78. Pagkatapos Malaman ang Pagpanaw ng mga Magulang ko
Noon pa man ay mahal na mahal ako ng mga magulang ko, mula pa noong maliit ako, at gumawa sila ng matinding pisikal na trabaho para mapaaral kami ng kapatid kong lalaki. Habang nakikita silang nagtatrabaho nang husto mula madaling araw hanggang dapit-hapon, naisip ko, “Paglaki ko, kailangan kong kumita ng maraming pera para mabigyan ko ng mas magandang buhay ang mga magulang ko.” Nang magsimula akong magtrabaho, ipinapadala ko sa mga magulang ko ang lahat ng perang kinikita ko, umaasang mapapabuti ang kalidad ng kanilang buhay. Kalaunan, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at ibinahagi ang ebanghelyo sa mga magulang ko, pero huminto sa pananampalataya ang tatay ko dahil natakot siyang mausig ng malaking pulang dragon. Gayumpaman, patuloy akong sinuportahan ng nanay ko sa aking tungkulin at tinulungan niya akong alagaan ang anak ko. Pakiramdam ko, napakaraming nagawa ng mga magulang ko para sa akin, at sa tuwing umuuwi ako para bisitahin sila, sinisikap kong tumulong sa kanila sa mga gawaing bahay sa abot ng makakaya ko at ipakita ang aking pagiging mabuting anak, na nagparamdam sa akin ng higit na kapanatagan. Noong Hunyo 2022, sinimulan akong tugisin ng mga pulis dahil sa aking pag-eebanghelyo, at pagkatapos niyon, hindi na ako nakauwi para makita ang mga magulang at anak ko. Nag-alala rin ako na matanda na ang mga magulang ko at mahina na ang katawan nila, at na kung magkakasakit sila, walang mag-aalaga sa kanila. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang buhay ng isang tao ay ganap na isinaayos ng Diyos, at ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan din sa kapalaran ng aking mga magulang, kaya ipinagkatiwala ko ang mga magulang ko sa Diyos, at hindi lubos na naapektuhan ang kalagayan ko, kaya nagagawa ko nang normal ang aking tungkulin.
Noong katapusan ng Nobyembre 2022, nakatanggap ako ng liham mula sa isang sister, na nagsasabing nasa ospital ang nanay ko at nasa kritikal na kondisyon. Hindi tinukoy sa liham kung anong karamdaman ang mayroon siya, at sobra akong nag-alala, hindi ko alam kung ano ang sakit ng nanay ko o kung ano ang kondisyon niya. Gusto ko talagang bumalik para bisitahin ang nanay ko. Pero naisip ko na tinutugis pa rin ako ng mga pulis, at masyado akong abala sa pangangasiwa sa mga kinalabasan ng maraming iglesiang nahaharap sa mga pag-aresto, at na maaantala ang gawain ng iglesia kung aalis ako. Lubos na nagtalo ang kalooban ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, ipinagkakatiwala sa Kanya ang karamdaman ng nanay ko. Noong kalagitnaan ng Mayo 2023, nakatanggap ako ng liham mula sa bahay, nagsasabing pumanaw na ang nanay ko dahil sa stroke noong nakaraang taon, at na namatay rin ang tatay ko dahil sa atake sa asthma ilang araw na ang nakalipas. Napakahirap tanggapin ang biglaang balitang ito. Nang maisip ko kung gaano kabilis silang nawala at na wala na akong mga magulang, binalot ako ng matinding pasakit at talagang hindi ko mapigilang umiyak. Naisip ko kung paanong wala ako roon para alagaan sila noong may sakit sila, at na hindi ko sila nakita sa huling pagkakataon bago sila pumanaw. Pakiramdam ko, tiyak na napakalungkot nila at nadismaya sila sa akin bilang kanilang anak, at na malamang na tinatawag ako ng mga kamag-anak ko na isang di-mabuting anak o isang walang utang na loob na sawing-palad. Labis akong nanghina at ang tanging nagawa ko ay umiyak. Nang pumasok ako sa silid ko at humiga, napuno ang isipan ko ng mga imahe ng mga magulang ko. Ang kanilang mga ngiti, ang kabaitan nila sa akin, at ang mga eksena ng buhay naming magkakasama ay paulit-ulit na naglalaro sa isipan ko na parang isang pelikula. Naisip ko kung gaano kahirap para sa aking mga magulang na palakihin ako, kung paanong gumawa sila ng mabigat na pisikal na trabaho para maipagpatuloy ko ang pag-aaral, at kung paanong tumulong ang nanay ko na mag-alaga sa anak ko habang ginagawa ko ang mga tungkulin ko. Pakiramdam ko ay napakalaki ng utang ko sa kanila sa bawat maliit na bagay na ginawa nila para sa akin. Sobra akong nasasaktan, at naisip ko pa nga na kung hindi ko ginampanan ang tungkulin ko, at sa halip ay nagtrabaho ako para kumita ng pera, natulungan ko sana sila sa mga gastusin sa pamumuhay at nabigyan sila ng pera para sa kanilang pagpapagamot noong may sakit sila, at baka hindi sana sila pumanaw nang ganoon kaaga. Nang maisip ko ang lahat ng taon na wala ako sa tabi nila para alagaan sila, at kung paanong hindi ko natupad ang mga responsabilidad ko bilang isang anak, pakiramdam ko ay makasalanan ako at na napakalaki ng utang ko sa kanila! Noong mga araw na iyon, nasa isang kalagayan ako na lubhang nasisiraan ng loob, hindi makakain o makatulog, namumuhay sa pagkakonsensiya at pasakit. Bagama’t ginagawa ko pa rin ang tungkulin ko, lubhang nabagabag ang puso ko. Wala rin akong pagpapahalaga sa pasanin na subaybayan ang gawain ng ebanghelyo na responsabilidad ko, at naapektuhan din ang gawain ko. Sa aking pasakit, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, pumanaw na ang mga magulang ko, at lubha akong nasasaktan at nahihirapan. Pakiusap, tulungan Mo po ako at ilayo ang puso ko para hindi mabagabag.” Pagkatapos magdasal, medyo mas napanatag na ako. Naalala ko ang mga salita ng Diyos kung paano harapin ang kamatayan ng mga magulang, kaya hinanap ko ang mga ito para basahin.
Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pagdating sa pagpanaw ng kanilang mga magulang, ang mga tao ay dapat ding magtaglay ng wasto at makatwirang saloobin. … Kung gayon, bago pa ito mangyari, paano mo dapat lutasin ang hindi inaasahang dagok na idinudulot nito sa iyo, upang hindi ito makaapekto o makasagabal sa paggampan mo sa iyong tungkulin o sa landas na iyong tinatahak? Una, tingnan natin kung tungkol saan nga ba ang kamatayan, at kung tungkol saan ang pagpanaw—hindi ba’t ibig sabihin nito ay lilisan na ang isang tao sa mundong ito? (Oo.) Nangangahulugan ito na ang buhay na taglay ng isang tao, na mayroong pisikal na presensiya, ay hiwalay sa materyal na mundo na nakikita ng mga tao, at naglalaho ito. Ang taong iyon ay nagpapatuloy na mabuhay sa ibang mundo, nang may ibang anyo. Ang paglisan ng buhay ng iyong mga magulang ay nangangahulugan na ang relasyon mo sa kanila sa mundong ito ay natunaw, naglaho, at nagwakas na. Nabubuhay na sila sa ibang mundo, nang may ibang anyo. Kung ano ang magiging takbo ng kanilang buhay sa kabilang mundo, kung babalik man sila sa mundong ito, muli kang makakatagpo, o magkakaroon ng anumang uri ng ugnayan sa laman o emosyonal na koneksiyon sa iyo, ito ay inorden ng Diyos, at wala itong kinalaman sa iyo. Sa kabuuan, ang pagpanaw nila ay nangangahulugan na ang kanilang mga misyon sa mundong ito ay tapos na, at ganap na itong nagwakas. Ang kanilang mga misyon sa buhay na ito at sa mundong ito ay natapos na, kaya ang relasyon mo sa kanila ay natapos na rin. Tungkol sa kung sila ay muling magkakatawang-tao sa hinaharap, o kung makakatagpo sila ng anumang uri ng parusa at paghihigpit, o anumang uri ng pangangasiwa at mga pagsasaayos sa kabilang mundo, may kinalaman ba ito sa iyo? Mapagpapasyahan mo ba ito? Wala itong kinalaman sa iyo, hindi mo ito mapagpapasyahan, at hindi ka makakakuha ng anumang balita tungkol dito. Ang relasyon mo sa kanila sa buhay na ito ay magwawakas sa oras na iyon. Ibig sabihin, magtatapos na ang kapalarang nagbuklod sa inyo habang namumuhay kayong magkasama sa loob ng 10, 20, 30, o 40 taon. Pagkatapos niyon, sila ay sila, ikaw ay ikaw, at wala nang anumang relasyong umiiral sa pagitan ninyo. Kahit nananampalataya kayong lahat sa Diyos, ginampanan nila ang kanilang sariling mga tungkulin, at ginagampanan mo ang sa iyo; kapag hindi na sila namumuhay sa parehong pisikal na kapaligiran, wala nang anumang relasyon sa pagitan ninyo. Natapos na nila ang mga misyon na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Kaya, pagdating sa mga responsabilidad na tinupad nila para sa iyo, natatapos ang mga iyon sa araw na magsisimula kang mamuhay nang hiwalay sa kanila—wala ka nang kinalaman sa iyong mga magulang. Kung mamamatay sila ngayon, may mawawala lamang sa iyo sa emosyonal na aspekto, at hindi ka na mangungulila sa dalawang mahal mo sa buhay. Hinding-hindi mo na sila makikita pang muli, at hindi ka na muling makaririnig ng anumang balita tungkol sa kanila. Kung ano ang mangyayari sa kanila pagkatapos at ang kanilang kinabukasan ay wala nang kinalaman sa iyo, wala na kayong magiging ugnayan sa dugo, hindi na kayo magiging parehong nilalang. Ganoon ang mangyayari. Ang pagpanaw ng iyong mga magulang ang magiging tanging huling balitang maririnig mo tungkol sa kanila sa mundong ito, at ang mga huling yugtong makikita o maririnig mo tungkol sa kanilang mga karanasan ng pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay sa buhay nila, iyon na ang lahat. Ang pagkamatay nila ay walang kukunin o ibibigay na anuman sa iyo, sila ay simpleng mamamatay, ang kanilang mga paglalakbay bilang tao ay matatapos na. Kaya, pagdating sa kanilang pagpanaw, hindi mahalaga kung ito ay aksidenteng pagkamatay, normal na pagkamatay, pagkamatay dahil sa sakit, at iba pa, sa ano’t anuman, kung hindi dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, walang tao o puwersa ang maaaring bumawi sa buhay nila. Ang kanilang pagpanaw ay nangangahulugan lamang ng katapusan ng kanilang pisikal na buhay. Kung nangungulila at nananabik ka sa kanila, o nakokonsensiya ka sa kanila dahil sa iyong mga damdamin, hindi dapat, dahil hindi ito kinakailangan. Nilisan na nila ang mundong ito, kaya ang mangulila sa kanila ay hindi na kinakailangan, hindi ba? Kung iniisip mo na: ‘Nangulila ba sa akin ang mga magulang ko sa lahat ng taong iyon? Gaano pa ba sila nagdusa dahil wala ako sa kanilang tabi para magpakita ng pagiging mabuting anak sa kanila sa loob ng napakaraming taon? Sa lahat ng taong ito, palagi kong ninanais na sana ay makasama ko sila nang ilang araw, hindi ko akalain na napakaaga nilang mamamatay. Nalulungkot at nakokonsensiya ako.’ Hindi mo kinakailangang mag-isip nang ganito, walang kinalaman sa iyo ang kanilang pagkamatay. Bakit wala itong kinalaman sa iyo? Dahil, kahit na ipinakita mo sa kanila ang pagiging mabuting anak o sinamahan mo sila, hindi ito ang obligasyon o gampanin na ibinigay sa iyo ng Diyos. Inorden na ng Diyos kung gaano kaganda ang kapalaran at kung gaano karami ang pagdurusa na mararanasan ng iyong mga magulang mula sa iyo—wala itong anumang kinalaman sa iyo. Hindi sila mabubuhay nang mas matagal dahil lang sa kasama mo sila, at hindi sila mabubuhay nang mas maikli dahil lang sa malayo ka sa kanila at hindi mo sila madalas na nakakasama. Inorden na ng Diyos kung gaano katagal silang mabubuhay, at wala itong kinalaman sa iyo. Kaya, kung mabalitaan mo na pumanaw na ang iyong mga magulang habang ikaw ay buhay pa, hindi mo kailangang makonsensiya. Dapat mong harapin ang bagay na ito sa tamang paraan at tanggapin ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). “Kung hindi mo nilisan ang iyong tahanan para gampanan ang iyong tungkulin sa ibang lugar, at nanatili ka sa tabi ng iyong magulang, mapipigilan mo kaya ang pagkakasakit niya? (Hindi.) Makokontrol mo ba kung mabubuhay o mamamatay ang mga magulang mo? Makokontrol mo ba kung sila ay mayaman o mahirap? (Hindi.) Anuman ang sakit na makukuha ng iyong mga magulang, hindi iyon dahil sa pagod na pagod sila sa pagpapalaki sa iyo, o dahil sa nangulila sila sa iyo; lalong hindi sila magkakaroon ng alinman sa mga malubha, seryoso, at posibleng nakamamatay na sakit nang dahil sa iyo. Kapalaran nila iyon, at wala itong kinalaman sa iyo. Gaano ka man kabuting anak sa iyong mga magulang, ang pinakamainam na magagawa mo ay bawasan nang kaunti ang pagdurusa ng kanilang laman at ang kanilang mga pasanin, ngunit tungkol sa pagkakasakit nila, anong sakit ang nakukuha nila, kailan sila mamamatay, at saan sila mamamatay—may kinalaman ba ang mga bagay na ito sa iyo? Wala, walang kinalaman ang mga ito. Kung mabuti kang anak, kung hindi ka isang walang malasakit na ingrata, at ginugugol mo ang buong araw kasama sila, binabantayan sila, hindi ba sila magkakasakit? Hindi ba sila mamamatay? Kung magkakasakit sila, hindi ba’t magkakasakit pa rin naman talaga sila? Kung mamamatay sila, hindi ba’t mamamatay pa rin naman talaga sila? Hindi ba’t tama iyon?” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang kapanganakan ng isang tao, ang kanyang kamatayan, at ang haba ng kanyang buhay ay pawang bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatakda ng Diyos. Kung kailan at paano mamamatay ang ating mga magulang ay inasaaayos at pinamumunuan din lahat ng Diyos. Hindi ko tiningnan ang mga bagay batay sa mga salita ng Diyos at hindi ko nakilala ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Naisip ko na kung hindi ako lumabas para gawin ang aking tungkulin, naalagaan ko sana ang mga magulang ko, at na napagamot ko sana sila noong may sakit sila, at sa paggawa nito, nabuhay pa sana sila nang ilang taon pa at hindi namatay nang ganoon kaaga. Ang mga pananaw ko sa mga bagay-bagay ay kapareho ng sa isang walang pananampalataya at sa mga pananaw ng isang hindi mananampalataya. Naalala ko noong may sakit ang mga magulang ko noon, umuwi ako para bisitahin sila, pero ang tanging nagawa ko ay mag-alok sa kanila ng ilang salitang nakapagbibigay-ginhawa at payuhan sila na mag-ingat, at ibigay sa kanila ang kaunti kong pera para makabili sila ng gamot. Pero hindi bumuti ang karamdaman nila, at hindi ko maibsan ang pagdurusa nila. Nang basahin ko ang mga partikular na salitang ito ng Diyos: “Anuman ang sakit na makukuha ng iyong mga magulang, hindi iyon dahil sa pagod na pagod sila sa pagpapalaki sa iyo, o dahil sa nangulila sila sa iyo; lalong hindi sila magkakaroon ng alinman sa mga malubha, seryoso, at posibleng nakamamatay na sakit nang dahil sa iyo. Kapalaran nila iyon, at wala itong kinalaman sa iyo,” Sa wakas ay napagtanto ko na ang pagkamatay ng mga magulang ko ay walang kinalaman sa akin at na kapag natapos na ang itinakda nilang buhay, aalis sila sa mundong ito sa oras na paunang itinakda ng Diyos. Ito ang kapalaran nila. Naalala ko na sinabi ng nanay ko na, sa ilang pagkakataon, ipinadala ang tatay ko sa ospital nang nasa kritikal na kondisyon para iligtas ang buhay nito, at na inakala ng lahat na mamamatay na siya, pero nakaligtas siya sa huli. Maraming tao ang nananatili sa tabi ng kanilang mga magulang, nag-aalaga sa mga ito sa loob ng maraming taon, pero hindi pa rin nila mapigilan ang pagkamatay ng mga magulang nila kapag nagkasakit ang mga ito. Walang halaga ng pera ang makakapagligtas sa mga ito. Nakita ko na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng lahat, at na kahit nasa tabi ako ng mga magulang ko para alagaan sila, makukuha pa rin nila ang sakit na nakatadhanang makuha nila, at gaano man karaming pera ang gagastusin ko sa pagpapagamot nila, hindi nito maliligtas ang buhay nilaa. Bukod pa rito, parehong mahigit animnapung taong gulang na ang mga magulang ko at ilang taon nang nagdurusa sa hika ang tatay ko at umaasa siya sa gamot para makaraos araw-araw, at matindi ang pasakit niya. Ngayong pumanaw na siya, hindi na siya nagdurusa sa karamdaman, na isang uri ng ginhawa para sa kanya. Sa mga kaisipang ito, medyo gumaan ang pakiramdam ko, medyo bumuti ang kalagayan ko, at sinimulan kong gawin nang normal ang tungkulin ko.
Isang araw, nang lumabas ako para gawin ang aking tungkulin, nakakita ako ng isang matandang mag-asawa sa bus na halos kasing-edad lang ng mga magulang ko, at muli ko silang naalala, at kung paanong pumanaw na sila at ngayon ay wala na sa parehong mundong kinaroroonan ko. Habang iniisip ko ito, naluluha ang mga mata ko, at talagang nasadlak ako sa isang madilim na kalagayan. Lalo na sa Bagong Taon, naalala kong muli ang mga magulang ko, at pakiramdam ko ay hindi ako naging mabuting anak dahil hindi ko sila nabigyan ng komportableng buhay. Isa itong hadlang na sadyang hindi ko malagpasan at nakadama ako ng matinding pagkakautang sa kanila. Alam kong mali ang kalagayan ko at nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, pumanaw na ang mga magulang ko at alam ko na ito ang Iyong kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos, pero hindi ko pa rin kayang bumitaw, at namumuhay ako sa pagkakonsensiya at paninisi sa sarili ko. Pakiusap, tulungan Mo po akong lutasin ang kalagayan ko.”
Pagkatapos niyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pagdating sa pangangasiwa sa mga ekspektasyon ng mga magulang, malinaw ba kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin at anong mga pasanin ang dapat bitiwan? (Oo.) Kung gayon, ano ba mismo ang mga pasanin na dinadala ng mga tao rito? Dapat silang makinig sa kanilang mga magulang at hayaan ang kanilang mga magulang na magkaroon ng magandang pamumuhay; lahat ng ginagawa ng kanilang mga magulang ay para sa kanilang sariling kabutihan; at dapat nilang gawin ang sinasabi ng kanilang mga magulang upang maging mabuting anak. Dagdag pa rito, bilang mga taong nasa hustong gulang, dapat nilang gawin ang mga bagay-bagay para sa kanilang mga magulang, suklian ang kabutihan ng kanilang mga magulang, maging mabuting anak sa mga ito, samahan ang mga ito, huwag iparamdam ang lungkot o pagkabigo sa mga ito, huwag biguin ang mga ito, at gawin ang lahat ng kanilang makakaya para bawasan ang paghihirap ng kanilang mga magulang o tuluyang alisin ito. Kung hindi mo ito makakamit, ikaw ay walang utang na loob, hindi mabuting anak, karapat-dapat kang tamaan ng kidlat at itaboy ng iba, at isa kang masamang tao. Ito ba ang iyong mga pasanin? (Oo.) Dahil ang mga bagay na ito ay ang mga pasanin ng mga tao, dapat tanggapin ng mga tao ang katotohanan at harapin nang maayos ang mga ito. Tanging sa pagtanggap sa katotohanan mabibitiwan at mababago ang mga pasanin at maling kaisipan at pananaw na ito. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, may iba pa bang landas para sa iyo? (Wala.) Kaya, ito man ay pagbitiw sa mga pasanin ng pamilya o ng laman, lahat ay nagsisimula sa pagtanggap sa tamang kaisipan at pananaw at sa pagtanggap ng katotohanan. Habang sinisimulan mong tanggapin ang katotohanan, itong mga maling kaisipan at pananaw sa loob mo ay unti-unting matitibag, makikilatis, at malinaw na mauunawaan, at pagkatapos ay unti-unting maitatakwil ang mga ito. Sa proseso ng pagtitibag, pagkikilatis, at pagkatapos ay pagbibitiw at pagtatakwil sa mga maling kaisipan at pananaw na ito, unti-unti mong babaguhin ang iyong saloobin at pagharap sa mga bagay na ito. Unti-unting hihina ang mga kaisipan na nagmumula sa iyong konsensiya at mga damdamin bilang tao; hindi ka na guguluhin o gagapusin ng mga ito sa kailaliman ng iyong isipan, hindi na kokontrolin o iimpluwensiyahan ang iyong buhay, o panghihimasukan ang paggampan mo sa tungkulin. Halimbawa, kung tinanggap mo ang mga tamang kaisipan at pananaw at tinanggap ang aspektong ito ng katotohanan, kapag narinig mo ang balita ng pagkamatay ng iyong mga magulang, iiyak ka lamang para sa kanila nang hindi iniisip ang tungkol sa kung paanong sa mga taong ito ay hindi mo nasuklian ang kanilang kabutihan sa pagpapalaki sa iyo, kung paanong pinahirapan mo sila nang husto, kung paano mo sila hindi binayaran ni katiting, o kung paanong hindi mo sila hinayaang magkaroon ng magandang pamumuhay. Hindi mo na sisisihin ang iyong sarili sa mga bagay na ito—sa halip, magpapakita ka ng normal na mga ekspresyon na nagmumula sa mga pangangailangan ng normal na damdamin ng tao; iiyak ka at dadanas ng kaunting pangungulila sa kanila. Hindi magtatagal, magiging natural at normal ang mga bagay na ito, at agad na isusubsob ang iyong sarili sa isang normal na buhay at paggampan ng iyong mga tungkulin; hindi ka na mababagabag sa bagay na ito. Ngunit kung hindi mo tatanggapin ang mga katotohanang ito, kapag nabalitaan mong namatay ang iyong mga magulang, walang humpay kang iiyak. Makakaramdam ka ng awa para sa iyong mga magulang, na hindi naging madali ang buong buhay nila, at na nagpalaki sila ng isang hindi mabuting anak katulad mo; nang magkasakit sila, hindi mo sila pinaglingkuran sa tabi ng kanilang higaan, at nang mamatay sila, hindi ka umiyak sa kanilang libing o nagluksa; binigo mo sila, nadismaya sila sa iyo, at hindi mo sila binigyan ng magandang buhay. Mamumuhay ka nang matagal nang may ganitong pakiramdam ng pagkakonsensiya, at sa tuwing naiisip mo ito, iiyak ka at makakaramdam ng kirot sa puso mo. Sa tuwing nahaharap ka sa mga kaugnay na sitwasyon o mga tao, pangyayari, at bagay, magkakaroon ka ng emosyonal na reaksiyon; maaaring kasa-kasama mo ang pakiramdam na ito ng pagkakonsensiya sa buong buhay mo. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil hindi mo kailanman tinanggap ang katotohanan o ang mga tamang kaisipan at pananaw bilang buhay mo; sa halip, patuloy na nangingibabaw sa iyo ang iyong mga dating kaisipan at pananaw, naiimpluwensiyahan ang iyong buhay. Kaya, sa natitirang bahagi ng iyong buhay ay mamumuhay ka sa pasakit dahil sa pagpanaw ng iyong mga magulang. Ang tuloy-tuloy na pagdurusang ito ay magkakaroon ng mga kahihinatnan na higit pa sa kaunting pisikal na pagkabahala; maaapektuhan nito ang iyong buhay, ang iyong saloobin sa paggampan sa iyong mga tungkulin, ang iyong saloobin sa gawain ng iglesia, ang iyong saloobin sa Diyos, pati na ang iyong saloobin sa sinumang tao o bagay na nakakaapekto sa iyong kaluluwa. Maaaring masiraan at panghinaan ka rin ng loob tungkol sa mas maraming bagay-bagay, maging malungkot at walang gana, mawalan ng pananalig sa buhay, mawalan ng sigasig at motibasyon sa anumang bagay, at iba pa. Sa kalaunan, hindi lamang nito maaapektuhan ang iyong simpleng pang-araw-araw na buhay; maaapektuhan din nito ang iyong saloobin sa paggampan ng iyong mga tungkulin at ang landas na tinatahak mo sa buhay. Ito ay lubhang mapanganib. Ang kahihinatnan ng panganib na ito ay maaari na hindi mo magagampanan nang sapat ang iyong mga tungkulin bilang isang nilikha, at maaaring titigil ka pa nga sa kalagitnaan ng paggampan ng iyong mga tungkulin o magkikimkim ng isang mapanlaban na lagay ng loob at saloobin tungo sa mga tungkuling ginagampanan mo. Sa madaling salita, hindi maiiwasang lalala ang ganitong sitwasyon sa paglipas ng panahon at magdudulot ng pagbabago sa iyong lagay ng loob, mga emosyon, at mentalidad tungo sa masamang direksiyon. Naiintindihan mo ba? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na namumuhay ako sa pasakit at pagkakonsensiya, dahil tinanggap ko ang mga tradisyonal na ideya ni Satanas, gaya ng “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” “Dapat mong alagaan ang iyong mga magulang sa kanilang katandaan at bantayan sila hanggang sa katapusan ng kanilang buhay,” at “Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop.” Naniwala ako na ang pagiging mabuting anak sa mga magulang at pagtutustos para sa kanila sa kanilang pagtanda at pagbabantay sa kanila hanggang sa katapusan ng kanilang buhay ay tanda ng isang taong may konsensiya at pagkatao, at na kung hindi gagawin ng isang tao ang mga bagay na ito, sila ay walang konsensiya at walang pagkatao, kaya, napuno ng pagkakonsensiya ang puso ko, at nakaramdam ako ng pagkondena at pagkabagabag sa aking konsensiya. Nang malaman ang pagkamatay ng aking mga magulang, naisip ko kung gaano kahirap para sa kanila ang pagpapalaki sa akin at kung gaano kalaki ang isinakripisyo nila para sa akin. Pero hindi ko sila binigyan ng ginhawa sa kanilang katandaan o inalagaan sila noong may sakit sila, at hindi ko man lang sila nakita sa huling pagkakataon bago sila pumanaw. Paulit-ulit kong nararamdaman na hindi ako mabuting anak at hindi ko natupad ang mga responsabilidad ko bilang isang anak, at na dahil dito, kokondenahin at itataboy ako ng iba, at kaya, hindi ko mapatawad ang sarili ko. Pinanghawakan ko ang mga ideya tulad ng “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” “Dapat mong alagaan ang iyong mga magulang sa kanilang pagtanda at bantayan sila hanggang sa katapusan ng kanilang buhay,” at “Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop” bilang mga positibong bagay, pero hindi ko tiningnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Sa realidad, hinuhusgahan ng Diyos kung ang isang tao ay may konsensiya at pagkatao batay sa kung kaya niyang tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha at palugurin Siya. Kung kaya ng isang tao na talikuran ang lahat at gumugol ng kanyang sarili para sa Diyos at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha, ang gayong tao ay tapat sa Diyos at nagtataglay ng dakilang konsensiya at pagkatao. Sa kabaligtaran, kung tinatalikuran ng isang tao ang kanyang tungkulin para maging isang mabuting anak, kahit na alagaan niya nang maayos ang kanyang mga magulang at pinupuri siya ng lahat bilang isang mabuting anak, ang gayong tao ay namumuhay para sa kanyang mga damdamin ng laman, at siya ay makasarili, kasuklam-suklam, at walang pagkatao. Naisip ko ang tungkol sa mga santo sa buong kasaysayan na tumalikod sa kanilang mga pamilya at trabaho para ipangaral ang ebanghelyo ng Panginoon. Upang dalhin ang mga tao sa Diyos at hayaan silang makamit ang Kanyang pagliligtas, iniwan nila ang kanilang sariling bayan at pamilya. Sa mga mata ng mga tao, parang wala silang malasakit dahil sa hindi pag-aalaga sa kanilang pamilya o hindi pagiging mabuting anak sa kanilang mga magulang, pero sa mga mata ng Diyos, tinupad nila ang kanilang mga tungkulin bilang nilikha, at nagtaglay sila ng konsensiya at pagkatao. Ang kanilang mga gawa ay ginunita ng Diyos. Sinusunod ko ang tamang landas ng pananalig sa Diyos, nagdurusa ng pang-uusig mula sa CCP at hindi na makauwi. Ang kawalan ko ng abilidad na alagaan ang mga magulang ko ay dahil sa mga sitwasyon, hindi dahil sa hindi ako mabuting anak o wala akong konsensiya. Anuman ang tingin sa akin ng pamilya ko o paano man ako pagalitan ng mga walang pananampalataya, hindi mali ang landas na tinahak ko. Hindi mahalaga kung ano ang tingin ng iba sa akin, ang mahalaga ay kung makakamit ko ba ang pagsang-ayon ng Diyos. Ito ang pinakamahalaga. Namumuhay ako sa isang kalagayan ng pagkakautang at pagkakonsensiya dahil sa pagkamatay ng mga magulang ko, nagkikimkim ng mga reklamo at paghihimagsik laban sa Diyos, at hindi nagiging tapat sa aking tungkulin. Sa anong paraan ako may anumang pagkatao o konsensiya? Binigyan ako ng Diyos ng buhay, binantayan at pinrotektahan ako, at ibinigay ang lahat ng aking pangangailangan, pero nagrereklamo pa rin ako tungkol sa Kanya. Talagang wala akong kakayahang matukoy ang tama sa mali at wala akong katwiran! Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, ayaw ko pong mamuhay sa pasakit dahil sa pagkamatay ng mga magulang ko, nais ko pong magsisi sa Iyo.”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Tingnan natin ang usapin ng pagsilang ng iyong mga magulang sa iyo. Sino ba ang nagpasyang ipanganak ka nila: ikaw o ang iyong mga magulang? Sino ang pumili kanino? Kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng Diyos, ang sagot ay: wala sa inyo. Hindi ikaw o ang mga magulang mo ang nagpasyang ipanganak ka nila. Kung titingnan mo ang ugat ng usaping ito, ito ay inorden ng Diyos. Isasantabi muna natin ang paksang ito sa ngayon, dahil madaling maunawaan ng mga tao ang usaping ito. Mula sa iyong perspektiba, wala sa kontrol mo na ipinanganak ka ng iyong mga magulang, wala kang anumang pagpipilian sa usaping ito. Mula sa perspektiba ng iyong mga magulang, kusang-loob ka nilang ipinanganak, hindi ba? Sa madaling salita, kung isasantabi ang pag-orden ng Diyos, pagdating sa usapin ng pagsilang sa iyo, nasa iyong mga magulang ang lahat ng kapangyarihan. Pinili nilang ipanganak ka, at sila ang may kontrol sa lahat. Hindi mo piniling ipanganak ka nila, wala kang kontrol nang isilang ka nila, at wala kang magagawa sa bagay na iyon. Kaya, sapagkat nasa mga magulang mo ang lahat ng kapangyarihan, at pinili nilang ipanganak ka, mayroon silang obligasyon at responsabilidad na itaguyod ka, palakihin hanggang sa hustong gulang, tustusan ka ng edukasyon, pagkain, mga damit, at pera—ito ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at ito ang dapat nilang gawin. Samantala, palagi kang pasibo sa panahong pinalalaki ka nila, wala kang karapatang mamili—kinailangang palakihin ka nila. Dahil bata ka pa noon, wala kang kapasidad na palakihin ang iyong sarili, wala kang magagawa kundi maging pasibong pinalalaki ka ng iyong mga magulang. Pinalaki ka sa paraang pinili ng iyong mga magulang, kung binibigyan ka nila ng masasarap na pagkain at inumin, kung gayon ay kumakain ka at umiinom ng masasarap na pagkain at inumin. Kung binibigyan ka ng iyong mga magulang ng kapaligiran sa pamumuhay kung saan nabubuhay ka sa ipa at sa mga ligaw na halaman, kung gayon, nabubuhay ka sa ipa at sa mga ligaw na halaman. Sa alinmang paraan, noong pinalalaki ka nila, ikaw ay pasibo, at ginagampanan ng mga magulang mo ang kanilang responsabilidad. Katulad ito ng pag-aalaga ng iyong mga magulang sa isang bulaklak. Dahil gusto nilang alagaan ang isang bulaklak, dapat nila itong lagyan ng pataba, diligan, at tiyaking nasisikatan ito ng araw. Kaya naman, patungkol sa mga tao, hindi mahalaga kung metikuloso kang inalagaan ng iyong mga magulang o inaruga ka nila nang mabuti, sa alinmang paraan, ginagampanan lang nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Anuman ang dahilan kung bakit ka nila pinalaki, responsabilidad nila ito—dahil ipinanganak ka nila, dapat silang maging responsable sa iyo. Batay rito, maituturing bang kabutihan ang lahat ng ginawa ng iyong mga magulang para sa iyo? Hindi maaari, hindi ba? (Tama.) Ang pagtupad ng iyong mga magulang sa kanilang responsabilidad sa iyo ay hindi maituturing na kabutihan, kaya kung tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa isang bulaklak o sa isang halaman, dinidiligan at pinatataba ito, maituturing ba iyon na kabutihan? (Hindi.) Higit pa ngang malayo iyon sa pagiging mabuti. Ang mga bulaklak at halaman ay mas tumutubo nang maayos kapag nasa labas—kung ang mga ito ay itinatanim sa lupa, nang may hangin, araw, at ulan, lumalago ang mga ito. Hindi tumutubo ang mga ito nang maayos kapag itinanim sa isang paso sa loob ng bahay, hindi tulad ng pagtubo ng mga ito sa labas, ngunit saan man naroroon ang mga ito, nabubuhay ang mga ito, tama ba? Nasaan man ang mga ito, inorden ito ng Diyos. Ikaw ay isang buhay na tao, at inaako ng Diyos ang responsabilidad sa bawat buhay, tinutulutan itong mabuhay, at sumunod sa batas na sinusunod ng lahat ng nilikha. Ngunit bilang isang tao, namumuhay ka sa kapaligiran kung saan ka pinalaki ng iyong mga magulang, kaya dapat kang lumaki at umiral sa kapaligirang iyon. Sa mas malaking antas, ang pamumuhay mo sa kapaligirang iyon ay dahil sa pag-orden ng Diyos; sa mas maliit na antas, ito ay dahil sa pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang, tama? Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan. Kung hindi ito matatawag na kabutihan, hindi ba’t isa itong bagay na dapat mong matamasa? (Ganoon na nga.) Ito ay isang uri ng karapatan na dapat mong matamasa. Dapat kang palakihin ng iyong mga magulang, dahil bago ka umabot sa hustong gulang, ang papel na ginagampanan mo ay ang pagiging isang anak na pinalalaki. Samakatwid, tinutupad lang ng iyong mga magulang ang responsabilidad nila sa iyo at tinatanggap mo lang ito, ngunit tiyak na hindi nito ibig sabihin na tumatanggap ka ng biyaya o kabutihan mula sa kanila. Para sa anumang buhay na nilalang, ang pagbubuntis at pag-aalaga sa mga supling, pag-aanak, at pagpapalaki sa susunod na henerasyon ay isang uri ng responsabilidad. Halimbawa, ang mga ibon, baka, tupa, at maging ang mga tigre ay kailangang mag-alaga sa kanilang mga supling pagkatapos nilang manganak. Walang buhay na nilalang na hindi nagpapalaki ng kanilang mga supling. Posibleng mayroong ilang eksepsiyon, ngunit hindi ganoon karami. Ito ay isang likas na penomena sa pag-iral ng mga buhay na nilalang, ito ay isang likas na gawi ng mga buhay na nilalang, at hindi ito maiuugnay sa kabutihan. Sumusunod lamang sila sa batas na itinakda ng Lumikha para sa mga hayop at sangkatauhan. Samakatwid, ang pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang ay hindi isang kabutihan. Batay rito, masasabi na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa iyo. Gaano man kalaki ang pagsisikap at perang ginugugol nila sa iyo, hindi nila dapat hilingin sa iyo na suklian sila, dahil ito ang kanilang responsabilidad bilang mga magulang. Dahil ito ay isang responsabilidad at isang obligasyon, dapat na libre ito, at hindi sila dapat humingi ng kabayaran” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na responsabilidad at obligasyon nila na palakihin ako matapos nila akong ipanganak, at hindi ito maituturing na kabaitan. Hindi ko naunawaan ang katotohanan at itinuturing kong kabaitan ang pag-aalaga at pagpapalaki ng aking mga magulang, iniisip na napakarami nilang naibigay para sa akin at naging mabait sila sa akin, kaya dapat kong suklian ang kabaitan nila. Noong may sakit ang mga magulang ko, hindi ako umuwi para alagaan sila, at nang pumanaw sila, hindi ko man lang sila nakita sa huling pagkakataon. Nakaramdam ako ng labis na pagkakautang sa mga magulang ko, pero pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pagpapalaki sa mga anak hanggang sa hustong gulang ay nararapat lang gawin ng mga magulang. Responsabilidad nila ito. Katulad na lang ng isang taong nag-aalaga ng isang halaman sa paso na may responsabilidad na diligan at lagyan ito ng pataba, hindi ito itinuturing na kabaitan. Ang kabutihan ng mga magulang ko at ang lahat ng ginawa nila para sa akin ay nagmula sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, at dapat ko itong tanggapin bilang mula sa Diyos. Wala akong anumang pagkakautang sa mga magulang ko, hindi ko rin kailangan suklian o bayaran ang anumang bagay. Matapos kong maunawaan ito, medyo nabawasan ang kirot sa puso ko.
Tungkol sa kung paano tingnan ang mga magulang ko, nakahanap ako ng landas sa mga salita ng Diyos. Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang—ibig sabihin, hindi mo kailangang palaging pag-isipan kung paano mo sila dapat suklian dahil lang sa napakahaba ng panahong iginugol nila sa pagpapalaki sa iyo. Kung hindi mo sila masusuklian, kung wala sa iyo ang pagkakataon o mga angkop na sitwasyon para masuklian sila, palagi kang malulungkot at makokonsensiya, hanggang sa punto na malulungkot ka pa sa tuwing nakakakita ka ng isang tao na kasama, inaalagaan ang kanilang mga magulang, o gumagawa ng mga bagay na nagpapakita ng pagiging isang mabuting anak sa kanilang mga magulang. Inorden ng Diyos na palakihin ka ng iyong mga magulang, binibigyan ka ng kakayahang umabot sa hustong gulang, hindi para gugulin mo ang iyong buhay sa pagsukli sa kanila. Mayroon kang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin sa buhay na ito, isang landas na dapat mong tahakin, at mayroon kang sariling buhay. Sa buhay na ito, hindi mo dapat ibuhos ang lahat ng iyong lakas sa pagsukli sa kabutihan ng iyong mga magulang. Isa lang itong bagay na kasama mo sa iyong buhay at sa iyong landas sa buhay. Kung ang pagkatao at mga emosyonal na ugnayan ang pag-uusapan, ito ay isang bagay na hindi maiiwasan. Ngunit tungkol sa kung anong uri ng ugnayan ang nakatadhana para sa iyo at sa iyong mga magulang, kung magagawa man ninyong mamuhay nang magkasama habambuhay, o kung paghihiwalayin kayo, at hindi pag-uugnayin ng kapalaran, nakasalalay ito sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos na magiging nasa magkaibang lugar kayo ng iyong mga magulang sa buhay na ito, na magiging napakalayo mo sa kanila, at hindi sila madalas na makakasama, kung gayon, ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa kanila ay isang uri lamang ng pananabik para sa iyo. Kung isinaayos ng Diyos na manirahan ka nang napakalapit sa iyong mga magulang sa buhay na ito, at na magagawa mong manatili sa tabi nila, kung gayon, ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, at ang pagpapakita sa kanila ng pagkamabuting anak ay mga bagay na dapat mong gawin sa buhay na ito—walang anumang bagay na mapupuna tungkol dito. Ngunit kung iba ang lugar mo sa iyong mga magulang, at wala sa iyo ang pagkakataon o mga sitwasyon para ipakita sa kanila ang pagkamabuting anak, kung gayon, hindi mo ito kailangang ituring bilang isang kahiya-hiyang bagay. Hindi ka dapat mahiya na harapin ang iyong mga magulang dahil hindi mo magawang ipakita sa kanila ang pagkamabuting anak, sadyang hindi lang ito pinahihintulutan ng iyong sitwasyon. Bilang anak, dapat mong maunawaan na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Kung ang iniintindi mo lang ay ang pagsukli sa kabaitan ng mga magulang mo, makakahadlang ito sa maraming tungkuling nararapat mong gawin. Maraming bagay ang dapat mong gawin sa buhay mo, at ang mga tungkuling ito na nararapat mong gawin ay mga bagay na dapat gawin ng isang nilikha, at ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha, at walang kinalaman ang mga ito sa pagsukli mo sa kabutihan ng iyong mga magulang. Ang pagpapakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, pagsukli sa kanila, pagpapakita sa kanila ng kabutihan—ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa iyong misyon sa buhay. Masasabi rin na hindi mo kinakailangang magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, na suklian sila, o tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa kanila. Sa madaling salita, maaari mong gawin ito nang kaunti at gampanan nang kaunti ang iyong mga responsabilidad kapag pinahihintulutan ng iyong sitwasyon; kapag hindi, hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo na gawin ito. Kung hindi mo kayang tuparin ang responsabilidad mo para magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, hindi ito isang kahindik-hindik na pagkakamali, medyo lumalabag lang ito sa iyong konsensiya at katarungang moral, at ikaw ay hindi sasang-ayunan ng ilang tao—iyon lang. Pero kahit papaano, hindi ito salungat sa katotohanan. Kung ito ay alang-alang sa paggawa ng tungkulin mo at pagsunod sa kalooban ng Diyos, sasang-ayunan ka pa nga ng Diyos. Samakatwid, tungkol sa pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang, hangga’t nauunawaan mo ang katotohanan at nauunawaan ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, kahit na hindi ka tinutulutan ng mga kondisyon mo na maging mabuting anak sa iyong mga magulang, hindi makakaramdam ng pang-uusig ang konsensiya mo. Hindi ba’t napapanatag ang puso ninyo ngayong naunawaan na ninyo ang aspektong ito ng katotohanan? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi ko pinagkakautangan ang mga magulang ko. Ang paunang pagtatakda ng Diyos para ipanganak ako sa mga huling araw ay hindi para suklian ko ang aking mga magulang o maging mabuting anak sa kanila, kundi para tuparin ang misyon na dapat kong tapusin, iyon ay ang gawin ang tungkulin ng isang nilikha, dahil ito ang dapat kong gawin bilang tao. Ang pagiging mabuting anak ay dapat nakabatay sa sariling mga kondisyon. Kung hindi nito maaantala ang tungkulin, maaaring bisitahin ng isang tao ang kanyang mga magulang para tuparin ang mga responsabilidad ng isang anak. Pero kung, habang ginagawa ang kanyang tungkulin ay wala siyang pagkakataon na makasama sa tabi niya ang kanyang mga magulang para alagaan ang mga ito, hindi niya kailangang makaramdam ng pagkakautang o pagkakonsensiya. Sa mga kritikal na sandali, dapat bigyang-prayoridad ang mga tungkulin. Lalong naging malinaw ito pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng atas ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi para sa atas ng Diyos at sa makatarungang kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa ay hindi magiging karapat-dapat sa harap niyong mga naging martir para sa atas ng Diyos, at lalong mas mahihiya sa harap ng Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay ng tao. Ang buhay ko ay ibinigay ng Diyos at ang pagiging buhay ko ngayon ay dahil din sa pag-aalaga at proteksiyon ng Diyos. Ang paggawa ng tungkulin ng isang nilikha ngayon ay responsabilidad at obligasyon ko. Sa pagkaunawa kong ito, nakikita ko na nang tama ang pagpanaw ng aking mga magulang.
Bagaman naiisip ko pa rin paminsan-minsan ang mga magulang ko, hindi na ako napipigilan nito at nagagawa ko nang tumuon sa aking mga tungkulin. Ang mga salita ng Diyos ang gumabay sa akin para maunawaan kung paano tingnan nang tama ang pagpanaw ng aking mga magulang, at matutunan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa kung paano tingnan ang aking mga magulang. Nakabangon na ako mula sa aking pasakit. Nagpapasalamat ako sa pagliligtas ng Diyos!