22. Matapos Akong Ipagkanulo ng Isang Hudas
Noong Abril 2023, ginagawa ko ang tungkulin ng isang mangangaral sa iglesia. Noong panahong iyon, ilang iglesiang pinamamahalaan ko ang isa-isang naharap sa pag-aresto ng CCP. Maraming lider at manggagawa ang inaaresto, kaya nagmadali kami ng kapartner kong si Brother Wang Hui na makipag-ugnayan sa aming mga kapatid para mailipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Katatapos lang namin asikasuhin ang kinahinatnan, nang biglang dumating ang balita na dalawa pang superbisor ang naaresto. Nagsimula kaming palaging magpalipat-lipat ng bahay dahil sa banta sa aming seguridad. Noong panahong iyon, palaging naaaresto ang mga kapatid mula sa lahat ng iglesia, at hindi makausad nang normal ang iba’t ibang aytem ng gawain sa mga iglesia. Pinahirapan ng mga pulis ang mga kapatid na naaresto. Hindi kinaya ng isang sister ang pagpapahirap ng mga pulis at wala siyang ibang nagawa kundi ang tumalon mula sa isang gusali para mamatay. Nang marinig ko ang sunod-sunod na balitang ito, labis akong kinabahan, at madalas akong mag-alala tungkol sa sarili kong mahirap na kalagayan, “Isa akong taong hinahanap ng mga pulis, at sa oras na mahuli ako at mapagtanto nilang isa akong lider, tiyak na mas brutal pa nila akong pahihirapan. Kung pahihirapan ako hanggang mamatay, hindi ba’t mawawalan ako ng pagkakataon na maligtas?” Nang maisip ko ito, araw-araw ay para bang mahigpit na pinipiga ang puso ko. Noong panahong iyon, dahil sa kabilaang presyur na dala ng banta sa aking seguridad at sa aking gawain, pakiramdam ko ay pagod na pagod ang aking katawan at isipan.
Noong Setyembre, nalaman ko na isa pang kaparehang sister, si Wen Xi, ang naaresto. Maraming taon kaming magkasamang gumawa ng mga tungkulin, at hindi lang siya labis na pamilyar sa amin ni Wang Hui, marami rin siyang alam tungkol sa iglesia: Marami siyang kilalang kapatid at pamilyang nagho-host. Kung kailan abalang-abala kami sa pag-aasikaso sa kinahinatnan, na nagpagulo sa isip namin, nakatanggap kami ng isa pang mensahe mula sa aming mga kapatid. Sinabi nila sa amin ni Wang Hui na ipinagkanulo kami ni Wen Xi, na iginuhit ng mga pulis ang anyo namin, at na hinahanap nila kami para maaresto nila kami. Pinaalalahanan kami ng mga kapatid na mag-ingat at maging mapagbantay. Nang marinig ko ang balitang ito, agad akong nataranta. Kapag inaaresto ng malaking pulang dragon ang mga mananampalataya, sila ay inuusig hanggang mamatay; maging ang matatanda na edad pitumpu o walumpu ay hindi pinalalampas. Ngayong alam na nila na kami ni Wang Hui ay mga lider ng iglesia, hindi nila kami basta-basta pakakawalan. Nagkalat sa mga kalye at eskinita ang mga kamerang pangmanman ng malaking pulang dragon: Mahahanap ba nila kami gamit ang CCTV? Dati pa ay medyo mahina na ang pangangatawan ko. Kung maaaresto ako, makakaya ko ba ang pagpapahirap? Kung pahihirapan ako hanggang mamatay, hindi ko makikita ang kagandahan ng kaharian. Naisip ko ang ilang katrabaho na naaresto noon. Lahat sila ay sinentensiyahan nang mahigit isang dekada, at mas matagal pa nga akong naging lider kaysa sa kanila. Kung maaaresto ako, tiyak na mas mahaba pa ang magiging sentensiya ko. Mahigit animnapung taong gulang na ako, kaya kung maaaresto ako at masesentensiyahan nang mahigit isang dekada, hindi ko na alam kung makakalabas pa ba ako ng kulungan nang buhay. Minsan, naiisip ko, “Kung hindi ko ginagawa ang tungkulin ng isang lider, mas ayos sana iyon. Kahit pa maaresto ako, hindi ako mahaharap sa ganoon kabigat na sentensiya.” Noong panahong iyon, araw-araw akong kabado sa mangyayari. Hindi ko magawang kumalma kahit kapag ginagawa ko ang tungkulin ko. Lalo na nang marinig ko na madalas gumamit ng mga drone ang CCP para magmanman, maghanap at manghuli ng mga mananampalataya, lalo akong nagtuon ng pansin sa nangyayari sa labas. Minsan, nakakarinig ako ng ilang kakaibang tunog mula sa labas, at nagmamadali akong tingnan kung isang drone ba iyon. Minsan, kapag nakakarinig ako ng mga yabag ng paa sa hagdanan o pumupunta at kumakatok sa pinto ang tagapamahala ng gusali, bumibilis ang tibok ng puso ko, at nag-aalala ako na mga pulis iyon na pumunta para arestuhin kami. Noong panahong iyon, wala sa tungkulin ko ang puso ko, at hindi ko gaanong binibigyan ng pansin ang mga detalye kapag kinukumusta ko ang gawain. Naapektuhan ang mga resulta ng iba’t ibang aytem ng gawain, at pumangit din ang mga resulta ng gawaing nakabatay sa teksto, na pangunahing responsabilidad ko. Bagama’t medyo balisa ako, sumulat lang ako ng mga liham para magtanong. Hindi ko kailanman sinubukang alamin at hanapin kung nasaan ang problema o kung paano ito lutasin. Isang araw, nakatanggap ako ng liham, na iniulat ang lider ng Iglesia ng Chengnan dahil sa hindi nito paggawa ng aktuwal na gawain o paglutas ng mga tunay na problema. Nang mabasa ko sa liham ang tungkol sa paggampan ng lider, medyo nagulat ako. Palagi kong kinukumusta ang gawain ng Iglesia ng Chengnan, pero hindi ko napagtanto na hindi pala gumagawa ng aktuwal na gawain ang lider ng iglesia. Sa oras lang na ito ako lumapit sa Diyos para magdasal at magnilay. Napagtanto ko na sa loob ng kalahating taon ay palagi akong lumilipat ng bahay dahil sa nakaambang panganib, palaging balisa na kung maaaresto ako at mabubugbog ng mga pulis hanggang mamatay, hindi ako maliligtas at makapapasok sa kaharian ng langit. Namumuhay ako sa pag-aalala at pagkabalisa, at bihira akong makapagtuon sa mga detalye ng aking tungkulin. Ngayon, napakaraming hindi pa nalulutas na problema sa Iglesia ng Chengnan, at patuloy na bumababa ang mga resulta ng gawaing nakabatay sa teksto. Ang lahat ng ito ay dahil ako ay dungo at takot, at hindi gumagawa ng aktuwal na gawain. Nang maisip ko ito, labis akong nabagabag, at lumapit ako sa Diyos para magdasal, “Mahal kong Diyos, sa buong panahong ito ay palagi akong namumuhay na dungo at takot, at kahit napakaraming isyu ang umuusbong sa tungkulin ko, ako ay naging manhid at walang malay. Mahal kong Diyos, nawa ay akayin Mo ako para hanapin ko ang katotohanan, para makalabas ako sa mga maling kalagayan ko, at isapuso ko ang aking tungkulin.”
Kalaunan, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kahit gaano pa ‘kamakapangyarihan’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot sa tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman nakapaghari o nakakontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi higit pa rito, ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at magbigay ng hambingan sa Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at si Satanas ay isang tau-tauhan lang sa kamay ng Diyos. Gaano man ito kawalang kontrol at kamapangahas, hindi ito maglalakas-loob na hawakan ang ni isang patak ng tubig o isang butil ng buhangin sa lupa kung wala ang pahintulot ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nanalig ako na nasa mga kamay ng Diyos kung maaaresto ako o hindi. Kung wala ang pahintulot ng Diyos, hindi ako maaaresto ng malaking pulang dragon gaano man kasopistikado ang gamitin nitong aparato para sa pagmamanman. Naalala ko nang ilang beses akong ipagkanulo ng mga Hudas noong 2018. Noong panahong iyon, ipinaguhit ako ng mga pulis sa isang kilalang mangguguhit para makapaglabas sila ng abiso para maaresto ako. Pero hanggang ngayon ay hindi pa nila ako naaaresto. Bukod pa roon, may nakaambang panganib sa aming dalawa ni Wang Hui, at palagi kaming lumilipat ng bahay sa buong panahong ito. Ilang beses na kaming muntik na maaresto, pero dahil sa pagprotekta ng Diyos ay pinalad kaming makatakas. Pagkatapos ay naalala ko kung paanong si Daniel ay nagpatuloy na sambahin ang Diyos at itinapon sa yungib ng mga leon. Nanampalataya siya na nasa mga kamay ng Diyos ang kanyang buhay, at na hindi siya kakagatin ng mga leon nang walang pahintulot ng Diyos. Nagdala kay Daniel ng proteksyon ang pananampalataya niya sa Diyos, at kahit na nasa yungib siya ng mga leon kasama ang mga gutom na gutom na leon, kahit isang hibla ng buhok niya ay hindi napinsala. Bukod pa roon, may tunay na pananalig sa Diyos ang tatlong kaibigan ni Daniel. Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa sumamba sa mga idolo o ipagkanulo ang Diyos. Itinapon sila sa pugon, pero naglakad sila palabas nang walang pinsala. Dapat kong sundan ang kanilang halimbawa, at dapat akong manalig sa Diyos. Nang maisip ko ito, hindi na ako gaanong nag-alala o natakot. Nagdasal ako sa Diyos na pakalmahin ang puso ko para maigugol ko sa aking tungkulin ang sarili ko.
Isang araw, ibinahagi sa akin ng isang sister ang isang video ng patotoong batay sa karanasan. May dalawang sipi roon ng mga salita ng Diyos na talagang umantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nananampalataya ang mga anticristo sa Diyos upang magkamit ng mga pagpapala. Hindi sila kailanman nag-aalala sa anumang bagay na may kaugnayan sa sambahayan ng Diyos o sa mga interes ng Diyos. Anuman ang gawin nila ay kailangang umiikot sa kanilang mga pansariling interes. Kung ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay walang kinalaman sa kanilang mga pansariling interes, sadyang wala silang pakialam at hindi sila nag-uusisa tungkol dito. Lubha silang makasarili!” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). “Bukod sa pagsasaalang-alang sa sarili nilang seguridad, ano pa ang iniisip ng ilang partikular na anticristo? Sinasabi nila, ‘Ngayon, hindi maganda ang kapaligiran natin, kaya, huwag na nating gaanong ipakita ang ating mukha at bawasan na rin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa ganitong paraan, mas maliit ang tsansa natin na mahuli, at hindi masisira ang gawain ng iglesia. Kung iiwasan natin na mahuli tayo, hindi tayo magiging Hudas, at magagawa nating manatili sa hinaharap, hindi ba?’ Hindi ba’t mayroong mga anticristo na gumagamit ng mga gayong dahilan para ilihis ang kanilang mga kapatid? … Kapag nagsisilbi sila bilang mga lider, ang kasiyahan lang ng kanilang laman ang iniisip nila, at hindi sila nakikibahagi sa aktuwal na gawain. Bukod sa kaunting pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang iglesia, wala na silang ginagawa pa. Nagtatago sila sa isang lugar at hindi nakikipagkita sa kahit sino, nananatili silang malayo, at hindi alam ng mga kapatid kung sino ang kanilang lider—ganoon katindi ang kanilang takot. Kaya, hindi ba’t tama na sabihing sila ay mga lider sa pangalan lamang? (Oo.) Hindi sila nakikibahagi sa anumang aktuwal na gawain bilang mga lider; inaalala lamang nila ang pagtatago ng kanilang sarili. Kapag tinatanong sila ng iba, ‘Kumusta ang pagiging lider?’ sinasabi nila, ‘Masyado akong abala, at alang-alang sa seguridad, kailangan kong magpalipat-lipat ng bahay. Masyadong nakakabagabag ang kapaligirang ito na hindi ako makatutok sa gawain ko.’ Palagi nilang nararamdaman na parang maraming mata ang nagmamasid sa kanila, at hindi nila alam kung saan ligtas na magtago. Bukod sa pagbabalatkayo, pagtatago sa iba’t ibang lugar, at hindi pananatili sa isang lokasyon, hindi rin sila gumagawa ng aktuwal na gawain araw-araw. Mayroon bang mga ganitong lider? (Oo.) Anong mga prinsipyo ang sinusunod nila? Sinasabi ng mga taong ito, ‘Ang isang tusong kuneho ay may tatlong lungga. Para mabantayan ang sarili mula sa atake ng maninila, kailangang maghanda ng kuneho ng tatlong lungga na mapagtataguan. Kung nahaharap sa panganib ang isang tao at kinakailangang tumakas, pero walang mapagtataguan, katanggap-tanggap ba iyon? Dapat tayong matuto mula sa mga kuneho! Ang mga nilikhang hayop ng diyos ay may ganitong kakayahan na manatiling buhay, at dapat matuto ang mga tao mula sa mga ito.’ Simula nang umako ng mga tungkulin ng pamumuno ang mga anticristo, napagtanto nila ang doktrinang ito, at naniwala pa nga sila na nauunawaan na nila ang katotohanan. Sa realidad, lubha silang natatakot. Sa sandaling mabalitaan nila ang tungkol sa isang lider na naiulat sa pulis dahil hindi ligtas ang lugar na tinitirhan ng mga ito, o ang tungkol sa isang lider na tinarget ng mga espiya ng malaking pulang dragon dahil masyado itong madalas lumabas para gawin ang tungkulin nito at nakipag-ugnayan ito sa napakaraming tao, at kung paano nauwi ang mga taong ito sa pagkakaaresto at pagkakasentensiya, sila ay agad na natatakot. Iniisip nila, ‘Hala! Ako na ba ang susunod na huhulihin? Dapat akong matuto mula rito. Hindi ako dapat masyadong aktibo. Kung maiiwasan ko ang ilang gawain ng iglesia, hindi ko ito gagawin. Kung maiiwasan kong ipakita ang aking mukha, hindi ko ito ipapakita. Babawasan ko ang gawain ko hangga’t maaari, iiwasang lumabas, iiwasang makipag-ugnayan sa kahit sino, at tiyakin na walang nakakaalam na ako ay isang lider. Sa panahon ngayon, sino ang kayang mag-alala para sa iba? Ang pananatiling buhay pa lang ay malaking hamon na!’ Simula nang tanggapin ang tungkulin ng pagiging lider, bukod sa pagdadala ng isang bag at pagtatago, wala silang ginagawang anumang gawain. Sila ay nababalisa, palaging natatakot na mahuli at masentensiyahan. Ipagpalagay na may narinig silang nagsabi ng, ‘Kung mahuhuli ka nila, papatayin ka! Kung hindi ka naging lider, kung isa ka lang ordinaryong mananampalataya, maaaring palalayain ka nila pagkatapos lang magbayad ng kaunting multa, pero dahil lider ka, hindi natin ito masasabi. Masyado itong mapanganib! Ang ilang lider o manggagawa na nahuli ay tumangging magbigay ng anumang impormasyon at binugbog sila ng mga pulis hanggang mamatay.’ Kapag nababalitaan nila na may isang taong binugbog hanggang mamatay, lalong tumitindi ang kanilang pangamba, at mas lalo silang natatakot na gumawa. Araw-araw, ang iniisip lang nila ay ang kung paano maiiwasang mahuli, paano maiiwasang magpakita ng kanilang mukha, paano maiiwasang masubaybayan, at paano maiiwasang makipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid. Pinipiga nila ang kanilang utak sa kakaisip tungkol sa mga bagay na ito at tuluyan nang nakakalimutan ang kanilang mga tungkulin. Mga tapat na tao ba ang mga ito? Kaya bang pangasiwaan ng mga ganitong tao ang anumang gawain? (Hindi, hindi nila kaya.)” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilantad ng Diyos na nananampalataya sa Diyos ang mga anticristo para magkamit ng mga pagpapala. Itinuturing nila ang sarili nilang mga interes at seguridad bilang mas mahalaga kaysa sa anumang iba pa. Sa oras na maharap sila sa isang mapanganib na kapaligiran, nagtatakbuhan at nagtatago ang mga anticristo para matiyak ang sarili nilang seguridad, at maaaring isantabi at pabayaan nila ang mga tungkulin nila. Nang makita ko kung paano inilantad ng Diyos ang mga pagpapamalas na ito ng pagiging isang anticristo, naisip ko ang sarili kong kalagayan sa buong panahong iyon. Noong simula, noong hindi pa masyadong mapanganib ang kapaligiran, kaya ko pang aktibong pangunahan ang mga kapatid sa pangangaral ng ebanghelyo, at nagbunga rin ng ilang resulta ang gawain ko. Subalit, noong nahaharap na sa malawakang pag-aresto ang iglesia, at ipinagkanulo ako ng isang Hudas, nag-alala ako na kung maaaresto ako at mabubugbog hanggang mamatay, hindi ako magkakaroon ng magandang kalalabasan o hantungan. Para maprotektahan ang sarili ko, ginugugol ko ang buong araw sa pag-iisip kung paano ko mapananatiling ligtas ang sarili ko, nang hindi masyadong nagsisikap sa pagkumusta sa gawain. Ilang buwan na hindi nagkaroon ng anumang resulta ang gawaing nakabatay sa teksto, at hindi ko maingat na sinikap na alamin kung nasaan ba ang mga problema o kung paano lutasin ang mga iyon. Bukod pa roon, hindi ako naging masikap sa pagkumusta sa gawain ng Iglesia ng Chengnan. Hindi ko napagtanto na hindi pala gumagawa ng aktuwal na gawain ang huwad na lider, at hindi ko siya tinanggal agad. Dahil dito, nahadlangan ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Nagsimula pa nga akong makaramdam ng pagsisisi na naging lider ako dahil sa takot na maaresto at makatanggap ako ng mabigat na sentensiya. Nang maisip ko ang lahat ng ito, sa wakas ay napagtanto ko na ang pundasyon ng lahat ng taon ko ng paggawa ng tungkulin, pagsailalim sa hirap, at paggugol ng aking sarili ay ang pagkakamit ng mga pagpapala at pakinabang. Ngayon, dahil maraming iglesia ang nahaharap sa mga pag-aresto, kinakailangan ng gawain ng iglesia na magtulungan ang mga tao. Sa partikular, ang Iglesia ng Chengnan na responsabilidad ko ay maraming bagong miyembro, na hindi pa nakabubuo ng matatag na pundasyon sa tunay na daan. Sila ay dungo at natatakot magtipon dahil sa banta ng pag-uusig at pag-aresto ng malaking pulang dragon, at agaran silang nangangailangan ng suporta at pagdidilig. Naaresto na ang ilang lider at manggagawa ng iglesia, at walang sinumang makatulong sa gawain. May agarang pangangailangan din na magkaroon ng mga bagong halalan. Bilang isang mangangaral, dapat kong pasanin ang responsabilidad at isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos sa panahong ito. Gaya nga ng sabi ng Diyos: “Na nagagawa ng mga kaniig ng Diyos na direktang maglingkod sa Kanya ay dahil nabigyan na sila ng dakilang atas ng Diyos at pasanin ng Diyos, nagagawa nilang damhin ang puso ng Diyos bilang kanila, at akuin ang pasanin ng Diyos bilang kanila, at hindi nila isinasaalang-alang ang pakinabang o kawalan ng kanilang kinabukasan sa hinaharap—kahit na ang kinabukasan nila ay na wala silang makakamit, at hindi sila makikinabang, sila ay palaging mananampalataya sa Diyos nang may magpagmahal-sa-Diyos na puso. At dahil dito, ang ganitong uri ng tao ay kaniig ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng mga Layunin ng Diyos). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na iyong mga tunay na tapat sa Diyos ay hindi isinasaalang-alang ang sarili nilang seguridad o kinabukasan. Sa halip, itinuturing nilang agaran ang anumang itinuturing ng Diyos na agaran, at habang mas mapanganib ang kapaligiran, mas sinisikap nilang alamin kung paano gawin nang maayos ang kanilang tungkulin, suportahan ang mas mahihinang kapatid, at pangalagaan nang tama ang gawain ng iglesia. Subalit, nang malagay ako sa isang mapanganib na kapaligiran na nakaapekto sa aking buhay, kalalabasan, at hantungan, isinantabi ko ang tungkulin ko at pinagsisihan ko pa nga ang paggawa ng tungkulin ng isang lider. Bagama’t sa panlabas ay hindi naman ako nagmukhang sumuko, wala na sa tungkulin ko ang puso at isipan ko. Maraming lumitaw na kapintasan sa gawain, pero hindi ko iyon napansin. Hindi ako gumagawa ng aktuwal na gawain! Ngayon, itinaas ako ng Diyos para gawin ang mga tungkulin ng isang lider, sa pag-asang makakaya kong pasanin ang responsabilidad na ito at gawin nang maayos ang gawain ng iglesia, at para magamit ang paggampan sa tungkuling ito para ipaalam sa akin ang iba’t ibang aspekto ng mga katotohanan. Subalit, para maprotektahan ang sarili ko, bukod sa hindi ako nagpakita ng katapatan sa aking tungkulin, hinadlangan ko pa ang gawain. Anong bahid ng konsensiya mayroon ito? Noon, nadama ko na dahil maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, at nagawa kong talikdan ang pamilya ko, bitiwan ang mga kasiyahan ng laman, at magtiis din ng hirap at magbayad ng halaga sa paggawa ng aking tungkulin, ay maituturing akong isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan. Ngayon, sa wakas ay hinayaan ako ng pagbubunyag na idinulot ng kapaligirang ito na makita nang malinaw ang tunay kong tayog. Lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “Mahal kong Diyos, nang malaman ko na ipinagkanulo ako ng isang Hudas, namuhay ako na pinangangalagaan ang sarili. Hindi ako naging masigasig sa tungkulin ko at hinadlangan ko ang gawain. Labis akong nakokonsensiya at labis kong sinisisi ang aking sarili. Mahal kong Diyos, alam kong makasarili at kasuklam-suklam ako, at ayaw ko nang mamuhay sa kalagayang ito. Magmula ngayon, gusto kong ayusin ang kalagayan ko at gawin nang maayos ang gawain ko. Nawa ay gabayan Mo ako.” Pagkatapos magdasal, medyo mas kumalma ang puso ko. Mabilis kong tinalakay kay Wang Hui kung paano lutasin ang mga problema sa aming gawain. Bineripika muna namin ang liham ng pag-uulat mula sa Iglesia ng Chengnan, at tinanggal ang huwad na lider nang ayon sa mga prinsipyo. Para naman sa gawaing nakabatay sa teksto, natuklasan ko na hindi ito nagbubunga ng magagandang resulta dahil ang mga gumagawa ng gawaing nakabatay sa teksto ay walang disiplina, hindi nagdadala ng pasanin para sa paggampan ng mga tungkulin nila, hindi rin magkakasundong gumagawa nang magkakasama. Kalaunan, nakipagbahaginan ako sa superbisor tungkol sa isyung ito at nalutas ko ito. Matapos ang isang panahon ng pangangasiwa at pagsubaybay, nagsimulang bumuti ang mga resulta ng gawaing nakabatay sa teksto. Nang makita ko ito, hindi ko napigilang isipin na kung mas naging masigasig ako dati sa tungkulin ko, hindi sana naantala nang napakatagal ang gawain, kaya lalo pa akong nakaramdam ng pagkakonsensiya at paninisi ng sarili, at nagpasya ako sa sarili ko na sa hinaharap ay sisiguraduhin kong gagawin ko nang maayos ang tungkulin ko.
Isang araw noong Pebrero 2024, nakatanggap ako ng mensahe mula sa mga kapatid, na nagsasabing inarestong muli si Wen Xi at ipinagkanulo nito ang ilang detalye tungkol sa akin, at iginuhit na naman ng malaking pulang dragon ang larawan ko. Makalipas ang ilang araw, narinig ko na inaresto ng mga pulis si Sister Yang Shuo, na siyang naging driver namin kamakailan. Kinabahan ako sa mangyayari nang sunod-sunod kong marinig ang lahat ng balitang ito. Ang kadalasang taktika ng malaking pulang dragon ay ang sundan at imbestigahan ang isang tao sa loob ng ilang panahon bago arestuhin ito, at nang-aaresto lang sila kapag nakumpirma na nila ang target. Kamakailan lang, ipinagmaneho kami ni Yang Shuo nang dalawang beses. Kung sinusundan na siya ng mga pulis bago pa siya arestuhin ng mga ito, nakita ba ng mga pulis ang ilan naming huling ginawa? Ngayong naaresto si Yang Shuo at ipinagkanulo ni Wen Xi ang ilang detalye tungkol sa akin, kung maaaresto ako, tiyak na pahihirapan ako ng mga pulis. Kung bubugbugin ako hanggang mamatay, tiyak bang mawawala ang pag-asa kong maligtas? Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nag-aalala, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Diyos na akayin ako na mapanindigan nang matatag ang aking patotoo sa ganitong kapaligiran. Matapos magdasal, medyo mas kumalma ang puso ko. Naalala ko ang ilan sa mga salita ng Diyos na nabasa ko noong panahong iyon, at hinanap ko ang mga iyon para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Ipinapalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at pinagalitan sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. … Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinakakarapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon. May takot at pag-aalala sa mga layunin ang mga tao ngayon, ngunit anong silbi ng mga damdaming iyon? Kung hindi kailangan ng Diyos na gawin mo ito, para saan ang pag-aalala tungkol dito? Kung kailangan ng Diyos na gawin mo ito, hindi ka dapat umiwas o tumanggi sa pananagutang ito. Dapat kang maagap na makipagtulungan at tanggapin ito nang walang pag-aalala. Paano man mamatay ang isang tao, hindi siya dapat mamatay sa harap ni Satanas, at hindi mamatay sa mga kamay ni Satanas. Kung mamamatay ang isang tao, dapat siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos. Nagmula sa Diyos ang mga tao, at sa Diyos sila magbabalik—gayon ang katwiran at saloobing dapat taglayin ng isang nilikha” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng paglaya. Inusig ang mga disipulo ng Panginoong Jesus dahil sa pagpapalaganap sa ebanghelyo ng Diyos. Ang ilan ay pinagputol-putol ng limang kabayo, ang ilan ay binato hanggang mamatay, ang ilan ay pinugutan ng ulo, at ang ilan ay ipinako sa krus nang patiwarik. Hindi nila kailanman inabandona ang pangangaral ng ebanghelyo dahil sa pang-uusig, at hanggang mamatay sila ay hindi nila kailanman ikinaila ang pangalan ng Diyos: Ginamit nila ang buhay nila para matunog na magpatotoo sa Diyos. Bagamat para sa tao ay namatay ang mga katawan nila, ang mga kaluluwa nila ay nagbalik sa harapan ng kanilang Lumikha. Naisip ko ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Ang nakasusumpong ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39). Napakalinaw ng mga salita ng Panginoong Jesus. Kung mawawala ang buhay mo dahil sa pananampalataya sa Diyos o paggampan ng tungkulin mo, bagama’t mamamatay ang laman mo, sa Diyos ay maliligtas ang kaluluwa mo, at makakamit mo ang tunay na buhay. Bilang isang nilikha, dapat akong magpasakop, nang walang mga kondisyon, sa kapaligirang isinaayos ng Diyos. Kung hahayaan ng Diyos na maaresto ako ng malaking pulang dragon, dapat kong isantabi ang buhay ko para matatag kong mapanindigan ang patotoo ko sa Diyos, at maisagawa ang mga responsabilidad ko bilang isang nilikha. Kahit pa pahirapan talaga ako ng malaking pulang dragon hanggang sa mamatay ako, iyon ay magiging isang patotoo na magpapahiya kay Satanas. Magiging may halaga at makabuluhan iyon. Kung magpapatuloy ako gaya ng dati, pinahahaba ang pag-iral na walang dangal, iniisip lang na iligtas ang sarili ko, kahit pa protektahan ko ang laman ko, hindi ko matutupad ang responsabilidad ng isang nilikha, at hindi ako makapagpapatotoo sa Diyos. Iyon ay magiging tunay na pagkawala ng pagkakataon na maligtas. Sa sandaling maunawaan ko ito, hindi na ako naging dungo at takot. Ngayon, hindi pa ako naaaresto ng malaking pulang dragon, at mayroon pa akong mga pagkakataon na gawin ang tungkulin ko, kaya dapat kong gawin nang maayos ang mga tungkuling dapat kong gawin. Sa partikular, dahil sa mga pag-aresto sa mga panahong ito, hindi pa ganap na nakakabawi ang gawain ng ilang iglesia. Namumuhay pa rin sa pagiging negatibo at mahina ang ilang kapatid, at masugid pa ring inaaresto ng malaking pulang dragon ang mga kapatid. Dapat kong igugol ang lahat ng pagsisikap ko at dapat kong ibahagi sa mga kapatid ko ang mga layunin ng Diyos, para lahat ay makasandig sa Diyos, magawa nang maayos ang mga tungkulin nila, at matatag na mapanindigan ang patotoo nila. Nang maisip ko ito, nakadama ako ng kaliwanagan. Pagkatapos, nagdasal ako sa Diyos at sinadya kong isapuso ang mga tungkulin ko. Pagdating naman sa mga problema sa gawain ng iglesia, nakipagtalakayan at nakipagbahaginan ako kay Wang Hui para malutas ang mga iyon, at sumulat ako ng mga liham para isa-isang makipagbahaginan sa mga iglesia na may gawain na hindi nagbubunga ng magagandang resulta. Pagkaraan ng ilang panahon, medyo bumuti ang iba’t ibang aytem ng gawain, at nakaramdam ako ng labis na kasiyahan. Salamat sa Diyos!