26. Bakit Hindi ako Makapagpasakop na Maitalaga sa Ibang Tungkulin
Nagsimula akong gumawa ng mga video sa iglesia hindi nagtagal matapos kong matagpuan ang Diyos. Mamaya, gumagawa ako ng tungkuling nakabatay sa teksto, at nakipag-ugnayan ako sa mga nakatataas na lider. Naniwala ako na ang paggawa ng mga tungkuling ito ay magbibigay-daan sa akin na makaunawa ng higit na katotohanan at magdaragdag sa pag-asa ko na maligtas. Sa tuwing nakikisalamuha ako sa mga kapatid na nakikibahagi sa gawain ng pangkalahatang usapin, nakikita ko na abala sila araw-araw sa mga usaping panlabas. Pakiramdam ko, masigasig lang sila, at na karamihan sa kanila ay hindi nakakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo o walang anumang buhay pagpasok. Dahil dito, mas lalo akong nakasiguro na ang mga lider at manggagawa, at ang mga gumagawa ng tungkuling nakabatay sa teksto ay mayroong mas malaking pag-asa na maligtas, at talagang masuwerte ako na nakakapagpatuloy ako sa paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto.
Noong Abril 2023, itinalaga ako sa ibang tungkulin dahil hindi ako nakakakuha ng anumang resulta sa aking tungkuling nakabatay sa teksto. Pagkatapos niyon, gumawa ako ng gawain ng pag-aalis mula sa iglesia. Isang araw, sumulat ang isang lider para sabihin, “Apurahan kaming nangangailangan ng mga taong nakakaunawa sa network technology. Magaling ka rito, kaya balak namin na ikaw ang umako sa tungkuling ito.” Pagkabasa ko sa liham na ito, hindi mapakali ang puso ko at napuno ito ng pagtutol: “Marunong ka man lang bang magsaayos ng mga bagay-bagay? Maraming taon akong gumagawa ng tungkuling nakabatay sa teksto at naarok ko ang ilang prinsipyo tungkol sa pagkilatis. Bakit hindi ka magsaayos ng mga tungkulin para sa akin batay sa mga kalakasan ko?” Sa sumunod na mga araw, kapag iniisip ko pa lang na kailangan kong gawin ang tungkuling kaugnay sa network technology, nababalisa na ako. “Ang paggawa sa tungkuling ito ay nangangahulugan ng pagpapakapagod at pagharap sa iba’t ibang uri ng software araw-araw, at dahil mas kakaunti ang pakikisalamuha sa mga tao at bagay sa tungkuling ito, mas kakaunting katotohanan din ang makakamit ko, at kahit gaano ko pa husayan, magiging isa lang akong trabahador, at ititiwalag pa rin ako sa huli. Gayumpaman, sa pamumuno at sa mga tungkuling nakabatay sa teksto, magagawa kong makibahagi sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo araw-araw, at habang mas nagsasanay ako, mas mauunawaan ko ang mga katotohanang prinsipyo, mabilis na uusad ang buhay ko, at kaya, magiging mas malaki ang pagkakataon ko na maligtas.” Pero sa huli, dahil sa pagkamakatwiran, atubili kong tinanggap ang tungkuling ito.
Noong una, tinuruan ako ni Brother Zhao Lei sa teknolohiyang ito. Sa aking pag-aaral, marami akong nakitang tutorial software na hindi ko alam kung paano gamitin, at halos nakalimutan ko ang karamihan sa mga pangunahing bagay na natutunan ko noon. Pero ayaw kong magsikap sa pananaliksik, at pakiramdam ko, “Kung isasapuso ko ang pag-aaral, makakabisado ko nang mabilis ang teknolohiyang ito, at makikita ng mga lider na natututo ako nang mabuti, hindi ba’t ipapagawa nila sa akin ang tungkuling ito nang pangmatagalan?” Nang maisip ko ito, hindi ako gaanong nagsipag sa pag-aaral ko, at wala rin akong gana na tingnan ang magagandang teknikal na tutorial na ibinigay ni Zhao Lei. Pagkalipas lang ng ilang araw ng pag-aaral, kinailangan naming ihinto ang pagsasanay dahil nanganganib ang tahanang tinutuluyan. Pakiramdam ko, sinuwerte ako, dahil ibig sabihin niyon ay hindi ko na kailangang gawin ang tungkuling ito. Nang mag-ulat ako sa lider tungkol sa kung kumusta ang pag-aaral ko, sinadya kong bawasan ang bilang ng mga kasanayang natutunan ko, umaasa na sa ganitong paraan, makikita ng lider na wala akong gaanong natututunan sa pag-aaral ko, iisipin na hindi ako magaling dito, at magsasaayos na gumawa ako ng ibang mga tungkulin. Sa hindi inaasahan, pagkaraan ng ilang araw, sinabi sa akin ng lider, “Pupunta sa ibang lugar ang brother na nag-aayos ng mga elektronikong kagamitan para gawin ang tungkulin niya, at apurahan kaming nangangailangan ng isang tao na sasalo sa gawaing ito. Dahil hindi ka naging dalubhasa sa network technology, dapat matuto kang magkumpuni ng mga kompyuter. Tingnan natin kung kaya mong matutunan ito.” Pagkarinig ko nito, natulala ako, iniisip na, “Paanong nagkaganito ang mga bagay-bagay? Ang mag-aral ng pagkukumpuni ay mas masahol pa nga kaysa sa pag-aaral ng network technology! Magiging para lang akong walang pananampalataya na gumagawa ng mano-manong trabaho! Anong katotohanan ang makakamit ko sa paggawa nito? Nabalitaan ko ang tungkol sa isang brother na nagkumpuni ng mga de-koryenteng kagamitan para sa mga kapatid sa loob ng walong taon. Kung magkakaroon ako ng kakayahang gawin ito, maiipit ba ako sa tungkuling ito kagaya ng brother na iyon?” Noong sandaling iyon, lubos akong nakaramdam ng kawalan ng pag-asa, iniisip na, “Maaari kayang nakatakda ako na gumawa lang ng gawain ng pangkalahatang usapin, namumuhay nang nagtatrabaho lang? Dahil malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, mayroon pa ba akong pag-asa na maligtas?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nababagabag. Sa mga sumunod na araw, ni wala akong ganang kumain, at ginugol ko ang mga araw ko sa pagmumukmok. Napansin ng mga kapatid ang kalagayan ko at nakipagbahaginan sila sa akin para makapagpasakop ako sa sitwasyong ito. Pero nakaramdam ako ng matinding paglaban, iniisip na, “Maganda nga pakinggan ang sinasabi ninyo, pero kung matututo ako ng aral at magpapasakop, maiipit lang ako sa tungkuling ito. Kung mangyayari iyon, hindi ba’t magiging trabahador lang ako? Paano pa ako maliligtas kung gayon?” Kalaunan, habang nalulugmok sa aking pagkasira ng loob, nagsimula akong mag-aral ng mga teknik sa pagkukumpuni, pero wala akong anumang sigla. Naisip ko kung paanong pagkatapos ng lahat ng taon ng masigasig kong paggawa sa aking tungkulin sa pananalig, sa huli, magiging isa lang pala akong trabahador. Ni hindi na ako nangahas na isipin kung ano ang kalalabasan ko. Sa mga sumunod na araw, napansin kong wala pa rin akong maipong sigasig para sa tungkulin ko. Pakiramdam ko, hindi tama ang kalagayan ng paggawa ko sa aking tungkulin, at nakokonsensiya ako, kaya nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, hindi ako makapagpasakop, at talagang negatibo ang pakiramdam ko. Patuloy kong nararamdaman na wala akong magandang kinabukasan o hantungan kung gagawin ko ang tungkuling ito. Diyos ko, alam kong hindi tama ang kalagayan ko. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako na maunawaan ang layunin Mo, para makapagpasakop ako sa sitwasyong ito at magawa ko nang maayos ang aking tungkulin.” Pagkatapos magdasal, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Simulan ninyo itong seryosong hangarin mula ngayon—ngunit paano ninyo ito dapat hangarin? Kailangan ninyong pagnilayan ang mga usapin kung saan madalas kayong nagrerebelde sa Diyos. Paulit-ulit nang nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para sa iyo upang turuan ka ng aral, upang baguhin ka sa pamamagitan ng mga bagay na ito, upang itimo ang Kanyang mga salita sa iyo, upang papasukin ka sa isang aspekto ng katotohanang realidad, at upang pigilan kang mamuhay alinsunod sa tiwaling disposisyon ni Satanas sa mga bagay na iyon, at upang sa halip ay mamuhay ka alinsunod sa mga salita ng Diyos, upang tumimo sa iyo ang Kanyang mga salita at maging buhay mo ang mga ito. Ngunit madalas kang nagrerebelde sa Diyos sa mga bagay na ito, hindi nagpapasakop sa Diyos ni tumatanggap ng katotohanan, hindi itinuturing ang Kanyang mga salita na mga prinsipyong dapat mong sundin, at hindi isinasabuhay ang Kanyang mga salita. Nakasasakit ito sa Diyos, at paulit-ulit kang nawawalan ng pagkakataon para sa kaligtasan. Kaya, paano mo dapat baguhin ang iyong sarili? Magmula sa araw na ito, sa mga bagay na matutukoy mo sa pamamagitan ng pagninilay-nilay at malinaw na mararamdaman, dapat kang magpasakop sa pangangasiwa ng Diyos, tanggapin ang Kanyang mga salita bilang ang katotohanang realidad, tanggapin ang Kanyang mga salita bilang ang buhay, at baguhin ang paraan ng iyong pamumuhay. Kapag nahaharap ka sa mga sitwasyong tulad nito, dapat kang maghimagsik laban sa iyong laman at mga kagustuhan, at kumilos ka alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t ito ang landas ng pagsasagawa? (Ito nga.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (20)). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa panahong ito kung kailan palagi akong itinatalaga sa ibang tungkulin, kapag mas hindi ako handang magpasakop, mas lalong hindi umaayon sa mga kahilingan ko ang mga pagtatalaga sa akin sa ibang tungkulin. Nasa likod pala nito ang layunin ng Diyos, iyon ay ang akayin ako na aktibong lumapit sa harap ng Diyos para pagnilayan ang sarili ko at hanapin ang katotohanan. Pero nagkamali ako ng pag-unawa sa Diyos, at para sa akin, ang pagkakataong ito na ibinigay sa akin ng Diyos para gawing perpekto ako upang makamit ang katotohanan ay pagnanais ng Diyos na ibunyag at itiwalag ako. Tunay na nakakasakit sa Diyos ang mga kaisipan ko! Kailangan ko munang magpasakop, magnilay sa katiwaliang ibinunyag ko sa mga pagkakataong ito ng pagtatalaga sa akin sa ibang tungkulin, at tumuon sa paghahanap sa katotohanan para malutas ito.
Sa mga sumunod na araw, paulit-ulit kong tinatanong ang sarili ko, “Bakit hindi ko kayang magpasakop sa pagkakatalaga sa akin sa ibang tungkulin? Palagi kong iniisip na ang mga gumagawa ng pamumuno at mga tungkuling nakabatay sa teksto ay maliligtas, habang ang mga gumagawa ng pangkalahatang usapin ay hindi. Naaayon ba sa katotohanan ang pananaw ko?” Sa aking paghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hindi maliwanag sa maraming tao ang ibig sabihin ng maligtas. Naniniwala ang ilang tao na kung maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos, mas malamang na maligtas sila. Iniisip ng ilang tao na kung nauunawaan nila ang maraming espirituwal na doktrina, mas malamang na maligtas sila, o iniisip ng ilan na tiyak na maliligtas ang mga lider at manggagawa. Ang lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang susi ay dapat maunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng kaligtasan. Ang maligtas ay nangangahulugang, unang-una, na makalaya mula sa kasalanan, makalaya mula sa impluwensiya ni Satanas, at tunay na bumaling sa Diyos at magpasakop sa Diyos. Ano ang dapat ninyong taglayin para makalaya mula sa kasalanan at mula sa impluwensiya ni Satanas? Ang katotohanan. Kung hangad ng mga taong matamo ang katotohanan, dapat silang masangkapan ng marami sa mga salita ng Diyos, dapat magawa nilang maranasan at maisagawa ang mga ito, nang sa gayon ay maunawaan nila ang katotohanan at makapasok sa realidad. Saka lamang sila maaaring maligtas. Kung maliligtas man o hindi ang isang tao ay walang kinalaman sa kung gaano katagal na siyang naniniwala sa Diyos, kung gaano karaming kaalaman ang mayroon siya, kung nagtataglay siya ng mga kaloob o kalakasan, o kung gaano siya nagdurusa. Ang tanging bagay na may direktang kaugnayan sa kaligtasan ay kung kaya bang matamo ng isang tao ang katotohanan o hindi. Kaya sa kasalukuyan, gaano karaming katotohanan ang tunay na naunawaan mo? At gaano karami sa mga salita ng Diyos ang isinabuhay mo? Sa lahat ng hinihingi ng Diyos, alin ang nakamit mo ang pagpasok? Sa mga taon ng pananampalataya mo sa Diyos, gaano ka na nakapasok sa realidad ng salita ng Diyos? Kung hindi mo alam, o kung hindi mo nakamit ang pagpasok sa realidad ng anumang salita ng Diyos, kung gayon ay sa totoo lang, wala kang pag-asa sa kaligtasan. Imposibleng maligtas ka. Hindi mahalaga kung nagtataglay ka ng mataas na uring kaalaman, o kung matagal ka nang nananampalataya sa Diyos, may maayos na kaanyuan, kayang magsalita nang mahusay, at naging isang lider o manggagawa sa loob ng ilang taon. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at hindi mo maayos na isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, at wala kang tunay na patotoong batay sa karanasan, kung gayon ay wala ka ngang pag-asang maligtas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao, hangga’t ang isang tao ay may pusong nagpapasakop habang ginagawa ang kanyang tungkulin, tumutuon sa paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga tiwaling disposisyon at maling kaisipan kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, at kayang tumalikod sa laman at umasa sa mga katotohanang prinsipyo sa kanyang tungkulin, at hindi na maghimagsik o lumaban sa Diyos, kung gayon, maliligtas ang taong iyon. Kung ang isang tao ay maliligtas ay walang kinalaman sa kung gaano karaming doktrina ang kaya niyang sabihin o kung ano ang tungkuling ginagawa niya. Akala ko noon, ang pagiging lider at paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto ay nangangahulugan ng pakikipag-ugnayan sa mga salita ng Diyos araw-araw, pagninilay-nilay kung paano lutasin ang iba’t ibang kalagayan at problema ng aking mga kapatid, at pagbabahaginan ng mga paksang nauugnay sa buhay pagpasok araw-araw, at na sa ganitong paraan, magkakamit ako ng mas maraming katotohanan, lalago sa buhay nang mas mabilis, at magkakaroon ng mas malaking pag-asa na maligtas. Akala ko na ang paggawa ng tungkulin ng pangkalahatang usapin ay isang mano-manong trabaho lamang at hindi nagdudulot ng anumang buhay pagpasok, at na sa paggawa nito, magiging isa lang akong trabahador sa huli. Dahil dito, namuhay ako sa isang kalagayan ng pagkanegatibo at paglaban, at ayaw kong gawin ang tungkuling ito. Mali ang mga pananaw ko at hindi naaayon sa mga salita ng Diyos. Nang maisip ko ang tungkol sa mga anticristo na pinatalsik sa iglesia, nakita ko na nagawa na ng karamihan sa kanila ang tungkulin ng mga lider at manggagawa, at may kakayahan silang magsalita tungkol sa maraming doktrina at mahusay sa pakikipagbahaginan sa iba, pero hindi nila kailanman hinanap ang katotohanan para lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa kabila ng mga taon ng paggawa ng kanilang mga tungkulin bilang lider at manggagawa, hindi kailanman nagbago ang kanilang buhay disposisyon. May ilan sa kanila na patuloy na naghangad ng katayuan, nagbukod ng mga taong hindi sumasang-ayon, at sumupil sa kanilang mga kapatid, ginugulo at ginagambala ang gawain ng iglesia, at kaya, sila ay pinatalsik. Ang ilan ay nagsalita ng mga doktrina para itaas ang kanilang sarili, magpakitang-gilas, at manlihis ng mga tao, inaakay ang mga tao na lumapit sa kanila. Sinubukan nilang lumikha ng mga nagsasariling kaharian at pinatalsik sila. Ang iba naman, matapos maaresto, ay sumuko sa mga banta at panunukso ng mga pulis alang-alang sa kanilang mga pansariling interes, at nilagdaan nila ang “Tatlong Pahayag,” nagiging mga Judas. Dahil dito ay pinatalsik sila. Sa pagninilay-nilay sa mga taon ko ng paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto at pagbabasa sa mga salita ng Diyos araw-araw, ayon sa aking mga kuru-kuro, dapat sana ay nagkamit ako ng ilang katotohanan at katotohanang realidad, pero nang ilipat ako sa aking tungkulin at hilingin sa akin na akuin ang gawain ng pangkalahatang usapin, nasumpungan ko ang sarili ko na hindi kayang tumanggap o magpasakop, at namuhay ako sa isang kalagayan ng pagkanegatibo at paglaban. Ipinakita nito na wala talaga akong katotohanang realidad! Nakita ko na ganap na walang batayan ang mga pananaw ko na ang mga taong gumagawa ng pamumuno at mga tungkuling nakabatay sa teksto ay may mas malaking pag-asa na maligtas. Pagkatapos pagnilayan ito, saka ko lang naunawaan na kung ang isang tao ay hindi naghahangad sa katotohanan, o hindi tumutuon sa pagkatuto ng mga aral para lutasin ang kanilang tiwaling disposisyon habang ginagawa ang kanilang tungkulin, kung gayon, ang paggampan sa anumang tungkulin ay pagtatrabaho lamang. Napagtanto ko na ang tungkuling ginagawa ng isang tao ay hindi mahalaga, at na ang mahalaga ay kung ang isang tao ay kayang magnilay-nilay nang madalas sa kanyang sarili sa paggawa ng kanyang tungkulin, at kung kaya niyang kusang hangarin ang katotohanan at isagawa ito para lutasin ang kanyang tiwaling disposisyon. Kapag sa wakas ay nakamit na ng isang tao ang katotohanan, saka lang niya matatamo ang pagliligtas ng Diyos.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag binago ang kanilang mga tungkulin, kung iglesia ang nagdesisyon nito, dapat itong tanggapin at sundin ng mga tao, dapat silang magnilay-nilay sa sarili nila, at unawain ang diwa ng problema at ang sarili nilang mga pagkukulang. Lubos na kapaki-pakinabang ito para sa mga tao, at isa itong bagay na marapat isagawa. Dahil napakasimpleng bagay nito, maiisip at matatrato ito nang tama ng mga ordinaryong tao, nang hindi nagkakaroon ng masyadong maraming problema o anumang balakid na mahirap lampasan. Kapag may ginagawang mga pag-aakma sa kanilang mga tungkulin, kahit papaano, dapat magpasakop ang mga tao, makinabang sa pagninilay sa kanilang sarili, at magkaroon ng tumpak na pagsusuri kung husto ba ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Subalit hindi ganito para sa mga anticristo. Iba ang ipinapamalas nila kaysa sa mga normal na tao, kahit ano pa ang mangyari sa kanila. Ano ang ipinagkaiba nila? Hindi sila sumusunod, hindi sila maagap na nakikipagtulungan, ni hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit katiting. Sa halip, naiinis sila sa pagbabago, at tinututulan ito, sinusuri ito, pinagbubulay-bulayan ito, at nagsasapantaha nang husto ukol dito: ‘Bakit hindi ako pinapayagang gawin ang tungkuling ito? Bakit ako inililipat sa isang hindi mahalagang tungkulin? Paraan ba ito para ibunyag ako at itiwalag ako?’ Paulit-ulit nilang iniisip ang mga nangyari, walang tigil na sinusuri ito at pinag-iisipan itong mabuti. Kapag walang nangyayari, ayos na ayos lang sila, pero kapag may nangyari nga, nagsisimulang maging maligalig ang kanilang puso, at napupuno ng mga katanungan ang kanilang isip. Maaaring sa hitsura nila ay mukhang mas mahusay sila kaysa sa iba sa pagninilay sa mga isyu, pero sa totoo lang, mas buktot lang ang mga anticristo kaysa sa mga normal na tao. Paano naipapamalas ang kabuktutang ito? Ang kanilang mga isinasaalang-alang ay matitindi, masasalimuot at patago. Ang mga bagay na hindi mangyayari sa isang normal na tao, isang taong may konsensiya at katwiran, ay mga karaniwang bagay na lang para sa isang anticristo. Kapag may ginawang maliit na pagbabago sa kanilang tungkulin, dapat tumugon ang mga tao nang may saloobin ng pagsunod, gawin ang ipinagagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos, at gawin ang makakaya nila, at, anuman ang gawin nila, gawin ito nang maayos sa abot ng makakaya nila, nang buong puso nila at buong lakas nila. Ang ginawa ng Diyos ay walang pagkakamali. Ang ganoon kasimpleng katotohanan ay maaaring isagawa ng mga tao na may kaunting konsensiya at katwiran, ngunit lampas ito sa mga kakayahan ng mga anticristo. … Hindi kailanman sinusunod ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at palagi nilang mahigpit na iniuugnay ang kanilang tungkulin, kasikatan, pakinabang, at katayuan sa inaasam nilang pagtamo ng mga pagpapala at sa kanilang hantungan sa hinaharap, na para bang sa sandaling mawala ang kanilang reputasyon at katayuan, wala na silang pag-asang magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at pakiramdam nila ay katulad ito ng mawalan ng buhay. Iniisip nila, ‘Kailangan kong mag-ingat, hindi ako dapat maging pabaya! Ang sambahayan ng diyos, ang mga kapatid, ang mga lider at manggagawa, at maging ang diyos ay hindi maaasahan. Hindi ko mapagkakatiwalaan ang sinuman sa kanila. Ang taong pinakamaaasahan mo at ang pinakakarapat-dapat mong pagkatiwalaan ay ang iyong sarili. Kung hindi ka nagpaplano para sa iyong sarili, sino ang mag-aasikaso sa iyo? Sino ang mag-iisip sa kinabukasan mo? Sino ang mag-iisip kung makatatanggap ka ba ng mga pagpapala o hindi? Kaya, kailangan kong magplano at magkalkula nang maingat para sa sarili kong kapakanan. Hindi ako puwedeng magkamali o maging pabaya kahit kaunti, kung hindi, ano ang gagawin ko kung may sumubok na manamantala sa akin?’ Kaya, nagiging mapagbantay sila laban sa mga lider at manggagawa ng sambahayan ng Diyos, natatakot na may makakilatis o makahalata sa kanila, at na pagkatapos ay matatanggal sila at masisira ang mga pinapangarap nilang pagpapala. Iniisip nila na dapat nilang panatilihin ang kanilang reputasyon at katayuan para magkaroon sila ng pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin o pagkomentuhan pa, samantalang ang pagtatamo ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, inuugnay niya ito sa pagiging pinagpala, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Inilalantad ng Diyos na walang anumang normal na katwiran ang mga anticristo. Ang tanging pakay nila sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng kanilang mga tungkulin ay ang magkamit ng mga pagpapala. Anuman ang mga tungkuling isinasaayos ng iglesia, ang unang bagay na isinasaalang-alang ng mga anticristo ay hindi kung paano sumunod at tumanggap o kung paano nila magagawa ang kanilang makakaya sa kanilang mga tungkulin, kundi kung makakaapekto ba sa kanilang kinabukasan at hantungan ang kasalukuyang tungkulin. Maingat silang nagkakalkula, nag-aalala na masisira ang kanilang mga pagnanais para sa mga pagpapala kung itatalaga sila sa ibang mga tungkulin. Kung ang isang bagay ay hindi kapaki-pakinabang para sa kanilang mga pagpapala sa hinaharap, makakaramdam sila ng pagkasuklam, paglaban, at paghihinala, at susubukan nilang suriin ito. Tunay na masama ang kalikasan nila. Batay sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakita ko na ang disposisyong ibinubunyag ko ay katulad ng sa isang anticristo. Isinaayos ng mga lider na mag-aral ako ng network technology ayon sa mga pangangailangan ng gawain at mga kalakasan ko. Ito ay para sa layunin ng pagprotekta sa gawain ng iglesia. Isasaalang-alang ng mga taong may normal na pagkatao ang mga layunin ng Diyos at magpapasakop sila, at tatanggapin nila ang pagsasaayos na ito. Pero inakala ko na ang tungkulin ng network technology ay parte lang ng gawain ng pangkalahatang usapin, na maliit lang ang makakamit kong katotohanan, at na maliit lang din ang pag-asa ko na maligtas, kaya tumutol ako at nagkimkim ng mga reklamo laban sa mga lider. Bagaman atubili akong pumayag na gawin ang tungkuling ito kalaunan, hindi pa rin ako nag-aral nang masigasig. Naging mapanlinlang pa nga ako, binawasan ko ang bilang ng mga kasanayang natutunan ko nang mag-ulat ako sa mga lider, umaasa na maling paniniwalaan ng mga lider na hindi ako angkop para sa tungkuling ito. Kalaunan, hiniling sa akin ng lider na matuto ng mga teknik sa pagkukumpuni. Ito ay para matiyak na ang mga kapatid ay maaaring gumamit ng mga elektronikong kagamitan para sa kanilang mga debosyonal at tungkulin nang normal. Pero inisip ko na ang paggawa ng tungkulin sa pagkukumpuni ay hindi makakatulong sa akin na mahangad o makamit ang katotohanan, at na isa lang itong mano-manong trabaho, kayaw ayaw kong tanggapin ito. Itinalaga ako ng mga lider sa ibang mga tungkulin nang ayon sa mga prinsipyo, at sa pamamagitan ng pagkakatalaga sa akin sa ibang mga tungkulin, ibinunyag din nito ang mga karumihan sa aking pananalig at ang mga mali kong pananaw sa aking mga tungkulin, pinahihintulutan akong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga tiwaling disposisyong ito. Kapaki-pakinabang ito para sa aking buhay pagpasok, pero nagkamali ako ng pag-unawa at nagreklamo, naghihinala na ginagamit ng Diyos ang mga tungkulin ng pangkalahatang usapin para ibunyag at itiwalag ako. Puno ako ng hinala at pag-iingat laban sa Diyos. Napakasama ko! Sa pamamagitan ng paghahayag ng Diyos, pinagnilayan ko ang mga taon ko ng pagsasakripisyo at paggugol ng sarili ko at nakita ko na hindi ko ginagawa ang mga bagay na ito para isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, kundi para ipagpalit ang paggampan ko ng mga tungkulin para sa isang magandang hantungan mula sa Diyos. Pagkatapos italaga sa ibang tao ang mga tungkulin ko, akala ko nasira na ang pag-asa ko para sa mga pagpapala, kaya sinimulan kong gawin ang mga tungkulin ko nang pabasta-basta. Nakita ko na tunay akong walang pagkatao at na lubos akong makasarili at kasuklam-suklam!
Kalaunan, higit pa akong nagbasa ng mga salita ng Diyos: “Noong gumawa si Noe ayon sa tagubilin ng Diyos, hindi niya alam kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi niya alam kung ano ang gustong maisakatuparan ng Diyos. Binigyan lang siya ng Diyos ng utos at binilinan siyang gumawa ng isang bagay, at nang walang gaanong paliwanag, nagpatuloy si Noe at ginawa ito. Hindi niya sinubukang alamin ang mga pagnanais ng Diyos nang palihim, ni hindi siya lumaban sa Diyos o nagpakita nang kawalang-katapatan. Humayo lamang siya at ginawa ito nang may malinis at simpleng puso. Anuman ang ipinagawa ng Diyos, ginawa niya, at ang pagpapasakop at pakikinig sa salita ng Diyos ang pananampalatayang naging pundasyon ng kanyang mga pagkilos. Ganito katapat at kasimple ang pagharap niya sa ipinagkatiwala ng Diyos. Ang kanyang diwa—ang diwa ng kanyang mga pagkilos ay pagpapasakop, hindi pagdadalawang-isip, hindi paglaban, at higit pa rito, hindi pag-iisip ng mga pansarili niyang kapakanan o pakinabang at kawalan. At higit pa, noong sinabi ng Diyos na gugunawin Niya ang mundo sa pamamagitan ng isang baha, hindi tinanong ni Noe kung kailan o kung anong mangyayari sa mga bagay-bagay, at tiyak na hindi tinanong ang Diyos kung paano Niya gugunawin ang mundo. Gumawa lang si Noe ayon sa tagubilin ng Diyos. Sa paano mang paraan nais ng Diyos na gawin ito at kung sa ano gawa ito, ginawa niya mismo ang hiningi ng Diyos at kaagad na sinimulan ang paggawa. Kumilos siya alinsunod sa mga tagubilin ng Diyos nang may saloobing nagnanais na magbigay-kasiyahan sa Diyos. Ginagawa ba niya ito upang matulungan ang sarili niya na makaiwas sa sakuna? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos kung gaano pa katagal bago gunawin ang mundo? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos o alam ba niya kung gaano katagal gawin ang arka? Hindi rin niya alam iyon. Nagpasakop lamang siya, nakinig, at ginawa ang ipinag-uutos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang saloobin ni Noe sa kanyang tungkulin ay sinang-ayunan ng Diyos, at ito ang kailangan kong tularan at pasukin. Nang inatasan ng Diyos si Noe na gumawa ng arka, hindi naunawaan ni Noe ang layunin ng Diyos, pero hindi niya nilabanan ang atas ng Diyos o hindi siya gumawa ng haka-haka tungkol sa mga nagnanais ng Diyos. Nakinig lang siya, sumunod, at ginawa niya ang anumang iniutos sa kanya ng Diyos. Kailangan kong tularan ang halimbawa ni Noe at gawin ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya, nang hindi naghahanap ng mga pagpapala, nang naghahanap lang na magkaroon ng tunay na pagpapasakop sa Diyos. Kailangan ko ring tumuon sa pagkatuto ng mga aral sa tungkulin ko. Anuman ang tungkuling gagawin ko, magbubunyag pa rin ako ng katiwalian, at sa loob ng mga sitwasyong isinaayos ng Diyos, kailangan kong bigyang-pansin ang mga kaisipan at ideya para pagnilayan ang aking sarili at hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga bagay na ito. Sa pamamagitan nito, mayroon akong makakamit. Ang Diyos ay matuwid sa bawat tao na sumusunod sa Kanya. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na ang paggawa ng pamumuno o mga tungkuling nakabatay sa teksto ay naggagarantiya ng kaligtasan, o na ang paggawa ng mga tungkulin ng pangkalahatang usapin ay hindi makakakuha ng Kanyang pagsang-ayon. Anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao, ang mahalaga ay kung kaya ba niyang hanapin ang katotohanan at matutunan ang mga aral. Katulad ng sa mga video ng patotoong batay sa karanasan, ginawa ng ilang kapatid ang mga tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, habang ang iba ay nagkukumpuni ng mga elektronikong kagamitan, at iba pa. Ang mga ito ay pawang mga trabaho ng pangkalahatang usapin, pero nagawa ng mga taong ito na tumuon sa paghahanap sa katotohanan para lutasin ang kanilang katiwalian sa panahon ng paggawa ng kanilang mga tungkulin, at kaya, ang kanilang buhay disposisyon ay nagawang magbago. Hindi ko naunawaan ang mga prinsipyo kung saan tinutukoy ng Diyos ang mga kalalabasan at hantungan ng mga tao, at palagi kong gustong gawin ang mga tungkuling pinaniwalaan kong makakabuti sa aking buhay pagpasok. Pero hindi ako tumuon sa pagninilay-nilay sa sarili ko sa panahon ng paggawa ng aking mga tungkulin o hindi ako naghangad ng mga pagbabago sa aking buhay disposisyon. Kaya kahit na ipagpatuloy ko ang paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto, ano ang magiging kaibahan nito? Mangangahulugan ba ito na makakamit ko ang katotohanan? Magpapahiwatig ba ito ng pagbabago sa aking disposisyon? Kung hindi ko hahangarin ang katotohanan, matitiwalag pa rin ako sa huli. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, ang sunod na kailangan kong pagtuunan ay ang gawin nang maayos ang aking kasalukuyang tungkulin, at kung matatanggap ko ba ang pagliligtas ng Diyos sa huli ay hindi ko na dapat iniisip pa.
Pagkatapos nito, isinapuso ko ang tungkulin ko, at tumuon ako sa pagninilay-nilay sa aking mga kaisipan, ideya, at tiwaling disposisyon habang ginagawa ang aking tungkulin. Ang matuto ng pagkukumpuni ay nangangahulugan na kailangan kong tumingin sa mga diagram ng circuit at makabisado kung paano gumagana ang iba’t ibang bahagi. Sa simula, nabigatan ako, iniisip na, “Medyo mahirap ang pagkukumpuni sa mga kagamitang ito. Magagawa ko ba ito sa kakayahan ko ngayon?” Minsan, habang tinitingnan ko ang mga bagay na ito, ayaw ko nang matuto pa. Pero sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, napagtanto ko na ang pangunahing dahilan kung bakit ako umaatras kapag nakatagpo ako ng mga suliranin sa aking tungkulin ay dahil hindi ako matatag sa tungkulin ko, nag-imbot ako sa aking laman, wala akong motibasyon at puso na nagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Kaya hinanap ko ang mga salita ng Diyos tungkol dito para kainin at inumin, at nakita ko ang mga patotoo ng mga kapatid na batay sa karanasan na dapat panoorin. Mula sa mga bagay na ito, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa: Hindi ako dapat umatras kapag nahaharap ako sa mga suliranin sa aking mga tungkulin; kailangan kong tularan si Noe at magkaroon ng pusong nagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Gaano man kahirap para kay Noe ang paggawa ng arka, at gaano man kabigat ang trabaho, hindi natakot si Noe sa mga suliraning ito, sa halip, isinaalang-alang niya ang mga layunin ng Diyos at nakipagtulungan siya gamit ang lahat ng kanyang pagsisikap, aktibong nilutas ang iba’t ibang problemang sangkot sa paggawa ng arka, at sa huli ay natapos niya ang atas ng Diyos. Hindi maihahalintulad ng sa kay Noe ang hirap ng tungkulin ko, at mayroon akong mga mapagkukunan at karanasang ibinahagi ng aking mga kapatid para matuto ng pagkukumpuni. Hangga’t umaasa ako sa Diyos at nakikipagtulungan nang matatag, malalampasan ang mga suliraning ito. Nang patahimikin ko ang puso ko at nagsimula akong matuto unti-unti, bagaman mabagal ang pagkatuto ko, nagawa ko pa rin ito, at ang mga bagay ay hindi kasinghirap gaya ng inaakala ko. Pagkatapos magsagawa sa loob ng ilang panahon, hindi lang ako natuto ng ilang teknik sa pagkukumpuni, kundi umusad din nang kaunti ang buhay ko, at naging makabuluhan ang mga araw ko.
Sa pagkakatalaga sa akin sa ibang tungkulin, nakaunawa ako at nabago ko ang ilang maling pananaw na mayroon ako sa aking mga tungkulin. Kasabay nito, napagtanto ko na hindi tama ang intensiyon ko sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng aking mga tungkulin, at na hindi ko ginagawa ang tungkulin ko bilang isang nilikha para palugurin ang Diyos, kundi para magkamit ng mga pagpapala. Hindi ito alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, nais ko lamang na tunay na magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at gawin nang maayos ang kasalukuyan kong tungkulin. Salamat sa Diyos!