76. Mga Pagninilay Matapos Mawala ang Tungkulin Ko
Noong Oktubre 2015, ako ang responsable sa gawaing pangvideo sa iglesia. Makalipas ang dalawang buwan, dahil sa dami ng trabaho, isinaayos ng mga lider ng iglesia na makatulong ko si Sister Wang Yan. Napakasaya ko noong panahong iyon dahil dati na kaming magkakilala. Mahigit isang taon na siyang gumagawa ng mga video, at medyo mahusay ang mga kasanayan niya. Inakala kong sa pagtutulungan naming dalawa, magagawa namin nang mas maayos ang gawain. Kalaunan, matiyaga ko siyang tinuruan kung paano suriin ang mga video ayon sa mga prinsipyo. Unti-unti, naarok niya ang ilan sa mga prinsipyo.
Minsan, kinailangan kong umalis nang ilang araw. Pagbalik ko, sinabi sa akin ni Wang Yan na sinuri at direkta niyang ipinasa ang ilang video pagkatapos makumpirmang walang anumang isyu sa mga iyon, at na pinangasiwaan din niya ang ilang gampaning iniatas ng mga lider. Nang marinig ito ay medyo hindi ako nasiyahan, naisip ko, “Dati, palaging tinatalakay at pinangangasiwaan ng mga lider ang mga isyu kasama ko. Ilang araw lang akong nawala, pero sinimulan na nilang iatas sa iyo ang lahat ng gampaning ito!” Pakiramdam ko ay hindi ako pinahalagahan ng mga lider at talagang sumama ang loob ko, kaya atubili akong sumagot sa kanya. Nang makita kong lumalapit ang mga kapatid kay Wang Yan para sa pangangasiwa sa maraming bagay, bigla kong naramdaman na napabayaan ako. Nang makita ko siyang abala sa pagsagot ng mga tanong habang puno ng sigla, lalo pa akong nabalisa, naisip ko, “Paanong napunta na sa iyo ngayon ang mga bagay na dapat ay sa akin? Mas matagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito kaysa sa iyo, at dati mo akong superbisor. Pagdating sa karanasan, sa pakikipagbahaginan ng katotohanan para lumutas ng mga problema, at mga propesyonal na kasanayan, hindi ako mas nakakababa sa iyo!” Ayaw pumayag na maisantabi, maagap akong nakipag-ugnayan sa mga kapatid para maunawaan ang pag-usad ng gawain nila, sinasabi sa kanilang nakabalik na ako at puwede na nilang talakayin sa akin ang mga bagay na gaya ng dati. Para mapatatag ang posisyon ko, ayaw kong masyadong masangkot si Wang Yan sa gawain, at mag-isa kong pinangasiwaan ang ilang gampanin, nang hindi nakikipag-usap sa kanya na gaya ng dati, at sasabihan ko na lang siya pagkatapos. Ilang beses, kapag tinatanong niya ako tungkol sa ilan sa mga detalyeng may kaugnayan sa gawain, binabalewala ko siya, sinasabing masyado akong abala. Nang makita kong malinaw na may gusto siyang sabihin, medyo nakonsensiya ako, iniisip kung masyado na ba akong sumosobra. Dahil magkasama kaming nagtutulungan sa gawain, kailangan naming siyasatin at talakayin sa isa’t isa ang mga bagay-bagay, pero nang maisip ko kung paanong sa pagpapahintulot sa kanyang makibahagi at maintindihan ang gawain, magiging siya ang taong lalapitan, mawawalan ako ng pagkakataong gumawa ng pangalan para sa sarili ko, sa huli, hindi ko siya hinayaang makibahagi sa gawain. Isang araw, pinadalhan kami ng mga lider ng isang video ng himno para suriin namin kung may mga isyu iyon. Pagkatapos iyong panoorin, wala akong nakitang anumang problema, pero sa gulat ko, maraming detalyadong pagbabago ang iminungkahi ni Wang Yan, at sumang-ayon ang mga lider sa mga pananaw niya. Talagang sumama ang loob ko dahil dito, at naisip ko, “Dati ay mataas ang tingin sa akin ng mga lider, pero ngayon ay ikaw ang nakakatanggap ng atensiyon. Mas matagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito kaysa sa iyo, at dati kong pinangangasiwaan ang gawain mo, pero ngayong mukhang mas mababa na ako sa iyo, ano na ang iisipin sa akin ng iba?” Pagkatapos niyon, kapag nagsusuri ng mga video, ayaw ko nang talakayin sa kanya ang mga iyon at tinitingnan at sinusuri ko lang ang mga iyon nang mag-isa. Kalaunan, sinabi ng mga lider na angkop ang mga pagbabagong iminungkahi ko. Labis akong nasiyahan sa pagsang-ayon ng mga lider. Nang makita kong tinukoy ng mga lider ang mga paglihis at problema ni Wang Yan, palihim akong natuwa, iniisip na, “Tutal, mas matagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito kaysa sa iyo at mas marami akong nalalaman!”
Pagkalipas ng ilang panahon, pinag-organisa kami ng mga lider ng isang pulong ng pangkat para mag-aral ang lahat at magturuan ng mga propesyonal na kasanayan. Dahil mas mahusay ang mga kasanayan ni Wang Yan kaysa sa akin, siya ang magho-host ng pulong. Kahit na medyo kinakabahan siya, gumanap siya nang normal, at aktibong nakibahagi ang mga kapatid sa mga talakayan at palitan. Nainggit at nawala na naman ako sa katwiran, naisip ko, “Sinasapawan mo ako!” Sa pulong, paminsan-minsan ay tinatanong ako ni Wang Yan kung may idadagdag akong anuman. Naisip ko, “Ngayong pinapaboran ka na ng lahat, puwedeng ikaw na lang mag-isa ang mag-host nito. Ayaw kong maging alalay mo!” Kaya, hindi ko siya pinapansin. Dahil nakikitang hindi ako nagsasalita, kinailangan niyang isaalang-alang ang mga damdamin ko habang nagho-host ng pulong. Nang matapos ang pulong, parami nang paraming kapatid ang nanghihingi ng tulong sa kanya at tumindi ang pagkainggit at paghihinanakit ko. Naisip ko, “Kung wala ka rito, sa akin lalapit ang lahat para sa mga problema nila. Ngayon, ikaw ang nangingibabaw!” Sobrang sumama ang loob ko. Parang nadama ni Wang Yan ang mga iniisip ko at maingat niyang tinanong kung gusto kong sumali sa pag-aaral nila. Dahil sa paanyaya niya ay lalo kong ayaw sumali sa kanya, at naisip ko, “Parang nagiging alipores niya ako. Nakapanliliit naman!” Kaya tumanggi ako, sinasabing masyado akong abala sa gawain. Pagkatapos, kahit na abala ako sa gawain, nanatiling balisa ang puso ko. Parami nang parami ang nakukuhang pagkakataon ni Wang Yan para mangibabaw. Nang makita ko siyang masayang nagkukuwento tungkol sa mga nakamit mula sa pag-aaral, inakala kong nagpapasikat siya, at parang maiiyak ako sa mga negatibong emosyon at talagang nabagabag ako. Lumapit ako sa Diyos para magdasal at maghanap, at pagkatapos ay nakita ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging mapaminsala! Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga pagnanais, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). “Pagdating sa anumang may kinalaman sa reputasyon, katayuan, o pagkakataong mamukod-tangi—halimbawa, kapag naririnig ninyo na ang sambahayan ng Diyos ay nagpaplanong maglinang ng sari-saring uri ng mga taong may talento—lumulukso sa pag-asam ang puso ng bawat isa sa inyo, gusto palagi ng bawat isa sa inyo na maging tanyag at makakuha ng pansin. Lahat kayo ay nais na makipaglaban para sa katayuan at reputasyon. Ikinahihiya ninyo ito, pero hindi magiging maganda ang pakiramdam ninyo kung hindi ninyo ito gagawin. Nakararamdam kayo ng inggit, pagkamuhi, at nagrereklamo sa tuwing may nakikita kayong taong namumukod-tangi, at iniisip ninyo na hindi ito patas: ‘Bakit hindi ako makapamukod-tangi? Bakit palagi na lang ibang tao ang napapansin? Bakit hindi ako kahit kailan?’ At pagkatapos ninyong makaramdam ng sama ng loob, sinusubukan ninyo itong pigilin, ngunit hindi ninyo magawa. Nagdarasal kayo sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam sandali, ngunit kapag naharap kayong muli sa ganitong sitwasyon, hindi pa rin ninyo ito madaig. Hindi ba ito nagpapakita ng isang tayog na kulang pa sa gulang? Kapag naiipit sa gayong mga kalagayan ang mga tao, hindi ba’t nahulog na sila sa patibong ni Satanas? Ito ang mga kadena ng tiwaling kalikasan ni Satanas na gumagapos sa mga tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Ang inilalantad ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko—nakakulong ako sa isang kalagayan ng pagkainggit kay Wang Yan at hindi ako makakawala. Noong una, nagagawa kong normal na makipagtulungan sa kanya dahil lumalapit sa akin ang mga lider at mga kapatid para sa mga usapin ng gawain, dati ay ako ang responsable sa pagsasaayos at pangangasiwa sa malalaki at maliliit na isyu, at nangingibabaw ang posisyon ko sa pangkat. Pero nang makita kong unti-unting nagsisimulang mamukod-tangi at makakuha ng pagsang-ayon mula sa mga lider si Wang Yan at lumalapit ang lahat sa kanya para sa mga problema ng mga ito, pakiramdam ko ay nanganganib ang katayuan ko at ayaw kong pumayag na malagpasan niya ako. Para protektahan ang posisyon ko, sinimulan ko siyang ibukod at hinadlangan ko siyang umako ng mas maraming gawain. Nang makita kong sinang-ayunan ng mga lider ang mga mungkahi niya, sumama ang loob ko, kaya nang magsuri ng mga video kalaunan, iniwasan kong makipagtalakayan at makipagpalitan ng mga ideya sa kanya. Sa halip, palihim akong nagtrabaho nang husto, umaasang makapagmumungkahi ako ng mas magagandang pagbabago para masapawan siya. Nang ipaalam ng mga lider ang mga paglihis at problema sa pagsusuri niya ng video, sa halip na makipagtulungan sa kanya para ibuod at talakayin ang mga bagay na ito, palihim akong natuwa, desperadong umaasang hindi paboran ng mga lider ang mga mungkahi niya, para mamukod-tangi ako. Nang mag-host si Wang Yan sa pulong ng pag-aaral at pagpapalitan, at nakita kong namumukod-tangi siya sa panahon ng pulong, nainggit at napuno ako ng panghahamak. Sadya kong iniwasang makipagtulungan sa kanya sa gawain para pahirapan siya, na nagdulot na mapigilan siya dahil sa akin. Kalaunan, dahil nakikita kong palagi siyang gumagawa ng pangalan para sa sarili niya, habang lumiliit ang sarili kong presensya, tumindi ang pagkasuklam ko sa kanya, at nabuhay ako sa isang kalagayan ng pagkainggit at paghihinanakit. Mabigat ang trabaho ng pagsusuri ng mga video, at isinaayos ng mga lider na makipagtulungan sa akin si Wang Yan na pasanin ang gawaing pangvideo upang makagawa ng mas maraming video para magpatotoo sa Diyos. Pero para protektahan ang katayuan ko, binalewala ko kapwa ang gawain ng iglesia at ang damdamin niya. Lahat ng kilos ko ay nagbubukod at pumipigil sa kanya, at hindi ko namamalayan, nagagambala at nahahadlangan ko na ang gawaing pangvideo. Talagang makasarili, kasuklam-suklam, at wala akong pagkatao! Nang mapagtanto ang lahat ng ito, nagdasal ako sa Diyos sa pagsisisi, ipinapahayag ang kagustuhan kong makipagtulungan kay Wang Yan para gawin nang maayos ang mga tungkulin namin.
Pagkalipas ng ilang panahon, nang makita ko ang malaking pag-unlad ng mga propesyonal na kasanayan niya, muli ko na namang natagpuan ang sarili ko na di-mapigilang nakikipagkompetensiya sa kanya. Gayumpaman, habang mas nakikipagkompetensiya ako, lalong dumidilim ang puso ko. Kapag nagsusuri ng mga video, nagbabanggit siya ng mga isyu ng mga prinsipyo, habang ipinapaalam ko lang ang ilang maliit na isyung walang kaugnayan sa mga prinsipyo. Masyado akong napahiya at nagkimkim ng mas matinding inggit at hinanakit sa kanya. Minsan, tinalakay niya sa akin ang ilang mungkahi para sa mga pagbabago sa video. Ang totoo, makatwiran ang mga mungkahi niya, pero pakiramdam ko, sa pagtanggap sa mga mungkahi niya ay magmumukha akong mas mababa sa kanya. Kaya patuloy kong tinatanggihan ang mga mungkahi niya nang hindi isinasaalang-alang ang mga prinsipyo, at kalaunan, hindi na siya naglakas-loob na ipilit ang mga pananaw niya dahil napigilan na siya dahil sa akin, at ginawa niya ang mga pagbabago ayon sa mga ideya ko. Ang resulta, natuklasan ng mga lider na mas palpak ang binagong video kaysa sa orihinal. Tinanong nila kung bakit binago ang video para maging ganito. Inamin ko lang sa pinapaliit na paraan, na humantong ito sa ganito dahil sa pagmamataas at pagtanggi kong tumanggap ng mga mungkahi. Sa paglipas ng panahon, lalong naging bihasa si Wang Yan sa paglalapat ng mga prinsipyo sa pagsusuri ng mga video, habang hindi ko matukoy ang mga problema kahit pagkatapos panoorin nang ilang beses ang isang video. Nakadama ako ng matinding kadiliman at panlulumo. Pero ang lalo kong ikinagulat, pagkalipas ng ilang panahon, bigla akong nagkasakit at hindi ko na magawa ang tungkulin ko, at isinaayos ng mga lider na umuwi ako para magpagaling. Sa araw ng pag-alis ko, lumingon ako kay Wang Yan na abala sa computer, at labag sa loob kong iniwan ang pangkat, pakiramdam ko ay para akong asong bahag ang buntot. Nagkimkim pa nga ako ng masasamang saloobin, “Huwag mong isiping kung sino ka na! Isang araw ay mamamalayan mong nasa kalagayan kita!”
Pagkabalik sa bahay, mag-isa lang ako at nakadama ako sa puso ko ng kahungkagan at kawalan ng direksyon. Naisip ko kung paanong nagtatrabaho nang husto ang lahat ng kapatid para gawin ang mga tungkulin nila, habang hindi ako makagawa ng anumang tungkulin. Talagang ikinasama ng loob ko ang pagkakaibang ito sa pagitan namin. Nakadama ako ng matinding panghihinayang at kirot sa pagkawala ng ganoon kahalagang tungkulin, at hindi mabilang kung ilang beses akong nagdasal at humiyaw sa Diyos. Kalaunan, napagtanto kong hindi nagkataon lang ang karamdaman ko, at naging malinaw sa akin na pagtutuwid at pagdidisiplina ito ng Diyos sa akin. Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, hindi rin Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). Pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, naisip ko kung paanong ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay makabuluhan, at na ang sitwasyong hinaharap ko ay bahagi rin ng mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at nagtataglay ng layunin ng Diyos. Nadama kong dapat kong hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang sarili ko para maunawaan ang mga problema ko. Kalaunan, nakabasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibidwal na mga kuru-kuro, pag-asam, at hinaharap. Ang kasalukuyang gawain ay para pungusan ang inyong pagnanais na magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanasa. Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga halimbawang kumakatawan ng satanikong disposisyon. … Habang mas naghahanap ka sa ganitong paraan, mas kakaunti ang napapala mo. Kapag mas matindi ang paghahangad ng isang tao sa katayuan, kailangan ay mas mahigpit siyang pungusan at mas nararapat siyang sumailalim sa matinding pagpipino. Ang gayong klaseng mga tao ay walang kuwenta! Kailangan silang pungusan at hatulan nang sapat upang lubusan nilang talikuran ang mga bagay na ito. Kung magpapatuloy kayo sa ganitong paraan hanggang sa huli, wala kayong mapapala. Yaong mga hindi naghahangad na matamo ang buhay ay hindi maaaring mabago, at yaong mga hindi nauuhaw sa katotohanan ay hindi matatamo ang katotohanan. Hindi ka nagtutuon sa paghahangad na matamo ang personal na pagbabago at pagpasok, kundi sa halip ay sa maluluhong pagnanasa at mga bagay na pumipigil sa iyong pagmamahal sa Diyos at humahadlang sa iyo na mapalapit sa Kanya. Mababago ka ba ng mga bagay na yaon? Madadala ka ba ng mga iyon papasok sa kaharian?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). “Mahal at hangad ng tiwaling kalikasan ng tao ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, magkakaiba nga lang ang mga paraan ng paghahangad at pagpapahayag dito ng iba’t ibang tao. … Kung palagi kang nakatuon sa katanyagan, pakinabang, at katayuan, kung masyado mong pinahahalagahan ang mga bagay na ito, kung nilalaman ng puso mo ang mga ito, at kung ayaw mong bitiwan ang mga ito, kokontrolin at gagapusin ka ng mga ito. Magiging alipin ka ng mga ito, at sa huli, lubos kang sisirain ng mga ito. Kailangan mong matutunang bitiwan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling samantalahin ang mga pagkakataong mamukod-tangi at mapansin. Kailangan mong maisantabi ang mga bagay na ito, ngunit kailangan mo ring hindi maantala ang pagganap ng iyong tungkulin. Maging isa kang taong gumagawa nang hindi napapansin, at hindi nagpapasikat sa iba habang may pagkamatapat mong mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Habang lalo mong binibitiwan ang iyong pagpapahalaga sa sarili at katayuan, at habang lalo mong binibitiwan ang sarili mong mga interes, lalo kang makadarama ng kapayapaan, lalong magkakaroon ng liwanag sa puso mo, at lalong bubuti ang kalagayan mo. Kapag lalo kang nagpupumilit at nakikipagkumpitensya, lalong didilim ang kalagayan mo. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, subukan mo nang makita mo! Kung gusto mong mabago ang ganitong klase ng tiwaling kalagayan, at hindi ka makontrol ng mga bagay na ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan, at malinaw na maunawaan ang diwa ng mga bagay na ito, at pagkatapos ay isantabi ang mga ito at isuko ang mga ito. Kung hindi, habang mas nagpupumilit ka, lalong magdidilim ang puso mo, at lalo kang makadarama ng inggit at pagkamuhi, at lalo lang titindi ang hangarin mong makamit ang mga bagay na ito. Habang lalong tumitindi ang hangarin mong makamit ang mga ito, lalo mo itong hindi magagawang matamo, at habang nangyayari ito, mas nadaragdagan ang pagkamuhi mo. Habang mas namumuhi ka, lalong nagdidilim ang kalooban mo. Habang lalong nagdidilim ang iyong kalooban, lalong pumapangit ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at habang lalong pumapangit ang pagganap mo sa iyong tungkulin, lalo kang nawawalan ng silbi sa sambahayan ng Diyos. Ito ay magkakaugnay at masamang bagay na paulit-ulit na nangyayari. Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, unti-unti kang ititiwalag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakita kong pagkatapos magawang tiwali ni Satanas, minahal nating lahat ang reputasyon at katayuan. Habang mas hinahangad natin ang reputasyon at katayuan, lalo tayong naigagapos at nakokontrol ng mga iyon, hindi tayo makawala, at sa huli, itataboy at ititiwalag lang tayo ng Diyos dahil sa paggawa ng maraming kasamaan. Habang pinagninilayan ang panahon ng pagtatrabaho kasama si Wang Yan, nang manganib ang katayuan ko, nainggit ako sa kanya at ibinukod ko siya. Habang mas ayaw ko itong tanggapin, habang mas nakikipagkompetensiya ako, lalong dumidilim at nasasaktan ang puso ko, at wala ring landas pasulong sa paggawa ng tungkulin ko. Ngayon ay naharap ako sa karamdaman at napauwi, nang walang pagkakataong magawa ang tungkulin ko. Pagpupungos ito ng Diyos sa akin dahil sa pagnanais ko sa reputasyon at katayuan! Hindi ko mapigilang simulang pagnilayan kung bakit umabot ako sa puntong ito. Inilantad ng mga salita ng Diyos na “Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga halimbawang kumakatawan ng satanikong disposisyon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Tinanggap ko ang mga lasong itinatanim ni Satanas sa mga tao katulad ng “Ako ang sarili kong panginoon,” “Magkaroon ng posisyong nakatataas sa iba,” at “Mamukod-tangi” bilang mga mithiing hinahangad ko sa buhay. Palagi kong ninanais na magkaroon ng prominenteng posisyon sa mga tao, naniniwalang ito lang ang magbibigay sa akin ng pakiramdam na kabilang ako at magiging dahilan para maging mahalaga at makabuluhan ang buhay. Pagkatapos maging superbisor, pakiramdam ko ay isa akong pambihirang taong may talento sa iglesia. Lumalapit sa akin ang mga lider at kapatid para talakayin ang mga usapin sa gawain, at ako ang nagsusuri at tumitingin sa mga video na ginawa ng mga kapatid. Masyadong nabigyang-lugod ang banidad ko. Pagkatapos makatrabaho si Wang Yan, habang unti-unti siyang namumukod-tangi, nainggit at naging mapanghamak ako. Para protektahan ang katayuan ko, ibinukod, pinabayaan, at inetsapwera ko siya. Pero habang mas nakikipagkompetensiya ako, lalong dumidilim ang kaluluwa ko. Nang makita kong lalo siyang nagiging epektibo sa tungkulin niya, lalo pa akong naging mapanghamak. Sa huli, para protektahan ang pride at katayuan ko, ibinunton ko pa nga sa tungkulin ko ang mga kabiguan ko. Patuloy kong tinatanggihan ang mga mungkahi niya anuman ang pagkaangkop ng mga iyon, na humahantong sa pag-uulit sa mga video at pagkaantala ng pag-usad. Habang gumagawa ako kasama si Wang Yan, dahil mas magaling siya sa mga propesyonal na kasanayan, at mas marami akong naaarok na prinsipyo, binigyang-daan kami ng pagtutulungan namin na humugot sa mga kalakasan ng isa’t isa at punan ang mga kahinaan ng isa’t isa, para maging mas maganda ang mga resulta ng mga tungkulin namin. Gayumpaman, nilamon ang isip ko ng pagsisikap para sa reputasyon. Para ingatan ang nangingibabaw na posisyon ko sa pangkat, siniil at ibinukod ko siya, ginambala at ginulo ang gawaing pangvideo at pinigilan siya. Sa pamumuhay ayon sa mga satanikong lasong ito, wala talaga akong konsensiya o katwiran, puno ng inggit at masamang hangarin ang puso ko, at wala akong mabuting nagawa sa tungkulin ko, bukod sa naaantala ko ang gawain ay nag-iiwan din ako ng mga bahid at pagsalangsang para sa sarili ko. Nang mapagtanto ito, nakadama ako ng pagsisisi at paninisi sa sarili, kinasusuklaman ang mga kilos ko. Kaya, nagsisi ako sa Diyos, hindi na nagnanais na mamuhay ayon sa tiwaling disposisyon ko.
Isang umaga habang nagdedebosyonal, nakabasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin para magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa sarili ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi kinakailangang naisin ng mga anticristo na mag-okupa ng pinakamataas na posisyon saan man sila naroroon. Sa tuwing pumupunta sila sa isang lugar, mayroon silang disposisyon at mentalidad na pumupuwersa sa kanila na kumilos. Ano ang pag-iisip na ito? Ito ay ‘Kailangan kong makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya!’ Bakit tatlong ‘makipagkompetensiya,’ bakit hindi iisang ‘makipagkompetensiya’? (Kompetisyon na ang naging buhay nila, namumuhay sila ayon dito.) Ito ang kanilang disposisyon. Isinilang sila na may disposisyon na napakayabang at mahirap pigilan, iyon ay ang pagturing nila sa kanilang sarili bilang pinakamagaling sa lahat, at pagiging lubhang mapagmataas. Walang makapipigil sa kanilang napakayabang na disposisyon; sila rin mismo ay hindi ito makontrol. Kaya ang buhay nila ay tungkol lamang sa pakikipaglaban at pakikipagkompetensiya. Ano ang ipinaglalaban at pinagkokompetensiyahan nila? Karaniwan, nakikipagkompetensiya sila para sa kasikatan, pakinabang, katayuan, dangal, at sarili nilang mga interes. Anumang mga pamamaraan ang kailangan nilang gamitin, basta’t nagpapasakop ang lahat sa mga ito, at basta’t natatamo nila ang mga pakinabang at katayuan para sa kanilang sarili, nakamit na nila ang kanilang layon. Ang kagustuhan nilang makipagkompetensiya ay hindi isang pansamantalang libangan; ito ay isang uri ng disposisyon na nagmumula sa satanikong kalikasan. Katulad ito ng disposisyon ng malaking pulang dragon na nakikipaglaban sa Langit, nakikipaglaban sa lupa, at nakikipaglaban sa mga tao. Ngayon, kapag nakikipaglaban at nakikipagkompetensiya ang mga anticristo sa iba sa iglesia, ano ang gusto nila? Walang duda, nakikipagkompetensiya sila para sa reputasyon at katayuan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). “Sinumang naghahangad ng kasikatan, pakinabang at katayuan sa halip na maayos na gampanan ang kanilang tungkulin ay naglalaro ng apoy at naglalagay ng kanilang buhay sa panganib. Ang mga naglalaro ng apoy at ng kanilang buhay ay maaaring magpahamak sa kanilang sarili anumang sandali. Ngayon, bilang isang lider o manggagawa, naglilingkod ka sa Diyos, na hindi isang ordinaryong bagay. Hindi ka gumagawa ng mga bagay para sa kung sinong tao, lalong hindi ka nagtatrabaho para mabayaran ang mga bayarin at matustusan ang mga pangangailangan mo; sa halip, ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa iglesia. At ipagpalagay natin, sa partikular, na ang tungkuling ito ay nagmula sa atas ng Diyos, ano ang ipinapahiwatig ng paggawa nito? Na ikaw ay may pananagutan sa Diyos sa iyong tungkulin, gawin mo man ito nang maayos o hindi; sa huli, dapat mag-ulat sa Diyos, dapat may kinalabasan. Ang tinanggap mo ay atas ng Diyos, isang banal na responsabilidad, kaya gaano man kalaki o kaliit ang kahalagahan ng responsabilidad na ito, seryosong usapan ito. Gaano ito kaseryoso? Sa maliit na antas kinapapalooban ito ng kung makakamit mo ang katotohanan sa buhay na ito at kinapapalooban ito ng kung paano ka tinitingnan ng Diyos. Sa mas malaking antas, direkta itong nauugnay sa iyong kinabukasan at kapalaran, sa iyong kalalabasan; kung gagawa ka ng kasamaan at sasalungatin ang Diyos, kokondenahin ka at parurusahan. Ang lahat ng ginagawa mo kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin ay itinatala ng Diyos, at ang Diyos ay may mga sarili Niyang prinsipyo at pamantayan kung paano ito mamarkahan at susuriin; itinatakda ng Diyos ang iyong kalalabasan batay sa lahat ng ipinamamalas mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Detalyadong-detalyadong inilalantad ng mga salita ng Diyos ang kalikasan ng tendensiyang “makipagkompetensiya” ng mga anticristo, at malinaw na ibinabahagi ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pakikipagkompetensiya ng mga anticristo para sa kasikatan at pakinabang. Napuno ako ng takot at pangamba, at hindi ko mapigilang maalala ang mga araw ng paggawa ko kasama si Wang Yan. Alang-alang sa reputasyon at katayuan, pinabayaan ko ang mga tungkulin at responsabilidad ko, hindi inaalala ang gawain ng iglesia, at palaging nakikipagkompetensiya kay Wang Yan. Sa huli, nagkasakit ako at hindi ko na magawa ang mga tungkulin ko. Itinaas ako ng Diyos at binigyan ng pagkakataong mapangasiwaan ang gawaing pangvideo, pero talagang hindi ko ito pinahalagahan. Nauudyukan ng mga makasariling pagnanais, nakipagkompetensiya pa rin ako sa kabila ng kaalamang maaantala nito ang gawain. Tinahak ko ang landas ng isang anticristo, ginambala at ginulo ang gawaing pangvideo, at sinalungat ang disposisyon ng Diyos. Naisip ko kung paanong noong umalis ako at nakita kong ginagawa pa rin ni Wang Yan ang tungkulin niya, habang pakiramdam ko ay isa akong asong bahag ang buntot, masyado akong nabigo, at nagkimkim pa nga ng masasamang kaisipan, ninanais na mawala rin sa kanya ang tungkulin niya. Nakita kong nilamon na ako ng reputasyon, nawalan na ng konsensiya at katwiran, at naging mapagmataas at may masamang hangarin. Kung hindi ako magsisisi, magwawakas ang pananampalataya ko sa Diyos. Natutukoy ang lahat ng ito, tahimik akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, handa akong magsisi sa harapan Mo at hindi na ako kikilos sa ganitong paraan sa hinaharap.” Kasabay nito, napagtanto kong ginamit ng Diyos ang karamdamang ito para pigilan akong magpatuloy sa landas ng paggawa ng masama, at hadlangan akong gumawa ng mas matitinding kasamaan para gambalain at hadlangan ang gawaing pangvideo. Pagmamahal at proteksyon ito ng Diyos, at pinasalamatan ko ang Diyos sa puso ko.
Kalaunan, nabasa kong sinasabi ng mga salita ng Diyos na: “Kung talagang kaya mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang sumailalim sa pagsasanay at gumampan ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin niyon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng katapatan sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider. … Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at intindihin ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). “Walang sinuman, anuman ang kanyang mga kalakasan, mga kaloob, o espesyal na mga talento, ang kayang umako sa lahat ng gawain nang mag-isa; dapat siyang matutong makipagtulungan nang maayos kung nais niyang magawa nang mabuti ang gawain ng iglesia. Iyon ang dahilan kung bakit ang maayos na pakikipagtulungan ay isang prinsipyo ng pagsasagawa ng pagganap sa tungkulin ng isang tao. Basta’t ginagamit mo ang iyong buong puso at buong lakas at buong katapatan, at inaalay ang lahat ng kaya mong gawin, ginagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan kong ang mga taong tunay na nagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at nagdadala ng pasanin para sa mga tungkulin nila ay kayang magsantabi ng personal na reputasyon at katayuan nila para maglinang ng mga taong may talento. Isa itong bagay na tinatandaan ng Diyos. Sa katunayan, kahit gaano kagaling, kahusay, at kabihasa ang isang tao, imposibleng magawa niyang pasanin nang mag-isa ang lahat ng gawain. Kung puwedeng malinang ang mga taong may talento, at kayang makipagtulungan ng mga kapatid sa isa’t isa para tuparin ang mga papel nila, hindi ba’t lalo pa itong kapaki-pakinabang para sa gawain ng iglesia? Nakita kong masyadong makitid ang isip ko. Kahit na hindi ko nakatrabaho si Wang Yan kalaunan, kahit sino pa ang makatrabaho ko, handa akong isagawa ang mga salita ng Diyos, at maging isang taong nagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos para gawin nang maayos ang tungkulin ko.
Pagkatapos, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia at naitalagang makipagtulungan kay Sister Chen Feng. Nang mabalitaan ko ito, naisip ko, “Hindi ba’t nagawa na dati ni Chen Feng ang tungkulin ng paggawa ng mga video? Dati ay superbisor niya ako. Hindi ko inaasahang magiging lider na siya ng iglesia ngayon.” Pagkatapos siyang makatrabaho sa loob ng ilang panahon, napansin kong mabilis siyang umusad at humusay sa maraming aspekto. Nag-alala akong baka malapit na niya akong maungusan, at na pagkatapos ay maging mas mataas na ang tingin ng mga kapatid sa kanya kaysa sa akin. Kaya nag-atubili akong isaayos na dumalo siya sa mga pagtitipon ng bawat grupo. Sa puntong ito, napagtanto kong mali ang kalagayan ko. Kaya nagdasal ako sa Diyos, ipinapahayag ang kagustuhan kong bitiwan ang personal kong reputasyon at katayuan, at matutuhan kung paano makipagtulungan nang matiwasay sa kanya, magtulungan nang may iisang puso at isip upang gampanan nang maayos ang gawain ng iglesia. Pagkatapos, magkasama naming pinuntahan ni Chen Feng ang bawat grupo at nagtulungan sa pagho-host ng mga pagtitipon. Nang hindi na ako napipigilan ng reputasyon at katayuan, napanatag at napalagay ang puso ko.
Kalaunan, mas pinagnilayan ko ang sarili ko at natuklasan kong may nakalilinlang akong pananaw, ito ang konsepto ng pagkaklasipika sa mga manggagawa ayon sa karanasan at kasanayan. Naisip kong dahil dati akong superbisor at minsan nang naging responsable sa gawain ng ilang kapatid, dapat ay mas mahusay ako kaysa sa kanila, hindi mas mahina. Nabasa kong sinasabi ng mga salita ng Diyos na: “Ito ang uri ng kapaligirang dapat na mayroon sa loob ng iglesia—ang lahat ay nakatuon sa katotohanan at nagsusumikap na ito ay makamit. Hindi mahalaga kung gaano katanda o kabata ang mga tao, o kung sila man ay matatagal nang mananampalataya o hindi. Ni hindi mahalaga kung mahusay ang kanilang kakayahan o hindi. Ang mga bagay na ito ay walang halaga. Sa harap ng katotohanan, lahat ay pantay-pantay. Ang mga bagay na kailangan mong tingnan ay kung sino ang nagsasalita nang tama at naaayon sa katotohanan, kung sino ang nag-iisip sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung sino ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na nakakaunawa nang mas malinaw sa katotohanan, na may diwa ng pagiging makatarungan, at handang magdusa. Ang gayong mga tao ay dapat suportahan at palakpakan ng kanilang mga kapatid. Ang kapaligirang ito ng katuwiran na nagmumula sa paghahangad na matamo ang katotohanan ang kailangang mamayani sa loob ng iglesia; sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng gawain ng Banal na Espiritu, at pagkakalooban ng Diyos ng mga pagpapala at patnubay” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Isang Tao na Maayos na Gumaganap sa Kanyang Tungkulin Nang Buong Puso, Isipan, at Kaluluwa ang Nagmamahal sa Diyos). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto kong pantay-pantay ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos. Gaano man katagal nang gumagawa ang isang tao ng mga tungkulin niya o anumang mga tungkulin ang ginagawa niya, basta’t itinataguyod niya ang mga interes ng iglesia at ang pinagbabahaginan niya ay nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat nating tanggapin at sundin sila, at magbigay ng pag-alalay at pakikipagtulungan. Kahit na dati akong superbisor, hindi ito nangangahulugang nauunawaan o nalalaman ko na ang lahat ng bagay. Mas mahusay kumilatis si Chen Feng kaysa sa akin, at kaya niyang tukuyin ang mga paglihis at isyu sa tungkulin ko. Sa pamamagitan ng gabay at pagpupuno niya, mas masusing natatapos ang gawain. Nakita kong hindi ko talaga nauunawaan ang sarili ko, palagi kong itinuturing na nakatataas ako dahil lang sa posisyon ko bilang isang superbisor. Masyado akong mapagmataas at wala sa katwiran! Ngayon ay nauunawaan ko nang may iba’t ibang kalakasan at kalamangan ang lahat ng tao, at na isinasaayos ng Diyos na magtulungan tayo sa mga tungkulin natin para humugot tayo sa mga kalakasan ng isa’t isa at punan ang mga kahinaan ng isa’t isa, para patuloy na mapabuti ang pagiging epektibo ng mga tungkulin natin. Salamat sa Diyos!