23. Kung Bakit Hindi Ko Makayang Harapin ang mga Paghihirap sa Aking Tungkulin
Noong Nobyembre 2021, nahalal ako bilang lider ng iglesia. Noong simula, inakala ko na ang paggawa ng tungkuling ito ay magpapahintulot sa akin na isagawa ang paggamit ng katotohanan para lumutas ng mga problema, na magpapabilis ng paglago ng aking buhay. Bagamat marami akong kakulangan, handa akong tumanggap at sumunod. Pagkaraan ng isang panahon ng aktuwal na pagsasanay, napagtanto ko na nangangasiwa pala ng maraming gampanin sa gawain ang mga lider ng iglesia. Hindi lang kailangan ng mga lider na pamahalaan ang buhay iglesia pati na ang gawain ng pagdidilig at gawain ng ebanghelyo, kasali rin sila sa mga gampaning gaya ng gawaing nakabatay sa teksto at gawain ng pag-aalis mula sa iglesia. Noong unang linggo ko, halos araw-araw akong nakikipagbahaginan at lumulutas ng mga kalagayan ng mga kapatid sa iba’t ibang lugar ng pagtitipon habang nagsasaayos din at nagpapatupad ng lahat ng gampanin. Napakarami kong gawain. Kapag umuuwi ako sa bahay sa gabi, mayroon pa akong ilang liham na kailangang asikasuhin, at naiisip ko na masyadong nakakapagod gawin ang tungkuling ito. Kailan ako makakapagpahinga? Hindi lang pagod na pagod ang katawan ko, kundi mayroon ding lahat ng uri ng hirap at problema sa gawain, at kailangan kong magtiis ng stress na dala ng gawain. Noong panahong iyon, ang katuwang kong sister ay abala sa mga isyu ng pamilya niya, kaya hindi niya ako matulungang asikasuhin ang napakaraming gawain. Madalas ay hindi ko magawang asikasuhin ang lahat nang ako lang mag-isa, at unti-unti, ang mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo, tagadilig, at mga kapatid na nangangasiwa sa gawaing nakabatay sa teksto ay lahat nagsabi na bihira nilang makita ang mga lider at hindi nila makausap tungkol sa gawain. Lahat sila ay dismayado sa akin. Naisip ko ang lahat ng iba’t ibang gampanin na kailangan kong asikasuhin; lahat ng iyon ay nangangailangan ng maraming oras at lakas. Kaya, inggit na inggit ako sa mga kapatid na gumaganap ng mga tungkulin kung saan iisa lang ang trabaho na hindi kailangang labis na magpakapagod o mag-alala gaya ko. Dahil naisip ko ito, nabawasan ang pagkamaagap ko sa tungkulin ko kumpara noong simula, at minsan, kapag pinag-uulat ako ng mga nakatataas na lider tungkol sa takbo ng pagpapatupad ng gawain, hindi ako maagap na sumasagot.
Isang araw, pinadalhan ako ng liham ng nakatataas na lider, na nagsasabing kailangan ng isang technician para sa isang gampanin, isang taong may mga pangunahing kasanayan sa computer at marunong humusga kung maganda ba ang isang bagay. Sa loob-loob ko, sabik akong kumilos, at naisip ko, “Nakagawa na ako ng mga video dati at may ilan akong kasanayan sa computer. Bukod pa roon, kung ang gagawin ko ay tungkulin kung saan iisa lang ang trabaho, makatutuon ako sa iisang propesyon. Matututo ako ng mga bagong bagay, at hindi ako masyadong mapapagod o mag-aalala, hindi gaya ng pagiging lider.” Kaya, pinlano kong sulatan ang mga nakatataas na lider at sabihin sa kanila na mahina ang aking kakayahan at abilidad sa gawain at na hindi ako nababagay sa mga tungkulin ng pamumuno. Noong panahong iyon, alam ko na hindi tama ang kalagayan ko. Naisip ko kung paanong, noong mahirapan ako sa paggawa ng mga video, ay hindi ako nagbayad ng tamang halaga at nag-aral ng mga propesyonal na kasanayan. Nang makita ko na may isa pang tungkulin na wala masyadong propesyonal na hinihingi, hiniling ko sa lider na baguhin ang tungkulin ko. Matapos akong italaga sa ibang tungkulin, noong una ay hindi ganoon kahirap ang bagong tungkulin, at nang makakita ako ng mga resulta, naging masigla ako sa aking gawain. Subalit, noong tumagal ay mas bumigat ang hinihingi nito, at nagsimula akong maharap sa mas maraming hirap. Ayaw kong magbayad ng halaga at mapagtagumpayan ang mga hirap na ito, at ninais ko na namang lumipat sa ibang tungkulin. Sa huli, itinalaga ako sa ibang tungkulin dahil hindi magaganda ang resulta ng tungkulin ko. Ngayong gumagawa ako ng mga tungkulin ng pamumuno, bakit gusto ko pa ring magbago ng aking tungkulin kapag nahihirapan ako? Naapektuhan na ng ganitong klase ng kalagayan ang paggampan ko sa tungkulin ko, at kailangan kong hanapin ang katotohanan para malutas ito sa lalong madaling panahon.
Kinaumagahan, sa oras ng aking espirituwal na debosyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagkataong umaayon sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Maraming tao ang hindi nakauunawa sa katotohanan o naghahangad sa katotohanan. Paano nila tinatrato ang pagganap ng isang tungkulin? Tinatrato nila ito bilang isang uri ng trabaho, isang uri ng libangan, o isang pamumuhunan ng kanilang interes. Hindi nila ito tinatratong isang misyon o isang gawaing ibinigay ng Diyos, o isang responsabilidad na dapat nilang tuparin. Lalong hindi nila hinahangad na maunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, para magampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at makumpleto ang atas ng Diyos. Samakatwid, sa proseso ng pagganap ng kanilang mga tungkulin, may ilang taong umaayaw sa sandaling magtiis sila ng kaunting hirap at gustong tumakas. Kapag nakatatagpo sila ng ilang paghihirap o dumaranas ng ilang balakid, umaatras sila, at gustong muling tumakas. Hindi nila hinahanap ang katotohanan; iniisip lang nilang tumakas. Tulad ng mga pagong, kung may nangyayaring anumang mali, nagtatago lang sila sa kanilang talukab, pagkatapos ay naghihintay hanggang sa matapos ang problema bago sila muling lumitaw. Maraming tao ang ganito. Sa partikular, may ilang tao na, kapag sinabihang akuin ang responsabilidad para sa ilang partikular na trabaho, ay hindi iniisip kung paano nila maiaalay ang kanilang katapatan, o kung paano gagampanan ang tungkuling ito at gagawin ang gawaing ito nang maayos. Sa halip, iniisip nila kung paano makaiiwas sa responsabilidad, kung paano makaiiwas sa pagpupungos, kung paano makaiiwas na umako ng anumang responsabilidad, at kung paano lilitaw na walang pinsala kapag may mga nangyayaring problema o pagkakamali. Iniisip muna nila ang kanilang sariling ruta sa pagtakas at kung paano matutugunan ang kanilang mga sariling kagustuhan at interes, hindi kung paano gagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin at iaalay ang kanilang katapatan. Makakamit ba ng mga taong tulad nito ang katotohanan? Hindi sila nagsisikap para sa katotohanan, at hindi nila isinasagawa ang katotohanan pagdating sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Para sa kanila, palaging mas luntian ang damo sa kabilang bakod. Ngayon gusto nilang gawin ito, bukas gusto nilang gawin iyon, at iniisip nilang mas mabuti at mas madali ang mga tungkulin ng lahat ng iba pa kaysa sa kanila. Gayumpaman, hindi sila nagsisikap para sa katotohanan. Hindi nila iniisip kung ano ang mga problema sa mga ideya nilang ito, at hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Palaging nakatuon ang isipan nila sa kung kailan matutupad ang sarili nilang mga pangarap, kung sino ang nasa sentro ng atensyon, kung sino ang nakakakuha ng pagkilala mula sa Itaas, kung sino ang nagtatrabaho nang hindi pinupungusan at itinataas ang katungkulan. Puno ng mga ganitong bagay ang kanilang isipan. Matutupad ba ng mga tao na laging nag-iisip tungkol sa mga bagay na ito ang kanilang mga tungkulin nang sapat? Hindi nila ito kailanman maisasakatuparan. Kaya, anong uri ng mga tao ang gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Una, isang bagay ang tiyak: Ang mga taong tulad nito ay hindi naghahangad sa katotohanan. Hinahangad nilang tamasahin ang ilang pagpapala, maging sikat, at maging sentro ng atensyon sa sambahayan ng Diyos, tulad noong nakararaos sila sa lipunan. Pagdating sa diwa, anong uri sila ng mga tao? Sila ay mga hindi mananampalataya” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naantig ako. Ang inilantad ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Sa sandaling mahirapan ako habang ginagawa ko ang tungkulin ko, gusto ko nang umatras at iwasan ang mga paghihirap, palaging umaasa na puwede akong lumipat sa mas madaling tungkulin. Noon, nang mahirapan ako habang gumagawa ng mga video, hindi ako umasa sa Diyos para mag-aral ng mga teknikal na kakayahan at mapagtagumpayan ang mga iyon. Sa halip, umatras ako nang maharap sa mga paghihirap, iniisip na masyadong maraming hinihingi ang tungkuling ito, na kailangan dito na gumugol ng masyadong maraming oras at lakas sa pag-aaral ng mga propesyonal na kasanayan. Mas makabubuti sa akin na gumawa ng tungkulin na wala masyadong propesyonal o teknikal na hinihingi; sa ganoong paraan, hindi ko kakailanganing masyadong magdusa o mapagod. Alang-alang sa kaginhawahan ng laman, hiniling ko na italaga ako sa ibang tungkulin. Subalit, nang mahirapan ako sa bago kong tungkulin, ayaw ko pa ring magdusa o magbayad ng halaga, at naisip ko na namang magpalit ng tungkulin. Dahil hindi ko kailanman hinanap ang katotohanan para lutasin ang kalagayang ito, naging ganoon pa rin ang reaksyon ko sa mga paghihirap, iniisip na masyadong mahirap ang tungkuling ito at gustong pumili ng mas madaling tungkulin. Nakita ko kung paanong inilantad ng Diyos na ang mga ganitong tao ay hindi hinahangad ang katotohanan at hindi kailanman nagsisikap, nagdarasal sa Diyos, o naghahanap ng katotohanan para lumutas ng mga paghihirap. Hindi sila kailanman naging seryoso sa alinman sa mga tungkulin nila, ginagamit lamang nila ang mga tungkulin nila bilang paraan para maiwasan na kamatayan ang maging kalalabasan. Sinabi ng Diyos na ang mga ganoong tao ay mga hindi mananampalataya. Nang makita ko ang mga salitang “mga hindi mananampalataya,” nabagabag at napahiya ako, naisip ko, “Matagal akong nilinang ng iglesia, pero natatakot akong magdusa sa tungkulin ko at umaatras ako kapag nahaharap sa mga paghihirap. Wala pa akong natapos sa alinman sa mga tungkulin ko, at wala pa akong natatamong anumang tunay na resulta. Talagang napakalaki ng pagkakautang ko sa Diyos! Kung ipagpapatuloy kong hindi gawin ang tungkulin ko sa isang praktikal na paraan at hindi maging seryoso sa katotohanan o hindi gumawa ng anumang pagsisikap dito, ibubunyag at ititiwalag ako sa huli.” Ang totoo, sa paglilinang sa akin bilang lider, binibigyan ako ng iglesia ng pagkakataon na makatanggap ng pagsasanay. Bagamat nakakatagpo ako ng maraming paghihirap at problema at abala at nakakapagod ang gawain, kung makakapagdasal at makakapaghanap ako sa Diyos kapag nahaharap ako sa mga paghihirap at problema, may makakamit ako at magkakaroon ako ng kaunting paglago sa buhay. Ito ay pagtataas ng Diyos! Nang maunawaan ko ito, handa na akong maghimagsik laban sa aking laman at mas hanapin ang katotohanan kapag nahihirapan ako, at mas naging maingat ako kaysa dati kapag ginagawa ko ang tungkulin ko.
Makalipas ang tatlong buwan, nahalal ako bilang lider ng distrito. Dahil bago pa lang ako sa tungkuling ito, maraming problema ang hindi ko alam kung paano lutasin, pero naisip ko na dahil kakasimula ko pa lang magsanay, normal lang na hindi ko alam kung ano ang gagawin, kaya handa akong magsikap na magawa ang inaasahan sa akin. Subalit, makalipas ang dalawang buwan, nakita kong bumababa ang mga resulta ng gawain ng pagdidilig na pinangangasiwaan ko. Nanghina ang loob ko, at pakiramdam ko ay mahirap talaga ang tungkuling ito, naisip ko, “Pumunta naman ako sa halos lahat ng pagtitipon kasama ang mga tagadilig, at sa bawat pagtitipon ay tinanong ko nang detalyado kung kumusta na ang pagdidilig sa bawat baguhan at isinaayos ko na mag-alok ng suporta ang mga tao sa mas mahihinang miyembro. Bakit hindi bumubuti ang mga resulta?” Napakanegatibo ko, at naisip ko rin, “Hindi ko kayang lutasin ang mga tunay na problemang ito; mas makabubuti sa akin na lumipat sa tungkulin kung saan iisa lang ang trabaho. Sa tungkulin kung saan iisa lang ang trabaho, kailangan ko lang gawin ang parte ko ng gawain at hindi ko kailangang mag-alala tungkol sa buong operasyon. Sa ganoong paraan, hindi iyon masyadong magiging nakakapagod o mahirap.” Nang umusbong ang mga kaisipang ito, nagsimula akong maging mainisin kapag gumagawa ng aking tungkulin. Nang makita ko ang lahat ng liham na kailangan kong sagutin araw-araw, hindi ko mapigilang magsimulang maghimutok, at naisip ko, “Ni posible ba na sagutin ang ganito karaming liham?” Ayaw kong pagsikapan at isipin nang detalyado ang mga liham na ito, at ang ilan sa mga iyon ay mabilisan ko lang na binasa, itinuring na masyadong komplikado, at pagkatapos ay isinantabi at hindi pinansin. Noong panahong iyon, hindi ko agad na tinuklas at sinuri ang mga problema at paglihis sa gawain ng pagdidilig, na nakaantala sa gawain. Isang araw, pinadalhan ako ng mga nakatataas na lider ng isang liham, na nagsasabing maraming problema sa gawaing pinangangasiwaan namin at na hindi nagbubunga ng mga resulta ang gawain. Nilabanan ko ito sa puso ko, iniisip na, “Bakit ba napakaraming problema sa gawain? Bakit ba hindi ko kailanman matapos na lutasin ang mga iyon? At saka, kailangan akong pungusan kapag nagkakamali ako. Hindi ko kayang gawin ang gawaing ito!” Napagtanto kong mali ang kalagayan ko, at nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, sa sandaling mahirapan ako, nagsisimula akong ma-stress, umuusbong sa kalooban ko ang paglaban, at ayaw ko nang gawin pa ang tungkulin ko. Diyos ko, nawa ay gabayan Mo ako na hanapin ang katotohanan at lutasin ang problemang ito.”
Sa aking paghahanap, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Kaya hinanap ko iyon para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag kailangang magpatupad ng mga tao ng partikular na gawain na pinagbahaginan ni Cristo at kapag namamahala sila sa mga partikular na proyekto, maaari silang maharap sa mga suliranin. Madali ang pagsigaw ng mga islogan at pangangaral ng mga doktrina, ngunit ang aktuwal na pagpapatupad ay hindi ganoon kasimple. Sa pinakamababa, kailangan ng mga tao na magsikap, magbayad ng halaga, at maglaan ng oras upang aktuwal na maisagawa ang mga gawain. Kasama rito, sa isang aspekto, ang paghahanap ng mga angkop na indibidwal, at, sa iba pang aspekto, ang pag-aaral tungkol sa nasasangkot na propesyon, pagsasaliksik sa karaniwang kaalaman at mga teorya na nauugnay sa iba’t ibang propesyonal na aspekto, at ang mga partikular na diskarte at pamamaraan ng operasyon. Bukod dito, maaari silang maharap sa ilang mahirap na isyu. Sa pangkalahatan, ang mga normal na tao ay nakakaramdam ng kaunting panghihina ng loob kapag naririnig ang tungkol sa mga suliraning ito, nakadarama sila ng presyur, ngunit ang mga tapat at mapagpasakop sa Diyos, kapag nahaharap sa mga suliranin at nakadarama ng presyur, ay tahimik na nananalangin sa kanilang puso, humihiling ng paggabay sa Diyos, upang madagdagan ang kanilang pananalig, para sa kaliwanagan at tulong, at humihiling din ng proteksiyon mula sa paggawa ng mga pagkakamali, para matupad nila ang kanilang katapatan at makapagsikap sila nang husto upang magkaroon ng malinis na konsensiya. Gayumpaman, ang mga tulad ng mga anticristo ay hindi ganito. Kapag naririnig nila ang tungkol sa mga partikular na mga pagsasaayos sa gawain mula kay Cristo na kailangan nilang ipatupad at na may ilang suliranin dito, nagsisimula silang makaramdam ng paglaban sa loob nila, at ayaw na nilang magpatuloy. Ano ang anyo ng pag-ayaw na ito? Sinasabi nila: ‘Bakit hindi kailanman nangyayari sa akin ang magagandang bagay? Bakit palagi akong binibigyan ng mga problema at mga hinihingi? Ako ba ay itinuturing na walang ginagawa o isang aliping dapat utus-utusan? Hindi ako madaling manipulahin! Sinasabi mo ito nang napakadali, bakit hindi mo mismo ito subukang gawin!’ Ito ba ay pagpapasakop? Ito ba ay isang saloobin ng pagtanggap? Ano ang kanilang ginagawa? (Lumalaban, sumasalungat.) … Ito ba ay na kapag nahaharap sila sa mga suliranin, kailangang magtiis ng pisikal na hirap, at hindi na makapamuhay nang komportable, ay nagiging mapanlaban na sila? Ito ba ay pagpapasakop nang walang kondisyon, nang walang reklamo? Umaayaw na sila sa pinakamaliit na suliranin. Anumang bagay na ayaw nilang gawin, anumang gawain na sa tingin nila ay mahirap, hindi kanais-nais, nakakababa, o minamaliit ng iba, ay labis nilang nilalabanan, tinututulan, at tinatanggihan, hindi sila nagpapakita ng kahit kaunting pagpapasakop. Ang unang reaksiyon ng mga anticristo kapag nahaharap sa mga salita, mga utos ni Cristo, o sa mga prinsipyong Kanyang ibinabahagi—sa sandaling magdulot ito ng suliranin sa kanila o kinakailangan nilang magdusa o magbayad ng halaga—ay paglaban at pagtanggi, nakadarama sila ng pagkasuklam sa kanilang puso. Gayumpaman, pagdating sa mga bagay na nais nilang gawin o na may pakinabang sa kanila, iba ang kanilang saloobin. Ang mga anticristo ay nagnanais na mamuhay nang komportable at na mamukod-tangi, ngunit sila ba ay masaya at nagagalak na tumatanggap kapag nahaharap sila sa pagdurusa ng laman, sa pangangailangang magbayad ng halaga, o kahit sa panganib na mapasama ang loob ng iba? Kaya ba nilang makamit ang ganap na pagpapasakop sa oras na iyon? Hinding-hindi; ang kanilang saloobin ay ganap na pagsuway at pagtutol. Kapag ang mga tulad ng mga anticristo ay nahaharap sa mga bagay na ayaw nilang gawin, sa mga bagay na hindi tugma sa kanilang mga kagustuhan, panlasa, o sariling interes, ang kanilang saloobin sa mga salita ni Cristo ay nagiging ganap na pagtanggi at paglaban, nang walang bahid ng pagpapasakop” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaapat na Bahagi)). Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang lahat ay nagkakaroon ng hirap at stress kapag gumagawa ng kanilang mga tungkulin, na iyong mga naghahangad ng katotohanan ay kaya itong tanggapin mula sa Diyos, at na sa gitna ng mga paghihirap, nagagawa nilang magdasal sa Diyos, hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, at gawin nang maayos ang mga tungkulin nila. Subalit, ang mga anticristo ay nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman, at masaya kapag gumagawa ng madadaling tungkulin kung saan napapansin sila. Kapag nahaharap sa mga tungkulin na mahirap at nangangailangan ng pagdurusa ng laman at pagsisikap, hindi lang sa hindi nila nilulutas ang mga paghihirap, lumalaban at sumasalungat pa sila. Nakita ko na ang pag-uugali ko ay kagaya ng sa mga anticristo. Gusto ko lang na mag-imbot ng mga kaginhawahan ng laman at ayaw kong magbayad ng halaga sa tungkulin ko. Nang ang gawain ng pagdidilig na pinangangasiwaan ko ay hindi nagbunga ng mga resulta at naharap ito sa mga paghihirap, naisip ko na mahirap gawin ang tungkuling ito at ginusto kong lumipat sa ibang tungkulin para medyo makapagpahinga naman ang aking laman. Nang makita ko na kailangan kong sagutin ang maraming liham araw-araw, lumaban at naghimutok ako, isinantabi ko na lang ang mga liham at hindi pinansin ang mga iyon. Dahil doon, hindi agad naayos at nalutas ang mga paglihis sa gawain, na nakaapekto sa mga resulta ng gawain ng pagdidilig. Sa paggawa ng mga tungkulin ng pamumuno, ang pangunahing trabaho ko ay ang pangasiwaan ang gawain ng pagdidilig at na mapaglatag ng pundasyon sa tunay na daan ang mga baguhan. Subalit, napabayaan ko ang gawaing ito at hindi ko ito sineryoso, hindi ako nagsikap na lutasin ang mga umiiral na problema at dahil sa akin ay tumigil ang gawain. Sa paggawa ko ng tungkulin ko nang ganito, talagang hindi ako karapat-dapat na pagkatiwalaan ninuman; wala akong anumang pagkatao!
Kalaunan, pinag-isipan ko, “Bakit ba palagi kong pinipili ang madadaling trabaho at iniiwasan ang mahihirap na trabaho sa tungkulin ko, umuurong sa mga paghihirap at tumitiklop kapag nahihirapan?” Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag gumagawa ng isang tungkulin, palaging pinipili ng mga tao ang magaan na gawain, ang gawaing hindi nakakapagod, at na hindi nila kailangang suungin ang panahon sa labas. Pagpili ito sa madadaling trabaho at pag-iwas sa mahihirap ang tawag dito, at pagpapamalas ito ng pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman. Ano pa? (Palaging pagrereklamo kapag ang kanilang tungkulin ay medyo mahirap, medyo nakakapagod, kapag may kaakibat itong pagbabayad ng halaga.) (Pagkahumaling sa pagkain at pananamit, at sa mga kasiyahan ng laman.) Mga pagpapamalas lahat ito ng pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman. Kapag nakikita ng gayong tao na masyadong matrabaho o delikado ang isang gampanin, ipinapasa niya ito sa iba; magaan na gawain lang ang mismong ginagawa niya, at nagdadahilan siya, sinasabing mahina ang kakayahan niya at na wala siyang kapabilidad sa gawain, at hindi niya kayang pasanin ang gampaning ito—pero ang totoo, ito ay dahil nag-iimbot siya ng mga kaginhawahan ng laman. … Nariyan din kapag palaging nagrereklamo ang mga tao tungkol sa mga paghihirap habang ginagawa ang tungkulin nila, kapag ayaw nilang gumugol ng anumang pagsisikap, kapag, sa sandaling magkaroon sila ng kaunting libreng oras ay nagpapahinga sila, nakikipagdaldalan, o nakikisali sa paglilibang at pagsasaya. At kapag dumarami na ang gawain at nasisira nito ang takbo at nakagawian nila sa mga buhay nila, hindi sila nasisiyahan at nakokontento rito. Nagmamaktol at nagrereklamo sila, at nagiging pabasta-basta sila sa paggawa ng kanilang tungkulin. Pag-iimbot ito sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ba? … Angkop bang gumawa ng tungkulin ang mga taong nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman? Sa sandaling banggitin ng isang tao ang paksa ng paggawa sa kanyang tungkulin, o talakayin ang tungkol sa pagbabayad ng halaga at pagdanas ng paghihirap, iling nang iling ang ulo nila. Masyado silang maraming problema, ang dami nilang mga reklamo, at puno sila ng pagkanegatibo. Walang silbi ang mga gayong tao, hindi sila kalipikadong gumawa ng kanilang tungkulin, at dapat silang itiwalag” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (2)). “Ngayon, hindi mo pinaniniwalaan ang mga salitang Aking sinasabi, at hindi mo binibigyang-pansin ang mga iyon; kapag dumating na ang araw para ang gawaing ito ay lumaganap, at nakita mo ang kabuuan nito, magsisisi ka, at sa sandaling yaon ikaw ay matitigilan. Mayroong mga pagpapala, gayunman ay hindi mo alam kung paano magtamasa sa mga yaon, at naroon ang katotohanan, gayunman ay hindi mo ito hinahabol. Hindi ka ba nagdadala ng sumpa sa iyong sarili? Ngayon, bagaman magsisimula pa lamang ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang karagdagan tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakarami ng gawain, at napakaraming katotohanan; ang mga yaon ba ay hindi karapat-dapat na malaman mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol na tulutan kang kamuhian ang iyong sarili? Kontento ka na ba sa pamumuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, nang may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang mas hahangal pa kaysa sa mga yaong nakakita sa kaligtasan ngunit hindi hinangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakasasa sa laman at nasisiyahan kay Satanas. Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahangad ang mga bagay na iyon na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling malabis na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw ay napakawalang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahangad sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay pawang mga hayop? Hindi ba’t ang mga patay na walang mga espiritu ay mga naglalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting gawain lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? … Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahangad sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tunay na daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga nananampalataya sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tunay na daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang anuman. Handa ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano pang silbi na mabuhay ang mga gayong tao? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi mo hinahangad ang anumang layon; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na humarap sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas sa ganitong paraan, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tunay na daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahangad” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Matapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na, kapag ginagawa ko ang tungkulin ko, umuurong ako sa mga paghihirap at tumitiklop ako kapag nahihirapan, at ang mga pinakaugat nito ay na ayaw kong magdusa, na nag-iimbot ako ng mga kaginhawahan ng laman, at na ayaw kong magdusa at magbayad ng halaga para hangarin na makamit ang katotohanan. Dahil naghahangad ako nang may maling pananaw, sa sandaling mahirapan ako sa tungkulin ko at kailangang magdusa ng aking laman, pakiramdam ko ay labis akong nasusupil at puno ako ng reklamo, at gusto ko pa ngang iwasan ang tungkulin ko. Naalala ko kung paanong noong estudyante pa ako noon, kapag nakikita ko ang mga kaklase ko na nag-aaral nang mabuti at naghahangad na makapasok sa magagandang unibersidad at mamukod-tangi sa hinaharap, sa sandaling maisip ko ang pagdurusa na kaakibat ng nakakapagod na pag-aaral ay umaatras ako. Dahil dito, ang natapos ko ay hindi kasintaas ng pinag-aralan nila. Ang akala ko noon, ang mga pinahahalagahan ko sa buhay ay iba lang sa iba, at hindi ako kailanman gaanong nagnais ng reputasyon at katayuan. Ngayon, nakita ko sa wakas na hindi sa hindi ko gusto ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, kundi namumuhay ako ayon sa batas ni Satanas sa pananatiling buhay: “Masyadong maikli ang buhay; tratuhin mo nang maayos ang sarili mo.” Masyado kong inalala ang aking laman. Ngayon, bagamat nananampalataya ako sa Diyos, malalim pa ring nakakintal sa akin ang satanikong batas na ito ng pananatiling buhay. Sa sandaling mahirapan ako sa aking gawain, nagrereklamo ako, gustong gumawa ng mas madaling tungkulin. Pinangangasiwaan ko ang gawain ng pagdidilig, na may kinalaman sa buhay pagpasok ng mga baguhan. Kung hindi madidiligan nang maayos ang mga baguhan at hindi sila makapaglalatag ng pundasyon sa tunay na daan, madali para sa kanila na umatras, pero ayaw kong magbayad ng halaga o hanapin ang katotohanan para lutasin ang iba’t ibang paghihirap sa aking tungkulin. Sa halip, umuurong ako sa paghihirap, hindi isinasaalang-alang ang layunin ng Diyos at hindi iniisip ang gawain ng iglesia; masyado akong makasarili at kasuklam-suklam. Ang totoo, sa anumang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, para magawa ito nang maayos ay kailangang medyo igugol ng isang tao ang kanyang sarili. Halimbawa, kailangang pagsikapan ng mga kapatid na nangangaral ng ebanghelyo na sangkapan ang kanilang mga sarili ng mga katotohanang may kaugnayan sa pangangaral ng ebanghelyo, habang tinitiis din ang pangungutya at pang-aabuso ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo at maging ang maharap sa panganib na maaresto at mamatay anumang oras. Gayundin, sa mga teknikal na tungkulin, magagawa lang nang maayos ang mga iyon kung gugugol ng oras at lakas ang isang tao para mag-aral ng mga propesyonal na kasanayan. Kapag nahaharap sa ganoong mga paghihirap ang mga kapatid na naghahangad sa katotohanan, nagagawa nilang maghanap ng katotohanan at matuto ng mga aral, humuhusay sila sa kanilang mga tungkulin habang mas matagal nilang ginagawa ang mga iyon, at pakiramdam nila ay sulit ang lahat ng kanilang pagdurusa. Noon, wala ako ng ganoong uri ng paghahangad o pagpapasya. Ang saloobin ko sa tungkulin ko ay kagaya ng sa isang tamad, gustong iraos lang ang lahat ng aking gawain, walang anumang tinatapos at hindi kinukumpleto ang alinman sa mga gampanin ko. Kung ipagpapatuloy ko ang paghahangad ng mga kaginhawahan ng laman at hindi ko maayos na hahangarin ang katotohanan, at kung hindi ako magdurusa at magbabayad ng halaga para magawa nang maayos ang tungkulin ko, hindi ko magagawa nang mabuti ang anumang tungkulin; Talagang naging walang silbing basura na ako na dapat itiwalag.
Kalaunan, nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos: “Dapat hangarin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang imahe ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat hangarin ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang hangarin ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may kabuluhan at kahulugan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang magiging katulad kay Pedro ang tao. Dapat kang tumuon sa maagap na pagpasok sa positibong panig, at huwag pasibong hayaan ang iyong sarili na umurong para lang sa pagkakaroon ng pansamantalang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas detalyado, at mas praktikal na mga katotohanan. Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng mga paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa imoral at walang-pakialam na pamumuhay na walang pinagkaiba sa paraan ng pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kabuluhan at halaga, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano mo dapat ipamuhay ang iyong buhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para matugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong mga adhikain at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang lakas ng loob. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan. At pagkatapos, magkakaroon ka pa ba ng isa pang pagkakataon para ibigin ang Diyos? Maaari bang ibigin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng konsensya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat mong magawang maingat na isaalang-alang kung paano mo itinuturing ang iyong buhay, kung paano mo dapat ihandog ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananampalataya sa Diyos, at dahil sa iniibig mo ang Diyos, paano mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas maganda, at mas mabuti” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na umaasa ang Diyos na maituturing ng mga tao ang paghahangad sa katotohanan bilang malaking bahagi ng buhay nila. Kung maiwawala ko ang pagkakataon kong makamit ang katotohanan alang-alang sa mga panandaliang kaginhawahan ng laman, hindi ba’t kahangalan iyon? Kapag natapos na ang gawain ng Diyos, kung hindi natin nakamit ang katotohanan o nabago ang ating disposisyon, pagsisisihan lang natin ito habambuhay. Sa panahon ko ng paggawa ng mga tungkulin ng pamumuno, bagamat marami akong kakulangan at bagamat marami-raming paghihirap at stress sa gawain, mas marami akong nakamit kaysa noong gumagawa ako ng mga tungkulin kung saan iisa lang ang trabaho. Hindi lang nito napabuti ang mga abilidad ko sa paggawa, naunawaan ko rin ang ilang katotohanang prinsipyo. Nakita ko na ang mga paghihirap at stress—ang lahat ng iyon ay pagpapala mula sa Diyos. Nagpasya ako na hindi ko gugustuhing patuloy na takasan at iwasan ang tungkulin ko alang-alang sa mga konsiderasyon ng laman. Kapag nahaharap sa mga paghihirap, lalo akong nagdarasal at sumasandig sa Diyos at hinahanap ko ang katotohanan para lutasin ang mga iyon. Hindi nagtagal, nagsimula akong hanapin at isipin ang dahilan kung bakit hindi nagbubunga ng mga resulta ang gawain ng pagdidilig. Sa pamamagitan ng pagninilay at pagsusuri, nakita ko na iyon ay pangunahing dahil sa masyado akong pasibo sa aking tungkulin at hindi ako tumuon sa pagsusuri sa mga paglihis. Kapag may mga problema ang mga baguhan, hindi ko nilulutas ang mga iyon dahil hindi ako kalipikadong gawin iyon, kaya naipon ang maraming problema nang walang landas para malutas. Pagkatapos, sa sandaling aktuwal akong magsimulang magbayad ng halaga sa gawain ko, nagsimulang patuloy na bumuti ang mga resulta ng gawain ng pagdidilig. Naranasan ko mismo ang masarap na pakiramdam ng hindi pamumuhay sa gitna ng mga paghihirap at ng pagsasagawa nang ayon sa mga salita ng Diyos, at mas lumaki pa ang pananalig ko na maranasan ang sitwasyong ito.
Kalaunan, ipinangasiwa sa akin ang higit pang gawain, at bukod doon, hindi ako pamilyar sa gawain at nagkulang ako pagdating sa pakikipagbahaginan ng katotohanan at paglutas ng mga problema. Labis iyong nakakapagod, pero handa akong maghimagsik laban sa aking laman at magsikap nang husto sa aking tungkulin. Pagkatapos ng isa o dalawang buwan ng paggawa sa gawain, hindi gaanong magaganda ang resulta, at medyo pinanghinaan ako ng loob, iniisip na masyadong mahirap gawin ang tungkuling ito at na mas magaan ang mga nauna kong ginawang tungkulin. Napagtanto kong mali ang kalagayan ko, kaya nagdasal ako sa Diyos at hinanap ko ang katotohanan para lutasin iyon. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos ay lahat ng mga indibidwal na nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, lahat sila ay handang gampanan ang kanilang mga tungkulin, kaya nilang magpasan ng isang gawain at gawin iyon nang maayos ayon sa kanilang kakayahan at sa mga patakaran ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, sa simula ay maaaring maging mahirap masanay sa buhay na ito. Maaari mong maramdamang pagod na pagod ang iyong katawan at isip. Subalit, kung talagang may paninindigan kang makipagtulungan at handa kang maging isang normal at mabuting tao, at na magtamo ng kaligtasan, kailangan mong magbayad ng kaunting halaga at hayaan ang Diyos na disiplinahin ka. Kapag nahihimok kang maging sutil, kailangan mong maghimagsik laban dito at bitiwan ito, paunti-unting bawasan ang iyong pagkasutil at mga makasariling ninanasa. … Hindi mo maaaring sabihin na, ‘Sobra-sobra itong kagipitang ito, kaya hindi ko ito gagawin. Naghahanap lang ako ng kalibangan, kadalian, kaligayahan, at kaginhawahan sa paggawa ng aking tungkulin at paggawa sa sambahayan ng Diyos.’ Hindi ito uubra; hindi ito isang kaisipan na dapat taglayin ng isang normal na taong nasa hustong gulang, at ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang lugar para magpakasasa ka sa kaginhawahan. Ang bawat tao ay nagpapasan ng kaunting kagipitan at pakikipagsapalaran sa kanyang buhay at gawain. Sa anumang trabaho, lalo na sa paggampan ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat mong pagsikapang makakuha ng pinakamagagandang resulta. Sa mas mataas na antas, ito ang itinuturo at hinihingi ng Diyos. Sa mas mababang antas, ito ang saloobin, pananaw, pamantayan, at prinsipyo na dapat taglayin ng bawat tao sa kanyang asal at mga kilos” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (5)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na bilang isang taong nasa hustong gulang na may normal na katwiran, dapat ay kaya kong tumanggap ng gawain. Bagamat minsan ay uusbong ang mga paghihirap sa gawain, na mangangailangan ng kaunting pagdurusa, isa itong bagay na dapat kong maranasan sa aking paghahangad ng kaligtasan. Maging ang mga walang pananampalataya ay kailangang labis na magdusa para kumita ng ikabubuhay. Tayo namang mga mananampalataya, ang pagdurusang tinitiis natin habang ginagawa natin ang ating mga tungkulin ay makabuluhan at kapaki-pakinabang sa ating buhay. Nang maunawaan ko ito, naging handa na akong magpasakop at makaranas. Pagkatapos nito, kapag maraming paghihirap sa aking tungkulin, minsan ay medyo nalulungkot pa rin ako, pero hindi ko ginugustong magbitiw na sa aking tungkulin dahil sa mga iyon. Sa halip, nagagawa kong hanapin ang layunin ng Diyos sa gitna ng mga paghihirap, gawin ang lahat ng makakaya ko para matupad ang inaasahan sa akin, at tingnan nang tama ang mga paghihirap at stress sa tungkulin ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa puso ko!