42. Ako ay Nasilo ng Inggit

Ni Xu Juan, Tsina

Ginawa ko ang tungkulin ng pagdidisenyo ng mga larawan sa iglesia, at kalaunan, napili ako bilang lider ng pangkat. Pagkatapos ng ilang panahon ng pagtutulungan, medyo bumuti ang pag-usad ng gawain sa pangkat, at tumaas din ang kalidad ng mga disenyo. Labis akong pinahalagahan ng lider, at kadalasan ay ako ang kinokonsulta niya tungkol sa mga usapin sa pangkat. Kung nasa masamang kalagayan ang isang sister o wala itong mga teknikal na kasanayan, hinihiling sa akin ng lider na higit na makipagbahaginan at tumulong. Sa ilang pagkakataon, narinig ko rin na pinuri ng lider sa ibang mga pangkat ang kakayahan ko sa gawain, at labis akong nasiyahan, iniisip na mas mahusay ako kaysa sa iba, at na may maayos akong kakayahan.

Noong Agosto 2019, inilipat si Sister Li Wen sa aming pangkat para gawin ang kanyang tungkulin. Sinabi ng lider na medyo mahusay ang kakayahan niya at hiniling sa akin na pagtuunan ko ang paglilinang kay Sister Li Wen. Sa mga sumunod na pakikisalamuha, nakita kong tunay ngang magaling si Li Wen. Minsan, natutukoy niya ang mga isyu sa mga larawan na hindi ko napansin, at talagang makabago at natatangi ang mga suhestiyon niya para sa pag-aayos ng mga larawan. Humanga rin sa kanya ang isa pang sister sa pangkat, si Zhao Ling. Sa puntong ito, nakaramdam ako ng pagkabalisa sa puso ko, iniisip ko, “Kung hindi ako kasinghusay ni Li Wen, sino pa ang hahanga sa akin? Hindi ito maaari. Kailangan kong magsumikap sa teknikal na aspekto ng tungkulin ko.” Pero kahit anong pilit ko, hindi pa rin ako kasinghusay ni Li Wen sa mga teknikal na aspekto, hindi ko rin komprehensibong nakikita ang mga isyu nang kagaya ng nagagawa ni Li Wen. Lubha akong nadismaya. Kalaunan, napansin ko na medyo napapalapit na si Zhao Ling kay Li Wen na hinihingi niya ang tulong ni Li Wen sa anumang isyu, at kapag tinatalakay sa amin ng lider ang mga isyu, madalas na sinasang-ayunan ng lahat ang mga pananaw at suhestiyon ni Li Wen. Pakiramdam ko ay naisantabi na ako. Lalo na noong hinikayat ng lider si Li Wen na mas magsanay noong paalis na siya, sobra akong naging hindi komportable nang marinig ito, iniisip ko, “Hindi ko itinatanggi na may mahusay na kakayahan si Li Wen, pero may binatbat din naman ako! Marami akong nilikhang larawan na napili noon, at may kakayahan din akong lumutas ng mga problema. Bakit hindi ninyo nakikita ang mga bagay na ito?” Sa pag-iisip ng mga bagay na ito, nainggit ako kay Li Wen, iniisip na, “Bago ka dumating, mas pinahahalagahan ako ng lider at ako ang kinokonsulta niya sa lahat ng bagay, pero simula nang dumating ka rito, naisantabi na ako, sinapawan mo ako!” Habang lalo ko itong pinag-iisipan, lalo ko ring nararamdaman na hindi ito patas, at nagsimula akong mamuhi kay Li Wen.

Kalaunan, nakita kong may kaunting alitan sa pagitan ni Li Wen at ng isang host sister, pero hindi ako nagbigay ng anumang pakikipagbahaginan o tulong, at sa halip ay nasiyahan ako sa sitwasyon niya, iniisip na, “Hindi ba’t magaling ka naman sa lahat ng bagay? Hindi ba’t hinahangaan ka ng lahat? Anong nangyari at hindi mo man lang maayos ang ugnayan mo sa host sister na ito?” Minsan, binabanggit ng host sister ang mga nakakairitang personal na kagawian ni Li Wen sa harap namin, at bagaman sinasabi ko sa kanya na tratuhin nang tama si Li Wen, sa loob-loob ko, umaasa ako na magkakaroon siya ng pagkiling laban kay Li Wen, at sa ganoong paraan, hindi iisipin ng mga tao na napakahusay ni Li Wen at hindi na nila siya pahahalagahan nang gayon. Isang araw, kailangan naming magsulat ng isang liham ng komunikasyon tungkol sa mga teknik namin at kailangan din naming baguhin ang ilang larawan. Medyo mahusay ako sa pagsusulat ng mga liham ng komunikasyon, pero nang maisip ko na pinupuri ng lider si Li Wen, nawalan na ako ng ganang magsulat. Naisip ko na ang pagsusulat ng mga liham ay ang kahinaan ni Li Wen, kaya hinayaan kong siya ang magsulat nito. Naisip ko na kung hindi niya ito maisusulat nang maayos, hindi na siya pahahalagahan ng iba. Sa pamamagitan ng pagpapanggap na sinsero ako, sinabi ko kay Li Wen, “Kami ni Zhao Ling ang gagawa sa mga disenyo, at ikaw na ang magsusulat ng liham. Kailangang magsanay ang lahat sa pagiging mahusay sa iba’t ibang gawain, kaya gawin mo lang ang makakaya mo at huwag kang masyadong mapresyur.” Sinabi ni Li Wen na hindi pa siya nakakasulat ng ganitong uri ng liham noon at natatakot siyang mag-aaksaya ito ng oras kung hindi niya ito magagawa nang maayos, pero iginiit kong isulat niya ito. Sa kabuuan, maayos naman ang liham na isinulat niya pero kulang ito ng ilang detalye. Naisip ko, “Paanong hindi ka nahihirapan sa paggawa nito? Sa lagay na ito, masasapawan mo ako sa huli! Dahil may mga pagkukulang sa isinulat mong liham, kailangan kitang pagmukhain na hindi magaling!” Marami akong tinukoy na mga isyu, sinasabi na hindi malinaw ang ilang bahagi at ang iba ay kulang sa detalye. Medyo naging negatibo si Li Wen nang makita niyang napakarami kong tinutukoy na problema. Kalaunan, itinalaga ko kay Li Wen ang ilang mas mahirap na gampanin sa pangkat, sadya akong nagtatangkang pahirapan siya. Minsan, sinasamantala ko ang anumang maliit na katiwaliang ibinubunyag ni Li Wen at pagkatapos ay binabatikos ko siya kay Zhao Ling, sinasabi na napakayabang niya, at na hindi niya mapigilan ang kanyang mga nakakairitang personal na kagawian at kaya ayaw sa kanya ng host sister. Dahil dito, nagkaroon ng pagkiling laban kay Li Wen si Zhao Ling. Lubha nang napigilan at naging negatibo si Li Wen, at gusto niyang lumipat sa ibang pangkat para gawin ang kanyang tungkulin. Nang makita kong naging sobrang negatibo si Li Wen, bigla akong nakonsensiya, iniisip ko, “Naging masyado ba akong malupit sa kanya?” Pero naisip ko, “Kung hindi ko ito gagawin, paano ako magkakaroon ng posisyon sa pangkat? Sino ang magbibigay-pansin sa akin? Baka manganib pa nga ang posisyon ko bilang lider ng pangkat.” Napawi ang pagkakonsensiya ko dahil sa mga kaisipang ito. Kalaunan, sa pagbabahagi at tulong ng lider, bumuti ang kalagayan ni Li Wen. Samantala, nanatili akong nilalamon ng inggit at hindi ko magawang makipagtulungan kay Li Wen. Kalaunan, dalawang buwan akong nagkaroon ng pananakit sa ngipin, at kahit anong gamot ang ininom ko, walang gumana. Pinaalalahanan ako ng mga sister na magnilay sa sarili ko, pero patuloy lang akong naghahanap ng mga panlabas na dahilan. Pagkatapos, inilantad ako ng lider dahil sa sobrang pag-aalala sa reputasyon at katayuan, sa pagbubukod sa iba, sa hindi maayos na pakikipagtulungan sa iba, sa pagsadlak sa pangkat sa kaguluhan, at sa hindi pagkakaroon ng resulta sa gawain sa loob ng ilang buwan. Sinabi niya na sumusunod ako sa landas ng isang anticristo, at tinanggal ako. Tumagos sa puso ko ang mga saita niya at nabagabag ako. Napagtanto ko na nakagawa ako ng kasamaan at iyak lang ako nang iyak. Pakiramdam ko, ang labis kong pag-aalala sa reputasyon at katayuan ay nangangahulugan na hindi ako ililigtas ng Diyos, kaya sinukuan ko ang sarili ko. Kalaunan, ibinahagi ni Zhao Ling ang mga karanasan niya at tinulungan ako, hinihikayat akong huwag sumuko at sinasabi sa akin na dapat kong hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema ko.

Isang gabi, sa aking mga debosyonal, narinig ko ang isang himno ng salita ng Diyos na tinatawag na “Ang Paninindigang Kinakailangan sa Paghahanap ng Katotohanan” na talagang nakaantig sa akin. Sabi ng Diyos: “Kailangang mayroon ka ng pagkaunawang ito: ‘Anuman ang mararanasan ko, ang lahat ng ito ay mga aral na dapat kong matutunan sa aking paghahangad sa katotohanan—isinaayos ang mga ito ng Diyos. Maaaring mahina ako, pero hindi ako negatibo, at nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong matutunan ang mga aral na ito. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagsasaayos ng sitwasyong ito para sa akin. Hindi ko pwedeng bitiwan ang aking determinasyon na sundan ang Diyos at kamtin ang katotohanan. Kung bibitiwan ko ang aking determinasyon, katulad lang iyon ng pagsuko kay Satanas, pagpapahamak sa aking sarili, at pagkakanulo sa Diyos.’ Ito ang uri ng kapasyahan na dapat mayroon ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya). Paulit-ulit kong kinakanta ang awiting ito sa isipan ko habang namumuo ang luha sa mga mata ko. Pakiramdam ko, ang pagkakatanggal at ang matinding paglalantad sa akin ng lider ay nagmula sa Diyos, at na ito ay pagmamahal at pagliligtas ng Diyos sa akin. Lubha akong naging manhid at matigas ang kalooban, mapagmatigas na naghahangad ng reputasyon at katayuan, at sumusunod sa landas ng isang anticristo. Napakatagal kong nagkaroon ng pananakit sa ngipin, at binigyan din ako ng mga sister ng mga paalala at tulong, pero hindi ko naisip na magsisi. Puno ako ng mga kaisipan ng kung paanong ang paghanga ng iba kay Li Wen ay nangangahulugang napapabayaan ako, at nabulag ako ng aking pagnanais para sa reputasyon at katayuan, na naging dahilan para mamuhi ako at magkaroon ng pagkiling kay Li Wen, gumawa ng mga bagay na nakakasakit sa kanya, at isadlak ang pangkat sa kaguluhan. Pero hindi ako nagnilay at sa halip ay sinukuan ko ang sarili ko, nang may maling pagkaunawa na hindi na ako ililigtas ng Diyos. Hindi ba’t binabaluktot ko ang layunin ng Diyos? Tunay na wala akong pagkaunawa sa puso ng Diyos. Hindi ko talaga kilala ang sarili ko! Nang mapagtanto ko ito, tunay akong nakaramdam ng pagkakautang sa Diyos, at na kung hindi dahil sa pagsasaayos ng Diyos ng mga sitwasyong ito para kastiguhin at disiplinahin ako, hindi ko sana pagninilayan ang sarili ko, at patuloy akong tatahak sa maling landas. Hindi ako puwedeng patuloy na magkamali ng pag-unawa sa Diyos, at gusto kong kumain at uminom nang maayos sa mga salita Niya para ayusin ang kalagayan ko.

Pagkatapos, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na direktang nauugnay sa kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging mapaminsala! Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga pagnanais, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila. Kung talagang kaya mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang sumailalim sa pagsasanay at gumampan ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin niyon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng katapatan sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang inilantad ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Naiinggit ako sa mga kakayahan ng iba at may masama akong disposisyon. Napakahalaga ng gawain ng pagdidisenyo, at nangangailangan ito ng pagtutulungan ng mga taong makabago at may kabatiran. Sa pamamagitan nito, napapahusay ang pagiging epektibo ng mga disenyo. Pero hindi kami gaanong makabago ni Zhao Ling, samantalang si Li Wen ay nangunguna sa aspektong ito, na nagkataong pumupuno sa mga pagkukulang namin. Nakakabuti ito sa gawain, at dapat sana ay natutuwa ako na may taong katulad niya sa iglesia. Pero hindi ganoon ang inisip ko. Dahil sa paghahangad ko ng reputasyon at katayuan, palagi akong naiinggit kay Li Wen. Nang malaman kong mas mahusay ang kakayahan niya kaysa sa akin at na pinahahalagahan siya ng lider, natakot akong masapawan niya ako at naging determinado akong higitan siya, pero nagulat ako nang kahit anong pilit ko, hindi ko pa rin siya mapantayan. Pero ayaw kong tumanggap ng pagkatalo, kaya sinimulan kong pahirapan si Li Wen, hinahanapan siya ng butas at sadyang ipinapahiya siya. Sinamantala ko pa nga ang katiwaliang ibinunyag ni Li Wen para husgahan at maliitin siya habang nakatalikod siya, nagsasanhing hindi na siya pahalagahan ng mga tao. Nakita ko na tunay akong mapaminsala, at na wala akong katwiran na taglay ng mga normal na tao! Ang isang taong may normal na pagkatao at katwiran ay hindi gagawa ng mga bagay para makapinsala sa iba. Ang gayong tao ay matapat, nagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at may pusong nakalaan sa Kanya, at magiging masaya siyang makita ang isang tao na nakikipagtulungan sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Pero hindi lang ako nabigong itaguyod ang gawain, bagkus, ginulo at sinira ko pa ito. Lubhang kasuklam-suklam para sa Diyos ang mga kilos at pag-uugali ko, at tunay akong hindi karapat-dapat na tawaging tao!

Pagkatapos, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Isa sa mga pinakahalatang katangian ng diwa ng isang anticristo ay sinosolo niya ang kapangyarihan at pinapatakbo ang mga sarili niyang diktadurya: Hindi siya nakikinig sa sinuman, hindi niya iginagalang ang sinuman, at anuman ang mga kalakasan ng mga tao, o anumang tamang pananaw at matalinong opinyon ang ipinapahayag ng mga ito, o anuman ang mga naaangkop na pamamaraan ang inilalatag ng mga ito, hindi niya pinapansin ang mga iyon; ito ay para bang walang sinuman ang kalipikadong makipagtulungan sa kanya, o makibahagi sa anumang ginagawa niya. Ito ang uri ng disposisyong mayroon ang mga anticristo. Sinasabi ng ilan na ito ay pagiging masamang uri ng pagkatao—pero paanong ito ay pangkaraniwang masamang uri ng pagkatao? Ito ay ganap na isang satanikong disposisyon; at ang gayong disposisyon ay napakalupit. Bakit Ko sinasabing ang kanilang disposisyon ay napakalupit? Kinakamkam ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay sila dapat ang namamahala, at hindi nila pinapayagan ang sinuman na makialam dito. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang reputasyon at katayuan. … Higit pa rito, ang mga anticristo ay madalas na gumagawa ng mga kasinungalingan at binabaluktot ang mga katunayan sa mga kapatid, minamaliit at kinokondena ang mga tao na nakapagsasalita ng kanilang patotoong batay sa karanasan. Anuman ang gawain ng mga taong iyon, naghahanap ang mga anticristo ng mga dahilan para ihiwalay at sugpuin sila, at na mapanghusga sa kanila, sinasabing mayabang at mapagmagaling sila, na gusto nilang magpakitang-gilas, at na nagkikimkim sila ng mga ambisyon. Sa katunayan, ang mga taong ito ay may kaunting patotoong batay sa karanasan at nagtataglay ng kaunting katotohanang realidad. Medyo mabuti ang pagkatao nila, may konsensiya at katwiran, at kayang tumanggap ng katotohanan. At kahit na mayroon silang ilang pagkukulang, kahinaan, at paminsan-minsang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, kaya nilang magnilay sa kanilang sarili at magsisi. Ang mga taong ito ang mga ililigtas ng Diyos, at may pag-asa na magagawang perpekto ng Diyos. Sa kabuuan, ang mga taong ito ay angkop sa paggawa ng isang tungkulin. Natutugunan nila ang mga hinihingi at prinsipyo sa paggawa ng isang tungkulin. Ngunit iniisip ng mga anticristo, ‘Hindi ko talaga matitiis ang ganito. Nais mong magkaroon ng papel sa aking nasasakupan, upang makipagpaligsahan sa akin. Imposible iyon; huwag na huwag kang magtatangka. Mas edukado ka kaysa sa akin, mas matatas magsalita kaysa sa akin, mas sikat kaysa sa akin, at mas masikap mong hinahangad ang katotohanan kaysa sa akin. Kung makikipagtulungan ako sa iyo at inagaw mo ang atensyon mula sa akin, ano na lang ang gagawin ko?’ Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Ano ang iniisip nila? Iniisip lamang nila kung paano kakapit sa sarili nilang katayuan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Napakalinaw ng mga salita ng paglalantad ng Diyos. Labis na pinahahalagahan ng mga anticristo ang katayuan at hindi sila pumapayag na mahigitan sila ng iba. Sa sandaling may isang taong makahigit sa kanila at magbanta sa katayuan nila, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para batikusin at ibukod ang taong iyon, hindi sumusuko hangga’t hindi nila ito tuluyang napapabagsak. Tunay itong mapaminsala! Isinasaalang-alang lang ng mga anticristo kung paano maprotektahan ang kanilang katayuan at hindi nila kailanman iniisip ang tungkol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kahit na mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o masaktan ang mga kapatid, nananatili silang walang pakialam. Ang paggampan ko ay angkop din sa paglalarawang ito. Nakita ko na si Li Wen ay may mahusay na pag-arok, mabilis na umuusad, at kayang magbigay ng mga natatanging kabatiran, at na natanggap niya ang pagsang-ayon ng lider at ng katuwang na sister, kaya nag-alala ako na mawala ang katayuan ko at napoot ako kay Li Wen. Naniwala ako na sinapawan niya ako, kaya nagsimula akong ibukod siya. Sadya ko siyang pinahirapan para magmukha siyang hindi magaling, at hinusgahan ko rin siya habang nakatalikod siya, hinihimok ang host sister at si Zhao Ling na pumanig sa akin sa pagbubukod at pagpupuntirya kay Li Wen. Gusto ko siyang itulak sa pagkanegatibo at pagkatapos ay sipain siya palabas ng aking “teritoryo.” Nakita ko na tunay akong imoral at taksil! Kinokontrol ako ng mga satanikong lason ng “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa” at “Isa lang ang lalaking maaaring manguna.” Hindi ko kayang magparaya sa sinuman, at kinamumuhian o kinainggitan ko ang sinuman na natutuklasan kong mas magaling kaysa sa akin, gumagamit pa nga ako ng mga pakana para pahirapan sila, hindi sumusuko hanggang sa maging negatibo at bumagsak silang talunan. Sa pagbabalik-tanaw ngayon, namuhay ako ayon sa mga satanikong lason na ito at nagtaglay ako ng lubhang mayabang at mapaminsalang disposisyon. Sa mga salita at kilos ko, hindi ko kailanman isinaalang-alang man lang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Paanong naiiba ang disposisyon kong ito sa isang anticristo?

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa kalikasan at mga kahihinatnan ng mga kilos ko na nagpoprotekta sa aking mga interes at gumugulo sa gawain ng iglesia. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung palagi mong guguluhin, gagambalain, at sisirain ang mga bagay na gustong ipagtanggol ng Diyos, kung palagi mong hahamakin ang mga bagay na ito, at palagi kang may mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa mga ito, kung gayon ay tinututulan mo ang Diyos at kinokontra mo Siya. Kung hindi mo itinuturing na mahalaga ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at palagi mong gustong sirain ang mga ito, at palagi mong gustong magsanhi ng pagkawasak, o palaging gustong makinabang mula sa mga ito, manloko, o mangupit, magagalit ba ang Diyos sa iyo? (Oo.) Ano ang mga kahihinatnan ng galit ng Diyos? (Parurusahan kami.) Tiyak iyan. Hindi ka patatawarin ng Diyos, talagang hindi! Dahil ang ginagawa mo ay gumigiba at sumisira sa gawain ng iglesia, at ito ay salungat sa gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang malaking kasamaan, ito ay pakikipagtunggali sa Diyos, at ito ay isang bagay na direktang sumasalungat sa disposisyon ng Diyos. Paanong hindi magagalit ang Diyos sa iyo? Kung ang ilang tao, dahil sa mahina ang kakayahan nila, ay hindi mahusay sa gawain nila at hindi sinasadyang nakakagawa ng mga bagay na nagsasanhi ng pagkagambala at kaguluhan, maaari itong mapatawad. Gayumpaman, kung dahil sa sarili mong mga personal na interes ay nasasangkot ka sa inggit at alitan at sadya kang gumagawa ng mga bagay na gumagambala, gumugulo, at sumisira sa gawain ng sambahayan ng Diyos, itinuturing itong isang kusang paglabag, at isang bagay ito ng pagsalungat sa disposisyon ng Diyos. Patatawarin ka ba ng Diyos? Ginagawa ng Diyos ang Kanyang 6,000-taong plano ng pamamahala, at inilalaan dito ang lahat ng puspusang pagsisikap Niya. Kung may isang taong kumokontra sa Diyos, sadyang pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at sadyang naghahangad ng mga personal niyang interes at personal niyang katanyagan at katayuan kapalit ang pamiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi nag-aalinlangang sirain ang gawain ng iglesia, na nagsasanhi ng pagkahadlang at pagkasira ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at na gumagawa pa nga ng napakalaking materyal at pinansiyal na pinsala sa sambahayan ng Diyos, sa palagay ba ninyo ay dapat patawarin ang ganitong mga tao? (Hindi, hindi dapat.) … Ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at paghahangad ng sariling mga interes—pakikipagtulungan ito kay Satanas sa paggawa ng kasamaan, at pagkontra ito sa Diyos. Para hadlangan ang gawain ng Diyos, naglalagay si Satanas ng iba’t ibang sitwasyon para tuksuhin, guluhin, at ilihis ang mga tao, at para pigilan ang mga tao na sumunod sa Diyos, at pigilan silang magpasakop sa Diyos. Sa halip, nakikipagtulungan sila kay Satanas at sinusunod ito, sadyang tumitindig para guluhin at sirain ang gawain ng Diyos. Gaano man magbahagi ang Diyos tungkol sa katotohanan, hindi pa rin sila natatauhan. Gaano man sila pungusan ng sambahayan ng Diyos, hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi talaga sila nagpapasakop sa Diyos, sa halip ay iginigiit nilang masunod ang kagustuhan nila at gawin ang mga bagay ayon sa nais nila. Bilang resulta, ginugulo at sinisira nila ang gawain ng iglesia, lubha silang nakakaapekto sa pag-usad ng iba’t ibang gawain ng iglesia, at nagdudulot ng napakalaking pinsala sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Napakalaki ng kasalanang ito, at tiyak na parurusahan ng Diyos ang mga gayong tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay parang inilalantad ako ng Diyos nang harap-harapan. Tumagos sa puso ko ang mga salita Niya at talagang natakot ako. Dahil alam kong kayang lumikha ni Li Wen ng mas marami at mas magagandang disenyo na makakabuti sa gawain ng iglesia, bukod sa hindi ko siya sinuportahan at itinaguyod ang gawaing ito, patuloy ko rin siyang ibinubukod at sinasamantala ang mga pagkukulang niya para sadyang pahirapan at ibukod siya. Nagresulta ito sa pagkalugmok ni Li Wen sa negatibong kalagayan at kawalan niya ng kakayahang magawa nang normal ang kanyang tungkulin. Lubha ring naapektuhan ang gawain sa pangkat, walang ibinubungang mga resulta sa loob ng ilang buwan. Ang ginawa ko ay pahinain, guluhin, at sirain ang gawain ng iglesia. Ito ay pagkontra sa Diyos at pagpapagalit sa Kanyang disposisyon. Naalala ko kung paanong nainggit si Saul kay David. Pinahiran ng Diyos si David, at umasa si David sa Diyos na si Jehova para magkamit ng mga tagumpay at makuha ang suporta ng mga Israelita. Hindi kayang magparaya ni Saul sa kanya, at pakiramdam nito, kung nandiyan si David, hindi nito mapapanatili ang trono nito, kaya, walang humpay na tinugis ni Saul si David, sinusubukang patayin ito, ngunit dahil sa proteksiyon ng Diyos, hindi mapinsala ni Saul si David, at sa huli, namatay si Saul sa lugar ng digmaan. Ang mga kilos ko ay halos kapareho ng kay Saul. Gumamit ako ng panlalansi para protektahan ang reputasyon at katayuan ko, at ibinukod at pinahirapan ko si Li Wen, na nagresulta sa pamumuhay niya sa isang negatibong kalagayan at kawalan ng motibasyon na gawin ang kanyang tungkulin, hanggang sa puntong ginusto pa nga niyang lisanin ang pangkat. Sa pagbabalik-tanaw, bagaman maaaring mukhang sinisikap ko lang na gawing mahirap ang buhay ni Li Wen, sa realidad, sinisira ko ang gawain ng iglesia at kinokontra ang Diyos! Epektibo si Li Wen sa kanyang tungkulin, pero sinubukan kong gamitin ang lahat ng panlalansing maisipan ko para ibukod siya, at nasiyahan ako nang maitulak ko siya palabas. Ito ay paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Hindi ba’t ito ang kilos ng isang diyablo at isang Satanas? Kinilabutan ako sa kaisipang ito. Hindi ko akalain na sobrang mapaminsala ang disposisyon ko. Sa pagbabalik-tanaw ngayon, ang pagkakatanggal sa akin ay tunay ngang pagiging matuwid ng Diyos! Nang sandaling iyon, napaluha ako nang may pagsisisi, at kinamuhian ko ang aking sarili dahil sa lubhang kawalan ko ng pagkatao! Nagdasal ako sa Diyos nang may pagsisisi, handang lubusang ituwid ang mga dati kong pagkakamali.

Kinabukasan, habang nagdedebosyonal ako, nagbasa ako ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan na isinulat ng mga kapatid tungkol sa mga karanasan nila sa paglutas ng inggit, at nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Diyos: “Hindi magkapareho ang mga tungkulin. May isang katawan. Bawat isa’y ginagawa ang kanyang tungkulin, bawat isa’y nasa kanyang lugar at ginagawa ang kanyang buong makakaya—para sa bawat siklab may isang kislap ng liwanag—at naghahangad na lumago sa buhay. Sa gayon Ako ay masisiyahan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 21). “Kailangan mong matutunang bitiwan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling samantalahin ang mga pagkakataong mamukod-tangi at mapansin. Kailangan mong maisantabi ang mga bagay na ito, ngunit kailangan mo ring hindi maantala ang pagganap ng iyong tungkulin. Maging isa kang taong gumagawa nang hindi napapansin, at hindi nagpapasikat sa iba habang may pagkamatapat mong mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Habang lalo mong binibitiwan ang iyong pagpapahalaga sa sarili at katayuan, at habang lalo mong binibitiwan ang sarili mong mga interes, lalo kang makadarama ng kapayapaan, lalong magkakaroon ng liwanag sa puso mo, at lalong bubuti ang kalagayan mo. Kapag lalo kang nagpupumilit at nakikipagkumpitensya, lalong didilim ang kalagayan mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa pakikipagtuwangan kay Li Wen sa mga tungkulin namin, may katotohanan na kailangan kong isagawa. Kailangan kong tumayo nang maayos sa aking posisyon at isantabi ang mga kaisipan ko tungkol sa mga pakinabang at kawalan sa aking mga interes, at kailangan kong matutunang itaguyod ang gawain ng iglesia at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Ang kakayahan ng isang tao ay itinakda ng Diyos at hindi niya mismo mababago. Gaya na lang ni Li Wen, na may matalas na pang-unawa at kabatiran, ang mga pananaw niya at ang mga disenyong ginawa niya ay makabago at malikhain, at siya ang tipo ng tao na may mahusay na kakayahan. Dahil katamtaman lang ang kakayahan ko, at hindi ako makabago kagaya ni Li Wen, kaya, gaano man ako makipagkompetensiya sa kanya, hindi ko siya kayang higitan. Ang pagkaepektibo na mayroon ako noon sa aking gawain ay pawang dahil sa patnubay ng Diyos at sa mga resultang nakamit sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga kapatid, hindi dahil sa matibay kong kapabilidad sa gawain o sa kakayahan ko. Pero hindi ko pinasalamatan ang Diyos sa Kanyang patnubay. Sa halip, iniugnay ko sa sarili ko ang mga resultang ito, ipinagmamalaki ko na mayroon akong mahusay na kakayahan at na isa akong taong may talento. Tunay na wala akong kahihiyan! Kung hindi dahil sa pagkakatanggal na ito, at sa matinding pagpupungos mula sa lider, makikipagkompetensiya pa rin ako kay Li Wen para sa reputasyon at katayuan, at sa huli, hindi ko man lang malalaman kung bakit ako itiniwalag! Ngayon, napagtanto ko na ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay walang anumang halaga. Kung iisipin, ano ba ang ikinabuti kung pinahahalagahan ako ng iba? Minsan akong nakatanggap ng paghanga at pagsuporta mula sa iba, pero pansamantalang kaluwalhatian at pagmamalaki lang iyon. Hindi nagbago kahit kaunti ang tiwali kong disposisyon, at nakikipagkompetensiya pa rin ako para sa kasikatan at pakinabang. Sa huli, naging sobrang manhid na ako na kahit tinutukoy ng mga sister ko ang mga kamalian na nasa mismong harapan ko, hindi ko napagtanto na kailangan kong pagnilayan ang sarili ko. Nakita ko na nabulag ako ng reputasyon at katayuan. Tunay akong naging hangal! Nakipaglaban ako para sa walang kuwentang reputasyon at katayuan, at nag-iwan ng malulubhang pagsalangsang sa harap ng Diyos. Nawalan ako ng napakaraming pagkakataon na makamit ang katotohanan. Walang kuwenta talaga ito! Isinaayos ng iglesia na magkasama naming gawin ni Li Wen ang aming mga tungkulin, nang sa gayon ay magawa naming magtulungan nang maayos at mailabas ang mga kalakasan namin. Katulad lang ito ng sinasabi ng Diyos: “Bawat isa ay gumagawa ng kanyang tungkulin” at “para sa bawat siklab may isang kislap ng liwanag(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 21). Kapag sama-sama tayong nagsisikap para gawin ang ating mga tungkulin nang maayos at palugurin ang Diyos, nagkakaroon ng kasiyahan ang puso ng Diyos. Sa pagninilay-nilay ko rito, nakahinga talaga ako nang maluwag. Sa pamamagitan ng pagbitiw ko sa aking inggit, labis na naging payapa at panatag ang pakiramdam ko sa puso ko.

Pagkatapos ng mahigit isang buwan ng mga debosyonal at pagninilay-nilay, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili ko, at pagkatapos, isinaayos ng lider na muli kong gawin ang mga tungkulin ko kasama sina Li Wen at ang iba pa. Alam kong ito ay awa ng Diyos, at na binibigyan Niya ako ng pagkakataon na magsisi, at tunay akong nagpapasalamat sa Diyos! Noong panahong iyon, si Li Wen ang lider ng pangkat, at kinokonsulta siya ng lider tungkol sa lahat ng usapin. Medyo hindi ako komportable. Napagtanto ko na muli na namang sumisiklab ang inggit ko, kaya, agad akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Diyos na bantayan ako at tulungan akong isagawa ang katotohanan at bitiwan ang aking inggit sa sister ko. Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ano ang inyong mga prinsipyo sa inyong pag-uugali? Dapat kayong umasal ayon sa inyong puwesto, hanapin ang tamang lugar para sa inyo, at gawin nang mabuti ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan; ito lamang ang taong may katwiran. Bilang halimbawa, may mga taong mahuhusay sa mga partikular na propesyunal na kasanayan at may pagkaunawa sa mga prinsipyo, at dapat nilang akuin ang responsabilidad at gawin ang panghuling pagsisiyasat sa larangang iyon; may mga taong makapagbibigay ng mga ideya at malilinaw na pagkaunawa, nagiging inspirasyon sa iba at tinutulungan silang mapabuti ang kanilang mga tungkulin—sa gayon ay dapat silang magbigay ng mga ideya. Kung matatagpuan mo ang tamang lugar para sa iyo at makagagawa nang tugma sa iyong mga kapatid, tinutupad mo ang iyong tungkulin—ito ang ibig sabihin ng pag-asal nang ayon sa posisyon mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Dahil mas magaling ang mga teknikal na kasanayan ni Li Wen at makabago at malikhain ang mga komposisyon niya, at bilang isang lider ng pangkat ay kaya niyang pamunuan ang gawain ng pangkat, kailangan kong makipagtulungan nang maayos sa kanya at gawin nang maayos ang mga tungkulin namin. Isang katunayan na hindi ako kasinghusay ni Li Wen sa teknikal na kasanayan, at kaya, dapat kong tratuhin nang tama ang mga pagkukulang ko at hindi mainggit sa kanya. Itinakda ng Diyos ang kakayahan ko, at dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos, dapat matuto akong magpasakop, at mag-ambag ng kalakasan ko. Ito ang tungkulin at responsabilidad ko. Ang hindi pakikipagtulungan nang maayos kay Li Wen noon ay nagsanhi ng mga kawalan sa gawain ng iglesia, pero binigyan ako ng Diyos ng isa pang pagkakataon, na dapat kong pahalagahan, at hindi na ako dapat gumawa ng anumang bagay na makakagambala o makakasira. Sa ganitong pag-iisip, nagawa kong bitiwan nang kaunti ang inggit ko kay Li Wen. Sa paglipas ng panahon sa aming pagtutulungan, nagbahagi ako sa abot ng aking nauunawaan, at tinanggap ko ang magagandang suhestiyon na inilatag ni Li Wen. Sa ganitong paraan, nagkaisa ang puso at isip namin, nagtulungan kami nang maayos, at humusay ang pagiging epektibo ng mga tungkulin namin. Nagkaroon din ako ng kaunting pag-usad sa aking buhay pagpasok at sa mga teknikal na kasanayan ko. Nagawa kong kumawala sa mga gapos ng inggit at makipagtulungan nang maayos sa sister ko. Ito ang resulta ng paggawa ng mga salita ng Diyos sa akin. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  41. Hindi na Ako Nag-aalala o Nababahala Tungkol sa Karamdaman

Sumunod:  43. Pagbangon Mula sa Anino ng Pagpanaw ng Aking Anak

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger