94. Hindi na Ako Nag-aalala sa Pagtanda

Ni Liang Zhi, Tsina

Minamahal kong Xiujuan:

Natanggap ko ang iyong liham. Mula sa iyong liham, nakita kong nakikipagtulungan ka sa mga mas nakababatang kapatid sa iyong tungkulin kamakailan, at pakiramdam mo ay hindi mo kayang makasabay pagdating sa iyong enerhiya at stamina, kaya’t medyo pinanghihinaan ka ng loob. Nag-aalala ka na habang tumatanda ka, mababawasan ang mga tungkuling makakaya mong gawin, at na ang pag-asa mong maligtas at makapasok sa kaharian ng langit ay unti-unting mawawala. Nagkaroon din ako ng mga parehong alalahanin kamakailan, kaya ngayon, nagsusulat ako para ibahagi sa iyo ang ilan sa aking mga karanasan.

Noong nakaraang Agosto, ginawa naming pareho ni Brother Yang Xun ang aming mga tungkulin sa teknolohiya sa kompyuter. Sa libreng oras ko, nagsulat pa nga ako ng mga sermon sa ebanghelyo at mga artikulo tungkol sa mga karanasan ko sa buhay. Naging masaya talaga ako at lubos na nagalak sa tungkuling ito. Si Brother Yang Xun ay bata pa, punong-puno ng lakas at sigla ng kabataan, at mabilis at maliksi ang pag-iisip niya, at napakalaking tulong niya sa akin sa pag-aaral ng mga teknikal na kasanayan. Bagaman hindi matapatan ng aking kakayahan sa pag-iisip at lakas ang sa mas nakababata, makalipas ang ilang panahon, nagawa kong matutuhan ang maraming teknikal na kaalaman mula sa pagsunod kay Yang Xun. Naging napakasaya ko at ipinangako ko sa sarili ko na susulitin ko ang pagkakataong ito para gawin ang tungkulin ko. Sa paglipas ng panahon, ipinagpatuloy namin ni Yang Xun ang pag-aaral ng mga teknikal na kasanayan nang magkasama. at sa libreng oras ko, nagsanay ako sa pagsulat ng mga sermon at nagkamit ng mas maraming pang-unawa sa mga katotohanang kaugnay sa pangangaral ng ebanghelyo. Lubos kong ikinasiya ang ganitong paraan ng paggawa sa aking tungkulin, at naisip ko na ang pagbabalanse sa dalawang tungkuling ito ay magpapataas sa pag-asa kong maligtas at makapasok sa kaharian ng Diyos. Pero makalipas ang ilang panahon, napansin ko na lumalawak ang agwat sa pagitan namin ni Yang Xun. Bata pa si Yang Xun at may mabuting pang-unawa, at mabilis ang reaksiyon niya at madali siyang matuto. Kapag nahaharap ang mga kapatid sa mga teknikal na problema, kaagad siyang nakatutugon at nalulutas ang mga ito gamit ang kaalamang natutuhan niya. Samantalang ako, bagaman napapangasiwaan ko ang mga pangunahing isyu, pagdating sa mas mahihirap na problema, mabagal ang reaksiyon ko at makakalimutin ako, at kaagad kong nalilimutan ang mga bagay-bagay pagkatapos ko matutuhan ang mga ito. Madalas ay kinailangan kong balikan ang mga sanggunian at tutorial, at kinailangan ng ilang proseso ang paulit-ulit na pagsasanay para makasanayan ko ang mga ito. Kapag may hindi ako nauunawaan, inaasikaso iyon ni Yang Xun, at nagagawa ko lang ang ilang gampaning pansuporta. Nang nagsimula kaming dalawa na magsulat ng mga sermon, madalas na naipapasa ni Yang Xun ang sermon niya ilang araw bago ko matapos ang sa akin. Hindi ko lang talaga kayang makipagsabayan sa kanya, at kitang-kita ang agwat namin. Naisip ko, “Kung maibaibalik ko lang sana ang oras ng dalawampung taon, magiging kasing bilis sana ako ni Yang Xun sa pagkatuto ng mga bagong bagay at magiging mahusay sa tungkuling ito. Magiging napakasaya niyon!” Pero habang tumatanda ako, hindi na makasabay ang aking lakas, stamina, paningin, memorya, at reaksiyon. Bukod pa rito, kailangan kong uminom ng gamot para makontrol ang aking altapresyon at blood sugar. Ang pagtingin sa kompyuter nang napakatagal sa umaga ay nagpapalabo sa aking paningin, at sa gabi, kahit gusto kong kumalma at magsulat ng ilang sermon, hindi na ako makaupo nang matagal dahil sa pagod, antok, at pamamaga ng aking mga binti. at matapos magpigil nang kaunti, nagsisimula na akong makatulog. Madalas akong hikayatin ni Yang Xun na magpahinga, pero nag-alangan ako, dahil ayaw ko makahadlang sa aking tungkulin ang edad ko o ang maliliit na isyung pangkalusugang ito. Kung hindi ko na magagawa ang tungkuling ito, pakiramdam ko ay mas mababawasan pa ang mga tungkuling kaya kong gawin, at baka maging hindi na sigurado kung maliligtas ako at makapapasok sa kaharian ng Diyos. Si Yang Xun ay nasa mga edad tatlumpu pa lang, batang-bata at punong-puno ng sigla, samantalang ako ay nasa mahigit animnapu na, at napakalayo ng kalusugan, memorya, at bilis ng reaksiyon ko kumpara sa mga kabataan, kaya lalo pa akong nadidismaya sa aking sarili. Naisip ko kung gaano kasaya ang maging bata, dahil may napakarami pa ring pagkakataon ang kabataan para gawin ang mga tungkulin nila at may maganda silang kinabukasan. Pakiramdam ko na habang patuloy na mas lumalawak ang kanilang landas, patuloy naman na mas kumikitid ang sa akin. Nabuhay ako sa pagkabalisa at kalungkutan. Nawalan na ako ng sigla para magsulat ng mga artikulo at sermon, at nagsimula akong harapin ang aking tungkulin nang may saloobing “basta mairaos lang ang bawat araw.” Xiujuan, sa tingin mo ba ay napakasama na talaga ng kalagayan ko?

Isang araw, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos: “Mayroon ding mga kapatid na matatanda na ang edad ay 60 hanggang bandang 80 o 90, at dahil sa kanilang katandaan, nakakaranas din sila ng ilang paghihirap. Sa kabila ng kanilang edad, hindi palaging tama o makatwiran ang kanilang pag-iisip, at ang kanilang mga ideya at pananaw ay hindi palaging naaayon sa katotohanan. May mga problema rin ang mga matatandang ito, at palagi silang nag-aalala, ‘Hindi na masyadong mabuti ang kalusugan ko at may mga limitasyon na sa kung anong tungkulin ang aking magagampanan. Kung gagampanan ko lamang itong maliit na tungkulin na ito, tatandaan kaya ako ng Diyos? Minsan ay nagkakasakit ako, at kailangan ko ng mag-aalaga sa akin. Kapag walang nag-aalaga sa akin, hindi ko magampanan ang aking tungkulin, kaya ano ang magagawa ko? Matanda na ako at hindi ko na naaalala ang mga salita ng Diyos kapag binabasa ko ang mga ito at nahihirapan akong maunawaan ang katotohanan. Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, magulo at hindi lohikal ang pagsasalita ko, at wala akong anumang karanasan na karapat-dapat na ibahagi. Matanda na ako at hindi na sapat ang enerhiya ko, malabo na ang aking paningin at hindi na ako malakas. Ang lahat ay mahirap na para sa akin. Hindi lang sa hindi ko magampanan ang aking tungkulin, kundi madali rin akong makalimot ng mga bagay-bagay at magkamali. Minsan ay nalilito ako at nagdudulot ako ng problema sa iglesia at sa aking mga kapatid. Gusto kong makamtan ang kaligtasan at hangarin ang katotohanan ngunit napakahirap nito. Ano ang puwede kong gawin?’ … Partikular na may matatandang nais gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos nang buong oras para sa Diyos at gumampan ng kanilang tungkulin, ngunit mahina ang kanilang katawan. Mayroong may altapresyon, mataas ang blood sugar, may problema sa gastrointestinal, at hindi sapat ang kanilang lakas para matugunan ang mga hinihingi ng kanilang tungkulin, kaya nababahala sila. Nakikita nila ang mga kabataan na nakakakain at nakakainom, nakakatakbo at nakakatalon, at naiinggit sila. Habang mas nakikita nila ang mga kabataan na nagagawa ang gayong mga bagay, mas lalo silang nababagabag, iniisip na, ‘Nais kong gampanan nang maayos ang tungkulin ko at hangarin at unawain ang katotohanan, at nais ko ring isagawa ang katotohanan, kaya bakit napakahirap nito? Napakatanda ko na at wala akong silbi! Ayaw ba ng Diyos sa matatanda? Talaga bang walang silbi ang matatanda? Hindi ba kami magkakamit ng kaligtasan?’ Malungkot sila at hindi nila magawang maging masaya paano man nila ito pag-isipan. Ayaw nilang palampasin ang gayon kagandang panahon at pagkakataon, ngunit hindi nila magugol ang kanilang sarili at magampanan ang kanilang tungkulin nang buong-puso at kaluluwa gaya ng mga kabataan. Nahuhulog sa malalim na pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ang matatandang ito dahil sa kanilang edad. Sa tuwing nahaharap sila sa ilang pagsubok, kabiguan, paghihirap, o hadlang, sinisisi nila ang kanilang edad, at kinamumuhian pa nga sila sa kanilang sarili at hindi nila gusto ang kanilang sarili. Pero anu’t anuman, wala itong saysay, walang solusyon, at wala silang daan pasulong. Posible nga talaga kayang wala silang daan pasulong? May solusyon ba? (Dapat pa ring magampanan ng matatanda ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya.) Katanggap-tanggap naman na gampanan ng matatanda ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, tama ba? Hindi na ba mahahangad ng matatanda ang katotohanan dahil sa kanilang edad? Wala na ba silang kakayahan na maunawaan ang katotohanan? (Kaya nila.) Kaya bang unawain ng matatanda ang katotohanan? Maaari nilang maunawaan ang ilan, at maging ang mga kabataan ay hindi rin naman maunawaan ang lahat ng ito. Ang matatanda ay palaging may maling akala, iniisip nilang malilituhin na sila, na mahina na ang kanilang memorya, kaya hindi nila maunawaan ang katotohanan. Tama ba sila? (Hindi.) Bagaman higit na mas marami ang enerhiya ng mga kabataan kaysa sa matatanda, at mas malakas ang kanilang katawan, ang totoo, ang kanilang kakayahan na makaunawa, makaintindi, at makaalam ay katulad lamang ng sa matatanda. Hindi ba’t minsan ding naging kabataan ang matatanda? Hindi sila ipinanganak na matanda, at darating din ang araw na ang mga kabataan ay tatanda rin. Hindi dapat palaging isipin ng matatanda na dahil sila ay matanda na, mahina ang katawan, may karamdaman, at mahina ang memorya, ay naiiba na sila sa mga kabataan. Ang totoo, wala namang pagkakaiba. Ano ang ibig Kong sabihin na walang pagkakaiba? Bata man o matanda ang isang tao, pare-pareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon, pare-pareho ang kanilang mga saloobin at opinyon sa lahat ng bagay, at pare-pareho ang kanilang mga perspektiba at pananaw sa lahat ng bagay. Kaya hindi dapat isipin ng matatanda na dahil matanda na sila, mas kaunti ang kanilang maluluhong kagustuhan kaysa sa mga kabataan, at mas matatag sila, wala na silang malalaking pangarap o ninanasa, at mas kaunti na ang kanilang mga tiwaling disposisyon—ito ay isang maling paniniwala. Maaaring makipagkumpetensya para sa puwesto ang mga kabataan, kaya hindi ba’t maaari din itong gawin ng matatanda? Ang mga kabataan ay maaaring gumawa ng mga bagay na labag sa mga prinsipyo at kumilos nang pabasta-basta, kaya hindi ba’t maaari din itong gawin ng matatanda? (Oo, maaari.) Maaaring maging mayabang ang mga kabataan, kaya hindi ba’t maaari ding maging mayabang ang matatanda? Gayumpaman, kapag mayabang ang matatanda, dahil sa kanilang edad ay hindi sila ganoon kaagresibo, at hindi masyadong matindi ang kanilang pagiging mayabang. Mas malinaw ang pagpapamalas ng mga kabataan ng kayabangan dahil sa kanilang maliliksing katawan at isipan, samantalang mas hindi halata ang mga pagpapamalas ng kayabangan ng mga nakatatanda dahil sa kanilang mahihinang kasukasuan at saradong isipan. Subalit iisa ang diwa ng kanilang kayabangan at iisa ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Gaano katagal man nang nananalig ang isang matanda sa Diyos, o ilang taon na niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin, kung hindi niya hinahangad ang katotohanan, mananatili ang kanyang mga tiwaling disposisyon. … Kaya, hindi totoo na wala nang magagawa ang matatanda, o hindi na nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at lalong hindi totoo na hindi nila kayang hangarin ang katotohanan—marami silang puwedeng gawin. Ang iba’t ibang heresiya at kamalian na naipon mo sa buong buhay mo, pati na rin ang iba’t ibang tradisyonal na ideya at kuru-kuro, mga kamangmangan at katigasan ng ulo, mga bagay na konserbatibo, mga bagay na hindi makatwiran, at mga bagay na baluktot na naipon mo ay nagkapatong-patong na sa puso mo, at dapat kang gumugol ng mas maraming oras kaysa sa mga kabataan upang alisin, himayin, at kilalanin ang mga bagay na ito. Hindi totoo na wala kang magagawa, o na dapat kang mabagabag, mabalisa, at mag-alala kapag wala kang ginagawa—hindi ito ang iyong gampanin o responsabilidad. Una sa lahat, dapat magkaroon ng tamang pag-iisip ang matatanda. Bagama’t tumatanda ka na at medyo tumatanda na rin ang iyong katawan, dapat ay pangkabataan pa rin ang iyong pag-iisip. Bagama’t tumatanda ka na, ang iyong pag-iisip ay bumabagal na at ang iyong memorya ay humihina na, kung nakikilala mo pa rin ang iyong sarili, nauunawaan pa rin ang mga salitang sinasabi Ko, at nauunawaan pa rin ang katotohanan, pinatutunayan niyon na hindi ka pa matanda at sapat pa ang iyong kakayahan. Kung ang isang tao ay nasa 70 na ngunit hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan, ipinapakita nito na napakababa ng kanyang tayog at hindi niya kaya ang gampanin. Samakatwid, walang kinalaman ang edad pagdating sa katotohanan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Tinutugunan mismo ng pagbabahagi ng Diyos ang kalagayang kinakaharap nating matatanda. Habang tumatanda tayo, humihina ang ating katawan, at ang paggawa ng ating mga tungkulin ay maaaring magdala sa atin ng ilang hamon. Madalas tayong nakararamdam ng kawalan ng lakas at inggit sa mga kabataan. Tulad ko, nang makita kong si Yang Xun ay bata pa, may mahusay na memorya at malusog na katawan, naisip ko na mas marami siyang tungkulin na kayang gawin kaya’t mas malaki ang pag-asa niyang maligtas. Samantala, pakiramdam ko na habang tumatanda ako, dahil sa mahinang kalusugan at pumupurol na memorya, mga gampaning pansuporta lang ang kaya kong gawin, at nag-alala ako na kung hindi ko makakayang gawin nang maayos ang tungkuling ito, baka wala na akong ibang tungkuling kayang gawin, at natakot akong mawalan ng pag-asa na maligtas. Dahil dito, nasiraan ako ng loob. Pero pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi inililigtas ng Diyos ang mga tao batay sa edad nila o sa kung gaano karami ang ginagawa nilang tungkulin, kundi batay sa kung hinahangad ba nila ang katotohanan. Maaaring maranasan ng matatanda ang panghihina ng katawan o pagkakasakit, pero hindi sila pinipigilan ng mga iyon na hangarin ang katotohanan. Bagaman tumanda na ako, nakatipon ako ng maraming satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo kasama ng iba’t ibang tradisyonal na ideya at kuru-kuro, at hindi mas kaunti ang mga satanikong tiwaling disposisyon ko kumpara sa mga kabataan. Kunin nating halimbawa ang nakaraang tagsibol noong nangangaral ako ng ebanghelyo. Nagkaroon ako ng kaunting karanasan sa pangangaral ng ebanghelyo matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, kaya ginamit ko ang aking karanasan para magpasikat sa harap ng mga kapatid, mapagmataas na nagsasalita para ipagmalaki ang sarili ko at makuha ang paghanga nila. Napagtanto ko na marami pa akong tiwaling disposisyong dapat lutasin at maraming katotohanang dapat pasukin, at na kailangan kong lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagsasagawa ng katotohanan. Kasabay nito, kailangan ko ring gawin ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Ito ang mga bagay na puwede kong gawin sa halip na mamuhay sa kalagayan ng pagkasira ng loob at pagsuko sa paghahangad ng katotohanan. Nang naisip ko ito, naramdaman kong napakaakma ng tungkuling isinaayos para sa akin ng lider. Kapag abala si Yang Xun sa mga tungkulin niya, tumutulong ako sa mga gampaning pansuporta, at kapag hindi siya abala, nagsusulat ako ng mga artikulo at sermon. Karaniwan ko ring binibigyang-pansin ang mga tiwaling disposisyon na ibinunyag ko sa aking mga tungkulin at hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Sa pagsasagawa nang ganito, may pagkakataon pa rin akong maligtas. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na hindi maaaring maghangad o umunawa ng katotohanan ang matatanda, at hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao: Basta’t ginagawa natin ang ating mga tungkulin ayon sa ating mga kakayahan at hindi sumusuko sa paghahangad ng katotohanan, kahit ano pa ang ating edad, may pagkakataon tayong lahat na maligtas. Dahil sa pagkatantong ito, nagliwanag ang puso ko, at hindi na ako naging kasingbalisa.

Isang araw, nabasa ko ang mas marami pang salita ng Diyos: “Ang paggampan ng tungkulin ng isang tao ay bokasyon ng bawat tao, ang paggampan ng kanyang tungkulin ay may mga kaakibat na sarili nitong prinsipyo, dapat gampanan ng lahat ang kanilang tungkulin alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at ito ang dapat gawin ng mga nilikha. May binanggit bang anuman tungkol sa kabayaran dito? Anumang pagbanggit ng gantimpala? (Wala.) Walang binanggit na kabayaran o gantimpala—ito ay isang obligasyon. Ano ang ibig sabihin ng ‘obligasyon’? Ang obligasyon ay isang bagay na dapat gawin ng mga tao, isang bagay kung saan hindi naaangkop ang mabigyan ng gantimpala nang ayon sa paggawa ng isang tao. Hindi kailanman itinakda ng Diyos na ang sinumang gumaganap ng maraming tungkulin ay dapat tumanggap ng malaking gantimpala, at na ang sinumang hindi gaanong gumaganap ng kanilang tungkulin o gumaganap nito sa paraang hindi mabuti ay dapat tumanggap ng kaunting gantimpala—hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong bagay. Kaya, ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? Sinasabi ng Diyos na ang paggampan ng tungkulin ng isang tao ay ang bokasyon ng bawat tao at ito ay isang bagay na dapat gawin ng mga nilikha—ito ang katotohanan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, dami ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga tungkulin ay ang obligasyon at bokasyon ng bawat nilikha, at walang gayong bagay na mas marami kang ginagawang tungkulin, mas malaki ang gantimpala, o mas kaunti ang ginagawa mo, mas maliit ang mga biyaya mo mula sa Diyos. Ang mga kaisipang ito ay pawang mga kuru-kuro at imahinasyon ko lang. Ang pagtukoy ng Diyos sa kalalabasan at hantungan ng isang tao ay nakabatay sa kung taglay ba nito ang katotohanan. Matanda man o bata ang isang tao, hangga’t hinahanap niya ang katotohanan at tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, siya ay isang taong nilalayong iligtas ng Diyos, at hindi tinatrato ng Diyos nang hindi patas ang kahit sinumang tao. Tinutukoy ito ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi ko tiningnan ang mga bagay-bagay batay sa mga katotohanang prinsipyo, at sa halip, hinusgahan ko kung maliligtas ang isang tao batay sa laki ng kanyang kontribusyon. Nagpakita ito ng kawalan ng pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos at isa itong kalapastanganan sa Diyos! Naisip ko kung paano ipinalaganap ni Pablo ang ebanghelyo sa malaking bahagi ng Europa at nagtayo ng maraming iglesia. Mukhang malaki ang naging mga kontribusyon niya, pero hindi niya hinangad ang katotohanan. Ginamit niya ang gawain at paggugol niya bilang puhunan at hiningi ang isang korona mula sa Diyos. Madalas niyang itinaas at pinatotohanan ang kanyang sarili, at hindi siya kailanman nagpatotoo sa Diyos. Sinabi pa nga niya na ang mabuhay ay si cristo, na labis na sumalungat sa disposisyon ng Diyos. Sa huli, hindi siya naligtas at sa halip ay pinarusahan sa impiyerno. Ang laki ng kontribusyon ng isang tao sa tungkulin niya ay hindi batayan kung siya ay maliligtas. Ang kaligtasan ng isang tao ay nakasalalay sa kung hinahangad ba niya ang katotohanan at kung ginagawa ba niya ang tungkulin niya nang buong puso at isipan. Xiujuan, kapag hindi natin nauunawaan ang katotohanan, madalas nating ginagamit ang ating mga kuru-kuro at imahinasyon para tingnan ang mga isyu. Dahil dito, nagiging madali para sa atin na magkaroon ng mga maling pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos!

Pagkatapos nito, nagsimula akong magnilay, tinatanong ang aking sarili, “Ano ang nasa likod ng aking mga alalahanin at hinanakit, ano ang nagtutulak sa mga ito?” Sa aking paghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bago magpasyang gawin ang kanilang tungkulin, sa kaibuturan ng kanilang puso, punong-puno ang mga anticristo ng mga ekspektasyon tungkol sa kanilang kinabukasan, pagtatamo ng mga pagpapala, magandang hantungan, at maging ng isang korona, at malaki ang kanilang kumpiyansa na matatamo nila ang mga bagay na ito. Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may gayong mga intensyon at adhikain. Kaya, nakapaloob ba sa paggampan nila ng tungkulin ang sinseridad, tunay na pananalig at katapatan na hinihingi ng Diyos? Sa puntong ito, hindi pa makikita ng isang tao ang kanyang tunay na katapatan, pananalig, o sinseridad, dahil nagkikimkim ang lahat ng isang ganap na transaksiyonal na pag-iisip bago nila gawin ang kanilang mga tungkulin; lahat ay nagdedesisyon na gawin ang kanilang tungkulin batay sa kanilang mga hilig, at batay rin sa paunang kondisyon ng kanilang nag-uumapaw na mga ambisyon at pagnanais. Ano ang intensyon ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin? Ito ay upang makipagkasunduan, para makipagpalitan. Masasabi na ito ang mga kondisyon na itinatakda nila para sa paggawa ng tungkulin: ‘Kung gagawin ko ang aking tungkulin, dapat akong magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungan. Dapat kong makamit ang lahat ng pagpapala at pakinabang na sinabi ng diyos na inihanda para sa sangkatauhan. Kung hindi ko makakamit ang mga ito, hindi ko gagawin ang tungkuling ito.’ Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may mga gayong intensyon, ambisyon, at pagnanais. Tila mayroon silang kaunting sinseridad, at siyempre, para sa mga bagong mananampalataya at sa mga kakasimula pa lang na gawin ang kanilang tungkulin, maaari din itong tawagin na kasigasigan. Ngunit walang tunay na pananalig o katapatan dito; mayroon lamang antas ng kasigasigan. Hindi ito matatawag na sinseridad. Kung pagbabatayan ang saloobing ito ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin, ito ay ganap na transaksiyonal at puno ng kanilang mga pagnanais sa mga pakinabang tulad ng pagtatamo ng mga pagpapala, pagpasok sa kaharian ng langit, pagkakamit ng korona, at pagtanggap ng mga gantimpala. Kaya, sa panlabas, bago mapatalsik, mukhang maraming anticristo ang gumagawa ng tungkulin nila at mas marami na nga silang tinalikuran at pinagdusahan kaysa sa karaniwang tao. Ang iginugugol nila at ang halagang ibinabayad nila ay kapantay ng kay Pablo, at hindi rin masasabi na hindi sila gaanong abala kumpara kay Pablo. Isa itong bagay na nakikita ng lahat. Sa usapin ng pag-uugali nila at ng determinasyon nilang magdusa at magbayad ng halaga, nararapat na wala silang makuha. Gayumpaman, hindi tinatrato ng Diyos ang isang tao batay sa panlabas niyang pag-uugali, kundi batay sa diwa niya, sa disposisyon niya, sa kung ano ang ibinubunyag niya, at sa kalikasan at diwa ng bawat bagay na ginagawa niya(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na kapag ginagawa ng mga anticristo ang mga tungkulin nila sa iglesia, kahit gaano karami ang tila tinalikuran nila, ginugol ang sarili nila, o nagdurusa at nagbabayad ng halaga, ginagawa nila ang lahat ng ito para magkamit ng mga biyaya, at ginagamit nila ang tungkulin nila bilang kasangkapan para makipagtawaran sa Diyos. Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang aking sariling pananaw sa paghahangad ay katulad lang ng sa isang anticristo. Simula nang matagpuan ko ang Diyos, tila nasusunod ko ang mga pagsasaayos ng iglesia at nagagawa ang aking mga tungkulin, pero ang lahat ng ito ay may layuning makatanggap ng mga pagpapala. Para sa mga biyaya, kusa akong umupa ng dalawang apartment para gawin ang mga tungkulin ng pagpapatuloy. Kapalit ng mga pagpapala ng kaharian ng langit, handa pa nga akong magbitiw sa isang trabahong may mataas na pasahod para aktibong gawin ang aking mga tungkulin. Para sa isang magandang destinasyon, hindi ako nagpapigil sa aking karamdaman sa paggawa ng aking mga tungkulin, dahil naisip ko na mas maraming tungkulin ang magagawa ko, mas marami rin akong pagpapalang matatanggap mula sa Diyos. Pero habang tumatanda ako, nang makita kong hindi makasabay sa mga nakababata ang pagiging episyente at epektibo ko sa aking mga tungkulin, nagsimula akong mag-alala na baka matanggal o mailipat ako, at pagkatapos ay mas mababawasan pa ang mga tungkuling kaya kong gawin at mas mapapalayo ang pag-asa kong makatanggap ng mga pagpapala at makapasok sa kaharian ng Diyos. Nabuhay ako sa pag-aalala, pagkabalisa, at pagkabahala, ginagawa ang mga tungkulin ko nang may saloobing “makaraos lang sa bawat araw.” Ang mga tungkulin ay ang responsabilidad ng bawat nilikha, at makatwiran at likas ang mga ito, pero itinuring ko ang tungkulin ko bilang katibayan para makakuha ng mga pagpapala. at hangga’t makatatanggap ako ng mga pagpapala, handa akong tumalikod, gumugol, magtiis, at magbayad ng halaga, gaano kalaki man ang kinakailangan. pero kung walang pag-asang makatatanggap ng mga pagpapala, wala na rin ang akong motibasyon para gawin ang aking mga tungkulin. Sa anong paraan ako nagkaroon ng anumang konsensiya? Sa pagbabalik-tanaw, nakita ko na marami na akong tinamasa na pagpapastol at pagdidilig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita simula nang nanampalataya ako sa Kanya, at na hindi ako dapat humingi ng anuman mula sa Diyos. Binigyan ako ng Diyos ng buhay at pinahintulutan Niya akong pumunta sa sambahayan Diyos at gawin ang aking tungkulin, at ito ay biyaya na mismo ng Diyos. Kahit walang magandang destinasyon para sa akin, hindi ako dapat magreklamo, at dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas nakadama ako ng pagkakautang sa Diyos, at nanalangin ako sa Kanya, handang bitawan ang pagnanais ko para sa mga pagpapala at lumaya mula sa mga maling pananaw na ito sa paghahangad.

Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang ilan pa sa mga salita ng Diyos: “Ang mas matatandang kapatid na lalaki at babae ay mayroon ding kanilang tungkulin na gagampanan, at sila ay hindi iniiwan ng Diyos. Ang mas matatandang kapatid na lalaki at babae rin ay may mga kapwa kanais-nais at mga hindi-kanais-nais na aspeto. Sila ay may mas maraming pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at may mas maraming relihiyosong kuru-kuro. Sa kanilang mga kilos, sila ay kumakapit sa maraming mahigpit na kinasanayan, bilang mahihilig sa mga alituntunin na inilalapat nila nang mekanikal at walang kaluwagan. Ito ay hindi isang kanais-nais na aspeto. Gayunpaman, itong mga nakatatandang kapatid na lalaki at babae ay nananatiling kalmado at matatag anuman ang nangyayari; ang kanilang mga disposisyon ay matatag at sila ay walang mapupusok na damdamin. Maaaring mabagal sila sa pag-unawa ng mga bagay-bagay, subali’t ito ay hindi isang malaking pagkukulang. Hanggang kaya ninyong magpasakop; hangga’t kaya ninyong tanggapin ang kasalukuyang mga salita ng Diyos at hindi sinusuri ang mga salita ng Diyos; hangga’t ang inyong layon lamang ay pagpapasakop at pagsunod, at hindi nanghuhusga sa mga salita ng Diyos o nagkikimkim ng iba pang mga masamang kaisipan tungkol sa kanila; hangga’t inyong tinatanggap ang Kanyang mga salita at isinasagawa ang mga ito—kung gayon, dahil nasusunod ang lahat ng kundisyong ito—kayo ay kayang maperpekto(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagganap ng Bawat Isa sa Kanilang Tungkulin). “Maging kayo man ay mas bata o mas matandang kapatid na lalaki o babae, nalalaman ninyo ang tungkulin na dapat ninyong gampanan. Yaong mga nasa kanilang kabataan ay hindi mapagmataas; yaong mga mas matatanda ay hindi negatibo, ni umuurong. Higit pa, nakakaya nilang gamitin ang lakas ng bawat isa upang mapunan ang kani-kanilang mga kahinaan, at nagagawa nilang maglingkod sa isa’t isa, nang walang pagtatangi. Isang tulay ng pagkakaibigan ang nabubuo sa pagitan ng mas bata at mas matatandang kapatid na lalaki at babae, at dahil sa pag-ibig ng Diyos nagagawa ninyong mas maunawaan ang isa’t isa. Hindi hinahamak ng mga nakababatang kapatid na lalaki at babae ang mga mas matandang kapatid na lalaki at babae, at ang mga nakatatandang kapatid na lalaki at babae ay hindi nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba: Hindi ba’t maayos na pagtutulungan ito? Kung lahat kayo ay mayroong ganitong paninindigan, kung gayon ang kalooban ng Diyos ay tiyak na maisasakautuparan sa inyong henerasyon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagganap ng Bawat Isa sa Kanilang Tungkulin). Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng inspirasyon at matinding pananalig. Bagaman medyo mas mahina ang kalusugan nating matatanda, basta’t nakikinig tayo sa mga salita ng Diyos, nagpapasakop sa Kanya, at nakatuon sa pagsasagawa sa Kanyang mga salita, may oportunidad tayong lahat na maligtas. Hindi kailangang ikumpara ng matatanda ang sarili nila sa mga kabataan, at dapat tingnan nila nang tama ang kanilang mga kalakasan at kahinaan. Ang kabataan ay mabilis mag-isip at madaling matuto, at bagama’t may mga kalakasan sila, madalas ay kulang sila sa masusing pagsasaalang-alang. Ang matatanda ay kadalasang kalmado at matatag sa kanilang gawain, at ang makipagtulungan nang magkasama sa ganitong paraan ay nagpapahintulot sa atin na mapunan ang kakulangan ng isa’t isa sa ating mga tungkulin. Kapag may nahaharap ako sa mga teknikal na problema, humihingi ako ng tulong kay Yang Xun, at kapag nahaharap naman si Yang Xun sa mahihirap na tanong, nakikipagtalakayan siya sa akin tungkol sa mga ito, dahilan para mabilis kaming magkasundo. Kung wala sa aming dalawa ang nakauunawa, humihingi kami ng gabay mula sa aming lider, at sa huli, ay nakahahanap kami ng tamang landas ng pagsasagawa. Bukod pa rito, para sa aming dalawa ni Yang Xun, sinuman sa amin ang makapansin sa isa’t isa ng mga pagbubunyag ng katiwalian o mga kilos na hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, nagagawa naming tukuyin ang mga ito sa isa’t isa nang hindi napipigil ng pagmamataas, at sa pamamagitan ng bukas na pakikipagbahaginan, kapwa kaming nakikinabang sa isa’t isa. Ngayon, hindi na ako nag-aalala na baka hindi ko magawa ang aking tungkulin dahil sa aking edad at nakatuon ako sa kung paano gagawin ang aking mga tungkulin nang maayos para masuklian ang pagmamahal ng Diyos. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Xiujuan, Sana ay matulungan ka ng karanasan kong ito. Sa aking aktuwal na karanasan, nakita ko na walang pagkiling ang Diyos sa matatanda, at kung hindi dahil sa pagsasaayos ng Diyos ng gayong sitwasyon para ibunyag ako, hindi ko mapagtatanto na napakarami sa mga pananaw ko ang hindi ayon sa katotohanan. Pinahintulutan ako ng pagbubunyag na ito na magkaroon ng mga pakinabang. Kung mayroon kang anumang bagong ilaw o kaliwanagan, pakiusap sumulat ka sa akin para ibahagi ito. Inaasahan ko ang iyong tugon!

Liang Zhi

Nobyembre 18, 2023

Sinundan:  93. Ang Paggising ng isang Alipin ng Pera

Sumunod:  95. Paano Tratuhin ang mga Magulang Alinsunod sa Layunin ng Diyos

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger