83. Mga Aral na Natutuhan sa Pagkilatis sa Isang Masamang Tao
Noong Hunyo 2022, inatasan ako ng lider na mangasiwa sa gawaing nakabatay sa teksto. Naalala ko ang isang pangkat na palaging may hindi magagandang resulta sa kanilang gawain. Mula sa kalagayang isinulat ni Xiao Li, isang manggagawa ng gawaing nakabatay sa teksto, nakita ko na labis siyang nakatuon sa reputasyon at katayuan. Sa tuwing may tinatanong siya, kailangang sumagot agad ang mga kapatid sa grupo, kung hindi, magpapakita siya ng masamang ugali at bigla na lang nag-iinit ang ulo. Naisip ko, “Nakakaapekto ba sa kanilang gawain ang kawalan ng maayos na pagtutulungan? Kailangang mahanap ko agad ang ugat ng problemang ito.”
Habang nagtitipon, tinanong ko ang lahat tungkol sa kanilang kalagayan. Ang lider ng grupo, si Li Mei, ay nagbahagi ng kanyang saloobin na hindi niya magawang makipagtulungan nang maayos kay Xiao Li at gusto na nga niyang magbitiw. Sinabi naman ni Xiao Li na simula pagkabata, mainitin na ang ulo niya at mabilis magalit, at hindi niya maiwasang sumabog sa galit sa tuwing nakakarinig siya ng hindi kaaya-aya. Binanggit din niya na isang beses, tinukoy ni Luo Lan ang kawalan niya ng pasanin sa pagsasagawa ng kanyang tungkulin, sinasabing lagi siyang nagpapaantala, pinapatagal niya ang kanyang mga debosyonal sa umaga hanggang alas-onse at doon lang siya nagsisimulang magtrabaho, at matigas niya itong itinanggi, iniisip niya na, “Hindi ba’t ganoon din si Li Mei? Bakit walang sinasabi si Luo Lan tungkol sa kanya?” Naramdaman niya na hindi patas ang pagtrato ni Luo Lan sa mga tao at siya ang pinupuntirya, kaya nakapagsalita siya nang mainit ang ulo. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, napagtanto niya ang kahinaan ng kanyang pagkatao, at naramdaman niya na tama lang na ibukod at iwasan siya ng iba at tawagin siyang isang masamang tao. Anuman ang pagtrato sa kanya ng iba, sinabi niyang kailangang tanggapin niya ito mula sa Diyos at kilalanin ang kanyang sarili, at huwag magtanim ng masamang pagtingin laban sa kanyang mga kapatid. Naging emosyonal si Li Mei at sinabi na, “Hindi totoo ang ilan sa mga sinabi ni Xiao Li. Hindi namin siya ibinukod o iniwasan, hindi rin namin siya tinawag na masamang tao.” Nagpatuloy sa pagsasalita si Xiao Li habang umiiyak, sinabi niya na noong narinig niyang pinatalsik ang isang anticristo mula sa iglesia, labis siyang naapektuhan. Naghasik ng hidwaan at nang-api ng mga tao ang anticristong ito, at naramdaman niya na ang kalikasan niya ay mas masahol pa kaysa sa anticristong ito, at naramdaman niya na kapag nagpatuloy siyang ganito, magiging napakamapanganib, kaya handa siyang magsisi. Medyo naguluhan ako sa lahat ng ito, at nagtaka ako, “Tunay nga bang nakikilala ni Xiao Li ang kanyang sarili? Ano ba ang normal na bukas na pagbabahaginan tungkol sa sariling katiwalian, at ano ang bumubuo sa pangmamaliit at pag-atake sa iba sa anyo ng kunwaring pagbabahaginan tungkol sa kaalaman sa sarili? Base sa pagbabahagi ni Xiao Li, bakit parang nagsasabwatan sina Li Mei at Luo Lan at iniiwasan siya?” Noong panahong iyon, hindi ko ito gaanong pinansin, naisip ko na, “Bata pa si Xiao Li, medyo matigas ang ulo niya at talagang seryoso ang tiwaling disposisyon niya, ngunit nang makita ko siyang umiiyak at kinikilala ang kanyang sarili, tila isa siyang tao na tumatanggap ng katotohanan. Nangangailangan ng proseso ang pagbabago, kaya nararapat na bigyan siya ng mas maraming pagkakataon. Bukod pa rito, ang kawalan ng maayos na pagtutulungan ay hindi kasalanan ng isang tao lamang, sa huli, palaging may dalawang panig ang lahat, at malamang ito ay dahil hindi kilala ng dalawang panig ang kanilang mga sarili at namumuhay sila ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon.” Dahil dito, nakatagpo ako ng ilang salita ng Diyos tungkol sa maayos na pagtutulungan upang basahin, at pinaalalahanan ko silang huwag masyadong magtuon sa mga tao o mga bagay, kundi pagnilayan at kilalanin ang kanilang mga sarili ayon sa mga salita ng Diyos at matuto sa isa’t isa. Ginamit ko rin ang sarili kong mga karanasan upang makipagbahaginan kay Xiao Li tungkol sa mapanganib na epekto ng pagkilos nang mainit ang ulo. Pagkatapos ng aking pakikipabahaginan, sinabi ni Xiao Li, “Walang malalim na sama ng loob sa pagitan namin ng mga kapatid. Handa akong makipagtulungan nang maayos sa mga kapatid at ilaan ang puso ko sa aking tungkulin. Mainitin talaga ang ulo ko at may malalang mapagmataas na disposisyon, ngunit handa akong magdasal sa Diyos at maghanap ng solusyon.” Tila sumuko si Li Mei, sinabi niya na, “Hindi ko talaga alam kung paano mararanasan ang sitwasyong ito, at hindi ko alam kung paano ko pagninilayan at kikilalanin ang aking sarili.” Sinabi rin niya na upang malutas ang problema ng hindi maayos na pagtutulungan, kailangan muna nating maunawaan ang buong kuwento. Nang marinig ko ito, naramdaman kong hindi talaga nalutas ang problema. Tahimik akong humiling sa Diyos sa panalangin, sinabi ko sa loob ko na, “Diyos ko, ano ang Iyong layunin sa bagay na ito? Ano ang ugat na sanhi ng problemang ito? Paano ito dapat lutasin nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo?”
Noong gabing iyon, nagpapahinga ako sa isang kwarto kasama sina Li Mei at Luo Lan. Subalit hindi ako makatulog, at patuloy kong iniisip ang pinaalala sa akin ni Li Mei noong pagtitipon: Upang malutas ang problema ng hindi maayos na pagtutulungan, kailangan nating malinaw na maunawaan ang katotohanan ng bagay na ito, at malaman ang buong kwento. Napagtanto ko na sa pakikipagbahaginan ko sa pagtitipon, sinabi ko lang sa mga kapatid na kilalanin nila ang kanilang mga sarili at huwag masyadong magtuon ang mga tao o mga bagay, ngunit hindi ko inalam nang maigi ang buong kwento, kaya hindi nalutas ang problema. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang lahat ng bagay na nangyayari sa lupa, lahat ng iyong nadarama, lahat ng iyong nakikita, lahat ng iyong naririnig—ang lahat ay nangyayari nang may pahintulot ng Diyos. Pagkatapos mong matanggap ang bagay na ito mula sa Diyos, sukatin mo ito batay sa mga salita ng Diyos, at alamin mo kung anong uri ng tao ang sinumang gumawa ng bagay na ito at kung ano ang diwa ng bagay na ito, nasaktan ka man sa anumang sinabi o ginawa niya, nasaktan man ang iyong puso at kaluluwa o nayurakan man ang iyong karakter o hindi. Tingnan mo muna kung ang taong iyon ay isang masamang tao o isang pangkaraniwang tiwaling tao, kinikilatis muna kung ano siya ayon sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay kinikilatis at tinatrato ang bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t ang mga ito ay ang mga tamang hakbang na dapat gawin? (Oo.) Una ay tanggapin ang bagay na ito mula sa Diyos, at tingnan ang mga taong sangkot sa bagay na ito ayon sa Kanyang mga salita, upang matukoy kung sila ay pangkaraniwang mga kapatid, masasamang tao, mga anticristo, hindi mananampalataya, masasamang espiritu, kasuklam-suklam na mga demonyo, o espiya mula sa malaking pulang dragon, at kung ang ginawa nila ay isang pangkalahatang pagpapakita ng katiwalian, o isang masamang gawa na sadyang naglalayong manggulo at manggambala. Ang lahat ng ito ay dapat na matukoy sa pamamagitan ng paghahambing nito sa mga salita ng Diyos. Ang pagsukat sa mga bagay-bagay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos ay ang pinakatama at obhetibong paraan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (9)). Pinagaan ng mga salita ng Diyos ang puso ko. Pinahintulutan ng Diyos ang lahat ng mga nangyari sa pangkat. Kailangan kong tingnan ang mga tao at mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos, simula sa pagtingin sa kung anong klaseng tao ang kabilang panig, kung sila ba ay isang brother o sister na may tiwaling disposisyon na kayang tumanggap ng katotohanan, o kung sila ay masasamang tao o mga hindi mananampalataya na hindi talaga tumatanggap ng katotohanan. Kung sila ay tunay na mga kapatid, dapat natin silang tulungan nang may pagmamahal, ngunit kung sila ay masasamang tao o mga hindi mananampalataya, dapat silang isiwalat, tanggalin o ibukod sa tamang panahon. Kaya napaisip ako, “Anong klase ng tao nga ba si Xiao Li? Paano ko siya dapat pakitunguhan?” Kaya tinanong ko ang dalawang sister tungkol sa palagiang pag-uugali ni Xiao Li.
Nalaman ko mula kina Li Mei at Luo Lan, na si Xiao Li ay medyo mayabang, matigas at mainitin ang ulo, na labis siyang nag-aalala sa reputasyon at katayuan, at tuwing nakikipag-usap siya sa mga kapatid, kailangan na agad silang sumagot sa kanya, at kapag mabagal o hindi sila sumagot, naiinis agad si Xiao Li at pinapagalitan niya ang mga kapatid, sinasabi niya na, “Kung sa tingin ninyo ay nakakaistorbo ako sa inyo, sabihin ninyo lang, at hindi ko na kayo tatanungin kahit kailan!” Dahil dito, nakaramdam ng paglimita ang mga kapatid. Pagkatapos noon, anuman ang itanong ni Xiao Li, agad na sumasagot ang mga kapatid, nauunawaan man nila ito o hindi, dahil sa takot na hindi matuwa si Xiao Li at sumiklab ang init ng ulo nito. Minsan, inilahad ni Li Mei ang ilang isyu sa gawain ni Xiao Li, ngunit hindi talaga ito matanggap ni Xiao Li. Sinabi niya na sobra-sobra ang mga hinihingi ni Li Mei at hindi siya nito hinahayaang maglantad ng katiwalian. Sinabi ni Li Mei na ang pagkamainitin ng ulo ni Xiao Li ay naglilimita sa iba, naging sanhi upang itaas ni Xiao Li ang kanyang boses at magsimulang umiyak, sinabi niya kung gaano kahirap makitungo sa mga taong katulad ni Li Mei, sinabi niya na parang sinasakal siya ng mga salita ni Li Mei. Nagambala ang buong pagtitipon dahil dito. Pagkatapos ng pangyayari, inamin ni Xiao Li sa harap ng lahat na katulad siya ng isang anticristo, na hindi tumatanggap ng pagpupungos. Sa isa pang pagkakataon, tinalakay ni Luo Lan sa pagtitipon ang tungkol sa sarili niyang katiwalian bilang isang taong mapagpalugod sa iba, sinabi niya na nakita niyang hindi tinanggap ni Xiao Li ang katotohanan, ngunit hindi niya ito binanggit dahil nais niyang mapanatili ang kanilang ugnayan. Nang marinig ito, umiyak si Xiao Li at gumawa ng eksena, sinabi niya na, “Sige, isumbong ninyo ako sa lider, tingnan natin kung matatanggal o mapapaalis ako. Sa tuwing nasasaktan ang pride ko, hindi ko talaga makontrol ang sarili ko, malapit na akong bumigay!” Matapos niyang sabihin ito, inilipat niya ang kanyang kompyuter sa ibang silid at isinagawa ang kanyang mga debosyonal nang mag-isa sa loob ng dalawang araw, at hindi niya pinansin ang mga kapatid. Kalaunan, sa isang pagtitipon, umiiyak na tinalakay ni Xiao Li ang pagkaunawa niya sa kanyang sarili, at humingi siya ng paumanhin kina Li Mei at Luo Lan. Ngunit pagkatapos, sumisiklab pa rin ang pagkamainitin ng ulo niya at masyadong pinagtutuunan ang mga tao at mga bagay.
Nang marinig ko ang tungkol sa lahat ng mga pag-uugali ni Xiao Li, napagtanto ko ang kabigatan ng isyu. Hindi lamang ang pagiging mayabang at pagkakaroon ng mapagmatigas na disposisyon ang problema ni Xiao Li. Hindi ba’t katulad siya ng masasamang taong iyon na hindi makatwiran at sadyang pasaway na isinisiwalat ng Diyos? Nagbasa ako ng mga salita ng Diyos: “Ang mga tao na hindi makatwiran at sadyang maligalig ay iniisip lang ang sarili nilang mga interes kapag kumikilos sila, ginagawa nila ang anumang nakakalugod sa kanila. Ang mga salita nila ay walang iba kundi mga walang katuturang argumento at maling paniniwala, at hindi sila tinatablan ng katwiran. Nag-uumapaw ang malupit nilang disposisyon. Walang sinumang nangangahas na makipag-ugnayan sa kanila, at walang may gustong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, sa takot na mapahamak pa. Kinakabahan ang ibang tao kapag pinaprangka sila, natatakot na kung makapagsabi ng hindi nila gusto o hindi naaayon sa gusto nila, sasamantalahin nila iyon at pararatangan ng masama ang mga tao. Hindi ba’t masama ang gayong mga tao? Hindi ba’t mga buhay silang demonyo? Lahat ng may malupit na disposisyon at maling katwiran ay mga buhay na demonyo. At kapag nakipag-ugnayan ang isang tao sa isang buhay na demonyo, maaari niyang ipahamak ang sarili niya dahil lamang sa isang kapabayaan. Hindi ba’t magkakaproblema nang malaki kung nasa iglesia ang gayong mga buhay na demonyo? (Oo.) Pagkatapos magwala at maglabas ng galit ang mga buhay na demonyong ito, may ilang panahon na maaari silang magsalita na parang tao at humingi ng paumanhin, ngunit hindi sila magbabago pagkatapos. Sino ang nakakaalam kung kailan uli iinit ang ulo nila at kung kailan sila magmamaktol ulit, maglilitanya ng kanilang mga walang katuturang argumento. Nag-iiba-iba ang puntirya ng kanilang pagmamaktol at pagbubulalas sa bawat pagkakataon, gayundin ang pinagmumulan at dahilan ng kanilang pagbubulalas. Ibig sabihin, kahit ano ay maaaring ikagalit nila, kahit ano ay maaaring ikadismaya nila, at kahit ano ay maaaring magdulot ng kanilang pagmamaktol at pagiging magulo. Kahindik-hindik! Napakagulo! Ang mga wala sa katinuan na masamang taong ito ay maaaring masiraan ng bait anumang oras; walang nakakaalam kung ano ang kaya nilang gawin. Pinakakinamumuhian Ko ang gayong mga tao. Bawat isa sa kanila ay dapat alisin—lahat sila ay kailangang paalisin. Ayaw Ko silang makasalamuha. Magulo ang isipan nila at malupit ang disposisyon nila, puno sila ng mga walang katuturang argumento at maladiyablong salita, at kapag may nangyayari sa kanila, bigla-bigla na lang silang nagbubulalas tungkol dito. Ang ilan sa kanila ay umiiyak kapag naglalabas ng sama ng loob, ang iba ay sumisigaw, ang iba naman ay nagdadabog ng paa, at mayroon ding ilang umiiling-iling at nagyuyugyog ng mga braso. Sadyang mga halimaw sila, hindi mga tao. … Kahit na alam na alam nila ang maraming isyu sa kanila, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ni hindi nila tinatalakay ang pagkilala nila sa sarili sa pakikipagbahaginan nila sa iba. Kapag nababanggit ang sarili nilang mga problema, umiiwas sila at gumagawa ng mga kontra-akusasyon, itinutulak ang lahat ng problema at responsabilidad sa iba, at nagrereklamo pa na kaya ganoon ang pag-uugali nila ay dahil sa masamang pagtrato sa kanila ng iba. Para bang ang kanilang mga pagmamaktol at walang kwentang panggugulo ay sanhi ng iba, na para bang ang iba ang may kasalanan, wala lang talaga silang magawa kundi ang kumilos sa ganitong paraan, at wasto nilang ipinagtatanggol ang sarili nila. Tuwing hindi sila nasisiyahan, sinisimulan nilang maglabas ng kanilang hinanakit at maglitanya nang walang katuturan, iginigiit ang mga walang katuturan nilang argumento na para bang mali ang lahat ng tao, na para bang sila lang ang mabubuting tao at ang iba ay kontrabida. Gaano man sila magmaktol o maglitanya ng mga argumentong walang katuturan, hinihingi nila na maging mabuti ang sasabihin ng iba tungkol sa kanila. Kahit kapag nagkakamali sila, pinagbabawalan nila ang iba na ilantad o punahin sila. Kung tutukuyin mo kahit ang maliit na isyu nila, guguluhin nila ang buhay mo nang walang katapusan, at malabo nang makapamuhay ka pa nang payapa kapag nagkagayon. Anong klaseng tao ito? Isa itong tao na hindi makatwiran at sadyang maligalig, at ang mga gumagawa nito ay masasamang tao” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (26)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag nahaharap sa hindi kaaya-ayang mga bagay ang mga taong may taglay na pagkatao at katwiran o kapag inilalahad ng iba ang kanilang mga problema, bagamat maaaring hindi nila ito tanggapin sa sandaling iyon, kalaunan, kaya nila itong tanggapin mula sa Diyos at kaya nilang magpasakop, at hanapin ang katotohanan upang malutas ang kanilang mga problema. Ngunit ang mga taong labis na pasaway, may malupit na disposisyon at walang pagkatao at katwiran, ay nagagalit at nag-aalboroto sa mabababaw na bagay, naglalabas ng kanilang pagkadismaya. Hindi talaga sila tumatanggap ng pagpungos. Sa halip, gumagamit sila ng iba’t ibang panlilinlang upang makipaglaban at maghiganti pa nga. Nang ikumpara ko ito sa pag-uugali ni Xiao Li, nakita ko na ganitong klase siyang tao. Gusto niya na siya palagi ang masunod, at nagiging mainitin ang ulo niya, namumuna at nagagalit sa iba sa pinakamaliit na pagkadismaya, na naglilimita sa mga kapatid. Natatakot silang makabanggit o makagawa ng maling bagay na makapagpapainis sa kanya. Noong tukuyin ni Li Mei na lider ng pangkat ang mga problema ni Xiao Li, hindi nito tinanggap ang mga iyon, at nakipagtalo pa na sobra-sobra ang mga hinihingi ni Li Mei at na hindi niya ito pinapayagang ibunyag ang katiwalian. Binabaluktot niya ang tama at mali at ginagambala ang buhay iglesia. Sa mga pagtitipon, kumakapit sina Li Mei at Luo Lan sa mga salita ng Diyos upang pagnilayan ang sarili nilang katiwalian, at kahit na tumutukoy sa mga isyu ni Xiao Li ang mga bagay na ito, ang kanilang sinasabi ay mga katunayan. Dapat na pangasiwaan nang tama ng mga makatwirang tao ang mga bagay, ngunit nagwala si Xiao Li at patuloy na gumawa ng eksena dahil tumutukoy sa kanyang reputasyon ang mga bagay na ito. Sinabi niya na iniiwasan siya ng mga kapatid, at sinabi pa niya na dapat nilang agad na isumbong, at tanggalin o alisin siya, dahilan kaya nakaramdam ang mga kapatid ng pagkalimita mula sa kanya, at hindi na nila tinangkang ipahayag at ibahagi ang kalagayan nila sa mga pagtitipon, at hindi na nila pinagtuunan ng pansin ang kanilang mga tungkulin. Pagkatapos ng bawat pag-aalboroto, nagkukwento si Xiao Li tungkol sa pagkakakilala niya sa kanyang sarili at nanghihingi ng paumanhin sa mga kapatid, at tila kaya na niyang tanggapin ang katotohanan. Ngunit sa tuwing may nangyayaring hindi kaaya-aya o nagbabanta sa kanyang reputasyon, sumisiklab ang pagkamainitin ng ulo niya at naglalabas siya ng kanyang pagkadismaya, nakikipagtalo siya, at tumatangging magbago sa kabila ng paulit-ulit na pakikipagbahaginan. Malinaw na hindi talaga tinatanggap ni Xiao Li ang katotohanan. Pinapahamak niya ang mga kapatid at ginagambala ang buhay iglesia nang wala man lang pagsisisi. Sa halip, sumasagot siya pabalik, sinasabi niya na ang hindi makatarungang pagtrato sa kanya ng mga kapatid at ang kanilang pag-iwas sa kanya ang dahilan kung bakit mainitin ang ulo niya, na para bang ang pagkamainitin ng ulo niya ay udyok ng iba at hindi ng sarili niyang problema. Talagang napakapasaway niya at walang katwiran! Noon, inakala ko na si Xiao Li ay bata lang, matigas ang ulo at mayabang, na mayroon siyang matinding tiwaling disposiyon at na ang kanyang pagninilay sa sarili na puno ng luha ay nagpapakita na tila magagawa niyang tanggapin ang katotohanan at magbago sa pamamagitan ng mas taos-pusong pagbabahaginan at pagtutulungan. Ngunit sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na talagang pasaway si Xiao Li at mayroon siyang malupit na disposisyon, at hindi niya tinatanggap at tutol siya sa katotohanan. Hindi lamang ito ordinaryong katiwalian. Bagamat hindi pa siya nakakagawa ng anumang matinding kasamaan, parang isang bomba na maaaring sumabog anumang oras ang ganitong tao, at ang pananatili niya sa pangkat ay makakaantala lamang sa gawain at makakagambala sa buhay iglesia. Kailangang malantad siya at matanggal agad. Ito mismo ang isiniwalat ng Diyos tungkol sa ganitong uri ng mga pasaway na tao: “Bagama’t hindi gumagawa ng malalaking kasamaan ang mga taong ito, hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Kung titingnan ang kanilang kalikasang diwa, bukod sa wala silang konsensiya at katwiran, sila rin ay hindi makatwiran, sadyang maligalig, at hindi tinatablan ng katwiran. Makakamit ba ng mga gayong tao ang pagliligtas ng Diyos? Tiyak na hindi! Ang mga hinding-hindi tumatanggap sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya, sila ay mga alipin ni Satanas. … Ang pag-alis sa mga hindi makatwiran, sadyang maligalig, at hindi tinatablan ng katwiran mula sa iglesia ay ganap na tama. Sa diwa, sinusugpo nito ang panliligalig nila sa iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (26)). Kung hindi pa rin magsisisi si Xiao Li at patuloy na makagagambala matapos siyang matanggal, nararapat siyang alisin sa iglesia. Hindi ko kinilatis ang diwa ng mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, kundi tiningnan ko sila ayon sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon. Napakagulo ng isip ko!
Kalaunan, naisip ko na, “Bukod sa hindi ko kayang kilatisin ang diwa ng mga tao ayon sa katotohanan sa pakikiharap ko kay Xiao Li, hindi ko rin makilatis kung ano ang ibig sabihin ng pagbubukas at paglalatag ng sarili sa normal na paraan, at ano ang bumubuo sa paggamit ng pagbabahaginan bilang dahilan para magpasikat habang inaatake ang iba. Ganap akong inilihis ng pagpapakita ng luha at kaalaman sa sarili ni Xiao Li.” Pagkatapos, nagbasa ako ng mga salita ng diyos tungkol sa isyung ito: “Kapag nakikipagbahaginan ang masasamang tao tungkol sa mga problema at naghihimay ng mga ito, palagi silang may intensiyon at layon, at palagi itong nakatuon sa isang tao. Hindi nila hinihimay o kinikilala ang sarili nila, hindi rin sila nagtatapat at lubos na naghahayag ng sarili nila para lutasin ang sarili nilang mga problema—sa halip, sinusunggaban nila ang pagkakataon para ilantad, himayin, at batikusin ang iba. Madalas nilang sinasamantala ang pagkakataong makipagbahaginan tungkol sa pagkilala nila sa sarili para himayin at kondenahin ang iba, at sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, inilalantad, minamaliit, at sinisiraan nila ang mga tao. … Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, bakit hindi inilalantad o hinihimay ng masasamang taong ito ang sarili nila, at sa halip, palagi nilang pinupuntirya at inilalantad ang iba? Maaari nga kayang hindi sila nagbubunyag ng katiwalian, o na wala silang mga tiwaling disposisyon? Tiyak na hindi. Kung gayon, bakit pinipilit nilang puntiryahin ang iba para sa paglalantad at paghihimay? Ano ba ang mismong sinusubukan nilang makamit? Ang tanong na ito ay nangangailangan ng malalim na pagninilay-nilay. Nararapat ang ginagawa ng isang tao kung inilalantad niya ang masasamang gawa ng masasamang tao na nanggugulo sa iglesia. Pero sa halip, inilalantad at pinapahirapan ng mga taong ito ang mabubuting tao, habang nagkukunwaring nakikipagbahaginan sila tungkol sa katotohanan. Ano ang intensiyon at layon nila? Galit ba sila dahil nakikita nilang inililigtas ng Diyos ang mabubuting tao? Iyon ang totoo. Hindi inililigtas ng Diyos ang masasamang tao, kaya namumuhi ang masasamang tao sa Diyos at sa mabubuting tao—labis na natural ang lahat ng ito. Hindi tinatanggap o hinahangad ng masasamang tao ang katotohanan; sila mismo ay hindi maliligtas, pero pinapahirapan nila ang mabubuting taong naghahangad sa katotohanan at maaaring maligtas. Ano ang problema rito? Kung ang mga tao na ito ay may kaalaman sa sarili nila at sa katotohanan, maaari silang magtapat at makipagbahaginan, pero palagi nilang pinupuntirya at ginagalit ang iba—palagi silang may tendensiyang batikusin ang iba—at lagi nilang itinuturing ang mga naghahangad sa katotohanan bilang mga kaaway nila sa kanilang imahinasyon. Ang mga ito ang mga tanda ng masasamang tao. Ang mga may kakayahang gumawa ng gayong kasamaan ang tunay na mga diyablo at Satanas, ang mga sukdulang anticristo, na dapat pigilan, at kung gumagawa sila ng napakaraming kasamaan, kailangan silang agarang pangasiwaan—patalsikin sila sa iglesia. Lahat ng umaatake at nagbubukod sa mabubuting tao ay mga bulok na mansanas. Bakit Ko sila tinatawag na mga bulok na mansanas? Dahil malamang na magdulot sila ng mga hindi kinakailangang alitan at sigalot sa iglesia, na nagiging dahilan para lumala nang lumala ang kalagayan ng mga bagay-bagay roon. Pinupuntirya nila ang isang tao ngayon at iba na naman ang pupuntiryahin nila bukas, at palagi nilang pinupuntirya ang iba, ang mga nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Malamang na makagambala ito sa buhay iglesia at makaapekto sa normal na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ng hinirang na mga tao ng Diyos, gayundin sa normal na pakikipagbahaginan nila tungkol sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (15)). “Para maisabuhay ang normal na pagkatao, paano dapat magtapat at maglantad ng sarili ang isang tao? Sa pamamagitan ng pagtatapat tungkol sa mga pagbubunyag ng kanyang tiwaling disposisyon, pagpapahintulot sa iba na makita nang mabuti ang realidad ng kanyang puso, at pagkatapos nito, batay sa mga salita ng Diyos, paghihimay at pag-alam sa diwa ng problema, at pagkamuhi at pagkasuklam sa kanyang sarili mula sa kaibuturan ng kanyang puso. Kapag inilalantad niya ang kanyang sarili, hindi niya dapat tangkaing pangatwiranan ang kanyang sarili o subukang ipaliwanag ang kanyang sarili, kundi sa halip, dapat niyang isagawa na lamang ang katotohanan at maging isang matapat na tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa Maayos na Pakikipagtulungan). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang normal na pagbubukas at paglalatag ng sarili ay nangangahulugan na, sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, nagkakaroon ng tunay na pagkaunawa ang isang tao sa sarili niyang katiwalian at sa diwa ng kanyang mga isyu, kaya niyang himayin ang kanyang tiwaling disposisyon, at nararamdaman ng iba ang pagkamuhi nila sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang mga salita. Ang ganitong pakikipagbahaginan ay nakatutulong sa mga tao upang maunawaan ang katotohanan at makinabang sila rito. Ngunit ginagamit ng ilang tao bilang dahilan ang pagbubukas ng sarili at pagbabahaginan sa mga pagtitipon, ngunit wala silang tunay na pang-unawa sa kanilang mga sarili, sa halip, inilalantad nila ang mga problema ng iba, binabaluktot ang mga katotohanan, at inaatake ang iba, nagiging sanhi ng hidwaan, nagdudulot ng komplikasyon at tensyon sa mga relasyon, nagiging sanhi ng hindi pagkakasundo ng mga tao, at nakagagambala sa buhay iglesia. Masasamang bunga ang mga ganitong tao. Naalala ko ang pag-uugali ni Xiao Li sa pagtitipon. Mukhang batid niya ang kahinaan ng pagkatao niya at ang pagkamainitin ng ulo niya, subalit hindi niya hinimay ang katiwalian niya, hindi man lang niya pinagnilayan ang mga isyung tinukoy ng mga kapatid, at wala siyang tunay na pang-unawa sa kanyang mayabang at malupit na disposisyon. Sa halip, sinabi niya na ang pagsiklab ng kanyang pagkamainitin ng ulo ay dulot ng pag-iwas at pagbukod sa kanya ng iba. Ang pagbabahagi niya ay maaaring mag-udyok sa iba, tinatangka niyang ipakita na hindi lamang siya ang may katiwalian kundi may mga problema rin ang mga kapatid, inililihis niya ang ibang tao upang isipin nila na nagsasabwatan sina Luo Lan at Li Mei upang iwasan at ibukod siya, pinapalabas niya na siya ang biktima. Sa katunayan, hindi talaga siya iniwasan nina Luo Lan at Li Mei, sa halip, nagmamalasakit sila sa kanya. Kahit ang pagpungos at pagtukoy nila ng kanyang mga isyu ay upang tulungan siyang kilalanin ang kanyang sarili. Subalit hindi talaga ito naunawaan ni Xiao Li, at upang protektahan ang kanyang reputasyon at katayuan, binaluktot niya ang mga katotohanan, inatake ang iba, at naghasik ng kaguluhan, na nakagulo sa mga kapatid at nakapagpawala ng atensyon nila sa kanilang mga tungkulin. Noon, hindi ko nakilatis ang mga paraan ni Xiao Li sa pag-atake sa iba o ang kanyang masamang disposisyon. Noong nakita ko siyang umiiyak, at kinikilala ang kanyang sarili at ipinapahayag ang kahandaan niyang magsisi, inakala kong matatanggap niya ang katotohanan at na dapat akong umasa sa pagmamahal upang makipagbahaginan sa kanya at matulungan siya. Noon ko lang napagtanto na ang aking pananaw ay hindi naaayon sa katotohanan.
Nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsiwalat sa mga anticristo, na nagbigay sa akin ng kaunting pagkilatis sa huwad na pagkilala sa sarili. Sabi ng Diyos: “Kung gumagawa ng mali ang mga gayong indibidwal, pagkatapos ay lumuha matapos silang pungusan at punahin ng mga kapatid, sinasabi sa panlabas na may utang na loob sila sa Diyos, at nangangako silang magsisisi sa hinaharap, mangangahas ka bang maniwala sa kanila? (Hindi.) Bakit hindi? Ang pinakamatibay na ebidensiya ay ang palagian nilang pagsisinungaling! Kahit pa magmukha silang nagsisisi, humahagulhol, hinahampas ang dibdib nila, at sumusumpa, huwag silang paniwalaan, dahil luha ng buwaya ang iniluluha nila, mga luha para lansihin ang mga tao. Hindi taos-puso ang malulungkot at nagsisising mga salitang sinasambit nila; mga pansamantalang taktika ito para makuha ang tiwala ng mga tao sa pamamagitan ng pandaraya. Sa harap ng mga tao, humahagulhol, umaamin ng kasalanan, sumusumpa, at ipinapaalam nila ang kanilang posisyon. Gayumpaman, ang mga may magandang relasyon sa kanila sa pribado, ang mga medyo pinagkakatiwalaan nila, ay nag-uulat ng ibang kuwento. Habang parang mukhang totoo sa panlabas ang pampubliko nilang pag-amin ng kasalanan at pagsumpa na magbabago, ang sinasabi nila kapag walang ibang nakakarinig ay nagpapatunay na ang sinabi nila dati ay hindi totoo kundi huwad, na idinisenyo para linlangin ang mas maraming tao. Ano ang sinasabi nila kapag walang ibang nakakarinig? Aaminin ba nila na huwad ang sinabi nila dati? Hindi, hindi nila aaminin. Magpapakalat sila ng pagkanegatibo, maglalahad ng mga argumento, at pangangatwiranan ang sarili nila. Ang pangangatwiran at pakikipag-argumentong ito ay nagpapatunay na ang kanilang mga pag-amin, pagsisisi, at panunumpa ay pawang huwad, ginawa para lansihin ang mga tao. Mapagkakatiwalaan ba ang mga gayong tao? Hindi ba’t palagiang pagsisinungaling ito? Kaya pa nga nilang mag-imbento ng mga pag-amin, huwad na lumuha at mangakong babaguhin ang mga gawi nila, at maging ang panunumpa nila ay isang kasinungalingan. Hindi ba’t isa itong malademonyong kalikasan?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang tunay na pagsisisi ay hindi lamang tungkol sa pagpapakita ng pagluha at pagkukwento ukol sa pagkilala sa sarili, kundi tungkol ito sa kakayahang himayin at unawain ang sariling tiwaling disposisyon, pagkakaroon ng tunay na pagkamuhi sa sarili at pagtanggi sa masasamang pamamaraan, at pagkatapos ay pagkakaroon ng patotoo ng pagsasagawa ng katotohanan. Bagamat umiyak si Xiao Li at sinabing pinapahalagahan niya ang reputasyon at katayuan, at na isa siyang masamang tao, kapag nahaharap sa mga isyu, patuloy pa ring sumasabog ang pagkamainitin ng ulo niya at masyado niyang pinagtutuunan ang mga tao at mga bagay, naghahanap ng iba’t ibang baluktot na argumento upang ipagtanggol ang kanyang sarili, at hindi nagpapakita ng tunay na pagsisisi. Huwad at sapilitan ang kanyang pang-unawa. Natatakot siya na matukoy ng mga kapatid na isa siyang masamang tao at paalisin siya sa iglesia, dahilan upang mawalan siya ng pagkakataong maligtas, at wala siyang magagawa kundi umiyak at kilalanin ang kanyang sarili sa harap ng mga kapatid upang kunin ang kanilang simpatiya. Mapagkunwari, mapanlihis, at mapanlinlang ang kanyang kaalaman.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Paano dapat tingnan ng isang taong naghahangad sa katotohanan ang mga tao? Ang kanyang pagtingin sa mga tao at bagay, at ang kanyang asal at mga kilos ay dapat ayon lahat sa mga salita ng Diyos, na ang kanyang pamantayan ay ang katotohanan. Paano mo titingnan ang bawat tao ayon sa mga salita ng Diyos? Tingnan kung nagtataglay siya ng konsensiya at katwiran, kung siya ay isang mabuti o masamang tao. Sa iyong pakikisalamuha sa kanya, maaaring makita mo na bagama’t mayroon siyang maliliit na depekto at kakulangan, mabuti naman ang kanyang pagkatao. Mapagtimpi at mapagpasensiya siya sa kanyang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao, at kapag may isang taong negatibo at mahina, mapagmahal siya rito at kaya niya itong tustusan at tulungan. Iyan ang kanyang saloobin sa iba. Ano naman, kung gayon, ang kanyang saloobin sa Diyos? Sa kanyang saloobin sa Diyos, mas kayang sukatin kung mayroon siyang pagkatao. Maaaring sa lahat ng ginagawa ng Diyos, siya ay nagpapasakop, at naghahanap, at nag-aasam, at sa proseso ng pagganap sa kanyang tungkulin at pakikipag-ugnayan sa iba—kapag umaaksyon siya—mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi naman sa mapusok siya, na kumikilos siya nang mapangahas, at hindi nito ibig sabihin na ginagawa at sinasabi niya ang kahit na ano. Kapag may nangyayari na may kaugnayan sa Diyos o sa Kanyang gawain, lubos siyang maingat. Kapag natiyak mo nang mayroon siya ng mga pagpapakitang ito, paano mo susukatin kung ang taong iyon ay mabuti o masama batay sa mga bagay na lumalabas mula sa kanyang pagkatao? Sukatin iyon batay sa mga salita ng Diyos, at sukatin ito batay sa kung mayroon siyang konsensiya at katwiran, at sa kanyang saloobin sa katotohanan at sa Diyos” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (3)). Nalaman ko na ang paraan ng pagsukat ng Diyos kung ang isang tao ay mabuti o masama ay pangunahing nakabatay sa pagkatao niya at sa saloobin niya patungkol sa katotohanan, kung mabuti ang pagkatao niya, kung kaya niyang magparaya at magpasensya kapag ang mga salita o kilos ng iba ay nakaaapekto sa kanya, kung nagpapasakop ba siya at may takot sa Diyos, at kung kaya niyang hangarin ang mga layunin ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo sa tuwing nahaharap siya sa mga isyu. Hindi ito tungkol sa kung gaano nila mukhang kilala ang mga sarili nila sa kanilang pananalita, kundi kung paano talaga nila isinasabuhay ang kanilang buhay. Ngunit hindi ko hinusgahan ang mga tao o mga sitwasyon base sa mga salita ng Diyos, at nagkamali ako sa paniniwalang kapag umiyak ang isang tao at nagpakitang kilala niya ang kanyang sarili, ay matatanggap na niya ang katotohanan at mayroon siyang tunay na pagsisisi. Itinuring ko bilang mga tunay na kapatid ang wala sa katwirang pasaway na masasamang tao, at ninais kong umasa sa pagmamahal upang tulungan at suportahan sila. Tunay na nabulagan ako at lubos na naguluhan! Inakala ko na ang kawalan ng maayos na pagtutulungan sa pagitan ng mga tao ay dulot ng hindi pagkilala ng parehong panig sa kanilang mga sarili at ng masyadong pagtuon nila sa mga tao at mga bagay, at inakala kong malulutas ito ng pagkakaroon lamang ng kaalaman at pagninilay-nilay sa sarili nilang mga prolema. Mga sariling kuru-kuro at imahinasyon ko lamang ang mga ito. Kung isang masamang tao o hindi mananampalataya ang kabilang panig, hindi talaga matatanggap ng gayong tao ang katotohanan at hindi niya makikilala ang kanyang sarili, kaya paano magkakaroon ng maayos na pagtutulungan ang mga ganitong tao? Ang pangninilay at pagkilala ng parehong panig sa kanilang mga sarili ay pagtatakip lamang sa isyu, at makapagpapalala lamang ito sa mga bagay, makagagambala sa buhay iglesia at makapagpapahamak sa buhay ng mga kapatid. Nang mapagtanto ko ito, agad kong iniulat sa mga lider ang palagiang pag-uugali ni Xiao Li, at kasunod niyon, sumang-ayon ang mga lider na batay sa mga prinsipyo, kailangan siyang malantad at matanggal. Pagkatapos matanggal si Xiao Li, bumalik sa normal ang buhay iglesia ng pangkat, at natutukan ng mga kapatid ang mga tungkulin nila, na nagdulot ng kaunting pag-unlad sa kahusayan at pagiging epektibo ng kanilang gawain. Pagkatapos ng karanasang ito, tunay kong napagtanto na ang paghusga sa mga tao at mga sitwasyon ayon sa mga salita ng Diyos ay ang tanging landas sa pagsasagawa!