay ang seguridad ng iba. Bagama’t mayroon din siyang mga likas na reaksyon—pagkatakot, pagkataranta, pagkagimbal—at natural na nagtataglay rin ng likas na gawi para sa pagprotekta sa sarili, ang paraan niya ng pangangasiwa sa sitwasyon ay hindi ang protektahan muna ang sarili niya kundi ang protektahan ang iba. Ganito umasal ang isang taong may mabait na pagkatao. At paano naman ang paraan ng pag-asal ng isang makasariling tao? Maaaring isipin niya ang iba, pero hindi niya pinoprotektahan ang mga ito—una niyang pinoprotektahan ang sarili niya. Samakatwid, ang mga taong may mabait na pagkatao, na nagagawang makisimpatya at magprotekta sa iba, ay malamang na tumanggap sa katotohanan. Ang konsensiya at katwiran ng pagkatao nila ay umaayon sa mga kondisyong kinakailangan para tanggapin ang katotohanan at iwaksi ang tiwaling disposisyon nila. Pagdating naman sa makasariling uri ng tao, kahit na nauunawaan niya ang katotohanan, hindi niya ito tinatanggap ni isinasagawa. Kapag nahaharap sa panganib, nagpapamalas ang pagkatao niya ng pagprotekta sa sarili at pagkamakasarili. Samakatwid, batay sa pagkataong ito na ipinapamalas niya, malinaw na wala siya ng mga batayang kondisyong kinakailangan para tanggapin ang katotohanan at iwaksi ang tiwaling disposisyon niya. Nangangahulugan ito na sa mga sitwasyon kung saan hinihingi ang pagsasagawa sa katotohanan, nawawalan ng papel ang konsensiya at katwiran niya. Kumikilos siya laban sa konsensiya at katwiran niya. Hindi niya pinipiling hanapin ang katotohanan at gawin ang mga makatarungang bagay na dapat niyang gawin, kundi sa halip ay pinipili niyang sumalungat sa konsensiya at katwiran niya, at sumasalungat pa nga siya sa moral na katarungan at sa katotohanan, ganap na tinutugunan ang kanyang mga makasariling pagnanais at ang mga pangangailagan ng mga interes niya para protektahan ang sarili niya at pangalagaan ang lahat ng interes niya. Samakatwid, hindi magiging madali para sa ganitong uri ng tao na tahakin ang landas ng pagsisikap na matamo ang katotohanan o ang landas ng kaligtasan. Ang implikasyon nito ay na napakahirap iwaksi ng tiwaling disposisyon niya. Sa mas maingat na pananalita, imbes na sabihing hindi niya magawang iwaksi ang tiwaling disposisyon niya, sasabihin natin na napakahirap para sa kanya na gawin iyon. Kaya, kung titingnan ang isyu ngayon, ganap bang nakasalalay sa mga likas na kondisyon ng isang tao kung kaya ba niyang iwaksi ang tiwaling disposisyon niya at magkamit ng kaligtasan? (Hindi.) Saan ito nakasalalay? (Sa pagkatao niya.) Nakasalalay ito sa karakter niya, at kung ang konsensiya at katwiran ng pagkatao niya ay gagana ba kapag nahaharap siya sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Sa madaling salita, nakasalalay ito sa kung kumikilos ba siya ayon sa konsensiya at katwiran niya kapag may mga nangyayari. Kung kikilos ang isang tao sa ilalim ng patnubay ng konsensiya at katwiran niya, pipiliin niya ang mga positibong bagay at ang katotohanan. Gayumpaman, kung kikilos siya nang labag sa konsensiya at katwiran niya, gaano man karaming katotohanan ang nauunawaan niya o mataas man o mababa ang kakayahan niya, lalabag siya sa moral na katarungan, lalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at isusuko pa nga niya ang pagkatao niya. Ano ang nililinaw nito sa iyo? Napakahalaga ba ng pagkatao? (Oo.) Kung ang isang tao, anuman ang sitwasyon, ay kikilos nang salungat sa konsensiya at katwiran niya at nang labag sa moral na katarungan sa tuwing nauugnay ito sa mga interes niya, isusuko niya ang pagkatao niya. Gagawin niya ang anumang bagay para matiyak at maprotektahan ang sarili niyang mga interes. Kaya, kapag nahaharap sa isang sitwasyon, hindi niya pipiliing kumilos nang ayon sa konsensiya at katwiran niya. Sa halip, sasalungat siya sa mga ito alang-alang sa sarili niyang mga interes, sinasakripisyo ang integridad at dignidad niya para makamit ang mga layon niya. Kung titingnan ito mula sa perspektibang ito, gaano man kabuti sa karaniwang pag-asal ang ganitong uri ng tao, wala siyang ibang hinahangad kundi ang sarili niyang mga interes—napakahirap iwaksi ng tiwaling disposisyon niya. Hindi niya tinatanggap ang katotohanan—kapag mas kritikal ang sandali, at kapag mas nahaharap siya sa realidad, mas pinipili niyang sumalungat sa kanyang konsensiya, katwiran, at sa katotohanan; at kapag mas kritikal ang sandali, mas lalo niyang ibinubunyag ang kanyang tiwaling disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan at ang kanyang makasarili at napakababang pagkatao. Samakatwid, para sa ganitong uri ng tao, napakahirap na iwaksi ang tiwaling disposisyon niya. Sa puntong ito, malinaw na ba na isang pundamental na kondisyon ang pagkatao ng isang tao para sa pagwawaksi ng isang tiwaling disposisyon? Ang uri ng pagkatao na mayroon ang isang tao ay nagtatakda sa kung maiwawaksi ba niya sa huli ang tiwaling disposisyon niya, kung matatahak ba niya sa huli ang landas ng pagsisikap na matamo ang katotohanan, at kung magkakamit ba siya ng kaligtasan sa huli.

Ang ilang tao ay natural na hindi palasalita, may personalidad na banayad at mapagparaya. Madalang silang mamroblema nang husto sa mga bagay-bagay o makipag-alitan sa iba, ni hindi sila labis na maingay. Hindi mapagmagaling ang pananalita nila, at mahina ang boses nila. Sa panlabas, mukha silang labis na banayad, at ginagawa nila ang mga bagay sa metodikal at di-nagmamadaling paraan. May ilan pa ngang mahiyaing tao na hindi mahilig makipag-usap sa iba at ayaw makisalamuha nang masyado sa mga tao. Saanman sila magpunta, halos wala silang pakiramdam ng presensiya. Sa anong uri ng isyu nauugnay ang ganitong mga pagpapamalas? (Isa itong isyung may kaugnayan sa personalidad nila.) Isa itong isyu sa likas na personalidad nila. May ganitong uri ng personalidad sa panlabas ang mga taong ito, at sa panloob ay napakasimple rin ng mga iniisip nila. Medyo mabait sila sa iba, nakikisalamuha sa iba nang medyo patas, hindi sila nananamantala ng iba, at kapag nakakatanggap sila ng mga pabor o tulong mula sa iba, sinusuklian nila ang mga ito, at tinatandaan din nila ang kabaitan ng iba sa puso nila. Sa panlabas, mukhang may mabuting pagkatao ang mga taong ito: Hindi sila nakakapinsala kapwa sa mga tao at sa mga hayop; sila ay mapagparaya, sensitibo sa iba, at hindi nila pinoproblema nang husto ang mga bagay-bagay kasama ang iba; hindi sila nasasangkot sa mga alitan, ni hindi sila nakikipagtsismisan tungkol sa iba; hindi nila nanghuhusga ng mga tao kapag nakatalikod ang mga ito, at hindi nila kailanman aktibong binabatikos o pinipinsala ang iba; kapag nahihirapan ang isang tao, hangga’t kaya nilang tumulong, hindi sila kailanman tatanggi, at hindi sila humihingi ng anumang kapalit. Sasabihin ng nakararami na napakamahinahon ng mga indibidwal na ito. Kung gayon, sa panlabas ba ay mukhang may mabuting pagkatao ang mga taong ito? (Oo.) Pero sa isang pagkakataon, tinatanong sila ng sambahayan ng Diyos kung kumusta ang mga bagay-bagay: “Kumusta ang gawain ng mga lider sa iglesia ninyo? Ano ang tingin ng mga kapatid sa kanila? Nagkaroon ba ng anumang resulta ang gawain ng ebanghelyo sa panahong ito? Mayroon bang sinumang nanggambala o nanggulo sa gawain ng iglesia?” Pinag-iisipan nila ito: “Bakit nila ako tinatanong tungkol dito? Ano ang gusto nilang palabasin? Ipinapahiwatig ba nila na dapat kong sabihing hindi gumagawa nang maayos ang mga lider? Pakay ba nilang tanggalin ang mga lider namin? Sinusubukan nilang himukin akong magsalita at kumuha ng kumpirmasyon mula sa akin. Puwes, wala akong sasabihin. Kung balang araw ay matatanggal ang mga lider, at malalaman nila na iniulat ko ang mga isyu nila, hindi ba’t magtatanim sila ng sama ng loob laban sa akin?” Kaya tumutugon sila, “Napakaayos ng paggawa ng mga lider kamakailan; wala akong napansing anumang mga isyu.” Iyon lang ang sinasabi nila. Kapag tinanong silang muli, “Talaga bang wala kang napansing anumang mga isyu?” tumutugon sila, “Tanungin mo kaya si Sister Ganito-at-ganyan, dahil madalas siyang nakikisalamuha sa mga lider. Madalas silang mag-ugnayan at kilalang-kilala niya ang mga ito. Hindi ko sila masyadong kilala.” Pero ang totoo, iniisip nila: “Kahit na talagang alam ko, hindi ako puwedeng magsalita. Kung magsasalita ako at matatanggal ang mga lider kalaunan, hindi ba’t magtatanim sila ng sama ng loob laban sa akin? Kahit na hindi sila matanggal, kung malalaman nilang may sinabi akong masama tungkol sa kanila, hindi ba’t papahirapan nila ako? Maaari kaya nila akong pahirapan? Tatanggalan ba ako ng tungkulin? Hindi ako puwedeng magsalita!” Anong uri ng pagpapamalas ito? (Isa itong pagpapamalas ng panlilinlang.) At sa anong uri ng problema ito nauugnay? Sa isang tiwaling disposisyon. Sa panlabas, tila may natural na mabuting personalidad at mabuting pagkatao ang ganitong uri ng tao, pero tuwing pagdating sa pagsusuri sa iba at pag-uulat ng mga isyu, sasabihin niyang hindi niya alam, sasabihin niyang saglit pa lang siyang nagiging mananampalataya at hindi niya nauunawaan ang katotohanan, na masyado siyang hangal para makakilatis ng mga bagay. Kaninong mga problema man ang napapansin niya, hindi niya ito kailanman iniuulat o binabanggit. Kapag may nanghuhusga sa mga lider kapag nakatalikod ang mga ito o kapag may gumagawa ng tungkulin nang pabasta-basta, nagpapanggap siyang hindi niya ito napapansin o nalalaman at wala siyang iniuulat kailanman. Kapag tinatanong ng mga lider, “Matagal mo nang nakasama si Ganito-at-ganyan; kumusta sa pangkaraniwan ang paggampan niya ng tungkulin? Nagagawa ba niyang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga?” tumutugon siya, “Ano, nakikita ko na maaga siyang bumabangon sa umaga at dis-oras ng gabi na siya nahihiga.” Ang totoo, matagal na niyang napapansin na ang taong ito ay madalas nanonood ng mga video mula sa mundong walang pananampalataya at hindi nagbabayad ng halaga sa paggawa ng tungkulin nito, pero hindi niya sinasabi ang totoo; palagi niyang pinapanatili ang isang paimbabaw na katiwasayan sa lahat ng tao. Sa panlabas, tila maayos ang likas na personalidad niya, at mukha ring mabuti ang pagkatao niya, pero ano ang natatago sa ilalim ng anyong ito ng mabuting pagkatao? Mapagpalugod siya ng mga tao; mapagpalugod siya ng mga tao na walang sinumang pinapasama ng loob, walang sinumang pinipinsala kailanman, hindi nananamantala ng iba kailanman, at walang nagiging kaaway kailanman. Ano ang prinsipyo niya para sa pag-asal? (Ang walang mapasama ng loob.) Wala siyang pinapasama ng loob, walang pinipinsala, at hinahangad lang niyang protektahan ang sarili niya. Pagiging tuso ba ito? (Oo.) Kahit na kapag taos-pusong nakikipagbahaginan sa kanya ang isang tao, sinasabi, “Tayo ang pinakamadalas na magkasama sa paggawa ng mga tungkulin natin. Pakiusap, tukuyin mo ang anumang mga isyung nakikita mo sa akin. Ipinapangako kong tatanggapin ko ito at magbabago ako. Pakiusap, makipagbahaginan ka rin sa akin tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa sa aspektong ito”—kahit na napakataimtim ng kausap niya, hindi pa rin niya sinasabi ang katotohanan. Sa halip, sinasabi niya nang hindi taos-puso, “Mas magaling ka kaysa sa akin. Ang totoo, walang nakakatanto sa inyo, pero talagang mahina ako. Nagiging negatibo ako, at mapaghimagsik din ako.” Kahit na gaano siya kataos-puso na tanungin ng iba, wala pa rin siyang sinasabi. Tumatanggi talaga siyang mapasama ang loob ng sinuman at hindi siya kailanman magsasabi ng kahit isang makatotohanang pahayag. Hindi niya sasabihin ang katotohanan sa sinuman, ibinabaon sa puso niya ang lahat ng bagay. Mula rito, makikita na hindi sa wala siyang mga kaisipan, dahil hindi siya robot, at hindi siya namumuhay nang hiwalay sa mga tao. May mga opinyon siya tungkol sa iba’t ibang tao at usapin, pero hindi niya kailanman ipinapahayag ang mga ito o ibinabahagi o ipinaparating ang mga ito sa sinuman. Sinasarili lang niya ang lahat ng bagay; sa isang banda, ito ay dahil ayaw niyang makilatis siya ng iba, at sa kabilang banda, dahil ayaw niyang mapasama ang loob ng sinuman. Kaya, ano ang prinsipyo niya para sa pag-asal? Wala ba siyang mga prinsipyo? (Wala.) Wala siyang mga prinsipyo. Hindi niya kailanman hinahanap ang katotohanan o itinataguyod ang mga prinsipyo. Nakatutok lang siya sa pagtatanggol at pangangalaga sa sarili niya. Basta’t hindi siya nasasaktan, wala siyang pakialam sa kung ano ang hinihingi ng Diyos. Wala siyang mga prinsipyo o limitasyon sa pag-asal niya, at wala siyang pinapasama ng loob—sadyang mapagpalugod siya ng mga tao. Samakatwid, sa mga mata ng iba, nakikita rin siya bilang mabuting tao dahil madalas nakakatanggap ng tulong niya iyong mga nakakasalamuha niya, at sa tuwing may hinihiling sa kanya ang iba, hindi siya kailanman tumatanggi, kaya napapaniwala ang mga tao na mabuti siyang tao. Gayumpaman, kung susuriin mong mabuti ang mga prinsipyo niya para sa pag-asal, makikita mo na wala siyang mga prinsipyo para sa pag-asal. Pagdating sa mga isyung may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon, hahanapin ba niya ang katotohanan para lutasin ang mga ito? Magsasagawa ba siya ayon sa mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) Ang sagot ay tiyak na hindi. Ang mga taong ito ay kumakapit sa sarili nilang personal na pagkaunawa, naniniwalang mayroon silang mabuting pagkatao at mabait na puso. Iniisip nila na hindi sila kailanman nagkikimkim ng masasamang layunin sa ibang mga tao, o kahit papaano man lang, hindi nila aktibong ipapahamak ang iba o pipinsalain ang mga interes ng mga ito. Sa tuwing may anumang kahilingan o pangangailangan ang iba, palagi silang tumutugon. Sa pagkaunawa nila, naniniwala silang nagiging mabubuting tao sila kapag hindi nila pinapasama ang loob ng sinuman o pinipinsala ang sinuman. Kapag wala silang nakakaaway, naniniwala silang hindi nila mailalagay ang sarili nila sa anumang mapanganib na sitwasyon, at walang makakakita sa kanila bilang isang kaaway. Sa ganitong paraan, hindi sila masasaktan at mananatili silang ligtas. Ano ang layon ng ganitong uri ng mga tao sa pag-asal nila? Ang tanging pakay nila ay ang pagprotekta sa sarili; para sa kanila, sapat nang mamuhay sa pinaniniwalaan nilang ang pinakakomportable at pinakaligtas na lugar at comfort zone. Wala silang layuning baguhin ang mga prinsipyo at limitasyon sa pag-asal nila, o ang direksyon ng pag-asal nila, at tiyak na wala silang layuning iwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila. Ang mga taong ito ay mga mapagpalugod ng mga tao at mga umiiwas sa problema. Paano man makipagbahaginan ang iba tungkol sa mga katotohanang prinsipyo o tungkol sa mga limitasyon at prinsipyo ng kung paano umasal, hindi nila babaguhin ang paraan ng pag-asal nila. Kung gayon, may mabuting pagkatao ba ang ganitong mga tao? (Wala.) Kaya ba ng mga taong ito na tanggapin ang katotohanan o itaguyod ang mga prinsipyo? (Hindi.) Bakit hindi nila kayang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo? Dahil sa isipan nila, ang pamantayan nila para sa pag-asal ay ang maging mga mapagpalugod ng mga tao. Pagdating sa anumang usaping humihingi ng opinyon o paninindigan, nananahimik sila, nagpapanatili ng isang saloobing walang pakialam, at hindi sila nakikisali, nananatiling mapagwalang-bahala at hindi interesado na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Dahil dito, wala silang paninindigan sa pag-asal at pagkilos nila; para silang isang madulas na hito. Wala silang pakialam sa mga tao at pangyayari sa paligid nila. Gaano man kahalaga ang mga isyu sa anumang kapaligiran o sa sinumang tao, wala silang interes sa pagmamalasakit, pagtatanong, o pag-alam tungkol sa mga ito. Naniniwala silang hangga’t wala itong kinalaman sa kanila, hindi nila kailangang mag-alala. May isang kasabihan para dito, ano ito? “Huwag humanap ng biyaya, kundi umiwas na masisi.” Isa rin itong prinsipyo ng pag-asal ng mga mapagpalugod ng mga tao. Ano ang mga katangian ng mga tiwaling disposisyon ng gayong mga tao? Panlilinlang, kabuktutan, katigasan ng kalooban, pagtangging tanggapin ang katotohanan—taglay nila halos lahat ng katangian ng mga tiwaling disposisyon. Sa panlabas, maaaring hindi sila gumawa ng kasamaan at bihira silang gumawa ng mga pagsalangsang, pero kung oobserbahan mo ang mga prinsipyo at paraan ng pag-asal nila, ang pinakakapansin-pansing katangian ay na hindi nila kailanman itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo at wala silang mga limitasyon sa kung paano sila umasal. Kahit na iniinsulto sila ng isang tao o sinasaktan nito ang dignidad nila, kaya nila itong tiisin at pagtawanan na lang, hindi kailanman ibinubunyag o ipinapamalas ang mga panloob na kaisipan nila. Sa panlabas, sila ay tila napakamapagparaya, may mabait na pagkatao, at hindi nagpapakita ng layuning mambatikos o maghiganti. Gayumpaman, hindi sa wala silang mga kaisipan—natatandaan nila ang ginawa mo, at sa tamang sandali, lalabas sila at poprotektahan at ipagtatanggol nila ang sarili nila, binibigyan ka ng partikular na kontra-atake na maaaring hindi mo man lang mapansin. Hindi nila itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo; ang mga prinsipyo at limitasyon sa pag-asal nila ay para lang ipagtanggol ang sarili nilang mga interes, seguridad, at reputasyon. Para sa ganitong mga tao, tama na ilarawan sila bilang buktot, at ilarawan sila bilang matigas ang kalooban, mapanlinlang, at tutol sa katotohanan. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Hindi nila pininsala ang mga interes ng iba o hindi sila gumawa ng anumang masama, kaya paano mo nasasabing may ganito silang mga tiwaling disposisyon? Ano ang pinagbabatayan mo rito?” Batay ito sa kanilang mga kaisipan, pananaw, at saloobin pagdating sa kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay at kung paano sila umaasal at kumikilos. Napansin na ba ninyo ito? (Ngayon ay nakikita na namin ito.) Bakit hindi mo ito makita dati? Ano sa mga ito ang nakalihis sa iyo? (Naisip namin na napakamahinahon nila sa kanilang pananalita at mga kilos, at sa kung paano sila nakikisalamuha at nakikipagtulungan sa iba, at wala silang sinasaktan, kaya ipinagpalagay naming may mabuti silang pagkatao. Nalihis kami ng panlabas nilang anyo.) Ang panlabas na pagkakaroon ng banayad na personalidad at hindi kailanman pambabatikos sa mga tao at pananakit ng mga hayop ay hindi nangangahulugan na may mabuting pagkatao ang isang tao. Anong uri ng mga pagbubunyag ng pagkatao ang kumakatawan sa tunay na mabuting pagkatao? (Sa isang banda, ang hindi pamiminsala sa iba o pananamantala sa kanila. Dagdag pa rito, kapag lumilitaw ang panganib, ang unang naiisip ng isang tao ay ang protektahan ang mga lider at manggagawa, pati na ang mga kapatid na naghahangad sa katotohanan, nang hindi isinasaalang-alang ang sarili niyang kaligtasan, at ang magawang iuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa bawat sitwasyon. Lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng mabuting pagkatao.) Ang magkaroon ng mabait na puso, ang maging mapagmahal, mapagpasensiya at mapagparaya, magalang sa iba, handang isaalang-alang ang iba, ang hindi manamantala sa mga tao, ang maging medyo matuwid, pati na ang maging mapagkumbaba, payak, at hindi dominante: ang pagtataglay sa mga katangiang ito ng pagkatao, na sinamahan ng abilidad na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ay mabuting pagkatao. Kung ang isang tao ay nagtataglay sa panlabas ng mga katangian ng pagkatao tulad ng pagpaparaya, pagpapasensiya, kabaitan, hindi pananamantala sa iba, pagiging sensitibo sa iba, pagmamalasakit para sa iba, pero pagdating sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, agad-agad nilang isusuko ang mga ito at aktibo pa ngang ipinagkakanulo ang mga ito—may mabuti ba silang pagkatao? (Wala.) Nangangahulugan ito na hindi mabuti ang pagkatao nila. Paano nasusukat ang mabuting pagkatao? Ano ang pinakamababang hinihingi? (Sa pinakamababa, ang magawang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Ang magawang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; at pagkatapos, sa pundasyong ito, ang magawang makipagtulungan nang matiwasay sa iba, ang pagiging mabait ang puso at mapagparaya, ang hindi pananamantala sa iba, at ang magawang maging mapagpasensiya at unawain ang mga kahinaan ng iba, ang pagiging sensitibo sa iba, ang magawang maging mapagmahal, ang magawang tulungan at suportahan ang iba, at pagmalasakitan ang mahihina, at iba pa—ang lahat ng ito ay mga katangian ng mabuting pagkatao. Sa kabaligtaran, ang pagiging makasarili, mababang-uri, sakim, malupit at labis na mapagkalkula sa iba, ang pagkahilig sa pagtsitsismis at pang-aapi sa mga tao, ang pagiging sutil, mapagmagaling, labis na paimbabaw, buktot, mahalay, tahasan, at walang pakiramdam ng kahihiyan—anong uri ng mga pagpapamalas ang mga ito? (Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng masamang pagkatao.) Magagawa pa rin ba ng isang taong may ganitong mga pagpapamalas na pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Ang taglayin ang mga pagpapamalas ng mabuting pagkatao, kasama ang abilidad na mapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ang tunay na mabuting pagkatao.

Mukhang napakabait ng ilang tao sa panlabas; nagagawa nilang maging mapagpasensiya at mapagparaya sa iba, at taglay nila ang lahat ng katangian ng mabuting pagkatao. Pero pagdating sa gawain ng iglesia, mga handog para sa Diyos, o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, nagagawa nilang ipagkanulo ang lahat ng ito. Masasabi mo bang may mabuting pagkatao ang ganitong uri ng tao? (Hindi.) Halimbawa, kapag namimili ng mga bagay-bagay para sa mga kapatid, pinipili ng ilang tao ang mga piraso na may magandang kalidad, mura ang presyo, at praktikal. Pero pagdating sa paggastos sa mga handog para bumili ng mga bagay-bagay, pinipili nila ang mga mamahaling bagay. Kahit na isa lang itong traktora, gusto pa nilang bumili ng may navigation. Anuman ang binibili nila, palagi nilang pinipili ang pinakamainam, ang pinakamahal, at ang mga bagay na high-tech, ayaw nilang ikonsidera ang anumang mas mura. Karaniwan, tila nakakasundo nila nang normal ang iba; hindi sila nananamantala ng mga tao, napakamapagparaya nila, at maayos nilang tinatrato ang iba sa lahat ng paraan. Pero pagdating sa paggastos ng mga handog, lumilitaw ang walang-awang katangian nila, at lumalabas ang masamang mukha nila. Maituturing ba silang may mabuting pagkatao? (Hindi.) Talaga bang tunay ang mabuting pagkatao nila? Panlabas na pagpapanggap at pagkukunwari lang ito—pawang pagbabalatkayo. Pagdating talaga sa mga usaping may kinalaman sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, lalo na pagdating sa paggastos ng mga handog, lumilitaw ang kasakiman nila, at nabubunyag ang kanilang masamang mukha, maladiyablong anyo, at mabagsik na pag-uugali. Mabuting pagkatao ba ito? (Hindi.) Halimbawa, nag-a-apply ang isang tao para sa karapatang-sipi ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at sinasabi niya, “Kung mag-a-apply tayo sa pangalan ng iglesia bilang isang organisasyon, makakatipid tayo nang malaki. Pero kung mag-a-apply tayo sa pangalan ni Cristo na nagkatawang-tao, mapapamahal tayo nang husto. Dapat tayong magtipid ng pera dito; hindi dapat gastusin nang walang ingat ang mga handog!” Tama ba ang pahayag na ito? May mga prinsipyo ba sila sa pangangasiwa sa ganoong kahalagang usapin? Sino ba mismo ang nagpahayag ng mga salitang ito, ang Diyos o ang iglesia? (Ang Diyos ang nagpahayag ng mga ito.) Kung gayon, sino dapat ang magmay-ari sa karapatang-sipi? Sino ba ang mas angkop na magmay-ari nito: ang Diyos o ang iglesia? (Ang Diyos ang mas angkop na magmay-ari nito.) Isa itong napakahalagang isyu. Ano ang mga kahihinatnan ng pagtuon sa pagtitipid ng pera sa ganoong kakritikal na usapin? Anong mga problema ang puwedeng umusbong? Maaaring hindi lubos maisip ang mga kahihinatnan! Kung babalewalain mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at isasaalang-alang mo lang ang pagtitipid ng pera, magiging anong uri ka ng tao? May konsensiya o pagkatao ba ang gayong mga tao? (Wala silang pagkatao.) Gaano man kamukhang mabait o mapagparaya ang gayong mga tao sa panlabas, tunay bang may pagkatao sila? (Wala.) Sa iglesia, ang lahat ng gastusin para sa pagkain, inumin at pang-araw-araw na pangangailangan ay ganap na sakop ng mga handog para sa Diyos. Kahit kailan ba ay naging maramot Ako sa inyo tungkol sa mga gastusing ito? Ang tanging hinihingi ay na iwasan ninyo ang mag-aksaya, pero kahit kailan ba ay siniyasat Ko ang mga normal ninyong paggastos? (Hindi.) Sa lahat ng aspekto, naging maalalahanin Ako sa inyo at hindi Ko kailanman siniyasat ang mga paggastos ninyo, pero wala kayong utang na loob at tinitipid niyo pa Ako. Hindi ba’t kawalan ito ng pagkatao? (Oo.) Gaano man kamukhang mabait o mapagparaya sa mga tao ang isang taong walang pagkatao, isa lang itong pagbabalatkayo. Pagdating talaga sa mga sandali kung saan dapat pinapairal ang konsensiya at katwiran, nabubunyag sila bilang ganap na walang pagkatao. Tao pa ba sila? (Hindi.) Hindi sila matatawag na tao. Kapag namimili Ako, namimili rin Ako nang maingat at matipid, isinasaalang-alang Ko kung aling mga piraso ang may diskwento at ang mga naaangkop na paraan sa pagbili ng mga ito, at kung ang isang bagay ay praktikal, naaangkop, at makatwiran ang presyo, bibilhin Ko ito. Pero hindi Ako bumibili nang walang pakundangan, hindi Ako gumagastos sa mga gamit na hindi naman sulit. Gayumpaman, may ilang gastusin na hindi maaaring iwasan at dapat gastusan, at sa ganoong mga kaso, gumagastos Ako nang ayon sa mga prinsipyo. Sinusubukan Ko ring maging matipid sa sarili Kong pagkain, pananamit, at mga pang-araw-araw na pangangailangan. Hindi ito tungkol sa pagbili ng kung anumang gusto Ko; kailangan Kong maingat na isaalang-alang ang mga binibili Ko. Kita mo, nananamit Ako nang simple, angkop, at presentable. Ang paggastos Ko ay sumusunod sa mga prinsipyo: binibili Ko kung ano ang kinakailangan at praktikal, at hindi Ako bumibili ng hindi kinakailangan o praktikal. Huwag magwaldas o mag-aksaya ng pera; huwag gastusin ang perang hindi dapat gastusin; pag-ipunan kung ano ang nararapat, at iwasan ang mga hindi kinakailangang gastos—ito ang mga prinsipyo. Gayumpaman, kapag nakakakita ang ilang taong walang pagkatao ng pagkakataon na gastusin ang mga handog para sa Diyos, nanlalaki ang mga mata nila. Hangga’t may kinalaman ito sa paggastos sa pagkain, pananamit, tirahan, o transportasyon ng mga tao, agad-agad silang umaaksiyon. Lalo na pagdating sa pagbili ng mga damit para sa iba at pamamahagi ng mga gastusin sa pamumuhay, labis silang nagiging sabik at mapagbigay. Sa puso nila, iniisip nila, “Buweno, hindi ko naman pera ang ginagastos. Ang pera ng Diyos ang ginagastos, at nakakatulong ito sa reputasyon ko, kaya bakit hindi?” Kaya, sinasamantala nila ang oportunidad na magwaldas. Sa puso nila, nagkikimkim sila ng masasamang layunin, wala silang ibang gustong gawin kundi ang pinsalain ang sambahayan ng Diyos! Pero kung sariling pera nila ito, kakalkulahin nila ang lahat ng bagay, tumatanggi silang gastusin maging ang isang kusing na higit sa kinakailangan. Gaano man sila kabait tingnan sa pangkaraniwan, walang mabuting pagkatao ang gayong mga tao. Sa pananaw Ko, maraming nabubunyag ang saloobin nila sa mga handog para sa Diyos. Ang katunayan na nagagawa nilang waldasin ang mga handog at na ganap na wala silang may-takot-sa-Diyos na puso ay nagpapakita, kahit papaano, na hindi sila mabait, na mababang-uri sila, at may mahina silang pagkatao. Hindi ba’t ito ang totoo? (Oo, ito nga.)

Maraming pagpapamalas ang nauugnay sa mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Pinasadahan natin ngayon ang ilang bahagi nito; malamang na mayroon pang ibang mga pagpapamalas, na puwede nating talakayin sa mga pagbabahaginan sa hinaharap. Dito na natin tapusin ang pagbabahaginan natin para sa araw na ito. Paalam!

Setyembre 23, 2023

Sinundan:  Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)

Sumunod:  Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (5)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger