20. Isang Pagninilay-nilay tungkol sa Palaging Pagseselos sa Iba

Ni Lu Xin, Tsina

Kami ng kapitbahay ko na si Xiaoyue ay magkatrabaho at mabuting magkaibigan din. Noong 2013, magkasabay naming tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at napakasaya ko. Matapos makita ang Diyos, magkasama kaming dumadalo sa mga pagtitipon. Paglipas ng panahon, napansin ko na si Xiaoyue ay may abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos at nakakapagbigay-tanglaw ang pagbabahagi niya ng katotohanan, at tuwing ibinabahagi ni Xiaoyue ang pagkaarok niya sa mga salita ng Diyos, tumatango sa pagsang-ayon ang mga lider, at nagsimulang sumama ang loob ko. Tila talagang hinahangaan ng mga lider si Xiaoyue, at naisip ko na kailangan kong magsikap pa lalo at hindi matalo ni Xiaoyue. Kaya, bago ang bawat pagtitipon, pinagninilayan ko sa bahay ang mga salita ng Diyos, pero sa mga pagtitipon, ang pagbabahagi ko ay wala pa rin ng pagtanglaw na mayroon kay Xiaoyue. Nagsimula akong makadama ng krisis. Kalaunan, pareho naming ginampanan ang mga tungkulin ng mga lider ng grupo, at napansin ko na si Xiaoyue ay responsable sa mas maraming grupo kaysa sa akin. Sa mga pagtitipon, pinapauna ng mga lider si Xiaoyue na magbahagi, at iniisip ko, “Tila talagang pinapahalagahan siya ng mga lider. Palagi nilang pinapauna si Xiaoyue. Pareho naming tinanggap nang sabay ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, kaya bakit siya responsable sa mas maraming grupo kaysa sa akin? Talaga bang mas magaling siya kaysa sa akin? Ang pananalig ba niya ay talagang mas malakas kaysa sa akin?” Sobrang sama ng loob ko, puno ako ng pagkabalisa, at may kakaiba akong pakiramdam ng kawalan. Dati, tatalakayin ko kay Xiaoyue ang anumang hindi ko naunawaan, pero ngayon ay hindi na ako lumalapit sa kanya. Naisip ko na ang palaging pagtatanong sa kanya ay pinagmukha akong mas mababa sa kanya. Minsan, kapag nakikita ko si Xiaoyue, iniiwasan ko siya, at hindi na kami malapit sa isa’t isa gaya ng dati. Kalaunan, nagdaos ang iglesia ng halalan para sa mga lider, at pareho kaming kandidato ni Xiaoyue. Naisip ko na labis na angkop si Xiaoyue na maging lider pagdating sa kakayahan at paghahangad sa katotohanan. Pero naisip ko, “Pareho kaming nagsimulang manampalataya sa Diyos at gawin ang mga tungkulin namin nang magkasama. Kung siya ay magiging isang lider samantalang ako ay isang lider ng grupo, ano ang magiging tingin sa akin ng iba? Hindi ba’t iisipin nilang mas mababa ako sa kanya?” Nagsimula akong mag-isip kung paano ko siya mapipigilan na mahalal bilang isang lider. Hindi ko makokontrol kung boboto ba ang iba sa kanya, pero kahit papaano ay puwedeng hindi ko siya iboto. Kaya, iba ang ibinoto ko. Pero sa huli, nahalal pa rin si Xiaoyue bilang ang lider. Medyo sumama ang loob ko, at kinagabihan, hindi ako mapakali sa kama, at hindi ako makatulog. Naisip ko, “Ako at si Xiaoyue ay nanampalataya sa Diyos nang magkasinghabang panahon, pero lider na siya ngayon, samantalang isa lang akong lider ng grupo. Hindi ba’t pinagmumukha ako nitong mas mababa sa kanya?” Talagang nainis ako.

Minsan, nakikipagkuwentuhan ako sa lider sa bahay niya tungkol sa halalan. Napansin ng lider ang pagseselos ko at tinanong ako, “Anong naramdaman mo nang makita mong nahalal si Xiaoyue bilang lider? Nagseselos ka ba sa kanya?” Nang marinig ko ito, namula ang mukha ko, at naaasiwa akong umiling at nagsabing, “Mabuti kaming magkaibigan; paano ako magseselos sa kanya?” Nang pauwi ako, patuloy kong iniisip kung ano ang sinabi ng lider. Dahil sinabi ng lider na nagseselos ako kay Xiaoyue, alam ko na ito ang problema ko. Nang malapit na ako sa bahay, nakita kong pinapakain ang mga aso ng kapitbahay ko. Habang kumakain ang dalawang aso, isa pang aso na nagngangalang Erxiong ang nakatayo sa tabi, na nanonood lang. Tinanong ko ang kapitbahay ko, “Bakit hindi mo pinapakain si Erxiong?” Sinabi ng kapitbahay, “Masunurin ang asong ito, kahit na hindi mo ito bigyan ng pagkain, naghihintay lang ito, hindi ito nakikipag-away o nang-aagaw.” Nang marinig ko ang sinabi ng kapitbahay ko, naisip ko ang tinukoy sa akin ng lider, at nakadama ako ng matinding kalungkutan sa puso ko. Naisip ko, “Kahit ang aso ay hindi nakikipag-away o nakikipagkompetensiya, pero palagi akong nakikipagkompetensiya kay Xiaoyue. Ginagawa ako nitong mas masahol sa aso.” Umuwi ako at lumuhod na nagdadasal sa Diyos, “O Diyos, masama ang loob ko na makita si Xiaoyue na nahalal bilang isang lider. Sinabi ng lider na nagseselos ako sa kanya, pero hindi ko ito mapagtanto. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako para makilala ko ang mga problema ko.”

Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ngayon, ginagampanan ninyong lahat ang inyong mga tungkulin nang full-time. Hindi kayo napipigilan o natatalian ng pamilya, pag-aasawa, o kayamanan. Nakaahon na kayo mula sa mga bagay na iyon. Subalit, ang mga kuru-kuro, imahinasyon, kaalaman, at mga pansariling intensyon at hangarin na laging laman ng inyong isipan ay nananatiling ganoon pa rin. Kaya, pagdating sa anumang may kinalaman sa reputasyon, katayuan, o pagkakataong mamukod-tangi—halimbawa, kapag naririnig ninyo na ang sambahayan ng Diyos ay nagpaplanong maglinang ng sari-saring uri ng mga taong may talento—lumulukso sa pag-asam ang puso ng bawat isa sa inyo, gusto palagi ng bawat isa sa inyo na maging tanyag at makakuha ng pansin. Lahat kayo ay nais na makipaglaban para sa katayuan at reputasyon. Ikinahihiya ninyo ito, pero hindi magiging maganda ang pakiramdam ninyo kung hindi ninyo ito gagawin. Nakararamdam kayo ng inggit, pagkamuhi, at pagrereklamo sa tuwing may nakikita kayong taong namumukod-tangi, at iniisip ninyo na hindi ito patas: ‘Bakit hindi ako makapamukod-tangi? Bakit palagi na lang ibang tao ang napapansin? Bakit hindi ako kahit kailan?’ At pagkatapos ninyong makaramdam ng sama ng loob, sinusubukan ninyo itong pigilin, ngunit hindi ninyo magawa. Nagdarasal kayo sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam sandali, ngunit kapag naharap kayong muli sa ganitong sitwasyon, hindi pa rin ninyo ito madaig. Hindi ba ito nagpapakita ng isang tayog na kulang pa sa gulang? Kapag naiipit sa gayong mga kalagayan ang mga tao, hindi ba’t nahulog na sila sa patibong ni Satanas? Ito ang mga kadena ng tiwaling kalikasan ni Satanas na gumagapos sa mga tao. … habang mas nagpupumilit ka, lalong magdidilim ang puso mo, at lalo kang makadarama ng inggit at pagkamuhi, at lalo lang titindi ang hangarin mong makamit ang mga bagay na ito. Habang lalong tumitindi ang hangarin mong makamit ang mga ito, lalo mo itong hindi magagawang matamo, at habang nangyayari ito, mas nadaragdagan ang pagkamuhi mo. Habang mas namumuhi ka, lalong nagdidilim ang kalooban mo. Habang lalong nagdidilim ang iyong kalooban, lalong pumapangit ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at habang lalong pumapangit ang pagganap mo sa iyong tungkulin, lalo kang nawawalan ng silbi sa sambahayan ng Diyos. Ito ay magkakaugnay at masamang bagay na paulit-ulit na nangyayari. Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, unti-unti kang ititiwalag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Matapos basahin ang siping ito, nadama ko na diretsahang sinasabi ng Diyos ang tungkol sa kalagayan ko. Tuwing dumarating sa mga bagay na magpapahintulot sa isang tao na mamukod-tangi, gusto kong makipagkompetensiya at magkaroon ng lugar sa puso ng mga tao. Naisip ko kung paanong ako at si Xioayue ay nagsimulang manampalataya sa Diyos nang magkasama at dumalo sa mga pagtitipon nang magkasama, pero nang makita ko na naarok niya nang mas mahusay kaysa sa akin ang mga salita ng Diyos at responsible siya sa mga pagtitipon ng mas maraming grupo, nadama ko na mas pinapahalagahan siya ng mga lider kaysa sa akin, at nalungkot ako at nagsimulang magselos sa kanya. Dati, palagi kong tinatalakay kay Xiaoyue ang mga bagay-bagay, pero nang makita ko na mas magaling siya kaysa sa akin sa lahat ng paraan, nagalit ako, at ayaw ko na siyang makita. Hindi na kami malapit sa isa’t isa gaya ng dati. Nang dumating ang halalan para sa lider ng iglesia, bagaman alam na alam ko na mas magaling si Xiaoyue kaysa sa akin sa maraming bagay at labis siyang angkop para sa posisyon ng lider, nag-alala ako na kung mahahalal siya bilang lider at mananatili ako na isang lider lang ng grupo, magiging tila mas mababa ako sa kanya, kaya naman, sadya akong hindi bumoto sa kanya. Kalaunan, nang makita ko na nahalal si Xiaoyue bilang lider, nadismaya ako. Patuloy kong ikinumpara ang sarili ko kay Xiaoyue, at nang makita kong mas magaling siya kaysa sa akin, nagselos at sumama ang loob ko. Napuno ang isip ko ng mga kaisipan kung paano siya hihigitan, pero nang hindi ko magawa, nalungkot ako, nawalan ng motibasyong gawin ang tungkulin ko, at nagdusa ng kawalan ang buhay pagpasok ko. Noong sandaling iyon, napagtanto ko na ang pagdurusa ko ay dahil sa sobrang pagseselos ko. Dapat punan ng mga kapatid ang mga kalakasan at kahinaan ng isa’t isa, nagtutulungan para gawin nang maayos ang mga tungkulin namin nang magkakasama sa halip na nagseselos at ibinubukod ang iba dahil sa pride at katayuan. Sa paggawa nito, kapopootan lang tayo ng Diyos. Kinailangan kong matutuhan na bitiwan ang mga pagnanais ko at tahimik na gawin nang maayos ang mga tungkulin ko nang hindi naghahanap ng atensiyon. Kalaunan, kapag may hindi ako nauunawaan tungkol sa tungkulin ko, nagkukusa akong tanungin si Xiaoyue tungkol dito, at pinagbabahaginan namin nang magkasama ang mga salita ng Diyos para lutasin ito. Lalo akong napanatag.

Isang araw noong 2016, sinabi ng mga lider na nagplano silang ipadala si Xiaoyue sa ibang lugar para gawin ang tungkulin niya at hiniling sa akin na magsulat ng ebalwasyon tungkol sa kanya. Hindi ko namamalayan, umusbong na naman ang pagseselos ko, at naisip ko, “Mula nang makita ang Diyos, si Xiaoyue ay umangat na bilang lider ng iglesia mula sa pagiging lider ng grupo, at ngayon ay ipadadala siya sa ibang lugar para gawin ang tungkulin niya, at magiging responsable siya sa mas marami pang iglesia. Pero hindi pa rin ako makaalis dito—isang lider pa rin ng grupo. Ano ang iisipin sa akin ng mga kapatid? Sasabihin kaya nila na mas mababa ako kaysa kay Xiaoyue, at na ang agwat sa pagitan namin ni Xiaoyue ay napakalayo? Hindi ito maaari! Hindi ko siya puwedeng hayaan, kailangan kong magsulat ng ilan sa mga kahinaan ni Xiaoyue para makita ng mga lider na hindi siya ganoon kagaling; sa ganoong paraan, hindi siya iaangat.” Sa loob ng ilang araw, naligalig at nabagabag ako dahil dito. Patuloy kong iniisip, “Paano ko ba dapat isulat ang ebalwasyon? May mga katiwalian at pagkukulang si Xiaoyue, pero walang taong perpekto, at ang lahat ay may mga kamalian at kahinaan. Imposibleng magbago nang magdamag. Kung isusulat ko lang ang mga kapintasan niya, hindi iyon patas na pagtrato sa iba. Hindi ba’t gagawa ako ng masama rito? Pero kung obhetibo at makatotohanan akong magsusulat, at iangat talaga si Xiaoyue, sasama ang loob ko.” Habang nahihirapan ako, patuloy kong isinusulat at binubura ang ebalwasyon ko nang paulit-ulit. Sa huli, hindi ko na alam kung ano pa ang isusulat, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos! Alam ko na sinisiyasat Mo ako sa sandaling ito. Kung isusulat ko ang ebalwasyong ito ayon sa sarili kong mga layunin at pipigilan ko si Xiaoyue na pumunta sa ibang lugar para gawin ang tungkulin niya, tunay na gagawa ako ng masama. Pakiusap, tulungan Mo akong maghimagsik laban sa tiwaling disposisyon ko para makasulat ako nang makatotohanan at maging isa akong matapat na tao.” Pagkatapos manalangin, makatotohanan kong isinulat ang ebalwasyon. Pero nang maisip ko ang pag-alis ni Xiaoyue, sumama ang loob ko, na parang may batong nakadagan sa puso ko. Noong panahong iyon, paminsan-minsan ay tinatanong ko kung paano ginagawa ni Xiaoyue ang tungkulin niya, umaasang makarinig na masama ang kalagayan niya o na hindi siya maayos gumawa sa tungkulin niya. Pero tuwing may nababalitaan ako, talagang maganda ang kalagayan niya, at medyo nadidismaya ako. Isang araw, pumunta ako sa bahay ni Xiaoyue, at naisip ko, “Hindi alam ni Xiaoyue na may pagdurusang nakaakibat sa paggawa ng mga tungkulin sa ibang lugar. Kung sasabihn ko ito sa kanya, baka umayaw na siyang umalis.” Kaya, sinabi ko kay Xiaoyue, “Ang paggawa ng tungkulin sa ibang lugar ay hindi gaya ng kapag nasa bahay ka. Kaya mo ba talagang tiisin ang gayong uri ng paghihirap? Wala ako ng determinasyon mo.” Pagkatapos makinig sa sinabi ko, hindi naapektuhan si Xiaoyue, at wala akong malay sa kalikasan ng sinabi ko at sa mga kahihinatnan na idudulot nito. Isang araw, pagkauwi ko mula sa gawain, bigla akong kinagat ng aso ko. Hindi ito normal. Kailan pa kinagat ng alagang aso ang mga amo nito? Napagtanto ko na hindi ito isang di-inaasahang insidente, at na ito ay dahil may ginawa akong mali at dinidisiplina ako. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay Mo. Kinagat ako ng aso ko, at nangyari ito sa pahintulot Mo. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako para mapagtanto ko ang pagkakamali ko. Handa akong magsisi.”

Kalaunan, nagkataong nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang ibig sabihin ng mawalan ng pagkatao? Ibig sabihin nito ay hindi man lang nagtataglay ng moralidad. Ano ang ibig sabihin ng mawalan ng moralidad? May maginhawang pamumuhay at mayamang pamilya ang sister na iyon, at ano ang saloobin ng mga taong ito? Pagkainggit lang ba ito na sinusundan ng pagnanais ng mabuti para sa taong iyon at pagkatapos ay magpapatuloy na lang? (Hindi.) Kung gayon, ano ang saloobin nila? Inggit, galit, sama ng loob, at pagkikimkim ng mga reklamo sa kanilang puso: ‘Karapat-dapat ba siyang magkaroon ng napakaraming pera? Bakit wala akong ganoong karaming pera? Bakit siya pinagpapala ng diyos at ako ay hindi?’ Mayaman at masagana ang sister, kaya’t nakararamdam sila ng inggit at galit, wala ni isang salita ng tunay na paghanga o pagnanais ng mabuti para sa kanya. Ipinahihiwatig nito ang ganap na kawalan ng maging ng pinakapayak na moralidad. … Hindi sila naghahangad ng ikabubuti ng iba; ang makitang nasa mabuting kalagayan o mas mahusay sa kanila ang ibang tao ay pumupuno sa kanila ng inggit at sama ng loob. Gaano man kalakas ang pananalig ng ibang tao sa Diyos, kung ang indibidwal na iyon ay mas magaling kaysa sa kanila, hindi nila ito matatanggap. Ganap na wala silang pagkatao, at walang kakayahang bumigkas ng kahit isang salita ng pagpapala o pagpapatibay. Bakit hindi nila kayang magbanggit ng gayong mga salita? Dahil napakasama ng kanilang pagkatao! Hindi sa hindi nila gustong magsalita, o na wala sila ng mga tamang salita; kundi, dahil puno ng inggit, sama ng loob, at galit ang puso nila kaya’t imposible para sa kanila na magbanggit ng mga salita ng pagpapala. Kung ganoon, maipahihiwatig ba ng katunayang puno ang puso nila ng gayong mga tiwaling bagay na malisyoso ang pagkatao nila? (Oo.) Maipahihiwatig nito. Dahil nagpapakita sila ng gayong mga tiwaling disposisyon, nagiging madali para sa iba na makilatis ito, at nahahalata ng iba ang tiwaling diwa nila(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (24)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, masyadong sumama ang loob ko. Inilalantad ng Diyos na kinaiinggitan at kinaiinisan ng mga tao ang mga nakikita nilang mas magaling kaysa sa kanila, at na sinasalamin nito ang mahina at mapaminsalang pagkatao, at ayaw ng Diyos sa gayong mga tao. Ako mismo ang uri ng tao na tinutukoy ng Diyos. Pagkatapos kong makita ang Diyos, nagselos ako nang makita ko na responsable si Xiaoyue sa mas maraming grupo kaysa sa akin, at kahit na alam ko na angkop siyang maging isang lider, natakot ako na kung mahalal siya, pagmumukhain ako nitong mas mababa, kaya sadya akong hindi bumoto sa kanya. Noong hiniling sa akin ng mga lider na sumulat ng ebalwasyon tungkol kay Xiaoyue, nag-alala ako na kung gagawin niya ang tungkulin niya sa ibang lugar, ang agwat sa pagitan namin ay lalo pang lalayo, kaya hindi ko ginustong isulat ang mga kalakasan niya. Bagaman nauwi ako sa pagsusulat nito nang makatotohanan, sa kaibuturan ko ay ayaw ko pa ring magtagumpay siya, at umasa ako na marinig na nasa masama siyang kalagayan o na hindi siya maayos gumawa sa tungkulin niya, at sinadya ko pang magsabi ng mga negatibong bagay sa harap niya sa pagtatangkang mapahina ang motibasyon niya na gawin ang tungkulin niya. Sa ganoong paraan, hindi niya magagawa ang tungkulin niya sa iba pang lugar, at hindi magiging masyadong malayo ang agwat sa pagitan namin. Habang lalo akong nagnilay-nilay, lalo kong napagtanto kung gaano ako naging terible. Gumamit ako ng mga palihim na panlalansi para lang tumaas ang tingin sa akin ng iba, na siyang tunay na makasarili, kasuklam-suklam, at mapaminsala. Wala akong anumang pagkatao! Ang paggawa ni Xiaoyue ng tungkulin niya sa iba pang lugar ay makatutulong sa buhay paglago niya, at makatutulong din ito sa gawain ng iglesia. Ito ay isang bagay na umaayon sa mga layunin ng Diyos, pero alang-alang sa reputasyon at katayuan ko, sinubukan kong sirain ang mga bagay-bagay, hindi lang nabibigong hikayatin siya, kundi sinasadya pang magsabi ng mga negatibong bagay. Ang ginagawa ko ay nakakagambala, nakakagulo, at nakakahadlang sa gawain ng iglesia. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nagsisisi at lalong sumasama ang loob ko. Naisip ko si Zhou Yu sa Ang Pagmamahalan ng Tatlong Kaharian, at kung paanong makitid ang isip niya at nagseselos siya kay Zhuge Liang, nakikipagkompetensiya at inihahambing ang sarili niya kay Zhuge, at sa huli, hindi niya ito malampasan at tinulak siya ng galit sa kamatayan niya. Kung patuloy kong ikukumpara ang sarili ko kay Xiaoyue, hindi lang ako hahantong sa pagkamiserable, kundi kikilos din ako bilang alipin ni Satanas, na hinahadlangan ang gawain ng iglesia. Nang mapagtanto ko ito, lumuhod ako sa Diyos at nagdasal, “O Diyos, nakita ko na kung gaano ako kalubos na tiwali. Sobra-sobra ang pagseselos ko. Bakit hindi ko makayanang makita na mas magaling si Xiaoyue kaysa sa akin? Tunay kong kinamumuhian ang sarili ko! Sumpain Mo nawa ang tiwaling kalikasan ko at akayin Mo ako sa mas malalim na pagkaunawa sa sarili ko.”

Kalaunan, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpeksiyon ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang piyudal, at naturuan na siya sa ‘mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.’ Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). “Malupit na sangkatauhan! Ang pang-iintriga at pagpapakana, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa reputasyon at kayamanan, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos? Bagama’t nakapagsalita na ang Diyos ng daang-libong mga salita, walang isa man ang natatauhan. Ang mga tao ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, inaasahan, katayuan, karangyaan, at kayamanan, para sa pagkain, damit, at sa laman. Ngunit mayroon bang sinuman na ang mga pagkilos ay talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatakwil ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pagseselos ko kay Xiaoyue ay nag-ugat sa labis-labis kong pag-aalala para sa reputasyon at katayuan, namumuhay ako ayon sa mga satanikong lason gaya ng “Mithiing mamukod-tangi at humusay,” “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” at ang mga ideyang ito ang nagpawala sa aking konsensiya at katwiran. Anuman ang gawin ko, palagi kong gusto na hangaan ako ng iba, at naghangad akong magkaroon ng lugar sa puso nila. Nagbalik-tanaw ako sa kung paanong, magmula pa sa pagkabata, sumasama ang loob ko tuwing nakikita ko ang iba na mas mahusay kaysa sa akin. Kung may nakahihigit sa akin sa paaralan, nagagalit ako, at kung ang isang tao ay may mas maayos na kalagayan ng pamumuhay, nagseselos ako. Naaalala ko na mas magaling ang pinsan ko kaysa sa akin sa paaralan at na mas mabuti ang kalagayan ng pamilya niya kaysa sa akin, kaya nagselos ako sa kanya. Noong bumili ng TV ang pamilya niya, hindi ako pumunta para makinood dahil sa selos at galit. Pagkatapos makita ang Diyos, nagpatuloy akong mamuhay ayon sa mga lasong ito ni Satanas. Noong makita ko na nilampasan ako ni Xiaoyue sa lahat ng paraan, nagselos ako sa kanya at palagi kong ikinukumpara ang sarili ko sa kanya, at noong hindi ako makapantay, naging miserable ako. Ang lahat ng ito ay dulot ng katiwalian at pinsala ni Satanas. Ginawa ko ang kasikatan at pakinabang bilang hangarin ko, hanggang sa punto kung saan ang lahat ng emosyon ko ay nakontrol ng mga iyon. Alang-alang sa reputasyon at katayuan ko, binatikos at ibinukod ko pa ang iba, binalewala ang gawain ng iglesia, at naging tunay na makasarili at mapaminsala. Bagaman kami ni Xiaoyue ay matalik na magkaibigan na ibinabahagi sa isa’t isa ang lahat ng bagay, nakita ko pa rin ang sarili ko na nagagawang siraan siya kapag nakatalikod siya, na gustong gamitin ang mga kasuklam-suklam na pamamaraan para makamit ang mga layon ko. Kung nagpatuloy akong mamuhay ayon sa mga satanikong lason na ito, lalo lang akong mawawalan ng wangis ng tao at kalaunan ay itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Pinapasalamatan ko ang Diyos sa paggamit sa sitwasyong ito para ibunyag ako, at sa pagbibigay-daan sa aking makilala ang katiwalian ko sa pamamagitan ng paglalantad sa Kanyang mga salita, na nagbibigay sa akin ng pagkakataong magsisi at magbago. Ito ang pagmamahal ng Diyos.

Kalaunan, hinanap ko ang landas ng pagsasagawa at pagpasok sa mga salita ng Diyos. Nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Para sa lahat ng gumaganap ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling pagnanais, mga personal na intensyon, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon pagganap ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling pagnanais, intensyon, at motibo; dapat kang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang mababang-uri at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, mababang-uri, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang pagnanais mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes. … Sinabi Ko na sa inyo ngayon ang simpleng pamamaraang ito: Magsimula kayo sa pagsasagawa sa ganitong paraan, at kapag nagawa na ninyo iyon sa loob ng ilang panahon, magsisimulang magbago ang kalagayan ng inyong kalooban nang hindi ninyo nalalaman. Mula sa nag-aalangang kalagayan, kung saan hindi kayo masyadong interesado sa pananalig sa Diyos, ni lubhang tutol dito, magiging kalagayan iyon kung saan nadarama ninyo na mabubuting bagay ang pananalig sa Diyos at pagiging matapat na tao, at kung saan interesado kayo sa pagiging matapat na tao at nadarama ninyo na may kabuluhan at pagtustos ang pamumuhay nang ganito. Madarama ninyo ang pagiging mapagpakumbaba, panatag at may kasiyahan sa inyong puso. Ganoon ang inyong magiging kalagayan. Iyon ang resultang nagmumula sa pagbitaw sa iyong mga pansariling layunin, interes, at makasariling hangarin. Iyon ang kahihinatnan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). “Kung ginawa kang hangal ng Diyos, kung gayon ay may katuturan sa iyong kahangalan; kung ginawa ka Niyang matalino, kung gayon ay may katuturan sa iyong katalinuhan. Anumang talento ang ibinibigay ng Diyos sa iyo, anuman ang iyong mga kalakasan, gaano man kataas ang iyong IQ, lahat ng ito ay may layon para sa Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Ang papel na ginagampanan mo sa iyong buhay at ang tungkuling ginagawa mo ay matagal na panahon nang paunang itinalaga ng Diyos. Nakikita ng ilang tao na ang iba ay nagtataglay ng mga kalakasan na wala sa kanila at hindi sila nasisiyahan. Gusto nilang baguhin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng ibayong pag-aaral, ibayong pagtuklas, at pagiging mas masikap. Ngunit may limitasyon ang maaaring matamo ng kanilang sigasig, at hindi nila mahihigitan ang mga may kaloob at kadalubhasaan. Gaano ka man lumaban, wala itong saysay. Inorden ng Diyos kung magiging ano ka, at walang magagawa ang sinuman para baguhin ito. Saan ka man magaling, doon ka dapat magsumikap. Anuman ang tungkuling nababagay sa iyo ay ang tungkulin na dapat mong gampanan. Huwag mong subukang ipilit ang iyong sarili sa mga larangang hindi saklaw ng iyong mga kasanayan at huwag mainggit sa iba. May kanya-kanyang tungkulin ang bawat tao. Huwag mong isiping magagawa mo ang lahat nang mabuti, o na mas perpekto ka o mas mahusay kaysa sa iba, na palaging gustong palitan ang iba at ibida ang sarili. Isa itong tiwaling disposisyon. May mga nag-iisip na hindi sila mahusay sa anumang bagay, at na wala talaga silang mga kasanayan. Kung ganoon ang kaso, kailangan mo lamang maging isang taong nakikinig at nagpapasakop sa isang praktikal na paraan. Gawin mo ang makakaya mo at gawin ito nang maayos, nang buong lakas mo. Sapat na iyon. Malulugod na ang Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Anuman ang mangyari, dapat kong isantabi ang mga personal kong interes, at isipin kung paano muna protektahan ang gawain ng iglesia at palugurin ang Diyos. Paano man ako tingnan ng iba, dapat kong tahimik na gawin nang maayos ang tungkulin ko. Sa tungkulin ko, dapat kong hangarin ang katotohanan at hanapin ang pagbabago sa disposisyon ko. Ito ang umaayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hahangarin ko ang reputasyon at katayuan, at kung magseselos ako sa iba, makikipagkompetensiya sa kanila, o gagamit ng mga mapanlinlang na paraan, at gagawa ng mga ubod ng sama at kasuklam-suklam na bagay, magdudulot lang ako na kamuhian ako ng Diyos. Naunawaan ko rin na sa sambahayan ng Diyos, ang mga tungkulin ay hindi nahahati ayon sa mataas o mababang katayuan, o sa malalaki o maliliit na posisyon, at na ginagampanan lang ng lahat ang kani-kanilang papel. Kung pagpapatuloy sa bahay ang tungkulin ng isang tao, dapat niya itong gawin nang maayos, at kung ang isang tao ay puwedeng maging isang lider, dapat niyang gawin nang maayos ang tungkulin ng lider. Anumang tungkulin ang gawin natin, dapat nating hangarin ang katotohanan. Tinitingnan ng Diyos ang saloobin ng isang tao sa tungkulin niya, at kung hinahangad ba niya ang katotohanan at kung nagbabago ba ang tiwaling disposisyon niya. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang isang tao kapag nakikita Niyang mayroon itong mas mataas na katayuan o mas maraming kapital. Ito ang katuwiran ng Diyos. Anuman ang tungkuling ginawa ni Xiaoyue, mayroon siyang mga responsabilidad, at mayroon akong sariling tungkulin, at hindi lang ako dapat tumuon sa paghahambing ng sarili ko sa kanya at mauwi sa pagpapabaya sa tungkulin ko. Kahit na tingalain ako ng iba, hindi ibig sabihin niyon na may katotohanan ako o na nagbago na ang disposisyon ko. Ang tayog at kakayahan ko ay angkop sa tungkulin ng isang lider ng grupo, kaya dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ng isang lider ng grupo sa isang praktikal na paraan. Kapag may mga problema o paghihirap ang mga kapatid, sasandig ako sa Diyos para makipagbahaginan sa kanila at lutasin ang mga isyu, at tuparin ang tungkuling dapat kong gawin.

Kalaunan, dahil sa iba’t ibang kadahilanan, hindi pumunta si Xiaoyue sa ibang lugar para gawin ang tungkulin niya. Dati, magiging masaya ako rito, pero ngayon ay nagawa kong tingnan ito nang tama, kaya naman sa pagbabahaginan ay ipinagtapat ko kay Xiaoyue ang tungkol sa kalagayan ko at sa katiwaliang nabunyag ko. Ibinahagi rin sa akin ni Xiaoyue ang kanyang pagkaunawang batay sa karanasan sa usaping ito. Noon, binulag ako ng pagseselos, at hindi ako kailanman nakinig nang mabuti kapag nagbabahagi si Xiaoyue, iniisip na nagpapakitang-gilas lang siya. Noong araw na iyon, noong nakinig ako nang mabuti sa pagbabahagi niya ng mga karanasan niya, nakita ko ang sarili ko na lubhang napatibay, at nakadama rin ako ng labis na kapanatagan at kalayaan sa puso ko. Nang makita ko ang bahagyang pagbabagong ito sa sarili ko, napuno ang puso ko ng pagpapasalamat sa Diyos.

Sinundan:  19. Nakita Ko Na Palaging May Mga Dumi sa Likod ng mga Salita Ko

Sumunod:  21. Mga Pagninilay ng Isang Pasyenteng May Uremia

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger