27. Ang Dahilan Kung Bakit Hindi Ako Tumanggap ng Pangangasiwa
Mahigit isang taon na akong nagdidilig ng mga baguhan sa iglesia. Sa panahon ng aking tungkulin, unti-unti akong naging dalubhasa sa ilang prinsipyo, at bumuti rin ang pagdidilig ko sa mga baguhan. Pakiramdam ko ay may kaunti na akong karanasan sa paggawa ng tungkuling ito, at na kahit walang tulong, makapagdidilig akong mabuti ng mga baguhan. Kapag nagkakaroon ng mga problema at paghihirap ang mga baguhan, natutulungan kong lutasin ang mga iyon sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, kaya inakala kong alam ko na kung paano gawin nang mabuti ang tungkulin ko. Nadama kong hindi ko kailangan ng sinuman para gabayan ako, at hindi na kailangang pangasiwaan at kumustahin ng iba ang gawain ko. Kaya, hindi ko tinanggap ang pangangasiwa at payo ng aking mga kapatid, at hindi ako masyadong nagbigay ng komento sa eksaktong sitwasyon ng mga baguhan na aking diniligan. Ginawa ko lang ang gawain ko sa sarili kong mga paraan.
Isang araw, tinanong ako ng tagapangasiwa na si Pheolie, tungkol sa ilang baguhan, pati na ng ilang bagay. Halimbawa, paano ko ipinaaalam sa mga baguhan ang tungkol sa mga pagtitipon? Bakit hindi dumalo ang sister na ito o ang brother na iyon sa mga pagtitipon? Madalas ba akong makipag-usap sa mga baguhan para maunawaan ang kanilang mga kalagayan o paghihirap? Nang marinig ko ang mga katanungang ito, labis ang paglaban ko. Naisip ko, “Sa tingin ba niya ay iresponsable ako sa paggawa ng tungkulin ko? Wala ba siyang tiwala sa akin?” Labis ang paglaban ko, at hindi ko mapigilang ipakita ang aking tiwaling disposisyon at gusto ko siyang balewalain. Tinanong niya ako kung interesadong pumunta sa mga pagtitipon ang mga baguhan, sumagot ako ng “oo” nang wala sa loob at walang ni isang detalyeng ipinaliwanag. Tinanong niya ako kung paano ko ipinaaalam sa mga baguhan ang tungkol sa mga pagtitipon, at sinabi ko sa kanyang pinadadalhan ko sila ng mga mensahe sa text, pero hindi ko ipinaliwanag ang mga detalye kung paano ako nagbibigay-alam sa kanila, kung anong mga paghihirap ang kinakaharap nila, at iba pa. Tapos ay tinanong niya ako kung anong mga aspekto ng katotohanan ang ibinahagi ko sa mga baguhan, at walang pasensya kong sinabi na alam ko kung paano makipag-usap sa mga baguhan, pero hindi ako nagbigay ng mga detalye sa kung ano ang sinabi ko, kung paano sila tumugon, o kung anong mga katanungan ang mayroon sila. Hindi siya nasiyahan sa mga sagot ko, at gusto niyang mas malaman kung sinusuportahan at tinutulungan ko ba ang mga baguhang ito. Akala ko ay minamaliit niya ako, na para bang hindi ko alam kung paano gawin ang tungkulin ko, at labis akong naasiwa rito. Minsan, napagtanto niyang hindi ko isinasaalang-alang ang damdamin ng mga baguhan kapag nagsasalita ako, kaya sinabi niya, “Kailangan mong mag-isip mula sa pananaw ng mga baguhan. Kung isa kang baguhan, matutuwa ka ba sa mga salitang ito? Gugustuhin mo bang sumagot sa mga ito?” Nayamot ako sa mga salita niya. Sinabi kong naunawaan ko, pero hindi ko talaga tinanggap iyon. Sa palagay ko ay walang problema sa paraan ng pakikipag-usap ko sa mga baguhan. Sa puso ko, sinabi ko sa sarili ko, “Alam ko kung paano makipagbahaginan sa mga baguhang ito, kaya gagawin ko ito sa paraan ko.” Sa isa pang pagkakataon, tinanong niya ako kung paano ako karaniwang magbahagi sa mga baguhan, at sinabi kong, “sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga mensahe.” Sinabi niya na tawagan ko ang mga baguhan, sinasabi na mas direkta ang mga tawag, mas pinapadali niyon na maunawaan ang kanilang mga isyu, at matulungan sila. Pero hindi ko iyon tinanggap noong panahong iyon, at akala ko ay mas maganda ang pamamaraan ko. Kontento na akong magpadala ng mga mensahe sa mga baguhan, at ayokong makinig sa kanya. Sa mga talakayan namin, ayoko nang magsalita, kaya nananahimik na lang ako o maikli kung sumagot. Natuklasan ko na kung may gustong makipagtalakayan sa akin tungkol sa pagdidilig ko ng mga baguhan, masyado akong nagiging negatibo at problemado. Pakiramdam ko ay pinagtatawanan nila ako, minamaliit ako, at iniisip na isang tao ako na hindi alam kung paano gawin ang tungkulin ko o hindi mapagkakatiwalaan. Akala ko ay ginagawa ko nang mabuti ang tungkulin ko, na alam ko kung paano magdilig ng mga baguhan, na may sarili akong mga pamamaraan ng pangungumusta, at na mas may kaloob ako kaysa sa tagapangasiwa, kaya hindi ko matatanggap ang payo niya. Kahit na sumang-ayon ako sa salita, madalang akong magsagawa ayon sa kanyang payo, at tumuon ako sa pagpapatuloy sa pagdidilig at pakikipag-usap sa mga baguhan sa sarili kong mga paraan.
Sa isang pagtitipon, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at sa wakas ay nagtamo ng kaunting pagkaunawa sa aking sarili. Sabi ng Diyos: “Mayroong ilang tao na madalas lumalabag sa mga prinsipyo kapag kumikilos sila. Hindi sila tumatanggap ng pagpupungos, alam nila sa puso nila na naaayon sa katotohanan ang mga sinasabi ng iba, ngunit hindi nila tinatanggap ang mga ito. Ang gayong mga tao ay napakayabang at labis na nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba! Bakit sinasabing mayabang sila? Kung hindi sila tumatanggap ng pagpupungos, hindi sila masunurin, at hindi ba’t kayabangan ang pagsuway? Iniisip nila na mahusay silang gumagawa, hindi nila iniisip na nagkakamali sila, na nangangahulugang hindi nila kilala ang kanilang sarili, na kayabangan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos). “Huwag hayaan ang sinuman na isipin na ang kanyang sarili ay perpekto, bantog, marangal, o namumukod-tangi sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Ang palaging pag-iisip na katangi-tangi ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman pagpapahintulot sa iba na maging mas mataas sa kanila, o maging mas mahusay sa kanila—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa mga kalakasan ng iba na malampasan o mahigitan ang sa kanila—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanila, at kapag natuklasan nila na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at pananamlay, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Dahil sa mapagmataas na disposisyon, maaaring maging maingat ka sa pagpoprotekta sa iyong reputasyon, hindi mo magawang tanggapin ang pagtatama ng iba, hindi mo magawang harapin ang mga pagkukulang mo, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na napipigil ka, kung kaya’t hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin at nagiging pabasta-basta ka sa pagtupad nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo. Kung nagagawa ninyo, unti-unti, na siyasatin nang husto ang lahat ng detalyeng ito, na magtamo ng mga tagumpay, at magkamit ng pagkaunawa sa mga ito; at kung pagkatapos ay nagagawa ninyong unti-unting maghimagsik laban sa mga kaisipang ito, maghimagsik laban sa mga maling kuru-kurong ito, pananaw at maging mga asal na ito, at hindi kayo napipigil ng mga ito; at kung, sa pagtupad ng inyong tungkulin, ay nagagawa ninyong matagpuan ang tamang katayuan para sa inyo, at kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at tuparin ang tungkulin na kaya at dapat ninyong gawin; kung gayon, sa pagdaan ng panahon, magagawa ninyong tuparin ang inyong mga tungkulin nang mas mahusay. Ito ay bahagi ng pagpasok sa katotohanang realidad. Kung kaya mong pumasok sa katotohanang realidad, magmumukha kang may wangis ng tao, at sasabihin ng mga tao, ‘Ang taong ito ay umaasal ayon sa kanyang katayuan, at ginagawa niya ang kanyang tungkulin sa isang maayos na paraan. Hindi siya umaasa sa pagiging likas, sa pagiging mainitin ng ulo, o sa kanyang tiwali, satanikong disposisyon upang gawin ang kanyang tungkulin. Kumikilos siya nang may hinahon, mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, may pagmamahal siya sa katotohanan, at ang kanyang asal at mga pahayag ay nagpapakita na naghimagsik siya laban sa kanyang sariling laman at mga kagustuhan.’ Lubhang kahanga-hanga ang umasal nang gayon! Sa mga pagkakataon na binabanggit ng iba ang iyong mga pagkukulang, nagagawa mong hindi lamang tanggapin ang mga ito, kundi umasa sa mabuti, hinaharap ang mga pagkukulang at kapintasan mo nang may tatag. Lubhang normal ang lagay ng isip mo, malaya sa mga kasukdulan, malaya sa init ng ulo. Hindi nga ba’t ganito ang magtaglay ng isang wangis ng tao? Tanging ang mga gayong tao ang may katwiran” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Dati, akala ko ay hindi ako mapagmataas, pero sa pamamagitan ng paglalantad ng salita ng Diyos, nalaman ko na masyado akong mapagmataas. Nang magsabi sa akin ang tagapangasiwa ng ilang magandang paraan para magdilig ng mga baguhan, talagang hindi ko iyon tinanggap. Nang tanungin niya ako kung paano ako magdilig ng mga baguhan, nanahimik ako o maikling sumagot, dahil ayokong mapahiya o makita ng iba ang mga kakulangan ko sa pagdidilig ng mga baguhan. Gusto kong makita ng iba na maayos ang lahat sa akin, walang mali sa aking tungkulin, at kaya kong gampanan ang tungkulin ko nang walang pangangasiwa o tulong ng iba. Talagang masyado akong mapagmataas. Palagay ko rin ay mas may kaloob ako kaysa sa sister na nangangasiwa sa gawain ko, na alam ko kung paano magdilig ng mga baguhan, na may sarili akong mga pamamaraan, at na gumagana nang mabuti ang mga iyon, kaya ayaw kong tanggapin ang mga mungkahi niya. Sa kaibuturan ng aking puso, naniniwala ako na kung tatanggapin ko ang payo niya, ibig sabihin noon ay mas nakabababa ang kakayahan ko sa kanya. Nakakahiya iyon. Ano ang iisipin ng iba sa akin? Kaya sa panlabas ay sumang-ayon ako sa mga mungkahi niya, pero bihira kong isagawa ang mga iyon. Pinanatili akong malayo sa katotohanan ng aking mapagmataas na disposisyon, pinigilan akong tanggapin ang payo ng iba, at pinakapit ako sa sarili kong mga pananaw. Pagrerebelde ito laban sa Diyos. Pagkatapos niyon, kumalma ako at pinag-isipan ang mungkahi ng sister ko. Sa palagay ko ay maganda ang punto niya, at karapat-dapat iyong subukan. Kaya tinawagan ko sa telepono ang mga baguhan. Pakiramdam ko ay mas madaling makipag-usap sa kanila, maunawaan ang mga problema nila at matulungan sila kaagad sa telepono. Nang isagawa ko ang payo niya, at nakita ko na naging mas epektibo ang aking gawain ng pagdidilig ng mga baguhan, hiyang-hiya ako. Sa usaping ito, nakita ko na kahit na matagal ko nang ginagawa ang tungkulin ko, marami pa rin akong pagkukulang. Kung wala ang tulong at patnubay ng aking sister, hindi sana bumuti ang mga resulta ng aking gawain. Napagtanto ko rin na hindi ako mas magaling sa iba, at na hindi ko magagawa nang mabuti ang aking tungkulin nang mag-isa.
Isang araw, tinanong ako ng tagapangasiwa tungkol sa sitwasyon ng isang baguhan at kung bakit ilang araw na itong hindi nakakapunta sa mga pagtitipon. Pagkatapos kong magpaliwanag, tinanong niya ako ng ilan pang bagay, ninanais malaman ang mas maraming detalye kung paano ko ginagawa ang aking tungkulin. Naasiwa ako, at labis akong lumaban. Ayokong sagutin ang anuman sa mga tanong niya, dahil ayokong tanggapin ang pangangasiwa niya at pagtatanong sa aking gawain. Napagtanto kong ipinapakita ko na naman ang tiwaling disposisyon ko, kaya nagdasal ako sa Diyos sa aking puso para sa Kanyang kaliwanagan at patnubay para matutuhan kong magpasakop sa ganoong mga kapaligiran, makilala ko ang sarili kong katiwalian, at matanggap ang pangangasiwa at gabay ng iba. Pagkatapos niyon, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Pinagbabawalan ng mga anticristo ang iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa anumang gawaing ginagawa nila, at naipapamalas ang pagbabawal na ito sa ilang paraan. Ang isa ay pagtanggi, ganoon kasimple. ‘Tigilan mo ang pakikialam, pagtatanong, at pangangasiwa sa akin kapag gumagawa ako. Anumang gawain na ginagawa ko ay responsabilidad ko, may ideya na ako kung paano ko ito gagawin at hindi ko kailangang manduhan ako ng sinuman!’ Ito ay diretsahang pagtanggi. Isa pang pagpapamalas ay ang mukha namang marunong tumanggap, na sinasabing ‘O sige, magbahaginan tayo at tingnan natin kung paano dapat gawin ang gawain,’ pero kapag nagsimula na talagang magtanong ang iba at sinubukang alamin pa ang tungkol sa kanilang gawain, o kapag may ipinaalam ang mga ito na ilang isyu at nagbigay ng ilang mungkahi, ano ang kanilang saloobin? (Hindi sila marunong tumanggap.) Tama iyon—ayaw lang talaga nilang tumanggap, humahanap sila ng mga palusot at dahilan para tanggihan ang mga mungkahi ng iba, ginagawa nilang tama ang mali at mali ang tama, pero ang totoo, sa puso nila, alam nilang ipinipilit lang nila ang kanilang lohika, na nagsasalita lang sila ng magagarbong salita, na ang sinasabi nila ay teoretikal lang, na ang kanilang mga salita ay walang realidad ng kung ano ang sinasabi ng ibang tao. Pero para maprotektahan ang kanilang katayuan—at alam na alam nilang mali sila at na tama ang ibang tao—ginagawa pa rin nilang mali ang tama ng ibang tao, at ang sarili nilang mali ang ginagawa nilang tama, at patuloy na isinasagawa ito, hindi pinapayagan ang mga bagay na tama at nakaayon sa katotohanan na maipakilala o maisakatuparan kung saan naroon ang mga ito. … Ano ang layunin niya? Na hindi tanggapin ang pakikialam, pagtatanong, o pangangasiwa ng ibang tao, at para ipaisip sa mga kapatid na ang kasalukuyang pagkilos niya ay makatwiran, tama, alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos, at naaayon sa mga prinsipyo ng gawain, at na, bilang isang lider, sumusunod siya sa prinsipyo. Talagang iilan lang sa iglesia ang nakauunawa sa katotohanan; ang karamihan ay walang alinlangang walang kakayahan sa pagkilatis, hindi nila nakikita ang anticristo na ito kung sino talaga ito, at natural na inililihis nito” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)). “Kapag kumikilos si Satanas, hindi nito pinahihintulutan ang pakikialam ng sinuman, nais nitong magkaroon ng huling salita sa lahat ng ginagawa nito at kontrolin ang lahat ng bagay, at walang sinumang maaaring mangasiwa o magtanong ng anuman. Kung makialam o pumagitna ang sinuman, lalo namang hindi ito mapahihintulutan. Ganito kumilos ang isang anticristo; kahit ano pa ang ginagawa niya, walang sinumang puwedeng magtanong ng anuman, at kahit paano pa siya kumilos sa likod ng mga eksena, walang puwedeng makialam. Ganito ang pag-uugali ng isang anticristo. Ganito siya kumilos dahil sa isang banda mayroon siyang lubhang mapagmataas na disposisyon at isa pa walang-wala siyang katwiran. Ganap siyang hindi nagpapasakop, at hindi niya pinahihintulutan ang sinuman na pangasiwaan siya o inspeksyunin ang kanyang gawain. Tunay ngang mga kilos ito ng isang demonyo, na ibang-iba sa mga kilos ng normal na tao. Sinumang gumagawa ng gawain ay nangangailangan ng kooperasyon ng iba, kailangan niya ng tulong, mga mungkahi, at kooperasyon ng ibang tao, at kahit pa may isang taong nangangasiwa o nagmamasid, hindi ito isang masamang bagay, kinakailangan ito. Kung may mangyari mang mga pagkakamali sa isang bahagi ng gawain, at natukoy ang mga ito ng mga taong nagmamasid at inayos ang mga ito kaagad, at naiwasan ang mga kawalan sa gawain, hindi ba’t malaking tulong ito? Kaya naman, kapag gumagawa ng mga bagay-bagay ang matatalinong tao, gusto nilang pinangangasiwaan, inoobserbahan, at tinatanong sila ng ibang tao. Kung sakali mang may mangyari ngang pagkakamali, at nagawa itong ipaalam ng mga taong ito, at maitutuwid kaagad ang pagkakamali, hindi ba ito isang mas kanais-nais na kinahinatnan? Walang sinuman sa mundong ito ang hindi nangangailangan ng tulong ng iba. Ang mga taong may autism o depresyon lamang ang mga gustong mapag-isa at hindi makipag-ugnayan o makipagkomunika sa ibang mga tao. Kapag ang mga tao ay may autism o depresyon, hindi na sila normal. Hindi na nila kayang kontrolin ang kanilang sarili. Kung normal ang isip at katwiran ng mga tao, subalit ayaw lang nilang makipag-ugnayan sa iba, at ayaw nilang malaman ng ibang mga tao ang tungkol sa anumang ginagawa nila, gusto nilang gawin ang mga bagay-bagay nang palihim, nang pribado, at gumagawa sa likod ng mga eksena, at hindi nakikinig sa anumang sinasabi ng iba, ang gayong mga tao ay mga anticristo, hindi ba? Mga anticristo sila” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)). Pakiramdam ko ay paghatol ng Diyos para sa akin ang mga salitang ito. Napagtanto ko na kumikilos ako tulad ng inilantad ng Diyos. Napakahirap para sa akin na tanggapin ang payo at pangangasiwa ng iba sa aking tungkulin. Kahit kapag nagkakaroon ako ng mga paghihirap, hinding-hindi ko inilalantad ang mga ito o ipinaaalam sa iba, dahil pakiramdam ko, yamang ibinigay sa akin ang trabahong ito, ako ang responsable, nasa akin ang huling pasya, at puwede ko itong gawin sa sarili kong paraan. Pakiramdam ko ay alam ko kung paano gawin ang tungkulin ko, at hindi ko kailangan ng tagapangasiwa, ni hindi ko kailangan ng isang taong magbabantay o magpapayo sa akin. Itinuring ko ang payo ng iba na isang paglalantad sa mga kakulangan ko o pagkuwestiyon sa mga kakayahan ko, kaya ayoko iyong marinig. Ngayon ay nakita ko na ito ay pagmamataas at kahangalan. Hindi ito ang katwiran na dapat taglayin ng normal na pagkatao. Ginawa ako ng aking mapagmataas na kalikasan na huwag sumunod kaninuman, at huwag na huwag tumanggap ng pangangasiwa at payo ng iba. Palagi kong gustong magkaroon ng huling pasya at magdilig ng mga baguhan alinsunod sa sarili kong kalooban. Sa nakaraan, nangungumusta lang ako ng mga baguhan sa sarili kong paraan, na pagpapadala lang ng mga mensahe at madalang na tumatawag sa mga baguhan. Kapag ilang araw nang hindi sumasagot sa akin ang mga baguhan, isinasantabi ko sila, at patuloy na nakikipagtipon sa mga baguhan na gustong makipag-usap sa akin, at bilang resulta, hindi nadidiligan sa oras ang ilang baguhan, at ang iba sa kanila ay umaalis pa sa grupo ng pagtitipon. Hindi ba’t katulad ng sa isang anticristo ang mga kilos ko? Ayaw ng mga anticristo na mapangasiwaan ng iba at hinding-hindi sila tumatanggap ng payo ng iba. Gusto nila na sila lang ang kumokontrol sa lahat ng bagay, na gawin ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan o alinsunod sa sarili nilang mga opinyon, wala silang sinumang sinusunod, at hindi sila nakikipagtulungan sa iba para magawa nang mabuti ang mga gawain nila. Nakita ko na tinatahak ko ang landas ng isang anticristo, at natakot ako. Natutuhan ko rin mula sa salita ng Diyos na ang lahat ay may kanya-kanyang mga pagkukulang at kapintasan, kaya kailangan natin ng payo at tulong ng iba. Kailangan nating makipagtulungan sa mga tao para magampanan nang mabuti ang ating mga tungkulin. Tinutulungan ako ng tagapangasiwa sa pamamagitan ng pangungumusta sa gawain ko at pagbibigay sa akin ng mga mungkahi. Nakita ko rin na kapaki-pakinabang iyon nang isagawa ko iyon, pero ayoko iyong tanggapin, at sa ganitong paraan napinsala ko ang gawain ng iglesia. Isa itong napakaseryosong bagay.
Pagkatapos niyon, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Kapag may sinumang gumugugol ng kaunting oras para pangasiwaan o obserbahan ka, o umuunawa sa iyo nang malalim, sumusubok na kausapin ka nang masinsinan at tuklasin kung ano ang naging kalagayan mo sa panahong ito, at kapag medyo mabagsik pa kung minsan ang kanilang pag-uugali, at pinupungusan, dinidisiplina, at pinagsasabihan ka nila nang kaunti, lahat ng ito ay dahil tapat at responsable sila sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ka dapat magkaroon ng anumang negatibong saloobin o emosyon tungkol dito. Ano ang ibig sabihin kung kaya mo itong tanggapin kapag pinapangasiwaan, inoobserbahan, at sinusubukan kang unawain ng iba? Na, sa puso mo, tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang pangangasiwa, pag-oobserba, at pagtatangka ng mga tao na unawain ka—kung ayaw mong tanggapin ang lahat ng ito—magagawa mo bang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Ang pagsisiyasat ng Diyos ay mas detalyado, malalim, at tumpak kaysa kapag sinusubukan ng mga tao na unawain ka; ang mga hinihingi ng Diyos ay mas partikular, mahirap, at malalim. Kung hindi mo matanggap ang pangangasiwa ng mga hinirang na tao ng Diyos, walang kabuluhang mga salita lamang ba ang sinasabi mo na kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Para magawa mong tanggapin ang pagsisiyasat at pagsusuri ng Diyos, dapat mo munang tanggapin ang pangangasiwa ng sambahayan ng Diyos, ng mga lider at manggagawa, o ng mga kapatid” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 7). “Kung ikaw ay may takot sa Diyos na puso, likas mong makakayang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, ngunit dapat mo ring matutuhang tanggapin ang pangangasiwa ng mga taong hinirang ng Diyos, na nangangailangan ng pagkakaroon mo ng pagpaparaya at pagtanggap. Kung may makita kang isang taong pinangangasiwaan ka, iniinspeksyon ang trabaho mo, o sinisiyasat ka nang hindi mo alam, at kung uminit ang ulo mo, ituring ang taong ito na parang kaaway at kamuhian siya, at batikusin pa siya at pakitunguhan siya na gaya ng isang traydor, inaasam-asam na mawala na siya, problema nga ito. Hindi ba’t lubhang napakasama nito? Ano ang ipinagkaiba nito sa isang diyablong hari? Patas na pagtrato ba ito sa mga tao? Kung tumatahak ka sa tamang landas at kumikilos sa tamang paraan, ano ang dapat mong ikatakot sa mga taong sumisiyasat sa iyo? Kung ikaw ay natatakot, ipinapakita niyong may kung anong nagkukubli sa iyong puso. Kung alam mo sa iyong puso na may problema ka, dapat mong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Makatwiran ito. Kung alam mong may problema ka, pero hindi mo hinahayaan ang sinuman na pangasiwaan ka, inspeksyunin ang trabaho mo, o siyasatin ang problema mo, lubha kang wala sa katwiran, naghihimagsik at lumalaban ka sa Diyos, at sa kasong ito, mas malala pa ang problema mo. Kung tutukuyin ka ng mga hinirang ng Diyos na isang masamang tao o isang hindi mananampalataya, lalo pang magiging problema ang mga kahihinatnan nito. Kung kaya, ang mga kayang tumanggap ng pangangasiwa, pagsusuri, at pagsisiyasat ng iba ang mga pinakamakatwiran sa lahat, may pagpaparaya at normal na pagkatao sila. Kapag nadiskubre mong may mali kang ginagawa o may pagbubunyag ka ng tiwaling disposisyon, kung nagagawa mong magtapat at makipag-usap sa mga tao, makakatulong ito sa mga nasa paligid mo para mabantayan ka nila. Talagang kailangang tumanggap ng pangangasiwa, ngunit ang pinakamahalaga ay magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya, na isinasailalim ang iyong sarili sa palagiang pagsisiyasat. Lalo na kapag mali ang landas na natahak mo o nakagawa ka ng mali, o kapag akmang kikilos ka na nang wala sa katwiran at at nagsasarili, at binanggit ito ng isang tao sa malapit at binalaan ka, kailangan mong tanggapin iyon at magmadali kang pagnilayan ang iyong sarili, at aminin ang iyong pagkakamali, at itama iyon. Maaari nitong pigilan ka sa pagtahak sa landas ng mga anticristo. Kung may isang taong tumutulong at nagbababala sa iyo sa ganitong paraan, hindi ka ba pinoproktektahan nang hindi mo nalalaman? Pinoprotektahan ka—iyan ang proteksiyon mo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Labis na nililinaw ng salita ng Diyos ang kahalagahan at mga pakinabang ng pagtanggap sa pangangasiwa ng iba. Dati, hindi ko talaga nauunawaan ang mga pakinabang ng mapangasiwaan, na nagdulot sa akin na lumaban doon sa mga nangasiwa sa akin. Akala ko ay sinusubukan nilang kontrolin ang gawain ko o hinahamak nila ako. Sa isip ko, kung may lalapit sa akin para malaman ang tungkol sa gawain ko, para bang pakiramdam nila ay iresponsable ako, walang kusa, at walang kakayahang magtrabaho, at hindi ko magawa nang mabuti ang tungkulin ko, o nang kasingbuti ng iba. Kaya tutol na tutol ako sa pangangasiwa ng iba sa akin. Pero mula sa salita ng Diyos, nakita ko na mali ang opinyon ko at hindi nakaayon sa katotohanan. May ilan akong pagkukulang sa gawain ko, at kailangan ko ang tulong ng aking mga kapatid para bumuti, pero tumanggi akong tumanggap ng pangangasiwa. Maitatama ko ba ang mga pagkakamali sa aking gawain at magagawa nang mas mabuti ang aking gawain sa ganitong paraan? Napakahalaga para sa mga kapatid ko na magtanong tungkol sa gawain ko, dahil pinapasan nila ang isang pasanin para sa gawain at ginagawa ang tungkulin nila. Hindi ako dapat magkaroon ng saloobin ng pagtahimik at pagtanggi. Dapat akong magtapat at sabihin sa kanila ang mga paghihirap ko at ang aktwal na sitwasyon sa aking gawain. Mas makabubuti iyon sa gawain ng iglesia. Sa pagtanggap ng pangangasiwa, makikita ko ang sarili kong mga kapintasan at mapagninilayan ko kung ginagawa ko ang aking tungkulin alinsunod sa mga prinsipyo. Ngayon, naiintindihan ko na ang layunin ng Diyos. Ang madalas na pangangasiwa at pangungumusta ng iba sa aking gawain ay makapipigil sa akin na kumilos ayon sa sarili kong kagustuhan at magkagayon ay makakagulo at makakagambala sa gawain ng iglesia. Proteksyon talaga ito ng Diyos para sa akin.
Nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Palagay niyo ba ay may taong perpekto? Gaano man kalakas ang mga tao, o gaano man sila kahusay at katalino, hindi pa rin sila perpekto. Dapat itong tanggapin ng mga tao, totoo ito at ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga tao upang wastong maharap ang kanilang sariling mga kagalingan at kalakasan o mga kamalian; ito ang pangangatwirang dapat taglayin ng mga tao. Sa gayong pangangatwiran, maaari mong harapin nang wasto ang iyong sariling mga kalakasan at kahinaan pati na ang sa iba, at ito ang magbibigay sa iyo ng kakayahang makipagtulungan nang maayos sa kanila. Kung naunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan at makakapasok ka sa aspektong ito ng katotohanang realidad, makakaya mong makisama nang maayos sa iyong mga kapatid, na humuhugot ng lakas sa kanilang magagandang katangian upang mapunan ang anumang mga kahinaang mayroon ka. Sa ganitong paraan, anumang tungkulin ang iyong ginagampanan o anuman ang iyong ginagawa, lagi kang magiging mas mahusay roon at pagpapalain ka ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pamamagitan ng salita ng Diyos, naunawaan ko na ang lahat ay may kanya-kanyang mga kalakasan at kahinaan, at na walang perpektong tao sa mundong ito. Gaano man katatag ang mga tao, mayroon pa rin silang mga pagkukulang at kailangan nila ng tulong ng iba. Ano man ang tungkuling ginagawa natin sa iglesia, hindi iyon maihihiwalay sa tulong at pakikipagtulungan ng iba. Dahil napakalalim na tayong nagawang tiwali ni Satanas, lagi tayong kumikilos batay sa mga tiwali nating disposisyon, kaya kailangan natin ang mga paalala at pangangasiwa ng ating mga kapatid para maiwasang lumihis sa mga prinsipyo at nang mabawasan ang ating mga pagkakamali. Nang lumapit sa akin ang iba para maunawaan ang mga problema ko sa gawain, dapat ay ginamit ko iyon na pagkakataon para pagbutihin ang sarili ko, at natuto ako sa mga kalakasan nila para makabawi sa mga kahinaan ko. Natulungan sana nito ako at ang gawain ng iglesia. Malinaw kong nakita na hindi ako mas magaling sa kahit kanino, pati na sa sister na nangangasiwa sa gawain ko. Dapat kong tanggapin ang patnubay at payo ng iba, itama ang mga paglihis at pagkakamali ko, at maglakas-loob na ilantad ang sarili kong mga kahinaan at humingi ng tulong sa iba. Ito ay pagiging isang tao na may normal na katwiran at pagkatao. Pagkatapos niyon, sinimulan kong tanggapin ang payo ng aking sister, at kapag nagtatanong siya o gusto niyang malaman ang tungkol sa anumang aspekto ng mga sitwasyon ng mga baguhan, lantaran ko iyong tinatalakay at detalyadong sinasabi sa kanya. Sa ganitong pagsasagawa, naging mas epektibo ako sa aking tungkulin.
Isang araw, tinanong ako ng sister ko tungkol sa sitwasyon ng mga baguhan. Sinagot ko ang mga tanong niya nang walang pasubali at nagbigay ako ng mga detalye sa mga dahilan ng hindi regular na pagdalo ng ibang baguhan. Ipinaalala niya sa akin ang ilang mahalagang punto, at isinulat at isinagawa ko ang lahat ng iyon. Nakita ko na napakagandang tumanggap ng payo ng iba. Kahit na minsan, kapag ipinaaalam niya sa akin ang mga pagkukulang ko ay hindi ko iyon agad matanggap, nauunawaan ko na nandito siya para tulungan ako, kaya hindi ako dapat maging negatibo at lumaban. Kailangan kong lumapit sa Diyos para magdasal at maghanap, na kapaki-pakinabang kapwa para sa akin at sa gawain ng iglesia. Ang responsabilidad ko ay magdilig nang mabuti ng mga baguhan at tulungan sila para mailatag nila ang mga pundasyon nila sa tunay na daan, at handa akong tanggapin ang pangangasiwa ng iba at gawin nang mabuti ang tungkulin ko.