45. Ang Pagbitiw sa Banidad ay Nagparamdam sa Akin ng Lubos na Pagpapalaya
Noong Hunyo 2023, napili ako bilang isang lider ng iglesia. Noong panahong iyon, medyo nagulat ako at nag-alala rin nang kaunti, iniisip na, “Medyo mababaw pa rin ang pagkaunawa ko sa katotohanan at kulang ako sa napakaraming aspekto. Paano kung hindi ko malutas ang mga isyu ng mga kapatid, mabigo ako sa tungkulin ko, at matanggal sa huli? Ano ang iisipin nila sa akin kung gayon? Paano ko pa muling maipapakita ang mukha ko?” Sa pag-iisip nito, gusto kong tanggihan ang posisyon. Pero napagtanto ko na ang tungkuling ito ay pagtataas ng Diyos at isang pagkakataon para sa akin na magsagawa, kaya tinanggap ko ito.
Noong panahong iyon, nakikipagtulungan ako kay Sister Lin Hui. Itinalaga ako ni Lin Hui na mangasiwa sa gawain ng pag-aalis mula sa iglesia at gawain ng pagdidilig ng iglesia, at naisip ko, “Nakipagtulungan sa akin noon ang mga sister na gumagawa sa pag-oorganisa ng mga materyal para sa pag-aalis ng mga tao. Dati nilang pinangangasiwaan at pinapatnubayan ang gawain ko. Kilalang-kilala nila ako, at alam nila ang tunay kong tayog. Ngayon, ako na ang dapat mangasiwa at sumubaybay sa gawain nila. Paano kung hindi ko kayang lutasin ang mga kalagayan nila o matugunan ang mga problema sa kanilang gawain? Ano ang iisipin nila sa akin? Iisipin ba nila na hindi ko kayang gumawa ng aktuwal na gawain? Saan ko pa maihaharap ang mukha ko kung gayon?” Lubha akong kinabahan sa mga kaisipang ito, at wala akong lakas ng loob na siyasatin ang mga kalagayan nila o tanungin kung kumusta ang gawain nila, kaya, nagtanong lang ako saglit tungkol sa pag-usad ng kanilang gawain nang hindi nagtatanong ng iba pang mga detalye. Lumipas ang halos dalawampung araw, at nalaman kong si Li Xiang, na nag-oorganisa ng mga materyal para sa pag-aalis ng mga tao, ay namumuhay sa isang kalagayan na may karamdaman, gumagawa ng mga tungkulin nang walang pagpapahalaga sa pasanin. Karamihan sa gawain ay ginawa ni Zhou Yu, at hindi rin gaanong maganda ang kalusugan ni Zhou Yu, kaya hindi maorganisa sa tamang panahon ang ilan sa mga materyal. Gusto kong hanapin si Li Xiang at makipagbahaginan sa kanya para malutas ang kalagayan niya, pero naisip ko na hindi kasinghusay ng sa kanila ang pagkaunawa ko sa mga prinsipyo ng gawain ng pag-aalis, at napaisip din ako kung mamaliitin ba nila ako kung bibigyan nila ako ng ilang katanungang nauugnay sa gawain na hindi ko kayang lutasin. Kaya hindi ko sila nilapitan para sa pagbabahaginan.
Isang araw, isinaad ng isang liham mula sa nakatataas na pamunuan na ang pag-usad ng aming iglesia sa pag-oorganisa ng mga materyal para sa pag-aalis ng mga tao ay naging mabagal at nakaantala sa gawain, at hiniling nila sa akin na subaybayan at lutasin ang isyung ito. Talagang nakonsensiya ako nang mabasa ko ang sulat na ito, dahil alam kong hindi mabuti ang kalagayan ni Li Xiang, pero dahil masyado akong nag-alala sa pagprotekta sa pride ko, hindi ko agarang nilapitan ang sister para sa pagbabahaginan, kaya naging responsable ako sa pagkaantala sa gawain. Nagpadala rin si Lin Hui ng liham sa akin, na nagsasaad na hindi namin sinisiyasat ang mga kalagayan ng mga kapatid, na hindi namin naunawaan kung paano umuusad ang gawain, at na ang isyung ito ay direktang may kaugnayan sa kapabayaan namin na pangasiwaaan o subaybayan ang gawain. Ginawa rin niyang batayan ang mga salita ng Diyos para tukuyin na mali ang saloobin ko sa mga tungkulin ko. Nakaramdam ako ng matinding pagkabalisa, at napagtanto ko na ginagamit ng Diyos ang pagpupungos ng sister sa akin para gisingin ako. Kailangan kong itama agad ang saloobin ko sa aking mga tungkulin. Kalaunan, naghanap ako ng mga kaugnay na sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa kalagayan ni Li Xiang at nakipagbahaginan ako sa kanya. Siniyasat ko rin ang mga kalagayan ng iba pang sister at kung kumusta ang mga tungkulin nila, at nagbigay ako ng pagbabahagi at mga solusyon sa mga suliranin nila. Kalaunan, nalaman kong hindi pa rin bumuti ang kalagayan ni Li Xiang, at naisip ko, “Ano na lang ang iisipin sa akin ng lahat kung hindi ko man lang malutas ang kalagayan ng sister ko? Iisipin ba nila na wala akong mga katotohanang realidad at hindi ko kayang lutasin ang mga problema ng mga kapatid? Lubusan akong mapapahiya!” Sa naiisip na ito, medyo nakaramdam ako ng pagkanegatibo, pero hindi ko hinanap ang katotohanan para lutasin ang kalagayan ko.
Minsan, sumulat ako ng liham sa isang sister na tinatalakay ang ilang isyu sa gawain ng paglilinang sa mga tao. Nang matapos ko na ang liham, maraming idinagdag at in-edit si Lin Hui, at naisip ko, “Kailangan ko pa ring abalahin ang iba sa mga tungkulin ko. Ano ang iisipin sa akin ng iba kung malaman nila ito? Iisipin ba nila na wala akong kakayahang gumawa ng anumang bagay bilang isang lider? Inakala ko noon na may kakayahan akong gawin ang ilang gampanin at kunin ang pagsang-ayon ng aking mga kapatid, pero hindi ko kailanman inasahan na lubusan akong mabubunyag pagkatapos maging isang ider. Kung hindi ko inako ang tungkuling ito, hindi sana ako mapapahiya nang ganito!” Dahil sa mga kaisipang ito, naging negatibo ako at nawalan ng motibasyon sa mga tungkulin ko, at ayaw ko nang subaybayan ang gawain na responsabilidad ko. Napagtanto ko na mali ang kalagayan ko, kaya nagdasal ako sa Diyos para sa patnubay. Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa halip na hanapin ang katotohanan, karamihan sa mga tao ay may kani-kanilang sariling mga adyenda. Napakahalaga para sa kanila ng sarili nilang mga interes, reputasyon, at ang posisyon o katayuang pinanghahawakan nila sa isip ng ibang tao. Ang mga bagay na ito lamang ang pinakaiingat-ingatan nila. Napakahigpit ng pagkapit nila sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang sariling buhay. At hindi gaanong mahalaga sa kanila kung paano sila ituring o itrato ng Diyos; sa ngayon, binabalewala nila iyon; sa ngayon, isinasaalang-alang lamang nila kung sila ang namumuno sa grupo, kung mataas ba ang tingin sa kanila ng ibang tao, at kung matimbang ba ang kanilang mga salita. Ang una nilang inaalala ay ang pag-okupa sa posisyong iyon. Kapag sila ay nasa isang grupo, ang ganitong uri ng katayuan, at ganitong mga uri ng oportunidad ang hanap ng halos lahat ng tao. Kapag masyado silang talentado, siyempre gusto nilang maging pinakamataas sa grupo; kung medyo may abilidad naman sila, gugustuhin pa rin nilang humawak ng mas mataas na posisyon sa grupo; at kung mababa ang hawak nilang posisyon sa grupo, pangkaraniwan lamang ang kakayahan at mga abilidad, gugustuhin din nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, hindi nila gugustuhing maging mababa ang tingin sa kanila ng iba. Sa reputasyon at dignidad nagtatakda ng limitasyon ang mga taong ito: Kailangan nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Maaaring wala silang integridad, at hindi nila taglay ang pagsang-ayon ni pagtanggap ng Diyos, pero hinding-hindi maaaring mawala sa kanila ang respeto, katayuan, o paggalang na hinahangad nila mula sa iba—na siyang disposisyon ni Satanas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Palagi kong gustong mamukod-tangi sa karamihan at palagi akong nag-aalala na mamaliitin ako ng iba at mawawalan ng katayuan sa paningin ng iba. Mas pinahalagahan ko ang pride at katayuan kaysa sa sarili kong buhay. Ginunita ko ang panahon ko bilang isang lider. Noon, napagtanto ko na ito ay isang pagkakataon na ibinigay ng Diyos para makapagsanay ako, at na dapat sana ay matatag akong tumuon sa paggawa ng tungkulin ko, nakikipagbahaginan at nilulutas ang mga kalagayan at suliranin ng mga kapatid. Para sa mga problemang hindi ko kayang lutasin, maaari sanang nakipagtalakayan ako sa mga nakapareha kong sister at naghanap ng patnubay mula sa nakatataas na pamunuan. Pero hindi ko inisip kung paano gawin nang maayos ang mga tungkulin ko. Una sa lahat, nag-alala ako tungkol sa pride at katayuan ko. Dahil nakipagtulungan na sa akin noon ang mga sister na nag-oorganisa sa mga materyal, at mas mahusay nilang naarok kaysa sa akin ang mga prinsipyo ng tungkuling ito, natakot akong maliitin nila ako kung hindi ko malulutas ang mga problema nila, kaya hindi ako naglakas-loob na subaybayan ang gawain nila. Kalaunan, nalaman ko na hindi naging maganda ang kalagayan ni Li Xiang, at na nakaantala ito sa gawain, pero patuloy kong binalewala ang usapin, natatakot na mapahiya kung sakaling hindi ko malutas ang isyu. Binasa ni Lin Hui ang liham na isinulat ko at mayroon siyang mga idinagdag at in-edit sa mga parteng may kulang. Sa totoo lang, nakakabuti ito sa gawain, pero dahil hindi ko man lang nagawang sumulat ng maayos na liham, pakiramdam ko ay nakilatis ako ni Lin Hui, kaya gusto kong bumalik sa mga dati kong tungkulin. Mahigpit akong nakagapos sa mga alalahanin ko tungkol sa pride at katayuan, iniisip lang ang reputasyon at katayuan ko, at pinapabayaan pa nga ang gawaing dapat kong gawin.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay kasikatan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa kasikatan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasya para sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, samakatwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo malinaw na nakikita ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na hindi mabubuhay ang tao kung walang katanyagan at pakinabang. Iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang katanyagan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layunin, na magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mapapansin ninyong lahat na ang katanyagan at pakinabang ay malalaking kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ang tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ka. Pagdating ng oras na nais mong iwaksi ang lahat ng bagay na naikintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos ang sangkatauhan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kinokontrol ni Satanas ang mga kaisipan ng mga tao gamit ang kasikatan at pakinabang, inaakay sila sa maling landas, nagiging dahilan para mamuhay sila sa mga tanikala ng kasikatan at pakinabang, umiwas sa Diyos, at magkanulo sa Kanya. Sa pagninilay-nilay sa sarili ko batay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ginawa kong layon sa buhay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan. Simula pagkabata, palagi akong nagsusumikap para sa reputasyon at katayuan kahit saang grupo man ako nabibilang, naniniwala na pahahalagahan ako ng mga tao sa pamamagitan ng pagkakaroon ng reputasyon at katayuan. Inakala ko na ang pamumuhay sa ganitong paraan ang tanging paraan para magkaroon ng isang makabuluhang pamumuhay. Kahit nang matagpuan ko na ang Diyos, patuloy kong hinangad ang mga bagay na ito, namumuhay ayon sa mga satanikong lason tulad ng “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Mas mabuting maging isang malaking isda sa isang maliit na lawa.” Matapos mapili bilang isang lider ng iglesia, nag-alala ako na kung hindi ko ginawa nang maayos ang tungkulin ko, mawawalan ako ng pride at katayuan, kaya, ginusto kong tanggihan ang tungkulin. Nang pumunta ako sa pagtitipon kasama ang mga sister na nag-organisa ng mga materyal para sa pag-aalis ng mga tao, dahil pinangasiwaan nila ang gawain ko noon, natatakot akong mapahiya kung hindi ko malutas ang mga isyu nila, kaya iniwasan kong mangasiwa at sumubaybay sa gawain nila, na humantong sa pagkaantala ng gawain ng pag-aalis. Nang magrebisa at gumawa ng maraming dagdag sa liham na isinulat ko ang nakatuwang na sister, sa halip na matuto at maarok ang mga prinsipyo mula rito, pakiramdam ko ay nabunyag ako at lubusang napahiya, at gusto kong takasan ang tungkuling ito. Sa pamamagitan ng mga paghahayag ng mga katunayan, nakita ko na mahigpit akong gapos ng mga lason Satanas, at hindi ko magawa nang maayos ang tungkulin ko bilang isang nilikha, na nakapinsala sa gawain at nangangahulugang sumasalangsang ako sa harap ng Diyos. Ang pamumuhay ayon sa mga lason ni Satanas ay magtutulak lang sa akin na maghimagsik laban sa Diyos, patungo sa landas ng pagkontra sa Diyos. Sa pagninilay-nilay tungkol dito, Nakaramdam ako ng takot, pagsisisi, at napuno ako ng pagkakonsensiya, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, ayaw kong magpatuloy nang ganito. Gusto ko pong magsisi. Pakiusap, gabayan Mo po ako na makahanap ng landas ng pagsasagawa.”
Pagkatapos, higit pa akong nagbasa ng mga salita ng Diyos: “Sabihin ninyo sa Akin, paano kayo magiging ordinaryo at normal na mga tao? Gaya ng sinasabi ng Diyos, paano kayo tatayo sa tamang lugar ng isang nilikha—paano ninyo magagawang hindi subukang maging isang pambihirang tao, o maging kung sinong dakilang tao? Paano ka dapat magsagawa upang maging isang ordinaryo at normal na tao? Paano ito magagawa? Sino ang sasagot? (Una sa lahat, kailangan naming aminin na ordinaryong tao kami, na lubha kaming karaniwan. Maraming bagay ang hindi namin nauunawaan, hindi naiintindihan, at hindi malinaw na makita. Dapat naming aminin na kami ay tiwali at may kapintasan. Pagkatapos niyon, kailangan naming magkaroon ng tapat na puso at humarap nang mas madalas sa Diyos para maghanap.) Una, huwag mong bigyan ng titulo ang sarili mo at huwag kang magpagapos dito, na sinasabing, ‘Ako ang lider, ako ang pinuno ng grupo, ako ang tagapangasiwa, walang nakaaalam sa gawaing ito nang higit sa akin, walang nakauunawa sa mga kasanayan nang higit sa akin.’ Huwag kang mahumaling sa titulong ibinigay mo sa sarili. Sa sandaling gawin mo ito, itatali nito ang iyong mga kamay at paa, at maaapektuhan ang iyong sinasabi at ginagawa. Maaapektuhan din ang normal mong pag-iisip at paghusga. Dapat mong palayain ang iyong sarili sa mga limitasyon ng katayuang ito. Una, ibaba mo ang iyong sarili mula sa opisyal na titulo at posisyon na ito at tumayo ka sa lugar ng isang pangkaraniwang tao. Kung gagawin mo ito, magiging medyo normal ang mentalidad mo. Dapat mo ring aminin at sabihin na, ‘Hindi ko alam kung paano ito gawin, at hindi ko rin iyon nauunawaan—kakailanganin kong magsaliksik at mag-aral nang kaunti,’ o ‘Hindi ko pa ito nararanasan, kaya hindi ko alam ang gagawin.’ Kapag kaya mong magsabi ng tunay mong iniisip at magsalita nang tapat, magtataglay ka ng normal na katwiran. Makikilala ng iba ang tunay na ikaw, at sa gayon ay magkakaroon ng normal na pagtingin sa iyo, at hindi mo kakailanganing magpanggap, ni hindi ka magkakaroon ng anumang matinding kagipitan, kung kaya’t magagawa mong makipag-usap nang normal sa mga tao. Ang pamumuhay nang ganito ay malaya at magaan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Noon, inakala ko na dahil isa akong lider, kailangan kong malaman at maunawaan ang lahat ng bagay at maging mas mahusay kaysa sa iba. Taglay ang titulong lider sa aking tungkulin, gapos ako ng reputasyon at katayuan, at hindi ako makaramdam ng pagpapalaya, at naging labis akong maingat sa tungkulin ko. Bagaman malinaw na marami akong kulang, nagpapanggap pa rin ako at itinatago ang sarili ko, dahil natatakot ako na kung hindi ko malutas ang mga isyu, mamaliitin ako ng mga kapatid. Ang totoo, alam na ng mga kapatid ang tungkol sa mga pagkukulang ko, kaya hindi ko na kailangan pang magbalatkayo. Bagaman wala akong pagkaunawa sa mga prinsipyo sa gawain ng pag-aalis, maaari pa rin akong makipagtulungan sa mga sister, at matuto at sangkapan ang sarili ko ng mga kaugnay na katotohanang prinsipyo, na makakatulong din para mapunan ang mga kakulangan ko. Hindi ako maaaring patuloy na mamuhay para sa pride at katayuan. Sa hinaharap, kailangan kong isantabi ang titulong “lider,” at harapin nang tama ang aking mga kahinaan at kakulangan. Kapag mayroon akong hindi nauunawaan, dapat kong isantabi ang aking pride at katayuan, hayagang makipagbahaginan sa mga kapatid, at matuto mula sa mga kalakasan ng iba para mapunan ang mga kakulangan ko at magawa nang maayos ang tungkulin ko.
Kalaunan, nakilala ko ang isa pang nakalilinlang na pananaw sa loob ko. Pakiramdam ko na dahil isa akong lider, tiyak na kailangan kong magawang lutasin ang mga problema ng mga kapatid. Bilang tugon sa pananaw na ito, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay nahalal ng mga kapatid na maging lider, o itinaas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang gawain o gampanan ang isang tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o posisyon, o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay nagpapasakop sa Diyos, at hindi Siya pagtataksilan. Tiyak na hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at may takot siya sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito; ang pagtaas ng ranggo at paglilinang ay pagtataasng ranggo at paglilinang lamang sa prangkang salita, at hindi katumbas nito na pauna na siyang itinalaga at sinang-ayunan ng Diyos. Ang pagtaas ng kanyang ranggo at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na itinaas na siya ng ranggo, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Samakatwid, kapag itinaas ng ranggo at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, itinataas lamang siya ng ranggo at nililinang sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na isa na siyang lider na pasok sa pamantayan, o isang mahusay na lider, na kaya na niyang gampanan ang gawain ng isang lider, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. … Kaya ano ang layunin at kabuluhan ng pagtataas ng ranggo at paglilinang sa isang tao? Ito ay na ang taong ito ay itinataguyod bilang isang indibidwal, para makapagsagawa sila, at para mas madiligan at masanay sila, nang sa gayon ay maunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo, at ang mga prinsipyo, kaparaanan, at sistema ng paggawa ng iba’t ibang bagay at ng paglutas sa iba’t ibang problema, gayundin kung paano pangasiwaan at harapin ang iba’t ibang uri ng kapaligiran at mga taong nakakaharap alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at sa paraan na pumoprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Batay sa mga puntong ito, ang mga taong may talento na itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ay mayroon bang sapat na kakayahang isagawa ang kanilang gawain at gawin nang maayos ang kanilang tungkulin sa oras ng pagtataguyod at paglilinang o bago ang pagtataguyod at paglilinang? Siyempre wala. Samakatwid, hindi maiiwasan na, sa panahon ng paglilinang, mararanasan ng mga taong ito ang pagpupungos, paghatol at pagkastigo, paglalantad at maging ang pagtatanggal; ito ay normal, ito ay pagsasanay at paglilinang” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na sa sambahayan ng Diyos, ang paglilinang sa isang tao para sa tungkulin ng pamumuno ay hindi nangangahulugan na mayroon siyang mga katotohanang realidad, kayang makipagbahaginan at lumutas ng anumang problema, o mas mahusay siya kaysa sa iba, kundi sa halip, binibigyan siya ng mas maraming pagkakataon para magsagawa. Normal na magkaroon ng mga kakulangan sa sariling tungkulin, at kailangang higit na umasa ang mga tao sa Diyos tungkol sa mga bagay na hindi nila nauunawaan, makipagtulungan sa kanilang mga kapatid, gawin ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at tumuon sa paghahanap sa katotohanan sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos. Sa ganitong paraan, mas bibilis ang espirituwal na paglago ng mga tao. Bagaman ginagawa ko ang tungkulin ng isang lider, hindi ito nangangahulugang nauunawaan ko na ang lahat, pero sa pamamagitan ng pagsasagawa, unti-unti kong maaarok ang iba’t ibang katotohanang prinsipyo. Mayroong pagmamahal ng Diyos dito! Nagkamali ako ng pagkaunawa sa Diyos, iniisip na ibinubunyag Niya ako sa pamamagitan ng sitwasyong ito, at tunay kong sinayang ang puspusang pagsisikap ng Diyos. Hindi maaaring magkamali pa ako ng pagkaunawa sa Diyos, at kailangan kong isantabi ang pride at katayuan ko, taimtim na hangarin ang katotohanan, at hanapin ang pakikipagbahaginan sa mga kapatid ko kapag mayroon akong hindi nauunawaan.
Kalaunan, hiniling sa amin ng nakatataas na pamunuan na magbahagi ng mabibisang paraan ng pagdidilig sa mga baguhan kasama ang mga kapatid, at inisip ko kung paano maisusulat nang malinaw ang mga pamamaraang ito. Pagkatapos kong magsulat, gusto kong ipakita kay Lin Hui ang naisulat ko para tingnan kung angkop ba ito, pero nang maisip ko ang aking mahinang kakayahan sa pagpapahayag, nag-alala ako, iniisip na, “Kung hindi ito maganda, ano na lang ang iisipin ni Lin Hui sa akin? Mamaliitin ba niya ako?” Kaya, nag-alangan akong ipakita sa kanya ang isinulat ko. Pero napagtanto ko na kung ang isinulat ko ay hindi malinaw, hindi ito gaanong makakabuti sa mga kapatid ko, at na kung pahihintulutan ko si Lin Hui na dagdagan at pagbutihin ito, mas magiging maganda ang kalalabasan. Kaya, tahimik akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako na hindi mapigilan ng pride at katayuan. Naalala ko ang ilang salita ng Diyos: “Huwag kang magkunwari o magpanggap. Una, magtapat ka tungkol sa iniisip mo sa iyong puso, tungkol sa tunay mong mga saloobin, upang malaman ng lahat ang mga iyon at maunawaan ang mga iyon. Bilang resulta, ang iyong mga alalahanin at ang mga hadlang at mga hinala sa pagitan mo at ng iba ay mawawalang lahat” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Kinailangan kong isantabi ang aking pride at hayagang kilalanin ang mga pagkukulang ko. Ang totoo, kilala ako ni Lin Hui kung ano ako talaga, at ganap na mapupunan ng kanyang malalakas na kakayahan sa pagpapahayag ang mga kakulangan ko, makakatulong ito sa pag-iwas sa mga paglihis, at makakabuti sa aming gawain. Kaya, ipinakita ko kay Lin Hui ang liham na isinulat ko, at tinukoy niya ang ilang pagkukulang. Nakita kong labis na nakakatulong ang sinabi niya at taos-puso akong nagpasalamat sa Diyos para dito.
Napagtanto ko na ngayon na ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay talagang nakakapinsala sa mga tao, dahil hindi lang ako nito pinipigilan na makaramdam ng paglaya kundi sinisira din nito ang gawain. Sa pamamagitan lang ng pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos at pagbitiw sa pride at katayuan ako maaaring mamuhay nang malaya at panatag ang pakiramdam. Kasabay nito, Nararamdaman ko rin na ang pag-amin sa sarili naming katiwalian at mga kakulangan ay hindi kahiya-hiya, at na ang pagbubukas ng aming sarili sa mga kapatid tungkol sa aming tunay na kalagayan ay makapagbibigay-daan sa amin na makamit ang tulong nila. Pakiramdam ko, tunay na malaking pakinabang ang nakamit ko rito.