70. Sa Likod ng Pag-aatubili Na Irekomenda ang Tamang Mga Tao
Noong Enero 2021, pareho kaming napili ni Zhang Fang bilang mga lider ng iglesia. Abala kami sa iglesia mula umaga hanggang hatinggabi. Gayumpaman, dahil hindi ako nakipagtulungan sa gawaing nakabatay sa teksto o sa gawain ng pagpapaalis noon, at dahil bago ako sa iglesia na iyon at hindi pamilyar sa maraming aspekto, hindi gaanong naging epektibo ang gawain. Paglipas ng panahon, bumalik si Li Yan mula sa paggawa ng kanyang tungkulin sa ibang lugar at napili rin siya bilang isang lider ng iglesia. Labis akong natuwa. Kilala ko si Li Yan. Dati na niyang ginampanan ang kanyang tungkulin sa iglesiang ito, at mahusay niyang naunawaan ang lahat ng aspekto. Bukod dito, mataas ang kanyang kakayahan at mayroon siyang mga kapabilidad sa gawain. Nagampanan din niya ang maraming tungkulin. Naisip ko, “Ngayong nandito na si Li Yan para makipagtulungan sa gawain ng iglesia, dapat makahanap tayo ng mga solusyon sa mga problema at paghihirap ng mga kapatid, at kapag bumuti ang pagiging epektibo ng gawain, magiging maganda rin ang imahe ko.” Kaya dali-dali kong sinabi kay Li Yan ang lahat tungkol sa sitwasyon sa iglesia. Mabilis na naging pamilyar si Li Yan sa gawain, at nagsimula kaming magtulungan sa pamamagitan ng paghahati ng aming mga gampanin. Si Zhang Fang at ako ang pangunahing responsable sa gawain ng ebanghelyo at gawain ng pagdidilig. Si Li Yan ang responsable sa gawain ng pag-aalis at buhay iglesia. Kapag nahaharap kami ni Zhang Fang sa mga problemang hindi namin alam kung paano lutasin, si Li Yan palagi ang nakikipagbahaginan. Sa tulong niya, nakahanap kami ng mga paraan para malutas ang maraming problema. Si Li Yan rin ang naging haligi ng aming iglesia. Nagsagawa ang mga nakatataas na lider ng isang pagpupulong kasama kaming magkakatrabaho para suriin ang gawain sa aming iglesia, at nang makita nilang aktibo kaming nagtutulungan at maayos na isinasagawa ang iba’t ibang aytem ng gawain, patuloy silang tumatango bilang pagsang-ayon. Naalala ko noong dumalaw ang mga lider dati para kumustahin ang gawain namin, pinungusan nila kami dahil may ilang mahahalagang gampanin kaming hindi nagawa nang maayos, na nagdulot ng mga pagkaantala. Nahiya ako at hindi ko maitaas ang ulo ko. Ngayong nandito na si Li Yan para tumulong sa paggawa ng aming mga tungkulin, ang pagiging epektibo ng gawain ay maliwanag na kakaiba. Bihira na kaming pungusan ngayon ng mga nakatataas na lider, at maganda na rin ang tingin sa akin sa mga pulong ng mga katrabaho. Naisip ko, “Sa hinaharap, dapat akong makipagtulungan nang maayos kay Li Yan at pagsikapang magawa pa nang mas mabuti ang lahat ng gampanin sa iglesia.”
Isang gabi noong Hulyo, nagpadala ng liham ang mga nakatataas na lider na humihiling sa amin na magrekomenda ng isang taong magaling at may kakayahang mamahala sa gawain ng iglesia. Naisip ko, “Si Li Yan ang pinakamahusay pagdating sa kakayahan at kapabilidad sa gawain, at magkakaroon din siya ng mas maraming pagsasagawa kung maiaangat siya ng posisyon. Pero kung irerekomenda ko siya, mawawala ang isa sa mga haligi ng aming iglesia. Hindi pa rin kami ganoon kahusay ni Zhang Fang sa aming gawain. Kung hindi na magiging kasing-epektibo ang gawain ng iglesia, tiyak na sasabihin ng mga nakatataas na lider na kulang kami sa kapabilidad sa gawain at hindi kami makagawa ng tunay na gawain. Maaari pang tanggalin nila kami. Ano kaya ang iisipin ng ating mga kapatid sa amin? Hindi ko kayang irekomenda si Li Yan na umalis. Pero kung hindi ko siya irerekomenda, hindi iyon pagpoprotekta sa gawain ng iglesia o pagsaalang-alang sa mas malawak na perspektiba.” Parang walang tama sa alinmang pagpipilian, kaya labis akong nabahala. Sa huli, sinabi ko kay Li Yan nang may pag-aatubili, “Irerekomenda ko na umalis ka.” Nag-alinlangan si Li Yan at hindi nagsalita, pero ramdam kong hindi niya gustong umalis. Sa simula, gusto ko sana siyang tanungin tungkol sa mga nasa isip niya at makipagbahaginan sa kanya, pero naisip ko, “Paano kung pagkatapos ng pagbabahaginan namin ay pumayag siyang umalis? Kapag nangyari iyon, bababa ang mga resulta ng aming gawain sa iglesia, at magmumukha akong masama. Kalilimutan ko na lang, hindi ko na siya tatanungin o makikipagbahaginan sa kanya. Magkukunwari na lang akong walang nakita. Kung hindi siya aalis, hindi ba mas makakabuti iyon para sa akin?” Kaya hindi na ako sumagot sa mga nakatataas na lider. Pagkauwi ko, humiga ako sa kama, paikot-ikot at hindi makatulog. Naisip ko ang tungkol sa hiniling sa amin ng mga lider na agad sumagot sa liham, pero inantala ko ito at hindi ako sumagot. Makakahadlang ba ito sa gawain? Habang iniisip ko ito, mas lalo lamang akong hindi mapakali. Pero sa puso ko, ayoko pa ring irekomenda si Li Yan. Napakaraming gawain sa iglesia, at kung mababawasan pa kami ng isang tao na tumutulong, siguradong hindi magiging kasing-epektibo ang gawain. Sa pag-iisip na ito, hindi ko siya inirekomenda.
Noong umaga ng ikalawang araw, pagbangon ko, nanghina ako at nawalan ng lakas, at hindi ako makakain ng kahit ano. Sa puso ko, hindi ako mapalagay. Nanalangin ako sa Diyos at sa paghahanap, nakita ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi sila tunay, sinsero, at lubos na nagpapasakop sa katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga katotohanang prinsipyo, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tugunan ang mga layunin ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapalulugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang kanilang sariling reputasyon at mapagtatanto ng maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasang diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang paggawa ng tunay na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, tulutan silang magkamit ng mas higit pang katanyagan, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Hindi ba ito makasarili at kasuklam-suklam?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Eksakto mismo ang mga salita ng Diyos pagdating sa pasisiwalat ng kalagayan ko. Kasing makasarili at kasuklam-suklam tulad ng sa isang anticristo ang disposisyong ibinunyag ko. Para maprotektahan ang sarili kong imahe at katayuan, hindi ko man lamang inisip ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Hiniling sa amin ng mga nakatataas na lider na magrekomenda ng isang taong mangangasiwa ng mas malaking gawain sa iglesia. Malinaw sa akin na mahusay ang kakayahan ni Li Yan, na nagtataglay siya ng kapabilidad sa gawain, at siya ay angkop na kandidato. Batay sa mga prinsipyo, dapat ay inirekomenda ko siya, pero natakot ako na sa pag-alis ni Li Yan, hindi ko magagawa nang maayos ang ilang gawain, bababa ang mga resulta ng gawain, pupungusan ako ng mga lider, at papangit ang imahe ko. Kaya hindi ko gustong irekomenda si Li Yan. Nang makita kong ayaw umalis ni Li Yan, hindi ko tinanong ang tungkol sa kanyang mga paghihirap o nakipagbahaginan sa kanya para makatulong. Lihim akong natuwa sa loob-loob ko at taimtim kong hiniling na sana ay hindi siya umalis. Sa pag-iisip kung paanong ang gawain ng iglesia ay kailangang-kailangan ngayon ng mga taong makakatulong, bilang isang lider ng iglesia, dapat na isinaalang-alang ko ang layunin ng Diyos at nakipagbahaginan ako kay Li Yan at tinulungan siya para kusa siyang makipagtulungan. Pero hindi ko talaga inisip ang gawain ng iglesia. Talagang makasarili at kasuklam-suklam ako! Wala akong kahit katiting na pagkatao! Nakonsensya ako nang husto at agad akong sumulat sa mga lider, inirerekomenda si Li Yan.
Pagkalipas ng ilang panahon, hindi sumagot ang mga nakatataas na lider, kaya inakala kong nakahanap na sila ng iba mula sa ibang iglesia at hindi na kailangan pang umalis ni Li Yan. Lihim akong natuwa nang kaunti. Nang hindi inaasahan, isang araw ay sumulat ng liham ang mga lider na humihiling sa mga kapatid na sumulat ng pagtataya tungkol kay Li Yan. Nang makita ko ang liham na ito, bumigat ang pakiramdam ko, at naisip ko, “Gusto nilang magkaroon ng pagtataya kay Li Yan, kaya parang gusto ng mga lider na iangat siya ng posisyon.” Medyo nadismaya ako. “Ngayon, malubha ang sakit ng diyakono ng ebanghelyo at hindi niya magampanan ang kanyang mga tungkulin. Ako ang namamahala sa gawain ng ebanghelyo bukod sa aking iba pang mga tungkulin. Dagdag pa rito, hindi gaanong umuusad ang gawain ng ebanghelyo kamakailan, at labis akong nag-aalala. Baka hindi ko agad mahanap ang tamang tao. Sa simula, tatapusin ni Li Yan ang sarili niyang gawain, at pagkatapos ay tutulungan niya ako sa gawain ng ebanghelyo. Kapag siya ay nailipat, sino ang tutulong sa akin sa gawain ng ebanghelyo? Bukod pa riyan, kailangan naming kuhanin ang lahat ng gawain ni Li Yan. Paano namin papasanin ni Zhang Fang ang bigat ng lahat ng gampaning ito? Kung hindi gaganda ang mga resulta ng gawain, ano na lang ang magiging tingin sa amin ng mga kapatid?” Habang iniisip ang lahat ng ito, gusto kong manatili si Li Yan dito. Malinaw sa akin na kung magsusulat ako ng tapat na pagtataya tungkol kay Li Yan, malaki ang posibilidad na maiangat siya ng posisyon. Kaya sinulat ko kung paano siya naging negatibo at nanghina nang tanggalin siya sa kanyang tungkulin noon, iniisip na kapag nakita ng mga lider na ganito siya, baka hindi na siya iangat ng posisyon ng mga ito. Pagkatapos kong isulat ang liham, hindi ko na ito inisip pa at natapos na ang usapin.
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at doon ko naunawaan ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagkilos ko sa ganitong paraan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat sentralisadong itinatalaga ng sambahayan ng Diyos. Wala itong kinalaman sa sinumang lider, pinuno ng pangkat, o indibidwal. Lahat ay kailangang kumilos ayon sa prinsipyo; ito ang panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Hindi kumikilos ang mga anticristo nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, palagi silang nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan at mga interes, at pinagseserbisyo sa kanila ang mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan para palakasin ang kanilang kapangyarihan at katayuan. Hindi ba’t makasarili ito at ubod ng sama? Sa panlabas, ang pagpapanatili ng mga taong may mahuhusay na kakayahan sa tabi nila at ang hindi nila pagpayag na ilipat ang mga ito ng sambahayan ng Diyos ay lumilitaw na parang iniisip nila ang gawain ng iglesia, pero ang totoo, iniisip lang nila ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, at hindi talaga ang tungkol sa gawain ng iglesia. Natatakot sila na hindi nila magagawa nang maayos ang gawain, mapapalitan, at mawawala ang kanilang katayuan. Hindi iniintindi ng mga anticristo ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, iniisip lang ang kanilang sariling katayuan, pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan nang walang pag-aalala sa idudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at dinedepensahan nila ang sarili nilang katayuan at mga interes kahit ikapinsala ng gawain ng iglesia. Makasarili ito at ubod ng sama. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, dapat mag-isip kahit papaano ang isang tao gamit ang kanyang konsensiya: ‘Lahat ng taong ito ay kabilang sa sambahayan ng Diyos, hindi ko sila personal na pag-aari. Ako man ay kaanib ng sambahayan ng Diyos. Ano ang karapatan kong pigilan ang sambahayan ng Diyos sa paglilipat ng mga tao? Dapat kong isaalang-alang ang mga pangkalahatang interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip na tutukan lamang ang gawain na saklaw ng aking sariling mga responsabilidad.’ Ganyan ang kaisipang dapat masumpungan sa mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at ang pag-unawa na dapat taglayin ng mga nananampalataya sa Diyos. Nakikibahagi ang sambahayan ng Diyos sa pangkabuuang gawain at ang mga iglesia ay nakikibahagi sa mga parte ng gawain. Samakatwid, kapag may espesyal na pangangailangan mula sa iglesia ang sambahayan ng Diyos, ang pinakamahalaga para sa mga lider at manggagawa ay ang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Walang taglay na gayong konsensiya at katwiran ang mga huwad na lider at anticristo. Lahat sila ay sobrang makasarili, iniisip lang nila ang kanilang sarili, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia. Isinasaalang-alang lang nila ang mga pakinabang na nasa harapan mismo nila, hindi nila isinasaalang-alang ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya naman lubos na wala silang kakayahang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sobra silang makasarili at ubod ng sama! Ang lakas pa nga ng loob nilang maging sagabal, at nangangahas pang tumanggi, sa sambahayan ng Diyos; ito ang mga taong pinakakulang sa pagkatao, masasama silang tao. Ganyang uri ng mga tao ang mga anticristo. Lagi nilang itinuturing ang gawain ng iglesia, at ang mga kapatid, at maging ang lahat ng ari-arian ng sambahayan ng Diyos na nasa saklaw ng kanilang responsabilidad, bilang sarili nilang pribadong pag-aari. Naniniwala sila na sila ang magpapasya kung paano ipamamahagi, ililipat, at gagamitin ang mga bagay na ito, at na hindi pinapayagang makialam ang sambahayan ng Diyos. Kapag nasa mga kamay na nila ang mga ito, parang pag-aari na ang mga ito ni Satanas, walang sinumang pinapayagang hawakan ang mga ito. Sila ang mga bigatin, ang mga pinakaamo, at sinuman ang pumunta sa kanilang teritoryo ay kailangang sumunod sa kanilang mga utos at pagsasaayos nang may mabuting asal at nang masunurin, at makahalata sa kanilang mga ekspresyon. Ito ang pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama sa karakter ng mga anticristo. Wala silang pagsasaalang-alang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila sinusunod ang prinsipyo kahit kaunti, at iniisip lamang ang sarili nilang mga interes at katayuan—na pawang mga tanda ng pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Isinisiwalat ng Diyos na ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam, itinuturing ang mga kapatid bilang mga kasangkapan para maglingkod sa kanila para sa kapakanan ng sarili nilang reputasyon at katayuan, at walang pagsasaalang-alang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung ikukumpara ko ang sarili ko sa mga anticristo, magkapareho ang ugali namin. Alam na alam kong matapos matanggal si Li Yan, nagkaroon siya ng pang-unawa sa sarili at nagbago, at na ngayon ay epektibo na niyang ginagampanan ang kanyang mga tungkulin. Pero natakot ako na kung inirekomenda ko siya, hindi magiging maganda ang resulta ng aming gawain sa iglesia, at mapapahiya ako, kaya binanggit ko kung paano kumilos si Li Yan noong nasa masamang kalagayan siya para linlangin ang mga lider, umaasang mapapanatili si Li Yan dito para patuloy ko siyang magamit. Hindi gaanong gusto ni Li Yan na umalis, pero hindi ko siya inalok ng pagbabahaginan at tulong, at lihim pa nga akong naging masaya, umaasang patuloy siyang mabuhay sa maling kalagayan, para hindi siya mailipat. Alam na alam kong kailangan ng mga tao ang gawain ng iglesia, pero ang inisip ko lang ay protektahan ang sarili kong interes, ni hindi ko man lang isinaalang-alang ang pangkalahatang gawain ng iglesia. Paano naging pagganap sa tungkulin ko ito? Para mapanatili sa pagseserbisyo sa akin ang isang tao at mapangalagaan ang reputasyon at katayuan ko, ganap kong ipinagwalang-bahala ang mga pangangailangan ng gawain ng iglesia. Sa paggawa nito, hindi ko ba ginagambala ang gawain ng iglesia? Ang landas na tinatahak ko ay ang landas ng paglaban sa Diyos ng mga aticristo. Kung hindi ko tatalikuran ang masasama kong gawi at magsisisi sa Diyos, tuluyan Niya akong ititiwalag. Mas iniisip ko ito, mas lalo akong natatakot, at medyo namuhi ako sa makasarili at kasuklam-suklam kong satanikong kalikasan, at kaya nanalangin ako sa Diyos, sinasabi sa Kanya na handa akong magsisi.
Nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Yaong mga may kakayahang isagawa ang katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, at lagi mong nais na makuha ang papuri at paghanga ng iba, at hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang may takot sa Diyos na puso. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at intindihin ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mahina ang iyong kakayahan, kung mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyonal na gawain, kung gayon ay maaaring may ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at maaaring hindi ka makakuha ng magagandang resulta—ngunit nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya. Hindi mo binibigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling pagnanais o kagustuhan. Sa halip, palagi mong isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka makapagkamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin, naituwid naman ang puso mo; kung, dagdag pa rito, kaya mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, maaabot mo ang pamantayan sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at, kasabay nito, magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng patotoo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Itinuro ng mga salita ng Diyos ang isang landas ng pagsasagawa. Sa paggawa ng tungkulin ng isang tao, dapat niyang isantabi ang mga personal na ambisyon at pagnanais, at unahin ang gawain sa sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay. Halimbawa na lamang ang tungkol sa pagrerekomenda kay Li Yan. Dahil siya ay sumunod sa mga kondisyon ng sambahayan ng Diyos para sa pag-angat ng posisyon at paglilinang, dapat ay inirekomenda ko siya, at hinayaan siyang makakuha ng mas mahusay na pagsasagawa sa isang angkop na posisyon, na magdudulot din ng kapakinabangan sa gawain ng iglesia. Nang malaman ko ito, naging handa akong irekomenda si Li Yan, at hindi ko na inisip ang kahihiyan dahil sa hindi magiging maganda ang mga resulta ng sarili kong gawain. Ang tanging nais ko ay mas magdasal at umasa sa Diyos, at gampanan ang gawain ng iglesia sa abot ng aking makakaya.
Di nagtagal, inilipat si Li Yan, at ako ang humalili sa gawaing nakaatang sa kanya. Dati, bihira akong makibahagi sa gawaing nakaatang sa kanya. Nang makita ko na ang gawain ng pag-aalis ay may kinalaman sa maraming prinsipyo, at kung hindi ko lubusang mauunawaan ang mga prinsipyong ito, maaantala ang gawaing ito, nakaramdam ako ng kaunting stress dahil dito. Sa puntong ito, naalala ko ang sinabi ng Diyos na dapat gampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang buong puso, lakas, at isipan. Kailangan kong ibigay ang lahat ng lakas ko at gawin ang lahat ng makakaya ko. Kalaunan, habang inaayos ng mga kapatid ang mga materyales para sa pagpapaalis ng mga tao, maraming paglilihis at isyu ang lumitaw. Kaya, nakipagbahaginan at nag-aral ako ng mga prinsipyo kasama ang lahat, naghahanap ng gabay para sa anumang bagay na hindi ko nauunawaan, at unti-unti akong nagkaroon ng kaunting pagkaunawa sa mga prinsipyo. Nang tinanggap ko ang tamang pag-iisip sa pakikipagtulungan, hindi pala ito kasing hirap ng inakala ko. Naalala ko na dati, noong narito si Li Yan, siya ang lumutas sa maraming problema at paghihirap ng mga kapatid sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa kanila, kaya wala akong pasanin. Nang umalis si Li Yan, mas natuto akong umasa sa Diyos at nagkaroon din ako ng mas malaking pasanin kaysa dati.
Nagpasalamat ako sa Diyos sa Kanyang praktikal na pagsasaayos ng mga kapaligiran, na naging daan para magkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa makasarili at kasuklam-suklam kong kalikasang diwa. Kasabay nito, napagtanto ko rin na kapag nangangailangan ang iglesia ng mga taong makikipagtulungan sa gawain, dapat aktibo tayo sa pagbibigay at pagrerekomenda sa kanila, at hindi natin dapat isipin ang mga pansarili nating interes, kundi dapat isaalang-alang natin ang kabuuang gawain ng iglesia. Ito ay pangangalaga sa gawain ng iglesia, at ito ay ayon sa mga layunin ng Diyos. Nang isinantabi ko ang pansarili kong interes at inako ang pasanin ng tungkulin ko, nagawa ko ring lutasin ang ilan sa mga paghihirap sa tungkulin ko, at nakita ko ang pamumuno ng Diyos. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay nagdulot sa akin ng kapayapaan at kapanatagan sa puso ko.