62. Ibinunyag Ako ng Paglilinang sa Iba
Gumagawa ako ng mga video sa iglesia. Habang dumarami ang gawain, ilang bagong kapatid ang sumali sa pangkat namin. Hiniling sa akin ng superbisor na linangin sila sa pag-aaral ng mga pangdalubhasang kasanayan at makipagtulungan at isaayos nang wasto ang kanilang gawain. Nang makita ko ang pagsasaayos na ito, nakaramdam ako ng bahagyang paglaban, iniisip na, “Ang pangangasiwa pa lang sa sarili kong mga gampanin ay umuubos na ng maraming oras at lakas, ngayon naman, kailangan ko pang maglinang ng iba? Hindi ba’t uubos iyon ng mas marami pang oras at lakas? Kung maaantala nito ang sarili kong gawain at hindi ko matatapos ang mga naka-iskedyul na gampanin ko, ano ang iisipin ng superbisor tungkol sa akin? Sasabihin kaya niyang nagpapakatamad ako sa mga tungkulin ko at na mas mahina ang kahusayan ko sa gawain kaysa sa mga bagong dating na kapatid? Masyadong nakakahiya iyon! Sa paglipas ng panahon, iisipin kaya ng superbisor na tanggalin ako dahil sa patuloy na mahihinang resulta sa gawain ko? Hindi nakikita ng superbisor kung gaano karaming gawain ang ginagawa ko sa pribado. Ang nakikitang resulta ng gawain ko ay kung ilang video ang kaya kong gawin sa bawat buwan, pero kung gugugol ako ng masyadong maraming oras at lakas sa paglilinang sa iba at maaantala ang paggawa sa sarili kong mga video, talagang hindi sulit iyon.” Paano ko man ito pag-isipan, palagi ko pa ring nararamdamang madedehado ako. Pero naisip ko naman kung paanong mas matagal na akong nagsasagawa sa tungkuling ito at mas marami na akong nauunawaang prinsipyo, at na kung tatanggi akong pasanin ang gawaing ito, talagang wala akong konsensiya. Kaya, napilitan akong tanggapin ito.
Kalaunan, kapag may mga problema ang mga kapatid sa gawain nila at lumalapit sa akin para sa mga talakayan at solusyon, sinusubukan ko ang pinakamakakaya ko para tulungan sila. Makalipas ang ilang panahon, itinalaga sa ibang tungkulin ang isang sister. Habang sinusuri ang natapos na gawain, natukoy ang ilang isyu sa isang video na ginawa niya, at kinailangan kong tumulong na ayusin ang mga ito. Sa simula, nagawa kong tanggapin ito nang maayos, pero dahil maraming isyu sa video, kinailangan kong gumugol ng maraming oras sa pag-aayos ng mga iyon. Napansin ko na noong panahong iyon, natapos nang gumawa ng ilang video ang ibang mga kapatid, samantalang wala pa akong natatapos ni isa. Nabalisa ako dahil dito. Naisip ko, “Kakasimula pa lang magsanay ng mga kapatid na ito. Maraming oras ko na ang nagugol sa paglinang sa kanila. Ngayon naman, kailangan kong harapin ang mga isyu ng iba na hindi pa natutugunan. Sa ganitong takbo, siguradong hindi ko matatapos ang buwanang quota ko. Ano na lang ang magiging tingin sa akin ng lahat kung magkagayon? Kailangan kong mas tumutok sa sarili kong mga video.” Kaya, hindi ako masyadong nagsikap sa pagrerebisa ng video na ginawa ng sister na iyon. Kalaunan, sinuri ng superbisor ang video at marami siyang natuklasang problema at hiningi niya sa akin na rebisahin itong muli. Sobrang nainis ako at pakiramdam ko pa nga ay medyo naagrabyado ako, iniisip na, “Hindi ko ito video. Bakit mo hinihingi sa akin na gumugol ng napakaraming oras ko sa pagrerebisa nito? Hindi lang ako pinapahirapan nito nang husto kundi inaantala rin ang sarili kong gawain!” Taglay ang ganitong mapanlaban na saloobin, ilang beses kong nirebisa ang video nang hindi nakukuha ang nais na epekto. Kalaunan, sinabihan ako ng superbisor na tigilan na ang paggawa rito. Nang panahong iyon, bagaman medyo sumama ang loob ko, hindi ko ito isinapuso. Sa halip, naisip ko, “Ayos lang na hindi ko na kailangang rebisahin ito. Sa ganitong paraan, hindi nito masyadong makakain ang oras ko, at makakatutok ako sa sarili kong gawain.” Pagkatapos niyon, nagsunog ako ng kilay sa sarili kong gawain. Kapag lumalapit ang mga kapatid para makipag-usap sa akin tungkol sa mga problema nila, binibigyan ko lang sila ng isang maiksi at simpleng sagot, nang hindi isinasaalang-alang kung naunawaan ba nila o kung nagkaroon ba sila ng isang malinaw na landas pasulong. Noong panahong iyon, pasibo ako sa paggawa ng mga tungkulin ko, walang anumang pasanin, at palaging may problema sa mga video na ginawa ko. Sobrang nadismaya ako pero hindi ko pinagnilayan ang sarili ko. Isang araw, sinabi ng isang sister sa akin, “Kamakailan, napansin kong hindi mo talaga ibinibigay ang puso mo sa gawain, at hindi ka maayos na nakipagtulungan at nagsaayos ng gawain para sa mga bagong dating na kapatid.” Nang marinig ko ang mga salita niya, hindi ko naiwasang makipagtalo, “Marami na rin akong ginagawa. Paano ko pa maaasikaso ang bawat aspekto ng gawain?” Nang makita niya ang paglaban ko, pinaalalahanan ako ng sister, at sinabing, “Hindi mo puwedeng basta isipin lang ang sarili mong mga interes at antalahin ang pangkalahatang gawain.” Gusto kong patuloy na makipagtalo at magreklamo. Pero bigla kong napagtanto na nagmula sa Diyos ang paalala ng sister na ito, at na dapat ko itong tanggapin at dapat kong pagnilayan ang sarili ko. Kaya, wala na akong sinabing ano pa. Pagkatapos niyon, habang mas iniisip ko ito, mas napagtatanto ko na tama ang sister. Dahil tinanggap ko ang gawaing ito, kailangan kong tuparin ang responsabilidad ko at hindi lang tumuon sa sarili kong mga interes. Tinanong ko rin ang sarili ko kung ang dahilan ba kaya hindi ko maramdaman ang pag-akay at paggabay ng Diyos sa akin at mas maraming problema ang umuusbong sa gawain ko ay dahil napukaw ng saloobin ko sa mga tungkulin ko ang pagkamuhi ng Diyos. Naramdaman kong mapanganib ang magpatuloy nang ganito, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, ang Iyong mabubuting layunin ay nasa paalala ng sister ngayon. Handa akong bumawi at pagnilayan nang mabuti ang sarili ko. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako para makilala ko ang sarili ko.”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ang konsensiya at katwiran ay dapat kapwa maging bahagi ng pagkatao ng isang tao. Ang mga ito ay kapwa ang pinakabatayan at pinakamahalaga. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsensiya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong sukdulan ng sama ang pagkatao. Kung mas bubusisiin ang mga detalye, anong mga pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao ang ipinapakita ng taong ito? Subukang suriin kung anong mga katangian ang matatagpuan sa gayong mga tao at anong partikular na mga pagpapamalas ang ipinapakita nila. (Makasarili sila at mababang-uri.) Ang mga taong makasarili at mababang-uri ay basta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos. Wala silang dinadalang pasanin sa pagganap sa kanilang mga tungkulin o sa pagpapatotoo sa Diyos, at hindi sila responsable. Ano ang iniisip nila tuwing mayroon silang ginagawa? Ang unang iniisip nila ay, ‘Malalaman ba ng Diyos kung gagawin ko ito? Nakikita ba ito ng ibang mga tao? Kung hindi nakikita ng ibang mga tao na nagsisikap ako nang husto at masipag akong nagtatrabaho, at kung hindi rin ito nakikita ng Diyos, kung gayon walang silbi ang aking paggugol ng gayong pagsisikap o pagdurusa para dito.’ Hindi ba ito lubos na makasarili? Isa rin itong mababang-uring klase ng layunin. Kapag nag-iisip at kumikilos sila sa ganitong paraan, may papel bang ginagampanan ang kanilang konsiyensiya? Nababagabag ba ang konsiyensiya nila rito? Hindi, walang nagiging papel ang kanilang konsiyensiya, at hindi ito inuusig” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na para sa ilang tao, kapag may nangyayari sa kanila, isinasaalang-alang lang nila ang sarili nilang mga interes, iniisip lang nila kung sila ba ay mamumukod-tangi, magiging kilala, o makikinabang, at handa lang silang kumilos kung makikinabang sila sa isang bagay, at kung hindi, hindi nila ituturing iyon na problema nila, at wala silang pakialam at gagawin nila iyon nang pabasta-basta. Wala silang pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad sa mga tungkulin nila, at hindi man lang nila isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia. Makasarili at kasuklam-suklam ang gayong mga tao, at wala silang konsensiya at katwiran. Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, sobrang bumigat ang loob ko. Ako mismo ang klase ng tao na inilalantad ng Diyos—sobrang makasarili. Sa lahat ng bagay na ginawa ko, sarili ko lang ang inisip ko, at hindi ko man lang isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Kasisimula lang magsanay ng mga kapatid sa paggawa ng mga video, hindi pa sila bihasa sa mga prinsipyo at kasanayan, at natatagalan silang makasanayan ang mga bagay-bagay. Kung aasa sila sa sarili nilang pagtuklas, malamang na lumihis sila at gumamit ng hindi mahuhusay na pamamaraan, at dahil mas matagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito at nauunawaan ko ang ilang prinsipyo, ang tulungan silang maging pamilyar sa gawain at maarok ang mga prinsipyo sa lalong madaling panahon ay responsabilidad at tungkulin ko. Pero inisip ko lang ang sarili kong mga pakinabang at kawalan, at natakot ako na aantala sa sarili kong gawain ang paggugugol ng oras at lakas sa paglilinang sa iba. Kung nakagawa ng mas maraming video ang iba kaysa sa akin, hindi lang masasaktan ang pride ko, kundi baka pungusan din ako. Kaya pagkatapos ko itong pag-isipan, sa tingin ko ay mahirap at walang kapalit ang gampaning ito, at sa kaibuturan ko, ayaw ko itong gawin. Noong makita kong kukuha ng maraming oras ko ang pagrebisa sa video ng iba, nakaramdam ako ng paglaban at nainis ako, at sa tingin ko, isa itong bagay na hindi ko na gawain. Kahit nagawa ko pa ito nang maayos, hindi nito maaapektuhan ang mga resulta ng gawain ko, kaya tumuon lang ako sa sarili kong mga gampanin at sa paggawa ng may matataas na kalidad na video para matiyak ang posisyon ko sa pangkat, dahil tila mas makatotohanan ito. Samakatwid, ginawa ko lang ang mga pagtutuwid sa isang pabasta-basta at padalos-dalos na paraan, at dahil doon, hindi natugunan ang mga isyu sa video, at sa huli, sinabihan ako ng superbisor na tigilan ang mga pagrerebisa. Noong panahong iyon, hindi ako nakaramdam ng anumang paninisi sa sarili o sama ng loob. Sa halip, pakiramdam ko ay isinantabi ko ang isang pasanin, iniisip na hindi ko na kailangang mag-alala sa pagkaantala ng sarili kong gawain. Sa pagninilay-nilay ko sa mga pagbubunyag ko, napagtanto ko kung gaano ako kamakasarili, nang walang anumang konsensiya o katwiran!
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang ilang tao ay palaging hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at pansariling interes. Anumang gawain ang isinasaayos ng iglesia para sa kanila, lagi silang nag-iisip nang mabuti, ‘Makikinabang ba ako rito? Kung oo, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko ito gagawin.’ Ang ganitong tao ay hindi nagsasagawa ng katotohanan—kaya magagampanan ba niya nang maayos ang kanyang tungkulin? Hinding-hindi. Kahit na hindi ka gumagawa ng masama, hindi ka pa rin isang taong nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi minamahal ang mga positibong bagay, at anumang mangyari sa iyo, inaalala mo lang ang sarili mong reputasyon at katayuan, ang iyong pansariling interes, at kung ano ang nakabubuti para sa iyo, kung gayon ay isa kang tao na pansariling interes lang ang motibasyon, at isang makasarili at mababang-uri. Ang ganitong tao ay nananalig sa Diyos para makapagkamit ng isang bagay na maganda o kapaki-pakinabang sa kanya, hindi para matamo ang katotohanan o ang pagliligtas ng Diyos. Samakatuwid, ang ganitong mga tao ay mga hindi mananampalataya. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga kayang hanapin at isagawa ang katotohanan, dahil nakikilala nila sa kanilang mga puso na si Cristo ang katotohanan, at na dapat silang makinig sa mga salita ng Diyos at manalig sa Diyos gaya ng Kanyang hinihingi. Kung nais mong isagawa ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, ngunit iniisip mo ang sarili mong reputasyon at katayuan, at isinasaalang-alang ang iyong kahihiyan, kung gayon ay magiging mahirap na isagawa ito. Sa sitwasyong gaya nito, sa pamamagitan ng pagdarasal, paghahanap, at pagninilay-nilay sa kanilang sarili at pagkakaroon ng kamalayan sa sarili, yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay mabibitiwan kung ano ang kanilang pansariling interes o nakabubuti para sa kanila, maisasagawa ang katotohanan, at makapagpasakop sa Diyos. Ang gayong mga tao ang mga tunay na nananalig sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan. At ano ang kinahihinatnan kapag laging iniisip ng mga tao ang sarili nilang interes, kapag lagi nilang sinusubukang protektahan ang kanilang sariling karangalan at banidad, kapag nagpapakita sila ng isang tiwaling disposisyon pero hindi naman nila hinahanap ang katotohanan para ayusin ito? Ito ay dahil sa wala silang buhay pagpasok, ito ay dahil wala silang mga tunay na patotoo batay sa karanasan. At delikado ito, hindi ba? Kung hindi mo kailanman isinasagawa ang katotohanan, kung wala kang mga patotoo batay sa karanasan, pagdating ng panahon ay mabubunyag at matitiwalag ka. Ano ang silbi ng mga taong walang mga patotoong batay sa karanasan sa sambahayan ng Diyos? Nakatakda silang hindi magawa nang maayos ang anumang tungkulin at hindi makayang gawin nang maayos ang anumang bagay. Hindi ba’t basura lang sila?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ako ay nasa ganito mismong kalagayan— kapag ginagawa ko ang mga tungkulin ko, isinasaalang-alang ko lang ang sarili kong mga interes. Nang makita ko na humihingi ng masinsinang pagsasaalang-alang at ng maraming oras ang paglilinang sa iba at pagtulong sa kanilang lumutas ng mga problema, naramdaman kong maaantala nito ang pag-usad ng sarili kong gawain at mapipinsala ang pride at katayuan ko, kaya ayaw kong magbayad ng halaga para tulungan ang iba. Kapag nakakaranas ang mga kapatid ng mga problema sa gawain nila at lumalapit para humingi ng tulong ko, ayaw kong maabala nila, at nagbibigay lang ako ng pabasta-bastang sagot para itaboy sila. Kapag may mga tuloy-tuloy na isyu sa nirebisa kong video ng ibang tao, hindi ako naghahanap ng mga prinsipyo para sa mga solusyon, kundi sa halip ay gusto ko lang na matapos na ang video sa lalong madaling panahon. Walang pinagkaiba sa mga walang pananampalataya ang ibinunyag ko at ang pag-uugali ko. Isinasaalang-alang lang ng mga walang pananampalataya ang sarili nilang mga interes at wala silang gagawin maliban na lang kung makikinabang sila rito. Sinusunggaban nila ang anumang bagay na mapakikinabangan nila, gumagamit ng mga sukdulang pamamaraan para samantalahin ito, kahit na mapinsala nito ang mga interes ng iba. Pero kung walang pakinabang ang isang bagay sa kanila, hindi sila mag-aabala rito at tatanggihan ito kung kaya nila. Wala silang ibang hinahanap kundi pakinabang. Bagaman nananampalataya ako sa Diyos, araw-araw na nagbabasa ang mga salita ng Diyos, at gumagawa ng mga tungkulin ko, walang lugar ang Diyos sa puso ko. Noong may mga nangyari sa akin, hindi ko hinanap ang katotohanan o isinagawa ang katotohanan; isinaalang-alang ko lang kung masasaktan ba ang pride ko at kung mapoprotektahan ko ba ang mga personal kong interes. Pawang nakasentro ang mga iniisip at kilos ko na masulit ang sarili kong mga pakinabang, na para bang walang kinalaman sa akin kung magdusa man ng mga kawalan ang gawain ng iglesia. Ni hindi nga ako nararapat na tawaging isang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Sa gayong saloobin ko sa mga tungkulin ko, kahit na matapos ko sa oras ang mga gampanin ko buwan-buwan, imposibleng matanggap ko ang pagsang-ayon ng Diyos. Mapupukaw ko lang ang pagkamuhi at pagkapoot ng Diyos. Sa pag-iisip nito, nagsimula akong matakot, napagtantong magiging napakamapanganib sa akin ang pagpapatuloy nang ganito.
Pagkatapos ay nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos na labis na umantig sa akin. Sabi ng Diyos: “Ano ang pamantayang ginagamit para husgahan kung mabuti o masama ang mga ikinikilos at inaasal ng isang tao? Ito ay kung taglay ba niya o hindi, sa kanyang mga iniisip, ibinubunyag, at ikinikilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng katotohanang realidad. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Para sa Diyos, ang mga iniisip at ipinapakita mong kilos ay hindi nagpapatotoo sa Kanya, ni ipinapahiya o tinatalo si Satanas; sa halip, nagbibigay ang mga ito ng kahihiyan sa Kanya, at puno ang mga ito ng mga marka ng kasiraan ng puri na idinulot mo sa Kanya. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni ginagampanan ang mga responsabilidad at obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Sa tiyak na pananalita, ang ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ituturing na mabubuting gawa ang iyong mga ikinilos, ituturing ang mga ito na masasamang gawa. Hindi lamang mabibigong makamit ng mga ito ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin pa ang mga ito. Ano ang inaasahang makamit ng isang tao mula sa ganitong pananalig sa Diyos? Hindi ba mabibigo sa huli ang gayong paniniwala?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). “Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, bagkus ay lagi kang nagsisikap na mapatanyag ang sarili mo, at palaging sinusubukang makipagkumpitensya para sa katayuan, para mamukod-tangi at sumikat, nakikipaglaban para sa iyong reputasyon at mga interes, habang namumuhay sa kalagayang ito, hindi ka ba isang trabahador lamang? Maaari kang magtrabaho kung gusto mo, subalit posibleng mabunyag ka bago pa matapos ang pagtatrabaho mo. Kapag nabubunyag ang mga tao, dumarating ang araw ng pagkondena at pagtitiwalag sa kanila. Posible bang baligtarin pa ang kalalabasang iyon? Hindi iyon madali; maaaring natukoy na ng Diyos ang kanilang kahihinatnan, at kung nagkaganito, mahihirapan sila. Kadalasang gumagawa ng mga paglabag ang mga tao, naghahayag ng mga tiwaling disposisyon, at gumagawa ng ilang maliliit na pagkakamali, o tumutugon sa kanilang mga makasariling pagnanais, nagsasalita nang may nakatagong motibo at nanlilinlang, ngunit hangga’t hindi sila nakagagambala o nakagugulo sa gawain ng iglesia, o masyadong nakasisira sa mga bagay-bagay, o nakalalabag sa disposisyon ng Diyos, o nakapagdudulot ng anumang malinaw na masasamang resulta, magkakaroon pa rin sila ng pagkakataong magsisi. Pero kung gumagawa sila ng kung anong malaking kasamaan o nagdudulot ng malaking sakuna, matutubos pa ba nila ang kanilang sarili? Napakadelikado para sa isang taong nananalig sa Diyos at gumaganap ng isang tungkulin na umabot sa puntong ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa mga problema ko. Sa panlabas, ginagawa ko ang mga tungkulin ko at nagbabayad ako ng halaga, at gusto ko ring makagawa ng mas maraming video nang mabilis. Pero ang mga layunin at motibo ko ay hindi para isagawa ang katotohanan at mapalugod ang Diyos; ang mga ito ay para panatilihin ang sarili kong pride at katayuan, para makamit ang paghanga ng iba, at para makuha ang pagsang-ayon ng superbisor. Samakatwid, pagdating sa mga gampaning mapapansin ako at magbubunga ng mga resulta na puwedeng makita ng superbisor, sobra akong nagsisikap sa mga iyon. Gayumpaman, pagdating sa mga gampaning hindi ako mamumukod-tangi, kahit na napakahalaga at importante ang mga iyon sa iglesia, nag-aatubili akong gawin ang mga iyon, at kahit na gawin ko ang mga iyon, sa pabasta-bastang paraan naman ito. Sa paggawa ng mga tungkulin ko, isinaalang-alang ko lang kung paano ako tiningnan ng iba, at nilayon lang na mapalugod ang mga tao at patunayan ang sarili ko sa kanila. Wala akong pakialam kung naaantala ba ang gawain ng iglesia. Hindi ko isinasakatuparan ang tungkulin ng isang nilikha kundi isinasagawa ang sarili kong layon. Ang diwa ng kung paano ko ginagawa ang tungkulin ko, sa katunayan, ay paggawa ng kasamaan! Sa puntong ito, naging mas malinaw pa sa akin na ang dahilan kung bakit nakakagawa ako ng napakaraming pagkakamali sa mga tungkulin ko kamakailan ay dahil kasuklam-suklam sa Diyos ang saloobin ko sa tungkulin ko, at hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa akin, na nagdudulot na maging magulo ang isip ko, at hindi ko makilatis ang mga isyu. Ni hindi ko ganap na maunawaan ang mga mungkahi mula sa mga kapatid. Umasta ako na tulad ng isang malaking hangal—manhid at estupido, na may isang madilim at nanghihinang puso—na pinapalakas lang ng kasigasigan at kaloobang patuloy na gumawa. Dahil palaging kailangang ulitin ang mga video na ginawa ko, kinailangang isantabi ng mga kapatid ang sarili nilang gawain at gumugol ng maraming oras sa pagtulong sa akin. Hindi lang ako nabigong tuparin ang tungkulin ko, kundi sinayang ko rin ang oras nila. Dahil doon, hindi ko namalayang naantala ko ang pag-usad ng gawain. Dagdag pa, kapag nirerebisa ang video na sobrang pinaghirapan ng sister, dahil sa pagiging iresponsable ko, hindi lang ako nabigong gumawa ng mga wastong rebisyon kundi lumikha rin ako ng mas maraming problema kaysa dati. Hindi nagbunga ang gawain ko! Inakala ko na ang mga anticristo at masasamang tao lang ang gumagawa ng masasamang gawain at gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia, at na hindi ako kailanman aasal gaya nila. Pero ngayon ay napatunayan na sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon lang ang mga ito. Noong hinangad ko ang kasikatan, katayuan, at mga personal na interes sa aking tungkulin ko, hindi ko maiwasang gambalain ang gawain ng iglesia at sa gayon ay gumawa ng masama. Tanging sa paghahangad sa katotohanan at pagtatama sa mga tiwaling disposisyon ay saka ko lang makakamit ang mga resulta sa mga tungkulin ko. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, hinihingi sa Kanyang gabayan ako sa paglutas sa mga tiwaling disposisyon ko.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at natuklasan ko ang landas sa pagsasagawa. Sabi ng Diyos: “Yaong mga may kakayahang isagawa ang katotohanan ay kayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, at lagi mong nais na makuha ang papuri at paghanga ng iba, at hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagbubulay-bulay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa siping ito ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na napakahalaga na isagawa ang katotohanan at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos kapag ginagawa natin ang mga tungkulin natin. Kapag nahaharap sa mga sitwasyong kinasasangkutan ng mga personal na interes, dapat tayong sadyang maghimagsik laban sa sariling nating mga kaisipan, at huwag nating isaalang-alang ang sarili nating pride at katayuan. Sa halip, dapat tayong magdasal sa Diyos, at isaalang-alang natin kung paano kumilos sa isang paraan na nakakalugod sa Diyos at kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Pagkatapos ay dapat nating hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at magsagawa at pumasok tayo sa mga ito. Naaalala ko na noong unang magsimula akong gawin ang mga tungkulin ko, hindi ko nagawang arukin ang mga prinsipyo, pero sa pamamagitan ng pagbibigay-liwanag at paggabay ng Diyos, pati na rin ng praktikal na pagtulong at paggabay ng mga kapatid ko, unti-unti kong naunawaan ang ilang prinsipyo at kasanayang may kinalaman sa paggawa ng video. Pawang pagmamahal ito ng Diyos. Ngayon, kakasimula pa lang ng ilang kapatid na isagawang gawin ang mga tungkulin nila at hindi pa naaarok ang mga prinsipyo. Dapat sana ay isinasaalang-alang ko ang mga layunin ng Diyos at itinuturo sa kanila ang lahat ng nauunawaan at naarok ko. Ito ang batayang responsabilidad na dapat sana ay tinupad ko. Dagdag pa rito, kapag naunawaan na nila ang mga prinsipyo at nagsimula na silang makakuha ng mga resulta sa mga tungkulin nila, ang pangkalahatang bisa ng gawain ng iglesia ay bubuti, at labis na mas mahalaga at mahusay ito kaysa sa paggawa lang ng sarili kong gawain. Ang pagtatalaga ng superbisor sa akin ng gampanin ng paglilinang sa mga kapatid para matutuhan nila ang mga pangdalubhasang kasanayan ay batay rin sa isang pagsusuri ng sitwasyon ng mga tungkulin ko. Mas matagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito at medyo pamilyar na ako sa proseso ng gawain at mga kasanayan, kaya habang gumagawa nang maayos sa sarili kong gawain, hindi magiging problema sa akin na makipagtulungan din at magtakda ng kaunting oras para tulungan ang mga kapatid na lutasin ang mga isyu sa gawain nila. Dagdag dito, habang nakikipagtulungan ako, kung malaman ko na talagang hindi ko kayang pasanin ang gawain dahil sa hindi sapat na abilidad sa gawain o kakayahan, na humahantong sa mga pagkaantala o epekto sa gawain ko, puwede kong iulat ito nang matapat sa superbisor, hinahayaan ang superbisor na gumawa ng mga makatwirang pag-aayos batay sa mga pangangailangan ng gawain. Pero masyado akong makasarili at kasuklam-suklam, ayaw gumugol ng oras sa gawain ng iba, kaya palagi akong nanlalaban, ayaw makipagtulungan nang maayos kaya naaantala ang gawain. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, itinuwid ko ang pag-iisip at aktibong sinuri ang mga problema sa gawain ng lahat, at magkasama kaming naghanap ng mga solusyon kapag nahaharap sa mga problema.
Minsan, nakaranas ang isang brother ng ilang paghihirap nang gumawa siya ng isang video at humingi ng tulong sa akin. Pero may ginagawa rin ako, kaya nagsimula akong makaramdam ng suliranin, iniisip, “Kailangan na kaagad ang video ng brother, at alam ko na dapat ko siyang tulungang tapusin muna ito, pero ang paggawang sangkot sa video niya ay talagang komplikado at hihingi ng maraming oras at lakas. Kahit na talagang maging maayos ang video niya, walang makakaalam na tinulungan ko siya rito, at maaantala nito ang sarili kong gawain.” Pagkatapos ay napagtanto ko na isinasaalang-alang ko na naman ang sarili kong mga interes. Kaya nagdasal ako sa Diyos at naghimagsik laban sa sarili ko. Dahil kailangan na kaagad ang video ng brother, kinailangan ko itong unahin at tulungan siyang matapos muna ito. Sa pag-iisip nito, isinantabi ko ang sarili kong gawain at tinulungan ang brother sa video niya. Sa pagsasagawa nang ganito, napanatag ako sa puso ko. Ang totoo, habang nililinang ko ang iba, marami din akong nakakamit. Bagaman mas matagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito, mayroon pa rin akong paimbabaw lang na pagkaunawa sa maraming katotohanang prinsipyo, at madalas kong pinanghawakan ang mga regulasyon nang hindi umaangkop, at kapag nakakaranas ng mga problema ang iba sa gawain nila at hinihingi ang tulong ko, madalas kong hindi makilatis ang mga iyon para makapagbigay ng solusyon. Sa pagdarasal sa Diyos at pakikipagbahaginan at pakikipagtalakayan tungkol sa mga isyung ito kasama ang mga kapatid, hindi ko namamalayang nagkakamit ako ng palinaw na palinaw at mas malalim na pagkaunawa sa ilang prinsipyo, at humusay rin ang mga kasanayan ko sa paggawa ng mga video. Dati, palagi akong nagbabagal-bagalan kapag ginagawa ko ang mga tungkulin ko, nang walang pagnanais na umusad. Hindi ako nagbigay ng sapat na pansin sa pagbubuod ng mga paglihis sa gawain at sa paghahanap ng mga prinsipyo para lutasin ang mga iyon. Sa pamamagitan ng pagsasaayos ng superbisor para linangin ko ang mga kapatid sa mga kasanayan nila, nagsimula akong palaging hanapin at pagnilayan kung paano sila tutulungang lutasin ang mga problema. Nagkaroon din ako ng pagpapahalaga sa pasanin sa paggawa ng mga tungkulin ko, lumalayo mula sa saloobin ng pagiging kontento sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay at hindi pagpupunyaging humusay. Sa pamamagitan ng paggawa sa tungkuling ito, nakamit ko ang mga pagkatantong ito at nagkamit ako nang kaunti. Salamat sa Diyos!