13. Hindi Ko na Itinataas at Ipinagmamarangya ang Aking Sarili
Noong 2021, naging superbisor ako ng gawain ng ebanghelyo. Dahil may kaunting karanasan ako noon sa pangangaral ng ebanghelyo, at nagkaroon ako ng ilang resulta rito, inisip ko na magiging angkop ako para sa tungkuling ito. Nakita ko ang ilang kapatid na nagsisimula pa lang sa pagsasanay sa pangangaral ng ebanghelyo, kaya ginabayan at tinulungan ko sila. Sa gulat ko, matapos akong magbahagi ng ilang kaugnay na katotohanan tungkol sa ilang kuru-kurong panrelihiyon, sinimulan akong purihin ng mga kapatid, sinasabi na malinaw akong magsalita at madaling maintindihan. Naisip ko, “Halos wala pa akong nasabi at pakiramdam na ninyo ay napakarami na ninyong nakamit. Kung magpapatuloy ako para mas magbahagi pa sa inyo, mas lalo pa kayong mapapabilib sa akin.” Kalaunan, hiniling din sa akin ng lider na magkuwento tungkol sa mga karanasan ko sa kung paano ipangaral ang ebanghelyo, at nagbigay pa nga siya ng mga sermon tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo na isinulat ko sa mga kapatid bilang sanggunian. Dahil dito, mas lalo ko pang naramdaman na katangi-tangi ako, at bago ko pa namalayan, nilamon na ako ng kayabangan at nagsimula na akong mag-isip na talagang mas mahusay ako kaysa sa ibang kapatid. Minsan, para ipakita sa mga kapatid na mas marami akong alam, sinasadya ko pang magbigay ng mahihirap na katanungan, at kapag hindi sila makasagot, mas magbabahagi ako, at sa ganitong paraan, mas lalo pa nila akong hinahangaan.
Minsan, sa isang pagtitipon, sinabi ni Zhang Jie, “Maraming kuru-kuro ang mga tao mula sa ilang denominasyon, at hindi ko alam kung paano magbahagi sa kanila.” Sinabi naman ng isa pang brother, “Ang ilang relihiyosong tao ay bulag na naniniwala sa mga walang basehang tsismis, at bagama’t kaya naming pabulaanan ang ilan sa mga ito, hindi pa rin namin kayang magbahagi nang malinaw tungkol sa mga bagay-bagay.” Nang makita kong nahihirapan ang mga kapatid, naisip ko, “Wala talaga kayong nauunawaan. Kung mayroong mga kuru-kuro, magbahagi lang kayo tungkol sa mga ito, at kung mayroong mga walang basehang tsismis, pabulaanan lang ninyo ang mga ito. Ano ba ang mahirap doon? Mukhang kailangan kong makipagbahaginan sa inyo tungkol sa mga karanasan ko sa pangangaral ng ebanghelyo para ipakita sa inyo kung paano ito dapat gawin.” Kaya, sinabi ko sa kanila, “Ang pagharap sa mga suliranin sa pangangaral ng ebanghelyo ay ang mismong nagsasanay sa atin. Hindi lang tayo nito pinipilit na sangkapan ang ating sarili ng katotohanan, kundi tinutulungan din tayong matutong gamitin ang katotohanan para lutasin ang iba’t ibang kuru-kurong panrelihiyon. Higit pa rito, sa pangangaral ng ebanghelyo, kinakailangan nating magkaroon ng kagustuhang magdusa; paano natin makikita ang mga pagpapala ng Diyos kung hindi tayo magdurusa? Gaya na lang noong isang beses na nangangaral ako ng ebanghelyo, natutunan ko nang maaga kung ano ang mga kuru-kurong mayroon ng mga potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo, pagkatapos, hinanap at pinagnilayan ko ang mga kaugnay na salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng aktuwal na pagdurusa at pagbabayad ng halaga, sa loob lang ng mahigit isang buwan, nakapagbalik-loob kami ng daan-daang tao. Tunay kong nakita na ito ay pagpapala ng Diyos, at nakadama ako ng matinding saya. Nagdaos pa nga kami ng mga pagtitipon at pakikipagbahaginan sa mga potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo sa Araw ng Bagong Taon. Kalaunan, nang maglibot ang mga lider ng denominasyon, na lumilikha ng mga kaguluhan sa buong lugar, ibinahagi namin ang katotohanan, diniligan at sinuportahan ang mga potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo. Nang makaharap namin ang mga lider ng denominasyong ito, hindi kami natakot at nakipagdebate kami sa kanila, hanggang sa puntong umalis silang walang magawa at talunan, at mas lalo pang nakatiyak ang mga potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo sa gawain ng Diyos sa mga huling araw.” Nakita ko na nakikinig nang mabuti ang mga kapatid nang nakapako ang mga mata, at ang ilan ay pinupuri pa ako, sinasabing, “Ang makapagbalik-loob ng napakaraming tao sa loob lang ng isang buwan, ang galing naman!” Para mas lalo pa akong pahalagahan ng mga kapatid at ituring akong tunay na katangi-tangi, nagsimula na naman akong magpasikat, sinasabing, “Isang beses, napagbalik-loob ko pa nga ang kalihim ng isang alkalde. Noong una, naisip ko, medyo mataas ang katayuan niya, makikinig kaya siya sa akin? Pero nang mangaral ako sa kanya, nalaman ko na kahit mataas ang katayuan niya, wala siyang katotohanan, at hinangaan niya ang lahat ng natalakay ko. Kalaunan, siya at ang kapwa dose-dosenang miyembro ng iglesia ay tumanggap sa ebanghelyo!” Lahat ng kapatid ay tumingin sa akin na may pagsang-ayon sa mga mata nila, at sinabi ng ilan, “Ang galing mo talaga! Pati kalihim ng alkalde ay nagawa mong mapagbalik-loob! Hindi talaga namin kayang gawin iyon; ang layo namin sa iyo!” May ilan ding nagsabi, “Kailan kaya kami makakapangaral ng ebanghelyo nang kasinghusay mo?” Makalipas ang ilang panahon, napansin ko na hindi na takot mangaral ng ebanghelyo ang ilang kapatid, at nagkaroon pa nga sila ng lakas ng loob na mangaral sa mga potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo mula sa iba’t ibang denominasyon. Talagang masaya ako at pakiramdam ko ay labis akong nagtagumpay.
Pagkatapos niyon, sa tuwing nagkakaproblema o nahihirapan ang mga kapatid sa pangangaral ng ebanghelyo, lumalapit sila sa akin, at isa-isa ko silang sinasagot. Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng matibay na pagsandal sa akin ng mga kapatid. Naaalala ko isang beses, nakatagpo ang mga kapatid ng isang mangangaral mula sa isang denominasyon, pero dahil natatakot sila na hindi nila sapat na malulutas ang maraming kuru-kuro ng mangangaral, nawalan sila ng lakas ng loob. Ang ilan pa nga sa kanila ay sumadya para lang hanapin ako at magpasama sa akin. Naisip ko, “Nag-abala pa sila na dumayo para lang hanapin ako, tila mayroon akong hindi pangkaraniwanang puwang sa puso nila. Mabuting bagay ba ito o masama?” Medyo hindi ako mapalagay, iniisip ko, “Sinasamba at tinitingala ba nila ako? Kung magpapatuloy ito, hindi ba’t dinadala ko ang mga kapatid sa harap ko? Kung ganoon nga talaga ang nangyayari, sasalungatin nito ang disposisyon ng Diyos!” Pero pagkatapos, naisip ko, “Kung hindi ko gagabayan ang mga kapatid sa pangangaral ng ebanghelyo, hindi nila ito magagawa nang sila-sila, kaya, hindi ba’t kapaki-pakinabang ito sa gawain ng ebanghelyo?” Nang mag-isip ako nang ganito, agad na naglaho ang pagkabagabag sa puso ko, kaya sumama ako sa mga kapatid para ipangaral ang ebanghelyo sa mangangaral na ito. Pero nagulat kami nang hindi namin matagpuan ang mangangaral pagkatapos ng buong araw na pag-iikot-ikot at paghahanap. Gumamit kami ng napakaraming tao at oras, pero wala kaming napala rito. Noong panahong iyon, walang malilinaw na resulta ang gawain ng ebanghelyo, at medyo naging negatibo ako, nag-aalala kung ano ang iisipin sa akin ng mga kapatid kung magpapatuloy ito. Sasabihin ba nila na may titulo lang ako ng superbisor, pero walang kakayahan? Pero hindi ko alam kung ano ang ugat ng problema, kaya gusto kong maghanap ng makakausap, pero naisip ko, “Isa akong superbisor; ano ang iisipin ng mga kapatid sa akin kung makikipagbahaginan ako sa kanila tungkol sa kalagayan ko? Hindi ba’t sasabihin nila na wala akong tayog? Kung kahit ako ay maging negatibo, paano ko masusubaybayan ang gawain nila? Hindi bale na, mas mabuti pang wala akong sasabihin, magdarasal na lang ako sa Diyos at lulutasin ko ito nang mag-isa.” Kaya, itinago ko ang nararamdamang pagpipigil sa puso ko, at nagpakita ako ng tapang sa harap ng mga kapatid, patuloy na nagsasalita na parang alam ko ang lahat.
Isang araw, sinabi ng isang sister na nakilala niya ang isang potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo, at hiniling niya sa akin na ipangaral ang ebanghelyo rito. Sinabi rin ng isa pang sister na ang potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo na kilala niya ay handang magsiyasat sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at tinanong niya kung kailan ako makakapunta para mangaral dito. Tuwang-tuwa ako na marinig ito, iniisip ko na kung mapapagbalik-loob ko ang lahat ng potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo, magpapakita ng kaunting pag-unlad ang gawain ng ebanghelyo. Pero nang gagawa na sana ako ng malaking hakbang, biglang inaresto ng mga pulis ang sister na nagpapatira sa akin sa bahay niya, at muntik na rin akong mahuli. Noong panahong iyon, ang magagawa ko lang ay magtago sa bahay at hindi lumabas para mangaral ng ebanghelyo. Sa gabi, pabaling-baling ako sa kama, hindi makatulog, iniisip ko, “Nangyari ang sitwasyong ito nang may pahintulot ng Diyos; nasalungat ko ba ang disposisyon ng Diyos sa anumang paraan? Ngayong tinitingala at hinahangaan ako ng lahat ng kapatid, talaga bang nadala ko sila sa harapan ko?” Pero bago pa man ako magkaroon ng oras na magnilay-nilay, inilipat ako sa tungkuling nakabatay sa teksto. Hanggang sa isang araw, nabasa ko ang dalawang dokumento tungkol sa pagpapatalsik sa mga anticristo, at nakita ko na marami silang pag-uugali na kaparehong-kapareho ng sa sakin, saka ko lang napagtanto ang kabigatan ng problema. Dali-dali akong lumapit sa Diyos para magdasal, “Diyos ko, isang babala para sa akin ang pagpapatalsik sa mga anticristong ito, dapat kong pagnilayan nang maayos ang sarili ko. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako, para tunay kong makilala ang sarili ko at makabawi ako sa tamang panahon.” Pagkatapos magdasal, hinanap ko ang mga salita ng Diyos na naglalantad kung paano itinataas at pinatototohanan ng mga tao ang kanilang sarili.
Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paano karaniwang itinataas at pinapatotohanan ng mga tao ang kanilang sarili? Paano nila natatamo ang pakay na tingalain at sambahin sila ng mga tao? Nagpapatotoo sila sa kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano sila nagdusa, kung gaano nila ginugol ang mga sarili nila, at kung anong halaga ang binayaran nila. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital kung saan itinataas nila ang mga sarili nila, na nagbibigay sa kanila ng mas mataas, mas matatag, mas ligtas na lugar sa pag-iisip ng mga tao, upang mas maraming tao ang magpapahalaga, titingala, hahanga, at gayundin ang sasamba, gagalang, at susunod sa kanila. Upang matamo ang pakay na ito, maraming bagay na ginagawa ang mga tao na nagpapatotoo sa Diyos sa panlabas, pero sa totoo lang ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Makatwiran bang kumilos nang ganoon? Lampas sila sa saklaw ng pagkamakatwiran at wala silang kahihiyan, ibig sabihin, walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa nagawa nila para sa Diyos at kung gaano sila nagdusa para sa Kanya. Ibinibida pa nga nila ang kanilang mga kaloob, mga talento, karanasan, mga natatanging kasanayan, malulupit na diskarte sa mga makamundong transaksiyon, ang mga paraang ginagamit nila upang paglaruan ang mga tao, at iba pa. Ang kaparaanan nila ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay upang ipangalandakan ang sarili nila at maliitin ang iba. Nagbabalatkayo at nagpapanggap din sila, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita ng mga ito ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng pagkanegatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahaginan sa mga ito, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang lahat-lahat upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpapakitang-gilas nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba’t isa itong paraan ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). “Ang isa pang paraang ginagamit ng isang anticristo para ilihis at kontrolin ang mga tao ay ang palaging pagpapasikat at pagpapaalam sa lahat ng higit tungkol sa kanya, at pagpapaalam sa mas maraming tao ng tungkol sa mga ambag niya sa sambahayan ng Diyos. Halimbawa, puwede niyang sabihin, ‘Dati ay nakaisip ako ng ilang paraan para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at napataas nito ang pagiging epektibo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ngayon, ginagamit na rin ng ilang ibang iglesia ang mga paraang ito.’ Sa realidad, marami-rami nang naipong karanasan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ang iba’t ibang iglesia, pero patuloy na ipinagyayabang ng anticristo ang tungkol sa mga tamang desisyon at tagumpay niya, ipinapaalam sa mga tao ang tungkol sa mga iyon, binibigyang-diin ang mga iyon, at inuulit ang mga iyon saanman siya pumunta hanggang sa malaman ng lahat. Ano ang mithiin niya? Ang itaguyod ang sarili niyang imahe at katanyagan, ang makakuha ng mas maraming papuri, suporta, at paghanga mula sa mas maraming tao, at ang idulot sa mga taong humingi ng tulong sa kanya sa lahat ng bagay. Hindi ba’t naisasakatuparan nito ang mithiin ng anticristo na ilihis at kontrolin ang mga tao? Karamihan ng mga anticristo ay kumikilos nang ganito, ginagampanan ang mga papel ng panlilihis, pambibitag, at pagkontrol sa mga tao. Sa anumang iglesia, grupo sa lipunan, o kapaligiran ng trabaho, sa tuwing lumilitaw ang isang anticristo, hindi namamalayan ng karamihan ng mga tao na nagsisimula na silang sumamba at tumingala sa kanya. Sa tuwing nahaharap sila sa mga paghihirap kung saan naguguluhan sila at nangangailangan ng taong magbibigay ng gabay, lalo na sa mga kritikal na sitwasyon na kailangang magdesisyon, iisipin nila ang anticristo na may kaloob. Naniniwala sila sa puso nila, ‘Kung nandito lang siya, maaayos ito. Siya lang ang makakapagbigay ng payo at mga suhestiyon para matulungan kaming makalagpas sa paghihirap na ito; siya ang may pinakamaraming ideya at solusyon, pinakamakabuluhan ang mga karanasan niya, at pinakamatalas ang isipan niya.’ Hindi ba’t ang katunayang kayang sambahin ng mga taong ito ang anticristo nang ganoon katindi ay direktang nauugnay sa karaniwang paraan ng pagpapasikat, pagganap, at pagpapakitang-gilas niya? … Gayumpaman, ang mga anticristo ay may set ng mga paraan para sa pagkontrol sa mga tao, at hindi sila nagdadalawang-isip na maglaan ng oras at lakas na pangasiwaan ang katayuan nila at imahe nila sa puso ng mga tao, ang pinakamithiin ng lahat ng ito ay ang pagkakaroon ng kontrol sa mga tao. Ano ang ginagawa ng isang anticristo bago maisakatuparan ang mithiing ito? Ano ang saloobin niya sa katayuan? Hindi ito regular na pagkagiliw or inggit; isa itong pangmatagalang plano, isang sadyang layunin na makuha ito. Binibigyan niya ng partikular na halaga ang kapangyarihan at katayuan at ang tingin niya sa katayuan ay isang paunang kinakailangan sa pagsasakatuparan sa mithiing ilihis at kontrolin ang mga tao. Sa sandaling magkaroon siya ng katayuan, natural lang na matamasa niya ang lahat ng pakinabang na nito. Samakatwid, ang kakayahan ng isang anticristo na manlihis at magkontrol ng mga tao ay isang resulta ng masipag na pamamahala. Talagang hindi ito dahil nagkataong tinahak niya ang landas; ang lahat ng ginagawa niya ay sinadya, pinagplanuhan, at maingat na kinalkula. Para sa mga anticristo, ang makakuha ng kapangyarihan at maisakatuparan ang mithiin nilang magkontrol ng mga tao ay ang premyo—ito ang kalalabasang pinakaninanais nila. Ang paghahangad nila sa kapangyarihan at katayuan ay inudyukan, sinadya, intensiyonal, at masipag na pinamahalaan; ibig sabihin, kapag nagsasalita o kumikilos sila, matindi ang pagpapahalaga nila sa layunin at intensiyon, at sadyang tukoy ang mithiin nila” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Pinagbabantaan, at Kinokontrol Nila ang mga Tao). Inilalantad ng Diyos na gumagamit ang mga anticristo ng iba’t ibang pamamaraan para itaas at patotohanan ang kanilang sarili, upang sambahin at hangaan sila ng mga tao, at makamit nila ang mga layon nila na linlangin at kontrolin ang mga tao. Nang ikumpara ko ito sa sarili kong pag-uugali, nakita ko na pareho ito ng sa isang anticristo. Para maitatag ang aking katanyagan at magandang imahe sa mga kapatid, at para hangaan at tingalain nila ako, sinunggaban ko rin ang bawat pagkakataon na maipagmarangya ko ang mga merito at kapital ko sa pangangaral ng ebanghelyo. Gusto kong makita ng mga kapatid kung gaano ako nagdusa sa pangangaral ng ebanghelyo, kung gaano ako kasanay at kahusay, at kung gaano kalaki ang naiambag ko sa gawain ng iglesia. Kapag nagtitipon kasama ang mga kapatid, para ipaalam sa kanila kung gaano karami ang nauunawaan ko, nagbibigay ako ng mahihirap na katanungan para subukin sila, at kapag hindi sila makasagot, nakikipagbahaginan ako sa kanila para bigyang-diin ang pagkaunawa ko sa katotohanan at para tingalain nila ako. Kapag nahaharap sa mga suliranin ang mga kapatid, ipinangangalandakan ko kung paano ako nagdusa at nagbayad ng halaga, kung gaano karaming tao ang napagbalik-loob ko sa pangangaral ng ebanghelyo, kung paano ko nakipagdebate sa mga lider ng iba’t ibang denominasyon, at ipinagyayabang ko pa nga ang tungkol sa mahahalagang tao na napagbalik-loob ko. Sa pamamagitan nito, gusto kong maramdaman ng mga kapatid na malaki ang mga naiambag ko sa gawain ng ebanghelyo para mas lalo pa nila akong sambahin. Ginamit ko ang aking karanasan para turuan ang mga kapatid kung ano ang gagawin, kaya sila lumalapit sila sa akin sa tuwing mayroon silang problema o suliranin. Naglalakbay pa nga sila nang malayo para hanapin ako upang maipangaral ko ang ebanghelyo, iginigiit na samahan ko sila, na para bang kung wala ako, walang makakapangaral ng ebanghelyo. Kung magpapatuloy ito, hindi ba’t dinadala ko ang mga tao sa harapan ko? Hindi ba’t ito mismo ang ginagawa ng mga anticristo? Hindi nakakapagtakang hindi nagbubunga ng anumang resulta ang gawain ng ebanghelyo, matagal na akong nasa maling landas at kumokontra sa Diyos. Bakit Niya ako pagpapalain o gagabayan? Kinasuklaman na ako ng Diyos! Gayumpaman, kahit sa kalagayang ito, hindi ko pa rin naisip na pagnilayan ang sarili ko, at kahit kapat negatibo at napipigilan ako, wala akong lakas ng loob na magbukas ng sarili ko sa mga kapatid dahil sa takot na masisira nito ang magandang imahe nila sa akin. Patuloy kong pinipilit ang sarili ko na magpanggap, ipinapakita lang ang magaganda kong katangian at itinatago ang mga pangit kong katangian. Masyado akong mapagpaimbabaw! Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas lalo akong natatakot. Paano ako napunta sa landas ng isang anticristo nang hindi ko man lang namamalayan? Anong uri ng disposisyon ang nagsanhi nito? Kaya, lumapit ako sa Diyos para magdasal, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako na maunawaan ang aking kalikasang diwa.
Kalaunan, nanood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan, at ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na binanggit dito ay nagbigay sa akin ng kaunting kabatiran tungkol sa aking tiwaling kalikasan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Mula nang gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, nagsimulang sumama ang kanilang likas na pagkatao, at unti-unti nilang nawala ang katwirang taglay ng mga normal na tao. Hindi na sila kumikilos bilang mga tao sa posisyon ng tao, bagkus ay puno sila ng matitinding paghahangad; nalagpasan na nila ang katayuan ng tao—ngunit ninanasa pa rin na maging mas mataas. Ano ang tinutukoy ng ‘mas mataas’ na ito? Nais nilang lagpasan ang Diyos, lagpasan ang kalangitan, at lagpasan ang lahat ng iba pa. Ano ang ugat kung bakit nagbubunyag ng gayong mga disposisyon ang mga tao? Pagkatapos ng lahat, labis na mayabang ang kalikasan ng tao. … Kapag naging mayabang ang kalikasan at diwa ng mga tao, maaari silang madalas na maghimagsik at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at mga bagay na dumadakila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na binigyan ka ng isang iglesia at tinulutan kang pamunuan ito; ipagpalagay nang hindi kita pinungusan, at na wala ni isa sa pamilya ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo: Matapos mo itong pamunuan sandali, aakayin mo ang mga tao sa iyong paanan at pasusunurin sa iyo, kahit hanggang sa puntong hinahangaan at iginagalang ka. At bakit mo gagawin iyon? Matutukoy ito sa iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na paghahayag. Hindi mo kailangang matutunan ito mula sa iba, ni hindi nila kailangang ituro ito sa iyo. Hindi mo kailangan ang iba na turuan ka o pilitin kang gawin ito; likas na nangyayari ang ganitong klaseng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay tungkol sa paghikayat sa mga tao na dakilain ka, purihin ka, sambahin ka, sumunod sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Ang pagpahintulot sa iyo na maging isang lider ay likas na nagdudulot sa sitwasyong ito, at hindi ito mababago. At paano nangyayari ang sitwasyong ito? Natutukoy ito sa mapagmataas na kalikasan ng tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na kayang itaas at patotohanan ng mga tao ang kanilang sarili, gumagawa ng mga bagay na lumalaban sa Diyos, at na ito ay bunsod ng isang mapagmataas na kalikasan. Sa pagninilay-nilay sa mga kilos at pag-uugali ko, nakita ko na dahil umasa ako sa kaunting karanasan ko sa pangangaral ng ebanghelyo noon, at dahil mas may alam ako nang kaunti tungkol sa Bibliya kaysa sa ilang kapatid, nagkaroon ako ng masyadong mataas na pagtingin sa mga kakayahan ko at naisip ko na espesyal ako, na nagtutulak sa akin na gustong ipagmarangya ang sarili ko at magpasikat. Pagkatapos makakuha ng kaunting resulta sa pangangaral ng ebanghelyo at magkamit ng ilang tao, masyado akong naging mapagmataas na nawala na ako sa sarili ko, nagmamayabang sa lahat ng tao sa paligid ko, gustong malaman ng lahat ng tao sa mundo ang mga tagumpay ko. Paano ako naging ganito kayabang at kawalang-katwiran? Ang katotohanan ay ipinapahayag ng Diyos, at bagama’t maaaring nagkaroon ako ng kaunting liwanag kapag nakikipagtipon at nakikipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa mga salita ng Diyos, ang liwanag na iyon ay dahil sa kaliwanagan ng Diyos. Kahit pa may ilang karanasan ako sa pangangaral ng ebanghelyo, ang Diyos ang nagsaayos ng mga sitwasyon para makapagsanay ako at maipon ang karanasang iyon sa simula pa lang. Hindi ito dahil sa mayroon akong mga espesyal na kakayahan o kasanayan. Higit pa rito, hindi ba’t ang talino at kahusayan ko sa pagsasalita ay ipinagkaloob din ng Diyos? Pero itinuring kong sarili kong mga tagumpay ang mga resultang nakamit sa pamamagitan ng gawain ng Diyos at ipinagyabang ko ang mga ito sa kahit saan, hinihimok ang mga tao na sambahin at tingalain ako. Tunay na wala akong kahihiyan at lubos na walang kamalayan sa sarili! Naisip ko kung paano ako pinahintulutan ng biyaya ng Diyos na maging isang superbisor, at na ito ay para matulungan ko ang mga kapatid na matutong magbahagi ng katotohanan para malutas ang mga kuru-kurong panrelihiyon, at matutong magpatotoo sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at magdala ng mas maraming tao na nagmamahal sa katotohanan sa harapan ng Diyos. Pero ginamit ko ang tungkulin ko para itaas ang aking sarili at magpasikat, hinihimok ang mga tao na sambahin at tingalain ako, na lubhang nakagambala at nakagulo sa gawain ng ebanghelyo. Tunay na nararapat na sumpain at parusahan ng Diyos ang mga kilos at pag-uugali ko! Napatalsik ang mga anticristong iyon dahil patuloy nilang itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili, sinusubukan nilang magtayo ng sarili nilang mga kaharian, at lubhang sinasalungat ang disposisyon ng Diyos, na humahantong sa pagpapatalsik sa kanila sa iglesia. Kung hindi ako magsisisi, magiging katulad ng mga anticristong iyon ang katapusan ko, sapagkat isa itong daan na walang balikan, at isang daan na kinokondena at isinusumpa ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, lalo akong nasuklam sa sarili ko at kinamuhian ko ang sarili ko.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang pagkakakilanlan, diwa, at disposisyon ng Diyos ay matayog at marangal, ngunit hindi Siya kailanman nagpapakitang-gilas. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, upang hindi makita ng mga tao kung ano ang Kanyang nagawa, ngunit habang Siya ay nagtatrabaho sa ganoong kadiliman, ang sangkatauhan ay walang tigil na pinagkakalooban, pinangangalagaan, at ginagabayan—at ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Hindi ba’t ang pagiging tago at kababaang-loob ang dahilan kung bakit hindi kailanman ipinapahayag ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi kailanman binabanggit ang mga ito? Mapagpakumbaba ang Diyos at ito ay tiyak na dahil nagagawa Niya ang mga bagay na ito ngunit hindi Niya kailanman binabanggit o ipinapahayag ang mga ito, at hindi nakikipagtalo tungkol sa mga ito sa mga tao. Ano ang karapatan mong magsalita tungkol sa kababaang-loob kung hindi mo kaya ang ganitong mga bagay? Hindi mo ginawa ang alinman sa mga bagay na iyon, subalit ipinipilit mong mabigyan ka ng karangalan para sa mga iyon—ito ay tinatawag na pagiging walang-hiya. Sa paggabay sa sangkatauhan, isinasagawa ng Diyos ang ganoon kahusay na gawain, at pinamumunuan Niya ang buong sansinukob. Napakalawak ng Kanyang awtoridad at kapangyarihan, ngunit hindi pa Niya kailanman sinabi, ‘Ang Aking kapangyarihan ay katangi-tangi.’ Nananatili Siyang nakatago sa lahat ng bagay, namumuno sa lahat, nagtutustos at nagkakaloob para sa sangkatauhan, tinutulutan ang lahat ng sangkatauhan na magpatuloy sa bawat henerasyon. Katulad ng hangin at ng sikat ng araw, halimbawa, o lahat ng mga materyal na bagay na kinakailangan para sa pag-iral ng tao sa mundo—dumadaloy ang lahat ng ito nang walang tigil. Na ang Diyos ay nagkakaloob sa tao ay hindi mapag-aalinlanganan. Kung may ginawang mabuting bagay si Satanas, mananatili ba itong tahimik, at mananatiling isang hindi kilalang bayani? Hindi kailanman. Katulad ito ng kung paanong may ilang anticristo sa iglesia na dating nagsagawa ng mapanganib na trabaho, na tinalikuran ang mga bagay-bagay at nagtiis ng pagdurusa, na maaaring napunta pa sa bilangguan; may ilan ding minsang nag-ambag sa isang aspekto ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila nakakalimutan ang mga bagay na ito, sa palagay nila ay karapat-dapat sila sa panghabambuhay na karangalan para sa mga ito, sa palagay nila ay panghabambuhay nilang puhunan ang mga iyon—na nagpapakita kung gaano kaliit ang mga tao! Ang mga tao ay talagang maliliit, at si Satanas ay walang kahihiyan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng matinding kahihiyan. Mapagpakumbabang itinatago ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang sarili sa gitna ng mga tiwaling tao, tahimik na isinasagawa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, dinidiligan at tinutustusan tayo ng lahat ng katotohanang kailangan natin, pero hindi ito kailanman idinedeklara ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi rin Siya kailanman umaangkin ng papuri sa mga ginagawa Niya. Samantalang ako, wala akong halaga, pero pagkatapos magpabalik-loob ng ilang tao sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, pagkakaroon ng kaunting karanasan sa gawain ng ebanghelyo, at pagkakaroon ng kakayahang ulitin ang ilang salita at doktrina, inakala ko na isa akong mahalagang tao, at gusto kong tratuhin ang mga bagay na ito bilang panghabambuhay na kapital at mga tagumpay, ipinagyayabang ang mga ito kahit saan ako magpunta, at gustong ipaalam sa lahat ng tao sa mundo ang tungkol sa mga ito. Tunay na wala akong katwiran at walang kahihiyan!
Kalaunan, napaisip ako, “Paano ko maiiwasang itaas at patotohanan ang sarili ko?” Sa mga debosyonal ko, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung gayon, anong paraan ng pagkilos ang hindi pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Kung magpapakitang-gilas ka at magpapatotoo sa iyong sarili tungkol sa isang partikular na bagay, makakamit mo ang resulta na mapataas ang tingin sa iyo ng ilang tao at sambahin ka. Subalit kung inilalantad mo ang iyong sarili at ibinabahagi ang kaalaman mo sa sarili tungkol sa parehong bagay na iyon, iba ang kalikasan nito. Hindi ba’t totoo ito? Ang paglalantad sa sarili ng isang tao para pag-usapan ang tungkol sa kaalaman niya sa sarili ay isang bagay na dapat tinataglay ng ordinaryong pagkatao. Positibong bagay ito. Kung talagang kilala mo ang iyong sarili at tama, tunay, at tumpak ang sinasabi mo tungkol sa iyong kalagayan; kung nagsasalita ka tungkol sa kaalaman na ganap na nakabatay sa mga salita ng Diyos; kung iyong mga nakikinig sa iyo ay napabubuti at nakikinabang dito; at kung nagpapatotoo ka sa gawain ng Diyos at niluluwalhati Siya, iyon ay pagpapatotoo sa Diyos. Kung, sa paglalantad mo sa iyong sarili, marami kang nababanggit tungkol sa iyong mga kalakasan, kung paano ka nagdusa, at nagbayad ng halaga, at nanatiling matatag sa iyong patotoo, at dahil dito, may mataas na opinyon sa iyo ang mga tao at sinasamba ka, pagpapatotoo ito sa iyong sarili. Kailangan mong masabi ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang pag-uugaling ito. Halimbawa, ang pagpapaliwanag kung gaano ka kahina at kanegatibo noong nahaharap ka sa mga pagsubok, at kung paanong, pagkatapos mong manalangin at hanapin ang katotohanan, sa wakas ay naunawaan mo na ang layunin ng Diyos, nagkaroon ng pananalig, at naging matatag sa iyong patotoo, ay pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos. Ito ay ganap na hindi pagpapakitang-gilas at pagpapatotoo sa iyong sarili. Samakatwid, kung nagpapakitang-gilas at nagpapatotoo ka man sa iyong sarili o hindi, higit sa lahat ay nakabatay sa kung nagsasalita ka ba tungkol sa iyong mga tunay na karanasan, at kung nakamit mo ba ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos; kailangan ding tingnan kung ano ang iyong mga layunin at mithiin kapag nagsasalita ka tungkol sa iyong patotoong batay sa karanasan. Sa paggawa nito ay mapapadali ang pagtukoy kung anong uri ng pag-uugali ang iyong ginagawa” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). “Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahin kang magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibunyag sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos. Magsalita kung gaano karaming tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos at suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang tungkol sa mga walang kabuluhang teorya. Magsalita kayo nang mas praktikal; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at pinakanararapat na makita nila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na upang maiwasan ang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili, dapat higit pang magbukas ng sarili ang isang tao, magbunyang ng kanyang totoong sarili sa lahat ng tao, at matapat na magbahagi tungkol sa katiwalian at mga kahinaang ibinubunyag niya, sa mga pagkaunawa niya sa kanyang sarili, at sa huli, kung paano niya isinasagawa ang katotohanan para malutas ang mga isyu. Dapat siyang hayagang magbahagi tungkol sa lahat ng bagay na ito, at dapat tiyak na hindi niya pagtakpan ang anumang bagay. Nang maunawaan ko ito, naging bukas ako sa mga kapatid, sinasabi na, “Noong magkakasama nating ginagawa ang ating mga tungkulin, palagi kong itinataas ang sarili ko at palagi akong nagpapasikat, ikinukuwento ko kung gaano karaming tao ang nakamit ko sa pangangaral ng ebanghelyo, at kung ano ang mga naiambag ko sa gawain ng ebanghelyo, umaasa na sasambahin at hahangaan ninyo akong lahat. Ngayon, nakikita ko na hindi ko talaga ginagawa ang tungkulin ko; gumagawa ako ng kasamaan! Ang katotohanan ay ipinapahayag ng Diyos. Nagbabahagi lang ako ng aking kaunting pagkaunawa at pagkaarok, kaya ano ang dapat kong ipagyabang? Pero hinimok ko pa rin ang mga tao na tingalain at hangaan ako. Nahumaling ako sa katayuan at tunay akong mayabang!” Pagkarinig nito, sinabi ng isang sister, “Oo nga, talagang tiningala ka namin.” Sinabi rin ng isang brother na nakatrabaho ko noon, “Hinangaan ka ng maraming tao noong panahong iyon, at naramdaman ko na parang wala akong kuwenta.” Medyo sumama ang loob ko at sinabi ko, “Masyado akong mapagpaimbabaw, ipinapakita ko lang ang maganda kong katangian, at sa totoo lang, noong walang mga resulta ang gawain, medyo naging negatibo ako, pero hindi ako naglakas-loob na magsabi ng kahit ano dahil natatakot ako na mamaliitin ninyo akong lahat.” Matagal kaming nag-usap, at pagkatapos makipag-usap, may pakiramdam ng paglaya sa puso ko. Mula noon, sa tuwing nakikisalamuha ako sa mga kapatid, nagsisimula ako sa pamamagitan ng pagtuon sa pagsusuri sa mga layunin at pagbubunyag ko, at sa tuwing gusto kong magpasikat, agad akong naghihimagsik laban dito at itinutuwid ang sarili ko, sinasadyang dakilain ang Diyos at patotohanan Siya. Kapag nagbabahagi ako sa mga pagtitipon, hindi ko na pinagtatakpan ang mga bagay-bagay, at ibinubunyag ko ang totoo kong sarili para makita ng lahat. Kapag nahaharap ang mga kapatid sa mga problema, tumutuon ako sa paghahanap ng mga salita ng Diyos na ibabahagi, hinihikayat sila na mas magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya. Nang magsagawa ako sa ganitong paraan, nakinabang at napatibay ang mga kapatid, at nakaramdam ako ng kapayapaan at kasiguruhan sa puso ko.
Sa pagbabalik-tanaw ngayon, kung hindi ko nabasa ang materyal tungkol sa mga anticristo na pinatatalsik, hindi sana ako matututong magnilay at kumilala sa sarili ko. Ang mga sitwasyong ito na isinaayos ng Diyos ang pumigil sa mga hakbang ko patungo sa kasamaan bago pa mahuli ang lahat. Sa hinaharap, isasagawa ko ang pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagtutuunan ang paghahangad sa katotohanan at pagninilay-nilay sa aking sarili, at maprinsipyong tatayo sa posisyon ng isang nilikha, ginagawa nang maayos ang tungkulin ko.