26. Mga Pagninilay Pagkatapos Magka-Covid
Hindi nagtagal pagkatapos tanggapin ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, natutunan ko mula sa mga salita ng Diyos na kapag tinatapos na ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga huling araw, darating ang malalaking sakuna sa sangkatauhan para gantimpalaan ang mabubuti at parusahan ang masasama. Ang mga gumawa ng masama at sumalungat sa Diyos ay lilipulin sa mga sakuna, habang ang mga tumanggap ng paghatol ng mga salita ng Diyos at nalinis ay poprotektahan ng Diyos at makaliligtas. Dadalhin Niya sila sa Kanyang kaharian para tamasahin ang walang hanggang mga pagpapala. Naisip ko noong panahong iyon na ang pagpasok sa kaharian at pagkamit ng buhay na walang hanggan ay magiging isang malaking pagpapala. Alam kong kailangan kong pahalagahan ang minsan-sa-buhay na pagkakataong ito, gawin nang maayos ang tungkulin ko, at magsikap para sa Diyos upang kapag natapos na ang gawain ng Diyos, magiging kalipikado akong manatili. Kaya, nagbitiw ako sa trabaho at sinimulan ang aking tungkulin na ipangaral ang ebanghelyo. Sa kritikal na panahong ito, na lalong dumarami ang mga sakuna, kailangan kong gumawa ng mas maraming mabubuting gawa at ibahagi ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw sa mas marami pang tao. Sa ganoong paraan, makakapag-ambag ako sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Kaya, ibinuhos ko ang lahat ng lakas ko sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at araw-araw naging abala ako mula umaga hanggang dis-oras ng gabi. Sa aking distrito ay parami nang parami ang mga taong tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at sunod-sunod na naitatag ang mga iglesia. Labis akong nasiyahan sa sarili ko nang makita ko ang mga resultang ito. Pakiramdam ko ay hindi mababalewala ang mga ambag ko sa gawain ng ebanghelyo. Nang sumiklab ang pandemya, at tumataas ang bilang ng mga nahahawa sa buong mundo, kalmadong-kalmado ako. Naisip ko na dahil ginugol ko ang sarili ko sa aking tungkulin para sa Diyos, hindi ako maaapektuhan ng pandemya, gaano man ito kalaganap. Gayumpaman, ang biglaang pagkahawa sa virus ay nagtulak sa akin para pagnilayan ang mga motibo at karumihang nakapailalim sa paggampan ko ng aking tungkulin sa mga nakalipas na taon.
Isang araw noong Mayo 2021, bigla akong nagsimulang umubo, pagkatapos ay nilagnat ako at nanghina ang buong katawan ko. Noong una, inakala kong nagkasipon ako at hindi ako gaanong nag-alala, pero nagpatuloy ang mga sintomas ko sa loob ng isang linggo nang hindi nawawala. Napansin ng isang sister na talagang katulad ng sa Covid ang mga sintomas ko at nag-aalala siya na baka nahawa ako nito, kaya iminungkahi niya na pumunta ako sa ospital para magpa-check-up. Hindi ko ito masyadong pinansin, at naisip ko, “Nagtatrabaho ako nang maraming araw, nagdurusa at nagsasakripisyo para sa tungkulin ko, at naging mahusay ako. Isa pa, wala akong ginawang masama at hindi ko ginambala ang gawain ng iglesia. Kaya paano ako mahahawa?” Pero positibo ang lumabas sa test ko, na hindi ko talaga inaasahan. Tulala akong naglakad sa daan pauwi, hindi ko ito maintindihan. “Matagal ko nang ginagawa ang mga tungkulin ko,” naisip ko, “kaya paanong nahawa ako ng Covid? Ano na lang ang iisipin sa akin ng mga kapatid kapag nalaman nila? Ipagpapalagay ba nila na pinarurusahan ako dahil sa paggawa ng isang bagay na sumalungat sa Diyos? Pero wala akong ginawang masama at hindi ko ginambala ang gawain ng iglesia.” Milyon-milyong tao sa buong mundo ang namatay mula noong nakaraang taon, nang sumiklab ang pandemya, kaya mamamatay rin ba ako, ngayong nahawahan na ako? Hindi ba’t mauuwi sa wala ang aking sakripisyo at paggugol sa mga nakaraang taon kung mamatay ako nang malapit nang matapos ang gawain ng Diyos? Iiwan ako nito na walang bahagi sa mga pagpapala ng kaharian sa hinaharap. Habang mas iniisip ko ito, mas lalong sumasama ang loob ko. Paano ko malalampasan ang sitwasyong ito? Nanalangin ako, tumatawag sa Diyos, “O Diyos, sa Iyong mabuting layunin, pinahintulutan Mong magkaroon ako ng sakit na ito. Hindi Ka kailanman nagkakamali, kaya ito ba ay dahil naghimagsik ako laban sa Iyo at sumalungat sa Iyo sa kung anong paraan? Hindi nagkataon lang na nahawahan ako, at lahat ito ay nasa ilalim ng Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, kaya nais ko pong hanapin ang Iyong layunin at magnilay-nilay sa sarili. Pero ang hindi ko po alam ay kung paano ko sinalungat ang Iyong disposisyon. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako na malaman kung saan ako nagkamali. Handa po akong magsisi.” Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos niyon: “Paano mo dapat danasin ang karamdaman kapag dumarating ito? Dapat kang lumapit sa Diyos at magdasal, maghanap at mag-arok sa layunin ng Diyos; dapat mong suriin ang iyong sarili para malaman kung ano ang nagawa mong salungat sa katotohanan, at kung ano ang katiwaliang nasa iyo na hindi pa nalulutas. Hindi malulutas ang iyong tiwaling disposisyon nang hindi ka sumasailalim sa pagdurusa. Sa pagpapatatag lang ng pagdurusa hindi magiging imoral ang mga tao, at makakapamuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng oras. Kapag nagdurusa ang isang tao, palagi siyang nagdarasal. Hindi niya naiisip ang mga kasiyahan ng pagkain, pananamit, at iba pang kasiyahan; palagi siyang nagdarasal sa kanyang puso, sinusuri ang kanyang sarili para malaman kung may mali siyang nagawa o kung saan siya maaaring nakasalungat sa katotohanan. Karaniwan, kapag humaharap ka sa isang malubhang karamdaman o kakaibang sakit na nagdudulot sa iyo ng matinding pagdurusa, hindi ito nagkataon lang. May karamdaman ka man o nasa mabuting kalusugan, naroon ang layunin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan). Ipinakita sa akin ng napapanahong kaliwanagan ng mga salita ng Diyos na hindi nagkataon lang ang pagkahawa ko, at na ganap itong nakasalalay sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kailangan kong hanapin ang layunin ng Diyos at pagnilayan nang wasto ang aking sarili. Hindi ako maaaring magreklamo at sisihin ang Diyos kahit ano ang mangyari. Habang naka-quarantine sa bahay sa mga sumunod na araw, nagtapat ako sa mga kapatid tungkol sa anumang katiwaliang ibinunyag ko. Hinimay ko ang aking mga katiwalian at nakilala ko ang aking sarili, at naghanap ng isang landas para sa pagsasagawa at pagpasok sa mga salita ng Diyos. Gayundin, kahit ano pa ang nararamdaman ko sa katawan, patuloy kong ginagawa ang aking tungkulin sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo sa online. Makalipas ang ilang araw, mas gumaan ang pakiramdam ko. Halos hindi na ako umuubo, normal na ang temperatura ko, at nanumbalik ang aking sigla at lakas. Talagang masaya ako tungkol dito, at naramdaman kong binantayan at pinrotektahan ako ng Diyos nang makita ang aking pagsunod at pagsisisi. Nabawasan ang aking pagkabalisa sa isiping iyon.
Pero kinabukasan, bigla akong nakaramdam ng paninikip at pananakit sa dibdib ko at hindi ko mapigilan ang pag-ubo. Pagkatapos ay nilagnat ako at nanghina ang buong katawan ko. Nataranta ako. Mula nang ma-diagnose ako, hindi ko sinisi ang Diyos at patuloy kong ginagawa ang tungkulin ko. Paanong mas lalo pa akong nagkasakit? Walang gamot para sa Covid, kaya kung hindi ako ililigtas ng Diyos, tiyak na mamamatay ako. Talagang nakakatakot isipin ang kamatayan—hindi ko ito matanggap. Naisip ko kung paanong sinunod ko ang Diyos nang higit sa 10 taon, iniwan ang tahanan at trabaho ko, at nagtrabaho ako nang maraming araw sa tungkulin ko. Nagdusa ako nang husto at nagbayad ng malaking halaga. Wala ba sa mga iyon ang natatandaan ng Diyos? Kung mamamatay ako, hindi ko kailanman makikita ang kagandahan ng kaharian o matatamasa ang mga pagpapala ng kaharian ng langit. Mas lalo akong naging negatibo habang mas naiisip ko ito. Ginagawa ko pa rin ang tungkulin ko, pero wala akong anumang motibasyon, at talagang naiinis ako kapag may dumarating na karagdagang gawain. Binibilisan ko na lang ito para makapagpahinga na ako. Dati, gumagawa ako sa tungkulin ko mula umaga hanggang gabi, at inakala kong poprotektahan ako ng Diyos, pero ngayong hindi iyon ginagawa ng Diyos, kailangan kong isipin ang sarili kong kapakanan at alagaan ang aking kalusugan. Hindi makatutulong sa paggaling ko ang sobrang stress at pagod. Sa mga pagtitipon, masiglang-masigla ang ibang mga kapatid kapag nagsasalita sila. Samantalang ako, nauubo ako tuwing nagsasalita, at hinahabol ko ang aking hininga pagkatapos kong magbasa ng ilang linya ng mga salita ng Diyos. Talagang sumama ang loob ko at hindi ko maiwasang subukang pangatwiranan ang mga bagay-bagay, “Madalas na masigasig talaga ako sa tungkulin ko, at seryoso at responsable ako. Hindi ako napapantayan ng iba sa kanilang mga tungkulin. Ang lahat ng iba ay malusog at gumagawa ng kanilang tungkulin, kaya bakit ako ang nagka-virus? Kung isa itong pagsubok mula sa Diyos, bakit hindi nangyayari ang kaparehong bagay sa iba sa iglesia na mas naghahangad sa katotohanan kaysa sa akin? At kung isa itong parusa mula sa Diyos, bakit ito nangyayari gayong hindi naman ako nakagawa ng masama o nakagambala sa gawain ng iglesia, o sumalungat sa Kanyang disposisyon? O Diyos, gusto ko pa ring gawin ang tungkulin ko. Gusto ko ito, at hindi ko pa ito lubos na natatamasa. Gusto ko pong patuloy na mamuhay at maging mahusay sa tungkulin ko. O Diyos, gumagawa ako ng isang mahalagang tungkulin ngayon at kaya ko pa ring magtrabaho para sa Iyo. Pakiusap, protektahan Mo ako upang makapagpatuloy ako sa pamumuhay at pagtatrabaho para sa Iyo….” Nang isipin ko ito sa ganoong paraan, napakalinaw na sumagi sa isip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa anong batayan ka—na isang nilikhang nilalang—may mga kahingian sa Diyos? Ang mga tao ay hindi kwalipikado na magkaroon ng mga kahingian sa Diyos. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa sa paggawa ng mga kahingian sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang inalis ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung winasak ng Diyos si Job noon, hindi masasabi ng mga tao na Siya ay matuwid. Gayunpaman, sa totoo lang, kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Kailangan bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga tuntuning inordena Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugud-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya winasak ka, ito rin ba ay pagiging matuwid Niya? Oo. … Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi maarok ng mga tao ang katuwiran ng Diyos, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay tinatawag Niya ako para managot nang harap-harapan. Hindi ba’t ngayon lang ay sinisi ko ang Diyos sa pagiging hindi makatarungan at hindi matuwid? At hindi ba iyon isang kaso ng pakikipagtawaran sa Diyos, sinusubukang pangatwiranan ang sarili ko at nakikipagnegosasyon ng mga kondisyon? Pakiramdam ko ay nakagawa ako ng ilang bagay sa aking mga taon ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga sa aking tungkulin, kaya dapat akong protektahan ng Diyos mula sa sakuna. Iyon ay pagiging matuwid Niya. Pero sa katunayan, lahat ng iyon ay mga kuru-kuro at mga imahinasyon ko, at hindi talaga nakaayon sa katotohanan. Ang Diyos ay ang Panginoon ng paglikha at isa akong nilikha. Lahat ng tinatamasa ko ay galing sa Diyos, at ang Diyos din ang nagbigay ng buhay ko. Kung paano isinasaayos ng Diyos ang aking kapalaran at kung gaano katagal Niya ako hahayaang mabuhay ay nakasalalay lahat sa Kanya. Bilang isang nilikha, dapat akong magpasakop at tanggapin iyon. Sino ako para makipagtalo sa Diyos at subukang makipagkasundo? Nananalig ako sa lahat ng taon na iyon at lubos na natamasa ang pagdidilig at pagtutustos ng katotohanan mula sa Diyos, pero wala pa rin akong utang na loob. Ngayong nagkaroon ako ng virus at nahaharap sa banta ng kamatayan, ipinagtatanggol ko ang sarili ko sa Diyos, nilalabanan at sinisisi Siya sa pagiging hindi matuwid. Nasaan ang aking konsensiya at katwiran? Habang iniisip ko ito, mas lalo akong nakokonsensiya at napapahiya, at lumuhod ako sa harap ng Diyos sa panalangin. “O Diyos, masyado akong di-makatwiran! Nilikha Mo ako; isa akong nilikha. Dapat akong magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at mga pagsasaayos Mo. Iyon ay ganap na likas at may katwiran. Pinahintulutan Mong mahawa ako nitong nakamamatay na virus. Ayaw kong magpasakop, at nakipagtalo ako sa Iyo, sinisisi Ka sa hindi paggawa ng tama at hinihiling sa Iyo na hayaan akong magpatuloy sa buhay. Lubos akong di-makatwiran. Napakamapaghimagsik ko! O Diyos, gusto ko pong magnilay nang wasto sa sarili ko at magsisi sa Iyo.”
Sa mga sumunod na araw, nakaramdam ako ng matinding pagsisisi sa tuwing naiisip ko ang aking mga reklamo at maling pagkaunawa sa Diyos. Lalo na nang maisip ko kung paanong, nang lumala pa ang kondisyon ko, nakipagtalo ako sa Diyos, naging negatibo, nagpakatamad, naging pabasta-basta sa tungkulin ko at nagpapaliban, lalo akong nakokonsensiya at hindi mapalagay. Noong wala akong sakit at hindi nagigipit, ipinapahayag ko ang pagiging matuwid ng Diyos at sinasabi na kailangang magpasakop ang mga nilikha sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Lumikha. Bakit ako nagbunyag ng labis na paghihimagsik at paglaban noong nagkasakit ako? Nabasa ko ang sumusunod sa mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal: “Ang relasyon ng tao sa Diyos ay isa lamang hayagang pansariling interes. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon na nakabatay lang sa interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pagkakaunawaan, walang magawang pigil na galit at panlilinlang lamang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). “Sa isipan ng mga anticristo, basta’t nagagawang gampanan ng isang tao ang isang tungkulin, magbayad ng halaga, at dumanas ng kaunting hirap, dapat silang pagpalain ng Diyos. Kaya nga, matapos gawin ang gawain ng iglesia sa loob ng ilang panahon, sinisimulan nilang bilangin ang trabahong nagawa nila para sa iglesia, ang mga naiambag nila sa sambahayan ng Diyos, at ang nagawa na nila para sa mga kapatid. Isinasaisip nilang mabuti ang lahat ng ito, hinihintay nilang makita kung anu-ano ang mga matatamo nilang mga biyaya at pagpapala mula sa Diyos dahil dito, upang matukoy nila kung sulit ba ang ginagawa nila. Bakit palagi silang nag-aabala sa gayong mga bagay? Ano ang hinahangad nila sa kaibuturan ng kanilang puso? Ano ang layon ng kanilang pananalig sa Diyos? Sa simula pa lamang, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay tungkol na sa pagtatamo ng mga pagpapala. At ilang taon man sila makinig sa mga sermon, ilang salita man ng Diyos ang kainin at inumin nila, ilang doktrina man ang maunawaan nila, hinding-hindi nila kalilimutan ang kanilang hangarin at layuning pagpalain. Kung hihilingin mo sa kanilang maging masunuring nilalang at tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, sasabihin nila, ‘Walang kinalaman iyan sa akin. Hindi iyan ang dapat kong pagsumikapan. Ang dapat kong pagsumikapan ay: kapag tapos na ang laban ko, kapag nagawa ko na ang hinihinging pagsisikap at natiis na ang hinihinging hirap—kapag nagawa ko na ito ayon sa hinihingi ng diyos—dapat akong gantimpalaan ng diyos at tulutan akong manatili, at maputungan ng korona sa kaharian, at makahawak ng mas mataas na posisyon kaysa sa mga tao ng diyos. Dapat ay ako ang mamahala sa dalawa o tatlong lungsod, kahit papaano.’ Ito ang pinakamahalaga para sa mga anticristo. Paano man ibahagi ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan, hindi maiwawaksi ang layunin at pagnanais ng mga anticristong matamo ang mga pagpapala; kauri sila ni Pablo. Hindi ba’t nagtatanim ng isang uri ng buktot at imoral na disposisyon ang gayon kahayag na transaksiyon? Sinasabi ng ilang relihiyosong tao, ‘Ang aming henerasyon ay sinusundan ang diyos sa landas ng krus. Pinili kami ng diyos, kaya nga may karapatan kaming mapagpala. Nagtiis kami at nagbayad ng halaga, at nakainom na kami mula sa mapait na saro. Ang ilan sa amin ay naaresto pa nga at nahatulang mabilanggo. Matapos tiisin ang lahat ng hirap na ito, marinig ang napakaraming sermon, at matuto ng napakarami tungkol sa Bibliya, kung isang araw ay hindi kami pagpalain, aakyat kami sa ikatlong langit at makikipagtalo sa diyos.’ May narinig na ba kayong katulad nito? Sinasabi nila na pupunta sila sa ikatlong langit para makipagtalo sa Diyos—gaano kamapangahas iyon? Hindi ka ba natatakot na marinig man lamang ito? Sino ang nangangahas na subukang makipagtalo sa Diyos? … Hindi ba’t mga arkanghel ang gayong mga tao? Hindi ba’t mga Satanas sila? Puwede kang makipagtalo sa sinuman pero hindi sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang gayong bagay, o isipin mang gawin ito. Galing sa Diyos ang mga pagpapala: ibinibigay Niya ang mga ito sa kanino man Niya gusto. Kahit na matugunan mo ang mga kondisyon sa pagtanggap ng mga pagpapala at hindi ipinagkakaloob ng Diyos ang mga ito sa iyo, hindi ka pa rin dapat makipagtalo sa Diyos. Nasa ilalim ng pamumuno ng Diyos ang buong sansinukob at ang buong sangkatauhan; ang Diyos ang nagpapasya. Paanong ikaw, na isang maliit na tao, ay nangangahas na makipagtalo sa Diyos? Paanong masyado kang tiwala sa mga abilidad mo? Bakit hindi ka manalamin para makita mo kung sino ka? Sa pangangahas na tumutol at makipagtalo laban sa Lumikha sa ganitong paraan, hindi ba’t naghahangad ka ng kamatayan? Ang ‘Kung isang araw ay hindi kami pagpalain, aakyat kami sa ikatlong langit at makikipagtalo sa diyos’ ay isang pahayag na hayagang tumututol laban sa Diyos. Anong klaseng lugar ba ang ikatlong langit? Dito nakatira ang Diyos. Katumbas ng pagtatangkang ‘pabagsakin’ ang Diyos ang mangahas na pumunta sa ikatlong langit para makipagtalo sa Diyos! Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? Maaaring magtanong ang ilan, ‘Ano naman ang kinalaman nito sa mga anticristo?’ Malaki ang kinalaman nito sa kanila, dahil mga anticristo ang lahat ng gustong pumunta sa ikatlong langit para makipagtalo sa Diyos. Mga anticristo lamang ang kayang magsabi ng mga gayong bagay. Ang mga ganitong salita ang boses na kinikimkim ng mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso. Ito ang kabuktutan nila” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). Napahiya ako sa harap ng pagbubunyag ng mga salita ng Diyos at nakita ko na ang aking mga taon ng pagdurusa at sakripisyo sa paggampan ng tungkulin ko ay hindi tungkol sa pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at paggawa ng tungkulin ng isang nilikha para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Ang lahat ng iyon ay tungkol sa pagpasok sa kaharian at pagtatamasa ng mga walang hanggang pagpapala. Itinuring ko ang paggawa ng tungkulin bilang isang paraan para makatakas sa sakuna, bilang isang bentahe at kapital sa pakikipagtawaran sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit lagi kong kinukuwenta kung gaano karaming gawain ang nagawa ko, kung gaano karaming tao ang napagbalik-loob ko, at kung gaano ako nagdusa at nagsakripisyo. Pakiramdam ko, habang mas dumarami ang mga ito, mas higit na merito ang natatamo ko at mas nagiging kalipikado ako sa proteksyon ng Diyos at sa pagkaligtas sa sakuna. Sa hindi inaasahang pagkakasakit ng Covid, gayumpaman, sinisi ko ang Diyos at nagkamali ako ng pagkaunawa sa Kanya, hindi hinahanap kung paano magpasakop sa Kanya. Sa halip, inisip ko kung paano kumilos nang maayos para makuha ang pabor ng Diyos, para protektahan Niya ako at mabilis akong gumaling. Nang makita kong lumalala ang kondisyon ko, nawalan ako ng pag-asa sa Diyos. Sinisi ko Siya sa pagiging hindi patas at hindi pagprotekta sa akin. Malinaw na ang pananalig at tungkulin ko ay para lamang sa hangarin na mapagpala. Ginagamit ko lang ang Diyos para makamit ang sarili kong layon na magkamit ng mga pagpapala, na parang nakikipagtawaran sa Diyos at nagtatangkang dayain Siya. Napakamakasarili ko at napakamapanlinlang! Naisip ko si Pablo, sa Kapanahunan ng Biyaya, na tumatawid sa Europa para ipangaral ang ebanghelyo. Nagdusa siya at maraming isinakripisyo, pero ang lahat ng ginugol niya ay para sa pagpasok sa kaharian ng langit at magantimpalaan. Sa huli, sinabi niya, “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikibaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Ang talagang ibig sabihin niyon ay kung hindi nagkaloob ang Diyos ng korona sa kanya, hindi matuwid ang Diyos. Ang mga tao sa mundo ng relihiyon ay lubos na naiimpluwensiyahan ng mga salitang ito mula kay Pablo. Ang mga gumagawa at nagdurusa sa pangalan ng Panginoon ay lahat ginagawa iyon para makapunta sa langit at mapagpala. Kung hindi sila pinagpala, ipinagtatanggol nila ang kanilang sarili sa Diyos. At katulad ko rin sila, hindi ba? Pagkatapos ay natakot ako. Hindi ko kailanman naisip na, katulad ng isang anticristo, makikipagtalo ako sa Diyos at susuwayin Siya kung hindi ako pinagpala. Kung hindi dahil sa pagbubunyag ng mga katunayan, hindi ko mapagtatanto na mayroon akong ganoon kalubhang disposisyon ng anticristo. Naisip ko ang ilang salita ng Diyos: “Tinrato Ko ang tao sa mahigpit na pamantayan sa buong panahon. Kung may kaakibat na mga layunin at kondisyon ang katapatan mo, mas nanaisin Ko pang wala ang tinatawag mong katapatan, sapagkat nasusuklam Ako sa mga nanlilinlang sa Akin sa pamamagitan ng kanilang mga layunin at nangingikil sa Akin sa pamamagitan ng mga kondisyon. Hiling Ko lamang na maging lubos na tapat sa Akin ang tao, at gawin ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng—at para patunayan ang—isang salita: pananalig. Kinamumuhian Ko ang paggamit ninyo ng mga pambobola upang subukang pasayahin Ako, sapagkat palagi Ko kayong pinakitunguhan nang may sinseridad, at kaya ninanais Ko ring pakitunguhan ninyo Ako nang may totoong pananalig” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). Nararamdaman ko mula sa mga salita ng Diyos na matuwid ang Kanyang disposisyon, banal, at hindi nalalabag. Gumagawa ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan, at ang gusto Niya ay sinseridad at katapatan ng tao. Kung naglalaman ng mga nakatagong motibo at karumihan ang mga pagbibigay at paggugol ng mga tao ng sarili nila, at may kasamang pakikipagtawaran at pandaraya, hindi nila makukuha ang pagsang-ayon ng Diyos at sa katunayan, masusuklam at mamumuhi sa kanila ang Diyos, at kokondenahin Niya sila. Katulad ni Pablo, na malayong pagpalain ng Diyos, sa huli ay pinarusahan siya nang matindi sa impiyerno. Hindi kaya nasusuklam at namumuhi rin ang Diyos sa transaksiyonal at maruming paraan ng paggawa ko sa aking tungkulin? Ngayon, inilantad ng pagkakasakit ang mga kasuklam-suklam na layunin sa ilalim ng aking pananalig at ipinakita sa akin ang pagiging matuwid at kabanalan ng Diyos. Dahil doon, buong-buo akong tumanggap at nagpasakop sa pagkakaroon ng sakit, mula sa aking puso.
Kalaunan ay nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bilang isang nilikha, kapag humarap ang isang tao sa Lumikha, kailangan niyang gampanan ang kanyang tungkulin. Ito ay isang bagay na talagang nararapat gawin, at dapat niyang tuparin ang responsabilidad na ito. Sa kondisyon na ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang mga tungkulin, nakagawa ang Lumikha ng mas higit na dakilang gawain sa sangkatauhan, isinakatuparan Niya ang isang karagdagang hakbang ng gawain sa mga tao. At anong gawain iyon? Tinutustusan Niya ang sangkatauhan ng katotohanan, na tinutulutan silang makamit ang katotohanan mula sa Diyos habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at sa ganoong paraan ay naiwawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nadadalisay sila, natutugunan nila ang mga layunin ng Diyos at tumatahak na sila sa tamang landas sa buhay, at, sa huli, nagagawa nilang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, magtamo ng ganap na kaligtasan, at hindi na mapasailalim sa mga pagpapahirap ni Satanas. Ito ang epektong layong makamit sa huli ng pagpapagampan ng Diyos sa mga tao sa mga tungkulin. Samakatwid, sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, hindi lamang ipinapakita ng Diyos sa iyo nang malinaw ang isang bagay at ipinapaunawa ang kaunting katotohanan, ni hindi ka lamang Niya hinahayaang matamasa ang biyaya at mga pagpapala na natatanggap mo sa pamamagitan ng paggampan sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. Bagkus, pinahihintulutan ka Niyang madalisay at maligtas, at, sa huli, ay makapamuhay sa liwanag ng mukha ng Lumikha” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Talagang naantig ako ng mga salita ng Diyos. Para sa isang nilikha, ang paggampan ng isang tungkulin ay isang responsabilidad at obligasyon na hindi maaaring iwasan. Higit pa riyan, isa itong landas para makamit ang katotohanan at matamo ang pagbabago sa disposisyon. Sa takbo ng ating mga tungkulin, isinasaayos ng Diyos ang lahat ng uri ng sitwasyon para ilantad ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Pagkatapos, sa pamamagitan ng paghatol at mga pagbubunyag ng Kanyang mga salita, at sa pamamagitan ng Kanyang pagpupungos at pagdidisiplina, pinahihintulutan Niya tayong maunawaan ang ating tiwaling disposisyon at magbago, upang hindi na mapasailalim sa katiwalian at pagpapahirap ni Satanas. Ito ang marubdob na layunin ng Diyos. Sa mga taon ng paggawa ko ng aking tungkulin, nagbunyag ako ng maraming katiwalian sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos. Nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mga tiwaling disposisyon. Pagkatapos ay nagsimula akong mamuhi sa sarili ko at nagsisi at nagbago, namumuhay ng kaunting wangis ng tao. Napakarami kong nakamit sa tungkulin ko, pero hindi pa rin ako mapagpasalamat. Sa halip, ginamit ko ang paggampan sa tungkulin ko bilang isang bentahe at kapital para makatakas sa sakuna, at tinrato ko ang Diyos na parang dadayain at pagsasamantalahan Siya. Napakakasuklam-suklam! Nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan, pero sa halip na pahalagahan ang mga iyon, inisip ko lang kung paano mapagpala, makatakas sa sakuna, makapasok sa kaharian ng langit at magantimpalaan. Ubod ako ng sama! Nanalangin at nanumpa ako sa Diyos na hindi ko na gagawin ang tungkulin ko para lang mapagpala, at na masigasig kong hahangarin ang katotohanan sa aking tungkulin para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kung, sa iyong pananalig sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, nasasabi mong, ‘Anumang karamdaman o kasuklam-suklam na pangyayari ang itulot ng Diyos na sumapit sa akin—anuman ang gawin ng Diyos—kailangan kong magpasakop, at manatili sa aking lugar bilang isang nilalang. Bago ang lahat, kailangan kong isagawa ang aspektong ito ng katotohanan—ang pagpapasakop—dapat ko itong ipatupad, at isabuhay ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Bukod pa rito, hindi ko dapat isantabi ang inatas sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gampanan. Kahit sa aking huling hininga, kailangan kong panghawakan ang aking tungkulin,’ hindi ba ito pagpapatotoo? Kapag mayroon kang ganitong uri ng pagpapasya at ganitong uri ng kalagayan, nagagawa mo pa bang magreklamo tungkol sa Diyos? Hindi, hindi mo nagagawa. Sa gayong pagkakataon, iisipin mo sa iyong sarili, ‘Ibinibigay sa akin ng Diyos ang hiningang ito, tinustusan at pinrotektahan Niya ako sa nagdaang mga taon, inalis Niya mula sa akin ang labis na sakit, binigyan ako ng maraming biyaya, at maraming katotohanan. Naunawaan ko na ang mga katotohanan at hiwaga na hindi naunawaan ng mga tao sa maraming henerasyon. Napakarami kong nakamit mula sa Diyos, kaya kailangan kong suklian ang Diyos! Dati-rati, napakababa ng tayog ko, wala akong naunawaan, at lahat ng ginawa ko ay masakit sa Diyos. Maaaring wala na akong ibang pagkakataon para suklian ang Diyos sa hinaharap. Gaano man kahabang panahon ang natitira sa akin para mabuhay, kailangan kong ilaan ang kaunting lakas na taglay ko at gawin ang aking makakaya para sa Diyos, upang makita ng Diyos na lahat ng taon ng paglalaan Niya para sa akin ay hindi nawalan ng saysay, kundi nagkaroon ng bunga. Hayaang maghatid ako ng kapanatagan sa Diyos, at hindi ko na Siya saktan o biguin.’ Paano kaya kung sa ganitong paraan ka mag-isip? Huwag mong isipin kung paano iligtas ang sarili mo o tumakas, na iniisip, ‘Kailan gagaling ang karamdamang ito? Kapag gumaling ito, gagawin ko ang aking makakaya para gampanan ang aking tungkulin at maging matapat. Paano ako magiging matapat kapag may karamdaman ako? Paano ko magagampanan ang tungkulin ng isang nilalang?’ Hangga’t mayroon kang isang hininga, hindi mo ba kayang gampanan ang iyong tungkulin? Hangga’t mayroon kang isang hininga, kaya mo bang hindi maghatid ng kahihiyan sa Diyos? Hangga’t mayroon kang isang hininga, hangga’t matino ang iyong pag-iisip, kaya mo bang hindi magreklamo tungkol sa Diyos? (Oo.) Madaling sabihing ‘Oo’ ngayon, ngunit hindi iyon magiging napakadali kapag nangyayari talaga ito sa iyo. Kaya nga, kailangan ninyong hangarin ang katotohanan, madalas na magsumikap sa katotohanan, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip ng, ‘Paano ko mapapalugod ang mga layunin ng Diyos? Paano ko masusuklian ang pagmamahal ng Diyos? Paano ko magagawa ang tungkulin ng isang nilikha?’ Ano ang isang nilikha? Ang responsabilidad ba ng isang nilikha ay makinig lamang sa mga salita ng Diyos? Hindi—iyon ay ang isabuhay ang mga salita ng Diyos. Binigyan ka na ng Diyos ng napakaraming katotohanan, napakaraming daan, at napakaraming buhay, para maisabuhay mo ang mga bagay na ito, at magpatotoo ka sa Kanya. Ito ang dapat gawin ng isang nilalang, at ito ang responsabilidad at obligasyon mo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong). Lubos na nakakaantig para sa akin ang mga salita ng Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng paglikha at isa akong nilikha, kaya nasa mga kamay Niya ang aking kapalaran. Pinahintulutan Niyang dapuan ako ng sakit, kaya mabuhay man ako o mamatay, dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Iyan ang pangunahing katwiran na dapat taglayin ng isang nilikha. At ang tungkulin ay isang bagay na dapat panghawakan ng isang nilikha. Anumang oras, anuman ang mangyari, hangga’t may hininga sa aking katawan, dapat kong panghawakan ang aking tungkulin. Natamasa ko nang husto ang pagmamahal ng Diyos sa paglipas ng mga taon, pero palagi akong naghihimagsik laban sa Kanya at sinasaktan Siya dahil hindi ko hinangad ang katotohanan. Malalim ang pagkakautang ko sa Diyos. Hangga’t nabubuhay ako, dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ko para masuklian ang pagmamahal ng Diyos. Sa mga sumunod na araw, bawat araw kong pinagnilayan kung paano gawin nang maayos ang aking tungkulin para palugurin ang Diyos. Ang sister na nakapareha ko ay bago pa sa pangangaral ng ebanghelyo at wala siyang alam na maraming prinsipyo, kaya patuloy na lumilitaw ang mga problema. Naka-online ako sa pagtulong at paggabay sa kanya. Madalas din akong nanahimik sa harapan ng Diyos, nagbabasa ng mga salita Niya at umaawit ng mga himno na pumupuri sa Kanya. Patuloy pa rin akong inuubo at nilalagnat, pero hindi na ako napipigilan ng karamdaman, at huminto na ako sa pag-iisip kung mamamatay na ba ako. Alam kong nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ko at na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang magpapasya kung gaano ako katagal mabubuhay. Sa bawat araw na ibinibigay sa akin ng Diyos, hinahangad kong gawin nang maayos ang tungkulin ko at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Pagdating ng araw na pahihintulutan ng Diyos na kuhanin ako ng kamatayan, magpapasakop ako at hindi magrereklamo.
Isang gabi, hindi ko mapigil ang pag-ubo at puno ng plema ang lalamunan ko. May mataas akong lagnat at masakit ang buong katawan ko. Pabaling-baling ako sa kama, masama ang pakiramdam at hindi makatulog. Napaisip ako: “Malapit na ba akong mamatay? Magigising pa ba ako pagkatapos kong matulog?” Talagang nakababalisa ang ideya ng kamatayan, at hindi ko napigilan ang pag-iyak sa isipin na baka hindi na ako muling magkakaroon ng pagkakataong mabasa ang mga salita ng Diyos kailanman. Bumangon ako, binuksan ang aking kompyuter, at binasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ang haba ng buhay ng lahat ng tao ay natukoy na ng Diyos noon pa man. Maaaring nakamamatay ang isang karamdaman mula sa pananaw ng isang doktor, ngunit sa pananaw ng Diyos, kung kailangan pa ring magpatuloy ang buhay mo at hindi mo pa oras, hindi ka maaaring mamatay kahit gusto mo. Kung binigyan ka ng Diyos ng isang atas, at hindi pa tapos ang iyong misyon, hindi mo ikamamatay ang isang karamdaman na dapat ay nakamamatay—hindi ka pa kukunin ng Diyos. Kahit hindi ka nagdarasal at naghahanap ng katotohanan, o hindi mo inaasikaso ang pagpapagamot sa iyong karamdaman, o kahit ipagpaliban mo ang iyong pagpapagamot, hindi ka mamamatay. Totoo ito lalo na sa mga taong nakatanggap ng atas mula sa Diyos: Kapag hindi pa tapos ang kanilang misyon, anumang karamdaman ang dumapo sa kanila, hindi sila dapat mamatay kaagad; dapat silang mabuhay hanggang sa huling sandali ng pagtatapos ng misyon. May ganito ka bang pananampalataya? … Ang katotohanan ay, kung nakikipagnegosasyon ka man upang mapagaling ang iyong karamdaman at hindi ka mamatay, o kung may iba ka pang intensyon o layunin dito, sa pananaw ng Diyos, kung kaya mong gawin ang iyong tungkulin at magagamit ka pa, kung nagpasya ang Diyos na gamitin ka, hindi ka mamamatay. Hindi mo magagawang mamatay kahit na gustuhin mo. Ngunit kung gagawa ka ng gulo, at gagawin mo ang lahat ng uri ng masamang gawa, at gagalitin ang disposisyon ng Diyos, mabilis kang mamamatay; iikli ang iyong buhay. Ang haba ng buhay ng lahat ng tao ay natukoy na ng Diyos bago pa man ang paglikha sa mundo. Kung magagawa nilang magpasakop sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos, kung may karamdaman man sila o wala, at kung nasa mabuti man o masamang lagay ang kanilang kalusugan, mabubuhay sila nang ayon sa bilang ng taon na itinakda ng Diyos. May ganito ka bang pananampalataya?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naramdaman ko ang Kanyang pagmamahal at awa. Pinasigla nito ang puso ko. Mas naunawaan ko nang kaunti ang layunin ng Diyos. Na ang maisilang ako sa mga huling araw, manampalataya sa Diyos at gumawa ng isang tungkulin ay itinakda lahat ng Diyos. May sakit man o wala, kailangan kong mamatay kung inorden ng Diyos na tapos na ang mga araw ko. At kung hindi inorden ng Diyos, hindi ako mamamatay kahit na mayroon akong nakamamatay na karamdaman. Hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa akin, pero dapat kong ipagkatiwala ang buhay ko sa mga kamay ng Diyos at sundin ang Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Sa pag-iisip na maaari akong mamatay anumang oras, gusto ko talagang makausap muli ang Diyos mula sa puso. Lumuhod ako at nanalangin sa Diyos, “O Diyos! Salamat sa pagpahintulot Mo sa akin na marinig ang tinig Mo at matamo ang pagdidilig at pagtutustos mula sa napakaraming binigkas Mo, at sa pagpapahintulot sa akin na maarok ang katotohanan at matutunan nang tama kung paano umasal. Pakiramdam ko ay hindi nawalan ng saysay ang buhay ko. Lahat ito ay sa pamamagitan ng Iyong awa at pagliligtas! Kaya lang, masyado akong tiwali, at palagi akong naghihimagsik laban sa Iyo at sinasaktan Ka. Hindi ko hinangad ang katotohanan nang mabuti o taos-pusong ginawa ang aking tungkulin para suklian ang Iyong pagmamahal. Hindi rin Kita kailanman binigyan ng kahit katiting na kaginhawahan. Malaki ang pagkakautang ko sa Iyo. Hindi ko alam kung magkakaroon pa ako ng iba pang pagkakataon para masuklian ang Iyong pagmamahal. Kung mabubuhay man ako, gusto ko talagang hangarin ang katotohanan at gawin nang maayos ang aking tungkulin para palugurin Ka….” Nang gabing iyon, hindi ko namalayang nakatulog na ako. Pagkagising ko kinabukasan, ganap na maluwag ang pakiramdam ko, na para bang hindi ako nagkasakit kailanman. Maayos ang pakiramdam ng lalamunan ko at nawala ang lahat ng plema. Nagmadali akong kunin ang aking temperatura at nakita kong bumalik ito sa normal. Talagang naantig ako nito, at alam kong ito ay awa at proteksyon ng Diyos. Bagama’t nagbunyag ako ng labis na paghihimagsik at paglaban noong magka-Covid ako, binantayan pa rin ako at pinrotektahan ng Diyos. Hindi ko napigilan ang mga luha ko, at nagpasalamat at pinuri ko ang Diyos.
Lumipas ang dalawang buwan, na nanatiling normal ang temperatura ko sa buong panahon. Hindi na bumalik ang karamdaman, at bago ko pa namalayan, tuluyan na akong gumaling. Nang maisip kung paano ako nakaligtas habang napakaraming iba ang namatay sa pandemya, alam ko na lahat ito ay dahil sa kamangha-manghang pangangalaga at pagliligtas ng Diyos sa akin. Inilantad ng pagkakahawa ko ng Covid ang mga nakatagong layunin at karumihan sa aking pananalig at tungkulin, nagpapahintulot sa akin na makita ang aking ubod ng samang mga motibo sa pagtatangka na makipagtawaran sa Diyos bilang kapalit ng mga pagpapala. Sa pamamagitan nito, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking sarili at nasuklam ako sa sarili ko. Gayundin, nagkamit ako ng kaunting tunay na karanasan at pagkaunawa sa banal at matuwid na disposisyon ng Diyos, at isang pagpapahalaga sa pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Habang sumasailalim ako sa pagpipino at pasakit sa pagdanas ng karamdaman, napakarami ko ring nakamit—mga bagay na hindi ko makakamit mula sa isang hindi gaanong mahirap na sitwasyon. Sa tuwing nagugunita ko kung ano ang inani ko mula sa karanasang ito, napupuno ako ng pasasalamat at papuri sa Diyos. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa Kanyang pagliligtas!