24. Isang Pagninilay-nilay Tungkol sa Pagtataas sa Aking Sarili at Pagpapakitang-gilas
Noong Abril 2023, muli kong ginampanan ang tungkulin ko bilang aktres. Pangunahing kasali ako sa pag-shoot ng mga video ng karanasang batay sa patotoo, at talagang masaya at nagpapasalamat ako sa biyaya ng Diyos. Ngunit mayroon din akong ilang mga alalahanin sa puso ko, at iniisip ko, “Mahigit isang taon ko nang hindi nagagawa ang tungkulin ko bilang aktres, at hindi ako sigurado kung magagawa ko nang maayos ang tungkuling ito sa kondisyon ko ngayon.” Talagang balisa ako at hindi makatulog nang maayos sa loob ng ilang araw. Sa hindi inaasahang pagkakataon, ang kalagayan ng bida sa unang artikulo ng patotoong batay sa karanasan na isasalaysay ko ay parehong-pareho ng sa akin, at ang mga sipi ng mga salita ng Diyos sa loob nito ay lubos na nakaantig sa akin. Talagang tumatak sa akin ang pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos at pagkukumpara sa pag-iisip ng bida sa sarili kong pag-iisip. Matapos umasa ang sister sa Diyos at matuto ng mga aral, nakaramdam siya ng pagpapalaya, at pakiramdam ko rin ay nakahanap ako ng daan pasulong. Nang hindi namamalayan, hindi na ako gaanong nababagabag at nag-aalala, at hindi nagtagal ay natapos ko na ang shoot. Lubos akong nagpapasalamat sa patnubay ng Diyos, unti-unti akong nagkaroon ng kumpiyansa, at hindi na ako gaanong kinakabahan sa mga sumunod na shoot. Pagkatapos niyon, nakapag-shoot ako ng dalawa pang video, at napagtanto ko na basta’t tama ang mga layunin ko at iniaalay ko ang sarili ko sa tungkulin ko, bibigyan ako ng Diyos ng kaliwanagan at patnubay. Pero hindi ko maiwasang isipin, “Nakapag-shoot na ako ng tatlong video ng patotoong batay sa karanasan nang napakabilis, kaya, parang may kakayahan naman talaga ako.”
Napansin ng ilang kapatid na nakasali na ako noon sa ilang pelikula, dula sa entablado, solong pagtatanghal, at pagtatanghal ng koro, at itinuring nila akong isang beteranang aktres, kaya nagsimula silang magtanong sa akin tungkol sa pag-arte, dahil dito ay labis akong nasiyahan sa sarili ko. Alam kong marami akong pagkukulang, pero hindi alam ng iba na kahit ang isang “beteranong aktres” na katulad ko ay nahihirapan din minsan. Halimbawa, noong magsalaysay ako sa aking unang artikulo ng patotoong batay sa karanasan, kabado at balisa ako. Pero naisip ko na dahil unang pagkikita pa lang namin, hindi ko dapat sirain ang magandang impresyon ng lahat tungkol sa akin. Kaya nagpasya akong huwag banggitin ang mga pagkukulang ko. Nagsimula akong magsalita nang masigla at walang tigil, ikinukumpas ang mga kamay ko habang nagsasalita. Noong nagsimula akong magkuwento tungkol sa pagsasapelikula ng isang malaking pagtatanghal ng koro na Awit ng Kaharian: Bumababa ang Kaharian sa Mundo sa partikular, may pagmamalaki kong sinabi, “Maingat na pinili ang mga artista para sa koro, at sumailalim sa mahigpit na pagsasanay sa loob ng ilang buwan ng nakakapasong init at nakakapanginig na lamig.” Puno ng paghanga ang lahat ng kapatid matapos marinig ito. Ipinagmayabang ko rin, “Sa mahigit 300 na artista, ako ang pinakamatanda!” Natagpuan ko ang sarili ko na natutuwa at nasisiyahan sa hitsura ng paghanga mula sa mga kapatid. Isang beses, may isang aktor na nahihirapan habang nasa shoot at humingi siya ng tulong sa akin para idirek ang pagganap niya. Naisip ko, “Pakikitaan ko sila ng kaunting galing. Siyempre, ayaw kong maliitin nila ako.” Pakatapos, nakaisip ako ng eksena, at nagsimula na lang dumaloy ang mga emosyon ko. Tiningnan nila akong lahat nang may paghanga at sinabing, “Marunong ka talagang umarte! Kamangha-mangha!” Bagaman sinabi ko na patnubay ito ng Diyos, sa loob-loob ko, hindi ko maiwasang makaramdam ng pagmamalaki sa sarili ko, iniisip na mas mahusay at mas may karanasan ako kaysa sa iba. Sa iba pang pagkakataon, tinuturuan ng direktor si Sister Teri kung paano magsalaysay ng isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan at hiniling sa akin na tumulong. Naisip ko, “Kailangan kong makahanap ng ilang isyu para makita nila na may silbi talaga ako.” Pagkatapos magsalita ng sister, hindi ko na hinintay na may anupamang sabihin ang direktor, agad akong sumingit para magbigay ng puna. Nang makita kong tumatango ang sister bilang pagsang-ayon, pakiramdam ko ay may kakayahan akong tumukoy ng mga problema. Pero ang totoo, gusto kong sabihin sa sister na marami din akong pagkukulang noon, at na ang direktor ang paulit-ulit na tumulong sa akin sa pagsusuri at pag-unawa sa mga emosyon at kalagayan ng karakter nang paunti-unti upang sa wakas ay maipahayag ko nang tumpak ang mga bagay na ito. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Mataas na ang tingin nila sa akin, kaya, kung sasabihin ko iyon, at malalaman nila na napakarami kong pagkukulang, ano na lang ang iisipin nila sa akin? Hindi bale na. Mas mabuting wala akong anumang sabihin.” Mayroon ding isang sister na ang Mandarin ay hindi pasok sa pamantayan, at sinadya kong itama siya. Naisip ko, “Kung mabilis siyang huhusay, hindi ba’t ipapakita niyon na magaling akong magturo?” Kaya, palagi ko siyang itinatama, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa okasyon, dahilan para mapigilan at matakot ang sister na magsalita sa harap ko. Minsan, nakakahalata ako sa sarili ko, at naiisip ko, “Nagpapakitang-gilas ba ako rito? Medyo hindi ba ito angkop?” Pero pagkatapos ay naiisip ko, “Totoo naman ang sinasabi ko, kaya ayos lang iyon, hindi ba?” At kaya, iniraos ko lang ang mga dapat gawin. Pero habang patuloy akong nagpapasikat at nagpapakitang-gilas, nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para ibunyag ako.
Isang beses, nakatanggap ako ng isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan na medyo mahaba, at may maraming diyalogo. Pero dahil sa mabilis na takbo ng iskedyul ng shoot, kaunti lang ang oras ko para maghanda. Naisip ko, “Magaling akong bumigkas ng diyalogo, kaya, basta’t isinasalaysay ko ang kuwento nang buhay na buhay, tatatak ito at mapapansin ng mga tao ang pagganap ko. Bukod dito, naging maayos ang takbo ng mga huling video na shinoot ko, kaya hindi dapat maging isyu ang kaunting oras ng paghahanda.” Kaya, isinaulo ko ang mga linya ko at nagsanay ako nang kaunti sa pagbigkas, pagkatapos, isang araw lang akong nakipag-ensayo sa mga kapatid, at naghanda na ako sa shoot. Sa totoo lang, hindi ako lubusang handa, at gusto kong imungkahi sa direktor na ipagpaliban ang shoot nang ilang araw pa, pero nag-alala ako na baka sabihin ng mga tao, “Napakabagal naman niyang maghanda, kahit na ang tagal na niyang artista?” At natakot ako na mamaliitin ako ng iba, kaya dali-dali akong pumunta sa set. Pagkatapos ng shoot, ang daming kailangang baguhin. Matapos kong mapanood ang video, nagulat ako. Malinaw kong naipakita ang kalagayan at pag-uugali ng bida nang maglantad siya ng mga katiwalian, ginagawang parang negatibong karakter ang bida. Napatulala ako at bumigat ang puso ko. Napaisip ako, “Paanong lumitaw ang gayon kalubhang isyu? Kung hindi ito maaayos, kakailanganin naming mag-shoot ulit, at maaantala nito ang iskedyul ng paggawa ng pelikula. Hindi ba’t nagsanhi ako ng pagkagambala at kaguluhan?” Natakot ako at agad akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, nakagawa po ako ng malaking pagkakamali. Pakiusap, ituwid Mo po ako. Handa po akong magsisi at gawin ang lahat ng makakaya ko para makabawi.” Pagkatapos, nakipagtulungan ako sa lahat para suriin at baguhin ang video nang limang beses bago tuluyang naitama ang problema. Pagkatapos, nagnilay-nilay ako, tinatanong ang sarili ko, “Bakit nangyari ang gayon kaseryosong problema nang naroon ako? Ano mismo ang nagsanhi nito?” Nagdasal din ako, hinihiling sa Diyos na bigyang-liwanag at gabayan ako para makilala ang aking sarili.
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Itinataas at pinapatotohanan ang kanilang sarili, ibinibida ang mga sarili nila, sinisikap na tingalain at sambahin sila ng mga tao—may kakayahan sa mga bagay na ito ang tiwaling sangkatauhan. Ganito ang likas na reaksiyon ng mga tao kapag pinamamahalaan sila ng mga satanikong kalikasan nila, at karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Paano karaniwang itinataas at pinapatotohanan ng mga tao ang kanilang sarili? Paano nila natatamo ang pakay na tingalain at sambahin sila ng mga tao? Nagpapatotoo sila sa kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano sila nagdusa, kung gaano nila ginugol ang mga sarili nila, at kung anong halaga ang binayaran nila. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital kung saan itinataas nila ang mga sarili nila, na nagbibigay sa kanila ng mas mataas, mas matatag, mas ligtas na lugar sa pag-iisip ng mga tao, upang mas maraming tao ang magpapahalaga, titingala, hahanga, at gayundin ang sasamba, gagalang, at susunod sa kanila. Upang matamo ang pakay na ito, maraming bagay na ginagawa ang mga tao na nagpapatotoo sa Diyos sa panlabas, pero sa totoo lang ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Makatwiran bang kumilos nang ganoon? Lampas sila sa saklaw ng pagkamakatwiran at wala silang kahihiyan, ibig sabihin, walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa nagawa nila para sa Diyos at kung gaano sila nagdusa para sa Kanya. Ibinibida pa nga nila ang kanilang mga kaloob, mga talento, karanasan, mga natatanging kasanayan, matatalinong diskarte sa mga makamundong transaksiyon, ang mga paraang ginagamit nila upang paglaruan ang mga tao, at iba pa. Ang kaparaanan nila ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay upang ipangalandakan ang sarili nila at maliitin ang iba. Nagbabalatkayo at nagpapanggap din sila, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita ng mga ito ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng pagkanegatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahaginan sa mga ito, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang lahat-lahat upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpapakitang-gilas nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba’t isa itong paraan ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili? Ang pagtataas at pagpapatotoo ba sa sarili ay isang bagay na ginagawa ng isang taong may konsensiya at katwiran? Hindi. Kaya kapag ginagawa ito ng mga tao, anong disposisyon ang karaniwang nabubunyag? Kayabangan. Ito ang isa sa mga pangunahing disposisyon na nabubunyag, na sinusundan ng panlilinlang, na kinasasangkutan ng paggawa ng lahat ng maaari upang gawing mataas ang pagpapahalaga sa kanila ng ibang mga tao. Hindi mabubutasan ang kanilang mga salita at malinaw na naglalaman ng mga motibasyon at pakana, nagpapakitang-gilas sila, gayumpaman ay nais nilang itago ang katunayang ito. Ang kalalabasan ng kung ano ang sinasabi nila ay na pinararamdam sa mga tao na mas mahusay sila kaysa sa iba, na wala silang sinumang kapantay, na ang lahat ng iba ay nakabababa sa kanila” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Inilalantad ng Diyos na ang intensiyon at pakay sa likod ng pagtataas at pagpepresenta ng mga tao ng kanilang sarili ay upang hangaan at sambahin sila ng iba, at makakuha ng puwang sa puso ng mga tao. Eksatong nakaayon sa inilarawan ng Diyos ang pag-uugali ko kamakailan. Hindi ko dinakila at pinatotohanan ang Diyos sa aking tungkulin, sa halip, patuloy akong nagpakitang-gilas para makuha ang paghanga ng iba. Kapag nakikipagbahaginan ako sa lahat, madalas kong itinuturing ang sarili ko bilang isang “beteranong aktres,” itinataas ang aking sarili, ipinagmamayabang kung paanong sa mga dating shoot ay nakahanap ako ng mga paraan para malampasan ang mga suliranin at nagtiis ako ng mga paghihirap sa panahon ng pagsasanay, kung gaano karami ang naisapelikula ko, at kung gaano kaepektibo ang mga ito, at iba pa. Nang magsalita ako tungkol sa paggawa ng pelikula sa malakihang produksiyon ng koro na Awit ng Kaharian: Bumababa ang Kaharian sa Mundo sa partikular, labis kong binigyang-diin na ako ang pinakamatanda sa lahat, dahil pakay kong itatag ang sarili ko, na hangaan ako ng iba, at magkaroon ako ng puwang sa puso ng mga tao. Nang makita kong nahihirapan ang ibang artista sa pag-arte habang kinukunan, hindi ako tumulong sa pagsuri sa kalagayan ng mga karakter para magabayan ang mga artista kung paano maipapahayag ang tunay na mga damdamin, sa halip, ipinangalandakan ko lang na mas magaling akong umarte kaysa sa kanila. Kapag nakikisalamuha sa iba, palagi kong ikinukuwento ang aking positibong pagpasok, natatakot na kung masyado akong magsasalita tungkol sa katiwaliang ibinubunyag ko, mamaliitin ako ng iba. Kaya, bahagya ko lang binabanggit ang pagkanegatibo at katiwalian ko gamit ang ilang salita. Sa realidad, kasisimula ko pa lang magsanay sa aking tungkulin bilang artista pagkatapos kong umalis sa Tsina. Noong magsimula akong gumawa ng pelikula, marami akong naharap na suliranin at hindi ko alam kung paano lutasin ang mga ito. Madalas kong hindi maarok ang mga emosyon ng karakter, at ang pag-arte ko ay eksaherado, kulang, o kaya ay hindi nakapagpapahayag ng mga emosyon. Sobrang nasasaktan ang puso ko, at napakaraming beses akong umiyak. Gaya na lang ng pagkakataong ito ng pasasapelikula ng isang video ng patotoong batay sa karanasan. Matagal akong hindi nakapag-shoot, at nang matanggap ko ang unang artikulo ng patotoong batay sa karanasan, sobra akong kinabahan na hindi ako makatulog nang ilang gabi, at namuhay ako sa isang kalagayan ng pagkabalisa at pagkabagabag. Sa pamamagitan lang ng pagdarasal at pagbabasa ng mga salita ng Diyos ko unti-unting nalutas ito. Pero sadya kong itinago at pinigilang banggitin ito dahil sa takot na mawala ang magandang imahe ko sa puso ng iba. Sa halip, ipinangalandakan ko lang ang mabuting parte ng aking pagkatao, hinihikayat ang mga kapatid na hangaan ako. Hindi ko pinatototohanan ang Diyos sa ginagawa kong ito, kundi dinadakila ko ang sarili ko at binibigyan ng magandang imahe ang sarili ko. Nang may mga kasuklam-suklam na intensiyon sa loob ko, nagpakitang-gilas ako at nagtaas ng aking sarili, nagnanais magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao. Tunay akong walang kahihiyan!
Pagkatapos ay higit pa akong nagbasa ng mga salita ng Diyos: “Partikular na iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at maging sentro sila ng atensiyon ng mga ito. Gusto nilang magkaroon ng puwang sa puso ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Himayin natin ang kanilang kalikasan mula sa mga pag-uugaling ito. Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at palalo. Hindi talaga nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nagnanais na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin ang mga ito, at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspekto ng kanilang kalikasan ay kayabangan at kapalaluan, ang pag-ayaw na sambahin ang Diyos, at ang pagnanais na sambahin ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang kalikasan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang patuloy kong pagpapakitang-gilas at pagtataas sa aking sarili ay bunsod ng isang mayabang na kalikasan, na naghangad na agawin ang puwesto ng Diyos sa puso ng mga tao. Sa paggawa ko nito, tinatahak ko ang landas ni Pablo na lumalaban sa Diyos. Nagnilay-nilay ako kung kumusta ang paggawa ko ng tungkulin ko bilang aktres simula nang umalis ako ng Tsina. Pagkatapos mag-shoot ng ilang video at makakuha ng ilang resulta sa aking tungkulin, itinuring ko ang mga bagay na ito bilang aking kapital, at madalas akong nagpakitang-gilas sa harap ng iba, walang kahihiyang ipinepresenta ang aking sarili. Napagtanto ko na tinatahak ko na pala ang landas ni Pablo. Noon, akala ko na normal lang sa isang tao na magpakitang-gilas sa kanyang mga tagumpay at papurihan ng iba. Pero sa liwanag ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ito ay nagpapakita ng isang mayabang na kalikasan at isang pagnanais na umokupa ng puwang sa puso ng mga tao at hangaan at tingalain ng iba. Talagang mayabang si Pablo sa disposisyon niya, at bagaman binigyan siya ng Diyos ng mga kaloob, hindi niya kailanman dinakila o pinatotohanan ang Panginoong Jesus sa kanyang gawain, at sa halip, patuloy niyang itinaas ang kanyang sarili at nagpakitang-gilas, naglalayong makuha ang loob ng mga tao para hangaan at sambahin siya ng mga ito. Sa huli, mayabang niyang hinangad na maging cristo at agawin ang puwang ng Diyos sa puso ng mga tao, tinahak ang landas ng isang anticristo sa paglaban sa Diyos, at nagdusa siya sa parusa ng Diyos. Sa realidad, ang paggawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay hindi maihihiwalay sa patnubay ng Diyos. Ang paggawa natin ng mga tungkulin ay pagtupad lang sa ating mga responsabilidad at obligasyon, at dapat nating patotohanan at luwalhatiin ang Diyos nang hindi nagkikimkim ng anumang personal na intensiyon o pagnanais. Subalit, bunsod ng aking mayabang na kalikasan, naging mangmang ako sa kinatatayuan ko, iniisip na dahil nakapag-shoot na ako ng ilang video at nagkamit ng kaunting karanasan, magagamit ko ang mga bagay na ito bilang kapital para magpakitang-gilas at ipangalandakan ang aking sarili, at agawin ang kaluwalhatian ng Diyos. Sa ganito, tinatahak ko ang landas ng paglaban sa Diyos. Sa anong paraan ako may takot-sa-Diyos na puso?
Kalaunan, nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Dahil hindi mo naiintindihan ang gawain ng Diyos, magkakaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, at hindi ka magkakaroon may takot sa Diyos na puso. Magbabago ang tono ng iyong boses, magiging mayabang ang iyong disposisyon, at sa huli, unti-unti mong dadakilain at patototohanan ang sarili mo. Ito ang proseso ng paglubog ng tao, at ito ay ganap na dala ng hindi niya paghahangad sa katotohanan. Ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay dinadakila at pinatototohanan ang kanilang sarili, itinataguyod ang kanilang sarili at ipinangangalandakan ang kanilang sarili kahit saan, at wala talagang pakialam sa Diyos. Naranasan na ba ninyo ang mga bagay na ito na sinasabi Ko? Maraming tao ang patuloy na nagpapatotoo para sa kanilang sarili, nagsasalita tungkol sa kung paano nila pinagdurusahan ang ganito at ganoon, kung paano sila gumagawa, kung paano sila pinahahalagahan ng Diyos, at ipinagkakatiwala sa kanila ang ganoong gawain, at kung ano sila, na sadyang gumagamit ng mga partikular na tono habang nagsasalita, at nagpapakita ng ilang partikular na asal, hanggang sa kalaunan ay malamang na may ilang taong magsisimulang isipin na sila ay Diyos. Matagal nang tinalikuran ng Banal na Espiritu ang mga umabot sa antas na ito, at bagamat hindi pa sila napapaalis o naititiwalag, at sa halip ay pinanatili upang magserbisyo, napagpasyahan na ang kanilang kapalaran at hinihintay na lamang nila ang kanilang kaparusahan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos). Napagtanto ko sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos na, kapag walang puwang para sa Diyos ang mga tao sa kanilang puso at patuloy silang nagpapakitang-gilas at nagtataas ng kanilang sarili, sila ay nasa isang palusong na landas, na ito ay kinasusuklaman ng Diyos, at maaari lang itong humantong sa kaparusahan sa huli. Sa pagninilay-nilay sa pag-uugali ko, napuno ako ng takot. Ang malaking pagkakamaling ito na ginawa ko habang kinukunan ang video ng patotoong batay sa karanasan na ito ay nagmula sa aking mga di-wastong intensiyon sa aking tungkulin sa panahong ito. Dahil sa kayabangan at kapalaluan ko, naging sabik akong magpakitang-gilas, at palagi kong iniisip kung paano mamukod-tangi para hangaan ako ng mga tao, dahilan para isantabi ko ang mga prinsipyo. Wala nang puwang ang Diyos sa puso ko. Palagi akong nagpapakitang-gilas para makuha ang paghanga ng iba, tila ba natutugunan ang aking banidad, pero sa realidad, lalo lang lumalayo ang puso ko sa Diyos, at hindi ko na nararamdaman ang Kanyang patnubay. Napuno ng mga pagkakamali ang paggampan ko sa aking mga tungkulin, na nagsasanhi ng mga pagkaantala sa gawain. Kung magpapatuloy ako nang ganito, walang dudang kasusuklaman at ititiwalag ako ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagkakamaling ito, nabunyag at napahinto ako sa pagpapatuloy sa pababang landas na ito sa tamang pagkakataon. Ito ang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang paraan ng pagliligtas sa akin. Nagpasya ako na hindi na muling magpakitang-gilas.
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nagiging tao ang Diyos bilang isang ordinaryong tao, na ibig sabihin ay nagpapakumbaba ang Diyos mula sa isang mataas na imahe, pagkakakilanlan, at posisyon sa ibabaw ng lahat ng bagay para maging isang lubos na ordinaryong tao. Kapag Siya ay nagiging isang ordinaryong tao, hindi Niya pinipiling ipanganak sa isang kilala at mayamang pamilya; ang kondisyon ng kapanganakan Niya ay napakapangkaraniwan, hamak pa nga. Kung titingnan natin ang usaping ito mula sa perspektiba ng isang ordinaryong tao, ng isang taong may konsensiya, pagkamakatwiran, at pagkatao, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay karapat-dapat sa paggalang at pagmamahal ng mga tao. Paano ito dapat tratuhin ng mga tao? (Nang may paggalang.) Dapat purihin ng isang ordinaryo at normal na taong sumusunod sa Diyos ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos dahil sa katunayan na nagpapakumbaba ang Diyos mula sa isang mataas na katayuan patungo sa isang napakakaraniwang tao—ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos ay sobrang kaibig-ibig! Ito ay isang bagay na hindi makakamit ng sinumang tiwaling tao ni ng mga diyablo at Satanas. … Ang Diyos Mismo ay nagiging tao at nagtitiis ng mga maling pagkaunawa ng mga tao, pati na rin ng panunuya, paninirang-puri, at panlalapastangan nila. Siya ay nagpapakumbaba at nagiging isang ordinaryong tao, hindi mukhang maharlika, walang espesyal na talento at siguradong walang malalim na kaalaman o pinag-aralan—para sa anong layunin? Ito ay para lapitan ang mga taong Kanyang hinirang at nilalayong iligtas nang may ganitong pagkakakilanlan at anyo ng isang tao na pinakamadaling malalapitan nila. Hindi ba’t ang lahat ng ito na ginawa ng Diyos ay bumubuo sa halagang ibinayad Niya? (Oo.) May iba pa bang makakagawa nito? Walang sinumang makakagawa nito” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)). Lubusan akong ipinahiya ng mga salita ng Diyos. Ang Diyos ang Lumikha, Siya ay may awtoridad at kapangyarihan, at Siya ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, pero personal Siyang naging laman para iligtas ang tiwaling sangkatauhan, nagpapakumbaba sa Kanyang sarili bilang isang ordinaryong tao, namumuhay kasama ng sangkatauhan, at tahimik na nagtitiis sa paghihimagsik at pagsuway ng tiwaling sangkatauhan. Hindi kailanman ipinangangalandakan o ipinagmamalaki ng Diyos kung gaano kalaki ang halagang ibinayad Niya para sa sangkatauhan, sa halip, mapagpakumbaba Siyang nananatiling tago sa gitna ng mga tao, nagpapahayag ng mga katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Isa itong bagay na hindi kailanman makakamit ng tiwaling tao. Nakita ko ang banal, maganda at mabuting diwa ng Diyos, at ang Kanyang disposisyon ay walang bahid ng pagmamataas. Lubha akong nagawang tiwali ni Satanas, at nang magkamit ng ilang resulta ang mga tungkulin ko, hindi ko na nakita ang sarili kong pagiging hamak, nagiging mayabang at palalo at nagpapakitang-gilas. Sa realidad, katamtaman lang ang kakayahan ko, matanda na ako, mahina ang aking buhay pagpasok, at wala akong mga kaloob o kasanayan, kaya hindi ko kailanman pinangarap na maaari akong maging aktres. Itinaas ako ng Diyos, binibigyan ako ng mga pagkakataong magsanay bilang isang aktres sa loob ng iglesia, at mag-shoot ng mga video na nagpatotoo sa Diyos, at nagbigay-daan ito sa isang taong walang kakayahan na gaya ko na magkaroon ng kaunting silbi. Pero nabigo akong suklian ang pagmamahal ng Diyos at patotohanan Siya, at sa halip, itinuring kong espesyal ang sarili ko at may kapital. Pagkatapos gumawa ng ilang video, nagbago ang paglakad at pagsasalita ko, inakala kong pambihira ako, at sinamantala ko ang bawat pagkakataon na maaari akong magpakitang-gilas at magtaas ng sarili ko para makuha ang paghanga ng iba. Tunay akong mababang-uri, kasuklam-suklam, at lubusang walang pagkatao. Lubos akong walang kahihiyan! Nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, palagi akong nagpapakitang-gilas at nagtataas ng sarili ko, at tunay akong walang katwiran. Nakikita ko na ngayon kung gaano ako kahirap at kahabag-habag, at napagtatanto ko ngayon na kung wala Ka, wala akong magagawa. Diyos ko, pakiusap, gabayan Mo po ako na iwaksi ang aking tiwaling disposisyon.”
Kalaunan, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahin kang magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibunyag sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos. Magsalita kung gaano karaming tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos at suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang tungkol sa mga walang kabuluhang teorya. Magsalita kayo nang mas praktikal; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at pinakanararapat na makita nila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). “Kung gayon, anong paraan ng pagkilos ang hindi pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Kung magpapakitang-gilas ka at magpapatotoo sa iyong sarili tungkol sa isang partikular na bagay, makakamit mo ang resulta na mapataas ang tingin sa iyo ng ilang tao at sambahin ka. Subalit kung inilalantad mo ang iyong sarili at ibinabahagi ang kaalaman mo sa sarili tungkol sa parehong bagay na iyon, iba ang kalikasan nito. Hindi ba’t totoo ito? Ang paglalantad sa sarili ng isang tao para pag-usapan ang tungkol sa kaalaman niya sa sarili ay isang bagay na dapat tinataglay ng ordinaryong pagkatao. Positibong bagay ito. Kung talagang kilala mo ang iyong sarili at tama, tunay, at tumpak ang sinasabi mo tungkol sa iyong kalagayan; kung nagsasalita ka tungkol sa kaalaman na ganap na nakabatay sa mga salita ng Diyos; kung iyong mga nakikinig sa iyo ay napabubuti at nakikinabang dito; at kung nagpapatotoo ka sa gawain ng Diyos at niluluwalhati Siya, iyon ay pagpapatotoo sa Diyos” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagpapatotoo sa Diyos ay pangunahing kinapapalooban ng pagpapatotoo tungkol sa Kanyang gawain at sa mga epekto ng Kanyang paghatol at pagkastigo sa mga tao. Kinakailangan din nito ang paglalantad sa katiwaliang ibinubunyag sa takbo ng tungkulin ng isang tao, anong mga maling intensiyon mayroon ang isang tao at kung paano siya naghihimagsik laban sa Diyos, at gayundin kung paano siya nagninilay-nilay sa sarili sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at kung paano siya nagsisisi at nagbabago sa huli, na nagbibigay-daan sa mga tao na maunawaan ang disposisyon ng Diyos at makapagpasakop sa Kanya. Kapag nakikipagbahaginan ako sa iba, dapat kong ibahagi ang pagkanegatibo at kahinaang ibinunyag ko sa panahong ng pag-shoot, upang makita ng lahat na wala akong magagawa kung walang patnubay ng Diyos, at na sa Diyos lang dapat ibigay ang lahat ng kaluwalhatian. Ito ay tunay na patotoo sa Diyos. Kaya, nag-ipon ako ng lakas ng loob na ilantad ang aking sarili, at nagbukas ako ng loob sa lahat tungkol sa isa pang parte ng sarili ko bilang isang “beteranong aktres,” sinasabing, “Sa realidad, talagang mahina ang kakayahan ko, at nakaranas ako ng mga pagkabigo at dagok sa maraming shoot na nasalihan ko, at nakuha ko lang ang tamang damdamin sa pag-arte sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-asa sa Diyos. Kinailangan din ang masusing paggabay ng direktor at mahahabang pag-eehensayo bago makamit ang mga ganitong pagtatanghal. Dahil sa eksaherado at sobra kong pag-arte, kinailangang mag-shoot ulit nang ilang beses, at bukod sa iba pang mga bagay, nabibigo ako minsan na makapaghatid ng tumpak na paglalarawan dahil sa aking mahirap na kalagayan.” Pagkatapos kong ihayag ang mga bagay na ito, nakaramdam ako ng kapanatagan at kagaanan ng loob, hindi na mataas ang tingin ko sa sarili ko, at naging mas malapit ang ugnayan ko sa mga kapatid. Lalo na sa panahon ng shoot na ito, nang makagawa ako ng napakalaking pagkakamali, naging posibleng matapos ang video na ito dahil sa matiyagang pagtulong ng aking mga kapatid sa pagrerebisa nito paunti-unti. Napagtanto ko na ang bawat video ay bunga ng matiwasay na pagtutulungan ng mga kapatid sa ilalim ng patnubay ng Diyos, at na maliit lang ang parteng naiambag ko. Lubos kong naramdaman ang pagiging hamak. Pagkatapos, bago mag-shoot ng isa pang video ng patotoong batay sa karanasan, nagdasal ako sa Diyos, hinihiling ang Kanyang patnubay. Nagbukas-loob din ako tungkol sa aking katiwalian kay Lin Jie, ang katuwang ko na sister, hinihiling sa kanya na pangasiwaan ako at ipaalala sa akin kung sakaling magsalita ako nang may pagmamalaki o magpakitang-gilas muli. Kasama ang direktor, ibinuod ko rin ang mga isyu ko, isa-isang inililista ang mga karaniwan kong problema para sa paulit-ulit na pagsasanay at pagwawasto. Sa paggawa ng tungkulin ko sa ganitong paraan, nakaramdam ako ng mas higit na kapanatagan.
Kalaunan, lumahok ako sa isang mahalagang eksena sa isang pelikula. Ibang-iba ang papel na ito sa mga nagampanan ko noon. Naisip ko na kung magagampanan ko nang maayos ang papel na ito, makakagawa ako ng isang pambihirang tagumpay sa aking pag-arte, at tiyak na hahangaan ako ng mga kapatid. Nang lumitaw ang kaisipang ito, napagtanto ko na muli na naman akong naghahangad na magpakitang-gilas. Agad akong nagdasal, hinihiling sa Diyos na gabayan ako para maghimagsik laban sa aking mga di-wastong intensiyon, at unti-unting kumalma ang puso ko. Nang muli kong pagnilayan ang iskrip, napagtanto ko na wala akong karanasan sa larangang ito at hindi ko maarok nang maayos ang papel, kaya nagpadala ako ng mensahe, humihingi ng tulong sa mga kapatid ko: “Nahihirapan ako at kailangan ko ng tulong. Malayong maisasakatuparan ko ang papel na ito at hindi ko mahanap ang tamang kalagayan. Pakiusap, tulungan ninyo ako.” Sa sandaling maipadala ko ang mensahe, sobrang gumaan ang pakiramdam ko. Kalaunan, matiyaga akong ginabayan at tinulungan ng mga kapatid, binibigyan ako ng ilang landas at direksiyon pasulong.
Ngayon, may kaunti na akong pagkaunawa tungkol sa tiwali kong disposisyon ng pagpapakitang-gilas. Napagtanto ko na ang pagkakataong ibinigay sa akin ng Diyos para gawin ang tungkulin ko ay hindi para magpakitang-gilas ako, kundi para makilala at malutas ko ang aking tiwaling disposisyon, at para masigasig na hangarin ang katotohanan at buhay pagpasok habang ginagawa ko ang aking tungkulin. Ang mga tagumpay at pagkaunawang ito ay pawang resulta ng patnubay ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!