82. Kung Paano ko Nalagpasan ang Pagdadalamhati sa Pagkamatay ng Nanay ko

Ni Zihan, Tsina

Noong Hunyo 2019, pumunta ako sa ibang rehiyon para gawin ang mga tungkulin ko. Hindi ako umuwi sa bahay nang mahigit isang taon, kaya kami ng nanay ko ay isinuplong ng asawa kong walang pananampalataya. Para maiwasang mahuli ng mga pulis, hindi ako nangahas na bumalik sa bahay mula noon, ni nangahas na bumisita sa nanay ko. Madalas ko siyang naiisip, “Tumatanda na ang nanay ko, maagang namatay ang tatay ko, at walang mga kamag-anak ang nanay ko na mag-aalaga sa kanya. Ngayong isinuplong siya ng asawa ko, hindi siya nangangahas na makisalamuha sa mga kapatid. Hindi ko alam kung kumusta ang kalagayan niya o kung kumusta na siya ngayon.” Nagtrabaho nang husto ang nanay ko para palakihin ako, at ngayong matanda na siya at kailangan niya ng isang taong mag-aalaga sa kanya, bukod sa hindi ako makapunta sa tabi niya para isakatuparan ang tungkulin ko bilang anak, nadamay ko pa siya at dahil sa akin ay namumuhay siya sa takot. Sa tuwing naiisip ko ito, talagang nababagabag ako at pakiramdam ko ay may pagkakautang ako sa nanay ko, at inaasam ko ang araw na makakabalik ako para bisitahin siya at isakatuparan ang mga responsabilidad ko bilang anak niya. Pero natatakot akong mahuli ng mga pulis kung babalik ako sa bahay, at naging abala ako sa paggawa ng mga tungkulin ko, kaya hindi ako nakauwi sa bahay para makita siya.

Noong Hulyo 2023, sa isang pagtitipon, nalaman ko mula sa isang sister na nagkaroon ng demensiya ang nanay ko, at na hindi na niya kayang alagaan ang sarili niya at nakatira na siya ngayon sa isang nursing home. Halos hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Paanoong nagkaroon ng demensiya ang nanay ko? Hindi niya kayang alagaan ang sarili niya, at wala siyang kasamang mga kamag-anak na mag-aalaga sa kanya. Ni hindi ko lubos maisip kung gaano siya katinding nagdurusa! Pinigilan ko ang mga emosyon ko sa pagtitipon. Kalaunan, nang matahimik na ako noong gabi, naisip ko, “Paanong nagkaroon ng demensiya ang nanay ko? Kung nagkaroon siya ng ibang karamdaman, kahit papaano ay magiging malinaw ang isip niya, at sa karamdaman niya, makakapagnilay siya, mauunawaan ang sarili niya, at matututo ng mga aral, at marahil ay gagaling ang karamdaman niya. Pero ngayong hindi na siya nakakapag-isip nang normal, paano pa magkakaroon ng anumang pag-asang maligtas siya?” Pakiramdam ko rin na ang demensiya ng nanay ko ay dahil isinuplong kami ng asawa ko. Inilayo siya nito sa mga pagtitipon at sa mga tungkulin niya, at kinailangan din niya akong alalahanin. Puwedeng naapektuhan nito ang isip niya. Kung nagawa ko lang sana ang mga tungkulin ko sa bayan ko, naalagaan ko sana siya at napagbahaginan ng mga salita ng Diyos at nasuportahan, at marahil ay hindi sana siya nagkaroon ng karamdamang ito. Sa oras na ito kung kailan pinakakailangan ng nanay ko ang pag-aalaga ko, hindi ko siya masamahan. Ano ang punto ng pagpapalaki niya sa isang anak na katulad ko? Pakiramdam ko ay malaki ang utang na loob ko sa nanay ko. Wala akong motibasyong gawin ang mga tungkulin ko at pinagsisihan ko pa nga ang pagpunta sa ibang rehiyon para gawin ang mga ito.

Nang malaman ng superbisor ang kalagayan ko, binasahan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hindi mo kailangang labis na suriin o siyasatin ang usapin ng pagkakaroon ng malubhang sakit ng iyong mga magulang o ang pagdanas nila ng malaking kasawian, at lalong hindi mo ito dapat paglaanan ng lakas—walang silbi na gawin ito. Ang pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, pagkamatay, at pagharap sa iba’t ibang malaki at maliit na bagay sa buhay ng mga tao ay mga napakanormal na pangyayari. Kung nasa hustong gulang ka na, dapat kang magkaroon ng mature na pag-iisip, at dapat mong harapin ang bagay na ito nang mahinahon at tama: ‘May sakit ang mga magulang ko. Sinasabi ng ilang tao na iyon ay dahil masyado silang nangulila sa akin, possible ba iyon? Totoong nangulila sila sa akin—paanong hindi mangungulila ang isang tao sa sarili niyang anak? Nangulila rin ako sa kanila, kaya bakit hindi ako nagkasakit?’ May tao bang nagkakasakit dahil nangungulila siya sa kanyang mga anak? Hindi iyon ganoon. Kung gayon, ano ang nangyayari kapag nahaharap ang iyong mga magulang sa mahahalagang usaping ito? Masasabi lamang na pinangasiwaan ng Diyos ang ganitong uri ng bagay sa kanilang buhay. Ito ay pinangasiwaan ng kamay ng Diyos—hindi ka maaaring tumuon sa mga obhektibong dahilan at mga sanhi—nakatakda talaga na mahaharap ang iyong mga magulang sa bagay na ito kapag umabot na sila sa ganitong edad, nakatakda nang matatamaan sila ng sakit na ito. Naiwasan kaya nila ito kung nandoon ka? Kung hindi isinaayos ng Diyos na magkasakit sila bilang parte ng kanilang kapalaran, walang mangyayari sa kanila, kahit na hindi ka nila nakasama. Kung nakatadhana silang maharap sa ganitong uri ng malaking kasawian sa kanilang buhay, ano ang maaaring naging epekto mo kung nandoon ka sa tabi nila? Hindi pa rin naman nila ito maiiwasan, hindi ba? (Tama.) Isipin mo iyong mga taong hindi nananampalataya sa Diyos—hindi ba’t magkakasama ang kanilang mga pamilya, taon-taon? Kapag nahaharap sa malaking kasawian ang mga magulang na iyon, kasama nila ang lahat ng miyembro ng kanilang pamilya, mga kamag-anak, at ang kanilang mga anak, tama ba? Kapag nagkasakit ang mga magulang, o kapag lumala ang kanilang mga karamdaman, dahil ba ito sa iniwan sila ng kanilang mga anak? Hindi iyon ang kaso, ito ay nakatadhanang mangyari. Kaya lang, bilang anak nila, dahil may ugnayan kayo ng iyong mga magulang bilang magkadugo, mababalisa ka kapag nabalitaan mong may sakit sila, samantalang ang ibang tao ay walang anumang mararamdaman. Normal na normal lang ito. Gayunpaman, ang pagdanas ng iyong mga magulang ng ganitong uri ng malaking kasawian ay hindi nangangahulugan na kailangan mong magsuri o magsiyasat, o pag-isipan kung paano ito alisin o lutasin. Ang mga magulang mo ay nasa hustong gulang na; ilang beses na nilang naranasan ang ganito sa lipunan. Kung nagsasaayos ang Diyos ng isang kapaligiran upang alisin sa kanila ang bagay na ito, kung gayon, sa malao’t madali, ito ay ganap na maglalaho. Kung ang bagay na ito ay isang pagsubok sa buhay para sa kanila, at dapat nilang maranasan ito, kung gayon, ang Diyos na ang bahala kung hanggang kailan nila ito dapat maranasan. Isa itong bagay na dapat nilang maranasan, at hindi nila ito maiiwasan. Kung nais mong mag-isang lutasin ang bagay na ito, suriin at siyasatin ang pinagmulan, mga sanhi, at mga kahihinatnan ng bagay na ito, iyan ay isang kahangalan. Wala itong silbi, at ito ay kalabisan lang(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawan ko na ang kapanganakan, pagtanda, karamdaman, at kamatayan ng mga tao ay mga kautusang itinalaga ng Diyos. Ang mga paghihirap at pagdurusang dapat pagdaanan ng isang tao sa buhay ay pawang pauna nang itinakda ng Diyos, at hindi ko dapat suriin o pag-aralan ang mga bagay na ito mula sa pananaw ng tao. Ang dapat kong gawin ay tanggapin ang mga ito mula sa Diyos at matutuhang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos Niya. Nagkaroon ng demensiya ang nanay ko, at ito ang pagdurusang dapat niyang tiisin, may kaugnayan ito sa sarili niyang kapalaran, at hindi ito idinulot ng pag-aalala niya sa akin o ng pagkawala ko sa tabi niya para alagaan siya. Pero mali kong inisip na kung nandoon ako para alagaan at tulungan siya sa buhay pagpasok niya, hindi siya magkakaroon ng karamdamang ito. Isa itong maling pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at isang baluktot na kaisipan. Naisip ko ang mga magulang sa mundong ito, ang ilan sa kanila ay nasa tabi ang mga anak nila para samahan at alagaan sila. Humahantong pa rin sila sa pagdanas ng mga karamdamang dumarating sa kanila at namamatay sa nakatakdang panahon nila. Hindi sila nakakalagpas sa matinding pagdurusa dahil nasa tabi nila ang mga anak nila para alagaan sila. Ang karamdaman ng nanay ko at ang kalubhaan nito ay pawang naitakda na ng Diyos. Maaalagaan ko lang siya nang kaunti kung umuwi ako, pero hindi ko maiibsan ang pagdurusa niya. Kailangan kong magpasakop sa Diyos at ipagkatiwala sa Diyos ang karamdaman ng nanay ko, tulutan Siyang patnugutan at isaayos ang lahat ng bagay, at isapuso ang mga tungkulin ko.

Noong Enero 2024, bigla kong nalamang namatay na ang nanay ko dahil sa karamdaman niya isang buwan na ang nakakaraan. Labis akong nagulat sa balitang ito. Kailanman ay hindi ko inasahang napakabilis na mamamatay ang nanay ko. Sa nagdaang ilang taong ito, umaasa akong magkakaroon ng pagkakataong makabalik ako at makita ang nanay ko, pero bago ko pa matupad ang tungkulin ko bilang anak, nilisan na niya ang mundong ito magpakailanman. Wala na akong pagkakataong maging mabuting anak sa kanya. Talagang nabagabag ako at nahirapang pigilan ang mga luha ko. Paulit-ulit akong tumatawag sa Diyos, hinihingi sa Kanyang pigilan akong magreklamo laban sa Kanya o magkamali ng pagkaunawa sa Kanya. Tulala akong nakaupo sa harap ng computer ko nang buong maghapon, walang ganang gawin ang mga tungkulin ko. Naisip ko kung paanong hindi ko naalagaan ang nanay ko sa karamdaman niya at kung paanong ni hindi ko siya nakita sa huling pagkakataon bago siya namatay, at nakadama ako ng matinding pagkakonsensiya at pagkakautang. Alam kong pupunahin ako ng mga kamag-anak at kakilala ko dahil sa kawalan ng konsensiya at tatawagin nila akong walang utang na loob at hindi mabuting anak. Sa sumunod na ilang araw, kahit na ginagawa ko ang mga tungkulin ko, napakatamlay ko. Napuno ang isip ko ng mga imahe ng nanay ko na nagdurusa sa karamdaman, at naisip ko kung paanong malamang ay inaasam niyang umuwi ako para makita siya sa huling pagkakataon bago siya mamatay. Habang mas iniisip ko ito, lalo kong nararamdamang may pagkakautang ako sa nanay ko, at hindi ko mapigilang lumuha. Ginugol ko ang ilang araw na iyon na ganap na tulala. Kalaunan, napagtanto kong mapanganib na magpatuloy nang ganito, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihingi sa Diyos na akayin akong makawala sa mga gapos ng pagmamahal ko at hindi ako magulo. Nakahanap ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na labis na nakatulong sa akin. Sabi ng Diyos: “Ang pagkakasakit ng iyong mga magulang ay isang malaking dagok na para sa iyo, kaya’t ang pagpanaw ng iyong mga magulang ay magiging mas higit na malaking dagok. Kung gayon, bago pa ito mangyari, paano mo dapat lutasin ang hindi inaasahang dagok na idinudulot nito sa iyo, upang hindi ito makaapekto o makasagabal sa paggampan mo sa iyong tungkulin o sa landas na iyong tinatahak? Una, tingnan natin kung tungkol saan nga ba ang kamatayan, at kung tungkol saan ang pagpanaw—hindi ba’t ibig sabihin nito ay lilisan na ang isang tao sa mundong ito? (Oo.) Nangangahulugan ito na ang buhay na taglay ng isang tao, na mayroong pisikal na presensiya, ay hiwalay sa materyal na mundo na nakikita ng mga tao, at naglalaho ito. Ang taong iyon ay nagpapatuloy na mabuhay sa ibang mundo, nang may ibang anyo. Ang paglisan ng buhay ng iyong mga magulang ay nangangahulugan na ang relasyon mo sa kanila sa mundong ito ay natunaw, naglaho, at nagwakas na. Nabubuhay na sila sa ibang mundo, nang may ibang anyo. Kung ano ang magiging takbo ng kanilang buhay sa kabilang mundo, kung babalik man sila sa mundong ito, muli kang makakatagpo, o magkakaroon ng anumang uri ng ugnayan sa laman o emosyonal na koneksiyon sa iyo, ito ay inorden ng Diyos, at wala itong kinalaman sa iyo. Sa kabuuan, ang pagpanaw nila ay nangangahulugan na ang kanilang mga misyon sa mundong ito ay tapos na, at ganap na itong nagwakas. Ang kanilang mga misyon sa buhay na ito at sa mundong ito ay natapos na, kaya ang relasyon mo sa kanila ay natapos na rin. … Ang pagpanaw ng iyong mga magulang ay ang magiging huling balitang maririnig mo tungkol sa kanila sa mundong ito, at ang mga huling yugtong makikita o maririnig mo tungkol sa kanilang mga karanasan ng pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay sa buhay nila, iyon na ang lahat. Ang pagkamatay nila ay walang kukunin o ibibigay na anuman sa iyo, sila ay simpleng mamamatay, ang kanilang mga paglalakbay bilang tao ay matatapos na. Kaya, pagdating sa kanilang pagpanaw, hindi mahalaga kung ito ay aksidenteng pagkamatay, normal na pagkamatay, pagkamatay dahil sa sakit, at iba pa, sa ano’t anuman, kung hindi dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, walang tao o puwersa ang maaaring bumawi sa buhay nila. Ang kanilang pagpanaw ay nangangahulugan lamang ng katapusan ng kanilang pisikal na buhay. Kung nangungulila at nananabik ka sa kanila, o nahihiya ka sa iyong sarili dahil sa iyong mga damdamin, hindi mo dapat maramdaman ang alinman sa mga bagay na ito, at hindi kinakailangang maramdaman mo ang mga ito. Nilisan na nila ang mundong ito, kaya ang mangulila sa kanila ay hindi na kinakailangan, hindi ba? Kung iniisip mo na: ‘Nangulila ba sa akin ang mga magulang ko sa lahat ng taong iyon? Gaano pa ba sila nagdusa dahil wala ako sa kanilang tabi para magpakita ng pagiging mabuting anak sa kanila sa loob ng napakaraming taon? Sa lahat ng taong ito, palagi kong ninanais na sana ay makasama ko sila nang ilang araw, hindi ko akalain na napakaaga nilang mamamatay. Nalulungkot at nakokonsensiya ako.’ Hindi mo kinakailangang mag-isip nang ganito, walang kinalaman sa iyo ang kanilang pagkamatay. Bakit walang kinalaman sa iyo ang mga ito? Dahil, kahit na ipinakita mo sa kanila ang pagiging mabuting anak o sinamahan mo sila, hindi ito ang obligasyon o gampanin na ibinigay sa iyo ng Diyos. Inorden na ng Diyos kung gaano kaganda ang kapalaran at kung gaano karami ang pagdurusa na mararanasan ng iyong mga magulang mula sa iyo—wala itong anumang kinalaman sa iyo. Hindi sila mabubuhay nang mas matagal dahil lang sa kasama mo sila, at hindi sila mabubuhay nang mas maikli dahil lang sa malayo ka sa kanila at hindi mo sila madalas na nakakasama. Inorden na ng Diyos kung gaano katagal sila mabubuhay, at wala itong kinalaman sa iyo. Kaya, kung mabalitaan mo na pumanaw na ang iyong mga magulang habang ikaw ay buhay pa, hindi mo kailangang makonsensiya. Dapat mong harapin ang bagay na ito sa tamang paraan at tanggapin ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos: Ang kapanganakan, pagtanda, karamdaman, at kamatayan ng mga tao ay pawang itinalaga ng Diyos. Gaano man katanda ang isang tao o paano man siya namatay, isa man itong normal na pagkamatay o isang aksidenteng pagkamatay, ang mga bagay na ito ay pawang pauna nang itinakda na ng Diyos, at walang sinumang makakapagpabago nito. Ang paraan ng pagkamatay ng nanay ko ay bahagi rin ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, na pauna nang itinakda na ng Diyos bago pa man siya ipinanganak, at ngayong dumating na ang oras niya, natural na kailangan na niyang lumisan. Kahit na nasa tabi niya ako na nag-aalaga sa kanya, hindi ko siya mapapanatiling buhay. Naalala ko na noong may karamdaman ang tatay ko, dinala ko siya sa ospital para ipagamot at nanatili ako sa tabi niya, inaalagaan siya nang mabuti sa loob ng ilang buwan, pero hindi ko maibsan ang pagdurusa niya, at sa huli, namatay pa rin siya dahil sa karamdaman niya. Ang kapanganakan, pagtanda, karamdaman, at kamatayan ng mga tao ay pawang pauna nang itinakda ng Diyos. Hindi ko maiibsan ang pagdurusa ng mga magulang ko, ni mapapahaba ang mga buhay nila, kaya kailangan kong magpanatili ng isang makatwirang saloobin at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Naisip ko rin kung paanong may iba’t ibang karamdaman na ang nanay ko bago niya matagpuan ang Diyos. Sinabi ng lahat ng doktor na hindi na siya mabubuhay nang matagal, pero mula nang matagpuan niya ang Diyos, bumuti ang iba’t ibang karamdaman niya. Isa nang biyaya at pagpapala mula sa Diyos na nabuhay ang nanay ko nang lampas sa pitumpung taong gulang. Nang mapagtanto ko ito, medyo gumaan ang loob ko, hindi ko na masyadong sinisisi ang sarili ko at hindi na ako masyadong nakokonsensiya tungkol sa pagkamatay ng nanay ko.

Pagkatapos ay nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “May kasabihan sa mundo ng mga walang pananampalataya: ‘Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina.’ Nariyan din ang kasabihang ito: ‘Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop.’ Napakaganda pakinggan ng mga kasabihang ito! Sa totoo lang, ang penomena na binabanggit ng unang kasabihang, sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina, ay talagang umiiral, at ang mga ito ay katunayan. Gayunpaman, ang mga ito ay penomena lamang sa loob ng mundo ng hayop. Ang mga ito ay isang uri lang ng batas na itinatag ng Diyos para sa iba’t ibang buhay na nilalang, na sinusunod ng lahat ng uri ng buhay na nilalang, kabilang na ang mga tao. Ang katunayan na ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay sumusunod sa batas na ito ay higit na nagpapakita na ang lahat ng buhay na nilalang ay nilikha ng Diyos. Walang buhay na nilalang ang maaaring lumabag sa batas na ito, at walang buhay na nilalang ang makakalampas dito. Kahit na ang mga medyo mabangis na karniboro tulad ng mga leon at tigre ay nag-aalaga sa kanilang mga supling at hindi nila kinakagat ang mga ito bago umabot sa hustong gulang ang mga ito. Ito ay likas na gawi ng isang hayop. Anuman ang kanilang species, sila man ay mabangis o mabait at maamo, lahat ng hayop ay nagtataglay ng ganitong likas na gawi. Ang lahat ng uri ng nilalang, kabilang ang mga tao, ay maaari lamang magpatuloy na dumami at mabuhay sa pamamagitan ng pagsunod sa likas na gawi at batas na ito. Kung hindi sila sumusunod sa batas na ito, o wala silang ganitong batas at likas na gawi, hindi sila makapagpaparami at mabubuhay. Hindi iiral ang biological chain, at gayundin ang mundong ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina ay tumpak na nagpapakita na ang mundo ng hayop ay sumusunod sa ganitong uri ng batas. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay may ganitong likas na gawi. Sa sandaling maipanganak ang mga supling, sila ay inaalagaan at tinutustusan ng mga babae o lalaki ng species na iyon hanggang sa umabot sila sa hustong gulang. Kayang gampanan ng lahat ng uri ng buhay na nilalang ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa kanilang mga supling, matapat at masigasig na pinapalaki ang susunod na henerasyon. Mas lalong totoo ito pagdating sa mga tao. Ang mga tao ay tinatawag ng sangkatauhan bilang mas matataas na antas ng hayop—kung hindi nila masusunod ang batas na ito, at wala sila ng likas na gawing ito, kung gayon, ang mga tao ay mas mababa kaysa sa mga hayop, hindi ba? Samakatuwid, gaano ka man tinutustusan ng iyong mga magulang habang pinapalaki ka nila, at gaano man nila ginagampanan ang kanilang responsabilidad sa iyo, ginagawa lang nila ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng mga kakayahan ng isang nilikhang tao—likas na gawi nila ito. … Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang at hayop ay nagtataglay ng mga likas na gawi at batas na ito, at sinusunod nila ang mga ito nang mabuti, ganap na isinasakatuparan ang mga ito. Ito ay isang bagay na hindi kayang sirain ninuman. Mayroon ding ilang espesyal na hayop, tulad ng mga tigre at leon. Kapag nasa hustong gulang na ang mga hayop na ito, iniiwan nila ang kanilang mga magulang, at ang ilang lalaki ay nagiging magkaribal pa nga, nangangagat, nakikipaglaban, at nakikipagtunggali kung kinakailangan. Normal lang ito, ito ay isang batas. Hindi sila napapamunuan ng kanilang mga damdamin, at hindi sila namumuhay ayon sa kanilang mga damdamin gaya ng mga tao, nagsasabing: ‘Kailangan kong suklian ang kabutihan nila, kailangan kong bumawi sa kanila—kailangan kong sundin ang aking mga magulang. Kung hindi ako magiging mabuting anak sa kanila, kokondenahin, kagagalitan ako ng ibang tao, at pupunahin nila ako habang nakatalikod ako. Hindi ko kakayanin iyon!’ Ang gayong mga bagay ay hindi sinasabi sa mundo ng hayop. Bakit sinasabi ng mga tao ang gayong mga bagay? Dahil sa lipunan at sa loob ng mga grupo ng mga tao, mayroong iba’t ibang maling ideya at karaniwang opinyon. Matapos maimpluwensyahan, masira, at mabulok ang mga tao sa mga bagay na ito, nagiging iba’t iba ang pagbibigay-kahulugan at pagharap nila sa relasyon ng magulang at anak, at sa huli ay tinatrato nila ang kanilang mga magulang bilang kanilang mga pinagkakautangan—mga pinagkakautangan na hinding-hindi nila mababayaran sa buong buhay nila. Mayroon pa ngang mga taong nakokonsensiya pagkatapos mamatay ang kanilang mga magulang, at iniisip nila na hindi sila karapatdapat sa kabutihan ng kanilang mga magulang, dahil sa isang bagay na ginawa nila na hindi nakapagpasaya sa kanilang mga magulang o hindi nagustuhan ng mga ito. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kalabisan ito? Ang mga tao ay nababalot ng mga damdamin sa kanilang buhay, kaya maaari lamang silang maapektuhan at mabagabag ng iba’t ibang ideyang nagmumula sa mga damdaming ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kaya masyado akong nasasaktan ay dahil naitanim sa akin ang mga tradisyonal na kultural na lasong tulad ng “Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop” at “Magpalaki ng mga anak para suportahan ka sa pagtanda.” Naniwala akong dahil nagtrabaho nang husto ang mga magulang ko para palakihin ako, tinustusan ang pagkain, pananamit, at pag-aaral ko, at dahil hindi ako nagkaroon ng pagkakataong suklian ang tatay ko para sa kabutihan niya sa pagpapalaki sa akin bago siya mamatay, at kung hindi ko masusuklian ang kabutihan ng nanay ko, talagang magiging ganap na kahiya-hiya ako, at mas mababa pa sa isang hayop. Itinuring ko ang mga tradisyonal na prinsipyong ito bilang mga positibong bagay at prinsipyo sa pamumuhay, hindi napagtatantong sa Diyos nanggaling ang buhay ko. Ipinanganak at pinalaki lang ako ng nanay ko, at tinutupad lang ng mga magulang ko ang mga responsabilidad at obligasyon nila sa lahat ng ginawa nila para sa akin, at hindi ito maituturing na kabutihan. Sa pagninilay-nilay, kung hindi dahil sa malasakit at proteksiyon ng Diyos habang lumalaki ako, hindi sana ako buhay ngayon. Noong bata ako, namangka ako kasama ang isang kaibigan, at tumaob ang bangka. Pareho kaming nahulog sa ilog at kamuntik nang malunod, pero mabuti na lang, may dalawang taong nasa hustong gulang na nagkataong nangingisda sa ilog at sinagip nila kami. Noong panahong iyon, akala ko ay sinuwerte lang ako, pero kalaunan, nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos at matuklasang araw at gabing binabantayan ng Diyos ang sangkatauhan, napagtanto kong sa katunayan ay malasakit at proteksiyon ito ng Diyos. Dagdag pa rito, ang pag-aalaga at pagpapalaki sa akin ng mga magulang ko ay pagtatalaga rin ng Diyos. Pero hindi ko pinasalamatan ang Diyos para sa malasakit at proteksiyon Niya ni ginawa nang maayos ang mga tungkulin ko. Sa halip, palagi kong nararamdamang may pagkakautang ako sa nanay ko dahil hindi ko siya naaalagaan, at naapektuhan pa nga nito ang mga tungkulin ko. Lalo na pagkatapos malaman ang pagkamatay ng nanay ko, lalo pa akong nakonsensiya at nagdusa dahil hindi ko siya naalagaan sa katandaan niya at hindi ako nakapagpaalam nang maayos sa kanya. Pinagsisihan ko pa na umalis ako sa bahay para gawin ang mga tungkulin ko. Hindi ba’t lubos na wala akong konsensiya? Naimpluwensiyahan at napinsala ako ng mga ideya ng tradisyonal na kultura, at talagang hindi ko nagawang mapag-iba ang tama sa mali!

Kalaunan, nakabasa ako ng dalawang sipi mula sa mga salita ng Diyos na nagturo sa akin kung paano tatratuhin ang mga magulang ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nakikitungo sa iyong mga magulang, tinutupad mo man ang iyong mga obligasyon bilang isang anak na alagaan sila, dapat ay ganap itong nakabatay sa iyong mga personal na kalagayan at sa mga pamamatnugot ng Diyos. Hindi ba’t lubos nitong naipaliliwanag ang usapin? Kapag iniiwanan ng ilang tao ang kanilang mga magulang, pakiramdam nila ay malaki ang utang na loob nila sa kanilang mga magulang at na wala silang ginagawa para sa mga ito. Ngunit kapag kasama naman nila ito sa bahay, hindi talaga sila mabubuting anak sa kanilang mga magulang, at hindi nila tinutupad ang alinman sa kanilang mga obligasyon. Isa ba itong tunay na mabuting anak? Pagsasabi ito ng mga walang kabuluhang salita. Anuman ang gawin, isipin, o planuhin mo, hindi mahalaga ang mga bagay na iyon. Ang mahalaga ay kung kaya mong unawain at tunay na paniwalaan na ang lahat ng nilikha ay nasa mga kamay ng Diyos. Taglay ng ilang magulang ang pagpapala at tadhanang makapagtamasa ng kaligayahan sa tahanan at ng saya ng isang malaki at masaganang pamilya. Kataas-taasang kapangyarihan ito ng Diyos, at isa itong pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa kanila. May ilang magulang na walang ganitong kapalaran; hindi ito isinaayos ng Diyos para sa kanila. Hindi sila pinagpalang matamasa ang pagkakaroon ng isang masayang pamilya, o matamasa ang pananatili ng kanilang mga anak sa piling nila. Pamamatnugot ito ng Diyos at hindi ito maipipilit ng mga tao. Anuman ang mangyari, sa huli, pagdating sa pagiging mabuting anak, kahit papaano ay dapat na magkaroon ang mga tao ng mentalidad ng pagpapasakop. Kung pinahihintulutan ng kapaligiran at may paraan ka upang gawin ito, maaari mong pakitaan ng pagiging mabuting anak ang iyong mga magulang. Kung hindi pinahihintulutan ng kapaligiran at wala kang paraan, huwag mong subukang ipilit ito—ano ang tawag dito? (Pagpapasakop.) Pagpapasakop ang tawag dito. Paano ba nagkakaroon ng ganitong pagpapasakop? Ano ba ang batayan ng pagpapasakop? Ito ay nakabatay sa lahat ng bagay na ito na isinasaayos ng Diyos at pinamamahalaan ng Diyos. Bagama’t maaaring naisin ng mga taong pumili, hindi nila magagawa iyon, wala silang karapatang pumili, at dapat silang magpasakop. Kapag nararamdaman mong dapat magpasakop ang mga tao at na ang lahat ng bagay ay pinamamatnugutan ng Diyos, hindi ba’t mas nagiging kalmado ang iyong puso? (Oo.) Kung gayon ay makararamdam pa rin ba ng pang-uusig ang iyong konsensiya? Hindi na ito palaging makararamdam ng pang-uusig, at hindi na mangingibabaw sa iyo ang ideya ng hindi pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang. Paminsan-minsan, maaari mo pa rin itong maisip dahil ang mga ito ay normal na kaisipan o likas na damdaming nakapaloob sa pagkatao, at walang sinumang makaiiwas sa mga ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). “Bilang anak, dapat mong maunawaan na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Maraming bagay ang dapat mong gawin sa buhay na ito, at lahat ito ay mga bagay na dapat gawin ng isang nilikha, na ipinagkatiwala sa iyo ng Panginoon ng paglikha, at walang kinalaman ang mga ito sa pagsukli mo sa kabutihan ng iyong mga magulang. Ang pagpapakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, pagsukli sa kanila, pagpapakita sa kanila ng kabutihan—ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa iyong misyon sa buhay. Masasabi rin na hindi mo kinakailangang magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, na suklian sila, o tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa kanila. Sa madaling salita, maaari mong gawin ito nang kaunti at gampanan nang kaunti ang iyong mga responsabilidad kapag pinahihintulutan ng iyong sitwasyon; kapag hindi, hindi mo kailangang piliting gawin ito. Kung hindi mo magagampanan ang iyong mga responsabilidad na magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, hindi ito isang masamang bagay, sumasalungat lang ito nang kaunti sa iyong konsensiya, moralidad ng tao, at mga kuru-kuro ng tao. Ngunit kahit papaano, hindi ito sumasalungat sa katotohanan, at hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil dito. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi uusigin ang iyong konsensiya sa bagay na ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Malinaw na ibinabalangkas ng mga salita ng Diyos ang paraan ng pagtrato sa mga magulang natin. Pangunahin itong nakadepende sa mga kondisyon at abilidad natin. Kung pinahihintulutan ng mga kondisyon at binibigyang-daan ng mga abilidad natin, puwede nating tuparin ang mga responsabilidad natin at maging mabuting anak tayo sa mga magulang natin, pero kung hindi binibigyang-daan ng mga sitwasyon, hindi na kailangang ipagpilitang gawin ito, at dapat tayong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang kawalan ko ng kakayahang alagaan ang nanay ko mula nang magkasakit siya hanggang sa mamatay siya ay hindi nangangahulugang matigas ang puso ko o wala akong utang na loob. Gusto ko namang maging mabuting anak sa nanay ko, pero dahil inuusig at tinutugis ako ng CCP dahil sa pananampalataya sa Diyos sa isang ateistikong bansa, hindi ako makauwi. Hindi ito nagpapakita ng kawalan ng konsensiya sa parte ko. Dagdag pa rito, may sarili akong misyon sa pananampalataya sa Diyos, ito ay ang gawin ang mga tungkulin ng isang nilikha. Kung sadyang hindi ko gagawin ang mga tungkulin ko dahil nakatuon lang ako sa pagiging mabuting anak sa nanay ko, mangangahulugan itong talagang wala akong konsensiya. Nang matukoy ko ito, hindi na ako inusig ng konsensiya ko, at nagawa ko nang pakalmahin ang puso ko sa mga tungkulin ko. Ang mga salita ng Diyos ang bumago sa mga nakalilinlang kong pananaw, nagbigay-daan sa aking tratuhin nang maayos ang pagkamatay ng nanay ko at makahanap ng kalayaan ang puso ko.

Sinundan:  81. Sa Likod ng Pag-iwas sa Tungkulin

Sumunod:  87. Ang Pagtupad sa Aking Tungkulin Ang Aking Misyon

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger