36. Pinalaya Ako Ng Mga Salita Ng Diyos Mula Sa Pakiramdam ng Pagkakasikil

Ni Keke, Tsina

Noong Mayo 2021, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia, at ako ang pangunahing responsable sa gawain ng ebanghelyo at pagdidilig. Bawat gampanin ay nangangailangan ng masusing pagsubaybay at pangangasiwa, at minsan ay gumagawa ng masusing pagsasaayos sa bawat gampanin ang mga nakatataas na lider, at kailangang agad na maisakatuparan ang mga ito. Kung hindi nagbunga ng magagandang resulta ang gawain, madalas kong kailangang suriin ang mga isyu at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo upang malutas ang mga ito. Sa simula, marami akong hindi nalalaman tungkol sa gawaing ito, kaya kailangan kong maglaan ng maraming oras na masanay sa mga ito. Nakaramdam ako ng matinding presyur, ngunit alam ko rin na ang kakayahang gampanan ang tungkuling ito ay pagtataas at biyaya ng Diyos sa akin, kaya kailangan kong makipagtulungan nang maayos. Makalipas ang humigit-kumulang dalawang buwan, ang isang sister na naging katuwang ko ay inilipat, kaya kami lamang ni Sister Wang Jing ang naiwan upang mamahala sa gawain ng iglesia. Ang bigat ng trabaho na dating pinaghahatian ng tatlong tao ay napunta na lamang ngayon sa aming dalawa, kaya lalong naging mas abala ang gawain. Minsan, kung kailan natapos ko na ang mga gampanin ko at nais ko nang magpahinga, saka darating ang mas marami pang mga liham, na nangangailangan ng kasagutan. Palaging may gawain na kailangang tapusin. Sa paglipas ng panahon, nakaramdam ako ng labis na pagkapagod, at nagsimula akong umasa na mabawasan kahit kaunti ang bigat ng trabaho upang makapagpahinga ako. Minsan, pagkatapos kong tapusin ang mga gawain, ayaw kong bumalik agad, at nais kong magtagal pa nang kaunti sa labas upang luminaw ang aking isipan. Nakita ko na ang ginagawa lang ng sister sa tinutuluyan naming bahay ay magluto ng tatlong beses sa isang araw, at pagkatapos, maaari na siyang magpahinga at magbasa ng mga salita ng Diyos sa kanyang bakanteng oras. Labis akong nainggit, at nangulila ako sa mga panahong may isa lang akong tungkulin at may oras pa akong magpahinga. Ngayon, napakabigat na ng trabaho kaya pakiramdam ko, tuwing idinidilat ko ang aking mga mata bawat araw, agad na bumubungad sa akin ang trabaho. Naramdaman kong napakahirap na mamuhay sa ganitong paraan! Tila ginagampanan ko ang tungkulin ko, ngunit sa loob, puno ako ng paglaban. Kapag sumasagot ako sa mga tanong ng mga kapatid ko, pakiramdam ko ay tinatapos ko ang mga gampanin na parang mga takdang-aralin ang mga ito, at hindi ko na iniisip kung paano makakamit ang mas magagandang resulta. Ang nais ko lamang ay matapos agad ang mga bagay-bagay para pwede na akong magpahinga at mag-relax. Kapag napakaraming tanong, naiinis ako at nauubusan ng pasensya, at pakiramdam ko ay labis akong nasisikil.

Minsan, umuwi ako sa bahay upang asikasuhin ang ilang bagay, at pagdating ko sa bahay, para bang nawala lahat ng pasanin ko. Walang trabahong kailangang gawin, at maaari kong gawin ang anumang naisin ko. Napakakomportableng mamuhay sa ganitong paraan! Maaari ko sanang tapusin ang lahat ng kailangan kong gawin sa loob lamang ng isang araw, ngunit nanatili ako roon nang dalawang araw. Nakonsensiya ako, alam kong dapat akong bumalik agad pagkatapos kong tapusin ang mga gawain ko, ngunit naisip ko na dahil bihira naman akong umuwi, baka pwede akong manatili nang isa pang araw upang makapagpahinga kahit kaunti! Kalaunan, hinimok ako ni Sister Wang Jing na magmadali pabalik upang asikasuhin ang ilang gawain, kaya wala akong nagawa kundi bumalik. Dahil palagi akong pasibo at negatibo sa tungkulin ko bilang lider, patuloy lamang na lumala ang kalagayan ko. at wala akong nakukuhang anumang resulta sa tungkulin ko. Kahit na may pagbabahaginan at tulong mula sa mga lider, hindi pa rin ako nagbago, at sa huli, ako ay tinanggal. Hindi ako nagnilay sa aking sarili noon. Nito lamang kalaunan, noong ginagampanan ko ang gawain ng pagdidilig, na nakasalubong ko ang isang sister na nakilala ko noon, at bahagya akong naantig. Ang sister na ito ay nagsanay bilang isang lider nang mahigit isang taon, at mabilis ang kanyang naging pag-usad, at ang kanyang pakikipagbahaginan sa mga pagtitipon ay napakapraktikal. Nakita ko na bagama’t ang pagiging lider ay may kaakibat na maraming alalahanin, paghihirap, at pagod, mabilis namang umusad ang kanyang buhay. Samantalang ako, patuloy kong tinututulan ang tungkulin ko bilang lider, at hinayaan kong mag-relax at maging komportable ang aking laman. Ngunit ano ang napala ko rito? Kung hindi ko binago ang pananaw kong ito sa aking paghahangad, kung saan palagi akong sumusunod sa aking laman at natatakot mahirapan at mapagod, kahit ilang taon pa akong magpatuloy sa pananampalataya sa Diyos, hindi kailanman uusad ang buhay ko. Habang iniisip ko ito, paulit-ulit kong tinatanong ang sarili ko, “Bakit nga ba talaga ako nananampalataya sa Diyos? Ano nga ba talaga ang nais kong makamit sa aking pananalig sa Diyos? Magpapatuloy ba ako sa ganitong paraan ng paghahangad? Kung kaya kong maghimagsik laban sa aking laman, magtiis ng paghihirap, magbayad ng halaga at gumampan ng aking tungkulin nang buong puso, hindi ba’t mas maraming katotohanan ang aking makakamit?”

Kalaunan, nabasa ko na ang mga salita ng Diyos ay nagsasabing: “Ang ilang tao ay palaging pabasta-basta at naghahanap ng mga pamamaraan para magtamad-tamaran habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Kung minsan, kailangan sa gawain ng iglesia ang pagmamadali, pero gusto lang nilang gawin kung ano ang gusto nila. Kung hindi masyadong maganda ang pisikal nilang pakiramdam, o mainit ang ulo nila o malungkot sila nang dalawang araw, ayaw nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga para magawa ang gawain ng iglesia. Sa partikular ay tamad sila at nag-aasam ng ginhawa. Kapag wala silang motibasyon, magiging mabagal ang kanilang katawan, at hindi nila gugustuhing gumalaw, pero natatakot silang pungusan ng mga lider at tawaging tamad ng kanilang mga kapatid, kaya wala silang magawa kundi gampanan ang gawain nang mabigat ang loob kasama ng iba. Subalit, labis silang magiging umaayaw, hindi masaya, at mabigat ang loob dito. Madarama nilang ginawan sila ng masama, na inagrabyado sila, na naiinis sila, at pagod na pagod. Gusto nilang kumilos ayon sa sarili nilang kalooban, pero hindi sila nangangahas na kumawala o sumalungat sa mga hinihingi at kondisyon ng sambahayan ng Diyos. Bilang resulta, sa paglipas ng panahon ay nagsisimulang umusbong sa kalooban nila ang isang emosyon—ang pagkapigil. Sa sandaling mag-ugat sa kanila ang emosyon na pagkapigil na ito, magsisimula silang unti-unting magmukhang balisa at mahina. Gaya ng isang makina, hindi na sila magkakaroon ng malinaw na pagkaunawa sa ginagawa nila, pero gagawin pa rin nila ang anumang sabihin sa kanilang gawin araw-araw, sa paraang sinabi sa kanila na gawin iyon. Bagamat sa panlabas ay magpapatuloy silang isagawa ang kanilang mga gampanin nang hindi humihinto, nang hindi tumitigil sandali, nang hindi lumalayo sa kapaligiran ng kanilang pagganap sa kanilang mga tungkulin, sa kanilang puso ay mararamdaman nilang napipigilan sila, at iisipin nila na ang buhay nila ay sobrang nakakapagod at puno ng hinaing. Ang pinakaninanasa nila sa kasalukuyan ay na balang araw ay hindi na sila kokontrolin ng iba, hindi na lilimitahan ng mga kondisyon ng sambahayan ng Diyos, at mapapalaya na sila sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Gusto nilang gawin ang anumang gusto nila, kung kailan man nila gusto, gumawa ng kaunting gawain kung maganda ang pakiramdam nila, at hindi gumawa kung hindi maganda ang pakiramdam nila. Inaasam nilang hindi masisi, hindi mapungusan kailanman, at hindi mapangasiwaan, masubaybayan, o mapamahalaan ninuman. Iniisip nila na kapag dumating ang araw na iyon, magiging magandang araw iyon, at madarama nilang labis silang malaya at napakawalan na. Subalit, ayaw pa rin nilang umalis o sumuko; natatakot sila na kung hindi nila gagampanan ang kanilang mga tungkulin, kung talagang gagawin nila ang gusto nila at magiging malaya at napakawalan na sila balang araw, natural silang mapapalayo sa Diyos kung gayon, at natatakot sila na kapag ayaw na sa kanila ng Diyos ay hindi nila magagawang magtamo ng anumang pagpapala. Nalalagay sa alanganin ang ilang tao: Kung susubukan nilang magreklamo sa kanilang mga kapatid, mahihirapan silang magsalita. Kung babaling sila sa Diyos sa panalangin, madarama nilang hindi nila maibuka ang kanilang bibig. Kung magrereklamo sila, madarama nila na sila mismo ang mali. Kung hindi sila magrereklamo, hindi sila mapapakali. Nagtataka sila kung bakit parang puno ng hinaing ang buhay nila, kung bakit ito lubhang salungat sa kalooban nila, at sobrang nakakapagod. Ayaw nilang mamuhay nang ganoon, ayaw nilang maging kaisa sa iba, gusto nilang gawin ang anumang gusto nila, kung paano man nila gusto, at nagtataka sila kung bakit hindi nila ito maisakatuparan. Pakiramdam nila dati, katawan lang nila ang pagod na pagod, pero ngayon, pakiramdam nila ay pagod na rin ang puso nila. Hindi nila nauunawaan kung ano ang nangyayari sa kanila. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t idinudulot ito ng mga emosyon na pagkapigil? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang dahilan kung bakit ako lubhang nasisikil at nahihirapan sa tungkulin ko bilang lider ay hindi dahil mabigat o nakakapagod ang tungkulin, sa halip, ito ay dahil mali ang aking mentalidad. Palagi kong hinahangad ang kaginhawaan at kasiyahan ng laman, kaya kapag bahagyang nagiging abala o nakakapagod ang tungkulin, at hindi nasisiyahan ang aking laman, nasisikil at nahihirapan ako. Sa partikular, matapos mailipat ang sister na katuwang ko, dumami ang gawain, at araw-araw may gawain na kailangang tapusin, kaya nairita ako at ninais kong pagsabihan at pagbuntunan ng galit ang iba. Nainggit pa nga ako sa sister sa tinutuluyan naming bahay dahil sa pagkakaroon niya ng magaan at madaling tungkulin. Napagtanto ko na ang hinahangad ko ay hindi ang wastong pagganap sa aking tungkulin, kundi ang pisikal na ginhawa. Palagi akong nalulugmok sa mapaniil na emosyon, tinrato ko ang tungkulin ko nang walang galang, wala akong pagpapahalaga sa responsabilidad, at hindi ako mapagkakatiwalaan kahit kaunti. Tunay ngang naging sanhi ako ng pagkasuklam sa akin ng Diyos!

Nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa ugat ng paghahangad ko sa ginhawa ng laman. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katitinding damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Mula sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang aking pagkasira at pagkawasak ay nag-ugat sa palaging pamumuhay ayon sa mga satanikong lason tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit,” at “Magpakasaya ka, dahil maigsi lang ang buhay.” Labis kong pinahalagahan ang pisikal na kasiyahan, iniisip ko na maigsi lang ang buhay kaya dapat kong tratuhin nang mabuti ang sarili ko at huwag hayaang magdanas ng anunamg paghihirap ang aking katawan. Naalala ko ang mga pagsusulit ko sa pagpasok sa unibersidad. Habang ang iba ay nagpupuyat sa pag-aaral at nagsusumikap, masyado itong mabilis at nakakapagod para sa akin, kaya hindi ako kailanman nagpuyat upang mag-aral, inisip ko na ayos lang basta’t hindi bumaba ang mga grado ko. Pagkatapos kong pumunta sa iglesia upang gampanan ang tungkulin ko, ipinagpatuloy ko ang pamumuhay nang may ganitong mentalidad. Noong tinawag ako ng aking tungkulin bilang lider upang magdusa at magbayad ng halaga, at hindi ko magawang magpakasasa sa pisikal na kaginhawahan, talagang nakaramdam ako ng pagkasikil at kalungkutan. Napuno ang isipan ko ng mga saloobin tungkol sa hindi pagpapagod ng sarili at pag-uuna sa aking mga pisikal na interes, at tuluyan kong binalewala ang mga responsabilidad at tungkulin ko. Bagama’t ako ay may ganoon kahalagang tungkulin, hindi ko inisip ang tungkol sa kung paano ko makakamtan ang magagandang resulta sa bawat gampanin o kung paano ko tutuparin ang aking mga responsabilidad. Isinaalang-alang ko lang ang sarili kong ginhawa at tinugunan ang mga pagnanasa ng aking laman, nagiging miserable ako sa tuwing may mga karagdagang paghihirap at ninanais kong tumakas mula rito. Nakita ko na napakamakasarili at kasuklam-suklam ko, at wala talaga akong konsensiya o katwiran. Ang totoo, nang balikan ko, bagama’t nakatagpo ang katawan ko ng pansamantalang ginhawa, hindi ko nakamit ang anumang katotohanan o nagampanan ang aking tungkulin, at wala akong kahit kaunting integridad o dignidad. Walang kahulugan o halaga ang pamumuhay nang ganito. Habang nagninilay rito, talagang kinamuhian ko ang sarili ko, at nakaramdam ako ng malalim na pagkakautang sa Diyos, at ayaw ko nang mamuhay nang ganito.

Kalaunan, nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nakaantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paano mailalarawan ang mga taong inaasikaso ang nauukol nilang gawain? Sila ay mga taong tinitingnan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, kasuotan, tirahan, at transportasyon sa isang simpleng paraan. Hanggat naaabot ng mga ito ang isang normal na pamantayan, sapat na iyon para sa kanila. Mas inaalala nila ang landas nila sa buhay, ang kanilang misyon bilang mga tao, ang kanilang pananaw sa buhay at mga pagpapahalaga. Ano ang maghapong pinag-iisipan ng mga taong hindi maaasahan? Palagi nilang pinag-iisipan kung paano magpapakatamad, kung paano manlilinlang para makatakas sila sa responsabilidad, kung paano kakain nang mabuti at magpapakasaya, kung paano mamumuhay nang maginhawa at komportable ang katawan, nang hindi isinasaalang-alang ang mga nauukol na bagay. Kaya, pakiramdam nila ay napipigilan sila sa sitwasyon at kapaligiran ng paggawa sa kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na matuto ng ilang karaniwan at propesyonal na kaalamang may kinalaman sa kanilang mga tungkulin, para mas maayos nilang magampanan ang mga ito. Hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang madalas nang sa gayon ay magkamit sila ng mas maayos na pagkaunawa sa katotohanan, makapasok sa katotohanang realidad, at malaman kung ano ang mga prinsipyo sa bawat pagkilos. Ang lahat ng ito na ibinabahagi at binabanggit ng sambahayan ng Diyos ay may kaugnayan sa mga paksa, praktikal na mga bagay, at iba pa, na nasa saklaw ng buhay ng mga tao at ng paggampan nila sa kanilang tungkulin, at nilalayon ng mga ito na matulungan ang mga taong maasikaso ang nauukol nilang gawain at matahak ang tamang landas. Ang mga indibidwal na ito na hindi inaasikaso ang kanilang nauukol na gawain at na ginagawa ang gusto nila ay hindi nagnanais na gawin ang mga nauukol na bagay na ito. Ang sukdulang layon na ninanais nilang makamit sa paggawa ng anumang gusto nila ay ang pisikal na kaginhawahan, kasiyahan, at kadalian, at ang hindi malimitahan o maagrabyado sa anumang paraan. Ito ay ang sapat na makakain ng anumang gusto nila, at magawa ang gusto nila. Dahil sa kalidad ng kanilang pagkatao at sa mga hinahangad ng kanilang kalooban kaya madalas nilang nararamdaman na napipigilan sila. Paano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi sila magbabago, at hindi malulutas ang kanilang pagkapigil. Ganoon lang talaga silang klase ng tao; mga bagay lang sila na hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain. Bagama’t sa panlabas ay tila hindi sila nakagawa ng anumang malaking kasamaan o na hindi sila masasamang tao, at bagama’t mukhang nabigo lang silang itaguyod ang mga prinsipyo at panuntunan, ang totoo, ang diwa ng kanilang kalikasan ay na hindi sila nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain o tumatahak sa tamang landas. Ang mga ganitong tao ay walang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at hindi nila matatamo ang katalinuhan ng normal na pagkatao. … Sa lipunan, sino ang mga taong hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain? Sila ang mga walang ginagawa, ang mga hangal, tamad, basagulero, sanggano, at tambay—mga ganyang tao. Ayaw nilang matuto ng anumang bagong kasanayan o kakayahan, at ayaw nilang maghangad ng mga seryosong propesyon o maghanap ng trabaho para makaraos sila. Sila ang mga walang ginagawa at ang mga tambay ng lipunan. Pinapasok nila ang iglesia, at pagkatapos ay gusto nilang may makuha sila nang walang kapalit, at na matamo nila ang parte nila sa mga pagpapala. Sila ay mga oportunista. Ang mga oportunistang ito ay hindi kailanman handang gumawa ng kanilang mga tungkulin. Kung hindi masusunod ang gusto nila, kahit bahagya lang, pakiramdam nila ay napipigilan sila. Palagi nilang hinihiling na makapamuhay nang malaya, ayaw nilang gumanap ng anumang uri ng gawain, pero gusto pa rin nilang kumain ng masasarap na pagkain at magsuot ng magagandang kasuotan, at kumain ng anumang naisin nila at matulog kailan man nila gusto. Iniisip nila na kapag dumating ang ganitong araw ay tiyak na magiging napakaganda nito. Ayaw nilang magtiis ng ni katiting na paghihirap at nagnanais sila ng buhay na mapagpalayaw. Labis pa ngang nakakapagod sa mga taong ito ang mabuhay; nagagapos sila ng mga negatibong emosyon. Madalas silang nakakaramdaman ng pagod at pagkalito dahil hindi nila magawa ang gusto nila. Ayaw nilang pangasiwaan ang kanilang nauukol na gawain o harapin ang mga bagay-bagay na nauukol sa kanila. Ayaw nilang manatili sa isang trabaho at paulit-ulit itong gawin mula simula hanggang katapusan, na tratuhin ito bilang sarili nilang propesyon at tungkulin, bilang kanilang obligasyon at responsabilidad; ayaw nilang tapusin ito at makamit ang mga resulta, o na gawin ito sa pinakamataas na pamantayang maaari. Hindi sila kailanman nag-isip nang ganyan. Gusto lang nilang kumilos nang pabasta-basta at na gamitin ang tungkulin nila bilang paraan para kumita ng ikabubuhay. Kapag nahaharap sila sa kaunting kagipitan o sa isang uri ng pagkontrol, o kapag medyo tinaasan ang pamantayang kailangan nilang maabot, o pinagpasan sila ng kaunting responsabilidad, pakiramdam nila ay hindi sila komportable at na napipigilan sila. Umuusbong sa kalooban nila ang mga negatibong emosyong ito, pakiramdam nila ay sobrang nakakapagod mabuhay, at miserable sila. Isang pangunahing dahilan kung bakit pakiramdam nila ay sobrang nakakapagod mabuhay ay dahil walang katwiran ang ganitong mga tao. Napinsala ang kanilang pangangatwiran, ginugugol nila ang buong araw sa pagpapantasya, pamumuhay sa isang panaginip, sa mga ulap, palaging iniisip ang mga pinakamatitinding bagay. Iyan ang dahilan kung bakit napakahirap lutasin ng kanilang pagkapigil. Hindi sila interesado sa katotohanan, sila ay mga hindi mananampalataya. Ang tanging magagawa natin ay ang hingin sa kanila na lisanin ang sambahayan ng Diyos, na bumalik sa mundo at hanapin ang sarili nilang lugar ng kadalian at kaginhawahan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5). Nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos na tumatalakay sa mga “hindi gumaganap sa kanilang mga wastong gawain” o sa mga “tamad” at “walang silbi” labis akong nasaktan at lubos na nabagabag. Ang mga tamad at walang silbi ay ang pinakamababa at pinakabulok na mga tao, ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya at wala silang mga seryosong hangarin. Sila ay hindi maaasahan sa lahat ng kanilang ginagawa, hindi matatag, at walang pagpapahalaga sa responsabilidad. Walang pinagkaiba ang paghahangad ko sa mga walang silbi. Bilang isang lider, ang mga kaisipan ko sa bawat araw ay hindi nakatuon sa kung paano ko gagampanan nang maayos ang aking mga tungkulin o kung paano ko papasanin ang aking mga responsabilidad. Sa halip, palagi kong iniisip kung paano ko mabibigyan ng kaginhawahan at kapanatagan ang aking laman, at sa pinakamaliit na paghihirap, lumalaban ako at hindi ako nasisiyahan. Itinuring ko ang tungkulin ko bilang isang pabigat at hindi ko man lang isinaalang-alang ang mga wastong gampanin ko. Nakita ko na hindi ako mapagkakatiwalaan at wala man lang akong may-takot-sa-Diyos na puso. Maging ang mga walang pananampalataya ay naniniwala sa “walang hirap, walang tagumpay,” at para manatiling buhay, kailangang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga ang isang tao. Subalit hindi ko kayang tiisin ang anumang paghihirap at malakas akong nagrereklamo sa pinakamaliit na abala. Hindi ba’t wala talaga akong silbi? Kung hindi ko binago ang bulok na mentalidad na ito at patuloy kong iniwasan ang wastong gawain na dapat kong gawin, tuluyan na akong matitiwalag. Inililigtas ng Diyos ang mga tapat na nananampalataya sa Kanya, naghahangad sa katotohanan, at responsableng gumaganap sa kanilang mga tungkulin. Ang mga taong ito ay nakatuon sa kanilang mga wastong gawain at ginagampanan nila ang kanilang mga wastong tungkulin, at kahit na ang kanilang mga tungkulin ay nagdudulot sa kanila ng paghihirap o kapaguran, hindi sila nagrereklamo at ginagawa nila ang mga ito nang buong puso. Simula ngayon, gusto kong maging isang taong nakatuon sa kanyang mga wastong tungkulin.

Kalaunan, nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at natagpuan ko ang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang halaga ng buhay ng isang tao? Ito ba ay para lamang sa pagpapakasasa sa laman tulad ng pagkain, pag-inom, at pagpapakaaliw? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? … Sa isang aspekto, ito ay tungkol sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa isa pa, ito ay tungkol sa paggawa ng lahat ng bagay na saklaw ng iyong abilidad at kapasidad sa abot ng iyong makakaya, kahit umabot man lang sa punto kung saan hindi ka inuusig ng iyong konsensiya, kung saan maaaring maging payapa ang konsensiya mo at mapatunayang katanggap-tanggap ka sa paningin ng iba. Dagdag pa rito, sa buong buhay mo, saang pamilya ka man isinilang, anuman ang pinag-aralan mo, o ang iyong kakayahan, dapat mayroon kang pag-unawa sa mga prinsipyo na dapat maunawaan ng mga tao sa buhay. Halimbawa, anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao, paano sila dapat mamuhay, at paano mamuhay nang makabuluhan—dapat mong tuklasin kahit kaunti ang tunay na halaga ng buhay. Hindi maaaring ipamuhay nang walang kabuluhan ang buhay na ito, at hindi maaaring pumarito sa mundong ito ang isang tao nang walang kabuluhan. Sa isa pang aspekto, habang nabubuhay ka, dapat mong tuparin ang iyong misyon; ito ang pinakamahalaga. Hindi ang pagtapos ng isang malaking misyon, tungkulin, o responsabilidad ang pag-uusapan natin, pero kahit papaano, dapat may maisakatuparan ka. … Ang halaga ng buhay ng tao at ang tamang landas na susundin ay kinabibilangan ng pagsasakatuparan ng isang mahalagang bagay at pagtatapos ng isa o maraming trabahong may halaga. Hindi ito tinatawag na propesyon; ito ay tinatawag na tamang landas, at tinatawag din itong wastong gampanin. Sabihin mo sa Akin, sulit ba para sa isang tao na magbayad ng halaga para matapos ang ilang gawain na may halaga, mamuhay nang makabuluhan at may halaga, at hangarin at tamuhin ang katotohanan? Kung talagang ninanais mong hangarin ang pagkanunawa sa katotohanan, na tahakin ang tamang landas sa buhay, na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at mamuhay ng isang mahalaga at makabuluhang buhay, kung gayon, hindi ka mag-aatubiling ibigay ang lahat ng lakas mo, magbayad ng lahat ng halaga, at ibigay ang lahat ng iyong oras at kabuuan ng mga araw mo. Kung nakakaranas ka ng kaunting sakit sa panahong ito, hindi na ito mahalaga, hindi ka nito masisira. Hindi ba’t mas nakahihigit ito sa habambuhay na kaginhawahan, kalayaan, at kawalang-ginagawa, tinutustusan ang pisikal na katawan hanggang sa puntong busog at malusog na ito, at sa huli ay nagkakamit ng mahabang buhay? (Oo.) Alin sa dalawang mapagpipiliang ito ang isang buhay na may halaga? Alin ang makapagbibigay ng kaginhawahan at ng walang pagsisisihan sa mga tao kapag naharap sila sa kamatayan sa pinakahuli? (Ang makapamuhay nang makabuluhan.) Ang makapamuhay nang makabuluhan. Ibig sabihin nito, sa puso mo, may makakamit ka at mabibigyang-ginhawa ka(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 6). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung ano ang dapat hangarin ng mga tao upang magkaroon ng makabuluhan at may halagang buhay. Napakaigsi lang ng buhay, kaya dapat tayong gumawa ng mga makabuluhang bagay sa limitadong oras na ito. Ang paghahangad sa katotohanan at pagganap sa ating mga tungkulin ang tanging mga paraan upang maiwasan nating mabuhay nang walang saysay. Kapag natapos na ang gawain ng Diyos, hindi tayo maiiwan na may mga pagsisisi at pakiramdam ng pagkakautang, at ang mga puso natin ay mapapanatag at mapapayapa. Pinagnilayan ko kung paano ako namuhay noon para sa aking laman. Kahit na ang pinakamaliit na paghihirap o pagkapagod sa mga tungkulin ko ay nagdulot sa akin ng pagkasikil, paglaban at kawalan ng kasiyahan. Namumuhay ako nang walang wangis ng tao, at hindi ko ginagawa nang maayos ang mga tungkulin ko. Ang tanging iniiwan kong bakas ay mga pakiramdam ng pagkakonsensiya at pagkakautang, at sa huli, hindi ko man lang nakamit ang katotohanan. Talagang sinasayang ko ang aking oras! Naisip ko, “Hindi ko na kayang mamuhay nang walang direksyon. Mapalad ako na mayroon akong pagkakataong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ito ay biyaya at pagtataas ng Diyos, at dapat kong pasanin ang mga responsabilidad ko, dapat kong maghimagsik laban sa aking laman at maging isang tao na nakatuon sa kanyang mga wastong tungkulin.” Dala ang mga saloobing ito sa aking isipan, talagang sumigla ang puso ko, at alam ko na kung ano ang hahangarin ko mula noon.

Kalaunan, muli akong nahalal bilang lider ng iglesia, at labis akong nagpasalamat. Pinahalagahan ko rin ang pagkakataong ito at nais kong gampanan nang maayos ang mga tungkulin ko. Nang ako ay maging lider, maraming gawain ang kailangang tapusin araw-araw, at kapag sobra na ang kailangang pangasiwaan sa mga tungkulin ko, nagpapakita pa rin ako ng mga saloobin ng pagsasaalang-alang sa aking laman, at ayaw kong mag-isip nang malalim tungkol sa mga bagay-bagay, ngunit naaalala ko ang mga salita ng Diyos: “Sulit ba para sa isang tao na magbayad ng halaga para matapos ang ilang gawain na may halaga, mamuhay nang makabuluhan at may halaga, at hangarin at tamuhin ang katotohanan? Kung talagang ninanais mong hangarin ang pagkanunawa sa katotohanan, na tahakin ang tamang landas sa buhay, na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at mamuhay ng isang mahalaga at makabuluhang buhay, kung gayon, hindi ka mag-aatubiling ibigay ang lahat ng lakas mo, magbayad ng lahat ng halaga, at ibigay ang lahat ng iyong oras at kabuuan ng mga araw mo. Kung nakakaranas ka ng kaunting sakit sa panahong ito, hindi na ito mahalaga, hindi ka nito masisira(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 6). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng pananalig at lakas, at alam kong hindi na ako pwedeng maging pabaya sa mga tungkulin ko para lang matugunan ang aking laman, at ang pisikal na ginhawa ay pansamantala lamang, ngunit ang hindi paglaan ng lahat aking pagsisikap sa mga tungkulin ko ay magdudulot sa akin ng pagsisisi at pakiramdam ng pagkakautang, at ang mga ito ay mga bagay na hindi kailanman mabubura. Kaya, nagdasal ako sa Diyos para maghimagsik laban sa sarili ko, na nagdulot na maging mas payapa ang puso ko at tumulong sa akin na makipagtulungan nang buong puso. Sinimulan kong isaalang-alang kung paano makakamtan ang mga aktuwal na resulta sa gawain ko, at kapag nahaharap ako sa isang bagay na hindi ko nauunawaan, tinatalakay ko ito sa iba at hinahanap ko ang mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos. Bagama’t ang paggawa sa tungkulin ko sa ganitong paraan ay mas abala, nangangailangan na tumanggap ako ng mas maraming alalahanin, at mas kaunti na ang oras ko para magpahinga, higit na mas marami akong nakamit, at naging mas ganap ang buhay ko. Tumigil na rin akong maging negatibo at masikil nang napakadali. Ang pagbabagong ito sa akin ay resulta ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  35. Paano Tratuhin ang Pag-aaruga at Pagprotekta ng Isang Ama

Sumunod:  39. Hindi Na Ako Nababahala o Nag-aalala Dahil Sa Aking Edad

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger