90. Naranasan Ko ang Kagalakan ng Pagiging Matapat
Noong Marso 2023, ako ang responsable sa gawain ng ebanghelyo ng isang iglesia. Medyo mahina ang mga resulta ng gawain sa iglesiang ito. Matagal-tagal akong nagsikap, pero wala pa ring mga pagsulong, at talagang nabalisa ako. Isang araw, narinig kong pupunta ang mga lider sa isang pagtitipon upang siyasatin ang gawain at masyado akong nabagabag, iniisip na, “Noong dumating dati ang mga lider, ibinahagi nila sa amin ang isyu ng paglilinang sa mga tao, pero wala pa rin akong nakikitang angkop na tao. Kapag nakita ng mga lider na napakatagal ko nang nagsasagawa pero hindi ko pa rin magawa nang maayos ang gawain, iisipin kaya nilang wala akong mga kakayahan sa gawain? Kung mangyayari iyon, ganap na mawawala ang magandang impresyon nila sa akin!” Habang sinusubukan kong makatulog nang gabing iyon, tuwing naiisip ko ang pagdating ng mga lider para siyasatin ang gawain, hindi ko mapakalma ang puso ko at talagang nag-aalala ako.
Kinabukasan, nang dumating ang mga lider para siyasatin ang gawain, natatakot akong makikita nila ang mahihinang resulta at iisiping hindi ko kayang gumawa ng tunay na gawain, kaya bago pa sila makapagtanong, ipinaliwanag ko na kaagad kung paano ko itinalaga sa ibang tungkulin ang mga manggagawa ng ebangheyo, at kung paano ko sinubaybayan ang gawain ng ebanghelyo. Nagtanong sila ng ilang katanungan sa kapareha kong sister na si Xiao Lin, at tuwing naririnig kong nakaliligtaan ni Xiao Lin ang ilang punto, sumasabad ako kaagad para punan ang anumang nakaligtaan niya, dahil gusto kong ipakita sa mga lider na mayroon akong kaunting mga kakayahan sa gawain at nakagagawa ako ng kaunting tunay na gawain. Pagkatapos ng pag-uusap na ito, walang anumang sinabi ang mga lider, at nakahinga na ako nang maluwag. Makalipas ang ilang sandali, tinanong kami ng mga lider kung kamakailan ay anu-anong paglihis at paghihirap ang mayroon kami sa pangangaral ng ebanghelyo. Naisip ko, “Kamakailan ay hindi naging mabunga ang gawaing pinangangasiwaan ko, kaya marahil ay magiging mabuting ipaalam sa kanila ang sitwasyon para makatulong silang malaman kung bakit ganito?” Pero naisip ko naman, “Kung babanggitin ko ang mga isyung ito, at makatutuklas sila ng iba pang problema sa aking mga tungkulin, hindi ba’t magiging mas malinaw pa na wala akong mga kakayahan sa gawain? Hindi ba’t ipapahiya ko lang ang sarili ko kung sasabihin ko iyon?” Taglay ang kaisipang ito, nilunok ko ang mga salitang nasa dulo ng dila ko. Nang kinahapunan, itinama at pinungusan ako ng mga lider, sinabing, “Sinasabi mong ginawa mo ang ganito at ganoong gampanin, na para bang walang anumang problema o pagkukulang, pero hindi pa rin nagbunga ng kahit ano ang gawain. Dapat mong pagnilayan ang mga dahilan kung bakit ganito.” Pagkaalis ng mga lider, medyo nabagabag ako, at labis akong nakonsensiya dahil hindi ko ibinunyag kung ano talaga ang nangyayari sa gawain. Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang matapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi matapat” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Malinaw na may mga problema ako sa aking tungkulin, pero noong dumating ang mga lider sa pagtitipon, natakot akong ilantad ang kawalan ko ng kakayahan sa gawain at na mapahiya ako, kaya hindi ako nagsalita. Nagdulot ito na hindi malutas ang mga problema at maapektuhan ang gawain. Nadama kong medyo seryoso ang kalikasang ito. Nililinlang ko kapwa ang ibang tao at ang Diyos. Balisang-balisa ang puso ko.
Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Likas na buktot ang mga anticristo; wala silang isang puso ng pagkamatapat, ng pagmamahal sa katotohanan, o ng pagmamahal sa mga positibong bagay. Madalas silang namumuhay sa madidilim na sulok—hindi sila kumikilos nang may saloobin ng pagkamatapat, hindi sila nagsasalita nang tapat, at nagkikimkim sila ng buktot at mapanlinlang na puso kapwa sa ibang tao at sa Diyos. Gusto nilang linlangin ang iba, at linlangin pati ang Diyos. Hindi nila tatanggapin ang pangangasiwa ng iba, lalo na ang pagsisiyasat ng Diyos. Kapag kasama sila ng ibang tao, hindi nila kailanman gustong malaman ng sinuman kung ano ang kanilang iniisip at pinaplano, sa kaibuturan, kung anong uri sila ng tao, at kung anong saloobin ang kinikimkim nila sa katotohanan, at iba pa; ayaw nilang malaman ng iba ang alinman sa mga ito, at gusto rin nilang himukin ang Diyos, para maglihim sa Kanya. Kaya, kapag walang katayuan ang isang anticristo, kapag wala siyang mga oportunidad para manipulahin ang sitwasyon sa isang grupo ng mga tao, wala talagang sinuman ang makakaalam kung ano ang ibig sabihin ng kanyang mga salita at kilos. Mag-iisip ang mga tao: ‘Ano ba ang iniisip niya bawat araw? May anumang layunin ba sa likod ng kanyang pagganap sa kanyang tungkulin? Nagpapakita ba siya ng katiwalian? Nakakaramdam ba siya ng anumang inggit o pagkamuhi sa iba? May anumang pagkiling ba siya laban sa ibang tao? Ano ang kanyang mga pananaw sa mga sinasabi ng iba? Ano ang iniisip niya kapag nahaharap siya sa mga partikular na bagay?’ Kailanman ay hindi ipinapaalam ng mga anticristo sa iba kung ano ang talagang nangyayari sa kanila. Kahit na nagpapahayag sila ng kaunting salita tungkol sa kanilang opinyon sa isang bagay, magiging malabo at alanganin sila, magpapaligoy-ligoy sila para hindi maintindihan ng iba kung ano ang ipinaparating nila, at hindi alam ng iba kung ano ang gusto nilang sabihin, o kung ano ang ipinapahayag nila, kaya napapakamot na lang ng ulo ang lahat. Pagkatapos makakuha ng katayuan ang isang taong tulad niyon, mas lalo siyang nagiging malihim sa kanyang pag-uugali kapag kasama ng ibang tao. Gusto niyang protektahan ang kanyang mga ambisyon, reputasyon, imahe at pangalan, ang kanyang katayuan at dignidad, at iba pa. Iyon ang dahilan kung bakit ayaw niyang maging tapat tungkol sa kung paano niya ginagawa ang mga bagay-bagay o sa kanyang mga motibo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kahit kapag siya ay nagkakamali, nagpapakita ng tiwaling disposisyon, o kapag mali ang mga motibo at intensiyon sa likod ng kanyang mga kilos, ayaw niyang magtapat at hayaang malaman ng iba ang tungkol dito, at kadalasan siyang nagpapanggap na inosente at perpekto para linlangin ang mga kapatid. At sa Itaas at sa Diyos, magagandang pakinggang bagay lang ang kanyang sinasabi, at madalas siyang gumagamit ng mga mapanlinlang na taktika at kasinungalingan para mapanatili ang kanyang relasyon sa Itaas. Kapag nag-uulat siya ng kanyang gawain sa Itaas, at nakikipag-usap sa Itaas, hindi siya kailanman nagsasalita ng anumang hindi maganda, para walang makatuklas ng anuman sa kanyang mga kahinaan. Hindi niya kailanman babanggitin kung ano ang ginawa niya sa ibaba, ang anuman sa mga isyu na lumitaw sa iglesia, ang mga problema o kapintasan sa kanyang gawain, o ang mga bagay na hindi niya maunawaan o makilatis. Hindi siya kailanman nagtatanong o naghahanap sa Itaas tungkol sa mga bagay na ito, at sa halip ay nagpapakita lang siya ng imahe at anyo ng kahusayan sa gawain, ng kakayahan na lubos na pasanin ang kanyang gawain. Hindi niya iniuulat sa Itaas ang anuman sa mga problema na umiiral sa iglesia, at kahit gaano pa kagulo ang mga bagay-bagay sa iglesia, ang laki ng mga depektong lumabas sa kanyang gawain, o kung ano ang eksaktong ginagawa niya sa ibaba, paulit-ulit niyang pinagtatakpan ang lahat ng iyon, sinisikap na hindi kailanman malaman ng Itaas o marinig ang anumang balita tungkol sa mga bagay na ito, umaabot pa nga hanggang sa paglilipat ng mga tao na konektado sa mga usaping ito o sa nakakaalam ng katotohanan tungkol sa kanya sa malalayong lugar sa pagsisikap na maitago kung ano ang talagang nangyayari. Anong uri ng pagsasagawa ang mga ito? Anong klaseng pag-uugali ito? Ito ba ang uri ng pagpapamalas na dapat mayroon ang isang tao na naghahangad sa katotohanan? Napakalinaw na hindi ito. Ito ay pag-uugali ng isang demonyo. Gagawin ng mga anticristo ang lahat ng kanilang makakaya para itago, para pagtakpan ang anumang bagay na maaaring magkaroon ng epekto sa kanilang katayuan o reputasyon, itinatago ang mga bagay na ito mula sa ibang tao at mula sa Diyos. Ito ay panlilinlang sa mga nasa itaas at ibaba nila” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabing-isang Aytem). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita kong likas na buktot at mapanlinlang ang mga anticristo. Para maprotektahan ang kanilang dangal at katayuan, tuwing may mga problema o paghihirap sila sa kanilang mga tungkulin, o gaano mang kawalan ang idulot nila sa kanilang mga tungkulin, nililinlang nila ang iba para itago ang mga bagay na ito at nagkukunwari silang mahusay sa kanilang gawain. Ang pag-uugaling ito ay isang malademonyong pagkilos na sinusubukang linlangin kapwa ang kanilang mga nakatataas at mga tauhan. Sa pagninilay ko sa aking sarili, alam na alam ko ang katunayan na hindi gaanong epektibo ang gawaing pinangangasiwaan ko, at na nahihirapan ako sa paglinang ng mga tao, at nang dumating ang mga lider sa pagtitipon, dapat ay binanggit ko ito at hinayaan silang tumulong na lutasin ito. Pero natakot ako na iisipin nila na wala akong mga kakayahan sa gawain at na mawawala ko ang magandang imahe ko sa mga mata nila. Hindi na ako naghintay na siyasatin nila ang gawain, binanggit ko na kaagad kung paano ako nagsisikap sa pagsubaybay sa gawain, dahil gusto kong makita nila na mayroon akong mga kakayahan sa gawain at na kaya kong lutasin ang aktuwal na mga problema, at sa gayon ay pinagmumukhang hindi ko responsabilidad ang mahihinang resulta. Nang dumating ang mga lider para siyasatin kung kumusta na ang gawain ng ebanghelyo, alam na alam ko na dapat ay binanggit ko ang mga problema at naghanap ako ng mga solusyon sa lalong madaling panahon, pero natakot akong ilantad ang mga paglihis at butas sa aking mga tungkulin at mapahiya at mawalan ng katayuan, kaya hindi ako nagsalita. Mahihina ang kakayahan ko sa gawain, at maraming problema sa aking mga tungkulin, at nagdusa na ng mga kawalan ang gawain ng iglesia, pero para maingatan ang dangal at katayuan ko, sinubukan kong bigyan ng impresyon ang iba na mahusay ako sa aking gawain. Ang mga anticristo, anumang mga kamalian o kasamaan ang gawin nila, ay gagawin ang lahat para magtago at manlinlang upang protektahan ang kanilang reputasyon at katayuan, nang walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nagsisinungaling at nanlilinlang ako para itago ang katotohanan na hindi ko kayang gumampan ng tunay na gawain, kaya anong pagkakaiba sa pagitan ko at ng isang anticristo? Ang pag-iisip ko rito ay nagdulot sa akin na sobrang magsisi, kaya sumulat ako kaagad sa mga lider tungkol sa kalagayan ko kamakailan at sa kawalan ng mga resulta sa aking mga tungkulin. Pagkatapos itong maunawaan ng mga lider, bagama’t pinungusan nila ako dahil sa panlilinlang ko, ginabayan din nila ako na pagnilayan ang sarili ko at tinulungan nila akong hanapin ang mga dahilan sa kawalan na ito ng pagkaepektibo sa aking gawain. Nalaman nilang naglilintaya lamang ako ng mga islogan sa aking gawain, na hindi pa ako nagbahagi ng mga solusyon na tinutugunan ang mga aktuwal na problema ng aking mga kapatid, at na nabigo akong magbigay ng isang praktikal na landas pasulong. Nang matukoy ko ang aking mga isyu, mas sumigla ang puso ko.
Pagkatapos nito, sadya kong isinagawa ang pagiging isang matapat na tao, pero minsan nagagapos pa rin ako ng tiwaling disposisyon ko. Isang beses, nang dumating ang mga lider sa isang pagtitipon, naalala ko na mayroong isang manggagawa ng ebanghelyo na talagang mahusay ang kakayahan, pero gumawa siya ayon sa sarili niyang mga ideya at hindi nagbigay-pansin sa pagpasok sa mga prinsipyo. Ilang beses na akong nakipagbahaginan sa kanya pero wala akong nakitang pagsulong, kaya naisip ko na dapat kong banggitin ang usaping ito sa mga lider at hanapin kung paano ito lutasin. Pero naisip ko naman, “Kung matuklasan ng mga lider ang aking mga pagkukulang, sasabihin kaya nilang wala akong mga kakayahan sa gawain? Nakakahiya iyon! Siguro, dapat ay manahimik na lang ako.” Pero naalala ko ang aral na natutuhan ko mula sa nakaraan kong kabiguan, at naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung kayo ay isang lider o manggagawa, natatakot ba kayong tanungin at pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang inyong gawain? Natatakot ba kayong matuklasan ng sambahayan ng Diyos ang mga kapabayaan at kamalian sa inyong gawain at pungusan kayo? Natatakot ba kayo na kapag nalaman na ng Itaas ang inyong tunay na kakayahan at tayog, maiiba ang tingin nila sa inyo at hindi kayo isasaalang-alang na taasan ng ranggo? Kung may ganito kang mga kinatatakutan, pinatutunayan nito na hindi para sa kapakanan ng gawain ng iglesia ang mga motibasyon mo, gumagawa ka alang-alang sa reputasyon at katayuan, na nagpapatunay na may disposisyon ka ng isang anticristo. Kung may disposisyon ka ng isang anticristo, malamang na tahakin mo ang landas ng mga anticristo, at gawin ang lahat ng kasamaang inihasik ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)). Sa pagninilay-nilay ko sa mga salita ng Diyos, natanto ko na masyado kong pinahalagahan ang dangal at katayuan ko, at na nagtulak ito sa akin na kumilos nang mapanlinlang at gawin ang mga bagay na nakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa ganito ay tinatahak ko ang landas ng isang anticristo. Kaya sinabi ko ang mga isyung gusto kong hingian ng tulong. Natuklasan ng mga lider na hindi ko ibinabahagi ang katotohanan para lutasin ang mga isyu, at sa halip, sinasamantala ko ang posisyon ko para pangaralan ang iba. Pinipigilan nito ang mga tao, kaya wala silang landas sa kanilang mga tungkulin. Nang tukuyin ng mga lider ang mga isyung ito, nadama kong namula ang mukha ko, at naisip ko sa aking sarili, “Ano kaya ang iisipin nila sa akin ngayon? Iisipin kaya nilang wala akong pagkatao? Sobrang nakakahiya ito!” Nagsimula kong pagsisihan ang pagsasabi ng katotohanan. Pero naisip ko naman, “Hindi ba’t ang pagtatapat ay para matukoy ang mga dahilang ito at malutas ang mga isyu? Kung napipigilan ako ng kahihiyan ko at ayaw kong tanggapin ang mga ito, paano malulutas ang mga problema?” Kaya nanalangin ako sa Diyos para tulungan akong maghimagsik laban sa aking sarili, tumanggap at magpasakop. Naalala ko rin na nagpakita ako ng gayong pag-uugali hindi lamang sa iisang manggagawang ito ng ebanghelyo, kundi pati na rin sa iba. Nang makita ko na mahina ang pagkaepektibo nila sa kanilang tungkulin, hindi ko pinagnilayan kung alin sa mga gampanin ko mismo ang hindi nagawa nang maayos at hindi ko siniyasat ang mga problema nila, sa halip, pakiramdam ko ay nasira ang dangal at katayuan ko at pinagsabihan ko sila. Hindi lamang nito nabigong tulungan sila kundi napigilan din sila. Kalaunan, humingi ako kaagad ng tawad sa aking mga kapatid, at nagtapat ako para ibahagi ang kalagayan ko. Bumuti nang kaunti ang kalagayan ng mga manggagawa ng ebanghelyo, at natukoy nila ang kanilang mga pagkukulang, at naging handa silang magpunyagi para humusay. Kalaunan, kapag sinusubaybayan ko ang gawain, mas nagbibigay ako ng pansin sa pagbabahagi sa mga prinsipyo, at sa pagbibigay ng higit pang mabubuting landas ng pagsasagawa. Nang panahong iyon, bagama’t medyo nakakahiyang isagawa ang pagiging isang matapat na tao at magtapat sa mga lider, binigyang-daan ako nito na matukoy ang mga isyu ko at gumawa ng mga pagbabago nang napapanahon, at kapaki-pakinabang ito sa aking buhay pagpasok at sa aking mga tungkulin.
Kalaunan, naisip ko rin, “Malinaw sa akin na ang pagsasagawa na maging isang matapat na tao ay ang hinihingi ng Diyos, pero bakit palagi akong natatakot na hamakin at ayaw kong isagawa ang pagiging isang matapat na tao?” Nanalangin ako sa Diyos para sa gabay, at naalala ko ang pagbabahagi ng Diyos na hinihimay ang isang kasabihang itinanim sa atin ng ating pamilya, “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Kaya hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag madalas sabihin sa iyo ng mga nakatatanda sa pamilya na ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,’ ito ay para bigyan mo ng halaga ang pagkakaroon ng magandang reputasyon, pagkakaroon ng maipagmamalaking buhay, at hindi paggawa ng mga bagay na magdudulot sa iyo ng kahihiyan. Kung gayon, ginagabayan ba ng kasabihang ito ang mga tao sa positibo o negatibong paraan? Maaakay ka ba nito tungo sa katotohanan? Maaakay ka ba nito na maunawaan ang katotohanan? (Hindi.) May buong katiyakan mong masasabi na, ‘Hindi, hindi nito magagawa!’ Isipin mo, sinasabi ng Diyos na dapat umasal ang mga tao bilang matatapat na tao. Kapag sumalangsang ka, o may nagawa kang mali, o may nagawa kang isang bagay na naghihimagsik laban sa Diyos at sumusuway sa katotohanan, kailangan mong aminin ang iyong pagkakamali, maunawaan ang iyong sarili, at patuloy na suriin ang iyong sarili para tunay na makapagsisi, at pagkatapos ay kumilos nang naaayon sa mga salita ng Diyos. Kaya, kung aasal ang mga tao bilang matatapat na tao, sumasalungat ba iyon sa kasabihang ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito’? (Oo.) Paanong sumasalungat ito? Ang layon ng kasabihang ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito’ ay para bigyang-halaga ng mga tao ang pagsasabuhay ng kanilang maliwanag at makulay na parte ng pagkatao at ang paggawa ng maraming bagay na magpapamukha sa kanilang kanais-nais sila—sa halip na gumawa ng mga bagay na masama o kahiya-hiya, o magpakita ng kanilang pangit na pagkatao—at upang maiwasan na mamuhay sila nang walang pagpapahalaga sa sarili o dignidad. Para sa kapakanan ng reputasyon ng isang tao, para sa pagpapahalaga sa sarili at karangalan, hindi puwedeng siraan ng isang tao ang lahat ng tungkol sa kanya, lalo na ang sabihin sa iba ang tungkol sa madilim na parte at mga kahiya-hiyang aspekto ng isang tao, dahil ang isang tao ay dapat mamuhay nang may pagpapahalaga sa sarili at dignidad. Upang magkaroon ng dignidad, kailangan ng isang tao ng magandang reputasyon, at para magkaroon ng magandang reputasyon, kailangang magkunwari ng isang tao at pagmukhaing kanais-nais ang sarili. Hindi ba’t sumasalungat ito sa pag-asal bilang isang matapat na tao? (Oo.) Kapag umasal ka bilang isang matapat na tao, ang mga ginagawa mo ay ganap na salungat sa kasabihang ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.’ Kung nais mong umasal bilang isang matapat na tao, huwag mong bigyang-importansiya ang pagpapahalaga sa sarili; ang pagpapahalaga sa sarili ng isang tao ay walang kabuluhan. Sa harap ng katotohanan, dapat ilantad ng isang tao ang sarili, hindi magkunwari o gumawa ng huwad na imahe. Dapat ihayag ng isang tao sa Diyos ang tunay niyang mga kaisipan, ang mga pagkakamaling nagawa niya, ang mga aspektong lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at iba pa, at ilantad din ang mga bagay na ito sa mga kapatid. Hindi ito isang usapin ng pamumuhay para sa sariling reputasyon, sa halip, ito ay isang usapin ng pamumuhay para umasal bilang isang matapat na tao, pamumuhay para sa paghahangad sa katotohanan, pamumuhay para maging isang tunay na nilikha, at pamumuhay para palugurin ang Diyos, at para maligtas. Ngunit kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanang ito, at hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos, ang mga bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay may tendensiyang mangibabaw. Kaya, kapag may nagagawa kang mali, pinagtatakpan mo ito at nagpapanggap ka, iniisip na, ‘Hindi ako puwedeng magsalita ng anumang tungkol dito, at hindi ko rin papayagan na may sabihing kahit ano ang sinumang nakakaalam ng tungkol dito. Kung magsasalita ang sinuman sa inyo, hindi ko kayo basta-bastang palalampasin. Ang reputasyon ko ang pangunahing priyoridad. Walang kabuluhan ang mabuhay kung hindi ito para sa sariling reputasyon, dahil mas mahalaga ito kaysa anupaman. Kung mawawalan ng reputasyon ang isang tao, mawawala ang lahat ng kanyang dignidad. Kaya’t hindi ka maaaring maging prangka, kailangan mong magpanggap, kailangan mong pagtakpan ang mga bagay-bagay, kung hindi, mawawalan ka ng reputasyon at dignidad, at mawawalan ng saysay ang buhay mo. Kung walang rumerespeto sa iyo, wala kang kuwenta at walang silbi kung gayon.’ Posible bang umasal bilang isang matapat na tao sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan? Posible bang maging ganap na bukas at suriin ang iyong sarili? (Hindi.) Malinaw na sa paggawa nito, sumusunod ka sa kasabihang ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito’ na ikinondisyon ng iyong pamilya sa iyo. Gayumpaman, kung bibitiwan mo ang kasabihang ito para mahangad ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan, hindi ka na maaapektuhan nito, at hindi mo na ito magiging salawikain o prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay, at sa halip, ang gagawin mo ay ang mismong kabaligtaran ng kasabihang ito na ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.’ Hindi ka na mamumuhay para sa iyong reputasyon, o para sa iyong dignidad, kundi sa halip, mamumuhay ka para sa paghahangad sa katotohanan, at pag-asal bilang isang matapat na tao, at paghahangad na mapalugod ang Diyos at mamuhay bilang isang tunay na nilikha. Kung susundin mo ang prinsipyong ito, kakailanganin mong bitiwan ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (12)). Mula sa mga salita ng Diyos, nalaman ko ang dahilan kung bakit palagi akong napipigilan ng mga pag-aalala tungkol sa kahihiyan ko at hindi ko magawang maging isang matapat na tao. Ito ay pawang resulta ng pagiging naimpluwensiyahan ng satanikong lason mula pagkabata na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Inuna ko ang aking kahihiyan at katayuan nang higit sa lahat, naniniwalang ang pagkakaroon ng dangal at katayuan sa harap ng iba ang nagdadala ng isang maluwalhating buhay na may dignidad at integridad. Kung ilalantad ko ang aking mga pagkukulang, hindi ako pahahalagahan at hahamakin ako ng iba, na magpapadama sa akin na para bang mawawala na ang aking buhay, at napakasakit nito. Pero ang totoo, ang pagsasabi ng aking mga isyu sa aking mga tungkulin para humanap ng gabay ay maaaring magbigay-daan sa akin na malaman ang aking mga pagkukulang at makahanap ng mga paraan para lutasin ang mga iyon, binibigyang-daan ako na gawin nang maayos ang mga tungkulin ko. Pero noong lumitaw ang mga isyu sa aking mga tungkulin, hindi ko hinanap na lutasin ang mga ito, sa halip, kumilos ako nang mapanlinlang para protektahan ang aking dangal at katayuan. Kahit noong napinsala ng mga kilos ko ang gawain, pinagtakpan ko ang mga problemang ito sa aking mga tungkulin, at sa buong panahong ito, palagi kong tinatalakay ang gawaing naisakatuparan ko, na nagdulot sa mga lider na maniwalang wala akong mga problema sa aking mga tungkulin, na humadlang naman sa agad na pagkalutas ng mga problema. Nagsinungaling ako para hindi mapahiya, at sinubukan kong linlangin kapwa ang mga lider at ang Diyos, kahit ang kapalit pa ay ang pagpinsala sa mga interes ng iglesia. Nasaan ang dignidad at integridad ko roon? Isinasabuhay ko ang wangis ng isang demonyo. Hindi napananatili ang dignidad at integridad sa pamamagitan ng pagbabalatkayo ng isang tao o ng pagpoprotekta sa kanyang dangal. Kapag lamang ang isang tao ay kayang isagawa ang pagiging isang matapat na tao, may lakas ng loob na aminin ang anumang pagkukulang o pagkakamali, at tinatanggap at isinasagawa ang katotohanan nang inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay saka siya maaaring ituring na isang taong may integridad at dignidad. Ang pamumuhay ayon sa mga satanikong lason ay ginagawa lamang ang mga tao na mas buktot at mapanlinlang, at na gumawa ng mas maraming masasamang gawa, at kalaunan ay kasuklaman at itiwalag ng Diyos.
Pagkatapos ay naisip ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “At ano ang pinakaugat ng paghahangad sa mga pansariling interes? Ito ay dahil nakikita ng mga tao ang mga pansarili nilang interes bilang mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pa. Nanlilinlang sila upang makinabang sila, at sa gayon ay nabubunyag ang kanilang mapanlinlang na disposisyon. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Kailangan mo munang tukuyin at alamin kung ano ba ang mga interes, kung ano ba mismo ang idinudulot ng mga ito sa mga tao, at kung ano ba ang mga kahihinatnan ng paghahangad sa mga ito. Kung hindi mo ito malaman, madaling sabihin na tatalikuran mo ang mga ito pero mahirap itong gawin. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala nang iba pang mas mahirap talikuran para sa kanila kaysa sa sarili nilang mga interes. Iyon ay dahil ang mga pilosopiya nila sa buhay ay ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ at ‘Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain.’ Malinaw na nabubuhay sila para sa sarili nilang mga interes. Iniisip ng mga tao na kung wala ang sarili nilang mga interes—na kung mawawala ang kanilang mga interes—hindi sila mabubuhay. Ito ay na para bang hindi maihihiwalay ang buhay nila sa sarili nilang mga interes, kaya nga karamihan sa mga tao ay bulag sa lahat maliban sa sarili nilang mga interes. Mas mataas ang tingin nila sa sarili nilang mga interes kaysa sa anumang ibang bagay, nabubuhay lang sila para sa sarili nilang mga interes, at kapag hinikayat mo silang isuko ang sarili nilang mga interes ay para mo na ring hiniling sa kanila na isuko nila ang buhay nila. Kaya, ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Dapat tanggapin ng mga tao ang katotohanan. Makikita lamang ng mga tao ang diwa ng sarili nilang mga interes kapag naunawaan nila ang katotohanan; saka lamang sila makapagsisimulang bitiwan at maghimagsik laban sa mga ito, at magawang tiisin ang sakit na pakawalan ang mga bagay na labis nilang mahal. At kapag kaya mo nang gawin ito at talikuran ang mga sarili mong interes, mas mapapanatag ka at mas magiging payapa ang iyong puso, at kapag nagawa mo iyon ay nadaig mo na ang laman. Kung kumakapit ka sa iyong mga interes at tumatanggi kang isuko ang mga iyon, at kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, sa iyong puso ay maaari mong sabihin na, ‘Ano bang masama kung magsikap akong makinabang at umayaw akong mawalan? Hindi naman ako pinarusahan ng Diyos, at ano ba ang magagawa ng mga tao sa akin?’ Walang sinumang makagagawa ng anumang bagay sa iyo, pero sa ganitong pananampalataya sa Diyos, mabibigo ka sa huli na matamo ang katotohanan at ang buhay. Magiging isang napakalaking kawalan ito para sa iyo—hindi ka makapagtatamo ng kaligtasan. May mas matindi pa bang panghihinayang? Ito ang kasasapitan sa huli ng pagsisikap mo para sa sarili mong mga interes. Kung katanyagan, pakinabang at katayuan lamang ang hahangarin ng mga tao—kung sariling mga interes lamang ang hahangarin nila—hindi nila kailanman matatamo ang katotohanan at ang buhay, at sila ang mawawalan sa huli” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Pinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na sa pagbitaw lamang sa aking mga interes at pagsasagawa na maging isang matapat na tao, ko makakamit ang katotohanan at matatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Maaaring matugunan ng pagkakamit ng dangal at katayuan ang pansamantalang banidad, pero hindi ito makapagdadala ng kaligtasan. Naalala ko kung paano ko sinabi ang katotohanan sa dalawang pangyayaring iyon. Bagama’t medyo nakakahiya nang panahong iyon, sa pamamagitan ng gabay at tulong ng mga lider, nalaman kong tinahak ko ang maling landas sa pamamagitan ng paggawa alang-alang sa aking dangal at katayuan, at nakita ko ang mga paglihis sa aking mga tungkulin at nakita ko ang mga prinsipyo at landas kung paano lutasin ang mga isyung ito. Kung ikukumpara, ano ba naman ang kaunting kahihiyan? Alam ng mga lider ang mahihinang kakayahan ko sa gawain, at dapat kong harapin ito nang may tapang at tratuhin ito nang tama, tapat na ipahayag ang anumang isyu o paghihirap at hanapin ang katotohanan para maghatid ng mga kalutasan. Sa paggawa ko lamang nang ganito sa aking tungkulin na magagawa kong sumulong. Sa kabaligtaran, kung susubukan kong protektahan ang sarili ko sa pamamagitan ng pagiging mapanlinlang, hindi lamang ako mabibigong maunawaan ang sarili kong mga problema, kundi maaapektuhan din nito ang pagkaepektibo ng aking mga tungkulin at mag-iiwan ako ng mga pagsalangsang. Hindi ba’t kahangalan kung gagawin ko ito? Nang mapagtanto ko ito, nagpasya akong isagawa ang pagiging isang matapat na tao at tahakin ang landas ng kaligtasan.
Pagkatapos noon, nagpatuloy akong maghanap, at natanto ko na palagi akong natakot na pangangasiwaan at sisiyasatin ng mga lider ang gawain ko, pangunahing dahil sa hindi ko naunawaan ang kabuluhan ng pangangasiwa ng mga lider sa gawain. Labis akong nagawang tiwali ni Satanas, at anumang oras ay kaya kong kumilos sa aking mga tungkulin nang batay sa aking tiwaling disposisyon. Samakatwid, kinailangan akong madalas na pangasiwaan at tanungin ng mga lider at manggagawa tungkol sa gawain, para kapag may nakitang mga problema, maaari silang magbahagi kaagad at tumulong na itama ang mga ito. Matutulungan din ako nitong maiwasan ang paggawa ng mga kasamaan na gagambala at gugulo sa gawain ng iglesia. Proteksiyon ito para sa akin! Bukod dito, masyado kong pinahalagahan ang aking dangal at katayuan, madalas na naghahanap ng mga agarang resulta at nilalabag ang mga prinsipyo sa aking mga tungkulin, habang nag-aakalang may matibay akong pagpapahalaga sa pasanin para sa aking mga tungkulin. Kahit noong mahihina ang resulta ng gawain, nabigo akong pagnilayan at kilalanin ang sarili ko at tukuyin ang mga kadahilanan kung bakit ito nangyari. Pagkatapos itong siyasatin ng mga lider, bagama’t nilantad at pinungusan nila ako, sa pamamagitan ng kanilang gabay at pagbabahagi, nagawa kong matukoy ang mga problema ko, at natanto ko na kinakailangang tanggapin ang pangangasiwa ng mga lider. Pagkatapos noon, sadya ko nang isinagawa ang pagiging isang matapat na tao, at nakikipag-ugnayan man ako sa mga lider o sa aking mga kapatid, isinagawa ko ang pagsasalita nang matapat. Minsan, kapag may mga isyu ako sa aking mga tungkulin at hindi ko alam kung paano lutasin ang mga iyon, kahit na gusto kong magtapat, natatakot pa rin akong mahamak, kaya naghihimagsik ako kaagad laban sa aking sarili, at sa pagtatapat at paghahanap ng pagbabahaginan, hindi ko namamalayang nakakakita ako ng paraan para lutasin ang kasalukuyang mga isyu. Natanto ko na ang pagiging isang matapat na tao ay sobrang nakatutulong sa aking mga tungkulin at sa aking buhay pagpasok. Sa pamamagitan ng karanasang ito, naunawaan ko ang kabuluhan ng pagiging isang matapat na tao, at nagkamit ako ng kaunting kaalaman tungkol sa aking mapanlinlang na disposisyon. Ang mga nakamit kong ito ay dahil sa gabay ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!