88. Mga Prinsipyo Para sa Pakikisalamuha sa Iba
Noong Agosto 2022, nakipagtulungan ako kina Liu Xuan at Zhang Qi para gumawa ng mga video. Dahil bago ako sa paggawa ng video at hindi ko pa naaarok ang ilang prinsipyo, madalas akong tulungan ni Liu Xuan, ang lider ng pangkat. Halos magkakasing-edad kami at magkakapareho kami ng mga hilig, kaya mabilis kaming naging pamilyar sa isa’t isa at nagkaroon ng magandang ugnayan.
Minsan, nakaranas si Zhang Qi ng ilang komplikadong problema habang gumagawa ng isang video at humingi ng tulong kay Liu Xuan. Sinuri at tinalakay ni Liu Xuan ang mga problema sa kanya, pero nagkaroon pa rin ng ilang isyu ang natapos na video ni Zhang Qi. Pagkatapos ay sinabi ni Liu Xuan nang may paghamak, “Pinag-usapan na natin ito kahapon, pero gumawa ka pa rin ng ganitong video!” Nang makita ko na medyo napigilan si Zhang Qi at nanatili siyang nakayuko nang walang anumang sinasabi, inisip ko, “Masasaktan si Zhang Qi sa pamamaraan ni Liu Xuan. Dapat mahinahon tayong makipag-usap kapag nakakaranas tayo ng mga problema, na mas magdudulot ng mga pagpapabuti sa hinaharap.” Naisip kong banggitin ito kay Liu Xuan, pero nagdalawang-isip ako, iniisip, “Kung tatanggapin ito ni Liu Xuan, mabuti iyon. Ngunit kung hindi at sasagot siya, malalagay ako sa isang nakakaasiwang posisyon, magiging masyadong kahiya-hiya iyon para sa akin! Paano kung isipin ni Liu Xuan na kinakampihan ko si Zhang Qi at magsimula siyang ayawan ako? Paano ko siya pakikisamahan sa hinaharap? Hayaan ko na nga lang. Siguro ay mas mabuting huwag na lang magsabi ng anuman.” Kalaunan, napagtanto rin ni Liu Xuan na nagbunyag siya ng isang mapagmataas na disposisyon, pero nagbigay lamang siya ng simpleng pagkilala nang hindi tunay na nauunawaan ang sarili niya. Naisip kong makipagbahaginan sa kanya, ngunit nagdalawang-isip ulit ako noong nasa dulo na ng dila ko ang mga salita: “Inamin na niyang naging mapagmataas siya. Kung tutukuyin ko itong muli at makikipagbahaginan ako sa kanya, iisipin ba niyang masyadong malaki ang mga hinihingi ko sa kanya? Paano kung magkaroon siya ng pagkiling laban sa akin? Mabuti pang hayaan ko na lang.” Kaya naman, lumipas nang ganoon ang usapin. May isa pang pagkakataon kung kailan ang pangkat namin ay gumawa ng isang video na hindi pasok sa pamantayan. Bilang lider ng pangkat, hindi kami pinamunuan ni Liu Xuan sa pagsisiyasat ng sanhi. Pagkalipas ng ilang araw, nagsagawa ang mga kapatid ng isang pagsusuri at pakikipag-usap sa amin batay sa mga prinsipyo. Saka ko lamang napagtanto kung nasaan ang problema. Iminungkahi ko na magmadali kaming aralin ang aspektong ito ng mga teknikal na kasanayan. Gayumpaman, hindi ito sineryoso ni Liu Xuan, sinasabing napag-aralan na niya noon ang aspektong ito ng mga teknikal na kasanayan at alam na niya ito, kaya hindi siya nag-organisa para matuto kami ng tungkol dito. Napansin ko ang kaswal na saloobin ni Liu Xuan sa teknikal na pag-aaral. Malinaw na hindi siya bihasa pero kampante at hindi siya handang matuto. At bilang lider ng pangkat, hindi niya ibinuod ang mga paglihis. Ginusto ko siyang kausapin tungkol sa mga problema niya, pero naisip ko, “Makakaramdam ba ng kahihiyan si Liu Xuan kung sasabihin ko ito? Paano kung masaktan ko ang pride niya at magkaroon siya ng pagkiling laban sa akin?” Kaya, wala akong anumang sinabi sa kanya at nanatili akong tahimik muli. Kalaunan, nang magtanong ang superbisor namin tungkol sa kalagayan ko, ginusto kong isulat ang mga bagay na ito sa kanya. Ngunit nag-alala ako, “Kung makita ito ni Liu Xuan, sasabihin ba niya na sinaksak ko siya nang patalikod sa halip na tukuyin ang mga problema niya sa kanya nang harap-harapan, at na sinamantala ko ang pagsusulat tungkol sa kalagayan ko para iulat ang mga problema niya? Kung may mga negatibong opinyon si Liu Xuan tungkol sa akin, paano ko siya pakikisamahan sa hinaharap?” Dahil sa mga alalahaning ito, hindi ko na ibinanggit ang anumang mga isyu ni Liu Xuan. Sa panlabas, magkasama kami ni Liu Xuan na nag-uusap at nagtatawanan, ngunit tuwing kailangan kong tukuyin ang mga problema niya, palagi akong nag-aalinlangan sa tugon niya. Kahit na kapag nakita ko nang malinaw ang mga problema niya, hindi ako naglakas-loob na magsalita nang matapat. Napakamiserable at sobrang nakakasakal! Sa panahon na iyon, madalas akong magdasal sa Diyos, humihingi ng Kanyang kaliwanagan at paggabay para maunawaan ang sarili ko at makaalpas mula sa mga gapos ng tiwaling disposisyon ko.
Isang araw, habang nag-uusap tungkol sa mga kalagayan namin, binanggit ni Liu Xuan na wala kaming tunay na pakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Pinuna niya na may tendensiya akong maging mapagpalugod ng mga tao, sinasabi na bihira kong banggitin ang mga problema niya kahit na nakita ko na ang mga ito. Sinabi niyang kinailangan niya rin ng pagwasto at pagtulong mula sa iba, at habang nagsasalita siya, malungkot siyang umiiyak. Nang marinig ang mga salita ni Liu Xuan, nakaramdam ako ng matinding paninisi sa sarili at pasakit. Lumabas na sa mata niya, labis akong mapagpalugod ng mga tao, at hindi siya ganoon kamapanlaban sa katotohanan gaya ng inakala ko sa kanya. Bakit hindi ko nagawang makapagsabi ng isang salita para tukuyin o ilantad ang mga problema niya? Kumain at uminom ako ng mga salita ng Diyos na nakatuon sa problemang ito. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag nakikipag-ugnayan ka sa mga kapatid, dapat mong ilahad ang puso mo sa kanila at magtapat sa kanila para maging kapaki-pakinabang ito sa iyo. Kapag gumagampan ka sa iyong tungkulin, mas lalong mahalaga na ilahad mo ang iyong puso at magtapat sa mga tao; saka lamang kayo magkasamang makagagawa nang maayos. … Kung minsan, kapag nag-uugnayan ang dalawang tao, hindi nagtutugma ang kanilang mga personalidad, o hindi nagtutugma ang mga kapaligiran, karanasan o kalagayang pang-ekonomiya ng mga pamilya nila. Gayunman, kung kayang ilahad ng dalawang taong iyon ang kanilang puso sa isa’t isa at magiging lubos na bukas tungkol sa kanilang mga suliranin, at makikipag-usap nang walang kasinungalingan o panlilinlang, at magagawang ipakita ang kanilang puso sa isa’t isa, sa ganitong paraan, sila ay magiging tunay na magkaibigan, na ang ibig sabihin ay magiging matalik na magkaibigan sila. Marahil, kapag iyong isang tao ay nahihirapan, ikaw ang hahanapin niya at wala nang iba, at tanging ikaw ang pagkakatiwalaan niya na makakatulong sa kanya. Kahit na pagsabihan mo siya, hindi siya makikipagtalo, dahil alam niyang isa kang matapat na tao na may pusong taos. Pinagkakatiwalaan ka niya, kaya anuman ang sabihin mo o paano mo man siya tratuhin, makakaunawa siya. Kaya ba ninyong maging ganitong mga tao? Kayo ba ay ganitong mga tao? Kung hindi, hindi ka matapat na tao. Kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, kailangan mo munang ipakita sa kanila ang iyong tunay na nararamdaman at ang iyong katapatan. Kung, habang nagsasalita at nakikipagtulungan at nakikipag-ugnayan sa iba, ang mga salita ng isang tao ay pabasta-basta, mabulaklak, kaaya-aya ngunit mababaw, pambobola, hindi responsable, at kathang-isip, o kung nagsasalita lamang siya upang makakuha ng pabor sa iba, ang kanyang mga salita ay walang anumang kredibilidad, at hindi siya tapat ni bahagya. Ito ang paraan niya ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao, maging sinuman ang mga ibang taong iyon. Ang gayong tao ay walang matapat na puso. Ang taong ito ay hindi matapat” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kahit na nakita ko si Liu Xuan na pinipigilan ang iba gamit ang mapagmataas niyang disposisyon at tinatrato ang teknikal na pag-aaral nang may kaswal na saloobin, wala akong anumang sinabi para iwasto o tulungan siya. Ito ay dahil sa mapanlinlang kong kalikasan at labis na pagkamaingat sa iba. Nag-alala ako na kung hindi tanggapin ni Liu Xuan ang mga mungkahi ko at magkaroon siya ng pagkiling laban sa akin, sisirain nito ang ugnayan naming dalawa. Kung babalikan, kadalasan kapag nakikita ni Liu Xuan ang mga problema ko, hayagan niyang tinutukoy ang mga ito, na isang tunay na tulong para sa akin. Pero masyado akong naging mapagbantay laban sa kanya. Kahit na natukoy ko ang mga problema niya, hindi ko kailanman ibinahagi o tinukoy ang mga ito, nagbabalatkayo lang nang walang anumang sinseridad. Napakamapanlinlang ko! Akala ko, ang pagtukoy sa mga problema ng iba ay nakakasama ng loob at nakakasakit sa kanila, pero mali ang pananaw na ito. Sa katunayan, kapag nakikita natin ang ibang mga tao na nagbubunyag ng mga katiwalian nila, dapat lang tayong maging matapat at buksan ang puso natin sa kanila, at tukuyin natin agad ang mga problema nila. Makakatulong ito sa kanila na pagnilayan ang sarili nila at ituwid ang mga paglihis, at maiiwasan din ang mga kawalan sa gawain ng iglesia. Isa itong paraan ng pagtulong sa iba. Napagtanto ko na ang mga pananaw ko sa mga bagay-bagay ay ganap na baluktot at talagang hindi umaayon sa katotohanan. Kalaunan, ibinahagi ko kay Liu Xuan ang mga problema niya na nakita ko. Sumulat din ang superbisor para ibahagi na tulungan si Liu Xuan.
Makalipas ang ilang panahon, nagsimulang magkaroon si Liu Xuan ng kaunting pagkaunawa sa kanyang mapagmataas na disposisyon at nagkusang pamunuan kami sa pag-aaral ng mga teknikal na kasanayan. Nag-ibayo rin ang kahusayan ng mga tungkulin namin. Nang makita ang mga resultang ito, nakaramdam ako ng matinding kahihiyan at paninisi sa sarili. Kung nagsalita sana ako nang mas maaga, maaaring nakilala ni Liu Xuan ang mga problema niya nang mas maaga, na makabubuti kapwa sa matiwasay na pakikipagtulungan at pakikipag-usap tungkol sa mga teknikal na kasanayan. Nang may pagsisisi, nagnilay-nilay at nag-isip-isip ako: Bakit sa tuwing natutukoy ko ang mga problema ng iba, hindi ko magawang magsalita, kahit na nasa dulo na ng dila ko ang mga salita? Anong tiwaling disposisyon ang kumokontrol sa akin nang palihim? Isang araw, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag hindi umaako ng responsabilidad ang mga tao sa kanilang mga tungkulin, kapag ginagawa nila ang mga ito nang pabasta-basta, kapag kumikilos sila na parang mga mapagpalugod ng mga tao, at hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, anong disposisyon ito? Ito ay katusuhan, ito ay disposisyon ni Satanas. Ang pinakakapansin-pansing aspekto sa mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo ay ang katusuhan. Iniisip ng mga tao na kung hindi sila tuso, malamang na masasaktan nila ang damdamin ng iba at hindi nila mapoprotektahan ang kanilang mga sarili; iniisip nila na kailangan nilang maging sapat na tuso upang hindi makapanakit o makapagpasama ng loob ninuman, nang sa gayon ay mapananatili nilang ligtas ang kanilang mga sarili, mapangangalagaan nila ang kanilang mga kabuhayan at magkakaroon sila ng matatag na katayuan sa ibang mga tao. Ang mga walang pananampalataya ay namumuhay lahat ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Silang lahat ay mga mapagpalugod ng mga tao at hindi nila pinapasama ang loob ng sinuman. Narito ka na sa sambahayan ng Diyos, nabasa mo na ang salita ng Diyos, at nakinig ka na sa mga sermon ng sambahayan ng Diyos, kaya bakit hindi mo maisagawa ang katotohanan, bakit hindi ka makapagsalita mula sa puso, at maging matapat na tao? Bakit lagi kang mapagpalugod ng mga tao? Pinoprotektahan lang ng mga mapagpalugod ng mga tao ang sarili nilang mga interes, at hindi ang mga interes ng iglesia. Kapag may nakikita silang isang taong gumagawa ng masama at pumipinsala sa mga interes ng iglesia, hindi nila ito pinapansin. Mahilig silang maging mapagpalugod ng mga tao, at ayaw nilang makapagpasama ng loob ng sinuman. Iresponsable ito, at ang ganoong uri ng tao ay masyadong tuso at hindi mapagkakatiwalaan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Kung titingnan, parang napakabait, edukado, at kagalang-galang ng mga salita ng mga anticristo. Kahit sino pa ang lumabag sa prinsipyo o gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia, hindi inilalantad o pinupuna ng mga anticristo ang mga taong ito; nagbubulag-bulagan sila, pinapaniwala ang mga tao na mapagbigay sila sa lahat ng bagay. Anumang mga katiwaliang ipinapakita ng mga tao o kasamaang ginagawa nila, maunawain at matiisin ang anticristo. Hindi siya nagagalit, o nagwawala, hindi siya maiinis at maninisi ng mga tao kapag gumagawa ang mga ito ng mali at napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sinuman ang gumagawa ng masama at nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi niya pinapansin, na para bang wala itong kinalaman sa kanya, at hinding-hindi niya pasasamain ang loob ng mga tao dahil dito. Ano ba ang ipinag-aalala nang husto ng mga anticristo? Kung ilang tao ang nagpapahalaga sa kanila, at kung ilang tao ang nakakakita sa kanila kapag nagdurusa sila, at pumupuri sa kanila dahil dito. Naniniwala ang mga anticristo na ang pagdurusa ay hinding-hindi dapat walang kapalit; anumang paghihirap ang kanilang tinitiis, anumang halaga ang kanilang binabayaran, anumang mabubuting gawa ang kanilang ginagawa, gaano man sila mapagmalasakit, mapagpaubaya, at mapagmahal sa iba, dapat isagawa ang lahat ng ito sa harap ng iba para mas maraming tao ang makakita nito. At ano ang layon nila sa pagkilos nang ganito? Upang makuha ang loob ng mga tao, upang mapasang-ayon ang mas maraming tao sa kanilang mga kilos, sa kanilang asal, at sa kanilang karakter sa puso ng mga ito, inaaprubahan sila. May mga anticristo pa nga na nagsisikap magtatag ng isang imahe ng kanilang sarili bilang ‘isang mabuting tao’ sa pamamagitan ng panlabas na mabuting pag-uugaling ito, para mas maraming tao ang lumapit sa kanila para humingi ng tulong” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Ibinubunyag nang napakalinaw ng mga salita ng Diyos ang katotohanan! Para sa mga taong may mga mapanlinlang at tusong disposisyon, kapag nakikita nila ang iba na nagbubunyag ng mga katiwalian o nanggagambala sa gawain ng iglesia, hindi nila kailanman tinutukoy ito at inilalantad ang mga ito. Sa panlabas, mukha silang mapagparaya at mapagpasensiya, pero ang tunay nilang layon ay ang gamitin ang panlabas na kabaitan para isipin ng iba na mapagmahal at may pagsasaalang-alang sila, kaya nakukuha nila ang loob ng mga tao at nabibili nila ang pabor ng mga ito. Lubhang buktot ang kanilang kalikasan. Katulad ko, nang makita ko si Liu Xuan na hinamak at pinigilan si Zhang Qi, at makita na si Liu Xuan, bilang lider ng pangkat namin, ay nabigong mag-organisa ng teknikal na pag-aaral at naantala niya ang gawain, ginusto kong tukuyin ang mga problema niya. Pero nilunok ko ang mga salita ko noong nasa dulo na ng dila ko ang mga ito, nag-aalala na maaaring hindi tanggapin ni Liu Xuan at magkakaroon siya ng pagkiling laban sa akin, na magpapahirap sa mga pakikisalamuha namin sa hinaharap. Kaya, nanatili akong tahimik. Kahit na noong nagsusulat ako tungkol sa kalagayan ko, natakot akong kapag nakita ito ni Liu Xuan, maaari niyang isipin na iniuulat ko ang mga problema niya habang nakatalikod siya, kaya iniwasan kong banggitin siya. Sa panlabas, hindi ko napasama ang loob ng sinuman at nagmukha akong magiliw, ngunit ang tunay kong layunin ay ang panatilihin ang isang magandang ugnayan kay Liu Xuan. Para mapanatili ang isang positibong imahe sa isipan niya, hindi ko nagawang magsabi ng anumang tunay na matapat o nakabubuti. Hindi ko isinaalang-alang kung magdurusa ba ang buhay pagpasok ng mga kapatid o kung maaantala ba ang gawain ng iglesia dahil dito. Napakamakasarili, kasuklam-suklam, tuso at mapanlinlang ko! Tunay na ganap akong mapagpalugod ng mga tao! Paanong hindi ako kamumuhian at kapopootan ng Diyos?
Kalaunan, nabasa ko ang marami pang mga salita ng Diyos: “May isang doktrina sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para maingatan ang isang pagkakaibigan, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon—na dapat niyang sundin ang mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Lilinlangin nila ang isa’t isa, pagtataguan ang isa’t isa, iintrigahin ang isa’t isa; at bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para maingatan ang kanilang maayos na samahan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Batay rito, kung ganoon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing relasyong panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga relasyong panlipunan, hindi naihahandog ng mga tao ang kanilang damdamin, ni wala silang malalalim na pag-uusap, ni sinasabi ang anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa isa’t isa, o ang mga salitang makakatulong sa isa’t isa. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para patuloy silang magustuhan ng iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, dahil baka maging sanhi pa ito para mapoot sa kanila ang iba. Kapag walang sinumang banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at payapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang tuso at mapanlinlang na paraan ng pag-iral, na may elemento ng pagtatanggol sa sarili, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Ang mga taong ganito ang pamumuhay ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Maingat sila laban sa isa’t isa, sinasamantala nila ang isa’t isa at iniisahan ang isa’t isa, kinukuha ang kailangan nila mula sa relasyon. Hindi ba’t ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pamiminsala sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan. Kung titingnan ang ilang aspektong ito ng diwa nito, marangal ba na igiit sa wastong asal ng mga tao na, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na kailangan ay hindi mo mapasama ang loob o masaktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; at gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan: Mula sa pagiging mabuti at matalik mong kaibigan ay magiging estranghero siya o isang kaaway. Anong mga problema ang malulutas ng pagtuturo sa mga tao na kumilos nang ganito? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba dito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong nakakamit ang pamantayan para sa wastong asal? Sa pinakamainam, hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga kasabihan gaya ng, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” “Sumambit ng mabubuting salita na umaayon sa mga damdamin at katwiran ng iba, dahil naiinis ang iba sa pagiging prangka,” at “Kapag alam mong may mali, mas mabuti pang tumahimik na lang,” ay mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Ikinikintal ni Satanas ang mga ideyang ito sa mga tao, pinapaniwala sila na para makapanindigan sa lipunan, dapat nilang mapanatili ang mga ugnayan sa mga tao, palaging iwasang ipahiya ang iba, at maging tuso at mapagpalugod ng mga tao. Kung hindi, mabubukod sila. Kapag umasa ang mga tao sa mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo upang makisalamuha sa iba, nagiging mapaghinala at mapagbantay sila sa isa’t isa. Palagi nilang sinusuri ang tono at mga asal ng iba kapag nagsasalita o gumagawa ang mga ito ng mga bagay-bagay, kumikilos sa isang paraan sa panlabas habang itinatago ang tunay nilang mga iniisip. Hindi sila kailanman nagsasabi ng mga matapat o taos-pusong salita, nagiging lalong mapagpaimbabaw at buktot, namumuhay nang walang dignidad o integridad. Noon pa man ay natatakot na akong tukuyin ang mga problema ni Liu Xuan dahil lamang naimpluwensiyahan ako ng mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na ito. Naniwala ako na para mapanatili ang magagandang ugnayan sa mga tao at masiguro ang lugar ko kasama sila, kinailangan kong maging maingat sa mga salita at kilos ko, hindi kailanman nagsasabi ng anumang bagay na hindi magugustuhan ng iba o tinutukoy ang kanilang mga pagkukulang at kapintasan. Akala ko ay kailangan kong iiwas ang iba sa kahihiyan. Kung hindi, mapasasama ko ang loob nila at makakaaway ko sila. Bago manampalataya sa Diyos, nakisalamuha ako sa mga tao sa ganitong paraan— palaging maingat, sinusuri ang tono at mga asal ng iba, at mapaghinala at mapagbantay laban sa iba. Kahit na sa pinakamalapit na pamilya o pinakamatatalik na kaibigan ko, hindi ko tinutukoy ang kanilang mga problema sa takot na hindi magustuhan at mabukod. Bagaman sinabi ng mga tao na mabait ako, ang totoo, namumuhay ako ng sobrang nakakapagod na buhay. Pagkatapos manampalataya sa Diyos, patuloy akong nakisalamuha sa mga kapatid sa parehong paraan, nang hindi taos-puso. Malinaw kong nakita ang mga isyu ni Liu Xuan, pero para mapanatili ang ugnayan ko sa kanya, hindi ko kailanman tinukoy ang mga ito sa kanya at itinago ko lang ang mga tunay kong iniisip sa sarili ko. Sa panlabas, nakakasundo ko siya at walang anumang hindi namin puwedeng pag-usapan. Sa pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiyang ito, tinahak ko ang gitnang landas, sinusubukang huwag mapasama ang loob ng sinuman, palaging sinusuri ang tono at mga asal ng iba sa pakikisalamuha ko sa kanila. Hindi lamang nito napinsala si Liu Xuan at naantala ang gawain, kundi nakaramdam din ako ng pagkakasakal at pagkamiserable. Sa huli, itataboy at ititiwalag lang ako ng Diyos. Gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Umaasa Siyang magagawa nating makisalamuha sa iba nang bukas at taos-puso, ibinabahagi ang puso natin sa isa’t isa. Mas pinipili rin ng mga naghahangad sa katotohanan na makihalubilo sa matatapat na tao. Ang pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya ay maaaring pansamantalang makatulong na mapanatili ang mga ugnayan sa mga tao, ngunit talagang hindi ito maitataguyod. Sa huli, ang gayong mga tao ay kikilatisin at itatakwil ng mga naghahangad at nagmamahal sa katotohanan. Sa pag-asa sa ganitong mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, hindi lamang ako nabigong mapanatili ang ugnayan ko kay Liu Xuan, kundi nawala ko rin ang tiwala niya sa akin. Sa huli, tinawag niya akong mapagpalugod ng mga tao, sinasabing hindi ako taos-puso sa mga pakikisalamuha ko sa iba. Sa pagninilay-nilay ko rito, napagtanto ko kung gaano ako kahangal para gamitin ang mga satanikong pilosopiyang ito bilang paraan ko ng pakikitungo sa mundo. Nakita ko kung gaano kalalim akong ginawang tiwali ni Satanas at napagtanto ko na talagang kailangan ko ang kaligtasan ng Diyos. Nagpasya akong itigil ang pamumuhay ng gayong makasarili at mapanlinlang na buhay.
Kalaunan, nagsimula akong mag-isip-isip: Paano ako dapat makisama sa iba? Paano dapat ako magsalita at kumilos para umayon sa layunin ng Diyos? Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ba dapat ang batayan ng pananalita at mga pagkilos ng mga tao? Mga salita ng Diyos. Kung gayon, ano ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa pananalita ng mga tao? (Na dapat makatulong ito sa mga tao.) Tama iyan. Ang pinakamahalaga, dapat sabihin mo ang totoo, magsalita ka nang matapat, at maging kapaki-pakinabang sa iba. Kahit paano, ang pananalita mo ay dapat nakakapagpalinaw sa mga tao, at hindi niloloko, inililigaw, pinagtatawanan, tinutudyo, nililibak, tinutuya, hinihigpitan sila, inilalantad ang mga kahinaan nila, o sinasaktan sila. Ito ang pagpapahayag ng normal na pagkatao. Ito ang kabutihan ng pagkatao. … paano ipinapahayag ang nakakatulong na pananalita? Ito ay pangunahing nanghihikayat, nagtuturo, gumagabay, nagpapayo, umuunawa, at nagpapanatag. Isa pa, sa ilang natatanging pagkakataon, kinakailangan na direktang ibunyag ang mga kamalian ng ibang tao at pungusan sila, upang magtamo sila ng kaalaman sa katotohanan at kagustuhang magsisi. Saka lang makakamtan ang nararapat na epekto. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay tunay na kapaki-pakinabang sa mga tao. Tunay na tulong ito sa kanila, at mapakikinabangan nila ito, hindi ba? Sabihin natin, halimbawa, na napakasutil at napakayabang mo. Hindi mo ito namalayan kahit kailan, ngunit lumitaw ang isang taong lubos na nakakakilala sa iyo at sinabi niya sa iyo ang problema. Iniisip mo sa sarili mo, ‘Sutil ba ako? Mayabang ba ako? Wala nang ibang nangahas na sabihin iyon sa akin, ngunit nauunawaan niya ako. Kung nasabi niya ang gayong bagay, nagpapahiwatig iyon na talagang totoo iyon. Kailangan kong gumugol ng kaunting panahon para pagnilayan ito.’ Pagkatapos niyon sasabihin mo sa taong iyon, ‘Magagandang bagay lamang ang sinasabi ng ibang mga tao sa akin, pinupuri nila ako nang husto, walang sinumang nakikipag-usap sa akin nang masinsinan kahit kailan, wala pang sinumang bumanggit ng mga pagkukulang at isyung ito sa akin. Ikaw lamang ang nakapagsabi niyon sa akin, na kumausap sa akin nang masinsinan. Napakagaling niyon, napakalaking tulong sa akin.’ Pag-uusap ito nang puso-sa-puso, hindi ba? Paunti-unti, sinasabi sa iyo ng taong iyon ang nasa isip niya, ang mga naiisip niya tungkol sa iyo, at ang kanyang mga karanasan kung paano siya nagkaroon ng mga kuru-kuro, imahinasyon, pagkanegatibo at kahinaan tungkol sa bagay na ito, at nagawang takasan iyon sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Ito ay pag-uusap nang puso-sa-puso; ito ay pagniniig ng mga kaluluwa. At ano, sa kabuuan, ang prinsipyo sa likod ng pagsasalita? Ito iyon: Sabihin ang nasa puso mo, at banggitin ang mga tunay na karanasan mo at kung ano talaga ang iniisip mo. Ang mga salitang ito ang may pinakamalaking pakinabang sa mga tao, tinutustusan ng mga ito ang mga tao, tinutulungan sila ng mga ito, ang mga ito ang mga pinakapositibong salita” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (3)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para makapagtatag ng normal na ugnayan sa mga tao, dapat kong tratuhin ang iba ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Kapag nakita ko ang isang tao na nagbubunyag ng katiwalian, humahadlang sa gawain, o kumikilos laban sa mga prinsipyo, dapat ko itong tukuyin kaagad. Makabubuti ito kapwa sa gawain at sa buhay pagpasok ng taong iyon. Sa pamamagitan lamang ng pag-asal ko sa ganitong paraan maitataguyod ko ang mga prinsipyo at makakapamuhay ako nang bukas at matapat, at magkakaroon ako ng pagkatao at pagpapahalaga sa katarungan. Minsan, kahit na hindi ito matanggap kaagad ng mga tao, kung hahangarin nila ang katotohanan, hahanapin nila ang katotohanan at pagninilayan ang kanilang sarili pagkatapos. Hindi sila makakaramdam ng pagkasuklam o pagtatakwil, kundi magpapasalamat sila sa akin dahil sa tulong ko. Kung hindi nila hahangarin ang katotohanan o tatanggapin ang katotohanan, ibubunyag din niyon ang kanilang sarili at makakatulong iyon sa akin na magkaroon ng kaunting pagkilatis. Hindi ako dapat magtuon lamang sa pag-iwas sa kahihiyan. Ang dapat kong alalahanin ay ang saloobin ng Diyos sa akin, kung nakalulugod ba sa Diyos ang mga kilos ko, at kung sumusunod ba ako sa mga prinsipyo at tinatrato ko ba ang mga tao ayon sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Sa pagninilay-nilay sa nakaraan, palagi akong nakikisalamuha sa mga tao batay sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Patuloy na pinipigilan ang mga salita at kilos ko, at namuhay ako sa kalagayan ng panunupil nang walang anumang kaginhawahan. Sa ganitong paraan, hindi ko kailanman makakamit ang katotohanan, habambuhay na nakagapos at inaalipin ni Satanas. Sa puntong ito, naunawaan ko na dapat kong tratuhin ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, makisalamuha sa mga tao nang diretsahan at matapat, magsalita mula sa puso ko, at magsabi ng mga bagay na nakabubuti sa iba. Pinupungusan ko man ang iba, pinagsasabihan ang iba, o mahinahon akong nakikipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, dapat ko silang harapin gamit ang matapat kong puso. Sa ganitong paraan, maaaring maging normal at matatag ang mga ugnayan ko sa iba, at maaalis ko ang aking panunupil at makakamit ang pag-alpas at kalayaan.
Kalaunan, nang pag-usapan namin ang ilang isyu sa mga video namin, ibinahagi lang ni Liu Xuan ang mga opinyon niya sa tuwing tinutukoy niya ang mga problema ng iba. Bihira siyang magbahagi tungkol sa mga prinsipyo. Sa mga pagtitipon, madalang siyang maging bukas tungkol sa mga katiwaliang ibinunyag niya, at bihira siyang maging bukas sa amin tungkol sa mga problemang naranasan niya sa kanyang gawain. Dahil dito, naisip ng iba na mayroon siyang tayog at kakayahan sa gawain bago nila ito malaman, at nagdulot sa kanila na tingalain siya. Naramdaman ko na nakapipinsala ito sa lahat ng tao at ginusto kong sabihin ito sa kanya. Pero nang magsasalita na ako, nagdalawang-isip ako, iniisip ko, “Kung sasabihin ko ito, sasama ba ang loob ni Liu Xuan? Kung may epekto ito sa ugnayan naming dalawa, pahihirapan ba nito ang mga pakikitungo namin sa isa’t isa sa hinaharap?” Napagtanto ko na muli akong magiging mapagpalugod ng mga tao para mapanatili ang ugnayan sa iba. Kaya, agad akong nagdasal sa Diyos, humihingi ng lakas para maisagawa ang katotohanan at maghimagsik laban sa sarili ko. Pagkatapos magdasal, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung ang lahat ay nagsasalita tungkol sa kaalaman sa doktrina o teorya, ngunit walang sinasabi tungkol sa kaalamang natamo nila mula sa aktwal na mga karanasan; at kung, kapag nagbabahagi ng katotohanan, iniiwasan nilang pag-usapan ang mga personal nilang buhay, ang mga problema nila sa tunay na buhay, at ang mga sarili nilang panloob na mundo, paano magkakaroon ng tunay na pag-uusap? Paano magkakaroon ng tunay na pagtitiwala? … Kung walang pasalita o espirituwal na pakikipag-usap, kung gayon ay walang anumang posibilidad na maging matalik sila sa isa’t isa, at hindi nila magagawang tustusan ang isa’t isa o tulungan ang isa’t isa. Naranasan na ninyo ito noon, hindi ba? Kung ipinagtatapat ng iyong kaibigan ang lahat ng bagay sa iyo, sinasabi ang lahat ng kanyang iniisip at anumang pagdurusa o kaligayahan na kinikimkim niya, hindi ba’t mararamdaman mong malapit na malapit ka sa kanya? Ang dahilan kung bakit handa siyang sabihin sa iyo ang mga bagay na ito ay dahil ipinagtapat mo rin ang mga pinakatatago mong saloobin sa kanya. Malapit na malapit kayo sa isa’t isa, at dahil dito ay labis kayong nagkakasundo at nakapagtutulungan. Kung wala ang ganitong uri ng pag-uusap at palitan sa pagitan ng mga kapatid sa iglesia, hindi sila magkakasundo, at magiging imposible para sa kanila na magtulungan nang maayos habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Iyon ang dahilan kung bakit kinakailangan ng espirituwal na pag-uusap, at ng kakayahang magsalita nang mula sa puso sa pagbabahaginan ng katotohanan. Isa ito sa mga prinsipyong kailangang taglayin ng isang tao upang maging matapat na tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). Ginising ako ng mga salita ng Diyos. Naisip ko ang tungkol sa kung paanong sa pamamagitan ng pakikisalamuha kay Liu Xuan batay sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, hindi ko kailanman binuksan nang tunay ang puso ko sa kanya o tinulungan siya, at hindi ko kailanman ibinahagi o tinukoy ang mga isyu niya, at ang idinulot ko sa kanya ay panlilinlang at pinsala, na naging sanhi ng hindi pagkagusto sa akin ng mga tao at ng pagkasuklam sa akin ng Diyos. Napagtanto ko na hindi na ako maaaring magpatuloy sa pagiging isang makasarili at mapanlinlang na mapagpalugod ng mga tao, at na kailangan kong maging isang matapat na tao ayon sa mga salita ng Diyos at magsalita tungkol sa mga isyung nakikita ko. Kinabukasan, nang mag-usap-usap kami tungkol sa aming mga kalagayan, tinukoy ko kay Liu Xuan na hindi siya kailanman naging bukas tungkol sa mga katiwalian niya, na hindi siya nakatuon sa paggabay sa lahat ng tao sa mga prinsipyo sa aming mga tungkulin, at na maaari itong madaling humantong sa pagtingala ng iba sa kanya. Samantala, binalaan ko siya na ang paggawa ng mga tungkulin sa ganitong paraan ay hindi ang tamang landas na dapat tahakin. Pagkatapos makinig, napagtanto ni Liu Xuan ang kabigatan ng problema niya, handang hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang kanyang sarili. Kalaunan, natuto si Liu Xuan mula sa karanasang ito. Nagsimula siyang mas magtuon sa pakikipag-usap sa amin tungkol sa mga prinsipyo, at madalas na siyang maging bukas tungkol sa kanyang mga katiwalian. Hindi nasira ang ugnayan namin dahil dito. Sa halip, naging mas malapit pa kami sa isa’t isa. Minsan, kapag hindi ko makilatis ang sarili kong kalagayan, ang pakikipag-usap tungkol dito kay Liu Xuan ay nakakatulong sa akin na magkamit ng kaunting pagkaunawa sa aking sarili. Nadama ko nang tunay na ang pakikisama sa mga tao at pagbubukas ng puso ko sa iba ayon sa mga salita ng Diyos ay hindi lamang nakatulong sa iba kundi nakabuti rin sa akin. Sa panahong iyon, nakausad kami kapwa sa buhay pagpasok namin at sa mga teknikal na kasanayan namin. Bumuti rin ang pagkaepektibo ng mga tungkulin namin, at talagang naramdaman namin ang paggabay ng Diyos. Sa pagninilay-nilay sa nakaraan, dahil sa pakikisama kay Liu Xuan batay sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, naging masyadong masakit at nakakapagod ang buhay ko. Hindi ko rin natupad ang mga responsabilidad ko na panatilihin ang gawain ng iglesia. Kung ikukumpara iyon sa ngayon, kapag nagiging isang matapat na tao ayon sa salita ng Diyos at nagsasalita mula sa puso ko, nararamdaman ko ang paggabay ng Diyos at nakararanas ako ng kaginhawahan at kalayaan sa puso ko. Mayroong tamis at kagalakan na mahirap ilarawan. Nauunawaan ko rin na ang mga normal na ugnayan sa pagitan ng mga kapatid ay dapat walang paghihinala o mga hadlang. Dapat nating tratuhin ang isa’t isa nang may sinseridad, at tulungan at suportahan ang isa’t isa sa buhay pagpasok at mga tungkulin. Nakabubuti ito sa iba, sa atin, at sa gawain ng iglesia. Ang salita ng Diyos ang nagturo sa akin kung paano makisama sa iba, at tunay akong nagpapasalamat sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko.