21. Mga Pagninilay ng Isang Pasyenteng May Uremia

Ni He Mu, Tsina

Tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw noong lagpas apatnapung taong gulang na ako. Nakita ko na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang gawain ng pagliligtas sa mga tao, at na tanging sa paglapit sa harapan ng Diyos, pagbabasa ng Kanyang mga salita, at paggawa ng isang tao sa mga tungkulin nito na ito ay makauunawa at makapagkakamit ng katotohanan, magkakaroon ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at sa huli ay magkakaroon ng pagkakataon na makapasok sa kaharian ng Diyos. Hindi nagtagal, nagsimula akong gawin ang aking mga tungkulin. Anumang tungkulin ang isaayos ng iglesia para sa akin, hindi ako kailanman tumanggi. Ang inisip ko lang ay kung paano gawin nang maayos ang aking tungkulin. Kalaunan, umabot sa 220mmHG ang presyon ng dugo ko, kaya sumailalim ako sa intravenous na gamutan para pababain ito, at hindi ko ito hinayaan na pigilan ako sa paggawa ng mga tungkulin ko. Inisip ko, “Hangga’t taos-puso kong ginagawa ang tungkulin ko, poprotektahan ako ng Diyos.” Sa loob ng ilang taon, nagpatuloy akong gawin ang mga tungkulin ko umulan man o umaraw, iniisip na isa akong tunay na mananampalataya na nakukuha ang pagsang-ayon ng Diyos. Pero ibinunyag ng isang biglaang pagkakasakit ang aking tunay na sarili.

Taglagas noon ng 2009. Isang araw, nakaramdam ako ng biglaang pamamaga at pagsakit ng dalawang binti ko, at nagsimulang lumobo ang mga ito. Hindi nagtagal, namaga rin ang mukha at mga mata ko, nawala sa porma ang buong mukha ko, at hindi ko maidilat ang aking mga mata. Dinala ako ng anak kong babae sa isang ospital para masuri. Ang sabi ng doktor, mayroon akong kidney atrophy sa parehong bato ko, na maaaring maging uremia, at kung lalala ito, maaari ko itong ikamatay. Nagulat ako nang marinig ko ito. Kung magpapatuloy nang ganito ang mga bagay-bagay, hindi na nalalayo ang kamatayan. Nagsimula akong gumawa ng mga tungkulin ko ilang buwan lang matapos kong matagpuan ang Diyos, at umulan man o umaraw, o kahit pa may karamdaman, hindi ako kailanman tumigil sa paggawa ng tungkulin ko. Sa paglipas ng mga taon, hindi lang ako nagdusa at nagpakapagod sa mga tungkulin ko, kundi tiniis ko rin ang mga hindi pagkakaunawaan, pangungutya, at mga pang-iinsulto mula sa mga kamag-anak ko. Hindi pa ba sapat ang ganitong klase ng pagsisikap? Hindi pa ba ito sapat para makamit ang pagprotekta ng Diyos? Binalikan ko iyong panahon kung kailan una kong natagpuan ang Diyos at labis kong inasahan ang buhay sa kaharian, pero sa harap ng ganito kaseryosong sakit na maaaring magsapanganib sa buhay ko anumang oras, napaisip ako kung magkakaroon pa ba ako ng pagkakataong makapasok sa kaharian. Tila ba ang magandang hantungan ay wala nang kinalaman sa akin ngayon. Habang lalo ko itong iniisip, lalo kong nararamdaman na naagrabyado ako, at nawalan ako ng motibasyon na gawin ang tungkulin ko. Nalugmok ako sa pagkanegatibo. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, hindi ko nauunawaan kung bakit ako nahaharap sa sakit na ito, at may mga reklamo ako sa puso ko laban sa Iyo. Alam kong mali ito, kaya pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako na maunawaan ang Iyong layunin.”

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Naniniwala ang mga tao na, ‘Dahil sumasampalataya na ako ngayon sa Diyos, ako ay sa Kanya, at dapat alagaan ako ng Diyos, asikasuhin ang aking pagkain at matutuluyan, intindihin ang aking kinabukasan at ang aking kapalaran, pati na ang personal kong kaligtasan, kasama na ang kaligtasan ng aking pamilya, at siguraduhing magiging maayos ang lahat para sa akin, na magiging mapayapa at walang aberya ang lahat ng bagay.’ At kung ang mga katunayan ay hindi katulad ng hinihingi o inaakala ng mga tao, iniisip nila na, ‘Ang pagsampalataya sa Diyos ay hindi ganoon kaganda o kadali gaya ng iniisip ko. Kailangan ko pa rin palang pagdusahan ang lahat ng pag-uusig at kapighatiang ito at dumaan sa maraming pagsubok sa aking pananampalataya sa Diyos—bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos?’ Tama ba ang ganitong pag-iisip o mali? Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, hindi ba’t ipinapakita ng pag-iisip na ito na humihingi sila ng mga bagay na hindi makatwiran sa Diyos? Bakit hindi nananalangin sa Diyos o naghahanap ng katotohanan ang mga taong may gayong pag-iisip? Ang mabuting kalooban ng Diyos ay likas na nasa likod ng pagtulot Niya sa mga tao na maharap sa mga gayong bagay; bakit ba hindi nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos? Bakit hindi nila kayang makipagtulungan sa gawain ng Diyos? Sinasadya ng Diyos na maharap ang mga tao sa mga gayong bagay upang hanapin nila ang katotohanan at kamtin ang katotohanan, at upang mamuhay sila nang umaasa sa katotohanan. Gayumpaman, hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, sa halip, lagi nilang sinusukat ang Diyos gamit ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon—ito ang problema nila. Ganito mo dapat maunawaan ang mga di-kaaya-ayang bagay na ito: Walang sinuman ang nagpapatuloy sa kanyang buong buhay nang walang paghihirap. Para sa ilang tao, may kinalaman ito sa pamilya, para sa ilan, sa trabaho, para sa ilan, sa pag-aasawa, at para sa ilan, sa pisikal na karamdaman. Lahat ay dapat magdusa. Sinasabi ng ilan, ‘Bakit kailangan maghirap ang mga tao? Napakagandang mabuhay ng buong buhay natin nang mapayapa at masaya. Hindi ba maaaring hindi tayo maghirap?’ Hindi—dapat maghirap ang lahat. Nagdudulot ang paghihirap na maranasan ng bawat tao ang napakaraming pakiramdam ng pisikal na buhay, positibo man, negatibo, aktibo o pasibo man ang mga pakiramdam na ito; nagbibigay sa iyo ng iba’t ibang damdamin at pagpapahalaga ang pagdurusa, na para sa iyo ay karanasan mo lahat sa buhay. Isang aspekto iyan, at iyan ay para magkaroon ng higit na karanasan ang mga tao. Kung mahahanap mo ang katotohanan at mauunawaan ang layunin ng Diyos mula rito, kung gayon ay mas malalapit ka sa pamantayang hinihingi sa iyo ng Diyos. Ang isa pang aspekto ay na ito ang responsabilidad na ibinibigay ng Diyos sa tao. Anong responsabilidad? Ito ang pagdurusa na dapat mong maranasan. Kung makakaya mo ang pagdurusa na ito at matitiis ito, ito ay patotoo, at hindi isang bagay na nakakahiya(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos (1)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang bawat sitwasyon at pagkakataon ng pagdurusang kinakaharap natin ay nagtataglay ng mga layunin ng Diyos. Ang lahat ng ito ay saklaw ng kapasidad ng kung ano ang kayang tiisin ng tayog ng isang tao. Dapat nating hanapin ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, at huwag panghawakan ang ating mga kuru-kuro o tingnan ang mga bagay-bagay mula sa perspektiba natin. Kung titingnan natin ang mga bagay-bagay mula sa perspektiba ng laman, mamumuhay tayo sa pagdurusa, at iisipin nating hindi mabuting bagay ang pagkakasakit. Pero kung tatanggapin natin ang ganitong mga bagay mula sa Diyos at hahanapin natin ang katotohanan, puwede tayong matuto ng mga aral mula sa pagkakasakit, at kapag nagkagayon ay magiging mabuting bagay ito. Sa pagninilay sa aking reaksyon sa karamdamang ito, inisip ko na sa lahat ng taong ito ng pananampalataya sa Diyos at paggawa ng mga tungkulin ko, maharap man ako sa paninirang-puri at pangungutya ng mga kamag-anak at kapitbahay, o magtiis ng hangin, ulan, matinding lamig, o nakapapasong init, hindi ako kailanman tumigil sa paggawa ng mga tungkulin ko. Kaya inisip ko na dapat akong protektahan ng Diyos mula sa matinding karamdaman, at na sa huli, mabubuhay ako hanggang sa makapasok ako sa kaharian ng Diyos. Hindi ba’t ito mismo ang kalagayang inilalantad ng Diyos sa Kanyang mga salita: “Dahil sumasampalataya na ako ngayon sa Diyos, ako ay sa Kanya, at dapat alagaan ako ng Diyos, asikasuhin ang aking pagkain at matutuluyan, intindihin ang aking kinabukasan at ang aking kapalaran, pati na ang personal kong kaligtasan”? Nang makita ko na hindi ako pinrotektahan ng Diyos gaya ng inaasahan ko, nagsimula akong magreklamo tungkol sa Diyos, gamit ang mga isinakripisyo at iginugol ko bilang kapital para mangatwiran sa Diyos, at nagsimula akong gawin ang mga tungkulin ko nang pabasta-basta. Nasaan ang aking pagkatao at katwiran? Ang mga isinakripisyo at iginugol ko dati ay hindi man lang naging taos-puso! Kung hindi ako ibinunyag ng sitwasyong ito, hindi ko mapagtatanto ang natatago kong motibo at mga maling perspektiba na manampalataya sa Diyos para magtamo ng mga pagpapala. Sa sandaling mapagtanto ko ito, nabawasan ang sakit na nadarama ng aking puso, at naging handa akong magpasakop, patuloy na ginagawa ang mga tungkulin ko habang iniinom ang mga gamot ko. Unti-unting bumuti ang kalagayan ko, at medyo nabawasan ang karamdaman ko. Bagama’t namamaga pa rin paminsan-minsan ang mga binti ko, hindi ako napigilan nito, at nagpatuloy akong aktibong nangangaral ng ebanghelyo.

Noong taglamig ng 2018, bigla kong napansin ang isang umbok sa paa ko, at sobrang sakit ng paa ko na hindi ko ito maitapak, at kinailangan ko na tulungan ako ng anak ko para makalakad. Pagkatapos naming pumunta sa ospital, na-diagnose ito ng doktor bilang gout, at nalaman niya na tumaas ang antas ng creatinine ko mula sa mahigit 200 µmol/L hanggang sa lampas 500 µmol/L, at nasa mga panghuling yugto na ako ng uremia. Dahil natakot ang doktor na baka hindi ko kayanin ang katotohanan, itinago niya kung gaano talaga kalala ang kondisyon ko. Noong una, hindi ako masyadong nag-alala sa sakit ko, pero noong ikaapat na araw, nang biglang magtanong ang anak ko tungkol sa pag-aasikaso ng libing, alam ko nang lumala ang kondisyon ko. Kumabog ang puso ko, at naisip ko, “Maaari kaya na wala na talaga akong masyadong nalalabing oras, at na malapit na akong mamatay?” Hindi ako nangahas na pag-isipan iyon, kaya nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, nasa Iyong mga kamay ang aking buhay at kamatayan. Handa akong magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos.” Makalipas ang ilang araw, nalaman ko na nasa mga huling yugto na nga talaga ang aking sakit, at sa sandaling iyon, hindi ko mapigilan ang panginginig ng mga kamay ko at ni hindi ako makahawak ng tasa. Hindi ko matanggap ang realidad na ito, napaisip ako kung kahit papaano ba ay nagkamali ang doktor. Napaisip ako, “Paanong napakabilis na lumala ng sakit ko? Nananampalataya ako sa Diyos, kaya siguradong hindi hahayaan ng Diyos na basta-basta na lang ako mamatay.” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Na-diagnose na mayroon akong late-stage uremia. Ano ang silbi na hindi ito paniwalaan? Ito ang realidad.” Pakiramdam ko ay malapit nang matapos ang buhay ko, at napuno ako ng pasakit at kawalan ng pag-asa. Nang maisip ko na wala na akong masyadong natitirang oras at na hindi ko na magagawang makita ang kagandahan ng kaharian, ayaw kong tanggapin ang kapalaran ko, naisip ko, “Ano ba ang nakamit ko sa lahat ng taon ko ng pagsisikap? Sa buong panahong ito ay ginagawa ko ang mga tungkulin ko, kaya bakit patuloy na lumala ang sakit ko?” Pakiramdam ko ay talagang hindi naging patas sa akin ang Diyos. Noong gabi, habang nakahiga sa kama, naisip ko ang isang babaeng nakatransaksiyon ko sa negosyo. Kagaya ng sakit ko ang naging sakit niya, at matapos siyang ma-diagnose, umuwi siya at namatay sa loob ng sampung araw. Pakiramdam ko ay malapit na rin ang kamatayan ko, at nagsimula na akong bilangin ang natitira kong oras. Pakiramdam ko ay para na rin akong namatay, kaya para saan pa ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos? Naging negatibo ako sa loob ng mahigit dalawampung araw, namumuhay sa matinding pasakit. Alam kong napalayo na ako sa Diyos, kaya tinawag ko Siya, hinihingi sa Kanya na bigyang-liwanag at tanglawan ako. Pagkatapos ay naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos:

Kailangan ang Pananampalataya sa mga Pagsubok

1  Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o magkaroon ng pagkanegatibo sa kanilang kalooban, o hindi malinawan sa mga layunin ng Diyos o sa landas ng pagsasagawa. Ngunit anuman ang mangyari, kailangan mong magkaroon ng pananalig sa gawain ng Diyos, at, tulad ni Job, huwag itanggi ang Diyos. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay na taglay ng mga tao pagkatapos silang ipanganak ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa mga ito. Anumang mga pagsubok ang pinagdaanan niya, pinanatili niya ang paniniwalang ito.

2  Sa loob ng mga karanasan ng mga tao, anumang pagpipino ang pinagdaraanan nila mula sa mga salita ng Diyos, ang gusto ng Diyos sa pangkalahatan, ay ang kanilang pananalig at mapagmahal-sa-Diyos na mga puso. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananalig, pagmamahal, at determinasyon ng mga tao. …

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, nabigyang-liwanag ang puso ko. Lumalabas na isinasaayos ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at mga bagay para maperpekto ang pananalig natin. Naisip ko ang pagtitiis ni Job ng matitinding pagsubok—ninakaw ang kayamanan niya, namatay ang mga anak niya, at nabalot siya ng masasakit na pigsa, pero hindi siya kailanman nagreklamo at nagkaroon pa rin siya ng pananalig sa Diyos, matatag na pinaninindigan ang kanyang patotoo sa Diyos. Hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao ang ginagawa ng Diyos, at kapag hindi ito makita nang malinaw ng mga tao o hindi nila maunawaan ang mga layunin ng Diyos, kailangan nila ng pananalig para maranasan ito. Nang mapagtanto ko ito, labis na naging mas malinaw ang aking puso.

Pagkatapos, nagnilay pa ako. Nang malaman kong nasa mga huling yugto na ako ng uremia, nabuhay ako sa pangamba at takot, at ang totoo, takot ako sa kamatayan. Kaya nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na tungkol sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Bakit hindi nila matakasan ang paghihirap mula sa takot sa kamatayan? Kapag nahaharap sa kamatayan, may ilang tao na hindi mapigilang mapaihi; ang iba ay nanginginig, nahihimatay, nagagalit sa Langit at pati na sa tao; ang ilan ay nananaghoy pa nga at tumatangis. Ang mga ito ay hindi biglaang mga reaksyon na nangyayari kapag papalapit na ang kamatayan. Ang pangunahing sanhi kaya kumikilos ang mga tao sa ganitong nakakahiyang mga paraan ay sapagkat sa kaibuturan ng kanilang mga puso, takot sila sa kamatayan, sapagkat wala silang malinaw na kaalaman at pagpapahalaga sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos, at lalong hindi sila tunay na nagpapasakop sa mga iyon. Ang mga tao ay tumutugon sa ganitong paraan sapagkat wala silang ibang gusto kundi ang isaayos at pamahalaan nila mismo ang lahat ng bagay, ang kontrolin ang sarili nilang kapalaran, ang sarili nilang mga buhay at kamatayan. Hindi kataka-taka, samakatwid, na kailanman ay hindi magawang takasan ng mga tao ang takot sa kamatayan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag nahaharap sa kamatayan, nangangamba at natatakot ang mga tao dahil hindi nila nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha. Ang buhay at kamatayan ng tao ay nasa kontrol ng Diyos, at hindi ito mga bagay na puwedeng pagdesisyunan ng mga tao para sa kanilang sarili. Walang sinumang kayang kontrolin ang kanyang kapalaran. Naisip ko ang tungkol sa sinabi ng Diyos na si Job, matapos maisakatuparan ang misyon niya sa buhay, ay mahinahon na hinarap ang kamatayan, ang labis akong naantig nito. Sa buong buhay ni Job, natakot siya sa Diyos at umiwas sa kasamaan, hindi kailanman sinubukang makipagtawaran o humingi ng mga bagay-bagay mula sa Diyos. Pinasalamatan niya ang Diyos noong binigyan siya ng Diyos, at nagpasakop siya noong may kinuha sa kanya ang Diyos. Paano man siya tratuhin ng Diyos, nagawa niyang magpasakop, at nagawa niyang harapin nang mahinahon ang kamatayan. Pero ako naman, nang malaman ko na nasa mga huling yugto na ako ng uremia at hindi na ako mabubuhay nang mahaba, nagreklamo ako sa Diyos. Wala akong pagpapasakop sa Diyos at wala akong may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi puwedeng magpatuloy akong mamuhay nang ganito. Naging handa akong sundan ang halimbawa ni Job, ilagay ang buhay ko sa mga kamay ng Diyos, at ilagay ang sarili ko sa habag ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Hanggat nabubuhay ako, gagawin ko ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya, at kapag dumating sa akin ang kamatayan, mahinahon ko itong haharapin, at magpapasakop ako sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Matapos itong mapagtanto, nakaramdam ako ng matinding ginhawa.

Kalaunan, napagnilayan ko, “Bakit ba noong nahaharap ako sa sakit, ay nagreklamo ako na hindi ako tinatrato nang patas ng Diyos?” Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Ang mga tao ay hindi kwalipikado na magkaroon ng mga kahingian sa Diyos. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa sa paggawa ng mga kahingian sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang itiniwalag ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. … Ang pinakadiwa ng Diyos ay pagiging matuwid. Bagama’t hindi madaling unawain ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? ‘Hindi maarok ng sangkatauhan ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabuting kalooban; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa?’ Dapat makita mo na ngayon na ang dahilan kaya hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao ay para maaaring makita nang malinaw ng mga tao kung paano sila nagawang tiwali ni Satanas at kung gaano sila nito nagawang tiwali, at kung paano sila dinadalisay at inililigtas ng Diyos. Sa huli, kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan at malinaw nang nakita ang kasuklam-suklam na anyo ni Satanas, at namasdan ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, pupuksain ng Diyos si Satanas, ipapakita sa kanila ang Kanyang pagiging matuwid. Ang panahon ng pagpuksa ng Diyos kay Satanas ay puspos ng disposisyon at karunungan ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi maarok ng mga tao ang katuwiran ng Diyos, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran. Nakikita mo na nakakita si Pedro ng ilang bagay na hindi maunawaan, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at na nasa mga bagay na iyon ang kabutihang-loob ng Diyos. Hindi maaarok ng mga tao ang lahat ng bagay; may napakaraming bagay silang hindi nauunawaan. Sa gayon, hindi madaling malaman ang disposisyon ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi tungkol sa pagiging patas, pagiging makatwiran, o pagbibigay ng gantimpala para sa pagsisikap, na gaya ng inakala ko. Hindi naman dapat suklian ng Diyos kung gaano kalaki ang tila ibinibigay ko. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay natutukoy ng Kanyang diwa. Ang anumang gawin ng Diyos ay matuwid at nagtataglay ng Kanyang mabubuting layunin. Pero inakala ko na kapag nagsikap ay mayroon dapat gantimpala, at na habang mas marami akong ibinibigay sa tungkulin ko, mas marami dapat ang maging gantimpala sa akin ng Diyos. Kaya nang gumawa ako ng ilang sakripisyo at iginugol ko ang sarili ko sa aking pananampalataya sa Diyos, inakala ko na dapat ay matanggap ko ang proteksyon at mga pagpapala ng Diyos at madala ako sa Kanyang kaharian, kung hindi, ituturing kong hindi matuwid ang Diyos. Katawa-tawa ang pagkaunawa ko sa pagiging matuwid ng Diyos! Ang Diyos ay ang Lumikha, at isa lang akong nilikha. Paano man isinasaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay o paano man ang pagtrato Niya sa akin, iyon ay nararapat at matuwid. Kung pagpapalain ako ng Diyos, Siya ay matuwid, at kung hindi naman, Siya ay matuwid pa rin. Kung sinusukat ko ang Diyos gamit ang mga kuru-kuro ko, nilalabanan ko Siya. Naalala ko na sinabi ng Diyos minsan: “Yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunos-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, dami ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Tinutukoy ng Diyos ang hantungan ng isang tao batay sa kung tinataglay ba nito ang katotohanan, hindi sa tila mga pagsasakripisyo at paggugol nito. Tanging sa pagkakamit sa katotohanan maaaring magkaroon ng mabuting kalalabasan ang isang tao. Kung hindi nakakamit ng isang tao ang katotohanan at sa halip ay puno pa rin siya ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at ginagamit niya ang kanyang mga pagsasakripisyo at paggugol para subukang makipagtawaran sa Diyos at linlangin Siya, ang ganitong tao ay kinamumuhian ng Diyos at hindi karapat-dapat na makapasok sa kaharian. Ito ay pagiging matuwid ng Diyos. Nanampalataya ako sa Diyos nang may mentalidad na transaksiyonal at mapaghanap ng kapalit, gustong gamitin ang tila pagdurusa at paggugol ko para makamit ang mga pagpapala ng Diyos. Nililinlang at sinasamantala ko ang Diyos. Paano ako makatatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos o makapapasok sa kaharian nang ganyan? Naisip ko ang mga pagsasakripisyo at paggugol ni Pablo. Ipinangaral niya ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus sa lahat ng dako, maging sa karamihan ng lugar sa Europa, at nagtatag siya ng maraming iglesia. Sa huli, sinabi niya: “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Ginamit ni Pablo ang kanyang mga pagsasakripisyo at paggugol bilang kapital para humingi ng isang korona ng katuwiran mula sa Diyos, at sa huli, itinapon siya sa impiyerno para maparusahan. Ang perspektiba ko sa pananalig sa Diyos ay kagaya ng kay Pablo. Nang mawasak ang inaasam kong mga pagpapala, nagreklamo ako tungkol sa Diyos. Kung hindi ako magsisisi, hindi ba’t magiging kagaya ng kay Pablo ang kapalaran ko?

Kalaunan, nang makipagbahaginan ako sa mga kapatid, nakahanap ang isang kapatid ng isang sipi ng Diyos para sa akin: “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos para sa kanilang sariling kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag tapat sila sa Kanya, ito ay para pa rin magantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatitiis sila ng matinding pagdurusa. Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos basahin ang salita ng Diyos, naunawaan ko na pagkatapos ng mga taon ng pananampalataya sa Diyos at pagtalikod sa mga bagay-bagay at paggugol ng aking sarili, ang lahat ng ito ay para lang magkamit ng mga pagpapala. Gusto kong protektahan ako ng Diyos, na panatilihin akong ligtas, malayo sa sakit o sakuna. Pagtatangka ito na makipagtawaran sa Diyos. Namumuhay ako ayon sa mga satanikong lason na “Huwag tumulong kung walang gantimpala,” at “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” na inuuna ang “pakinabang” sa lahat ng aking ginagawa. Gaano man kahirap o kanakakapagod, basta’t nagdadala ito ng mga pakinabang, iniisip ko na sulit iyon. Nang marinig ko na ang paggawa ng isang tao sa tungkulin niya sa pananampalataya sa Diyos ay makapagbibigay ng proteksyon ng Diyos at ng isang mabuting hantungan, tinalikdan ko ang mga bagay-bagay at iginugol ko ang aking sarili, at gaano man ako nagdusa o anuman ang naging kabayaran, inisip ko na sulit iyon. Pero nang malaman kong mayroon akong uremia at na nanganganib pa nga akong mamatay, inakala ko na kung mamamatay ako, hindi ako makapapasok sa kaharian at makatatanggap ng mga pagpapala, kaya ayaw ko nang basahin ang salita ng Diyos o magdasal, nagreklamo pa nga ako tungkol sa Kanya, nakipagtalo sa Kanya at binatikos Siya, at hinusgahan Siya bilang hindi matuwid. Ginamit ko ang aking mga pagsasakripisyo at paggugol para humiling sa Diyos, at para humingi ng kabayaran para sa mga gawa ko. Nasaan ang aking pagkatao at katwiran? Labis akong naging makasarili at mapanlinlang! Paano makakamit kailanman ng ganitong mga pagsasakripisyo ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang gawain ng Diyos ay ang iligtas ang mga tao, at ang hayaan ang mga tao na magtamo ng pagbabago sa kanilang disposisyon at matanggap ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Pero nanampalataya ako sa Diyos at ginawa ko ang mga tungkulin ko para lang magtamo ng mga pagpapala. Nakita ko na ang pamumuhay ayon sa mga satanikong lason ay ginawa akong tunay na makasarili at kasuklam-suklam. Hindi ko na kayang mamuhay nang ganito at nais ko nang magsisi sa Diyos. Kalaunan, ginawa ko ang tungkulin ng pagpapatuloy, at nakaramdam ako ng kaligayahan at kagalakan sa aking kalooban. Napagtanto ko na makapamumuhay lang ako ng isang makabuluhang buhay sa pamamagitan ng pagtrato sa aking mga tungkulin bilang aking responsabilidad.

Sinundan:  20. Isang Pagninilay-nilay tungkol sa Palaging Pagseselos sa Iba

Sumunod:  22. Matapos Akong Ipagkanulo ng Isang Hudas

Kaugnay na Nilalaman

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger