28. Humahantong ba sa Isang Masayang Buhay ang Paghahangad sa Kasikatan at Pakinabang?
Noong 1998, nalugi ang kompanyang pinagtatrabahuhan namin ng asawa ko, at pareho kaming nawalan ng trabaho. Noong panahong iyon, napakahirap ng pinansiyal na sitwasyon sa tahanan namin. May sakit ang nanay ko at may mga gastusin sa pagpapagamot, at kailangan din naming magbayad ng matrikula para sa anak namin. Sinubukan kong mangutang sa mga kaibigan at kamag-anak ko, pero walang may gustong sumagot sa akin. Nakita ko kung gaano maaaring maging kawalang-pakialam ang mga tao sa isa’t isa. Naisip ko, “Kailangan kong kumita ng mas malaki at magtagumpay para wala na ulit mangmamaliit sa akin!” Pagkatapos niyon, nagsimula ako ng isang babuyan at nakipagsosyo sa ilang tao para magtayo ng isang kompanya. Pero nabulilyaso ang lahat ng iyon, at nauwi ako sa pagkabaon sa utang. Kalaunan, may nagmungkahi na magtrabaho ako bilang accountant sa isang logistics company. Talagang pinahalagahan ko ang trabahong ito, dahil ito ay sa isa sa mga pinakamaimpluwensiyang kompanya sa bansa, at naisip ko na basta’t magtatrabaho ako nang husto, malaki ang potensyal ng pag-asenso. Para mapabuti ang pinansiyal na sitwasyon ng pamilya ko, madalas akong mag-overtime. Mataas ang tingin sa akin ng amo ko, at sinimulan niyang ipagkatiwala sa akin ang ilan sa pinakamahahalagang pinansiyal na gampanin ng kompanya. Maingat kong pinangasiwaan ang bawat gampanin, at masipag at responsable ako sa bawat trabahong ibinibigay sa akin, kaya napalagay ang amo ko. Talagang natutuwa sa akin ang amo ko, kaya unti-unti, patuloy na tumataas ang ranggo ko, mula sa accountancy ay umangat ang posisyon ko bilang isang tagapamahala ng departamento, at kasabay nito, lumaki nang lumaki ang saklaw ng mga responsabilidad ko. Ang mga kamag-anak, kaibigan, at katrabahong minsang nanghamak sa akin ay nagsimulang mambola sa akin. Talagang natuwa ako at naisip kong sa wakas ay may pagsisikapan na ako sa buhay ko. Nang pag-isipan ko ito, kahit na isa lang akong tagapamahala ng departamento noong panahong iyon, pakiramdam ko, kung maitataas pa ang ranggo ko, bukod sa lalaki na ang kita ko, patuloy ring gaganda ang reputasyon ko, at pagdating sa puntong iyon ay talagang magtatagumpay na ako, at makakakuha ako kapwa ng kasikatan at pakinabang.
Makalipas ang ilang panahon, ipinangaral sa akin ng isang kamag-anak ang ebanghelyo ng Diyos ng mga huling araw. Pagkatapos pumunta sa mga pagtitipon nang ilang panahon, naunawaan ko na ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos sa mga huling araw ay para iligtas ang sangkatauhan, at na basta’t hinahangad ng isang tao ang katotohanan at nagbabago ang disposisyon niya, puwede siyang maprotektahan ng Diyos sa panahon ng malalaking sakuna at makapasok sa isang magandang destinasyon. Magmula noon, kasabay ng regular na trabaho ko, dumadalo ako sa mga pagtitipon kasama ng mga kapatid, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, at umaawit ng mga himno para purihin ang Diyos. Hindi nagtagal, sinimulan kong gumawa ng tungkulin ko. Noong una, hindi masyadong sumasabay ang tungkulin ko sa trabaho ko. Pero sa paglipas ng panahon, lalong nagiging abala ang tungkulin ko, at kung minsan ay kinakailangan kong lumiban sa trabaho nang ilang sunod-sunod na araw. Nagsimula akong mag-alala, nag-aalalang maaapektuhan ng tungkulin ko ang trabaho ko. Dahil may kinalaman sa pera ang pinansiyal na trabahong pinamamahalaan ko, sa isang maliit na pagkakamali ay puwede akong mawalan ng trabaho, at kung sa huli ay masisisante ako ng amo ko, mabibigo ang lahat ng pag-asa ko. Napaisip ako, “Kung mangyayari iyon, magiging mataas pa rin kaya ang tingin sa akin ng mga kamag-anak, kaibigan, at katrabaho ko?” Higit pa rito, nagsisimula pa lang gumanda ang pamumuhay ng pamilya ko, at kung magkakamali ako at mawawalan ng trabahong ito, babalik kami sa kahirapan. Pagkatapos ng matinding pag-iisip-isip, napagpasyahan kong bawasan ang pagliban ko sa trabaho at umako ng mas maraming trabaho. Pagkatapos niyon, kahit kapag lumiliban ako sa trabaho para gawin ang tungkulin ko, tumatawag ako para kumustahin ang trabaho ng assistant ko, binibigyan siya ng napakaraming paalala at panghihikayat para masigurong walang magiging problema. Lalo pa akong nagsipag sa mga regular na oras ng trabaho, at inaalala ko pa nga ang tungkol sa trabaho sa panahon ng mga debosyonal ko. Kahit halos oras na ng paglabas sa trabaho, kung makakatanggap ako ng isang gampanin, agad akong magtatrabaho. Habang umuuwi ang iba para magpahinga pagkatapos lumabas ng trabaho, naiiwan ako sa opisina, patuloy na nag-o-overtime. Minsan, nag-o-overtime ako hanggang dis-oras ng gabi, at napapagod ako hanggang sa puntong sumasakit na ang likod ko at wala nang natitirang lakas sa katawan ko. Pinaplano kong magbasa ng mga salita ng Diyos pagkauwi ko, pero pagkatapos lang ng ilang linya ay nagsisimula nang mablangko ang utak ko, at masyado na akong inaantok para magpatuloy. Pinapagaan ko pa ang kalooban ko sa pagsasabing, “Magbabasa ako mamaya kapag mas marami na akong oras,” at pagkatapos ay matutulog lang naman ako. Kung minsan, gusto kong payapain ang puso ko para masusing pagnilayan ang mga salita ng Diyos, pero wala lang talaga akong lakas. Sa sandaling tumunog ang telepono ko tungkol sa isang usapin sa kompanya, isasara ko ang aklat ko ng mga salita ng Diyos at aasikasuhin iyon. Kahit na nakakasabay ako sa tungkulin ko, bilang isang mananampalataya, ni hindi ako makapagpanatili ng regular na pagdedebosyonal o nagkakaroon ng normal na ugnayan sa Diyos. Talagang hindi ako mapalagay at naisip kong hindi ito ang uri ng buhay na gusto ko. Pero kapag iniisip ko ang katanyagang dinadala sa akin ng trabahong ito, pakiramdam ko ay wala akong lakas na bitiwan ito. Talagang isa itong mahirap na sitwasyon.
Pagkatapos makita kung gaano ako kadedikado at karesponsable, itinaas ng amo ko ang ranggo ko sa posisyon ng Tagapamahala ng Pinansiyal na Pagsasaayos sa punong-tanggapan, na responsable sa mga pagsasaayos ng serbisyong pangkargamento sa buong organisasyon. Ito ang pinakapangunahing departamento ng kompanya, at ang pagkakamit ng titulong ito ay nangangahulugang palapit na ako nang palapit sa layon kong magkaroon ng kotse at bahay, at wala pa nga roon ang mga karagdagang benepisyong kasama ng pagtataas ng ranggo sa posisyong ito. Mula sa mga kompanya hanggang sa mga indibiduwal, aktibong naghahangad na sumipsip sa akin ang lahat ng taong gusto ng mas maagang mga paunang bayad at kita sa serbisyong pangkargamento. Higit pa rito, may karapatan akong magrekomenda ng mga pagtataas sa sweldo, pagtatalaga sa trabaho, at pagbabago sa posisyon ng mga tauhan ng departamento, kaya parami nang paraming tao ang naghahangad na magpalakas sa akin. Minsan, kapag nagpo-post ako ng mensahe sa grupo ng trabaho, maraming taong tumutugon, at kailanman ay hindi ko pa natamasa noon ang ganitong uri ng napakasigasig na pagtugon. Sa pagtataas ng ranggo na ito, tumaas din ang sweldo ko kasabay nito, at nakatanggap din ako ng maraming karagdagang kita. Paminsan-minsan ay dinadalhan ako ng mga amo na aktibong nanghihingi ng tulong sa akin ng mga lokal na espesyal na pagkain, mamahaling sigarilyo at alak, gift card, at iba pang bagay na katulad niyon, at kada pista ay parang panahon ng anihan para sa akin. Minsan, iniisip ko na bilang isang mananampalataya, dapat akong maging isang matapat na tao, at hindi ko dapat gamitin ang kapangyarihan ko para maghangad ng personal na pakinabang gaya ng ginagawa ng mga walang pananampalataya, pero hindi ko malabanan ang tukso ng pakinabang. Alam na alam ko ang mga hinihingi ng Diyos pero hindi ko kayang isagawa ang mga iyon. Higit pa rito, dahil matagal nang napapagod ang mga mata ko, unti-unting lumabo ang paningin ko, at ang masyadong madalas na pagpupuyat ay nagdulot ng pagtaas ng presyon ng dugo ko at pamamaga ng mga binti ko, nagdudulot sa akin na mapagod ang katawan at isip ko pagkatapos ng isang araw na pagtatrabaho. Alam kong mapipinsala ang kalusugan ko sa pagkilos nang ganito, pero hindi ako puwedeng tumigil. Kung wala ang trabahong ito, mawawala sa akin ang lahat ng materyal na pakinabang na ito at ang paghanga ng lahat. Minsan sa mga pagtitipon, tatalakayin ng mga kapatid kung paano nila naranasan ang mga bagay-bagay, kung paano nila natukoy ang mga aspekto ng katiwalian nila, at kung paano sila bumawi pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos. Nakadama ako ng matinding inggit, iniisip ko, “Lahat ng kapatid na ito ay naghahangad ng pagbabago sa disposisyon, pero nahihirapan pa rin ako sa suliranin ng pera, kasikatan, at pakinabang, lalong hindi ko maiwaksi ang tiwaling disposisyon ko; ni hindi ko pa nga naisasabuhay ang wangis ng isang Kristiyano. Naging ganap na akong alipin ng pera!” Alam kong talagang nakabagal sa akin ang trabahong ito sa paghahangad ko sa katotohanan at sa pananalig ko sa Diyos, pero hindi ko pa rin makayanang bitiwan ang kasikatan at pakinabang na dulot nito sa akin. Alam kong sa sandaling bumitiw ako, mawawala ang lahat ng kapurihan at materyal na kasiyahang nakamit ko kapalit ng maraming taon ng pagtatrabaho nang husto. Nagtalo nang husto ang kalooban ko at hindi ko alam kung ano ang gagawin.
Isang araw sa isang pagtitipon, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat hangarin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang imahe ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat hangarin ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang hangarin ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may kabuluhan at kahulugan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang magiging katulad kay Pedro ang tao. Dapat kang tumuon sa maagap na pagpasok sa positibong panig, at huwag pasibong hayaan ang iyong sarili na umurong para lang sa pagkakaroon ng pansamantalang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas detalyado, at mas praktikal na mga katotohanan. Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng mga paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa imoral at walang-pakialam na pamumuhay na walang pinagkaiba sa paraan ng pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kabuluhan at halaga, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Talagang binigyang-liwanag ako ng mga salita ng Diyos. Hinihingi ng Diyos sa atin na tularan si Pedro, na isang taong hindi nasangkot sa mga makamundong bagay, at nagawang bumitiw sa kasikatan, pakinabang, katayuan, at mga kasiyahan ng laman para hangarin ang makabuluhang buhay. May mga mahusay na akademikong tagumpay si Pedro, at sa katalinuhan at karunungan niya, talagang puwede siyang maging isang opisyal noong panahong iyon, pero pakiramdam niya ay walang kabuluhan ang paghahangad ng makamundong kasikatan at pakinabang sa pamamagitan ng isang propesyon bilang isang opisyal, at sa halip ay ginusto niyang hangarin ang isang makabuluhang buhay. Kalaunan, tinawag ng Panginoon si Pedro para sumunod sa Kanya, at nagkamit si Pedro ng maraming katotohanan, nagkaroon ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, at sa huli ay nagkaroon ng napakataas na pagmamahal sa Diyos at pagpapasakop hanggang kamatayan, at nakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Pagkatapos ay tiningnan ko ang sarili ko batay rito. Para magkaroon ng buhay na tinitingala, at umasenso, ibinuhos ko ang lahat ng lakas ko sa trabaho, pero ano ba talaga ang makakamit ko sa paghahangad ko nang ganito sa pera, katayuan, at mga kasiyahan ng laman? Pinag-iisipan ito, kahit na matugunan ang mga pagnanais ng laman ko, at matupad ko ang mga layon ko na magkaroon ng sasakyan, bahay, at katayuan, kung hindi ko makakamit ang katotohanan sa kabila ng pananampalataya ko sa Diyos, ano ang magiging kabuluhan ng ganoong buhay? Hindi ba’t sayang ang ganitong buhay? Ang pamumuhay para lang matugunan ang mga kasiyahan ng laman, ay walang pinagkaiba sa pamumuhay na parang isang hayop, at kahit gaano pa kasarap ang mga kasiyahan ng laman, sa huli ay walang patutunguhan ang mga iyon. Kahit na hindi ko pa rin natatamo ang determinasyon ni Pedro, kailangan kong magsikap tungo roon, at mas tumuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa paghahangad sa katotohanan. Kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na magbukas ng landas para sa akin, “O Diyos, ayaw kong magpatuloy nang ganito. Gusto kong masipag na hangarin ang katotohanan. Kahit na limitado ang pagkaunawa ko ngayon, handa akong unti-unting bumitiw sa pera, kasikatan, at pakinabang. Hinihingi ko sa Iyong akayin Mo akong makawala sa lusak ng pera, kasikatan, at pakinabang.” Pagkatapos magdasal, naging higit na mas kalmado na ako.
Isang araw, bigla akong tinawag ng amo ko para kausapin. Sinabi niyang sa madaling salita ay lubos nang naperpekto ang mga pagsasaayos ng serbisyong pangkargamento, pero nasa yugto pa ng pagtuklas ang mga pagsasaayos ng serbisyong panghimpapawid, at gusto niyang pasanin ko ang trabahong ito. Di-hamak na mas hindi prestihiyoso ang mga pagsasaayos ng serbisyong panghimpapawid kaysa sa mga pagsasaayos ng serbisyong pangkargamento, pero mas kaunti ang trabaho, at malinaw sa akin na dininig ng Diyos ang dasal ko at na unti-unti Niya akong inaakay para makawala sa mga gapos ng pera, kasikatan, at pakinabang ayon sa tayog ko. Talagang mapagmataas ang mga amo sa sektor ng mga serbisyong pangkargamento, at nang mabalitaan nilang inilipat ako, nilayuan nila akong lahat at ayaw na nilang magkaroon ng kaugnayan sa akin. Minsan, kapag nakikita nila ako, nagkukunwari silang kinukuha ang mga telepono nila at nagpapanggap na sumasagot ng tawag. Kumpara sa dati, noong palaging may mga taong umaaligid sa akin, pakiramdam ko ay bumagsak ako, at natagpuan ko ang sarili kong nangungulila sa mga araw noong hinahangaan at binobola ako ng mga tao. Isang araw sa isang pagtitipon, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng pakikibaka sa pagitan ng positibo at ng negatibo, ng itim at ng puti—sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng pagkakasundo at pagkakawatak, kayamanan at ng kahirapan, ng katayuan at ng pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maipagtabuyan, at iba pa—tiyak na alam ninyo ang mga ginawa ninyong desisyon. Sa pagitan ng nagkakasundong pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang una, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang una, at ayaw pa nga ninyong magbago ng isip; sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang una; sa pagpili sa pagitan ng inyong mga anak at asawa, at sa Akin, pinili ninyo ang una; at sa pagitan ng kuru-kuro at ng katotohanan, muli ninyong pinili ang una. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo. Talagang manghang-mangha Ako sa kawalan ng kakayahan ng puso ninyo na maging malambot. Ang dugo ng puso na ginugol ko sa loob ng maraming taon ay kagulat-gulat na walang idinulot sa akin kundi ang inyong pang-aabandona at kawalan ng gana, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailantad sa harapan ng lahat. Ngunit patuloy ninyong hinahanap ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kalalabasan? Naisaalang-alang na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo? Ang una pa rin kaya? Bibiguin at palulungkutin pa rin kaya ninyo Ako nang husto? May kaunting pag-aalab pa rin kaya sa puso ninyo? Hindi pa rin kaya ninyo malalaman kung paano aaliwin ang puso Ko?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Bawat tanong ng Diyos ay umantig sa puso ko. Kahit na sumasampalataya ako sa Diyos, hindi ko pa rin makilatis ang pera, kasikatan, at pakinabang, itinuon ko ang kalakhan ng lakas ko sa trabaho at pagkita ng pera, at ni hindi ako makapagpanatili ng mga normal na debosyonal o makapagbasa ng mga salita ng Diyos. Sa pinakabagong pagtatalaga sa ibang trabahong ito, kahit na kaya ko itong tanggapin mula sa Diyos, pagkatapos akuin ang trabaho ng pagsasaayos ng serbisyong panghimpapawid, nakita kong biglang nagbago ang pakikitungo ng mga amo na iyon na dati ay nambobola sa akin, at naantig ang emosyon ko. Pakiramdam ko ay mas mabuting magkaroon ng kapangyarihan, at kung wala ito, walang rerespeto sa iyo, kaya nangulila pa rin ako sa mga araw ng pangangasiwa ko sa mga pagsasaayos ng serbisyong pangkargamento. Talagang ako ang uri ng taong inilantad ng Diyos na tapat lang sa pera, kasikatan, at pakinabang! Ang pagbabago sa posisyong ito ay pagbubukas ng Diyos ng landas para sa akin at dahil mas kaunti ang trabaho ng mga pagsasaayos ng serbisyong panghimpapawid kaysa roon sa mga pagsasaayos ng serbisyong pangkargamento, nagkaroon ako ng libreng oras para mas sangkapan ang sarili ko ng mga salita ng Diyos, at gamitin ang libreng oras ko para ipangaral ang ebanghelyo sa mga katrabaho ko, na kapaki-pakinabang sa paghahangad ko sa katotohanan at paggawa sa mga tungkulin ko. Nang maisip ito, itinigil ko na ang pangungulila sa dati kong trabaho.
Noong Mayo 2013, pinagsama ng amo ko ang mga departamento ng pagsasaayos ng serbisyong pangkargamento at panghimpapawid, gumawa ng bagong departamento at binigay sa akin ang ganap na responsabilidad. Dumoble na ngayon ang trabaho kumpara noong nangangasiwa lang ako ng trabahong iisa lang ang gampanin, at kahit na nagdagdag ng ilang assistant, marami pa ring usaping dapat asikasuhin, at unti-unti, kinain na naman ng trabaho ang oras ko. Hindi ko mapigilang isipin noong nangangasiwa ako sa mga pagsasaayos ng serbisyong panghimpapawid, noong hindi ganoon kagipit sa oras, at bukod sa nakakasabay ako sa mga regular na pagdedebosyonal, nakapaglalaan din ako ng oras para mangaral ng ebanghelyo sa mga katrabaho ko, kung saan ko naunawaan ang maraming katotohanan, natuklasan ang mga pagkukulang ko, at naranasan ang agarang layunin ng Diyos na magligtas ng mga tao. Pero ngayon ay nakatuon ang lahat ng lakas ko sa trabaho, at napagtanto kong ang desisyon ng amo kong gawin akong tagapangasiwa ng bagong pinagsamang departamento ay isang tukso mula kay Satanas. Kaya ginusto kong isuko ang trabaho. Pero nang maisip ko kung paanong ang trabahong ito ang resulta ng lahat ng mga taon ng pagtatrabaho ko nang husto, naging atubili akong bitiwan ito nang gano’n-gano’n lang, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, nahihirapan ako. Kung magbibitiw ako sa trabahong ito, kakailanganin kong mamuhay nang simple, at lahat ng pangarap ko noon ay magiging mga ilusyon na lang, pero alam kong mas mahalaga ang paghahangad sa katotohanan, kaya pakiusap, akayin Mo ako.” Noong panahong iyon, madalas akong nagdarasal sa Diyos, hinihingi ang patnubay at pamumuno Niya, at sadya akong naghahanap ng mga salita ng Diyos na babasahin. Isang araw, nakarinig ako ng isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Mundo Ba ang Iyong Pahingahan?”:
1 … Talaga bang ang mundo ang iyong pahingahan? Matatamo mo ba talaga, sa pag-iwas sa Aking pagkastigo, ang pinakabahagyang ngiti ng pasasalamat mula sa mundo? Magagamit mo ba talaga ang iyong panandaliang kasiyahan upang pagtakpan ang kahungkagan sa iyong puso, kahungkagan na hindi maitatago?
2 Maaari mong lokohin ang sinuman sa iyong pamilya, ngunit hinding-hindi mo Ako maloloko. Dahil napakaliit ng iyong pananampalataya, hanggang sa araw na ito, wala ka pa ring kapangyarihang makasumpong ng anuman sa mga katuwaang handog ng buhay. Hinihimok kita: mas mabuti pang taos-puso mong gugulin ang kalahati ng iyong buong buhay para sa Aking kapakanan kaysa gugulin mo ang iyong buong buhay sa walang kabuluhan at kaabalahan para sa laman, na tinitiis ang lahat ng pagdurusang halos hindi makayanan ng isang tao. Ano ang silbi ng pagpapahalaga nang husto sa iyong sarili at pagtakas mula sa Aking pagkastigo? …
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
Naantig ako nang husto sa mga salita ng Diyos. Naisip ko kung paanong araw-araw ay walang-tigil akong nagtatrabaho na parang isang makina sa paghahangad sa pera, katayuan, at isang buhay na may materyal na kayamanan, at kung paano ako humantong sa pagsagad sa katawan at isipan ko, at nagkaroon ng maraming pisikal na karamdaman. Noong ako ang nangangasiwa sa mga pagsasaayos ng serbisyong panghimpapawid, kahit na mas kaunti ang karagdagang kita, mas marami naman akong oras para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at mas napalapit ang puso ko sa Diyos, na bumago sa espirituwal na pananaw ko. Sa patuloy na paglaki ng mga sakuna, kung patuloy akong kakapit sa pera at katayuan, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, kung hindi ko makakamit ang katotohanan at mamamatay ako sa mga sakuna, magiging huli na ang lahat para sa pagsisisi. Naghanda ang Diyos ng napakagandang oportunidad para sa akin, pinahihintulutan akong matanggap ang panustos at pagdidilig ng mga salita Niya, at makipagtipon at makipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa mga salita Niya, binibigyan ako ng espirituwal na panustos. Pero wala akong utang na loob. Hindi ko naunawaan ang agarang layunin ng Diyos na magligtas ng mga tao, hindi ko nagawa ang tungkulin ko bilang isang nilikha, at nagpaplano pa rin lang ako para sa kinabukasan at kabuhayan ko. Hindi ba’t walang saysay ang lahat ng pagtatrabaho nang husto at pagpapakapagod na ito alang-alang sa laman ko? Sa pagiging interesado lang sa maliliit na pakinabang sa harapan ko, nawalan ako ng pagkakataong makamit ang katotohanan at ang buhay. Talagang makitid ang pananaw ko! Ang mga materyal na bagay na hinahangad ko ay walang magiging pakinabang sa mga sakuna, at talagang hindi makapagliligtas sa akin. Nang mapagtanto ko ito, lumuhod ako sa harapan ng Diyos at nagdasal, “O Diyos, talagang may utang na loob ako sa Iyo. Iniligtas Mo ako, pero hindi ko naisip na suklian Ka, at kumakapit pa rin ako sa pera at katayuan. Ang mga bagay na ito ay nagdulot sa akin ng matinding tukso. O Diyos, masyadong mababa ang tayog ko, ayaw kong patuloy na magawang tiwali at maloko ni Satanas sa mundong ito ng karumihan. Pakiusap, bigyan Mo ako ng determinasyong maghimagsik laban sa laman, para magawa ko nang full-time ang tungkulin ko at masuklian ang pagmamahal Mo.”
Kalaunan, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos at nasimulan kong makita nang mas malinaw ang mga kahihinatnan ng paghahangad sa kasikatan at pakinabang. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang isipan ng mga tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay kasikatan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa kasikatan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gagawa ng kahit anong paghuhusga o pagpapasya para sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at patuloy silang naglalakad nang may matinding paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, samakatwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo malinaw na nakikita ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na hindi mabubuhay ang tao kung walang kasikatan at pakinabang. Iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang kasikatan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layunin, na magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ang tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ka. Pagdating ng oras na nais mong iwaksi ang lahat ng bagay na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos ang sangkatauhan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Tumpak na tumpak ang mga salita ng Diyos, inilalantad kung paano ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para igapos at kontrolin ang mga tao. Matagal na akong naimpluwensiyahan ng mga ideya ni Satanas, tulad ng “Hindi kalahatan ang pera, ngunit kapag wala ito, wala kang magagawa,” “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” at “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at nakontrol ako ng mga ideyang ito. Sa loob ng maraming taon, nag-overtime ako at napinsala nang husto ang kalusugan ko sa paghahangad sa pera, kasikatan at pakinabang, at mas madalang akong nakakapagdasal sa Diyos at mas kaunti ang nababasa sa mga salita Niya, napapalayo nang napapalayo sa Kanya. Nakita ko na ginugugol ng ilang kapatid ang panahon nila sa paghahangad sa katotohanan, at na mabilis silang umuusad sa buhay nila, pero ako naman, sa paghahangad sa pera, kasikatan, at pakinabang, halos wala akong naging pag-usad sa buhay ko. Napakalaking kawalan nito! Sa paglipas ng mga taon, isinubsob ko ang sarili ko sa trabaho at tiniis ang kahihiyan, at sa huli, kahit na natupad ang mga pangarap ko, lalo akong nagiging baliko at mapanlinlang, ginugugol ko ang mga araw ko sa pakikisalamuha sa mga taong walang sinseridad, bagkus ay may saloobin ng pananamantala sa isa’t isa, nawawalan ng dignidad ko bilang tao at integridad para sa kasikatan at pakinabang, at namumuhay sa matinding pagdurusa at paghihirap. Naisip ko ang isang negosyanteng minsang naging tanyag, isang lalaking naging bilyonaryo habang bata pa siya, na noong nasa rurok ng kasikatan at kayamanan niya ay nagpaparoo’t parito sa iba’t ibang handaan araw-araw. Ayaw niyang magpahinga sa kabila ng matinding pagod, at ang resulta, nagkasakit at namatay siya bago mag-apatnapung taong gulang. Ito ang panghuling resulta ng paggamit ni Satanas sa kasikatan at pakinabang para maminsala ng mga tao. Minsang sinabi ng Panginoong Jesus: “Ano ang pakikinabangan ng tao, kung makakamtan niya ang buong sanlibutan at maiwawala niya ang kanyang sariling buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?” (Mateo 16:26). Sa mga huling araw, malayang ipinagkaloob sa atin ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng katotohanan para sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kung kakapit pa rin ako sa kasikatan at pakinabang, maaaring patuloy na tataas ang posisyon ko, pero mawawalan naman ako ng pagkakataong makamit ang katotohanan at maligtas. Ayaw ko nang pagsikapan ang mga diumano’y mithiin ko, at nagpasya akong maghanap ng pagkakataon para magbitiw sa trabaho ko at full-time na igugol ang sarili ko para sa Diyos. Nagsimula akong maghanda para sa paglilipat ng responsabilidad, at nilapitan ko ang pangkalahatang tagapamahala ko na si G. Xu para talakayin ang pagbibitiw ko. Sinabi ni G. Xu, “Para iproseso ang pagbibitiw mo, kailangan ng papalit sa iyo at aabutin ito ng mahabang panahon, pero kung hihingi ka ng mas mahabang bakasyon, puwede akong magsaayos ng isang tagapamahala na aako sa trabaho mo, at puwede mong ilipat ang mga responsabilidad mo at pagkatapos ay umalis ka na.” Pagkatapos itong pag-isipan, sumang-ayon ako sa mungkahing ito, at habang naghihintay ng balita, sinimulan ko nang paghandaan ang paglilipat ng responsabilidad.
Isang araw sa umpisa ng Oktubre, sinabi sa akin ng amo ko, “Nabalitaan kong kailangan mong lumiban nang anim na buwad dahil sa mga usapin sa pamilya. Hindi pa ito nangyayari sa mga tauhan ng pananalapi sa kompanya natin, lalo na sa ganyan kahalagang posisyon tulad ng sa iyo, pero ngayon lang, espesyal ko itong inaprubahan para sa iyo, at sa anim na buwang pagliban mo, mananatiling hindi nagbabago ang suweldo mo. Pagbalik mo, sabay-sabay mong matatanggap ang mga sweldo mo, at irereserba ko para sa iyo ang posisyon mo ng pamamahala.” Pagkatapos pasalamatan ang amo ko, umalis na ako sa opisina. Naantig ako nang husto sa mga salita ng amo ko. Tatanggap ako ng suweldo nang hindi nagtatrabaho nang anim na buwan, at may isang posisyon ng pamamahalang nakareserba para sa akin? Mukhang pinapahalagahan ako nang husto ng kompanya. Naisip ko kung paanong pinlano ng amo ko na ako ang mangasiwa sa pananalapi ng punong-tanggapan. Kung mangyayari iyon, magiging isa akong opisyal ng kompanya, at mangangahulugan iyon na mas maraming taong titingala sa akin. Sa sandaling iyon, nadama kong mali ang mga kaisipan at layunin ko, at naalala ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko sa dating mga pagtitipon: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). “Kapag nakakaranas ang mga tao hanggang sa araw na ang kanilang pananaw sa buhay, at ang kahulugan at batayan ng kanilang pag-iral, ay lubusang nabago na, kapag nabago na sila hanggang sa kanilang pinaka-buto at naging ibang tao na, hindi ba ito magiging hindi kapani-paniwala? Ito ay malaking pagbabago, isang kamangha-manghang pagbabago. Kapag lamang ikaw ay naging hindi na interesado sa katanyagan, pakinabang, katayuan, salapi, kasiyahan, kapangyarihan at karangalan ng mundo, at madaling natatalikdan ang mga ito, magkakaroon ka ng wangis ng isang tao. Ang mga tao na sa huli ay gagawing ganap ng Diyos ay isang grupong katulad nito; nabubuhay sila para sa katotohanan, nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay para sa kung ano ang makatarungan. Ito ang wangis ng isang tunay na tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan kong kahit na parang natutugunan ng mga salita ng amo ko ang mga pangangailangan ng laman ko, may satanikong pakana sa likod nito. Nilayon ni Satanas na gamitin ang pera, kasikatan, at pakinabang para tuksuhin ako at pilitin akong patuloy na maglingkod dito, para sa huli ay mawala sa akin ang pagkakataon kong maligtas. Umaasa ang Diyos na mamuhay ako para makamit ko ang katotohanan at magawa nang maayos ang tungkulin ko bilang isang nilikha—ito ang layong dapat na hinahangad ko. Pinalakas ng mga salita ng Diyos ang pananalig ko, at agad kong inasikaso ang mga proseso ng paglilipat ng responsabilidad. Naging napakaayos ng proseso ng paglilipat ng responsabilidad, at napagtanto kong ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos at pinamamatnugutan ng Diyos. Wala pang isang buwan pagkatapos magbitiw, nagsimula akong gumawa ng mga tungkulin ko sa iglesia, at nagkaroon ako ng oras para magdebosyonal at regular na magkaroon ng buhay iglesia, tinamasa ko ang pang-araw-araw na pagdidilig at panustos mula sa mga salita ng Diyos, at napuno ng kapayapaan at kagalakan ang puso ko. Kapag nahaharap ako sa mga paghihirap sa mga tungkulin ko, nagdarasal ako sa Diyos at kumokonsulta sa mga kapatid na ipinareha sa akin, at naghahanap mula sa mga lider para sa mga problemang hindi ko malutas. Minsan, tinukoy ng mga kapatid ang mga pagkukulang ko sa mga tungkulin ko, at kahit na medyo nakakahiya ito, sa pamamagitan ng pagdarasal at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, nakapagpasakop ako at nakahanap ng landas ng pagsasagawa mula sa mga salita ng Diyos, na nagpabuti sa pagiging epektibo ng mga tungkulin ko. Ang lahat ng ito ay dahil sa patnubay ng Diyos!
Sa pamamagitan ng karanasang ito, malinaw kong nakita na panandaliang kasiyahan lang ang idinudulot ng pera at katayuan, at kahit na magkamit ako ng kayamanan, kasikatan, at pakinabang nang higit pa sa mga pinapangarap ko, panandaliang kaluwalhatian lang ito, na sinusundan ng kahungkagan, at mauuwi ako na isang sakripisyong handog kay Satanas. Ngayon, naalis ko sa sarili ko ang mga tukso ng pera at katayuan, natakasan ang pagpapahirap ni Satanas, at natahak ang tamang landas sa buhay. Ang lahat ng ito ay dahil sa patnubay ng mga salita ng Diyos! Tunay na praktikal ang gawain ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan, at taimtim kong pinasasalamatan ang Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko!