44. Mali na Igiit ang Iyong Katagalan sa Posisyon Habang Gumagampan ng mga Tungkulin
Martes, Marso 28, 2023
Kaninang umaga, nakatanggap ako ng liham mula sa mga nakatataas na lider, ipinababatid sa akin na si Xin Ran ay bagong nahalal bilang lider ng distrito. Matapos basahin ang liham, ilang sandali akong hindi mapakali, nag-iisip na, “Ilang buwan pa lang naging lider ng iglesia si Xin Ran. Dati kong sinusubaybayan ang gawain niya, at alam kong medyo kulang pa ang mga kakayahan niya sa gawain. Ngayon, bigla na lang siyang nangangasiwa sa gawain ng buong distrito—hindi ba’t napakabilis nito? May mabuting pagkatao si Xin Ran at nakatuon siya sa kanyang buhay pagpasok, kaya karapat-dapat siyang linangin, pero hindi pa gaanong mahusay ang kanyang kakayahan sa gawain. Paano niya mapamamahalaan ang gawain ng buong distrito? Maraming taon na akong naging lider ng iglesia. Ngayon, may isang tao na naging mananampalataya sa mas maikling panahon at mayroong mas kaunting karanasan sa pamumuno ang mangangasiwa sa gawain ko. Hindi ba’t pinagmumukha nitong wala akong kakayahan?” Habang lalo ko itong pinag-iisipan, lalong ayaw ko itong tanggapin, at talagang hindi ako nasiyahan. Pero naalala ko na ang lahat ng nararanasan natin araw-araw ay pinahihintulutan ng Diyos, at ang tungkulin ni Xin Ran ay nasa loob ng pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi ko ito dapat tingnan mula sa sarili kong perspektiba. Sa halip, dapat muna akong magpasakop.
Lunes, Abril 10, 2023
Sa nakalipas na dalawang araw, sumulat si Xin Ran para subaybayan ang gawain ng ebanghelyo, sinusubukang unawain ang ilang problema sa gawain ko at nagbabahagi kung paano mababago ang mga bagay-bagay. Habang binabasa ang sulat niya, hindi ako naging komportable at talagang ayaw ko siyang sagutin. Naisip ko, “Mahigit isang dekada na akong nasa pamumuno sa iglesia. Alam ko kung paano subaybayan ang gawain. Hindi ko kailangan ang patnubay mo! Wala pang isang taon kang nagsasanay sa pagiging lider, at ngayon ay sinusubukan mong patnubayan ang gawain ko? Pamilyar na ako sa mga pamamaraang ibinahagi mo.” Napagtanto ko na ang ibinubunyag ko ay isang mapagmataas na disposisyon, iniisip na: Kung patuloy akong mamumuhay sa ganitong mapagmataas na disposisyon, nakararamdam ng pagsuway at kawalang kasiyahan sa pagsubaybay ni Xin Ran sa gawain ko hindi ba’t magiging pabigat iyon sa kanya? Naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at intindihin ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag sumapit sa akin ang mga bagay-bagay, hindi ako maaaring mamuhay ayon sa aking tiwaling disposisyon. Dapat kong higit na isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at gawin ang anumang makabubuti sa gawain ng iglesia. Kung mamumuhay ako sa aking mapagmataas na disposisyon at hindi ko sasagutin ang mga liham ni Xin Ran, hindi niya maaarok ang sitwasyon ng gawain ko, na magpapahirap sa kanyang karagdagang pagsubaybay. Bukod pa rito, maaari itong maging pabigat sa kanya at makaapekto sa kanyang kalagayan na madaling makagagambala at makagugulo sa gawain ng iglesia. Ang pagsubaybay at pangangasiwa sa gawain ay tungkulin ni Xin Ran, at dapat akong makipagtulungan sa kanya sa pamamagitan ng agarang pagsagot tungkol sa sitwasyon ng gawain ng ebanghelyo.
Biyernes, Mayo 12, 2023
Ngayong hapon, sa isang talakayan tungkol sa gawain ng ebanghelyo, tinukoy ni Xin Ran na nakatutok lang ako sa mga pangkalahatang gampanin kamakailan, hindi sumusubaybay sa gawain ng ebanghelyo, at lumihis sa pangunahin kong tungkulin. Batid ko ang isyung tinukoy niya, at alam kong tunay ngang problema ito sa gawain ko, pero talagang hindi ako naging komportable nang marinig kong tinukoy niya ito. Naisip ko, “Naging lider ka pa lang sa maikling panahon, nang hindi iniingatan ang pride ko. Naibuod ko na ang paglihis na ito sa dati kong ulat sa gawain. Mas matagal na akong responsable sa gawain ng ebanghelyo Hindi mo na kailangang sabihin sa akin ang tungkol sa paglihis na ito—itatama ko ito nang mag-isa mga susunod na araw!” Pagkatapos noon, habang nagpapatuloy si Xin Ran sa pakikipagbahaginan, tumuon ako sa sarili kong mga gampanin, ganap na hindi nakikilahok sa komunikasyon. Naging medyo nakakaasiwa ang kapaligiran, at nakaapekto ito sa pagiging epektibo ng pulong. Ngayong gabi, ibinahagi ni Xin Ran ang tungkol sa kalagayan niya, sinasabi na nakaramdam siya ng sama ng loob nang walang tumugon sa mga salita niya, kaya’t pinagdududahan niya tuloy ang kakayahan niyang gawin ang trabaho. Nang marinig ito, medyo nakonsensiya ako. Alam kong hindi tinutukoy ni Xin Ran ang mga paglihis at problema sa gawain ko dahil sa masamang hangarin, kundi para tulungan akong maagap na baguhin ang mga paglihis, nang hindi naaantala ang gawain ng ebanghelyo. Pero bakit sobra kong nilalabanan ito? Kung isang nakatataas na lider o ang mga kapatid na katuwang ko ang tumutukoy sa mga isyu ko, hindi magiging ganito ang reaksiyon ko. Bakit ako nagkimkim ng mapanlaban na saloobin kay Xin Ran? Ano ang pinakadahilan ng pagbubunyag ko ng gayong katiwalian?
Natagpuan ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa anong batayan pinagpapasyahan ng mga tao ang antas ng sarili nilang mga kwalipikasyon? Sa kung ilang taon na nilang nagagampanan ang isang partikular na tungkulin, sa kung gaano karaming karanasan na ang kanilang natamo, hindi ba? At dahil sa ganitong sitwasyon, hindi ba kayo unti-unting magsisimulang mag-isip ayon sa tagal ng panunungkulan? Halimbawa, maraming taon nang naniwala sa Diyos ang isang partikular na brother at matagal na siyang nakaganap sa tungkulin, kaya siya ang pinaka-kwalipikadong magsalita; may isang partikular na sister na hindi pa gaanong matagal dito, at bagama’t may kaunti siyang kakayahan, wala siyang karanasan sa pagganap sa tungkuling ito, at hindi pa natatagalan ang paniniwala niya sa Diyos, kaya siya ang pinakamababa ang kwalipikasyon para magsalita. Ang taong pinaka-kwalipikadong magsalita ay iniisip na, ‘Dahil mas matagal na ako sa tungkulin, ibig sabihin ay pasado sa pamantayan ang pagganap ko sa aking tungkulin, at nakarating na sa tugatog ang aking paghahangad, at wala na akong dapat pagsumikapan o pasukin pa. Nagampanan ko nang maayos ang tungkuling ito, humigit-kumulang ay nakumpleto ko na ang gawaing ito, nasisiyahan na ang Diyos.’ At sa ganitong paraan nagsisimula silang makampante. Nagpapahiwatig ba ito na nakapasok na sila sa katotohanang realidad? Hindi na sila umuunlad. Hindi pa rin nila natatamo ang katotohanan o ang buhay, subalit iniisip nila na lubha silang kwalipikado, at nagsasalita ayon sa tagal ng kanilang panunungkulan, at naghihintay ng gantimpala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang pagbubunyag ng mayabang na disposisyon? Kapag hindi ‘lubhang kwalipikado’ ang mga tao, alam nila na dapat silang mag-ingat, ipinapaalala nila sa kanilang sarili na huwag magkamali; kapag naniwala na sila na lubha silang kwalipikado, nagiging mayabang sila, at nagsisimulang maging mataas ang tingin nila sa sarili, at malamang na maging kampante. Sa gayong mga pagkakataon, hindi ba malamang na humingi sila ng mga gantimpala at ng isang putong mula sa Diyos, tulad ng ginawa ni Pablo? (Oo.) Ano ang relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos? Hindi ito ang relasyon sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilalang. Ito ay walang iba kundi isang relasyong transaksyonal. At kapag gayon ang sitwasyon, walang relasyon ang mga tao sa Diyos, at malamang na ikubli ng Diyos ang Kanyang mukha sa kanila—na isang mapanganib na senyales” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan). Inilalantad ng siping ito ng mga salita ng Diyos ang tunay kong kalagayan. Nag-iisip ako batay sa katagalan sa posisyon. Inisip ko na bago pa si Xin Ran sa pamumuno at wala siyang kakayahan sa gawain, samantalang ako naman ay mahigit sampung taon nang nasa pamumuno sa iglesia, at mayroon akong higit na karanasan sa gawain at mas mahuhusay na kalipikasyon. Kaya noong sinubaybayan niya ang gawain ko at tinukoy ang mga paglihis at mga isyu ko, lubha akong hindi naging komportable, dahil inakala ko na hindi siya kalipikadong sumubaybay sa gawain ko. Sa katunayan, para kay Xin Ran, ang pagsubaybay at pagsusuri sa gawain ko at pagtukoy sa mga paglihis at problema sa gawain ko ay bahagi ng kanyang responsabilidad at tungkulin, at ginagawa niya ito para sa ikabubuti ng gawain ng iglesia. Isa itong positibong bagay. Pero namumuhay ako sa mapagmataas kong disposisyon, ginagamit ang aking mga taon ng karanasan sa pamumuno para umasa sa katagalan ko sa posisyon at ipangalandakan ang mga kalipikasyon ko, at tumangging tanggapin ang patnubay niya. Sa panahon ng pagtitipon, hindi ako nakilahok sa mga pagpapalitan ng ideya tungkol sa gawain, at sa halip, tumuon lang ako sa sarili kong mga gampanin habang nakasimangot, kaya, naramdaman ni Xin Ran na napigilan siya sa pagsubaybay sa gawain ko. Hindi ba’t ginagambala at ginugulo ko ang gawain ng iglesia? Habang lalo ko itong iniisip, lalo kong napagtatanto ang kabigatan ng kalikasan ng isyung ito. Sa hinaharap, kailangan kong hanapin ang katotohanan para malutas ang problemang ito.
Huwebes, Mayo 25, 2023
Sa pang-umagang debosyonal ko ngayon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gawain. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na pinaglilingkuran mo ang Diyos ayon sa iyong mabubuting layunin, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong katangian, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang disposisyon mo sa buhay ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas mapagmatigas ka dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay lubos na mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon, at sa gayon, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong katangian, at mga karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo ng tao. Ang mga taong tulad nito ay maikaklasipika bilang mga Pariseo at mga opisyal ng relihiyon. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na cristo at mga anticristo sila na inililigaw ang mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang katangian at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Sa mga naglilingkod sa Diyos na gumagamit ng mga karanasan nila sa loob ng maraming taon upang makuha ang puso ng ibang tao, mapangaralan at mapigilan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga pakinabang ng katayuan—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinangangalandakan ang kanilang mga kalipikasyon. Hindi gagawing perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay nakakagambala sa gawain ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon). Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang paggawa ng tungkulin batay sa isang tiwaling disposisyon at pagsunod sa sariling mga kagustuhan sa paglilingkod sa Diyos ay humahantong lang sa landas ng paglaban sa Diyos. Kung ang isang tao ay umaasa sa kanyang mga taon ng karanasan bilang kapital, palaging ipinangangalandakan ang katagalan sa posisyon para pigilan ang iba, kung gayon ito ay paglakad sa parehong landas ni Pablo, at ang lahat ng ginagawa niya ay isang masamang gawa! Simula nang malaman kong nahalal si Xin Ran bilang lider ng distrito para mangasiwa sa gawain ko, napuno ako ng pagsuway. Pinaniwalaan ko na wala siyang kakayahan sa gawain, at na maikling panahon lang siyang nakapagsanay bilang lider, kaya napagpasyahan kong hindi siya akma para sa katungkulan batay sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon. Hindi ko hinanap ang mga layunin ng Diyos sa bagay na ito. Sa halip, palagi kong ipinangangalandakan kay Xin Ran ang katagalan ko sa posisyon. Nang subaybayan o patnubayan niya ang gawain ko, lubha akong mapagbalewala, iniisip na, kumpara sa kakayahan ko sa gawain at mga taon ng karanasan sa pamumuno, hindi siya kalipikadong turuan ako. Pero sa mas malalim na pagninilay-nilay, naisip ko: Maaari kayang wala talagang mga paglihis ang gawain ko? Hindi ko ba kailangan ang iba para pangasiwaan at subaybayan ang gawain ko? Gaano man karami ang karanasan ko, hindi ibig sabihin na nauunawaan ko na ang katotohanan o nagtataglay ako ng katotohanang realidad. Hindi maiiwasang may mga paglihis at kapintasan ang gawain ko. Ang pangangasiwa at pagtuturo ni Xin Ran sa gawain ko ay naglalayong tulungan akong gawin nang mas mahusay ang tungkulin ko, at kapaki-pakinabang ang mga ito kapwa sa gawain ng iglesia at sa aking buhay pagpasok. Gayumpaman, lumaban at tumanggi akong tanggapin ang kanyang pagsubaybay at pangangasiwa sa gawain ko, na nagbubunyag sa pagtutol ko sa katotohanan. Itinuring ko ang karanasan ko sa gawain at mahabang panunungkulan sa pamumuno bilang kapital, at palagi kong iniisip na mas alam ko ang gawain kaysa kay Xin Ran at kaya ko itong gawin nang mag-isa. Pero sa realidad, marami pa ring paglihis at isyu ang tungkulin ko. Sa kabila ng kawalan ng katotohanang realidad, naging palalo ako, at minaliit ko si Xin Ran, iniisip na mas mahusay ako kaysa sa kanya. Naging napakayabang ko at mapagmagaling, walang anumang katwiran!
Lunes, Hunyo 5, 2023
Sa nakalipas na ilang araw na ito ng pagninilay-nilay, napagtanto ko na hindi ko tunay na naunawaan ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pagtataguyod at paglilinang ng mga tao. Hinaharap at sinusuri ko ang mga bagay-bagay batay sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon. Masyado kong binibigyang-diin ang karanasan at ang tagal ng panahon na nasa pamumuno ang isang tao, sa halip na sinusuri ang mga ito batay sa mga katotohanang prinsipyo. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang mga kinakailangang pamantayan para sa mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain? Mayroong tatlong pangunahing pamantayan. Una, dapat ay mayroon silang abilidad na maarok ang katotohanan. Tanging ang mga taong nakakaarok sa katotohanan nang dalisay at walang pagbabaluktot at nakakabuo ng mga kongklusyon ang itinuturing na mga taong may mahusay na kakayahan. Ang mga taong may mahusay na kakayahan, kahit papaano, ay dapat magkaroon ng espirituwal na pang-unawa at kakayahang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang mag-isa. Sa proseso ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, dapat ay magawa nilang tanggapin nang nakapagsasarili ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos ng mga salita ng Diyos, at hanapin ang katotohanan para malutas ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang karumihan ng sarili nilang kalooban, pati na rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon—kung maaabot nila ang pamantayang ito, nangangahulugan ito na alam nila kung paano danasin ang gawain ng Diyos, at pagpapamalas ito ng mahusay na kakayahan. Pangalawa, dapat silang magbuhat ng pasanin para sa gawain ng iglesia. Ang mga taong tunay na nagbubuhat ng pasanin ay hindi lang masigasig; mayroon silang tunay na karanasan sa buhay, nakakaunawa sila ng ilang katotohanan, at nakikilatis nila ang ilang problema. Nakikita nila na sa gawain ng iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos, maraming suliranin at problema na kinakailangang malutas. Nakikita nila ito sa kanilang mga mata at nag-aalala sila rito sa kanilang puso—ito ang ibig sabihin ng pagbubuhat ng pasanin para sa gawain ng iglesia. Kung ang isang tao ay basta lang na may mahusay na kakayahan at kayang umarok sa katotohanan, pero siya ay tamad, nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman, ayaw gumawa ng totoong gawain, at gumagawa lang ng kaunting gawain kapag binibigyan sila ng deadline ng Itaas na tapusin ito, kapag hindi na nila maiwasan na hindi ito gawin, kung gayon, isa itong tao na walang pasanin. Ang mga taong walang pasanin ay mga taong hindi naghahangad sa katotohanan, mga taong walang pagpapahalaga sa katarungan, at mga walang kwenta na ginugugol ang buong araw sa katakawan, nang walang anumang seryosong pinag-iisipan. Pangatlo, dapat magtaglay sila ng kakayahan sa gawain. Ano ang ibig sabihin ng ‘kakayahan sa gawain’? Sa madaling salita, ibig sabihin nito ay hindi lang nila kayang magtalaga ng gawain at magbigay ng mga tagubilin sa mga tao, kundi kaya rin nilang tukuyin at lutasin ang mga problema—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng kakayahan sa gawain. Dagdag pa rito, kailangan din nila ng mga kasanayan sa pag-oorganisa. Ang mga taong may kasanayan sa pag-oorganisa ay partikular na mahusay sa pagtitipon ng mga tao, pag-oorganisa at pagsasaayos ng gawain, at paglutas ng mga problema, at kapag nagsasaayos ng gawain at lumulutas ng mga problema, kaya nilang lubusang kumbinsihin ang mga tao at mapasunod ang mga ito—ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mga kasanayan sa pag-oorganisa. Kayang isakatuparan ng mga tunay na may kakayahan sa gawain ang mga partikular na trabahong isinasaayos ng sambahayan ng Diyos, at kaya nila itong gawin nang mabilis at nakatitiyak, nang walang anumang kapabayaan, at higit pa roon, kaya nilang gawin nang maayos ang iba’t ibang trabaho. Ito ang tatlong pamantayan ng sambahayan ng Diyos para sa paglilinang ng mga lider at manggagawa. Kung nakakatugon ang isang tao sa tatlong pamantayang ito, siya ay isang pambihira at may talentong indibidwal at dapat siyang itaguyod, linangin, at sanayin kaagad, at pagkatapos magsanay nang ilang panahon, maaari na siyang tumanggap ng gawain” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). “Kapag itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao para maging lider, nagiging mas mabigat na pasanin para sa sambahayan ng Diyos na sanayin ang taong ito, para sumandal siya sa Diyos, at magsumikap sa katotohanan; saka lamang mabilis na lalago sa lalong madaling panahon ang kanyang tayog. Kapag mas mabigat ang pasaning ibinigay sa kanya, mas matinding kagipitan ang nararanasan niya, at mas napipilitan siyang hanapin ang katotohanan at umasa sa Diyos. Sa huli, magagawa niya ang kanilang gawain nang maayos at masusunod ang kalooban ng Diyos, at sa gayon ay tatapak siya sa tamang daan ng pagkaligtas at nagawang perpekto—ito ang epektong nakakamtan kapag itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. … Kapag itinataguyod at nililinang ang isang tao para maging lider, binibigyan sila ng kakayahang makakilatis sa mga kalagayan ng iba’t ibang tao, sinasanay sa paghahanap ng katotohanan para lutasin ang mga paghihirap ng iba’t ibang tao, at sa pagsuporta at pagtustos sa iba’t ibang uri ng tao, at inaakay ang mga ito tungo sa katotohanang realidad. Kasabay nito, kailangan din nilang magsanay sa paglutas ng iba’t ibang problema at paghihirap na nararanasan nila sa gawain, at matuto kung paano kikilalanin at haharapin ang iba’t ibang uri ng mga anticristo, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya, at kung paano gagawin ang paglilinis sa iglesia. Sa ganitong paraan, kumpara sa iba, mas marami silang mararanasan sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay-bagay, at mas maraming kapaligirang isinasaayos ng Diyos, at mas maraming salita ng Diyos ang makakain at maiinom nila, at makakapasok sila sa mas marami pang katotohanang realidad. Isa itong pagkakataon na makapagsanay sila, hindi ba? Kapag mas maraming pagkakataon sa pagsasanay, mas marami ang karanasan ng mga tao, mas malawak ang kanilang mga kabatiran, at mas mabilis silang lalago. … Para sa mga tao, mabuting bagay ba na makapasok sila sa katotohanang realidad nang mabilis, o nang mabagal? (Mabilis.) Samakatwid, pagdating sa mga taong nagtataglay ng kakayahan, nagbubuhat ng pasanin, at may kakayahan sa gawain, gumagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga gayong tao, maliban na lang kung hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan at nagsusumikap tungo sa katotohanan, kung saan sa gayong kaso, hindi sila pipilitin ng sambahayan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, nakita ko na malinaw na ibinabahagi ng Diyos ang mga hinihingi, prinsipyo, at kahalagahan ng pagtataguyod at paglilinang ng mga tao. Kapag nagtataguyod at naglilinang ng isang tao, inuuna ng sambahayan ng Diyos kung nagtataglay ba ang taong ito ng abilidad at kakayahan na umarok sa katotohanan, at kung mayroon ba siyang pagpapahalaga sa pasanin sa kanyang mga tungkulin. Kung natutugunan niya ang dalawang pamantayang ito, kung gayon, kulang man ang kakayahan niya sa gawain, maaari itong mapabuti sa pamamagitan ng pagsasanay. Ang kahalagahan ng paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa mga tao ay, higit sa lahat, para mabigyan ang mga indibidwal ng mas maraming pagkakataon na makapagsanay, na nagpapahintulot sa kanila na mas mabilis na umunlad sa pag-arok sa iba’t ibang katotohanang prinsipyo at sa kanilang sariling buhay pagpasok. Kung natutugunan ng isang tao ang mga pamantayan para sa paglilinang, bibigyan siya ng sambahayan ng Diyos ng mga pagkakataon para makapagsanay at magbibigay sa kanya ng mas maraming pasanin. Gayumpaman, sa pagsusuri kung angkop ba ang isang tao sa paglilinang, hindi ako tumuon sa kanyang abilidad at kakayahan na umarok sa katotohanan o kung mayroon siyang taos-pusong pagpapahalaga sa pasanin para sa kanyang mga tungkulin. Sa halip, tumuon lang ako sa kung gaano na siya katagal naging lider at kung may karanasan siya. Tiningnan ko ang mga bagay-bagay ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ako, at hindi ito naaayon sa katotohanan! Matapos maunawaan ang mga prinsipyong ito, ginamit ko ang mga ito kay Xin Ran at nakita kong natutugunan niya ang mga pamantayan para sa paglilinang. Mayroon siyang pagpapahalaga sa pasanin sa kanyang mga tungkulin at nagkukusa sa pagtataguyod ng gawain. Nang makakita siya ng mga problema, binanggit niya ang mga ito at sinuri ang mga ito kasama namin. Higit pa roon, nakatuon siya sa buhay pagpasok. Noong nagpapakaabala lang kami sa mga gampanin sa aming mga tungkulin, pinaalalahanan niya kami na tumuon sa pagkatuto ng mga aral mula sa mga bagay na naranasan namin. Bagaman maaaring kulang si Xin Ran sa ilang kakayahan sa gawain, tumutuon siya sa paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo sa ginagawa niya, at minsan ay natutukoy niya ang ilang isyu na kaugnay sa gawain. Ang kawalan niya ng kakayahan sa gawain ay dahil sa maikling panahon ng pagsasanay niya, pero ang oportunidad na ito na makapaglingkod bilang lider ng distrito ay makatutulong sa kanya na mas mabilis lumago. Sa kabilang banda, ang pagpapahalaga ko sa pasanin para sa aking mga tungkulin, ang pagkatao ko, at buhay pagpasok ay hindi kasingtibay ng kay Xin Ran kaya ano ang mga dahilan ko para hindi tanggapin ang pamumuno niya? Kailangan kong gamitin ang tamang pag-iisip tungkol sa mga kakulangan niya, at dapat kaming matuto mula sa mga kalakasan ng isa’t isa para mapunan ang mga kakulangan namin, at magtulungan para magawa nang maayos ang aming mga tungkulin. Iyan ang saloobin at pagsasagawa na dapat kong panghawakan.
Martes, Hunyo 20, 2023
Ngayon, habang tinatalakay ang gawain kasama si Xin Ran, binanggit niya na may tendensiya akong tumuon sa panlabas na pag-uugali ng mga tao kapag nililinang ko sila, at na hindi ko hinanap ang mga katotohanang prinsipyo. Binanggit din niya ang mga kaugnay na sipi ng mga salita ng Diyos bilang sanggunian para makipagbahaginan sa akin. Pagkatapos makinig sa pagbabahagi niya, nagkaroon ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa sarili kong mga isyu. Tunay ko ring naramdaman na ang pakikipagtulungan sa mga kapatid sa aming mga tungkulin ay isang proseso ng pagsandal sa mga kalakasan ng bawat isa para mapunan ang aming mga kakulangan. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Ang pagtutulungan ng magkakapatid ay isang proseso ng pagbabalanse ng mga kahinaan ng isa sa pamamagitan ng lakas ng iba. Ginagamit mo ang iyong mga lakas upang punan ang mga pagkukulang ng iba, at ginagamit ng iba ang kanilang mga lakas upang punan ang iyong mga kakulangan. Ito ang ibig sabihin ng pagbalanse ng mga kahinaan ng isa sa pamamagitan ng lakas ng iba at ng maayos na pagtutulungan. Tanging sa pagtutulungan nang maayos maaaring pagpalain ang mga tao sa harap ng Diyos, at kapag mas nararanasan ang ganito ng isang tao, mas nagtatamo siya ng realidad, mas lumiliwanag ang kanyang landas habang tinatahak niya ito, at nagiging mas panatag siya” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa Maayos na Pakikipagtulungan). Pagkatapos, nang magbigay ng patnubay si Xin Ran, nagawa kong tratuhin ito nang maayos at tanggapin ito agad. Kapag nahaharap ako sa isang bagay sa gawain na hindi ko malinaw na maunawaan, tinatalakay ko ito kay Xin Ran. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mapagmataas na disposisyon, naitama ko ang mga mali kong pananaw at natutunan kong makipagtulungan sa iba. Ang mga pakinabang at pagkatantong ito ay bunga ng patnubay ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!