61. Alam Ko Na Ngayon Kung Paano Makipagtulungan Nang Maayos sa Iba
Ilan taon ko nang ginagawa sa iglesia ang gawain ng pagdisenyo, at sa paggawa ko ng aking tungkulin, unti-unti akong naging bihasa sa ilang prinsipyo ng graphic design at nagkaroon ng kaunting karanasan. Nagkomento rin ang karamihan sa mga tao na ako ay may masigasig na saloobin sa aking tungkulin, na nagbigay sa akin ng kumpiyansa sa sarili. Noong Pebrero 2022, dahil sa mga pangangailangan ng gawain, isinaayos ng iglesia na magtulungan kami ni Sister Valerie sa gawain ng pagdisenyo. Makalipas ang ilang panahon, natuklasan kong medyo pabaya siya sa kanyang tungkulin at hindi masyadong naaarok ang mga prinsipyo, at minsan ay nakakagawa rin siya ng ilang kapuna-punang pagkakamali, na ibig sabihin ay kinailangang ulitin at rebisahin ang ilang disenyo. Nagsimula akong hamakin siya, iniisip na marami siyang isyu sa kanyang tungkulin, na hindi ko siya kasing-metikuloso, ni kasing-bihasa sa paggamit ng mga prinsipyo nang angkop. Bukod dito, karamihan sa mga mungkahi ko sa gawain ay tinanggap niyang lahat nang walang gaanong pagtutol, na lalo pang nagbigay sa akin ng kumpiyansa sa sarili. Kalaunan, tuwing may mga isyung kailangang talakayin, ayaw ko nang lumapit pa sa kanya para humingi ng payo. Bagaman minsan ay ibinabahagi niya ang kanyang mga iniisip, hindi talaga ako nakikinig, at palagi ko lang iginigiit na tama ang pananaw ko at na dapat niyang sundan ang pangunguna ko.
Naaalala ko isang beses, magkaiba kami ng opinyon ni Valerie tungkol sa konsepto ng isang disenyo. Inisip kong medyo simple ang konsepto niya at hindi talaga maaagaw ang pansin ng mga tao, at na dapat naming gamitin ang konsepto ko. Patuloy kong ipinaliwanag kung paanong makabago ang ideya ko at hindi lang basta gasgas na konsepto, at kung paanong hindi angkop ang perspektiba niya. Nang subukan niyang ipaliwanag ang dahilan niya, inisip ko, “Mas marami na akong nagawang disenyo kaysa sa iyo at mas nauunawaan ko ang mga prinsipyo, kaya mas magiging tumpak na gawin ang mga bagay sa paraan ko.” Kaya, sumabad lang ako sa kanya at nagsimulang igiit muli ang punto ko. Pero hindi pa rin siya sumang-ayon sa mungkahi ko, at sinabing gusto niyang komunsulta sa ibang kapatid. Medyo nawalan ako ng pasensiya, iniisip ko, “Ano pang itatanong? Hindi ito mahirap na isyu; hindi ba puwedeng sumunod ka na lang sa mungkahi ko?” Pero nagulat ako, pagkatapos komunsulta sa iba, karamihan sa kanila ay hinusgahan ang usapin ayon sa mga prinsipyo, at nadamang mas angkop ang konsepto at perspektiba ni Valerie. Bagaman hindi kasing-makabago ang mga iyon, mas naaayon ang mga iyon sa tema. Nang marinig ko ito, medyo nahiya ako, at hindi ako makapaniwalang talagang mas maganda ang konsepto niya kaysa sa akin. Minsan naman, hiniling ko kay Valerie na tumulong sa pagtitimpla ng kulay sa isang disenyo, at sinabi ko sa kanya kung paano ang mga pagtitimpla. Kalaunan, napansin kong hindi niya sinunod ang pamamaraang itinuro ko sa kanya. Sa halip, ginamit niya ang pamamaraan na sa tingin niya ay mas maganda. Galit na galit ako nang makita ko ito, at tinanong ko siya nang may mariing tono, “Bakit hindi mo sinunod ang pamamaraan ko? Palagi naming ginagamit ang pamamaraang ito sa pagtitimpla ng kulay, paano kung may problema sa mga timpla mo?” Mabilis siyang sumagot, “Hindi ako mahusay sa pamamaraang binanggit mo, kaya ginamit ko ang pamamaraang mas pamilyar ako.” Gusto kong magpatuloy na punahin siya, pero napagtanto kong nagsasalita ako nang may pagkamainitin ang ulo, kaya tumigil ako.
Isang araw, ibinahagi niya ang kamakailang kalagayan niya, at sinabing, “Pakiramdam ko palagi na mas mababa ako sa paggawa ko ng tungkulin kasama ka, at palaging akong natatakot na kung hindi ko gagawin ang mga bagay sa paraan mo, pupunahin mo ako. Gaya noong nakaraan nang ginawa ko ang pagtitimpla ng kulay sa paraan ko, para lang gawin nang mas mabilis at madali ang mga bagay, totoong takot na takot ako nang tanungin mo ako.” Lubos akong nabagabag nang marinig ko ito. Hindi ko kailanman inasahan na matatakot talaga siyang makipagtulungan sa akin. Kalaunan, napansin ko rin na madalas ay may mga isyung madali sana niyang naasikaso nang siya lang, pero lalapit pa rin siya sa akin para tanungin muna ako, at mangangahas lamang na pangasiwaan ang mga bagay pagkatapos akong sumang-ayon. Napagtanto kong may problema sa pagtutulungan namin, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihingi sa Kanya na bigyang-liwanag ako para makilala ang sarili ko. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Paano ipapaliwanag at isasagawa ang terminong ‘pakikipagtulungan’? (Pagtalakay sa mga bagay-bagay kapag lumilitaw ang mga ito.) Oo, iyan ay isang paraan ng pagsasagawa nito. Ano pa? (Pagbalanse sa mga kahinaan ng isang tao sa pamamagitan ng mga kalakasan ng ibang tao, pangangasiwa sa isa’t isa.) Ganap na akma iyon; ang pagsasagawa nang ganoon ay pakikipagtulungan nang maayos. Mayroon pa ba? Ang paghingi ng opinyon ng iba kapag nangyayari ang mga bagay-bagay—hindi ba’t iyon ay pakikipagtulungan? (Oo.) Kung ibinabahagi ng isang tao ang kanyang opinyon, at ibinabahagi ng iba ang kanya, at sa huli, sumasang-ayon lang siya sa pagbabahagi ng unang tao, bakit nagpapabasta-basta? Hindi iyon pakikipagtulungan—hindi ito naaayon sa mga prinsipyo, at hindi ito nagbubunga ng mga resulta ng pakikipagtulungan. Kung salita ka nang salita, tulad ng isang machine gun, at hindi binibigyan ang ibang gustong magsalita ng pagkakataon, at hindi nakikinig sa iba kahit na pagkatapos mo nang sabihin ang lahat ng iyong mga ideya, talakayan ba iyon? Pagbabahaginan ba ito? Paggawa lang iyon ng mga bagay nang pabasta-basta—hindi ito pakikipagtulungan. Ano ang pakikipagtulungan, kung gayon? Ito ay kapag, matapos mong sabihin ang iyong mga ideya at desisyon, ay kaya mong hingin ang mga opinyon at pananaw ng iba, pagkatapos ay pagkukumparahin ang iyo at kanilang mga pahayag at pananaw, nang may ilang taong nagsasagawa ng pagkilatis sa mga ito nang sama-sama, at naghahanap ng mga prinsipyo, sa gayon ay nauuwi sa isang karaniwang pagkaunawa at pagtukoy sa tamang landas ng pagsasagawa. Iyon ang ibig sabihin ng pagtalakay at pakikipagbahaginan—iyon ang ibig sabihin ng ‘pakikipagtulungan’” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang tunay na pagtutulungan ay nangangahulugang nagagawang talakayin nang magkasama ang mga usapin, punan ang mga kalakasan at kahinaan ng isa’t isa, hanapin nang magkasama ang mga katotohanang prinsipyo, at gampanan ang aming mga tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ito ang tunay na pagtutulungan. Sa pagninilay-nilay ko sa panahong magkasama kami hanggang sa panahon na iyon, bagaman magkasama naming ginawa ni Valerie ang aming mga tungkulin, hindi ako tunay na nakipagtulungan sa kanya. Inakala kong mas masigasig ako sa paggawa ko ng mga bagay-bagay at na may mas mahusay akong pagkaunawa kaysa sa kanya, kaya palagi ko siyang hinahamak, at puno ng pang-aalipusta sa kanya ang mga salita at kilos ko. Kapag tinatalakay namin ang mga isyu, bihira akong nagkukusa para hanapin ang payo niya, at kahit na gawin ko, iraraos ko lang iyon, dahil nakapagpasya na ako na ako ang tama, at lubusang tumatangging tanggapin man lang ang mga ideya niya. Nawala ko nang lahat ang pagpapahalaga sa katwiran at sumabad sa kanya, pinupuna siya nang may mariing tono, gusto ko lang na sundin niya ang pangunguna ko. Sa aking tungkulin, palagi akong nakasentro sa sarili ko at dominante; kailanman ay walang anumang pagtatalakayan o pagsusuportahan kasama si Valerie, at palagi lamang ginagawa sa paraan ko ang lahat ng bagay. Dahil dito, pagkatapos gumawa nang magkasama nang ilang panahon, sobra ko siyang napigilan kaya hindi siya nangahas na pangasiwaan ang mga problema nang siya lang, at palagi siyang natatakot na kung hindi niya ginawa ang mga bagay sa paraan ko, pagsasabihan ko siya. Nakita ko na wala talagang matiwasay na pagtutulungan sa pagitan namin, at ang lahat ng ginawa ko ay ang pigilan at pinsalain siya. Sobra akong nakonsensiya at naghanap upang makakita ng isang solusyon sa problema ko.
Isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang dalawang sipi kung saan inilalantad ng Diyos ang mga anticristo at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa tingin, maaaring parang may mga katulong at katuwang ang ilang anticristo, pero ang katunayan ay kapag may nangyayari, gaano man katama ang iba, hindi kailanman nakikinig ang mga anticristo sa sasabihin ng mga ito. Ni hindi nila ito isinasaalang-alang, lalong hindi nila tinatalakay o pinagbabahaginan ang tungkol dito. Hindi nila ito pinag-uukulan ng anumang atensyon, na para bang wala roon ang iba. Kapag nakikinig ang mga anticristo sa sasabihin ng iba, wala sa loob lang nila iyong ginagawa o nagpapakitang-tao lang sila para masaksihan ng iba. Pero kapag sa wakas ay dumating ang oras para sa pangwakas na desisyon, ang mga anticristo pa rin ang nasusunod; balewala lang ang mga salita ng iba, talagang walang bisa ang mga iyon. Halimbawa, kapag may dalawang taong nananagot sa isang bagay, at ang isa sa kanila ay may diwa ng isang anticristo, ano ang naipapakita ng taong ito? Anuman ito, siya at siya lamang ang nagpapatakbo ng mga bagay-bagay, ang nagtatanong, ang nag-aayos ng mga bagay-bagay, at ang nakakaisip ng solusyon. At kadalasan, inililingid niya ang mga bagay-bagay sa kanyang kasama. Ano ang turing niya sa kanyang kasama? Hindi bilang kanyang katuwang, kundi palamuti lamang. Sa paningin ng anticristo, hindi lang talaga umiiral ang kapareha niya. Sa tuwing may problema, pinag-iisipan itong mabuti ng anticristo, at sa sandaling napagdesisyunan na niya kung ano ang gagawin, ipinapaalam niya sa lahat na ganito ito dapat gawin, at walang sinumang pinapayagang kuwestyunin ito. Ano ang diwa ng kanyang pakikipagtulungan sa iba? Ang pinakabatayan ay para mapasakanya ang huling salita, hindi kailanman tinatalakay ang mga problema sa sinumang iba pa, inaako ang lahat ng responsabilidad para sa gawain, at ginagawang palamuti lamang ang kanyang mga kapareha” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). “Ang unang pagpapamalas ng mga anticristo na nanghihimok sa iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos, ay na wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Puwedeng sabihin ng ilan na, ‘Ang kawalan ng kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino ay hindi katulad ng panghihimok sa iba na sa kanila lang magpasakop.’ Ang hindi magawang makipagtulungan sa sinuman ay nangangahulugang hindi nila binibigyang-pansin ang mga salita ng sinuman o hinihingi ang mga mungkahi ng sinuman—ni hindi rin nila hinahanap ang mga layunin ng Diyos o ang mga katotohanang prinsipyo. Kumikilos at umaasal lamang sila ayon sa kanilang sariling kalooban. Ano ang ipinahihiwatig nito? Sila ang naghahari sa kanilang gawain, hindi ang katotohanan, hindi ang Diyos. Kaya, ang prinsipyo ng kanilang gawain ay ang pabigyang-pansin sa iba ang sinasabi nila, at ituring ang mga ito na parang katotohanan, na parang sila ang Diyos” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, lubos akong nahiya. Ang prinsipyo kung paano gumagawa ang mga anticristo ay ang humawak mismo ng kapangyarihan, pinapasunod ang iba sa kanila, sa halip na magpasakop sa Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Sa pagninilay-nilay ko sa aking pakikipagtulungan kay Valerie, napagtanto ko na nagpapakita ako ng kaparehong disposisyon. Sa labas, mukhang nagtutulungan kami ni Valerie sa aming mga tungkulin, pero sa totoo lang, sa puso ko, itinuring ko lamang siya bilang isang tagasunod. Pinasunod ko siya sa lahat ng desisyon ko at pinasang-ayon sa mga ideya ko, na para bang ginagawa niya ang kanyang tungkulin para sa akin. Noong nagbigay siya ng mga mungkahi, hindi ko hinanap para maunawaan kung naaayon sa mga katotohanang prinsipyo o may merito ba ang mga mungkahi niya; palagi ko lamang iginigiit na tama ang mga pananaw ko. Noong gusto niyang komunsulta sa iba para sa mga nauugnay na prinsipyo, nawalan ako ng pasensiya, iniisip na ganap itong hindi kinakailangan. Dapat dakilain ng isang mananampalataya ang Diyos, hanapin ang mga layunin Niya sa lahat ng bagay, at magpasakop sa Kanyang mga salita at katotohanang prinsipyo. Pero masyado akong mayabang at mapagmagaling. Hindi lamang ako nabigong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kapag nahaharap sa mga usapin, pero palagi ko ring gustong magpasakop sa akin ang iba at sundin ang pangunguna ko. Itinuring ko ang sarili kong mga ideya bilang mga katotohanang prinsipyo para sundan at sundin ng iba, at ito ang landas ng isang anticristo! Kapag nagtutulungan ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin, ito ay para tulungan at punan ang isa’t isa, pati na rin para pangasiwaan at ituwid ang isa’t isa, para mabawasan ang mga paglihis sa mga tungkulin hangga’t maaari, at nang sa gayon ay kumilos tayong lahat ayon sa mga katotohanang prinsipyo, na nakakamit ang pinakamagagandang resulta para sa gawain ng iglesia. Pero hindi ako nakipagtulungan sa iba. Hindi lamang ito humantong sa mahinang pagganap sa mga tungkulin, kundi nagdulot din sa akin na madaling labagin ang mga prinsipyo at gambalain at guluhin ang gawain. Naisip ko ang ilang anticristong pinatalsik sa iglesia dahil sa pagiging mayabang, palalo, at pabasta-bastang pagkilos, palaging hinihingi na magpasakop sa kanila ang iba sa halip na hanapin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Dahil dito, ginambala at ginulo nila ang gawain ng iglesia, at nagdala ng sobrang pinsala at pagpipigil sa mga kapatid, at sa huli, pinatalsik at itiniwalag sila dahil sa kanilang lubos na pagtangging magsisi. Kung hindi pa rin ako nagsisi, ang huling kalalabasan ko ay magiging kagaya ng sa mga anticristo—pagtiwalag at kaparusahan. Tinakot ako ng mga kaisipang ito at ayaw kong magpatuloy sa maling landas na ito, kaya nanalangin ako kaagad sa Diyos, hinihingi sa Kanyang gabayan ako sa pag-unawa sa sarili ko. Gusto kong magsisi sa Diyos.
Sa sumunod na ilang araw, patuloy kong iniisip, “Bakit hindi ko kayang makipagtulungan nang matiwasay sa iba? Ano ang ugat ng problemang ito?” Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mga isyu. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa mga layunin ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong kalikasan na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para itaas mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para dakilain mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pangunahing ugat ng kawalan ko ng kakayahan na makipagtulungan nang matiwasay kay Valerie ay ang labis kong mapagmataas na kalikasan. Namumuhay ako sa lason ni Satanas na “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa” at palagi kong nakikita ang sarili ko bilang nakahihigit. Nang magbunga ng kaunting resulta ang tungkulin ko, nagsimula kong isipin na espesyal ako at hinamak ko siya sa lahat ng paraan, na para bang walang iba na kasing-husay ko. Sa paggawa ko ng aking tungkulin nang may ganitong uri ng disposisyon, talagang naging kumpiyansa ako, naniniwala pa ngang tama ang lahat ng opinyon ko, at madalas kong inaayon sa sarili ko ang tungkulin, kumikilos ayon sa gusto ko nang hindi man lang hinahanap ang mga layunin ng Diyos. Kapag tinatalakay ko ang mga isyu kay Valerie, palagi kong gusto na gawin niya ang mga bagay sa paraan ko, at kapag hindi niya ginawa, gusto kong magalit, pagsabihan, at hamakin siya, pinipilit siyang sumunod, na nagresulta na malimitahan ko siya at matakot na makipagtulungan sa akin. Habang mas iniisip ko ito, mukhang mas nakakatakot ito, at sa wakas ay napagtanto ko na ang mayabang kong disposisyon ay nagdulot ng pagkawala ng pagkatao at katwiran ko, at ang aking may-takot-sa-Diyos na puso, na ginawa akong malupit. Hindi ko alam, naapektuhan na rin nito ang gawain ng iglesia, at kung hindi ko nilutas ang mayabang na disposisyon na ito, talagang manganganib ako. Nang panahong ito, napagtanto ko na ang kayabangan ko ay galing sa pag-iisip ko palagi na mas magaling ako kaysa sa iba. Pero, talaga bang ganoon ako kagaling? Sabi ng Diyos: “Upang matupad nang sapat ang iyong tungkulin, hindi mahalaga kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, kung gaano karaming tungkulin na ang nagampanan mo, o kung gaano man karaming ambag na ang naibigay mo sa sambahayan ng Diyos, lalo nang hindi mahalaga kung gaano na ang karanasan mo sa iyong tungkulin. Ang landas na tinatahak ng isang tao ang pangunahing bagay na tinitingnan ng Diyos. Sa madaling salita, tinitingnan Niya ang saloobin ng isang tao tungo sa katotohanan at sa mga prinsipyo, direksyon, pinagmulan at ang simula ng mga pagkilos ng isang tao. Nakatuon sa mga bagay na ito ang Diyos; ang mga ito ang tumutukoy sa landas na iyong tinatahak. … Saanmang mundo ang iyong kaloob o kadalubhasaan, o saan ka man puwedeng mayroong anumang bokasyonal na karunungan, ang paggamit sa mga bagay na ito sa pagganap ng iyong tungkulin ay ang pinakanararapat—ito ang tanging paraan para magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Ang isang estratehiya ay umasa sa konsensiya at katwiran para gampanan ang iyong tungkulin, ang isa pa ay na dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong tiwaling disposisyon. Nagkakamit ang isang tao ng buhay pagpasok sa pamamagitan ng pagganap ng kanyang tungkulin sa ganitong paraan, at nakakaya niyang gampanan ang kanyang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko, na ang pagiging pasok sa pamantayan ng pagganap sa tungkulin ng isang tao ay hindi nakasalalay sa kung gaano na niya katagal ginagampanan ang kanyang tungkulin o kung gaano na karami ang karanasan niya, at na ang pinakamahalagang bagay ay nasa tamang landas ang taong iyon, hinahanap ang katotohanan para lutasin ang kanyang tiwaling disposisyon, at kumikilos nang naaayon sa mga prinsipyo. Palagi kong hinahamak si Valerie at hindi ko kayang makipagtulungan sa kanya nang matiwasay, unang-una ay dahil sa tingin ko ay mas nauunawaan ko ang gawain kaysa sa kanya, mas may karanasan ako, at mas metikuloso ako sa aking tungkulin. Talagang nagawang pagbutihin ng mga ito ang pagiging epektibo ng tungkulin ko sa isang antas, pero hindi katotohanan ang mga ito. Bukod dito, sa iba’t ibang konteksto, ang teknikal na kaalaman at karanasan ko ay maaaring hindi palaging magagamit. Halimbawa, noong gumagawa ako kasama si Valerie, minsan ay hinuhusgahan ko kung paano pangasiwaan ang mga bagay batay sa sarili kong karanasan, pero dahil mayabang ako, mapagmagaling, at hindi hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, hindi naging angkop ang ginagawa ko. Bagaman may mga kakulangan siya, sa pamamagitan ng paghahanap sa mga prinsipyo, nagawa pa rin niyang matukoy ang mga problema. Kaya napagtanto kong hindi ako mas mahusay kaysa sa iba, at na tunay na hindi makatwiran ang dati kong kayabangan at pagiging mapagmagaling! Naunawaan ko na ngayon na sa pakikipagtulungan lamang at pagpupuno sa isa’t isa, paghahanap sa katotohanan nang magkakasama, at pagkilos ayon sa mga prinsipyo saka natin magagawa nang maayos ang ating mga tungkulin.
Kalaunan, kapag nakikipagtulungan muli ako kay Valerie sa isang disenyo, sadya ko munang tinatanong ang mga opinyon niya, at kapag ipinahayag niya ang kanyang mga pananaw, nagagawa kong makinig mabuti. Makalipas ang ilang panahon, natuklasan kong may mga lakas si Valerie na nararapat pagkunan ng aral, at nagagawa niyang tanggapin ang mungkahi ng iba at tumutok sa paghahanap sa katotohanan, na mga katangiang hindi ko taglay. Sa puntong ito, napagtanto ko na talagang napakaganda ng mayroong gayong tao na makakatulong na kayang punan ang mga kakulangan ko sa aking tungkulin. Kasabay nito, natutuhan kong pangasiwaan nang maayos ang mga kakulangan ni Valerie, at sinusubukan kong makipagbahaginan at tulungan siyang maunawaan ang mga prinsipyong hindi niya naarok. Sinasabi ko rin sa kanya ang anumang pamamaraang nalaman ko na makapagpapahusay sa pagkaepektibo ng gawain. Unti-unting umayos ang pagtutulungan namin, at umayos din ang pangkalahatang pagkaepektibo ng aming mga tungkulin. Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang epektong makakamtan ng maayos na pagtutulungang ito? Malaki ang epekto. Magkakamit ka ng mga bagay na hindi mo pa nakakamit dati, na iyon ay ang liwanag ng katotohanan at mga realidad ng buhay; matutuklasan mo ang mabubuting katangian ng iba at matututo ka mula sa kanilang mga kalakasan. Mayroon pang iba: Ang tingin mo sa ibang mga tao ay walang alam, mahina ang utak, hangal, mas mababa sa iyo, subalit kapag nakinig ka sa kanilang mga opinyon, o nagtapat sa iyo ang ibang mga tao, matutuklasan mo nang hindi sinasadya na walang sinumang kasing-ordinaryo na tulad ng iniisip mo, na lahat ay maaaring magbigay ng ibang mga kaisipan at ideya, at na ang lahat ay may mga sarili nilang merito. Kung matututo kang makipagtulungan nang maayos, higit pa sa pagtulong lamang sa iyo na matuto mula sa mga kalakasan ng iba, maaaring ilantad nito ang iyong kayabangan at pagmamagaling, at pigilan kang isipin na matalino ka. Kapag hindi mo na itinuturing na mas matalino ka at mas magaling kaysa sa lahat ng iba pa, titigil ka na sa pamumuhay sa kalagayang ito ng sobrang pagpapahalaga sa sarili. At poprotektahan ka niyan, hindi ba? Gayon ang aral na dapat mong matutunan at ang benepisyong dapat mong makamit sa pakikipagtulungan sa iba” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Habang mas binabasa ko ang mga salita ng Diyos, mas napagtatanto ko kung gaano kapraktikal ang mga iyon. Ang matutuhang makipagtulungan sa iba sa ating mga tungkulin ay hindi lamang nagbibigay-daan sa gawain na magkamit ng mas magagandang resulta at tumutulong na mapunan ang mga pagkukulang ko mismo, kundi hinahayaan din ako nitong makilala nang mas tumpak ang sarili kong mga abilidad, na pumipigil sa akin na kumilos sa sarili kong mga ideya at sa pagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Kapaki-pakinabang ito kapwa sa gawain ng iglesia at sa aking sarili.
Kalaunan, may isang pagkakataon na nagpadala ako kay Brother Camdem ng natapos na disenyo para suriin niya. Nagulat ako, sinabi niya na mukhang medyo madilim ang pangkalahatang disenyo, kaya sinabi ko sa kanya ang mga pagsasaalang-alang ko. Pero hindi niya tinanggap ang pananaw ko at sinabi pa ring masyadong madilim ang pangkalahatang disenyo, iminumungkahi pa nga niyang balikan at suriin ko itong muli ayon sa mga prinsipyo o tanungin ang ibang kapatid para malaman kung napansin din nila ang parehong isyu. Inisip ko, “Ako ang espesyalista sa disenyo rito, kaya sino ba ang mas nakakaalam, ikaw o ako? Sinuri ko na ito ayon sa mga prinsipyo, kaya paano magkakaroon ng problema? At hinihiling pa na konsultahin ko ang iba? Sa tingin ko ay hindi na talaga kailangan pa iyon!” Gustong-gusto ko siyang pabulaanan. Pero napagtanto ko na nagbubunyag na naman ako ng mayabang na disposisyon, kaya sa puso ko ay nanalangin ako kaagad sa Diyos, hinihingi sa Kanyang ilayo ako sa pagkilos muli batay sa tiwaling disposisyon ko, at sinasabing gusto kong isantabi ang sarili ko at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Pagkatapos manalangin, bigla kong naisip ang mga salita ng Diyos: “Kung may magmumungkahi, kailangan mo munang tanggapin ito, at pagkatapos ay hayaan ang lahat na kumpirmahin ang tamang landas ng pagsasagawa. Kung walang sinuman ang may isyu dito, maaari ka nang magpasya kung ano ang pinakaangkop na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay at kumilos sa ganoong paraan. Kung mayroong matuklasang problema, dapat mong hingin ang opinyon ng lahat, at dapat hanapin ninyong lahat ang katotohanan at sama-samang magbahaginan dito, at sa ganoong paraan, makakamit ninyo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kapag natatanglawan ang puso ninyo, at mayroon kayong mas mabuting landas, magiging mas maganda ang mga resultang nakukuha ninyo kaysa sa dati. Hindi ba’t ito ang patnubay ng Diyos? Kamangha-mangha ito! Kung maiiwasan mo ang pagiging mapagmatuwid, kung mabibitiwan mo ang iyong mga imahinasyon at ideya, at kung magagawa mong makinig sa mga tamang opinyon ng iba, makakamit mo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Matatanglawan ang puso mo at mahahanap mo ang tamang landas. Magkakaroon ka ng daan pasulong, at kapag isinagawa mo ito, tiyak na aayon ito sa katotohanan. Sa pamamagitan ng gayong pagsasagawa at karanasan, matututuhan mo kung paano isagawa ang katotohanan, at kasabay nito ay may matututuhan kang bago sa larangang iyon ng gawain. Hindi ba’t mabuting bagay ito?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya). Sa pagninilay-nilay ko sa mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng isang malinaw na landas ng pagsasagawa. Kapag nangyayari ang mga bagay, hindi ako puwedeng maging masyadong ganap na kumpiyansa, at dapat kong taimtim na isaalang-alang ang mga mungkahi ng iba, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at magsagawa ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Saka ko lamang magagawa nang maayos ang tungkulin ko. Kahit na kung hindi isang espeyalista ang taong nagmumungkahi, dapat ko pa ring isaalang-alang kung umiiral ba ang isyu, sa halip na basta na lang lumaban at tumangging tanggapin ito. Kaya komunsulta ako kaagad sa superbisor. Sa pamamagitan ng paghahanap at pakikipag-usap, napagtanto ko sa wakas na hindi ko naunawaan ang tema, at na talagang umiiral ang isyung binanggit ni Camdem.
Pagkatapos ng karanasang ito, natanto ko na sadyang kailangan ang matiwasay na pakikipagtulungan sa paggawa ng tungkulin, at ang mas pakikinig sa mga mungkahi ng iba ay hindi lamang magiging kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, kundi pinupunan din ang mga pagkukulang ko sa aking tungkulin. Ang lahat ay may mga kalakasan at kahinaan, at sa pamamagitan lamang ng pagpuno sa mga kalakasan ng isa’t isa at matiwasay na pagtutulungan nang magkakasama saka natin magagawa nang maayos ang ating mga tungkulin. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Ang pagtutulungan sa gitna ng mga kapatid ay isang proseso ng pagbabalanse ng mga kahinaan ng isa sa pamamagitan ng kalakasan ng iba. Ginagamit mo ang iyong mga kalakasan upang punan ang mga pagkukulang ng iba, at ginagamit ng iba ang kanilang mga kalakasan upang punan ang iyong mga kakulangan. Ito ang ibig sabihin ng pagbalanse ng mga kahinaan ng isa sa pamamagitan ng kalakasan ng iba at ng maayos na pagtutulungan. Kapag maayos na nagtutulungan ang mga tao, saka lang sila mapagpapala sa harap ng Diyos, at habang mas dinaranas nila ang mga bagay, mas higit na realidad ang kanilang tataglayin, at habang mas higit nilang tinatahak ang kanilang landas, mas nagliliwanag ito, at mas lalong napapanatag ang pakiramdam nila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa Maayos na Pakikipagtulungan).