25. Mga Pagninilay sa “Ang Ayaw Mong Gawin sa Iyo, Huwag Mong Gawin sa Kapwa Mo”
Sa loob ng sandaling panahon, napakaraming problema ang biglang lumilitaw sa tungkulin ko, kapwa malalaki at maliliit. Ang ilan ay mula sa pagiging masyadong padalus-dalos, at ang ilan ay mula sa hindi pagkaalam sa mga prinsipyo. Medyo nag-aalala ako, natatakot na pungusan ako ng lider o ng sister na katrabaho ko, sasabihing pabasta-basta ako sa tungkulin ko, pero ang sister na naging kapareha ko ay halos hindi binabanggit ang mga problema ko, sinasabi lang sa akin na maging mas maingat sa hinaharap. Palagi akong natutuwa dahil dito. Kalaunan, nang makita kong may ilang kapansin-pansin na mga problema ang iba sa kanilang mga tungkulin, naramdaman kong nagiging masyado silang pabasta-basta sa kanilang gawain, at gusto kong magbahagi sa kanila at himayin ang kanilang mga problema para maunawaan nila ang kalikasan ng pagiging pabasta-basta at ang malulubhang kahihinatnan ng pagpapatuloy nang ganoon. Pero naisip ko na makakasakit sa pride ng ibang tao ang tahasang pagpuna ng mga isyu nila. Mas mabuting magsabi lang nang sapat para ipaalam sa kanila ang mga isyu nila at tapusin na doon. Bukod pa roon, nagkakaproblema rin ako ng ganoon, kaya anong karapatan kong magsalita? Paano kung pinungusan ko ang iba para sa isang bagay, at kalaunan ay ginawa ko rin ito? Hindi ba ako magiging mapagpaimbabaw? Naisip ko na mas mabuting huwag silang ilantad o pungusan at magsasabi na lang ako ng magagandang bagay. Sa ganoong paraan, kung may magawa man akong mali sa hinaharap, hindi magrereklamo ang iba. Ang pagpapatawad sa iba ay pagpapatawad sa sarili mo. Nang isipin ko ito sa ganoong paraan, nawala ang katiting na katarungan sa puso ko. Sinabi ko sa sister na naging kapareha ko, “Hindi na kailangang punahin ang mga partikular na taong may mga problema. Puwedeng banggitin na lang natin ang mga problema.” Wala siyang anumang itinugon. Medyo hindi ako mapalagay pagkatapos niyon. Malalaman kaya ng iba na may problema sila kung hindi sila partikular na pupunahin? Magbabago kaya sila sa hinaharap? Kung hindi, maaapektuhan niyon ang gawain. Nagtalo ang kalooban ko. Gusto kong magsalita pero hindi ako naglakas-loob, at sa hindi pagsasalita, naramdaman kong hindi ko tinutupad ang responsabilidad ko. Pagkatapos, nagtaka ako kung bakit napakahirap nito para sa akin. Ano ang pumipigil sa akin na ilantad ang mga problema ng ibang mga kapatid? Tahimik akong nagdasal, hinihiling sa Diyos na gabayan ako sa pag-unawa sa aking isyu.
Kalaunan, sinabi ko sa isa pang sister ang tungkol sa kasalukuyan kong kalagayan, at pinadalhan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Talagang namulat ako sa pagbabasa nito, at nagkaroon ako ng ilang pagkaunawa sa problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Tagapagtaguyod ba kayo ng kasabihan tungkol sa wastong asal na, ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’? Kung tagapagtaguyod ng kasabihang ito ang isang tao, palagay ba ninyo ay dakila siya at marangal? May ilan na magsasabing, ‘Hindi naman siya namimilit, hindi niya pinahihirapan ang iba, o inilalagay sila sa alanganin. Hindi ba’t ang bait niya? Lagi silang mahigpit sa kanilang sarili subalit mapagparaya sa iba; hindi niya kailanman ipagagawa sa sinuman ang isang bagay kung siya mismo ay hindi ito gagawin. Binibigyan niya ng malaking kalayaan ang iba, at ipinararamdam sa mga ito ang matinding pagmamahal at pagtanggap. Kaybait niyang tao!’ Gayon ba talaga ang sitwasyon? Ang implikasyon ng kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ ay na dapat mo lamang ibigay o itustos sa iba ang mga bagay na gusto at ikinasisiya mo mismo. Ngunit anong mga bagay ang gusto at ikinasisiya ng mga tiwaling tao? Mga tiwaling bagay, mga di-makatwirang bagay, at maluluhong pagnanasa. Kung ibibigay at itutustos mo sa mga tao ang mga negatibong bagay na ito, hindi ba’t magiging mas lalong tiwali ang buong sangkatauhan? Mababawasan nang mababawasan ang mga positibong bagay. Hindi ba’t totoo ito? Totoo na lubhang tiwali ang sangkatauhan. Gustong hangarin ng mga tiwaling tao ang katanyagan, pakinabang, katayuan, at mga kasiyahan ng laman; nais nilang maging mga tanyag na tao, maging makapangyarihan at higit sa karaniwang tao. Nais nila ng komportableng buhay at ayaw nila ng mahirap na trabaho; nais nilang iabot na lamang sa kanila ang lahat ng bagay. Napakakakaunti sa kanila ang nagmamahal sa katotohanan o mga positibong bagay. Kung ibibigay at itutustos ng mga tao sa iba ang kanilang katiwalian at mga pagkiling, ano ang mangyayari? Katulad lamang ito ng mawawari ninyo: Magiging mas lalong tiwali ang sangkatauhan. Hinihiling ng mga tagapagtaguyod ng ideyang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ na ibigay at itustos ng mga tao sa iba ang kanilang katiwalian, mga pagkiling, at maluluhong pagnanasa, na ginagawa ang ibang mga tao na maghangad ng kasamaan, ginhawa, pera, at pag-unlad. Ito ba ang tamang landas sa buhay? Malinaw na makikita na may malaking problema sa kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.’ Ang mga kamalian at kapintasan doon ay napakalinaw; ni hindi iyon nararapat na suriin at kilatisin. Sa pinakamaliliit na pagsusuri, malinaw na makikita ang mga mali at katawa-tawang bagay roon. Gayunman, marami sa inyo ang madaling mahikayat at maimpluwensiyahan ng kasabihang ito at tinatanggap ito nang walang pagkilatis. Kapag nakikipag-ugnayan sa iba, madalas ninyong gamitin ang kasabihang ito para paalalahanan ang sarili ninyo at payuhan ang iba. Sa paggawa nito, inaakala ninyo na ang inyong pagkatao ay partikular na marangal, at na napakamakatwiran ng pag-asal ninyo. Ngunit hindi mo natatanto, naihayag na ng mga salitang ito ang prinsipyong ipinamumuhay mo at kung nasaang panig ka pagdating sa mga isyu. Kasabay nito, nalihis at nailigaw mo ang iba na unawain ang mga tao at sitwasyon nang may pananaw at panig na kapareho ng sa iyo. Talagang hindi ka makapagdesisyon, at ganap na hindi makapanindigan. Sinasabi mo, ‘Anuman ang isyu, hindi iyon kailangang seryosohin. Huwag mong pahirapan ang sarili mo o ang iba. Kung pahihirapan mo ang ibang tao, pinahihirapan mo ang sarili mo. Ang pagiging mabait sa iba ay pagiging mabait sa sarili mo. Kung mahigpit ka sa ibang tao, mahigpit ka sa sarili mo. Bakit mo pahihirapan ang sarili mo? Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo ang pinakamainam na bagay na magagawa mo para sa sarili mo, at ang pinakamapagsaalang-alang.’ Ang saloobing ito ay malinaw na hindi pagiging metikuloso sa anumang bagay. Wala kang tamang panig o pananaw sa anumang isyu; magulo ang pananaw mo sa lahat ng bagay. Hindi ka metikuloso at nagbubulag-bulagan ka na lang sa mga bagay-bagay. Kapag sa huli ay tumayo ka na sa harap ng Diyos at sinuri ang sarili mo, magiging masyadong magulo iyon. Bakit? Dahil lagi mong sinasabing dapat ay ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo. Lubha itong nakapapanatag at nakasisiya sa iyo, ngunit kasabay nito ay magdudulot ito sa iyo ng malaking problema, kaya hindi ka magkakaroon ng malinaw na pananaw o panig sa maraming bagay. Siyempre pa, ginagawa ka rin nitong hindi maunawaan nang malinaw kung ano ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa iyo kapag naranasan mo ang mga sitwasyong ito, o kung ano ang resultang dapat mong makamtan. Nangyayari ang mga bagay na ito dahil hindi ka metikuloso sa anumang bagay; dulot ang mga ito ng magulong saloobin at pananaw mo. Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo ba ang mapagparayang saloobing dapat mong taglayin para sa mga tao at bagay? Hindi. Teorya lamang iyon na mukhang tama, marangal, at mabait kung titingnan, ngunit ang totoo ay lubos itong negatibo. Malinaw na lalong hindi ito katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang saloobin ko sa pakikisalamuha sa iba. Kapag nakakakita ako ng isyu sa pagharap ng isang tao sa kanyang tungkulin, ayaw kong malinaw na punahin ito. Sa panlabas, mukhang nagiging mabait ako, hinahayaan ang iba na manatiling kagalang-galang, at hindi sila ipinapahiya, pero may lihim akong motibo. Dahil madalas na pabasta-basta din ako sa tungkulin ko at may mga parehong isyu, natatakot akong punahin ang mga problema ng iba at kalaunan ay magpakita ng ganoong mismong problema. Hindi ba ako magiging mapagpaimbabaw dahil doon? Naniwala akong makakasama sa akin ang pagiging mahigpit sa iba kung hindi ko hahayaang makaiwas ang sarili sa mga isyu, kaya ayokong seryosohin ang mga problema ng iba, mas pinipili kong pagtakpan ang mga ito. Alam na alam ko na kung palagi silang pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin, hindi lamang sila hindi makakakuha ng magagandang resulta o magkakaroon ng anumang mabubuting gawa, bagkus ay makakaapekto rin ito sa gawain ng iglesia, makakapagsanhi pa ng malalaking kagambalaan at kaguluhan. Bilang superbisor, dapat ay umaako ako ng responsabilidad, nagbabahagi at pinupuna ang mga isyu ng iba, at kapag kinakailangan, inilalantad, hinihimay, at pinupungusan ko sila. Subalit para maiwasang mapahiya at maprotektahan ang aking katayuan, nawalan ako ng kahit katiting na pagnanais na isagawa ang katotohanan. Sa panlabas, mukha talaga akong maunawain, pero ang totoo, gusto kong protektahan ang sarili ko at maiwasang banggitin ng iba ang mga problema ko. Kung hindi dahil sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, hinding-hindi ko mapagtatanto na ang hindi pagpuna sa mga problema ng iba, sa katunayan, ay nagmumula sa pagiging apektado at kontrolado ng mga satanikong pilosopiya. Hinding-hindi ko sana makikita kung gaano ako naging mapanlinlang.
Kalaunan, may nabasa ako sa mga salita ng Diyos: “Sa literal na diwa, ang ibig sabihin ng ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’ ay na kung hindi mo gusto ang isang bagay, o hindi mo gustong gawin ang isang bagay, hindi mo rin dapat ipilit ito sa ibang mga tao. Tila ba matalino at makatwiran ito, ngunit kung gagamitin mo ang satanikong pilosopiyang ito sa pagharap sa bawat sitwasyon, makagagawa ka ng maraming pagkakamali. Malamang na masasaktan, maililigaw, o mapipinsala mo pa nga ang mga tao. Gaya lamang ng kung paanong hindi mahilig mag-aral ang ilang magulang, ngunit gusto nilang mag-aral ang kanilang mga anak, at laging hinihikayat at hinihimok ang mga itong mag-aral nang mabuti. Kung iaangkop mo rito ang hinihingi na ‘ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ hindi dapat pilitin ng mga magulang na ito ang kanilang mga anak na mag-aral, dahil sila mismo ay hindi nasisiyahan doon. May ibang tao na nananampalataya sa Diyos, ngunit hindi hinahangad ang katotohanan; subalit sa puso nila ay alam nila na ang pananalig sa Diyos ang tamang landas sa buhay. Kung nakikita nilang hindi sumasampalataya sa Diyos at wala sa tamang landas ang kanilang mga anak, hinihimok nila ang mga ito na manalig sa Diyos. Kahit na hindi nila mismo hinahangad ang katotohanan, gusto pa rin nilang hangarin ito ng mga anak nila at pagpalain ang mga ito. Sa ganitong sitwasyon, kung susunod sila sa kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ hindi dapat pilitin ng mga magulang na ito ang kanilang mga anak na manampalataya sa Diyos. Magiging alinsunod iyon sa satanikong pilosopiyang ito, ngunit masisira rin nito ang pagkakataon ng kanilang mga anak na maligtas. Sino ang responsable sa resultang ito? Hindi ba’t nakapipinsala sa mga tao ang tradisyonal na kasabihan tungkol sa wastong asal na ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo? … Hindi ba’t lubos nang napabulaanan ng mga halimbawang ito ang kasabihang ito? Walang anumang tama rito. Halimbawa, hindi minamahal ng ilang tao ang katotohanan; nagnanasa sila ng mga kaginhawahan ng laman, at naghahanap ng mga paraan para magpakatamad sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ayaw nilang magdusa o magbayad ng halaga. Iniisip nila na maganda ang sinasabi ng kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ at sinasabi nila sa mga tao, ‘Dapat kayong matuto kung paano magsaya. Hindi ninyo kailangang isagawa nang maayos ang inyong tungkulin o maghirap o magbayad ng halaga. Kung maaari kayong magpakatamad, magpakatamad kayo; kung maaari kayong maging pabasta-basta sa isang bagay, gawin ninyo iyon. Huwag ninyo masyadong pahirapan ang sarili ninyo. Tingnan ninyo, ganito ako mamuhay—masarap, hindi ba? Perpekto talaga ang buhay ko! Pinapagod ninyo ang sarili ninyo sa pamumuhay nang ganyan! Dapat kayong matuto sa akin.’ Tumutugon ba ito sa hinihingi na ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’? Kung kikilos ka sa ganitong paraan, isang tao ka ba na may konsensiya at katwiran? (Hindi.) Kung mawalan ng konsensiya at katwiran ang isang tao, hindi ba’t wala siyang kabutihan? Ang tawag dito ay kawalan ng kabutihan. Bakit ganito ang tawag natin dito? Dahil inaasam nila ang ginhawa, pabasta-basta sila sa kanilang tungkulin, at sinusulsulan at iniimpluwensiyahan nila ang iba na sumama sa kanila sa pagiging pabasta-basta at sa pananabik sa ginhawa. Ano ang problema rito? Ang pagiging pabasta-basta at pagiging iresponsable sa iyong tungkulin ay isang panlalansi at paglaban sa Diyos. Kung patuloy kang magiging pabasta-basta at hindi ka magsisisi, malalantad ka at matitiwalag” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10). “Kung mayroong pusong nagmamahal sa katotohanan ang mga tao, magkakaroon sila ng lakas na hangarin ang katotohanan, at makapagsusumikap isagawa ang katotohanan. Matatalikuran nila ang dapat na talikuran, at mabibitiwan ang dapat na bitiwan. Sa partikular, ang mga bagay na may kinalaman sa sarili mong kasikatan, pakinabang, at katayuan ay dapat na bitiwan. Kung hindi mo bibitiwan ang mga ito, nangangahulugan ito na hindi mo minamahal ang katotohanan at wala kang lakas para hangarin ang katotohanan. Kapag may nangyayari sa iyo, dapat mong hanapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan. Kung, sa mga oras na kailangan mong isagawa ang katotohanan, lagi kang may makasariling puso at hindi mo mabitiwan ang iyong pansariling interes, hindi mo maisasagawa ang katotohanan. Kung hindi mo kailanman hinanap o isinagawa ang katotohanan sa alinmang sitwasyon, hindi ka isang tao na nagmamahal sa katotohanan. Kahit gaano karaming taon ka nang nananalig sa Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan. Ang ilang tao ay palaging hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at pansariling interes. Anumang gawain ang isinasaayos ng iglesia para sa kanila, lagi silang nag-iisip nang mabuti, ‘Makikinabang ba ako rito? Kung oo, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko ito gagawin.’ Ang ganitong tao ay hindi nagsasagawa ng katotohanan—kaya magagampanan ba niya nang maayos ang kanyang tungkulin? Hinding-hindi. Kahit na hindi ka gumagawa ng masama, hindi ka pa rin isang taong nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi minamahal ang mga positibong bagay, at anumang mangyari sa iyo, inaalala mo lang ang sarili mong reputasyon at katayuan, ang iyong pansariling interes, at kung ano ang nakabubuti para sa iyo, kung gayon ay isa kang tao na pansariling interes lang ang motibasyon, at isang makasarili at walang dangal. … Kung hindi kailanman isinasagawa ng mga tao ang katotohanan matapos ang maraming taong pananalig sa Diyos, sila ay mga hindi mananampalataya; sila ay masasamang tao. Kung hindi mo kailanman isinagawa ang katotohanan, at kung lalo pang dumarami ang mga paglabag mo, nakatakda na ang kalalabasan mo. Makikita nang malinaw na ang lahat ng iyong paglabag, ang maling landas na tinatahak mo, at ang pagtanggi mong magsisi—ang lahat ng ito ay dumadagdag sa sangkaterbang masasamang gawa; kaya naman ang kalalabasan mo ay ang mapupunta ka sa impiyerno—mapaparusahan ka” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Hindi ko maiwasang makadama ng pagkagulat sa puso ko sa inilalantad ng mga salita ng Diyos. Ang pagbatay ko sa pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” sa mga pakikipag-ugnayan ko ay pinagmukha akong maunawain at mapagsaalang-alang sa iba, pero sa katunayan, pinipinsala ko lang sila. Hindi ako nagsasagawa o pumapasok sa mga salita ng Diyos o sa Kanyang mga hinihingi. Kinukunsinti ko ang iba sa kanilang mga problema, hindi hinihiling sa kanila na isagawa ang salita ng Diyos at magkaroon ng pagpasok dito, na para bang dapat lang silang maging katulad ko, hindi naghahanap ng pag-usad, may pagkanegatibo, at napakasama. Iresponsable ang paggawa ng mga bagay sa ganoong paraan. Ito ay pagiging mapagpalugod ng tao. Ito ay hindi tama at walang kabutihan. Ganoon ang inaasal ko. Hindi ko mahal ang katotohanan, at hinahangad ko lang na gawing panatag ang sarili ko. Ayaw kong seryosohin ang tungkulin ko o maging detalyado, na humantong sa pagkakaroon ng iba’t ibang isyu at paglihis sa tungkulin ko. Natatakot akong ilantad ang aking mga pagkakamali at pagkukulang at umasa akong hindi masyadong magiging mahigpit sa akin ang lider at ang kapareha ko. Ayaw ko rin ilantad ang mga taong nakita kong may katulad kong problema, at takot din ako na kung masyado akong prangka sa iba, kakailanganin kong magpakita ng halimbawa at tanggapin ang kanilang pangangasiwa, at magkakaroon ng mas kakaunting pagkakataon para alagaan ang aking laman. Kaya gusto kong protektahan ang iba at tulutan silang maging katulad ko, hindi binabanggit ang mga problemang napansin namin, at hindi binabantayan ang isa’t isa. Bago makamit ang katotohanan, may gawi na ang mga tao na sundin ang kanilang mga tiwaling disposisyon sa buhay, nagpapakatamad at nagiging pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin. Sa ganitong pagkakataon pinakahigit na kinakailangan ng pangangasiwa at paggabay sa isa’t isa. Positibong bagay ito, at pinoprotektahan nito ang gawain ng iglesia. Bilang superbisor, dapat pinangunahan ko talaga ang pagsasagawa ng katotohanan, pero bukod sa hindi pagiging isang mabuting halimbawa, tinulutan ko ang lahat na maging pabasta-basta at hindi magsikap na umusad, tulad ko. Sa diwa, tutol ako sa katotohanan, at ayaw kong tanggapin ito. Nangunguna ako sa pagiging pabasta-basta at pandaraya sa Diyos. Hindi ko lang hindi ginagawa nang maayos ang tungkulin ko, pinipinsala ko rin ang mga kapatid ko. Habang mas pinagninilayan ko ito, mas nakikita kong mas malubha itong isyu kaysa sa inaakala ko. Para protektahan ang reputasyon at katayuan ko, binalewala ko ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Napakamakasarili ko at ubod ng sama! Naunawaan ko rin kung bakit sinasabi ng Diyos na ang mga taong ganoon ay hindi mananampalataya, na sila ay masasamang tao na nanlilinlang para makapasok sa sambahayan ng Diyos. Ito ay dahil ang tanging nasa puso nila ay ang kanilang mga sarili—hindi nila iniisip ang gawain ng iglesia. Umaasa ang Diyos na maisasagawa nating lahat ang katotohanan, magsasalita at kikilos nang may prinsipyo. Pero hindi ko mahal ang katotohanan. Umasa ako na poprotektahan ng lahat ang bawat isa, at walang sinuman ang magsasagawa sa katotohanan. Ginagawa ko ang kabaligtaran ng ninanais ng Diyos—ito ay paggawa ng masama! Akala ko dati na ang sadyang paggambala at panggugulo lang sa gawain ng iglesia ang paggawa ng masama na kasusuklaman ng Diyos, pero nakita ko noon na ang pagprotekta sa sarili kong mga interes sa bawat pagkakataon, pagsasalita at pagkilos batay sa aking mga tiwaling disposisyon, at hindi pagsasagawa sa katotohanan ay paggawa rin ng masama. Nang mapagtanto ito, agad akong nagdasal sa Diyos sa pagsisisi, “O Diyos, isa akong superbisor, pero hindi ko isinasagawa ang katotohanan. Para protektahan ang reputasyon at katayuan ko, ginusto ko pang protektahan ng lahat ang isa’t isa at maging pabasta-basta. Wala akong konsensiya o katwiran, at hindi ako karapat-dapat sa tungkuling ito. O Diyos, gusto ko pong magsisi at magbago.” Pagkatapos magdasal, inilista ko ang lahat ng kamakailang problema ng iba sa mga tungkulin nila. Natigilan ako nang makita ko ang mga detalye ng lahat ng isyung ito. Ilang tao ang naging iresponsable at pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin, na nangangahulugan na kailangang gawing muli ang ilang gawain. Talagang nainis ako nang makita ko ang sunod-sunod na problema. Hindi ko akalain na napakaraming problema sa mga tungkulin ng bawat isa. Pero naisip ko pa na puwede kong palampasin ang mga bagay-bagay, pinagbibigyan ang iba at ang sarili ko. Wala akong pagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos. Kung nagpatuloy ang mga bagay nang ganoon, talagang maaantala ang lahat ng gawain dahil sa akin.
Isang gabi, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang aking asal. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi sila tunay, sinsero, at lubos na nagpapasakop sa katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga katotohanang prinsipyo, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tugunan ang mga layunin ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapalulugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang kanilang sariling reputasyon at mapagtatanto ng maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasang diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang paggawa ng tunay na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, tulutan silang magkamit ng mas higit pang katanyagan, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Hindi ba ito makasarili at kasuklam-suklam? Sa anumang sitwasyon, itinuturing ng mga anticristo na pinakamahalaga ang kanilang katayuan at reputasyon. Walang sinumang maaaring makipagkompetensiya sa kanila. Anumang pamamaraan ang kailangan, basta’t nakukuha ang loob at napapasamba nito ang mga tao sa kanila, gagawin ito ng mga anticristo. … Sa kabuuan, ang layon at motibo nila sa paggawa ng lahat ng ito ay umiikot lamang sa katayuan at reputasyon. Hindi mahalaga kung ito ay ang kanilang panlabas na wika, mga pamamaraan, pag-uugali, o isang uri ng kaisipan, pananaw, o pamamaraan ng paghahangad, umiikot ang lahat ng ito sa reputasyon at katayuan. Ganito gumagawa ang mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay para protektahan ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Hindi nila kailanman isinasaalang-alang kung paano protektahan ang gawain ng iglesia o kung ano ang makakabuti sa kanilang mga kapatid. Mas gugustuhin nilang makitang naaapektuhan ang gawain ng iglesia kaysa ilagay sa panganib ang kanilang mga pansariling interes. Masyado nilang binibigyang-halaga ang reputasyon at katayuan. Sa pagninilay ko, nakita ko na kumilos ako tulad mismo ng isang anticristo. Kapag nahaharap sa isang bagay, lagi kong inuuna ang aking mga interes, imahe, at katayuan. Nang makita ko na may mga taong nagiging pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin, alam kong dapat ko itong punahin, pungusan sila, at makipagbahaginan sa kanila para makita nila ang kanilang mga problema at makilala ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Pero ayaw kong salungatin ang sino man, at gusto kong protektahan ang sarili ko, kaya hindi ko isinagawa ang katotohanan. Ni wala akong masabi na isang salita na naaayon sa katotohanan. Sa halip, nag-isip ako nang husto para matiyak na makakaiwas ako sa problema. Talagang tuso ako at mapanlilang, isang mapagpalugod ng tao na nagnanais na gumitna sa mga usapin. Patuloy ko lang hinahangad ang kasikatan at katayuan, pinoprotektahan ang sarili kong mga interes, tinutulutan ang iba na gawin ang kanilang mga tungkulin batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia. Nasa landas ako ng isang anticristo. Kung nagpatuloy ako sa ganoong landas, tiyak na mabubunyag at ititiwalag ako ng Diyos. Ipinakita sa akin ng pagkakatantong ito kung gaano kabigat ang problemang ito. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para mabitiwan ko ang kasikatan at katayuan, maitaguyod ang gawain ng iglesia, at matupad ang aking mga responsabilidad.
Pagkatapos noon, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hindi hinihingi ng Diyos na huwag gawin ng mga tao sa kapwa nila ang ayaw nilang gawin sa kanila, sa halip ay hinihingi Niya sa mga tao na maging malinaw sa mga prinsipyong dapat nilang sundin kapag nahaharap sila sa iba’t ibang sitwasyon. Kung tama at naaayon ito sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, kailangan mong kumapit dito. At bukod sa kailangan mong kumapit dito, kailangan mo ring pagsabihan, hikayatin, at bahaginan ang iba, upang maunawaan nila kung ano ba mismo ang mga layunin ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ay iyong responsabilidad at obligasyon. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na hindi ka manindigan, at lalong hindi Niya hinihinging ipagpasikat mo kung gaano ka kabuti. Dapat kang kumapit sa mga bagay na ipinayo at itinuro ng Diyos sa iyo, at sa tinutukoy ng Diyos sa Kanyang mga salita: ang mga kinakailangan, ang mga pamantayan, at ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Hindi ka lamang kailangang kumapit sa mga iyon, at panghawakan ang mga iyon magpakailanman, bagkus ay kailangan mo ring isagawa ang mga katotohanang prinsipyong ito sa pamamagitan ng pagiging halimbawa, gayundin ay hikayatin, pangasiwaan, tulungan, at gabayan ang iba na kumapit, sumunod, at isagawa ang mga iyon sa parehong paraang ginagawa mo. Hinihingi ng Diyos na gawin mo ito—ito ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo. Hindi maaaring hingan mo lang ng mga kinakailangan ang sarili mo habang binabalewala ang iba. Hinihingi ng Diyos na manindigan ka nang tama sa mga isyu, panghawakan mo ang mga tamang pamantayan, at alamin mo kung ano mismo ang mga pamantayan sa mga salita ng Diyos, at na malaman mo kung ano mismo ang mga katotohanang prinsipyo. Kahit pa hindi mo ito maisakatuparan, kahit pa ayaw mong gawin ito, hindi mo ito gusto, mayroon kang mga kuru-kuro, o nilalabanan mo ito, kailangan mong ituring ito bilang responsabilidad mo, bilang obligasyon mo. Kailangan mong makipagbahaginan sa mga tao tungkol sa mga positibong bagay na nagmumula sa Diyos, sa mga bagay na tama at wasto, at gamitin ang mga iyon para matulungan, maimpluwensiyahan, at magabayan ang iba, upang makinabang at mapalakas ang mga tao dahil sa mga ito, at tumahak sila sa tamang landas sa buhay. Ito ay iyong responsabilidad, at hindi ka dapat magmatigas na kumapit sa ideya na ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’ na naitanim ni Satanas sa isipan mo. Sa mga mata ng Diyos, ang kasabihang iyan ay isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo; isa itong paraan ng pag-iisip na nagtataglay ng panlalansi ni Satanas; hindi talaga ito ang tamang landas, ni hindi ito isang positibong bagay. Ang hinihingi lamang sa iyo ng Diyos ay maging isa kang matuwid na tao na malinaw na nauunawaan kung ano ang kanyang dapat at hindi dapat gawin. Hindi Niya hinihingi sa iyo na maging mapagpalugod ng mga tao o maging isang taong hindi makapanindigan; hindi Niya hiningi sa iyo na wala kang panigan. Kapag ang isang bagay ay tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, kailangan mong sabihin ang kailangang sabihin, at unawain ang kailangang unawain. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang isang bagay ngunit nauunawaan mo ito, at maaari mo siyang gabayan at tulungan, kailangang-kailangan mong tuparin ang responsabilidad at obligasyong ito. Hindi ka dapat tumayo-tayo lang sa tabi at manood, at lalong hindi ka dapat kumapit sa mga pilosopiyang itinanim ni Satanas sa iyong isipan tulad ng ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo. … Ang kasabihan tungkol sa wastong asal na ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’ ay talagang tunay na tusong pakana ni Satanas upang kontrolin ang isipan ng mga tao. Kung lagi mo itong susundin, isa kang taong namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; isang taong ganap na nabubuhay sa isang satanikong disposisyon. Kung hindi mo susundan ang daan ng Diyos, hindi mo mahal o hinahangad ang katotohanan. Anuman ang mangyari, ang prinsipyong dapat mong sundin at ang pinakamahalagang bagay na kailangan mong gawin ay ang tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo. Hindi mo dapat isagawa ang sinasabi ni Satanas na ‘ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ at maging isang ‘matalino’ na taong mapagpalugod ng mga tao. Ano ang ibig sabihin ng tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo? Ang ibig sabihin nito ay pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Sa sandaling makita mo na bahagi ng iyong mga responsabilidad at obligasyon ang isang bagay, dapat kang magbahagi tungkol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ito ang ibig sabihin ng pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10). Mula sa mga salita ng Diyos ay nakita ko na ang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” ay isang taktika, isang pakana na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao at kontrolin ang pag-iisip nila. Kapag namuhay sila ayon sa mga satanikong pilosopiya, wala nang isang kapaligiran na nagsasagawa ng katotohanan sa kanilang mga pakikipag-ugnayan, at kinukunsinti at pinoprotektahan nila ang isa’t isa. Kung mamumuhay ang lahat ayon sa kanilang tiwaling disposisyon, makukuha ni Satanas ang kontrol at magiging mas makapangyarihan ang kasamaan. Sa huli, tatalikdan sila ng Banal na Espiritu. Bagama’t hindi ko pa kayang isakatuparan o isagawa ang mga salita ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi, kailangan kong tuparin ang aking mga responsabilidad at ibahagi sa iba ang kaliwanagan at pagkaunawa ko sa mga salita ng Diyos. Kung makakakita ako ng mga taong lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo sa kanilang mga tungkulin, sa halip na magpakita ng saloobin ng pagiging maluwag at mapagparaya, kailangan kong maging maprinsipyo, tumulong sa iba sa pamamagitan ng pagbabahaginan at pagpuna sa kanilang mga isyu. Saka lang ako makapagtataguyod sa gawain ng iglesia at makatutupad sa aking responsabilidad. Kailangan ko ring manguna bilang halimbawa sa pagsasagawa sa katotohanan. Totoong may mga problema sa tungkulin ko, pero hindi ko puwedeng pagbigyan lang ang sarili ko, magpanggap, o takasan ang realidad. Kung gagawin ko iyon, hinding-hindi ako uusad. Dapat maagap kong aminin ang mga isyu ko, tanggapin ang pangangasiwa ng iba, at seryosohin ang tungkulin ko. Napagtanto ko rin na ang ideyang kailangan wala kang mga pagkakamali at mga isyu para pumuna ng iba ay hinding-hindi naaayon sa katotohanan. Isa rin akong tiwaling tao na may malubhang satanikong disposisyon. Madalas akong lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo sa aking tungkulin, at kailangang sumailalim sa paghatol at pagpupungos ng Diyos. Kailangan ko rin ng pangangasiwa ng mga kapatid. Dapat kong ituring nang tama ang sarili ko upang kung mas maraming problema ang lumitaw, kailangan kong harapin ang mga ito, hindi patuloy na takbuhan ang mga ito o magbalat-kayo. Nakapagbibigay-liwanag sa akin na mapagtanto ito, at nakahanap ako ng landas para sa pagsasagawa.
Sa isang pagtitipon, una kong tinalakay ang mga kamakailang isyu na mayroon sa aking tungkulin, inilalantad at hinihimay ang aking kapabayaan, at hiniling sa lahat na bantayan ako. Sinabi ko rin sa kanila na hayaan itong magsilbing babala. Sa wakas, pinuna ko rin ang dalawa sa mga kapatid na naging pabasta-basta at nagbahagi sa mga kahihinatnan ng pagkabigong magbago. Talagang gumaan ang pakiramdam ko pagkatapos kong gawin iyon. Nakaaantig talaga para sa akin nang ang isang brother na pinungusan ko ay kinilala ang kanyang problema dahil pinuna ko siya nang ganoon, at pinadalhan niya ako ng mensahe na nagsasabing, “Kung hindi ako inilantad at pinungusan nang ganoon, magiging ganap akong walang kamalayan sa isyu ko. Salamat sa pagtulong sa akin nang ganito. Ngayon gusto ko talagang magnilay-nilay at pumasok sa katotohanan.” Labis akong naantig ng mensaheng ito. Dati, ayaw kong pinupungusan at nilalantad, kaya mas ayaw kong gawin iyon sa iba, pero sa katunayan, hindi iyon nakabubuti para sa kanila. Lubos kong pinagsisihan iyon, para protektahan ang aking sariling reputasyon at katayuan, palagi kong pinagbigyan at kinunsinti ang mga problema ng bawat isa sa kanilang mga tungkulin, at hindi tinupad ang tungkulin at mga responsabilidad ko. Talagang pinagkakautangan ko ang Diyos, at ang mga kapatid. Napagtanto ko na ang mga salita lamang ng Diyos ang dapat maging prinsipyo kung paano tayo dapat kumilos at umasal. Ang magawang tukuyin nang diretsahan ang mga problema sa iba ay nakatutulong sa kanila—nakabubuti rin ito sa ating mga sarili. Pero ang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” ay talagang isang satanikong kabulaanan na nakapipinsala sa mga tao at sa ating sarili. Nakita ko rin na ang laging pagkatakot na mapungusan kapag lumilitaw ang mga problema sa tungkulin, at ayaw ilantad at pungusan ang iba dahil sa kanilang mga problema, ay nangangahulugang hindi ko nauunawaan ang kahalagahan ng pagpupungos. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Ang pangangasiwa sa mga tao, pagmamasid sa kanila, pagsisikap na maunawaan sila—lahat ng ito ay para tulungan silang pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, para bigyan sila ng kakayahang gawin ang kanilang tungkulin ayon sa hinihingi ng Diyos at ayon sa prinsipyo, upang hindi sila magdulot ng mga panggugulo o pagkagambala, at upang pigilan silang gumawa ng walang saysay na gawain. Ang layon ng paggawa nito ay ganap na tungkol sa pagpapakita ng responsabilidad sa kanila at sa gawain ng sambahayan ng Diyos; walang masamang hangarin dito” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 7). Totoo iyon. Lahat tayo ay may mga tiwaling disposisyon at lahat tayo ay malamang na maging pabasta-basta at tuso sa ating tungkulin. Kung walang mangangasiwa at magsisiyasat sa gawain natin, o magbibigay ng pagbabahagi at payo at pagpupungos sa atin para sa ating mga problema, hindi tayo makakapagtrabaho nang maayos. Kukunsintihin lang natin ang sarili nating laman at maghahanap ng kaginhawahan, o walang pakundangan pa ngang gagawa ng isang bagay na makagagambala sa gawain ng iglesia. Kaya, kapag pinangangasiwaan ng mga lider ang gawain o pinupungusan tayo, sila ay nagiging responsable sa kanilang tungkulin, at ito ay para itaguyod ang gawain ng iglesia. Mabuti rin ito para sa ating buhay pagpasok, hindi para pahirapan tayo. Pero isa akong superbisor na sumusunod sa satanikong pilosopiya ng “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.” Nakita ko ang mga isyu sa mga tungkulin ng iba pero nanatili akong mabait sa lahat. Hindi ako nagbahagi, tumulong, o nagpungos kaninuman, bagkus ay pinagbigyan at pinrotektahan sila. Ito ay iresponsable, bukod pa sa nakapipinsala sa iba at sa iglesia. Binago ng karanasang ito ang nakalilinlang na ideya ko at ipinakita sa akin ang kahalagahan ng pangangasiwa, pagpuna, pagpupungos at pagkalantad.
Talagang nakaaantig sa akin ang karanasang ito. Nakita ko na kapag namumuhay tayo ayon sa mga satanikong pilosopiya, lahat ng ideya natin ay baluktot. Hindi natin matukoy ang pagkakaiba sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, at hindi natin alam kung ano ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at mga hinihingi ng Diyos. Madaling sundin ang mga satanikong pilosopiya at gumawa ng mga bagay na nakagagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia. Ang pagtanaw lang sa mga bagay at pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos ang naaayon sa Kanyang layunin. Natikman ko rin ang tamis ng pagsasagawa ng katotohanan at nagkaroon ng lakas ng loob na tumuon sa paggawa ng kung ano ang hinihingi ng Diyos sa hinaharap. Salamat sa Diyos!