46. Kung Bakit Ayaw Kong Linangin ang Iba
Noong Marso 2023, responsable ako para sa gawain ng sermon sa iglesia. Noong panahong iyon, mag-isa akong gumagawa, kaya medyo mabigat ang trabaho. Isang araw, isinaayos ng mga lider na makipagtulungan sa akin si Li Qing sa tungkuling ito. Nang mabalitaan ko ito, tuwang-tuwa ako. Pagkatapos malinang sa loob ng ilang panahon, unti-unti nang nakakagawa si Li Qing nang nakapag-iisa. Lubos na gumaan ang pasanin ko, at labis akong nagalak. Naisip ko, “Hindi magiging masyadong nakakapagod ang gumawa nang ganito, at magkakaroon ako ng mas maraming oras para pag-aralan ang mga prinsipyo. Bubuti rin ang kalidad ng mga sermon.” Habang nakakaramdam pa rin ako ng labis na tuwa, sa hindi inaasahan, pagkalipas ng ilang araw, nag-iskedyul ng isang pagtitipon si Li Jin kasama si Li Qing. Nagulat ako, inisip ko, “Bakit siya nakikipagkita kay Li Qing? Talagang kapos sa mga tagadilig kamakailan at wala pang superbisor. Nabanggit ng mga lider na kailangang maglipat ng mga miyembro mula sa ibang pangkat. Dahil mahusay si Li Qing sa pagdidilig ng mga baguhan, binabalak ba ni Li Jin na italaga si Li Qing sa tungkuling iyon? Nagsikap ako nang husto sa paglinang kay Li Qing para makagawa siya nang nakapag-iisa, kaya, kung ililipat siya, hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng oras at pagsisikap ko sa paglilinang sa kanya? Kung aalis siya, lahat ng gawain ay mapupunta na naman sa akin, at kakailanganin kong maghanap at maglinang ng panibagong tagadilig. Kapag nagkagayon, baka hindi masala at maipasa sa tamang oras ang ilang mahalagang sermon, kaya paano magiging epektibo ang gawain kung gayon?” Sa pag-iisip tungkol sa lahat ng ito, nakaramdam ako ng matinding paglaban. “Kailangan kong magsulat ng liham sa mga lider tungkol dito at tingnan kung posible bang mapigilan ang pagkakatalaga kay Li Qing sa ibang tungkulin,” naisip ko. Sa liham, paulit-ulit kong binigyang-diin na angkop si Li Qing sa mga tungkuling nakabatay sa teksto, nagpapahiwatig na dapat siyang papanatilihin ng mga lider sa pangkat namin. Sinabi ko rin sa mga lider, “Hindi puwedeng bulag ninyong ililipat ang mga miyembro ng pangkat. Hindi naaayon sa mga prinsipyo ang ganoong pagsasaayos.” Pagkatapos, higit ko pang pinagnilayan ang usaping ito, iniisip na, “Sa kasalukuyan, kapos ang mga tauhan sa gawain ng pagdidilig, at walang superbisor. Marahil ay napansin ng mga lider na nagpapatuloy pa rin nang normal ang gawaing nakabatay sa teksto at ginawa nila ang pagsasaayos na ito batay sa kanilang pagsusuri sa kabuuang gawain. Sa ngayon, walang sapat na mga tagadilig para sumuporta sa mga baguhan, at kung patuloy akong tatanggi na palayain si Li Qing, hindi ba’t magmumukha akong walang pagkatao?” Nang maisip ko ito, hindi na ako masyadong lumalaban. Kalaunan, inilipat nga ng mga lider si Li Qing para gawin ang mga tungkulin sa pagdidilig, at medyo nadismaya ako.
Pagkatapos umalis ni Li Qing, kinailangan kong mahigpit na i-iskedyul ang mga gampanin ko tulad ng dati, at patuloy akong naging abala sa paglutas ng mga suliranin at isyu sa tungkulin na kinakaharap ng mga miyembro ng pangkat ng nakabatay sa teksto, pagsagot sa mga liham, at pagsala ng mga sermon. Nakita ko na dahil wala na si Li Qing, nagsimulang matambak agad ang mga gawain. Ang mga sermon na dapat suriin ay hindi nasala o naisumite sa tamang oras, kaya, nag-alala ako na mababawasan ang pagiging epektibo ng gawain, na maaaring maging dahilan para isipin ng mga lider na wala akong pagpapahalaga sa pasanin para sa gawain. Pinukaw ng mga kaisipang ito ang mga damdamin ko ng paglaban, “Sa nakalipas na taon o higit pa, nakipagtulungan ako sa ilang kapatid. Ang ilan sa kanila ay iniangat, samantalang ang iba naman ay itinalaga sa ibang mga tungkulin, at sa huli, palaging ako na lang ang natitira. Dumarating sila at umaalis, pero nananatili lang ako rito, mag-isa, nakapirmi lang na gaya ng isang manlalaro ng poker. Naging espesyalista na ako sa paglilinang. Napakaraming gawain ang itinatambak sa akin nang mag-isa, bakit hindi isinasaalang-alang ng mga lider ang mga suliraning kinakaharap ko? Wala sa mga nilinang ko ang nakibahagi sa gawain ko sa huli. Kahit na maglinang ako ng iba, paano kung ilipat din sila? Magiging walang saysay ang lahat!” Pagkatapos ng lahat ng ito, hindi na ako nagmamadaling maghanap o maglinang ng sinuman. Kahit na may nakakatagpo akong isang tao na may potensiyal, hindi ako nasasabik na gumugol ng lakas para linangin siya. Noong panahong iyon, nakilala ko ang isang manggagawa sa gawaing nakabatay sa teksto na nagngangalang Dong Fei. Nagawa niyang arukin ang ilang prinsipyo, may mainam siyang pagpapahalaga sa pasanin para sa kanyang tungkulin, at isa siyang tao na maaaring linangin. Kung iaangat siya sa pagiging lider ng pangkat, malamang na mas mabilis siyang uusad. Pero naisip ko, “Kung iaangat ko siya at lilinangin, at pagbubutihin niya ang mga kasanayan niya, maaaring kilalanin siya ng mga lider bilang isang taong may talento at pagkatapos ay lalo pa siyang iangat. Hindi ba’t magiging walang saysay ang lahat ng pagsisikap ko sa paglilinang sa kanya? Ayaw kong gumawa ng isang bagay na nangangailangan ng labis na pagsisikap pero hindi naman kapaki-pakinabang para sa akin.” Nang maisip ko iyon, nagpasya akong huwag banggitin sa mga lider ang tungkol sa pag-aangat kay Dong Fei. Kalaunan, nang sumulat ang mga lider para magtanong tungkol sa gawain ng paglilinang sa mga tao, nagdahilan ako, sinabi ko na napakabigat ng trabaho na hindi ko ito kayang asikasuhin lahat. Dahil sa akin, naisantabi ang gawain ng paglilinang sa mga tao. Napagtanto ko na hindi tama ang kalagayan ko, at na makakaantala sa gawain ang pananatili sa ganitong kalagayan, kaya’t lumapit ako sa Diyos para magdasal, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag ako para makilala ang problema ko at tulungan ako na makaalis sa maling kalagayan na ito.
Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung nalipat ang isang taong may mahusay na kakayahan mula sa ilalim ng isang anticristo para gumawa ng isa pang tungkulin, masidhing nilalabanan at tinatanggihan ito ng anticristo sa puso niya—nais niyang tigilan na iyon, at wala siyang gana na maging isang lider o pinuno ng grupo. Anong problema ito? Bakit wala siyang pagsunod sa mga pagsasaayos ng iglesia? Iniisip niya na ang paglilipat sa kanyang ‘kanang-kamay’ ay makakaapekto sa mga resulta at pag-usad ng kanyang gawain, at na maaapektuhan ang kanyang katayuan at reputasyon dahil dito, kaya mapipilitan siyang higit na magtrabaho at magdusa para magarantiya ang mga resulta—na siyang huling bagay na nais niyang gawin. Nasanay na siya sa kaginhawahan, at ayaw niyang magtrabaho at magdusa pa nang husto, kaya nga ayaw niyang pakawalan ang taong iyon. Kung ipinagpipilitan ng sambahayan ng Diyos ang paglilipat, nagrereklamo siya nang husto at gusto pa nga niyang isantabi ang sarili niyang gawain. Hindi ba ito makasarili at ubod ng sama? Ang hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat sentralisadong itinatalaga ng sambahayan ng Diyos. Wala itong kinalaman sa sinumang lider, pinuno ng pangkat, o indibidwal. Lahat ay kailangang kumilos ayon sa prinsipyo; ito ang panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Hindi kumikilos ang mga anticristo nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, palagi silang nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan at mga interes, at pinagseserbisyo sa kanila ang mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan para palakasin ang kanilang kapangyarihan at katayuan. Hindi ba’t makasarili ito at ubod ng sama? Sa panlabas, ang pagpapanatili ng mga taong may mahuhusay na kakayahan sa tabi nila at ang hindi nila pagpayag na ilipat ang mga ito ng sambahayan ng Diyos ay lumilitaw na parang iniisip nila ang gawain ng iglesia, pero ang totoo, iniisip lang nila ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, at hindi talaga ang tungkol sa gawain ng iglesia. Natatakot sila na hindi nila magagawa nang maayos ang gawain, mapapalitan, at mawawala ang kanilang katayuan. Hindi iniintindi ng mga anticristo ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, iniisip lang ang kanilang sariling katayuan, pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan nang walang pag-aalala sa idudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at dinedepensahan nila ang sarili nilang katayuan at mga interes kahit ikapinsala ng gawain ng iglesia. Makasarili ito at ubod ng sama. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, dapat mag-isip kahit papaano ang isang tao gamit ang kanyang konsensiya: ‘Lahat ng taong ito ay kabilang sa sambahayan ng Diyos, hindi ko sila personal na pag-aari. Ako man ay kaanib ng sambahayan ng Diyos. Ano ang karapatan kong pigilan ang sambahayan ng Diyos sa paglilipat ng mga tao? Dapat kong isaalang-alang ang mga pangkalahatang interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip na tutukan lamang ang gawain na saklaw ng aking sariling mga responsabilidad.’ Ganyan ang kaisipang dapat masumpungan sa mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at ang pag-unawa na dapat taglayin ng mga nananampalataya sa Diyos. Nakikibahagi ang sambahayan ng Diyos sa pangkabuuang gawain at ang mga iglesia ay nakikibahagi sa mga parte ng gawain. Samakatwid, kapag may espesyal na pangangailangan mula sa iglesia ang sambahayan ng Diyos, ang pinakamahalaga para sa mga lider at manggagawa ay ang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Walang taglay na gayong konsensiya at katwiran ang mga huwad na lider at anticristo. Lahat sila ay sobrang makasarili, iniisip lang nila ang kanilang sarili, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia. Isinasaalang-alang lang nila ang mga pakinabang na nasa harapan mismo nila, hindi nila isinasaalang-alang ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya naman lubos na wala silang kakayahang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sobra silang makasarili at ubod ng sama! Ang lakas pa nga ng loob nilang maging sagabal, at nangangahas pang tumanggi, sa sambahayan ng Diyos; ito ang mga taong pinakakulang sa pagkatao, masasama silang tao. Ganyang uri ng mga tao ang mga anticristo. Lagi nilang itinuturing ang gawain ng iglesia, at ang mga kapatid, at maging ang lahat ng ari-arian ng sambahayan ng Diyos na nasa saklaw ng kanilang responsabilidad, bilang sarili nilang pribadong pag-aari. Naniniwala sila na sila ang magpapasya kung paano ipamamahagi, ililipat, at gagamitin ang mga bagay na ito, at na hindi pinapayagang makialam ang sambahayan ng Diyos. Kapag nasa mga kamay na nila ang mga ito, parang pag-aari na ang mga ito ni Satanas, walang sinumang pinapayagang hawakan ang mga ito. Sila ang mga bigatin, ang mga pinakaamo, at sinuman ang pumunta sa kanilang teritoryo ay kailangang sumunod sa kanilang mga utos at pagsasaayos nang may mabuting asal at nang masunurin, at makahalata sa kanilang mga ekspresyon. Ito ang pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama sa karakter ng mga anticristo. Wala silang pagsasaalang-alang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila sinusunod ang prinsipyo kahit kaunti, at iniisip lamang ang sarili nilang mga interes at katayuan—na pawang mga tanda ng pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Kapag nagbabasa ako ng mga parirala mula sa paglalantad ng Diyos tulad ng “mga bigatin,” “mga pinakaamo,” at “na parang pag-aari na ang mga ito ni Satanas,” pakiramdam ko ay tinusok ang puso ko. Ang tanging isinasaalang-alang ng mga anticristo ay ang mga pansarili nilang pakinabang at kawalan sa kanilang gawain, at hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Kapag nakakakita sila ng mga tao sa loob ng saklaw ng responsabilidad nila na nililinang at na nakakabuti ito sa sarili nilang laman, reputasyon, at katayuan, gusto nilang panatilihing malapit sa kanila ang mga taong ito, at tinatrato nila ang mga ito bilang kanilang sariling pribadong pag-aari. Walang sinuman ang puwedeng maglipat ng mga taong ito nang walang pahintulot nila, kahit na ito ay para sa pangangailangan ng gawain. Kung maglilipat ang sambahayan ng Diyos ng mga tao mula sa kanilang saklaw ng responsabilidad batay sa mga prinsipyo, sisikapin ng mga anticristo na hadlangan ito. Mas gugustuhin nilang ipagpaliban ang kabuuang gawain ng iglesia kaysa ilagay sa panganib ang sarili nilang reputasyon at katayuan. Ang gayong mga tao ay katulad ng “mga bigatin” at “mga pinakaamo” na binabanggit ng Diyos—sila ay makasarili, kasuklam-suklam, at walang pagkatao. Ang mga ugali ko ay katulad mismo ng sa mga anticristong inilalantad ng Diyo. Gusto kong maglinang ng mga manggagawa sa gawaing nakabatay sa teksto hindi para sa kapakanan ng gawain ng iglesia o para palugurin ang Diyos, kundi para tugunan ang mga makasarili kong pagnanais. Ang magkaroon ng isang taong katuwang sa trabaho ay makakapagpagaan ng mga bagay-bagay para sa akin, at kung mapapabuti ang pagiging epektibo ng gawain, pahahalagahan ako ng iba. Kaya, noong inilipat ang mga taong nilinang ko, hindi ko talaga ito matanggap. Pakiramdam ko, ang mga pinaghirapan kong linangin ay dapat lang na gumawa sa kanilang parte sa gawain, at na hindi sila puwedeng basta na lang ilipat ng mga lider nang walang pahintulot ko. Bagaman atubili akong pumayag sa paglipat ni Li Qing, nang bumaba ang pagiging epektibo ng gawain, nagsimula akong magreklamo na hindi siya dapat inilipat ng lider, at ibinunton ko pa nga sa gawain ang pagkadismaya ko. Bagaman malinaw kong alam na maaaring itaguyod at linangin si Dong Fei, natakot ako na sa sandaling malinang siya, ililipat din siya ng mga lider, at muli akong mawawalan ng isang katuwang na may kakayahan. Kaya, hindi ko sinabi sa mga lider na karapat-dapat linangin si Dong Fei, at pinanatili ko siya sa loob ng saklaw ng responsabilidad ko para patuloy na maglingkod sa reputasyon at katayuan ko. Nagtatalaga at gumagawa ng mga pagsasaayos ang iglesia para sa mga tao batay sa mga pangangailangan ng gawain. Halimbawa, itinalaga si Li Qing sa ibang tungkulin dahil kulang ang mga baguhan ng mga taong magdidilig sa kanila. Sa pamamagitan ng pagtatalaga kay Li Qing sa ibang tungkulin, maaari niyang akuin ang responsabilidad na ito, at diligan at suportahan ang mga baguhan sa tamang panahon. Ginawa ng mga lider ang pagsasaayos na ito dahil sa pagsasaalang-alang sa pangkalahatang gawain ng iglesia, at naaayon ito sa mga prinsipyo. Pero hindi ko isinaalang-alang ang alinman dito. Inalala ko lang ang mga pakinabang sa harap mismo ng mga mata ko. Hangga’t hindi masyadong nakakapagod para sa akin ang gawain at nakakagawa pa rin ako ng pangalan para sa sarili ko sa harap ng iba, ayos lang iyon, at wala na akong pakialam sa iba pang bagay. Tunay akong naging makasarili at kasuklam-suklam! Sa realidad, ang paglilinang ng mga taong may talento ay ginagawa para sa pangkalahatang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kapag kulang sa mga tauhan ang isang parte ng gawain, ang mga taong may mga espesyal na kasanayan ay dapat italaga sa naaangkop na tungkulin batay sa kanilang mga espesyal na kasanayan at sa mga pangangailangan ng gawain, pinahihintulutan ang gawain ng iglesia na umusad sa organisado at maayos na paraan. Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay isasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at iaangat ang mga taong may mahusay na kakayahan, masigasig na tinuturuan at nililinang ang mga taong ito, para sila ay magamit sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Pero hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Para bang mga sarili kong tao ang mga kapatid basta’t sumali sila sa pangkat na nasa loob ng saklaw ng responsabilidad ko, na sila ay naroon para magamit ko, at na walang karapatan ang sinuman na ilipat sila. Itinuring kong sarili kong pribadong pag-aari ang mga kapatid na ito. Hindi ba’t umaasal ako katulad ng paglalantad ng Diyos sa paraan ng pag-asal ng “mga bigatin” at “mga pinakaamo”? Sa pagninilay-nilay sa mga bagay na ito, medyo natakot ako.
Pagkatapos, naalala ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, kaya hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Diyos: “Ginagawa ng Diyos ang Kanyang 6,000-taong plano ng pamamahala, at inilalaan dito ang lahat ng puspusang pagsisikap Niya. Kung may isang taong kumokontra sa Diyos, sadyang pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at sadyang naghahangad ng mga personal niyang interes at personal niyang katanyagan at katayuan kapalit ang pamiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi nag-aalinlangang sirain ang gawain ng iglesia, na nagsasanhi ng pagkahadlang at pagkasira ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at na gumagawa pa nga ng napakalaking materyal at pinansiyal na pinsala sa sambahayan ng Diyos, sa palagay ba ninyo ay dapat patawarin ang ganitong mga tao? (Hindi, hindi dapat.) Sinasabi ninyong lahat na hindi siya maaaring patawarin, kung gayon, galit ba ang Diyos sa ganitong tao? Tiyak na galit Siya. … Kung palagi mong sinasabing sumusunod ka sa Diyos, naghahangad ng kaligtasan, tumatanggap sa pagsisiyasat at patnubay ng Diyos, at tumatanggap at nagpapasakop sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, ngunit habang sinasabi mo ang mga salitang ito, ginagambala, ginugulo, at sinisira mo ang iba’t ibang gawain ng iglesia, at dahil sa iyong panggugulo, paggambala, at pagsira, dahil sa iyong kapabayaan o pagpapabaya sa tungkulin, o dahil sa iyong mga makasariling pagnanais at alang-alang sa paghahangad sa sarili mong mga interes, ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang mga interes ng iglesia, at ang marami pang ibang aspekto ay napinsala, hanggang sa puntong lubhang nagulo at nasira ang gawain ng sambahayan ng Diyos, paano, kung gayon, dapat timbangin ng Diyos ang iyong kalalabasan sa iyong aklat ng buhay? Paano ka dapat ilarawan? Sa totoo lang, dapat kang parusahan. Tinatawag itong pagtamo ng nararapat sa iyo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Pakiramdam ko ay harap-harapan akong hinahatulan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mahihigpit nasalita, at naramdaman ko na hindi nalalabag ang disposisyon ng Diyos. Hinihingi ng sambahayan ng Diyos ang paglilinang sa mga taong may talento para masiguro na mas epektibong makakausad ang iba’t ibang aytem ng gawain. Pero naglinang ako ng mga tao para lang gawing mas madali ang sarili kong gawain at magkamit ako ng pagkilala ng iba. Nang mailipat ang mga taong nilinang ko, nagsimula akong magreklamo, nagmamaktol tungkol sa hindi pagsasaalang-alang ng mga lider sa mga suliranin ko, at ibinunton ko pa nga ang pagkadismaya ko sa tungkulin sa pamamagitan ng pagtangging maglinang ng iba pa. Alam na alam ko na si Dong Fei ay angkop na linangin, at makakabuti ito kapwa sa paglago ng buhay niya at sa gawain ng iglesia. Pero nag-alala ako na kung lilinangin ko siya, baka mailipat din siya. Kaya, pinigilan ko ang pag-unlad niya at pinili kong hindi siya linangin. Sa pamamagitan ng sadyang paghadlang sa gawain ng iglesia ng paglilinang sa mga taong may talento, isinasakripisyo ko ang mga interes ng iglesia para matugunan ang sarili kong mga interes, na isang hayagang pagsuway sa Diyos. Kung magpapatuloy ako nang ganito, tiyak na ititiwalag ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, napuno ako ng takot, at lumuhod ako sa harap ng Diyos para magtapat at magsisi.
Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kapag nakikitaan ka ng pagkamakasarili at mga pagpapakana para sa sarili mong pakinabang, at natatanto mo iyon, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Ang unang bagay na dapat mong mabatid ay na sa diwa, ang pagkilos sa ganitong paraan ay isang paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, nakakapinsala ito sa gawain ng iglesia, ito ay makasarili at kasuklam-suklam na pag-uugali, hindi ito ang nararapat gawin ng mga tao na may konsiyensiya at katwiran. Dapat mong isantabi ang sarili mong mga interes at pagkamakasarili, at dapat mong isipin ang gawain ng iglesia—ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos. Matapos magdasal at pagnilayan ang iyong sarili, kung tunay mong natatanto na ang pagkilos nang gayon ay makasarili at kasuklam-suklam, magiging madali nang isantabi ang sarili mong pagkamakasarili. Kapag isinantabi mo ang iyong pagkamakasarili at mga pagpapakana para sa pakinabang, magiging matatag ka, magiging payapa, masaya, at madarama mo na dapat isipin ng taong may konsiyensiya at katwiran ang gawain ng iglesia, na hindi siya dapat matutok sa personal niyang mga interes, na siyang magiging napakamakasarili, kasuklam-suklam, at walang konsiyensiya o katwiran. Ang pagiging hindi makasarili at pagkakaroon ng kakayahang isaalang-alang ang gawain ng iglesa sa mga kilos mo, at paggawa ng mga bagay-bagay para lang mapalugod ang Diyos ay marangal at matuwid, at magbibigay ng saysay sa iyong pag-iral. Sa pamumuhay nang ganito sa lupa, nagiging matuwid at tuwiran ka, namumuhay ka nang may normal na pagkatao, at ng may wangis ng totoong tao, at hindi lang malinis ang iyong konsiyensiya, kundi karapat-dapat ka rin sa lahat ng bagay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Habang lalo kang namumuhay nang ganito, lalo kang magiging matatag, lalo kang magiging payapa at masaya, at lalo kang sisigla. Sa gayon, hindi ba’t makakatapak ka na sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Sinasabi ng Diyos na kapag nagbubunyag tayo ng pagkamakasarili at naghahangad na tugunan ang sarili nating mga interes, dapat nating hanapin ang katotohanan at maghimagsik tayo laban sa ating sarili. Sa pagkilos nang ganito, tayo ay marangal, makatarungan, at namumuhay nang matuwid at matapat. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay nabigyan ako ng kaliwanagan at nakahanap ako ng landas para sa pagsasagawa. Naalala ko noong inilipat si Sister Li Qing, mga reklamo at pagiging negatibo ang naging reaksiyon ko at nanlansi ako para pigilan ang isang taong may talento. Ang pagkilos nang ganito ay masyadong kasuklam-suklam at karimarimarim! Kung muli akong mahaharap sa mga usapin na nakakaapekto sa sarili kong mga interes, hindi sarili ko lang ang dapat kong isaalang-alang. Sa halip, dapat akong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, matutong bitiwan ang sarili kong mga interes at magbigay sa iglesia ng mga taong may talento. Sa pamamagitan ng pagbubuod kalaunan, napagtanto ko na nagpapatong-patong ang gawain ko at hindi maagap na napipili at naisusumite ang mahuhusay na sermon—may kinalaman ito sa kawalan ko ng kakayahang epektibong bigyang-prayoridad ang mga gampanin. Kailangan kong i-organisa ang gawaing hawak ko nang mas makatwiran at epektibo, inuuna ang mahahalagang gampanin at hinahayaang maghintay ang mga hindi gaanong apurahan. Sa ganitong paraan, hindi maaantala ang gawain. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, nakipag-usap ako sa mga lider tungkol sa pag-aangat kay Dong Fei bilang lider ng pangkat. Sumang-ayon ang mga lider na si Dong Fei ay angkop na linangin, kaya nagsikap akong turuan siya. Nang maghimagsik ako laban sa laman at nagsagawa ng katotohanan, nakaramdam ako kapayapaan at kapanatagan sa puso ko, at lubos na naing maganda ang lagay ng loob ko.
Noong Setyembre 2023, nagsimula si Chen Jing sa pagsasanay sa paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto. Sa una, hindi siya pamilyar sa gawain at pakiramdam niya ay napakahirap nito, kaya ayaw niyang gawin ang tungkuling ito. Isinaayos kong makipagbahaginan sa kanya nang harap-harapan. Pagkalipas ng ilang panahon ng pagsasanay, unti-unti siyang naging handang gawin ang tungkuling ito nang masigasig. Napakasaya ko nang makita ang resultang ito. Hindi ko inaasahan na makalipas lang ang ilang araw, dahil kapos sa tauhan ang gawain ng pagdidilig, napansin ng mga lider na dati nang nakapagdilig ng mga baguhan si Chen Jing, at nagplano silang italaga siya para gawain ang gawain ng pagdidilig. Nang mabalitaan ko ito, nagulat ako, iniisip na, “Si Chen Jing ay isang miyembro ng pangkat na nakabatay sa teksto, na pinaghirapan naming linangin. Kung ililipat siya, kakailanganin ko na namang maghanap ng iba na lilinangin. Kung wala akong mahahanap, siguradong bababa ang pagiging epektibo ng gawain namin.” Nagsimula akong magkaroon ng ilang reklamo tungkol sa mga lider. Pagkatapos, bigla kong napagtanto na hindi tama ang kalagayan ko, at naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, sinuman sila, lahat ay dapat magpasakop sa koordinasyon at mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at hindi talaga dapat kontrolin ng sinumang indibidwal na lider o manggagawa na para bang pag-aari niya sila o nasasailalim sa kanyang desisyon. Ang pagsunod ng hinirang na mga tao ng Diyos sa sentralisadong mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay ganap na natural at may katwiran, at hindi maaaring suwayin ng sinuman ang mga pagsasaayos na ito, maliban kung gumagawa ang isang indibidwal na lider o manggagawa ng isang arbitraryong paglilipat na hindi alinsunod sa prinsipyo, kung magkagayon ay maaaring suwayin ang pagsasaayos na ito. Kung ang isang normal na paglilipat ay isinasagawa nang ayon sa mga prinsipyo, dapat na sumunod ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos, at walang lider o manggagawa ang may karapatan o anumang dahilan para subukang kontrolin ang sinuman. Masasabi ba ninyo na may anumang gawain na hindi gawain ng sambahayan ng Diyos? Mayroon bang anumang gawain na hindi kinasasangkutan ng pagpapalawig ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Lahat ng iyon ay gawain ng sambahayan ng Diyos, pantay-pantay ang bawat gawain, at walang ‘iyo’ at ‘akin.’ Kung ang paglilipat ay naaayon sa prinsipyo at batay sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, dapat magpunta ang mga taong ito kung saan sila higit na kailangan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga kapatid ay nabibilang sa sambahayan ng Diyos at hindi pagmamay-ari ng sinuman. Hangga’t naaayon sa mga prinsipyo ang isang paglilipat, walang sinuman ang may karapatang makialam, at lahat tayo ay dapat na magpasakop dito. Nagnilay ako kung paanong pinigilan ko noon si Dong Fei para sa sarili kong mga interes. Nababalisa ako sa tuwing naiisip ko ito. Noong panahong iyon, apurahang nangangailangan ng mga tagadilig para sumuporta sa mga baguhan, at may kaunting karanasan si Chen Jing sa aspektong ito. Napagtanto ko na ang pagsasaayos ng mga lider ay nakabatay sa mga pangangailangan ng gawain. Hindi ako puwedeng tumuon sa sarili ko lang na mga interes; kailangan kong aktibong makipagtulungan sa gawain ng iglesia at tiyakin na gagawin ni Chen Jing ang tungkulin niya kung saan siya pinakakinakailangan. Pagkatapos, inilipat siya sa tungkulin ng pagdidilig. Bago siya umalis, nagrekomenda siya ng dalawang sister na angkop para sa tungkuling nakabatay sa teksto. Pagkatapos ng ilang panahon ng paglilinang, pareho nilang nagawang umako ng kaunting gawain, at ang gawaing nakabatay sa teksto ay hindi naantala ng paglipat ng sinumang miyembro ng pangkat. Nang hindi na ako namuhay ayon sa aking makasarili at kasuklam-suklam na satanikong kalikasan, sa halip ay nagsagawa nang ayon sa mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng malalim na kapayapaan at kapanatagan sa aking puso.