60. Natututong Magpasakop sa Gitna ng Karamdaman

Ni Tong Yu, Tsina

Magmula pa noong bata ako, mayroon na akong mahinang pangangatawan at palaging may sakit, kaya inasam ko ang isang malusog na katawan. Noong Marso 2012, pinalad ako na matanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Makalipas ang ilang buwan, napansin ko na hindi ako madalas siponin o lagnatin gaya ng dati; bumuti rin ang aking migraine at cervical spondylosis. Napuno ng pasasalamat sa Diyos ang aking puso, at mas ginanahan akong talikuran ang mga bagay at gugulin ang aking sarili. Noong panahong iyon, isa akong lider ng iglesia, at upang maayos na magampanan ang gawain ng iglesia, binalewala ko ang paghadlang at pagsalungat ng aking pamilya, at walang pagod na gumawa mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon na ginagampanan ang aking tungkulin.

Isang araw noong Mayo 2020, napansin kong may kaunting pananakit sa aking leeg. Naninigas ito kapag inililingon ko sa magkabilang panig, at lumalagutok. Pagkatapos maupo pa nang kaunti, nagsimula akong mahilo, at nagsimulang kumirot ang kanang braso ko at namanhid, kaya mahirap hawakan ang mga bagay. Noong una, hindi ko ito masyadong pinansin, inaakalang pagkatapos kong magsimulang manampalataya sa Diyos, hindi lamang Niya tinanggal ang dati kong mga sakit, kundi inayos din Niya ang buong pangangatawan ko. Dahil inilalaan ko ang aking sarili nang full-time sa aking tungkulin ngayon, nanampalataya akong poprotektahan ako ng Diyos at hindi hahayaang lumala ang kondisyon ko. Inakala ko na sa pagtatama ko ng aking karaniwang postura sa pag-upo at wastong pag-eehersisyo, hindi ito magiging isang malaking problema. Gayumpaman, hindi ko inasahan na, makalipas ang dalawang buwan, bukod sa hindi bumuti ang aking cervical spondylosis, lumala pa ito. Madalas manakit ang aking ulo at nahihilo ako, nanuyot ang mga mata ko at hindi komportable, at masakit at manhid ang aking kanang balikat, nahirapan pa nga akong mag-chopstick. Nagsimula akong mag-alala na lulubha ang kalagayan ko. Kung ang isang bahagi ng katawan ko ay manghina at maging paralisado, paano ako makapagpapatuloy sa paggawa ng aking tungkulin? Hindi ba’t mangangahulugan iyon na maiwawala ko ang aking pagkakataong tanggapin ang pagliligtas ng Diyos? Pagkatapos, naalala ko ang isang sister na kasama ko sa gawain dati na kinailangang tumigil sa paggawa ng kanyang tungkulin at umuwi para magpagamot dahil lumala ang kanyang cervical spondylosis. Pero hindi pa nagtatagal nang umalis ako sa bahay para gawin ang aking tungkulin, pinagkanulo ako ng isang Hudas. Kung naging masyadong malubha ang aking kondisyon na hindi ko na magagawa ang aking tungkulin, anong gagawin ko gayong hindi ako makauwi at hindi nangahas na pumunta sa ospital para magpagamot? Habang lalo ko itong iniisip, lalong sumasama ang loob ko, at hindi ko maiwasang magsimulang magreklamo tungkol dito, iniisip na, “Sa nakalipas na ilang taon na nanampalataya ako sa Diyos, tinalikuran ko ang pamilya at propesyon sa paggawa ng aking tungkulin, at nagdusa ako ng marami-raming paghihirap. Bakit hindi ako bantayan at protektahan ng Diyos? Bakit Niya ako tinulutang magdusa muli sa karamdaman?” Naisip ko, “Bagama’t hindi ako makapunta sa ospital para magpagamot, hindi ako puwedeng maupo na lang at hayaang lumala ang kondisyon ko! Kailangan kong humanap ng paraan para gamutin ang sarili ko. Kung hindi, habang lumalala ang kondisyon ko, hindi lamang ako lalong magdurusa, kundi lalong hindi ko na rin magagawang gampanan pa ang tungkulin ko, at ano na lang ang mangyayari kung gayon?” Pagkatapos niyon, sinimulan kong mag-isip ng iba’t ibang paraan para gamutin ang karamdaman ko. Bukod sa sinubukan ko ang cupping,[a] gua sha,[b] at moxibustion,[c] kung saan-saan din ako naghanap ng mga remedyo para gamutin ang cervical spondylosis. Nang panahong iyon, ganap na nakatuon ang isip ko sa kung paano pagalingin ang karamdaman ko, at wala na akong nadamang anumang pasanin para sa tungkulin ko. Nabigo akong subaybayan ang iba’t ibang gampanin, at kapag abala ang gawain at humihinging mag-overtime hanggang gabing-gabi, sa panlabas ay ginawa ko ang aking tungkulin pero nanlalaban naman sa loob ko, natatakot na palalain ng sobrang kapaguran ang kondisyon ko.

Noong Mayo 2022, isang umaga, habang pababa ako ng hagdan para mag-almusal, bigla akong nakadama ng matinding bigat sa aking kanang binti at kanang balikat. Hinang-hina ang kanang binti ko na halos hindi ko ito maiangat, at kinailangan ko itong kaladkarin habang naglalakad ako. Sa isang iglap ay naging balisa ako, iniisip kung talagang nagiging paralisado ang kalahati ng katawan ko, takot na takot ako, iniisip na, “Kung mapaparalisa ako, talagang hindi ko magagawang gampanan ang tungkulin ko, kung gayon, ano ang mangyayari sa mga inaasam kong pagliligtas at pagpasok sa kaharian ng langit? Hindi ba’t mawawalan ng saysay ang mga taon ng aking pagsasakripisyo at pagsisikap kung gayon?” Habang mas iniisip ko ito, mas naghinagpis ako. Dahil nakikita ko ang ilang kapatid sa paligid ko na may maayos na kalusugan, inggit na inggit ako at selos na selos, iniisip na, “Sa mga nakalipas na taon na ito magmula nang manampalataya ako sa Diyos, tumalikod at gumugol ako nang gaya nila. Bakit sila binigyan ng Diyos ng isang malusog na pangangatawan at hindi ako?” Habang mas nag-iisip ako nang ganito, mas namroblema at nabalisa ako tungkol sa aking kondisyon.

Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung ano ang magiging kalagayan ng kalusugan ng isang tao sa isang partikular na edad at kung siya ba ay magkakaroon ng malubhang sakit ay pawang isinasaayos ng Diyos. Ang mga walang pananampalataya ay hindi naniniwala sa Diyos at naghahanap sila ng tao na kayang alamin ang mga bagay na ito batay sa mga palad, petsa ng kapanganakan, at mukha, at pinaniniwalaan nila ang mga bagay na ito. Nananalig ka sa Diyos at madalas kang makinig sa mga sermon at makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, kaya kung hindi ka naniniwala rito, ikaw ay walang iba kundi isang taong hindi nananampalataya. Kung tunay kang nananalig na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, dapat mong paniwalaan na ang mga bagay na ito—ang malulubhang sakit, malalalang sakit, mga simpleng sakit, at ang kalusugan—ay lahat nasasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang paglitaw ng isang malubhang sakit at kung ano ba ang magiging kalagayan ng kalusugan ng isang tao sa isang partikular na edad ay hindi mga bagay na nangyayari nang nagkataon lang, at ang maunawaan ito ay ang magkaroon ng positibo at tumpak na pag-unawa. Ito ba ay naaayon sa katotohanan? (Oo.) Ito ay naaayon sa katotohanan, ito ang katotohanan, dapat mong tanggapin ito, at ang iyong saloobin at mga pananaw sa bagay na ito ay dapat na magbago. At ano ang nalulutas sa sandaling magbago ang mga bagay na ito? Hindi ba’t nalulutas na ang iyong mga damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala? Kahit papaano man lang, ang iyong mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa pagkakasakit ay nalulutas sa teorya. Dahil binago na ng iyong pagkaunawa ang iyong mga kaisipan at pananaw, nalulutas na nito ang iyong mga negatibong emosyon. … Ang ating pinag-uusapan ay ang pagkakasakit; ito ay isang bagay na mararanasan ng karamihan ng tao sa kanilang buhay. Kaya naman, kung anong uri ng sakit ang dadapo sa katawan ng mga tao sa kung anong oras o edad at kung ano ang magiging kalagayan ng kanilang kalusugan ay pawang mga bagay na isinasaayos ng Diyos at hindi maaaring ang mga tao ang magpasya ng mga bagay na ito; tulad ng kung kailan ipinanganak ang isang tao, hindi sila ang maaaring magpasya nito. Kaya hindi ba’t kahangalan na mabagabag, mabalisa, at mag-alala sa mga bagay na hindi naman ikaw ang makapagpapasya? (Oo.) Dapat ay lutasin ng mga tao ang mga bagay na kaya nilang lutasin, at para naman sa mga bagay na hindi nila kayang gawin, dapat nilang hintayin ang Diyos; dapat magpasakop nang tahimik ang mga tao at humingi sa Diyos ng proteksyon—ito ang kaisipang dapat taglayin ng mga tao. Kapag talagang dumating na ang sakit at malapit na ang kamatayan, ang mga tao ay dapat magpasakop at hindi magreklamo o magrebelde laban sa Diyos o magsabi ng mga bagay na lumalapastangan sa Diyos o ng mga bagay na umaatake sa Kanya. Sa halip, ang mga tao ay dapat na tumindig bilang mga nilikha at danasin at pahalagahan ang lahat ng nagmumula sa Diyos—hindi nila dapat subukan na pumili ng mga bagay para sa kanilang sarili. Ito ay dapat maging isang espesyal na karanasan na nagpapasagana sa iyong buhay, at hindi naman ito masamang bagay, hindi ba? Kaya naman, pagdating sa pagkakasakit, dapat munang lutasin ng mga tao ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw ukol sa sanhi ng sakit, at pagkatapos ay hindi na sila mag-aalala tungkol dito; bukod dito, ang mga tao ay walang karapatan na kontrolin ang mga bagay na nalalaman o hindi nalalaman, at wala rin silang kakayahang kontrolin ang mga ito, sapagkat lahat ng bagay na ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang saloobin at prinsipyo ng pagsasagawa na dapat mayroon ang mga tao ay ang maghintay at magpasakop. Mula sa pagkaunawa hanggang sa pagsasagawa, ang lahat ay dapat gawin ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ito ang paghahangad sa katotohanan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)). Mula sa mga salita ng Diyos, natanto ko na kung lulubha man ang sakit ko o hindi o hahantong sa pagkaparalisa ay pawang nasa mga kamay ng Diyos, at na dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; ito ang matalinong pagpili. Gayumpaman, hindi ko pa naunawaan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Naglaan ako ng maraming lakas at pag-aalala sa paggagamot sa aking karamdaman, nababahala at nababalisa sa lahat ng oras, at nagkikimkim pa nga ng mga maling pagkaunawa at pagrereklamo sa Diyos. Talagang naging hangal ako! Dapat akong magkaroon ng isang mapagpasakop na saloobin na matutuhan ang mga aral mula sa aking karamdaman, at magkaroon ng tunay na pagtitiwala sa Diyos. Bukod dito, kapag masama ang pakiramdam ko, dapat akong sumailalim sa normal na gamutan at pangangalagang pangkalusugan, at gawin ang tungkulin ko sa pinakamaaabot ng kakayahan ko. Ang pagsasagawa nang ganito ay hindi lilihis sa mga hinihingi ng Diyos at ang saloobing dapat ay tinataglay ko. Nang matanto ko ito, medyo naibsan ang pagkabalisa ko, at gusto kong magpasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos.

Mula noon, hinayaan kong mangyari nang natural ang mga bagay-bagay, at makatwirang isinaayos ang aking oras para sa pagpapagamot at pangangalaga sa sarili. Minsan, kakalma ako at magninilay-nilay, “Bakit ako nagrereklamo kapag lumalala ang sakit ko? Ano ba mismo ang tiwaling disposisyon na nagdidikta nito?” Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, sino sa kanila ang walang sariling mga layunin, motibasyon, at ambisyon? Kahit na may isang bahagi sa kanila na naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at nakakita sa pag-iral ng Diyos, ang kanilang paniniwala sa Diyos ay naglalaman pa rin ng ganoong mga motibasyon, at ang kanilang pangunahing layunin sa paniniwala sa Diyos ay ang pagtanggap ng Kanyang mga pagpapala at ng mga bagay na gusto nila. Sa mga karanasan ng tao sa kanilang buhay, madalas nilang naiisip sa kanilang sarili: ‘Isinuko ko ang aking pamilya at karera para sa Diyos, at ano ang ibinigay Niya sa akin? Dapat kong makita ang kabuuan nito, at siguraduhin ito—may natanggap ba ako na anumang pagpapala kamakailan? Marami ang ibinigay ko sa pagkakataong ito, ako ay tumakbo nang tumakbo, at labis na nagdusa—may ibinalik bang anumang pangako ang Diyos? Naalala ba Niya ang aking mabubuting gawa? Ano ang magiging katapusan ko? Maaari ko bang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos? …’ Ang bawat tao ay madalas na gumagawa ng ganitong mga pagkalkula sa loob ng kanilang puso, at humihingi sila sa Diyos ng mga bagay na nagtataglay ng kanilang mga motibasyon, ambisyon, at transaksiyonal na pag-iisip. Ibig sabihin, sa kanyang puso, ang tao ay patuloy na sinusubukan ang Diyos, patuloy na gumagawa ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na nangangatwiran sa Diyos para sa kanyang sariling indibidwal na kalalabasan, at sinusubukang makakuha ng pahayag mula sa Diyos, tinitingnan kung maaaring ibigay o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng paghahangad sa Diyos, hindi itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Palagi niyang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, walang hinto sa paghingi sa Kanya, at pinipilit pa Siya sa bawat hakbang, tinatangkang humingi nang higit pa matapos mapagbigyan nang kaunti. Kasabay ng pagsisikap na makipagtawaran sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Kanya, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating na mga pagsubok sa kanila o kaya ay nalagay sila mismo sa ilang sitwasyon, madalas na sila ay nagiging mahina, negatibo, at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Magmula nang ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang pagsisikap na makakuha ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang responsabilidad ng Diyos ay ang ingatan at pangalagaan ang tao at magbigay ng pangtustos sa kanya. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa ‘pananampalataya sa Diyos,’ ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng pananampalataya sa Diyos. Mula sa kalikasang diwa ng tao hanggang sa kanyang pansariling hangarin, wala sa mga ito ang may kinalaman sa takot sa Diyos. Hindi maaari na ang layunin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Ibig sabihin, hindi kailanman itinuring o naintindihan ng tao na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pagsamba sa Diyos. Sa harap ng ganitong mga kalagayan, ang diwa ng tao ay halatang-halata. At ano ang diwa na ito? Ito ay ang puso ng tao na may masamang hangarin, nagkikimkim ng pagtataksil at panlilinlang, walang pagmamahal sa pagiging patas at pagiging matuwid, o sa mga bagay na positibo, at ito ay kamuhi-muhi at sakim. Ang puso ng tao ay masyado nang sarado sa Diyos; hindi pa talaga niya ito ibinigay sa Diyos. Hindi pa kailanman nakita ng Diyos ang tunay na puso ng tao, at hindi rin Siya kailanman sinamba ng tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Pagkatapos kong mabasa kung ano ang inilantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na magmula nang manampalataya ako sa Diyos, ang pananaw ko sa kung ano ang hahangarin, pati na rin ang direksyon ng aking paghahangad, ay mali na sa simula pa man. Hindi pa nagtatagal pagkatapos kong magsimulang manampalataya sa Diyos, nakita kong bumuti ang kalusugan ko, kaya nagsimula kong tratuhin ang Diyos bilang aking tagapagpagaling. Inasam kong makamit ang pagpapala at proteksyon ng Diyos sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga bagay, paggugol sa aking sarili, at pagbabayad ng halaga; nang sa ganoon, hindi ko na kakailanganin pang magdusa ng paghihirap dahil sa aking sakit. Nang bumalik ang sakit ko at nagpatuloy ang lagay nito nang hindi na makontrol o maibsan, nagreklamo ako, ginagamit ang dating panlabas na mga pagsisikap at pagpupunyagi ko bilang puhunan upang mangatwiran sa Diyos. Inakala ko pa ngang ang paglunas sa sakit ko ang pinakamahalagang bagay, at hinarap ko ang tungkulin ko nang walang pagpapahalaga sa pasanin. Noong nakita kong hindi namumunga ang gawain, hindi ako nabalisa o nataranta, dahil nakatuon lamang ako sa paraan kung paano gamutin at alagaan ang katawan ko. Dahil nakikita kong malusog na malusog ang aking mga kapatid sa paligid ko samantalang ako, na bata pa, ay namumuhay sa pagdurusa dahil sa sakit, sa loob-loob ay nagreklamo ako sa Diyos sa pagpapala Niya sa kanila pero hindi naman nagbabantay o nagpoprotekta sa akin. Ang kalagayan ko ay ang eksaktong inilantad ng mga salita ng Diyos: “Kapag ipinagkakaloob Ko ang Aking matinding galit sa mga tao at binabawi Ko ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati nilang taglay, napupuno sila ng pagdududa. Kapag ipinagkakaloob Ko sa mga tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit sila nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng mga tao na pagalingin Ko sila, at hindi Ko sila pinapakinggan at namuhi Ako sa kanila; nililisan nila Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng mga tao sa Akin, naglalaho silang lahat nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang mga tao ay may pananalig sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko, at dahil masyadong maraming pakinabang na makakamit(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Malalim na tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Sa loob ng maraming taon, ipinahayag ko na gusto kong gugulin ang sarili ko para sa Diyos, pero hindi ako kailanman sumamba at nagpasakop sa Diyos bilang Diyos. Gusto ko lamang ng mga pagpapala mula sa Diyos, umaasang pagagalingin Niya ako at palalayain ako mula sa pagdurusa sa sakit. Malinaw na sinusubukan kong gamitin ang Diyos at makipagtawaran sa Kanya, pero sa labas ay ipinangangalandakan kong ginugugol ko ang aking sarili para sa Diyos. Hindi ba’t lantaran itong panlilinlang at paglaban sa Diyos? Tunay na kasuklam-suklam ako!

Kasunod nito, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nakita ang isang daan ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag ang isang tao ay labis na nag-aalala tungkol sa kanyang pisikal na katawan at pinananatili itong busog, malusog, at malakas, ano ang halaga nito sa kanya? Ano ang kabuluhan ng pamumuhay nang ganito? Ano ang halaga ng buhay ng isang tao? Ito ba ay para lamang sa pagpapakasasa sa laman tulad ng pagkain, pag-inom, at pagpapakaaliw? … Kapag ang isang tao ay pumarito sa mundong ito, hindi ito para sa kasiyahan ng laman, ni sa pagkain, pag-inom, at paglilibang. Hindi dapat mamuhay ang isang tao para sa mga bagay na iyon; hindi iyon ang halaga ng buhay ng tao, at hindi rin ang tamang landas. Ang halaga ng buhay ng tao at ang tamang landas na susundin ay kinabibilangan ng pagsasakatuparan ng isang mahalagang bagay at pagtatapos ng isa o maraming trabahong may halaga. Hindi ito tinatawag na propesyon; ito ay tinatawag na tamang landas, at tinatawag din itong wastong gampanin. Sabihin mo sa Akin, sulit ba para sa isang tao na magbayad ng halaga para matapos ang ilang gawain na may halaga, mamuhay nang makabuluhan at may halaga, at hangarin at tamuhin ang katotohanan? Kung talagang ninanais mong hangarin ang pagkanunawa sa katotohanan, na tahakin ang tamang landas sa buhay, na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at mamuhay ng isang mahalaga at makabuluhang buhay, kung gayon, hindi ka mag-aatubiling ibigay ang lahat ng lakas mo, magbayad ng lahat ng halaga, at ibigay ang lahat ng iyong oras at kabuuan ng mga araw mo. Kung nakakaranas ka ng kaunting sakit sa panahong ito, hindi na ito mahalaga, hindi ka nito masisira. Hindi ba’t mas nakahihigit ito sa habambuhay na kaginhawahan, kalayaan, at kawalang-ginagawa, tinutustusan ang pisikal na katawan hanggang sa puntong busog at malusog na ito, at sa huli ay nagkakamit ng mahabang buhay? (Oo.) Alin sa dalawang mapagpipiliang ito ang isang buhay na may halaga? Alin ang makapagbibigay ng kaginhawahan at ng walang pagsisisihan sa mga tao kapag naharap sila sa kamatayan sa pinakahuli? (Ang makapamuhay nang makabuluhan.) Ang makapamuhay nang makabuluhan. Ibig sabihin nito, sa puso mo, may makakamit ka at mabibigyang-ginhawa ka. Paano naman iyong mga busog, at nagpapanatili ng kulay-rosas na kutis hanggang kamatayan? Hindi sila naghahangad ng makabuluhang buhay, kaya, ano ang nararamdaman nila kapag namatay sila? (Na parang namuhay sila nang walang kabuluhan.) Ang apat na salitang ito ay tumatagos—namumuhay nang walang kabuluhan. Ano ang ibig sabihin ng ‘namumuhay nang walang kabuluhan’? (Ang sayangin ang buhay ng isang tao.) Namumuhay nang walang kabuluhan, sinasayang ang buhay ng isang tao—ano ang batayan ng dalawang pariralang ito? (Sa dulo ng kanilang buhay, napagtatanto nila na wala silang nakamit.) Ano ang dapat makamit ng isang tao kung gayon? (Dapat niyang makamit ang katotohanan o maisakatuparan ang mga mahalaga at makabuluhang bagay sa buhay na ito. Dapat niyang gawin nang maayos ang mga bagay na dapat gawin ng isang nilikha. Kung mabibigo siyang gawin ang lahat ng iyon at mamumuhay lamang para sa kanyang pisikal na katawan, mararamdaman niya na hindi naging makabuluhan ang buhay niya at nasayang lang ito.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (6)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang tamang pananaw kung ano ang hahangarin sa pananampalataya sa Diyos ay ang hanapin na maunawaan ang katotohanan at makamit ang pagpapasakop sa Diyos. Kahit anong kapaligiran pa ang isinasaayos ng Diyos, kahit na sa harap ng malubhang sakit at pagdurusa, dapat akong magpasakop sa pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at tuparin ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Ang ganitong uri ng paghahangad ay mahalaga at makabuluhan at aalalahanin ng Diyos. Gayumpaman, palagi kong hinanap ang maka-lamang kapayapaan, ang isang buhay na walang sakit o sakuna, at mamuhay nang malusog. Nang lumubha ang sakit ko, nagsimula akong mangatwiran sa Diyos at magreklamo, tumutuon lamang sa paggagamot at pangangalaga sa sarili, at ayaw ko pa ngang gawin ang tungkulin ko. Walang kabuluhan ang gayong paghahangad. Natanto ko na kahit na mapabuti ko ang aking kalusugan at mamuhay ng isang mapayapa, malusog na buhay, kung hindi ko naman natupad ang tungkulin at responsabilidad ko bilang isang nilikha, at kung nabigo akong tapusin ang misyon ko, magiging isang naaksayang buhay ito, at magiging walang saysay ang pag-iral ko sa mundong ito. Nang matanto ko ito, sumigla ako. Kung magiging malala man ang sakit ko o kung magiging paralisado man ako, ang pinakamahalagang bagay ay ang tuparin ko ang aking tungkulin. Mula noon, inilaan ko ang aking puso sa aking tungkulin at sinubaybayan ang iba’t ibang gampanin.

Isang araw, habang nagta-type ako sa computer, biglang hindi maigalaw ang kanang balikat ko, at nakaramdam ako ng matinding pananakit nang inangat ko ang aking kanang braso. Naging napakahirap mag-type. Nagsimula na naman akong mag-alala, iniisip na, “Kung hindi maigalaw ang balikat ko, paano ko magagawa ang tungkulin ko?” Inisip ko, “Magpapahinga ako, at baka bubuti na ito bukas.” Gayumpaman, kinabukasan, hindi lamang hindi bumuti ang balikat ko, lalo pa itong sumakit. Nagsimula ring sumakit ang ulo at leeg ko; napakasakit maupo at kahit ang mahiga. Nawala ko ang lahat ng pokus ko sa paggawa sa aking tungkulin. Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ikaw man ay may karamdaman o dinaranas na sakit, hangga’t may natitira kang hininga, hangga’t ikaw ay nabubuhay pa, hangga’t ikaw ay nakapagsasalita at nakapaglalakad pa, may enerhiya ka pa para gampanan ang tungkulin mo, at dapat ay mabuti ang asal mo sa paggampan mo ng iyong tungkulin nang praktikal. Hindi mo dapat talikuran ang tungkulin ng isang nilikha o ang responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Lumikha. Hangga’t hindi ka pa patay, dapat mong tapusin ang iyong tungkulin at tuparin ito nang maayos(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, nanalangin ako sa Kanya, na nagsasabing bumuti man o hindi ang kondisyon ko, ayaw ko nang matali o mapigilan pa nito. Gusto ko lamang hanapin ang layunin ng Diyos, magpasakop sa Kanya, at manatili sa tungkulin ko. Pagkatapos noon, tumigil ako sa pag-aalala kung kailan gagaling ang sakit ko at sa halip ay tumuon ako sa aking tungkulin, na ginagamit ang libreng oras ko para mag-ehersisyo nang kaunti. Nang pang-apat na umaga, bigla kong napansin na nabawasan ang pananakit sa kanang balikat ko, at hindi na naninigas ang leeg ko. Bagama’t hindi ako ganap na gumaling, unti-unti akong bumubuti.

Ang paulit-ulit na pagsumpong na ito ng karamdaman ay ganap na nagbunyag sa mga maling pananaw na pinanghawakan ko tungkol sa kung ano ang hahangarin sa pananalig ko. Noon lamang ako nagsimulang tunay na magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa sarili ko. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutuhan ko rin kung paano wastong gamutin ang karamdaman at kung paano tuparin ang tungkulin ko sa gayong mga panahon. Pinasasalamatan ko ang Diyos sa Kanyang pagliligtas!

Mga Talababa:

a. Cupping: Isang therapy kung saan inilalagay ang baso o mga cup na plastik sa balat para sumipsip. Pinagaganda nito ang daloy ng dugo at iniibsan ang pananakit.

b. Gua Sha: Isang pamamaraan kung saan kinakayod sa buong balat ang isang makinis na kagamitan para tanggalin ang tensyon, pagandahin ang sirkulasyon, at bawasan ang pananakit ng kalamnan.

c. Moxibustion: Isang pamamaraan kung saan sinusunog ang tuyong mugwort (isang halaman) malapit sa partikular na bahagi ng katawan upang painitin at pabilisin ang paggaling niyon.

Sinundan:  59. Ang Pagkakasundo Ba ay Nangangahulugan ng Maayos na Pagtutulungan?

Sumunod:  63. Nagpapatuloy sa Paghahangad ng Katotohanan Kahit Matanda Na

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger