91. Hindi Ko Na Ginagamit ang Maluwag na Pamamaraan
Noong Hunyo ng 2021, pinangasiwaan ko ang gawaing pangvideo sa iglesia, at dahil dumami ang gawain, isinaayos ng iglesia na subaybayan ko ang gawain ng isa pang grupo. Naisip ko, “Sobrang abala ko na ngayon sa gawain na responsable ako. Kung mangangasiwa pa ako ng mas maraming gawain, hindi ba ako magiging mas abala at mas pagod?” Pero naisip ko rin, “Ang mga kapatid sa grupong ito ay pamilyar na sa gawain. Lahat sila ay may karanasan at epektibong ginagawa ang kanilang tungkulin, kaya hindi ako dapat masyadong mag-alala tungkol sa pagsubaybay, at hindi na ito mangangailangan ng mas maraming oras at pagsisikap.” Kaya pumayag ako na subaybayan ang ibang grupo na ito. Noong una, tinatanong ko paminsan-minsan kung normal ba ang pag-usad ng gawain ng grupo, at kung mayroon ba sa mga kapatid na nahihirapan sa kanilang mga tungkulin. Gayumpaman, nang maglaon ay naisip ko na mayroon din akong iba pang gawain na dapat gawin, at ang pagsisikap na maunawaan ang mga detalye ng gawain ng bawat grupo ay magiging masyadong nakakapagod sa isip at nakakaubos ng oras. Normal na umuusad ang gawain ng grupong iyon, kaya maayos ang lahat, at hindi ko na kailangan pang maglaan ng oras para maunawaan ang mga bagay-bagay. Naroon din ang lider ng grupo, at ang mga kapatid ay maaasahan at ginawa nila nang maayos ang kanilang tungkulin. Sa nakalipas na ilang taon, walang naging malalaking problema, kaya talagang hindi na kailangang mag-alala. Hindi naman magiging problema kung madalang ang pagsubaybay, hindi ba? Kaya naman, halos hindi ako nakisangkot sa gawain ng grupong iyon.
Isang araw, makalipas ang mahigit dalawang buwan, nagbigay sa akin ng puna ang isa sa mga brother, at sinabi niyang sa dalawang kaso, ang mga video na ginawa ng grupong iyon ay nagkaroon ng mga problema kamakailan, at kung hindi natuklasan ng ibang mga sister ang mga problema sa tamang oras, maaantala nito ang pag-usad ng gawain. Medyo nagulat ako, dahil sunod-sunod na seryosong problema ang lumitaw habang ginagawa ng grupo ang mga tungkulin nila. Paanong hindi ko nalaman? Kung iisiping muli, naging responsable ako sa gawaing iyon sa loob ng ilang buwan, ngunit hindi ko gaanong binibigyang pansin ang gawain ng grupong iyon, at wala akong ideya kung paano ginagawa ng mga miyembro ng grupo ang kanilang tungkulin. Napagtanto ko na hindi ko ginagawa ang tunay na gawain, at iyon ang naging sanhi ng mga problemang ito. Pagkatapos, nang maunawaan ko ang sitwasyon, natuklasan ko na sa loob ng ilang panahon ay walang nangasiwa o nagsubaybay sa gawain ng grupo, kaya ang mga miyembro ng grupo ay gumawa lamang ng mga bagay-bagay batay sa kanilang karanasan at umiiral na mga rutina, nang walang pagpapahalaga sa pasanin sa paggawa ng kanilang tungkulin. Kaya sa sandaling dumami ang gawain, nagsimula silang gumawa ng mga bagay sa pabasta-bastang paraan. Bagama’t dalawang tao ang nagtulungan sa pag-iinspeksiyon ng mga video, para sa kanila ito ay isang pormalidad lamang. Iniraraos lang nila ang gawain at hindi kayang makatuklas ng mga problema. Naging masakit ang pagharap sa lahat ng ito. Ang mga problemang ito ay hindi mahirap matuklasan, at kung ginawa ko sana ang normal na pagsubaybay sa gawain ng grupong iyon, hindi sana ako magiging walang kaalam-alam. Napakairesponsable ko! Kinailangan kong pagnilayan sa aking sarili kung bakit ko binalewala ang gawain nila sa loob ng mahigit tatlong buwan. Nabasa ko sa salita ng Diyos, na nagsasabing: “Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman nagtatanong o sumusubaybay sa mga sitwasyon sa gawain ng iba’t ibang superbisor ng grupo. Hindi rin sila nagtatanong, sumusubaybay, o nakakaarok sa buhay pagpasok ng mga superbisor ng iba’t ibang grupo at ng mga tauhang responsable sa iba’t ibang mahalagang gawain, pati na rin sa mga saloobin ng mga ito sa gawain ng iglesia at sa mga tungkulin ng mga ito, at sa pananalig sa Diyos, sa katotohanan, at sa Diyos mismo. Hindi nila alam kung ang mga indibidwal na ito ay sumailalim na sa anumang pagbabago o paglago, at hindi rin nila alam ang tungkol sa iba’t ibang isyung maaaring umiiral sa gawain nila; sa partikular, hindi nila alam ang epekto ng mga pagkakamali at paglihis na nagaganap sa iba’t ibang yugto ng gawain sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, pati na rin kung ang mga pagkakamali at paglihis na ito ay naitama na. Ganap silang ignorante tungkol sa lahat ng bagay na ito. Kung wala silang nalalaman tungkol sa mga detalyadong kondisyong ito, nagiging pasibo sila tuwing may lumilitaw na mga problema. Gayumpaman, hindi nag-aabala ang mga huwad na lider na harapin ang mga detalyadong isyung ito habang ginagawa ang gawain nila. Naniniwala sila na matapos maisaayos ang iba’t ibang superbisor ng grupo at maitalaga ang mga gawain, tapos na ang gawain nila—itinuturing na nagawa na nila nang maayos ang gawain nila, at kung may iba pang problemang lilitaw, hindi na nila problema iyon. Dahil hindi napapangasiwaan, nagagabayan, at nasusubaybayan ng mga huwad na lider ang iba’t ibang superbisor ng grupo, at hindi nila natutupad ang mga responsabilidad nila sa mga aspektong ito, nagreresulta ito sa pagkakagulo-gulo sa gawain ng iglesia. Pagpapabaya ito ng mga pinuno at manggagawa sa mga responsabilidad nila. Kayang siyasatin ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao; isa itong abilidad na wala sa mga tao. Samakatwid, kapag gumagawa, kailangang maging mas masikap at maingat ang mga tao, regular na pumunta sa lugar ng gawain para subaybayan, pangasiwaan, at igiya ang gawain para matiyak ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Malinaw na lubos na iresponsable ang mga huwad na lider sa gawain nila, at hindi nila kailanman pinapangasiwaan, sinusubaybayan, o ginigiya ang iba’t ibang gampanin. Bilang resulta, hindi alam ng ilang superbisor kung paano lutasin ang iba’t ibang isyung lumilitaw sa gawain, at nananatili sila sa papel nila bilang mga superbisor kahit na kulang na kulang ang kakayahan nila para gawin ang gawain. Sa huli, paulit-ulit na naaantala ang gawain at nagugulo nila ito nang husto. Ito ang kinahihinatnan ng hindi pagtatanong, pangangasiwa, o pagsubaybay ng mga huwad na lider sa mga sitwasyon ng mga superbisor, isang kinalabasang ganap na dulot ng pagpapabaya ng mga huwad na lider sa responsabilidad nila” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 3). Mula sa salita ng Diyos, nakita ko na ang mga huwad na lider ay nagpapabaya sa kanilang mga tungkulin at hindi gumagawa ng tunay na gawain. Iniisip nila na ang bawat grupo ay may superbisor, kaya maaaring gumamit ang mga huwad na lider ng maluwag na pamamaraan, na nagiging sanhi ng mga problema sa gawain ng iglesia. Sa panlabas, maaaring mukhang walang ginagawang anumang malinaw na kasamaan ang mga huwad na lider. Pero nagiging iresponsable sila sa gawain ng iglesia, na seryosong nakakaapekto sa pag-usad at pagiging epektibo ng iba’t ibang gampanin, na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng iglesia. Hinihingi ng Diyos sa mga lider at manggagawa na magsubaybay at mangasiwa sa gawain sa napapanahong paraan para matiyak na regular at maayos ang pag-usad ng gawain sa iglesia. Iyan ang kanilang responsabilidad at tungkulin. Ngunit pagkatapos kong akuin ang gawain ng grupong iyon, naramdaman kong nandoon ang lider ng grupo, at ang lahat ng gawain ay nagpatuloy sa maayos na paraan, kaya makatwiran lang na magsagawa sa maluwag na pamamaraan. Hindi ko kailanman siniyasat o sinubaybayan ang kanilang gawain, ni hindi ko inunawa ang mga detalye ng mga umiiral na paglihis at ang mga problema sa gawain ng lahat. Hindi ko rin natuklasan kung kailan sila naging tamad at pabaya sa paggawa ng kanilang tungkulin. Batay sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, inakala ko na sila ay maaasahan at tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin, at lubos na mapagkakatiwalaan. Kaya kumilos ako nang naaayon, na bilang resulta ay nagdulot ng mga kawalan sa gawain. Sa pamamagitan ng salita ng Diyos, alam kong naging pabaya ako sa paggawa ng tungkulin ko, at isa nga akong huwad na lider. Bagama’t hindi ko sinadyang gumawa ng masama, nagtagal ang mga problema at hindi nalutas dahil hindi ako gumawa ng aktuwal na gawain. Lumitaw ang mga problema sa mga video na ginawa nila, kaya kinailangan itong ulitin, na direktang nauugnay sa aking pagiging pabaya at iresponsable sa paggawa ng aking tungkulin. Dahil sa pabayang pamamaraan at paghahangad ng kagaanan, hindi ko sinubaybayan o pinangasiwaan ang gawain. Bagama’t nakatipid iyon sa akin ng maraming oras at lakas, direktang naantala nito ang pag-usad ng gawain, na nakagambala at nakagulo sa gawain ng iglesia. Nanlaban ako sa Diyos! Tinamaan ng takot ang puso ko dahil sa kaisipang iyon, at patuloy akong nagnilay sa aking sarili at naisip, “Paano ako nakapagsagawa sa maluwag na pamamaraan nang napakatagal nang hindi ko namamalayan?”
Nang maglaon, nagbasa ako ng isang sipi mula sa salita ng Diyos, at mas naunawaan ko ang katotohanan na hindi ako gumawa ng aktuwal na gawain. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi kailanman nag-uusisa ang mga huwad na lider tungkol sa mga superbisor na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, o hindi nag-aasikaso ng kanilang marapat na gawain. Iniisip nila na kailangan lang nilang pumili ng isang superbisor, at tapos na ang usapin, at na pagkatapos ay maaari nang asikasuhin ng superbisor ang lahat ng gawain nang mag-isa. Kaya, paminsan-minsan lang nagdaraos ng mga pagtitipon ang mga huwad na lider, at hindi nila pinangangasiwaan o kinukumusta ang gawain, at kumikilos sila na parang mga boss na hindi nakikialam. … Wala silang kakayahang gumawa ng tunay na gawain nang sila lang, at hindi rin sila metikuloso tungkol sa gawain ng mga lider ng pangkat at ng mga superbisor—hindi nila sinusubaybayan o inuusisa ito. Ang pananaw nila sa mga tao ay batay lamang sa sarili nilang mga impresyon at imahinasyon. Kapag nakakita sila ng isang tao na gumagampan nang maayos sa loob ng ilang panahon, iniisip nila na ang taong ito ay magiging mahusay magpakailanman, na hindi ito magbabago; hindi sila naniniwala sa sinumang nagsasabi na may problema sa taong ito, at hindi nila pinapansin kapag may nagbababala sa kanila tungkol sa taong iyon. Sa tingin ba ninyo ay hangal ang mga huwad na lider? Sila ay hangal at tunggak. Bakit sila hangal? Basta-basta nilang pinagkakatiwalaan ang isang tao, naniniwala na noong mapili ang taong ito, sumumpa ang taong ito, at gumawa ng kapasyahan, at nanalangin nang tumutulo ang mga luha sa kanyang mukha, kaya nangangahulugan iyon na maaasahan siya, at hindi kailanman magkakaroon ng anumang isyu sa kanya sa pangangasiwa sa gawain. Walang pagkaunawa ang mga huwad na lider sa kalikasan ng mga tao; mangmang sila sa tunay na sitwasyon ng tiwaling sangkatauhan. Sinasabi nila, ‘Paanong magiging masama ang isang tao nang napili siya bilang superbisor? Paanong magagawa ng isang taong mukhang napakaseryoso at maaasahan na pabayaan ang kanyang tungkulin? Hindi niya ito magagawa, hindi ba? Puno siya ng integridad.’ Dahil labis na nanalig ang mga huwad na lider sa kanilang sariling mga imahinasyon at damdamin, sa huli ay nawawalan tuloy sila ng kakayahang lutasin sa oras ang maraming problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia, at napipigilan silang tanggalin at ilipat kaagad ang sangkot na superbisor. Totoo silang mga huwad na lider. At ano nga ba ang isyu rito? May anumang kinalaman ba sa pagiging pabasta-basta ang pamamaraan ng mga huwad na lider sa kanilang gawain? Sa isang banda, nakikita nila ang marahas na pang-aaresto ng malaking pulang dragon sa hinirang na mga tao ng Diyos, kaya para mapanatiling ligtas ang kanilang sarili, kung sinu-sino na lang ang isinasaayos nilang mangasiwa sa gawain, sa paniniwalang malulutas nito ang problema, at na hindi na nila kailangan pang pag-ukulan ito ng atensiyon. Ano ang iniisip nila sa kanilang puso? ‘Napakamapanlaban ng kapaligirang ito, dapat muna akong magtago pansamantala.’ Ito ay pag-iimbot sa mga pisikal na kaginhawahan, hindi ba? Sa kabilang banda, may nakamamatay na kapintasan ang mga huwad na lider: Mabilis silang magtiwala sa mga tao batay sa sarili nilang mga imahinasyon. At bunga ito ng hindi pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba? Paano ibinubunyag ng salita ng Diyos ang diwa ng tiwaling sangkatauhan? Bakit kailangan nilang magtiwala sa mga tao kung ang Diyos nga ay hindi? Ang mga huwad na lider ay masyadong mayabang at mapagmagaling, hindi ba? Ang iniisip nila ay, ‘Hindi maaaring nagkamali ako sa paghusga sa taong ito, wala dapat na maging anumang problema sa taong natukoy ko na angkop; siguradong hindi siya isang taong nagpapakasasa sa pagkain, pag-inom, at paglilibang, o mahilig sa kaginhawahan at namumuhi sa pagsisikap. Siya ay lubos na maaasahan at mapagkakatiwalaan. Hindi siya magbabago; kung magbago man siya, mangangahulugan iyon na nagkamali ako tungkol sa kanya, hindi ba?’ Anong uri ng lohika ito? Isa ka bang eksperto? May paningin ka bang gaya ng x-ray? Mayroon ka ba ng natatanging kasanayan na iyon? Maaaring makasama mo ang isang tao nang isa o dalawang taon, subalit magagawa mo kayang makita kung ano talaga siya nang walang angkop na kapaligiran para lubos na mailantad ang kanyang kalikasang diwa? Kung hindi siya ibinunyag ng Diyos, maaaring kasa-kasama mo siya sa loob ng tatlo, o kahit limang taon pa nga, at mahihirapan ka pa ring makita kung ano talaga ang uri ng kalikasang diwang mayroon siya. At lalo pang totoo iyon kapag madalang mo siyang makita, kapag madalang mo siyang makasama. Basta-bastang nagtitiwala sa isang tao ang mga huwad na lider batay sa isang panandaliang impresyon o sa positibong pagtatasa ng ibang tao sa kanya, at nangangahas silang ipagkatiwala ang gawain ng iglesia sa gayong tao. Sa bagay na ito, hindi ba’t lubha silang nagiging bulag? Hindi ba’t kumikilos sila nang walang ingat? At kapag ganito sila gumawa, hindi ba’t nagiging lubhang iresponsable ang mga huwad na lider?” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 3). Inilalantad ng salita ng Diyos na ang mga huwad na lider ay tamad, walang alam, at hangal. Sa halip na tingnan ang mga tao at bagay batay sa salita ng Diyos, nakikita nila ang mga ito batay sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Gayumpaman, nararamdaman nila na mayroon silang kabatiran sa mga tao at bagay. Maaari silang kaswal na magtiwala sa isang tao at ipaubaya ang gawain sa ibang tao, habang sila mismo ay gumagawa sa maluwag na pamamaraan at nag-iimbot sa mga pakinabang ng katayuan. Sa pamamagitan ng paglalantad ng salita ng Diyos, nakita ko na ako iyong tamad at walang alam na huwad na lider! Dahil sa tamad kong kalikasan, pakiramdam ko palagi ay responsable ako sa napakaraming gawain na kung sinubaybayan ko ang bawat grupo at inunawa ang mga detalye, masyado itong napakahirap at nakakapagod. Kaya pangunahing sinubaybayan ko lang ang gawain ng isang grupo. Dahil mayroong lider ang kabilang grupo, hangga’t normal ang pag-usad ng gawain, magiging maayos ang lahat, at hindi ko na kailangan pang gumugol ng mas maraming oras sa pagsubaybay. Ang pamamaraan ko sa aking tungkulin ay iyong mas mabuti kung kaunti lamang ang aking aalalahanin. Bagama’t hawak ko ang titulong superbisor, gumawa talaga ako sa maluwag na pamamaraan, na napakairesponsable talaga! Naging napakapalalo ko rin. Batay sa aking sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, inakala ko na lahat ng tao sa grupong iyon ay maaasahan sa paggawa ng kanilang tungkulin. Kaya hindi ko na kinailangan pang mag-alala, at kung hindi ko man sinubaybayan ang kanilang gawain ay patuloy nilang gagawin nang maayos ang kanilang tungkulin. Hindi ko sila tinanong o pinangasiwaan sa loob ng ilang buwan, na naging sanhi ng paglitaw ng mga problemang ito sa kanilang gawain. Hindi ko naunawaan ang katotohanan ni nakita nang malinaw ang mga bagay-bagay, at malakas ang paniniwala ko sa aking sarili, iniisip na ang aking paghuhusga tungkol sa mga tao ay hindi maaaring magkamali. Masyado akong mapagmataas at walang alam! Dahil sa lahat ng iyon, napuno ako ng pagsisisi, at natanto ko ang kahalagahan ng pagtrato sa mga tao at sa aking tungkulin nang ayon sa salita ng Diyos. Kaya’t sinadya kong hanapin ang mga kaugnay na sipi sa salita ng Diyos upang makahanap ng landas para gawin ang aking tungkulin.
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagsasabing: “Dahil hindi nalalaman ng mga huwad na lider ang tungkol sa pag-usad ng gawain, at dahil hindi nila kayang matukoy kaagad—lalo nang hindi nila kayang malutas—ang mga problemang lumilitaw rito, madalas humahantong na ito sa paulit-ulit na mga pagkaantala. Sa ilang gawain, dahil hindi naiintindihan ng mga tao ang mga prinsipyo at walang sinumang angkop na maging responsable para dito o mamahala rito, ang mga nagsasagawa ng gawain ay kadalasang negatibo, walang ginagawa, at naghihintay, na lubhang nakakaapekto sa pagsulong ng gawain. Kung natupad ng mga lider ang kanilang mga responsabilidad—kung pinamahalaan niya ang gawain, isinulong ito, pinangasiwaan ito, at nakahanap ng isang taong nakakaunawa sa larangang iyon para patnubayan ang gawain, sumulong sana nang mas mabilis ang gawain kaysa dumanas ng paulit-ulit na mga pagkaantala. Kung gayon, para sa mga lider, mahalagang maunawaan at maarok ang katayuan ng gawain. Siyempre pa, talagang kinakailangan din na maunawaan at maarok ng mga lider kung paano sumusulong ang gawain, sapagkat ang pagsulong ay nauugnay sa kahusayan ng gawain at mga resulta na dapat nitong makamtan. Kung ang mga lider at manggagawa ay walang pagkaunawa sa kung paano umuusad ang gawain ng iglesia, at hindi nila sinusubaybayan o pinangangasiwaan ang mga bagay, kung gayon, tiyak na magiging mabagal ang pag-usad ng gawain ng iglesia. Ito ay dahil sa katunayan na ang karamihan sa mga taong gumagawa ng mga tungkulin ay lubhang kasuklam-suklam, walang pagpapahalaga sa pasanin, at madalas na negatibo, pasibo, at pabasta-basta. Kung walang sinuman ang may pagpapahalaga sa pasanin at walang kakayahan sa gawain na umaako sa responsabilidad ng gawain sa kongkretong paraan, napapanahon na inaalam ang tungkol sa pag-usad ng gawain, at ginagabayan, pinangangasiwaan, dinidisiplina, at pinupungusan ang mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin, kung gayon ay likas na magiging napakababa ng antas ng kahusayan sa gawain at magiging napakapangit ng mga resulta sa gawain. Kung hindi man lang ito malinaw na makikita ng mga lider at manggagawa, sila ay mga hangal at bulag. Kaya naman, ang mga lider at manggagawa ay dapat na agad na siyasatin, subaybayan, at arukin ang pag-usad ng gawain, magsiyasat kung anong mga problema ng mga taong gumagawa ng mga tungkulin ang kailangang malutas, at unawain kung aling mga problema ang dapat lutasin para magkamit ng mas magagandang resulta. Napakahalaga ng lahat ng bagay na ito, dapat maging malinaw ang mga bagay na ito sa isang taong kumikilos bilang lider. Upang magawa nang maayos ang iyong tungkulin, hindi ka dapat tumulad sa isang huwad na lider, na gumagawa ng mababaw na gawain, at pagkatapos ay iisipin niyang nagawa niya nang maayos ang kanyang tungkulin” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 4). Ipinakita ng salita ng Diyos sa mga tao ang landas sa paggawa ng kanilang tungkulin sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. Bilang isang lider o superbisor, kailangang harapin ng mga tao ang kanilang tungkulin nang may pagpapahalaga sa pasanin, at hindi maaaring mag-imbot ng mga kaginhawaan ng laman. Dapat nilang subaybayan, tingnan, pangasiwaan, at siyasatin ang gawain na responsabilidad nila sa isang napapanahong paraan. Dapat ding subaybayan at unawain ng mga lider at superbisor ang kalagayan ng mga tauhan na kasangkot, at ang mga detalye tungkol sa kung paano nila ginagawa ang kanilang tungkulin. Sa ganoong paraan, ang mga problema ay maaaring agad na matukoy at ang mga paglihis ay maitama. Dahil wala pang tao na nagawang perpekto, lahat ay may tiwaling disposisyon. Kaya, kung maayos ang kalagayan ng mga tao, at sila ay matapat, responsable, at epektibo sa paggawa ng kanilang tungkulin sa loob ng isang yugto ng panahon, hindi ibig sabihin na sila ay ganap na maaasahan. Kapag hindi normal ang kanilang kalagayan o sila ay namumuhay ayon sa kanilang tiwaling disposisyon, sila ay nagiging pabaya sa kabila ng kanilang mga sarili, at gumagawa ng mga bagay na nakagugulo sa gawain ng iglesia. Kaya habang ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, ang mga lider, mga manggagawa, at mga superbisor ay kailangang mag-inspeksiyon at magsubaybay sa gawain, at kapag natuklasan ang mga problema, dapat nilang iwasto kaagad ang mga paglihis. Ito ay kanilang responsabilidad. Matapos kong maunawaan ang mga hinihingi ng Diyos, nagsimula akong magsubaybay at matuto nang higit pa tungkol sa gawain ng grupo, at regular na tinipon sila para sa mga pagpupulong ukol sa buod ng gawain. Nang nakakita ako ng mga paglihis at mga problema, agad kong sinabi sa lider ng grupo ang tungkol sa mga ito. Sa pamamagitan ng gawain ng pagsubaybay, natuklasan ko na ang gawain ng lahat ay medyo walang disiplina at kulang sa pagpaplano. Kaya tinalakay ko sa lider ng grupo ang plano at pag-usad ng gawain ng grupo at ang ilang napag-iwanang gawain ay natapos ayon sa naka-iskedyul. Bilang karagdagan, pinahusay namin ang mga tauhan batay sa dami ng gawain, at itinalaga ang ilan sa aming mga tauhan kung saan sila mas kailangan. Matapos magsagawa nang ganoon, mas gumaan ang pakiramdam ko. Kasabay nito, mas maingat kong sinubaybayan ang gawain na saklaw ng responsabilidad ko kaysa dati.
Hindi nagtagal, tinanggap ko ang isang bagong gawain na nangangailangan ng maraming oras. Naisip ko, “Sa loob ng ilang panahon, detalyado kong sinubaybayan ang gawain ng bawat grupo, kaya maayos na ngayon ang mga bagay-bagay. Kung kailangan ko pang mag-alala at makisangkot sa mga detalye ng bawat grupo, gugugol ito ng masyadong maraming oras at pagsisikap. Magiging masyadong masikip ang iskedyul ko at lalo akong magigipit.” Napaisip ako kung alin sa gawain ng grupo ang maaari kong italaga sa iba upang mabawasan ang aking alalahanin. Naisip ko ang isang grupo na may dalawang lider na mas maagap sa paggawa ng kanilang tungkulin at kayang magbayad ng halaga. Gusto kong ilipat ang gawain ng grupo sa kanila upang detalyado silang makapagsubaybay. Nang sa gayon, babantayan ko na lang ang direksiyon ng mga bagay-bagay at regular na dadalo sa mga pagtitipon para sa pagbubuod ng gawain. Maaari kong ipaubaya ang lahat sa mga lider ng grupo. Pero sa paggawa niyon, bumabalik ako sa dati kong gawi, tumutuon lang sa bagong gawain na tinanggap ko at hindi nakikisangkot sa mga detalye ng gawain ng grupong ito. Naisip ko na dahil naroon ang mga lider ng grupo, magiging ayos lang ito. Kung mayroong anumang mga problema, maaari ko na lamang hintayin sila na magkusang ipaalam sa akin, at pagkatapos ay haharapin ko ito. Isang araw, tinukoy ng isa sa mga lider ng grupo na hindi ko sapat na nasubaybayan ang gawain, at hindi ako nakisangkot sa mga detalye ng kanilang gawain. Ang ilan sa mga kapatid ng grupo ay nagpapaliban at tinatamad sa paggawa ng kanilang tungkulin, ngunit walang pagsubaybay o resolusyon, na nakaapekto sa pag-usad ng gawain. Nang marinig ko iyon, medyo naging depensibo ako at naisip ko, “Hindi ba kaya ninyo naman na dalawang lider na gawin iyon? Mayroon pa akong ibang gawain sa mga panahong ito. Kung susubaybayan ko pa ang mga detalye ng bawat gampanin, uubos ito ng maraming oras. Paano ko pa matatapos ang lahat ng ito? Sobra-sobra na ang hinihingi ninyo!” Pero medyo hindi na naman ako mapalagay sa mga argumento ko. Sa pagbabalik-tanaw sa yugto ng panahon na iyon, bihira kong subaybayan ang kanilang gawain, at hindi ko naunawaan ang kalagayan ng mga kapatid, kung pinasok ba nila ang mga prinsipyo sa paggawa ng kanilang tungkulin, o ang mga resulta ng kanilang gawain. Sa oras na iyon, napaisip ako na noong nakaraan, sumalangsang ako sa aking tungkulin sa pamamagitan ng maluwag na pamamaraan na ginamit ko, kaya paano ako napuntang muli sa parehong kalagayan?
Kalaunan, nabasa ko ang salita ng Diyos: “Maraming tao sa Aking likuran ang nagnanasa sa mga pakinabang ng katayuan, nagpapakasasa sila sa pagkain, mahilig silang matulog at masusing pinangangalagaan ang laman, palaging natatakot na wala nang pag-asa para sa laman. Hindi nila ginagampanan ang kanilang nararapat na tungkulin sa iglesia, bagkus ay sinasamantala ang iglesia, o kaya ay pinagsasabihan ang kanilang mga kapatid gamit ang Aking mga salita, na pinipigilan ang iba mula sa mataas na posisyon. Palaging sinasabi ng mga taong ito na sumusunod sila sa kalooban ng Diyos at palaging sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba ito katawa-tawa? Kung ikaw ay may mga tamang motibasyon, ngunit hindi magawang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ikaw ay nagpapakahangal; ngunit kung ang iyong motibasyon ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay naglilingkod sa Diyos, ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at nararapat kang parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa mga ganoong tao! Sa sambahayan ng Diyos, nagsasamantala sila, palaging nag-iimbot ng mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi nilang hinahanap kung ano ang mabuti para sa kanila, at hindi nila iniintindi ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila matanggap ang pagsisiyasat ng Espiritu ng Diyos sa anumang ginagawa nila. Palagi silang baliko at mapanlinlang at mapandaya sa kanilang mga kapatid, na mga doble-kara, tulad ng isang soro sa ubasan, palaging nagnanakaw ng mga ubas at tinatapak-tapakan ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay angkop na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Hindi ka umaako ng pasanin para sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay angkop na tumanggap ng atas ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mas malaking gampanin? Hindi ba ito magdudulot ng mga pagkaantala sa gawain?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng mga Layunin ng Diyos). “Hindi mahalaga kung gaano ka kahusay, kung anong antas ng kakayahan at edukasyon ang taglay mo, kung gaano karaming sawikain ang kaya mong isigaw, o kung gaano karaming salita at doktrina ang naaarok mo; kung gaano ka man kaabala o kapagod sa isang araw, o kung gaano kalayo na ang iyong nalakbay, kung ilang iglesia na ang iyong binisita, o kung gaano kalaking panganib ang iyong hinarap at pagdurusang tiniis—wala sa mga ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay kung ginagampanan mo ba ang iyong gawain nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, kung tumpak mo bang naipatutupad ang mga pagsasaayos na iyon; kung sa ilalim ng iyong pamumuno ay nakikilahok ka ba sa bawat partikular na gawain na iyong responsabilidad, at kung ilang tunay na isyu ang talagang nalutas mo; kung ilang indibidwal ang nakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo dahil sa iyong pamumuno at paggabay, at kung gaano umusad at umunlad ang gawain ng iglesia—ang mahalaga ay kung nakamit mo ba o hindi ang mga resultang ito. Anuman ang partikular na gawaing kinabibilangan mo, ang mahalaga ay kung palagi ka bang sumusubaybay at nagdidirekta ng gawain sa halip na umaastang mataas at makapangyarihan at nag-uutos lamang. Bukod dito, ang mahalaga rin ay kung may buhay pagpasok ka ba o wala habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung kaya mo bang harapin ang mga usapin nang ayon sa mga prinsipyo, kung may patotoo ka ba ng pagsasagawa sa katotohanan, at kung kaya mo bang harapin at lutasin ang mga tunay na isyung kinakaharap ng mga hinirang na tao ng Diyos. Ang mga ganitong bagay at iba pang katulad nito ay pawang mga pamantayan sa pagsusuri kung tinutupad ba o hindi ng isang lider o manggagawa ang kanyang mga responsabilidad” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 9). Mula sa salita ng Diyos, nakita ko na labis Niyang kinapopootan at kinasusuklaman ang mga taong laging nag-iimbot ng mga benepisyo ng katayuan, tuso at madaya, at nagsasaalang-alang ng sarili nilang mga interes ng laman sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Ang ganoong uri ng tao ay hindi maaaring gumanap ng anumang positibong papel sa pagtataguyod ng gawain ng iglesia, at hindi rin nila kaagad matutuklasan at maitatama ang mga paglihis at mga puwang sa kanilang tungkulin. Ang pagiging iresponsable nila ay maaaring magdulot ng mga kawalan sa kanilang tungkulin, at makagambala at makagulo sa gawain ng iglesia. Ang mga ganitong tao ay lubos na walang sinseridad sa paggawa ng kanilang tungkulin, at hindi karapat-dapat na tumanggap ng atas ng Diyos. Kung hindi sila magsisisi, sa huli ay kamumuhian at ititiwalag sila ng Diyos! Bilang karagdagan, ang pamantayan ng Diyos sa pagsusukat ng mga lider at manggagawa ay hindi kung gaano karaming gawain ang kanilang ginagawa, o kung gaano karaming mga kalsada ang kanilang nilakbay, kundi kung gumagawa ba sila ng tunay na gawain o nagbubunga ng mga aktuwal na resulta sa paggawa sa kanilang tungkulin. Napahiya ako dahil sa paglalantad ng salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtatalaga sa akin sa paggawa ng mga video, binigyan ako ng iglesia ng isang mahalagang gawain, hiniling sa akin na magdala ng higit na pasanin, at itinaguyod at sinanay ako. Sa kabilang banda, hindi ko inako ang responsabilidad, at ayaw kong magdusa sa paggawa ng aking tungkulin. Nang medyo dumami ang gawain, inisip ko lang kung paano mababawasan ang paghihirap at pag-aalala ko. Natakot ako na mapagod sa mas maraming alalahanin. Nang tukuyin ng mga kapatid na sa paggawa ko ng aking tungkulin, hindi ako gumagawa ng aktuwal na gawain, naghanap ako nang naghanap ng lahat ng uri ng palusot para mapawalang-sala ang sarili ko. Ganito ang paglalarawan ng Diyos sa isang tulad ko: “Sa sambahayan ng Diyos, nagsasamantala sila, palaging nag-iimbot ng mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi nilang hinahanap kung ano ang mabuti para sa kanila.” Bilang isang superbisor, dapat kong subaybayan at i-monitor ang lahat ng gawain na nasa saklaw ng aking responsabilidad sa isang napapanahong paraan, at agad na lutasin ang mga paglihis at mga puwang na nakita ko upang matiyak ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Iyon ang aking tungkulin. Ngunit ako ay mapanlinlang, tuso, at umiiwas sa responsabilidad. Mayroon akong posisyon bilang isang superbisor ngunit hindi ako gumawa ng aktuwal na gawain, at hindi nagsubaybay sa mga detalye ng gawain. Bilang resulta, hindi ko agad nahanap o nalutas ang mga umiiral na problema ng grupo. Kaya hindi masyadong epektibo ang gawain, na nagkaroon ng negatibong epekto sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Paano iyon maituturing na paggawa ng aking tungkulin? Malinaw na iyon ay paghawak ng isang posisyon nang hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, na tahasang mapanlinlang. Masyado akong hindi mapagkakatiwalaan! Nagsaayos ang iglesia ng ilang gawain para sa akin at hiniling sa akin na maging responsable, pero maluwag ang naging pamamaraan ko. Hindi talaga ako karapat-dapat na gumawa ng ganoon kahalagang gawain. Kung palagi akong napakairesponsable sa aking tungkulin at hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, sa huli ay kamumuhian at ititiwalag ako ng Diyos! Natakot ako sa isiping iyon. Kaya’t nanalangin ako sa Diyos para hilingin sa Kanya na gabayan ako upang mabaliktad ko ang kalagayang ito. Nais kong maging tapat at tumuon sa aking gawain, at tuparin ang aking mga responsabilidad at tungkulin.
Kalaunan, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa sa salita ng Diyos: “Ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay kusang-loob na gumaganap ng kanilang mga tungkulin, nang hindi kinakalkula ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan. Kahit isa ka pang taong naghahangad sa katotohanan, dapat kang umasa sa iyong konsensiya at katwiran at talagang magsikap kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng talagang magsikap? Kung nasisiyahan ka na sa kaunting pagsisikap, at pagdanas ng kaunting hirap ng katawan, ngunit hindi mo talaga sineseryoso ang iyong tungkulin o hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, ito ay wala nang iba kundi pagiging pabasta-basta—hindi ito tunay na pagsisikap. Ang susi sa pagsisikap ay ibuhos mo ang puso mo roon, matakot sa Diyos sa puso mo, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, matakot na maghimagsik laban sa Diyos at masaktan ang Diyos, at dumanas ng anumang paghihirap para magampanan ang iyong tungkulin nang maayos at mapalugod ang Diyos: Kung mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso sa ganitong paraan, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kung walang takot sa Diyos sa puso mo, hindi ka magkakaroon ng pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka magkakaroon ng interes doon, at hindi mo maiiwasang maging pabasta-basta, at iraraos mo lang ang gawain, nang walang anumang tunay na epekto—na hindi pagganap ng isang tungkulin. Kung tunay kang may nadaramang pasanin, at pakiramdam mo ay personal na responsabilidad mo ang pagganap sa iyong tungkulin, at na kung hindi, hindi ka nararapat na mabuhay, at isa kang hayop, na magiging marapat ka lamang na matawag na isang tao kung gagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at kaya mong harapin ang sarili mong konsensiya—kung mayroon kang nadaramang ganitong pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin—magagawa mo ang lahat nang maingat, at magagawa mong hanapin ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at sa gayon ay magagawa mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at mapalulugod ang Diyos. Kung karapat-dapat ka sa misyong ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, at sa lahat ng isinakripisyo ng Diyos para sa iyo at sa Kanyang mga ekspektasyon mula sa iyo, kung gayon, ito ay tunay na pagsusumikap” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran). Matapos basahin ang salita ng Diyos, nakaramdam ako ng matinding kahihiyan. Sa loob ng maraming taon, nanampalataya ako sa Diyos at kumain at uminom ako ng marami sa Kanyang salita. Ngunit nang ang paggawa ng aking tungkulin ay nangailangan ng kaunti pang pagsisikap at pag-iisip dito nang higit pa, naisip ko na masyado itong nakakaabala at nakakapagod, kaya maluwag ang ginawa kong pamamaraan. Ako ay masyadong makasarili at tamad, ganap na walang sinseridad sa Diyos, at hindi ako nagdala ng tunay na pasanin sa paggawa ng aking tungkulin. Ako ay isang superbisor, ngunit hindi ko ginawa ang gawaing dapat gawin ng isang superbisor. Talagang isa iyong pagpapabaya sa tungkulin! Kahit ang isang aso ng pamilya ay kayang bantayan ang bahay at maging tapat at may debosyon sa may-ari nito. Isa akong nilikha, pero hindi ko ginampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Karapat-dapat ba akong tawaging tao? Naisip ko ang maraming kapatid sa iglesia na responsable sa mas maraming gawain kaysa sa akin. Taos-puso sila sa paggawa ng kanilang tungkulin, at kayang magdusa at magbayad ng halaga. Mas maraming oras ang ginugugol nila sa paggawa ng kanilang tungkulin, ngunit hindi ko kailanman nakitang bumagsak ang sinuman sa kanila dahil sa sobrang pagod. Sa halip, habang mas isinasaalang-alang nila ang layunin ng Diyos, mas lalo silang nag-aani, at mas lalong umuunlad ang kanilang buhay. Sa pagbabalik-tanaw, makatwiran ang dami ng aking gawain at tiyak na makakamit. Hangga’t handa akong maghimagsik laban sa laman, magdusa nang kaunti pa, at magbayad nang higit pang halaga, ganap na posibleng masubaybayan ang gawain ng bawat grupo. Pagkatapos niyon, inayos kong muli ang iskedyul ng gawain ko, sinubaybayan ko ang lahat ng responsabilidad ko batay sa bagong iskedyul, at walang mga pagkaantala sa gawain sa saklaw na pinangangasiwaan ko. Isang araw, nagbabasa ako ng mga mensahe ng grupo, at natuklasan ko ang ilang mga paglihis sa gawain ng isang grupo. Mabilis kong sinuri at ibinuod ang sitwasyon kasama ang lider ng grupo, at magkasama, nakahanap kami ng mga paraan upang malutas ang mga problema. Noong panahong iyon, naramdaman ko na ang paggawa ng aktuwal na gawain ay hindi nangangahulugan ng paggugol ng buong araw nang nakatitig lang sa mga tao sa grupo habang wala nang ibang ginagawa. Nangangailangan lang ito ng mas taos-pusong pagsusumikap. Matapos iyon, gumawa ako ng mga appointment sa bawat miyembro ng grupo upang malaman ang tungkol sa kanilang gawain, at muli akong nakatuklas ng ilang mga paglihis. Kaya ang lider ng grupo at ako ay nakipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga prinsipyo. Ang mga paglihis ay mabilis na naitama, at pagkatapos ay bumuti ang pagiging epektibo ng gawain. Bagama’t medyo naging abala ako nang mga araw na iyon, ang ganoong klase ng pagsasagawa ay nagpadama sa akin ng kapayapaan at kagaanan.
Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, mas naunawaan ko ang aking pagkamakasarili at katamaran. Nakita ko rin na ang pagiging iresponsable at pag-iimbot ng kaginhawaan ay hindi lamang nakakaantala sa pag-usad ng gawain, ngunit kapag seryoso, ay maaaring makagambala at makagulo sa gawain ng iglesia. Kaya hindi na ako maaaring gumawa sa maluwag na pamamaraan. Dapat kong pangasiwaan at subaybayan ang gawain nang madalas, at aktuwal na tukuyin at lutasin ang mga problema. Ang paggawa ng aking tungkulin sa ganoong paraan ay ang tanging paraan upang matamo ko ang magagandang resulta, at matugunan ko ang layunin ng Diyos.